Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Mayroon na ba kayong paraan ngayon upang makilala ang inyong sarili, upang makapagtamo ng pagpasok sa buhay, at upang pumasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Mayroon ba kayong layunin o direksyon? Dapat ay mayroon kayong ilang ideya, dahil marami-rami na tayong napagbahaginan sa mga usaping gaya ng pagiging tapat na tao, pagkilala sa sarili mo, kung paano kumain at uminom ng salita ng Diyos, kung paano kayo dapat na magbahaginan sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, kung paano kayo dapat makipagtulungan nang maayos sa pagganap ng inyong tungkulin, kung paano dapat kumilos ang magkakapatid upang makabuo ng mga normal na relasyong interpersonal sa pagitan ng bawat isa, at iba pa. Ngayong mas maliwanag na sa inyo ang lahat ng aspeto ng katotohanan na may kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos, mayroon na kayong kaunting praktikal na kaalaman, at hindi na kayo tulad ng dati—noong ang lahat ay malabo pa sa inyo kahit sa aling aspeto pa kayo tanungin—hindi ba’t mas maganda na ang inyong pakiramdam ngayon? (Ngayon ay mas nagiging maaliwalas na ang pakiramdam ko.) Ang “mas nagiging maaliwalas na” ay tama. Ang totoo, kahit aling aspeto ng katotohanan ang isinasagawa ng isang tao, ito man ay pagiging tapat na tao, o pagsasanay sa sarili na magpasakop sa Diyos, o ito man ay kung paano maayos na makitungo ang isang tao sa kanyang mga kapatid, kung paano isabuhay ang normal na pagkatao, o ang kahalintulad na bagay, kahit anong aspeto ng katotohanan ang hinahangad mong pasukin, dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagtalakay sa isyu ng pagkakilala sa sarili. Hindi ba’t may kinalaman ang pagiging tapat sa pagkilala sa sarili? Hindi mo maisasagawa ang katapatan hangga’t hindi mo pa nakikilala ang sarili mong panlilinlang at kawalan ng katapatan. Kapag nalaman mo nang nabigo kang magpasakop sa Diyos, saka mo pa lamang maisasagawa ang pagpapasakop sa Kanya, o hahanapin ang dapat mong gawin upang magpasakop sa Kanya. Kung hindi mo kilala ang sarili mo, ang mga pagnanais mong maging isang tapat na tao, magpasakop sa Diyos, o magkamit ng kaligtasan, ay pawang walang kahulugan. Ito ay dahil ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, at hindi madali para sa kanila ang magsagawa ng kahit anong aspeto ng katotohanan, dahil ang kanilang pagsasagawa ay palaging may bahid at hinahadlangan ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag isinagawa mo ang anumang aspeto ng katotohanan, tiyak na mabubunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon, na magiging sagabal sa mga pagsusumikap mong maging isang tapat na tao, hahadlang sa pagpapasakop mo sa Diyos, at pipigil sa pagpapasensiya at pagpaparaya mo sa iyong mga kapatid. Kung hindi mo pagninilay-nilayan, isisiwalat, mabusising susuriin, o makikilala ang mga tiwaling disposisyong ito, at sa halip ay sasandig ka sa sarili mong mga haka-haka at imahinasyon upang maisagawa ang katotohanan, susunod ka lang sa mga regulasyon, dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo alam kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin. Kaya, kahit aling aspeto ng katotohanan ang isinasagawa ng isang tao, o anuman ang kanyang ginagawa, dapat muna niyang pagnilay-nilayan at kilalanin ang kanyang sarili. Ang makilala ang sarili mo ay ang makilala ang bawat salita at gawa mo, at ang bawat kilos; ito ay ang makilala ang mga kaisipan at ideya mo, ang mga layunin mo, at ang mga haka-haka at imahinasyon mo. Dapat mo ring malaman ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikutungo, at ang lahat ng iba’t ibang lason ni Satanas, gayundin ang kaalaman tungkol sa tradisyonal na kultura. Dapat mong hanapin ang katotohanan at malinaw na kilatisin ang mga bagay na ito. Sa ganoong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at tunay mong makikilala ang sarili mo. Bagamat ang isang tao ay maaaring nakagawa ng maraming mabubuting gawa buhat nang magsimula siyang manalig sa Diyos, hindi pa rin niya makita nang malinaw ang maraming bagay, lalo na ang maunawaan ang katotohanan. Gayunman, dahil sa marami niyang mabubuting gawa, ang pakiramdam niya ay isinasagawa na niya ang katotohanan, na nagpasakop na siya sa Diyos, at na labis na niyang napalugod ang mga layunin ng Diyos. Kapag walang nangyayari sa iyo, nagagawa mo ang anumang sabihin sa iyo, wala kang anumang pag-aalinlangan tungkol sa pagtupad sa anumang tungkulin, at hindi ka lumalaban. Kapag sinabihan kang ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ka nagrereklamo at kaya mong tiisin ang paghihirap na ito, at kapag sinabihan kang maging abala at magtrabaho, o na gumawa ng isang gampanin, ginagawa mo ito. Dahil dito, pakiramdam mo ay isa kang taong nagpapasakop sa Diyos at tunay na naghahangad sa katotohanan. Ngunit kung ikaw ay seryosong tatanungin, “Ikaw ba ay isang tapat na tao? Ikaw ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong nagbago na ang disposisyon?”—kung ang bawat tao ay ikukumpara sa katotohanan ng mga salita ng Diyos—maaaring sabihin na walang sinuman ang nakaabot sa pamantayan, at na walang sinuman ang may kakayahang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ang buong tiwaling sangkatauhan ay dapat na pagnilayan ang kanilang sarili. Dapat nilang pagnilayan ang mga disposisyon na kanilang ipinamumuhay, at ang mga satanikong pilosopiya, lohika, mga maling pananampalataya at maling paniniwala na pinanggagalingan ng lahat ng kanilang kilos at gawa. Dapat nilang pagnilayan ang ugat na dahilan kung bakit inihahayag nila ang kanilang tiwaling disposisyon, kung ano ang diwa ng kanilang pagkilos nang sutil, kung para saan at para kanino sila nabubuhay. Kung ito ay ihahambing sa katotohanan, ang lahat ng tao ay kokondenahin. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil labis nang ginawang tiwali ang tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at lahat sila ay namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala sila ni katiting na pagkakilala sa sarili, palagi silang nananalig sa Diyos alinsunod sa kanilang mga sariling haka-haka at imahinasyon, palagi nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin batay sa mga sarili nilang kagustuhan at pamamaraan, at palagi nilang sinusunod ang mga relihiyosong teorya sa kung paano sila maglingkod sa Diyos. Higit pa riyan, iniisip pa rin nila na punong-puno sila ng pananampalataya, na ang kanilang mga kilos ay napakamakatwiran, at sa huli, pakiramdam nila ay marami na silang nakamit. Walang kamalayan nilang naiisip na sila ay kumikilos na nang naaayon sa mga layunin ng Diyos at na natugunan na nila ang mga ito nang lubos, at na naabot na nila ang mga hinihingi ng Diyos at sila ay sumusunod na sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung iniisip mo na nakaani ka na ng ilang bunga sa ilang taon mo ng pananalig sa Diyos, lalo kang dapat manumbalik sa harapan ng Diyos upang siyasating mabuti ang sarili mo. Dapat mong tingnan ang landas na nilakaran mo sa loob ng mga taon mo ng pananampalataya upang makita mo kung ang lahat ng kilos at gawa mo sa harap ng Diyos ay lubos bang naaayon sa Kanyang mga layunin. Siyasatin mo kung alin sa mga pag-uugali mo ang salungat sa Diyos, kung alin ang nakapagpasakop sa Kanya, kung ang mga kilos mo ba ay nakaabot at nakatupad sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat mong linawin ang lahat ng ito, dahil saka mo pa lamang makikilala ang sarili mo.

Ang susi sa pagninilay-nilay sa sarili at pagkilala sa iyong sarili ay ito: Kapag mas nararamdaman mo na sa mga partikular na aspeto ay mahusay at tama ang ginawa mo, at kapag mas naiisip mong matutugunan mo ang mga layunin ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspeto, mas karapat-dapat na kilalanin ang iyong sarili sa mga aspetong iyon at mas karapat-dapat laliman pa ang pagsasaliksik sa mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang nasa sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi makatutugon sa mga layunin ng Diyos. Gawin nating halimbawa si Pablo. Si Pablo ay lubhang maalam na tao, labis siyang nagdusa nang siya ay mangaral at gumawa ng gawain, at minahal siya nang lubos ng maraming tao. Bilang resulta, pagkatapos niyang makumpleto ang maraming gawain, ipinagpalagay niya na magkakaroon ng nakalaan na korona para sa kanya. Dahil dito, lalo’t lalo niyang natahak ang maling landas, hanggang sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos. Kung pinagnilayan at sinuri niya ang kanyang sarili noong panahong iyon, hindi sana siya mag-iisip sa ganoong paraan. Sa madaling salita, hindi nagtuon si Pablo sa paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Panginoong Jesus; naniwala lamang siya sa mga sarili niyang kuru-kuro at haka-haka. Inakala niya na sa paggawa lamang ng ilang mabuting bagay at pagpapakita ng ilang magandang asal, siya ay sasang-ayunan at gagantimpalaan ng Diyos. Sa huli, binulag ng mga sarili niyang kuru-kuro at imahinasyon ang kanyang puso at tinakpan ang katotohanan ng kanyang katiwalian. Ngunit hindi ito nagawang matukoy ng mga tao, at wala silang kaalaman sa mga bagay na ito, at kaya bago ito inilantad ng Diyos, palagi nilang itinatakda si Pablo bilang isang pamantayang dapat abutin, isang halimbawa sa pamumuhay, at itinuring siya bilang isang idolo na hinahangad at inaasam nilang maging katulad. Ang kaso ni Pablo ay isang babala sa bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Lalo na kapag tayong sumusunod sa Diyos ay kayang magdusa at magbayad ng halaga sa ating mga tungkulin at habang naglilingkod tayo sa Diyos, nadarama natin na tapat tayo at nagmamahal sa Diyos, at sa ganitong mga pagkakataon, dapat ay mas lalo nating pagnilayan at unawain ang ating sarili hinggil sa landas na ating tinatahak, na kailangang-kailangan. Ito ay dahil ang iniisip mong mabuti ay ang matutukoy mong tama, at hindi mo pagdududahan iyon, pagninilayan iyon, o hihimayin kung may anuman doon na lumalaban sa Diyos. Halimbawa, may mga taong naniniwala na masyado silang mabait. Hindi nila kinamumuhian o sinasaktan ang iba kahit kailan, at lagi silang tumutulong sa isang kapatid na ang pamilya ay nangangailangan, dahil baka hindi malutas ang kanyang problema; napakabuti ng kanilang kalooban, at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang tulungan ang lahat ng kaya nilang tulungan. Subalit hindi sila kailanman tumutuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at wala silang pagpasok sa buhay. Ano ang resulta ng gayong pagkamatulungin? Kinalilimutan nila ang kanilang sariling pangangailangan, subalit lubhang nasisiyahan sila sa kanilang sarili, at lubos silang nasisiyahan sa nagawa nila. Bukod pa roon, ipinagmamalaki nila iyon nang husto, naniniwala sila na sa lahat ng ginawa nila, walang sumasalungat sa katotohanan, na tiyak palulugurin nito ang mga layunin ng Diyos, at na sila ay tunay na mga mananampalataya sa Diyos. Itinuturing nila ang kanilang likas na kabaitan bilang isang bagay na magagawang puhunan at, sa sandaling gawin nila iyon, walang pag-aatubili na itinuturing nila iyon bilang ang katotohanan. Ang totoo, puro kabutihan sa tao ang ginagawa nila. Hindi talaga nila isinasagawa ang katotohanan, sapagkat ang ginagawa nila ay sa harap ng tao, at hindi sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila nagsasagawa ayon sa mga kinakailangan ng Diyos at ng katotohanan. Samakatuwid, ang lahat ng gawa nila ay walang kabuluhan. Wala sa mga ginagawa nila ang pagsasagawa sa katotohanan, o sa mga salita ng Diyos, lalo nang hindi ito pagsunod sa Kanyang kalooban; sa halip, gumagamit sila ng kabaitan ng tao at mabuting pag-uugali upang tulungan ang iba. Bilang pagbubuod, hindi nila hinahangad ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa Kanyang mga kinakailangan. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ng tao; para sa Diyos, ito ay dapat kondenahin, at hindi nararapat sa Kanyang pag-alala.

Napakahalaga para sa bawat tao na makilala ang kanyang sarili, dahil ito ay direktang nakakaapekto sa mahalagang usapin ng kung kaya ba ng isang tao na alisin ang kanyang tiwaling disposisyon at magkamit ng kaligtasan. Huwag mong isipin na ito ay isang simpleng usapin lang. Ang makilala mo ang sarili mo ay hindi ang maunawaan mo ang mga kilos o pagsasagawa mo, kundi ang malaman mo ang diwa ng iyong problema; ang malaman mo ang ugat ng iyong paghihimagsik at ang diwa nito, ang malaman mo kung bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, at maunawaan mo ang mga bagay na lumilitaw at gumagambala sa iyo kapag isinasagawa mo ang katotohanan. Ang mga ito ang ilan sa mga pinakamahalagang aspeto ng pagkilala mo sa sarili mo. Halimbawa, dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan nilang igalang ang kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang magulang ay isang walang-galang na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, “Mas mahalaga ang tungkuling igalang ang magulang kaysa anupaman. Kung hindi ko ito tutuparin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong walang-galang na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsiyensiya.” Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng paggalang sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong tumututol at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinapopootan at kinamumuhian sila ng Diyos. Magagawa mo bang kapootan ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastangan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kapootan at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, “Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?” “Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.” Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi naman siya mukhang masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang napipigilan ng mga damdamin, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong mga damdamin, at hinahadlangan ka ng mga itong maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang paggalang sa magulang ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos. Alam mo sa puso mo na ang buhay mo ay nagmula sa Diyos, hindi mula sa iyong mga magulang, at alam mo rin na ang mga magulang mo ay hindi lamang hindi nananalig sa Diyos, kundi nilalabanan ang Diyos, na kinapopootan sila ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Diyos, pumanig sa Kanya, ngunit hindi mo lang talaga magawang kapootan sila, kahit na gusto mo. Hindi mo ito malagpasan, hindi mo mapatatag ang puso mo, at hindi mo maisagawa ang katotohanan. Ano ang ugat nito? Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga haka-haka ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na iniiwan kang walang kakayahan na matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, hinahayaan ang sarili mo sa mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling magkasala sa Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananalig sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng paggalang sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni tiwala sa sarili, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos. Nagagawa ng ilang tao na makita ang higit pa rito, at talagang hindi madaling bagay para sa kanila na sabihing, “Hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang ko, at pinipigilan nila akong manalig. Sila ay mga diyablo.” Walang ni isang walang pananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, “Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.” Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at naglihis sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanila na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas sa mga tao, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan sa harap ng Diyos. Gayunman, hindi madali para sa mga tao na makawala sa gapos ng pambansang edukasyon at mga tradisyonal na ideyang pangkultura, mga haka-haka, at mga moral na pahayag, dahil ang mga satanikong lason at pilosopiyang ito ay matagal nang nakaugat sa puso ng mga tao, na nagbubunga ng lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon na pumipigil sa kanila na pakinggan ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya. Sa kaibuturan ng tiwaling puso ng tao, naroroon ang kawalan ng pangunahing kagustuhan na isagawa ang katotohanan at na sundin ang kalooban ng Diyos. Kaya, ang mga tao ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos; maaari nila Siyang ipagkanulo at talikuran anumang oras. Matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan kung ang mga tiwaling disposisyon at mga satanikong lason at pilosopiya ay umiiral sa kalooban niya? Makakamit ba ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos? Ito ay tunay ngang napakahirap. Kung hindi dahil sa gawain ng paghatol ng Diyos Mismo, ang labis na tiwaling sangkatauhan ay hindi magkakamit ng kaligtasan, at hindi malilinis ang lahat ng satanikong disposisyon nito. Kahit pa nananalig ang mga tao sa Diyos at handa silang sumunod sa Kanya, hindi nila kayang makinig sa Diyos at magpasakop sa Kanya, dahil nangangailangan ng labis-labis na pagsisikap mula sa mga tao upang tanggapin ang katotohanan. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na maunahan muna ng paghahangad ng isang tao na makilala ang kanyang sarili at malutas ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Saka lamang magiging mas madali na tanggapin ang katotohanan. Ang pagkilala sa sarili ay hindi isang simpleng usapin sa anumang paraan; ang mga tumatanggap lang sa katotohanan ang makakikilala sa kanilang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng pagkilala sa sarili, at kung bakit ito isang usapin na hindi ninyo dapat balewalain.

Ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon, kaya napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at lalo nang mas mahirap para sa kanila na kilalanin ang kanilang sarili. Kung nais nilang magkamit ng kaligtasan, dapat nilang makilala ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon at ang kanilang kalikasang diwa. Saka pa lamang nila tunay na matatanggap ang katotohanan at maisasagawa ito. Ang karamihan ng tao na nananalig sa Diyos ay nasisiyahan nang mabigkas lang ang mga salita at doktrina, iniisip na nauunawaan nila ang katotohanan. Ito ay isang malaking pagkakamali, dahil ang mga hindi nakakikilala sa kanilang sarili ay hindi nakauunawa sa katotohanan. Kaya, upang maunawaan at makamit ang katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos, dapat magtuon ang mga tao sa pagkilala sa kanilang sarili. Kailan man o nasaan man tayo, at anumang kapaligiran ang kinaroroonan natin, kung makikilala natin ang ating sarili, kung maisisiwalat at masusing masisiyasat natin ang ating mga sariling tiwaling disposisyon, at kung maituturing natin ang pagkilala sa ating sarili bilang ang ating pangunahing prayoridad, tiyak na may makakamit tayo, at unti-unti nating mapalalalim ang pagkakilala natin sa ating sarili. Kasabay nito, isasagawa natin ang katotohanan, isasagawa natin ang pagmamahal at pagpapasakop sa Diyos, at lalo at lalo nating mauunawaan ang katotohanan. Ang katotohanan kung gayon ay likas na magiging ating buhay. Gayunman, kung hindi ka pumapasok sa pagkilala sa iyong sarili sa anumang bagay, kasinungalingan para sa iyo ang sabihing isinasagawa mo ang katotohanan, dahil ikaw ay binubulag ng lahat ng uri ng mababaw na kababalaghan. Nararamdaman mo na para bang bumuti na ang pag-uugali mo, na mas mayroon ka nang konsensiya at katwiran ngayon kaysa dati, na ikaw ay mas malumanay, mas may konsiderasyon at pagpaparaya sa iba, at mas mapagpaumanhin at mapagpatawad sa mga tao, at dahil diyan, iniisip mo na ipinamumuhay mo na ang normal na pagkatao, at na ikaw ay isang dakila at perpektong tao. Ngunit sa mata ng Diyos, bigo ka pa ring maabot ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos, at napakalayo mo sa tunay na pagpapasakop at pagsamba sa Kanya. Ipinapakita nito na hindi mo nakamit ang katotohanan, na wala ka ng kahit kaunting realidad, at napakalayo mo pang maabot ang mga pamantayan ng kaligtasan. Dapat maunawaan ng mga tao kung aling mga katotohanan ang kailangan nilang taglayin upang maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi pa rin makilala ng mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng mga panlabas na mabubuting pag-uugali at ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang tanging tinataglay ng mga tao ngayon ay kaunting pagbabago lamang sa kanilang panlabas na pag-uugali. Sa mga panahong ito, ang karamihan ng tao ay madalas na nagtitipon at nakikinig sa mga sermon, at sila ay nagkakasundo at nakikihalubilo sa mga kapatid nila sa normal na pamamaraan. Hindi sila nag-aaway, nagagawa nilang maging mapagparaya at mapagpaumanhin sa isa’t isa, at mas maingat na sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin kaysa dati. Gayunman, ang pagkaunawa nila sa katotohanan ay napakababaw, ang mga kaisipan at pananaw nila sa maraming usapin ay malayo pa rin sa katotohanan, o sumasalungat sa katotohanan, at ang ilan sa kanilang mga pananaw ay kontra pa nga sa Diyos. Sapat na ito upang ilarawan na hindi pa nakakamit ng mga tao ang katotohanan. Kaya nga kailangan nating hanapin ang katotohanan sa bawat aspekto ng pagkakilala sa sarili at magsumikap na kilalanin ang ating sarili nang mas malalim. Sa pamamagitan ng pagbabahaging ito, hindi ba ninyo nararamdaman na napakahalagang makilala ninyo ang inyong sarili? Ngayon lang, nagbigay Ako ng halimbawa ng pagpapakita ng paggalang ng isang tao sa kanyang mga magulang. Ito ay isang mahalagang usapin na kailangang harapin ng bawat tao. Kung hindi ninyo kayang maunawaan ang katotohanan at lumabas mula sa mga tradisyonal na kaisipan at haka-haka, magiging mahirap para sa inyo na talikuran ang lahat at tunay na gugulin ang inyong sarili para sa Diyos. Maraming tao ang maraming taon nang nananalig sa Diyos ngunit wala pang nagagampanang tungkulin. Nahihirapan ang puso nila sa hindi matukoy na haba ng panahon, hindi tiyak kung kailan nila magagawang tunay na maunawaan ang katotohanan at lumabas mula sa mga pagpigil at paggapos ng kanilang mga makalamang pagmamahal at mga tradisyonal na kaisipan at haka-haka, at kung kailan nila mararating ang punto na kanila nang “minamahal ang minamahal ng Diyos at kinamumuhian ang kinamumuhian ng Diyos.” Hindi ito isang bagay na madaling makamit. Ang maunawaan ang diwa ng pamilya at maiwaksi ang mga balakid ng mga makalamang relasyon ng isang tao ay isang mahirap na hadlang na kailangang lampasan ng mga sumusunod sa Diyos. May proseso para makawala sa mga pagkakagapos ng pamilya at sa mga makalamang pagmamahal ng isang tao, at para makalaya sa mga pagpigil ng mga kaisipan ng tradisyonal na kultura—kinakailangan nito na magsaayos ang Diyos ng mga kapaligiran kung saan maaari nating isagawa ang pagpasok sa katotohanan. Lalo na pagdating sa ating mga mahal sa buhay, higit pang kinakailangan na malinaw nating makita ang mga tunay nilang mukha at ang bawat isa sa kanilang mga kalikasang diwa. Kasabay nito, kailangan din nating pagnilay-nilayan, batay sa katotohanan, ang mga tiwaling disposisyon na inihayag natin, at ang mga satanikong maling pananampalataya at maling paniniwala na umiiral pa rin sa ating puso. Kinakailangan nito na mangasiwa ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang ibunyag tayo, nang sa gayon ay malaman natin kung anong mga bagay na umiiral pa rin sa ating puso ang lumalaban o hindi umaayon sa Kanya, at pagkatapos ay magawa nating hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Kailangan natin na magsaayos ang Diyos ng mga akmang kapaligiran upang ibunyag ang ating katiwalian at ang ating tayog. Gayunman, dapat ding aktibo at positibo tayong gumawa kasama ng Diyos, at magtakda sa ating mga sarili ng mga bagay na hinihingi alinsunod sa Kanyang salita, saka lamang Niya tayo magagawang kumpleto. Ngunit bago kumilos ang Diyos, kailangan nating ihanda ang ating isipan. Una, kailangan nating makilala ang mga satanikong lason na nasa kalooban ng tao, at maunawaan na ang mga kaisipan at haka-haka ng tradisyonal na kultura ay nanlilihis at ginagawang tiwali ang mga tao. Dapat nating maunawaan kung gaano katinding lumalaban sa Diyos ang mga satanikong bagay na ito—na minana natin, at na nagmula sa edukasyon at lipunan—at kung gaano sumasalungat sa katotohanan ang mga ito. Kapag nauunawaan mo na ang mga bagay na ito ay saka lamang masasabing nauunawaan mo talaga ang katotohanan.

Katatapos Ko lang magsalita tungkol sa kung paano dapat pakitunguhan ng isang tao ang mga magulang niya. Maaaring sabihin na ito ay isang pangunahing usapin sa buhay, at ito rin ay isang mahalagang usapin na dapat harapin ng bawat tao. Hindi ito maitatanggi. Kasunod nito, magbabahaginan tayo tungkol sa isa pang paksa, kung paano dapat pakitunguhan ng isang tao ang mga anak niya. Pagdating sa kung paano mo dapat pakitunguhan ang mga anak at mga magulang mo, ang paraan kung paano mo sila pinakikitunguhan ay hindi mahalaga, sa halip, ang mahalaga ay ang perspektiba mo, ito ay tungkol sa perspektiba at saloobin mo sa pagharap sa kanila. Ito ay isang bagay na dapat nating maunawaan sa ating puso. Mula sa sandaling magkaroon siya ng mga anak, ang bawat tao ay nagsisimulang magplano tungkol sa uri ng edukasyon na nais niyang matanggap ng kanyang mga anak, ang uri ng kolehiyo na dapat pasukan ng kanyang mga anak, at kung paano sila makakahanap ng magagandang trabaho pagkatapos niyon, upang makakuha sila ng magandang posisyon at magkaroon ng isang partikular na antas ng katayuan sa lipunan. Naniniwala ang lahat ng tao na sa buhay na ito, dapat na magkaroon muna ng kaalaman at ng mataas na pinag-aralan ang isang tao—sa mga mata nila, ito lamang ang paraan upang makahanap ng trabaho at makatiyak ng kabuhayan sa lipunan, nang sa gayon ay hindi kailangang mag-alala ng isang tao tungkol sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, pananamit, masisilungan, at transportasyon sa hinaharap. Kaya, pagdating sa kung paano pakitunguhan ng mga tao ang kanilang mga anak, inaasam ng bawat magulang na magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan ang kanilang anak. Inaasam nila na maging matagumpay sa mundo ang anak nila balang araw, na magkaroon siya ng lugar sa lipunan, isang mataas at matatag na kita, at ng magandang pangalan at katayuan. Iniisip nila na ito lamang ang makapagbibigay ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Tinataglay ng lahat ng tao ang ganitong pananaw. “Nawa ay magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga anak ko”—tama ba ang pananaw na ito? Ang lahat ay nagnanais na ang kanilang anak ay mag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad at pagkatapos ay magpursigi na magkaroon ng mas mataas pang pinag-aralan, sa paniniwala na ang kanilang anak ay magtatagumpay sa mundo sa sandaling magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Sinasamba ng lahat ng tao sa puso nila ang kaalaman at naniniwala silang “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito”; bukod doon, iniisip nila na ang kompetisyon sa lipunan sa mga panahong ito ay napakatindi, at na kung ang isang tao ay walang akademikong kuwalipikasyon, ang pagsisikap lang na manatiling may makakain ay mahirap na. Ito ay isang kaisipan at pananaw na tinataglay ng bawat tao—na para bang, hangga’t may mas mataas na pinag-aralan ang isang tao, ang kanyang kabuhayan at mga maaasahan sa hinaharap ay magiging tiyak. Kaya, pagdating sa mga hinihingi nila sa kanilang mga anak, ginagawang pangunahing prayoridad ng mga tao ang pagpasok sa isang institusyon ng mas mataas na edukasyon at ang pagkakaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Ang totoo, ang lahat ng edukasyong iyan, ang lahat ng kaalamang iyan, at ang lahat ng ideya na natatanggap ng mga tao ay sumasalungat sa Diyos at sa katotohanan, at kinamumuhian at kinokondena ng Diyos. Pinatutunayan nito na ang mga pananaw ng tao ay mali at hindi makatwiran. Dapat maunawaan ng mga tao na kung tatanggap sila ng ganitong uri ng edukasyon, bukod sa pagkakaroon ng kaunting kapaki-pakinabang na intelektuwal na kaalaman, sila ay iindoktrinahan din ng marami sa mga lason, kaisipan, at teorya ni Satanas, at ang iba’t iba nitong maling pananampalataya at maling paniniwala, at dapat nilang maunawaan kung ano ang mga magiging bunga nito. Hindi ito kailanman naisip noon ng mga tao, at hindi nila maunawaan ang usaping ito. Ang pinaniniwalaan lamang nila ay na ang kanilang mga anak ay magkakaroon ng mas magandang kinabukasan at magdadala ng karangalan sa kanilang mga ninuno kung papasok sila sa mga institusyon ng mas mataas na edukasyon. Bilang resulta, kapag ang anak mo ay umuwi isang araw, at kinausap mo siya tungkol sa pananalig sa Diyos, makakaramdam siya ng pag-ayaw rito, at kapag nagbahagi ka sa kanya tungkol sa katotohanan, tatawagin ka niyang hangal, kukutyain ka niya, at hahamakin niya ang mga salita mo. Sa oras na iyon, mapagtatanto mo na pinili mo ang maling landas nang ipadala mo ang anak mo sa isang institusyon ng mas mataas na edukasyon upang magkaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Gayunman, magiging masyado nang huli para manghinayang. Sa oras na tanggapin ng isang tao ang mga pilosopiya at pananaw ni Satanas, at ang mga bagay na ito ay mag-ugat, mamukadkad, at magsimulang magbunga sa kalooban niya, ito ay kapareho ng pagpapatubo ng mga tumor na may kanser—ang mga bagay na ito ay hindi matatanggal o mababago nang biglaan. Sa puntong iyan, magiging mahirap para sa taong iyon na tanggapin ang katotohanan, at walang paraan upang siya ay maligtas. Ito ay katumbas ng nilason siya ni Satanas hanggang mamatay. Wala pa Akong nakitang sinuman na nagsabing: “Kapag ang anak ko ay pumasok sa eskuwelahan, hayaan ninyo lang siyang matutong magbasa, upang maunawaan niya kung ano ang kahulugan ng salita ng Diyos. Pagkatapos niyan, gagabayan ko siya upang manalig sa Diyos nang buong puso, at matutunan nang kaunti ang isang kapaki-pakinanabang na propesyon nang sa gayon ay makatiyak siya ng isang magandang trabaho at makabuo siya ng isang matatag na buhay para sa kanyang sarili sa hinaharap. Pagkatapos, makatitiyak na ako. Magiging mas mabuti kung siya ay may mataas na kakayahan, may mabuting pagkatao, at makatutupad ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi siya makakagampan ng isang tungkulin, magiging sapat na na magkaroon siya ng trabaho sa labas ng iglesia upang masuportahan niya ang kanyang pamilya. Higit sa lahat, nais kong matanggap niya ang mga katotohanan ng Diyos sa sambahayan ng Diyos at hindi siya marumihan o makondisyon ng lipunan.” Hindi tinataglay ng mga tao ang pananampalataya na dalhin ang kanilang mga anak sa harap ng Diyos; palagi silang nag-aalala na ang kanilang mga anak ay hindi magkakaroon ng magagandang pagkakataon kung hindi sila magkakaroon ng mas mataas na pinag-aralan. Sa ibang salita, pagdating sa kanilang mga anak, walang kahit isang tao ang nakahandang dalhin ang kanilang mga anak sa harap ng Diyos upang matanggap nila ang salita ng Diyos at makaasal sila alinsunod sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Ayaw ng mga tao na gawin ito, at hindi sila mangangahas na gawin ito. Nangangamba sila na kung kikilos sila sa ganitong paraan, ang mga anak nila ay hindi magkakaroon ng ikabubuhay o ng mga pagkakataon sa lipunang ito. Ano ang pinagtitibay ng pananaw na ito? Pinagtitibay nito na ang mga tao, na ginawang labis na tiwali ni Satanas, ay walang interes sa katotohanan o sa pananalig sa Diyos. Kahit pa nga nananalig sila sa Diyos, ito ay para lamang mapagpala. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, dahil sa kanilang puso, ang sinasamba ng mga tao ay mga materyal na bagay, pera, at impluwensiya ni Satanas. Wala kang pananampalataya na sabihin: “Kung tatalikuran ng isang tao ang mga kalakaran ng mundo at sasandig siya sa Diyos, bibigyan siya ng Diyos ng paraan upang makaligtas siya.” Wala ka ng ganitong pananampalataya. Ang iyong maling pananaw ng pagsamba sa kaalaman ay nag-ugat na sa puso mo. Kinokontrol nito ang bawat salita at gawa mo, kaya hindi mo matanggap ang gawain ng Diyos at hindi ka makapagpasakop dito, lalo nang hindi mo matanggap ang mga katotohanan na ipinapahayag ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ang kaisipan at pananaw na ito ay kontra sa Diyos, ipinagkakanulo nito ang Diyos, itinatanggi nito ang Diyos, at hindi ito kaayon ng katotohanan. Kapag naiintindihan ng isang tao ang katotohanan, nauunawaan niya ang problemang ito, at napagtatanto niya na maraming bagay sa kalooban niya ang salungat sa Diyos—mga bagay na pangunahing kinasusuklaman ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga resultang nakakamit sa pagdanas sa gawain ng Diyos. Kung wala ang paglalantad ng salita ng Diyos, at kung wala ang paghatol at pagkastigo nito, iisipin ng mga tao na naging banal na sila, na sila ay punong-puno ng pagmamahal sa Diyos, at na ang kanilang pananampalataya sa Kanya ay malakas pagkatapos nilang manalig sa Diyos nang ilang taon, at magkaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Ngayong nauunawaan na nila ang katotohanan, bigla nilang napagtatanto: “Paanong umiiral pa rin sa mga tao ang mga tiwaling bagay na ito? Bakit hindi ko makilala ang mga ito dati? Ang mga tao ay labis lang na walang alam!” Sa panahong ito, natututunan nila na ang paglalantad ng Diyos sa katiwalian ng tao ay napakadakila at lubhang kinakailangan, at alam nila na kung hindi inilantad at hinatulan ng Diyos ang kanilang katiwalian, hindi nila ito makikilala kailanman. Ang mga tao ay lahat sanay na magkunwari at magbalatkayo. Kaya nilang magbalatkayo nang mahusay o magtago at magpanggap nang mahusay, ngunit ang mga tiwaling disposisyon na inihahayag nila at ang mga kaisipan na nakaugat nang malalim sa kanilang isip ay lumalaban sa Diyos, at ang mga bagay na ito ay kinamumuhian at kinapopootan ng Diyos. Ito ang mga bagay na nais na ibunyag ng Diyos, at ito ang mga bagay na dapat malaman ng mga tao. Gayunman, madalas na iniisip ng mga tao, “Pagdating sa aming pananalita, wala kaming sinambit na anumang salitang lumalaban sa Diyos, at nagtataglay kami ng katwiran. Pagdating naman sa aming pag-uugali, wala kaming ginawang anumang lihis, narating na namin ang punto kung saan ginagampanan namin ang aming mga tungkulin nang angkop na angkop. Wala kaming mga kapuna-punang problema, kaya ano pa ang dapat naming malaman tungkol sa aming sarili? Kailangan pa ba naming kilalanin ang aming sarili?” Nakaayon ba sa mga katunayan ang pananaw na ito? Kung oo, bakit palagi pa ring ipinagtatapat ng mga tao sa Diyos ang kanilang mga kasalanan? Bakit madalas pa ring inihahayag ng mga tao ang mga tiwali nilang disposisyon at gumagawa pa nga sila ng mga paglabag? Kaya, habang lalo mong itinuturing ang sarili mo na mabuti sa isang banda, lalong mahalaga na hanapin mo ang katotohanan, magnilay-nilay ka, at makikilala mo ang sarili mo sa ganoong bagay. Sa pamamagitan lamang nito na tunay mong makikila ang iyong mga tiwaling disposisyon, madadalisay ka, at magagawa kang perpekto ng Diyos. Ito ang kahihinatnan ng pagdanas ng gawain ng Diyos.

Maraming tao ang naniniwala na ang paggalang sa mga magulang ay kalugod-lugod sa Diyos at pinagpapala ng Diyos. Iniisip nila na ang pagiging magalang sa mga magulang ay isang bagay na tiyak na gusto ng Diyos, dahil naniniwala sila na ang paggalang sa mga magulang ay ganap na likas at makatwiran, at na pinatutunayan nito na ang isang tao ay mayroong konsensiya, at na hindi niya nakakalimutan kung saan siya nagmula. Ayon sa mga tradisyonal na haka-haka, ang gayong mga tao ay itinuturing na mabubuting tao at magagalang na anak. Pagdating sa magagalang na anak, sinasang-ayunan sila ng lahat. Minamahal sila ng mga tao, at ng kanilang mga magulang. Kaya, natural na ipinagpapalagay mo na tiyak na gusto rin sila ng Diyos, at iniisip mo nang may pag-aasam na: “Tiyak na gusto ng Diyos ang mga nagpapakita ng paggalang sa kanilang mga magulang—gusto Niya sila talaga!” Kaya, isinusuko mo ang pagganap sa iyong tungkulin at umuuwi ka sa iyong tahanan upang magpakita ng paggalang sa iyong mga magulang. Habang ginagawa mo ang gayon, ikaw ay higit pang nagkakaroon ng motibasyon, at ikaw ay higit pang nakukumbinse na ito ay makatwiran at angkop, at na isinasagawa mo ang katotohanan. Hindi mo namamalayan, nagsisimula ka nang maniwala na napalugod mo na ang Diyos, at na mayroon ka na ng kinakailangang kapital upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ang Kanyang kasiyahan, at ang Kanyang pagkilala. Kapag sinasabi ng Diyos na sinasalungat at ipinagkakanulo mo Siya, o kapag sinasabi Niya na hindi ka naman talaga nagbago, nilalabanan at hinuhusgahan mo Siya. Itinatanggi mo ang mga salita Niya sa pagsasabing Siya ay mali. Anong uri ng problema ito? Kapag sinasabi ng Diyos na mabuti ka at sinasang-ayunan ka Niya, tinatanggap mo ito. Ngunit kapag inilalantad ng Diyos na naghihimagsik at sumasalungat ka sa Kanya, itinatanggi at tinatanggihan mo ito, at nilalabanan at hinuhusgahan mo pa nga ang Diyos. Anong uri ng disposisyon ito? Malinaw na ang mga tao ay mapagmataas, may labis na pagtingin sa sarili, at mapagmagaling. Kadalasan, tila ba kaya ng mga tao na kilalanin na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, at itinuturing ng lahat ng tao ang kanilang sarili bilang mapagpasakop sa Diyos, ngunit kapag hinahatulan sila ng Diyos at inilalantad Niya ang mga tiwaling disposisyon nila, wala sa kanilang pumapansin sa mga salita Niya, at wala sa kanilang nagkukumpara ng kanilang mga kilos sa Kanyang salita sa tuwing mayroon silang ginagawa. Sa halip, nagsasalita at nangungusap lang sila nang kaunti, at iyon na iyon, o bumibigkas sila ng ilang linya ng salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nagbabahagi nang kaunti tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay tapos na sila. Ang totoo, kapag may ginagawa kang mga bagay-bagay, ni hindi ka nagsasagawa ayon sa salita ng Diyos. Kaya, ano ang silbi ng pagbabasa at pagbabahagi mo tungkol sa salita ng Diyos? Hindi mo isinasagawa ang salita ng Diyos kapag may nangyayari sa iyo, at hindi ka namumuhay ayon sa salita ng Diyos, kaya bakit binabasa mo ang salita ng Diyos? Hindi ba’t ito ay isa lamang pormalidad? Mauunawaan mo ba ang katotohanan sa ganitong paraan? Makakamit mo ba ang katotohanan? Walang kabuluhan ang manalig sa Diyos sa ganitong paraan. Maraming tao ang nagbabasa lang ng salita ng Diyos nang kaunti, nagkakamit ng pang-unawa sa literal na kahulugan nito, at nag-iisip na sa pamamagitan ng pagsambit ng ilang salita at doktrina ay naunawaan na nila ang katotohanan, at na tinataglay nila ang katotohanang realidad. Sinasabi ng ilan, “Nagbabahagi ako tungkol sa salita ng Diyos, kaya paanong ito ay mga salita at doktrina lamang?” Hindi mo alam ang diwa ng salita ng Diyos, hindi mo isinasagawa ang Kanyang salita, at lalo namang wala kang kaalaman dito na batay sa karanasan, kaya sinasambit mo ang mga salita at doktrina kapag nagbabahagi ka tungkol dito. Siyempre, ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit hindi mo ito tunay na nauunawaan o isinasagawa, kaya ang naiintindihan mo lang ay doktrina. Nauunawaan ba ninyo ito? Nararamdaman ba ninyong ang pakikinig sa mga salitang ito ay pumukaw ng negatibong emosyon? Sasabihin ba ninyo na, “Kung hindi ko igagalang ang mga magulang ko, hindi ba’t iyon ay isang kakila-kilabot na paglabag? Hindi ba’t ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay walang konsiderasyon sa kanilang damdamin?” Sabihin ninyo sa Akin, ang mga pamantayan ba na hinihingi ng Diyos sa tao ay mataas? Ang katunayan, hindi mataas ang mga iyon—batay sa konsensiya at katwiran ng tao, ang mga iyon ay lahat mga pamantayang kayang maabot ng mga tao. Dahil sa impluwensiya ng mga pagmamahal ng tao at dahil ang tradisyonal na kultura ay matibay at napakatatag nang nag-ugat sa kanilang puso kung kaya’t nararamdaman ng mga tao na ang mga hinihingi ng Diyos ay napakataas, at talagang lagpas na sa kaya nilang abutin. Ito ay dulot ng kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Kung nauunawaan mo talaga ang katotohanan at nauunawaan mo ang tunay na kalikasan ng usaping ito, magagawa mong harapin at pangasiwaan ang problemang ito sa tamang paraan. Sa loob ng libo-libong taon, ang mga tao ay naimpluwensiyahan na ng tradisyonal na kultura. Ang mga pilosopiya at kautusan ni Satanas sa pag-asal ay nagkaugat na sa puso ng mga tao. Namumuhay ka ayon sa gayong mga ideya, kaya ano ba mismo ang ipinamuhay mo? Namuhay ka ba ng normal na pagkatao? Namuhay ka ba ng totoong buhay? Kapaki-pakinabang na malaman at masiyasat mo ang usaping ito. Kailangan mong pagnilayan kung ano ang nakamit mo mula sa tradisyonal na kultura at sa mga pilosopiya at pananaw ni Satanas, kung ang mga bagay na ito ba talaga ang katotohanan, at kung ano ang idinudulot ng mga ito sa iyo. Pagkatapos ay dapat kang makipagbahaginan sa mga usaping ito at dapat mong himayin ang mga ito batay sa salita ng Diyos. Kung gagawin mo ito, magiging madali para sa iyo na matuklasan ang katotohanan. Sa oras na maunawaan mo ang katotohanan at maintindihan ang mga layunin ng Diyos, makikita mo na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay pawang mga bagay na maisasakatuparan ng konsensiya at katwiran ng tao. Natural nang hindi ka na magrereklamo na labis-labis ang hinihingi ng Diyos sa tao. Sa halip, sasabihin mo, “Nauunawaan namin ang mga prinsipyo; mayroon kaming landas ng pagsasagawa, at nauunawaan namin kung paano pangangasiwaan ang mga bagay na ito.” Sa ganitong paraan, unti-unti kang papasok sa realidad ng salita ng Diyos. Ito ang proseso ng pag-unawa sa katotohanan.

Sa pagpasok sa katotohanang realidad, ang pagkakilala sa sarili ay napakahalaga. Ang ibig sabihin ng pagkakilala sa sarili ay ang malaman kung aling mga bagay sa ating mga kaisipan at pananaw ang pangunahing hindi tumutugma sa katotohanan, at nabibilang sa isang tiwaling disposisyon, at laban sa Diyos. Madaling magkamit ng pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ng tao, gaya ng kayabangan, pagmamagaling, pagsisinungaling, at panlilinlang. Malalaman mo ang mga ito nang kaunti sa pamamagitan ng pagbabahagi lang tungkol sa katotohanan nang ilang ulit, o sa pamamagitan ng madalas na pagbabahaginan, o ng pagtukoy ng iyong mga kapatid sa iyong kalagayan. Bukod pa rito, ang kayabangan at panlilinlang ay matatagpuan sa bawat tao, magkakaiba lamang ang antas, kaya ang mga ito ay medyo madaling malaman. Ngunit ang pagkilatis kung ang mga kaisipan at pananaw ng isang tao ay naaayon ba sa katotohanan ay mahirap, at hindi kasingdali ng pagkilala sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Kapag ang pag-uugali o mga panlabas na pagsasagawa ng isang tao ay bahagyang nagbago, ang pakiramdam ng taong iyon ay na para bang siya ay nagbago, ngunit ang totoo, ito ay isa lamang pagbabago sa pag-uugali, at hindi ito nangangahulugang ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay ay tunay nang nagbago. Sa kaibuturan ng puso ng mga tao, marami pa ring kuru-kuro at imahinasyon, sari-saring kaisipan, mga pananaw, at mga lason ng tradisyonal na kultura, at maraming bagay na laban sa Diyos. Ang mga bagay na ito ay nakatago sa kalooban nila, hindi pa naisisiwalat. Ang mga ito ang pinagmulan ng mga pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay nagmumula sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga haka-haka mo ay lalabanan mo Siya at sasalungatin. Hindi mo maiintindihan kung bakit kumilos nang gayon ang Diyos, at bagamat alam mong mayroong katotohanan sa lahat ng ginagawa ng Diyos at nais mong magpasakop, hindi mo iyon magawa. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Ano ang dahilan sa iyong pagsalungat at paglaban? Ito ay dahil maraming bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao ang laban sa Diyos, laban sa mga prinsipyo sa pagkilos ng Diyos at laban sa Kanyang diwa. Mahirap para sa mga tao ang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito. Dahil nagbahagi Ako sa mga salitang ito, dapat ay magawa ninyong magkamit ng kabatiran at kaunting pagkaunawa. Ipagpalagay na mayroon kayong mga haka-haka tungkol sa Diyos kapag may nangyayari at iniisip ninyo, “Hindi maaaring ito ay gawa ng Diyos, dahil kung Diyos ang may gawa nito, hindi Niya ito ginawa nang ganito, o hindi Siya nagsalita nang gayon. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay pagmamahal, at madali para sa mga taong tanggapin,” ngunit pagkatapos ay ipagpalagay na iniisip ninyo, “Mali ang ganitong paraan ng pag-iisip. Sinabi ng Diyos dati na mayroong katotohanang dapat na hanapin kung saan hindi kayang makaunawa ng mga tao. Dapat akong magnilay-nilay sa sarili ko, yamang ang mga haka-haka at imahinasyon sa puso ko ang lumilitaw, na humahantong upang limitahan ko ang gawain ng Diyos. Hindi ako dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos”—ito ang tamang paraan upang magnilay-nilay sa sarili mo. Sa tuwing nakikita mo na ang gawain o mga salita ng Diyos ay hindi umaayon sa mga haka-haka mo, iyan ang panahon na dapat kang magnilay-nilay sa sarili mo, magmadaling hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, ihambing ang sarili mo sa mga ito at pagkatapos ay kumilos alinsunod sa mga ito. Hindi ba’t ito ay isang daan pasulong?

Katatapos lang natin magbahaginan sa kung paano dapat ituring ang mga magulang ng isang tao. Marami sa inyo ang nakakaramdam na marami kayong pagkakautang sa inyong mga magulang, yamang labis silang nagdusa para sa inyo sa buong buhay nila, at nagpakita sila sa inyo ng matinding pagmamahal at pag-aalaga. Kung isang araw ay magkasakit sila, nababagabag ang konsensiya mo, at pakiramdam mo ay ikaw ang sinisisi. Bigla mong naiisip na dapat manatili kang kasama ng mga magulang mo upang tuparin mo ang iyong tungkulin sa kanila bilang anak, upang aliwin sila at tiyaking masaya sila sa kanilang pagtanda. Iniisip mong ito ang iyong responsabilidad at obligasyon bilang anak nila. Kung, sa iyong pagtupad sa obligasyong ito, may hinging isang bagay ang Diyos sa iyo o bigyan ka Niya ng hindi inaasahang pagsubok, ang layunin Niya ay hindi mo dapat gawin iyon, kundi dapat kang manalig sa Diyos, gampanan nang maayos ang tungkulin mo, at hangarin ang katotohanan bilang ang prinsipyo. Anong mararamdaman mo kung tuwirang hingin ng Diyos sa iyo na huwag kang maging mabuting anak sa mga magulang mo o makitungo sa kanila sa ganoong paraan? Pag-iisipan mong mabuti ang bagay na ito sa pananaw ng mga tradisyonal na haka-haka, at magrereklamo ka tungkol sa Diyos sa iyong puso, iniisip na ginawa Niya ito nang hindi isinasaalang-alang ang iyong damdamin, at na hindi nito tinutupad ang iyong paggalang sa magulang. Naniniwala ka na ikaw ay kumikilos nang may buong paggalang sa magulang, pagkatao, at konsensiya, ngunit hindi ka hinahayaan ng Diyos na kumilos alinsunod sa iyong konsensiya o paggalang sa magulang. Pagkatapos ay lalabanan, paghihimagsikan at sasalungatin mo ang Diyos, at hindi mo tatanggapin ang katotohanan. Sinasabi Ko ang lahat ng ito upang mapagtanto ng mga tao na ang ugat at ang diwa ng mapaghimagsik na kalikasan ng tao ay pangunahing nagmumula sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, na hinuhubog ng edukasyon na kanilang tinatanggap mula sa pamilya at lipunan, at gayon na rin mula sa tradisyonal na kultura. Pagkatapos na ang mga bagay na ito ay unti-unting matanim nang malalim sa puso ng mga tao, sa pamamagitan ng kaugalian sa pamilya, o sa impluwensiya ng lipunan at akademikong edukasyon, magsisimula ang mga taong mamuhay ayon sa mga ito. Magsisimula silang maniwala nang hindi nila namamalayan na ang tradisyonal na kulturang ito ay tama, malinis, at hindi maaaring pulaan, at na sa pamamagitan lamang ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura na sila ay maaaring maging mga tunay na tao. Kung hindi nila gagawin iyon, mararamdaman nilang wala silang konsensiya, na salungat sila sa pagkatao at walang anumang pagkatao, at hindi nila ito matatanggap. Hindi ba’t ang mga kaisipan at pananaw na ito ng tao ay napakalayo sa katotohanan? Ang mga bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao, at ang mga mithiing hinahangad ng mga tao, ay nakatuon lahat sa mundo, kay Satanas. Ang hinihingi ng Diyos na hangarin ng tao ang katotohanan ay nakatuon sa Diyos, sa liwanag. Ang mga ito ay dalawang magkaibang direksyon, dalawang magkaibang mithiin. Kumilos ka alinsunod sa mga mithiin ng Diyos at hinihingi sa tao at ang pagkatao mo ay lalong magiging normal, lalo kang magkakaroon ng wangis ng tao, at magiging mas malapit ka sa Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kaisipan at pananaw ng tradisyonal na kultura, lalong mawawala sa iyo ang iyong konsensiya at katwiran, lalo kang magiging huwad at peke, lalo kang susunod sa mga kalakaran ng mundo, at magiging bahagi ka ng mga puwersa ng kasamaan. Kung magkagayon ay ganap kang mabubuhay sa kadiliman, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ganap mo nang nalabag ang katotohanan at pinagtaksilan ang Diyos.

Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang labis na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kakainin tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manalig sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at maunawaan ang ilang bagay, ay iisipin mo, “Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin nang ganito, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.” Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Anong gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging tapat sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng hindi pagkakatugma ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pananagutan dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang haka-haka na “Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae” ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng haka-hakang ito mula sa puntong iyon, at pananatilihin kang ganoon ng mga uring ito ng mga haka-haka kahit pagkatapos mong manalig sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagamat maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gampanan ang tungkulin mo, na magtaglay ka ng kaunting katapatan sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pananagutan sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, sa higit pang pagnanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay mayroon ka nang paa sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang gampanan nang tama ang tungkulin ng isang nilikha. Nagampanan mo na ba nang maayos ang tungkuling ito? Bakit ka lumihis ulit? Wala ba talagang pagkaramdam ng pananagutan o paninisi sa puso mo? Dahil ang katotohanan ay hindi pa rin nakapaglatag ng mga pundasyon sa puso mo, at hindi pa ito naghahari doon, maaari kang malihis habang ginagawa mo ang tungkulin mo. Bagamat ngayon ay nagagawa mo ang tungkulin mo, ang totoo ay hindi mo pa rin naaabot ang mga pamantayan ng katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Nakikita mo na ba nang malinaw ngayon ang katotohanang ito? Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang “Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao?” Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Tanging ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, kung paanong ang mga anak natin ay isinilang natin, ngunit ang tadhana nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin mo sa Diyos bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ang pangunahing bagay na dapat gawin bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang karapat-dapat na nilikha. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi ginampanan ang mga obligasyon o tungkulin niya kahit kailan, isang tinanggap ngunit hindi kinumpleto ang atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga. Kahit gaano ka pa kaperpektong asawa at ina, o gaano pa kataas ang iyong mga pamantayan ng panlipunang moralidad, o gaano pa karaming pagsang-ayon ang natatanggap mo mula sa iba, hindi ito nangangahulugang isinasagawa mo ang katotohanan, lalong hindi na nagpapasakop ka sa Diyos. Kung tutol ka sa katotohanan at tumatanggi kang tanggapin ito, nagpapatunay lang ito na wala kang konsensiya o katwiran, walang normal na pagkatao, at ikaw ay isang taong walang Diyos sa puso mo sa anumang paraan. Hindi ba’t ang ganitong uri ng tao ay napakalayo sa mga hinihingi ng Diyos? Ganito ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, palaging nabubuhay alinsunod sa mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura, palaging sinusunod ang mga kalakaran ng lipunan, ngunit hindi tinatanggap ang katotohanan at walang kakayahang magpasakop sa Diyos. Hindi ba’t ang mga taong ito ay naghihikahos at kahabag-habag? Hindi ba’t sila ay mga hangal at mangmang? Ang pagiging mabuting asawa ba at mapagmahal na ina, ang pagiging isa bang mabuti at kinagigiliwang babae, ay karapat-dapat na ipagyabang at ipagmalaki?

Ang totoo, ang lahat ng bagay na pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang puso ay salungat sa katotohanan at kontra sa Diyos. Kabilang diyan ang mga bagay na pinaniniwalaan natin na positibo, mabuti, at ang mga bagay na sa pangkalahatan ay itinuturing na tama. Nakikita pa nga natin ang mga bagay na ito bilang ang katotohanan, bilang mga pangangailangan ng tao at mga bagay na kung saan dapat pumasok ang mga tao. Ngunit sa Diyos, ang mga ito ay kasuklam-suklam na bagay. Gaano kalayo sa mga katotohanang sinambit ng Diyos ang mga pananaw na nakikita ng tao bilang tama, o ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao na positibo? Napakalayo talaga—hindi masusukat ang distansya. Kaya, dapat makilala natin ang ating sarili, at ang lahat magmula sa akademikong edukasyon na tinanggap natin hanggang sa mga paghahangad at kagustuhan natin, magmula sa mga kaisipan at pananaw natin hanggang sa mga landas na pinipili at tinatahak natin, ay nararapat na malalim na hukayin at himayin. Ang ilan sa mga ito ay minana ng isang tao mula sa kanyang pamilya; ang ilan ay mula sa kanyang pinag-aralan; ang ilan ay mula sa impluwensiya at pagkondisyon ng mga kapaligirang panlipunan; ang ilan ay natututunan mula sa mga aklat; at ang ilan ay mula sa ating mga imahinasyon at haka-haka. Ang mga ito ang mga pinakanakakatakot na bagay, dahil pinangingibabawan nito ang ating isip, at pinamumunuan ang mga motibo, layunin, at mithiin ng mga kilos natin. Iginagapos at kinokontrol din ng mga ito ang ating mga salita at kilos. Kung hindi natin isisiwalat at itatakwil ang mga bagay na ito, hindi natin lubos na tatanggapin ang mga salita ng Diyos kailanman, at hindi natin kailanman tatanggapin ang mga hinihingi Niya at isasagawa ang mga ito nang walang pasubali. Hangga’t nagkikimkim ka ng mga sarili mong ideya at pananaw, at mga bagay na pinaniniwalaan mo bilang tama, hinding-hindi mo tatanggapin ang mga salita ng Diyos nang walang pasubali, ni isasagawa ang mga ito sa kanilang orihinal na anyo; tiyak na ipoproseso mo ang mga salita ng Diyos sa puso mo, at isasagawa mo lamang ang mga ito pagkatapos mong maitugma ang mga ito sa iyong mga haka-haka. Ganito ka kikilos, at ganito mo “tutulungan” ang iba, sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila na gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga pamamaraan mo. Magmimistulang isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, ngunit ang isinasagawa mo ay ang mga adulterasyon ng tao. Hindi mo ito malalaman, at iisipin mo na isinasagawa mo ang katotohanan, na pumasok ka na sa katotohanang realidad, na nakamit mo na ang katotohanan. Hindi ba’t iyan ay pagmamataas at pagmamagaling? Hindi ba’t ang ganoong kalagayan ay nakakatakot? Kung ang mga tao ay hindi maingat sa pagsasagawa ng katotohanan, ang mga paglihis ay mangyayari. Kung ang isang tao ay palaging umaasa sa kanyang mga imahinasyon upang isagawa ang mga salita ng Diyos, hindi lamang na hindi niya isinasagawa ang katotohanan, hindi rin niya maisasakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kung ang layon ng isang tao ay ang pumasok sa katotohanang realidad, dapat siyang magnilay-nilay sa kung anong mga haka-haka at imahinasyon ang umiiral sa kanya, gayundin ang kung aling mga pananaw niya ang hindi nakaayon sa katotohanan. Kapag hinihimay ang mga bagay na ito, hindi magiging sapat ang isa o dalawang salita lang upang ipaliwanag nang husto ang mga ito o upang linawin ang mga ito. Natural na maraming iba pang ganitong bagay sa buhay. Gaya ng mahigit isandaang lason ni Satanas na nalikom mula sa nakaraan—maaaring naunawaan mo ang mga salita at parirala, ngunit paano mo inihambing ang sarili mo sa mga ito? Nakapagnilay-nilay ka na ba sa mga ito? Hindi ba’t may bahagi ka rin sa mga lasong ito? Hindi ba’t sinasalamin din ng mga ito kung paano ka mag-isip? Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, hindi ba’t kumikilos ka rin batay sa mga lasong ito? Dapat mong siyasatin nang malalim ang iyong personal na karanasan, at ihambing ito sa mga salitang iyon. Kung babasahin lang ninyo ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga lason ni Satanas, susulyapan lamang ang mga ito, o kung pahapyaw mo lang na iniisip ang mga ito, inaamin na ang mga ito ay mga lason nga, na ginagawa ngang tiwali at pinipinsala nga ng mga ito ang mga tao, at pagkatapos ay isasantabi mo ang mga salita ng Diyos, wala kang magiging paraan upang lutasin ang tiwaling disposisyon mo. Maraming tao ang nagbabasa ng mga salita ng Diyos pero hindi nila maiugnay ang mga ito sa realidad. Binabasa lang nila ang mga salita at sinusulyapan ang teksto, at hangga’t naiintindihan nila ang literal na kahulugan nito, naniniwala sila na naunawaan nila ang mga salita ng Diyos, o na naunawaan pa nga nila ang katotohanan. Ngunit hindi sila nagninilay-nilay kailanman sa mga tiwaling disposisyon nila, at kapag alam nila na naghahayag sila ng katiwalian, hindi nila hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito. Nasisiyahan na sila na aminin lang na ang lahat ng kalagayan na inilantad ng mga salita ng Diyos ay totoo at na ang mga ito ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at humihinto na sila roon. Magagawa ba ng isang taong nagbabasa ng mga salita ng Diyos nang ganito na tunay na makilala ang kanyang sarili? Maiwawaksi ba niya ang kanyang tiwaling disposisyon? Tiyak na hindi. Karamihan ng mga taong nananalig sa Diyos ay ganito ang ginagawa, at bilang resulta, wala silang nakikitang pagbabago sa kanilang disposisyon pagkaraan ng sampu o dalawampung taon ng pananalig. Ang ugat na dahilan nito ay na hindi nila pinagsisikapan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito sa kanilang puso. Sumusunod lang sila sa mga regulasyon sa kanilang pagsasagawa at umiiwas na makagawa ng malaking kasamaan, at dahil diyan iniisip na nilang isinasagawa nila ang katotohanan. Hindi ba’t may paglihis sa kanilang pagsasagawa? Ang pagsasagawa ba ng katotohanan ay ganoon lang kasimple? Ang mga tao ay mga nabubuhay na nilikha at lahat sila ay may mga kaisipan; sa partikular, ang lahat ng tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na nakaugat nang malalim sa kanilang puso, at nagtataglay ng sari-saring kaisipan at pananaw na lumitaw mula sa pangingibabaw ng kanilang satanikong kalikasan. Ang lahat ng kaisipan at pananaw na ito ay mga pagbubunyag ng isang satanikong disposisyon. Kung hindi kayang himayin at malaman ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, wala silang paraan upang malaman ang kanilang tiwaling diwa, at ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi malilinis. Bakit ba ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay napakayabang, mapagmagaling, at matigas ang ulo? Ito ay dahil silang lahat ay mayroong magkakaibang kaisipan at pananaw sa iba’t ibang bagay, at lahat sila ay may ilang ideya at teorya na gagabay sa kanila, kaya ang pakiramdam nila ay tama sila, hinahamak nila ang iba, at sila ay mga mapagmataas, mapagmagaling, at matigas ang ulo. Kahit gaano pa magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan ang ibang tao, ayaw nilang tanggapin ito—patuloy silang nabubuhay alinsunod sa mga kaisipan at pananaw na nasa kalooban nila, dahil ang mga iyon ay naging buhay na nila. Ang totoo, sa lahat ng iyong ginagawa, mayroong isang kaisipan o pananaw sa kalooban mo na nagdidikta kung paano mo ito ginagawa, at ang iyong direksyon sa paggawa nito. Kung hindi mo ito alam, dapat kang magnilay-nilay sa sarili mo nang madalas, pagkatapos ay malalaman mo na kung anong mga kaisipan at pananaw na nasa iyo ang kumokontrol sa mga kilos at gawa mo. Siyempre, kung sisiyasatin mo ang mga kaisipan at pananaw mo ngayon, mararamdaman mong walang anumang nasa mga ito ang kontra sa Diyos, na ikaw ay totoo at tapat, na ginagampanan mo nang taos-puso ang tungkulin mo, na kaya mong talikuran ang mga bagay-bagay at gugulin ang sarili mo para sa Diyos. Mararamdaman mo na maayos ang ginagawa mo sa lahat ng bagay na ito. Ngunit kapag ang Diyos ay naging seryoso talaga sa iyo, kapag may ipinagawa Siya sa iyong isang bagay na hindi naaayon sa mga haka-haka mo, isang bagay na ayaw mong gawin, paano mo ito haharapin? Iyan ang pagkakataon na ang mga kaisipan, pananaw, at tiwaling disposisyon mo ay malalantad, gaya ng tubig na dumadaloy mula sa isang nabuksang kanal—hindi mo ito makokontrol, kahit na gusto mo. Pipigilan ka nito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Sasabihin mo, “Bakit hindi ko makontrol ang sarili ko? Ayaw kong labanan ang Diyos, kaya bakit ganoon ako? Ayaw kong husgahan ang Diyos, at ayaw kong magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanyang mga kilos—kaya bakit ko Siya hinuhusgahan? Bakit taglay ko pa rin ang mga haka-hakang ito?” Sa panahong ito, dapat magnilay-nilay ka at kilalanin ang sarili mo, at suriin kung ano ang nasa kalooban mo na lumalaban sa Diyos, o na kontra at salungat sa gawain na kasalukuyan Niyang ginagawa. Kung kaya mong alamin ang mga bagay na ito at malulutas mo ang mga ito alinsunod sa katotohanang nasa mga salita ng Diyos, magkakaroon ka ng pag-usad sa buhay at ikaw ay magiging isang taong nakakaunawa sa katotohanan.

Ang Tsina ay pinamumunuan ng isang ateistang partidong politikal at ang mga mamamayang Tsino ay tinuturuan tungkol sa ateismo at ebolusyon, gamit ang mga kilalang kasabihan gaya ng “Ang lahat ng bagay ay nagmumula sa kalikasan” at “Ang mga tao ay nagmula sa mga unggoy.” Pagkatapos manalig sa Diyos at magbasa ng Kanyang mga salita, alam mo na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, kabilang na ang mga tao, at may kakayahan ang lahat ng tao na maramdaman sa kanilang puso na ang salita ng Diyos ay totoo. Ang sangkalikasan ay nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay na maaaring umiral kung hindi nilikha ng Diyos ang mga ito. Partikular na hindi mapapangatwiranan na ang mga tao ay nagmula sa mga unggoy, dahil sa buong kasaysayan ng tao ay walang sinuman ang nakakita ng isang unggoy na naging isang tao. Walang ebidensiya, kaya ang lahat ng ito ay mga kasinungalingan at panlilinlang ni Satanas. Tinatanggihan ng mga nakakaunawa sa katotohanan ang mga maladiyablong salita, maling pananampalataya, at maling paniniwala ni Satanas, at pinaniniwalaan nila ang Bibliya at ang mga salita ng Diyos nang walang anumang pag-aalinlangan. Ngunit imposible para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan na lubusang tanggapin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Maaaring magtaka ang iba, “Ang tao ay nilikha ng Diyos, ngunit paano? Bakit hindi ko ito nakita? Hindi ako maniniwala sa hindi ko nakita.” Ang pananalig nila sa Diyos ay batay sa kung ano ang nakikita nila mismo. Hindi ito pagkakaroon ng pananampalataya. Ang tao ay nagmula sa Diyos, at ginabayan ng Diyos ang tao sa bawat hakbang hanggang ngayon, palaging mayroong kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao. Ito ay katotohanan. Sa mga huling araw, ipinaalam ng Diyos ang lahat ng hiwagang ito, sinasabing ang tao ay muling ipinapanganak pagkatapos mamatay at lumilipat ang kanyang kaluluwa sa panibagong katawan pagkatapos niyang mamatay, at na ang buhay at kaluluwa ng tao ay ibinigay ng Diyos at mula sa Kanya. Ito ang katotohanan. Ngunit tuwing nakikita mo ang aspektong ito ng katotohanan, dahil hindi mo tinatanggap ang mga salitang ito ng Diyos bilang katotohanan, ikinukumpara mo ang mga ito sa sarili mong mga kaisipan at pananaw: “Dahil hindi nanggaling ang tao mula sa mga unggoy, paanong nagmula ang tao sa Diyos? Paano Niya binigyan ang tao ng buhay?” Kung hindi mo nauunawaan ang Diyos, iisipin mong imposible na ang Diyos ay mayroong kapangyarihan, karunungan o awtoridad na lumikha ng tao sa pamamagitan lamang ng hininga o isang salita. Hindi ka naniniwala na ito ay isang katunayan, o na ito ang katotohanan. Kapag mayroon kang mga pag-aalinlangan, nilalabanan mo ang mga salitang ito ng Diyos, sinasabing hindi mo pinaniniwalaan ang mga ito, ngunit ang totoo, ang puso mo ay nasa isang kalagayan ng paglaban at saloobin ng pagsalungat. Ayaw mong makinig kapag sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito, nakakaramdam ka ng pagkontra sa puso mo, at hindi ka makasang-ayon sa mga salita ng Diyos. Sa realidad, kung titingnan natin ang mga katunayan, hindi na natin kailangang imbestigahan pa kung paano o kung kailan nilikha ng Diyos ang tao, kung sino ang nakakita rito, o kung mayroong sinumang makakapagpatotoo rito. Hindi ito kailangang pag-aralan ng mga tao. Kapag tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nalalaman ang mga gawa ng Diyos, sila mismo ay makakapagpatotoo. Ano ang pangunahing isyu na dapat nilang pagtuunan ng pansin ngayon? Ito ay ang malaman ang gawain ng Diyos. Mula simula hanggang wakas, ginagampanan na ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa tao kasama ng sangkatauhan. Mula simula hanggang wakas, mayroong iisang Diyos lamang na gumagawa, nagsasalita, nagtuturo at gumagabay sa sangkatauhan. Ang Diyos na ito ay umiiral. Marami nang sinambit na salita ang Diyos ngayon, nakita na natin Siya nang harapan, narinig na natin Siyang magsalita, naranasan na natin ang gawain Niya, at kumain at uminom na tayo ng Kanyang mga salita, tinatanggap ang Kanyang mga salita upang maging buhay natin. At patuloy tayong ginagabayan at binabago ng mga salitang ito. Ang Diyos na ito ay tunay ngang umiiral. Kaya, dapat nating paniwalaan, gaya ng sinabi ng Diyos, ang katunayan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang katunayan na nilikha ng Diyos sina Adan at Eba sa pasimula. Dahil naniniwala kang umiiral ang Diyos na ito at lumapit ka na ngayon sa harap Niya, kailangan mo pa rin bang kumpirmahin na ang gawaing ginampanan ni Jehova ay ang gawain ng Diyos na ito? Kung walang makakapagkumpirma nito at walang nakakasaksi rito, hindi mo ba ito paniniwalaan? O tungkol naman sa gawain mula sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ka ba naniniwala na si Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao dahil hindi mo Siya nakita kailanman? Kung hindi mo personal na nakita ang kasalukuyang Diyos na nagsalita, gumawa o nagkatawang-tao, hindi mo ba ito paniniwalaan? Kung hindi mo nakita ang mga bagay na ito o walang mga saksing magpapatunay sa mga bagay na ito, hindi mo ba paniniwalaan ang lahat ng ito? Ito ay dahil sa hindi makatwirang maling pananaw ng mga tao sa kalooban nila. Ito ay isang pagkakamaling ginagawa ng napakaraming tao. Kailangan nilang makita nang personal ang lahat, at kung hindi, hindi nila ito paniniwalaan. Ito ay mali. Kung ang isang tao ay tunay na kilala ang Diyos, may kakayahang maniwala sa salita ng Diyos kahit hindi nakikita ang mga katunayan, at may kakayahang patunayan ang salita ng Diyos, saka pa lamang na siya ay ang uri ng taong nauunawaan ang katotohanan at mayroong tunay na pananampalataya. Ngayong nakita na natin ang mga salitang ito ng Diyos at narinig na natin ang Kanyang tinig, sapat na iyon para magkaroon tayo ng tunay na pananampalataya at sa gayon ay magawa tayong sumunod sa Kanya at maniwala sa bawat salita at sa lahat ng gawain na nagmumula sa Diyos. Hindi na natin kailangang patuloy na suriin o saliksikin ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t iyan ang uri ng katwiran na dapat taglayin ng mga tao? Walang sinuman ang makasasaksi nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ngunit ngayon ang Diyos ay nagkatawang-tao upang magpahayag ng mga katotohanan at iligtas ang sangkatauhan, upang gampanan ang Kanyang gawain nang praktikal, at upang lumakad kasama ng mga iglesia at gumawa kasama ng sangkatauhan. Hindi ba’t nakita na ito ng maraming tao? Hindi lahat ay nagagawang makita ito, ngunit pinaniniwalaan mo ito. Bakit mo ito pinaniniwalaan? Hindi ba’t naniniwala ka lang dahil nararamdaman mong ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at na ito ang tunay na daan at ang gawain ng Diyos? Masasabi mo pa rin bang, “Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, narinig ko Siyang magsalita, at nakita ko rin ang mga salita ng Diyos. Totoo na ang mga salitang ito ay nagmula sa Diyos. Ngunit pagdating sa gawain ng Panginoong Jesus na pagpapapako sa krus, hindi ko nahawakan ang mga bakas ng pako sa Kanya, kaya hindi ko pinaniniwalaan ang katunayan na Siya ay ipinako sa krus. Hindi ko nasaksihan ang gawain na ginawa ng Diyos na si Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan, at hindi ko narinig ang mga kautusan nang ipahayag Niya ang mga ito. Tanging si Moises lang ang nakarinig sa mga iyon at ang sumulat ng Limang Aklat ni Moises, ngunit hindi ko alam kung paano niya isinulat ang mga iyon”? Nasa normal na kalagayan ba ng pag-iisip ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito? Sila ay mga hindi mananampalataya at hindi mga taong tunay na nananalig sa Diyos. Ito ay gaya lang nang sabihin ng mga Israelita na, “Si Jehova ba ay kay Moises lamang nakipag-usap? Hindi ba Siya nakipag-usap din sa atin?” (Mga Bilang 12:2). Ang ibig nilang sabihin ay, “Hindi kami makikinig kay Moises, dapat naming marinig ito nang personal mula sa Diyos na si Jehova.” Gaya nang sabihin ng mga tao noong Kapanahunan ng Biyaya na, dahil hindi nila ito personal na nakita gamit ang sarili nilang mga mata, hindi sila naniwala na si Jesus ay ipinako sa krus o na Siya ay muling nabuhay. May isang alagad na ang pangalan ay Tomas na nagpumilit na mahawakan ang mga bakas ng pako kay Jesus. At ano ang sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya? (“Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29).) “Mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.” Ano talaga ang ibig sabihin nito? Wala ba talaga silang nakita? Ang totoo, ang lahat ng bagay na sinabi ni Jesus at ang lahat ng gawain na ginawa Niya ay nagpatunay na na si Jesus ay ang Diyos, kaya dapat pinaniwalaan ito ng mga tao. Hindi kailangan ni Jesus na gumawa ng mas marami pang mga tanda at himala o magsalita ng mas marami pang salita, at hindi kailangan ng mga tao na masalat ang mga bakas ng pako sa Kanya upang maniwala. Ang tunay na pananampalataya ay hindi umaasa sa nakikita, kundi sa halip, kasama ng espirituwal na pagpapatibay, ang pananalig ay pinanghahawakan hanggang sa pinakawakas at nang walang anumang pag-aalinlangan kahit kailan. Si Tomas ay isang hindi mananampalataya na umasa lamang sa nakikita. Huwag kang maging gaya ni Tomas.

Ang mga taong gaya ni Tomas ay totoong umiiral sa iglesia. Patuloy nilang pinagdududahan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at hinihintay nilang umalis ang Diyos sa mundo, bumalik sa ikatlong langit, at na makita ang tunay na pagkatao ng Diyos upang maniwala sa wakas. Hindi sila naniniwala sa Kanya dahil sa mga salitang binigkas Niya noong Siya ay nagkatawang-tao. Pagdating ng oras na ang ganitong uri ng tao ay manalig, magiging huling-huli na ang lahat, at iyan ang oras na sila ay kokondenahin na ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus “Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.” Ang mga salitang ito ay nangangahulugan na siya ay kinondena na ng Panginoong Jesus at na siya ay isang hindi mananampalataya. Kung tunay kang nananalig sa Panginoon at sa lahat ng sinabi Niya, ikaw ay pagpapalain. Kung matagal ka nang sumusunod sa Panginoon ngunit hindi naniniwala sa Kanyang kakayahan na muling mabuhay, o na Siya ang makapangyarihang Diyos, wala kang tunay na pananampalataya at hindi mo magagawang magtamo ng mga pagpapala. Tanging sa pamamagitan lang ng pananampalataya matatamo ang mga pagpapala, at kung hindi ka nananalig, hindi mo matatamo ang mga ito. Ikaw ba ay may kakayahan lamang na manalig sa anumang bagay kung ang Diyos ay magpapakita sa iyo, hahayaan kang makita Siya, at kukumbinsihin ka nang harapan? Bilang isang tao, paano ka naging kuwalipikado na hilingin sa Diyos na magpakita Siya sa iyo nang personal? Paano ka naging kuwalipikado na gawin Siyang mangusap sa isang tiwaling tao na gaya ng sarili mo? Bilang karagdagan, paano ka naging kuwalipikado na kailanganin Niyang ipaliwanag sa iyo nang malinaw ang lahat ng bagay bago ka mananalig? Kung may taglay kang katwiran, mananalig ka na pagkabasa mo pa lamang sa mga salitang ito na binigkas Niya. Kung tunay kang nananalig, hindi na mahalaga kung ano ang ginagawa Niya o kung ano ang sinasabi Niya. Sa halip, pagkakita mo na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, ikaw ay isandaang porsiyentong magiging kumbinsido na ang mga ito ay sinabi ng Diyos at na ginawa Niya ang mga bagay na ito, at ikaw ay magiging handa nang sumunod sa Kanya hanggang sa wakas. Hindi mo ito kailangang pag-alinlanganan. Ang mga taong punong-puno ng pag-aalinlangan ay napakamapanlinlang. Hindi sila basta lang makakapanalig sa Diyos. Palagi nilang sinusubukang intindihin ang mga hiwagang iyon, at mananalig lang sila kapag lubusan na nilang nauunawaan ang mga iyon. Ang kanilang paunang kondisyon sa pananalig sa Diyos ay ang magkaroon ng mga malinaw na sagot sa mga tanong na ito: Paano pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao? Kailan Siya dumating? Gaano Siya katagal mamamalagi bago Niya kailangang umalis? Saan Siya pupunta pagkaalis Niya? Ano ang proseso ng Kanyang pag-alis? Paano gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao, at paano Siya umaalis? … Nais nilang maintindihan ang ilang hiwaga; sila ay naririto upang imbestigahan ang mga ito, hindi upang hanapin ang katotohanan. Iniisip nilang hindi nila magagawang manalig sa Diyos maliban na lang kung mauunawaan nila ang mga hiwagang ito; tila ba ang kanilang pananalig ay naharangan. Ang pananaw na ito na mayroon ang gayong mga tao ay problematiko. Sa sandaling mayroon silang pagnanais na saliksikin ang mga hiwaga, hindi sila nag-aabalang pagtuunan ng pansin ang katotohanan o pakinggan ang mga salita ng Diyos. Maaari kayang makilala ng gayong mga tao ang kanilang sarili? Ang makilala ang kanilang sarili ay hindi madali para sa kanila. Hindi ito upang kondenahin ang isang uri ng tao. Kung hindi tinatanggap ng isang tao ang katotohanan at hindi siya naniniwala sa mga salita ng Diyos, wala siyang tunay na pananampalataya. Itutuon lamang niya ang kanyang pansin sa pagbusisi sa ilang salita, hiwaga, maliliit na bagay, o mga problemang hindi napansin ng mga tao. Ngunit posible rin na isang araw ay bibigyan siya ng kaliwanagan ng Diyos, o tutulungan siya ng mga kapatid sa pamamagitan ng palagiang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at siya ay magbabago. Sa araw na mangyari ito, mararamdaman niyang ang mga dati niyang pananaw ay labis na hindi makatwiran, na siya ay labis na mayabang at masyadong mataas ang tingin niya sa kanyang sarili, at mahihiya siya. Ang mga mayroong tunay na pananampalataya ay magtitiwala sa anumang sabihin ng Diyos nang walang pag-aalinlangan, at kapag mayroon na silang kaunting karanasan at nakita na nila na ang mga salita ng Diyos ay natupad at naisakatuparan nang lahat, ang kanilang pananampalataya ay lalo pang lalakas. Ang ganitong uri ng tao ay isang taong may espirituwal na pang-unawa, na nananalig sa katotohanan at kayang tanggapin ang katotohanan, at na mayroong tunay na pananampalataya.

Tagsibol, 2008

Sinundan: Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Sumunod: Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito