73. Pagpili sa Pagitan ng Pag-aaral at Tungkulin
Sa naaalala ko, hindi kailanman magkasundo ang mga magulang ko. Parte na ng kanilang nakagawian ang pag-aaway, at kung minsan ay sinasaktan ng tatay ko ang nanay ko. Kinailangang mamuhay nang ganito ang nanay ko sa loob ng m araming taon alang-alang sa kapakanan namin ng kapatid ko. Ginugol niya ang kalahati ng buhay niya sa pagpapalaki sa amin, kaya naramdaman kong napakalaki talaga ng pagmamahal niya para sa amin, at na sa paglaki ko kailangan ko siyang bigyang karangalan. Kalaunan ay tinanggap ng nanay ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at pagkatapos ay ibinahagi ang ebanghelyo sa amin ng kapatid ko. Madalas kaming magtipon para sumayaw at umawit ng mga himno bilang papuri sa Diyos, at masayang-masaya ako. Pero hindi gaanong hinangad ng nanay ko ang katotohanan at padalang nang padalang ang pakikipagtipon niya at pagbabasa ng salita ng Diyos. Sa mga sumunod na taon, madalas pa ring makipagtalo ang tatay ko sa nanay ko at sinasaktan niya ito, hanggang sa nag-divorce sila sa huli. Pagkatapos ng divorce, nagtrabaho ang nanay ko para mabayaran ang upa at pag-aaral ko, na talagang nagpabigat ng loob ko. Nangako ako sa sarili ko na mag-aaral akong mabuti, maghahanap ng magandang trabaho, bibilhan ang nanay ko ng matitirhan, at hahayaan siyang mamuhay nang mas masaya sa nalalabing panahon ng kanyang buhay. Pakiramdam ko ay tungkulin ko ito bilang anak. Pagkatapos nito, hindi na ako gaanong nakikipagtipon at nagbabasa ng salita ng Diyos para matutukan ko ang aking pag-aaral. Inilaan ko ang lahat ng oras at lakas ko sa mga gawain sa eskuwela.
Noong Setyembre 2019, nakapasok ako sa isang vocational college sa ibang probinsya. Nag-aral akong mabuti araw-araw, umaasang makapagpatuloy sa unibersidad at graduate school, para mabigyan ko ng mas magandang buhay ang nanay ko. Pero talagang nadismaya ako sa buhay sa kampus. Iyong magagaling sumipsip sa mga guro ay pinapaboran, at kaya palaging mataas ang marka nila sa mga pagsusulit, pero iyong mga talagang may kakayahan ay hindi nakakakuha ng matataas na grado kung hindi sila mga sipsip. Ang mga magkaklase na tila nagkakasundo, nag-uusap, nagtatawanan, at nagngingitian ay lihim na sinisiraan ang isa’t isa at nagiging ibang tao kapag nakatalikod. Ang ilan ay hayagan pa ngang nakikipagrelasyon nang hindi man lang nahihiya. Talagang nakapanlulumo ang buhay sa kampus at hindi ko kayang manatili pa, pero kapag naiisip ko kung paanong nangako ako sa nanay ko na mag-aaral akong mabuti, gagawa ng kapaki-pakinabang sa mundong ito at hindi siya bibiguin, wala akong magawa kundi manatili.
Pagkatapos, nang umuwi ako para sa winter vacation noong 2020, binahaginan ako ng tiyahin ko ng salita ng Diyos at ipinakita sa akin ang video na tinatawag na “Siya Na May Kapangyarihan sa Lahat.” Sobra akong naantig ng video na ito! Ipinadama nito sa akin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na Siya ang Pinuno ng kapalaran ng sangkatauhan, at na palagi Siyang gumagabay sa pag-unlad ng sangkatauhan. Naisip ko ang lumalalang mga sakuna at ang pandemya at kung paanong malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, pero dahil nag-aaral ako, hindi ako nakakagawa ng tungkulin at hindi man lang makasali sa buhay-iglesia. Sa huli, hindi ko makakamit ang katotohanan, at masasawi sa mga sakuna at maparurusahan. Ang pagbabahagi ng tiyahin ko sa salita ng Diyos ay nakatulong sa akin, sinuportahan ako nito, at pinasigla ang puso ko. Naunawaan ko na ang Diyos ay laging kasama ko, at gusto ko nang dumalo sa mas maraming pagtitipon at gawin ang tungkulin ko sa iglesia.
Sa aking mga debosyonal isang araw, nabasa ko ang ilang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pangangasiwa ng kamay ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). “Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Sa pag-iisip sa salita ng Diyos, labis akong naantig. Naisip ko kung paanong tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw kasama ang nanay ko noong bata pa ako, pero dahil sa pag-aaral ko, huminto ako sa pagpunta sa mga pagtitipon at pagbabasa ng salita ng Diyos, lalo pang nalalayo sa Diyos. Kung kailan inakala kong magpapatuloy nang ganito ang buhay ko, bigla akong nilapitan ng tiyahin ko para basahan ng salita ng Diyos at ipakita sa akin ang isang video ng ebanghelyo. Malinaw sa akin na isinaayos ito ng Diyos. Palaging nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko. Mula nang ipanganak ako, namuhay ako sa ilalim ng Kanyang paghahari at paunang pagtatalaga. Bagamat lumayo ako sa Diyos sa mga panahong iyon, nagsaayos Siya ng mga tao at sitwasyon para pukawin ang espiritu ko at ibalik ako sa sambahayan Niya. Nakita ko ang pagmamahal at proteksyon ng Diyos. Muli kong narinig ang mga salita ng Diyos at hindi ako pwedeng maghimagsik laban sa Kanya o saktan Siyang muli. Nais kong tunay na manalig sa Diyos at gawin ang tungkulin ng isang nilikha.
Pero hindi ko maiwasang magtaka, ano ang tunay na halaga at kabuluhan ng buhay? Ito ba talaga ay paghahangad ng mga diploma at degree? Sa pag-iisip sa katanungang ito, naalala ko ang salita ng Diyos. “Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga panuntuan at pilosopiya sa buhay na ikinikintal ni Satanas sa tao, tulad ng ‘Mahalin ang Partido, mahalin ang bayan, at mahalin ang iyong relihiyon’ at ‘Ang isang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon’? Hindi ba ito ang ‘matatayog na mithiin’ ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at nahihikayat ang mga tao ng bawat henerasyon na tanggapin ang mga ideyang ito. Palagi silang nagpapakahirap sa paghahangad na magtamo ng ‘matatayog na mithiin’ na isasakripisyo pa nila ang kanilang buhay para doon. Ito ang kaparaanan at diskarte kung saan gumagamit si Satanas ng kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Kaya matapos akayin ni Satanas ang mga tao sa landas na ito, nagagawa ba nilang sundin at sambahin ang Diyos? At nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na sila ni Satanas. Tingnan nating muli ang kaalaman, mga kaisipan, at mga opinyon na ikinintal ni Satanas sa mga tao: Nasa mga bagay na ito ba ang mga katotohanan ng pagsunod sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Naroon ba ang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Naroon ba ang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na may kaugnayan sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa salita ng Diyos naunawaan ko na ikinikintal ni Satanas ang mga ideya nito sa mga tao sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanilang palaging matuto ng kaalaman, mamukod-tangi at magbigay ng karangalan sa kanilang pamilya. Nakukumbinsi sila nito na ang kapalaran nila ay nasa sarili nilang mga kamay at na makakatulong sa kanila ang kaalaman na mabago ito. Sa pamumuhay batay sa mga ideyang ito, sinusuway ng mga tao ang Diyos, palayo nang palayo sa Kanya. Noong nag-aaral tayo, palaging sinasabi sa atin ng mga guro: “Kung gusto mong magtagumpay, kakailanganin mo ng bachelor’s degree at postgraduate studies. Ang mga ito lang ang makapagpapatunay na may kakayahan ka.” Matapos kong tanggapin ang mga ideyang ito, nagsimula akong mag-isip ng mga paraan para mapabuti ang mga kasanayan ko, sumasali sa mga paligsahan at naghahanda sa mga pagsusulit para sa propesyonal na sertipikasyon. Akala ko ay mababago ko ang kapalaran ko nang ganito. Pero sa bulag kong paghahangad sa akademya, at sa nag-iisang motibasyon ko na gamitin ang aking pinag-aralan at kaalaman para mamukod-tangi, unti-unting nalalayo ang puso ko sa Diyos. Huminto ako sa pagbabasa ng salita ng Diyos at bihira nang magdasal. Wala akong pinagkaiba sa isang hindi mananampalataya. Nakita ko na hindi ko nauunawaan ang katotohanan at na lagi kong inaasam na mamukod-tangi sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkakaroon ng kaalaman. Noon ko lang nakita na ang paghahangad ng kaalaman ay paraan ni Satanas para gawin tayong tiwali at iligaw, at na habang mas hinahangad natin ang kaalaman, mas lalo tayong nalalayo sa Diyos at nilalabanan Siya. Sa pag-iisip ng kahihinatnan na ito, sinuri kong muli ang landas na pinili ko.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Pagkabasa sa salita ng Diyos, napuno ako ng matinding pagpapahalaga sa responsibilidad. Ang tao ay ginawa ng Diyos. Ang pananalig sa Diyos, pagsamba sa Diyos, at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay tama at natural na mga bagay na dapat gawin. Ito rin ay mga marangal na bagay. Kalooban ng Diyos na ipalaganap natin ang Kanyang ebanghelyo, at magdala ng mas maraming tao sa harapan Niya para tumanggap ng Kanyang pagliligtas. Napakapalad ko na unang makatanggap sa gawain ng Diyos, kaya naisip ko na dapat kong sundin ang kalooban Niya at gampanan ang responsibilidad na ito. Talagang suwail ang mabigong tuparin ang tungkulin at ginagawa nitong hindi karapat-dapat ang isang tao na mabuhay sa mundong ito. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng tungkulin ng isang nilikha matatawag na tao ang isang tao. Noong mga oras na iyon, narinig ko ang isang himno ng salita ng Diyos, na tinatawag na “Ang Dapat Itaguyod ng mga Kabataan.” May ilang linya rito na nagsasabing: “Hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na gamitin ang pagkakilala sa mga isyu at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at huwag ninyong maliitin ito” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Bilang isang tao, dapat kong hangarin ang katotohanan, gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at mamuhay ng isang makabuluhang buhay. Kailangan kong maging responsable sa sarili kong buhay. Ayaw kong magpatuloy sa pag-aaral. Gusto kong gawin ang tungkulin ko sa iglesia.
Kalaunan ay sinabi ko sa nanay ko ang nararamdaman ko. Galit na galit siya. Sabi niya: “Malaki ang nagastos ko sa pag-aaral mo sa mga nakaraang taon para mabigyan ka lang ng magandang kinabukasan at para kapag nakapagtapos ka na at nakakuha ng magandang trabaho, magbibigay ito sa akin ng karangalan. Kahit ano ang sabihin mo, hindi kita hahayaang tumigil sa pag-aaral. Iniisip ko lang kung ano ang pinakamabuti para sa iyo.” Sobra akong nagalit nang marinig ko ang sinabi ni nanay. Hindi ko inaasahan na ganito ang magiging reaksyon niya. Pero kasabay niyon, nagtatalo rin ang kalooban ko at hindi ko pwedeng basta lang makalimutan ang lahat ng naibigay niya sa akin. Kung pipiliin kong gumawa ng isang tungkulin, madidismaya siya sa akin at bibiguin ko siya, pero kung mananatili ako sa pag-aaral at bibitiwan ang aking pananampalataya at tungkulin, makokonsensya ako, at ayaw ko ring mamuhay nang ganoon. Bagamat nag-aalangan, iginiit ko pa ring huminto sa pag-aaral. Nang makitang nakapagdesisyon na ako, pumayag ang nanay ko na sumama para sa pag-asikaso ng mga proseso sa paghinto. Pero sa paaralan, sinabi ng superbisor ko: “Pag-isipan mo itong mabuti. Sa isang taon, makakapagtapos ka na, at kapag nakuha mo na ang degree mo, maaari mong gawin ang anumang gusto mo. Kailangan mong malaman na mas mahirap makakuha ng trabaho kapag walang degree. …” Nang makitang hindi ako natinag dito, taimtim na sinabi sa akin ng nanay ko: “Hindi ba pwedeng manatili ka sa eskuwela? Malaki ang mga inaasam ko para sa iyo. Hindi mo kailangang alalahanin ang pera. Lagi akong magbibigay para sa pag-aaral mo. Naghiwalay na kami ng Tatay mo kaya ikaw na lang ang natitira sa akin. Ikaw lang ang pag-asa ko. …” Umiiyak ang nanay ko habang sinasabi niya ito. Talagang nabagabag ako nang makitang umiiyak ang nanay ko sa pagdadalamhati. Naisip ko: “Isang taon na lang at magtatapos na ako. Dapat bang tapusin ko na lang ang degree ko? Kung sisimulan ko ang tungkulin ko pagkatapos kong grumadweyt, hindi tututol ang nanay ko.” Kaya nakipagkompromiso ako at pinili kong manatili sa eskuwela. Pero habang nag-aaral ako, hindi ko magawa ang tungkulin ko at labis akong nakokonsensya. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, masyado akong mahina at hindi ko alam kung paano tahakin ang landas na nasa unahan. Pakiusap, gabayan Mo po ako.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, naniniwala ang mga Tsino na kailangan nilang igalang ang kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang magulang ay isang walang-galang na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang tungkuling igalang ang magulang kaysa anupaman. Kung hindi ko ito tutuparin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong walang-galang na anak at mapagagalitan ako ng lipunan. Ako’y magiging isang taong walang konsiyensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng paggalang sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban. Ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinamumuhian ng Diyos, at dapat din natin silang kamuhian. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong nayayamot sa katotohanan, na namumuhi sa katotohanan, at walang duda na sila ang mga lumalaban sa Diyos, at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinamumuhian at kinasusuklaman sila ng Diyos. Magagawa mo bang kamuhian ang gayong mga magulang? Malamang na labanan at lapastanganin nila ang Diyos—kung magkagayon, tiyak na sila ay mga demonyo at Satanas. Magagawa mo rin ba silang kasuklaman at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?’ ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: ‘Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.’ Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi napapahalagahan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, na sa tingin mo ay hindi masamang tao, at maayos ang pagtrato sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang gapos ng emosyon, at hindi mo sila kayang pakawalan. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil labis mong pinahahalagahan ang emosyon, at hinahadlangan ka nitong isagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga prinsipyo ng katotohanan? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay isang paraan ng pag-iisip na ipinasa sa iyo ng pamilya mo simula pagkabata, ng kung anong itinuro sa iyo ng mga magulang mo at ng ikinintal sa iyo ng tradisyunal na kultura. Nakaugat ito nang napakalalim sa puso mo, kaya nagkakamali ka ng paniwala na ang paggalang sa magulang ay inorden ng Langit at kinilala ng lupa, na namana mo ito sa iyong mga ninuno at palagi itong isang mabuting bagay. Ito ang una mong natutuhan at nananatili itong nangingibabaw, na lumilikha ng malaking balakid at gambala sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, kaya hindi mo magawang isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos, kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. … Hindi ba kaawa-awa ang tao? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? Naniniwala na sa Diyos ang ilang tao sa loob ng maraming taon, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng pagiging mabuting anak. Hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na sa malawakang impluwensya ng tradisyonal na kultura, “Ang paggalang sa magulang, higit sa lahat, ay isang katangiang dapat taglayin” ay naging alituntunin ko sa pag-uugali. Inakala kong ang paggalang sa magulang ang pinakamahalagang bagay at na kung hindi ko ito sinusunod, hindi ako tao. Sa paggunita sa aking kabataan, nakita kong labis na nagdusa ang nanay ko at hindi ito naging madali para sa kanya, kaya sinabi ko sa sarili ko na pakikinggan ko siya at hindi siya sasaktan. Labis na nagdusa ang nanay ko sa pagpapalaki sa akin, at kung hindi ko siya kayang parangalan o sundin, wala akong utang na loob at walang puso. Kaya mula pagkabata, nagpasya akong mag-aral nang mabuti at maging matagumpay para magkaroon ng magandang buhay ang nanay ko. Ginawa ko lahat ng sinabi niya para hindi siya masaktan. Matapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, naunawaan ko na ang paggawa ng isang tungkulin at paghahangad sa katotohanan ay kapaki-pakinabang at makabuluhan, pero sa pag-iyak at pagmamakaawa ng nanay ko na manatili ako sa eskuwela, nakipagkompromiso ako. Para matugunan ang mga ninanais ng nanay ko, hindi ko ginawa ang tungkulin ko, kahit na gusto kong palugurin ang Diyos. Naipit ako sa ideya ng “Ang paggalang sa magulang, higit sa lahat, ay isang katangiang dapat taglayin.” Hinihingi ng Diyos na mahalin natin ang Kanyang minamahal at kamuhian ang Kanyang kinamumuhian. Ito ang mga hinihingi ng Diyos sa atin at ito ang mga prinsipyong dapat kong sundin. Kung tunay na nananalig ang mga magulang ko sa Diyos, dapat ko silang mahalin at ituring silang mga kapatid. Pero kung hindi sila nananalig sa Diyos, inuusig ako o hinahadlangan ang aking pananampalataya, kung gayon ay kinasusuklaman at kinapopootan nila ang katotohanan at sumasalungat sa Diyos, at hindi ako dapat bulag na sumunod lang sa sinasabi nila. Nananalig ang nanay ko sa Diyos pero hindi niya hinahangad ang katotohanan at pinipigilan akong gumawa ng tungkulin. Nakita ko na wala siyang pananampalataya at isang kaaway ng Diyos. Wala akong pagkilatis noon, at inakala na, bilang anak nila, dapat kong igalang ang mga magulang ko at laging makinig sa kanila, na ito ay pagkakaroon ng pagkatao at konsensya. Noon ko lang nakita na hindi umaayon sa katotohanan ang maling pananaw na ito. Ang paggalang sa mga magulang ay dapat naaayon sa mga prinsipyo at hindi lamang bulag na pagsunod. Ito ang prinsipyo ng pagsasagawa.
Kalaunan, marami pa akong nabasang salita ng Diyos. “Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o magsawalang-kibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso. … Habang nahihirapan sa kanyang pagsubok, nagpakitang muli si Jesus sa kanya at sinabing: ‘Pedro, nais kong gawin kang perpekto, hanggang sa ikaw ay maging isang piraso ng bunga, na siyang bubuo sa Aking pagpeperpekto sa iyo, at siyang ikasisiya Ko. Maaari ka bang tunay na magpatotoo para sa Akin? Nagawa mo ba ang ipinagagawa Ko sa iyo? Naisabuhay mo ba ang mga salitang nasambit Ko? Minsan mo Akong minahal, ngunit kahit minahal mo Ako, naisabuhay mo ba Ako? Ano ang nagawa mo para sa Akin? Kinikilala mo na hindi ka karapat-dapat sa Aking pagmamahal, ngunit ano ang nagawa mo para sa Akin?’ Nakita ni Pedro na wala siyang nagawa para kay Jesus at naalala niya ang dating sumpa na ibibigay niya ang kanyang buhay sa Diyos. Kaya nga, hindi na siya nagreklamo, at ang kanyang mga panalangin mula noon ay mas bumuti pa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus). Ito ang itinanong ng Panginoong Jesus kay Pedro, pero parang ganoon din ang itinatanong sa akin ng Diyos. Tinanong ko ang sarili ko: “Ano ba ang nagawa ko para sa Diyos? Mahal na mahal ni Pedro ang Diyos kaya nagawa niyang isuko ang lahat para sumunod sa Panginoon. Pero ako? Binigay ng Diyos ang buhay ko, pero ano ba ang nagawa ko para sa Kanya? Walang-wala. Ang tanging iniisip ko lang ay ang mga magulang ko at ang kinabukasan ko. Handa pa nga akong igugol ang lahat ng oras at lakas ko sa pag-aaral at pagkita ng pera para masuklian ko ang kabutihan nila. Kung hindi ko matutugunan ang mga inaasahan nila, pakiramdam ko ay nabigo ko sila at makokonsensya ako, pero hindi ko pa ginagawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha, ngunit gayunpaman ay hindi ko nararamdamang binibigo ko ang Diyos. Wala akong konsensya.” Sa pag-iisip sa karanasan ni Pedro, bagamat hinadlangan siya ng mga magulang niya, wala siyang pakialam sa kanilang pagsalungat at binitiwan niya ang lahat para sundan ang Panginoong Jesus. Siya ay tunay na may konsensya at katwiran. Nilikha tayo ng Diyos, kaya tama at natural na manalig tayo sa Kanya at sumamba sa Kanya. Pinili ako ng Diyos at dinala ako sa harapan Niya, binibigyan ako ng pagkakataong mailigtas. Tunay na dakila ang pagmamahal ng Diyos! Kailangan kong suklian ang pagmamahal ng Diyos at bitiwan ang lahat para sundan ang Diyos tulad ni Pedro. Pagkatapos nito, nabasa ko ang ilan pang sipi ng salita ng Diyos na higit na nagbigay-inspirasyon sa akin. “Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang samantalahin ang panahon ay nakapagliligtas ng buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kayong mag-aral at kumuha muli ng pagsusulit kahit ilang ulit ninyo naisin. Gayunman, ang Aking araw ay hindi na maaantala. Tandaan! Tandaan! Hinihimok Ko kayo sa pamamagitan ng mabubuting salitang ito. Nagaganap ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at matuling nagsisilapit ang malalaking sakuna. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang pagkain, inumin, at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). “Magbantay! Magbantay! Ang nasayang na oras ay hindi na maibabalik kailanman—tandaan ito! Walang gamot saanman sa mundo ang naghihilom sa panghihinayang! Kaya paano Ako dapat makipag-usap sa inyo? Hindi ba karapat-dapat ang Aking salita sa inyong maingat at paulit-ulit na pagsasaalang-alang?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). Ang bawat salita ng Diyos ay nangungusap sa puso ko. Papaubos na ang oras ngayon. Lumalaki ang mga sakuna at nagkakagulo ang mga bansa sa buong mundo. Magwawakas na ang mga araw, at ang paghahangad sa katotohanan ay napakahalaga. Kung hindi ko masasabayan ang gawain ng Diyos at hahangarin ko ang mga makamundong bagay, pagtutuunan ang mga bagay tulad ng aking pag-aaral, kinabukasan, at pamilya, kung gayon magiging huli na para hangarin ko ang katotohanan sa oras na matapos ang gawain ng Diyos. Kung wala ang katotohanan, masasawi ako sa mga sakuna at maparurusahan, at magiging huli na para magsisi. Dumating muli sa akin ang pagliligtas ng Diyos at kailangan kong sunggaban ang pagkakataong ito, hangarin ang katotohanan, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha para suklian ang pagmamahal ng Diyos.
Napagdesisyunan kong huminto sa pag-aaral. Kaya sinabi ko sa nanay ko: “Nay, hindi na po ako babalik sa eskuwela. Wala akong pakialam kung ano ang sasabihin ng sinuman, bagkus pinipili ko ang sarili kong landas at sana ay respetuhin mo po ako.” Sabi niya: “Sinabi na ng tita mo na kapag nakapagtapos ka at nakakuha ng degree, magsasaayos siya ng trabaho para sa iyo. Makakahanap kami ng mabuting asawa para sa iyo pagkatapos niyon at mabubuhay ka nang masaya.” Pero hindi na ako mapahinuhod ng mga sinasabi ng nanay ko, dahil malinaw kong nakikita na hindi ito ginagawa ng nanay ko dahil sa tunay na pagmamahal. Isinasaalang-alang lamang niya ang aking mga agarang interes, hindi ang buhay ko o hantungan sa hinaharap. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Sabihin mo sa Akin, kanino nagmumula ang lahat ng bagay na may kinalaman sa mga tao? Sino ang nagpapasan ng pinakamabigat na pasanin para sa buhay ng tao? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang pinakanagmamahal sa mga tao. Talaga nga bang ang mga tao ay mahal ng kanilang mga magulang at kamag-anak? Tunay bang pagmamahal ang pagmamahal na ibinibigay ng mga ito? Maililigtas ba nito ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas? Hindi. Manhid at mapupurol ang utak ng mga tao, hindi nila makita kung ano ang totoo sa likod ng mga bagay na ito, at lagi nilang sinasabi, ‘Paano ako minamahal ng Diyos? Hindi ko ito nararamdaman. Gayunman, pinakamamahal ako ng aking ina at ama. Nagbabayad sila para sa aking pag-aaral at pinapag-aral nila ako ng mga teknikal na kasanayan, nang sa gayon ay may marating ako sa buhay paglaki ko, maging matagumpay ako, maging sikat, maging bantog. Gumagastos ang mga magulang ko ng napakaraming pera para linangin ako at para mabigyan ako ng edukasyon, nagtitipid sila nang husto sa pagkain. Napakadakila ng pagmamahal na iyon! Hindi ko sila kailanman masusuklian!’ Sa tingin ba ninyo’y pagmamahal iyon? Ano ang mga kahihinatnan ng ginagawang pagtulong sa iyo ng iyong mga magulang para magtagumpay, maging isang sikat na tao sa mundo, magkaroon ng magandang trabaho, at maging bahagi ng lipunan? Walang tigil sila sa pagtulak sa iyo na hangarin ang tagumpay, magbigay ng karangalan sa iyong pamilya, at makibahagi sa masasamang kalakaran ng mundo, nang sa huli ay mahulog ka sa alimpuyo ng kasalanan, magdusa ng kapahamakan at pumanaw, nilalamon ni Satanas. Pagmamahal ba iyon? Hindi iyon pagmamahal sa iyo, pamiminsala iyon sa iyo, pagwasak sa iyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Bagamat mukhang ginagawa lang ng nanay ko ang mga bagay na makakabuti para sa akin, nagtitipid sa pagkain at pananamit at nagtatrabaho nang husto para sa aking pag-aaral, hindi niya napagtanto na may mga satanikong lason at maling paniniwala sa pinag-aaralan ko na magpapalayo sa akin sa Diyos at magpapatatwa sa akin sa Kanyang pag-iral. Ang mga ateistang ideya na itinuturo sa mga mag-aaral tulad ng, “Hindi pa nagkaroon kailanman ng sinumang Tagapagligtas,” “Kayang lumikha ng kaaya-ayang bayan ang tao gamit ang kanyang sariling mga kamay,” “Kung walang hirap, walang sarap,” at “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa iyong mga ninuno,” ay hinihikayat tayong magsikap para sa ating mga mithiin at subukang mamukod-tangi para manguna sa iba. Namumuhay ang mga tao ayon sa mga ideya at pananaw na ito, sinusubukang kumawala sa paghahari ng Diyos at baguhin ang sarili nilang kapalaran. Sa huli ay lalo silang sumasalungat at nagtatatwa sa Diyos, nawawalan ng pagkakataong mailigtas. Ito ang masamang landas ni Satanas. Ang paghahangad sa mga bagay na ito ay maaari lamang magdulot sa akin na higit pang malayo sa Diyos at gawing tiwali ni Satanas. Itutulak ako nito patungo sa impiyerno! Nauunawaan ko rito na ang pagmamahal ng mga magulang ko ay hindi tunay na pagmamahal at ang pagmamahal lang ng Diyos ang tunay na pagmamahal. Ang hangaring mamukod-tangi at magbigay ng karangalan sa pamilya mo ay hindi ang tamang landas sa buhay. Ang paghahangad lamang sa katotohanan at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ang magkakamit ng proteksyon ng Diyos. Nang maunawaan ko ang lahat ng ito, nagpasya akong huminto sa pag-aaral at ilaan ang sarili ko sa isang tungkulin para sa Diyos. Kaya sinabi ko sa nanay ko: “Nay, gusto mo akong magpatuloy sa pag-aaral, maghanap ng magandang trabaho, maghanap ng mabuting asawa, at maging matagumpay, pero masisiguro mo bang magiging masaya ako sa ganito? Na magkakaroon ako ng magandang kapalaran? Hindi mo magagawa iyon, walang sinumang makakagawa niyon! ‘Nay, ang pinakamagandang ginawa mo sa buhay mo ay ang ipalaganap ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa amin at akayin ako sa tamang landas. Ganap itong matuwid.” Sandaling natahimik ang nanay ko at pagkatapos ay sinabing: “Alagaan mo ang sarili mo. Tawagan mo ako palagi.” Pagkatapos niyon, nagbitiw na ako sa paaralan. Sa sandaling lumabas na ako ng paaralan, talagang malaya na ako. Hindi na ako napipigilan ng pag-aaral o ng pamilya ko at sa wakas ay magagawa ko na ang tungkulin ko sa iglesia.
Ang lahat ng ito ay nangyari ilang taon na ang nakalipas, pero sa tuwing naiisip ko ito, masayang-masaya ako. Ang patnubay ng Diyos sa kada hakbang ang nagbigay-daan sa akin na pumili nang tama sa pagitan ng tungkulin ko at pag-aaral ko, at tumahak sa tamang landas sa buhay. Tunay kong naramdaman ang pagmamahal at taos-pusong layon ng Diyos. Nagagawa ko na ngayon ang tungkulin ng isang nilikha at may kabuluhan ang buhay ko. Talagang masaya ako.