Mga Salita sa Pagkilala sa Pagkakatawang-tao ng Diyos

Sipi 28

Ang pagkilala sa Diyos ay dapat gawin sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, gayundin ng pagdanas ng maraming pagsubok, pagpipino, at pagpupungos; saka lamang posibleng magkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa gawain at disposisyon ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko dapat makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Mula sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas para sa mga tao, gayundin ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang Kanyang mga salita ay ipinahayag ng Diyos Mismo, hindi isinulat ng mga tao. Personal na ipinahayag ng Diyos ang mga ito; ipinapahayag ng Diyos Mismo ang sarili Niyang mga salita at ang tinig ng Kanyang puso, na maaari ding tawaging mga salita mula sa Kanyang puso. Bakit tinatawag ang mga ito na mga salitang mula sa Kanyang puso? Dahil ang mga ito ay nagmumula sa kaibuturan, at nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, Kanyang mga layunin, Kanyang mga ideya at iniisip, Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga pahayag ng Diyos ang masasakit na salita, at banayad at may konsiderasyong mga salita, gayundin ang ilang salitang nagbubunyag na hindi isinasaalang-alang ang mga nararamdaman ng mga tao. Kung tinitingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, maaari mong madama na medyo mabagsik ang Diyos. Kung tinitingnan mo lamang ang mga banayad na salita, maaari mong madama na hindi gaanong maawtoridad ang Diyos. Samakatuwid ay hindi mo dapat unawain ang mga ito nang wala sa konteksto; sa halip, tingnan mo ang mga ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan ay nagsasalita ang Diyos mula sa isang mahabaging pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan; kung minsan ay nagsasalita Siya mula sa napaka-istriktong pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao na ang Kanyang disposisyon ay walang pinalalampas na kasalanan, na ang tao ay nakalulungkot ang karumihan, at hindi karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o lumapit sa Kanya, at na dahil lamang sa Kanyang biyaya kaya tinutulutan sila ngayon na lumapit sa Kanya. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng Kanyang paggawa at sa kabuluhan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos, kahit walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan sa Kanya. Kapag nakaugnayan ng isang taong tunay na nakakakilala sa Diyos si Cristo, ang pagtatagpo nila ni Cristo ay maaaring tumugma sa kanyang kasalukuyang kaalaman tungkol sa Diyos; gayunman, kapag ang isang taong mayroon lamang teoretikal na pagkaunawa ay nakakatagpo si Cristo, hindi niya nakikita ang koneksyon. Ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang pinakamalalim sa lahat ng hiwaga; mahirap itong arukin para sa tao. Pagsamahin ang mga salita ng Diyos tungkol sa hiwaga ng pagkakatawang-tao, tingnan ang mga ito mula sa lahat ng anggulo, pagkatapos ay sama-samang manalangin, magnilay-nilay, at higit pang magbahaginan tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Sa paggawa nito, magtatamo ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at makakaunawa ka. Dahil walang pagkakataon ang mga tao na tuwirang makaugnayan ang Diyos, kailangan nilang umasa sa ganitong uri ng karanasan para maingat silang makapagpatuloy at unti-unting makapasok kung nais nilang sa huli ay magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos.

Ang pagkilala kay Cristo at ang pagkilala sa praktikal na Diyos ay ang pinakamalalim na aspeto ng katotohanan. Ang lahat ng nagpapahalaga sa paghahanap sa aspetong ito ng katotohanan ay lalong makadarama ng ginhawa sa kanilang puso at magkakaroon ng isang landas na susundan. Ang aspetong ito ng katotohanan ay maihahalintulad sa puso ng tao—kapag malusog ang puso ng isang tao, nakadarama siya ng sigla, ngunit kapag ang puso ng isang tao ay dumaranas ng sakit, nakadarama siya ng pagod at pagkahapo. Ganoon din, kapag mas ganap na nauunawaan ng isang tao ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, mas magkakaroon siya ng higit na sigla at gana sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Ang ilang tao na baguhan sa pananampalataya ay nagbabasa ng salita ng Diyos, at nararamdamang ito ang tinig ng Diyos, ngunit mayroon pa rin silang mga alinlangan: “Sadya nga bang pinatutunayan ng pagsasabi Niya ng mga salitang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Sadya nga bang pinatutunayan ng Kanyang kakayahang ipahayag ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos Mismo?” Madalas na umuusbong ang mga pag-aalinlangang tulad nito tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga hindi nakauunawa sa katotohanan. Sa katunayan, taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang banal na diwa, at gaano karaming salita man ang Kanyang ipahayag, Siya ang Diyos Mismo. Gaano man karami o kakaunti ang Kanyang sinasabi, ang Kanyang banal na diwa ay hindi mababago. Nang dumating ang Panginoong Jesus, hindi Siya nangusap ng maraming salita, isinagawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos—hindi ba’t Siya rin ang Diyos Mismo? Kapag sinasabing Siya ay Diyos, paano mismo iyan pinagpapasyahan? Pinagpapasyahan lamang ba ito batay sa mga salita at katotohanang ito? Ito ay isang pangunahing tanong. Nagkakamali pa nga ng paniwala ang ilang tao na ang mga salitang ito ay pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, at kapag natapos na ng Banal na Espiritu ang Kanyang pagpapatnubay, aalis na Siya at hihinto sa paggawa. Naniniwala sila na ang katawang ito ay ordinaryo at normal na katawan, at dahil dito, hindi Siya maaaring tawaging Diyos—maaari Siyang tawaging “ang Anak ng tao,” ngunit hindi Diyos. Nagkikimkim ang ilang tao ng ganitong uri ng maling pagkaunawa. Ano ang pinag-ugatan ng ganitong uri ng maling pagkaunawa na umuusbong sa kanila? Ang pinag-ugatan nito ay hindi ganap na nauunawaan ng mga tao ang ideya ng pagkakatawang-tao—hindi nila ito tinuklas nang malaliman, at lubhang mababaw ang kanilang pagkaunawa rito, alam lamang nila ang panlabas nito. Mayroon ding mga taong naniniwala na dahil nagpapahayag ang Diyos ng maraming katotohanan, tiyak na Siya ay Diyos. Kung hindi nangusap ng maraming salita ang Diyos, kung kaunti lamang ang Kanyang sinabi, Siya ba ay isa pa ring Diyos? Ang totoo, kahit pa ilang salita lamang ang Kanyang sabihin, pagpapahayag pa rin ang mga ito ng kabanalan, at Siya ay Diyos. Gaano man karami ang sabihin ng Diyos, Siya pa rin ay Diyos. Kahit pa hindi magsalita ang Diyos, Siya ay Diyos pa rin—totoo ito at walang sinumang makapagpapasubali rito. Sa panahong ito, karamihan ng mga taong sumusunod sa Diyos ay nalupig na at lahat sila ay nagagawang matatag na sumunod sa Kanya at matapat na gawin ang kanilang mga tungkulin. Nakamit na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao sa Tsina; batid ng mga tao ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at nakita na nila na ang lamang nagkatawang-tao ay ang praktikal na Diyos Mismo. Gayunpaman, kung ang yugtong ito ng gawain ay hindi pa kumpleto, makikilala ba ng mga tao na ang nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo? Dati, kapag naoobserbahan ng ilang tao na ang Diyos ay palaging gumagawa sa pamamagitan ng pagbigkas at pagpapahayag ng mga salita, patuloy silang nagtataka, “Siya ba ay Diyos o hindi? Ganito ba ang Diyos na nagkatawang-tao? Tunay nga bang matutupad ang lahat ng sinasabi ng Diyos?” Palagi silang nagdududa sa yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kung nagagawa mong pagdudahan ang laman na pinagkatawanang-tao ng Diyos, patunay ito na hindi ka naniniwala sa lamang nagkatawang-tao, o na Siya ay Diyos, na nagtataglay Siya ng diwa ng Diyos, na ang mga salitang sinasabi Niya ay ang mga pahayag ng Diyos, at lalong hindi ka naniniwala na ang Kanyang mga salita ay ang mga pagbubunyag ng disposisyon at mga pagpapahayag ng diwa ng Diyos. Sa kanilang puso, iniisip ng ilang tao na: “Noong una, tuwirang binibigkas ng Banal na Espiritu ang mga pahayag at ngayon ay ang Diyos na nagkatawang-tao ang bumibigkas at nangungusap. Ano ang magiging anyo ng Diyos sa hinaharap upang magawa ang Kanyang gawain?” Sa ngayon, patuloy pa ring nagmamasid ang mga taong ito, pinagmamasdan pa rin nila kung ano ang talagang nagaganap. Maraming tao na nagsisiyasat sa tunay na daan ang kumikilala na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, na ang mga ito ay mga salita ng Diyos, ngunit nais pa rin nilang magmasid at ganap na magsiyasat bago tanggapin ang mga ito. Pawang sinasaliksik ng mga taong ito ang Diyos—mga oportunista sila. Nais lamang makita ng ilang tao kung gaano karami pang katotohanan ang ipahahayag ng Diyos at kung Siya ay mangungusap sa wika ng ikatlong langit. Kung mayroon silang makina ng X-ray, gugustuhin nilang gamitin ito sa Diyos: “Aalamin ko kung mayroon pa Siyang anumang katotohanan sa Kanyang puso, kung gumagawa pa ang Espiritu ng Diyos sa loob-loob Niya, at kung tinutulungan Siya ng Espiritu ng Diyos at ginagabayan ang Kanyang mga sinasabi. Kung wala Siya ng katotohanan at isa lamang normal na tao, hindi ako mananalig sa Kanya.” Nagkikimkim ang ilang tao ng mga gayong hinala at palagi nilang iniisip ang tungkol dito. Bakit humahantong ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan? Ito ay dahil wala silang ganap na pagkaunawa sa pagkakatawang-tao ng Diyos—wala silang ganap na pagkaunawa sa aspetong ito ng katotohanan at hindi nila ito tunay na nauunawaan. Sa panahon ngayon, kinikilala lang ng mga tao na taglay ng taong ito sa loob-loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ngunit pagdating sa katunayang taglay Niya ang diwa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at ang lahat ng Diyos na nasa Kanya, na Siya ay Diyos, hindi ito basta maunawaan ng ilang tao, at bigo silang maintindihan ang ugnayan tungkol sa ilang mga bagay. Ang nakikita at pinaniniwalaan ng tao tungkol sa Diyos ay hindi ang diwa ng Diyos—ibig sabihin, nakikita lamang ng tao ang mga salita na ipinahahayag ng Diyos at ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa. Naniniwala lamang sila na ginawa ng Diyos ang isang bahagi ng gawain, at ito lamang ang gawain na kayang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao. Wala ni isang tao ang naniniwala na kahit pa ginagawa lamang ng Diyos na nagkatawang-tao ang partikular na gawaing ito ngayon, ang totoo ay taglay Niya ang kabuuang diwa ng kabanalan. Walang naniniwala rito.

Sinasabi ng ilang tao: “Napakahirap makilala ng Diyos na nagkatawang-tao. Kung ang Espiritu ng Diyos ang tuwirang gumagawa, at tuwiran naming nakikita ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, magiging madali para sa amin na makilala ang Diyos.” Ito ba ay isang pahayag na mapaninindigan? Hayaan ninyong itanong Ko sa inyong lahat: “Mas madali bang makilala ang Diyos na nagkatawang-tao o ang Espiritu ng Diyos? Kung magkatulad na dami ng gawain ang ginagampanan ng Diyos na nagkatawang-tao at ni Jehova, sino ang mas madaling makikilala?” Masasabing hindi madaling makilala ang sinuman sa Kanila. Nang unang magsimulang gumawa at magsalita ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t nabigo ang mga tao na maunawaan Siya? Hindi ba’t lahat sila ay nagkamali ng pagkaunawa sa Kanya? Walang tao ang nakaaalam kung bakit ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain. Kung mayroong espirituwal na pang-unawa ang mga tao, madali para sa kanila na makilala ang Diyos, ngunit kung wala silang espirituwal na pag-unawa, at hindi nila maunawaan ang Kanyang mga salita, nahihirapan sila na makilala Siya. Totoo ito. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagdanas sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, sa huli ay mauunawaan ng mga nagmamahal sa katotohanan ang katotohanan, matatamo nila ang pagbabago ng disposisyon, at makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao. Patunay ito na mas madaling makilala ang Diyos na nagkatawang-tao na tuwirang nagpapahayag ng mga katotohanan, ngunit nangangailangan ito ng pagsuong sa ilang karanasan. Kapag gumagawa ang Espiritu, hindi Niya makakayang magpahayag ng napakaraming katotohanan, ang kaya lamang Niyang gawin ay maantig o mabigyang-liwanag ang mga tao, at sa gayon ay magkakaroon ng limitasyon sa kung gaano karaming katotohanan ang mauunawaan ng mga tao. Gaano karaming taon man danasin ng mga tao ang gawain ng Espiritu, hindi pa rin nila matatanggap ang lubos na pakinabang na kanilang matatanggap sa pamamagitan ng pagdanas sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ito ay dahil ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakikita at nahihipo ng lahat, at naipahahayag Niya ang Sarili kailanman at saanman. Tunay ngang napakarami at napakalinaw ng Kanyang mga salita, at mauunawaan ito ng lahat. Ito ay isang napakalinaw na bentahe at ito ay isang bagay na mararanasan mismo ng mga tao. Kapag gumagawa ang Espiritu, lumilisan Siya pagkaraang magsabi ng ilang salita—ang ginagawa lamang ng mga tao ay sumunod at isagawa ang mga ito, ngunit alam ba ng mga tao kung ano ang talagang nagaganap? Malalaman ba ng mga tao ang disposisyon ni Jehova mula sa mga salitang iyon? Sinasabi ng ilang tao: “Madaling makilala ang Espiritu, dumarating ang Espiritu upang gumawa na dala ang totoong imahe ng Diyos. Paano Siya hindi madaling makilala?” Tunay ngang kilala mo ang Kanyang panlabas na imahe, ngunit malalaman mo ba ang diwa ng Diyos? Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay isang pangkaraniwan at normal na tao, na pakiramdam ng mga tao ay madaling makahalubilo. Gayunpaman, kapag ang Kanyang diwa at ang Kanyang disposisyon ay ipinahahayag, madali bang nalalaman ng mga tao ang mga bagay na iyon? Madali bang tinatanggap ng mga tao ang mga salitang Kanyang sinasabi na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro? Sinasabi ng ilang tao: “Mahirap kilalanin ang Diyos na nagkatawang-tao. Kung kalaunan ay magbagong-anyo ang Diyos, magiging napakadaling makilala ang Diyos.” Ipinapataw ng mga taong nagsasabi nito ang responsabilidad sa Diyos na nagkatawang-tao. Iyan ba ang talagang kalakaran? Kahit pa dumating ang Espiritu ng Diyos, mabibigo ka pa ring unawain Siya. Kapag gumagawa ang Espiritu, lumilisan Siya pagkaraang matapos ang Kanyang pakikipag-usap sa mga tao, at hindi Siya gaanong nagpapaliwanag sa kanila, at hindi nakikihalubilo at nakikipamuhay sa kanila sa isang normal na paraan, kaya’t walang oportunidad ang mga tao na magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa o makilala ang Diyos. Napakalaki ng pakinabang sa mga tao ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Mas praktikal ang mga katotohanang dinadala nito sa mga tao. Natutulungan nito ang mga tao na makita ang praktikal na Diyos Mismo. Gayunpaman, magkasinghirap ang makilala ang diwa ng pagkakatawang-tao at ang diwa ng Espiritu. Magkatulad na mahirap makilala ang mga ito.

Ano ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos? Ibig sabihin nito ay ang maintindihan ang Kanyang galak, galit, lungkot, at tuwa, at sa gayon ay makilala ang Kanyang disposisyon—ito ang talagang pagkakilala sa Diyos. Inaangkin mong nakikita mo na ang Diyos, ngunit hindi mo nauunawaan ang galak, galit, lungkot, at tuwa ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang Kanyang disposisyon. Ni hindi mo rin nauunawaan ang Kanyang pagiging matuwid, ni ang Kanyang pagka-mahabagin, ni hindi mo alam kung ano ang gusto o kinapopootan Niya. Hindi ito pagkakilala sa Diyos. Nagagawang sundan ng ilang tao ang Diyos, pero hindi iyan nangangahulugan na tunay silang nananalig sa Diyos. Ang tunay na pananalig sa Diyos ay pagpapasakop sa Diyos. Ang mga hindi tunay na nagpapasakop sa Diyos ay hindi tunay na nananalig sa Diyos—dito nagkakaroon ng pagkakaiba. Kapag nasunod mo ang Diyos nang ilang taon, at may kaalaman at pagkaunawa ka tungkol sa Diyos, kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa at pagkaarok sa mga layunin ng Diyos, kapag batid mo ang maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos sa pagliligtas sa tao, noon ka tunay na nananalig sa Diyos, tunay na nagpapasakop sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, at tunay na sumasamba sa Diyos. Kung nananampalataya ka sa Diyos pero hindi mo hinahangad na makilala ang Diyos, at wala kang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at gawain ng Diyos, isa ka lamang tagasunod na nagpaparoon at parito para sa Diyos at sumusunod sa anumang ginagawa ng nakararami. Hindi iyan matatawag na tunay na pagpapasakop, lalong hindi tunay na pagsamba. Paano ba nangyayari ang tunay na pagsamba? Walang natatangi, lahat ng nakakakita sa Diyos at talagang kilala ang Diyos ay sinasamba at kinatatakutan Siya; silang lahat ay nauudyukang yumukod at sumamba sa Kanya. Sa kasalukuyan, habang ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa, mas higit ang pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungkol sa Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya, mas higit na pahahalagahan nila ang mga ito at mas higit nilang katatakutan Siya. Sa pangkalahatan, kapag mas hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos, mas lalo silang pabaya, kung kaya itinuturing nilang tao ang Diyos. Kung talagang kilala at nakikita ng mga tao ang Diyos, mangangatog sila sa takot at yuyukod sa lupa. “Siya na dumarating kasunod ko ay lalong makapangyarihan kaysa sa akin, na hindi ako karapat-dapat magdala ng Kanyang pangyapak” (Mateo 3:11)—bakit sinabi ito ni Juan? Bagamat sa kaibuturan wala siyang napakalalim na kaalaman sa Diyos, alam niyang kagila-gilalas ang Diyos. Ilang tao sa panahon ngayon ang kayang matakot sa Diyos? Kung hindi nila alam ang Kanyang disposisyon, paano sila matatakot sa Diyos? Kung hindi alam ng mga tao ang diwa ni Cristo ni hindi nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, mas lalong hindi nila makakayang tunay na sambahin ang praktikal na Diyos. Kung nakikita lamang nila ang ordinaryo at normal na panlabas na anyo ni Cristo, subalit hindi alam ang diwa Niya, kung gayon madali para sa kanila na ituring si Cristo bilang isang ordinaryong tao lamang. Maaaring magtaglay sila ng walang-paggalang na saloobin sa Kanya, at dayain Siya, tutulan Siya, maghimagsik laban sa Kanya, at husgahan Siya. Maaaring nag-aakala silang mas matuwid sila kaysa sa iba at hindi seryosohin ang Kanyang salita, maaari pa ngang pagmulan sila ng mga kuru-kuro, mga pagkondena at paglapastangan laban sa Diyos. Para malutas ang mga usaping ito, dapat malaman ng isang tao ang diwa at ang pagka-Diyos ni Cristo. Ito ang pangunahing aspeto ng pagkilala sa Diyos; ito ang kailangang pasukin at tamuhin ng lahat ng mananampalataya sa praktikal na Diyos.

Sipi 29

Itinatanong ng ilang tao na, “Pinagmamasdan ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng sangkatauhan, at iisa lang ang katawang-tao at ang Espiritu ng Diyos. Alam ng Diyos ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga tao, kaya alam ba ng Diyos na nananampalataya na ako ngayon sa Kanya?” May kinalaman ang mga ito sa isang tanong, iyon ay, kung paano mauunawaan ang Diyos na nagkatawang-tao at ang relasyon sa pagitan ng Kanyang Espiritu at katawang-tao. Iniisip ng ilang tao na maaaring hindi ito alam ng Diyos dahil Siya ay praktikal, subalit may iba naman na iniisip na alam ito ng Diyos dahil iisa lang ang katawang-tao at ang Espiritu ng Diyos. Ang maunawaan ang Diyos ay pangunahing ang maunawaan ang diwa Niya at ang mga katangian ng Espiritu Niya, at hindi dapat subukang tukuyin ng tao kung alam ba ng katawang-tao ng Diyos ang anumang bagay o kung alam ba ng Espiritu Niya ang anumang bagay; marunong at kahanga-hanga ang Diyos, at di-maarok ng tao. Ang katawang-tao at ang Espiritu, at ang pagkatao at pagka-Diyos—ito ay ang mga bagay na hindi pa ninyo malinaw na nauunawaan. Kapag ang Diyos ay naging tao at ang Espiritu ay napagtibay sa katawang-tao, ang diwa Niya ay banal, ganap na naiiba sa diwa ng isang tao at sa kung anong uri ng espiritu ang nananahan sa loob ng katawan ng isang tao; ang mga ito ay dalawang ganap na magkaibang bagay. Ang diwa ng isang tao at ang espiritu niya ay nakaugnay sa taong iyon. Ang Espiritu ng Diyos ay nakaugnay sa katawang-tao Niya, ngunit Siya ay makapangyarihan pa rin sa lahat. Habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain mula sa loob ng katawang-tao, kumikilos din ang Espiritu Niya sa lahat ng dako. Hindi mo maaaring itanong na, “Papaano ba mismo naging makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Ipakita Mo sa akin at hayaan Mong makita ko ito nang malinaw.” Walang paraan para makita ito nang malinaw. Sapat nang makita mo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga iglesia kapag ginagawa ng katawang-tao ang gawain Niya. May katangian ng pagiging makapangyarihan sa lahat ang Espiritu ng Diyos; kinokontrol Niya ang buong sansinukob at inililigtas ang mga hinihirang Niya, at gumagawa rin Siya sa mga iglesia upang bigyang-liwanag ang mga tao, habang ginagawa rin ng katawang-tao ang gawain Niya kasabay nito. Hindi mo maaaring sabihing walang Espiritu ang katawang-tao habang gumagawa ang Espiritu sa mga iglesia. Kung sasabihin mo iyan, hindi ba’t ikinakaila mo ang pagkakatawang-tao ng Diyos? Gayunman, may ilang bagay na hindi alam ng katawang-tao. Ang hindi pagkaalam na ito ay ang normal at praktikal na aspekto ni Cristo. Dahil ang Espiritu ng Diyos ay kongkretong naisasakatuparan sa loob ng katawang-tao, nagpapatunay ito na ang Diyos Mismo ang diwa ng katawang-taong iyon. Alam na ng Espiritu Niya ang anumang bagay na hindi alam ng katawang-tao Niya, kaya maaaring sabihin ng isang tao na alam na ng Diyos ang bagay na iyon. Kung ikakaila mo ang aspekto ng Espiritu dahil sa praktikal na aspekto ng katawang-tao, kung gayon ay ikinakaila mo na ang katawang-taong ito ay ang Diyos Mismo, at nagawa mo ang mismong pagkakamaling nagawa ng mga Pariseo. Sinasabi ng ilan, “Iisa lang ang katawang-tao at ang Espiritu ng Diyos, kaya maaaring alam ng Diyos kung gaano karaming tao ang natamo natin nang minsanan dito para sa Kanya nang ipangaral natin ang ebanghelyo. Alam ng Espiritu, kaya alam din ito ng katawang-tao, dahil Sila ay iisa!” Sa pagsasalita mo nang ganito ay ikinakaila mo ang diwa ng katawang-tao. Taglay ng katawang tao ang Kanyang praktikal at normal na aspekto: May ilang bagay na maaaring malaman ng katawang-tao at ilang bagay na hindi kailangang malaman ng katawang-tao. Iyon ang Kanyang normal at praktikal na aspekto. Sinasabi ng ilan, “Ang nalalaman ng Espiritu ay tiyak na malalaman din ng katawang-tao.” Kahima-himala ito, at ang sabihin ito ay pagkakaila sa diwa ng katawang-tao. Normal at praktikal ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa ilang bagay, hindi Siya katulad ng iniisip ng mga tao—na nagagawang misteryosong malaman ang mga bagay na ito nang hindi nakikita o nahahawakan ang mga ito, na hindi limitado ng espasyo o heograpiya. Hindi iyon ang katawang-tao kundi ang espirituwal na katawan. Pagkatapos mabuhay na muli ni Jesus mula sa kamatayan, kaya Niyang magpakita at maglaho at makapasok sa mga silid sa pamamagitan ng pagtagos sa mga pader, ngunit iyon ay ang muling nabuhay na Jesus. Bago ang muling pagkabuhay, hindi nakapapasok sa mga silid si Jesus sa pamamagitan ng pagtagos sa mga pader. Nalimitahan Siya ng espasyo, heograpiya, at oras. Iyon ang pagiging normal ng katawang-tao.

Hindi simpleng bagay ang malaman ang pagkakatawang-tao ng Diyos—dapat mo itong tingnan mula sa iba’t ibang anggulo ayon sa mga salita ng Diyos, kailangan mong isaalang-alang ang kabuuan, at ganap na iwasang ibatay ang iyong kaalaman sa mga regulasyon o sa mga imahinasyon mo. Sinasabi mong iisa lang ang katawang-tao at ang Espiritu ng Diyos at na alam ng katawang-tao ang lahat ng alam ng Espiritu, ngunit mayroon ding normal at praktikal na aspekto ang katawang-tao. Higit pa rito, may isa pang aspekto, na noong panahong gumagawa ang katawang-tao, ang Diyos Mismo ang Siyang gumagawa: Gumagawa ang Espiritu at gumagawa rin ang katawang-tao, ngunit ang katawang-tao ang siyang pangunahing gumagawa—ginagampanan ng katawang-tao ang pangunahing papel, habang ginagampanan ng Espiritu ang partikular na gawain upang bigyang-liwanag, gabayan, tulungan, protektahan, at pangalagaan ang sangkatauhan. Gumaganap ng pangunahing papel ang gawain ng katawang-tao—kung nais Niyang malaman ang tungkol sa isang tao, napakadali lang para sa Kanya na gawin iyon. Kapag gustong malaman ng isang tao ang tungkol sa isa pang tao, kung hindi pa niya napagmamasdan ang pag-uugali ng taong iyon nang ilang beses, hindi niya magagawang magkamit ng maliwanag na pagkaunawa tungkol sa taong iyon. Hindi kayang mahalata ng mga tao ang kalikasang diwa ng ibang tao, ngunit ang Diyos na nagkatawang-tao ay palaging nakikita at kayang husgahan kung anong uri ng tao ang isang tao, pati na rin ang pag-uugali at diwa nito. Imposibleng wala Siyang gayong pagkaunawa. Halimbawa, alam at nauunawaan Niya kung paano umaasal ang isang tao, kung ano ang magagawa nito, at kung anong kasamaan ang kaya nitong gawin at kung hanggang anong antas. Sinasabi ng ilan, “Kung nauunawaan ng Diyos ang lahat, alam ba Niya kung nasaan ako ngayon?” Hindi mahalagang malaman ito. Ang maunawaan ng Diyos ang isang tao ay hindi ang malaman kung nasaan ito bawat araw. Hindi kailangang malaman iyon. Sapat na ang maunawaan kung ano ang likas na gagawin ng isang tao, at sapat na iyon para gawin Niya ang Kanyang gawain. Praktikal ang Diyos sa kung papaano Niya ginagawa ang gawain Niya. Hindi ito tulad ng iniisip ng mga tao na kapag nais ng Diyos na malaman ang tungkol sa isang tao ay dapat alam Niya kung nasaan ang taong iyon, kung anong iniisip nito, kung anong sinasabi nito, kung anong gagawin nito mamaya, kung papaano ito manamit, kung anong hitsura nito, atbp. Sa katunayan, ang gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos ay hindi pangunahing nangangailangan na malaman ang mga bagay na iyon. Tumutuon lamang ang Diyos sa pag-alam sa diwa ng isang tao at sa proseso ng pagsulong ng buhay nito. Kapag nagkatawang-tao ang Diyos, ang lahat ng pagpapamalas ng katawang-tao ay praktikal at normal, at ang pagiging praktikal at normal na ito ay tinataglay upang isakatuparan ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa sangkatauhan. Ngunit, hindi dapat malimutan ninuman na ang pagiging praktikal at normal ng katawang-tao ang pinakanormal na pagpapamalas ng Espiritu ng Diyos na nananahan sa Kanyang katawang-tao. Kaya, sa palagay mo ba ay alam ng Espiritu ang mga bagay na iyon ng tao? Alam ng Espiritu, subalit hindi Niya binibigyang-pansin ang mga ito. Kaya wala ring pakialam ang katawang-tao tungkol sa mga usapin mong iyon. Anu’t anuman, iisa lang ang Espiritu at ang katawang-tao ng Diyos, at walang sinumang makapagkakaila nito. Kung minsan ay mayroon kang ilang kaisipan at ideya—alam ba ng Espiritu kung ano ang iniisip mo? Siyempre alam ng Espiritu. Sinisiyasat ng Espiritu ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng sangkatauhan at alam Niya kung ano ang iniisip ng mga tao, ngunit ang gawain Niya ay hindi lamang upang malaman ang mga kaisipan at ideya ng lahat. Sa halip, gusto Niyang ipahayag ang katotohanan mula sa loob ng katawang-tao upang baguhin ang mga kaisipan at ideya ng mga tao, upang baguhin ang pag-iisip at mga pananaw ng mga tao, at sa wakas, upang baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Masyado pang kulang sa gulang ang mga kaisipan ninyo tungkol sa ilang bagay. Iniisip ninyong dapat alam lahat ng Diyos na nagkatawang-tao. Pinagdududahan ng ilang tao ang Diyos na nagkatawang-tao kung hindi Niya alam ang inaasahan ng mga tao na dapat ay alam Niya. Ang lahat ng ito ay dahil hindi sapat ang pagkaunawa ng mga tao sa diwa ng pagkakatawang-tao ng Diyos. May ilang bagay na labas na sa saklaw ng gawain ng katawang-tao, kaya hindi na Siya mag-aabala sa mga iyon. Ginagawa lamang ng Diyos ang gawaing dapat Niyang gawin. Isa itong prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos. Nauunawaan mo na ba ngayon ang mga bagay na ito? Sabihin mo sa Akin, alam mo ba kung anong uri ng espiritu mayroon ka? Nararamdaman mo ba ang kaluluwa mo? Nahahawakan mo ba ang kaluluwa mo? Nararamdaman mo ba kung anong ginagawa ng kaluluwa mo? Hindi mo alam, hindi ba? Kung nararamdaman o nahahawakan mo ang gayong bagay, kung gayon ibang espiritu iyon sa loob mo na may ginagawa sa pamamagitan ng puwersa, na pinagagawa at pinagsasalita ka. Iyan ay isang bagay na nasa labas ng sarili mo, hindi likas sa iyo. Ang mga may gawain ng masasamang espiritu ay may malalim na pagkaunawa nito. Bagaman may praktikal at normal na aspekto ang katawang-tao ng Diyos, bilang isang tao, ang isang tao ay hindi maaaring basta-basta Siyang ipaliwanag o magkaroon ng mga konklusyon tungkol sa Kanya. Ang Diyos ay nagpapakumbaba at ikinukubli ang sarili Niya upang maging isang tao; ang mga kilos Niya ay di-maarok at hindi kayang maarok ng mga tao.

Sinundan: Mga Salita sa Pagkilala sa Gawain at Disposisyon ng Diyos

Sumunod: Mga Salita sa Pagganap ng Tungkulin

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messnger