53. Inalis ng Salita ng Diyos ang Aking Pagiging Depensibo at Mga Maling Pagkaunawa
Noong 2014 habang isa akong lider ng iglesia, medyo epektibo ako sa paggawa ng aking tungkulin, nakaipon ako ng ilang karanasan, at naramdaman kong nauunawaan ko ang katotohanan. Kapag nagkakaproblema ako, hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at madalas kong ginagawa ang gusto ko. Noong panahong iyon, may nag-ulat na may masamang pagkatao ang mga lider ng dalawang iglesia, at sinusupil at pinipigilan ang iba. Nagkaroon ako ng pagkiling, at naniwala ako sa narinig ko kahit hindi ko nauunawaan ang detalye ng aktwal na sitwasyon. Kaya tinanggal ko ang isa sa mga lider na kayang gumawa ng totoong gawain, at muntik na akong magkamali na itiwalag ang isa pang lider. Malubhang nakaapekto iyon sa gawain ng dalawang iglesia. Mahigpit akong pinungusan ng mga nakatataas na lider dahil sa pagiging walang ingat at sutil sa paggawa ng aking tungkulin, hindi pangangasiwa ng mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at basta-bastang pagtatanggal at pagtitiwalag ng mga tao. Pero talagang hindi ko kilala ang sarili ko, at sinubukan kong mangatwiran sa kanila at ipawalang-sala ang sarili ko. Kung tutuusin, sa paggawa ng tungkulin, sino ang hindi nagkakamali? Dahil hindi ko tinanggap ang katotohanan, madalas na lumalabag sa mga prinsipyo sa aking gawain, walang ingat at sutil, at ginambala at ginulo ang gawain ng iglesia, tinanggal ako ng mga nakatataas na lider. Matapos akong matanggal, hindi nagsaayos ang mga nakatataas na lider ng anumang tungkulin na maaari kong gampanan, at hinayaan nila akong magnilay-nilay sa aking sarili. Noong panahong iyon, hindi ko nauunawaan ang layunin ng Diyos, at napakanegatibo ko. Pakiramdam ko, sa lahat ng taon na ito ng pananalig ko sa Diyos, isinuko ko ang aking pamilya at karera, at madalas kong gawin ang tungkulin ko kahit na may sakit ako. Maaaring wala akong masyadong naiambag, pero tiyak namang nagsumikap ako. Ayos lang sana na natanggal ako, pero bakit hindi man lang ako binigyan ng tungkuling gagampanan? Dalawang pagkakamali lang ang nagawa ko, kaya hindi ba masyadong malupit ang pagtrato sa akin nang gayon? Lalo na kapag nakikita ko ang mga kapatid, na hindi pa kailanman naging mga lider, na gumagawa pa rin ng kanilang tungkulin, samantalang ako, isang dating lider, ay wala man lang tungkuling gagampanan, naisip ko: “Mukhang hindi ako pwedeng maging lider. Bilang isang lider, kailangan mong matugunan ang matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangan. Kung isang araw ay medyo pabaya ka, maaaring magwakas ang buhay mo bilang mananampalataya sa Diyos. Paano iyon hahantong sa anumang magandang wakas at destinasyon? Kahit anong mangyari, hindi na ako magiging leader uli.” Sa sumunod na ilang taon, palagi akong gumagawa sa mga teksto sa iglesia, at bagamat may mga oportunidad na tumakbo sa halalan bilang lider o manggagawa, lagi kong iniiwasang sumali. Noong panahong iyon, wala akong kamalayan sa mga problema ko, at inakala kong iyon ang makatwirang gawin.
Noong Mayo ng 2020, maghahalal ng mga lider ang iglesia. Naguguluhan ang puso ko: “Medyo maganda ang gawain ko sa mga teksto, at ayaw kong lumahok sa halalan. Kung mahahalal ako na lider, hindi iyon magandang bagay. Ang pagiging lider ay isang nakapapagod, hindi pinasasalamatang gawain. Inaasahan na gagawin ito nang maayos, at kapag naantala ang gawain ng iglesia, kailangang managot ng lider. Kaya totoo talaga na ‘Inaani ng lahat ang mga pakinabang pero iisang tao lang ang sisisihin.’ Dati, noong lider ako, nakagawa ako ng ilang paglabag. Kung maglilingkod akong muli bilang lider at makagagawa ng isang bagay na lumalabag sa mga prinsipyo at magsasanhi ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia, ang pinakamainam na pwedeng mangyari ay matatanggal ako. Ang pinakamalala, matitiwalag ako, at mawawalan ng pagkakataong mailigtas.” Sa isiping iyon, nakahanap ako ng dahilan at sinabi kong lumala ang kondisyon ng puso ko kamakailan, kaya hindi ako makasasali sa halalan. Noong panahong iyon, medyo nakonsensya ako. “Hindi ba ito pag-iwas sa halalan?” Pero naisip ko na hindi ko talaga kaya ang pagiging lider, at nagkaroon talaga ako ng kaunting karamdaman sa puso kamakailan, kaya may dahilan ako para hindi pumunta. Nakatulong ang pag-iisip nang ganito para mawala ang anumang pagkabalisa at pagkakonsensya na nararamdaman ko. Kalaunan, nang magkaroon ng isa pang halalan, ayaw ko pa ring sumali, pakiramdam ko ay delikado ang pagiging lider! Napakaraming gawain nito at maraming problemang kahaharapin, at maaari akong malantad anumang oras. Noong hindi pa sila lider, mukhang walang anumang mga isyu ang ilang kapatid sa paligid ko. Pero sa sandaling maging lider sila, nabunyag ang ilan bilang mga huwad na lider at natanggal, habang ang ilan ay nabunyag bilang masasama o mga anticristo, at inalis o itiniwalag. Mukhang ibinubunyag nga ng katayuan kung sino talaga ang mga tao! Sa huli, nawalan ako ng pagkakataon, at hindi tumakbo sa halalan.
Hindi nagtagal pagkauwi ko, bigla akong nagkasakit. Nagtae ako at nilagnat, at hindi nakatulong ang pag-inom ng gamot. Pagkatapos ng ilang araw ng pagdurusa, sa wakas ay gumaling din ako. Pero napuno ng maliliit na pulang tuldok ang mga braso at leeg ko. Lumala nang lumala ang kalagayan ko, at sa sandaling pagpawisan ako, nararamdaman ko ang mahapding sakit sa buong katawan ko. Pagkaraan ng ilang araw, pagod na pagod na ako sa pagtitiis sa karamdaman ko, at napagtanto ko na hindi nagkataon lang ang karamdaman ko—ito ay pagdidisiplina ng Diyos. Pero hindi ko alam kung ano ang gagawin para magnilay-nilay at umunawa. Nagdasal ako sa Diyos, at hiniling sa Kanya na gabayan ako para makilala ang aking sarili at matutunan ang aking leksyon.
Nang malaman ng lider ko na may sakit ako, pinaalalahanan niya akong magnilay sa aking saloobin sa halalan, at nakahanap siya ng isang sipi ng salita ng Diyos tungkol sa kalagayan ko: “Sa satanikong kalikasan … sa sandaling magtamo ng katayuan ang mga tao, malalagay sila sa panganib. Kaya ano ang dapat gawin? Wala ba silang landas na susundan? Sa sandaling masadlak sila sa mapanganib na sitwasyong iyon, wala na bang paraan para makabalik sila? Sabihin mo sa Akin, sa sandaling magtamo ang mga tiwaling tao ng katayuan—sino man sila—sila ba ay nagiging mga anticristo? Tiyak ba ito? (Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon sila ay magiging mga anticristo, ngunit kung hinahangad nga nila ang katotohanan, hindi sila magkakagayon.) Tama talaga iyan: Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, siguradong magiging mga anticristo sila. At totoo bang ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay ginagawa iyon dahil sa katayuan? Hindi, ang pangunahing dahilan niyon ay wala silang pagmamahal sa katotohanan, dahil hindi sila ang mga tamang tao. May katayuan man sila o wala, ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tumatahak lahat sa landas ng mga anticristo. Gaano man karaming sermon ang narinig nila, hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, sa halip ay determinado silang tahakin ang maling landas. Maitutulad ito sa paraan ng pagkain ng mga tao: May ilang hindi kumakain ng nagpapalusog ng kanilang katawan at sumusuporta ng isang normal na buhay, ngunit sa halip ay ipinipilit ang pagkonsumo ng mga bagay na nakasasama sa kanila, na sa huli ay nakapipinsala sa kanilang mga sarili. Hindi ba nila ito sariling pagpili? Matapos maitiwalag, ang ilang lider at manggagawa ay nagpapakalat ng mga kuru-kuro, sinasabing, ‘Huwag kang mamuno, at huwag hayaan ang sarili mong magtamo ng anumang katayuan. Mapapahamak ang mga tao sa sandaling nagtamo sila ng katayuan, at ibubunyag sila ng Diyos! Sa sandaling sila ay maibunyag, ni hindi sila magiging kwalipikado na maging mga karaniwang mananampalataya, at hindi talaga makakatanggap ng mga pagpapala.’ Anong uri ba ng pananalita iyan? Sa pinakamababaw, kinakatawan nito ang maling pagkaintindi sa Diyos; sa pinakamalala, ito ay kalapastanganan sa Kanya. Kung hindi mo tinatahak ang tamang landas, hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi sinusunod ang daan ng Diyos, sa halip ay pinipilit mong tahakin ang daan ng mga anticristo at humantong sa landas ni Pablo, nagkaroon ng kaparehong kinalabasan sa huli, kaparehong katapusan gaya ng kay Pablo, nagrereklamo pa rin tungkol sa Diyos at hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, hindi ba ikaw ang tunay na pantukoy ng isang anticristo? Isinumpa ang gayong pag-uugali! Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, lagi silang namumuhay ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kadalasang nagkakamali ng pag-unawa sa Diyos, at nadarama na salungat ang mga kilos ng Diyos sa sarili nilang mga kuru-kuro, kaya nagkakaroon sila ng negatibong emosyon; nangyayari ito dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Nagsasabi sila ng mga negatibong bagay at nagrereklamo dahil napakaliit ng kanilang pananampalataya, napakaliit ng kanilang tayog, at lubhang kakaunti ang katotohanang kanilang nauunawaan—na pawang mapapatawad, at hindi maaalala ng Diyos. Pero, mayroong mga hindi tumatahak sa tamang landas, na partikular na tumatahak sa landas ng panlilinlang, pagtutol, pagtataksil sa Diyos, at paglaban sa Diyos. Ang mga taong ito ay pinarurusahan at isinusumpa ng Diyos sa huli, at isinasadlak sa perdisyon at pagkalipol. Paano sila umaabot sa puntong ito? Dahil hindi nila pinagnilayan at kinilala ang kanilang sarili kailanman, dahil hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, at sila ay walang ingat at may sariling pasya, at matigas na tumatangging magsisi, at nagrereklamo pa nga tungkol sa Diyos matapos silang ibunyag at itiwalag, na sinasabing ang Diyos ay hindi matuwid. Maaari bang maligtas ang gayong mga tao? (Hindi.) Hindi maaari. Kaya, totoo ba na lahat ng ibinubunyag at itinitiwalag ay hindi na maliligtas? Hindi masasabi na ganap silang hindi na matutubos. Mayroong mga lubhang kakaunti ang katotohanang nauunawaan, at bata pa at walang karanasan—na, kapag naging mga lider o manggagawa at nagkaroon ng katayuan, ay namamanduhan ng kanilang tiwaling disposisyon, at naghahangad ng katayuan, at nagagalak sa katayuang ito, kaya natural na tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kung, matapos malantad at mahatulan, nagawa nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at tunay na magsisi, na tinatalikdan ang kasamaan tulad ng mga tao ng Ninive, hindi na tumatahak sa landas ng kasamaan na tulad ng dati, may pagkakataon pa rin silang maligtas. Pero ano ang mga kondisyon ng gayong pagkakataon? Dapat ay tunay silang magsisi at magawa nilang tanggapin ang katotohanan. Kung magagawa nila ito, mayroon pa rin silang kaunting pag-asa. Kung hindi nila kayang pagnilayan ang kanilang sarili, hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, at walang intensyon na tunay na magsisi, ganap silang ititiwalag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan). Matapos basahin ang salita ng Diyos, ipinaalala sa akin ng aking lider: “Lagi mong iniisip na bilang lider, madaling malantad, matanggal, o matiwalag. Iyan ba ang tamang pananaw? Malantad o matiwalag man ang mga tao ay nakasalalay sa kung hinahangad nila ang katotohanan, at kung anong landas ang kanilang tinatahak. Wala itong kinalaman sa kung sila ba ay mga lider. Kung ang isang tao ay lider pero hindi hinahangad ang katotohanan o tinatahak ang tamang landas, kung gagawa sila ng kasamaan, guguluhin at gagambalain ang gawain ng iglesia, at tatangging magsisi, tiyak na malalantad at matitiwalag sila. Bagamat lumilihis ang ilang lider sa paggawa ng kanilang tungkulin at nakagagawa ng mga paglabag, kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, magnilay-nilay at kilalanin ang kanilang sarili, at tunay na magsisi, bibigyan sila ng iglesia ng mga pagkakataon na magpatuloy sa pagsasagawa. Kahit mayroon silang mahinang kakayahan at hindi sila kuwalipikado na maging lider, ililipat sila para makagawa ng naaangkop na tungkulin. Sa dami ng mga lider sa iglesia, bakit may ilan na parami nang parami ang nauunawaang katotohanan at mas humusay nang humusay sa pagganap ng kanilang tungkulin? Bakit may ilan na paulit-ulit na gumagawa ng masasamang bagay, nalalantad bilang mga huwad na lider at anticristo, at pagkatapos ay natitiwalag? May kinalaman ba ang kanilang mga kabiguan sa pagiging lider? Marami nang tiniwalag ang iglesia na masasamang tao, marami sa kanila ay hindi lider. Tiniwalag sila dahil likas silang tutol at napopoot sa katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, at wala silang ingat na gumawa ng masasamang gawa sa paggawa ng kanilang tungkulin, at nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala. May kinalaman ba iyon sa pagiging lider?”
Matapos marinig ang pagbabahagi ng lider, naantig ako. Tama siya—hindi nangangahulugan na dahil lang naging isang lider ang isang tao at mayroong katayuan, malalantad at matitiwalag na siya. Nangyayari iyon dahil pagkatapos magkaroon ng katayuan ang mga tao, hindi na nila tinatahak ang tamang landas, at hindi hinahangad ang katotohanan. Pinag-iimbutan lang nila ang mga pakinabang ng katayuan, ginagawa ang gusto nila at walang ingat na gumagawa ng masasamang gawa, at nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala. Kaya sila mga huwad na lider at anticristo na tinatanggal at tinitiwalag. Naisip ko si Brother Fang Xun, na natanggal noon. Bilang isang lider, palagi siyang nagpapakitang-gilas, at minamaliit at hinahamak ang mga brother na katrabaho niya. Dahil doon, naramdaman ng mga brother na napipigilan sila, kaya hindi nila magawa nang normal ang kanilang mga tungkulin. Maraming beses na nagbahagi ang mga lider kay Fang Xun. Pero hindi siya kailanman nagbago, at iyon ang dahilan kung bakit siya natanggal sa huli. Nang matanggal ako sa posisyon ko bilang lider, ito ay dahil din sa naging madalas na wala akong ingat at sutil. Nang iulat ng mga kapatid ko ang mga problema sa dalawang lider ng iglesia, hindi ako sumunod sa mga prinsipyo at nagsiyasat at nagberipika sa mga ulat na iyon. Sa halip, bulag ko silang kinondena, at tinanggal pa nga ang isa at muntik nang itiwalag ang isa pa. Bilang resulta, napinsala ko ang dalawang lider at nagdulot ng kaguluhan sa mga iglesia. Ngayon, sa paggunita dito, lahat ng ginawa ko ay masama, nakagambala sa gawain ng iglesia, at napinsala ang mga kapatid. Sa kabutihang-palad, natuklasan at naitama ang dalawang pagkakamaling iyon. Kung hindi, magiging lubhang nakapipinsala ang mga kahihinatnan! Napagtanto kong ang pagkatanggal ko ay talagang walang kinalaman sa pagkakaroon ng katayuan o pagiging lider. Natanggal ako dahil masyadong mapagmataas ang aking disposisyon, hindi ko hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema, at hindi ko ginagawa ang mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo. Sa halip, kumilos ako nang pabasta-basta at walang ingat akong gumawa ng masasamang gawa, ginugulo ang gawain ng iglesia. At nang pinungusan ako, hindi ako nagnilay sa sarili ko. Naaayon sa mga prinsipyo ang pagkatanggal ko, at nagpapakita ng pagiging matuwid ng Diyos. Pero sa buong panahong ito, hindi ko kilala ang sarili ko. Palagi akong depensibo laban sa Diyos, mali ang pagkaunawa sa Kanya, at inisip ko na nalantad ako dahil sa isa akong lider. Napakahangal ko at hindi makatwiran! Ngayon ko lang napagtanto na sa panahong iyon, kung hindi ako agad na tinanggal at pinigilan sa paggawa ng masama, baka nakagawa na ako ng mas malaking kasamaan dahil sa aking mapagmataas na disposisyon! Ang pagkakatanggal ko ay paraan ng Diyos para protektahan ako, at isa ring magandang pagkakataon para sa akin na mapagnilayan at makilala ang aking sarili. Naisip ko rin si Sister Wang Rui, isang katrabaho ko noon. Natanggal din siya, pero pagkatapos ng kanyang kabiguan, nagawa niyang pagnilayan ang kanyang sarili, kilalanin ang kanyang sarili, matuto ng mga aral, at magsisi sa Diyos. Kalaunan, nang muli siyang maging lider, nagawa na niyang hanapin ang katotohanan at gumawa batay sa mga prinsipyo, at malinaw na umusad. Matapos pagnilayan ang mga bagay na ito, naunawaan ko na hindi ang katayuan ng isang tao ang nagsasanhi na mabunyag at matiwalag sila—sila ay biktima ng sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Kung hindi malulutas ang isang tiwaling disposisyon, kahit na hindi lider ang isang tao at hindi gumagawa ng masama sa katayuan ng isang lider, matitiwalag pa rin siya dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan. Nang malaman ko iyon, medyo nagbago ang kalagayan ko, pero mayroon pa rin akong ilang alalahanin: “Mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan. Maraming isyu ang iglesia na humihingi sa mga lider na gumawa ng mga desisyon, at kung hindi maisasaayos nang mabuti ang mga bagay-bagay, at magugulo at magagambala ang gawain ng iglesia, maaaring magkaroon ng mga paglabag. Kung ang isang tao ay hindi lider, at hindi nasasangkot sa gayong gawain, ang gawaing iyon ay hindi magsasanhi na gumawa sila ng masama o lumaban sa Diyos. Kaya mabuti pang huwag akong tumakbo sa halalan.” Pagkatapos niyon, ipinakita sa akin ng lider ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Ayaw Kong makita ang sinuman na nagdaramdam na tila ba iniwan silang nag-iisa ng Diyos, na pinabayaan sila ng Diyos o kinamuhian Niya sila. Nais Ko lamang makita na lahat ay nasa daan upang hanapin ang katotohanan at naghahangad na maunawaan ang Diyos, matapang na nagpapatuloy sa paglalakad na may matibay na kalooban, na walang mga pangamba, walang dinadalang mga pasanin. Maging anumang mga kamalian ang nagawa mo, gaano man kalayo kang naligaw o gaano ka man lumabag, huwag hayaan ang mga ito na maging mga pasanin o dagdag na pabigat na dadalhin mo sa iyong paghahangad na maunawaan ang Diyos: Ipagpatuloy mo ang paglalakad nang pasulong. Sa lahat ng panahon, hindi kailanman nagbabago ang layunin ng Diyos na iligtas ang tao; hindi ito kailanman nagbabago: Ito ang pinakamahalagang bahagi ng diwa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Labis akong naantig ng salita ng Diyos. Hindi susuko ang Diyos sa pagliligtas sa mga tao dahil sa kanilang panandaliang mga kabiguan at paglabag. Sa halip, binibigyan Niya sila ng pagkakataong magsisi. Walang dapat ikatakot sa mga pagkakamali at paglabag na nagagawa ng mga tao sa paggawa ng kanilang tungkulin. Hangga’t kaya ng mga tao na magbago, patuloy silang gagabayan ng Diyos. Bagamat nakagawa ako ng ilang paglabag, binigyan pa rin ako ng iglesia ng pagkakataong magnilay-nilay sa sarili at magsisi. Hindi ako nito kinondena at tiniwalag dahil sa mga paglabag na iyon. Pero hindi ako nagnilay-nilay sa sarili, nanatiling depensibo laban sa Diyos at mali ang pagkaunawa ko sa Kanya, at ayaw kong maging lider o manggagawa. Napakatigas ng ulo ko! Nang mapagtanto ko iyon, nagsisi ako at nakonsensya, kaya nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Masyado akong rebelde. Ayaw ko na pong magkamali ng pagkaunawa sa Iyo, at maging depensibo laban sa Iyo. Ngayon, handa na po akong magsisi. Nagmamakaawa ako sa Iyo na gabayan Mo po ako, at ituwid Mo po ako kung saan ako nagkamali.”
Pagkatapos ay nagtaka ako kung bakit mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at naging depensibo ako laban sa Kanya sa lahat ng panahon. Ano ang ugat? Noong panahong iyon, binasa ng lider ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagkaroon ng malaking pakinabang sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). Ipinaunawa sa akin ng salita ng Diyos na medyo depensibo ako laban sa Diyos at hindi ko Siya nauunawaan dahil masyadong mapanlinlang ang kalikasan ko. Nang matanggal nang isang beses, hindi ako nagnilay-nilay sa sarili tungkol sa aking dating landas, na humantong sa kabiguan, at hindi ko inunawa ang mga aral na dapat matutunan para maiwasan kong maulit ang parehong mga pagkakamali. Sa halip, inisip ko na ang pagiging lider ay nangangahulugang madali akong malalantad at matitiwalag, kaya ang titulong “lider” ang dahilan kung bakit ako naging biktima. Naisip ko pa nga na ang Diyos ay katulad ng isang makamundong pinuno na nagsesentensiya ng kamatayan sa mga tao kapag nakakagawa sila ng maliit na pagkakamali. Kaya, sa sandaling may sinumang magbanggit ng halalan, takot na takot ako, at nangangamba na kung mahahalal ako bilang lider, mauuwi sa pagkakalantad ang kahit katiting na kapabayaan ko, at hindi ako magkakaroon ng magandang hantungan. Kaya’t nagbantay akong mabuti, at naging depensibo. Paulit-ulit akong nagdahilan para maiwasan ang sitwasyon, at tumanggi akong tumakbo sa halalan. Napakamapanlinlang ko! Ang dahilan kung bakit sinasanay ng iglesia ang mga lider at manggagawa ay para bigyan sila ng mga pagkakataong magsagawa, para maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad sa lalong madaling panahon. Pero inisip ko talaga na sinadya ng Diyos na ilantad at itiwalag ako. Hindi ba ito maling pagkaunawa at paglapastangan sa Diyos? Nananalig ako sa Diyos, pero lagi ko Siyang tinitignan mula sa pananaw ng mga hindi matuwid, pinaghihinalaan Siya, nagiging depensibo laban sa Kanya, na nagbubunyag ng aking satanikong disposisyon. Hindi ba’t ang gayong uri ng pananalig sa Diyos ay talagang katulad ng paglaban sa Diyos?
Kalaunan, pagkatapos magbasa ng marami pang mga salita ng Diyos, medyo mas naunawaan ko ang layunin Niya. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Paminsan-minsan, gumagamit ang Diyos ng isang partikular na bagay upang ibunyag ka o disiplinahin ka. Kung gayon ba ay nangangahulugan ito na tiniwalag ka na? Nangangahulugan ba ito na dumating na ang katapusan mo? Hindi. … Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang pag-aalala ng mga tao ay nagmumula sa kanilang pansariling mga interes. Sa pangkalahatan, natatakot sila na baka wala silang kahinatnan. Palagi nilang iniisip, ‘Paano kung ibunyag, itiwalag, at tanggihan ako ng Diyos?’ Ito ang maling interpretasyon mo sa Diyos; ang mga ito ay isang panig na pala-palagay mo lamang. Kailangan mong alamin kung ano ang layunin ng Diyos. Kapag ibinubunyag Niya ang mga tao, hindi ito para itiwalag sila. Ibinubunyag ang mga tao para ibunyag ang kanilang mga pagkukulang, pagkakamali, at kalikasang diwa, para makilala nila ang kanilang sarili, at maging kaya nila ang tunay na pagsisisi; sa kadahilanang ito, ang pagbubunyag sa mga tao ay para tulungan ang buhay nilang lumago. Kung walang dalisay na pagkaunawa, malamang na magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos at maging negatibo at mahina. Maaari pa nga silang magpatangay sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, ang maibunyag ng Diyos ay hindi naman nangangahulugan na ititiwalag ka. Ito ay para tulungan kang malaman ang sarili mong katiwalian, at pagsisihin ka. Kadalasan, dahil suwail ang mga tao, at hindi naghahanap ng kasagutan sa katotohanan kapag nagbubunyag sila ng kanilang katiwalian, kailangang magdisiplina ng Diyos. At dahil dito, minsan, ibinubunyag Niya ang mga tao, ibinubunyag ang kanilang kapangitan at pagiging kaawa-awa, tinutulutan silang makilala ang kanilang sarili, na nakakatulong para lumago ang kanilang buhay. Ang pagbubunyag sa mga tao ay may dalawang magkaibang implikasyon: Para sa masasamang tao, ang maibunyag ay nangangahulugan na itiniwalag na sila. Para sa mga nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang paalala at isang babala; pinagninilay sila tungkol sa kanilang sarili, para makita ang kanilang tunay na kalagayan, at para huminto na ang kanilang pagiging suwail at walang ingat, sapagkat magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito. Ang pagbubunyag sa mga tao sa ganitong paraan ay para paalalahanan sila na baka, sa pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, sila ay maguluhan at hindi mag-ingat, hindi maging seryoso sa mga bagay, makuntento sa kaunting resulta, at mag-isip na nagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan samantalang, ang totoo, kapag sinukat ayon sa hinihingi ng Diyos, nagkulang silang masyado, subalit kampante pa rin sila, at naniniwalang ayos lang sila. Sa gayong mga sitwasyon, didisiplinahin, babalaan, at paaalalahanan ng Diyos ang mga tao. Kung minsan, ibinubunyag ng Diyos ang kanilang kapangitan—na malinaw na para magsilbing isang paalala. Sa gayong mga pagkakataon dapat mong pagnilayan ang iyong sarili: Hindi sapat ang gampanan mo nang ganito ang iyong tungkulin, may paghihimagsik sa iyong kalooban, napakaraming negatibong elemento, lahat ng ginagawa mo ay basta-basta lang, at kung hindi ka pa rin magsisisi, makatarungan na, dapat kang maparusahan. Paminsan-minsan, kapag dinidisiplina ka ng Diyos, o kaya ay ibinubunyag ka, hindi ito nangangahulugang ititiwalag ka. Dapat harapin ang bagay na ito nang tama. Kahit itiwalag ka pa, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito, at magmadaling magnilay-nilay at magsisi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, lubos akong naantig, at lalo akong napahiya at nakonsensya. Inilalantad, pinupungusan, at dinidisiplina ng Diyos ang mga tao para maunawaan nila ang kanilang sarili, at sila ay magsisi at magbago. Nang pungusan ako at nakaranas ako ng pagkadismaya at kabiguan, wala akong pagkaunawa sa mabubuting layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Patuloy lang akong kumakapit sa mga kabulaanan at maladiyablong salita ni Satanas tulad ng “Kapag mas malaki sila, mas mahirap kapag sila’y nahulog” at “Malungkot sa itaas.” Inisip ko na ang pagiging lider sa iglesia ay parang pagiging isang opisyal sa sekular na mundo, at na kung mas mataas ang posisyon ng isang tao, nasa mas mataas din siyang panganib, at habang mas mas mataas ang isang lider, mas mabilis siyang malalantad at matitiwalag. Sa nakalipas na ilang taon, palagi akong mali sa pagkaunawa sa Diyos at depensibo laban sa Kanya, at sarado ang puso ko sa Diyos sa lahat ng panahong iyon. Paulit-ulit akong tumanggi na tumakbo sa mga halalan ng mga lider. Kahit na ginagawa ko ang tungkulin ko, nagkaroon ako ng mga pag-aalinlangan, kaya hindi ko maibigay ang lahat ko, at palaging walang interes ang saloobin sa paghahangad sa katotohanan. Hindi ako makaalis sa bitag ni Satanas, at nagdusa sa kamay ni Satanas, at hindi ko man lang alam kung gaano nito napinsala ang buhay ko. Ngayon ay nasa panganib ako, at hindi na dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos at saktan Siya. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos, gusto ko pong magsisi sa Iyo at tratuhin nang tama ang mga halalan. Mahalal man ako o hindi, magpapasakop ako sa mga pagsasaayos Mo.”
Nang panahon na ng eleksyon, nagtatalo pa rin ang kalooban ko: “Sa pagkakataong ito, kung talagang ihahalal nila ako, dapat kong tanggapin ang posisyon. Pero ang abilidad kong gumawa ng trabaho at ang kakayahan ko ay katamtaman lang, kaya kung hindi ako makagaganap nang maayos, ano’ng mangyayari? Pinakamainam na hayaan na lang na iba ang gumawa nito. Nang sa gayon, hindi ako malalantad uli.” Sa suliranin kong ito, bigla kong naisip ang salita ng Diyos: “Kapag ginagampanan ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin sa kaharian at ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang tungkulin sa harap ng Lumikha, dapat mahinahon silang sumulong nang may takot sa Diyos na puso. Hindi sila dapat na nangangapa, umuurong, o nagiging sobrang maingat. Kung alam mo na ang kalagayang ito ay mali at palagi kang nag-aalala tungkol dito sa halip na hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito, kung gayon ikaw ay pinipigilan at iginagapos nito, at hindi mo matutupad ang tungkulin mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nagsilbing paalala ang salita ng Diyos. Noon pa man ay nababalisa na ako sa mga halalan, at sa kritikal na sandali, gusto kong umatras at tumakas muli. Para sa mga nilikha, ang paggawa ng tungkulin ay tama at nararapat—isa itong karangalan. Pero ang totoo, umiwas ako sa responsibilidad, mahina ang loob, naging depensibo, at mapaghinala. Napakahangal ko at kalunus-lunos! Kailangan kong bumalik sa Diyos, maging isang simple at matapat na tao, tumigil sa pag-aalala sa aking hinaharap at huling hantungan, at ibigay sa Kanya ang aking puso. Mahalal man ako o hindi, hindi na ako pwedeng tumakas at magtago. Kung mahalal ako, kailangan kong tanggapin ito, at gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Nang lubos akong tumuon sa mentalidad na ito, naramdaman kong may naalis na malaking bigat sa puso ko, at naibsan ang aking pasanin.
Sa pagkakataong ito nang lumabas ang mga resulta ng halalan, napili ako at ang isa pang sister. Hindi na ako nalubog sa maling pagkaunawa at pagiging depensibo laban sa Diyos, at hindi na ako natatakot na matiwalag kung hindi ko magampanan nang maayos ang aking tungkulin. Sa halip, gusto kong pahalagahan ang pagkakataong ito, gawin ang lahat ng aking makakaya para magawa ko nang maayos ang aking tungkulin, at bayaran ang pagkakautang ko sa Diyos. Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot na matahak ang landas ng mga anticristo. Nagpapakita ito na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang maayos. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong magdesisyon nang mag-isa? Bukod pa riyan, kung ikaw ay may takot sa Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng mga taong hinirang ng Diyos, na nangangailangan ng pagkakaroon mo ng pagpaparaya at pagtanggap. … Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagsisiyasat. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos o magdedesisyon ka na nang mag-isa, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba pinoproktektahan nang hindi mo nalalaman? Pinoprotektahan ka—iyan ang proteksiyon mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Tinutukoy ng salita ng Diyos ang prinsipyo ng pagsasagawa na tumutulong upang maiwasan ang pagtahak sa maling landas: Hanapin ang katotohanan anuman ang mga problemang kinakaharap mo, talakayin ang mga bagay-bagay kasama ng iyong mga kapatid, makipagtulungan nang maayos, at gawin ang tungkulin mo ayon sa mga katotohanang prinsipyo; huwag kumilos nang basta-basta batay sa iyong mapagmataas na disposisyon at huwag gumawa ng mga desisyon nang mag-isa, at habang ginagawa ang iyong tungkulin, tanggapin ang pangangasiwa ng iyong mga kapatid. Kung hindi mo gagawin ang iyong tungkulin dahil lang sa nangangamba kang tahakin ang landas ng isang anticristo at natatakot na mabunyag, hindi lang nito mabibigong lutasin ang mga problema, kundi sisirain din ang pagkakataon mong makamit ang katotohanan at mailigtas. Hindi ba iyon katulad ng lubusan ka nang sumukong kumain dahil takot kang mabulunan? Pagkatapos niyon, inunawa ko ang mga aral ng mga nakaraan kong kabiguan, at kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, mayroon na akong mas tamang saloobin. Kapag nagkakaproblema ako, kaya kong sadyang makipagtalakayan sa lahat, makipagtulungan nang maayos, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo nang sama-sama. Pagkaraan ng ilang panahon, nakita ko ang patnubay ng Diyos, at epektibo kong nagawa ang aking tungkulin.
Ang karanasang ito ang nagtulak sa akin na magnilay sa aking sarili at alamin ang sarili kong tiwaling disposisyon, na nagbigay-daan sa akin na maunawaan ang layunin ng Diyos, maalis ang aking maling pagkaunawa sa Diyos at pagiging depensibo laban sa Kanya, at magampanan ang aking tungkulin nang maluwag sa pakiramdam. Salamat sa Diyos!