Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V

Ang Kabanalan ng Diyos (II)

Ngayong araw, mga kapatid, umawit tayo ng isang himno. Humanap ng gusto ninyo at palagi ninyong kinakanta. (Nais naming umawit ng isang himno ng salita ng Diyos: “Dalisay na Pag-ibig na Walang Dungis.”)

1. Ang “pag-ibig” ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pag-ibig walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, at walang katusuhan. Sa pag-ibig walang kalakalan at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, maghihimagsik, mangunguha, o hihiling na tumanggap ng anumang bagay o magtamo ng magkano mang halaga.

2. Ang “pag-ibig” ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pag-ibig walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, at walang katusuhan. Sa pag-ibig walang kalakalan at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, malugod mong itatalaga ang iyong sarili, malugod na magtitiis ng paghihirap, magiging kasundo ka sa Akin, tatalikuran mo ang lahat ng iyo para sa Akin, isusuko mo ang iyong pamilya, ang iyong hinaharap, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pag-ibig ay hindi talagang pag-ibig, bagkus ay panlilinlang at pagkakanulo!

Magandang himno itong napili mo. Nasisiyahan ba kayo sa pagkanta nito? (Oo.) Ano ang inyong nararamdaman matapos kantahin ito? Nararamdaman ba ninyo ang ganitong uri ng pag-ibig sa inyong kalooban? (Hindi pa gaano.) Aling mga salita nito ang pumupukaw sa iyo nang pinakamatindi? (Sa pag-ibig walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, walang kalakalan, at walang katusuhan. Sa pag-ibig ay walang pagpili at walang hindi dalisay. Ngunit sa kaibuturan ko nakikita ko pa rin ang maraming karumihan, at marami sa aking mga bahagi na sinusubukang makipagkasunduan sa Diyos. Hindi ko pa talaga naabot ang uri ng pagmamahal na dalisay at walang dungis.) Kung hindi mo naaabot ang pagmamahal na dalisay at walang dungis, anong antas ng pag-ibig mayroon ka? (Nasa yugto lamang ako kung saan ako ay nakahandang maghanap, kung saan ako ay nananabik.) Ayon sa iyong sariling tayog at nagsasalita mula sa iyong sariling karanasan, anong antas ang iyong naabot? Mayroon ka bang panlilinlang? Mayroon ka bang mga reklamo? (Oo.) Mayroon ka bang mga pangangailangan sa kaibuturan ng iyong puso? Mayroon bang mga bagay na gusto mo at hinahangad mula sa Diyos? (Oo, mayroon ako nitong maruruming mga bagay sa loob ko.) Sa anong mga pagkakataon lumalabas ang mga ito? (Kapag ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa akin ay hindi tumutugma sa aking mga kuru-kuro, o kapag ang aking mga hinahangad ay hindi naabot, sa mga pagkakataong gaya nito, ipinapakita ko ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon.) Kayo, mga kapatid na mula sa Taiwan, madalas niyo rin bang awitin ang himnong ito? Maaari ba kayong magsalita ng kaunti kung paano ninyo naiintindihan ang “dalisay na pag-ibig na walang dungis”? Bakit binibigyang kahulugan ng Diyos ang pag-ibig sa ganitong paraan? (Gustung-gusto ko ang himnong ito dahil makikita ko dito na ang pag-ibig na ito ay isang ganap na pagmamahal. Gayunpaman, malayo pa ako sa pamantayang iyon at napakalayo ko pa rin sa pagtamo ng tunay na pag-ibig. Sumulong na ako sa ilang bagay, at nakikipagtulungan sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay sa akin ng Kanyang mga salita at sa pamamagitan ng pananalangin. Gayunpaman, kapag nahaharap ako sa mga pagsubok o mga pahayag, nararamdaman kong wala akong kinabukasan o kapalaran, na wala akong hantungan. Sa mga gayong pagkakataon, nakararamdam ako ng labis na panghihina, at madalas pa rin akong nababagabag ng isyung ito.) Ano ba ang talagang tinutukoy mo kapag sinasabi mong “kinabukasan at kapalaran”? Mayroon bang isang partikular na bagay na tinutukoy mo? Ito ba ay isang larawan o isang bagay na iyong inakala, o nakikita mo ba talaga ang iyong kinabukasan at kapalaran? Ito ba ay tunay na bagay? Nais Ko na ang bawat isa sa inyo ay isipin ito: Ano ang tinutukoy ng inyong kaabalahan para sa inyong kinabukasan at kapalaran? (Ito ay upang maligtas para mabuhay ako.) Kayong iba pang mga kapatid, kayo rin ay nagsasalita ng kaunti tungkol sa inyong pagkaunawa ng “dalisay at walang dungis na pag-ibig.” (Kapag mayroon ang isang tao nito, walang karumihang nagmumula sa kani-kanilang mga sarili, at hindi sila nakokontrol ng kanilang kinabukasan at kapalaran. Hindi alintana kung paano sila tinatrato ng Diyos, kaya nilang sumunod nang lubusan sa gawain at mga pagsasaayos ng Diyos, at sundan Siya hanggang sa katapusan. Ang ganitong uri lamang ng pag-ibig para sa Diyos ang dalisay at walang dungis na pag-ibig. Kapag ikinukumpara ko ang aking sarili dito, natutuklasan ko na bagama’t tila ginugol ko ang aking sarili o nagsakripisyo ng ilang mga bagay sa huling ilang taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi ko nakayanang tunay na ibigay ang aking puso sa Kanya. Kapag inilalantad ako ng Diyos, pakiramdam ko’y parang hindi ako maliligtas, at nananahan ako sa negatibong kalagayan. Nakikita ko ang aking sarili na ginagampanan ang aking tungkulin, ngunit kasabay nito ay sumusubok akong gumawa ng mga pakikipagkasundo sa Diyos, hindi ko kayang mahalin ang Diyos nang buong puso, at ang aking hantungan, ang aking kinabukasan, at ang aking kapalaran ay laging nasa aking isip.)

Tila nagkaroon kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa himnong ito, at nakagawa kayo ng ilang kaugnayan sa pagitan nito at sa inyong aktuwal na karanasan. Gayunpaman, mayroon kayong iba’t ibang antas ng pagtanggap sa bawat isa sa mga parirala sa himnong “Dalisay na Pag-ibig na Walang Dungis.” Iniisip ng ilan na tungkol ito sa pagkukusang-loob, ang ilan ay naghahangad na isantabi ang kanilang kinabukasan, ang ilan ay naghahangad na iwanan ang kanilang mga pamilya, at ang ilan ay hindi naghahangad na makatanggap ng anuman. Ang iba naman ay pinipilit ang kanilang sarili na hindi magkaroon ng panlilinlang, mga reklamo, at hindi maghimagsik laban sa Diyos. Bakit gugustuhin ng Diyos na magmungkahi ng ganitong uri ng pag-ibig at hilingin sa mga tao na ibigin Siya sa ganitong paraan? Ito ba ay isang uri ng pag-ibig na kayang maabot ng mga tao? Ibig sabihin, kaya ba ng mga tao na umibig sa ganitong paraan? Maaaring makita ng mga tao na hindi nila kaya, dahil hindi sila nagtataglay ni kaunti mang pagkaunawa ng ganitong uri ng pag-ibig. Kapag hindi taglay ito ng mga tao, at kapag hindi nila talagang nauunawaan ang tungkol sa pag-ibig, winiwika ng Diyos ang mga salitang ito, at hindi pamilyar sa kanila ang mga salitang ito. Dahil nabubuhay ang mga tao sa mundong ito na may tiwaling disposisyon, kung mayroon ang mga tao ng ganitong uri ng pag-ibig o kung ang isang tao ay magtataglay ng ganitong uri ng pag-ibig, pag-ibig na hindi gumagawa ng mga kahilingan at mga pangangailangan, isang pag-ibig kung saan handa silang ilaan ang kanilang mga sarili at tiisin ang paghihirap at isuko ang lahat ng kanilang pag-aari, kung gayon ano ang iisipin ng iba sa isang taong nagtataglay ng ganitong uri ng pag-ibig? Hindi ba magiging perpekto ang gayong uri ng tao? (Oo.) Mayroon ba sa mundong ito ng gayong perpektong tao? Hindi, walang gayong tao, hindi ba? Walang ganitong uri ng tao sa mundong ito, maliban na lamang kung sila ay maninirahan sa isang bakyum. Hindi nga ba ganoon? Samakatuwid, ang ilang tao, sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, ay gumugugol ng matinding pagsisikap upang sukatin ang kanilang mga sarili ayon sa mga salitang ito. Inaayos nila ang kanilang mga sarili, pinipigilan ang kanilang mga sarili, at palagi pa nilang tinatalikdan ang kanilang mga sarili: Tinitiis nila ang pagdurusa at ginagawa ang kanilang mga sarili na isuko ang kanilang mga kuru-kuro. Isinusuko nila ang kanilang pagiging mapanghimagsik, at ang sarili nilang mga pagnanasa at pagnanais. Ngunit sa huli, hindi pa rin sila makakapantay. Bakit iyon nangyayari? Sinasabi ng Diyos ang mga bagay na ito upang magbigay ng pamantayan para sundin ng mga tao, upang malaman ng mga tao ang pamantayang kinakailangan ng Diyos para sa kanila. Ngunit sinasabi nga ba ng Diyos na dapat itong makamit ng mga tao kaagad? Sinasabi nga ba ng Diyos kung gaano karaming oras mayroon ang mga tao upang makamit ito? (Hindi.) Sinasabi nga ba ng Diyos na kailangang ibigin Siya ng mga tao sa ganitong paraan? Sinasabi ba iyon ng tekstong ito? Hindi, hindi nito sinasabi. Sinasabi lamang ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa pag-ibig na Kanyang tinutukoy. Tungkol naman sa kakayanan ng taong umibig sa Diyos sa ganitong paraan at tratuhin ang Diyos sa ganitong paraan, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao? Hindi kinakailangang maabot ang mga ito kaagad, dahil lampas iyon sa kakayahan ng mga tao. Naisip na ba ninyo ang tungkol sa uri ng mga kalagayang kailangang maabot ng mga tao upang umibig sa ganitong paraan? Kung madalas nababasa ng mga tao ang mga salitang ito, unti-unti ba silang magkakaroon ng ganitong pag-ibig? (Hindi.) Kung gayon, ano ang mga kundisyon? Una, paano makakalaya ang mga tao mula sa mga paghihinala tungkol sa Diyos? (Ang mga tapat na tao lamang ang kayang magkamit nito.) Paano naman ang pagiging malaya mula sa panlilinlang? (Kailangan rin nilang maging matatapat na tao.) Paano naman ang pagiging isang tao na hindi nakikipagkasundo sa Diyos? Iyon din ay bahagi ng pagiging isang matapat na tao. Paano naman ang pagiging malaya sa katusuhan? Ano ang ibig sabihin ng pagsasabing walang pagpili sa pag-ibig? Lahat ba ng bagay na ito ay nauuwi sa pagiging isang matapat na tao? Maraming detalye rito. Ano ang pinatutunayan nitong nagagawang magsalita at bigyang kahulugan ng Diyos ang ganitong uri ng pag-ibig sa ganitong paraan? Masasabi ba natin na taglay ng Diyos ang ganitong uri ng pag-ibig? (Oo.) Saan kayo nakakakita nito? (Sa pag-ibig ng Diyos para sa tao.) Ang pag-ibig ba ng Diyos para sa tao ay may kundisyon? (Wala.) Mayroon bang mga hadlang o distansya sa pagitan ng Diyos at ng tao? (Wala.) Mayroon bang mga paghihinala ang Diyos sa tao? (Wala.) Inoobserbahan at inuunawa ng Diyos ang tao; tunay Niyang nauunawaan ang tao. Mapanlinlang ba ang Diyos tungo sa tao? (Hindi.) Dahil nangungusap ang Diyos nang gayon kaperpekto tungkol sa pag-ibig na ito, magiging gayon ba kaperpekto ang Kanyang puso o ang Kanyang diwa? (Oo.) Binigyang kahulugan na ba ng mga tao ang pag-ibig sa ganitong paraan? Sa anong mga pagkakataon binigyang kahulugan ng tao ang pag-ibig? Paano nangungusap ang tao tungkol sa pag-ibig? Hindi ba nagsasalita ang tao tungkol sa pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay o pag-aalay? (Oo.) Ang pakahulugan na ito ng pag-ibig ay labis na payak; nagkukulang ito sa nilalaman.

Ang pakahulugan ng Diyos sa pag-ibig at ang paraan ng pagsasalita ng Diyos tungkol sa pag-ibig ay kaugnay sa isang aspeto ng Kanyang diwa, ngunit aling aspeto ito? Noong huling nagkasama tayo ay nagbahagi tayo tungkol sa isang napakahalagang paksa, isang paksa na madalas tinatalakay ng mga tao. Ang paksang ito ay binubuo ng isang salita na madalas na pinag-uusapan tungkol sa paniniwala sa Diyos, gayunpaman ito’y salita na nararamdaman ng lahat na kapwa pamilyar at hindi pamilyar. Bakit Ko sinasabi ito? Ito’y salitang nagmumula sa mga wika ng tao; gayunpaman, ang kahulugan nito sa tao ay kapwa malinaw at malabo. Ano ang salitang ito? (Kabanalan.) Kabanalan: iyon ang ating paksa noong huling nagbahagi tayo. Nagbahagi tayo tungkol sa isang bahagi ng paksang ito. Sa pag-uusap natin noong huli tayong nagkasama, nagtamo ba ang lahat ng bagong pagkaunawa sa diwa ng kabanalan ng Diyos? Anong mga aspeto ng pagkaunawang ito ang itinuturing ninyong ganap na bago? Kumbaga’y, ano ang nasa pagkaunawa ninyo o nasa loob ng mga salitang iyon na naramdaman ninyo na ang inyong pagkaunawa sa kabanalan ng Diyos ay naiba kaysa sa kabanalan ng Diyos ayon sa sinabi Ko tungkol dito sa panahon ng ating pagbabahagi? Mayroon ba kayong anumang mga palagay tungkol dito? (Sinasabi ng Diyos kung ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso; ang Kanyang mga salita ay walang dungis. Ito ay pagpapakita ng isang aspeto ng kabanalan.) (Mayroon ding kabanalan kapag napopoot ang Diyos sa tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan.) (Tungkol sa kabanalan ng Diyos, nauunawaan ko na mayroong kapwa poot ng Diyos at Kanyang awa sa loob ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nag-iwan ito ng napakalakas na impresyon sa akin. Sa ating huling pagbabahagi, nabanggit ding ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay natatangi—hindi ko naintindihan ito dati. Naunawaan ko lamang na ang poot ng Diyos ay kaiba sa galit ng tao noong marinig ko kung ano ang ibinahagi ng Diyos. Ang poot ng Diyos ay isang positibong bagay at ito ay may prinsipyo; ito ay ipinadala dahil sa likas na diwa ng Diyos. Nakikita ng Diyos ang isang bagay na negatibo kaya pinapakawalan Niya ang Kanyang poot. Ito ay isang bagay na walang nilalang ang nagtataglay.) Ang ating paksa ngayon ay ang kabanalan ng Diyos. Narinig at natutuhan ng lahat ng tao ang tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Higit pa rito, madalas na pinag-uusapan ng maraming tao ang tungkol sa kabanalan ng Diyos at matuwid na disposisyon ng Diyos bilang magka-ugnay na konsepto; sinasabi nila na banal ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang salitang “banal” ay tiyak na hindi pamilyar sa kaninuman—ito ay isang salitang palaging ginagamit. Ngunit kaugnay sa mga kahulugan sa loob ng salitang iyon, anong mga pagpapahayag ng kabanalan ng Diyos ang makikita ng mga tao? Ano ang ibinunyag ng Diyos na kayang makilala ng mga tao? Natatakot Ako na ito ay isang bagay na walang sinumang nakakaalam. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, ngunit kung kukunin mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at sasabihin na ito ay banal, tila ito ay medyo malabo, medyo magulo; bakit kaya ganito? Sa madaling sabi, ano sa ibinunyag ng Diyos, o sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya, ang makikilala ng mga tao bilang banal? Naisip mo na ba ito noon? Ang Aking nakita ay madalas na binibigkas ng mga tao ang mga salitang karaniwang ginagamit o mga katagang nasabi na nang paulit-ulit, ngunit hindi man lang nila alam ang kanilang sinasabi. Ganoon lang ang paraan kung paano binibigkas ito ng lahat, at nakasanayan na nilang sinasabi ito, kaya ito ay nagiging bahagi ng kanilang bokabularyo. Gayunpaman, kung sila ay mag-imbestiga at pag-aaralang mabuti ang mga detalye, makikita nila na hindi nila alam ang tunay na kahulugan o kung ano ang tinutukoy nito. Kagaya na lamang ng salitang “banal,” walang sinuman ang nakakaalam ng eksaktong aspeto ng diwa ng Diyos na tinutukoy kaugnay ng Kanyang kabanalan na binabanggit nila at walang nakakaalam kung paano maitutugma ang salitang “banal” sa Diyos. Naguguluhan ang mga tao sa kanilang mga puso, at ang kanilang pagkakilala sa kabanalan ng Diyos ay malabo at hindi malinaw. Tungkol naman sa kung paano naging banal ang Diyos, walang sinuman ang nakakaunawa dito. Ngayon, tayo ay nagbabahagi tungkol sa paksang ito upang iayon ang salitang “banal” sa Diyos upang makita ng mga tao ang aktuwal na nilalaman ng diwa ng kabanalan ng Diyos. Mapipigilan nito ang ilang tao mula sa palagian at walang pag-iingat na paggamit ng salitang ito at pagsasabi ng mga bagay nang walang tiyak na kaayusan samantalang hindi nila alam ang kanilang ibig sabihin o kung sila ay tama at eksakto. Laging nagsasalita ang mga tao ng ganito; ganito kayo, ganito siya, kaya’t ito ay naging isang pamamaraan ng pagsasalita. Sa ganyan ay hindi sinasadyang niyurakan ang salitang iyon.

Sa panlabas, ang salitang “banal” ay tila napakadaling intindihin, hindi ba? Kahit paano, naniniwala ang mga tao na ang salitang “banal” ay nangangahulugang malinis, walang bahid ng dumi, sagrado, at dalisay. Mayroon ding mga nag-uugnay ng “kabanalan” sa “pag-ibig” sa himnong “Dalisay na Pag-ibig na Walang Dungis” na kakakanta lang natin ngayon. Ito ay tama; ito ay isang bahagi nito. Ang pag-ibig ng Diyos ay bahagi ng Kanyang diwa, ngunit hindi ito ang kabuuan nito. Gayunman, sa mga kuru-kuro ng mga tao, nakikita nila ang salita at iniuugnay ito sa mga bagay na itinuturing nila bilang dalisay at malinis, o sa mga bagay na personal nilang naiisip na walang bahid ng dumi o walang dungis. Halimbawa, sinabi ng ilang tao na ang bulaklak na lotus ay malinis, at ito ay sumisibol nang walang kapintasan mula sa maruming putik. Kaya nagsimula ang mga tao na gamitin ang salitang “banal” sa bulaklak na lotus. Banal ang tingin ng ilang tao sa mga kuwento ng pag-ibig na piksyonal, o maaaring tingnan nila ang mga kahanga-hanga ngunit kathang-isip na tauhan bilang banal. Dagdag pa rito, itinuturing ng ilan ang mga tauhan sa Biblia, o ang ibang nasusulat sa mga aklat na espirituwal—kagaya ng mga santo, mga apostol, o iba pa na minsang sumunod sa Diyos habang Siya ay nagsasagawa noon ng Kanyang gawain—bilang mga nagkaroon ng mga karanasang espirituwal na banal. Ang lahat ng ito ay mga bagay na naiisip ng mga tao; mga kuru-kuro na pinanghahawakan ng mga tao. Bakit pinanghahawakan ng mga tao ang mga kuru-kurong gaya nito? Ang dahilan ay napakasimple: Ito ay dahil namumuhay ang mga tao sa gitna ng tiwaling disposisyon at naninirahan sa isang mundo ng kasamaan at karumihan. Ang lahat ng kanilang nakikita, lahat ng kanilang nahahawakan, lahat ng kanilang nararanasan ay kasamaan at katiwalian ni Satanas pati na rin ang panloloko, paglalabanan, at digmaan na nagaganap sa mga tao na nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Samakatuwid, kahit isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao, at kahit Siya ay nangungusap sa kanila at ibinubunyag ang Kanyang disposisyon at diwa, hindi nila nakikita o nauunawaan ang kabanalan at diwa ng Diyos. Madalas sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay banal, ngunit kulang sila ng tunay na pagkaunawa; mga hungkag na salita lamang ang binibigkas nila. Dahil naninirahan ang mga tao sa gitna ng karumihan at katiwalian at nasa sakop ni Satanas, at hindi nila nakikita ang liwanag, walang alam tungkol sa mga positibong bagay, at higit pa rito, hindi alam ang katotohanan, walang sinuman ang tunay na nakakaalam kung ano ang ibig sabihin ng “banal.” Kung gayon, mayroon bang anumang banal na mga bagay o banal na mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan na ito? Masasabi natin nang may katiyakan: Wala, wala nito, dahil ang diwa lamang ng Diyos ang banal.

Noong huli tayong magsama, pinag-usapan natin ang isang aspeto kung paanong ang diwa ng Diyos ay banal. Nagbigay ito ng inspirasyon para makamit ng mga tao ang kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos, ngunit hindi ito sapat. Hindi nito kayang matulungan ang mga tao na lubusang maunawaan ang kabanalan ng Diyos, ni hindi nito kayang matulungan silang intindihin na ang kabanalan ng Diyos ay natatangi. Dagdag pa rito, hindi nito kayang tulungan ang mga tao na unawain ang tunay na kahulugan ng kabanalan na lubusang napangangatawanan sa Diyos. Samakatuwid, kinakailangang ipagpatuloy natin ang ating pagbabahagi sa paksang ito. Noong nakaraan, tinalakay sa ating pagbabahagi ang tatlong paksa, kaya dapat nating talakayin ngayon ang ika-apat. Atin nang sisimulan sa pagbabasa mula sa Kasulatan.

Ang Tukso ni Satanas

Mateo 4:1–4 Nang magkagayo’y inihatid ng Espiritu Santo si Jesus sa ilang upang Siya’y tuksuhin ng diablo. At nang Siya’y makapagayunong apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom Siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa Kaniya, Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay. Datapuwa’t Siya’y sumagot, at sinabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.

Ito ang mga salitang unang ginamit ng diablo upang tuksuhin ang Panginoong Jesus. Ano ang nilalaman ng sinabi ng diablo? (“Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.”) Ang mga salitang sinabi ng diablo ay napakapayak, ngunit mayroon bang problema sa diwa ng mga ito? Sinabi ng diablo, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos,” ngunit sa puso nito, alam ba nito o hindi na si Jesus ay siyang Anak ng Diyos? Alam ba nito o hindi na Siya ang Cristo? (Alam nito.) Kung gayon, bakit nito sinabing “Kung Ikaw”? (Sinusubukan nitong tuksuhin ang Diyos.) Ngunit ano ang layunin nito sa paggawa nito? Sinabi nitong, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos.” Sa puso nito, alam nito na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ito ay napakalinaw sa puso nito, ngunit sa kabila ng pagkakaalam dito, nagpasakop ba ito sa Kanya o sinamba ba Siya nito? (Hindi.) Ano ang nais nitong gawin? Nais nitong gamitin ang pamamaraang ito at ang mga salitang ito upang galitin ang Panginoong Jesus, at linlangin Siya na kumilos sang-ayon sa mga layunin nito. Hindi ba ito ang kahulugan sa likod ng mga salita ng diablo? Sa puso ni Satanas, malinaw na alam nito na Siya ang Panginoong Jesucristo, ngunit sinabi pa rin nito ang mga salitang ito. Hindi ba ito ang likas ni Satanas? Ano ang likas ni Satanas? (Ang maging tuso, masama, at walang paggalang sa Diyos.) Ano ang kahahantungan ng kawalan ng paggalang sa Diyos? Hindi ba nito gustong atakihin ang Diyos? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang atakihin ang Diyos, kaya’t sinabi nito: “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay”; hindi ba ito ang masamang intensyon ni Satanas? Ano ang talagang sinusubukan nitong gawin? Ang pakay nito ay napakalinaw: Sinusubukan nitong gamitin ang pamamaraang ito upang pasinungalingan ang posisyon at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ni Satanas sa mga salitang iyon ay, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, gawin Mong tinapay ang mga batong ito. Kung hindi Mo gagawin, hindi Ikaw ang Anak ng Diyos at hindi Mo na dapat na ipagpatuloy ang Iyong gawain.” Tama ba? Gusto nitong gamitin ang pamamaraang ito upang atakihin ang Diyos, gusto nitong paghiwa-hiwalayin at sirain ang gawain ng Diyos; ito ang kasamaan ni Satanas. Ang kasamaan nito ay natural na pagpapahayag ng likas nito. Kahit na alam nitong ang Panginoong Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang mismong pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi nito kayang pigilin ang sarili kundi gawin ang ganitong uri ng bagay, na bumubuntot sa Diyos at patuloy na inaatake Siya at nagsisikap na mabuti upang bulabugin at wasakin ang gawain ng Diyos.

Ngayon, ating suriin ang katagang binigkas ni Satanas: “Ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” Upang gawing tinapay ang mga bato—mayroon ba itong ibig sabihin? Kung mayroong pagkain, bakit hindi ito kainin? Bakit kinakailangan na ang mga bato ay gawing pagkain? Masasabi ba na walang pakahulugan dito? Kahit na Siya ay nag-aayuno noong mga oras na iyon, tiyak namang may pagkain na makakain ang Panginoong Jesus? (Mayroon.) Kung gayon, dito, nakikita natin ang kahibangan ng mga salita ni Satanas. Sa kabila ng pandaraya at malisya nito, nakikita pa rin natin ang kahibangan at kabalighuan nito. Gumagawa si Satanas ng ilang bagay na sa pamamagitan nito’y makikita mo ang malisyosong likas nito; makikita mo itong gumagawa ng mga bagay na wumawasak sa gawain ng Diyos, at sa pagkakita nito ay nararamdaman mong nakakagalit at nakakabugnot ito. Ngunit, sa kabilang banda, hindi mo ba nakikita ang isang parang bata, katawa-tawang likas sa likod ng mga salita at gawa nito? Ito ay isang pahayag tungkol sa likas ni Satanas; dahil mayroon itong ganitong uri ng likas, gagawin nito ang ganitong uri ng bagay. Sa mga tao ngayon, ang mga katagang ito ay hibang at katawa-tawa. Ngunit ang mga salitang iyon ay kaya talagang bigkasin ni Satanas. Masasabi ba natin na ito ay ignorante at kabalighuan? Ang kasamaan ni Satanas ay nasa buong kapaligiran at patuloy na nabubunyag. At paano ito sinagot ng Panginoong Jesus? (“Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.”) Mayroon bang anumang kapangyarihan ang mga salitang ito? (Oo, mayroon.) Bakit natin sinasabi na may kapangyarihan ang mga ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito ay katotohanan. Ngayon, sa tinapay lamang ba nabubuhay ang tao? Ang Panginoong Jesus ay nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi. Namatay ba siya sa gutom? (Hindi.) Hindi Siya namatay sa gutom, kaya nilapitan Siya ni Satanas, na inuudyukan Siya na gawing pagkain ang mga bato sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga ganitong klaseng bagay: “Kung gagawin Mong pagkain ang mga bato, hindi ba’t magkakaroon Ka na ng makakain? Hindi ba’t hindi Mo na kailangang mag-ayuno, hindi na kailangang magutom?” Ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,” na nangangahulugang, kahit na ang tao ay naninirahan sa pisikal na katawan, ang nagpapahintulot sa pisikal na katawan na mabuhay at huminga ay hindi pagkain, kundi lahat ng salitang binigkas ng bibig ng Diyos. Sa isang banda, ang mga salitang ito ay katotohanan; binibigyan nila ng pananampalataya ang mga tao, ipinadarama sa kanila na maaari silang dumepende sa Diyos, na Siya ay katotohanan. Sa kabilang banda, mayroon bang praktikal na aspeto sa mga salitang ito? Hindi ba’t ang Panginoong Jesus ay nakatayo pa rin doon at buhay pa pagkatapos mag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at gabi? Hindi ba ito isang tunay na halimbawa? Hindi Siya kumain ng kahit anumang pagkain sa loob ng apatnapung araw at gabi, ngunit buhay pa rin Siya. Ito ang makapangyarihang ebidensya na nagpapatunay sa katotohanan ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito ay simple, ngunit, para sa Panginoong Jesus, binigkas Niya ba ito noon lamang tinukso Siya ni Satanas o dati na silang bahagi Niya? Sa ibang paraan, ang Diyos ay katotohanan, at ang Diyos ay buhay, ngunit ang katotohanan at buhay ba ng Diyos ay huling pandagdag lamang? Ang mga ito ba ay mula sa bagong karanasan? Hindi—sila ay likas sa Diyos. Na ang ibig sabihin ay, ang katotohanan at buhay ay diwa ng Diyos. Anuman ang sapitin Niya, ang tangi Niyang ibinubunyag ay katotohanan. Ang katotohanang ito, ang mga salitang ito—maging ang nilalaman ng Kanyang pagbigkas ay mahaba o maikli—kaya nitong bigyang kakayanan ang tao na mabuhay at bigyan ang tao ng buhay; mabibigyang kakayanan nila ang tao na makamit ang katotohanan at kalinawan tungkol sa landas ng buhay ng tao, at tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, ang pinagmumulan ng paggamit ng Diyos ng mga salitang ito ay positibo. Kaya masasabi ba natin na ang positibong bagay na ito ay banal? (Oo.) Ang mga salitang ito ni Satanas ay nanggagaling sa likas ni Satanas. Ibinubunyag ni Satanas ang kanyang masama at malisyosong likas kahit saan, sa lahat ng oras. Ngayon, ginagawa ba ni Satanas ang mga pagbubunyag na ito nang natural? Mayroon bang gumagabay patungo rito? Tinutulungan ba ito ng sinuman? Pinupuwersa ba ito ng sinuman? (Hindi.) Ang lahat ng mga pahayag na ito ay ginagawa nito sa sarili nitong pag-iisip. Ito ang masamang likas ni Satanas. Ngunit anuman ang ginagawa ng Diyos at kahit paano man Niya ginagawa ito, sinusundan ni Satanas ang Kanyang mga yapak. Ang diwa at tunay na mga likas ng mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ni Satanas ay siyang diwa ni Satanas—diwang masama at malisyoso. Ngayon, sa patuloy nating pagbasa, ano pa ang sinabi ni Satanas? Basahin natin.

Mateo 4:5–7 Nang magkagayo’y dinala Siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay Siya sa taluktok ng templo, At sa Kaniya’y sinabi, Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka: sapagka’t nasusulat, Siya’y magbibilin sa Kaniyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.

Pag-usapan muna natin ang tungkol sa katagang ito ni Satanas. Sinabi nito, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka,” at pagkatapos ay sinabi nito mula sa mga Kasulatan, “Siya’y magbibilin sa Kaniyang mga anghel tungkol sa Iyo: at, Aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato.” Ano ang iyong nararamdaman kapag naririnig ang mga salita ni Satanas? Hindi ba masyadong may pagka-isip-bata ang mga ito? Ang mga ito ay may pagka-isip-bata, nakakatawa, at nakakayamot. Bakit Ko sasabihin ito? Palaging gumagawa si Satanas ng mga bagay na kahangalan, at naniniwala ito na ito ay napakatalino. Madalas itong bumanggit ng mga kasabihan mula sa mga kasulatan—kahit ang mismong mga salita ng Diyos—sinusubukan nitong gamitin ang mga salitang ito laban sa Diyos upang atakihin Siya at upang tuksuhin Siya sa layong wasakin ang plano ng gawain ng Diyos. May napapansin ka ba sa mga sinabi ni Satanas? (Mayroong mga masamang pakay si Satanas.) Sa lahat ng ginagawa ni Satanas, palagi nitong sinisikap na tuksuhin ang sangkatauhan. Hindi ito nagsasalita nang deretsahan, kundi sa paligoy-ligoy na paraang gamit ang panunukso, panlilinlang, at pang-aakit. Ginagawa ni Satanas ang pagtukso sa Diyos na para bang isa Siyang pangkaraniwang tao, na naniniwalang ang Diyos ay mangmang din, hangal, at hindi kayang malinaw na maunawaan ang mga bagay sa tunay nilang anyo, na katulad ng taong hindi rin magagawa ito. Iniisip ni Satanas na ang Diyos at ang tao ay parehong hindi makikita sa diwa nito ang panlilinlang at masamang pakay. Hindi ba ito ang kahangalan ni Satanas? Higit pa rito, hayagang bumabanggit si Satanas ng mga kasabihan mula sa mga Kasulatan, iniisip nito na ang paggawa nito ay nagbibigay dito ng kredibilidad, at hindi mo makikita ang anumang kamalian sa mga salita nito o maiwasang malinlang. Hindi ba ito ang kabalighuan at pagkaisip-bata ni Satanas? Ito ay kagaya lang kapag ang ilang tao ay nagpapalaganap ng ebanghelyo at sumasaksi sa Diyos: hindi ba ang mga di-mananampalataya ay nagsasabi ng kaparis ng sinabi ni Satanas? Nakarinig na ba kayo ng mga tao na nagsabi ng mga bagay na kapareho nito? Ano ang pakiramdam mo kapag naririnig mo ang mga bagay na katulad niyon? Nakakaramdam ka ba ng pagkayamot? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng pagkayamot, nakakaramdam ka din ba ng pag-ayaw at pagkamuhi? Kapag mayroon kang mga pakiramdam na ganito, kaya mo bang matukoy na si Satanas at ang tiwaling disposisyon na ginagawa ni Satanas sa tao ay masama? Sa iyong puso, nagkaroon ka ba ng pagkakaunawang katulad ng: “Kapag nagsalita si Satanas, ginagawa niya ito bilang atake at panunukso; ang mga salita ni Satanas ay walang katotohanan, nakakatawa, parang-bata, at nakakayamot. Gayunpaman, hindi magsasalita o gagawa ang Diyos sa gayong paraan, at sa katunayan ay hindi Niya iyon kailanman ginawa”? Siyempre, sa sitwasyong ganito lamang nagkakaroon ang mga tao ng kaunting pakiramdam dito, at patuloy silang hindi nakakaunawa sa kabanalan ng Diyos. Hindi ba’t ganoon nga? Sa inyong kasalukuyang tayog, nararamdaman lamang ninyo na: “Ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan, ito ay may pakinabang sa atin, at dapat nating tanggapin ito.” Tanggapin man ninyo ito o hindi, sinasabi ninyo nang walang pagtatangi na ang salita ng Diyos ay katotohanan at ang Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ninyo alam na ang katotohanan mismo ay banal at ang Diyos ay banal.

Kung gayon, ano ang sagot ni Jesus sa mga salitang ito ni Satanas? Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Mayroon bang katotohanan sa mga salitang ito na sinabi ni Jesus? (Oo.) May katotohanan ang mga ito. Sa mababaw na pagkaunawa, ang mga salitang ito ay utos para sundin ng mga tao, simpleng parirala, gayunpaman, madalas nang sinuway kapwa ng tao at ni Satanas ang mga salitang ito. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos,” dahil ito ang malimit na ginagawa ni Satanas, na may kasipagang ginagawa ito. Maaari mo ring sabihin na walang kahihiyang ginagawa ito ni Satanas. Nasa kalikasang diwa ni Satanas ang hindi matakot sa Diyos at hindi magkaroon ng paggalang sa Diyos sa puso nito. Kahit na noong nakatayo si Satanas sa tabi ng Diyos at makikita Siya, hindi nito mapigil ang sarili na tuksuhin ang Diyos. Kaya, sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ito ay mga salitang madalas sinasabi ng Diyos kay Satanas. Kung gayon, naaangkop ba na gamitin ang pariralang ito sa kasalukuyan? (Oo, dahil madalas din nating tuksuhin ang Diyos.) Bakit madalas tinutukso ng mga tao ang Diyos? Ito ba ay dahil puno ang mga tao ng tiwali at mala-satanas na disposisyon? (Oo.) Kung gayon, ang sinabi ba ni Satanas ay mas mataas sa madalas sinasabi ng mga tao? At sa anong mga sitwasyon sinasabi ng mga tao ang mga salitang ito? Maaaring sabihin na ang mga tao ay bumibigkas ng mga bagay na katulad nito anumang oras at lugar. Pinatutunayan nito na ang disposisyon ng mga tao ay hindi naiiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas. Sinabi ng Panginoong Jesus ang ilang simpleng kataga, mga salitang kumakatawan sa katotohanan, mga salitang kailangan ng mga tao. Gayunpaman, sa sitwasyong ito, nakikipagtalo ba ang Panginoong Jesus kay Satanas? Mayroon bang anumang dapat pagtalunan sa Kanyang sinabi kay Satanas? (Wala.) Ano ba ang naramdaman ng Panginoong Jesus sa Kanyang puso sa panunukso ni Satanas? Nakaramdam ba Siya ng pandidiri at pagkasuklam? (Oo.) Ang Panginoong Jesus ay nasuklam at nandiri ngunit hindi Siya nakipagtalo kay Satanas, lalong hindi rin Siya nagsalita tungkol sa anumang engrandeng mga prinsipyo. Bakit ganoon? (Dahil laging ganito si Satanas, hindi ito kailanman magbabago.) Maaari ba nating sabihin na hindi tinatablan si Satanas ng katuwiran? (Oo.) Makikilala ba ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan? Hindi kailanman kikilalanin ni Satanas na ang Diyos ay katotohanan at hindi kailanman aaminin na ang Diyos ay katotohanan; ito ang likas nito. Mayroon pang isang aspeto ng likas ni Satanas na nakasusulasok. Ano ito? Sa mga pagtatangka nitong tuksuhin ang Panginoong Jesus, inakala ni Satanas na kahit na hindi ito magtatagumpay, susubukan pa rin nito. Kahit na mapaparusahan ito, susubukan pa rin nito. Kahit na wala itong makukuhang mabuti sa paggawa nito, susubukan pa rin nito, na nagpipilit sa mga pagsisikap nito at tatayo laban sa Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anong uri ng likas ito? Hindi ba iyon masama? Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay masama? Mga makamundong uso, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga ito ang makapagpapagulo sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang “Diyos” o ng katotohanang salita ng Diyos, agad siyang nagagalit. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng masamang likas? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang masamang likas ng tao. Ngayon, para sa inyong mga sarili, mayroon bang mga pagkakataon na kapag ang katotohanan ay nababanggit, o kapag ang mga pagsubok ng Diyos para sa sangkatauhan o kapag ang mga salita ng paghatol ng Diyos laban sa tao ay nabanggit, nakakaramdam kayo ng pagkainis, pagkasuklam, at hindi ninyo gustong marinig ang tungkol dito? Ang inyong mga puso ay maaaring mag-isip: “Hindi ba lahat ng tao ay nagsabing ang Diyos ang katotohanan? Ang ilan sa mga salitang ito ay hindi katotohanan! Malinaw na mga salita lamang ng pagpapaalala ng Diyos sa tao!” Maaari pa ngang makaramdam ang ibang tao ng pagkainis sa kanilang mga puso, at isiping: “Ito ay napag-uusapan araw-araw—ang Kanyang mga pagsubok, Kanyang paghatol, kailan matatapos ang lahat ng ito? Kailan natin matatanggap ang mabuting hantungan?” Hindi batid kung saan nanggagaling ang hindi makatuwirang galit na ito. Anong uri ng likas ito? (Masamang likas.) Ito ay inuudyukan at ginagabayan ng masamang likas ni Satanas. Mula sa pananaw ng Diyos, kaugnay sa masamang likas ni Satanas at sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi Siya kailanman nakikipagtalo o nakikipag-alitan sa mga tao, at hindi Siya gumagawa ng gulo kapag ang mga tao ay kumikilos na may kamangmangan. Hindi ninyo makikita ang Diyos na humahawak ng mga pananaw sa mga bagay na gaya ng sa mga tao, at higit pa rito, hindi ninyo Siya makikitang gumagamit ng mga pananaw ng mga tao, ng kanilang kaalaman, ng kanilang siyensiya, o ng kanilang pilosopiya o ng imahinasyon upang pangasiwaan ang mga bagay. Sa halip, ang lahat ng ginagawa ng Diyos at ang lahat ng Kanyang ibinubunyag ay may kaugnayan sa katotohanan. Iyon ay, bawat salitang sinabi Niya at bawat kilos na Kanyang ginawa ay may kaugnayan sa katotohanan. Ang katotohanang ito ay hindi nagmula sa walang-basehang pantasya; ang katotohanang ito at mga salitang ito ay naipapahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang diwa at Kanyang buhay. Dahil ang mga salitang ito at ang diwa ng lahat ng ginawa ng Diyos ay katotohanan, maaari nating sabihin na ang diwa ng Diyos ay banal. Sa madaling sabi, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay nagbibigay ng sigla at liwanag sa mga tao, nagbibigay lakas sa mga tao na makita ang mga positibong bagay at ang realidad ng mga positibong bagay na iyon, at itinuturo ang paraan sa sangkatauhan upang lumakad sila sa tamang daan. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan ng diwa ng Diyos at ng diwa ng Kanyang kabanalan. Nakikita na ninyo ito, hindi ba? Ngayon, magpapatuloy tayo sa isa pang pagbasa mula sa mga Kasulatan.

Mateo 4:8–11 Muling dinala Siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa Kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila; At sinabi niya sa Kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa Iyo, kung Ikaw ay magpapatirapa at sasambahin Mo ako. Nang magkagayo’y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka’t nasusulat, Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran. Nang magkagayo’y iniwan Siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga anghel at Siya’y pinaglingkuran.

Si Satanas, ang diablo, na nabigo sa dalawang nakalipas na panlilinlang nito, ay sumubok pa ng panibago: Ipinakita nito ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kanilang kaluwalhatian sa Panginoong Jesus at hinilingan Siyang sambahin ito. Ano ang nakikita mo sa mga tunay na katangian ng diablo mula sa sitwasyong ito? Hindi ba tunay na walang-hiya ang diablong si Satanas? (Oo.) Paano ito naging walang-hiya? Ang lahat ay nilikha ng Diyos, ngunit binaliktad ito ni Satanas at ipinapakita ito sa Diyos habang sinasabi, “Tingnan mo ang kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kahariang ito. Lahat ng bagay na ito ay ibibigay ko sa Iyo, kung sasambahin Mo ako.” Hindi ba ito isang pagpapalitan ng papel? Hindi ba’t walang-hiya si Satanas? Ginawa ng Diyos ang lahat, ngunit para ba iyon sa Kanyang sariling kasiyahan? Ibinigay ng Diyos ang lahat para sa sangkatauhan, ngunit gustong kunin lahat ito ni Satanas at pagkakuha dito ay sinabi nito, “Sambahin Mo ako! Sambahin Mo ako at ibibigay ko sa Iyo ang lahat ng ito.” Ito ang pangit na mukha ni Satanas; ito ay tunay na walang-hiya! Hindi nga alam ni Satanas ang kahulugan ng salitang “hiya.” Ito ay isa pang halimbawa ng kasamaan nito. Hindi man lang nito alam kung ano ang hiya. Malinaw na alam ni Satanas na ang lahat ay nilikha ng Diyos at Siya ang namamahala nito at may kapamahalaan sa lahat ng bagay. Ang lahat ay pag-aari ng Diyos, hindi ng tao, lalong hindi kay Satanas, ngunit si Satanas na diablo ay walang pag-aatubiling sinabing ibibigay nito ang lahat sa Diyos. Hindi ba ito isa pang halimbawa na muling kumikilos si Satanas sa paraang nakakatawa at walang hiya? Lalong kinamumuhian ng Diyos si Satanas dahil dito, tama? Ngunit anuman ang sinubukang gawin ni Satanas, nalinlang ba ang Panginoong Jesus? Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.”) Mayroon bang praktikal na kahulugan ang mga salitang ito? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Nakikita natin ang kasamaan at kawalanghiyaan ni Satanas sa pagsasalita nito. Kaya kung sinamba ng tao si Satanas, ano kaya ang magiging kahihinatnan? Makakatanggap kaya sila ng kayamanan at kaluwalhatian ng lahat ng kaharian? (Hindi.) Ano ang kanilang matatanggap? Magiging kasing-walang hiya at kasing-katawa-tawa ba sila gaya ni Satanas? (Oo.) Wala silang ipagkakaiba kung gayon kay Satanas. Kaya naman, sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito na mahalaga para sa bawat tao: “Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.” Nangangahulugan ito na maliban sa Panginoon, maliban sa Diyos Mismo, kung maglilingkod ka sa iba pa, kung sasambahin mo si Satanas na diablo, kung gayon ay malulublob ka sa parehong karumihan gaya ng kay Satanas. Makikibahagi ka kung gayon sa kawalang-hiyaan at kasamaan ni Satanas, at kagaya lamang ni Satanas, tutuksuhin at aatakihin mo ang Diyos. Kung gayon, ano ang iyong magiging katapusan? Kamumuhian ka ng Diyos, pababagsakin ng Diyos, at wawasakin ng Diyos. Matapos mabigong tuksuhin ni Satanas ang Panginoong Jesus nang ilang beses, sumubok ba ito ulit? Hindi na sumubok ulit si Satanas at umalis na lamang ito. Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito ang masamang likas ni Satanas, ang malisya nito, at ang kahangalan at kabaliwan nito ay hindi karapat-dapat banggitin sa harap ng Diyos. Tinalo ng Panginoong Jesus si Satanas sa pamamagitan lamang ng tatlong pangungusap, matapos nito ay umalis ito na bahag ang buntot sa pagitan ng mga binti nito, labis na napahiyang ipakitang muli ang mukha nito, at hindi na kailanman nito muling tinukso ang Panginoong Jesus. Dahil tinalo na ng Panginoong Jesus ang panunukso ni Satanas, madali na Niyang maipagpapatuloy ang gawain na kinailangan Niyang gawin at isagawa ang mga tungkuling nakaatang sa Kanya. Ang lahat ba ng sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus sa sitwasyong ito ay nagtataglay ng ilang praktikal na mga kahulugan para sa lahat kung ito ay isinasabuhay ngayon? (Oo.) Anong uri ng praktikal na kahulugan? Ang pagtalo ba kay Satanas ay madaling gawin? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng malinaw na pagkaunawa sa masamang likas ni Satanas? Dapat bang magkaroon ang mga tao ng tiyak na pagkaunawa ng mga panunukso ni Satanas? (Oo.) Kapag naranasan mo ang mga panunukso ni Satanas sa iyong sariling buhay, at kung makikita mo ang masamang likas ni Satanas, hindi ba’t makakayanan mong talunin ito? Kung alam mo ang kahangalan at kabaliwan ni Satanas, mananatili ka pa rin ba sa panig ni Satanas at aatakihin ang Diyos? Kung nauunawaan mo kung paano nabubunyag sa iyo ang malisya at kawalang-hiyaan ni Satanas—kung malinaw mong nakikilala at nalalaman ang mga bagay na ito—tutuligsain at tutuksuhin mo pa rin ba ang Diyos sa ganitong paraan? (Hindi, hindi namin gagawin.) Ano ang inyong gagawin? (Maghihimagsik kami laban kay Satanas at isasantabi ito.) Iyon ba ay isang madaling bagay na gawin? Hindi ito madali. Upang gawin ito, dapat ay magdasal ang mga tao nang madalas, dapat nilang madalas na ilagay ang kanilang mga sarili sa harapan ng Diyos, at suriin ang kanilang mga sarili. At dapat nilang hayaang dumapo sa kanila ang pagdidisiplina ng Diyos at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa paraan lamang na ito dahan-dahang maiaalis ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa panlilinlang at pagpigil ni Satanas.

Ngayon, sa pamamagitan ng pagtingin sa mga salitang binigkas ni Satanas, ating lalagumin ang mga bagay na bumubuo sa diwa ni Satanas. Una, ang diwa ni Satanas ay maaaring masabing masama, na taliwas sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi na ang diwa ni Satanas ay masama? Upang masagot ang tanong na ito, dapat makita ng isang tao ang mga bunga ng mga ginawa ni Satanas sa mga tao. Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao, at ang tao ay kumikilos sa ilalim ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at nabubuhay sa mundo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ang sangkatauhan ay hindi sinasadyang sinapian at naging bahagi ni Satanas; ang tao kung gayon ay mayroon nang tiwaling disposisyon ni Satanas, na siyang likas ni Satanas. Mula sa lahat ng sinabi at ginawa ni Satanas, nakita mo ba ang kayabangan nito? Nakita mo ba ang panlilinlang at malisya nito? Paano pangunahing naipapakita ang kahambugan ni Satanas? Gusto ba lagi ni Satanas na sakupin ang posisyon ng Diyos? Palaging ninanais ni Satanas na wasakin ang gawain ng Diyos at ang posisyon ng Diyos at angkinin ito para sa sarili nito upang sundin, suportahan, at sambahin ng mga tao si Satanas; ito ang hambog na likas ni Satanas. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, direkta ba nitong sinasabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin? Kapag tinutukso ni Satanas ang Diyos, lumalabas ba ito at sinasabing, “Tinutukso Kita, tutuligsain Kita”? Hindi nito talaga ginagawa ito. Kung gayon, anong pamamaraan ang ginagamit ni Satanas? Nang-aakit, nanunukso, tumutuligsa, at naglalagay ito ng mga patibong nito, at bumabanggit pa ng mga kasabihan sa mga kasulatan. Nagsasalita at kumikilos si Satanas sa iba’t ibang paraan upang makamtan ang mga masamang balak at motibo nito. Matapos gawin ito ni Satanas, ano ang maaaring makita mula sa naipapakita sa tao? Hindi ba nagiging hambog rin ang mga tao? Nagdusa na ang tao mula sa pagtitiwali ni Satanas sa loob ng ilang libong taon, kaya naman naging hambog, mapanlinlang, malisyoso, at hindi makatuwiran na ang tao. Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari dahil sa likas ni Satanas. Dahil masama ang likas ni Satanas, nagbigay ito sa tao ng masamang likas at nagdala sa tao ng masama at tiwaling disposisyon. Kung gayon, naninirahan ang tao sa ilalim ng tiwali at mala-Satanas na disposisyon at, katulad ni Satanas, tumataliwas laban sa Diyos, tumutuligsa sa Diyos, at tumutukso sa Kanya, na anupa’t ang tao ay hindi na sumasamba sa Diyos at hindi Siya iginagalang sa kanilang mga puso.

Kaugnay ng kabanalan ng Diyos, kahit na ito ay isang pamilyar na paksa, ito’y paksa na, sa pagtatalakay, ay maaaring maging medyo malabo para sa ilang tao at maging medyo malalim at lagpas sa kanilang pag-unawa. Ngunit huwag mag-alala. Tutulungan Ko kayong intindihin kung ano ang kabanalan ng Diyos. Upang maunawaan kung anong uri ng tao ang isang tao, tingnan kung ano ang kanilang ginagawa at ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos, at sa gayon ay makikita mo ang diwa ng taong iyon. Maaari bang ilagay sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, magbahagi muna tayo tungkol sa kabanalan ng Diyos mula muna sa pananaw na ito. Maaaring sabihin na ang diwa ni Satanas ay masama, at kaya naman ang mga pagkilos ni Satanas tungo sa tao ay walang humpay silang ginagawang tiwali. Masama si Satanas, kaya naman ang mga tao na ginawang tiwali nito ay tiyak na masama, tama? May magsasabi ba na, “Masama si Satanas, ngunit ang isang taong nagawang tiwali nito ay banal”? Isa ngang biro, tama? Ito nga ba ay posible? (Hindi.) Masama si Satanas, at sa loob ng kasamaan nito mayroong mahalaga at praktikal na panig. Hindi ito basta pag-uusap na walang kuwenta. Hindi natin sinisiraang puri si Satanas; nagbabahagi lamang tayo tungkol sa katotohanan at realidad. Maaaring masaktan ng pagbabahaging ito tungkol sa realidad ng paksang ito ang ilan o ang isang partikular na pangkat ng mga tao, ngunit walang malisyosong pakay rito; marahil maririnig ninyo ito ngayon at magiging hindi masyadong komportable, ngunit darating ang panahon, kapag kaya ninyong makilala ito, hahamakin ninyo ang inyong mga sarili, at mararamdaman ninyo na ang Aking sinasabi ngayon ay labis na makakatulong sa inyo at napakahalaga. Ang diwa ni Satanas ay masama, kaya masasabi ba natin na ang mga resulta ng mga pagkilos ni Satanas ay hindi maiiwasang maging masama, o kahit paano, may kaugnayan sa kasamaan nito? (Oo.) Kaya paanong ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? Sa kasamaang ginagawa ni Satanas sa mundo at sa gitna ng sangkatauhan, alin bang mga tiyak na aspeto nito ang nakikita at nararamdaman ng mga tao? Naisip na ba ninyo dati ang tungkol dito? Maaaring hindi ninyo ito nabigyan ng labis na pag-iisip, kaya hayaan ninyo Akong talakayin ang ilang pangunahing punto. Alam naman ng lahat ang tungkol sa teorya ng ebolusyon na ipinapanukala ni Satanas, tama? Hindi ba ito isang aspeto ng kaalaman na pinag-aaralan ng tao? (Oo.) Kung gayon, ginagamit muna ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao, at tinuturuan sila ng kaalaman gamit ang sariling mga masasamang pamamaraan nito. Pagkatapos ay ginagamit nito ang agham upang gawing tiwali ang tao, pinupukaw ang kanilang interes sa kaalaman, siyensiya, misteryosong mga bagay, o sa mga bagay na ninanasa ng mga tao na alamin. Ang mga susunod na bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao ay ang tradisyunal na kultura at pamahiin, at sunod dito, ang mga kalakaran sa lipunan. Lahat ng ito ay mga bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at lahat ng ito ay may malapit na kaugnayan sa mga tao; nakaugnay silang lahat sa mga bagay na kanilang nakikita, kanilang naririnig, kanilang nahahawakan at kanilang nararanasan. Maaaring sabihin na nabubuhay ang bawat isang tao na napalilibutan ng mga bagay na ito, na hindi matatakasan o makakalaya mula sa kanila kahit na ninanais nila. Sa harap ng mga bagay na ito, walang magawa ang sangkatauhan, at ang tanging magagawa ng tao ay maimpluwensiyahan, mahawa, mapigil, at magapos ng mga bagay na ito; walang kapangyarihan ang tao na makalaya mula sa kanila.

1. Paano Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao

Una ay pag-uusapan natin ang tungkol sa kaalaman. Ang kaalaman ba’y iniisip ng lahat na isang positibong bagay? Kahit paano, iniisip ng mga tao na ang salitang “kaalaman” ay nagpapahiwatig ng positibo kaysa negatibo. Kung gayon, bakit natin binabanggit dito na gumagamit si Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Ang teorya ng ebolusyon ba’y isang aspeto ng kaalaman? Hindi ba’t ang mga batas ng siyensya ni Newton ay bahagi ng kaalaman? Ang paghila ng grabidad ng daigdig ay bahagi ng kaalaman, tama? (Oo.) Kung gayon, bakit inililista ang kaalaman na kasama sa mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? Ano ang pananaw ninyo dito? Mayroon bang kahit katiting na katotohanan sa kaalaman? (Wala.) Kung gayon, ano ang diwa ng kaalaman? Sa anong basehan natututuhan ng tao ang lahat ng kaalamang kanyang napag-aaralan? Ito ba ay base sa teorya ng ebolusyon? Hindi ba’t nakabatay sa ateismo ang kaalaman na natamo ng tao sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagbubuod? Mayroon bang kaugnayan sa Diyos ang alinman sa kaalamang ito? May kaugnayan ba ito sa pagsamba sa Diyos? Ito ba ay konektado sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Kasasabi Ko lang na walang anuman sa kaalamang ito ang konektado sa pagsamba sa Diyos o sa katotohanan. Ganito ito iniisip ng ilang tao: “Maaaring walang kinalaman sa katotohanan ang kaalaman, ngunit hindi pa rin nito ginagawang tiwali ang mga tao.” Ano ang inyong pananaw dito? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kaligayahan ng tao ay nakadepende sa malilikha gamit ang sariling mga kamay? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kapalaran ng tao ay nasa kanyang sariling mga kamay? (Oo.) Anong uri ng pagsasalita ito? (Ito ay mala-diyablong pagsasalita.) Magaling! Ito ay mala-diyablong pagsasalita! Kumplikadong talakayin ang kaalaman. Maaari mong isipin na ang isang larangan ng kaalaman ay kaalaman lamang. Iyon ay isang larangan ng kaalaman na natututuhan batay sa hindi pagsamba sa Diyos at kakulangan ng pagkaunawa na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag pinag-aaralan ng mga tao ang ganitong uri ng kaalaman, hindi nila nakikita ang Diyos na nagkakaroon ng kapamahalaan sa lahat ng bagay; hindi nila nakikita ang Diyos bilang namumuno o namamahala sa lahat ng bagay. Sa halip, ang tangi nilang ginagawa ay walang humpay na pananaliksik at pagsisiyasat sa larangang iyon ng kaalaman, at naghahanap ng mga kasagutan batay sa kaalaman. Gayunpaman, hindi ba’t kung hindi naniniwala ang mga tao sa Diyos at sa halip ay nagpapatuloy lamang sa pananaliksik, hindi sila kailanman makakahanap ng mga totoong kasagutan? Binibigyan ka lamang ng kaalaman ng kabuhayan, trabaho, at kita upang hindi ka magutom; ngunit hindi ka nito kailanman pasasambahin sa Diyos, at hindi ka nito kailanman ilalayo sa kasamaan. Habang lalo mong pinag-aaralan ang kaalaman, lalo mong nanaising magrebelde sa Diyos, upang ipailalim ang Diyos sa iyong pagsasaliksik, upang tuksuhin ang Diyos, at kalabanin ang Diyos. Kaya ngayon, ano ang ating nakikita na itinuturo ng kaalaman sa mga tao? Ang lahat ng ito ay pilosopiya ni Satanas. Mayroon bang kaugnayan sa katotohanan ang mga pilosopiya at mga panuntunan ng pamumuhay na ikinakalat ni Satanas sa mga tiwaling tao? Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan at, sa katunayan, ito ay mga kabaliktaran ng katotohanan. Madalas sinasabi ng mga tao na “Ang buhay ay paggalaw” at “Ang tao ay bakal, ang kanin ay bakal, ang tao ay nakakaramdam ng pagkagutom kapag lumalaktaw siya ng pagkain”; ano ang mga kasabihang ito? Ang mga ito ay kasinungalingan at nakakainis ang mga itong marinig. Sa tinaguriang kaalaman ng tao, naglagay si Satanas ng marami-raming pag-iisip at pilosopiya nito sa pamumuhay. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang kanyang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw upang maaaring itanggi ng tao ang pag-iral ng Diyos, itanggi ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at lumalago ang kanyang kaalaman, nararamdaman niyang ang pag-iral ng Diyos ay nagiging malabo at maaari ding makaramdam na hindi na umiiral ang Diyos. Sa pagdaragdag ni Satanas ng mga pananaw, mga kuru-kuro, at mga kaisipan sa isip ng tao, hindi ba’t ginagawang tiwali ang tao sa pamamagitan nito? (Oo.) Ano ang pinagbabatayan ngayon ng tao ng kanyang buhay? Dumedepende ba talaga siya sa kaalamang ito? Hindi; ibinabatay ng tao ang kanyang buhay sa mga kaisipan, pananaw, at pilosopiya ni Satanas na nakakubli sa loob ng kaalamang ito. Dito nagaganap ang pangunahing bahagi ng pagtitiwali ni Satanas; ito ang layon ni Satanas at ang pamamaraan nito upang gawing tiwali ang tao.

Pag-uusapan muna natin ang pinakamababaw na aspeto ng paksang ito. Nagagawa bang tiwali ng gramatika at mga salita sa wika ang mga tao? Magagawa bang tiwali ng mga salita ang mga tao? (Hindi.) Hindi ginagawang tiwali ng mga salita ang mga tao; ang mga ito ay kagamitan na ginagamit ng mga tao na magsalita at kagamitan din sila na ginagamit ng mga tao upang makipag-usap sa Diyos. Dagdag pa rito, ang wika at mga salita ay paraan kung paano nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao ngayon. Ang mga ito ay kagamitan, at sila’y pangangailangan. Ang isa kapag dinagdagan ng isa ay dalawa, at ang dalawa kapag minultiplika sa dalawa ay katumbas ng apat; hindi ba ito kaalaman? Ngunit maaari ka ba nitong gawing tiwali? Ito ay pangkaraniwang kaalaman—ito’y permanenteng tularan—kaya’t hindi nito kayang gawing tiwali ang mga tao. Kung gayon, anong uri ng kaalaman ang gumagawang tiwali sa mga tao? Ang kaalaman na nakakapagpatiwali ay iyong nahaluan ng mga pananaw at kaisipan ni Satanas. Sinisikap ni Satanas na ilagay ang mga pananaw at kaisipang ito sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaalaman. Halimbawa, sa isang sanaysay, walang mali sa nakasulat na mga salita. Ang problema ay nasa mga pananaw at layon ng may-akda noong kanilang isinulat ang sanaysay, pati na rin sa nilalaman ng kanilang mga kaisipan. Ang mga ito ay espirituwal na mga bagay at kayang gawing tiwali ang mga tao. Halimbawa, kung nanonood ka ng palabas sa telebisyon, anong mga bagay rito ang kayang makapagpabago ng pananaw ng mga tao? Iyon bang sinasabi ng mga nagtanghal, ang mismong mga salita, ay maaaring gawing tiwali ang mga tao? (Hindi.) Anong mga bagay ang may kakayanang gawing tiwali ang mga tao? Iyon ay ang mga kaibuturang kaisipan at nilalaman ng palabas, na kumakatawan sa mga pananaw ng direktor. Ang impormasyong taglay ng mga pananaw na ito ay kayang baguhin ang mga puso at isip ng mga tao. Tama ba ito? Ngayon ay alam na ninyo kung ano ang Aking tinutukoy sa Aking pagtalakay ng paggamit ni Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang mga tao. Hindi ka magkakamali ng pang-unawa, tama? Kaya kapag magbabasa kang muli ng isang nobela o isang sanaysay, kaya mo bang suriin kung ginagawang tiwali ang sangkatauhan o nag-aambag sa sangkatauhan ang mga kaisipang inihayag? (Oo, bahagya.) Ito ay isang bagay na kailangang pag-aralan at maranasan nang dahan-dahan, hindi ito bagay na madaling maunawaan kaagad. Halimbawa, kapag nagsasaliksik o pinag-aaralan ang isang larangan ng kaalaman, ang ilang positibong aspeto ng kaalamang iyon ay maaari kang tulungang maintindihan ang pangkalahatang kaalaman tungkol sa larangang iyon, samantalang tinutulungan kayong malaman kung ano ang dapat iwasan ng mga tao. Halimbawa, tingnan natin ang “kuryente”—ito ay isang larangan ng kaalaman, hindi ba? Hindi ka ba mangmang kung hindi mo alam na makukuryente at mapipinsala ng elektrisidad ang tao? Ngunit kapag naunawaan mo ang larangang ito ng kaalaman, hindi ka na magiging walang-ingat sa paghawak ng anumang bagay na may kuryente, at malalaman mo na kung paano gamitin ang kuryente. Ang mga ito ay parehong positibong mga bagay. Nalinawan ka na ba tungkol sa ating tinatalakay kung paanong tinitiwali ng kaalaman ang mga tao? Maraming uri ng kaalaman ang pinag-aaralan sa mundo, at dapat kayong gumugol ng oras upang paghambingin ninyo mismo ang mga ito.

2. Paano Ginagamit ni Satanas ang Siyensiya upang Gawing Tiwali ang Tao

Ano ang siyensiya? Hindi ba ang siyensiya ay tinitingala sa katanyagan sa isip ng lahat at itinuturing na napakalalim? Kapag nababanggit ang siyensiya, hindi ba’t nararamdaman ng mga tao na: “Ito ay isang bagay na hindi maaabot ng mga karaniwang tao; ito ay isang paksang tanging mga siyentipikong mananaliksik o mga eksperto lamang ang makatatalakay; wala itong anumang kinalaman sa ating mga karaniwang tao”? Ngunit mayroon nga ba itong kaugnayan sa mga karaniwang tao? (Oo.) Paano ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang mga tao? Sa ating pagtalakay dito, pag-uusapan lamang natin ang mga bagay na madalas maranasan ng mga tao sa kanilang sariling mga buhay, at isasantabi ang ibang mga bagay. Narinig mo na ba ang tungkol sa “genes”? Pamilyar na kayong lahat sa terminong ito, tama? Hindi ba’t natuklasan ang genes sa pamamagitan ng siyensiya? Ano ba talaga ang kahalagahan ng genes sa mga tao? Hindi ba nito ipinaparamdam sa mga tao na ang katawan ay isang misteryosong bagay? Kapag ang mga tao ay ipinakilala sa paksang ito, hindi ba magkakaroon ng ilan—lalo na iyong mga mausisa—na magnanais na makaalam ng higit pa at ng karagdagan pang mga detalye? Itutuon ng mauusisang ito ang kanilang lakas sa paksang ito at kapag hindi sila okupado, maghahanap sila ng mga impormasyon mula sa mga aklat at mula sa internet upang matuto ng mas marami pang detalye ukol dito. Ano ang siyensiya? Sa madaling sabi, ang siyensiya ay ang mga kaisipan at mga teorya ng mga bagay na inuusisa ng tao, mga bagay na lingid sa kaalaman, at hindi sinabi sa kanila ng Diyos; ang siyensiya ay ang mga kaisipan at mga teorya ng mga misteryo na nais siyasatin ng tao. Ano ang sakop ng siyensiya? Maaari mong sabihin na malawak ito; sinasaliksik at pinag-aaralan ng tao ang lahat ng bagay na interesado siya. Sangkot ang siyensiya sa pananaliksik ng mga detalye at mga batas ng mga bagay na ito at saka pagpapalabas ng mga kapani-paniwalang teoryang nagiging sanhi upang mag-isip ang lahat: “Ang mga siyentipikong ito ay talagang nakamamangha! Napakarami nilang alam, sapat na upang maunawaan ang mga bagay na ito!” Labis ang paghanga nila para sa mga siyentipiko, hindi ba? Anong mga pananaw ang tinataglay ng mga taong nagsasaliksik tungkol sa siyensiya? Hindi ba’t nais nilang saliksikin ang tungkol sa sansinukob, saliksikin ang mga misteryosong bagay sa larangan nila? Ano ang kalalabasan nito? Sa ilang larangan ng siyensiya, binubuo ng mga tao ang kanilang mga konklusyon sa pamamagitan ng haka-haka, at sa iba naman ay umaasa sila sa karanasan ng tao para bumuo ng mga konklusyon. Sa iba pang larangan ng siyensiya, humahantong sa kanilang mga konklusyon ang mga taong ito batay sa obserbasyong pangkasaysayan at pang-kapaligiran. Hindi ba tama ito? Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensiya para sa mga tao? Ang ginagawa ng siyensiya ay pinahihintulutan lamang nito ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo at binibigyang kasiyahan lamang ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito bibigyang kakayanan ang tao na makita ang mga batas na sa pamamagitan ng mga ito’y mayroong kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakakahanap ang tao ng mga kasagutan mula sa siyensiya, ngunit ang mga kasagutang iyon ay nakalilito at nagdadala lamang ng panandaliang kasiyahan, kasiyahan na nagsisilbi lamang na ikulong ang puso ng tao sa pisikal na mundo. Nararamdaman ng tao na nakuha nila ang mga kasagutan mula sa siyensiya, kaya naman anumang usapin ang lumitaw, sinisikap nilang patunayan o tanggapin ito batay sa kanilang mga siyentipikong pananaw. Naangkin na ng siyensiya ang puso ng tao at naaakit nito hanggang hindi na iniintindi ng tao na makilala ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nanggagaling sa Diyos at dapat na sa Kanya maghanap ang tao ng mga kasagutan. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensiya, mas lalo silang nagiging kakatwa, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi nila hinahanap ang Diyos at hindi sila naniniwala na Siya ay umiiral; maging ang ilang tao na sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay hahayo at magsasaliksik tungkol sa bakterya sa isang iglap o maghahanap ng impormasyon para masagot ang isang usapin. Ang taong ganoon ay hindi tumitingin sa mga usapin mula sa perspektibo ng katotohanan at kadalasan ay gusto nilang dumepende sa mga siyentipikong pananaw o kaalaman o mga siyentipikong kasagutan para lutasin ang mga problema; hindi sila dumedepende sa Diyos at hindi nila hinahanap ang Diyos. Taglay ba ng mga taong ganito ang Diyos sa kanilang mga puso? (Hindi.) Mayroon pa ngang ilang tao na gustong saliksikin ang Diyos kung paanong pinag-aaralan nila ang siyensiya. Halimbawa, maraming ekspertong relihiyoso ang nakapunta na sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila na mayroon ngang arko. Ngunit hindi nila nakikita ang pag-iral ng Diyos sa paglitaw ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng pisikal na mundo. Kapag nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagsasabing umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kapamahalaan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensiya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba nito pinahihintulutan ang mga tao na pag-aralan ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao tungkol sa pag-iral ng Diyos? (Oo.) Kung gayon, paano gustong gamitin ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao? Hindi ba gusto ni Satanas na gamitin ang mga konklusyong siyentipiko upang linlangin at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang mga hindi tiyak na kasagutan upang panghawakan ang puso ng mga tao upang hindi na sila maghanap pa o maniwala sa pag-iral ng Diyos? (Oo.) Ito ang dahilan kaya natin sinasabi na ang siyensiya ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.

3. Paano Ginagamit ni Satanas ang Tradisyunal na Kultura upang Gawing Tiwali ang Tao

Marami ba o hindi ang mga bagay na itinuturing na bahagi ng tradisyunal na kultura? (Oo.) Ano ang kahulugan ng “tradisyunal na kulturang” ito? Sinasabi ng ilan na ito ay ipinamana ng mga ninuno—ito ay isang aspeto. Mula sa simula, ang mga pamamaraan ng pamumuhay, mga kaugalian, mga kasabihan, at mga alituntunin ay naipamana sa loob ng mga pamilya, mga katutubong grupo at maging sa buong lahi ng sangkatauhan, at naitanim na sa kaisipan ng mga tao ang mga ito. Itinuturing ng mga tao na hindi maaaring mawala sa kanilang buhay ang mga ito at tinatanggap nila bilang mga alituntunin, na sinusunod ang mga ito na para bang sila ay buhay mismo. Sa katunayan, ayaw pa nga nilang magbago o pabayaan ang mga bagay na ito, dahil ipinamana sila ng kanilang mga ninuno. Mayroong iba pang mga aspeto ng tradisyunal na kultura, kagaya ng ipinamana ni Confucius o Mencius, o ang mga bagay na itinuro sa mga tao ng Taoismong Tsino at Confucianismo na naging bahagi ng bawat tao na tagos hanggang sa kanilang mga buto. Hindi ba ito tama? Ano ang saklaw ng tradisyunal na kultura? Kasama ba rito ang mga kapistahan na ipinagdiriwang ng mga tao? Halimbawa, ang Pagdiriwang ng Tagsibol, ang Kapistahan ng mga Parol, Araw ng Paglilinis ng Puntod, ang Pista ng Bangkang Dragon, gayundin ang Kapistahan ng mga Multo at Pagdiriwang ng Kalagitnaan ng Taglagas. Ang ilang pamilya ay nagdiriwang pa nga kapag ang mga nakatatanda ay dumating na ng isang tiyak na edad, o kapag ang mga bata ay nakaabot na ng isang buwan o 100-araw na gulang. At marami pa. Ang lahat ng ito ay tradisyunal na mga kapistahan. Hindi ba ang mga batayan ng mga kapistahang ito ay tradisyunal na kultura? Ano ang kaibuturan ng tradisyunal na kultura? Mayroon ba itong anumang kaugnayan sa pagsamba sa Diyos? Mayroon ba itong anumang kinalaman sa pagsasabi sa mga tao na isagawa ang katotohanan? Mayroon bang anumang mga kapistahan para sa mga tao upang mag-alay ng sakripisyo sa Diyos, magtungo sa altar ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga turo? Mayroon bang ganitong mga kapistahan? (Wala.) Ano ang ginagawa ng mga tao sa lahat ng mga kapistahang ito? Sa modernong panahon, ang mga ito ay nakikita bilang mga okasyon para sa pagkain, pag-inom, at kasiyahan. Ano ang pinagmumulan sa likod ng tradisyunal na kultura? Kanino nanggaling ang tradisyunal na kultura? (Kay Satanas.) Ito ay mula kay Satanas. Sa likod ng mga tradisyunal na kapistahang ito, itinatanim ni Satanas ang mga bagay sa tao. Ano ang mga bagay na ito? Ang pagtitiyak na natatandaan ng mga tao ang kanilang mga ninuno—ito ba ay isa sa mga ito? Halimbawa, sa Araw ng Paglilinis ng Puntod, naglilinis ang mga tao ng mga nitso at nag-aalay ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno, upang hindi malimutan ang kanilang mga ninuno. Dagdag pa rito, sinisiguro ni Satanas na naaalala ng mga tao na maging makabayan, halimbawa na ang Pista ng Bangkang Dragon. Ano naman ang sa Pagdiriwang ng Kalagitnaan ng Taglagas? (Mga muling pagsasama-sama ng pamilya.) Ano ang karanasan sa likod ng mga pagsasama-sama ng pamilya? Ano ang dahilan para dito? Ito ay upang makisalamuha at para sa emosyonal na pakikipag-ugnayan. Siyempre, maging ito man ay pagdiriwang ng Bagong Taon ng mga Tsino o ng Kapistahan ng mga Parol, maraming paraan ng paglalarawan ng mga dahilan sa likod ng mga pagdiriwang na ito. Paano man inilalarawan ang mga dahilan na iyon, ang bawat isa ay siyang paraan ni Satanas ng pagtatanim ng pilosopiya nito at ng pag-iisip nito sa mga tao, upang lumayo sila sa Diyos at hindi na malaman na mayroong Diyos, at mag-alay sila ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno o kay Satanas, o kumain, uminom, at magsaya para sa kapakanan ng pagnanasa ng laman. Habang ipinagdiriwang ang bawat isa sa mga kapistahang ito, ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas ay natatanim nang malalim sa isip ng mga tao na hindi nila nalalaman. Kapag dumating ang mga tao sa mga edad na apatnapu, limampu o higit pa, ang mga kaisipang ito at ang mga pananaw ni Satanas ay nakaugat na nang malalim sa kanilang mga puso. Higit pa rito, ginagawa ng mga tao ang lahat ng magagawa nila upang maibahagi ang mga ideyang ito, maging tama man ito o mali, papunta sa susunod na henerasyon nang walang pasubali, nang walang pag-aatubili. Tama ba ito? (Oo.) Paanong ginagawang tiwali ang mga tao ng tradisyunal na kultura at ng mga kapistahang ito? Alam ba ninyo? (Nakukulong ang mga tao at napipigilan ng mga alituntunin ng mga tradisyong ito hanggang wala na silang oras o lakas na hanapin ang Diyos.) Ito ay isang aspeto. Halimbawa, nagdiriwang ang lahat sa Bagong Taon ng mga Tsino—kung hindi mo ito ipinagdiwang, di ba’t malulungkot ka? Mayroon bang mga pamahiin na pinanghahawakan mo sa iyong puso? Hindi mo ba mararamdamang, “Hindi ako nagdiwang ng Bagong Taon, at dahil ang Bagong Taon ng mga Tsino ay hindi kanais-nais na araw para sa akin, hindi ba’t ang buong taon na ito ay hindi magiging maganda”? Hindi ba’t sasama ang pakiramdam mo at medyo matatakot? Mayroon pa ngang ilang tao na hindi nakagawa ng mga sakripisyo sa kanilang mga ninuno sa loob ng ilang taon at bigla silang nagkaroon ng panaginip kung saan ang isang namatay nang tao ay humihingi sa kanila ng salapi. Ano ang mararamdaman nila? “Nakakalungkot na ang namayapang taong ito ay nangangailangan ng salapi para gastusin! Magsusunog ako ng pera ng espiritu para sa kanila. Kapag hindi ko ginawa ito, hindi iyon magiging tama. Maaaring magdulot ng kaguluhan para sa ating nabubuhay—sino ang makapagsasabi kung kailan aatake ang trahedya?” Palagi silang magkakaroon ng ganitong maliit na ulap ng takot at pangamba sa kanilang mga puso. Sino ang nagbibigay sa kanila ng pangambang ito? (Si Satanas.) Si Satanas ang pinagmumulan ng pag-aalalang ito. Hindi ba ito ang isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? Gumagamit ito ng iba’t ibang pamamaraan at dahilan upang pigilan ka, upang takutin ka, at upang igapos ka, hanggang mahuhulog ka sa kalituhan at padadaig at magpapasakop dito; ganito ginagawang tiwali ni Satanas ang tao. Kadalasan, kapag ang mga tao ay mahina o kapag hindi sila lubusang may kamalayan sa sitwasyon, maaari silang gumawa ng isang bagay na hindi sinasadya sa isang paraang mangmang, iyon ay, walang-malay silang mahuhulog sa galamay ni Satanas at maaari rin silang gumawa ng isang bagay na hindi nila sinasadya at hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Ito ang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Mayroon pa ngang ilang tao ngayon na nag-aatubiling humiwalay sa naka-ugat nang tradisyunal na kultura, na sadyang hindi kayang isuko ito. Ito ay lalo na kapag sila ay nanghihina at walang kibo kaya’t nais nilang ipagdiwang ang ganitong mga uri ng kapistahan at nais nilang makadaupang-palad si Satanas at pasayahing muli si Satanas, upang aliwin ang kanilang mga puso. Ano ang nasa likod ng tradisyunal na kultura? Hinihila ba ng itim na kamay ni Satanas ang mga tali sa likod ng mga pangyayari? Ang masamang likas ba ni Satanas ay nagmamanipula at pumipigil sa mga bagay? Pinangingibabawan ba ni Satanas ang lahat ng bagay na ito? (Oo.) Kapag naninirahan ang mga tao sa isang tradisyunal na kultura at nagdiriwang ng ganitong mga uri ng tradisyunal na kapistahan, maaari ba nating sabihin na ito ay isang kapaligiran kung saan sila ay nililinlang at ginagawang tiwali ni Satanas, at dagdag pa rito, na sila ay masaya na malinlang at gawing tiwali ni Satanas? (Oo.) Ito ay isang bagay na kinikilala ninyong lahat, na alam ninyong lahat.

4. Paano Gumagamit si Satanas ng Pamahiin upang Gawing Tiwali ang Tao

Pamilyar kayo sa terminong “pamahiin,” tama? Mayroong ilang kaugnayan sa pagitan ng pamahiin at ng tradisyunal na kultura, ngunit hindi natin pag-uusapan ang tungkol doon ngayon. Sa halip, Aking tatalakayin ang pinakamadalas na maranasang mga anyo ng pamahiin: pagpropesiya, panghuhula ng kapalaran, pagsusunog ng insenso, at pagsamba kay Buddha. Ang ilang tao ay nagsasagawa ng pagpropesiya, ang iba ay sumasamba kay Buddha at nagsusunog ng insenso, habang ang iba ay nagpapabasa ng kanilang mga kapalaran o nagpapahula ng kanilang mga kapalaran sa pamamagitan ng pagpayag sa isang tao na basahin ang mga katangian ng kanilang mukha. Ilan sa inyo ang nagpabasa na ng inyong mga kapalaran o nagpabasa ng mukha? Ito ay isang bagay na maraming tao ang interesado, tama? (Oo.) Bakit? Anong uri ng benepisyo ang nakukuha ng mga tao mula sa pagpapahula ng kapalaran at pagpropesiya? Anong uri ng kasiyahan ang kanilang nakukuha mula rito? (Pagkamausisa.) Ito ba ay pagkamausisa lamang? Hindi kailangang ito lamang, sang-ayon sa nakikita Ko. Ano ang layon ng pagpropesiya at pagbasa ng kapalaran? Bakit ito ginagawa? Hindi ba ito ay upang makita ang hinaharap? Ang ilang tao ay ipinapabasa ang kanilang mukha upang hulaan ang hinaharap, ang iba ay ginagawa ito upang makita kung magkakaroon sila ng magandang kapalaran o hindi. Ang ilang tao ay ginagawa ito upang makita kung anong uri ng pag-aasawa magkakaroon sila, at ang iba pa nga ay ginagawa ito upang makita kung anong suwerte ang dadalhin ng kasunod na taon. Ang ilang tao ay ipinapabasa ang kanilang mga mukha upang makita kung ano ang magiging mga pag-asam nila at ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae, at ang ilang negosyante ay ginagawa ito upang makita kung gaano karaming pera ang kanilang kikitain, na hinahangad ang gabay ng mga nagbabasa ng mukha sa kung ano ang kanilang dapat gawin. Kung gayon, ito ba ay ginagawa upang bigyang-kasiyahan lamang ang pagkamausisa? Kapag ipinababasa ng mga tao ang kanilang mukha o gumagawa ng ganitong uri ng mga bagay, ito ay para sa kanilang pansariling kapakanan para sa kinabukasan; naniniwala sila na lahat ng ito ay may malapit na kaugnayan sa kanilang sariling kapalaran. Kapaki-pakinabang ba ang alinman sa mga bagay na ito? (Hindi.) Bakit hindi ito kapaki-pakinabang? Hindi ba magandang bagay na matuto ng kaunti sa pamamagitan ng mga bagay na ito? Tinutulungan ka ng mga gawing ito na malaman kung kailan maaaring magkaroon ng kaguluhan, kaya kung matuto ka tungkol sa mga kaguluhang ito bago sila mangyari, hindi ba’t maaari mo silang iwasan? Kung magpapahula ka, maaaring ituro sa iyo kung paano mahanap ang tamang daan palabas sa kalituhan, upang suwertehin sa susunod na taon at magkamit ng malaking kayamanan sa pagpapatakbo ng negosyo mo. Makakatulong ba iyon o hindi? Makakatulong man iyon o hindi ay walang kaugnayan sa atin, at hindi kasama sa ating pagbabahagi ngayon ang paksang ito. Paano gumagamit si Satanas ng pamahiin upang gawing tiwali ang tao? Nais ng mga tao na malaman ang tungkol sa kanilang kapalaran, kaya’t sinasamantala ni Satanas ang kanilang pagkamausisa upang akitin sila. Nakikisangkot ang mga tao sa propesiya, pagbabasa ng mukha, at panghuhula ng kapalaran upang malaman nila kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap at kung ano ang hitsura ng daan paroon. Ngunit sa huli, nasa kaninong mga kamay ang tadhana at hinaharap na pinagkakaabalahan ng mga tao? (Sa mga kamay ng Diyos.) Ang lahat ng mga bagay na ito ay nasa kamay ng Diyos. Sa paggamit ng mga pamamaraang ito, ano ang gusto ni Satanas na ipabatid sa mga tao? Nais ni Satanas na gamitin ang pagbabasa ng mukha at panghuhula ng kapalaran upang sabihin sa mga tao na alam nito ang kanilang kapalaran sa hinaharap, at hindi lang alam nito ang mga ganitong bagay kundi mayroon siyang kapangyarihan sa mga ito. Gustong samantalahin ni Satanas ang oportunidad na ito at gamitin ang mga pamamaraang ito upang kontrolin ang mga tao, kaya ang mga tao ay naglalagay ng bulag na paniniwala rito at sinusunod ang bawat salita nito. Halimbawa, kung nagpabasa ka ng iyong mukha, kung ipinikit ng manghuhula ang kanyang mga mata at sasabihin sa iyo ang lahat na nangyari sa iyo sa mga nakalipas na dekada na may perpektong kalinawan, ano ang mararamdaman mo sa iyong kalooban? Bigla mong mararamdaman na, “Napaka-eksakto niya! Hindi ko kailanman ipinagsabi ang aking nakaraan sa kahit kanino, paano niya nalaman ang tungkol dito? Talagang hinahangaan ko ang manghuhulang ito!” Para kay Satanas, hindi ba napakadali ang malaman ang iyong nakaraan? Inaakay ka ng Diyos kung nasaan ka ngayon, at sa buong panahon na iyon ay ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at sinusundan ka. Ang paglipas ng mga dekada ng iyong buhay ay wala lang kay Satanas at hindi mahirap para kay Satanas na malaman ang mga bagay na ito. Kapag nalaman mo na ang lahat ng sinasabi ni Satanas ay tumpak, hindi mo ba ibinibigay ang puso mo rito? Hindi ka ba umaasa dito na panghawakan ang iyong kinabukasan at kapalaran? Sa isang iglap, ang iyong puso ay makakaramdam ng kaunting respeto o paggalang para rito, at para sa ilang tao, ang kanilang mga kaluluwa ay maaaring nanakaw na nito palayo. At iyong tatanungin kaagad ang manghuhula: “Ano ang dapat kong gawing kasunod? Ano ang dapat kong iwasang gawin sa susunod na taon? Anong mga bagay ang hindi ko dapat gawin?” At pagkatapos, sasabihin niya, “Hindi ka dapat pumunta riyan, hindi mo dapat gawin ito, huwag magsuot ng mga damit na may isang partikular na kulay, dapat bawasan mong magpunta roon sa mga lugar na iyon, dapat mong gawin nang mas madalas ang ilang bagay….” Hindi mo ba kaagad tatanggapin sa iyong puso ang lahat ng kanyang sinasabi? Makakabisa mo ang kanyang mga salita nang mas mabilis kaysa sa salita ng Diyos. Bakit mo ito makakabisa nang mabilis? Dahil gusto mo na dumepende kay Satanas para sa suwerte. Hindi ba ganito kapag sinasakmal niya ang iyong puso? Kapag sunud-sunod na nagkakatotoo ang mga salita nito, hindi mo ba gugustuhing bumalik dito upang malaman kung anong suwerte ang dadalhin ng susunod na taon? (Oo.) Gagawin mo ang kahit anong sabihin ni Satanas na gawin mo at iiwasan mo ang mga sinasabi nitong iwasan. Sa ganitong paraan, hindi mo ba sinusunod ang lahat ng sinasabi nito? Dali-dali, mahuhulog ka sa yakap nito, malilinlang, at mapapasailalim sa pagpigil nito. Nangyayari ito dahil pinaniniwalaan mo na ang mga sinasabi nito ay ang katotohanan at dahil pinaniniwalaan mong alam niya ang tungkol sa iyong mga dating buhay, ang iyong buhay sa kasalukuyan, at kung ano ang dadalhin ng hinaharap. Ito ang pamamaraang ginagamit ni Satanas upang makontrol ang mga tao. Ngunit sa realidad, sino ang tunay na mayroong kontrol? Ang Diyos Mismo ang may kontrol, hindi si Satanas. Gumagamit lamang si Satanas ng mga matalinong pandaraya sa pagkakataong ito upang linlangin ang mga ignoranteng tao, linlangin ang mga tao na nakikita lamang ang pisikal na mundo, patungo sa paniniwala at pagdepende dito. At saka sila mahuhulog sa galamay ni Satanas at susundin ang bawat salita nito. Ngunit niluluwagan ba ni Satanas ang hawak nito kapag gusto ng mga tao na maniwala at sumunod sa Diyos? Hindi pumapayag si Satanas. Sa ganitong sitwasyon, ang mga tao ba ay talagang nahuhulog sa galamay ni Satanas? (Oo.) Maaari ba nating sabihin na ang kaugalian ni Satanas sa ganitong usapan ay talagang walang-hiya? (Oo.) Bakit natin masasabi iyon? Dahil ang mga ito ay huwad at mapanlinlang na mga taktika ni Satanas. Walang-hiya si Satanas at nililigaw ang mga tao sa pag-iisip na ito ang kumokontrol ng lahat ng bagay sa kanilang buhay pati na sa kanilang kapalaran. Dahil dito ang mga taong mangmang ay lubusang sumusunod dito. Nalilinlang sila sa iilang kataga lamang. Sa kanilang pagkalito, yumuyuko ang mga tao sa harap nito. Kung gayon, anong uri ng mga pamamaraan ang ginagamit ni Satanas, ano ang sinasabi nito upang mahimok ka na maniwala rito? Halimbawa, maaaring hindi mo nasabi kay Satanas kung ilan ang miyembro ng iyong pamilya, ngunit maaari nitong sabihin kung ilang tao ang miyembro ng iyong pamilya, pati ang mga edad ng iyong mga magulang at mga anak. Bagama’t mayroon kang mga hinala at mga pagdududa kay Satanas bago ito, hindi mo ba mararamdaman na ito ay medyo kapani-paniwala matapos marinig itong sinasabi ang mga bagay na ito? Maaari ring sabihin ni Satanas kung gaano ka nahihirapan sa trabaho mo kamakailan, na ang iyong mga pinuno ay hindi nagbibigay sa iyo ng pagkilala na dapat para sa iyo at lagi kang kinokontra, at iba pa. Matapos marinig iyon, iisipin mo, “Tamang tama iyan! Hindi nga maayos ang lahat sa trabaho.” Kaya lalo kang maniniwala kay Satanas. At pagkatapos ay magsasabi ito ng ilang bagay upang linlangin ka, papaniwalain ka lalo rito. Paunti-unti, matatagpuan mo ang iyong sarili na walang kakayahang tanggihan o maging mapaghinala pa tungkol dito. Gumagamit lamang si Satanas ng ilang walang kuwentang mga panlalansi, maging ng maliliit na mababaw na panlalansi, upang lituhin ka. Habang nalilito ka, hindi mo makukuhang mag-isip nang maayos, mawawala ka sa iyong mga ginagawa, at magsisimula kang sumunod sa sinasabi ni Satanas. Ito ang “napakahusay” na pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao kung saan hindi sinasadyang nahuhulog ka sa patibong nito at naaakit nito. Nagsasabi sa iyo si Satanas ng ilang bagay na iniisip ng mga tao na mabubuti, at saka sasabihin sa iyo nito kung ano ang gagawin at ano ang dapat iwasan. Sa ganitong paraan ka nalilinlang na hindi mo nalalaman. Sa oras na mahulog ka rito, magiging mahirap na para sa iyo; parati kang mag-iisip tungkol sa sinabi ni Satanas at ano ang sinabi nitong gawin mo, at hindi mo namamalayang nasasapian ka na nito. Bakit ganoon? Ito ay dahil nagkukulang ang sangkatauhan sa katotohanan at kaya naman hindi nila kayang lumaban sa panunukso at pang-aakit ni Satanas. Nahaharap sa kasamaan ni Satanas at panlilinlang, pagtataksil, at malisya nito, napaka-mangmang ng sangkatauhan, napakamura ng isip at mahina, tama? Hindi ba ito ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao? (Oo.) Ang tao ay nalilinlang at naiisahan, paunti-unti, nang hindi nila nalalaman, sa pamamagitan ng iba’t ibang mga pamamaraan ni Satanas, dahil nagkukulang sila sa kakayahang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at ng negatibo. Nagkukulang sila sa ganitong tayog, at ang kakayahang mapagtagumpayan si Satanas.

5. Paano Ginagamit ni Satanas ang mga Kalakarang Panlipunan upang Gawing Tiwali ang Tao

Kailan nagsimula ang mga kalakarang panlipunan? Ang mga ito ba ay bagong pangyayari? Maaaring sabihin na ang mga kalakarang panlipunan ay nauso noong nagsimula na si Satanas na gawing tiwali ang mga tao. Ano ang saklaw ng mga kalakarang panlipunan? (Estilo ng pananamit at makeup.) Ito ay mga bagay na madalas maranasan ng mga tao. Ang estilo ng pananamit, moda, at mga kalakaran—ang mga ito ay binubuo ang isang maliit na aspeto. Mayroon pa bang iba? Ang mga sikat na kasabihan bang madalas na inilalabas ng mga tao ay kasama rin? Ang mga estilo ba ng pamumuhay na ninanasa ng mga tao ay kasama? Ang mga bituin sa musika, mga sikat na personalidad, mga magasin, at mga nobela na gusto ng mga tao ay kasama ba? (Oo.) Sa inyong isip, anong aspeto ng mga kalakarang panlipunan ang kayang gawing tiwali ang tao? Alin sa mga kalakarang ito ang pinaka-nakakaakit sa inyo? Sinasabi ng ilan: “Lahat tayo ay narating na ang partikular na edad, tayo ay nasa edad na limampu, animnapu, pitumpu, o walumpu, at hindi na natin kayang makibagay sa mga kalakarang ito at hindi na naaakit ang ating pansin ng mga ito.” Tama ba ito? Sinasabi ng iba: “Hindi namin sinusundan ang mga sikat na personalidad, iyon ay isang bagay na ginagawa lamang ng mga kabataan sa kanilang edad na dalawampu, hindi rin kami nagsusuot ng mga kasuotang sunod sa moda, iyon ay isang bagay na ginagawa ng mga mapag-alala sa kanilang imahe.” Kung gayon, alin sa mga ito ang kayang makapagpatiwali sa inyo? (Mga popular na kasabihan.) Kaya ba ng mga kasabihang ito na gawing tiwali ang mga tao? Ito ang isa, at tingnan ninyo kung kaya nitong gawing tiwali ang mga tao o hindi: “Pera ang nagpapaikot sa mundo”; ito ba ay isang kalakaran? Hindi ba ito mas masahol pa kumpara sa mga kalakaran sa moda at masasarap na pagkain na inyong binanggit? “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” ito ay pilosopiya ni Satanas at nangingibabaw sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao. Maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao. Mula pa sa panimula, hindi tinanggap ng mga tao ang kasabihang ito, ngunit binigyan nila ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan, tama? Gaano man karaming karanasan mayroon ang isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Paano bibigyang kahulugan ang bagay na itong nahayag? Ito’y pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Kaya naman matapos gamitin ni Satanas ang kalakarang ito upang gawing tiwali ang mga tao, paano ito nakikita sa kanila? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang mamuhay sa mundong ito nang walang salapi, na kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at katapatan sa paghahanap ng mas maraming salapi? Higit pa rito, hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa kapakanan ng salapi? Hindi ba ito kawalan para sa mga tao? (Oo.) Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao nang gayon? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, mahuhulog nang buo ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay hindi sinasadya kang namumuhay sa kasabihan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang itaguyod ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang kalabanin ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, gaano mo man mapagtanto ang lalim at kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos para sa iyo, mananatili ka pa ring sutil sa pagsunod sa sarili mong landas at magbabayad para sa kasabihang ito. Ibig sabihin, pinapangunahan na ng kasabihang ito ang iyong pag-uugali at ang iyong mga kaisipan, at mas gugustuhin mong pangunahan nito ang iyong kapalaran kaysa isuko itong lahat. Hindi ba’t inilalarawan ng pagkilos ng mga tao sa ganitong paraan, na sila ay pinangungunahan ng kasabihang ito at namamanipula nito, na mabisa ang ginagawa ni Satanas na pagpapatiwali sa mga tao? Hindi ba ito ang pag-uugat sa iyong puso ng pilosopiya at tiwaling disposisyon ni Satanas? Kung gagawin mo ito, hindi ba natamo na ni Satanas ang kanyang layunin? (Oo.) Nakikita mo ba kung paano nagawang tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan? Mararamdaman mo ba ito? (Hindi.) Hindi mo ito nakita o naramdaman. Nakikita mo ba rito ang kasamaan ni Satanas? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas para labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ginagawa ni Satanas na tanggapin mo ang mga kaisipan nito, mga pananaw nito, at ang mga masamang bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na wala kang alam at kapag wala kang pagkilala sa kung ano ang nangyayari sa iyo. Buong tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ito ang paraan kung paano lumalalim nang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.

Ginagamit ni Satanas ang ilang pamamaraan na ito upang gawing tiwali ang tao. Mayroong kaalaman at pag-unawa ang tao sa ilang prinsipyong siyentipiko, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng tradisyunal na kultura, at ang bawat tao ay tagapagmana at tagapagkalat ng tradisyunal na kultura. Tiyak na ipagpapatuloy ng tao ang tradisyunal na kultura na ibinigay sa kanya ni Satanas, at sumasang-ayon ang tao sa mga kalakarang panlipunan na ibinibigay ni Satanas sa sangkatauhan. Ang tao ay di-maihihiwalay kay Satanas, nakikiisa sa lahat ng ginagawa ni Satanas sa lahat ng oras, tinatanggap ang kasamaan, panlilinlang, malisya, at pagmamataas nito. Noong taglayin ng tao ang mga disposisyon na ito ni Satanas, naging masaya ba siya o namimighati sa paninirahan sa gitna ng tiwaling sangkatauhan? (Namimighati.) Bakit mo sinasabi ito? (Dahil ang tao ay naitali at pinipigilan ng mga tiwaling bagay na ito, nabubuhay siya sa kasalanan at nilamon ng isang mahirap na pakikipagpunyagi.) Ang ilang tao ay nagsusuot ng salamin, na nag-aanyong marunong; maaaring magaling sila magsalita, na may kahusayan at katuwiran, at dahil marami na silang pinagdaanan; maaaring may karanasan at kakayahan sila. Maaari silang magsalita nang detalyado tungkol sa mga bagay na malalaki at maliliit; at maaari din nilang tiyakin ang katotohanan at katuwiran ng mga bagay. Maaaring tumingin ang mga tao sa kaugalian at kaanyuan ng mga taong ito, gayundin sa kanilang karakter, pagkatao, pagkilos, at iba pa, at hindi makahanap ng kamalian sa kanila. Ang mga taong gaya nito ay partikular na nakikiuso sa mga kasalukuyang kalakarang panlipunan. Kahit na maaaring mas matanda ang mga taong ito, hindi sila kailanman nahuli sa mga uso at hindi sila kailanman napakatanda para matuto. Sa panlabas na anyo, walang makakahanap ng kamalian sa ganitong tao, ngunit hanggang sa diwa sa loob nila ay lubusan at ganap na silang ginawang tiwali ni Satanas. Bagama’t walang panlabas na kamaliang makita sa mga taong ito, bagama’t sa panlabas sila ay banayad, pino, nagtataglay ng kaalaman at tiyak na moralidad, at mayroon silang katapatan, at hindi sila nahuhuli sa mga kabataan pagdating sa kaalaman, gayunman, kaugnay ng kanilang kalikasang diwa, ang mga taong ganito ay buo at nabubuhay na modelo ni Satanas; sila ay kapilas ni Satanas. Ito ang “bunga” ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Ang Aking mga sinabi ay maaaring maging masakit para sa inyo, ngunit totoo ang lahat ng ito. Ang kaalamang pinag-aaralan ng tao, ang siyensiyang kanyang nauunawaan, at ang paraang kanyang pinipili para makibagay sa mga kalakarang panlipunan ay walang pagsalang mga kagamitan ng pagtitiwali ni Satanas. Talagang totoo ito. Kung gayon, nabubuhay ang tao sa loob ng isang disposisyon na ginawang ganap na tiwali ni Satanas, at walang paraan ang tao na malaman kung ano ang kabanalan ng Diyos o ano ang diwa ng Diyos. Ito ay dahil sa panlabas na anyo, hindi ka makakahanap ng mali sa mga pamamaraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao; hindi mo masasabi mula sa ikinikilos ng isang tao na may anumang kakaiba. Ang lahat ay nagpapatuloy sa kanilang mga trabaho nang normal at namumuhay nang normal; nagbabasa sila ng mga libro at mga diyaryo nang normal, nag-aaral at nagsasalita sila nang normal. Ang ilan pa nga ay natuto ng moralidad at magandang magsalita, maunawain, palakaibigan, matulungin, mapagbigay, at hindi nakikipag-away tungkol sa maliliit na bagay o nanamantala ng ibang tao. Gayunpaman, ang kanilang mga tiwali at mala-Satanas na disposisyon ay nakaugat nang malalim sa kanilang kaibuturan at ang ganitong diwa ay hindi kayang baguhin sa pamamagitan ng pagdepende sa panlabas na gawa. Hindi kaya ng tao na malaman ang kabanalan ng Diyos dahil sa diwang ito, at kahit na ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay pinahayag sa tao, hindi ito sineseryoso ng tao. Ito ay dahil sa tuluyan nang naangkin ni Satanas ang mga nararamdaman, mga ideya, mga pananaw, at mga kaisipan ng tao sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Ang pagkaangkin at katiwaliang ito ay hindi pansamantala o paminsan-minsan, kundi ito ay umiiral kahit saan at sa lahat ng oras. Kung gayon, maraming tao na naniniwala sa Diyos sa loob ng tatlo o apat na taon—kahit pa lima o anim na taon—ang kumakapit pa rin sa mga masasamang kaisipan, pananaw, lohika, at pilosopiya na naitanim sa kanila ni Satanas na para bang may hawak silang kayamanan, at hindi nila mabitawan. Dahil tinanggap ng tao ang masama, hambog, at malisyosong mga bagay mula sa likas ni Satanas, hindi maiiwasang magkaroon ng mga salungatan, pagtatalo at hindi pagkakatugma, na siyang nilikha bilang resulta ng mapagmataas na likas ni Satanas. Kung nagbigay si Satanas sa sangkatauhan ng mga positibong bagay—halimbawa, kung ang Confucianismo at Taoismo ng tradisyunal na kultura na tinanggap ng tao ay mabubuting bagay—magkakasundo dapat ang magkakaparehong uri ng tao matapos tanggapin ang mga bagay na iyon. Kung gayon, bakit kaya may malaking pagkakahati sa pagitan ng mga tao na tumanggap ng magkakaparehong bagay? Bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga bagay na ito ay nagmula kay Satanas at lumilikha si Satanas ng pagkakahati sa pagitan ng mga tao. Ang mga bagay na ibinibigay ni Satanas, kahit pa mukhang may dignidad o dakila ang mga iyon sa panlabas, ay dinadala pa rin sa tao at pinalalabas sa tao ang kayabangan, at walang iba kung hindi ang panlilinlang ng masamang likas ni Satanas. Hindi ba tama iyon? Ang isang tao na kayang magpanggap, na nagtataglay ng kayamanan ng kaalaman, o mayroong magandang pagpapalaki ay mahihirapan pa ring itago ang kanyang mala-Satanas na tiwaling disposisyon. Ibig sabihin, ilang beses mang ikubli ng taong ito ang kanyang sarili, kahit na iniisip mo siya bilang santo, o kung naisip mo na siya ay perpekto, o kung naisip mo na siya ay isang anghel, gaano man inakala mong siya ay dalisay, ano ang kanyang buhay sa likod ng mga eksenang ito? Anong diwa ang makikita mo sa pahayag ng kanyang disposisyon? Walang duda na makikita mo ang masamang likas ni Satanas. Maaari ba itong masabi? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may kilala kayong isang tao na malapit sa inyo na inakala ninyo na isang mabuting tao, marahil isang tao na inyong inidolo. Sa inyong kasalukuyang tayog, ano ang inyong tingin sa kanya? Una, tinitingnan mo kung mayroong pagkatao ang ganitong uri ng tao o wala, kung siya ay matapat, kung siya ay may tunay na pag-ibig para sa mga tao, kung ang kanyang mga salita at gawa ay nakakapagbigay benepisyo at nakatutulong sa iba. (Hindi.) Ang tinaguriang kabaitan, pag-ibig, o kabutihan na naibubunyag niya, ano ba talaga ito? Ang lahat ng ito ay huwad, ang lahat ng ito ay panlabas lamang. Sa likod ng mga eksenang panlabas na ito ay may isang natatagong masamang layon: Ito ay upang ang taong iyon ay hangaan at idolohin. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? (Oo.)

Ano ang idinudulot sa sangkatauhan ng mga pamamaraang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao? Mayroon bang anumang positibong idinudulot ang mga ito? Una, kaya bang makita ng tao ang pagkakaiba ng mabuti at masama? Masasabi mo ba na sa mundong ito, maging ito man ay isang sikat o dakilang tao, o isang magasin o iba pang lathalain, tumpak ba ang ginagamit nilang mga pamantayan upang sabihing ang isang bagay ay mabuti o masama, at tama o mali? Patas ba ang kanilang pagtimbang sa mga pangyayari at mga tao? Mayroon bang katotohanan dito? Ang mundo bang ito, ang sangkatauhang ito, ay tumitimbang sa mga positibo at mga negatibong bagay batay sa pamantayan ng katotohanan? (Hindi.) Bakit walang ganoong kakayahan ang mga tao? Pinag-aralan na ng mga tao ang napakaraming kaalaman at marami nang alam tungkol sa siyensiya, kaya’t marami na silang kakayahan, hindi ba? Kaya bakit hindi nila kayang makita ang pagkakaiba ng mga positibo at mga negatibong bagay? Bakit ganoon? (Dahil walang taglay na katotohanan ang mga tao; ang siyensiya at kaalaman ay hindi katotohanan.) Ang lahat ng dinadala ni Satanas sa sangkatauhan ay masama, tiwali at walang katotohanan, buhay, at ang daan. Sa kasamaan at katiwaliang dinadala ni Satanas sa tao, masasabi mo bang mayroong pag-ibig si Satanas? Masasabi mo bang may pag-ibig ang tao? Maaaring sabihin ng ilang tao: “Mali ka, maraming tao sa buong mundo na tumutulong sa mga mahihirap o mga walang tirahan. Hindi ba mabubuting tao ang mga iyon? Mayroon ding mga organisasyong pangkawanggawa na gumagawa ng mabubuting gawain; hindi ba mabuting gawain ang kanilang ginagawa?” Ano ang masasabi mo tungkol doon? Gumagamit si Satanas ng maraming iba’t ibang pamamaraan at teorya upang gawing tiwali ang tao; ang katiwalian bang ito ng tao ay isang malabong konsepto? Hindi, ito ay hindi malabo. Gumagawa rin si Satanas ng ilang praktikal na bagay, at ito ay nagtataguyod din ng isang pananaw o teorya sa mundong ito at sa lipunan. Sa bawat dinastiya at sa bawat kapanahunan, ito ay nagtataguyod ng isang teorya at nagtatanim ng mga kaisipan sa mga tao. Ang mga kaisipan at teoryang ito ay unti-unting nag-uugat sa puso ng mga tao, at pagkatapos ay nagsisimula ang mga tao na mamuhay ayon sa mga ito. Sa oras na nagsimula na silang mamuhay ayon sa mga ganitong bagay, hindi ba sila nagiging si Satanas nang hindi nila alam? Hindi ba ang mga tao ay nagiging kaisa ni Satanas? Kapag ang mga tao ay naging kaisa na ni Satanas, ano ang kanilang nagiging ugali tungo sa Diyos sa katapusan? Hindi ba iyon kapareho ng ugali na mayroon si Satanas tungo sa Diyos? Walang sinuman ang nangangahas na aminin ito, tama? Nakakatakot ito! Bakit Ko sinasabing ang likas ni Satanas ay masama? Hindi Ko ito sinasabi nang walang basehan; bagkus, ang likas ni Satanas ay natutukoy at nasusuri batay sa kung ano ang ginawa nito at sa mga bagay na ibinunyag nito. Kung sinabi Ko lamang na si Satanas ay masama, ano ang inyong iisipin? Iisipin ninyo, “Halata namang si Satanas ay masama.” Kaya tatanungin kita: “Anong mga aspeto ni Satanas ang masama?” Kung iyong sasabihing: “Ang paglaban ni Satanas sa Diyos ay masama,” hindi ka pa rin magsasalita nang may kalinawan. Ngayong nasabi Ko na ang mga tiyak na bagay sa ganitong paraan, mayroon ba kayong pagkaunawa tungkol sa tiyak na nilalaman ng diwa ng kasamaan ni Satanas? (Oo.) Kung malinaw ninyong nakikita ang masamang kalikasan ni Satanas, makikita ninyo ang sarili ninyong mga kalagayan. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng dalawang ito? Nakakatulong ba ito sa inyo o hindi? (Nakakatulong.) Kapag Ako ay nagbabahagi tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, kinakailangan ba na magbahagi Ako tungkol sa masamang diwa ni Satanas? Ano ang inyong opinyon tungkol dito? (Oo, ito ay kinakailangan.) Bakit? (Ang kasamaan ni Satanas ay ginagawa ang kabanalan ng Diyos na mas nakikita.) Ganito ba ito? Ito ay bahagyang tama dahil kung wala ang kasamaan ni Satanas, hindi malalaman ng mga tao na ang Diyos ay banal; tamang sabihin ito. Gayunman, kung sasabihin mo na ang kabanalan ng Diyos ay umiiral lamang dahil kabaligtaran ito ng kasamaan ni Satanas, tama ba ito? Mali ang dyalektikong paraan ng pag-iisip na ito. Ang kabanalan ng Diyos ay ang likas na diwa ng Diyos; kahit na ibinubunyag ito ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa, ito ay likas na pagpapahayag pa rin ng diwa ng Diyos at ito ay likas na diwa pa rin ng Diyos; umiiral na ito noon pa man at ito ay likas at katutubo sa Diyos Mismo, bagama’t hindi ito nakikita ng tao. Ito ay dahil sa namumuhay ang tao sa gitna ng tiwaling disposisyon ni Satanas at sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi alam ng tao ang tungkol sa kabanalan, at lalo na ang tungkol sa tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos. Kaya naman, kinakailangan ba nating magbahagi muna tungkol sa masamang diwa ni Satanas? (Oo, kailangan nga.) Maaaring magpahayag ang ilang tao ng ilang pagdududa: “Ikaw ay nagbabahagi tungkol sa Diyos Mismo, kaya bakit lagi Kang nagsasalita tungkol sa kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao at kung gaano kasama ang likas ni Satanas?” Ngayon, kinalimutan mo na ang mga pagdududang ito, hindi ba? Kapag ang mga tao ay mayroong pagkakilala ng kasamaan ni Satanas at kapag sila ay may tumpak na pakahulugan dito, kapag nakikita nang malinaw ng mga tao ang tiyak na nilalaman at pagpapakita ng kasamaan, ang pinagmumulan at ang diwa ng kasamaan, saka lamang, sa pagtatalakay ng kabanalan ng Diyos, malinaw na mapagtatanto o makikilala ng mga tao kung ano ang kabanalan ng Diyos, kung ano ang kabanalan. Kung hindi Ko tatalakayin ang kasamaan ni Satanas, maling paniniwalaan ng ilang tao na ang ilang ginagawa ng mga tao sa lipunan at sa gitna ng mga tao—o ilang bagay sa mundong ito—ay maaaring may kaugnayan sa kabanalan. Hindi ba mali ang pananaw na ito? (Oo.)

Ngayong nakapagbahagi na Ako tungkol sa diwa ni Satanas sa ganitong paraan, anong uri ng pagkakaunawa sa kabanalan ng Diyos ang inyong natamo sa pamamagitan ng inyong mga karanasan noong mga nakalipas na taon, mula sa inyong pagbabasa ng salita ng Diyos at mula sa pagdanas sa Kanyang gawain? Sige magsalita kayo tungkol dito. Hindi mo kailangang gumamit ng mga salitang kaaya-aya sa pandinig, kundi magsalita lamang mula sa iyong sariling mga karanasan. Ang kabanalan ba ng Diyos ay binubuo lamang ng Kanyang pag-ibig? Ang pag-ibig lamang ba ng Diyos ang ating inilalarawan bilang kabanalan? Iyon ay masyadong may pinapanigan, hindi ba? Maliban sa pag-ibig ng Diyos, mayroon pa bang ibang mga aspeto ng diwa ng Diyos? Nakita ba ninyo ang mga ito? (Oo. Kinapopootan ng Diyos ang mga pagdiriwang at mga kapistahan, mga tradisyon at mga pamahiin; ito rin ay kabanalan ng Diyos.) Ang Diyos ay banal kaya naman kinapopootan Niya ang mga bagay, ito ba ang ibig mong sabihin? Sa ugat nito, ano ba ang kabanalan ng Diyos? Ang kabanalan ba ng Diyos ay walang matibay na nilalaman, galit lamang? Sa inyong mga isip, iniisip ba ninyo na, “Dahil nagagalit ang Diyos sa masasamang bagay na ito, kung gayon maaaring sabihin ng isang tao na banal ang Diyos”? Hindi ba haka-haka ito? Hindi ba ito isang uri ng paggawa ng konklusyon mula sa mga bagay-bagay at paghatol? Ano ang pinakamalaking pagkakamali na kailangang-kailangang iwasan pagdating sa pag-unawa ng diwa ng Diyos? (Ito ay kapag iniiwanan natin ang realidad at sa halip ay pinag-uusapan ang mga doktrina.) Ito ay napakalaking pagkakamali. Mayroon pa ba? (Haka-haka at imahinasyon.) Ang mga ito ay malalaki ring pagkakamali. Bakit hindi kapaki-pakinabang ang haka-haka at imahinasyon? Ang mga bagay ba sa iyong haka-haka at imahinasyon ay tunay mong nakikita? Ang mga ito ba ay tunay na diwa ng Diyos? (Hindi.) Ano pa ang kailangang iwasan? Pagkakamali ba na magbanggit lamang ng sunud-sunod na mga salitang magandang pakinggan upang ilarawan ang diwa ng Diyos? (Oo.) Hindi ba ito mayabang at walang saysay? Ang paghatol at haka-haka ay walang saysay, kagaya rin lamang ng pagpili ng mga salitang magandang pakinggan. Ang papuring walang laman ay wala ring saysay, hindi ba? Nasisiyahan ba ang Diyos na marinig ang mga tao na magsabi ng ganitong uri ng kawalang-saysay? (Hindi, hindi Siya nasisiyahan.) Hindi Siya komportable kapag naririnig ito! Kapag ginagabayan at inililigtas ng Diyos ang isang grupo ng mga tao, matapos marinig ng grupong ito ang Kanyang mga salita, hindi pa rin nila nauunawaan kailanman ang Kanyang ibig sabihin. Maaaring magtanong ang isang tao: “Mabuti ba ang Diyos?” at sila ay tutugon, “Oo!” “Gaano kabuti?” “Napakabuti!” “Mahal ba ng Diyos ang tao?” “Oo!” “Gaano kamahal? Kaya mo bang ilarawan ito?” “Mahal na mahal! Ang pag-ibig ng Diyos ay mas malalim kaysa sa dagat, mas mataas kaysa sa himpapawid!” Hindi ba walang saysay ang mga salitang ito? Hindi ba ang kawalang saysay na ito ay kapareho ng kasasabi lamang ninyo: “Kinapopootan ng Diyos ang tiwaling disposisyon ni Satanas, kung gayon, banal ang Diyos”? (Oo.) Hindi ba ang inyong kasasabi lamang ay walang saysay? At saan nanggagaling ang karamihan ng mga walang saysay na bagay na nababanggit? (Kay Satanas.) Ang mga bagay na walang saysay na nababanggit ay pangunahing nanggagaling sa kawalan ng responsibilidad at kawalan ng paggalang sa Diyos ng mga tao. Maaari ba nating sabihin iyon? Wala kang anumang pagkaunawa ngunit nagsalita ka pa rin ng kawalang-saysay. Hindi ba ito pagiging iresponsable? Hindi ba ito kawalan ng galang sa Diyos? Natuto ka ng kaunting kaalaman, nakaunawa ng kaunting pangangatwiran at lohika, ginamit mo ang mga ito at, dagdag pa rito, ginawa iyon bilang daan upang makilala ang Diyos. Sa tingin mo, hindi ba naiinis ang Diyos kapag naririnig kang nagsasalita sa gayong paraan? Paano ninyo masusubukang makilala ang Diyos gamit ang mga pamamaraang ito? Kapag nagsasalita ka nang ganoon, hindi ba iyon nakakaasiwang pakinggan? Kung gayon, pagdating sa pagkakilala sa Diyos, dapat maging napakaingat ang isang tao; magsalita lamang hanggang sa pagkakilala ninyo sa Diyos. Magsalita nang may katapatan at may praktikalidad at huwag palamutian ang inyong mga salita ng mga pangkaraniwang papuri at huwag gumamit ng pambobola; hindi iyon kailangan ng Diyos; ang ganitong bagay ay nanggagaling kay Satanas. Mapagmataas ang disposisyon ni Satanas; gusto ni Satanas na bolahin at makarinig ng magagandang salita. Masisiyahan at matutuwa si Satanas kapag binibigkas ng mga tao ang lahat ng salitang magandang pakinggan na kanilang natutuhan at gagamitin ang mga ito para kay Satanas. Ngunit hindi ito kailangan ng Diyos; hindi kailangan ng Diyos ng labis na papuri o pambobola at hindi Niya hinihingi sa mga tao na magsalita ng kawalang-saysay at purihin Siya nang pikit-mata. Napopoot ang Diyos at ni hindi makikinig sa papuri at pambobola na hindi tugma sa realidad. Kaya naman, kapag ang ilang tao ay pinupuri nang walang katapatan ang Diyos, at bulag na namamanata at nagdarasal sa Kanya, hindi nakikinig ni bahagya ang Diyos. Dapat mong akuin ang responsibilidad para sa iyong sinasabi. Kung hindi mo alam ang isang bagay, sabihin mo lamang; kung alam mo naman ang isang bagay, ipahayag mo ito sa isang praktikal na paraan. Ngayon, pagdating sa aktuwal at tiyak na nilalaman ng kabanalan ng Diyos, mayroon ba kayong tunay na pagkakaunawa rito? (Noong nagpahayag ako ng pagkasuwail, noong nakagawa ako ng mga paglabag, natanggap ko ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at doon ko nakita ang kabanalan ng Diyos. At nang maharap ako sa mga kapaligiran na hindi tumugma sa aking mga inaasahan, nagdasal ako tungkol sa mga bagay na ito at hinanap ko ang mga intensiyon ng Diyos, at noong nililiwanagan at ginagabayan ako ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, nakita ko ang kabanalan ng Diyos.) Mula ito sa iyong sariling karanasan. (Mula sa sinabi ng Diyos tungkol dito, nakita ko na kung anong nangyari sa tao matapos magawang tiwali at mapinsala ni Satanas. Gayunpaman, ibinigay ng Diyos ang lahat para iligtas tayo at mula rito nakikita ko ang kabanalan ng Diyos.) Ito ay makatotohanang paraan ng pagsasalita; ito ay totoong kaalaman. Mayroon bang ibang mga paraan ng pag-intindi rito? (Nakikita ko ang kasamaan ni Satanas mula sa mga salita na sinabi nito upang akitin si Eba na magkasala at sa panunukso nito sa Panginoong Jesus. Mula sa mga salitang ginamit ng Diyos para sabihin kina Adan at Eba kung ano ang puwede at hindi nila puwedeng kainin, nakikita ko na diretsahan, malinis, at mapagkakatiwalaan ang mga salita ng Diyos; mula rito ay nakikita ko ang kabanalan ng Diyos.) Pagkatapos marinig ang mga sinabi sa itaas, kaninong mga salita ang pinakanagbibigay sa inyo ng inspirasyon na magsabi ng “amen”? Kaninong pagbabahagi ang pinakamalapit sa ating paksang ibinabahagi ngayon? Kaninong mga salita ang pinakamakatotohanan? Kumusta ang pagbabahagi ng huling kapatid na babae? (Mabuti.) Nagsasabi kayo ng “amen” sa kanyang sinabi. Ano ang kanyang sinabi na tinamaan ang target? (Sa mga salita na kasasabi lamang ng kapatid, narinig ko na ang salita ng Diyos ay diretsahan at napakalinaw, at hinding-hindi katulad ng mga paligoy-ligoy na salita ni Satanas. Nakita ko rito ang kabanalan ng Diyos.) Bahagi ito nito. Tama ba ito? (Oo.) Napakagaling. Nakikita Ko na mayroon kayong natutuhan sa dalawang nakalipas na mga pagbabahagi, ngunit dapat kayong magpatuloy sa pagsisikap. Ang dahilan kung bakit dapat kayong magsikap ay sapagkat ang pag-unawa sa diwa ng Diyos ay isang malalim na aralin; hindi ito isang bagay na nauunawaan ng isang tao sa isang gabi lamang, o kayang sabihin nang malinaw sa kaunting mga salita lamang.

Bawat aspeto ng tiwali at mala-Satanas na disposisyon, kaalaman, pilosopiya, mga kaisipan ng mga tao at mga pananaw, at ang mga personal na aspeto ng indibidwal na tao ay humahadlang ng labis sa kanilang pagkilala sa diwa ng Diyos; kaya kapag narinig ninyo ang mga paksang ito, ang ilan ay maaaring maging lagpas sa inyong kayang abutin, ang ilan ay maaaring hindi ninyo maunawaan, samantalang ang ilan ay hindi ninyo maitugma sa realidad. Isinasantabi ito, narinig Ko ang tungkol sa inyong pagkakaunawa sa kabanalan ng Diyos at alam Ko na sa inyong mga puso kayo ay nagsisimula nang kilalanin ang sinabi Ko at ibinahagi tungkol sa kabanalan ng Diyos. Alam Ko na sa inyong puso ang hangarin ninyo na maunawaan ang diwa ng kabanalan ng Diyos ay nagsisimulang umusbong. Ngunit ang lalong nagpapasaya pa sa Akin ay ang ilan sa inyo ay marunong nang gumamit ng mga pinakapayak na salita upang ilarawan ang inyong kaalaman tungkol sa kabanalan ng Diyos. Kahit na ito ay isang simpleng bagay para sabihin at nasabi Ko na ito noon, ngunit sa puso ng karamihan sa inyo, kailangan pa ninyong sang-ayunan ang mga salitang ito, at sa katotohanan ay hindi pa sila tumatak sa inyong mga isip. Gayunpaman, ang ilan sa inyo ay isinaulo na ang mga salitang ito. Ito ay lubhang mabuti at ito ay napakagandang simula. Umaasa Ako na sa mga paksang iniisip ninyo na malalim—o sa mga paksa na higit pa sa inyong kayang abutin—magpapatuloy kayong makiisa at magninilay-nilay. Sa mga isyung higit pa sa inyong kayang abutin, mayroong isang tao na magbibigay sa inyo ng higit pang gabay. Kung dadagdagan pa ninyo ang pagbabahagi kaugnay ng mga larangang nasa inyong abot ngayon, ang Banal na Espiritu ay gagawa ng Kanyang gawain at kayo ay makakarating sa mas dakila pang pagkakaunawa. Ang pag-unawa sa diwa ng Diyos at ang pagkilala sa diwa ng Diyos ay siyang pinakamahalaga sa pagpasok ng mga tao sa buhay. Umaasa Ako na hindi ninyo ipagwawalang-bahala ito o makikita ito bilang isang laro, dahil ang pagkilala sa Diyos ay siyang pundasyon ng pananampalataya ng tao at susi para hangarin ng tao ang katotohanan at makamtan ang kaligtasan. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi Siya kilala, kung namumuhay lamang sila sa mga salita at doktrina, hindi kailanman magiging posibleng matamo nila ang kaligtasan, kahit pa kumilos at mamuhay sila ayon sa mga mababaw na kahulugan ng katotohanan. Ibig sabihin, kung ikaw ay naniniwala sa Diyos ngunit hindi Siya nakikilala, kung gayon ang iyong pananampalataya ay para lamang sa wala at hindi naglalaman ng realidad. Naiintindihan ninyo, hindi ba? (Oo, naiintindihan namin.) Ang ating pagbabahagi ay magtatapos na rito sa ngayon. (Salamat sa Diyos!)

Enero 4, 2014

Sinundan: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV

Sumunod: Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 5

Nagbabago ang mga bundok at mga ilog, umaagos ang mga batis sa daanan ng mga ito, at hindi nagtatagal ang buhay ng tao gaya ng daigdig at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messnger