Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa

Ang lahat ng tao ay naisailalim na sa pagpipino dahil sa mga salita ng Diyos. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, tiyak na hindi magkakaroon ang sangkatauhan ng biyaya ng paghihirap sa pamamagitan ng pagpipinong ito. Sa ibang salita, lahat yaong mga nakatatanggap ng mga pagsubok ng mga salita ng Diyos ay pinagpala. Batay sa likas na kakayahan ng mga tao, kanilang pag-uugali, at kanilang mga saloobin sa Diyos, hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng ganitong uri ng pagpipino. Dahil itinaas sila ng Diyos kung kaya natamasa nila ang pagpapalang ito. Sinasabi dati ng mga tao na hindi sila karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos o marinig ang Kanyang mga salita. Sa kasalukuyan, lubos na dahil sa pagtataas ng Diyos at sa Kanyang awa kung kaya natanggap ng mga tao ang pagpipino ng Kanyang mga salita. Ito ang pagpapala ng bawat taong isinilang sa mga huling araw—personal na ba ninyong naranasan ito? Kung saang mga aspeto dapat dumanas ang mga tao ng pagdurusa at mga dagok ay itinatalaga ng Diyos—hindi ito batay sa sariling mga kinakailangan ng mga tao. Ito ang maliwanag na katotohanan. Ang bawat mananampalataya ay dapat magtaglay ng kakayahan na tanggapin ang mga pagsubok ng mga salita ng Diyos at magdusa sa loob ng Kanyang mga salita. Malinaw ba ito sa inyo? Kaya, kapalit ng pagdurusa na iyong pinagdaanan, natanggap mo ang mga biyaya ng araw na ito; kung hindi ka magdurusa para sa Diyos, hindi mo makakamit ang Kanyang papuri. Maaaring nagreklamo ka dati, ngunit, gaano ka man nagreklamo, hindi iyon naaalala ng Diyos tungkol sa iyo. Sumapit na ang araw na ito, at hindi kailangang tingnan ang mga nangyari kahapon.

Sinasabi ng ilang tao na sinusubukan nilang ibigin ang Diyos ngunit hindi nila magawa. Tapos, kapag naririnig nila na ang Diyos ay papaalis na, bigla silang nakakaramdam ng pag-ibig sa Kanya. Ang ilang tao, sa pangkalahatan, ay hindi nagsasagawa ng katotohanan, at kapag naririnig nila na ang Diyos ay papaalis na nang galit, humaharap sila sa Kanya at nananalanging: “O Diyos! Pakiusap, huwag Kang umalis. Bigyan Mo ako ng pagkakataon! Diyos ko! Ikaw ay hindi ko nabigyan ng kaluguran noon; ako ay nagkautang sa Iyo at lumaban sa Iyo. Ngayon ay nakahanda akong ganap na ialay ang aking katawan at puso upang sa wakas ay palugurin at ibigin Kita. Hindi na ako muling magkakaroon ng ganitong pagkakataon.” Nagawa mo na ba ang gayong uri ng panalangin? Kapag nananalangin ang isang tao sa ganitong paraan, ito ay dahil pinukaw na ng mga salita ng Diyos ang kanyang konsensya. Ang lahat ng tao ay manhid at mapurol ang pag-iisip. Sila ay sumasailalim sa pagkastigo at pagpipino, subalit hindi nila nalalaman kung ano ang sinusubukang isakatuparan ng Diyos dito. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, ang mga tao ay malilito pa rin; walang tao ang makapupukaw sa mga espirituwal na damdamin sa puso ng mga tao. Tanging ang mga salita ng Diyos, na humahatol at nagbubunyag sa mga tao, ang makakapagbunga noon. Kaya, ang lahat ng bagay ay natatamo at natutupad dahil sa mga salita ng Diyos, at dahil lamang sa Kanyang mga salita kaya napukaw ang pag-ibig ng sangkatauhan para Sa Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos na batay lamang sa konsensya ng tao ay hindi magtatamo ng ninanais na resulta. Hindi ba ibinatay ng mga tao ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga konsensya sa nakaraan? Mayroon bang kahit isang tao na nagkusang ibigin ang Diyos? Tanging sa pamamagitan ng paghihikayat ng mga salita ng Diyos kaya inibig ng mga tao ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Sinunod ko na ang Diyos sa loob ng maraming taon at tinamasa ang napakarami sa Kanyang mga biyaya, napakaraming pagpapala. Ako ay sumailalim na sa pagpipino at paghatol mula sa Kanyang mga salita. Kaya marami na akong naunawaan, at nakita ko na ang pag-ibig ng Diyos. Kailangan ko Siyang pasalamatan, kailangan kong suklian ang Kanyang biyaya. Bibigyan ko ng kaluguran ang Diyos sa pamamagitan ng kamatayan, at ibabatay ko ang aking pag-ibig sa Kanya sa aking konsensya.” Hindi madarama ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos kung makikinig lamang sila sa mga damdamin ng kanilang konsensya. Kung aasa lamang sila sa kanilang konsensya, ang pag-ibig nila sa Diyos ay magiging mahina. Kung magsasalita ka lamang tungkol sa pagsusukli sa biyaya at pag-ibig ng Diyos, hindi ka magkakaroon ng anumang pagpupursigi sa iyong pag-ibig sa Kanya; ang pag-ibig sa Kanya batay sa mga damdamin ng iyong konsensya ay isang balintiyak na pamamaraan. Bakit Ko sinasabi na isa iyong balintiyak na pamamaraan? Ito ay isang praktikal na usapin. Anong uri ng pag-ibig ang inyong pag-ibig sa Diyos? Hindi ba ito panlilinlang lamang sa Diyos at wala sa loob na paggawa para sa Kanya? Karamihan sa mga tao ay naniniwala na yamang walang gantimpala sa pag-ibig sa Diyos at ang isang tao ay kakastiguhin din naman sa hindi pag-ibig sa Kanya, kaya sa pangkalahatan, ang hindi pagkakasala lamang ay sapat na. Kaya ang pag-ibig sa Diyos at ang pagsukli sa Kanyang pag-ibig batay sa mga damdamin ng konsensya ng isang tao ay isang balintiyak na pamamaraan, at hindi ito pag-ibig sa Diyos na kusang nanggagaling mula sa puso ng isang tao. Ang pag-ibig sa Diyos ay dapat na isang tunay na damdamin mula sa kaibuturan ng puso ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao: “Ako mismo ay nakahandang hanapin ang Diyos at sundin Siya. Ngayon, kahit gusto akong iwanan ng Diyos, susundin ko pa rin Siya. Gusto man Niya ako o hindi, iibigin ko pa rin Siya, at sa huli, kailangan ko Siyang makamit. Iniaalay ko ang aking puso sa Diyos, at anuman ang Kanyang gawin, susundin ko Siya sa aking buong buhay. Anuman ang mangyari, kailangan kong ibigin ang Diyos at kailangan ko Siyang makamit; hindi ako titigil hangga’t hindi ko Siya nakakamit.” Taglay mo ba ang ganitong uri ng paninindigan?

Ang landas ng paniniwala sa Diyos ay walang pinag-iba sa landas ng pag-ibig sa Kanya. Kung naniniwala ka sa Kanya kailangan mo Siyang ibigin; subalit, ang pag-ibig sa Kanya ay hindi lamang tumutukoy sa pagsukli sa Kanyang pag-ibig o pag-ibig sa Kanya batay sa mga damdamin ng iyong konsensya—ito ay isang dalisay na pag-ibig para sa Diyos. Minsan, hindi nararamdaman ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos batay sa kanilang konsensya lamang. Bakit ba palagi Kong sinabing: “Nawa’y antigin ng Espiritu ng Diyos ang ating mga espiritu”? Bakit hindi Ko binanggit ang pag-antig ng konsensya ng mga tao upang ibigin ang Diyos? Ito ay dahil hindi nadarama ng konsensya ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Kung ikaw ay hindi nakumbinsi ng mga salitang ito, subukan mong gamitin ang iyong konsensya upang damhin ang Kanyang pag-ibig. Maaaring bahagyang pursigido ka sa ngayon, ngunit maglalaho rin iyan agad. Kung nadarama mo lang ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa iyong konsensiya, magiging pursigido ka habang ikaw ay nananalangin, ngunit pagkatapos noon ay agad itong lilipas at maglalaho. Bakit ganoon? Kung ang ginagamit mo lamang ay ang iyong konsensya, hindi mo mapupukaw ang iyong pag-ibig para sa Diyos; kapag talagang nadarama mo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa iyong puso, ang iyong espiritu ay aantigin Niya, at sa gayong pagkakataon lamang magagampanan ng iyong konsensya ang orihinal nitong papel. Na ang ibig sabihin, kapag inaantig ng Diyos ang espiritu ng tao at kapag may kaalaman ang tao at nahimok sa kanyang puso, iyon ay, kapag nagkamit na siya ng karanasan, saka lamang niya magagawang mabisang ibigin ang Diyos gamit ang kanyang konsensya. Ang pag-ibig sa Diyos gamit ang iyong konsensya ay hindi mali—ito ang pinakamababang antas ng pag-ibig sa Diyos. Ang pag-ibig sa pamamagitan ng “bahagyang pagbibigay lang ng hustisya sa biyaya ng Diyos” ay hindi talaga magtutulak sa taong masigasig na pumasok. Kapag natatamo ng mga tao ang kaunting gawain ng Banal na Espiritu, iyon ay, kapag nakikita at nararamdaman nila ang pag-ibig ng Diyos sa kanilang praktikal na karanasan, kapag mayroon silang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos at tunay na nakikita na ang Diyos ay napakakarapat-dapat sa pag-ibig ng sangkatauhan at kung gaano Siya kaibig-ibig, saka lamang nila nagagawang ibigin nang tunay ang Diyos.

Kapag kinakausap ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga puso, kapag nagagawa ng kanilang mga puso na ganap na bumaling sa Kanya, ito ang unang hakbang sa pag-ibig ng tao para sa Diyos. Kung nais mong ibigin ang Diyos, kailangan mo munang magawang ibaling ang iyong puso sa Kanya. Ano ang pagbaling ng iyong puso sa Diyos? Ito ay kapag ang lahat ng iyong hinahangad sa iyong puso ay para sa kapakanan ng pag-ibig at pagkakamit sa Diyos. Ipinakikita nito na ganap mo nang naibaling ang iyong puso sa Diyos. Maliban sa Diyos at sa Kanyang mga salita, halos wala nang ibang nasa iyong puso (pamilya, kayamanan, asawang lalaki, asawang babae, mga anak, atbp.). Kung mayroon man, hindi makakapanahan ang gayong mga bagay sa iyong puso, at hindi mo iniisip ang mga inaasahan mo sa iyong hinaharap kundi hinahangad lamang ang pag-ibig sa Diyos. Sa gayong pagkakataon ay naibaling mo na nang ganap ang iyong puso sa Diyos. Ipagpalagay mong gumagawa ka pa rin ng mga plano para sa iyong sarili sa iyong puso at palaging hinahangad ang pansariling pakinabang, palaging iniisip: “Kailan kaya ako makagagawa ng munting kahilingan sa Diyos? Kailan kaya yayaman ang aking pamilya? Paano kaya ako makakakuha ng ilang magagandang damit? …” Kung ikaw ay nabubuhay sa gayong kalagayan, ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pa ganap na nakabaling sa Diyos. Kung taglay mo lamang ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at nagagawa mong manalangin sa Diyos at maging malapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon—na parang napakalapit Niya sa iyo, na parang ang Diyos ay nasa loob mo at ikaw ay nasa loob Niya—kung ikaw ay nasa gayong uri kalagayan, nangangahulugan ito na ang iyong puso ay nasa presensya na ng Diyos. Kung ikaw ay nananalangin sa Diyos at kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita araw-araw, palaging iniisip ang gawain ng iglesia, at kung nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, ginagamit ang iyong puso upang ibigin Siya nang tunay at bigyang-kaluguran ang Kanyang puso, ang iyong puso ay magiging pag-aari ng Diyos. Kung ang iyong puso ay pinananahanan ng maraming ibang bagay, ito ay pinananahanan pa rin ni Satanas at ito ay hindi pa tunay na nakabaling sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay tunay na nakabaling na sa Diyos, magkakaroon sila ng tunay at kusang pag-ibig sa Kanya at magagawang isaalang-alang ang gawain ng Diyos. Bagama’t maaari pa rin silang magkaroon ng mga sandali ng kahangalan at kawalan ng katwiran, nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bahay ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa sarili nilang pagbabago ng disposisyon, at malinis ang intensyon nila. May mga taong palaging sinasabi na lahat ng ginagawa nila ay para sa iglesia gayong, ang totoo, gumagawa sila para sa sariling pakinabang. Ang mga taong tulad nito ay nagtataglay ng maling uri ng layunin. Sila ay buktot at mapanlinlang at karamihan sa mga bagay na kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang pag-ibig sa Diyos; ang kanilang puso ay pag-aari pa rin ni Satanas at hindi makakabaling sa Diyos. Sa gayon, walang paraan ang Diyos upang matamo ang ganitong uri ng tao.

Kung nais mong ibigin nang tunay ang Diyos at makamit Niya, ang unang hakbang ay ang ganap na ibaling ang iyong puso sa Diyos. Sa bawat bagay na iyong ginagawa, siyasatin mo ang iyong sarili at itanong: “Ginagawa ko ba ito batay sa isang pusong may pag-ibig sa Diyos? Mayroon bang anumang pansariling hangarin sa likod nito? Ano ba ang aking tunay na layunin sa paggawa nito?” Kung nais mong ibigay ang iyong puso sa Diyos, kailangan mo munang supilin ang iyong sariling puso, bitiwan ang lahat ng iyong sariling hangarin, at tamuhin ang kalagayan ng pagiging ganap na para sa Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa ng pagbibigay ng iyong puso sa Diyos. Ano ang tinutukoy ng pagsupil sa sariling puso ng isang tao? Ito ay ang pagbitiw sa maluluhong pagnanasa ng laman ng tao, ang hindi pag-iimbot ng kaginhawahan o ng mga pakinabang ng katayuan. Ito ay ang paggawa ng lahat upang bigyang-kaluguran ang Diyos, at ang paggawa sa puso ng isang tao na maging ganap na para sa Kanya, hindi para sa kanyang sarili. Sapat na ito.

Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay nanggagaling sa kaibuturan ng puso; ito ay isang pag-ibig na umiiral lamang batay sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay ganap na bumabaling sa Diyos, taglay nila ang pag-ibig sa Diyos, ngunit ang pag-ibig na iyon ay maaaring hindi dalisay at hindi lubos. Ito ay dahil mayroon pa ring kaunting agwat sa pagitan ng puso ng isang tao na lubusang bumabaling sa Diyos at ng pagkakaroon ng taong iyon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos at tunay na pagsamba sa Kanya. Ang paraan para matamo ng tao ang tunay na pag-ibig sa Diyos at malaman ang disposisyon ng Diyos ay ang ibaling ang kanyang puso sa Diyos. Kapag ibinibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos, nagsisimula siyang pumasok sa karanasan ng buhay. Sa ganitong paraan, ang kanyang disposisyon ay nagsisimulang magbago, ang kanyang pag-ibig sa Diyos ay unti-unting lumalago, at ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos ay unti-unti ring nadaragdagan. Kaya, ang pagbaling ng puso ng tao sa Diyos ay paunang kondisyon lamang para makapasok sa tamang landas ng karanasan sa buhay. Kapag inilalagay ng mga tao ang kanilang mga puso sa harap ng Diyos, mayroon lamang silang puso na nasasabik sa Kanya ngunit hindi ang pag-ibig para sa Kanya, sapagkat wala silang taglay na pagkaunawa sa Kanya. Bagama’t sa pagkakataong ito ay mayroon silang kaunting pag-ibig para sa Kanya, ito ay hindi kusa at ito ay hindi tunay. Ito ay dahil anumang nanggagaling sa laman ng tao ay isang produkto ng damdamin at hindi nagmumula sa tunay na pagkaunawa. Ito ay isa lamang bugso ng damdamin at hindi ito maaaring magdulot ng pangmatagalang pagsamba. Kapag ang mga tao ay walang pagkaunawa sa Diyos, maaari lamang nila Siyang ibigin batay sa kanilang sariling mga kagustuhan at sa kanilang indibiduwal na mga kuru-kuro a; ang ganitong uri ng pag-ibig ay hindi matatawag na kusang pag-ibig, ni matatawag na tunay na pag-ibig. Ang puso ng tao ay maaaring tunay na bumaling sa Diyos, at magkaroon ng kakayahang isipin ang kapakanan ng Diyos sa lahat ng bagay, ngunit kung wala siyang pagkaunawa sa Diyos, hindi siya magkakaroon ng kakayahang magtaglay ng tunay na kusang pag-ibig. Ang tanging magagawa niya ay tuparin ang ilang gampanin para sa iglesia o gawin nang kaunti ang kanyang tungkulin, ngunit gagawin niya ito nang walang batayan. Ang disposisyon ng ganitong uri ng tao ay mahirap baguhin; ang gayong mga tao ay hindi naghahanap ng katotohanan, o hindi ito nauunawaan. Kahit na ganap na ibinabaling ng isang tao ang kanyang puso sa Diyos, hindi ito nangangahulugan na ang kanyang pusong umiibig sa Diyos ay ganap na dalisay, sapagkat yaong mga taglay ang Diyos sa kanilang puso ay hindi tiyak na nagtataglay ng pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga puso. Ito ay tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng isang tao na naghahangad o hindi ng pagkaunawa sa Diyos. Sa sandaling ang isang tao ay magkaroon ng pagkaunawa sa Kanya, ipinakikita nito na ang kanyang puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, ipinakikita nito na ang kanyang tunay na pag-ibig sa Diyos sa kanyang puso ay kusa. Tanging ang ganitong uri ng tao ang taglay ang Diyos sa kanilang puso. Ang pagbaling ng puso ng isang tao sa Diyos ay isang paunang kondisyon para makapunta siya sa tamang landas, para maunawaan ang Diyos, at para matamo ang pag-ibig sa Diyos. Hindi ito isang pananda ng pagkumpleto ng tungkulin ng isang tao na ibigin ang Diyos, ni isang pananda ng pagkakaroon ng tunay na pag-ibig sa Kanya. Ang tanging paraan para makamit ng isang tao ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang ibaling ang kanyang puso sa Kanya, na siya ring unang bagay na dapat gawin ng isang tao bilang isa sa Kanyang mga nilikha. Yaong mga umiibig sa Diyos ay pawang mga tao na naghahangad ng buhay, iyon ay, mga taong naghahanap sa katotohanan at tunay na ninanais ang Diyos; taglay nilang lahat ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at naantig na Niya. Nakakamit nilang lahat ang paggabay ng Diyos.

Kapag nararamdaman ng isang tao na may pagkakautang siya sa Diyos, iyon ay dahil inantig na siya ng Espiritu; yaong mga nakararamdam ng ganito ay malamang na taglay ang isang pusong nananabik at makapaghahangad na pumasok sa buhay. Ngunit kapag ikaw ay humihinto sa isang partikular na hakbang, hindi ka makapagpapatuloy nang husto; naroroon pa rin ang panganib na makulong sa lambat ni Satanas, at sa isang punto ay bibihagin ka ni Satanas. Itinutulot ng pagpapalinaw ng Diyos na makilala ng mga tao ang kanilang mga sarili at kasunod ay madama ang kanilang pagkakautang sa Diyos; nagiging handa silang makipagtulungan sa Kanya at iwaksi ang mga bagay na hindi nakalulugod sa Kanya. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Kayong lahat ay nakahanda na hangaring lumago sa inyong mga buhay at pag-ibig sa Diyos, kaya inalis mo na ba sa iyong sarili ang iyong paimbabaw na mga pamamaraan? Kung inalis mo lamang sa iyong sarili ang mga paimbabaw na pamamaraan at umiwas sa mapanira o mapagmataas na ugali, yaon ba ay tunay na paghahangad na lumago sa iyong buhay? Kung inalis mo sa iyong sarili ang lahat ng paimbabaw na ugali ngunit hindi ka pumasok sa mga salita ng Diyos, ipinapakita nito na hindi ka aktibong umuusad. Ano ang ugat ng paimbabaw na ugali? Ang iyo bang mga ginagawa ay alang-alang sa paglago mo sa buhay? Hinahangad mo ba na matanggap bilang kabilang sa bayan ng Diyos? Anuman ang pinag-uukulan mo ng pansin ang siya mong isasabuhay; kung nakatuon ka sa paimbabaw na ugali, ang iyong puso ay madalas na nakatuon palabas at hindi ka magkakaroon ng paraan para hangarin na lumago sa iyong buhay. Kinakailangan ng Diyos ang isang pagbabago ng disposisyon, ngunit palagi mong hinahangad ang mga bagay na panlabas; ang ganitong uri ng tao ay hindi kayang baguhin ang kanyang disposisyon! Sa proseso ng pagkakamit ng paggulang sa buhay, ang lahat ng tao ay dapat dumaan sa isang ruta: Kailangan nilang tanggapin ang paghatol, ang pagkastigo, at ang pagperpekto ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo taglay ang mga salita ng Diyos kundi umaasa lamang sa iyong sariling pagtitiwala at kalooban, ang lahat ng iyong ginagawa ay batay lamang sa sigasig. Iyon ay, kung nais mo ng paglago sa iyong buhay kailangan mong kainin, inumin, at unawain ang marami pang salita ng Diyos. Lahat yaong mga ginagawang perpekto ng Kanyang mga salita ay nagagawang isabuhay ang mga ito; yaong mga hindi sumasailalim sa pagpipino ng Kanyang mga salita, hindi sumasailalim sa paghatol ng Kanyang mga salita, ay hindi magiging akma para magamit Niya. Kaya, sa anong antas ninyo isinasabuhay ang Kanyang mga salita? Tanging kapag kinakain at iniinom ninyo ang mga salita ng Diyos at nagagawa ninyong maihambing ang mga ito sa sarili ninyong kalagayan sa buhay, at nakahanap kayo ng isang landas ng pagsasagawa na isinasaalang-alang ang mga bagay na Aking binanggit, saka magiging tama at naaayon sa kalooban ng Diyos ang inyong pagsasagawa. Tanging ang isang taong may ganitong uri ng pagsasagawa ang may kalooban na ibigin ang Diyos.

Sinundan: Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos

Sumunod: Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 17

Ang totoo, lahat ng pagbigkas na nagmumula sa bibig ng Diyos ay hindi alam ng mga tao; lahat ng ito ay pananalitang hindi pa narinig ng mga...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito