49. Bakit Napakahirap Umamin sa mga Pagkakamali?

Ni Martha, Italya

Responsable ako sa paggawa ng video sa iglesia ko. Isang araw, nagmamadali akong tinawagan ng isang sister. Hindi niya nasuri nang maayos ang isang video at kailangan itong gawing muli, na nagdulot ng mga pagkaantala at nakapag-aksaya ng mga tauhan at mga kagamitan. Nang marinig ko ang pangalan ng video, napagtanto ko na tumulong din ako sa pagsuri sa video pero wala rin akong nakitang mga problema. Pagkatapos ng tawag, nagmadali akong alamin ang lahat tungkol dito, at nakita kong mali ang pagkabaybay ng pangalan ng video. Siyempre, dapat iulat sa lider ang mga pagkakamali sa gawain, o mabigyang-diin para maiwasan ng lahat ang parehong problema sa hinaharap. Pero naisip ko kung paanong nagkamali ako sa gayong kasimpleng bagay, at napaisip kung ano na lang ang magiging tingin sa akin ng lider pagkatapos. Iisipin ba niya na hindi ako seryoso o maaasahan sa tungkulin ko? Kung gayon, mawawala ang posisyon ko bilang tagapangasiwa. Pagkatapos, naisip ko kung paano ko palaging binibigyang-diin sa mga kapatid ko ang kahalagahan ng pagiging alerto sa paggawa ng mga video. Kung malalaman ng lahat na nagawa ko itong pagkakamali, iisipin ba nila na hindi ako karapat-dapat na mangasiwa? Kung gayon, paano na ang reputasyon ko? Kaya ayaw kong sabihin sa iba ang tungkol sa pagkakamali ko. Nakahanap ako ng mga palusot para sa sarili ko: “Hindi namin sinasadyang maging pabaya. Sinuri namin kung ano ang dapat naming suriin. Hindi ko makikinita ang mga di-pangkaraniwang pangyayaring ito. Hindi na mababawi ang nagawang pinsala, pero hangga’t mas maingat ako sa hinaharap, magiging maayos lang ito. At saka, hindi lang ako ang sumuri sa video na ito. Kahit malaman ng lahat ang nangyari, hindi lang ako ang may kasalanan. Maaari nang kalimutan ang isyung ito. Alam na ng lahat na dapat makaalam, at sapat na iyon.” Kaya, hindi ko ito sinabi sa lider o sa iba pang mga kapatid sa grupo. Kahit na hindi ako mapalagay at alam kong iniiwasan kong managot, kapag naiisip ko kung ano ang maaaring idulot ng pagkakamaling ito sa reputasyon ko, at maging sa posisyon ko, nagpapatuloy lang ako na parang walang nangyari.

Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga tiwaling tao ay mahusay magpanggap. Anuman ang ginagawa nila o katiwaliang ipinapakita nila, kailangan nila palaging magpanggap. Kung may mangyaring mali o may ginawa silang mali, gusto nilang isisi iyon sa iba. Gusto nilang sila ang mapuri sa mabubuting bagay, at masisi ang iba sa masasamang bagay. Hindi ba maraming pagpapanggap na katulad nito ang nangyayari sa tunay na buhay? Napakarami. Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kasamaan, at kataksilan; ito ay higit na kinasusuklaman ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Ano ang palagay ng iba tungkol dito? Ano ang nadarama nila? Nayayamot at namumuhi sila. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at suriin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalino. Kung hindi mo susubukan at magkukunwari o magdadahilan ka, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na tapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng katiwalian ng tao, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila, mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magiging mapang-unawa at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matatalino ay mga taong hangal, at lagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos sa likod ng mga eksena. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Sa iba, nagmumukha kang katatawanan. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagpapanggap, pagkukubli at pagkabigong aminin ang pagkakamali ng isang tao ay mas malala pa kaysa sa simpleng pagkakamali. Mapanlinlang ang mga ito, at taksil! Sa kabaligtaran, kapag inilantad ng mga tao ang sarili nila at nanagot sa isang pagkakamali, bukod sa hindi sila mamaliitin ng iba, rerespetuhin pa ng iba ang taong iyon sa simple at hayagang pagsasabi ng totoo. Lahat tayo ay may mga pagkakataon na nagkakamali. Hindi basta-bastang kinokondena ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang mga kamalian—Tinitingnan Niya kung kaya nilang tunay na magsisi pagkatapos. Pero hindi ko naunawaan ito. Inakala ko na nakakahiya ang magkamali, lalo na bilang isang superbisor—naisip ko na kapag nagkamali ako sa mga simpleng bagay, mamaliitin ako ng mga tao. Iisipin nila na hindi ako mas magaling sa mga kapatid ko, at maaaring mapalitan ako. Kaya nang may nakitang mali sa isang video na sinuri ko, hindi ako naglakas-loob na aminin ito at nagpumilit akong pagtakpan ito. Umakto ako na parang walang nangyari para maiwasang managot, at itago ang isyu. Nakonsensya ako rito, pero hindi pa rin ako handang sabihin sa lahat ang totoo. Napakamapanlinlang ko! Malinaw na napinsala ko ang gawain ng iglesia, pero wala akong sinabi, at sinubukan kong pagtakpan ang kamalian ko. Hinayaan ko na makita lang ng lider at mga kapatid ko ang mabuti kong katangian, hindi ang pagkakamali ko. Nang sa ganoon, iisipin ng lahat na seryoso at praktikal ako sa gawain ko. Mapapanatili ko ang imahe ko, at ang posisyon ko bilang superbisor. Kasuklam-suklam ang gayong paraan ko ng pagkilos! Natakot ako na malaman ng mga tao ang pagkakamali ko, kaya ginawa ko ang lahat para makapagbalatkayo. Ikinubli ko ang pangit kong katangian, nilinlang ang mga tao, at itinago sa kanila ang totoo. Namumuhay ako nang walang dangal o dignidad. Hindi ko pwedeng patuloy na pagtakpan ang pagkakamali ko at linlangin ang iba. Kaya, sumulat ako sa lider ko, ipinaaalam sa kanya ang sitwasyon, at nagtapat ako sa lahat tungkol sa katiwalian ko. Sinabi ko sa kanila ang totoo, para matuto sila sa halimbawa ko. Matapos gawin ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko.

Pero nang buksan ko ang aming listahan ng gawain, natuklasan kong may isa pang video na maaaring nadoble ang paggawa. Hindi ako makapaniwalang totoo ito. Itinatala ko kung sino ang itinatalaga ko sa bawat gawain, kaya paanong nagkaroon ng isa pang pagkakamali? Pero nang suriin ko ito, talagang nadoble nga ang paggawa sa video. Sa oras na iyon, hindi ako makagalaw. Masama ito. Kaaamin ko lang ng pagkakamali ko sa lider, at bago pa niya detalyadong maunawaan ang sitwasyon, nagkamali na naman ako. Ano na lang ang iisipin niya sa akin? Iisipin ba niya na palagi na lang akong nagkakamali, at hindi angkop na mamuno? At kapag nalaman ng iba pang mga kapatid, iisipin ba nila na masyado akong hindi maaasahan? Kung patuloy na mangyayari ang mga pagkakamaling ito sa mga simpleng bagay, kung gayon, sa susunod na magbabahagi ako tungkol sa pagiging seryoso at responsable sa ating mga tungkulin, seseryosohin pa ba nila ito? Hindi, kailangan kong malaman kung ano mismo ang dahilan ng pagkakamaling ito, at umasa na hindi ako ang pangunahing taong responsable rito. Kahit na may bahagi ako sa kasalanan, malamang na maliit na bahagi lang ito. Nang sa ganoon, hindi ako mapapahiya, at magiging ligtas ang katayuan ko. Sa huli, pagkatapos ng maingat na pagsisiyasat, natuklasan ko na pagkatapos kong italaga ang gampanin, naitala ko lang ito sa isang lumang listahan ng trabaho, na naging dahilan para muling italaga ng lider ng grupo ang gampanin. Walang duda—ako ang pangunahing responsable. Nang mapagtanto ko ito, hindi ako makagalaw sa takot. Bakit napakamalas ko? Kinaharap ko ang lahat ng problemang ito na hindi naman sana dapat nangyari. Napakamalas! Hindi ko na talaga alam ang gagawin. Dapat ko bang sabihin sa lider ang pagkakamaling ito, o hindi? Kapag nalaman ng lahat na nakagawa ako ng dalawang magkasunod na pagkakamali sa mga simpleng bagay, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nabasa ko noon. Ang mga kasinungalingan at panlilinlang ay mas malubha pa kaysa sa mga pagkakamali, at mas kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Sa puso ko, natakot ako. Kailangan kong harapin ito at sabihin sa lider ang pagkakamaling ito, pero hindi ko maalis ang mga takot ko. Napuno ako ng pangamba. Bumigat ang puso ko, para bang dinaganan ng bato. Magulo ang isip ko kapag ginagawa ang tungkulin ko, at hindi ako nakakatulog sa gabi. Alam kong hindi tama ang kalagayang ito, kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para makilala ang sarili ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Gaano man karaming maling bagay ang ginagawa ng isang anticristo, anumang uri ng mga maling bagay ang ginagawa niya, ito man ay pagdispalko, pagwawaldas, o maling paggamit ng mga handog sa Diyos, o kung ginugulo o ginagambala niya ang gawain ng iglesia, sinisira ang gawaing ito at ginagalit ang Diyos, palagi siyang kalmado, mahinahon, at walang pakialam. Anumang uri ng kasamaan ang ginagawa ng isang anticristo o kung ano ang mga kinahihinatnan nito, hinding-hindi siya lumalapit sa Diyos para ikumpisal ang kanyang mga kasalanan at magsisi sa lalong madaling panahon, at hinding-hindi siya lumalapit sa mga kapatid nang may saloobin ng paglalantad sa sarili at pagtatapat upang aminin ang kanyang mga kamalian, alamin ang kanyang mga paglabag, kilalanin ang kanyang sariling katiwalian, at pagsisihan ang kanyang masasamang gawa. Sa halip, nag-iisip siya nang husto upang makahanap ng iba’t ibang dahilan para iwasan ang responsibilidad at ibunton ang sisi sa iba upang mapanumbalik ang sarili niyang karangalan at katayuan. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ang gawain ng iglesia, kundi kung napipinsala o naaapektuhan ba ang kanyang reputasyon at katayuan. Hindi siya nagsasaalang-alang o nag-iisip ng mga paraan para makabawi sa mga kawalang idinulot sa sambahayan ng Diyos ng kanyang mga paglabag, ni hindi niya sinisikap na makabawi sa kanyang pagkakautang sa Diyos. Ibig sabihin, hinding-hindi niya inaamin na kaya niyang gumawa ng mali o na nakagawa siya ng pagkakamali. Sa puso ng mga anticristo, ang maagap na pag-amin sa mga pagkakamali at pagbibigay ng matapat na paglalahad ng mga tunay na pangyayari ay kahangalan at kawalan ng kakayahan. Kung matuklasan at malantad ang kanilang masasamang gawa, aamin lang ang mga anticristo sa panandaliang walang-ingat na pagkakamali, hinding-hindi sa kanilang sariling pagpapabaya sa tungkulin at pagiging iresponsable, at tatangkain nilang ipasa ang responsibilidad sa iba para maalis ang mantsa sa talaan nila. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi inaalala ng mga anticristo kung paano ayusin ang pinsalang naidulot sa sambahayan ng Diyos, kung paano magtapat sa mga taong hinirang ng Diyos para aminin ang kanilang mga pagkakamali, o kung paano ilahad ang nangyari. Ang inaalala nila ay paghahanap ng mga paraan para pagmukhaing maliliit na bagay ang malalaking problema at pagmukhaing hindi problema ang maliliit na suliranin. Nagbibigay sila ng mga obhektibong dahilan para unawain at damayan sila ng iba. Ginagawa nila ang makakaya nila para mapanumbalik ang kanilang reputasyon sa paningin ng ibang mga tao, pinaliliit ang negatibong impluwensya sa kanilang sarili ng kanilang mga paglabag, at tinitiyak na hindi kailanman magkakaroon ng masamang impresyon sa kanila ang Itaas, nang sa gayon ay hindi sila kailanman papanagutin, tatanggalin, iimbestigahan, o paparusahan ng Itaas. Para mapanumbalik ang kanilang reputasyon at katayuan, upang hindi mapinsala ang sarili nilang mga interes, handang magtiis ang mga anticristo ng anumang tindi ng pagdurusa, at sisikapin nila nang husto na lutasin ang anumang paghihirap. Mula sa pinakasimula ng kanilang paglabag o pagkakamali, kahit kailan ay walang anumang layunin ang mga anticristo na panagutan ang mga maling bagay na ginagawa nila, wala silang anumang layuning kilalanin, ipagbahaginan, ilantad, o suriin ang mga motibo, layunin, at tiwaling disposisyon sa likod ng mga maling bagay na ginagawa nila, at walang dudang wala silang anumang layunin kailanman na makabawi sa pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa pinsalang idinudulot nila sa pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatuwid, anumang perspektibo ninyo tingnan ang usapin, ang mga anticristo ay mga taong hinding-hindi aamin sa kanilang mga kamalian at hinding-hindi magsisisi. Ang mga anticristo ay mga walang kahihiyan at makakapal ang mukha na hindi na matutubos, at katulad lang sila ng mga buhay na Satanas(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na talagang pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Gaano man karaming kapintasan o pagkukulang ang ginagawa nila sa kanilang tungkulin, o gaano man nila napipinsala ang gawain ng iglesia, hinding-hindi sila umaamin sa kanilang kasalanan. Natatakot sila na makikita ng iba ang kanilang mga pagkukulang at mamaliitin sila. Kaya, kapag napagtanto nila na nakagawa sila ng isang pagkakamali na magpapahiya sa kanila, hindi sila mapapalagay, hindi makakakain o makakatulog nang maayos. Pipigain nila ang kanilang mga utak, mag-iisip ng mga paraan para pagtakpan ang kanilang mga kagagawan at ipanumbalik ang sarili nilang reputasyon. Ganoon din ang pag-uugali ko. Itinuring kong napakahalaga ang sarili kong katayuan at reputasyon na kapag nakakakita ako ng problema sa gawain, hindi ako nagsisisi sa aking pagkalingat. Hindi ako nagninilay-nilay sa nangyari para maiwasan ang mga pagkakamali sa hinaharap. Ang iniisip ko lang ay kung ano ang magiging tingin sa akin ng lahat kapag nalaman nilang nagkamali ako sa mga simpleng bagay, at kung mamaliitin ba nila ako, o iisipin na hindi ko kayang gawin ang trabaho ko. Para mapanatili ang sarili kong katayuan at reputasyon, buong araw akong hindi mapakali na hindi na ako makatulog. Ang iniisip ko lang ay kung paano mapagtakpan ang pagkakamali ko, at maiwasang mabisto. Gusto kong iwasan ang responsibilidad ko, itago ang mga pagkakamali ko, at pigilan ang iba na makaalam. Ayaw kong manindigan at aminin ang kasalanan ko. Talagang mapanlinlang ako, walang dangal o dignidad! Sa katunayan, bilang taong namamahala, alam na alam ko ang mga prosesong iyon. Walang duda na ako ang pangunahing taong responsable. Gayunpaman, umasa akong matatakasan ko ito, o makakahanap ng ebidensiya para maipasa-pasa ko ang sisi. Sa huli, nang mapagtanto kong hindi ko maiiwasan ang responsibilidad, nagpumilit akong umaktong biktima, isinisisi ang lahat sa kamalasan. Hindi ko ito natanggap mula sa Diyos. Hindi ako nagnilay-nilay. Nagreklamo lang ako sa kamalasan ko. Pinagtakpan ko ang mga pagkakamali ko at nanlinlang para protektahan ang katayuan ko. Ito ang pag-uugali ng isang anticristo. Nang mapagtanto ko ito, natakot ako. Alam ko kung gaano kamapanganib para sa akin na magpatuloy nang ganito, hindi nagsisisi, katulad mismo ng isang anticristo!

Napagtanto ko rin na isa sa dahilan kung bakit ako mapagmatigas at ayaw umamin ng kasalanan ay dahil naigapos at kontrolado ako ng posisyon ko bilang tagapamahala, kaya hindi ko tamang naharap ang mga pagkakamali ko. Nakita ko ang ilang salita ng Diyos tungkol dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Paano ka dapat magsagawa para maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? … Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito. Huwag mong sabihing, ‘Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa; maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga gapos ng katayuang ito; ibaba mo muna ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao; kung gagawin mo ito, magiging normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katinuan. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod mabuhay ay idinulot ito sa kanilang mga sarili(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). “Kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na karapat-dapat na siyang lider, o mahusay na lider, na kaya na niyang gawin ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikita ng karamihan sa mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito, at tinitingala nila ang mga itinaas ng ranggong ito na umaasa sa kanilang mga imahinasyon, pero isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon pa sila maaaring nanalig, taglay nga ba talaga ng mga itinaas ng ranggo ang realidad ng katotohanan? Maaaring hindi. Nagawa ba nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Alam ba nila ang kanilang responsibilidad? Taglay ba nila ang pananagutan? Kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Kapag may nakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang pusong may takot sa Diyos ang mga taong ito? At gaano kalaki ang takot nila sa Diyos? Malamang bang sundin nila ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng mga lider, regular at madalas ba silang humaharap sa Diyos para alamin ang kalooban ng Diyos? Nagagabayan ba nila ang mga tao sa pagpasok sa realidad ng katotohanan? Tiyak na wala silang kakayahan sa gayong mga bagay agad-agad. Hindi pa sila nakatanggap ng pagsasanay at napakakaunti ng kanilang karanasan, kaya wala silang kakayahan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagiging lider o tagapamahala ay hindi awtomatikong nangangahulugan na kwalipikado ka, mas nakatataas, o mas mahusay sa ibang tao. Isa itong pagkakataon na mapabuti ang mga kasanayan mo at makapagsanay sa gawain. Ibinubunyag ng pagsasanay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at palaging mayroong mga problema at kabiguan. Normal lang iyon. Pero nang ilagay ko ang sarili ko sa posisyon ng isang tagapamahala, inakala ko na kailangan kong maging mas mahusay kaysa sa iba, hindi gumagawa ng mga pagkakamali na katulad ng sa kanila, o nagbubunyag ng katiwalian na kagaya ng sa kanila. Kaya, nang magkamali ako, ayaw kong aminin ito. Patuloy akong nagpapanggap at pinagtatakpan ito. Ginugol ko ang lahat ng oras ko sa pag-aalala, namumuhay ng isang mahirap at nakakapagod na buhay, dahil lang sa pinahalagahan ko ang sarili kong katayuan at reputasyon. Gayundin, napagtanto ko na ang pagkakamali at pagkapahiya ay hindi naman talaga masasamang bagay. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang pagmukhaing hangal ang sarili mo ay isang mabuting bagay. Tinutulungan ka nitong makita ang sarili mong mga kakulangan at ang pagmamahal mo sa banidad. Ipinapakita nito kung saan naroon ang iyong mga problema at ipinauunawa nito sa iyo nang malinaw na ikaw ay hindi perpektong tao. Walang perpektong tao at normal lang na pagmukhaing hangal ang sarili mo. Lahat ng tao ay nagdaranas ng mga pagkakataon kung kailan pinagmumukha nilang hangal ang kanilang sarili o napapahiya sila. Lahat ng tao ay nabibigo, nagdaranas ng mga problema, at may mga kahinaan. Ang pagmukhaing hangal ang iyong sarili ay hindi masama. Kapag pinagmumukha mong hangal ang sarili mo pero hindi ka nahihiya o nalulungkot, hindi niyan ibig sabihin na wala kang hiya; ang ibig sabihin nito ay wala ka nang pakialam kung ang pagpapamukha mong hangal sa sarili mo ay makakaapekto sa iyong reputasyon at nangangahulugan na wala na sa isip mo ang iyong banidad. Nangangahulugan ito na lumago na ang iyong pagkatao. Napakaganda nito! Hindi ba’t mabuting bagay ito? Mabuting bagay ito. Kapag pinagmumukha mong hangal ang sarili mo, huwag mong isipin na nakapagsagawa ka nang maayos o na malas ka, at huwag mong hanapin ang mga layunin sa likod nito. Normal ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Sa katunayan, pagkatapos ng sunod-sunod na mga pagkakamaling ito at ng kahiya-hiya kong pagsisikap na itago ang mga ito, sa wakas ay nagkaroon ako ng kamalayan sa sarili ko. Nakita ko na hindi ako mas mahusay kaysa sa mga kapatid ko. Walang ingat kong ginawa ang tungkulin ko, nagpapakita ng labis na pag-aalala sa sarili kong reputasyon at katayuan. Hindi man lang ako nagkaroon ng lakas ng loob para aminin ang pagkakamali ko. Ginusto ko itong pagtakpan at linlangin ang lahat. Isa akong taksil na mapagpaimbabaw. Sa katunayan, hindi nakakatakot na harapin ang mga problema kapag ginagawa ang tungkulin. Hangga’t ikaw ay bukas, matapat na tao at mahinahon mong hinaharap ang mga pagkakamali mo, pinagninilayan ang mga ito para maiwasan mo ang mga parehong isyu sa hinaharap, mayroon ka pa ring makakamit. Ito ang saloobin at katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Ngayong nauunawaan ko na ang kalooban ng Diyos, hindi na ako nag-aalala kung ano ang iniisip ng ibang tao sa akin. Naapektuhan ko na ang gawain namin. Kailangan kong malaman ang ugat ng mga pagkakamaling ito, para maiwasang maulit ito sa hinaharap.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay makakayang maging seryoso, umako ng responsibilidad, at ibigay ang kanyang buong puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan ikaw ay wala sa tamang lagay ng pag-iisip, at hindi ka makahanap o makatuklas ng isang napakalinaw na pagkakamali. Kung ikaw ay nasa tamang lagay ng pag-iisip, sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, magagawa mong tukuyin ang usapin. Kung ginabayan ka ng Banal na Espiritu at binigyan ka ng kamalayan, tinutulutan kang makaramdam ng kalinawan sa puso at na malaman kung saan may mali, magagawa mo nang itama ang paglihis at pagsumikapan ang mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ikaw ay nasa maling lagay ng pag-iisip, at tuliro at pabaya, mapapansin mo kaya ang mali? Hindi mo mapapansin. Ano ang makikita mula rito? Ipinapakita nito na upang magampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, napakahalaga na nakikipagtulungan ang mga tao; napakahalaga ng lagay ng kanilang mga pag-iisip, at napakahalaga ng kung saan nila itinutuon ang kanilang mga iniisip at layunin. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung ano ang lagay ng pag-iisip ng mga tao habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at kung gaano karaming lakas ang ginagamit nila. Napakahalaga na inilalagay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa kanilang ginagawa. Napakahalagang sangkap ng pakikipagtulungan. Tanging kung nagsisikap ang mga tao na walang pagsisihan tungkol sa mga tungkuling kanilang naisagawa at mga bagay na kanilang nagawa, at hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos, makakikilos sila nang buong puso at lakas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinapahayag ng mga salita ng Diyos na kapag mali ang pag-iisip ng isang tao, at lumilipad ang kanyang isipan at pabaya siya sa kanyang tungkulin, hindi niya makikita ang mga pagkakamali na nasa harapan niya mismo. Katulad ng sinasabi ng Diyos ang sitwasyon ko. Napakalinaw ng dalawang pagkakamaling ito—kung binigyan ko ito ng kaunti pang pansin, madali ko sana itong natuklasan. Pero hindi ko napansin ang mga ito. Kailangang gawing muli ang isang video, at ang isa pa ay nadoble ang gawa, na nag-aksaya ng mga tauhan at mga kagamitan. At, sa katunayan, may malaking kinalaman ito sa pag-iisip ko noong panahong iyon. Inakala kong beterano na ako sa trabahong ito, na kabisadong-kabisado ko na ang daloy ng trabaho, kaya hindi na ako naging maingat gaya noong una akong nagsimula. Naging mayabang at pabaya ako. Lalo na sa mga paunang pagsusuri, inakala kong simple lang ito, na pwede kong iraos lang ang gawain batay sa karanasan ko noon. Hindi ako nagbigay-pansin, hindi ko sinuring mabuti ang gawain, at sa huli, nagkamali ako sa gayong kasimpleng mga bagay. At ito ay dahil lang sa namumuhay ako sa isang mapagmataas na disposisyon, at iniraraos lang ang tungkulin ko. Kalaunan, nagtapat ako sa mga kapatid ko tungkol sa mga pagkakamaling nagawa ko sa aking tungkulin. Binuod ko ang mga problema sa aming gawain, at nagmungkahi ng ilang pamantayan na makakatulong na maiwasan ang mga parehong problema sa hinaharap. Sa pamamagitan nito, napayapa ang isip ko.

Hindi nagtagal, namahala ako sa isang bagong proyekto. Pero dahil hindi ko pa nagawa ang ganitong uri ng video dati, hindi ko lubos na naunawaan ang lahat ng pasikot-sikot nito, kaya lumitaw ang ilang problema sa panahon ng pagggawa. Kahit na minsan ay nag-aalala ako sa iisipin ng ibang tao, tinatrato ko ang mga problema nang may tamang pag-iisip, nang hindi nakokontrol ng pride ko. Sa bawat pagkakamali, itinatala ko ito at ibinubuod ang mga paglihis, para makahanap ng paraan na hindi na ito mauulit. Matapos gawin ito, nakita ko ang patnubay ng Diyos, hinahanap at itinatama ang maraming problema bago pa ito magdulot ng mga kawalan sa iglesia. Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutunan ko na sa paggawa ng tungkulin mo nang buong puso, magkakaroon ka ng patnubay at proteksyon ng Diyos. Kasabay niyon, natutunan ko na ang pagkapahiya dahil sa mga pagkakamali o kabiguan ay hindi isang masamang bagay. Tinulungan ako nitong makita ang sarili kong mga pagkukulang at katiwalian, para isantabi ang banidad ko, at tratuhin nang tama ang sarili ko.

Sinundan: 48. Pagninilay Tungkol sa Pagsusukli sa Kabutihan

Sumunod: 56. Nilulupig ng Salita ang Lahat ng Kasinungalingan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito