Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Ninanais ninyong lahat na magantimpalaan sa harap ng Diyos at paboran ng Diyos; umaasa ang bawat isa sa mga ganoong bagay kapag nagsimula na silang maniwala sa Diyos, sapagkat abala ang bawat isa sa pagkakamit ng mas mataas na mga bagay, at walang sinumang ibig mahuli sa iba. Ganito lamang talaga ang mga tao. Dahil mismo sa katwirang ito, marami sa inyo ang patuloy na sumusubok maglangis sa Diyos na nasa langit, subalit sa katotohanan, ang katapatan at kaprangkuhan ninyo sa Diyos ay higit na maliit kaysa katapatan at kaprangkuhan ninyo sa inyong mga sarili. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat hindi Ko kinikilala ang katapatan ninyo sa Diyos at, higit pa rito, itinatatwa Ko ang pag-iral ng Diyos na nasa mga puso ninyo. Na ang ibig sabihin, ang Diyos na sinasamba ninyo, ang malabong Diyos na hinahangaan ninyo, ay hindi umiiral. Ang dahilan kung bakit nasasabi Ko ito nang may katiyakan ay dahil napakalayo ninyo sa tunay na Diyos. Ang diyos-diyosan sa mga puso ninyo ang dahilan sa katapatan ninyo; para sa Akin, samantala, ang Diyos na tinitingnan ninyo hindi bilang malaki o maliit ay kinikilala lamang ninyo sa mga salita. Kapag sinabi Kong malayo kayo sa Diyos, ang ibig Kong sabihin ay malayo kayo sa tunay na Diyos, habang tila malapit lamang ang malabong Diyos. Kapag sinabi Kong, “hindi dakila,” tumutukoy ito sa kung paanong ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ngayon ay lumalabas na tao lamang na walang mga kahanga-hangang kakayahan, isang taong hindi gaanong dakila. At kapag sinabi Kong, “hindi maliit,” ibig sabihin nito na, bagama’t hindi kayang tawagin ng taong ito ang hangin at utusan ang ulan, nagagawa pa rin Niyang tawagin ang Espiritu ng Diyos para gumawa ng gawaing yayanig sa mga kalangitan at lupa, iiwang ganap na nalilito ang mga tao. Sa panlabas, nagpapakita kayong mga napakamasunurin sa Cristong ito na nasa lupa, subalit sa diwa, wala kayong pananampalataya sa Kanya, o hindi ninyo Siya minamahal. Na ang ibig sabihin, yaong malabong Diyos ng inyong mga damdamin ang tunay ninyong pinaniniwalaan, at ang tunay ninyong minamahal ay ang Diyos na inyong ninanasa sa gabi at sa araw, subalit hindi pa kailanman nakikita nang harapan. Patungkol sa Cristong ito, hati-hati ang inyong pananampalataya, at wala ang pagmamahal ninyo. Paniniwala at pagtitiwala ang kahulugan ng pananampalataya; pagsamba at paghanga sa puso ng isang tao ang ibig sabihin ng pagmamahal, na hindi kailanman mawawalay. Subalit kulang na kulang nito ang pananampalataya at pagmamahal ninyo sa Cristo ng ngayon. Pagdating sa pananampalataya, paano kayo may pananampalataya sa Kanya? Pagdating sa pagmamahal, sa paanong paraan ninyo Siya minamahal? Wala talaga kayong pagkaunawa sa disposisyon Niya, at mas lalong kaunti ang pagkaalam ninyo sa Kanyang diwa, kaya paano kayo may pananampalataya sa Kanya? Nasaan ang realidad ng inyong pananampalataya sa Kanya? Paano ninyo Siya minamahal? Nasaan ang realidad ng inyong pagmahahal sa Kanya?

Marami ang sumusunod sa Akin nang walang pag-aatubili hanggang ngayon. Gayundin, dumanas kayo ng labis na pagkapagod sa nakaraang ilang taon. Buong kalinawan Kong nauunawaan ang likas na katangian at mga gawi ng bawat isa sa inyo; napakahirap ng naging pakikipag-ugnayan sa bawat isa sa inyo. Ang nakapanghihinayang, bagama’t nauunawaan Ko ang maraming bagay tungkol sa inyo, wala kayong nauunawaan sa Akin. Hindi nakapagtataka na sinasabi ng mga tao na napaniwala kayo sa panlilinlang ng kung sino habang nasa isang sandali ng kalituhan. Tunay nga, wala kayong naiintindihan sa Aking disposisyon, at mas lalong hindi ninyo maaarok kung ano ang nasa Aking isipan. Ngayon, tumitindi ang mga maling pagkaunawa ninyo tungkol sa Akin, at nananatiling litong pananampalataya ang pananampalataya ninyo sa Akin. Sa halip na sabihin na may pananampalataya kayo sa Akin, mas nababagay sabihing sinusubukan ninyong lahat na maglangis at maghibo sa Akin. Napakapayak ng mga motibo ninyo: Susundin ko ang sinumang kayang maggantimpala sa akin, at maniniwala ako sa sinumang tutulutan akong makatakas sa malalaking sakuna, Diyos man siya o kung sinong Diyos. Wala sa mga ito ang alalahanin Ko. Maraming ganitong tao ang kabilang sa inyo, at napakalubha ng kalagayang ito. Kung, isang araw, may isang pagsubok upang malaman kung ilan sa inyo ang may pananampalataya kay Cristo dahil sa kabatiran sa Kanyang diwa, mangangamba Akong wala ni isa man sa inyo ang magiging kasiya-siya sa Akin. Kaya’t hindi makasasakit para sa bawat isa sa inyo na isaalang-alang ang tanong na ito: Napakalaki ng pagkakaiba sa Akin ng Diyos na pinaniniwalaan ninyo, at yamang ganito, ano kung gayon ang pinakadiwa ng pananampalataya ninyo sa Diyos? Mas higit na pinaniniwalaan ninyo ang inyong tinaguriang Diyos, mas lalo kayong lumalayo sa Akin. Ano, kung gayon, ang pinakadiwa ng usaping ito? Tiyak na wala ni isa man sa inyo ang nagsaalang-alang kailanman sa gayong katanungan, ngunit naisip ba ninyo ang bigat nito? Sumasagi ba sa isipan ninyo ang kahihinatnan ng patuloy na paniniwala sa ganitong gawi?

Ngayon, marami kayong kinakaharap na usapin, at wala isa man sa inyo ang bihasa sa pagtugon sa suliranin. Kung magpapatuloy ang sitwasyong ito, tanging mga sarili ninyo lamang ang matatalo. Tutulungan Ko kayong kilalanin ang mga usapin, ngunit nasasainyo ang paglutas sa mga ito.

Kinalulugdan Ko yaong mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko yaong mga agarang tumatanggap ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng mga tao at mga bagay, at sa gayon, ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung may gawi kang pagdudahan ang Diyos at maghaka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng mga tao. Ipinagpapalagay mo kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang isip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang muwang sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Halos kasalanan ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroong pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay yaong mga palapuri at nanghihibo, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon yaong mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng lahat ng mga taong ito? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at panlalait sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at mas higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo. Sa loob ng maraming taon ng gawain, marami na kayong nakitang katotohanan, ngunit alam ba ninyo kung ano ang narinig ng Aking mga tainga? Ilan sa inyo ang handang tanggapin ang katotohanan? Naniniwala kayong lahat na handa kayong bayaran ang halaga ng katotohanan, ngunit ilan sa inyo ang tunay na nagdusa para sa katotohanan? Walang iba kundi katiwalian ang nasa inyong mga puso, na nagpapaisip sa inyo na ang lahat, sino man sila, ay parehong mapanlinlang at buktot—hanggang sa abot na naniniwala din kayo na ang Diyos na nagkatawang-tao, tulad ng karaniwang tao, ay maaaring maging walang mabuting puso o mapagmalasakit na pagmamahal. Higit pa diyan, naniniwala kayo na sa Diyos na nasa langit lamang umiiral ang isang marangal na katangian at isang mahabagin at mapagmalasakit na kalikasan. Naniniwala kayong walang ganyang banal na umiiral, na tanging kadiliman at kasamaan ang naghahari sa lupa, samantalang ang Diyos ay isang bagay na pinaglalagakan ng mga tao ng kanilang pananabik sa mabuti at maganda, isang maalamat na nilalang na gawa-gawa lamang nila. Sa inyong mga isipan, ang Diyos na nasa langit ay lubhang kagalang-galang, matuwid, at dakila, karapat-dapat sa pagsamba at paghanga; samantala, itong Diyos na nasa lupa ay panghalili lamang, at isang kasangkapan, ng Diyos na nasa langit. Naniniwala kayo na hindi magiging kapantay ng Diyos na nasa langit ang Diyos na ito, at lalong hindi dapat mabanggit na tulad Niya sa parehong pagkakataon. Pagdating sa kadakilaan at karangalan ng Diyos, kabilang sila sa kaluwalhatian ng Diyos na nasa langit, ngunit pagdating sa kalikasan at sa katiwalian ng tao, mga katangian ito na may bahagi ang Diyos na nasa lupa. Walang-hanggang matayog ang Diyos na nasa langit, samantalang magpakailanmang hamak, mahina, at walang kakayahan ang Diyos na nasa lupa. Hindi nadadala ng bugso ng damdamin ang Diyos na nasa langit, tanging ng pagkamatuwid, samantalang may makasariling dahilan lamang at walang anumang pagiging makatarungan o katuwiran ang Diyos na nasa lupa. Wala kahit bahagyang kabuktutan at tapat magpakailanman ang Diyos na nasa langit, samantalang laging may mapandayang gawi ang Diyos na nasa lupa. Mahal na mahal ng Diyos na nasa langit ang tao, samantalang nagpapakita ng hindi sapat na pag-aaruga sa tao ang Diyos na nasa lupa, at lubos pa nga siyang pinababayaan. Matagal nakakimkim sa inyong mga puso ang maling kaalamang ito at maaari ring maipagpatuloy sa hinaharap. Tinitingnan ninyo ang lahat ng gawa ni Cristo mula sa pananaw ng mga hindi matuwid at sinusuri ang lahat ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, mula sa pananaw ng mga buktot. Nakagawa kayo ng matinding pagkakamali at nagawa yaong hindi pa kailanman nagagawa ng mga nauna sa inyo. Ibig sabihin, pinaglilingkuran lamang ninyo ang dakilang Diyos na nasa langit na may korona sa Kanyang ulo, at hindi kailanman nagsilbi sa Diyos na tinitingnan lamang ninyo bilang napakahamak kaya hindi ninyo Siya nakikita. Hindi ba’t ito ay inyong kasalanan? Hindi ba ito isang karaniwang halimbawa ng pagkakasala ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Sinasamba ninyo ang Diyos na nasa langit. Sinasamba ninyo ang matatayog na larawan at pinahahalagahan yaong mga bantog dahil sa kanilang kahusayang magsalita. Nagagalak kang mautusan ng Diyos na pumupuno sa iyong mga kamay ng mga yaman, at pinananabikan nang labis ang Diyos na makatutupad ng bawat nais mo. Ang Diyos na ito na hindi matayog ang tanging hindi mo sinasamba; ang pakikisama sa Diyos na wala kahit sinong tao ang lubos na maaaring gumalang ang nag-iisang bagay na kinapopootan mo. Ang paglingkuran ang Diyos na hindi kailanman nagbigay sa iyo ng kahit isang sentimo ang tanging bagay na hindi mo handang gawin, at itong hindi kaibig-ibig na Diyos ang Isang natatangi na hindi magawang hangarin mo Siya. Walang kakayahan ang ganitong uri ng Diyos na mapalawak ang mga pananaw mo, na maramdaman mong tila ba may natagpuan kang kayamanan, na lalong hindi ang tuparin ang nais mo. Bakit, kung gayon, sinusunod mo Siya? Napag-isipan mo ba ang mga katanungang tulad nito? Hindi mo lamang napasasakitan ng ginagawa mo ang Cristong ito; mas mahalaga, napasasakitan nito ang Diyos na nasa langit. Hindi ito, sa palagay Ko, ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos!

Inaasam ninyo na kalugdan kayo ng Diyos, subalit napakalayo ninyo sa Diyos. Ano ang problema dito? Tinatanggap ninyo ang mga salita lamang Niya, ngunit hindi ang pakikitungo at pagtatabas Niya, lalong hindi ninyo magawang tanggapin ang bawat pagsasaayos Niya, ang magkaroon ng ganap na pananampalataya sa Kanya. Ano, kung gayon, ang problema dito? Sa huling pagsusuri, ang inyong pananampalataya ay isang basyong balat ng itlog, yaong hindi kailanman makabubuo ng sisiw. Sapagkat hindi nakapagdala sa inyo ng katotohanan o nakapagbigay sa inyo ng buhay ang inyong pananampalataya, bagkus ay nakapagbigay sa inyo ng mapanlinlang na pakiramdam ng kandili at pag-asa. Itong pakiramdam ng kandili at pag-asa ang siyang layunin ng paniniwala ninyo sa Diyos, hindi ang katotohanan at ang buhay. Kaya’t sinasabi Ko na ang landas ng inyong pananampalataya sa Diyos ay walang iba kundi ang subukang magmapuri sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalipin at kawalanghiyaan, at sa kahit anong paraan ay hindi maipapalagay na totoong pananampalataya. Paanong isisilang ang isang sisiw sa pananampalatayang tulad nito? Sa madaling salita, anong magagawa ng pananampalatayang tulad nito? Ang layunin ng pananampalataya ninyo sa Diyos ay gamitin Siya upang makamit ang inyong mga layunin. Hindi ba ito, sa karagdagan, na isang katunayan na pinasasakitan ninyo ang disposisyon ng Diyos? Naniniwala kayo sa pag-iral ng Diyos na nasa langit at itinatatwa yaong sa Diyos na nasa lupa, subalit hindi Ko kinikilala ang mga pananaw ninyo; pinapupurihan Ko lamang yaong mga taong pinananatili ang mga paa nila sa lupa at naglilingkod sa Diyos na nasa lupa, ngunit hindi kailanman yaong mga hindi kumikilala sa Cristo na nasa lupa. Gaano man katapat sa Diyos na nasa langit ang ganitong mga tao, sa huli ay hindi pa rin nila matatakasan ang Aking kamay na nagpaparusa sa mga buktot. Buktot ang mga taong ito; sila ang mga masasamang sumasalungat sa Diyos at hindi kailanman masayang sumunod kay Cristo. Mangyari pa, kasama sa kanilang bilang lahat yaong mga hindi nababatid, at, dagdag pa, hindi kinikilala si Cristo. Naniniwala ka ba na makakikilos ka tungo kay Cristo ayon sa iyong kagustuhan hangga’t tapat ka sa Diyos na nasa langit? Mali! Kamangmangan sa Diyos na nasa langit ang kamangmangan mo kay Cristo. Gaano ka man katapat sa Diyos na nasa langit, ngawngaw at pagkukunwari lamang ito, dahil ang Diyos na nasa lupa ay hindi lamang nakatutulong sa pagtanggap ng tao sa katotohanan at mas malalim na karunungan, ngunit higit pa riyan ay nakatutulong sa kaparusahan ng tao at, pagkatapos, sa pagsunggab sa mga katunayan upang parusahan ang mga buktot. Naintindihan mo ba rito ang mga pakinabang at mga nakapipinsalang kalalabasan? Naranasan mo ba ang mga ito? Hiling Ko para sa inyo na maintindihan balang-araw ang katotohanang ito: Para makilala ang Diyos, kailangan ninyong makilala hindi lamang ang Diyos na nasa langit ngunit, higit pang mahalaga, ang Diyos na nasa lupa. Huwag kayong malito sa inyong mga prayoridad o hayaang mahalinhan ng pangalawa ang pangunahin. Tanging sa ganitong paraan ka lamang tunay na makapagtatayo ng magandang ugnayan sa Diyos, magiging higit na malapit sa Diyos, at higit na mapalalapit ang puso mo sa Kanya. Kung isa kang mananampalataya sa loob ng maraming taon at matagal nang nauugnay sa Akin, subalit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Ko na iyan ay dahil madalas mong napasasakitan ang disposisyon ng Diyos, at magiging mahirap tuusin ang katapusan mo. Kung ang maraming taon ng kaugnayan mo sa Akin ay hindi lamang nabigong baguhin ka tungo sa isang taong nagtataglay ng pagkatao at ng katotohanan, ngunit, bukod dito, naitanim ang masama mong mga gawi sa iyong kalikasan, at hindi lamang may makadalawang ulit na pagmamataas ka kaysa dati, ngunit dumami rin ang mga maling pagkakaintindi mo sa Akin, kaya’t tinitingnan mo na Ako ngayon bilang abang alalay, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi na lamang paimbabaw ang sakit mo ngunit tumagos na sa kaibuturan ng mga buto mo. Ang nalalabi na lamang ay hintayin mong matapos ang pagsasaayos ng iyong libing. Hindi mo na kailangang magsumamo sa Akin upang maging Diyos mo, dahil nakagawa ka ng kasalanang nararapat sa kamatayan, isang kasalanang walang kapatawaran. Magkaroon man Ako ng habag sa iyo, igigiit ng Diyos na nasa langit na kunin ang buhay mo, dahil hindi pangkaraniwang suliranin ang pagkakasala mo laban sa disposisyon ng Diyos, ngunit isang may napakalubhang kalikasan. Pagdating ng oras, huwag mo Akong sisisihin sa hindi karakang pagsasabi sa iyo. Bumabalik ang lahat dito: Kapag nakipag-ugnay ka kay Cristo—ang Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, iyan ay, kung naniniwala kang walang iba kundi isang tao lamang ang Diyos na ito, ay saka lamang na mamamatay ka. Ito lamang ang babala Ko sa inyong lahat.

Sinundan: Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

Sumunod: Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Karagdagan: Kabanata 1

Ang hinihiling Kong gawin ninyo ay hindi ang malabo at hungkag na teorya na Aking binabanggit, ni ang hindi mailarawan ng utak ng tao o...

Kabanata 28

Nang dumating Ako mula sa Sion, hinintay Ako ng lahat ng bagay, at nang bumalik Ako sa Sion, binati Ako ng lahat ng tao. Nang dumating Ako...

Kabanata 103

Isang dumadagundong na tinig ang lumalabas, niyayanig ang buong sansinukob. Labis itong nakabibingi na hindi agad makaiwas ang mga tao. Ang...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messnger