Mga Salita sa Kung Paano Harapin ang Katotohanan at ang Diyos
Sipi 1
Nananalig ang ilang tao sa Diyos kapag nakita nila na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay tunay ngang ang katotohanan. Gayunpaman, kapag nakarating na sila sa sambahayan ng Diyos at nakita nila na ang Diyos ay isang ordinaryong tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro sa kanilang puso. Ang kanilang mga salita at gawa ay hindi na napipigilan, sila ay nagiging masama, at iresponsable na ang kanilang pananalita, nanghuhusga at naninirang-puri kung paano man nila gusto. Sa ganitong paraan nabubunyag ang gayong masasamang tao. Ang mga nilalang na ito na walang pagkatao ay madalas na gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at walang mabuting darating sa kanila! Hayagan nilang nilalabanan, sinisiraan, hinuhusgahan at iniinsulto ang Diyos, hayagan Siyang nilalapastangan at sinasalungat. Ang ganitong mga tao ay dapat tumanggap ng matinding parusa. Ang ilang tao ay kabilang sa hanay ng mga huwad na lider, at pagkatapos matanggal, patuloy silang nakadarama ng hinanakit sa Diyos. Sinasamantala nila ang pagkakataong may mga pagtitipon upang patuloy na ipalaganap ang kanilang mga kuru-kuro at ilabas ang kanilang mga reklamo; maaari pa nga silang basta na lamang magbanggit ng masasakit na salita o ng mga salitang naglalabas ng kanilang galit. Hindi ba’t demonyo ang mga ganitong tao? Matapos mapalayas sa sambahayan ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagsisisi, sinasabing may nasabi silang mali sa isang sandali ng kahangalan. May ilang taong hindi nakakakilatis sa kanila, na nagsasabing, “Nakakaawa sila, at sa kanilang puso ay nagsisisi sila. Sinasabi nila na sila ay may pagkakautang sa Diyos at hindi nila Siya kilala, kaya patawarin natin sila.” Ganoon lang ba kadaling ibigay ang kapatawaran? Ang mga tao ay may kani-kaniyang dignidad, lalo na ang Diyos! Matapos ang kalapastanganan at paninirang-puri ng mga taong ito, tila nagsisisi sila sa ilan, na nagpapatawad sa kanila at nagsasabing sila ay kumilos sa isang sandali ng kahangalan—ngunit ito nga ba ay isang sandali ng kahangalan? Palagi silang may intensyon sa kanilang pananalita, at malakas pa ang kanilang loob na husgahan ang Diyos. Pinalitan sila ng sambahayan ng Diyos, at nawala sa kanila ang mga benepisyo ng katayuan, at sa takot na maitiwalag, nagpapahayag sila ng maraming reklamo at pagkatapos ay umiiyak nang may pait at pagsisisi. May mabuti ba itong nagagawa? Kapag nabitawan mo na ang mga salita, parang tubig ang mga ito na ibinuhos sa lupa, na hindi na mababawi. Pahihintulutan ba ng Diyos ang mga taong lumalaban, humuhusga, at lumalapastangan sa Kanya kung paano man nila gusto? Ipagsasawalang-bahala na lang ba Niya ito? Ang Diyos ay mawawalan ng dignidad, kung gayon. Pagkatapos ng kanilang paglaban, may ilang taong nagsasabing, “Diyos ko, tinubos ako ng Iyong napakahalagang dugo. Sinabihan Mo kaming patawarin ang mga tao nang pitumpu’t pitong beses—dapat Mo rin akong patawarin!” Walang kahihiyan! Ang ilang tao ay nagpapakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa Diyos, at natatakot pagkatapos Siyang siraan. Sa takot na maparusahan, agad silang lumuluhod at nananalangin: “Diyos ko! Huwag Mo po akong iwan, huwag Mo akong parusahan. Inaamin ko, nagsisisi ako, may pagkakautang ako sa Iyo, nagkamali ako.” Sabihin ninyo sa Akin, maaari bang mapatawad ang ganitong mga tao? Hindi! Bakit hindi? Ang kanilang ginawa ay nagkakasala sa Banal na Espiritu, at ang kasalanang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman mapapatawad, sa buhay na ito o sa susunod na mundo! Ang Diyos ay nananatiling tapat sa Kanyang mga salita. Siya ay may dignidad, poot, at isang matuwid na disposisyon. Sa palagay mo ba ay katulad ng Diyos ang tao, na kung ang isang tao ay medyo mas mabait lang sa Kanya, ay palalagpasin na lamang Niya ang mga nakaraang paglabag nito? Hindi ganito! Magiging maganda ba ang mga bagay-bagay para sa iyo kung lalaban ka sa Diyos? Kauna-unawa kung may mali kang nagawa dahil sa panandaliang kahangalan, o paminsan-minsan ay naghahayag ka ng kaunting tiwaling disposisyon. Ngunit kung ikaw ay tuwirang lumalaban, nagrerebelde, at sumasalungat sa Diyos, at kung ikaw ay naninirang-puri, lumalapastangan, at nagkakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa Kanya, ikaw ay ganap na mapapahamak. Hindi na kailangang manalangin pa ang ganitong mga tao; dapat na lamang silang maghintay na maparusahan. Sila ay hindi mapapatawad! Pagdating ng oras na iyon, huwag mong sabihin nang walang kahihiyan na, “Diyos ko, patawarin Mo po ako!” Kahit paano ka pa makiusap, paumanhin, pero wala itong silbi. Dahil nauunawaan na nila ang ilang katotohanan, kung sadyang lalabag ang mga tao, hindi sila mapapatawad. Dati, sinasabing hindi tinatandaan ng Diyos ang mga paglabag ng isang tao. Tumutukoy ito sa maliliit na paglabag na walang kinalaman sa mga atas administratibo ng Diyos at na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi kasama rito ang kalapastanganan at paninirang-puri sa Diyos. Ngunit kung lalapastanganin, huhusgahan, o sisiraan mo ang Diyos nang kahit isang beses, ito ay magiging isang permanenteng mantsa na hindi mabubura. Nais ng mga tao na lapastanganin at abusuhin ang Diyos kung paano man nila gusto, at pagkatapos ay samantalahin Siya upang makakuha ng mga pagpapala. Walang anuman sa mundo na kasingbaba niyan! Laging iniisip ng mga tao na ang Diyos ay mahabagin at mabait, na Siya ay mabuti, na Siya ay may malawak at di-masusukat na puso, na hindi Niya tinatandaan ang mga paglabag ng mga tao at na pinalalagpas na lamang Niya ang mga nakaraang paglabag at gawa ng mga tao. Ang pagpapalagpas na lamang sa nakaraan ay nangyayari sa maliliit na bagay. Hindi kailanman patatawarin ng Diyos ang mga hayagang lumalaban at lumalapastangan sa Kanya.
Bagama’t ang karamihan sa mga tao sa iglesia ay tunay na nananalig sa Diyos, wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ipinapakita nito na karamihan sa mga tao ay walang tunay na kaalaman sa disposisyon ng Diyos, kaya mahirap para sa kanila na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kung ang mga tao ay walang takot sa Diyos at hindi nasisindak sa Kanya sa kanilang pananampalataya, at sinasabi nila ang anumang gusto nila kapag ang gawain ng Diyos ay nakakaapekto na sa sarili nilang mga interes, kapag natapos na silang magsalita, iyon na ba ang magiging wakas nito? Dapat nilang pagbayaran ang ano mang sinabi nila, at ito ay hindi isang simpleng bagay. Kapag may mga taong lumalapastangan sa Diyos, kapag hinuhusgahan nila ang Diyos, alam ba nila sa kanilang puso kung ano ang kanilang sinasabi? Sa kanilang puso, alam ng lahat ng nagsasabi ng mga bagay na ito kung ano ang kanilang sinasabi. Maliban sa mga sinapian ng masasamang espiritu at may abnormal na pangangatwiran, alam ng mga karaniwang tao sa kanilang puso ang kanilang sinasabi. Kung sasabihin nilang hindi, nagsisinungaling sila. Kapag nagsasalita sila, iniisip nila: “Alam ko na Ikaw ang Diyos. Sinasabi ko na hindi tama ang ginagawa Mo, kaya ano ang maaari Mong gawin sa akin? Ano ang gagawin Mo kapag tapos na akong magsalita?” Sinasadya nila ito, para guluhin ang iba, para mahatak ang iba sa panig nila, para mahikayat ang iba na magsabi rin ng mga katulad na bagay, para mahikayat ang iba na gumawa rin ng mga katulad na bagay. Alam nila na ang kanilang sinasabi ay hayagang pagsuway sa Diyos, na ito ay paglaban sa Diyos, paglapastangan sa Diyos. Pagkatapos nila itong pag-isipan ay naiisip nilang mali ang kanilang ginawa: “Ano ba ang sinasabi ko? Ito ay isang mapusok na sandali at talagang pinagsisisihan ko ito!” Ang kanilang pagsisisi ay nagpapatunay na alam nila kung ano mismo ang kanilang ginagawa noong panahong iyon; hindi sa hindi nila alam. Kung sa tingin mo ay pansamantala silang naging ignorante at nalito, na hindi nila lubusang naintindihan, hindi ito ganap na tama. Maaaring hindi lubos na naunawaan ng mga tao, ngunit kung nananalig ka sa Diyos, dapat ay mayroon kang kahit kaunting sentido komun. Upang manalig sa Diyos, dapat kang masindak sa Diyos at magkaroon ng takot sa Kanya. Hindi mo maaaring lapastanganin ang Diyos, o husgahan o siraan Siya kung paano mo man gusto. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng “paghuhusga,” “kalapastanganan” at “paninirang-puri”? Kapag may sinabi ka, hindi mo ba alam kung hinuhusgahan mo ang Diyos o hindi? Ang ilang tao ay palaging nagsasalita tungkol sa katotohanang naging tagapagpatuloy na sila sa Diyos, at madalas nilang nakikita ang Diyos, at harapan na silang nakinig sa pagbabahagi ng Diyos. Walang sawa silang nakikipag-usap kaninuman tungkol sa mga bagay na ito, lahat ay tungkol sa mga panlabas na bagay; wala silang anumang tunay na kaalaman. Maaaring wala silang masamang intensyon kapag sinasabi nila ang mga bagay na ito. Maaaring maganda ang motibo nila para sa mga kapatid at nais nilang palakasin ang loob ng lahat. Ngunit bakit nila pinipiling pag-usapan ang mga bagay na ito? Kung kusa nilang inuungkat ang usaping ito, may intensyon nga sila: karaniwan ay upang magyabang at tingalain sila ng mga tao. Kung gusto nilang gawing buo ang tiwala ng mga tao at palakasin ang kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari nilang mas basahin sa kanila ang Kanyang mga salita, na siyang katotohanan. Kung gayon, bakit nila pinipilit na pag-usapan ang mga panlabas na bagay? Ang ugat ng pagsasabi nila ng mga bagay na ito ay sadyang wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila natatakot sa Diyos. Paano nila nagagawang manggulo at magyabang sa harap ng Diyos? May dignidad ang Diyos! Kung nauunawaan ito ng mga tao, gagawin pa rin ba nila ang mga gayong bagay? Ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Basta-basta lang silang nagsasabi ng tungkol sa Diyos at kung ano ang katangian ng Diyos para sa sarili nilang mga motibo, para makamit ang kanilang mga personal na layunin at para tumaas ang tingin ng iba sa kanila. Ito ay panghuhusga sa Diyos at paglapastangan lamang sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay walang anumang takot sa Diyos sa kanilang puso. Lahat sila ay mga taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Lahat sila ay masasamang espiritu at mga demonyo. Ang ilang tao ay ilang taon nang nananalig sa Diyos, ngunit pagkatapos mahuli ng malaking pulang dragon, sila ay naging Hudas, sumusunod pa nga sa malaking pulang dragon sa paglapastangan sa Diyos. Ang ilang tao ay nangangaral ng ebanghelyo, inuulit ang sinasabi ng mga relihiyosong tao sa pagsasabi ng mga bagay na humuhusga sa gawain ng Diyos at kumokondena sa Diyos. Alam nila na ang pagsasalita sa ganitong paraan ay paglaban sa Diyos at paglapastangan sa Diyos, ngunit hindi sila nababahala. Ang pagsasalita sa ganitong paraan ay hindi naaangkop, anuman ang iyong motibo. Hindi ba pwedeng iba na lamang ang sabihin mo? Bakit mo kailangang sabihin ang mga bagay na ito? Hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Kung ang ganitong pananalita ay lumalabas sa iyong bibig, nilalapastangan mo ang Diyos. Hindi makadiyos na magsabi ka ng mga ganitong bagay, sinasadya mo man o hindi. Wala kang may-takot-sa-Diyos na puso. Sumasama ka sa iba at nagsasabi ng mga kalapastanganan para pasayahin ang iba at magustuhan ka nila. Napakasama mo; kasabwat ka ng diyablo! Kaya mo bang makipaglaro, husgahan, limitahan, at lapastanganin ang Diyos sa di-makatwirang paraan? Ang paggawa nito ay kakila-kilabot! Kung may nasabi kang mali at nalabag nito ang disposisyon ng Diyos, ikaw ay mapapahamak. Ito ay isang nakamamatay na bagay! Iniisip ng ilang tao, “Ang mga tao sa relihiyon ay nililihis ng mga pastor at mga elder, at karamihan sa kanila ay nagsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos at humuhusga at kumokondena sa Kanyang gawain. Tinanggap ng ilang tao ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagsisi. Maliligtas ba sila, kung ganoon? Kung silang lahat ay pababayaan ng Diyos, napakakaunti ng taong maliligtas; halos wala nang maliligtas.” Hindi mo nakikita nang malinaw ang bagay na ito, hindi ba? Ang disposisyon ng Diyos ay ang pagiging matuwid, at Siya ay matuwid sa lahat. Noong mga araw ni Noe, walong tao lamang ang naligtas sa arka; ang iba ay napuksa. Nangangahas ka bang sabihin na ang Diyos ay hindi matuwid? Ang sangkatauhan ay labis na tiwali. Lahat sila ay kay Satanas; lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay mababa at walang halaga. Kung hindi nila matatanggap ang gawain ng Diyos, sila ay lilipulin, gaya ng dati. Maaaring isipin ng ilang tao: “Kung wala sa atin ang maliligtas ng Diyos, hindi ba magiging walang kabuluhan ang gawain ng Diyos? Para sa akin, hindi maililigtas ng Diyos ang sangkatauhan kung wala ang tao. Kung iiwan ng Diyos ang tao, mawawala ang pamamahala ng Diyos.” Nagkakamali ka. Ipagpapatuloy pa rin ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, kahit na wala ang tao. Masyadong pinahahalagahan ng mga tao ang kanilang sarili. Ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, hinding-hindi sila tapat sa harap ng Diyos, at wala silang anumang mabuting pag-uugali. Dahil ang mga tao ay nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at nabibilang kay Satanas, kaya nilang husgahan ang Diyos at lapastanganin ang Diyos anumang oras at kahit saan. Ito ay isang kakila-kilabot na bagay—isang paglabag sa disposisyon ng Diyos!
Sipi 2
Dapat maarok ng mga nananalig sa Diyos ang ilang mahahalagang bagay. Kahit papaano man lang, dapat alam nila sa kanilang puso ang kahulugan ng manalig sa Diyos; kung aling mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga nananalig sa Diyos; kung paano dapat isagawa ng isang tao ang pagpapasakop sa Diyos; pati na rin ang, sa pagpapasakop sa Diyos, kung aling mga katotohanan at aling mga salita Niya ang dapat maunawaan ng isang tao, at kung aling mga realidad ang dapat tinataglay ng isang tao upang makapagpalugod sa Kanya. Kung mayroon kang ganitong pananampalataya at ganitong determinasyon, kahit pa paminsan-minsan ay may ilan kang kuru-kuro o nagkikimkim ka ng ilang layunin, magiging madaling bitiwan ang mga iyon. Palaging magiging mapili sa pagpapasakop nila iyong mga taong walang ganitong pananampalataya, at paminsan-minsan, magiging maselan din sila, magiging palaaway, magkikimkim ng hinanakit, at magrereklamo…. Magaganap paminsan-minsan ang lahat ng uri ng mapaghimagsik na pag-uugali! Hindi lamang ito paminsan-minsang isa o dalawang mga pagkakataon, ni hindi isang panandaliang kaisipan, kundi ang kakayahang magsabi ng mapaghimagsik na mga salita at gumawa ng mapaghimagsik na mga bagay. Ipinahihiwatig nito ang isang napakalalang mapaghimagsik na disposisyon. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at kahit pa determinado silang magpasakop sa Diyos, limitado ang pagpapasakop nila; relatibo ito, at ito rin ay paminsan-minsan, panandalian, at kondisyonal. Hindi ito lubos. Kapag may tiwaling disposisyon, napakatindi ng kanilang paghihimagsik. Kinikilala nila ang Diyos ngunit hindi sila makapagpasakop sa Kanya, at handa silang makinig sa mga salita Niya ngunit hindi sila makapagpasakop sa mga ito. Alam nilang mabuti ang Diyos, at nais nilang mahalin Siya ngunit hindi nila ito magawa. Hindi nila magawang ganap na makinig sa Diyos, hindi nila magawang hayaan Siyang mamatnugot sa lahat ng bagay, at mayroon pa rin silang mga sarili nilang pagpipilian, nagkikimkim sila ng kanilang sariling mga layunin at mga motibo, at may sarili silang mga pakana, mga ideya, at paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang pagkakaroon nila ng kanilang sariling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ng sarili nilang mga pamamaraan, ay nangangahulugang hindi nila magagawang magpasakop sa Diyos. Ang kaya lamang nilang gawin ay ang kumilos ayon sa sarili nilang mga ideya at maghimagsik sa Diyos. Ganito kamapaghimagsik ang mga tao! Kaya, ang kalikasan ng tao ay hindi lamang mga simpleng tiwaling disposisyon tulad ng mababaw na pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagtingin sa sarili, o paminsan-minsang mga pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos; sa halip, ang diwa na ni Satanas ang naging diwa ng tao. Paanong ipinagkanulo noon ng arkanghel ang Diyos? At paano naman ang mga tao sa kasalukuyan? Sa totoo lang, matatanggap man ninyo o hindi, ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi lamang ganap na ipinagkakanulo ang Diyos tulad ng ginawa ni Satanas, kundi tuwiran din silang mapanlaban sa Diyos sa kanilang mga puso, sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga ideolohiya. Ito ang pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan upang maging diyablo sila; tunay ngang naging anak na ni Satanas ang mga tao. Sasabihin ninyo marahil: “Hindi kami mapanlaban sa Diyos. Pinakikinggan namin anuman ang sinasabi ng Diyos.” Mababaw iyan; para ka lang nakikinig sa kung anumang sinasabi ng Diyos. Ang katunayan, kapag pormal Akong nagbabahagi at nagsasalita, walang mga kuru-kuro at mabuti ang pagkilos at masunurin ang karamihan ng mga tao, ngunit kapag nagsasalita Ako at gumagawa Ako ng mga bagay sa normal na pagkatao, o namumuhay at kumikilos Ako sa normal na pagkatao, umuusbong ang mga kuru-kuro nila. Sa kabila ng pagnanais na bigyan Ako ng puwang sa kanilang mga puso, hindi nila Ako mapaunlakan, at paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila mabitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Ipinakikita nito na ang kaya lamang ng tao ay medyo magpasakop sa Diyos, hindi ganap. Alam mong Siya ang Diyos, at alam mong dapat magkaroon ng normal na katauhan ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya bakit hindi ka lubusang makapagpasakop sa Diyos? Ang Diyos na naging tao ay si Cristo, ang Anak ng tao; kapwa Siya may pagka-Diyos at normal na pagkatao. Sa panlabas, mayroon Siyang normal na pagkatao, ngunit nabubuhay at gumagawa sa loob ng normal na pagkataong ito ang Kanyang pagka-Diyos. Ngayon, naging tao ang Diyos bilang si Cristo, nagtataglay ng pagka-Diyos at pagkatao. Ngunit nakapagpapasakop lamang ang ilang tao sa ilan sa Kanyang mga banal na salita at gawain, tinatangkilik lamang nila ang Kanyang mga banal na salita at malalim na wika bilang mga salita ng Diyos, habang binabalewala nila ang ilan sa Kanyang mga salita at gawain sa normal na pagkatao. May mga tao pa ngang mayroong ilang ideya at kuru-kuro sa kanilang mga puso, naniniwalang ang Kanyang banal na wika lamang ang salita ng Diyos at na ang Kanyang pantaong wika ay hindi. Matatanggap ba ng ganitong mga tao ang lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos? Maaari ba silang dalisayin at gawing perpekto ng Diyos? Hindi maaari, dahil nakauunawa ang mga ganitong tao sa isang kakatwang paraan at hindi nila makakamit ang katotohanan. Sa madaling salita, lubhang komplikado ang panloob na mundo ng tao, at lalo nang komplikado ang mga mapaghimagsik na bagay na ito—hindi na ito kailangang ipaliwanag pa. Kaya ng mga tao na magpasakop sa pagka-Diyos ng Diyos, ngunit hindi nila kayang magpasakop sa ilan sa gawain at mga salita ng Kanyang normal na pagkatao, na nagpapakitang hindi sila tunay na nagpasakop sa Diyos. Palaging may kondisyon ang pagpapasakop ng mga tao sa Diyos; pinakikinggan nila ang anumang pinaniniwalaan nilang tama at makatwiran, at ayaw nilang pakinggan ang pinaniniwalaan nilang hindi tama at hindi makatwiran. Hindi sila nagpapasakop sa kung ano ang ayaw nilang pakinggan o sa kung ano ang hindi nila kayang gawin. Matatawag ba itong tunay na pagpapasakop? Talagang hindi. Ipinakikita nito na hindi mabubuti ang disposisyon ng mga tao, na talagang ubod ng sama at hindi mabuti ang kanilang mga disposisyon—napakahalaga nito! Ibig sabihin, kahit kapag nagpapasakop nang kaunti ang mga tao sa Diyos, palagi itong pagpapasakop na mapili at may kondisyon, at hindi kailanman ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung sinasabing nakikinig at nagpapasakop ang isang tao, medyo totoo lamang ito, dahil hindi mo pa naaapektuhan ang kanilang mga interes o tunay silang pinungusan, hindi mo pa sila prangkahan at direktang pinungusan. Sa sandaling tunay mo silang pungusan, magiging laban sila sa iyo at sisimangot buong araw. Kung may itatanong ka sa kanila, hindi sila sasagot, at kung may ipagagawa ka, ayaw nila itong gawin. Kapag may pinagawa kang ayaw nilang gawin, magsisimula silang manira ng mga bagay at maging matigas ang ulo sa iyo. Napakasama ng maaaring maging disposisyon ng isang tao! Alam mo namang Siya ang Diyos, bakit ganyan ang pagtrato mo sa Kanya? Wala itong pinagkaiba sa mga Pariseo at kay Pablo noon. Alam ba ni Pablo na Diyos si Jesus? Bakit niya inusig ang mga disipulo ni Jesus? Bakit niya inaresto ang napakarami sa kanila? Sa huli, nakita ni Jesus na sumobra na si Pablo sa pag-uusig nito, at sa daan patungong Damasco, pinabagsak Niya si Pablo. Nagliwanag sa paligid ni Pablo, at bumagsak ito sa lupa. Pagkatapos bumagsak, tinanong nito si Jesus: “Sino ka baga, Panginoon?” Sabi sa kanya ni Jesus: “Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig” (Mga Gawa 9:5). Mula noon, mas higit nang malumanay si Pablo. Kung hindi siya “tinanglawan” at pinabagsak ni Jesus, hindi tatanggapin ni Pablo si Jesus, lalo na ang mangaral para sa Kanya. Anong pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na napakasama ng mga kalikasan ng mga tao.
Madalas sabihin ng mga tao: “Lahat tayong mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; wala sa atin ang makapagpapalugod sa Diyos,” at, “Napakamapagmagaling at napakalabis na mapagpahalaga sa sarili ang mga tao. Palagi silang naniniwalang mabuti sila, na mas mabuti sila kaysa sa iba!” Ang totoo, ito ang pinakapahapyaw na mga pang-unawa; isa lamang itong maliit na aspekto ng isang tiwaling disposisyon. Bakit hindi mo tinatalakay iyong mga kaisipan at layuning maghimagsik at lumaban sa Diyos na nasa sarili mong kalikasan? Hinihingi ng Diyos na gawin mo ang isang bagay sa isang paraan, pero gagawin mo ito sa iba pang paraan. Gumagawa ang Diyos sa isang paraan, pero hihingin mong gumawa Siya sa iba pang paraan. Hindi ba ito pakikipagtalo sa Diyos? May ganitong uri ng disposisyon ang lahat; walang makatatakas dito. Marahil sasabihin ng ilang tao: “Hindi ako ganito, hindi ko alam!” Iyon ay dahil hindi ka pa nakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag nagawa mo na iyon, at pagkatapos ng isang linggo ng unti-unting pagkilala sa Kanya, garantisadong magbabago ka at mabubunyag ang tunay mong pagkatao. Hindi ito isang labis na pahayag, ni pangmamaliit sa iyo. Sa kasalukuyan, ang mga tao ay hindi lamang may mga tiwaling disposisyon; naging tiwali na rin ang kanilang mga kalikasan. Naging napakatiwali na ng kanilang normal na pagkatao na ito ay gula-gulanit at lubusan nang nawala; ibig sabihin, wala nang normal na pagkatao ang mga tao. May normal na pagkatao ang Diyos na nagkatawang-tao, ngunit ang mga tao ay lahat mayroong mga tiwaling disposisyon, at walang gaanong normal na pagkatao, kung kaya’t imposible para sa kanila na makatugma ng Diyos. Tiyak na magkakaroon sila ng mga pagkakaiba at alitan sa Diyos pagdating sa maraming bagay, hanggang sa maging mapanlaban pa nga sila sa Kanya. Ito ay dahil walang may-takot-sa-Diyos o pusong nagpapasakop sa Diyos ang mga tao. Hindi maaaring hingin ng isang tao sa mga tao na, “Dahil sa kinikilala mong Siya ang Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya anuman ang sabihin Niya,” lalong hindi niya maaaring hingin na magparaya sila sa Diyos sa bawat bagay. Hindi ito tungkol sa pagpaparaya; ang mga tao ay mga nilikha, at sa huli, ang Diyos ay Diyos at ang tao ay tao—dapat may hangganan sa pagitan nila. Paano nagdasal ang tagapaglingkod ni Abraham sa Diyos na si Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan? “Oh Panginoon, Dios ng aking panginoong si Abraham” (Genesis 24:12). Malinaw niyang kinilala ang pagkakaiba-iba ng posisyon, samantalang ang mga tao sa kasalukuyan ay naniniwalang: “Hindi gaanong naiiba ang Diyos sa atin. Mayroon din Siyang normal na pagkatao, at mayroon Siya ng mga pangangailangan, ng lahat ng uri ng damdamin, ng buhay, at ng mga aktibidad ng normal na pagkatao. Bagama’t gumagawa Siya ng banal na gawain, hindi maaaring mawala ang Kanyang normal na pagkatao!” Sa sandaling magkaroon ang mga tao nitong mababaw na ideya ng “normal na pagkatao” sa loob nila, magkakaroon sila ng tendensiyang ituring ang gawain ng Diyos, ang mga salita Niya, at ang disposisyon Niya bilang normal na pagkatao ng tao, at itanggi ang Kanyang banal na diwa. Ito ay isang napakalaking pagkakamali; ginagawa nitong imposibleng makilala ang Diyos, hindi ba? Hindi pa kayo nakikipag-ugnayan sa Diyos; sino sa inyo ang mangangahas sabihing, “Kung makikipag-ugnayan ako sa Diyos sa loob ng isang taon, ginagarantiya kong ni hindi ako magiging mapaghimagsik”? Walang sinuman ang makatitiyak. Mahigit 10 o 20 taon nang nananalig sa Diyos ang karamihan ng mga tao, ngunit walang sinumang kayang makakamit ng tunay na pagpapasakop sa Kanya. Sapat na ito upang ipakitang labis nang ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at na nakabaon na sa puso ng mga tao ang disposisyon ni Satanas; may ilang tiwaling bagay na hindi ninyo man lang kayang hukaying mag-isa. Napakarami Ko nang sinabing salita, nagpahayag na Ako ng napakaraming katotohanan, ngunit halos walang nakauunawa talaga sa katotohanan. Matigas ang ulo at mali ang pag-iisip ng mga tao ngayon; sila ay manhid at mapurol ang utak sa isang antas. Hindi sa medyo mangmang lang sila—nabuo na ang kanilang mga mapaghimagsik na kalikasan, ngunit hindi ninyo pa rin nakikita ito nang malinaw.
Ang ilang tao, kapag nakakaharap si Cristo sa loob ng isa o dalawang araw, ay nakikitang Siya ay hindi pamilyar at medyo nararamdaman nilang napipigilan sila: “Narito ang Diyos!” Nasa mga puso nila ang kaisipang ito, ngunit pagkatapos ng 10 araw o dalawang linggong pakikipag-ugnayan sa Kanya, habang paunti-unti silang nagiging mas pamilyar at malapit sa Kanya, sila ay nagiging maluwag sa mga puso nila at hindi na nila pinagkakaiba ang katayuan nila at ang katayuan Niya. Ito ay na para bang mayroong lubos na pagkakapantay-pantay, nang walang anumang herarkiya; iniisip nilang nararapat para sa Diyos na ibahagi sa kanila ang buhay at kagalakan. Paminsan-minsan ay pinag-iisipan Ko, paano kaya naging ganito ang mga taong ito? Kung palagi Ko silang pupungusan at sesermunan, tiyak na sila ay magiging mabuti ang pag-uugali at mapagpasakop. Kapag nakikipag-usap Ako sa isang tao paminsan-minsan bilang isang kapantay, iniisip niya: “Hmm, tingnan mo kung gaano kabuti sa akin ang Diyos!” Ang pagiging mabuti sa iyo ay hindi nagpapatunay na wala kang mapaghimagsik na disposisyon o na mabuti ang iyong kalikasang diwa. Hindi ba? Ang ilang tao, kapag tinatrato Ko sila nang medyo mas mabuti at medyo nginingitian Ko sila ay nakalilimutan nila ang kanilang posisyon sa sansinukob, nakalilimutan nila kung saan sila nanggaling at kung ano ang kanilang pagkakakilanlan at diwa—nakalilimutan nila ang lahat ng ito. Tunay na napakasama ng mga kalikasan ng mga tao; wala silang anumang katwiran! Kung naniniwala ang ilang tao na napakabuti nila, sige at makipag-ugnayan ka sa Diyos sa loob ng ilang panahon at tingnan mo kung paanong malalantad ang lahat ng paghihimagsik at paglaban na nasa loob mo. Makipag-ugnayan ka sa Diyos sa loob ng ilang panahon—hindi kita paaalalahanan, pagagalitan, o pupungusan, at walang sinumang makikipagbahaginan sa iyo; daranas kang mag-isa, at makikita natin kung hanggang saan ang mararanasan mo. Kung hindi mo matatamo ang katotohanan, tiyak na labis kang mabibigo, ang mga kahihinatnan ay magiging matindi. Masyadong malala ang mga mapaghimagsik na disposisyon ng mga tao; ang mga puso nila ay hindi kayang paunlakan ang iba! Ang iyong mapaghimagsik na disposisyon, satanikong kalikasan, at mayabang na puso ay hindi kayang paunlakan ang ibang mga tao. Marahil ang ilang tao, pagkatapos makipag-ugnayan sa Akin sa loob ng ilang panahon, ay nagkakaroon ng ilang maling kaisipan; kung hindi malulutas ang mga ito, sa sandaling maging mga kuru-kuro at panghuhusga ang mga ito, malalagay sila sa panganib. Sinasabi ng ilang tao: “Iyan ay dahil masyado Kang pangkaraniwan at normal. Hindi ako ganito sa pananampalataya ko sa Panginoong Jesus.” Pareho ito sa pananampalataya mo kay Jesus. Kung inilagay kayo sa kapanahunan ni Jesus, magiging kagaya lang kayo ng mga Pariseo, mapupuno ang mga isip ninyo ng mga kuru-kuro. Huwag mong isiping mahihigitan mo si Hudas. Nagawa niyang ipagkanulo at pagnakawan ng salapi ang Panginoon para sa kanyang sariling panggastos; maaaring hindi mo ipagkanulo ang Panginoon o walang ingat na gastusin ang salapi ng iglesia, ngunit hindi ka magiging isang taong nagpasakop sa Panginoon, at tiyak na mapupuno ka ng mga kuru-kuro, paghihimagsik, at paglaban. Ang mga salita at ang gawain ng Panginoong Jesus ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Bakit sinalungat ni Hudas ang Panginoon? Napakasama ng kalikasan niya; hindi niya napaunlakan si Cristo at iginiit niyang maging mapanlaban kay Cristo. Hindi ba’t labis ding nagdusa si Pedro noon? Sa huli, dahil medyo mas mabuti ang pagkatao niya kaysa sa iba noong panahong iyon, at dahil nagawa niyang hangaring mahalin ang Diyos, sa huli ay ginawa siyang perpekto. Noon, mayroon din siyang ilang kuru-kuro at opinyon tungkol kay Jesus, ngunit dahil nagawa niyang hangarin na mahalin ang Panginoon, sa huli ay nakamit niya ang ilang kaalaman tungkol sa Panginoong Jesus. Kaya, huwag kang magyabang; huwag mong garantiyahing magtatagumpay ka at magkakamit ng perpektong marka sa isang bagay na hindi mo pa naranasan. Hindi ito tunay o makatotohanan. Kailangang maranasan mo muna ito; saka lamang magiging praktikal ang ibabahagi mong kaalaman at mga kabatiran. Huwag mong sabihing: “Diyos ko, halika sa bahay ko, ipinapangako kong hindi Kita gagalitin nang tulad ng iba. Ipinapangako kong hindi ako magiging kasing di-makatao gaya ng iba.” Hindi ito tiyak, dahil ang mga sangkap ng normal na pagkatao na nasa loob ng mga tao ay nawasak na; wala na ang kanilang normal na pagkatao, pati na rin ang kanilang konsensiya at katwiran—sa simple at tapat na pananalita, ang sentido komun ng normal na pagkatao, at ang kakayahang makinig at maging mapagpasakop, ang lahat ng positibong bagay na ito, ay nawala na sa loob ng mga tao. Kaya, ang mga prinsipyo ng mga tao sa pamumuhay at ang kanilang mga mithiin sa buhay ay nagbago na; sumusunod silang lahat sa satanikong pilosopiya at pinangingibabawan sila ng kalikasan ni Satanas. Tuso at mapanlinlang ang pananalita nila, pumupunta sila sa kung saanmang direksyon ang ihip ng hangin, at mahusay sila sa pagsasabi ng mga bagay na kaaya-ayang pakinggan—naniniwala silang napakasarap mamuhay nang ganito. Bakit sinasabing napakalalim nang nagawang tiwali ang mga tao? Matapos ang napakalalim na pagkatiwali, mayroon pa bang normal na pagkatao ang mga tao? Naniniwala kang mayroon kang isang tiwaling disposisyon, na pinaniniwalaan mong pagiging medyo mayabang, mapagmagaling at mapagmataas lamang, pagiging medyo mapanlinlang sa pananalita, o pagiging medyo pabasta-basta sa pagganap ng iyong mga tungkulin—iyon lamang. Ngunit napakababaw ng kaalamang ito; panlabas lamang ito. Ang susi ay na likas na masama ang tao, iginagalang ng lahat ng tao ang kasamaan at ikinakaila at nilalabanan nila ang Diyos, at naglaho na sa balat ng lupa ang kanilang normal na pagkatao. Hindi ba’t ganito ito? Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao upang maabot nila ang pamantayan ng pagiging isang nilikha? Ang susi ay ang makahanap ng isang landas ng pagsasagawa, isang angkop na paraan ng pagsasagawa, mula sa mga salita ng Diyos. Alam ninyong lahat na walang katangi-tanging mabubuting tao sa sangkatauhan, kaya bakit sinasabi ngayon na may mga taong may pagkatao samantalang ang iba naman ay wala? Kaya ba talagang isagawa ng mga taong may pagkatao ang mga katotohanang ito? Hindi rin nila kayang isagawa ang mga ito; sila ay medyo mas mabait at mas malumanay lang sa mga puso nila, at medyo mas responsable sa kanilang gawain—ngunit relatibo ang lahat ng ito, hindi lubos. Kung susuriin mo ang isang tao at sasabihin mong ganap na mabuti ang taong ito at wala siyang anumang mga kapintasan o paghihimagsik, na ganap siyang masunurin at mapagpasakop, at na hindi man lang siya pabasta-basta sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, hindi ba’t isa itong pagmamalabis? Naaayon ba ito sa mga katotohanan? Mayroon ba talagang ganitong tao? Kung ganito kayo makaunawa ng mga bagay, iyan ay baluktot. Ngunit kung naniniwala kayong, “Katapusan na naming mga tao. Wala ni isa sa amin ang mabuti, kaya ano pang silbi ng pananalig sa Diyos? Hihinto na lamang ako sa pananalig at hihintayin ang kamatayan ko!” katawa-tawa rin ito. Palagi kang lumalabis, na para bang hindi ka nakauunawa ng payak na pananalita; palagi kang humihilig sa isang banda o sa kabila. Kung magsasalita Ako nang mas mahina at marahan, mabibigo kayong makilala ang mga sarili ninyo, ngunit kung magsasalita Ako nang masyadong mahigpit at malupit, yuyuko kayo, magiging negatibo, at susukuan pa ninyo ang inyong mga sarili. Kapag naririnig ng ilang tao ang mga salita ng paghatol at pagkondena ng Diyos, agad silang napaparalisa at naniniwalang katapusan na nila, na wala silang pag-asang maligtas. Ang mga taong ito ang mismong mga pinakamahirap iligtas, dahil hindi sila nakauunawa ng payak na pananalita! Ngayon, kapag nagsasalita ang Diyos at naglalantad Siya ng mga tao, ito ay para ipaunawa sa kanila ang ugat ng tiwaling kalikasan ng tao at ipaunawa sa kanila kung bakit nagagawa ng tao na maghimagsik laban sa Diyos. Kapaki-pakinabang sa mga tao ang paglalantad ng mga bagay na ito. Kung hindi ilalantad ang mga bagay na ito, mananalig ka hanggang katapusan nang hindi mo kailanman nakikilala ang iyong sarili, palagi mong sasabihing mayabang ang arkanghel, o sasabihing mapagmataas ang taong ito at ang taong iyon naman ay mapaghimagsik. Paano naman ang sarili mo? May mga tao ring palaging sinasabing, “Tunay ngang mapaghimagsik kami sa Diyos,” ngunit hindi pa rin nila alam ang ugat ng kanilang paghihimagsik at hindi nila naaarok o naiintindihan ang diwa ng mga kalagayang iyon. Nangangahulugan ito na hindi nila kayang magbago at hindi sila maililigtas. Nauunawaan ba ninyo ang mga salitang ito? (Oo.)
Mayroong dalawang pangunahing aspekto sa katatapos Ko lamang ibahagi. Ang isang aspekto ay na, sa pananalig sa Diyos, dapat maisakatuparan ng isang tao ang tunay na pagpapasakop, dapat ganap niyang maabot ang pamantayan ng isang nilikha. Ang isa pa ay na ang paglalantad sa paghihimagsik na nasa loob ng mga tao at paglalantad sa kanilang kalikasan ay nagpapahintulot sa kanila na makilala ang kanilang mga sarili. Kung hindi sila ilalantad nang ganito at hayaang makilala ang mga sarili nila, sasabihin ng lahat na mabuti sila at mas mabuti sila kaysa sa iba. Halimbawa, sasabihin ng ilang tao, “Napakalalim din ng pagkatiwali sa akin,” ngunit kapag nakikipag-ugnayan sila sa iba sa loob ng ilang panahon, naniniwala silang mas mabuti pa rin sila kaysa sa iba, iniisip nila: “Hindi ako mabuti; nakikita kong hindi ka mas mabuti, at sa totoo lang ay mas masahol ka pa kaysa sa akin!” Huwag mong isiping mas mabuti ka kaysa sa iba. Hindi ka mas mabuti kaysa sa iba sa anumang paraan; pare-pareho lang ang mga mapaghimagsik na kalikasan ng mga tao. Malinaw ba ang lahat ng ito? Ngayong natapos na nating pagbahaginan ito, ano sa palagay ninyong lahat? Iniisip ba ninyong: “Napakaraming taon na akong nananalig sa Diyos, at akala ko ay isa akong taong nagpasakop sa Diyos. Sa araw na ito, ngayong natapos nang magbahagi ang Diyos, sa wakas ay napagtanto kong wala akong tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi ko pa rin Siya tinatrato bilang Diyos. Ni hindi ko magawang magpasakop sa Diyos—ako ay ganap na walang katwiran at napakagulo ng pananampalataya ko!” Kung talagang mayroon kang ganitong uri ng kaalaman, may pag-asa ka pang makapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos at maging isang taong nagpapasakop sa Kanya; saka mo lamang matatamo ang kaligtasan.
Sipi 3
Bigo ang isang malaking bilang ng mga mananampalataya na bigyang-halaga ang pagbabago sa buhay disposisyon, sa halip ay itinutuon nila sa at inaalala ang saloobin ng Diyos sa kanila at kung may lugar sila o wala sa puso ng Diyos. Palagi nilang sinusubukang hulaan kung paano sila nakikita ng Diyos at kung may posisyon ba sila o wala sa Kanyang puso. Maraming tao ang nagkikimkim ng mga ganitong uri ng kaisipan, at kung makakaharap nila ang Diyos, palagi nilang pinagmamasdan kung masaya o nagagalit Siya kapag nakikipag-usap Siya sa kanila. Tapos ay may mga taong laging nagtatanong sa iba na, “Nabanggit ba ng Diyos ang aking mga paghihirap? Ano ba ang tingin Niya sa akin? Nagpapakita ba Siya ng anumang pag-aalala para sa akin?” Ang ilan ay may mas seryoso pang mga isyu—kung napapasulyap man lang ang Diyos sa kanila, para bang may natuklasan silang isang bagong problema: “Naku, kakasulyap lang sa akin ng Diyos, at tila hindi masyadong masaya ang tingin sa Kanyang mga mata, hindi ito magandang senyales.” Binibigyan ng mga tao ng malaking pagpapahalaga ang gayong mga bagay. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang pinananaligan nating Diyos ay ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya’t kung hindi Niya tayo pinapansin, hindi ba’t nangangahulugan iyon ng wakas para sa atin?” Ang ibig nilang sabihin dito ay, “Kung wala tayong lugar sa puso ng Diyos, bakit pa tayo mag-aabalang manampalataya? Dapat tumigil na lang tayo sa pananampalataya!” Hindi ba ito kawalan ng katwiran? Alam mo ba kung bakit dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos? Hindi kailanman pinag-iisipan ng mga tao kung may lugar ba ang Diyos sa kanilang puso, gayunpaman ay gusto nila ng lugar sa puso ng Diyos. Kay yabang at palalo nila! Ito ang bahagi nila na pinakawalang katwiran. Mayroon pa ngang mga tao na sobrang walang katwiran na kapag tinatawag ng Diyos ang ibang tao, at hindi binabanggit ang pangalan nila, o nagpapakita ng pagmamalasakit at pangangalaga sa iba kaysa sa kanila, hindi sila nasisiyahan at nagsisimulang magmaktol at magreklamo tungkol sa Diyos, sinasabing hindi Siya matuwid at ni hindi man lang patas at makatwiran. Ito ay isang problema sa kanilang katwiran, at sa medyo abnormal din nilang pag-iisip. Sa karaniwang mga pagkakataon, palaging sinasabi ng mga tao na magpapasakop sila sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, na hindi sila kailanman magrereklamo sa kung paano man sila tinatrato ng Diyos, at na ayos lang sa kanilang pungusan, hatulan, o kastiguhin sila ng Diyos, pero kapag nakatatagpo sila ng gayong mga bagay sa realidad, hindi nila tinatanggap ang mga ito. May katwiran ba ang mga tao? Napakataas ng tingin ng mga tao sa kanilang sarili at pinaniniwalaan nilang napakaimportante nila na kung inaakala man lang nilang tiningnan sila ng Diyos sa maling paraan, pakiramdam nila ay wala silang pag-asa na makamit ang kaligtasan, lalo pa kung talagang pupungusan sila ng Diyos. O, kung kinakausap sila ng Diyos sa mas malupit na tono at ito ay tumatagos sa kanilang puso, nagiging negatibo sila at nagsisimulang mag-isip na walang kabuluhan ang pananampalataya nila sa Diyos. Iniisip nilang, “Paano ako patuloy na mananalig sa Diyos kung hindi Niya ako pinapansin?” Ang ilan ay walang pagkilatis sa ganitong uri ng tao at iniisip na: “Tingnan mo kung gaano katotoo ang pananampalataya nila sa Diyos. Napakahalaga ng Diyos sa kanila. Nagagawa pa nga nilang interpretahin ang kahulugan ng Diyos mula sa isang sulyap. May malalim silang katapatan sa Diyos—talagang nakikita nila ang Diyos sa lupa bilang Diyos sa langit.” Ganito ba ito? Masyadong magulo ang pag-iisip ng mga taong ito, masyadong nagkukulang sa kabatiran sa lahat ng bagay; masyadong mababa ang kanilang tayog at tunay silang nagbubunyag ng lahat ng uri ng kapangitan. May napakahinang katwiran ang mga tao—masyadong marami silang hinihingi sa Diyos at humihingi sila nang sobra-sobra mula sa Kanya, wala silang kahit katiting na katwiran. Palaging hinihingi ng mga tao na gawin ito o iyon ng Diyos at hindi nila makayang ganap na magpasakop sa Kanya o sumamba sa Kanya. Sa halip, humihingi sila ng mga di-makatwirang bagay mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kagustuhan, hinihinging maging sobrang mapagbigay Siya, na hindi Niya kailanman ikagagalit ang anumang bagay, at na kapag nakikita Niya ang mga tao, dapat ay palagi Siyang nakangiti at palaging nakikipag-usap sa kanila, at nagbibigay sa kanila ng katotohanan at nagbabahagi sa kanila tungkol sa katotohanan. Hinihingi rin nilang lagi Siyang maging mapagpasensya at magpanatili Siya ng isang kaaya-ayang ekspresyon kapag kasama sila. Masyadong maraming hinihingi ang mga tao; masyado silang maselan! Dapat ninyong suriin ang mga bagay na ito. Napakahina ng katwiran ng tao, hindi ba? Hindi lang sa hindi kaya ng mga taong ganap na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos o tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, bagkus, nagpapataw sila ng mga karagdagang hinihingi sa Diyos. Paano magiging tapat sa Diyos ang mga taong may gayong mga hinihingi? Paano sila makapagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Paano nila makakayang mahalin ang Diyos? May mga hinihingi ang lahat ng tao sa kung paano sila dapat mahalin, pagtimpian, bantayan, protektahan, at pangalagaan ng Diyos, pero wala sa kanila ang may anumang hinihingi sa kanilang sarili kung paano dapat mahalin ang Diyos, isipin ang Diyos, maging maalalahanin sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, magkaroon ng Diyos sa kanilang puso, at sumamba sa Diyos. Umiiral ba ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao? Ito ang mga bagay na dapat isakatuparan ng mga tao, kaya’t bakit hindi sila masigasig na sumusulong sa mga bagay na ito? May mga taong kayang maging masigasig sandali at medyo kayang talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang kanilang sarili, pero hindi ito pangmatagalan; ang pagkakaroon ng isang maliit na aberya ay maaaring magdulot sa kanila ng pagkahina ng loob, kawalan ng pag-asa, at pagreklamo. Napakaraming paghihirap ng mga tao, at napakakaunting tao ang naghahangad sa katotohanan at naghahangad na mahalin at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Lubos na nagkukulang sa katwiran ang mga tao, mali ang kanilang pinaninindigan, at nakikita ang kanilang mga sarili bilang napakahalaga. Mayroon ding mga taong nagsasabing: “Itinatangi tayo ng Diyos. Hindi Siya nagdalawang-isip na pahintulutan ang Kanyang bugtong na Anak na ipako sa krus para tubusin ang sangkatauhan. Nagbayad ang Diyos ng malaking halaga para tubusin tayo—napakahalaga natin at lahat tayo ay may lugar sa puso ng Diyos. Espesyal na grupo tayo ng mga tao at may mas mataas na katayuan kaysa sa mga walang pananampalataya—tayo ay mga tao ng kaharian ng langit.” Iniisip nilang medyo matayog at dakila ang kanilang sarili. Noon, maraming lider ang may ganitong pag-iisip, naniniwalang mayroon silang tiyak na katayuan at posisyon sa sambahayan ng Diyos pagkatapos mabigyan ng promosyon. Inisip nilang, “Mataas ang pagpapahalaga sa akin ng Diyos at maganda ang tingin Niya sa akin, at pinahintulutan Niya akong maglingkod bilang isang lider. Dapat galingan ko sa pagiging abala at pagtatrabaho para sa Kanya.” Labis silang nasiyahan sa kanilang sarili. Gayunpaman, pagkaraan ng ilang panahon, gumawa sila ng isang masamang bagay at naipakita ang tunay nilang kulay, at pagkatapos sila ay pinalitan, at sila ay nanlumo at iniyuko ang kanilang ulo. Nang nailantad at napungos ang kanilang maling pag-uugali, mas naging negatibo sila, at hindi na nakapagpatuloy sa pananampalataya. Naisip nila sa kanilang sarili na, “Hindi isinasaalang-alang ng Diyos ang aking damdamin, wala talaga Siyang pakialam na isalba ang pagpapahalaga ko sa aking sarili. Sinasabi nilang may simpatya ang Diyos sa mga kahinaan ng tao, kung gayon bakit ako tinanggal pagkatapos ng ilang maliliit na pagsalangsang?” Pagkatapos ay pinanghinaan sila ng loob at ginustong abandonahin ang kanilang pananampalataya. Ang gayong mga tao ba ay may tunay na pananampalataya sa Diyos? Kung ni hindi man lang nila matanggap na mapungusan, kung gayon napakababa ng kanilang tayog, at hindi tiyak kung matatanggap ba nila ang katotohanan sa hinaharap. Nasa panganib ang gayong mga tao.
Hindi humihingi ng mataas ang mga tao sa kanilang mga sarili, pero mataas ang hinihingi sa Diyos. Hinihingi nila sa Kanya na maging napakabait sa kanila, at maging mapagpasensya at matulungin sa kanila, itangi sila, pagkalooban sila, at ngitian sila, maging mapagparaya sa kanila, makibagay sa kanila, at pangalagaan sila sa maraming paraan. Inaasahan nila na hindi Siya maging istrikto man lamang sa kanila o gawan ng anumang bagay na hindi nila magugustuhan kahit kaunti, at nasisiyahan lamang sila kung kinakausap Niya nang malambing araw-araw ang mga ito. Ang mga tao’y mayroong napakahinang katwiran! Hindi malinaw sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin, kung ano ang dapat nilang tuparin, kung anong mga pananaw ang dapat nilang taglayin, kung anong posisyon ang dapat nilang panindigan upang paglingkuran ang Diyos, at kung anong posisyon ang angkop na paglagyan ng kanilang sarili. Ang mga taong may kaunting katayuan ay may napakataas na pagtingin sa kanilang sarili, at ang mga taong walang katayuan ay bahagya ring mataas ang tingin sa kanilang sarili. Kailanma’y hindi nakikilala ng mga tao ang kanilang sarili. Dapat marating ang isang punto sa inyong paniniwala sa Diyos kung saan, paano man Siya magsalita sa inyo, gaano man Siya kahigpit, at gaano man Siya maaring hindi mamansin, nagagawa mo na manatiling naniniwala nang walang reklamo at patuloy na ginagawa ang tungkulin tulad ng dati. Sa gayon, ikaw ay magiging isang nasa gulang at makaranasang tao, at totoong magkakaroon ng kaunting tayog at kaunting katwiran ng isang normal na tao. Hindi hihingi sa Diyos, hindi na magkakaroon pa ng labis-labis na mga pagnanasa, at hindi na hihiling pa sa iba o sa Diyos ayon sa sariling kagustuhan. Ipakikita nito na sa ano’t anuman, taglay ninyo ang wangis ng isang tao. Sa ngayon, napakarami ninyong hinihingi, ang mga hinihinging ito ay masyadong labis-labis, at ng mayroon kang napakaraming pantaong layunin. Nagpapatunay ito na ikaw ay hindi nakatayo sa tamang posisyon; napakataas ng iyong posisyon na kinatatayuan, at tiningnan mo ang iyong sarili bilang napakarangal—na tila ba hindi ka higit na mababa sa posisyon kaysa sa Diyos. Samakatuwid ay mahirap kang pakitunguhan, at ito mismo ang kalikasan ni Satanas. Kung umiiral ang mga ganitong kalagayan sa iyong kalooban, tiyak na magiging negatibo ka nang mas madalas at magiging normal nang mas bihira, kaya’t magiging mabagal ang iyong buhay paglago. Sa kabilang banda, iyong mga may dalisay na puso at di-masyadong maselan ay mas madaling tatanggapin ang katotohanan at magkakaroon ng mas mabilis na paglago. Iyong mga may dalisay na puso ay hindi nakararanas ng labis na pagdurusa, pero mayroon kang napakalakas na damdamin, masyado kang maselan, at palagi kang humihingi sa Diyos, kaya’t nahaharap ka sa malalaking balakid sa pagtanggap sa katotohanan at nagiging mabagal ang pag-usad ng iyong buhay paglago. May ilang tao na naghahangad pa rin paano man sila atakehin at ibukod ng iba, at hindi apektado kahit kaunti ng mga ito. Ang mga taong tulad nito ay mapagbigay, kaya’t hindi sila masyadong nagdurusa at mas kaunting hadlang ang kinakaharap nila sa kanilang buhay pagpasok. Maselan ka at laging naaapektuhan ng isang bagay o ibang bagay—kung sino ang tumingin sa iyo nang masama, kung sino ang nangmaliit sa iyo, kung sino ang hindi pumansin sa iyo, o kung ano ang sinabi ng Diyos na nakaapekto sa iyo, o kung anong masasakit na salita ang Kanyang sinabi na tumagos sa iyong puso at nakasakit sa pagpapahalaga mo sa iyong sarili, o kung anong mabuting bagay ang Kanyang ibinigay sa iba at hindi sa iyo—at pagkatapos ay nagiging negatibo ka at nagkakaroon pa ng maling pagkaunawa sa Diyos. Ang mga ganitong tao ay maselan at medyo hindi tinatablan ng katwiran. Gaano man ang pagbabahagi ng isang tao ng katotohanan sa kanila, hindi lang nila ito tatanggapin at hindi malulutas ang kanilang mga problema. Ang mga taong ito ang pinakamahirap pakitunguhan.
Madalas Ko kayong naririnig na nagbabahaginan nang ganito: “Nagkamali ako habang may ginagawa at nang maglaon, pagkatapos dumaan sa ilang pagdurusa, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa.” Karamihan ng mga tao ay nagkaroon ng ganitong uri ng karanasan—napakababaw ng karanasang ito. Maaaring nakamit itong kakaunting pagkaunawa na ito pagkatapos ng ilang taon ng mga karanasan, at maaaring nakaranas ang mga tao ng maraming pagdurusa at dumaan sa maraming paghihirap para lang makamit ang kakaunting pagkaunawa at pagbabagong ito. Kahabag-habag naman iyon! Napakaraming dumi sa pananampalataya ng mga tao, napakahirap para sa kanilang manalig sa Diyos! Hanggang ngayon, marami pa ring dumi sa loob ng bawat tao, at marami pa rin silang hinihingi sa Diyos—lahat ito ay mga dumi ng tao. Ang pagkakaroon ng gayong dumi ay patunay na may problema sa kanilang pagkatao, at isa itong pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon. May pagkakaiba sa pagitan ng mga tama at di-tamang hinihingi ng mga tao sa Diyos—dapat itong malinaw na makilatis. Dapat maging malinaw sa isang tao kung anong pananaw ang dapat pinaninindigan ng tao at kung anong katwiran ang dapat taglayin ng tao. Napansin Kong palaging nakatuon ang ilang tao sa kung anong uri ng ekspresyon ang mayroon Ako kasama ng ibang tao at palaging pinag-aaralan kung sino ang tinatrato ng Diyos nang mabuti at kung sino ang tinatrato Niya nang hindi mabuti. Kung nakikita nila ang Diyos na tinitingnan sila nang may negatibong ekspresyon, o naririnig Siyang inilalantad o kinokondena sila, hindi nila ito mapalalagpas—kahit paano ka pa makipagbahaginan sa kanila ay hindi ito uubra, at gaano man katagal ang lumipas na panahon, hindi sila magbabago. Hinahatulan nila ang kanilang sarili, pinanghahawakan iyong isang nasambit na parirala at ginagamit ito para tukuyin ang saloobin ng Diyos sa kanila. Nalulugmok sila sa pagiging negatibo, at kahit magbahagi ng katotohanan ang sinuman sa kanila, hindi nila ito kusang-loob na tinatanggap. Hindi ito makatwiran. Malinaw na nagkukulang ang tao ng kahit katiting na kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos at hindi niya talaga ito nauunawaan. Hangga’t kayang magsisi at magbago ng mga tao, magbabago rin ang saloobin ng Diyos sa kanila. Kung ang iyong saloobin sa Diyos ay hindi nagbabago, magbabago ba ang saloobin ng Diyos sa iyo? Kung magbabago ka, magbabago ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa iyo, pero kung hindi ka magbabago, hindi rin magbabago ang pagtrato ng Diyos sa iyo. May ilang tao na wala pa ring alam sa kung ano ang kinamumuhian ng Diyos, kung ano ang gusto Niya, ang Kanyang kagalakan, galit, pighati, at kaligayahan, ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at ang Kanyang karunungan, at hindi man lang sila makapagsalita tungkol sa ilang kaalamang pananaw—ito ang dahilan kung bakit napakahirap pakitunguhan ang tao. Nalilimutan ng tao ang lahat ng mabubuting salitang sinasabi sa kanya ng Diyos, subalit may masabi lang Siyang isang istriktong puna o masabing isang pangungusap ng pagpupungos o paghatol, tumatagos ito sa puso ng tao. Bakit hindi sineseryoso ng mga tao ang mga salita ng positibong patnubay, habang nababagabag, nagiging negatibo, at hindi sila nakakababawi kapag nakaririnig ng mga salita ng paghatol at pagpupungos? Sa huli, maaaring mangailangan ng mahabang panahon ng pagmumuni-muni bago sila magbago, at magigising lang sila pagkatapos itong isama sa ilang nakakapagpalubag-loob na salita ng Diyos. Kung wala ang mga nakakapagpalubag-loob na salitang ito, hindi sila makakaalis mula sa kanilang pagiging negatibo. Kapag nagsisimula pa lang maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, marami silang maling kaalaman at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos. Palagi silang naniniwala na sila ay tama, palaging kumakapit sa sarili nilang mga ideya, at hindi nila pinakikinggan ang mga sinasabi ng ibang tao. Pagkatapos lang nilang magkaroon ng tatlo hanggang limang taon ng karanasan saka sila unti-unting nagsisimulang makaunawa, magkaroon ng kabatiran, makilalang sila ay nagkamali, at maramdaman kung gaano sila kahirap pakitunguhan. Tila ba noon lang sila tumanda. Habang nagkakaroon sila ng higit na karanasan, nauunawaan nila ang Diyos, at nababawasan ang kanilang mga maling pagkakaunawa sa Kanya, hindi na sila nagrereklamo, at nagsisimula silang magkaroon ng normal na pananampalataya sa Diyos. Kung ikukumpara noon, mas nahahawig ang kanilang tayog sa isang nakatatanda. Dati ay para silang mga bata—mahilig magtampo, nagiging negatibo, at lumalayo sa Diyos paminsan-minsan. Maaaring nagreklamo sila kapag kaharap ng mga partikular na bagay, sa partikular na mga salita ng Diyos na maaaring naging paksa ng kanilang pinakabagong kuru-kuro, at maaaring nagsimula silang pagdudahan ang Diyos paminsan-minsan—ganito ito kapag masyadong mababa ang tayog ng sinuman. Ngayong marami na silang naranasan at nabasa na mga salita ng Diyos sa loob ng ilang taon, lumago na sila, at naging mas matatag kaysa noon. Ang lahat ng ito ay resulta ng pagkaunawa sa katotohanan—ito ang nagiging epekto ng katotohanan sa kalooban nila. Kaya, hangga’t nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nakakayang tanggapin ito, walang problemang hindi nila kayang lutasin, at palagi silang may makakamit, gaano man katagal silang dumanas para dito. Siyempre, hindi ito mangyayari kung ang karanasan nila ay hindi sapat ang tagal, pero hangga’t umaani sila ng mga pakinabang mula sa bawat karanasan nila, mabilis silang lalago sa buhay.
Ang katotohanang nililinang kayo ngayon para maging isang lider, manggagawa, o superbisor, o para gampanan ang mahahalagang tungkulin ay hindi nagpapatunay na kayo ay may mas mataas na tayog. Ang ibig sabihin lang nito ay bahagya kayong may mas mahusay na kakayahan kaysa sa karaniwang tao, na medyo mas masugid kayo sa inyong hangarin, at medyo may mas malaking halaga sa paglilinang sa inyo. Tiyak na hindi ito nangangahulugang kaya ninyong magpasakop sa Diyos o ilagay ang inyong sarili sa pamamatnugot ng Diyos, at hindi ito nangangahulugang isinantabi ninyo ang inyong mga inaasam-asam at pag-asa. Wala pang ganitong uri ng katwiran ang mga tao. Mayroon pa rin kayong kaunting pagiging negatibo, gayundin ng mga layunin at adhikaing magkamit ng mga pagpapala, at maging ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, habang ikaw ay nagtatrabaho. Kasabay nito, may dala kayong ilang pasanin habang ginagawa ang inyong trabaho, na para bang pinagbabayaran ninyo ang mga dating kasalanan sa pamamagitan ng mabubuting gawa sa halip na magtrabaho mula sa kagustuhang gawin ito. Hindi pa rin kayo umabot sa punto kung saan kahit paano kayo tratuhin ng Diyos, ang tanging inaalala mo ay kung paano kikilos nang ayon sa Kanyang mga layunin at mga hinihingi. Kaya ba ninyong makamit ito? Walang ganitong katwiran ang mga tao. Gusto nilang lahat na mabasa ang Diyos, iniisip na: “Ano ba talaga ang saloobin ng Diyos sa akin? Ginagamit Niya ba ako para magserbisyo o para iligtas at perpektuhin ako?” Gusto nilang lahat na mabasa ang ganito, hindi lang sila nangangahas na sabihin ito. Ang katotohanang hindi sila nangangahas na sabihin ito ay nagpapatunay na mayroon pa ring ideyang nangingibabaw sa kanila: “Walang saysay na pag-usapan ito—kalikasan ko lang ito at hindi ito posibleng baguhin. Hangga’t pinipigilan ko ang aking sarili sa paggawa ng anumang masama, sapat na iyon—wala akong masyadong hinihingi sa sarili ko.” Ikinukulong nila ang kanilang sarili sa pinakamababang posibleng posisyon at hindi lumalago sa huli, habang nagtataglay rin sila ng isang pabasta-bastang paraan ng pag-iisip habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin. Pagkatapos lang na makasamang makipagbahaginan nang ilang beses na nagsisimula kayong lahat na maunawaan ang kaunting katotohanan at malaman ang kaunting realidad ng katotohanan. Ginagamit ka man o hindi, o kung ano man ang saloobin sa iyo ng Diyos—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang susi ay nakasalalay sa iyong maagap na mga pagsisikap, ang landas na pinili mong tahakin, at kung kaya mo bang magbago sa huli o hindi—ito ang mga pinakamahalagang punto. Gaano man kabuti ang saloobin ng Diyos sa iyo, walang mangyayari kung hindi ka magbabago. Kung magkakamali ka sa tuwing may nangyayari sa iyo, at wala kang kahit katiting na katapatan, gaano man kabuti ang saloobin ng Diyos sa iyo, wala itong silbi. Ang pinakamahalaga ay ang landas na pipiliin mong tahakin. Maaaring isinumpa ka ng Diyos at pinagsalitaan ka nang may poot at pagkamuhi noon, pero kung nagbago ka na ngayon, magbabago rin ang saloobin ng Diyos sa iyo. Palaging natatakot, hindi mapalagay, at walang tunay na pananampalataya ang mga tao, na nagpapahiwatig na hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ngayong mayroon na kayong kaunting pagkaunawa, magiging negatibo at mahina pa rin ba kayo kapag may mga nangyayari sa inyo sa hinaharap? Makakapagsagawa ba kayo ng katotohanan at makakapanindigan sa iyong pagpapatotoo? Magagawa ba ninyong tunay na magpasakop sa Diyos? Kung makakamit ninyo ang mga bagay na ito, magkakaroon kayo ng katwiran ng normal na pagkatao. Wala ba kayo ngayong ilang kaalaman sa mga tiwaling disposisyon ng tao at sa kaligtasan at mga layunin ng Diyos? Mayroon ka kahit papaanong ideya. Kapag, isang araw, makapasok ka sa ilang realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan, ganap mong maisasabuhay ang normal na pagkatao.
Sipi 4
Ang pinakamahalagang bahagi ng paghahanap ng katotohanan ay ang magtuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang dami ng maaaring matamo ng isang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nakasalalay sa kanyang kakayahang umunawa. Bagama’t ang lahat ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, may ilan na kayang umunawa ng tunay na kahulugan at makahanap ng liwanag mula sa mga ito, at hangga’t nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, may makukuha silang pakinabang. Subalit hindi ganoon ang iba. Nakatuon lamang sila sa pag-unawa sa mga doktrina kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Bunga nito, pagkatapos ng maraming taon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang maraming doktrina, subalit tuwing nakararanas sila ng mga problema, hindi nila kayang malutas ang mga ito; wala sa kanilang natutunan ang kapaki-pakinabang. Ano ang nangyayari dito? Kahit na nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang lahat ng tao, magkaiba ang mga resulta. Natatanggap ito ng mga taong umiibig sa katotohanan, samantalang ayaw itong tanggapin ng mga hindi umiibig sa katotohanan kahit pa nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos. Hindi nila hahanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos anumang mga problema ang kaharapin nila. Kayang talakayin ng mga taong may kaunting karanasan ang ilang praktikal na bagay kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at nagsasalita tungkol sa kanilang praktikal na kaalaman ng katotohanan—pagkaunawa ito sa katotohanan. Nauunawaan lamang ng mga walang karanasan ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at wala sila ni katiting na kaalaman at karanasan—hindi ito maituturing na pagkaunawa sa katotohanan. Madalas sabihin sa iba ng ilang lider na ang mismong dahilan kaya sila pumupunta sa iglesia ay upang magkaloob ng katotohanan. Tama ba ang pahayag na ito? Hindi dapat sabihin nang basta-basta ang mga salitang “magkaloob ng katotohanan.” Sino ba ang nagtataglay ng katotohanan? Sino ba ang nangangahas magsabi na nagkakaloob sila ng katotohanan? Hindi ba’t labis-labis ang pahayag na ito? Kapag nananalig kayo sa Diyos at sumusunod sa Kanya, isang tao lamang kayo na tumatanggap at naghahanap ng katotohanan. Kung kaya ninyo itong gawin, napakabuti na niyon. Kahit pa kaya ng isang tao na maunawaan ang ilang katotohanan at makapagsalita tungkol sa kaunting karanasan at kaalaman sa katotohanan, hindi masasabing siya ay nagkakaloob ng katotohanan dahil walang taong nagtataglay ng katotohanan. Paano matatawag na pagkakaloob ng katotohanan ang pagsasalita tungkol sa kaunting karanasan at kaalaman? Samakatuwid, mailalarawan lamang ang mga lider at manggagawa bilang gumaganap sa gawain ng pagdidilig, at bilang partikular na responsable sa buhay pagpasok ng mga kapatid sa iglesia. Hindi maaaring sabihing sila ay nagkakaloob ng katotohanan. Kahit pa ang isang tao ay may kaunting tayog, hindi pa rin maaaring sabihin na siya ay nagkakaloob ng katotohanan sa iba. Hinding-hindi ito maaaring sabihin. Ilang tao ba ang nakauunawa sa katotohanan? Ang tayog ba ng isang tao ang batayan kung kuwalipikado siyang magkaloob ng katotohanan? Kahit pa may kaunting karanasan at kaalaman sa katotohanan ang isang tao, hindi maaaring sabihing nakapagkakaloob siya ng katotohanan. Hinding-hindi iyon maaaring sabihin, napakasalat nito sa katwiran. May mga taong ikinararangal ang pagdidilig sa iglesia at pagkakaloob ng katotohanan, na para bang marami silang nauunawaan sa katotohanan. Gayunman, hindi nila makilala ang mga huwad na lider at mga anticristo. Hindi ba’t isa itong kontradiksiyon? Kung may magtatanong sa iyo kung ano ang katotohanan, at sasagutin mo ng, “Ang salita ng Diyos ang katotohanan; ang katotohanan ay ang salita ng Diyos,” nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kaya mo lamang magsabi ng mga salita at doktrina, at kulang ka sa karanasan at kaalaman kung ano ba ang katotohanan, kaya hindi ka nararapat na magkaloob nito sa iba. Sa ngayon, kulang pang lahat sa karanasan ang mga naglilingkod bilang lider; may kaunti lamang silang kakayahan at pagnanais na hanapin ang katotohanan. Angkop sila sa pag-aaruga at pagsasanay, at kaya nilang manguna sa paggawa ng mga tungkulin. Kahit pa kaya nilang magbahagi ng kaunting kaalaman, paano masasabing nagkakaloob sila ng katotohanan? Kayang magsalita ng karamihan sa mga lider at manggagawa tungkol sa kaunting kaalaman, pero hindi ibig sabihin niyon na mayroon silang katotohanang realidad. Kung tutuusin, maraming taon na silang nakinig sa mga sermon at may kaunti silang mababaw na kaalaman; handa silang magbahagi tungkol sa katotohanan at kaya nilang medyo makatulong sa iba, pero hindi maaaring sabihing nagkakaloob sila ng katotohanan. May kakayahan ba ang mga lider at manggagawa na magkaloob ng katotohanan? Walang-wala. Nangangaral at nagdidilig sa iglesia ang mga lider at manggagawa; ang pinakamahalaga, kailangan ay kaya nilang lumutas ng praktikal na mga problema, iyon ang tanging paraan upang tunay nilang madiligan ang iglesia. Sa ngayon, hindi pa rin kayang lutasin ng karamihan sa mga lider at manggagawa ang maraming praktikal na problema. Kahit pa nakakapagbahagi sila ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan, ang karamihan pa rin sa kanilang sinasabi ay mga salita at doktrina lamang. Hindi nila kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa realidad ng katotohanan, samakatuwid ay kaya ba talaga nilang lumutas ng mga problema? May kaunting kakayahan lamang na umunawa ang karamihan sa mga lider at manggagawa at wala pa silang gaanong praktikal na karanasan. Maaari bang sabihin na mas nauunawaan nila ang katotohanan at higit silang may katotohanang realidad kaysa sa iba? Hindi ito maaaring sabihin, kapos pa sila rito. May mga lider at manggagawa na itinaas ang ranggo nang may tanging layon ng pagtutustos; hinahayaan silang magsagawa dahil may kaunti silang kakayahan, at taglay nila ang kaunting kakayahan na umunawa, at angkop ang kanilang kapaligirang pampamilya. Hindi naman ibig sabihin ng pagtataas ng ranggo ng isang tao ay nagtataglay siya ng katotohanang realidad at kaya niyang magkaloob ng katotohanan. Ibig sabihin lamang nito na ang mga naghahanap ng katotohanan ay nagtatamo ng kaliwanagan at liwanag bago ang iba, pero kapos ang liwanag na ito sa katotohanan, hindi ito bahagi ng katotohanan, umaayon lamang ito sa katotohanan. Tanging ang tuwirang ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan. Ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu ay sumusunod lamang sa katotohanan, dahil ang Banal na Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa mga tao ayon sa kanilang tayog. Hindi Niya tuwirang ipinahahayag sa mga tao ang katotohanan. Sa halip, nagbibigay Siya sa kanila ng liwanag na kaya nilang makamit. Kailangan mo itong maunawaan. Kung may kaunting kabatiran ang isang tao sa mga salita ng Diyos at may natamo siyang kaunting kaalaman mula sa karanasan, maibibilang ba ito na katotohanan? Hindi. May kaunti lamang siyang pagkaunawa sa katotohanan. Ang mga salita ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay hindi kumakatawan sa mga salita ng Diyos, hindi kumakatawan sa katotohanan, at hindi ang katotohanan. Ang taong iyon ay may kaunti lamang pagkaunawa sa katotohanan, at medyo naliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung nagtatamo ang isang tao ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan at pagkatapos ay naipagkakaloob ito sa iba, ang pawang ginagawa lamang niya ay magkaloob sa iba ng kanyang pagkaunawa at karanasan. Hindi mo maaaring sabihing nagkakaloob siya ng katotohanan sa iba. Ayos lang kung sabihin mong nagbabahagi siya tungkol sa katotohanan; ito ay angkop na paglalarawan. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ang ibinabahagi mo ay ang pagkaunawa mo sa katotohanan; hindi ito katumbas ng katotohanan mismo. Samakatuwid, masasabi mo lamang na nagbabahagi ka tungkol sa kaunting pagkaunawa at karanasan; paano mo masasabing nagkakaloob ka ng katotohanan? Ang pagkakaloob ng katotohanan ay hindi isang simpleng bagay. Sino ang karapat-dapat na magsabi ng pangungusap na ito? Tanging ang Diyos lamang ang may kakayahan na magkaloob ng katotohanan sa mga tao. May kakayahan ba ang mga tao? Samakatuwid, kailangan mong makita nang malinaw ang bagay na ito. Hindi lamang ito isang isyu ng paggamit ng mga maling salita, ang pinakabuod ay nilalabag at binabaluktot mo ang mga katunayan. Kalabisan ang ipinapahayag mo. Maaaring ang mga tao ay may kaunting pagkaunawa at karanasan sa mga salita ng Diyos, pero hindi mo masasabing mayroon silang katotohanan, o na sila ay may katotohanan. Hinding-hindi mo ito masasabi. Kahit gaano pa ang pagkaunawang nakakamit ng mga tao mula sa katotohanan, hindi mo masasabing taglay nila ang buhay ng katotohanan, lalong hindi masasabing sila ay may katotohanan. Hinding-hindi mo ito masasabi. Ang nauunawaan lamang ng mga tao ay kaunting katotohanan at may kaunti lang silang liwanag at ilang paraan ng pagsasagawa. May kaunti lamang silang realidad ng pagpapasakop, at kaunting tunay na pagbabago. Pero hindi mo masasabing nakamit na nila ang katotohanan. Pinagkakalooban ng Diyos ng buhay ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan. Ipinag-uutos din ng Diyos na maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makamit ang katotohanan upang mapaglingkuran at mapalugod nila Siya. Kahit pa dumating ang araw na maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos hanggang sa puntong tunay na nilang nakamit ang katotohanan, hindi mo pa rin masasabing may katotohanan ang mga tao, lalo ang sabihing taglay ng mga tao ang katotohanan. Ito ay dahil kahit pa may maraming taon ng karanasan ang mga tao, may hangganan ang dami ng katotohanan na makakamit nila, at ito ay napakakaunti. Ang katotohanan ang pinakamalalim at pinakamahiwagang bagay; ito ang tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Kahit maranasan ng mga tao ang katotohanan sa buong buhay nila, ang makakamit nila rito ay napakalimitado. Hindi kailanman lubusang makakamit ng mga tao ang katotohanan, lubusang mauunawaan ito, o lubusang maisasabuhay ito. Ito ang ibig sabihin ng Diyos kapag sinasabi Niya na palaging magiging mga sanggol ang mga tao sa Kanyang presensiya.
Naniniwala ang ilang tao na kapag taglay na nila ang karanasan at kaalaman sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, at may lubusan na silang pagkaunawa sa bawat aspeto ng katotohanan, at kaya na nilang kumilos ayon sa katotohanan ay magagawa na nilang magpahayag ng katotohanan. Iniisip nilang sa paggawa nito, mabubuhay silang gaya ni Cristo, katulad lang ng sinabi ni Pablo, “Sa akin ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21). Tama ba ang pananaw na ito? Hindi ba’t isa rin itong pagsusulong ng argumentong “Diyos-tao?” Maling-mali ito! Kailangang maunawaan ng mga tao ang isang bagay: Gaano man kalawak ang karanasan at kaalaman mo sa katotohanan, o kahit pa nakapasok ka na sa katotohanang realidad, at kaya mong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at kaya mong magpasakop sa Diyos at magpatotoo para sa Diyos, at gaano man kataas o kalalim ang iyong maging pagpasok sa buhay, ang buhay mo ay buhay pa rin ng isang tao, at hindi kailanman maaaring maging Diyos ang isang tao. Isa itong ganap na katotohanang kailangang maunawaan ng mga tao. Kahit pa, sa wakas, ay may karanasan at pagkaunawa ka sa bawat aspeto ng katotohanan, at hinahayaan mong pamatnugutan ka ng Diyos at nagiging isa kang pinerpektong tao, hindi pa rin masasabing may katotohanan ka. Kahit pa kaya mong magpahayag ng tunay na patotoong batay sa karanasan, hindi ito nangangahulugang kaya mong magpahayag ng katotohanan. Noon, karaniwang sinasabi ng mga relihiyosong grupo na ang isang tao ay may “buhay ni Cristo sa kalooban nito.” Ito ay isang mali at malabong pahayag. Bagama’t hindi na ito sinasabi ng mga tao ngayon, nananatiling malabo ang kanilang pagkaunawa sa bagay na ito. Iniisip ng ilang tao, “Dahil nakamit na namin ang katotohanan at nasa kalooban namin ang katotohanan, taglay namin ang katotohanan, at nasa puso namin ang katotohanan, at kaya rin namin itong ipahayag.” Hindi ba’t mali rin ito? Madalas pag-usapan ng mga tao kung nasa kanila ba o wala ang katotohanan, na pangunahing tumutukoy sa kung mayroon o wala silang karanasan at kaalaman sa katotohanan, at kung kaya nila o hindi na gumawa ayon sa katotohanan. Nararanasan ng lahat ang katotohanan, pero iba-iba ang kalagayang nararanasan ng bawat tao. Iba-iba rin ang nakakamit ng bawat tao mula sa katotohanan. Kung pagsasama-samahin mo ang karanasan at pagkaunawa ng lahat, hindi pa rin nito lubos na maipapakita ang diwa ng katotohanan. Gayon kalalim at kahiwaga ang katotohanan! Bakit Ko sinasabing hindi maaaring humalili sa katotohanan ang lahat ng nakamit mo at lahat ng pagkaunawa mo? Pagkatapos marinig ng mga tao ang pagbabahagi mo ng ilan sa iyong karanasan at pagkaunawa, mauunawaan nila ito, at hindi nila kailangang dumanas nang mahabang panahon upang lubusang maunawaan at makamit ito. Kahit pa isa itong bagay na medyo mas malalim, hindi nila kakailanganin ang maraming taon ng karanasan. Pero pagdating sa katotohanan, hindi mararanasan ng mga tao ang kalahatan nito sa kanilang buong buhay. Kahit pa pagsama-samahin mo ang lahat ng tao, hindi nila mararanasan itong lahat. Tulad ng nakikita mo, lubhang malalim at mahiwaga ang katotohanan. Hindi kaya ng mga salita na maipaliwanag nang lubos ang katotohanan. Ang katotohanang ipinahahayag sa wika ng tao ay totoo para sa mga tao. Hindi kailanman mararanasan ng mga tao ang kalahatang ito, at hindi nila kailanman lubusang maisasabuhay ang katotohanan. Ito ay dahil kahit pa gumugol ang mga tao ng libo-libong taon, hindi pa rin nila lubusang mararanasan ang ni isang katotohanan. Gaano karaming taon man ang maranasan ng mga tao, magiging limitado pa rin ang katotohanang nauunawaan at nakakamit nila. Masasabing walang-hanggang bukal ng buhay ng sangkatauhan ang katotohanan. Ang Diyos ang pinagmulan ng katotohanan, at ang pagpasok sa mga katotohanang realidad ay isang gawaing walang katapusan.
Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo; kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya. Kung sinasabi mo na sa pagkakaroon ng kaunting karanasan at kaalaman ay mayroon ka nang katotohanan, nagtamo ka na ba ng kabanalan? Bakit nagbubunyag ka pa rin ng katiwalian? Bakit hindi ka makakilala sa pagitan ng iba’t ibang uri ng mga tao? Bakit hindi ka makapagpatotoo sa Diyos? Kahit nauunawaan mo ang ilang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang Diyos? Maisasabuhay mo ba ang disposisyon ng Diyos? Maaaring mayroon kang kaunting karanasan at kaalaman tungkol sa isang partikular na aspeto ng isang katotohanan, at maaaring makapagbigay ka ng kaunting kaliwanagan sa pananalita mo, ngunit ang maipagkakaloob mo sa mga tao ay lubhang limitado at hindi magtatagal. Ito ay dahil hindi kumakatawan sa diwa ng katotohanan ang pagkaunawa at liwanag na iyong natamo, at hindi ito kumakatawan sa kabuuan ng katotohanan. Kumakatawan lamang ito sa isang bahagi o isang maliit na aspeto ng katotohanan, isang antas lamang ito na maaaring makamtan ng mga tao, at malayo pa ito sa diwa ng katotohanan. Ang kaunting liwanag, kaliwanagan, karanasan, at kaalamang ito ay hinding-hindi makakapalit sa katotohanan. Kahit pa nagtamo ng ilang resulta ang lahat ng tao sa pagdanas ng isang katotohanan, at pagsama-samahin ang lahat ng kanilang karanasan at kaalaman, hindi iyon aabot sa kabuuan at diwa ng kahit isang linya ng katotohanang ito. Nasabi na ito noong araw, “Ibinubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa kalipunan ng mga tao, wala ni isa mang umiibig sa Akin.” Ang pangungusap na ito ang katotohanan, ang tunay na diwa ng buhay, isang napakalalim na bagay, at isang pagpapahayag ng Diyos Mismo. Pagkaraan ng tatlong taon ng karanasan, maaaring magkaroon ka ng kaunting mababaw na pagkaunawa, at pagkaraan ng pito o walong taon, maaaring magkaroon ka ng kaunti pang pagkaunawa, ngunit ang pagkaunawang ito ay hinding-hindi makahahalili sa linyang ito ng katotohanan. Pagkaraan ng dalawang taon, maaaring may ibang tao na magkaroon ng kaunting pagkaunawa, o kaunti pang pagkaunawa pagkaraan ng sampung taon, o medyo malalim na pagkaunawa pagkatapos ng habambuhay, ngunit hindi makahahalili sa linyang ito ng katotohanan ang pinagsamang pagkaunawa ninyong dalawa. Gaano man kalaki ang pinagsamang kabatiran, liwanag, karanasan, o kaalamang mayroon kayong dalawa, hinding-hindi ito makahahalili sa linyang ito ng katotohanan. Ibig sabihin, ang buhay ng tao ay palaging buhay ng tao, at paano man umaayon ang iyong kaalaman sa katotohanan, sa mga layunin ng Diyos, o mga hinihingi ng Diyos, hinding-hindi ito makahahalili sa katotohanan. Ang sabihin na nasa mga tao ang katotohanan ay nangangahulugan na tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, isinasabuhay ang ilan sa mga realidad ng salita ng Diyos, may kaunting tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, at kayang dakilain at patotohanan ang Diyos. Gayunman, hindi masasabi na taglay na ng mga tao ang katotohanan, dahil napakalalim ng katotohanan. Isang linya lamang ng salita ng Diyos ay maaari nang abutin ng habambuhay para maranasan ng mga tao, at kahit pagkaraan ng ilang habambuhay ng karanasan, o libu-libong taon, hindi lubos na mararanasan ang isang linya ng salita ng Diyos. Malinaw na talagang walang katapusan ang proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagkilala sa Diyos, at na may limitasyon kung gaano kalaking katotohanan ang mauunawaan ng mga tao sa isang habambuhay ng karanasan. Sinasabi ng ilang tao na nasa kanila ang katotohanan sa sandaling naunawaan na nila ang tekstuwal na kahulugan ng salita ng Diyos. Hindi ba ito kalokohan? Pagdating sa kapwa liwanag at kaalaman, mayroong usapin ng kalaliman. Ang mga katotohanang realidad na maaaring pasukin ng isang tao sa loob ng isang habambuhay ng paniniwala ay limitado. Samakatuwid, dahil lamang taglay mo ang kaunting kaalaman at liwanag ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang mga katotohanang realidad. Ang pangunahing bagay na dapat mong tingnan ay kung nauugnay sa liwanag at kaalamang ito ang diwa ng katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay. Nadarama ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan kapag nakapagpapaliwanag sila o nakapag-aalok sila ng kaunting mababaw na pagkaunawa. Pinasasaya sila nito, kaya nagiging mayabang sila at may labis na pagtingin sa sarili. Sa katunayan, malayo pa rin silang makapasok sa katotohanang realidad. Anong katotohanan ang taglay ng mga tao? Maaari bang mabuwal kahit kailan at kahit saan ang mga taong nagtataglay ng katotohanan? Kapag taglay ng mga tao ang katotohanan, paano pa nila malalabanan at mapagkakanulo ang Diyos? Kung sinasabi mo na taglay mo ang katotohanan, pinatutunayan nito na sa loob mo ay ang buhay ni Cristo—kakila-kilabot iyan! Naging Panginoon ka na, naging si Cristo ka na? Isang kakatwang pahayag ito, at lubusang hinuha ng mga tao; hinggil ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at hindi isang mapaninindigang katayuan sa Diyos.
Kapag sinasabing nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at ipinamumuhay ito bilang kanilang buhay, ano ang tinutukoy ng “buhay” na ito? Nangangahulugan ito na naghahari ang katotohanan sa kanilang mga puso, nangangahulugan ito na kaya nilang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at nangangahulugan ito na mayroon silang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos at isang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag taglay ng mga tao sa loob nila ang bagong buhay na ito, lubos itong nakakamtan sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Nakabatay ito sa pundasyon ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, at nakakamtan ito sa pamamagitan ng pamumuhay nila sa saklaw ng nasasakupan ng katotohanan; ang tanging nilalaman ng buhay ng mga tao ay ang kanilang kaalaman at karanasan sa katotohanan. Iyon ang pundasyon nito, at hindi ito lumalampas sa saklaw na iyon; ito ang buhay na tinutukoy kapag nagsasalita tungkol sa pagkamit sa katotohanan at buhay. Ang magawang mamuhay ayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na nasasaloob ng mga tao ang buhay ng katotohanan, ni nangangahulugan ito na kung taglay nila ang katotohanan bilang kanilang buhay, ay nagiging katotohanan sila, at ang kanilang panloob na buhay ay nagiging buhay ng katotohanan; lalong hindi masasabi na sila ang katotohanan at buhay. Sa huli, ang kanilang buhay ay buhay pa rin ng isang tao. Kung nakakapamuhay ka nang ayon sa mga salita ng Diyos at nagtataglay ng kaalaman tungkol sa katotohanan, kung ang kaalamang ito ay nag-uugat sa iyong kalooban, at nagiging buhay mo, at ang katotohanang iyong nakamit sa pamamagitan ng karanasan ang nagiging batayan ng iyong pag-iral, kung mamumuhay ka ayon sa mga salitang ito ng Diyos, walang sinumang makapagbabago nito, at hindi ka maililigaw o magagawang tiwali ni Satanas, pagkatapos ay makakamit mo na ang katotohanan at buhay. Ibig sabihin, ang iyong buhay ay naglalaman lamang ng katotohanan, ibig sabihin ay ang iyong pagkaunawa, karanasan, at kabatiran sa katotohanan; at anuman ang gawin mo, mamumuhay ka ayon sa mga bagay na ito, at hindi ka lalampas sa saklaw ng mga ito. Ito ang kahulugan ng pagtataglay ng katotohanang realidad, at ang gayong mga tao ang nais makamit ng Diyos sa huli sa Kanyang gawain. Ngunit gaano man kahusay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang kanilang diwa ay isa pa ring sa sangkatauhan, at hindi man lamang maikukumpara sa diwa ng Diyos. Ito ay dahil hindi nila kailanman mararanasan ang lahat ng katotohanan, at imposible para sa kanila na buong-buong isabuhay ang katotohanan; maaari lamang nilang isabuhay ang napakalimitadong bahagi ng katotohanan na maaaring makamtan ng mga tao. Paano, kung gayon, sila maaaring maging Diyos? Kung personal na pinerpekto ng Diyos ang isang grupo ng mga tao upang maging mas matataas na Diyos at mas mabababang Diyos, hindi ba’t magiging gulo iyon? Bukod dito, imposible at kalokohan ang gayong bagay—katawa-tawang ideya ito ng tao. Nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at pagkatapos ay nilikha Niya ang tao, upang ang tao ay magpasakop at sumamba sa Kanya. Ang paglikha ng Diyos sa tao ang pinakamakabuluhang gawa. Tao lamang ang nilikha ng Diyos; hindi Siya lumikha ng mga Diyos. Gumagawa ang Diyos sa anyo ng pagkakatawang-tao, pero hindi ito kapareho ng paglikha Niya ng isang Diyos. Hindi nilikha ng Diyos ang Kanyang Sarili; may sarili Siyang diwa, at hindi ito nagbabago. Hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya’t dapat silang magbasa ng higit pang mga salita ng Diyos; mauunawaan lamang ng mga tao ang katotohanan kung palagi nila itong hinahanap. Hindi dapat magsalita nang walang saysay ang mga tao batay sa kanilang imahinasyon. Kung mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, at namumuhay ayon sa tunay na karanasan at kaalaman sa katotohanan, unti-unti mong magiging buhay ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi mo pa rin masasabi na ang katotohanan ang buhay mo o na ang ipinahahayag mo ay ang katotohanan; kung gayon ang iyong opinyon, mali ka. Kung mayroon ka lamang ilang karanasan sa isang partikular na aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito mismo ang pagtataglay mo ng katotohanan? Maituturing ba itong pagtatamo ng katotohanan? Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, mula sa katotohanan? Kung hindi makakamtan ang mga epektong ito, nagpapatunay ito na ang maranasan lamang ang isang partikular na aspeto ng katotohanan ay hindi maituturing na tunay na pagkaunawa sa katotohanan, o pagkilala sa Diyos, lalong hindi masasabi na nakamit na ang katotohanan. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan; nararanasan nila ito sa loob ng limitado nitong saklaw, at hindi nila mararanasan ang lahat ng di-mabilang na aspeto ng katotohanan. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil lamang ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Masasabi lamang na umaayon ang mga ito sa katotohanan. Ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos, at ang mga panloob na kahulugan at mga realidad ng katotohanan ay napakalawak ang sakop, at walang sinumang nakakaarok o nakapagpapabulaan niyon. Basta’t mayroon kang tunay na pagkaunawa sa katotohanan at sa Diyos, mauunawaan mo ang ilang katotohanan; walang sinuman ang makakagawang pabulaanan ang mga tunay na pagkaunawang ito, at ang mga patotoong naglalaman ng mga katotohanang realidad ay mapaninindigan magpakailanman. Sinasang-ayunan ng Diyos ang mga nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Basta’t hinahangad mo ang katotohanan, at kaya mong umasa sa Diyos para maranasan ang mga salita ng Diyos at kaya mong tanggapin ang katotohanan bilang iyong buhay anuman ang sitwasyon mo, magkakaroon ka ng isang landas, magagawa mong makaligtas, at makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kahit umaayon sa katotohanan ang kakaunting nakakamit ng mga tao, hindi masasabi na ito ang katotohanan, lalo nang hindi masasabi na nakamit na nila ang katotohanan. Ang kakaunting liwanag na natamo ng mga tao ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o sa ilang nakapaloob sa isang tiyak na saklaw, ngunit hindi magiging angkop sa loob ng isang naiibang saklaw. Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao, napakalimitado pa rin nito, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makaaabot sa lalim ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao at ang pagkaunawa ng isang tao ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.
Kapag ang mga tao ay may kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, nakakaunawa ng ilang katotohanan at ng kaunting mga layunin ng Diyos, kapag may kaunti silang kaalaman sa Diyos, at ang kanilang disposisyon ay medyo nagbago na at nalinis na, maaari pa rin lamang sabihin na sila ay isang tao, at isang nilikhang tao, pero ito mismo ang uri ng normal na tao na ninanais makamit ng Diyos. Kung gayon, anong uri ka ng tao? May ilang tao na nagsasabing, “Ako ay isang tao na nagtataglay ng katotohanan.” Hindi ito naaangkop na sabihin. Maaari mo lamang sabihing, “Ako ay isang tao na ginawang tiwali ni Satanas, at na nakaranas ng paghatol at pagpaparusa ng mga salita ng Diyos. Sa wakas ay naunawaan ko ang katotohanan, at nalinis na ang aking tiwaling disposisyon. Ako ay isang tao lamang na iniligtas ng Diyos.” Kung sasabihin mong, “Ako ay isang tao na nagtataglay ng katotohanan. Naranasan ko na ang lahat ng salita ng Diyos at lubos na naunawaan ang lahat ng iyon. Alam ko ang kahulugan ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at ang konteksto at mga sitwasyon kung kailan sinabi ang mga salitang iyon. Alam kong lahat ito. Hindi ba’t ang ibig sabihin nito ay taglay ko ang katotohanan?” ikaw ay nagkakamali na naman. Hindi ka nagiging isang taong nagtataglay ng katotohanan dahil lang mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos at nagkamit ka ng kaunting liwanag mula sa mga iyon. Lalo nang hindi kuwalipikadong magpahayag ng gayon ang mga may kakayahan lamang na makaunawa at magtalakay ng ilang doktrina. Kailangang malinaw na maunawaan ng mga tao kung ano ang dapat na maging posisyon ng isang tao sa harap ng Diyos at sa harap ng katotohanan, kung ano ang mga tao, kung ano ang buhay sa kalooban ng tao, at kung ano ang buhay ng Diyos. Kailangang maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao. Matapos maranasan ang gawain ng Diyos nang ilang araw, at maunawaan ang ilang salita at doktrina, ipinapalagay ng ilang tao na taglay nila ang katotohanan. Ito ang mga taong pinakamayabang, at walang-wala sila sa katwiran. Kailangang masuri ang bagay na ito upang tunay na maunawaan ng mga tao ang kanilang sarili at makilala nila ang sangkatauhan, at upang maunawaan nila kung ano ang tiwaling sangkatauhan, kung anong antas ang kayang maabot ng mga tao pagkatapos silang maperpekto sa wakas, at kung ano ang angkop na paraan upang tawagin at pangalanan sila. Dapat malaman ito ng mga tao at hindi bigyang-layaw ang mga kathang-isip. Mas mainam para sa mga tao ang maging mas makatotohanan sa kanilang asal, nang sa gayon ay magiging medyo mas praktikal sila. May ilang taong nananalig sa Diyos ang palaging pinagsisikapang matamo ang sarili nilang mga pangarap at palaging naghahangad na maisabuhay ang buhay at imahe ng Diyos. Makatotohanan ba ito? Ninanais lagi ng mga tao na taglayin ang buhay ng Diyos—hindi ba’t isa itong mapanganib na bagay? Mapagmataas na ambisyon ito ng mga tao, at katulad lamang ito ng mapagmataas na ambisyon ni Satanas. Ang ilang tao, matapos magtrabaho sa iglesia nang ilang panahon, ay nagsisimulang mag-isip, “Pagkatapos mawalan ng kapangyarihan ang malaking pulang dragon, dapat ba kaming maging mga hari at magkaroon ng kapangyarihan? Ilang lungsod ang dapat kontrolin ng bawat isa sa amin?” Kung kayang ibunyag ng isang tao ang gayong mga bagay, napakasama niyon. Ang mga taong walang karanasan ay mahilig magsalita tungkol sa mga doktrina at magpalayaw ng mga pantasya. At habang ginagawa nila iyon, pakiramdam pa nga nila ay matalino sila, na para bang nagtagumpay sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang namumuhay sila bilang si Cristo at ang Diyos. Lahat sila ay mga alagad ni Pablo, at tinatahak nila ang landas ni Pablo. Kung paninindigan nilang hindi magsisi, ang lahat ng taong ito ay magiging mga anticristo at magbabata ng matinding kaparusahan.
Sipi 5
Tungkol sa mga salitang ito na sinabi ng Diyos, kapag kayo ay nakikinig, ikinukumpara ba ninyo ang mga ito sa inyong mga sarili, o pinakikinggan lang ba ninyo ang mga ito bilang doktrina, pag-isipan ito sa inyong isip nang minsan para maunawaan ninyo kung ano ang ibig sabihin nito, at iyon na iyon? Anong klaseng pag-uugali at mga layunin ang mayroon kayo habang nakikinig? Kung talagang nauunawaan ninyo ang sinabi ng Diyos—na ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay ititiwalag; na ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi mabubuti kundi masasamang tao sa paningin ng Diyos—dapat ninyong pagnilayan kung gayon ang inyong mga sarili at tingnan kung alin sa inyong mga kilos ang hindi pagsasagawa ng katotohanan, at alin sa inyong mga pamamaraan at saloobin ang nakikita ng Diyos bilang mga pagpapamalas ng hindi pagsasagawa ng katotohanan. Kahit kailan ba ay nasubukan na ninyong intindihin ang mga bagay na ito? Napagnilayan na ba ninyo ang inyong sarili? Hindi sapat na basahin lamang ang mga salita ng Diyos nang madaliang sulyap; dapat ninyong pagbulay-bulayan ang mga ito, pagnilayan ang inyong sarili, at ikumpara ang inyong mga sariling kaisipan at kilos sa mga salita ng paglalantad ng Diyos, at magkamit ng pagkakilala sa sarili—sa ganitong paraan lamang kayo magkakaroon ng tunay na pagsisisi at pagbabago. Kung binabasa ninyo ang mga salita ng Diyos pero hindi ninyo pinag-iisipan ang mga ito at hindi pinagninilayan ang inyong sarili, sa halip ay nakatuon lamang kayo sa pag-unawa ng doktrina, ang inyong pananalig sa Diyos ay hindi magkakaroon ng anumang pagpasok sa buhay, ni magkakaroon kayo ng anumang tunay na pagbabago. Samakatuwid, napakahalagang mag-isip, hanapin ang katotohanan, at pagnilayan ang sarili kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ano nga ba ang mga salita ng Diyos? Ang mga ito ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay, ang mga ito ay ang katotohanan, ang daan, ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao. Ang mga salita ng Diyos ay hindi doktrina, hindi mga kasabihan, hindi isang uri ng teorya, o kaya naman ay pilosopikal na kaalaman; sa halip, ang mga ito ay ang katotohanan na dapat maunawaan at makamit ng mga tao, at ang buhay na dapat nilang matamo. Samakatuwid, ang mga salita ng Diyos ay may malalim na kaugnayan sa buhay ng mga tao at sa buhay mismo, sa landas na dapat lakaran ng mga tao, at sa kahihinatnan at destinasyon ng mga tao. Kung talagang nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at nakamtan niya ang katotohanan, ang lahat ng tungkol sa kanya ay magbabago ayon sa nararapat. Kung hindi kailanman kayang maunawaan ng isang tao ang katotohanan o mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, hindi niya posibleng matamo ang tunay na pagbabago o makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang tanging kahihinatnan at destinasyon para sa taong iyon ay ang magdusa ng kapahamakan at malipol. Ganito kahalaga sa mga tao ang mga salita ng Diyos at ang katotohanang ipinapahayag Niya. Kung binabasa mo ang mga salita ng Diyos pero hindi mo pinagbubulay-bulayan ang mga ito, pinagninilayan ang sarili mo, o ikinokonekta ang mga ito sa iyong mga sariling tunay na problema at paghihirap, ang tanging nauunawaan mo ay mababaw lamang, at talagang hindi mo kayang maunawaan ang katotohanan o maintindihan ang mga layunin ng Diyos. Kaya, dapat ninyong matutunan kung paano pagnilay-nilayan ang mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan. Mahalaga ito. Maraming paraan upang pagnilay-nilayan ang mga salita ng Diyos: Maaari mong basahin ang mga ito nang tahimik at manalangin sa iyong puso, na hinahanap ang kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu; maaari ka ring makipagbahaginan at manalanging-magbasa kasama ng mga naghahanap ng katotohanan; at, siyempre, maaari mong isama ang mga pagbabahaginan at sermon sa iyong pagninilay-nilay upang palalimin ang iyong pagkaunawa at pagka-arok sa mga salita ng Diyos. Ang mga paraan ay marami at nagkakaiba-iba. Sa madaling salita, kung sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nais ng isang taong makamit ang pagkaunawa tungkol sa mga ito, kung gayon ay mahalagang magnilay-nilay at manalanging-magbasa ng mga salita ng Diyos. Ang layunin ng panalanging-pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay hindi upang magawang bigkasin ang mga ito, ni kabisaduhin ang mga ito; sa halip, ito ay upang magkamit ng tumpak na pagkaunawa sa mga salitang ito pagkatapos na manalanging-magbasa at mapagnilay-nilayan ang mga ito at upang malaman ang kahulugan ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos, pati na rin ang Kanyang layunin. Ito ay upang hanapin doon ang landas ng pagsasagawa, at upang maiwasang lumiko sa sariling daan. Dagdag pa rito, ito ay upang magawang makilala ang lahat ng iba’t ibang uri ng kalagayan at uri ng mga taong nailantad sa mga salita ng Diyos, at upang magawang pakitunguhan ang bawat uri ng tao nang ayon sa mga prinsipyo, habang kasabay nito ay iniiwasang maligaw. Sa sandaling matutuhan mo kung paano manalanging-magbasa at magbulay-bulay ng mga salita ng Diyos, at gawin ito nang madalas, saka lamang maaaring mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at maging buhay mo.
Sipi 6
Sa mga huling araw, hayagang sinabi ng Lumikha ang lahat ng salitang ito at ibinunyag ang lahat ng uri ng tao. Ngayon, ang lahat ng uri ng tao ay nahaharap sa katotohanan, sa tunay na daan at sa mga pahayag ng Lumikha, at ang lahat ng uri ng tinig at pananaw ay nabubunyag: Ang ilang kaisipan at pananaw ay baluktot, ang ilan ay mapagmatuwid sa sarili at mapagmataas, ang ilan ay konserbatibo, sumusunod sa tradisyonal na kultura, at bulok, at ang marami ay kahangalan at kamangmangan. May mga tao pa ngang nasusuklam at napopoot sa katotohanan na nagwawala sa galit na parang mga asong baliw, basta-bastang hinuhusgahan at walang ingat na kinokondena ang katotohanan at mga positibong bagay. Walang pakundangan nilang hinuhusgahan at kinokondena ang anumang positibong bagay at pagpapahayag ng katotohanan, at hindi sila nagsusumikap na kilatisin kung tama ba ito o mali, o kung nagtataglay ba ito ng katotohanan. Ang mga taong ito ay mga hayop at diyablo. Kapag ang mga tao ay nahaharap sa katotohanan at sa tunay na daan, marami silang iba’t ibang pananaw na siyang nagbubunyag at naglalantad ng satanikong kapangitan ng kanilang makitid na pag-iisip, katigasan ng ulo, pagmamatigas, at kayabangan. Dapat ninyong matutunang kumilatis, na lawakan ang inyong kaalaman mula rito, habang hinahanap din ang ilan sa katotohanan. Kung ang mga bagay na ito ay mabubunyag sa mga hindi nananalig, at sa mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kayo ba mismo ay nagpapakita ng mga bagay na ito? Minsan, iba ang paraan ninyo ng pagpapakita ng mga ito, at iba ang paraan ninyo ng pagsasabi ng mga ito, pero ang totoo ay pareho ang mga disposisyong ibinubunyag ninyo at ng mga walang pananampalataya. Ito ay natutulad sa kung paanong kapag tinanggap ng ilang tao ang Panginoong Jesus ay naniniwala sila na ang lahat ng hindi tumatanggap sa Panginoong Jesus ay mababang-uri. Naniniwala silang dahil tinanggap nila ang pagliligtas ng Panginoong Jesus sa krus, sila ay mas nakatataas na tao, at mababa ang tingin nila sa lahat. Anong klaseng disposisyon ito? Wala silang kabatiran; masyadong makitid ang kanilang pag-iisip, at masyado silang mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Napapansin nilang nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang iba, pero hindi nila napapansin na sila rin ay nagbubunyag ng mga kaparehong tiwaling disposisyon. Kung gayon, nagpapakita ba kayo ng mga ganitong bagay? Tiyak na ginagawa ninyo ito, dahil ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao ay iisa lamang, at dahil lamang sa gawain at pagliligtas ng Diyos, sa mga pangangailangan sa Kanyang gawain, o sa Kanyang predestinasyon kung kaya’t mayroong pagkakaiba sa mga kalikasang diwa, hinahangad, at inaasam ng bawat uri ng tao. Ang ilang tao ay walang puso o espiritu. Sila ay mga patay na tao at mga halimaw na hindi nakakaunawa ng pananampalataya. Ang mga taong ito ang pinakamababa sa buong sangkatauhan at hindi sila maituturing na mga tao. Ang mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay mas higit ang pagkaunawa sa katotohanan, ang kanilang kabatiran at pagkaunawa sa Diyos ay mas malawak, at ang kanilang mga teorya at pananaw ay mas mataas nang isang antas. Kung paanong ang mga nananalig sa Kristiyanismo ay mas malawak ang pagkaunawa sa Diyos at mas maraming kaalaman tungkol sa mga nilikha at gawain ng Lumikha kaysa sa mga masunuring mananampalataya ni Jehova, ang mga tumatanggap sa ikatlong yugto ng gawain ay mas higit ang pagkaunawa sa Diyos kaysa sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo. Dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas mataas kaysa sa huli, nangangahulugan siyempre ito na ang pagkaunawa ng mga tao ay tiyak na mas lalawak rin nang lalawak. Pero kung titingnan mo ito sa ibang anggulo, ang mga tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag pagkatapos ninyong tanggapin ang yugtong ito ng gawain ay pareho sa diwa ng mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga nasa relihiyon. Ang tanging kaibahan lang ay natanggap na ninyo ang yugtong ito ng gawain, nakinig na kayo sa maraming pangaral, nakaunawa na ng maraming katotohanan, at nagkamit na ng tunay na pagkaunawa sa inyong kalikasang diwa, at tunay nang nagbago sa ilang paraan sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan. Kaya kapag muli ninyong tiningnan ang mga pag-uugaling ipinapakita ng mga nasa relihiyon, iniisip ninyong mas tiwali sila kaysa sa inyo. Pero sa totoo lang, kapag itinabi kayo sa kanila, makikita ninyong ang saloobin ng mga tao sa Diyos at sa katotohanan ay pareho; kumikilos kayong lahat ayon sa inyong mga haka-haka at imahinasyon at sa inyong mga kagustuhan, at ang inyong mga tiwaling disposisyon ay magkapareho. Kung tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain, pinakinggan ang mga pangaral na ito, at naunawaan ang mga katotohanang ito, hindi masyadong magkakaroon ng pagkakaiba sa inyo at sa kanila. Anong makikita ninyo sa usaping ito? Makikita ninyong ang katotohanan ay nagdadala ng pagbabago sa mga tao, na ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga sermon na Kanyang ipinapangaral ay kaligtasan para sa buong sangkatauhan, at mga bagay na kailangan ng lahat ng tao. Ang mga ito ay hindi naglalayong mapalugod ang isang partikular na grupo, etnisidad, kategorya, o kulay ng balat lamang. Ang buong sangkatauhan ay ginawa nang tiwali ni Satanas at may mga satanikong disposisyon. Walang malaking pagkakaiba pagdating sa kanilang mga tiwaling diwa; nagkakaiba lamang dahil ang kulay ng kanilang balat, etnisidad, at ang kapaligiran at sistemang panlipunan na kanilang kinalakihan ay hindi magkakapareho, o may kaunting pagkakaiba sa kanilang tradisyonal na kultura, karanasan, at sa edukasyong kanilang natanggap. Ngunit ang mga ito ay mga panlabas lamang na pagpapakita—ang buong sangkatauhan ay ginawang tiwali ng iisang Satanas, at ang kanilang tiwaling kalikasan ay magkakapareho. Samakatuwid, ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos at ang gawaing ito na Kanyang ginagawa ay hindi nakatuon sa mga taong nasa anumang partikular na etnikong grupo o bansa, kundi sa buong sangkatauhan. Kahit na may mga pagkakaiba sa kultura at karanasan ng iba’t ibang etnisidad, o sa edukasyon na kanilang natanggap, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay iisa lamang sa mga mata ng Diyos. Kaya kahit na ginagawa lang muna sa isang lugar ang isang yugto ng Kanyang gawain, bilang isang modelo na ipapalaganap sa ibang mga lugar, naaangkop ito sa buong sangkatauhan, at maililigtas at matutustusan nito ang buong sangkatauhan. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga taga-Europa at mga taong mula sa ibang bansa ay hindi mga inapo ng malaking pulang dragon, kaya hindi ba’t hindi angkop para sa Diyos na sabihing ang buong sangkatauhan ay lubos na nagawang tiwali?” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi tama ang mga ito. Ang buong sangkatauhan ay pare-pareho ang kalikasang diwa na ginawang tiwali ni Satanas.) Tama iyan—“ang mga inapo ng malaking pulang dragon” ay isang tawag lamang para sa mga tao ng isang etnisidad; hindi ito nangangahulugang magkaiba ang diwa ng mga taong tinatawag na ganito at ng mga taong hindi tinatawag na ganito. Sa katunayan, ang kanilang mga diwa ay magkapareho pa rin. Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng kamay ng masama; lahat sila ay ginawang tiwali ni Satanas, at ang kanilang mga tiwaling kalikasang diwa ay parehong-pareho. Ngayon, kapag naririnig ng mga taga-Tsina ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos, nagrerebelde at lumalaban sila; may mga haka-haka at imahinasyon sila; ito ang mga bagay na kanilang ipinapakita. Kapag inuulit ang mga salitang ito sa mga taong mula sa ibang etnisidad, nagpapakita rin sila ng mga imahinasyon, haka-haka, pagrerebelde, pagmamataas, pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at maging paglaban—parehong-pareho ito. Ang buong sangkatauhan, anuman ang etnisidad at kinalakihang kultura, ay nagpapakita ng walang iba kundi pag-uugali ng mga tiwaling tao na inilalantad ng Diyos.
Ang mga tiwaling disposisyon ay karaniwan sa lahat ng sangkatauhan; pare-parehong lahat ang mga ito, na mas marami ang pagkakatulad kaysa mga pagkakaiba, at walang malinaw na mga natatanging katangian. Ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga katotohanang Kanyang ipinapahayag ay hindi lang nagliligtas ng isang etnisidad, isang bansa, o isang grupo ng tao—inililigtas ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan. Anong ipinapakita nito sa inyo? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na hindi dumaan sa katiwalian ni Satanas, at nabibilang sa naiibang kategorya o klase ng tao? Mayroon bang sinuman na hindi tumanggap ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Wala.) Anong ibig sabihin ng mga salitang ito na sinasabi Ko? May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng sangkatauhan, at ang lahat ng sangkatauhan ay nilikha ng iisang Diyos. Anumang etnikong grupo, anumang klase ng tao, o kung gaano man sila kagaling, lahat sila ay nilikha ng Diyos. Sa mata ng tao, may ilang tao na naiiba kaysa sa iba at mas nakakataas, pero sa mata ng Diyos, pare-pareho silang lahat; bawat tao ay pare-pareho sa mata ng Diyos. Saan mo ito nakikita? Ang mga pagkakaiba sa kulay ng balat at wika ay panlabas lamang, pero ang mga tiwaling disposisyon ng tao at ang kanilang kalikasang diwa ay pareho; ito ang katotohanan. Kapag nahaharap sa sinumang may satanikong tiwaling disposisyon, kayang magkamit ng mga salita ng Diyos ng mga resulta. Nakatuon ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon ng tao at kayang lutasin ang lahat ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Ipinapakita nito na katotohanan ang lahat ng mga salita ng Diyos, na kaya ng mga ito na pagkalooban, linisin, at iligtas ang sangkatauhan; hindi ito maipagkakaila. Ngayon, ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos sa mga huling araw ay kumalat na sa lahat ng bansa at etnisidad ng mundo—ito ay isang katotohanan! At ano ang naging reaksyon ng tao? (Nagkaroon ng lahat ng uri ng mga reaksyon.) At ano ang ipinahihiwatig o sinasalamin ng lahat ng uri ng mga reaksyong ito tungkol sa diwa ng tao? Ipinapakita ng mga ito na ang kalikasang diwa ng tao ay pare-pareho, ang kanilang mga reaksyon ay katulad ng sa mga Pariseo at mga Hudyo noong pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa ng gawain: Inaayawan nila ang katotohanan, puno sila ng mga ilusyon at haka-haka tungkol sa Diyos, at ang kanilang paniniwala sa Kanya ay umiiral sa loob ng mga ilusyon at haka-haka. Ang sangkatauhan sa kabuuan ay hindi kilala ang Diyos at nilalabanan Siya. Pagkarinig ng mga salita ng Diyos, ang una nilang reaksyon, o ang mga bagay sa kanilang kalikasang diwa na natural nilang ibinubunyag ay paglaban at pagkapoot sa Diyos; ito ay isang bagay na mayroon silang lahat. Ang lahat ng kanilang negatibong tinig at mga pananaw kapag nahaharap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay nanggagaling sa kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, at kumakatawan sa sangkatauhang ito. Ang kanilang mga haka-haka at ilusyon ay katulad ng mga haka-haka at ilusyon ng mga punong pari, eskriba, at mga Pariseo tungkol sa Diyos noong dumating ang Panginoong Jesus; hindi nagbago ang mga ito. Dalawang libong taon na nagpasan ng krus ang mga nasa relihiyon, pero ganoon pa rin sila, hindi nagbago kahit kaunti. Kapag hindi nakamit ng mga tao ang katotohanan, ito ang mga bagay na natural nilang ipinapakita at likas na lumalabas sa kanila, at ganito ang pag-uugali nila sa Diyos. Kaya kung ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos pero hindi naghahanap ng katotohanan, maaayos ba ang kanyang tiwaling disposisyon? (Hindi, hindi ito maayos.) Gaano man sila katagal na nananampalataya, hindi nila malulutas ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon kung hindi nila hahanapin ang katotohanan. Dalawang libong taon na ang nakalilipas, galit na galit na nilabanan at kinondena ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus, at ipinako Siya sa krus. Ngayon, ang mga pastor, elder, pari, at obispo sa relihiyosong mundo ay galit na galit pa ring nilalabanan at kinokondena ang Diyos na nagkatawang tao, gaya ng ginawa ng mga Pariseo. Kung may isang pupunta sa kanila at magpapatotoo na ang Diyos ay nagkatawang tao, maaari siyang hulihin at patayin, at kung pupunta ang Diyos na nagkatawang tao sa mga lugar ng pagsamba ng bawat pangunahing relihiyon para mangaral, tiyak na ipapako pa rin nila Siya sa krus o ibibigay Siya sa mga nasa kapangyarihan. Siguradong hindi sila maghihinay-hinay sa Kanya, sapagkat ang kalikasang diwa ng mga tao ay pare-pareho. Mayroon ba kayong anumang reaksyon sa inyong kalooban kapag naririnig ninyo ang mga salitang ito? Sa palagay ninyo, ang mga tao bang nanampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon pero hindi naghanap ng katotohanan sa anumang antas ay talagang nakakatakot? (Medyo.) Lubhang nakakatakot ito! Hawak ang Bibliya at krus, umaasa sa batas, nakasuot ng mga damit ng mga Pariseo o mga damit ng mga pari, at nilalabanan at hayagang kinokondena ang Diyos sa mga templo—hindi ba’t ang lahat ng bagay na ito ay ginagawa ng mga mananampalataya ng Diyos sa katirikan ng araw? Nasaan na ang mga taong kumokondena at lumalaban sa Diyos? Hindi na kailangan pang tumingin sa malayo. Ang sinuman sa Kanyang mga mananampalataya na hindi tumatanggap sa katotohanan at tutol sa katotohanan ay lumalaban sa Diyos, isang anticristo, at isang Pariseo.
Kung hindi naghahanap ng katotohanan ang tao at hindi nila ito makakamit, hindi nila kailanman makikilala ang Diyos. Kapag hindi kilala ng mga tao ang Diyos, lagi silang mananatiling napopoot sa Kanya at hindi posible para sa kanila na maging tugma sa Kanya. Gaano man kalalim ang pagnanais ng iyong puso na mahalin ang Diyos at hindi Siya labanan, wala itong silbi. Walang silbi na magkaroon lang ng pagnanais, o gustuhin lang na pigilan ang iyong sarili, dahil isa itong hindi sinasadyang bagay na dinidisisyunan ng kalikasan ng tao. Kaya, dapat mong hangarin na maging isang tao na may katotohanan, hinahangad ang pagsasagawa ng katotohanan, at iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, pumasok sa mga katotohanang realidad, at makamit ang pagiging tugma sa Diyos; ito ang tamang landas. Dapat ninyong malaman sa inyong puso na ang pinakamahalagang bahagi ng pananampalataya sa Diyos ay ang paghahanap ng katotohanan, at dapat ninyong panghawakan ang ilang praktikalidad tungkol sa kung anong mga aspeto ang dapat ninyong simulan kapag naghahanap ng katotohanan, pati na kung ano ang kailangan ninyong gawin, paano isasagawa ang inyong tungkulin, paano lalapitan ang bawat uri ng tao sa inyong paligid, paano haharapin ang bawat uri ng mga usapin at bagay, ano ang pananaw na dapat ninyong taglayin kapag kinakaharap ang mga ito, at anong pamamaraan ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan o nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at may kakayahan lamang na sumunod sa mga regulasyon at tukuyin ang mga bagay ayon sa mga ito, pati na ayon sa lohika, haka-haka at mga ilusyon, ang iyong paraan ng pagsasagawa ay mali, at pinatutunayan lang nito na sa mga taon ng pananampalataya mo sa Diyos, sumunod ka lamang nang mabuti sa mga regulasyon, pero hindi mo naunawaan ang katotohanan at wala kang realidad. Ang pagsunod sa mga regulasyon at pamumuhay ayon sa mga haka-haka at ilusyon ay nakakapagod at mahirap para sa iyo, pero ang lahat ng ito ay nasayang na pagsusumikap at hindi ka bibigyan ng Diyos ni katiting na pagsang-ayon. Tama lang na mapagod ka! Kung mayroon kang espirituwal na pagkaunawa, at wagas na pagkaintindi kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos o nakikinig ka sa mga sermon at pagbabahagi, mas lalo mong mararanasan, mas lalo mong mauunawaan at makakamit, at ang mga bagay na iyong nauunawaan ay pawang magiging praktikal at ayon sa katotohanan. Pagkatapos, makakamit mo ang katotohanan at ang buhay. Kung ang mga bagay na iyong nakamit at naunawaan matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ay mga bagay pa rin ng doktrina at mga regulasyon, mga haka-haka pa rin at ilusyon, at mga tuntunin at regulasyon na gumagapos sa iyo, wala ka na talagang pag-asa. Pinatutunayan nitong hindi mo nakamit ang katotohanan, at wala kang buhay. Gaano man karami ang taon na nanampalataya ka sa Diyos, at gaano man karaming mga salita at doktrina ang kaya mong ipangaral, isa ka pa ring taong walang kabuluhan at magulo ang isip. Kahit na hindi ito magandang pakinggan, ito ay totoo. Maraming tao ang ilang taon nang nananampalataya sa Diyos, pero hindi nakikita ang katotohanan at na si Cristo ang may hawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, at na ang Banal na Espiritu ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Ang mga ganitong tao ay walang anumang pagkaunawa, at maituturing na bulag. Nakikita ng ilan na hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, ginagawang perpekto ang isang grupo ng tao, pero napakaraming tinitiwalag, kaya naman pinagdududahan nila ang pagmamahal ng Diyos at maging ang Kanyang pagiging matuwid. Ang mga ganito bang tao ay may anumang kakayahang makaarok? Mayroon ba silang kahit anong pagkaunawa? Nararapat lamang na sabihing sila ay mga taong walang kabuluhan na walang anumang kapasidad na makaunawa. Ang mga taong walang kabuluhan ay palaging tumitingin sa mga bagay sa katawa-tawang paraan; tanging ang mga nakakaunawa lamang ng katotohanan ang makakakita ng mga bagay nang tama at alinsunod sa mga katunayan.
Sipi 7
Gumagawa ng malaking pagkakamali ang ilang taong nangangaral ng ebanghelyo, nagpapalaganap at nagbibigay ng patotoo sa gawain ng Diyos—tinatanggal nila bilang tugon ang mga salita ng Diyos na pinakamalamang ay makabubuo ng kuru-kuro sa mga relihiyosong tao, na nagbibigay sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ng pinaigsi at pinasimpleng bersyon ng mga salita ng Diyos. Katwiran nila, ginagawa nila ito upang mapigilan ang mga taong bumuo ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, ngunit tama ba ito? Katotohanan ang lahat ng salita ng Diyos. Magkaroon man ng mga kuru-kuro ang mga tao at tanggapin o mahalin man nila ang mga salitang ito, ang katotohanan ay katotohanan; ang mga tatanggap dito ang siyang maliligtas, habang mapapahamak naman ang mga hindi tatanggap. Sinumang tumanggi sa katotohanan ay karapat-dapat mamatay at mawasak. Ano ang kinalaman nito sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Dapat hayaan ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao na basahin ang mga orihinal na salita ng Diyos sa halip na paigsiin ang mga ito dahil sa takot na baka magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao. Kapag sinisiyasat ng mga tao ang tunay na daan, gusto nilang malaman kung paano sinabi ang mga orihinal na salita ng Diyos, kung anong uri ng nilalaman ang nakapaloob sa mga ito, at kung ano ang mga pinakaorihinal na pahayag ng Diyos patungkol sa ilang partikular na mga bagay. Gustong malaman ng mga tao: “Sinasabi ninyong ang Diyos ang Lumikha, kung ganoon, ano ang mga salitang ipinapahayag Niya? Ano ang estilo Niya ng pagpapahayag?” Pinipilit ninyong baguhin ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, tulad ng kapag ipinapaliwanag ng mga relihiyosong tao ang Bibliya, ang lahat ng sinasabi nila ay alinsunod sa mga kuru-kuro ng tao; pinipilit ninyong ipakita sa mga tao ang isang bersyon ng mga salita ng Diyos na binago na at hindi ninyo sila hinahayaang makita ang Kanyang mga salita sa orihinal na anyo ng mga ito. Tungkol saan ba ang lahat ng ito? May mga kuru-kuro din ba kayo tungkol sa mga salitang ito ng Diyos? Gaya ng mga relihiyosong tao, naniniwala ba kayong hindi katotohanan ang mga salita Niyang hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na ang katotohanan ay tanging ang mga salitang akma sa mga kuru-kuro ng tao? Kung gayon, pagkakamali iyon ng tao. Paano man ipahayag ang mga salita ng Diyos at naaayon man ang mga ito sa mga kuru-kuro ng tao o hindi, ang mga ito ay katotohanan. Nakabubuo lamang ang mga tiwaling tao ng mga kuru-kuro patungkol sa mga salita ng Diyos dahil hindi nila taglay at hindi nila alam ang katotohanan—ito ang kahangalan at kamangmangan ng tao. Nabigo kayong makita nang malinaw na higit na praktikal at kongkreto ang mga salita ng Diyos para sa isang partikular na epekto, at mas lalo pa ngang hindi ninyo alam kung gaano kababa ang kakayahan ng tao, at kung gaano kahirap para sa mga tao ang maunawaan ang mga salita ng Diyos kung masyado itong maigsi at teoretikal. Alalahanin ninyo na noong nagpakita ang Panginoong Jesus upang gumawa ng gawain, maraming disipulo ang hindi makaunawa sa Kanyang mga salita at kinailangan nilang hilingin na magbigay Siya ng mga halimbawa at magsabi ng mga talinghaga upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Hindi ba’t tama iyon? Ngayon, kapag nagsalita Ako nang may masyadong maraming detalye at partikularidad, nagrereklamo kayo na masyado itong mahaba. Kapag nagsasalita Ako nang malalim, hindi ninyo nauunawaan, ngunit kapag ginagawa Ko itong pangkalahatan at teorya, tinatanggap ninyo ito bilang doktrina. Mahirap intindihin ang mga tao sa ganitong paraan. Sa mga salita ng Diyos, mayroon nang banal na wika pati na rin wikang pantao, taglay ang pagiging simple at pagiging partikular, at may napakaraming halimbawang naglalantad ng iba’t ibang kalagayan ng mga tao. May ilang salitang tila masyadong detalyado para sa mga nakauunawa na ng katotohanan, ngunit tama lang para sa mga bagong mananampalataya, at mahirap makakita ng resulta kung hindi ganito ang antas ng detalye at partikularidad. Para lang itong mga magulang na nagpapalaki ng mga anak; kapag bata pa ang mga anak, maraming detalyadong mga bagay ang kailangang gawin ng mga magulang, ngunit pwede na nila itong ihinto kapag nasa tamang katinuan na ang mga bata at kaya na nilang alagaan ang kanilang mga sarili. Nauunawaan ito ng mga tao, kaya bakit hindi nila maunawaan ang patungkol sa gawain ng Diyos? Dapat mabasa ng mga bagong mananampalataya ang mga salitang mas mabababaw at suportado ng mga halimbawa, mga salitang mas detalyado at metikuloso. Iyon namang mga ilang taon nang nananampalataya sa Diyos at nakakaunawa na ng ilang katotohanan ay dapat magbasa ng mga salitang mas malalalim na naiintindihan nila. Paano man nangungusap ang Diyos, naglalayon ang lahat ng ito na bigyang-daan ang mga tao upang maunawaan ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at makapasok sa katotohanang realidad. Nangungusap Siya upang makamit ang ganitong mga resulta. Malalim man o mababaw ang Kanyang mga salita, naaarok man ito ng mga tao o hindi, hindi madaling maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Huwag kang magkakamaling isipin na dahil lamang may mahusay kang kakayahan at nakauunawa ng malalalim na katotohanan ay taglay mo na ang mga mabababaw na katotohanan at taglay ang realidad. Ganoon ba iyon? Kahit ang katotohanan lamang tungkol sa pagiging isang tapat na tao ay sapat na para sa buong buhay na karanasan. Gaano man kababaw ang mga salita ng Diyos, gaano man karaming halimbawa ang ibinibigay Niya, maaari kang hindi makapasok sa realidad kahit na pagkatapos ng sampu o walong taon ng karanasan. Dahil dito, kapag nakahaharap ang mga salita ng Diyos, mali na tingnan ang lalim ng mga ito. Hindi tama ang pananaw na ito. Pinakamainam para sa isang tao na lubos na bigyang-pansin ang realidad; hindi dahil lamang may kakayahan kang makaintindi at kaya mong maunawaan ang katotohanan ay tinataglay mo na ang realidad. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, kahit na ang pinakamahusay na pagkaintindi ay magiging mga walang katuturang doktrina para sa iyo. Dapat mong isagawa ang katotohanan, may karanasan at kaalaman ka dapat—sa ganitong paraan lamang magiging praktikal ang pagkaintindi mo. Ang sinumang nagrereklamo na masyadong detalyado o mababaw ang mga salita ng Diyos ay mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba at hindi nagtataglay ng anumang katotohanang realidad. Kaya bang maarok ng tao ang karunungan sa mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga kaisipan? Maraming tao ang masyadong mayabang at ignorante sa kanilang saloobin hinggil sa mga salita ng Diyos, kumikilos na parang malaki ang taglay nilang katotohanang realidad, ngunit ang totoo ay hindi nila isinasagawa ang katotohanan at hindi nila kayang magpahayag ng anumang tunay na patotoo. Kaya lamang nilang magpahayag ng mga walang kabuluhang salita ng teorya; mga teoriko sila at manloloko. Paano dapat basahin ng mga tunay na naghahangad ng katotohanan ang mga salita ng Diyos? Dapat nilang hangarin ang katotohanan. Maraming bagay ang saklaw at bahagi ng paghahangad ng katotohanan, kaya pwede ba itong pag-usapan nang walang detalye? May makakamit bang resulta kung hindi partikular at kumpleto ang paraan ng pagpapahayag? Tunay bang makauunawa ang mga tao kung walang suporta ng maraming halimbawa? Iniisip ng maraming tao na masyadong mababaw ang ilan sa mga salita ng Diyos—kung ganoon, gaano karami na sa mga mabababaw na salitang ito ang napasok mo? Anong patotoong batay sa karanasan ang maibabahagi mo? Kung hindi ka pa nga nakakapasok sa mabababaw na salitang ito, maiintindihan mo ba ang malalalim? Mauunawaan mo ba talaga ang mga ito? Huwag mong ituring na matalino ang iyong sarili, huwag kang mayabang at mapagmagaling!
Bumalik tayo sa usapin ng pakikialam sa mga salita ng Diyos. Inilathala na ng sambahayan ng Diyos ang batayang bersyon ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at walang sinumang pinapayagang gumawa ng mga pinakabahagyang pagbabago. Walang batayang bersyon ng mga salita ng Diyos ang maaaring baguhin ng sinuman, at kung may sinumang magbabago ng mga ito, ituturing itong pakikialam sa Kanyang mga salita. Ang mga taong pinakikialaman ang Kanyang mga salita ay wala ni katiting na pagkaunawa sa pag-aasam ng lahat ng nananabik sa katotohanan at umaasang mabasa ang mga salita ng Diyos. Gustong mabasa ng mga taong ito ang tama at batayang bersyon ng Kanyang mga salita, na siyang mga orihinal na salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng orihinal Niyang ibig sabihin at hangarin. Ganito lahat ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang orihinal na hangarin, layunin, at ibig sabihin ng pagsasagawa ng lahat ng gawaing ito at pagpapahayag ng lahat ng salitang ito, ni kung bakit Siya nagsasalita nang ganoon kadetalyado. Hindi nauunawaan ng mga tao, ngunit nag-aanalisa at nagbubuod sila sa kanilang mga isipan, at nauuwi ito sa pakikialam nila sa mga orihinal na salita ng Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kurong pantao. Dahil dito, kapag nabasa na ng iba ang mga salita ng Diyos na napakialaman na, mahirap para sa kanilang maunawaan ang orihinal Niyang ibig sabihin. Hindi ba nito naiimpluwensiyahan ang pagkaunawa nila sa katotohanan at sa pagpasok nila sa buhay? Ano ang problema rito? Ang mga tao na binabago ang mga salita ng Diyos ay hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ang pamamaraan nila ay gaya ng sa isang taong hindi mananampalataya; sa sandaling kumilos sila, inilalantad ng kanilang satanikong disposisyon ang sarili nito. Lagi silang may ilang opinyon at ideya tungkol sa ginawa at sinabi ng Diyos, at lagi nilang gustong pangasiwaan at iproseso ang mga bagay na ito, gamitin ang maiitim at maladiyablo nilang kuko at baguhin ang mga salita ng Diyos at gawing sarili nilang mga kasabihan. Ito ang likas na katangian ni Satanas—kayabangan. Kapag nagpahayag ang Diyos ng ilang totoong salita, ilang pang-araw-araw na pananalitang malapit sa sangkatauhan, hinahamak at minamaliit ang mga ito ng mga tao, wala silang pakundangan sa mga ito. Lagi nilang gustong gamitin ang kaalaman at imahinasyon ng tao upang gumawa ng ilang pagbabago at palitan ang estilo. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Oo.) Hindi dapat ninyo ito ginagawa sa anumang paraan. Dapat kayong kumilos nang naaayon sa inyong tungkulin. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos, at paano man Siya nangungusap, dapat nilang panatilihin ang orihinal na anyo ng mga ito at huwag baguhin. Ang mga live na sermon lamang ang maaaring bahagyang organisahing muli, basta’t bahagyang pagpapabuti lang ito at hindi nito nababago ang orihinal na kahulugan. Ang orihinal na kahulugan ay talagang hindi dapat mabago. Kung hindi mo taglay ang katotohanan, huwag mo itong baguhin; ang sinumang babago nito ay kailangang managot. Nagtatalaga ang sambahayan ng Diyos ng ilang tao na mag-oorganisa ng mga sermon at pagbabahaginan, ngunit dapat nilang organisahin ang mga ito alinsunod sa mga prinsipyo, at hindi nila dapat pakialaman ang anumang bagay. Hindi dapat makialam ang mga walang espirituwal na pang-unawa at hindi nakauunawa sa katotohanan, upang hindi sila maparusahan. Dahil isa ka sa mga taong hinirang ng Diyos, dapat ay matiyaga mong basahin ang Kanyang mga salita, pagtuunan ng pansin ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad, at huwag pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan. Higit sa lahat, huwag mong gamitin ang iyong isipan at kaalaman para himay-himayin ang mga salita ng Diyos. Hindi maganda ang palagiang pakikilahok sa mga masasamang gawain; kapag sinalungat mo ang disposisyon ng Diyos, magiging mahirap ito para sa iyo. May ibang taong nakauunawa ng kaunting biblikal na kaalaman; nag-aaral sila ng teolohiya nang ilang araw at nagbabasa ng ilang libro, at pagkatapos ay tingin nila, nauunawaan na nila ang katotohanan, alam na nila ang ginagawa nila, at kaya na nila. Ngunit anong silbi ng kaunti mong kakayahan? Kaya mo bang magpatotoo sa Diyos? Taglay mo ba ang katotohanang realidad? Kaya mo bang akayin ang mga tao sa presensya ng Diyos? Ang kakaunti mong teorya at pinag-aralan ay hindi kumakatawan sa katotohanan ni katiting. Ang Diyos, sa Kanyang pagkatao, ay nagpapahayag ng ilang salitang nagbibigay-daan para maunawaan ng mga tao ang kahulugan nito, ilang salitang mas madaling maunawaan ng sangkatauhan, ngunit laging hindi nakukumbinsi ang mga tao at gusto nilang baguhin ang Kanyang mga salita. Gusto nilang baguhin ang Kanyang mga salita upang umayon sa kanilang mga kuru-kuro, upang maging akma sa kanilang mga panlasa at kagustuhan, upang maging masarap pakinggan ang mga ito at hindi masakit sa mga mata at puso. Anong klaseng disposisyon ito? Isa itong mayabang na disposisyon. Ang paggawa ng mga bagay nang walang anumang katotohanang prinsipyo at pagkilos alinsunod sa mga paraan ni Satanas ay madaling makagagambala at makaaabala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Lubos na mapanganib ang bagay na ito! Kapag nasalungat mo ang disposisyon ng Diyos, magiging medyo mahirap ito, at may panganib ng pagkatiwalag.
May ibang taong tumututol kapag nakikita nilang nagpapahayag ang mga salita ng Diyos ng napakaraming detalye tungkol sa landas ng pagsasagawa para sa buhay pagpasok. Sa ganoong sitwasyon, kung nakita nila ang lahat ng batas, atas, at kautusang ipinatupad ng Diyos sa Lumang Tipan, hindi ba’t makakaramdam sila ng higit na pagtutol? At kung babasahin pa nila ang mas detalyado pang mga salita sa mga orihinal na kautusan sa Bibliya, hindi ba sila makabubuo ng mga kuru-kuro? Iisipin nila: “Masyadong walang kwenta ang mga salitang ito. Ang masasabi nang malinaw sa isang pangungusap ay pinahaba sa tatlo o apat. Mas simple at direkta dapat sila upang makita agad ng mga tao ang lahat sa isang sulyap at maunawaan ito sa pakikinig lamang sa isang pangungusap. Ang ganda siguro kung hindi masyadong mahaba ang mga ito, kundi simple, madaling maunawaan, at madaling isagawa. Hindi ba’t mas mabisa itong makapagpapatotoo at makaluluwalhati sa Diyos?” Tila tama ang kaisipang ito, ngunit sa tingin mo ba ay dapat maging katulad ng pagbabasa ng nobela ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, kung saan mas mainam kapag mas madaling basahin? Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan; kailangang pagnilayan ang mga ito, at dapat isagawa at maranasan ng isang tao ang mga ito upang maunawaan at makamit ang katotohanan. Kapag mas hindi naaayon ang mga salita ng Diyos sa mga kuru-kurong pantao, higit na katotohanan ang taglay ng mga ito. Sa katunayan, walang aspekto ng katotohanan ang naaayon sa mga kuru-kurong pantao; hindi ito mga bagay na dating nakita o naranasan ng mga tao kundi mga bagong-bagong salita. Gayunpaman, matapos mabasa at maranasan ang mga ito nang ilang taon, malalaman mong ang lahat ng salita ng Diyos ay katotohanan. May mga taong palaging may kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos. Saan nag-uugat ang problemang ito? Saan sila nagkakamali? Ipinapakita ng problemang ito na hindi alam ng mga tao ang gawain ng Diyos o ang Kanyang disposisyon. Ang bawat pangungusap na sinasabi Niya ay praktikal at totoo, gumagamit ng pang-araw-araw na wika ng mga tao nang hindi nauuwi sa paggamit ng teoretikal o pang may kaalamang wika. Pinakamakatutulong ito para sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan. Walang sinumang malinaw na makauunawa sa bagay na ito—tanging ang gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita ang pinakapraktikal at makatotohanan. Pasalitang kinikilala ng mga tao: “Tama ang lahat ng salita ng Diyos. Nakatutulong sa mga tao ang Kanyang mga salita, ngunit hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Siya ang pinakanakakaalam kung ano ang mga pangangailangan ng mga tao, at alam Niya kung paano magsalita upang maunawaan ng mga tao. Mas madaling tanggapin ang paraan Niya ng pagpapaalala at pagsasabi sa mga tao. Alam ng Diyos ang kalooban ng mga tao at kung anong uri ng mga kaisipan at kuru-kuro ang mayroon sila, at mas alam Niya pa kung ano ang pinakakailangan ng mga tao, habang ang mga tao mismo ay walang ideya.” Ngunit kapag tiningnan mo ang mga salita ng Diyos, gusto mong gawing simple at baguhin ang mga ito upang umayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao. Kung gayon, maaari pa rin bang maging katotohanan ang mga salita ng Diyos? Maaari pa ba itong maging mga salita Niya? Hindi ba’t magiging mga salita na ng mga tao ang mga ito? Hindi ba’t masyadong mayabang at mapagmagaling ang ganitong uri ng pag-iisip? Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, akma man ang mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao o hindi. Gaano man karaming salita ang sabihin Niya at gaano man kadetalyado ang mga ito, hindi ipinapahayag ang mga salita ng Diyos nang walang kabuluhan. Kung magdaragdag Siya ng isang pangungusap, ito ay upang tulungan ang mga taong makaunawa nang mas maigi, na makatutulong sa kanila. Kung may isang pangungusap na hindi Niya isasama, hindi ito mauunawaan nang mabuti ng mga tao, at magiging mas madali para kay Satanas na samantalahin ang sitwasyong ito. Karamihan sa mga tao ay mahina ang kakayahan, at hindi nila maintindihan ang mga salita maliban na lamang kung ipapaliwanag ito ng Diyos at detalyadong magsasalita. Lahat ng tao ay manhid at mahina ang pang-unawa, kaya wala ni isang pangungusap na dapat alisin; kung may isang aspektong hindi lubos na mapag-uusapan, hindi mauunawaan ng mga tao ang aspektong iyon—maaaring maunawaan mo ito, ngunit may ibang hindi; maaaring may isang grupo sa inyo na makaunawa rito, ngunit hindi ang isa pang grupo. Palaging may mga taong hindi makakaunawa. Hindi lang sa iyo nangungusap ang Diyos; nangungusap Siya sa buong sangkatauhan, sa lahat ng may mga tainga at nakauunawa sa sinasabi ng Diyos. Masyado bang makitid ang iyong pananaw? Nakikita lang ng mga tao kung ano ang nasa harapan nila, iniisip na: “Nauunawaan ko ang pangungusap na ito; bakit kailangan pa itong ipaliwanag ng Diyos nang may napakaraming detalye?” Kung masyado itong simple, mauunawaan ito ng mga may mahuhusay na kakayahan, ngunit hindi ng mga may katamtamang kakayahan lang; kung palalawigin ng Diyos ang ilang pangungusap para sa mga taong may katamtamang kakayahan, hindi mo isinasali ang iyong sarili. Ibig sabihin ba noon ay isa kang taong tumatanggap sa katotohanan? Saan nanggagaling itong mga pagtutol mo? Hindi ba’t ito ang mapagmataas na disposisyon ni Satanas? Kapag may ginagawa ang Diyos na taliwas nang kaunti sa iyong mga kuru-kuro, kapag bahagya Niyang ipinapakita ang lahat ng taglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos—pinahahalagahan, inuunawa, inaalagaan, inaalala, at pinapatnubayan ang mga tao—iniisip mo na nakakaumay ang Diyos, na ang dami Niyang sinasabi, na nag-aaksaya lang Siya ng oras sa mga walang kabuluhang bagay, na hindi Niya dapat gawin iyon; ganito ka mismo naniniwala sa iyong mga kuru-kuro. Ito ang impresyon mo sa Diyos, ang pagkakakilala mo sa Kanya, ganito mo Siya nakikita. Kung gayon, doktrina lang ba ang paniniwala mong “tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, ang Diyos ang pinakanakakakilala sa tao”? Para sa iyo, naging doktrina na ito; ang pagkakakilala mo sa Diyos ay hindi tumutugma sa ipinakikita Niya, walang kaugnayan. Higit pa rito, hindi ka ganyan kumilos sa harapan ng Diyos; tinatrato mo ang Kanyang mga salita at gawain ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ayon sa mapagmataas mong disposisyon. Isa ka bang taong tumatanggap sa katotohanan? Hindi ka isang taong tumatanggap sa katotohanan, ni hindi ka isang taong nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Sa harap ng mga salita at gawa ng Diyos, nagagawa mong manghusga, magreklamo, gumawa ng espekulasyon, magduda, tumanggi, lumaban, at magkaroon ng mga opsyon. Tunay ka bang mananampalataya ng Diyos? Kung hindi mo kayang magpasakop sa gawain ng Diyos, matatamo mo ba ang katotohanan? Kung ganito mo tratuhin ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, ang katotohanan, ang lahat ng tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos, at ang lahat ng nagmumula sa Kanya, makakamit mo ba ang Kanyang pagliligtas? Kung hindi mo matatamo ang katotohanan, mapapasailalim ka sa kaparusahan.
Sa pag-aaral mo ng mga salita ng Diyos, huwag mong analisahin o himay-himayin ang mga ito, huwag kang maging tuso, huwag kang magduda, at huwag mo itong pag-isipan nang husto. Itrato mo ang mga ito gaya ng pagtrato mo sa katotohanan—ito ang pinakamatalinong paraan. Anuman ang gawin mo, huwag mong sabihin sa iyong sarili na: “Isa akong makabagong tao, matalino ako at may pinag-aralan, maalam ako sa gramatika, pinag-aralan ko ang ganito at ganyang kurso, mahusay ako sa isang partikular na kasanayan o propesyon, nakauunawa at nakaiintindi ako. Hindi ito nalalaman ng Diyos. Bagama’t nauunawaan ng Diyos ang buong sangkatauhan, wala na Siyang ibang taglay maliban sa katotohanan, hindi Niya nauunawaan ang mga usaping pampropesyonal, hindi Siya magaling sa anumang bagay, ang alam lamang Niya ay kung paano ipahayag ang katotohanan.” Tama iyon. Kaya lamang ipahayag ng Diyos ang katotohanan, at nakikita Niya ang lahat ng bagay dahil Siya ang katotohanan. Hawak Niya ang kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, at Siya ang may kontrol sa iyong tadhana. Walang makaiiwas sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ano dapat ang saloobin ng mga tao sa mga salita ng Diyos? Dapat ito ay ang makinig, magpasakop, tumanggap, at magsagawa nang may sukdulang pagsunod—ito dapat ang saloobin ng mga tao. Anuman ang gawin mo, huwag kang mambusisi. Marami na Akong sinabi sa inyo, ngunit kaunting bahagi lamang nito ang kaya ninyong tanggapin. Hindi ninyo tinatanggap ang anumang salitang hindi naaayon sa mga kuro-kuro ng tao—nilalabanan at itinatatwa pa nga ninyo ang mga ito sa inyong mga puso. Ang tinatanggap lamang ninyo ay mga salitang naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at tinatanggihan ang mga hindi. Matatamo ba ninyo ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi ba talaga katotohanan ang mga salitang hindi umaakma sa mga kuru-kuro ng tao? Nangangahas ka bang makasiguro tungkol dito? Kung gayon ay dapat kitang tanungin, gaano kalaking bahagi ng katotohanan ang nauunawaan mo? Anong mga katotohanan ang taglay mo? Kung gayon, magbahagi ka ng patotoo ng lahat ng katotohanang nauunawaan mo, at hayaan mong magpasya ang lahat kung katotohanan ang mga ito o hindi. Kung maaamin mong hindi mo taglay ang katotohanan, ibig sabihin noon ay may katwiran ka. Kung may katwiran ka talaga, mangangahas ka pa rin bang sabihin na hindi katotohanan ang mga salitang hindi akma sa mga kuru-kuro ng tao? Mangangahas ka pa rin bang makipagpustahan sa Diyos? Bilang isang nilikhang nilalang, huwag kang maging masyadong mayabang at mapagmagaling, huwag masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Talagang hindi mo nalalaman ang katotohanan; hindi mo magagawang ganap na maranasan ang kahit na isang pangungusap sa mga salita ng Diyos sa buong buhay mo, ni hindi mo mauunawaan o maisasabuhay ang mga iyon habambuhay. Kung may isang bahaging nauunawaan mo at naisasagawa mo ang mga ito, hindi na iyon masama. Naghihikahos at kaawa-awa ang mga tao—ito ang katotohanan sa usaping ito. Dahil talagang naghihikahos at kaawa-awa sila, bakit napakayabang din nila at mapagmagaling? Dahil dito, sila ay kaawa-awa at kamuhi-muhi. Pinapayuhan Ko ang mga tao na basahin ang mga salita ng Diyos sa isang masunuring paraan, na bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro sa sandaling magkaroon sila nito, at ituring ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang pag-isipan ang mga ito, at pagkatapos ay maranasan ang mga ito; baka sa ganitong paraan, mauunawaan na nila kung ano ang katotohanan. Huwag mo nang pakialaman kung gaano man kadetalyado o kahaba ang mga salita ng Diyos. Kung magagawa mong maunawaan at maranasan ang mga ito, at pagkatapos ay magpatotoo para sa mga ito, sa puntong iyon ka lang maituturing na may kakayahan. Katulad ito ng kung paanong palaging mapili ang mga tao patungkol sa kung aling mga uri ng pagkain ang kakainin nila, iniisip na masarap ang iba at ang iba naman ay hindi. At ano ang nagiging resulta nito? Ang mga masasarap na pagkain ay hindi naman masustansya, at ang mga pagkaing ayaw mo ay hindi talaga mas kakaunti ang sustansya; maaari pa ngang mas marami at mas mainam ang sustansyang taglay ng mga ito. Nahihirapan ang mga taong tukuyin kung ano ang katotohanan at ang hindi, kung ano ang mula sa Diyos, at kung ano ang mula sa tao. Matatanto lamang nila ang ilan dito matapos maunawaan ang katotohanan; hindi magagawa ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan na talagang makita ang nasa likod ng anumang bagay. Kung alam mong kulang ka sa kaalaman, dapat ay manatili kang mapagpakumbaba, tahimik, at higit mong hanapin ang katotohanan. Ito ang ginagawa ng isang matalinong tao. Kung hindi mo pa nauunawaan ang anumang bagay ngunit nagpapatuloy ka pa rin sa bulag na pagmamataas, nangangahas na husgahan ang lahat ng bagay at pintasan ang sinumang nagsasalita, talagang wala kang katwiran. Hindi ka ba sumasang-ayon na tama ito? Anuman ang gawin ng isang tao, hindi nila dapat ilabas ang kanilang mga pangil sa presensya ng katotohanan. Dapat siyang magpanatili ng may-takot-sa-Diyos na puso at maghangad ng katotohanan sa lahat ng bagay—tanging ito lamang ang tunay na matalino at marunongna tao.
Sipi 8
Ano ang kalikasan ng problema ng pakikialam sa mga salita ng Diyos? Kung binabago mo ang mga salita ng Diyos at pinakikialaman ang Kanyang pananalita, katumbas ito ng pinakamalubhang pagsalungat at paglapastangan sa Diyos. Ang mga kauri lang ni Satanas ang may kakayahang gumawa ng ganitong masamang gawa, at katulad sila ng arkanghel. Sinabi ng arkanghel: “Diyos ko, kaya Mong likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, at gumawa ng mga tanda at hiwaga—kaya ko rin itong gawin. Umupo Ka sa trono, at gayon din ang gagawin ko. Pinaghaharian Mo ang lahat ng bansa, at gayon din ako. Nilikha Mo ang mga tao, at pinamamahalaan ko sila!” Ganito kamapagmataas ang arkanghel; wala itong taglay na anumang katwiran. Ang kalikasan ng pakikialam sa mga salita ng Diyos ay katulad ng sa arkanghel, ibig sabihin, ito ay isang pagpapamalas ng tuwirang pagsalungat sa Diyos at ng paglapastangan sa Diyos. Ang mga taong nakikialam sa mga salita ng Diyos ay ang mga pinakasumasalungat sa Kanya, at tuwiran nilang nilalabag ang Kanyang disposisyon. Pinakakinapopootan ng Diyos ang mga nakikialam sa Kanyang mga salita. Maaaring sabihin na ang pakikialam sa mga salita ng Diyos ay paglapastangan sa Diyos at sa Banal na Espiritu, at isang kasalanang walang kapatawaran. Maliban sa pakikialam ng mga tao sa mga salita ng Diyos, mayroon pang isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, ito ay kapag ang mga tao ay nangangahas na kaswal na baguhin ang mga pagsasaayos ng gawain, at pagkatapos ay ipinapasa ang mga ito sa iglesia upang ilihis ang mga hinirang ng Diyos, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Ito rin ay isang pagpapamalas ng tuwirang pagsalungat sa Diyos, at isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Ang ilang tao ay talagang walang takot sa Diyos na puso. Naniniwala sila na ang mga gawain ng pagsasaayos ay isinulat ng tao, na ang mga ito ay nagmumula sa tao, at kung ang mga ito ay hindi umaayon sa mga haka-haka ng mga taong ito, binabago nila ang mga ito ayon sa kanilang kagustuhan. Alam ba ninyo kung alin sa mga atas administratibo ng Diyos ang nilalabag nito? (7. “Sa gawain at mga usapin ng iglesia, bukod pa sa pagpapasakop sa Diyos, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng bagay. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Ganap na pagpapasakop lamang ang iyong dapat alalahanin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian).) Ang mga bagay na lumalabag sa mga atas administratibo ay mga bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Hindi ba ninyo malinaw na nakikita iyan? Napakahambog ng saloobin ng ilang tao sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Naniniwala sila, “Ang Itaas ang gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, at tayo ang gumagawa ng mga gawain sa iglesia. Ang ilang salita at gawain ay maaaring ipatupad nang pleksible. Nasa sa atin na kung paano partikular na gagawin ang mga ito. Ang Itaas ay nagsasalita lamang at gumagawa ng mga pagsasaayos ng gawain; tayo ang mga gumagawa ng praktikal na aksyon. Kaya, pagkatapos na maibigay sa atin ng Itaas ang gawain, magagawa na natin ito ayon sa ating kagustuhan. Ayos lang kahit paano man ito gawin. Walang sinuman ang may karapatang makialam.” Ang mga prinsipyong sinusunod nila ay ang mga sumusunod: Pinakikinggan nila ang pinaniniwalaan nilang tama at binabalewala ang pinaniniwalaan nilang mali, itinuturing nila ang kanilang mga paniniwala bilang ang katotohanan at ang mga prinsipyo, nilalabanan nila ang anumang hindi naaayon sa kanilang kalooban, at labis silang kumokontra sa iyo ukol sa mga bagay na iyon. Kapag ang mga salita ng Itaas ay hindi naaayon sa kanilang kalooban, binabago nila ang mga ito, at ipinapasa lamang nila ang mga ito sa iba kapag naaayon na ang mga ito sa kanilang kagustuhan. Hindi nila pinahihintulutang maipasa ang mga ito nang wala ang kanilang pagsang-ayon. Bagamat sa ibang lugar ay ipinapasa nang walang pagbabago ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, ang mga taong ito ay ipinapasa ang kanilang mga binagong bersyon ng mga pagsasaayos ng gawain sa mga iglesia na nasa ilalim ng kanilang pamamahala. Ninanais palagi ng mga gayong tao na isantabi ang Diyos; nananabik sila na ang lahat ay maniwala sa kanila, sumunod sa kanila, at magpasakop sa kanila. Sa kanilang isipan, may ilang larangan kung saan ang Diyos ay hindi nakakapantay sa kanila—kailangang maging Diyos din sila mismo, at kailangang maniwala sa kanila ang iba. Iyon ang kalikasan nito. Kung naunawaan ninyo ito, tatangis pa rin ba kayo kapag sila ay tinanggal? Maaawa pa rin ba kayo sa kanila? Iisipin pa rin ba ninyo, “Ang Itaas ay kumilos nang hindi nararapat. Tinatrato nila nang hindi patas ang mga tao. Paano nila nagawang tanggalin ang gayong kasipag na tao?” Ang mga nagsasabi nito ay walang pagkilatis. Para kaninong kapakanan ba na sila ay nagsisipag? Para ba sa kapakanan ng Diyos? Para ba sa kapakanan ng gawain ng iglesia? Nagsisipag sila upang patibayin ang kanilang katayuan; nagsisipag sila upang makapagtayo ng mga nagsasariling kaharian. Naglilingkod ba sila sa Diyos? Ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? Sila ba ay tapat at mapagpasakop sa Diyos? Sila ay pawang mga alipores ni Satanas, at kapag sila ay gumagawa, ang diyablo ang naghahari. Sinisira nila ang plano ng pamamahala ng Diyos at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sila ay mga tunay na anticristo! Sinasabi ng ilang tao: “Tingnan ninyo kung gaano sila kasipag na nagtatrabaho—kinakailangan ng pagsisikap ang pagsulat ng lahat ng bagay na iyon, at ang pagpasa ng mga iyon sa mga iglesia.” Kung gayon ay hayaan ninyong tanungin Ko kayo, ang mga bagay bang isinusulat nila ay nakakapagpatibay sa mga tao? Ano ba mismo ang layuning nais nilang makamit? Mayroon ka bang pagkilatis sa mga usaping ito? Ano ang mga magiging kahihinatnan kung ikaw ay malihis nila? Naisip mo na ba iyon? Naaawa ang ilan sa ganitong mga tao, sinasabi: “Nagtatrabaho sila nang husto at hindi madaling isulat ang lahat ng bagay na iyon, kaya dapat silang patawarin ng sambahayan ng Diyos kung mayroong ilang paglihis o mga baluktot na bagay sa naisulat nila.” Ano ang problema sa pagsasabi nila nito? Makakamit ba talaga ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho nang husto? Para kaninong kapakanan ba ang pagtatrabaho nang husto ng mga taong ito? Kung hindi sila nagtatrabaho nang husto upang palugurin at bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos, ngunit sa halip ay upang magkamit sila ng katayuan, kung gayon, kahit gaano pa sila magtrabaho nang husto, mayroon ba itong anumang katuturan o kahalagahan? Ang ganitong uri ng pagtatrabaho nang husto ay makasarili at mababa, masama at walang kahihiyan! Ano ang mga magiging kahihinatnan kung ang ganitong uri ng anticristo ay hindi tatanggalin? Guguluhin ng mga tao ang gawain ng iglesia ayon sa kanilang kagustuhan at sila ay magiging mga sumasalungat sa Diyos nang hindi nila namamalayan. Hindi ba’t ito ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos? Kung sila ay nagtatrabaho nang husto upang makamit ang mga sarili nilang mithiin, nagbibigay ba iyon sa kanila ng karapatang salungatin ang Diyos? Kung gayon ba ay dapat na silang sumalungat sa Kanya at maghimagsik sa Kanya? Dapat ba silang maging walang pakundangan at walang ingat, at tumangging magpasakop sa Kanya? Basta na lang ba nila magagawa ang anumang gusto nila? Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan, ang mga hindi nagpapasakop sa Diyos, at ang mga gustong kumilos lang nang walang pagkilatis, na nag-aakalang ang lahat ng ginagawa nila ay makatwiran at tama, ay pawang mga diyablo at alipores ni Satanas na naparito upang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia! Kung bukod sa hindi mo makilatis ang ganitong mga tao, ay nakikisimpatiya ka pa sa kanila, lumuluha para sa kanila, at ipinagtatanggol sila, kung gayon ay wala ka ring kuwenta, ikaw ay isang taong nagugulumihanan at walang alam. Maaari mo pa ring isipin: “Hindi nagiging maunawain ang Itaas sa damdamin ng mga taong ito. Nagtrabaho nang husto ang taong iyon at basta na lang siyang tinanggal ng Itaas.” Kung sinasabi mo ito, ikaw rin ay isang alipores ni Satanas at ikaw ay sa diyablo. Maraming tao ang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, hindi kailanman ibinubunyag o iniuulat ang mga huwad na lider at mga anticristo, hanggang isang araw ay may ginawang isang mapaminsalang bagay ang anticristo at napagtanto nila sa wakas na ito talaga ay isang kaso ng isang anticristo na nanlilihis ng mga tao. May mga haka-haka pa rin ang ilang tao tungkol dito at iniisip: “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at dapat alam ng Itaas kung gaano karaming anticristo ang mayroon sa iglesia, kaya kailangan pa ba naming iulat ang mga ito?” Hindi ba kakatwa ang mga taong nagsasabi nito? Sa ngayon, ang Diyos ay kumikilos sa sangkatauhan at ang pinuno ng Itaas ay isang tao, kaya kung hindi siya nagkaroon ng direktang ugnayan sa mga usapin ng iglesia, paano niya malalaman ang tungkol sa mga bagay na ito? Maraming beses, kapag mayroong mga insidente ng mga anticristo, na nalulutas lamang ang mga problema pagkatapos silang iulat at ibunyag ng ilang tao, at ipinag-utos ng Itaas ang isang imbestigasyon. Habang gumagawa at inaakay ang mga tao sa normal na pagkatao, ang Diyos ay hindi naman talaga supernatural at Siya ay napakapraktikal, ngunit dinadaig, nilulupig, at ipinahihiya Niya si Satanas. Tanging sa ganitong paraan naihahayag ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang karunungan. Ganito kapraktikal ang gawain ng Diyos; isinasaayos Niya ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na ito upang ang Kanyang mga hinirang ay matuto ng mga aral, magkamit ng pagkakilala, at mapalawak ang kanilang kaalaman. Sa sandaling ang Kanyang mga hinirang ay magkamit ng pagkakilala, hindi magagawang takasan ng mga huwad na lider, mga anticristo, at masasamang tao ang paghatol ng Diyos. Gagamitin ng Diyos ang mga katunayan upang ibunyag sila at upang bigyan ng kakayahan ang lahat ng Kanyang mga hinirang na makakita nang malinaw at makaunawa. Hindi ba’t maraming masasamang tao at mga anticristo ang nabunyag at natiwalag noon? Wala bang malinaw na nakakikita sa usaping ito? Kung gayon, ikaw ay masyadong nagugulumihanan!
Bagama’t hindi nauunawaan ng ilang tao ang ilang bahagi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, nagagawa pa rin nilang magpasakop, sinasabing: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at may kahulugan. Kung hindi natin ganap na nauunawaan ang mga pagsasaayos ng gawain, dapat ay magpasakop muna tayo sa mga ito. Hindi natin maaaring husgahan ang Diyos! Dapat makinig pa rin tayo sa mga pagsasaayos ng gawain, kahit na ang mga ito ay hindi naaayon sa mga haka-haka natin, dahil tayo ay mga tao, at ano ang nakikita ng isip ng tao? Dapat ay magpasakop na lang tayo sa mga pagsasaayos ng Diyos; darating ang araw na mauunawaan natin ang mga ito. Kapag umabot tayo sa araw na iyon at hindi pa rin natin ganap na maunawaan ang mga ito, dapat pa rin tayong taos-pusong magpasakop. Tayo ay mga tao, at dapat tayong magpasakop sa Diyos. Ito ang dapat nating gawin.” Ngunit naiiba ang ilang tao, at kapag nakikita nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pag-aaralan muna nila ang mga ito, sinasabing: “Ito ang sinasabi ng Diyos, at ang mga ito ang Kanyang mga hinihingi. Ang unang aytem ay mukhang ayos naman, ngunit ang ikalawa ay hindi masyadong akma kaya babaguhin ko ito.” Mayroon bang takot sa Diyos na puso ang ganitong mga tao? Kung binabago mo ang mga pagsasaayos ng gawain ayon sa kagustuhan mo, ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi ba’t ito ay nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang mga bagay ba na tinataglay mo ang katotohanan? Kung nasa iyo talaga ang katotohanan, bakit hindi mo ito ipahayag? Bakit binabago mo ang mga salita ng Diyos? Anong disposisyon ang inihahayag mo sa paggawa nito? Ito ay isang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon, isang disposisyong hindi sumusunod kaninuman. Kung nangangahas kang pumili at magpasya pagdating sa mga pagsasaayos ng Diyos, mayroong malubhang problema sa iyong pananaw at disposisyon. Dapat mayroong pagkakilala sa ganitong mga tao ang mga hinirang ng Diyos. Una, ang mga ganitong tao ay hindi makakapagbahagi tungkol sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, ngunit naniniwala silang nauunawaan nila ang katotohanan at hindi sila susunod kaninuman. Pangalawa, kapag mayroon silang mga haka-haka tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, hindi nila binabanggit ang mga ito sa sambahayan ng Diyos, sa halip ay ipinagkakalat lamang nila ang mga ito. Pangatlo, kapag mayroon silang mga haka-haka tungkol sa Diyos at sa mga gawain ng sambahayan ng Diyos, bukod sa hindi nila nilulutas ang mga ito, inuudyukan pa nila ang mga hinirang ng Diyos na magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanya, at na tumindig at lumaban sa Kanya, upang puwersahin Siyang kumilos alinsunod sa kanilang mga kagustuhan at upang sa huli ay magpasakop Siya. Batay sa tatlong pag-uugaling ito, makatitiyak ang isang tao kung anong uri ang mga taong ito. Sila ba ay mga taong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos? Siguradong hindi. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti at hindi rin sila nasisiyahan sa Diyos. Mayroon silang mga haka-haka tungkol sa Diyos, at ipinagkakalat nila ang mga haka-hakang ito, na nagdudulot na ang lahat ay magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanya at tumindig upang labanan at salungatin Siya. Batay rito, mailalarawan sila bilang mga tunay, ganap na anticristo. Paano dapat pangasiwaan ang ganitong mga tao? Dapat ba silang tulungan nang may pagmamahal? Walang silbi ang tulungan sila, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Paano kung pungusan sila? Ito rin ay walang halaga, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Kung hindi matanggap ng mga nananalig sa Diyos ang katotohanan, ito ay isang seryosong problema at isang kakila-kilabot na bagay! Kung tinitingnan mo ang usaping ito nang napakasimple at naniniwala kang hindi ito isang malaking isyu, darating ang araw na magkakasala ka sa Diyos. Nakakita na Ako ng ilang taong ganito, at kahit na hindi pa sila napapaalis, ang kanilang kalalabasan ay naitakda na: Sila ay ititiwalag.
Kahit paano, dapat na mayroong pusong may takot sa Diyos ang mga nananalig sa Diyos. At ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos? Dapat ay takot sa Diyos ang mga tao, dapat ay ginagawa nila ang lahat ng bagay nang may pag-iingat at pangangalaga, nagbibigay ng oportunidad sa kanilang sarili upang makaangkop, at hindi lamang basta ginagawa ang anumang gusto nila. Halimbawa, kapag tinatanggal ng sambahayan ng Diyos ang ilang huwad na lider, sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako sigurado tungkol sa bagay na ito. Hindi natin alam kung ano mismo ang ginawa nila, at kahit na alam natin, hindi natin lubos na nauunawaan ang kalikasan ng mga bagay na ginawa nila. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at darating palagi ang isang araw na gagawin Niyang malinaw ang mga bagay at tutulutang maunawaan natin ang Kanyang layunin.” Kung hindi mo nauunawaan kung bakit ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, ngunit kaya mo pa ring magpasakop, kung gayon, ikaw ay isang medyo debotong tao na masasabing medyo may takot sa Diyos na puso. Kung hindi mo nauunawaan, ngunit sinasalungat mo pa rin ang Diyos at ginugulo ang gawain ng iglesia, iyan ay nangangahulugan ng gulo. Sa tuwing tinatanggal ng iglesia ang ilang huwad na lider at itinitiwalag ang ilang anticristo, ang ilan sa kanilang matitibay na tagasuporta ay palaging naninindigan at ipinagtatanggol sila, hinuhusgahan ang Diyos sa publiko nang dahil dito, sinasabing hindi Siya matuwid, at hinihiling sa Banal na Espiritu na ihayag ang bagay na ito. Para sa ganitong mga tao, kahit na katangi-tangi ang kanilang paglilingkod kapag pinapalaganap ang ebanghelyo at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, wala sa mga ito ang mahalaga. Itatakda ng isang pagtataksil ang iyong kapalaran magpakailanman. Dapat mong makita nang malinaw ang diwa ng pagtataksil; huwag mong isiping hindi ito isang malaking usapin. Masasabing lahat kayo ay sumalungat sa Diyos, na lahat kayo ay nagkasala. Gayunman, ang kalikasan ng inyong pagsalungat at mga pagkakasala ay magkakaiba. Ang kalikasan ng usaping kababanggit ko pa lang ay napakalubha at bumubuo sa pampublikong paghusga at pagsalungat sa Diyos. Palaging mahilig magsulat ng ilang bagay ang ilang tao, ilang sulat na kaswal nilang pinaiikot sa iglesia. Ito ba ay naaayon sa mga prinsipyo? Ang mga isinusulat ba nila ay tunay na patotoo? Ang mga ito ba ay buhay karanasan? Ang mga ito ba ay nagpapatibay sa mga hinirang ng Diyos? Kung hindi naman pala, ngunit ang mga ito ay kaswal pa ring pinaiikot ng mga taong ito sa iglesia, kung gayon ay nililihis nila ang mga tao, nagpapakalat ng mga maling pananampalataya at paniniwala, binabaluktot ang mga katunayan, ginugulo ang tama at mali, at nagsasalita ng pawang walang katuturan. Gusto pa ngang magsulat ng ilang tao ng sarili nilang aklat, pagkatapos ay ipadadala ito sa iglesia para sila ay maging sikat. Hindi pa ba natuto ang mga tao ng isang malalim na leksyon mula sa halimbawa ni Pablo? Gusto mo pa ring magsulat ng isang aklat, magsulat ng iyong “talambuhay ng isang kilalang tao” at sumulat ng isang “Buod ng Katotohanan.” Wala kang anumang katwiran! Kung may kakayahan ka, sumulat ka ng ilang piraso ng patotoong batay sa karanasan. Hindi ka pa ba nahusgahan at nagdusa nang sapat nitong ilang taon na ikaw ay nanalig sa Diyos? Hindi mo pa rin ba nakikita nang malinaw ang bagay na ito? Ano ang nauunawaan ng mga tao? Ang mga salita at doktrinang sinasambit mo ay hindi makalulutas kahit pa sa mga sarili mong problema, at nais mo pang ibahagi ang mga ito sa iba. Wala ka talagang kaalaman sa sarili mo! Bakit naglilimbag at nagpapadala ng mga aklat ang sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan? Dahil ang karamihan sa mga aklat na ito ay naglalaman ng mga salita ng Diyos, at ang iba pa ay pawang binubuo ng mga tunay na patotoong batay sa karanasan ng mga hinirang ng Diyos. Ang lahat ng ito ay mga positibong bagay na kailangan ng mga hinirang ng Diyos, at kaya, ang mga aklat na ipinapadala ng sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan ay kailangang lahat para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang ng Diyos. Ang paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay ay nagmumula rin sa patnubay ng Banal na Espiritu. Nauunawaan ninyong lahat na ang mga aklat na ipinapadala ng sambahayan ng Diyos sa pare-parehong paraan ay labis na mahalaga at kinakailangan. Alam na alam ninyo ang mga benepisyong makakamit ninyo mula sa pakikinig sa mga sermon, kaya kung mayroon kayong pagkakilala sa mga bagay na pinapakalat ng mga huwad na lider at anticristo, magagawa ninyong tunay na makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Ngunit sa inyong kasalukuyang tayog, nauunawaan lamang ninyo ang maraming doktrina tungkol sa pananalig sa Diyos, at hindi pa rin malinaw sa iyo ang katotohanan. Mayroong ilang mahalagang usaping hindi pa rin ninyo lubos na nauunawaan, na tila malabo at hindi malinaw sa inyo, at kaya wala pa rin kayong taglay na anumang katotohanang realidad at hindi pa rin kayo masyadong mapagkilatis. Paano man kumikilos o nagsasalita ang sinuman sa iglesia, wala kayong malinaw na pagkilatis dito. Naniniwala ang ilang tao na basta’t mahusay magsalita ang isang tao, makapagpapatotoo siya tungkol sa Diyos, at na ang mga hindi mahusay magsalita ay hindi makakapagsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan kahit na mayroon sila nito. Tama ba sila tungkol dito? Sila ay lubhang nagkakamali; ang patotoong batay sa karanasan ay praktikal kahit paano pa ito ipinapahayag, at kung ang isang tao ay walang patotoong batay sa karanasan, ang sinasabi niya ay hindi praktikal, kahit gaano pa siya kahusay magsalita tungkol sa mga doktrina. Bakit ganito? Ang pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina ay hindi kumakatawan na ang isang tao ay nagtataglay ng katotohanang realidad, at kahit na nauunawaan niya ang kaunting katotohanan, ang pagkaunawang ito ay masyado pa ring mababaw at limitado, at hindi talaga siya makapagsusulat ng tungkol sa patotoong batay sa karanasan. Kung ang isang tao ay walang patotoong batay sa karanasan, ngunit walang pakundangan pa rin siyang nagsasalita ng mga salita at doktrina at nagleleksyon sa mga tao, siya ay naging isa nang mapagpaimbabaw na Pariseo. Nakagagawa lang siya ng huwad na patotoo upang ilihis ang mga tao. Ang mga gumagawa nito ay susumpain ng Diyos. Hindi nakasalalay sa kahusayan sa pagsasalita kung ang isang tao ay makapagpapatoo nang tunay o hindi. Tingnan mo kung gaano karami ang patotoong batay sa karanasan ni Pedro—gaano karaming liham ang isinulat niya? Gaano karaming artikulo ng patotoo ang isinulat niya? Maaaring kakaunti lang ito, ngunit sinang-ayunan ng Diyos si Pedro bilang ang taong labis na nakakikilala sa Kanya, at bilang ang isang taong tunay na nagmamahal sa Kanya. Kung tunay na mayroon kang patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay tiyak na nagbago ka na at lalo pang naging maganda ang pag-uugali mo. Hindi mo na gagawin ang mga masigasig na bagay na iyon, ang mga bagay na inakala mong mabuti. Kapag napagtanto mo kung gaano kawalang-halaga, kahikahos, at kahabag-habag ang tao, hindi ka mangangahas na kumilos nang walang pakundangan, o na magsulat ng isang aklat o ng sariling talambuhay. Ang lahat ng nagnanais na magsulat ng mga aklat o ng mga sariling talambuhay, o patatagin ang kanilang mga reputasyon sa pamamagitan ng diumano’y pagbibigay ng ilang kontribusyon, ay pawang mapagmataas, may labis na pagtingin sa sarili, at mga taong ambisyoso na masyadong mataas ang tingin sa kanilang mga sariling kakayahan, na walang takot sa Diyos na puso, at na mahilig sundin ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga pagkilos. Lahat ng mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay itinutuon ang kanilang pansin sa pagganap nang maayos sa kanilang mga tungkulin, sa pag-unawa sa katotohanan, at sa pagkilos alinsunod sa mga prinsipyo. Iniisip nilang ang pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao, pagbabago ng disposisyon, pagpasok sa katotohanang realidad, at pagkakaroon ng tunay na patotoong batay sa karanasan ay mas mabuti kaysa anumang bagay. Ang mga kayang maghangad sa ganitong paraan ay ang pinakamatatalinong tao, at sila ang pinakanagtataglay ng katwiran.
Sipi 9
Tungkol kina Noe, Abraham at Job, na nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya, ano ang mga katangian ng kanilang pagkatao? Anong mga katangian ng normal na pagkatao ang mayroon sila na naging dahilan para maging katanggap-tanggap sila sa Diyos? (Sila ay lalong higit na nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran.) Iyon ay ganap na tama. Nabuhay si Job nang napakatagal nang hindi siya kailanman personal na kinakausap ng Diyos at hindi personal na nagpapakita sa kanya ang Diyos, ngunit naiintindihan at nararamdaman ni Job ang lahat ng ginawa ng Diyos. Sa huli, nagbigay siya ng buod tungkol sa kanyang kaalaman sa Diyos: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay: “Si Jehova ay Diyos, Siya ang Lumikha, Siya ang aking Diyos, at kapag Siya ay nagsasalita, kahit na kalahati lamang ng Kanyang sinasabi ang nauunawaan ko, dapat ko itong pakinggan at ganap na sundin.” Naging katanggap-tanggap lamang si Job sa Diyos nang ang kaalaman ni Job tungkol sa Kanya ay umabot na sa antas na ito. Si Job ay nagkaroon ng ganitong mga karanasan at pagkaunawa, at kaya rin niyang tanggapin ang mga pagsubok na ibinigay ng Diyos sa kanya at magpasakop sa mga ito. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nakamit sa batayan ng pagkakaroon niya ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi mahalaga kung nakita niya ang Diyos, kung anuman ang ginawa ng Diyos sa kanya, at kung sinubok siya ng Diyos o kaya ay nagpakita sa kanya, palagi siyang naniniwala: “Si Jehova ang aking Diyos, at dapat akong sumunod sa itinuturo ng Diyos at sa kinalulugdan ng Diyos, naiintindihan ko man ito o hindi; dapat kong sundin ang Kanyang pamamaraan, at dapat akong makinig at magpasakop sa Kanya.” Nakatala sa Aklat ni Job na ang mga anak ni Job ay madalas na magkaroon ng mga piging, at si Job ay hindi kailanman makikibahagi sa kanila, na sa halip ay mananalangin at mag-aalay siya ng mga handog na sinusunog para sa kanila. Ang katotohanan na madalas itong gawin ni Job ay nagpapatunay na alam niya sa kanyang puso na kinasusuklaman ng Diyos ang pagpapakasasa ng tao sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at ang palagiang pagdaraos ng sangkatauhan ng mga piging. Naunawaan ni Job sa kanyang puso na ito ang katotohanan, at kahit na hindi niya direktang narinig na sinabi ito ng Diyos, alam niya sa kanyang puso na ito ang ninais ng Diyos. Dahil alam ni Job kung ano ang ninais ng Diyos, nagawa niyang makinig at magpasakop sa Kanya, pinanghawakan niya ito sa lahat ng oras, at hindi siya kailanman nakibahagi sa pagkain, pag-inom, at pagpipista. Naunawaan ba ni Job ang katotohanan? Hindi. Nagawa niya ito dahil mayroon siyang konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Bukod sa konsiyensiya at katwiran, ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon niya ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Kinilala niya mula sa kaibuturan ng kanyang puso na ang Diyos ang Lumikha, at ang sinasabi ng Lumikha ay ang kalooban ng Diyos. Sa mga kasalukuyang termino, ito ang katotohanan, ito ang pinakamataas na panuntunan, at ito ang dapat sundin ng tao. Maunawaan man ng tao ang ibig sabihin ng Diyos o hindi, o maunawaan man nila ang ilan sa mga sinabi ng Diyos, dapat itong tanggapin at sundin ng tao. Ito talaga ang katwiran na dapat ay taglay ng tao. Kapag taglay ng tao ang ganitong katwiran, mas madali para sa tao na manatili sa salita ng Diyos, isagawa ang Kanyang salita, at magpasakop sa Kanyang salita. Sa paggawa nito, walang magiging mga paghihirap, walang pagdurusa, at tiyak na walang anumang uri ng mga hadlang. Naunawaan ba ni Job ang malaking bahagi ng katotohanan? Kilala ba niya ang Diyos? May kaalaman ba siya sa mga pag-aari ng Diyos at sa Kanyang pagiging Diyos o sa Kanyang disposisyong diwa? Kung ikukumpara sa mga tao ngayon, hindi niya Siya kilala, at napakakaunti ng naintindihan niya. Gayunpaman, ang taglay ni Job ay ang katangiang isagawa ang lahat ng naunawaan niya. Matapos maunawaan ang isang bagay, siya ay magiging masunurin at matatag. Ito ang pinakamarangal na aspeto ng kanyang pagkatao, at ito din ang pinakaminamaliit ng mga tao. Iniisip ng mga tao, “Hindi ba’t umiwas lang naman si Job sa pagpipiging? Hindi ba’t palagi lang siyang nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa harap ng Diyos? Sa mga termino ngayon, hindi ba’t umiwas lang siya sa pagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman?” Mga mababaw na usapin lamang ang mga ito, ngunit kapag tiningnan mo ang disposisyong diwa at pagkatao ni Job sa likod ng mga bagay na ito, mauunawaan mo na hindi ito mga simpleng usapin, at hindi rin madaling makamit ang mga ito. Kung ang isang normal na tao ay iiwas sa pagpipiging upang makatipid, madali lang itong maisasakatuparan. Ngunit si Job ay mayaman noong panahong iyon. Sinong mayaman ang pipiliing hindi magkaroon ng mga piging? Kung gayon, bakit nagawa ni Job na umiwas sa pagpipiging? (Alam niyang kinasusuklaman ito ng Diyos. Nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.) Tunay nga. Sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, ano ang partikular na isinagawa ni Job? Alam niya na ang mga bagay na kinasusukalaman ng Diyos ay pawang masama, kaya’t sinunod niya ang salita ng Diyos, at hindi siya gagawa ng anumang kinasusuklaman ng Diyos. Hindi niya gagawin ang mga bagay na ito, anuman ang sabihin ng iba. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bakit nagawa ni Job na matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan? Ano ang iniisip niya sa kanyang puso? Paano niya nagawang hindi gawin ang mga masasamang bagay na ito? Mayroon siyang pusong may takot sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos? Nangangahulugan ito na ang kanyang puso ay takot sa Diyos, kayang dakilain ang Diyos, at na may lugar sa kanyang puso para sa Diyos. Hindi siya takot na makikita ito ng Diyos, o na magagalit ang Diyos. Sa halip, sa kanyang puso ay dinakila niya ang Diyos, na handa niyang palugurin ang Diyos, at handa niyang panghawakan ang mga salita ng Diyos. Kaya nagawa niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Masasabi na ng lahat ngayon ang katagang “natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan,” ngunit hindi nila alam kung paano ito nagawa ni Job. Sa katunayan, itinuring ni Job ang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” bilang pinakapangunahin at mahalagang bagay sa paniniwala sa Diyos. Samakatuwid, nagawa niyang panghawakan ang mga salitang ito, na para bang pinanghahawakan niya ang isang utos. Nakinig siya sa mga salita ng Diyos dahil dinakila niya ang Diyos. Hindi man maging kapansin-pansin ang mga salita ng Diyos sa mga mata ng tao, kahit na mga ordinaryong salita lamang ang mga ito, sa puso ni Job, ang mga salitang ito ay mula sa kataas-taasang Diyos; ang mga ito ang pinakadakila, pinakamahalagang mga salita. Kahit na hinahamak ng mga tao ang mga salitang ito, hangga’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat itong sundin ng mga tao—kahit pa sila ay kinukutya o sinisiraan dahil dito. Kahit makaranas sila ng paghihirap o sila ay inuusig, dapat nilang matatag na panghawakan ang Kanyang mga salita hanggang sa huli; hindi nila maaaring isuko ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Dapat mong matatag na panghawakan ang bawat salitang iniaatas ng Diyos sa tao. Tungkol sa mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos, o sa mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ayos lang kung hindi mo alam ang tungkol sa mga ito, ngunit kung alam mo ang tungkol sa mga ito, kung gayon ay dapat na magagawa mong lubos na iwasang gawin ang mga bagay na iyon. Dapat ay kaya mong magpakatatag, kahit na iwanan ka ng iyong pamilya, kutyain ng mga walang pananampalataya, o insultuhin at pagtawanan ng mga malapit sa iyo. Bakit kailangan mong magpakatatag? Ano ang iyong panimulang punto? Ano ang iyong mga prinsipyo? Ito ay, “Dapat kong matatag na panghawakan ang mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga pagnanais. Magiging matatag ako sa paggawa ng mga bagay na gusto ng Diyos, at magiging determinado akong iwanan ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Kung hindi ko alam ang layunin ng Diyos, ayos lang, ngunit kung alam ko at nauunawaan ko ang Kanyang layunin, kung gayon ay magiging determinado akong makinig at magpasakop sa Kanyang mga salita. Walang makakahadlang sa akin, at hindi ako matitinag kahit pa magwakas na ang mundo.” Ito ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ang paunang kondisyon para makaiwas ang mga tao sa kasamaan ay ang pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos. Paano nabubuo ang isang pusong may takot sa Diyos? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos? Ito ay kapag alam ng isang tao na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang kanyang puso ay may takot sa Diyos. Bilang resulta, nagagamit niya ang mga salita ng Diyos kapag sinusuri ang anumang sitwasyon, at ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pamantayan at batayan. Ito ang ibig sabihin ng pagdakila sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso, upang ang puso mo ay manahan sa Diyos, ang hindi kaligtaan ang iyong sarili sa mga bagay na iyong ginagawa, at ang hindi subukang gawin ang mga bagay sa iyong sarili, kundi sa halip ay hayaan ang Diyos na mamahala. Sa lahat ng bagay, iniisip mo, “Naniniwala ako sa Diyos at sumusunod ako sa Diyos. Ako ay isa lamang munting nilalang na pinili ng Diyos. Dapat kong bitiwan ang mga pananaw, rekomendasyon, at desisyon na nagmumula sa sarili kong kalooban, at hayaan ang Diyos na maging Amo ko. Ang Diyos ang aking Panginoon, ang aking bato, at ang maliwanag na ilaw na gumagabay sa aking daan sa lahat ng aking ginagawa. Dapat kong gawin ang mga bagay ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, hindi ang unahin ang aking sarili.” Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng Diyos sa iyong puso. Kapag gusto mong gawin ang isang bagay, huwag kang kumilos nang biglaan o padalus-dalos. Isipin mo muna kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, kung masusuklam ang Diyos sa iyong mga kilos, at kung ang iyong mga kilos ay naaayon sa Kanyang mga layunin. Sa iyong puso, tanungin mo muna ang iyong sarili, mag-isip ka, at magnilay-nilay; huwag kang padalus-dalos. Ang pagiging padalus-dalos ay pagiging mapusok, at ang maudyukan ng init ng ulo at ng kalooban ng tao. Kung ikaw ay palaging padalus-dalos at mapusok, ipinapakita nito na ang Diyos ay wala sa iyong puso. Kaya kapag sinasabi mong dinadakila mo ang Diyos, hindi ba’t walang saysay ang mga salitang ito? Nasaan ang iyong realidad? Wala kang realidad, at hindi mo kayang dakilain ang Diyos. Kumikilos ka na gaya ng panginoon ng asyenda sa lahat ng bagay, ginagawa kung ano ang maibigan mo sa bawat pagkakataon. Sa ganitong kaso, kung sasabihin mo na mayroon kang isang pusong may takot sa Diyos, hindi ba ito kahangalan? Niloloko mo ang mga tao sa mga salitang ito. Kung ang isang tao ay may pusong may takot sa Diyos, paano ito aktuwal na naipamamalas? Sa pamamagitan ng pagdakila sa Diyos. Ang konkretong pagpapakita ng pagdakila sa Diyos ay ang pagkakaroon ng Diyos ng lugar sa kanyang puso—ang pangunahing lugar. Sa kanyang puso pinahihintulutan niya ang Diyos na maging kanyang Amo at humawak ng awtoridad. Kapag may nangyayari, mayroon siyang pusong nagpapasakop sa Diyos. Hindi siya padalus-dalos, ni mapusok, at hindi siya kumikilos nang marahas; sa halip, nagagawa niyang harapin ito nang mahinahon, at payapain ang kanyang sarili sa harap ng Diyos upang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ginagawa mo ang mga bagay ayon sa salita ng Diyos o ayon sa sarili mong kalooban, at kung pinahihintulutan mong masunod ang iyong sariling kalooban o ang salita ng Diyos, ay nakadepende sa kung ang Diyos ay nasa iyong puso. Sinasabi mong nasa iyong puso ang Diyos, ngunit kapag may nangyayari, nagbubulag-bulagan ka, hinahayaan mong ang sarili mo ang masunod, at isinasantabi mo ang Diyos. Ito ba ang pagpapamalas ng isang pusong may Diyos? May ilang tao na nagagawang manalangin sa Diyos kapag may nangyayari, ngunit pagkatapos manalangin, patuloy nilang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay, at iniisip, “Sa tingin ko ito ang dapat kong gawin. Sa tingin ko iyon ang dapat kong gawin.” Palagi mong sinusunod ang iyong sariling kalooban, at hindi ka nakikinig sa sinuman kahit paano pa sila nakikipagbahaginan sa iyo. Hindi ba ito ang pagpapamalas ng kawalan ng pusong may takot sa Diyos? Dahil hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi mo isinasagawa ang katotohanan, kapag sinabi mong dinadakila mo ang Diyos, at ikaw ay may pusong may takot sa Diyos, ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan. Ang mga taong ang puso ay walang Diyos, at hindi kayang dakilain ang Diyos, ay mga taong walang pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong hindi kayang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ay pawang mga taong walang konsiyensiya at katwiran. Kung ang isang tao ay tunay na may konsiyensiya at katwiran, kapag may nangyari, likas nilang magagawang hanapin ang katotohanan. Dapat muna nilang isipin, “Naniniwala ako sa Diyos. Naparito ako upang hanapin ang kaligtasan ng Diyos. Dahil ako ay may tiwaling disposisyon, palagi kong itinuturing ang aking sarili bilang ang tanging awtoridad sa anumang ginagawa ko; lagi akong sumasalungat sa mga layunin ng Diyos. Dapat akong magsisi. Hindi ako maaaring magpatuloy sa paghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kailangan kong matutunan kung paano maging mapagpasakop sa Diyos. Kailangan kong hanapin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Ito ang mga kaisipan at adhikain na nagmumula sa katwiran ng isang normal na pagkatao. Ito ang mga prinsipyo at saloobin kung paano mo dapat gawin ang mga bagay. Kapag taglay mo katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay taglay mo ang saloobing ito; kapag hindi mo taglay ang katwiran ng normal na pagkatao, samakatuwid ay hindi mo taglay ang ganitong saloobin. Kaya naman ang pagkakaroon ng katwiran ng normal na pagkatao ay kinakailangan at labis na mahalaga. Ito ay direktang nauugnay sa pag-unawa ng mga tao sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan.