Ikalabintatlong Aytem: Kinokontrol Nila ang mga Pananalapi ng Iglesia at Kinokontrol din Nila ang Puso ng mga Tao

I. Kinontrol ng mga Anticristo ang Puso ng mga Tao

Ngayon, magbahaginan tayo tungkol sa ikalabintatlong aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo—kinokontrol nila ang mga pananalapi ng iglesia at kinokontrol din nila ang puso ng mga tao. Kung titingnan ang maraming iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, tinatalakay ng bawat isa sa mga aytem na ito ang kanilang disposisyon at diwa, na tutol sa katotohanan, malupit, at buktot. Ganoon din ang ikalabintatlong aytem. “Kinokontrol nila ang mga pananalapi ng iglesia at kinokontrol din nila ang puso ng mga tao”—batay sa pagpapamalas na ito, makikita mo na hindi lamang ambisyoso ang mga anticristo kundi sakim din; nagkikimkim sila ng maraming pangangailangan sa loob ng kanilang puso. Lehitimo ba ang mga pangangailangang ito? (Hindi.) Ang pagkontrol ba sa puso ng mga tao ay isang bagay na positibo? Kitang-kita naman ng isang tao mula sa salitang “kontrol” na hindi ito isang bagay na positibo. Sa anong aspekto ito hindi positibo? Bakit mali na magkaroon ng kontrol? Nais ba ninyong kontrolin ang puso ng mga tao? (Hindi.) Bagama’t hindi ninyo nais gawin iyon, darating ang mga pagkakataon kung kailan wala kayong magagawa kundi kumilos sa ganoong paraan. Tinatawag itong “disposisyon”; tinatawag itong “diwa.” Hindi isang lehitimong pangangailangan ang pagkontrol ng mga anticristo sa puso ng mga tao, ni hindi ito patas at makatwiran; isa itong bagay na negatibo. Ano ba ang ibig sabihin ng “kontrolin ang puso ng mga tao”? Hindi abstrakto ang pagkontrol sa puso ng mga tao; sa halip, isa itong bagay na medyo kongkreto at partikular, na may mga partikular na pamamaraan, asal at wika, pati mga partikular na kaisipan, perspektiba, layunin, at motibo. At dahil ganito, ano ang mga kongkretong pagpapamalas na kinokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao, at paano partikular na binibigyan ng depinisyon ang kontrol na ito? (Sa pamamagitan ng pagpapakita ng panlabas na pagdurusa at pagbabayad ng halaga para makuha ang pagsang-ayon at paggalang ng iba, at para makamit ang mithiing mailigaw ang iba.) Gumagamit ang mga anticristo ng mga partikular na uri ng asal at pagpapamalas para makuha ang pabor ng mga tao, nang sa gayon ay magkaroon sila ng puwang sa puso ng mga tao, at para igalang sila ng mga tao. Kapag nakuha ng mga anticristo ang paggalang ng iba, ang kalikasan ng kinakalabasan nito ay isang uri ng pagliligaw sa mga tao. Pero sa kanilang puso, hindi naman talaga kagustuhan ng mga anticristo na gamitin ang mga pamamaraang ito para iligaw ang iba; ang gusto nila ay ang igalang sila—iyon ang pakay nila. May iba pa ba? (Gumagamit ang mga anticristo ng mga munting pabor para mailigaw ang mga tao at siluin sila, at ipinagyayabang nila ang kanilang sariling mga kakayahan at kaloob para igalang at hangaan sila ng iba at sundin ng iba ang kanilang mga utos, at matupad ang kanilang mithiin na mahikayat at makontrol ang mga tao. Isang aspekto ito. (Nagkukunwari ang mga anticristo na espirituwal sila. Kapag pinupungusan sila, bigo silang maunawaan ito, pero nagkukunwari silang naunawaan nila ito at na kaya nila itong sundin, nang sa gayon ay maramdaman ng iba na masugid nilang hinahangad ang katotohanan at na marami-rami na ang kanilang espirituwal na pang-unawa. Nagbabalatkayo sila bilang mga tao na naghahangad at nakauunawa sa katotohanan, para makamit ang kalalabasang iginagalang at tinitingala sila ng ibang tao.) Isa pang aspekto ito. Gusto lagi ng mga anticristo na makita ng iba kung gaano sila kaespirituwal, at na nagagawa nilang hangarin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan. Ang totoo, wala silang taglay na kahit kaunting pagkaunawa, pero nagpapanggap pa rin silang espirituwal na tao, para igalang at tingalain sila ng iba. Gumagamit sila ng mga gayong pamamaraan para kontrolin ang puso ng mga tao. May iba pa ba? (Nagsasalita ang mga anticristo tungkol sa mga salita at doktrina para magpakitang-gilas at itanyag ang kanilang sarili, nang sa gayon ay isipin ng iba na nauunawaan nila ang katotohanan at na may taglay silang tayog, para igalang sila, sambahin sila, at pakinggan sila ng iba. Nakokontrol nila ang mga tao sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito.) Isa itong kongkretong pagpapamalas, pero ang sabihing “nagsasalita sila tungkol sa mga salita at doktrina” ay hindi ganap na akma. Walang kamalay-malay ang mga anticristo na nagsasalita sila tungkol sa mga salita at doktrina; naniniwala silang ang mga bagay na sinasabi nila ay ang realidad, mga matatayog na teorya at sermon, at ginagamit nila ang mga bagay na ito para iligaw ang mga tao. Kung alam ng mga anticristo na mga salita at doktrina ang mga iyon, titigil na sila sa pagsasalita tungkol sa mga iyon. May iba pa ba? (Hayagang nilalabanan ng mga anticristo ang mga prinsipyo, ginagamit ang kapangyarihang mayroon sila at ang mga huwad na espirituwal na teorya para makuha ang tiwala ng lahat sa mapanlinlang paraan, at sa gayong paraan ay matupad nila ang kanilang mithiin na makontrol ang mga tao.) (Pinuputol ng mga anticristo ang koneksyon ng mga hinirang ng Diyos sa Itaas. Hindi nila isinasagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, may lubos silang kapangyarihan sa loob ng kanilang nasasakupan, at sinusubukan nilang magtayo ng sarili nilang mga kaharian at kontrolin ang mga tao.) Isa rin itong kongkretong pagpapamalas. Sa mas tumpak na pagpapaliwanag, nililinlang nila ang Itaas, ikinukubli ang mga bagay-bagay sa mga nasa ibaba nila, at sinusubukang makuha ang pabor ng mga tao, hindi nila hinahayaang makita ng iba ang totoong sitwasyon, at kinukuha nila ang tiwala ng mga ito gamit ang mapanlinlang na paraan, para matupad ang kanilang mithiin na makontrol ang puso ng mga tao. Ang pakay nila sa panlilinlang sa Itaas at pagkukubli ng mga bagay-bagay sa mga nasa ilalim nila ay para huwag makita ng Itaas at ng mga kapatid ang katotohanan tungkol sa kanila, nang sa gayon ay pagkatiwalaan sila ng Itaas at ng mga kapatid, at nang sa huli, sila lang ang sasambahin ng mga kapatid—at kung magkagayon, matutupad na nila ang kanilang mithiin na kontrolin ang puso ng mga tao. May iba pa ba? (Lumilikha ang mga anticristo ng isang grupo ng tila mga tamang regulasyon para sundin ng mga tao, at ginagamit nila ang mga ito para ipalit sa katotohanan, upang mapaniwala ang mga tao na ang pagsunod sa mga regulasyong ito ay kapareho ng pagsasagawa sa katotohanan. Sa ganitong mga pamamaraan, ay nakokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao at inaakay ang mga tao sa harap nila.) Dapat itong ilarawan bilang paglikha ng mga anticristo ng isang grupo ng mga panuntunan at regulasyon para ipalit sa mga katotohanang prinsipyo, nagkukunwari na ang mga ito ay espirituwal, pagkaunawa sa katotohanan, upang makinig sa kanila ang mga tao, at sa ganitong paraan, nakakamit nila ang kanilang mithiing kontrolin ang puso ng mga tao. Kung ang mga panuntunan na kanilang nilikha ay kapaki-pakinabang sa buhay iglesia at sa mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at kung hindi sumalungat ang mga iyon sa mga katotohanang prinsipyo at hindi nakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung gayon ay walang magiging problema rito. Sa pagharap sa iba’t ibang uri ng tao sa iglesia, kailangan, maliban sa pagbabahagi sa katotohanan, na magtakda ng ilang panuntunan sa pangangasiwa para kumilos nang wasto ang mga tao. Kung hindi salungat sa mga katotohanang prinsipyo ang mga panuntunang ito sa pangangasiwa, bagkus ay kapaki-pakinabang sa mga tao, kung gayon ay mga positibong bagay ang mga ito; at hindi ito pagkontrol sa puso ng mga tao. Kung itinuturing ang mga panuntunang ito bilang mga katotohanang prinsipyo, mayroong problema. Kung gayon, nagagawa ba ng mga anticristo na makabuo ng mga panuntunang kapaki-pakinabang sa mga tao at umaayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Sige, subukan ninyo kung paano ito dapat ibuod. (Bumubuo ang mga anticristo ng ilang tuntunin na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at nagkukunwari silang espirituwal at nakakaunawa sa katotohanan para sundin sila ng mga tao, at makamit ang kanilang mithiing kontrolin ang puso ng mga tao.) Medyo akma na iyan. Mayroon pa bang iba? (Mahilig maglitanya ang mga anticristo ng mga tila matayog na ideya para ipakita ang kanilang katalinuhan at kabatiran, at para igalang sila ng mga tao. Halimbawa, pagkatapos na mapag-usapan ng lahat ang isang bagay at mapagdesisyunan kung ano ang gagawin ukol dito, magsasalita ang mga anticristo ng ilang teorya para pabulaanan ang suhestiyon ng iba, at para makinig ang lahat sa kanila, pero kung tutuusin, hindi rin naman ganoon kahusay ang kanilang pananaw. Pagkatapos, sa paglipas ng panahon, kahit ano pa ang usapin, walang maglalakas-loob na ibahagi ang katotohanan o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at mararamdaman nilang kailangan nilang hayaan ang mga anticristo na magpasya, at sa huli, matutupad ng mga anticristo ang kanilang mithiing kontrolin ang mga tao.) Naglilitanya ang mga anticristo ng tila matatayog na ideya sa bawat pagkakataon, pinapabulaanan ang mga suhestiyon ng iba, nagpapakitang-gilas, at pinapaniwala ang iba na napakatalino nila, at sa pamamagitan niyon ay natutupad ang kanilang mithiing iligaw at kontrolin ang ibang tao. Marami na tayong napagbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng pagkontrol at pagliligaw ng mga anticristo sa mga tao noon. Kapag ginagawa ito ng mga anticristo, maraming iba-ibang taktika, pagpapamalas, at pamamaraan ang sangkot. Minsan ay gumagamit sila ng mga kilos, minsan ay gumagamit sila ng pananalita, at sa ibang mga pagkakataon naman ay gumagamit sila ng isang partikular na uri ng perspektiba para iligaw ang mga tao. Sa madaling salita, may mga mithiin sa likod ng lahat ng bagay na ito na ginagawa ng mga anticristo; walang kahit isa sa mga kilos na ito ang dalisay at hayag, at wala sa mga ito ang tumutugon sa katotohanan. Lahat ng ginagawa nila ay para mailigaw ang mga tao at para igalang at sambahin sila ng mga tao. Anuman ang sabihin at gawin ng mga anticristo sa panlabas ay pakitang-tao lamang—lahat ito ay mabubuting asal at bagay na itinuturing ng mga tao na mabuti—pero ang totoo, kung susuriin ng isang tao ang diwa ng mga bagay na ito, ang mga motibo at pakay sa likod ng mga pamamaraan ng mga anticristo ay pawang karumal-dumal, taliwas sa katotohanan, at kinamumuhian ng Diyos.

Batay sa pamamaraan ng pagkontrol nila sa puso ng mga tao, kamuhi-muhi at makasarili ang pagkatao ng mga anticristo, at tutol sa katotohanan, buktot, at malupit ang kanilang disposisyon. Gumagamit ang mga anticristo ng lahat ng uri ng kamuhi-muhi at patagong mga panlalansi para makamit ang kanilang mga pakay, nang walang anumang bahid ng kahihiyan—ito ang katangian ng kanilang buktot na kalikasan. Dagdag pa, nang hindi alintana kung handa ba ang mga tao o hindi, nang hindi ipinapaalam sa kanila o nang hindi hinihingi ang kanilang pahintulot, palagi nilang gustong kontrolin ang mga tao, manipulahin ang mga ito at mangibabaw sa mga ito. Gusto nilang mapasailalim sa kanilang manipulasyon ang lahat ng iniisip at pinapangarap ng mga tao sa kanilang puso, gusto nilang maglaan ang mga tao ng puwang para sa kanila sa puso ng mga ito, na sambahin sila ng mga ito, at tingalain sila sa lahat ng bagay. Gusto nilang higpitan at impluwensyahan ang mga tao gamit ang kanilang mga salita at pananaw, at manipulahin at kontrolin ang mga ito batay sa kanilang mga sariling pagnanais. Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t pagiging malupit ito? Para lang itong isang tigre na sakmal-sakmal ang iyong leeg sa bibig nito—subukan mo mang maghabol ng hininga at magpumiglas, hindi mo magawa ang gusto mo, sa halip, naiipit ka sa mahigpit, nakamamatay na sunggab ng mabangis nitong bibig. Subukan mo mang magpumiglas para makawala, hindi mo magagawa, at kahit makiusap ka pa sa tigre na luwagan ang pagkakasakmal nito, imposible iyon, wala nang magagawa pa. Ganoon na ganon ang disposisyon ng mga anticristo. Ipagpalagay nang nakipagtalakayan ka sa kanila, na sinabi mong, “Pwede bang tigilan mo na ang pag-iisip ng mga paraaan para kontrolin ang mga tao? Hindi mo ba kayang magpakabait at maging isang tagasunod? Hindi mo ba kayang magpakabait at tuparin ang mga tungkulin mo at manatili sa iyong posisyon?” Magagawa ba nilang sumang-ayon dito? Mapipigilan mo kaya sila sa kanilang mga ginagawa, gamit ang iyong mabuting pag-uugali o kung ano ang nauunawaan mo sa katotohanan? May makapagpapabago ba sa kanilang pananaw? Kung titingnan ang malupit na disposisyon ng mga anticristo, walang makapagpapabago sa kanilang mga isipan at perspektiba, ni walang makapagpapabago sa kanilang hangaring kontrolin ang puso ng mga tao. Walang makapagpapabago sa kanila, at hindi na sila makikipagnegosasyon pa—tinatawag itong “kalupitan.” Ang ambisyon at paghahangad ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao ay isang pagpapamalas ng kanilang diwa. Kung gumamit ka ng mabuting asal para baguhin sila, uubra kaya iyon? Kung ginamit mo ang praktikal mong karanasang tumanggap ng pagpupungos, paghatol, at pagkastigo para tulungan at suportahan sila—makakaya ba nilang magbago? Ititigil kaya nila ang kanilang ginagawa? (Hindi.) May nakilala na ba kayong ganitong uri ng tao noon? (Oo. Sa ganitong uri ng tao, saanman niya gampanan ang kanyang mga tungkulin, at bagaman maaaring mabigo at madapa siya nang ilang beses, o sumailalim pa nga sa pagdidisiplina ng pagkakasakit, hindi maaaring mabago ang pagnanasa niyang maghangad ng katayuan. Saanman siya magpunta, nais niyang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan.) Kung ang paglipat ng lugar o grupo ay hindi makapagpapabago sa kanya, paano naman kung hintayin na lang kayang tumanda sila—magbabago na kaya sila nang kaunti kapag nangyari iyon? Babawasan na kaya nila nang kaunti ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at awtoridad, hihina na kaya ito nang kaunti? (Hindi. Wala itong kinalaman sa edad; hindi na mababago ang disposisyon nilang ito.) Isang malupit na disposisyon ang naghahari at kumokontrol sa mga anticristo, kaya hindi nila kayang magbago. Tila ang malupit na disposisyon ng mga anticristo ay isang bagay na natikman at nakita na mismo ng maraming tao. Isang realidad ang pagkontrol ng mga anticristo sa puso ng mga tao at may ebidensyang magpapatunay nito—medyo seryosong usapin ito. Walang kakayahan ang mga ganitong tao na kalimutan o isantabi ang usapin ng pagkontrol sa puso ng mga tao. Gayon ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Mula sa isang subhetibong perspektiba, hindi nila ito kayang isantabi; mula naman sa isang obhetibong perspektiba, walang sinumang makapagpapabago sa kanila—mga anticristo talaga sila. Sabihin ninyo sa Akin, matapos mapatalsik at hindi na makasama ang mga kapatid, may mga anticristo ba na nawawalan na ng pagnanais na kontrolin ang puso ng iba? Magbabago ba ang mga anticristo dahil sa mga pagbabago sa kanilang kapaligiran o heograpikong posisyon? (Hindi.) Hindi sila magbabago kasabay ng mga pagbabago ng panahon at lugar—ang kalikasang diwa nila ang nagtatakda nito. Sa pagkontrol sa puso ng mga tao, ang totoo ay sinusubukan ng mga anticristo na magkaroon ng kapangyarihan sa mga tao—ng kapangyarihang magpasya, gumawa ng mga desisyon, at kontrolin ang mga tao at manipulahin ang puso ng mga tao—ang kapangyarihang ito ang nais nilang matamo. Para makontrol ang puso ng mga tao, gagamit ang mga anticristo ng iba’t ibang gawi at pamamaraan para igalang sila ng mga tao, para lansihin at iligaw ang mga tao, para magbalatkayo sa mga tao, at gumamit pa nga ng mga partikular na gawi at pamamaraan para pagtakpan ang kanilang mga tiwaling disposisyon at karakter, at pigilan ang mga tao na makilatis o makita ang tunay nilang diwa na tutol sa katotohanan at sa mga anticristo. Sa panlabas, nagkukunwari silang mga taong espirituwal at perpekto, na walang mga kapintasan o depekto, o anumang bahid ng tiwaling disposisyon, at sa ganitong paraan, natutupad nila ang kanilang mga mithiing igalang, tingalain, hangaan, sambahin, at asahan pa nga sila ng iba. Ang matupad ang mga mithiing ito ay, sa diwa, isang bunga ng pagkontrol nila sa puso ng mga tao. Sa pagbabahaginan natin tungkol sa lahat ng disposisyon at pagpapamalas ng mga anticristo, ang pagkontrol ng mga anticristo sa puso ng mga tao at ang pagkukumahog nilang magkamit ng kapangyarihan at pakinabang ang sumakop sa karamihan ng ating talakayan. At dahil marami-rami na tayong napagbahaginan tungkol sa paksang ito, hanggang diyan na lang muna ang ating pagbabahaginan sa ngayon.

II. Kinokontrol ng mga Anticristo ang mga Pananalapi ng Iglesia

Ang pangunahing punto na pagbabahaginan natin ngayon ay tungkol sa pagkakaroon ng mga anticristo ng isa pang nakamamatay na pagpapamalas bukod sa pagtatangka nilang kontrolin ang puso ng mga tao, at bukod sa kanilang ambisyon at paghahangad sa kapangyarihan. Ibig sabihin, nagpapakita rin sila ng matinding pagnanais sa mga pananalapi ng iglesia, isang pagnanais na matatawag ding kasakiman. Bukod sa pagmamahal nila sa katayuan, may natatangi ring pagmamahal ang mga anticristo sa mga pananalapi. Ang interes at kasiyahan nila sa mga pananalapi ay sagana at walang humpay; tinutukoy natin ito bilang pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia. Ang pagtatangka ng mga anticristo na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia at ang pagtatangka nilang kontrolin ang puso ng mga tao ay pareho lang—pareho lang itong hindi lehitimo at hindi makatwirang pagsisikap. Malinaw na isa itong bagay na hindi marangal. Ang magkaroon ng ambisyon at pagnanasang kontrolin ang puso ng mga tao ay kasuklam-suklam na, sadyang hindi na ito marangal, pero gusto pa rin ng mga anticristo na makontrol ang mga pananalapi ng iglesia—lalo namang kamuhi-muhi ang bagay na iyon na nangyayari sa kanila. Kung gayon, kapag hinahangad ng mga anticristo na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia, ano ang mga kongkretong pagpapamalas nito? Mas madali ba itong makikilatis kaysa kapag hinahangad nilang kontrolin ang puso ng mga tao? Kapag hinahangad ng mga anticristo na kontrolin ang puso ng mga tao, kayang kilatisin ng mga tao ang ilan sa mga pamamaraan at disposisyong ginagamit nila. Pero kung lubha silang malihim at mapanlinlang, at kung may ilang pahayag, taktika, o satanikong panlalansi sa likod ng mga ito, na hindi ibinubunyag ng mga anticristo sa panlabas, kundi pribado lamang nilang iniisip, kung gayon, hindi madaling makikilatis ang mga bagay na ito. Gayunpaman, ang pagtatangkang kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia ay mayroon dapat ilang kongkretong pagpapamalas at pamamaraan. Nadadalian ba kayong kilatisin ang mga pamamaraang ito? Kapag nakita na ng sarili ninyong mga mata ang mga bagay na ito at narinig na ng sarili ninyong mga tainga ang tungkol sa mga ito, makikilatis ba ninyo na kilos ng mga anticristo ang mga ito? (Kung halatang pag-uugali ang mga ito, kung gayon ay oo. Halimbawa, magtatanung-tanong ang mga anticristo kung sino ang namamahala sa pangangalaga sa mga handog at sa mga katulad nito.) Madali itong makikilatis dahil isang sensitibong bagay ang ukol sa mga pananalapi, at hindi mag-uusisa tungkol dito ang karamihan sa mga tao, maliban kung mga mapag-imbot silang tao na may masamang balak sa mga pananalapi, kung magkagayon, magkakainteres sila at magtatanung-tanong sila tungkol sa ganitong uri ng impormasyon. Kaya magbahaginan tayo tungkol sa kung anong mga kongkretong pagpapamalas mayroon ang mga anticristo na sinusubukang kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia.

Pagdating sa paksa ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia, iuugnay ito ng karamihan ng mga tao sa mga halimbawang nakita na nila noon patungkol sa panloloko o paglulustay sa pag-aari ng iglesia, hindi ba? O maaaring may ilang tao na, dahil bata pa o maikling panahon pa lamang na nananampalataya sa Diyos, hindi iniintindi masyado ang tungkol sa mga bagay na ito at hindi man lang iniisip ang tungkol sa mga ito. Kaya magbahaginan tayo nang detalyado tungkol dito, nang sa gayon ay maunawaan ninyo ang ilan sa mga isyu, tuntunin, maging ang mga bawal na bagay na may kinalaman sa mga pananalapi ng iglesia. May ilang nagsasabi na, “Hindi ko kailanman pinag-interesan o inusisa ang mga bagay tungkol sa mga pananalapi ng iglesia. Hindi ako nagkikimkim ng ganoong uri ng kasakiman. Wala itong kinalaman sa akin, at medyo sensitibong paksa ito sa iglesia, kaya ayos lang sa akin kung may nalalaman man ako o wala tungkol dito.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kahit ano pa ang maaaring iniisip ninyo, may kaugnayan ang paksang pinagbabahaginan natin ngayon sa disposisyon ng mga anticristo, at mula sa perspektiba ng pagsusuri at paghihimay sa disposisyon ng mga anticristo, makabubuti sa bawat isa sa inyo na maunawaan itong lahat at maunawaan ito nang malinaw. Gagamitin natin ang bagay na ito para himayin ang disposisyon ng mga anticristo, kaya magbahagi muna tayo tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pag-aari ng iglesia at kung kanino ba ito sa tingin nila, pati na kung ano ang iniisip ng mga anticristo sa pag-aari na ito at kung paano nila ito inilalaan sa kanilang pribadong isipan. Una sa lahat, paano binibigyang depinisyon ng mga anticristo ang pera at ang iba’t ibang bagay na inihahandog ng mga kapatid sa iglesia? Kung titingnan ang kanilang pagkatao, sakim ang mga anticristo, at matindi ang kanilang kasakiman, kaya hindi sila mawawalan ng interes sa pag-aaring ito. Sa halip, magiging lubhang interesado sila rito, pag-uukulan nila ng masusing atensyon ang pagsusuri at pag-alam kung gaano karaming pag-aari mayroon ang iglesia, kung sino ang nangangasiwa sa pangangalaga nito, kung saan ito nakatago, at kung ilang tao ang nakakaalam ng tungkol dito. Pagdating sa mga pangunahing impormasyon tungkol sa mga pananalapi ng iglesia, magpapakita muna ng matinding interes ang mga anticristo rito, pinaglalaanan ito ng espesyal na atensyon, nag-uusisa, at nagtatanung-tanong, sinusubukan ang lahat ng kanilang makakaya para makuha ang impormasyong ito. Kung wala silang kasakiman at kung wala silang kinikimkim na anumang masamang balak, pag-iinteresan ba nila ang mga bagay na ito? (Tiyak na hindi.) Naiiba ang mga anticristo sa mga taong may normal na pagkatao, dahil may lihim silang motibo sa kanilang pagmamalasakit. Ang pagmamalasakit nilang ito ay hindi para pangalagaan ang pag-aaring ito, sa halip, gusto nilang angkinin ito, o magamit ito nang ayon sa kanilang kagustuhan. Samakatuwid, ang unang pagpapamalas ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia ay ang pag-uuna nila sa kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia.

A. Inuuna ang Kanilang Pag-angkin at Paggamit ng Pag-aari ng Iglesia

Kapag may katayuan na ang mga anticristo, lumilitaw ang isang mali at walang kahihiyang ideya sa kaibuturan nila: Sa pagiging lider, dapat makuha nila, hindi lamang ang karapatang malaman ang tungkol sa mga pananalapi ng iglesia, kundi pati rin ang lubos na kapangyarihan para kontrolin ang mga ito. Ano ang layunin nila sa pagkakaroon ng kontrol sa mga pananalapi ng iglesia? Ang magkaroon ng kapangyarihang unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia. Ano ba ang ibig sabihin ng inuuna nila ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? Ibig sabihin nito, hangga’t sila ang nangangasiwa sa isang iglesia, ang pera at ang mga bagay na inihahandog ng mga kapatid sa ilalim ng kanilang pagsubaybay ay mapapasailalim ng kanilang pamamahala, paggamit, at pag-aari. Tama ba ang ideyang ito o mali? Maliwanag na mali ito, pero ganoon mag-isip ang mga anticristo. Ang unang ginagawa nila pagkatapos na maging lider ay ang kumilos at bumuo ng mga plano tungkol sa mga pananalapi. Una, inaalam nila kung sino ang namamahala sa mga pananalapi, kung ilang tao ang namamahala sa mga pananalapi, kung gaano karaming pera ang nakatala sa mga aklat, at kung mahuhusay na kanang kamay ba nila o mapagkakatiwalaang tauhan nila ang siyang mga namamahala sa mga pananalaping ito. Kung hindi, nagmamadali silang tanggalin ang mga ito sa iba’t ibang kadahilanan at pagkatapos ay papalitan nila ang mga ito ng mga sarili nilang mga tauhan. Tumitigil ba sila sa pagpapalit sa mga taong namamahala sa mga pananalapi? Hindi, hindi ito ganoon kasimple. Higit pa rito ang kanilang mga ambisyon; sadyang kailangang magkaroon sila ng malinaw na pagkaunawa kung ano ang halaga ng pag-aari ng iglesia. Bukod pa sa panawagang maghandog ang mga tao, paano pinangangasiwaan ng mga anticristo ang pag-aaring ito? Kumukuha sila ng pera mula sa iglesia kapag kailangan nilang bumili ng damit, at ganoon ulit kapag pupunta sila sa doktor, at kung kulang sila sa damit, pumipili sila ng ilan sa magagandang aytem mula sa mga donasyon ng mga kapatid. At hindi pa rin sila tapos pagkaraang makapamili; kailangan nilang subukan ang bawat damit, kinukuha ang magaganda para sa kanilang sarili, at ang iniiwan lang nila para sa iglesia ay ang mga may pinakahindi magandang kalidad na ayaw nila. Sa madaling sabi, gagamitin nila ang pera ng iglesia para bayaran ang sarili nilang mga pagkain at gastusin, ultimo 0.2 RMB na gastos sa pamasahe, at ang ilan pa nga sa kanila ay gagamitin ang pera ng iglesia para bumili ng maluluhong bagay, mga suplementong gamot para sa kalusugan, kosmetiko, at iba’t ibang uri ng bagay para sa personal nilang gamit. Pagkaupong-pagkaupo ng mga anticristo bilang lider, at bago pa sila gumawa ng kahit kaunting gawain, napakaagap nila pagdating sa pagtatamasa ng pag-aari ng iglesia, at ginagawa nila itong prayoridad. Pagkatapos na matamasa ng mga anticristo ang pag-aari na ito, sumasailalim ang kanilang buong espirituwal na pananaw at kalidad ng buhay sa malaking pagbabago at ganap itong nagiging iba kaysa dati. Sa anumang pagkakataon, ipapaayos nila ang kanilang buhok, at magpapamasahe ng kanilang katawan, ibibigay nila ang luho ng kanilang katawan, gagawin ang mga bagay-bagay para maingatan ang kanilang kalusugan, at igagawa nila ang kanilang sarili ng tonikong pampalakas ng katawan—maging ang iba’t ibang kagamitang de-kuryente na ginagamit nila ay tataas ang kalidad. Sa sandaling maging lider sila, tinatandaan ng mga anticristo kung sino ang mayayamang tao sa iglesia at kung sino ang mga may kakayahang maghandog. Huhuthutan nila ngayon ng pera ang mayayamang taong ito, at iyong mga madalas maghandog ay magiging mga pinakaiingatang miyembro ng iglesia, at mga paboritong alaga sa paningin ng mga anticristo. Kapag pumapasok ang mga anticristo sa iglesia, katulad lang ito ng kapag may nakapasok na tumanggong sa ubasan—masasalanta ang ubusan. Bukod sa kakainin ng tumanggong ang magagandang ubas, sisirain din nito ang buong lugar.

Sa isip ng mga anticristo, ang mga pera at bagay na inihandog ng mga kapatid, na kolektibong tinatawag na “mga handog,” ay pawang “pampublikong” pag-aari ng iglesia. Hindi ito nangangahulugan na ang pampublikong pag-aari na ito ay para sa lahat; kundi tumutukoy ito sa katunayang kolektibo itong handog na mula sa lahat pero ang mga karapatan sa paggamit nito, para sa lahat ng praktikal na layunin, ay nasa mga lider. Mula sa pananaw ng mga anticristo, tungkulin nilang unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia, dahil mga lider sila, sila ang ulo, at ang lahat ng bagay sa iglesia, lalo na ang magagandang bagay, ay kailangang mapasakanila, at nasa ilalim ng kanilang awtoridad. Naniniwala ang mga anticristo na: “Isang paimbabaw lamang na pahayag ang sabihing ibinibigay sa Diyos ang mga pera at bagay na inihahandog ng mga kapatid. Ilan sa mga bagay na ito ang magagamit ng Diyos? Makabababa ba ang Diyos mula sa langit para ibahagi ang mga handog na ito sa mga tao? Kaya, hindi ba’t ang mga tao ang dapat magdesisyon kung paano dapat gugulin, ilaan, at gamitin ang mga handog na ito?” Gayon ang walang kahihiyang ideyang kinikimkim ng mga anticristo hinggil sa pag-aari ng iglesia. Ano pa ang lalong walang kahihiyan? Sinasabi nila: “Hindi matatamasa ng Diyos sa langit ang mga pera at aytem na inihandog ng mga tao sa lupa, kaya paano dapat na ilaan at gamitin ang mga bagay na ito? Hindi ba’t dapat tumulong ang mga lider ng iglesia sa pagkonsumo, paggamit, at pagtatamasa sa mga ito? Magiging katumbas iyon sa paggamit ng Diyos na nasa langit sa mga ito.” Kaya naman dahil diyan, ginagawa ng mga anticristo na personal nilang pag-aari ang mga handog ng mga kapatid. Malinaw na malinaw sa kanila kung sino ang naghahandog ng kung anong bagay at kung kailan—ang mga bagay na ito ay dapat iulat sa kanila at dapat na alam nila. Hindi sila nababahala tungkol sa iba pang bagay. May isang bagay na lubhang mahalaga sa kanila bukod sa mahigpit na paghawak sa kanilang sariling kapangyarihan—at iyon ay ang pagkontrol sa mga pananalapi ng iglesia. Ito ang dahilan kung bakit sulit para sa kanila ang maging isang lider. Sa paraan ng kung paano tinitingnan at pinapangasiwaan ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, may kahit isang aspekto ba na naaayon sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos? (Wala.) Sa simula’t simula pa lang hanggang sa kasalukuyang panahon, sinabi ba ng Diyos kahit minsan kung sinong tao ang dapat umangkin o gumamit ng mga handog na ibinigay sa Kanya ng mga kapatid? Sinabi ba ng Diyos kahit minsan na dapat magkaroon ng awtoridad ang mga lider at manggagawa ng iglesia, apostol, at propeta na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? Sinabi ba ng Diyos na mapapasakamay ng sinumang magiging lider ang paggamit at pagmamay-ari sa pag-aari ng iglesia? (Hindi.) Kung gayon, bakit may ganitong maling pagkakaintindi ang mga anticristo? Dahil wala namang hayagang isinasaad ang mga salita ng Diyos patungkol sa pag-aari ng iglesia, bakit nagkikimkim ng ganitong pananaw ang mga anticristo ukol dito? (Wala silang may-takot-sa-Diyos na puso.) Ganoon lang ba ito kasimple? Ang sabihin sa kontekstong ito na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso ay pawang mga walang kabuluhang salita. Hindi tinatalakay ng mga salitang ito ang disposisyon ng mga anticristo. Pinag-iimbutan ba ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia kapag hindi sila ang nakaupong lider? (Oo.) Kung gayon, masasabi mo bang naglalaho ang may-takot-sa-Diyos nilang puso sa oras na maging mga lider na sila? Hindi naman kaya na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso bago sila naging lider? Masasabi bang ganito nga? (Hindi.) Samakatuwid, hindi balido ang paliwanag na ito. Pinag-iimbutan ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia: Bakit ganito? (Mayroon silang buktot na disposisyon.) (Likas silang sakim.) (Likas silang naghahangad ng pakinabang higit sa anupamang bagay.) Disposisyong diwa ba ng mga anticristo na naghahangad sila ng pakinabang higit sa anupamang bagay? (Hindi.) Isa lang itong pagpapamalas ng kanilang karakter. Kaya, himayin natin kung ano ba ang panloob na disposisyon ng mga anticristo. (Ito ay buktot at malupit.) Ito ay, unang-una na sa lahat, malupit, at saka buktot. Ano ba ang ibig sabihin ng malupit? Ibig sabihin nito ay sapilitan nilang kukuhain ang mga bagay na hindi naman talaga sa kanila o pagmamay-ari nila, sang-ayon man dito ang ibang tao o sa kanilang iniisip: Isa itong malupit na disposisyon. Ang likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, ng mga diyablo at Satanas na ito, ay ang makipagtunggali sa Diyos sa lahat ng bagay. Sa loob ng iglesia, bukod sa nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa mga hinirang Niyang tao, sinusubukan ding agawin ng mga anticristo ang mga handog na ibinigay ng mga tao sa Kanya. Sa panlabas, mukhang nagiging mapag-imbot ang mga anticristo, pero sa realidad, ito ay dahil may disposisyon at diwa sila ng mga anticristo. Ang naisin nilang makuha at makamkam ang mga pera at aytem na inihahandog ng mga tao sa Diyos—ito, sa diwa nito, ay kalupitan. Halimbawa, para lang itong bumili ka ng isang bagong padded jacket, na maganda ang estilo at de-kalidad ang pagkakagawa, at pagkatapos, may nakakita nito at sinabing, “Mas maganda ang padded jacket mong ito kaysa sa jacket ko. Ang sira-sirang ito na suot ko ay butas-butas na, at hindi na ito uso. Bakit ang ganda ng sa iyo?” at kapag tapos na siyang magsalita, sapilitan niyang aagawin ang padded jacket mo, at ibinibigay ang sira niyang jacket sa iyo. Hindi ka makakatanggi sa kanya—papagdusahin ka niya, pahihirapan ka niya, bubugbugin ka niya, at baka patayin ka pa nga niya. Mangangahas ka bang labanan siya? Hindi ka mangangahas na labanan siya, at kukuhain niya ang mga gamit mo nang labag sa iyong kalooban. Kaya, ano ang disposisyon ng taong ito? Isa itong malupit na disposisyon. May pagkakaiba ba sa pagitan nito at sa disposisyon ng mga anticristo sa pag-aangkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? (Wala.) Ayon sa perspektiba ng mga anticristo ukol sa pag-aari, sa sandaling maging mga lider at “mga opisyal” na sila, at hawak-hawak na nila ang pag-aari ng iglesia, pagmamay-ari na nila ang pag-aari ng iglesia. Kahit sino pa ang siyang naghandog, o kung ano ang ibinigay nila bilang handog, susunggaban ito ng mga anticristo. Ano ba ang ibig sabihin ng pagsunggab sa isang bagay? Ibig sabihin nito ay matapos mapasailalim sa kontrol ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia—na dapat sana ay maayos na magamit at mailaan nang alinsunod sa mga regulasyon ng iglesia, sila lang ang may eksklusibong kapangyarihan na gamitin ito. Kahit kapag kailangan ang pag-aari na ito para sa gawain ng iglesia o ng mga manggagawa sa iglesia, hindi pumapayag ang mga anticristo na ipagamit ito. Sila lang ang maaaring gumamit nito. Tungkol naman sa kung paano gamitin at ilaan ang pag-aari ng iglesia, ang mga anticristo ang may huling salita; kung nais nilang ipagamit ito sa iyo, maaari mo itong gamitin, at kung hindi, hindi mo ito maaaring gamitin. Kung hindi sagana ang mga pondong handog ng iglesia at nagamit ang lahat ng ito para sa personal na gastusin ng mga anticristo matapos nilang angkinin ang mga ito, wala silang pakialam na wala nang perang natira para sa gawain ng iglesia. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia ni ang normal na mga pinagkakagastusan ng iglesia. Ang gusto lang nila ay ang kunin ang mga pondong ito at sila mismo ang gumastos sa mga ito, itinuturing ang mga ito na parang sarili nilang kita. Hindi ba’t kahiya-hiya ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo.) Sa ilang iglesia na matatagpuan sa medyo mauunlad na lugar, iniisip ng mga anticristo: “Ayos na ayos ang lugar na ito. Pagdating sa mga pagkakagastusan, maaari akong gumastos nang gumastos at gawin kung ano ang gusto ko, at hindi ko na kailangan pang sumunod sa mga regulasyon at prinsipyo ng iglesia. Maaari akong gumastos ng pera sa anumang paraan na gusto ko. Mula nang maging lider ako, sa wakas natamasa ko na rin ang buhay na gumastos ng pera nang hindi na kailangang magtuos. Ang kailangan ko lang gawin ay sabihin lang kung gusto kong gumastos sa isang bagay, hindi ko kailangang mag-alala tungkol dito, at lalong hindi ko kailangang ipagpaalam pa ito sa kaninuman.” Pagdating sa paggastos sa yaman ng iglesia, hawak ng mga anticristo ang lahat ng kapangyarihan, padalus-dalos silang kumilos, at wala silang patumanggang gumastos ng pera. Bukod pa sa wala silang ginagawang anumang gawain nang alinsunod sa mga prinsipyo ng iglesia o sa mga pagsasaayos ng gawain, ganoon din tinatrato ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, nang walang anumang prinsipyo. Maaari nga kayang hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo? Hindi, alam na alam nila ang mga prinsipyo tungkol sa alokasyon at paggastos ng pag-aari ng iglesia, pero hindi nila makontrol ang sarili nilang kasakiman at mga pagnanasa. Kapag mga ordinaryong tao sila na walang anumang katayuan, mapagpakumbaba sila at namumuhay nang simpleng pang-araw-araw na buhay, pero sa sandaling maging lider na sila, iniisip nilang bigating-tao na sila. Nagiging partikular sila sa kung paano sila manamit at kumain—hindi na sila kumakain ng mga ordinaryong pagkain, at natututo na silang maghanap ng mga de-kalidad at sikat na tatak sa pagdadamit sa kanilang sarili. Kailangan de-kalibre ang lahat; saka lamang nila nararamdamang umaayon ito sa kanilang identidad at katayuan. Sa sandaling maging lider na ang mga anticristo, para bang may utang pa ang lahat ng kapatid sa kanila, at dapat maghandog ng mga regalo ang mga ito sa kanila. Kung may magandang bagay na nangyari, dapat unahin sila, at inaasahan nilang gagastusan sila ng mga kapatid. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagiging lider ay nangangahulugang may kapangyarihan dapat sila na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia. Bukod sa ganito sila mag-isip, ganito rin sila umasal. Bukod pa rito, sumusobra na sila, dahilan para kasuklaman sila ng ibang tao. Kung titingnan mula sa perspektibang ito, ano ang karakter ng mga anticristo? Matapos maging lider, nang walang ginagawang kahit kaunting gawain, gusto nilang angkinin ang mga handog at sila ang maunang gumamit sa mga ito. Anong uri ng tao ang may kakayahang gawin ang mga gayong bagay? Isang tulisan, isang tirano, o isang lokal na siga lamang ang gagawa ng mga ganitong bagay.

May isang lider na ginawa ang mga sumusunod na gawa. Subukan ninyong kilatisin ang bagay na ito na ginawa niya, at himayin ninyo ito. Isang araw, nakatanggap ako ng isang pakete ng mga Chinese herbal dietary supplement. Naisip Ko, “Hindi Ko naman pinabili ito sa sinuman, kaya saan nanggaling ito? Sino ang bumili nito? Bakit wala Akong nalalaman tungkol dito?” Pagkaraang makapagtanung-tanong, napag-alaman Ko na isa palang lider ang nagpasya na bilhin ito nang hindi man lang sumasangguni sa Itaas. Sinabi niyang kailangan ng Itaas ang aytem na ito. Pagkarinig nito, sinabi ng mga kapatid na nasa ibaba, “Yamang gusto ng Itaas na mabili ito, simple lang iyan, maaaring gamitin na lang natin ang pera ng iglesia para bilhin ito. Anuman ang gustong bilhin ng Itaas ay ayos lang, lalo na’t kung para naman ito sa Diyos—wala kaming anumang pagtutol.” Pagdating naman sa perang ginastos—kanino ito? (Mga handog para sa Diyos.) Paano nangyaring napakaluwag niya pagdating sa paggastos ng mga handog na para sa Diyos? Pinahintulutan ba ng Itaas ang pagbili na ito? Lihim niya itong pinagdesisyunan nang mag-isa at binili niya ang gamot nang walang pahintulot Ko. At nang binibili na niya ito, hindi niya inisip man lang na, “Magiging kapaki-pakinabang ba ito sa Itaas? Angkop ba ang binibili kong ito? Gaano karami ang dapat kong bilhin? Papayagan ba ako ng Itaas na gastusin ang perang ito?” Tinanong ba niya ang mga bagay na ito? (Hindi.) Nang hindi man lang nagtatanong, binili niya nang direkta ang aytem na ito. Saan nanggagaling ang pagiging liberal na ito? Anong uri ng personal na katapatan ito? Ginamit niya ang pera ng Diyos para bumili ng isang bagay para sa Diyos, na para bang tungkulin niya ito, ginagawa ang lahat at pinagtatagumpayan ang lahat ng hadlang para mabili ang bagay na iyon at mabigyang-lugod ang Diyos. Ano ang ibig sabihin dito ng pagbibigay-lugod sa Diyos? Ibig sabihin nito: “Maaari Kitang sorpresahin nang hindi na dumaraan sa Iyo. Kita Mo, may ganito akong abilidad! Alam Mo bang nagawa ko ito? Ano sa palagay Mo? Hindi ba’t isa itong magandang sorpresa? Hindi Ka ba masaya? Hindi Ka ba naaaliw?” Kaninong pera ba ang ginamit mo? Sa iyo ba iyon? Kung ang ginastos mo ay pera ng Diyos, pinayagan ka ba ng Diyos? Ginastos mo ang perang ninakaw mo mula sa Diyos, at pagkatapos ay sasabihin mong nais mong bigyan ang Diyos ng isang magandang sorpresa: Anong klaseng lohika ito? At kaninong pera ba ang ginamit mo nang napakaliberal? (Ang pera na pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos.) Ang maging liberal sa perang pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos ay katumbas ng pagiging liberal sa mga handog na para sa Diyos. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Oo.) Maaaring makaramdam kayo ng pagkasuklam pagkarinig ninyo nito, pero ang taong sangkot ay hindi man lang nasuklam kundi medyo nalugod pa nga sa kanyang sarili. Matapos maipadala ang aytem, nagmuni-muni siya: “Bakit walang anumang tugon? Ginawa ko ang napakagandang gawa na ito para sa Iyo, kaya bakit hindi Mo ako pinasalamatan? Nagustuhan Mo ba ang aytem? Nasisiyahan Ka ba rito? Gusto Mo bang ibili pa Kita ng mas marami pa nito sa hinaharap? Anong nagiging pagtatasa Mo sa akin? Mula ngayon, ilalagay Mo na ba ako sa isang mahalagang posisyon? Nasisiyahan Ka ba sa ginawa ko? Ginamit ko ang Iyong pera para gawin ang isang bagay para sa iyo—ano ang masasabi Mo sa kabaitan ko? Masaya Ka ba? Sige na, magsalita Ka naman. Bakit wala Kang tugon?” Dapat Ko ba siyang sagutin? (Hindi.) Bakit hindi? Medyo matagal-tagal nang nangyari ang insidenteng ito, pero sa buong panahong ito ay hindi nawala ang pagkasuklam Ko rito—nasusuklam Ako tuwing nakikita Ko ang bagay na iyon na binili niya. Sabihin ninyo sa Akin, makatwiran ba na masuklam Ako? Karapatdapat bang himayin ang insidenteng ito? (Oo.) Anong uri ng asal ito? Pagpapahayag ba ito ng katapatan? Ng kabaitan? O ng may-takot-sa-Diyos na puso? (Wala sa mga ito.) Tinatawag itong pagsisipsip at paglalaro sa isang tao, at nangangahulugan itong: “Ginastos ko ang Iyong pera para ibili Ka ng isang bagay na gusto Mo at para makapag-iwan ako ng magandang impresyon sa Iyo, para mas gumanda ang pagtingin Mo sa akin.” Nais ng lider na ito na bigyan Ako ng kasiyahan, para bolahin Ako at sumipsip sa Akin, pero nabigo siya sa bandang huli, at nakita Ko ang totoo niyang pagkatao. Anong mga pagkakamali ang nagawa niya? Una sa lahat, hindi ito isang bagay na iniatas Ko sa kanya na gawin para sa Akin; wala Akong ipinadalang mensahe na gawin niya ito. Pangalawa, kung ginusto man niyang gawin ito bunsod ng kabutihang-loob ng kanyang puso, nagpaalam muna dapat siya at humingi ng pahintulot bago niya ito ginawa. At, habang isinasagawa niya ito, hindi ba’t dapat ay nagtanung-tanong siya tungkol sa mga kaugnay na bagay na kailangan niyang malaman? Halimbawa, kung gaano karami ang bibilhin, kung magkano ang bibilhin, kung anong kalidad ang bibilhin, kung paano dapat gastusin ang pera—hindi ba’t dapat itinanong niya ang tungkol sa mga bagay na ito? Ang magtanong tungkol sa mga bagay na ito ay naging pagkilos sana nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ano ang kalikasan ng kanyang kabiguan na gawin ang mga pagtatanong na ito? Sa mas maliit na antas, iniisip niyang napakatalino niya, sa mas malaking antas naman, tinatawag itong pagkilos ayon sa sariling kagustuhan, walang pagsasaalang-alang sa Diyos, at pagkilos nang padalus-dalos! Hindi Ko kailanman sinabi sa kanya na bilhin ang aytem na iyon, kaya para kanino ang pagpapakita niyang ito ng mabubuting intensyon? Hindi ba’t naghahanap siya ng gulo? Higit pa rito, ang pinakamalaki niyang problema ay kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pag-aari, na ating pinagbabahaginan at hinihimay ngayon. Naniwala siya na, bilang lider ng iglesiang iyon, kwalipikado siyang tamasahin ang mga handog na ibinigay sa Diyos ng mga hinirang na tao ng Diyos sa loob ng iglesia, at na may kapangyarihan siyang gamitin at angkinin ang mga handog na ito sa Diyos, at na siya ang may huling salita pagdating sa mga ito. Sa iglesiang iyon, taglay niya ang kapangyarihan ng isang hari at naging lokal na tirano siya roon. Inisip niya: “Hindi ko kailangang ipaalam o ipagpaalam sa Iyo ang mga bagay na binibili ko, ako na ang mangangasiwa nito para sa Iyo. Sang-ayon Ka man o hindi, hangga’t nararamdaman kong magiging mabuti itong gawin sa ganitong paraan, at gusto kong gawin ito sa ganitong paraan, ganoon ko ito gagawin.” Anong klase siya? Hindi ba’t isa siyang anticristo? Ganoon kawalang kahihiyan ang mga anticristo. Nang mabigyan ng katayuan at maging lider ang taong ito, ginusto niyang maging isang hari, para maangkin ang pag-aari ng iglesia. Inisip niya na siya lamang ang makapagpapasya tungkol sa pag-aari ng iglesia, at siya lamang ang may kapangyarihan para angkinin ito at gamitin ito. Inisip pa nga niya na siya ang may huling salita sa pagbili ng mga bagay-bagay para sa Akin at kung anong mga bagay ang dapat bilhin. Pero kailangan Ko bang ibili mo Ako ng mga bagay-bagay? Anuman ang gamitin Ko, at kung paano Ko man ito gamitin, kailangan Ko bang isangkot ka pa? Hindi ba’t kawalan ito ng katwiran? Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Nakalimutan mo na ba kung sino ka? Hindi ba’t katulad lang ito ng arkanghel na, matapos mabigyan ng katayuan, ay ginusto nang maging kapantay ng Diyos? Gaano karaming pagkakamali ang ginawa ng tao na gumawa nito? Ang una ay na inilaan niya ang pag-aari ng iglesia na para bang personal niyang pag-aari ito; ang pangalawa ay na mag-isa siyang gumawa ng mga desisyon tungkol sa pagbili ng mga bagay-bagay para sa Akin; ang pangatlo, yamang pinagdesisyunan na niya ito nang mag-isa, hindi na niya ipinaalam sa Itaas ang tungkol dito, hindi siya sumangguni sa kanila at hindi niya ito iniulat sa kanila. Lubhang malubha ang bawat isa sa mga ito. Tila maayos ang pagpapatakbo ng operasyon ng anticristong ito. Isang salita lang niya, isasakatuparan na ng mga alipores niya ang mga utos niya sa maayos na paraan. Ni hindi man lang sila nagtanong: “Napakalaki ng magagastos natin para bilhin ang aytem na ito—iniutos ba ito ng Diyos? Maaari bang gamitin ang perang ito sa ganitong paraan? Angkop ba ito? Sino ba talaga ang nag-utos nito?” Ni hindi man lang tinanong ng mga alipores na iyon ang mga bagay na ito. May pinanagutan ba sila? Mayroon ba silang katapatan? Wala, wala silang katapatan, at dapat silang itiwalag. Isa itong halimbawa ng isang tao na gumamit ng mga handog noon ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan at nang walang kahit anong prinsipyo. Ang gastusin ang mga handog sa Diyos para bumili ng mga bagay-bagay para sa Diyos, nang walang pahintulot Ko: isang malaking pagkakamali ang gawin ito.

Heto pa ang isang halimbawa, nais Kong pakinggan ninyo kung ano ang ginawa ng mga taong ito at tingnan ninyo kung nakakayamot ba ito. Sa mga pagtitipon ng iglesia, ang silyang inuupuan Ko ay masyadong malambot, at nang umupo Ako rito, lumubog Ako nang husto. Napakataas din ng mesa na kinailangan Ko pang panatilihing nakatuwid ang likod Ko, at nakakapagod para sa Akin na umupo nang ganito nang matagal. Kaya, sinabihan Ko silang bumili ng silya na medyo mataas at na may upuang hindi masyadong malambot. Hindi ba’t isa itong bagay na madali lang dapat gawin? (Oo.) Ang totoo, simpleng bagay lang talaga ito. Una, kailangan nilang sukatin ang taas ng silyang kinauupuan Ko noong oras na iyon, at pagkatapos ay maghanap ng upuang mas mataas ng 2 pulgada o marahil ay higit panang bahagya, at pagkatapos niyon ay kailangan nilang tingnan kung gaano kalambot ang upuang iyon, at maghanap ng isang medyo mas matigas. Una, puwede silang magtingin-tingin sa mga tindahan, at kung wala silang makitang akma, puwede silang maghanap pa sa online. Hindi ba’t isa itong bagay na madaling asikasuhin? May anumang problema ba rito? Ang gumastos ng pera para bumili ng isang bagay ay hindi matatawag na isang hamon, at saka, kung pagsasama-samahin ng ilang tao ang kanilang mga ideya, magiging madaling trabaho lang ito. Kaya, pagkaraan ng ilang panahon, nagpunta Ako sa isa pang pagtitipon sa iglesiang iyon, at tinanong sila kung nakabili na ba sila ng bagong upuan. Sinabi nila, “Naghanap kami, pero wala kaming nakita na talagang akma, at hindi namin alam kung anong klase ng upuan ang gusto Mo.” Nabigla Ako nang marinig ito. Naisip Ko, “Sa pagkakaintindi Ko, maraming iba’t ibang tindahan dito ang nagbebenta ng iba’t ibang uri ng bagay, sa lahat ng uri ng kalidad, kaya hindi dapat maging ganoon kahirap na bumili ng upuan. Hindi rin naman masyadong Ako masyadong umaasa.” Pero sinabi ng taong nangangasiwa sa pagbili, “Hindi madaling bumili; walang kahit isang ibinebenta na may mga detalyeng gusto Mo. Baka puwedeng pagtiyagaan Mo na lang muna ang upuang nandito na.” Naisip Ko, “Buweno, kung wala kang binili, ayos lang iyon, makakatipid ito ng kaunting pera, kaya pagtitiyagaan Ko na lang muna ang upuang ito sa ngayon.” Pagkaraan ng ilang panahon, nagpunta Ako sa isa pang lugar, kung saan may ilang magandang upuan na komportableng upuan, at masasabi mo kaagad sa unang tingin pa lang na mga lumang klase ang disenyo ng mga ito at maganda ang kalidad. Kaya, kinuhanan Ko ito ng litrato at sinabihan Ko sila na gamitin ito bilang gabay sa pagbili ng upuan, wala Akong itinakdang kulay nito na gusto ko, at sinabi Ko sa kanila na kung wala silang makita sa mga tindahan, dapat tumingin sila sa online. Tinukoy Ko pa nga na dapat silang maghanap sa mga lugar na nagbebenta ng mga kagamitang pang-opisina. Pagkatapos niyon ay sumagot sila nang ganito: “Naghanap kami sa online, pero wala kaming nakita. Sinabi ng lahat ng gumagawa na lumang modelo na ito, at wala nang gumagawa ng mga upuan na may ganoong estilo sa panahon ngayon, kaya wala kaming nabiling ganoon.” Nabigla na naman Ako nang marinig ito, at naisip Ko, “Mahihina talaga ang mga taong ito sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, at hindi talaga sila maaasahan. Maliit na trabaho lang ang ipinagkatiwala sa kanila, at dalawang beses na nilang sinabi na hindi nila kayang bilhin ang gusto Ko, at tinanggihan nila Ako.” Sinabihan Ko silang patuloy na maghanap, at tingnan kung may ganoon sa iba pang mga website. Samantala, habang naghihintay, may nakita Akong upuan sa isa sa mga bodega ng iglesia. Hindi tapos ang pagkakayari ng upuan, ang kutson nito ay yari sa foam at nababalutan ito ng disenyo ng mga bulaklak na kulay rosas. Diretsong-diretso ang sandalan nito, diretsong-diretso ang mga patungan ng braso, diretsong-diretso ang mga paa, at ang upuan ay diretsong-diretso. Diretso ang bawat bahagi ng upuan; tama ang lahat ng anggulo at kuwadrado ang mga kanto. Sinabi Ko, “Ginawa ba ng isang tao nang mag-isa ang upuang ito?” Isang tao, na nagmamadaling lumapit, ang sumagot, “Hindi ba’t nangangailangan Ka ng upuan? Ginawa namin ito para sa Iyo, at naghahanda na nga sana kaming sabihin sa Iyo ang tungkol dito at hilinging subukan Mo ito.” Ang bait-bait nila sa Akin, kaya naisip Ko: “Sige, susubukan Ko ito.” Madiin Kong inuupan ang upuan, at sobra itong hindi komportable, para bang nakaupo Ako sa isang bato, dahil napakatigas ng foam na nasa upuan. “Ayos lang iyan,” sabi ng taong nakatayo sa tabi Ko, “Mapapalambot pa naman ito nang kaunti. Hindi pa naman ito tapos. Pagagandahin pa namin ito, at pagkatapos ay puwede Mo na itong subukan ulit.” Huwag na kayong umasang susubukan Ko ito ulit! Mas mainam pang umupo sa isang bangkito kaysa sa upuang iyan; kahit papaano, sa bangkito ay hindi Ako parang nakaupo sa bato. Sinabi Ko, “Hindi, hindi ito puwede. Maghanap pa kayo kung kaya ninyo. Kung wala kayong mahanap, kalimutan na lang ninyo ito.” Kaya, inutusan Ko silang patuloy na maghanap. Hindi siguro ito naunawaan ng mga taong gumawa ng upuang iyon. Puwedeng inisip nila, “Pinakitaan ka namin ng labis na kabutihan, pinili namin ang materyales, ang estilo, at ang laki, at pasadyang gumawa ng upuan para sa Iyo. Bakit hindi Mo pinahahalagahan ang kabutihang-loob na ito? At higit sa lahat, sinasabi Mo pang para Kang nakaupo sa bato, na matigas ito. Bakit napakaselan Mo? Anumang gawin namin para sa Iyo, dapat gamitin Mo na lang ito, tapos ang usapan. Pero heto Ka, gusto Mo pa ring bumili ng upuan sa halip. Sinabi na namin sa Iyo nang ilang beses na wala kaming mahanap na uri ng estilo na gusto Mo, pero nagpupumilit Ka pa ring ibili Ka namin ng ganoon. Hindi ba’t magiging magastos iyon? Bakit hindi na lang magtipid ng kaunting pera? Mas makakatipid nang husto kung gagawa na lang kami ng upuan; hindi masyadong mahal ang mga materyales. Anumang kaya naming gawin nang kami lang, dapat gawin na lang namin kaysa bumili pa kami. Bakit hindi Mo nauunawaan ang ibig sabihin ng pagtitipid?” Sabihin ninyo sa Akin, mas makabubuti ba para sa Akin na gamitin ang upuang iyon o hindi? (Mas makabubuti para sa Iyo na huwag iyong gamitin.) Nang makita nilang hindi Ko gagamitin ang upuang ginawa nila, itinapon nila ito sa isang tabi, at wala ring sinuman sa kanila ang gumamit nito. Sabihin ninyo sa Akin, kung hindi Ko ito ginamit, makakasakit ba Ako ng damdamin ng mga tao? (Hindi.) Sa buong buhay Ko, hindi pa Ako kailanman nakaupo sa isang upuang may kutson na napakatigas—matindi talagang karanasan ito. Gayon ang dakilang “kabutihan” na ipinakita sa Akin ng mga taong ito. Pagkalipas ng ilang panahon, sa di-inaasahang kombinasyon ng mga pangyayari, may nabili na ngang isang upuan para sa Akin, kaya may naipakita naman talagang kaunting “kabutihan” ang mga tao sa Akin. Iyon ang unang pagkakataon na hiniling Ko sa kanila na ibili Ako ng isang bagay, at narinig nila ito nang direkta mula sa Akin, at lubhang kasuklam-suklam ang paraan nila ng pag-aasikaso sa gawain. Napakahirap at napakamabusisi ang naging pagbili Ko ng isang upuan, lahat ay kinailangan pang dumaan sa kanila at talakayin pa sa kanila, at bukod doon ay kinailangan Ko ring alamin ang lagay ng kanilang loob. Kung maganda ang lagay ng kanilang loob, puwedeng bilhin nila ito para sa Akin, at kung hindi naman, puwedeng hindi nila ito bilhin, at kung ganoon ay wala akong magagamit. “Gusto Mong gumamit ng komportableng upuan, pero hindi pa namin ito nagagawa, kaya mangarap Ka na lang muna. Gamitin Mo na lang muna itong ginawa ng karpintero. Kapag mayroon na kaming magagamit na mga komportableng upuan, makakagamit Ka rin ng isa.” Hindi ba’t ganitong-ganito ang mga taong ito? Anong uri sila ng mga tao? Hindi ba’t mabababang uri sila ng mga tao? Hinihiling Ko lang naman sa kanila na gumastos ng kaunting handog para bumili ng isang bagay, ang kailangan lang nilang gawin ay ikilos ang kanilang mga kamay at mata nang kaunti, pero ganito kahirap, ganito katrabaho, na ipaasikaso sa kanila ang gawaing iyon. Paano kung sabihan silang gastusin ang sarili nilang pera? Sa simula, hindi Ko sinabi kung kaninong pera ang gagastusin—inakala ba nilang pinlano Kong gastusin nila ang sarili nilang pera, at dahil dito aynatakot sila kaya tumanggi silang bumili? Iyon kaya ang isang dahilan? Kapag hinihiling Ko sa iyong bumili ng isang bagay, bakit naman ikaw ang pagbabayarin Ko? Kung may pondo ang iglesia, sige at bumili ka, at kung wala, huwag kang bumili. Hinding-hindi kita pagbabayarin gamit ang sarili mong pera. Kaya, bakit naging ganoon kahirap na ipagawa sa kanila ang maliit na gawaing ito? Walang pagkatao ang mga taong ito! Kapag hindi nila sinusubukang gawin ang isang bagay, at hindi Ako nakikisalamuha sa kanila, mukha silang mabait at makatwiran, pero kapag sinimulan na nilang gawin ang isang gawain, nawawala ang kabaitan at katwirang ito. Magugulo ang isip ng mga taong ito! Paano Ko sila makakasundo?

Heto pa ang isang halimbawa na may kaugnayan sa paksa ng mga handog. May isang lugar na may maliit na kusina, kung saan ang mga gamit panluto at pangkain ay ginagamit ng lahat, at paminsan, sa taglamig, hindi maiwasan ng mga tao roon na magkatrangkaso. Sinabihan Ko silang bumili ng sterilizing cabinet o ng isang ozone disinfector para maesterilisa ang mga gamit pangluto at pangkain na ginagamit ng lahat. Magiging ligtas at malinis ito. Malaking bagay ba ang hinihingi Kong ito? (Hindi.) Ipinagkatiwala Ko ang gawaing ito sa isang tao at, sa loob lamang ng maikling panahon, nabalitaan Kong may nabili nang ozone disinfector. Napanatag na ang loob Ko, at pagkatapos ay hindi ko na inusisa pa ang tungkol sa bagay na ito. Pero may problema palang nangyari. Ang makinang binili ng taong ito ay hindi pala isang ozone disinfector, kundi isang air-drying machine. Nalinlang ang bumili nito, at higit pa rito, napakababa ng kalidad nito, hindi man lang ito nakaka-esterilisa. Alam ba ito ng taong nag-asikaso ng gawaing ito? (Dapat alam niya.) Pero hindi siguro alam ng buhong na ito. Bakit? Hindi ang taong pinagkatiwalaan Ko ng gawaing ito ang mismong nagsagawa nito, kundi naghanap siya ng ibang taong gagawa nito para sa kanya, at kaya hindi talaga niya alam kung anong aytem ang nabili, o kung maganda ba o pangit ang kalidad nito. Ano ang palagay ninyo sa naging paraan ng pag-aasikaso sa bagay na ito? Ginawa ba ito nang may malasakit o wala? May anumang kredibilidad ba ang taong ito? Karapat-dapat ba siyang asahan? (Hindi.) Anong uri ng tao ito? Isa ba itong taong may integridad o pagkatao? (Hindi.) Isa itong taong magulo ang isip, isang ganap na buhong. At hindi pa rito nagtatapos ang kuwento. Pagkatapos na pagkatapos nito, nagsimulang magbulay-bulay ang taong nangangasiwa sa gawaing ito: “Magandang gumamit ng ozone disinfector para maestirilisa ang mga bagay-bagay. Yamang maraming tao ang gumagamit sa ating mga bulwagang pinagkakainan, marahil ay dapat bumili na rin tayo ng mga ozone disinfector para doon. Bumili Ka ng isa, kaya bibili rin kami ng ilan. Mayroon Kang maliit para sa Iyong maliit na kusina, kaya bibili naman kami ng malalaki para sa aming malalaking bulwagang pinagkakainan. Nang maisip niya ang ideyang ito, tinalakay niya ito sa iba pang buhong, at pagkatapos ay napagpasyahan nga ito. At pagkatapos na mabili ang mga ozone disinfector na iyon, sinabi ng mga kapatid na yamang gumagamit naman ang lahat ng sarili nilang mga pinggan at hindi naman naghihiraman ng anumang kubyertos, hindi na kailangan pang maesterilisa ang mga ito, at kalabisan na lang na maesterilisa pa ang mga ito. Sa huli, natambak na lang ang mga makina, at kahit ngayon ay may ilan pa ring nakatambak sa bodega na nakabalot pa. Ano ang masasabi ninyo sa paraan ng pag-aasikaso sa bagay na ito? Ginawa ba ito sa isang makatwirang paraan? Hindi ba’t isa itong kaso kung saan naghanap lang ng pagkakagastusan ang isang taong walang magawa? Sabi pa nga ng ilang tao, na iniisip na nanggaling sa Itaas ang utos na bilhin ang mga ito, “Huwag kayong magreklamo! Dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos. Mahal na mahal ng Diyos ang mga tao na ibinibili pa Niya tayo ng mga bagay na hindi naman natin magagamit. Handa Siyang gumastos ng malaking halaga para sa atin. Napakabuti ng Diyos sa atin!” Pero ngayon alam na nila na ang mga biniling ito ay bunga ng mga lihim na operasyon ng grupo ng mga buhong. Ganito nila winaldas ang mga handog, nang walang sinumang nananagot, nang walang nagsisiyasat ng mga bagay-bagay, at walang nagsisiyasat kung tama ba na binili ang mga ito, o walang nag-ulat matapos mabili ang mga ito. Ano ang naging batayan ng taong ito sa pagbili sa mga bagay na ito? Ito ay na hiniling Ko sa kanya na bumili ng sterilizing cabinet para sa maliit na kusina. Hiniling Ko ba sa kanya na bilhin ang mga ito para sa lahat ng bulwagang pinagkakainan? Hindi Ko siya kailanman inatasan ng gayong gawain. Kung gayon, ano ang naging motibo niya sa pagbili ng mga ito para sa lahat ng bulwagang pinagkakainan? Hindi ba’t pagtuturing niya ito sa mga handog bilang personal niyang pag-aari, at paglalaan sa mga ito sa papaanong paraan man niya naisin na mailaan ang mga ito? May awtoridad ba siya na ilaan ang mga ito? (Wala.) Bago bilhin ang mga makinang ito, hindi niya Ako kailanman tinanong: “Yamang bumili kami ng isang sterilizing cabinet para sa maliit na kusina, hindi ba’t dapat bumili rin kami ng ilan para sa malalaking bulwagang pinagkakainan?” At hindi niya iniulat kung gaano karaming ozone disinfector ang binili niya matapos niyang bilhin ang mga ito, at kung magkano ang nagastos lahat-lahat, ni hindi niya iniulat ang katunayang wala namang nakitang pakinabang ang mga kapatid sa mga ito. Ito ang kasuklam-suklam na paraan ng naging pag-asikaso sa bagay na ito. At ang taong ito na magulo ang isip ay suwail pa rin nang mapungusan siya. Paano dapat tratuhin ng isang tao ang ganitong uri ng tao? (Patalsikin siya mula sa iglesia.) Kung titingnan ang kalikasan ng insidenteng ito, hindi magiging kalabisan na patalsikin siya mula sa iglesia, dahil isa itong usapin na may kinalaman sa mga handog, at dahil may kinalaman ito sa mga handog, nilabag nito ang mga atas administratibo. Pagkilos ito nang padalus-dalos! Inisip ba niyang sa kanya ang pera? May awtoridad ba siyang gamitin at waldasin ito? Sa pagbili na ipinagkatiwala Ko sa mga tao na gawin para sa Akin, lumikha sila ng iba’t ibang suliranin, at naging isang napakalaking pasakit para sa kanila na magawa ang gawain, at bukod pa rito ay kinailangan Ko pang talakayin ang lahat ng bagay sa kanila. Tungkol naman sa mga bagay na hindi Ko ipinagkatiwala sa mga tao na gawin at bilhin, binili nila ang mga bagay na iyon nang hindi nag-iisip masyado, hindi sila kailanman nagplano o kumonsulta sa karamihan kung magiging kapaki-pakinabang bang aytem ang mga ito—basta-basta na lang nilang winaldas ang pera nang ayon sa kanilang kagustuhan. Noong nakaraan, may ilang espesyal na sitwasyon kung saan sinabihan ang ilang tao na bumili ng pagkaing tatagal ng anim na buwan hanggang isang taon dahil may pangamba na baka hindi sumapat ang mga pagkain. Ipinaliwanag ang naturang usapin sa kanila sa ganitong maikli at simpleng paraan, at sa loob ng isang linggo, bumalik sila para mag-ulat na natapos na nila ang kanilang pamimili sa loob ng tatlong araw, nakabili sila ng mga organikong produkto at ng mga produktong malapit nang masertipika bilang organiko. Kumusta ang ginawa nila? Hindi ba’t napakahusay ng naging paggawa nila? Hindi Ko na kinailangan pang magsalita ng anuman, naasikaso na ang naturang usapin. Inasikaso nila ang gawaing ito nang sila lang nang may kagalakan at kahandaan, at lumitaw talaga na mahusay, maliksi, matalino, at maalalahanin sila. Hindi lamang ang pagkaing kailangan nila ang kanilang nabili, kundi maging ang mga pang-araw-araw nilang pangangailangan. Kabilang sa mga pang-araw-araw nilang pangangailangan na iyon ang lahat ng kanilang kailangan, nabili nila ang lahat ng maiisip mo, maging ang mga bagay tulad ng mga kendi, butong-pakwan, at iba pang mamimiryenda. Naisip Ko na alam talaga ng mga taong ito kung paano mamuhay; alam nila kung paano gumastos ng pera, at malakas din ang loob nilang gumastos ng pera. May kakayahan sila, may malalakas na kasanayan para mabuhay, mas malakas kaysa sa maiilap na hayop, at napakabilis nilang kumilos, mas mabilis pa kaysa sa inaasahan Ko. Para mabuhay, nagawa nilang maitulak ang mga bundok at dagat—walang anumang bagay na hindi nila kayang gawin. Mula sa insidenteng ito, nakita Ko na hindi naman lubos na walang-utak o ganap na walang kakayahang makakumpleto ng mga gawain ang mga taong ito, bagkus ay pangunahing nakadepende ito sa kung para kanino ba nila inaasikaso ang mga gawaing ito. Kung inaasikaso nila ang mga gawain para sa kanilang sarili, mukha talaga silang aktibo, matalas, mabilis kumilos, at episyente—hindi na sila kailangang udyukan, at hindi Ko na kinailangang mag-alala sa kanila. Pero nang gumagawa sila ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nahirapan silang asikasuhin ang anumang gawain, hinding-hindi nila mahanap ang mga prinsipyo, at lagi silang pumapalpak. May dahilan pala ito, at may malaking pagkakaiba sa pagitan ng kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay para sa kanilang sarili at kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay para sa sambahayan ng Diyos. Sa ngayon, huwag na muna nating pag-usapan kung anong uri ng disposisyon o diwa ang taglay ng mga taong ito. Ibinunyag ng dalawang ganap na magkaibang saloobing ito na kinikimkim ng mga taong ito sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay na tunay nga silang may mababang pagkatao. Gaano nga ba kababa ang kanilang pagkatao? Hayaan ninyong bigyan Ko ito ng depinisyon para sa inyo, hindi tao ang mga taong ito, isa lang silang grupo ng mga halimaw! Akma ba sa kanila ang depinisyong ito? (Oo.) Maaaring mahirap sikmurain ang mga salitang ito, at maaaring nakakasama ng loob na marinig ang mga ito, pero ganitong-ganito ang pag-aasikaso ng mga taong ito sa mga gawain, at ganitong uri talaga sila. Ang sinasabi Ko ay batay sa mga katunayan at hindi ito paninirang-puri nang walang basehan. Kapag ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang ilang tao, dahil sila ay bata pa, medyo mahina ang kakayahan, at kulang sa pundasyon at tayog, patuloy silang tutulungan nito, at ibabahagi sa kanila ang katotohanan at mga prinsipyo. Pero, sa huli, ang mababang pagkatao ay mababang pagkatao lang, ang isang halimaw ay isa lang talagang halimaw, at hindi na kailanman magbabago ang mga taong ito. Bukod sa hindi nila isasagawa ang katotohanan, lalo pa silang lalala, magmamalabis, at hindi magtataglay ng kahit katiting na kahihiyan na isang bahagi ng normal na pagkatao. Kapag bumibili sila ng isang bagay o kapag isinasagawa nila ang isang trabaho para sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman humihingi ng payo tungkol sa kung paano bilhin ang mga bagay na ito nang makakamura at makakatipid ng pera habang nakakakuha pa rin ng isang praktikal na bagay. Hindi nila ito kailanman ginagawa. Pikit-mata lang silang gumagastos ng pera, bumibili ng mga bagay-bagay nang walang ingat, at bumibili na lang ng kung anong walang kuwentang mga produkto. Pero kapag dumating na ang panahon para kumpletuhin ang isang gawain o personal na bilhin ang isang bagay para sa Akin, sineseryoso na nila ito at pinag-iisipan kung paano makakatipid sa gastos, at kung paano gagastos nang kaunti pero mas marami ang magagawa. Iniisip nila na ang paggawa sa mga bagay sa ganitong paraan ay paghawak sa mga prinsipyo at pagsasagawa sa katotohanan. May kahit kaunti bang katwiran ang mga taong ito? Kaninong pera ito, at para kanino ito dapat gastusin—malabo pa nga ang mga bagay na ito sa kanila. Hindi ba’t ganito ang pag-aasikaso sa mga bagay-bagay na parang isang buhong? May mga ganitong tao ba sa paligid ninyo? Ang lahat ng hindi nakikipagdiskusyon sa kagawaran ng pananalapi o sa mga kapatid na katuwang nila kapag bumibili ng mga mahalaga at mamahaling bagay para sa iglesia, na basta na lang winawaldas ang mga handog ayon sa kagustuhan nila, na nalalaman namang dapat silang magtipid at magbadyet ng kanilang gastusin kapag ginagastos nila ang sarili nilang pera, pero winawaldas naman ang pera nang ganoon-ganoon lang kapag ginagastos ang mga handog na para sa Diyos—sadya talagang kamuhi-muhi ang mga ganitong tao! Masyado silang kasuklam-suklam! Tama ba? (Oo.) Kinasusuklaman Ko ang mga gayong bagay sa tuwing maiisip Ko ang mga ito. Mas mababa pa nga ang mga halimaw na iyon kaysa sa mga asong-bantay. Nararapat ba silang manirahan sa sambahayan ng Diyos?

May isang lider noon na kinukuha ang lahat ng aytem na inihandog sa Diyos ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar para ilagay sa kanyang “pag-iingat”, kabilang na ang mga mamahaling bagay, karaniwang damit, mga produktong pangkalusugan na makakain, at iba pa. Mga may-tatak na bag ang nakasukbit sa kanyang likod, nakasuot ng balat na sapatos ang kanyang mga paa, may mga singsing sa kanyang mga daliri, kuwintas sa kanyang leeg, at iba pa—anumang maaaari niyang gamitin, aangkinin at gagamitin niya, nang walang pahintulot ninuman. Isang araw, tinanong siya ng kapatid sa Itaas kung bakit hindi pa niya naibibigay ang lahat ng aytem na inihandog sa Diyos ng mga kapatid sa iba’t ibang lugar. Sumagot siya: “Sinabi ng mga kapatid na bigay sa iglesia ang mga bagay na ito, hindi nila sinabi na handog sa Diyos ang mga ito.” Ipinagdiinan pa niya ang punto na ibinigay ang mga ito sa iglesia, na ipinapahiwatig niya na, yamang siya ang kinatawang may lubos na kapangyarihan sa iglesia, mas maigi pang huwag nang umasa ang Diyos na makukuha pa Niya ang mga bagay na ito, na hindi para sa Diyos ang mga ito kundi para sa paggamit ng iglesia. Sa mas kongkretong pananalita, ibig niyang sabihin: “Ako ang siyang dapat na gumamit ng mga bagay na ito, hindi ito inihandog para gamitin ng Diyos. Ano ba ang hinihingi mo? Kwalipikado ka bang hingin ito?” Nagagalit ba kayong marinig ito? (Oo.) Kahit sino ay magagalit kapag narinig ito. Sabihin ninyo sa Akin, may naniniwala ba na inihahandog sa mga lider ng iglesia ang mga bagay na ibinibigay ng mga kapatid sa iglesia? Mayroon bang nagsasabi na, kapag naghahandog sila ng mga bagay sa iglesia, inihahandog nila ang mga ito sa kung sinong lider ng iglesia? May ganito bang layunin ang sinuman? (Wala.) Maliban na lang kapag ginagawa nila ang paghahandog, isinusulat nila, “Pakiparating ito kay ganito-at-ganyan”—saka lamang papasok ang bagay na ito sa pribadong pag-aari ng lider na ito. Kung hindi naman, ang lahat ng bagay na inihandog, pera man ito o mga aytem, ay ibinibigay ng mga kapatid sa Diyos. Ang mga bagay na inihandog sa Diyos ay tinatawag sa kabuuan na mga handog. Kapag naitalaga na ang mga ito bilang mga handog, ang mga ito ay para na sa paggamit ng Diyos. Kapag ang mga ito ay para sa paggamit ng Diyos, paano ginagamit ng Diyos ang mga ito? Paano inilalaan ng Diyos ang mga bagay na ito? (Ibinibigay Niya ang mga ito sa iglesia para gamitin sa gawain nito.) Tama iyan. May mga prinsipyo at partikular na detalye sa paggamit ng mga ito sa gawain ng iglesia, kabilang na ang pang-araw-araw na panggastos para sa mga buong-panahong gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa iglesia, at ang iba’t ibang gastusin ng gawain ng iglesia. Sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, kasama ang dalawang aytem na ito sa paggamit nito: ang pang-araw-araw na gastusin ni Cristo, at ang lahat ng gastusin ng gawain ng iglesia. Ngayon, sa dalawang aytem na ito, mayroon ba rito na nagsasabing ang mga handog ay maaaring gamitin bilang mga personal na suweldo, gantimpala, gastusin, at sahod? (Wala.) Hindi pagmamay-ari ng sinumang tao ang mga handog. Ang paggamit at alokasyon sa mga handog ay dapat isaayos ng sambahayan ng Diyos, at pangunahing ginagamit ang mga ito sa gawain ng iglesia: Hindi kasama rito na kung sinuman ang lider ng iglesia ay siya ang may awtoridad na umangkin o gumamit sa mga handog. Kung gayon, paano ba talaga dapat gamitin ang mga ito? Dapat ilaan ang mga handog na ito ayon sa mga prinsipyo sa paggamit ng pag-aari ng iglesia. Kung titingnan sa perspektibang ito, hindi ba’t kahiya-hiya na laging ninanais ng mga anticristo na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog? Iniisip lagi ng mga anticristo na ang mga pera at aytem na inihandog ng mga kapatid ay para sa sinumang nakaupong lider. Hindi ba’t walang kahihiyang paraan ng pag-iisip ito? (Oo.) Sobra itong walang kahihiyan! Hindi lamang buktot at malupit ang mga anticristo sa kanilang disposisyon, kundi mababang-uri at napakababa rin ng kanilang karakter, na walang anumang kahihiyan.

Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito at sa pag-uusap tungkol sa mga usaping ito, magiging malinaw ang mga katotohanang dapat maunawaan at isagawa ng mga tao. Subalit, kung hindi tayo magbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito, laging mahihinto sa isang literal at pandoktrinang antas ang pagkaunawa ng mga tao sa ilang katotohanan, at mananatili itong medyo walang kabuluhan. Kung isasangkap natin ang ilang totoong usapin sa ating pagbabahaginan sa katotohanan, mas magiging madali para sa mga tao na makilatis ang mga bagay-bagay, at magiging mas kongkreto at praktikal ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Samakatuwid, ang pagbabahaginan sa mga bagay na ito ay hindi para siraan ang sinuman o para pahirapan sila. Ito ang mga bagay na talagang nangyari, at bukod dito, may kaugnayan ang mga ito sa paksang pinagbabahaginan natin. Kaya, naging buhay na kagamitan sa pagtuturo ang ilang tao, at mga larawan at tauhan sa tipikal na mga halimbawang pinagbabahaginan at hinihimay natin. Napakanormal nito. Ang katotohanan, sa depinisyon nito, ay konektado sa mga salita, kaisipan, pananaw, kilos, at mga disposisyon na nabubunyag sa takbo ng buhay ng tao. Kung ang pagbabahaginan at ipapaliwanag lang natin ay ang literal na kahulugan ng katotohanan, inihihiwalay ito sa tunay na buhay, kailan pa kaya matatamo ng mga tao ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan? Lalo pang magiging mahirap para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan kapag ginawa ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan, at mahihirapan ang mga tao na makapasok sa katotohanang realidad. Ang makapagbigay ng ilang tipikal na halimbawa na mapagbabahaginan at mahihimay ay mas magiging mainam sa pagunawa ng mga tao sa katotohanan, sa mga prinsipyong dapat nilang isagawa, sa mga layunin ng Diyos, at sa daan na dapat nilang sundan. Dahil dito, kahit ano pang mangyari, parehong angkop at kapaki-pakinabang ang pamamaraang ito sa mga tao. Kung walang kinalaman sa katotohanan ang mga bagay na ito, o sa disposisyon ng mga anticristo na hinihimay natin, hindi Ko gugustuhing magsalita pa tungkol sa mga ito. Pero may kinalaman nga ang mga disposisyon at diwa ng mga taong gumawa ng mga bagay na ito sa paksang pinagbabahaginan natin, kaya dapat nating pagbahaginan ang mga ito kapag kinakailangan. Ang pakay sa pagbabahaginan nito ay hindi para supilin ang mga tao o pahirapan sila, ni hindi para ipahiya sila sa publiko; bagkus, ito ay para himayin ang disposisyon at diwa ng mga tao, at ang mas mahalaga pa, para himayin ang disposisyon ng mga anticristo na nasa loob ng mga tao. Kung, sa tuwing nababanggit ang mga paksang ito sa ating pagbabahaginan, ang pumapasok lang sa isip ninyo ay na may ginawang ganito at ganyang bagay si ganito at ganyang tao, at bigo kayong maisip kung paano ito nauugnay sa katotohanan at sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, napatutunayan ba nito na naunawaan na ninyo ang katotohanan? (Hindi.) Kung ang naaalala lang ninyo ay isang usapin, o isang partikular na tao, at nagkakaroon kayo ng mga pagkiling, opinyon, at masamang palagay patungkol sa taong iyon, masasabi na bang nauunawaan na ninyo ang katotohanan? Hindi ito pagkaunawa sa katotohanan. Kung gayon, sa ilalim ng anong mga kondisyon masasabi na nauunawaan na ninyo ang katotohanan? Halos sa lahat ng pagkakataon na pinagbabahaginan at hinihimay natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo, nagbabanggit Ako ng ilang kuwento bilang mga tipikal na halimbawa, at nakikipagbahaginan Ako sa inyo tungkol sa kung nasaan ang mga mali sa mga kuwentong ito at kung anong daan ang dapat sundan ng mga tao. Kung hindi pa rin ninyo maunawaan matapos ang ganitong uri ng pagbabahaginan, ibig sabihin nito ay may problema sa inyong pagkaarok, na masyadong mahina ang inyong kakayahan at wala kayong espirituwal na pang-unawa. Kung gayon, sa ilalim ng anong mga kondisyon maituturing na mayroon kayong kakayahang makaarok, na may taglay kayong espirituwal na pang-unawa, at naunawaan ninyo ang katotohanang nakapaloob sa mga halimbawang pinagbahaginan natin? Una sa lahat, dapat magawa ninyong ikumpara ang inyong sarili sa mga halimbawang pinagbabahaginan natin at makilala ninyo ang inyong sarili, para makita kung mayroon din ba kayong ganitong uri ng disposisyon, at kung may kakayahan ba kayong gawin ang mga gayong bagay kung mayroon kayong katayuan at awtoridad, at kung nagtataglay rin ba kayo ng mga gayong kaisipan at opinyon o nagbubunyag rin ng ganitong uri ng disposisyon. Isang aspekto ito. Dagdag pa rito, sa mga halimbawang pinagbabahaginan natin, dapat ninyong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat ninyong maunawaan at sundin sa positibong paraan. Ibig sabihin nito ay hanapin ang landas na dapat ninyong isagawa, at alamin, sa mga sitwasyong ito, kung ano ang dapat ninyong maging posisyon at kung paano magsagawa sa tamang paraan at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng paghihimay, dapat magawa ninyong kilalanin na ang inyong disposisyon ay katulad ng sa mga anticristo, mabuo ninyo ang ganoong koneksyon, at malaman kung paano ito lulutasin. Sa ganitong paraan, mauunawaan ninyo ang katotohanan, kayo ay magiging taong nagtataglay ng espirituwal na pang-unawa, at may kakayahang maarok ang katotohanan. Kung pagkatapos makinig sa isang kuwento, matandaan ninyo ang lahat ng pasikut-sikot, ang lahat ng sanhi at bunga, at nagagawa ninyong maipaliwanag ang mga ito nang husto, pero hindi naman ninyo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa at pasukin ng mga tao, at kapag nahaharap sa isang sitwasyon, hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga katotohanang ito nang sa gayon ay makilatis ninyo ang mga tao at bagay, at makilala ninyo ang inyong sarili, kung gayon, ibig sabihin nito ay wala kayong kakayahang makaarok. At ang isang taong walang kakayahang makaarok ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa.

Bibigyan Ko kayo ng isa pang halimbawa. May isang tao na kahahalal pa lang bilang lider. Bago pa man niya tunay na naunawaan at naarok ang aktuwal na sitwasyon ng iba’t ibang aspekto ng gawain, ibig sabihin, bago pa niya hinarap nang husto ang bawat isa sa iba’t ibang aspekto ng gawain, nagsimula na siyang magtanung-tanong nang pribado: “Sinu-sinong mga tao ang nangangasiwa sa pag-iingat ng mga handog sa Diyos sa ating iglesia? Iulat mo sa akin ang listahan ng kanilang mga pangalan. Ibigay mo rin sa akin ang lahat ng kanilang account number at password. Gusto kong maarok kung gaano karami ang pera.” Wala siyang interes sa anumang gawain. Ang bagay na pinakainteresado siya, at gustung-gusto talaga niyang malaman, ay ang mga pangalan ng mga tao na nag-iingat sa mga handog, pati na ang mga account number at password. Hindi ba’t may mangyayaring masama kapag ganito? Ginusto niyang mahawakan ang mga handog, hindi ba? Kapag naharap kayo sa ganitong sitwasyon, ano ang dapat ninyong gawin? Yamang naging lider na siya, ibig bang sabihin nito ay dapat nang ibigay sa kanya ang pag-aari ng iglesia, at na may karapatan na siyang malaman ang tungkol dito at magkaroon ng kapangyarihang kontrolin ito? (Hindi, hindi dapat ibigay sa kanya ang impormasyong ito.) Bakit hindi? Hindi ba’t hindi ka naman magiging masunurin kung hindi mo ito ibinigay sa kanya? (Ang katunayang nagpakita siya ng mga ganitong pagpapamalas ay katunayan nang may mali sa kanya, kaya naman, para protektahan ang mga handog sa Diyos, hindi namin maaaring ibigay sa kanya ang impormasyong ito.) Tama iyan: Yamang may mali sa kanya, hindi ninyo ito maaaring ibigay sa kanya. Pinatutunayan ng tugon ninyo na hindi nawalan ng saysay ang nakaraan Kong pagbabahagi at na naunawaan ninyo ito. Bakit hindi ninyo maaaring ibigay sa kanya ang impormasyong ito? Ang mga responsabilidad at tungkulin ng isang lider ay hindi binubuo ng pagtutok ng kanilang atensyon sa mga handog, o ng subukang makakuha ng anumang impormasyong may kaugnayan sa mga handog. Hindi ito ang tungkulin o mga responsabilidad ng isang lider. May mga tao ang mga iglesia sa iba’t ibang dako na itinalaga para pamahalaan at ingatan ang mga handog. Bukod dito, may mahihigpit na tuntunin at prinsipyo ang iglesia para pamahalaan ang paggamit ng mga handog. Walang sinumang may kapangyarihan na unahin ang kanilang paggamit sa mga handog, lalo namang wala silang kapangyarihan na unahin ang kanilang pag-angkin sa mga handog. Aplikable ito sa lahat ng tao nang walang eksepsiyon. Hindi ba’t totoo naman ito? Hindi ba’t tama naman ito? (Oo.) Kapag nais ng mga anticristo na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog, ito mismo ay mali na. Iniisip nila na, bilang mga lider, dapat malaya nilang matamasa ang paggamit ng mga handog: Ito ba ang katotohanan? Sa Diyos ang perang ito—bakit ginagamit nila ito nang mali? Bakit sila nasisiyahang gamitin ito sa paanong paraan man nila gusto? Kwalipikado ba silang gawin ito? Sang-ayon ba ang Diyos sa ganitong paggamit nila ng mga handog? Sasang-ayunan ba ito ng mga taong hinirang ng Diyos? Na inaangkin at winawaldas ng mga anticristo ang mga handog: natutukoy ito ng kanilang malupit na disposisyon, isa itong paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay na lumilitaw mula sa kanilang kasakiman, at hindi ito isang bagay na itinuro ng salita ng Diyos. Noon pa man ay gusto na ng anticristong ito na magkaroon ng kontrol sa lahat ng handog, maging sa lahat ng impormasyon tungkol sa mga tao na nangangasiwa sa pag-iingat nito, at sa lahat ng account number at password. Seryosong problema ito, hindi ba? Ninais ba niyang malaman ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga handog sa Diyos, at ingatan ang mga ito nang mabuti, at ilaan ang mga ito sa paraang makatwiran at naiingatan ang mga ito nang buo, nang hindi pinapayagan ang sinuman na malaya at walang ingat na gastusin ang mga ito? Naisip ba niyang gawin ito? May maoobserbahan bang anumang palatandaan ng mabubuting intensyon mula sa kanyang mga kilos? (Wala.) Kaya, kung tunay ngang hindi pinag-iimbutan ng isang tao ang mga handog, ano ang gagawin niya kapag napili siya bilang lider? (Aalamin muna niya ang pagiging epektibo ng iba’t ibang aspekto ng gawain sa iglesia, maging kung paano iniingatan ang mga handog at kung ligtas ba ang lugar na pinaglalagakan ng mga ito. Gayunpaman, hindi siya magtatanong tungkol sa mga account number, password, o mga halagang hawak-hawak.) Tama, pero may isa pang bagay. Pagkatapos na mapili bilang lider ang isang taong tunay na hindi nag-iimbot sa mga handog, sisiyasatin niya kung ligtas ba ang lugar na pinaglalagakan ng mga handog, pati na kung ang mga taong nangangasiwa sa pag-iingat ng mga ito ay angkop at maaasahan, kung lulustayin kaya ng mga ito ang mga handog, at kung iniingatan ba ng mga ito ang mga handog nang alinsunod sa mga prinsipyo. Isasaalang-alang muna niya ang mga bagay na ito. Para naman sa mga sensitibong impormasyon gaya ng dami ng mga handog at mga password, ang mga taong hindi sakim—mga disente at marangal na tao—ay hindi mangingialam sa mga bagay na ito. Pero hindi ito iiwasan ng isang taong sakim, ikakatwiran nito na: “Ako ang lider. Hindi ba’t dapat na pangasiwaan ko ang bawat aspekto ng gawain? Naibigay na sa pangangasiwa ko ang lahat, bakit hindi ang mga handog?” Gamit ang kapangyarihang mayroon siya, gugustuhin niyang makuha ang kontrol sa pananalapi ng iglesia gamit ang dahilang ito. Problema iyon. Hindi niya gagawin ang kanyang gawain o tutuparin ang kanyang mga responsabilidad nang maayos, ni hindi niya pamamahalaan ang mga pananalapi ng iglesia alinsunod sa mga normal na proseso at prinsipyo. Sa halip, magkakaroon siya ng sarili niyang mga plano ukol sa mga ito. Sinumang may kakayahang mag-isip tulad ng isang normal na tao ay makikita ito. Nang simulang gawin ito ng lider na ito, may taong nag-ulat nito at pinatigil siya. Pagkatapos, nag-ulat ang taong iyon sa Akin, tinatanong kung tama ba na gawin ito, at sinabi Ko na tama ito. Tinatawag itong pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; hindi maaaring ibigay ang impormasyong iyon sa gayong tao. Ang naising kontrolin muna ang pera ng sambahayan ng Diyos nang wala man lang ginagawang anumang gawain—hindi ba’t medyo katulad ito ng malaking pulang dragon? Kapag inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga kapatid, ang unang ginagawa nito ay hindi ang bugbugin sila, sa takot na baka hindi na makapagsalita nang malinaw ang mga ito matapos silang mabugbog nang husto—tinatanong muna nito kung saan nakatago ang pera ng iglesia, kung sino ang nag-iingat nito, at kung magkano ang pera ng iglesia. Saka lamang nito tatanungin kung sinu-sino ang mga lider ng iglesia. Layon lang nitong makuha ang pera. Likas na magkapareho ang ginawa ng lider na ito at ang ginagawa ng malaking pulang dragon. Hindi siya nagtanung-tanong tungkol sa anumang gawain, o nagdala ng pasanin para sa anumang bagay, at pinag-ukulan lamang niya ng pansin ang mga pananalapi—hindi ba’t pagiging ubod ng sama ito? Halatang-halata ang mga kilos ng napakasamang taong ito! Bago pa man naging matatag ang kanyang katayuan, ginusto na niyang makuha ang pera. Hindi ba’t masyado naman siyang nagmamadali niyan? Ang hindi niya alam, nagawa na siyang kilatisin ng iba, at dahil dito ay natanggal siya kalaunan. Pagdating sa ganitong uri ng tao, na kumikilos sa gayon kahalatang paraan, dapat tandaan ninyo ito: Magmadali kayong tanggalin siya. Hindi na kailangan pang kilatisin ang anupamang bagay tungkol sa ganitong uri ng tao, gaya ng kanyang mga disposisyon, pagkatao, edukasyon, pinanggalingang pamilya, tagal ng panahong nanampalataya siya sa Diyos, kung may pundasyon ba siya o wala, kung ano ba ang mga karanasan niya sa buhay—hindi ninyo kailangang kilatisin ang alinman sa mga bagay na ito, sapat na ang bagay na ito para matukoy na ang gayong tao ay isang anticristo. Dapat magkaisa kayo upang tanggalin at alisin ang taong ito. Hindi ninyo siya kailangan bilang lider. Bakit? Kung hahayaan mo siyang pamunuan kayo, wawaldasin niya kahit gaano pa karaming pera mayroon ang iglesia, at lulustayin niya itong lahat, at pagkatapos ay matitigil ang gawain ng iglesia at magiging imposible nang isakatuparan ito. Kung makaharap mo ang ganitong uri ng tao, na nakapako sa pagsunggab ng pera, na ang atensyon ay lagi at walang puknat nang nakapako sa kayamanan, at mapag-imbot siya, at kung hindi pa lumilitaw ang mga palatandaan ng kanyang tunay na kalikasan, at inihalal siya ng lahat nang magulo ang kanilang isipan, iniisip na mayroon siyang ilang kaloob, na mahusay siya sa kanyang gawain, na may kakayahan siyang akayin ang lahat na pumasok sa katotohanang realidad, na wala sa hinagap nilang sa sandaling maging lider na siya, sisimulan na niyang ibulsa ang pera, kung magkagayon, dapat magmadali na kayo at pabagsakin siya mula sa kanyang posisyon. Ito ang pinakatamang dapat gawin. Pagkatapos, maaari na kayong maghalal ng iba. Hindi magigiba ang iglesia kung wala itong lider nang isang araw. Nananalig sa Diyos ang mga taong hinirang ng Diyos, hindi sa sinumang partikular na lider. Sabihin ninyo sa Akin, may mga pagkakataon ba na nagkakamali sa paghatol ang mga kapatid? Bago naging lider ang taong ito, walang paraan para masabi na sakim siya. Sa mga pakikisalamuha niya sa iba, hindi niya sinubukang manamantala, ginagastos niya ang sarili niyang pera kapag bumibili siya ng mga bagay-bagay, at nagbibigay pa nga siya ng limos. Pero, ang unang bagay na ginawa niya nang maging lider siya ay ang kumuha ng impormasyon tungkol sa mga pananalapi ng iglesia. Hindi kayang pigilan ng karamihan sa mga tao ang ganitong uri ng buktot na udyok ng damdamin—talagang hindi ito kapani-paniwala! Paano niya nagawang magbago nang ganoon kabilis? Hindi sa nagbago siya nang ganoon kabilis, kundi ganoong uri na talaga siya ng nilalang sa simula pa lang, ang tanging pagkakaiba lang, noon, wala siya sa mga sitwasyong magbubunyag sana sa kanya, at ngayon ay ibinunyag na siya ng sitwasyong ito. Yamang nabunyag na ang taong ito, bakit kaaawaan mo pa rin siya? Sipain mo na lang siya nang lumipad siya papalabas dito, mas malayo mas mabuti! May lakas ba kayo ng loob na gawin ito? (Mayroon.) Pagdating sa sinumang tao na palaging may pinaplanong masama sa pag-aari ng iglesia, huwag ninyo siyang ihalal kapag hindi ninyo pa siya nakikilala nang lubos. Kung, dala ng kamangmangan, inihalal ninyo siya nang hindi ninyo siya nauunawaan nang lubos, at pagkatapos ay natuklasan ninyong isa pala siyang sakim na nilalang at isang Hudas, dapat magmadali na kayong palayasin at alisin siya. Huwag kayong maging maawain, at huwag kayong mag-atubili. May mga nagsasabi: “Kahit na sakim ang taong iyon, ayos naman siya sa iba pang mga bagay. Kaya niyang gabayan ang mga tao tungo sa pagkaunawa sa salita ng Diyos, at kaya niyang mahimok ang mga tao na normal na gampanan ang kanilang mga tungkulin.” Pero sandali lang siyang ganito. Sa paglipas ng panahon, hindi na siya magiging ganito. Ilang araw lang ang lilipas at lilitaw na ang demonyo niyang pagmumukha. Ang lahat ng pagpapamalas at disposisyon ng mga anticristo na pinagbahaginan natin noon ay unti-unting mabubunyag sa kanya. Pagdating ng panahong iyon, hindi ba’t magiging huli na ang lahat para tanggalin siya? Nagdusa na ang gawain ng iglesia sa panahong iyon. Kung hindi ka naniniwala sa sinabi Ko, at nag-aatubili ka, huwag kang sisinghot-singhot kapag may mga pagsisisi ka. Una, tingnan mo kung paano tinatrato ng isang tao ang mga handog: Ito ang pinakasimpleng estratehiya, at ang pinakadirekta at diretsahang paraan para makilatis kung may diwa ba ng mga anticristo ang isang tao. Sa mga paksang pinagbahaginan natin noon, kinailangan nating tukuyin ang mga disposisyon ng mga anticristo sa pamamagitan ng ilang pagpapamalas, pagbubunyag, perspektiba, salita, at kilos, at tingnan kung may diwa ba sila ng mga anticristo batay sa kanilang mga disposisyon. Sa isang isyu pa lang na ito, hindi na kailangang gawin ang mga bagay na ito: Ito ay direkta at diretsahan, simple, at hindi masyadong nangangailangan ng pagsisikap at oras. Hangga’t nagpapakita ang isang tao ng ganitong pagpapamalas—palaging nagnanais na unahin ang kanyang pag-angkin sa mga handog o puwersahang kinukuha ang mga handog—makatitiyak ka nang isandaang porsyento na isa siyang anticristo. Maaari siyang iklasipika bilang isang anticristo, at hindi siya maaaring magsilbing lider, kundi dapat siyang tanggalin at itakwil ng mga kapatid.

Katatapos lang natin magbahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na inuuna ng mga anticristo ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog, at ginamit natin ito para ipaliwanag nang husto at himayin ang mga disposisyon at ang diwa na ipinapahayag ng mga anticristo sa kanilang pagtatangka na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia. Ito ang unang aytem. Ang pag-angkin at paggamit—ang mga ito ang mga pinakauna at pinakapangunahing diskarte ng mga anticristo pagdating sa pag-aari ng iglesia. Sa aytem na ito, hindi natin kongkretong pinagbahaginan kung paano inaangkin at ginagamit ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia. Tatalakayin pa natin ito nang mas kongkreto at detalyado sa susunod na aytem, ang pagwawaldas, paglulustay, pagpapautang, mapanlinlang na paggamit, at pagnanakaw ng mga anticristo sa mga handog.

B. Winawaldas, Nilulustay, Ipinahihiram, Ginagamit nang May Pandaraya, at Ninanakaw ang mga Handog

1. Winawaldas ang mga Handog

Iniisip ng mga anticristo na ang pagkakaroon ng katayuan at awtoridad ay nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa mga handog. Kung gayon, paano nila inilalaan at ginagamit ang mga handog kapag nasa kanila na ang kapangyarihang iyon? Ginagawa ba nila ito ayon sa mga tuntunin ng iglesia o sa mga prinsipyong nauukol sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia? Kaya ba nilang gawin ito? (Hindi, hindi nila ito kayang gawin.) Ang katunayang hindi nila kaya ay may kaugnayan sa maraming bagay. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga anticristo, hindi nila maiiwasang gawin ang ilang bagay na may kinalaman sa gawain ng iglesia, at ang isang bahagi ng gawaing ito ay kinapapalooban ng mga pagkakagastusan at pinaglalaanan ng pag-aari ng iglesia. Kung ganoon, ano ang mga prinsipyong sinusunod nila sa paglalaan ng pag-aari ng iglesia? Ito ba ay para makatipid? Ito ba ay para maging metikuloso sa pagpaplano ng mga pagkakagastusan, para makatipid hangga’t maaari? Ito ba ay para isaalang-alang ang sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay? Hindi. Kahit pwede naman silang magbisikleta papunta sa isang lugar, gagastos pa rin sila ng pamasahe sa bus. At kapag hindi maginhawa at komportable sa kanila na laging mag-bus o umarkila ng sasakyan, iniisip na nilang gamitin ang pera ng sambahayan ng Diyos para bumili ng sasakyan. Habang tumitingin-tingin sila ng sasakyang bibilhin, inaayawan nila ang mga modelong mababa ang presyo at pangkaraniwan lang ang lakas ng makina, at partikular nilang pinipili ang isang sasakyang malakas ang makina, isang modelong may kilalang tatak na direktang inangkat mula sa ibang bansa, na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong RMB. Iniisip nila, “Hindi ito malaking isyu, at ano’t anuman man, ang sambahayan naman ng Diyos ang magbabayad, at pera naman ng lahat ang pera ng sambahayan ng Diyos. Walang mahirap sa sama-samang pagbili ng lahat ng isang sasakyan. Napakalaki ng sambahayan ng Diyos, ang buong mundo ng sansinukob ay pagmamay-ari ng Diyos, kaya napakalaking isyu ba kung bibili ang sambahayan ng Diyos ng isang sasakyan? Sa mundo ni Satanas, lahat ng sasakyang minamaneho ng mga tao ay nagkakahalaga ng ilang milyong RMB, kaya medyo nakatipid na kung bibili ang ating iglesia ng sasakyan sa halagang isang milyong RMB lang. At saka, hindi lang naman ako ang gagamit ng sasakyan, buong iglesia ang gagamit nito.” Sa sandaling ibuka ng mga anticristo ang kanilang bibig, lalabas na ang mahigit isang milyong RMB, nang hindi man lang sila kumukurap o kinakabahan, at nang hindi man lang nakokonsensiya. Pagkabili sa sasakyan, nagpapakasaya na sila rito. Hindi na sila nagpupunta sa mga lugar na dapat sana ay nilalakad na lang nila, hindi na sila nagbibisikleta patungo sa mga lugar na dapat sana ay binibisikleta na lang nila, at hindi na sila umaarkila ng mga sasakyan para sa mga lugar na maaari nilang puntahan gamit ang arkiladong sasakyan; sa halip, pilit nilang ginagamit ang sarili nilang sasakyan. Talagang nagmamagaling sila, na para bang kaya na nilang makagawa ng mga dakilang gawain. Napakaaksayado ng mga anticristo sa pera, lahat ng binibili nila ay kailangang maganda, mamahalin, at moderno. Halimbawa, maaaring ilang sampung libong RMB ang diperensiya sa presyo sa pagitan ng pangkaraniwan lang at ng mamahaling mga modelo ng ilang partikular na uri ng makinarya at kagamitan. Sa mga ganitong sitwasyon, gugustuhin ng mga anticristo na bilhin ang mamahaling modelo, basta’t hindi nila sariling pera ang kanilang gagastusin, hinding-hindi naman sila maaapektuhan kahit gawin nila ito. Kung sarili nilang pera ang ipambabayad, hindi sila makakabili ng kahit isang pangkaraniwan o mababang modelo, pero kapag sinabi mong ang sambahayan ng Diyos ang magbabayad nito, gugustuhin nila ang mamahaling modelo. Hindi ba’t mga halimaw ito? Hindi ba’t wala sila sa katwiran? Hindi ba’t pagwawaldas ito sa mga handog? (Oo.) Mababa ang pagkatao ng mga taong nagwawaldas ng mga handog, sila ay makasarili at kasuklam-suklam! Kapag nakamit na ng mga anticristo ang kapangyarihang gamitin ang mga handog, nais nilang angkinin ang mga handog, ginagamit ang mga ito nang hindi man lang isinasaalang-alang ang mga prinsipyo, at pilit na kinukuha ang mga mamahaling aytem sa bawat pagbili. Kapag nagtitingin sila ng salamin sa mata, gusto nila ang mga mamahaling klase, ang mga klase na may proteksyon sa asul na liwanag at mga ultraviolet ray, na may pinakamalilinaw na lente, at kapag nagtitingin sila ng kompyuter, gusto nila ang mamahaling klase, iyong pinakabagong modelo. May mapaggagamitan man sila o wala ng iba’t ibang kasangkapan at kagamitang ito sa kanilang mga tungkulin, kapag napag-usapan na ang paksa ukol sa pagbili ng mga gayong bagay, gugustuhin nila ang mamahaling klase. Hindi ba’t pagwawaldas ito sa mga handog? Marunong silang magtipid pagdating sa sarili nilang pera, pwede na ang kahit anong aytem basta praktikal ito, pero pagdating sa pagbili ng isang bagay para sa sambahayan ng Diyos, hindi na nila isinasaalang-alang ang mga usapin ng praktikalidad at pagtitipid ng pera. Ang iniisip lang nila ay na dapat kilalang tatak ito, dapat maipakita nito ang kanilang katayuan, at binibili nila kung alinman ang pinakamahal. Hindi ba’t paghahangad ito ng sarili nilang pagkawasak? Ang gastusin ang mga handog na parang tubig—hindi ba’t ganito ang ginagawa ng mga anticristo? (Oo.)

May isang lalaki noon na lumabas para bumili ng sepilyo kasama ang Itaas na brother. Ibinili niya ang kapatid ng sepilyo na nagkakahalaga ng mahigit isang dolyar, pero binilhan naman niya ang sarili niya ng imported na klase na nagkakahalaga ng mahigit 15 dolyar. Ngayon, sa pagitan ng Itaas na brother at ng ordinaryong kapatid na ito, hindi ba’t masasabi ninyo na may kaunting pagkakaiba, kaunting kaibahan pagdating sa kanilang katayuan? (Oo.) Kung lohika ang pag-uusapan—huwag na nating banggitin ang mga bagay gaya ng katayuan, kalagayan, o ang paraan ng paglalaan ng Diyos, at pag-usapan na lamang natin ang katunayang matagal na panahon nang nagtatrabaho nang husto ang Itaas na brother—hindi ba’t dapat isang mas de-kalidad na bagay ang ginagamit niya? Pero hindi siya partikular sa ganitong bagay. Ano ang mga prinsipyong sinusunod niya? Ang maging matipid hangga’t maaari: Ang ganitong uri ng aytem ay hindi naman sopistikado, kaya ayos lang kahit hindi gumamit ng ganoon kamahal na bagay, at hindi kailangang gumasta nang ganoon kalaking pera para dito, ayos na ang isang bagay basta’t magagamit naman ito. Ngayon, pagdating sa pagkakakilanlan, kalagayan, at katayuan ng dalawang taong ito, may pagkakaiba sa pagitan nila, at isang aytem na may napakapangkaraniwang kalidad ang nabili para sa taong dapat na gumagamit ng magandang klase, at ang aytem na may pinakamagandang kalidad ang nabili para sa taong dapat na gumagamit lang ng pangkaraniwang klase. Ano ang naging problema rito? Sino sa dalawang taong ito ang may problema? Ang gumagamit ng magandang aytem ang siyang may problema. Wala siyang ideya kung sino siya at wala siyang kahihiyan, at bibilhin niya ang pinakamaganda at pinakamahal na aytem basta’t ang sambahayan ng Diyos ang magbabayad. May kahit kaunting katwiran ba ang taong ito? Kung nagawa niya ito habang namimili kasama ang Itaas na brother—nagdedesisyon nang ganito habang kaharap ito—ano pa kaya ang nagawa niya kung mag-isa lang siyang namimili? Gaano karaming pera kaya ang winaldas niya? Siguradong mas matindi pa rito ang nagawa niya, at hindi lang sampung dolyar ang magiging diperensiya; magiging malakas ang loob niyang bumili ng mga aytem sa anumang halaga, at gumasta ng kahit magkano para sa mga ito. Ginastos niya ang mga handog at ang pera ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan; hindi ba’t hinahangad niya ang sarili niyang pagkawasak? May mga nag-iisip na, “Napakalaki ng nagawa ko para sa sambahayan ng Diyos, sinuong ko ang napakaraming panganib, tiniis ang napakaraming hirap, at maraming beses na akong nakulong. Marapat lamang na bigyan ako ng espesyal na pagtrato.” Ang “marapat” mong ito, ito ba ang katotohanan? Sa alin sa mga salita ng Diyos nakasaad na sinabi Niya na ang sinumang nakulong, o nagtiis ng mga hirap, o naglakbay kung saan-saan para sa Kanya sa loob ng maraming taon, ang siyang may karapatang magtamasa ng espesyal ng pagtrato, at may karapatang mauna sa paggamit at pag-angkin ng mga handog, at pagwawaldas ng mga ito ayon sa kanyang kagustuhan, at na isa itong atas administratibo? May kahit isang salita ba na binanggit ang Diyos na ganito? (Wala.) Kung ganoon, ano ang sinabi ng Diyos patungkol sa kung paano dapat gamitin ng ganitong uri ng tao, kasama na ang mga lider, manggagawa, at ang lahat ng tao na gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa loob ng sambahayan ng Diyos, ang mga handog? Dapat nilang gamitin ang mga ito para sa mga normal na pagkakagastusan at normal na gastusin; walang kahit anong espesyal na awtoridad ang sinuman na gamitin o angkinin ang mga handog. Hindi gagawin ng Diyos na maging pribadong pag-aari ng sinumang indibidwal ang Kanyang mga handog. Gayundin, hindi itinakda ng Diyos na dapat magwaldas ng pera ang mga tao sa paggamit at paglalaan ng mga handog. Anong klaseng tao ang nagwawaldas ng pera? Anong uri ng disposisyon mayroon ang isang taong nagwawaldas ng pera? Isa itong bagay na ginagawa ng mga halimaw, tirano, tampalasan, sanggano, at kasuklam-suklam na mga kontrabida na walang kahihiyan, isa itong bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi magpapakababa ang sinumang may kaunting pagkatao at may kaunting kahihiyan upang gawin ito. May ilang tao na, matapos maging lider sa iglesia, naniniwala na binibigyan sila nito ng awtoridad na gamitin ang mga handog at ang pag-aari ng iglesia. Gusto nila at malakas ang loob nilang bilhin ang kahit ano at ang lahat ng bagay, at gusto nilang hingin ang anuman at ang lahat ng bagay. Pakiramdam nila, anuman ang bilhin nila, anuman ang nakapagpapasaya sa kanila, ay nararapat lang para sa kanila; bukod dito, hindi nila kailanman inaalam ang presyo. At kung ibibili sila ng isang tao ng isang aytem na mumurahin at ordinaryo, magagalit pa sila at magtatanim ng galit laban sa taong ito. Ganito ang mga anticristo.

2. Nilulustay ang mga Handog

Ang isa pang pagpapamalas ng pagtatangka ng mga anticristo na kontrolin ang mga pananalapi ng iglesia ay ang paglulustay. Ang terminong “paglulustay” ay madali lang dapat na unawain. Ibig bang sabihin ng paglulustay ay ang kunin ang pag-aari ng iglesia at ibigay ito sa mga kapatid o ang ilaan ito sa gawain ng iglesia nang sa gayon ay magamit ito nang maayos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “paglulustay”? (Ibig sabihin nito ay ang hindi paggastos nito sa angkop na paraan, bagkus ginagamit ito nang ayon sa kagustuhan o sa palihim na paraan.) Bagama’t tamang sabihin na “ginagamit ito sa palihim na paraan,” hindi ito lubos na partikular. Kung ginagamit ng isang tao ang pag-aari ng iglesia sa palihim na paraan para sa pang-araw-araw na gastusin ng mga buong-panahong gumaganap ng kanilang mga tungkulin, kung gayon ay walang mali rito, at hindi ito paglulustay. Ang paglulustay ay kinokondena, at hindi ito ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, kinokontrol ng ilang lider ng iglesia ang pera ng iglesia, at kapag kinapos sa pondo ang kanilang mga anak para makapagkolehiyo, at sadyang wala silang ganoon kalaking pera sa bahay, lumalapit sila sa Diyos para manalangin, sinasabing, “O Diyos, hayaan Mo munang aminin ko ang aking kasalanan at humingi ako ng tawad sa Iyo. Kung kailangan Mong magpataw ng parusa, parusahan Mo nawa ako at huwag ang aking anak. Alam kong hindi ito tama, pero gipit ang kalagayan ko sa ngayon, kaya naman kailangan kong gawin ito. Napakasagana ng Iyong biyaya, kaya umaasa na lang Ako na pagbibigyan Mo ako sa pagkakataong ito at ibibigay sa akin ang Iyong pagpapala. Kapos ako ng mga dalawampu o tatlumpung libong RMB para sa pangmatrikula ng aking anak sa kolehiyo, at kahit matapos maghagilap ng pera at kaliwa’t kanan akong mangutang, hindi pa rin sapat ang pera ko. Maaari ko bang gamitin ang Iyong pera para ipambayad sa matrikula ng aking anak?” Pagkatapos nilang manalangin, napapanatag ang kanilang loob at, sa pag-aakalang sumang-ayon ang Diyos dito, kukunin nila ang pera para sa pribado nilang gamit. Paglulustay ito, hindi ba? Ang hindi paggamit sa pera para sa dapat na paggamitan nito, bagkus ay paggamit nito sa ibang bagay, nilalabag ang mga prinsipyong dapat sundin sa paggamit ng mga handog sa sambahayan ng Diyos: tinatawag ito na “paglulustay.” Kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya at nangangailangan ito ng pera, o kapag kinapos sila ng pondo sa isang transaksiyon sa negosyo, nagsisimula na silang pagplanuhan nang masama ang mga handog, at nananalangin sila sa kanilang puso, sinasabi nila: “O Diyos, patawarin Mo nawa ako, hindi ko intensyong gawin ito, nakakaranas talaga ng mga kagipitan ang aking pamilya. Kasinglawak ng karagatan ang Iyong pagmamahal at walang-hanggan ito gaya ng kalangitan at hindi Mo inaalala ang mga pagsalangsang ng mga tao. Pagkatapos kong maubos ang perang ito, babayaran Kita nang doble kapag kumita na ang negosyo ng pamilya, kaya payagan Mo nawang gamitin ko ito.” Ganito nila ginagamit ang mga handog sa Diyos. Kahit kamag-anak man ito o isang kaibigan na nangangailangan ng pera, basta’t nasa mga kamay ng mga lider na ito ang pera, ibibigay nila ito sa mga ito, nang hindi kumikilos ayon sa mga prinsipyo ni kinukuha ang pagsang-ayon ng iba, lalong hindi pinag-iisipan muna nang mabuti ang katunayan na mga handog ito sa Diyos. Sa halip, sila na mismo ang magdedesisyon, ilalabas nila ang pera ng iglesia at gagamitin ito sa iba pang mga bagay. Hindi ba’t paglulustay ito? (Oo.) Paglulustay ito. Ngayon, ibinabalik nang buo ng ilang tao ang pera matapos palihim na lustayin ang mga handog; ibig bang sabihin nito ay hindi na sila nagkasala ng paglulustay sa mga handog? Ibig bang sabihin nito ay maaari na silang palusutin? O, kung sa pagkakataong iyon ng paglulustay, may dahilan naman sila, may partikular na konteksto, o mga paghihirap, at wala na silang ibang alternatibo kundi ang lustayin ang pera, maaari bang mapawalang-sala ang paglulustay na ito at hindi na makondena? (Hindi, hindi ito maaari.) Kung ganoon, isang seryosong usapin ang kasalanan ng paglulustay ng mga handog! May pagkakaiba pa ba ito sa ginawa ni Judas? Hindi ba’t kauri lang ni Judas ang mga taong naglulustay ng mga handog? (Oo.) Kapag papasok sa unibersidad ang kanilang mga anak, kapag may nagnenegosyo sa kanilang pamilya, o kapag nangangailangang magpagamot ang isang matanda, o kapag wala silang pataba na magamit sa pagsasaka, sa lahat ng sitwasyong ito, gusto nilang gastusin ang pera ng iglesia. Sinisira pa nga ng ilan ang mga resibo ng mga inihandog ng mga kapatid, pagkatapos ay ibinubulsa nila ang pera para gastusin nang ayon sa gusto nila, nang hindi man lang nahihiya o kinakabahan. Tumatanggap pa nga ang ilan ng mga perang handog na mula sa mga kapatid tuwing may mga pagtitipon, at pagkatapos na pagkatapos ng pagtitipon, umaalis sila at ipinambibili na nila ito ng kung anu-ano. At may ilang kapatid na, matapos makita mismo ng kanilang mga mata ang mga taong ito na nilulustay ang mga handog, hinahayaan pa rin nila na ang mga ito ang maghawak ng pera, nang walang kahit sinumang nananagot, at walang sinumang naglalakas-loob na pigilan ito. Natatakot silang lahat na banggain ang mga lider na ito, kaya nakatanghod na lamang sila habang ginagastos ng mga ito ang pera. Kung gayon, inihandog mo ba ang perang ito sa Diyos, o hindi? Kung nagkakawang-gawa ka sa ibang tao, dapat linawin mo na hindi mo inihahandog ang perang ito sa Diyos, at nang sa gayon, hindi ito aalalahanin ng Diyos. Pagkatapos, pagdating naman sa kung kanino ang perang ito, kung sino ang gumagastos nito, at kung paano ito gagastusin, mawawalan ng kaugnayan ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos. Sa kabilang banda naman, kung inihandog nga sa Diyos ang pera mong ito, pero bago pa magkaroon ng pagkakataon ang iglesia na gamitin ito, ginastos na ito ng isang tao nang gayon, nilustay ito nang gayon, at wala ka man lang pakialam, ni hindi pinigilan ni iniulat ito, kung ganoon, may problema sa iyo, damay ka sa kasalanan nila, at kapag kinondena sila, hindi ka rin makakatakas.

3. Ipinahihiram ang mga Handog

Ang lahat ng may kinasasangkutang arbitraryong paggamit ng mga handog, ang hindi wastong paggamit at paggasta ng mga handog, ay palaging may kinalaman sa mga atas administratibo, at may kalidad ng paglabag sa mga ito. Mayroong ilan na, sa pamamahala ng pag-aari ng simbahan, ay maaaring magsabi na, “Ang pag-aari ng simbahan ay nandoon lamang. Sa mga panahong ito, ang mga bangko ay mayroong lahat ng uri ng mga programa sa pamumuhunan, tulad ng mga bond at mga pondo, lahat ay nagbibigay ng mahusay na mga halaga ng interes. Kung kukunin natin ang pera mula sa iglesia at ipupuhunan ito, at kikita ng kaunting interes, hindi ba’t makapagbibigay ito ng pakinabang sa sambahayan ng Diyos?” Kung gayon, nang hindi na ito tinatalakay, nang hindi kinukuha ang pagsang-ayon ng sinuman sa iglesia, nagpapasya sila mag-isa na ipahiram ang pera. Ano ang layunin ng paggawa noon? Para sabihin ito nang maayos, ito ay pagkita ng kaunting interes para sa bahay ng Diyos, na inaalala ang bahay ng Diyos; ngunit ang talagang katotohanan, nagkikimkim ang mga taong ito ng makasariling motibo. Nais nilang ipautang ang pera nang walang nakakaalam at pagkatapos, sa huli, ibabalik ang ipinuhunang halaga sa bahay ng Diyos habang itinatago ang interes para sa kanilang sarili. Hindi ba isang kaso ito ng pagtataglay ng hindi tapat na hangarin? Ito ay tinatawag na pagpapahiram ng mga handog. Maituturing bang tamang paggamit ng mga handog ang pagpapahiram ng mga ito? (Hindi maaari.) May iba pang nagsasabing: “Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, mainit ang bahay ng Diyos. Kung minsan, kapag ang mga kapatid natin ay kapos sa pera, hindi ba natin maaaring ipahiram sa kanila ang mga handog sa Diyos?” Pagkatapos ay sinasarili ng ilang tao ang pagdedesisyon, at hinihikayat at inuudyukan pa ng ilang anticristo ang mga kapatid, sinasabi nila: “Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, nagbibigay ng buhay ang Diyos, ibinibigay ang lahat sa tao, kaya’t hindi magiging malaking bagay ang magpautang ng pera, hindi ba? Ang pagpapautang ng pera sa ating mga kapatid upang tustusan sila sa mga oras ng kagyat na pangangailangan, upang tulungan sila sa mga paghihirap sa kanilang buhay, hindi ba’t iyon ang layunin ng Diyos? Kung mahal ng Diyos ang sangkatauhan, paanong ang mga tao ay hindi magmamahalan? Sige na, pautangin ninyo sila ng pera!” Ang mas nakararaming bilang ng mga taong mangmang, sa pagkarinig dito, ay sasabihin, “Oo naman, basta’t sinabi mo. Ano’t anuman, ang pera ay pagmamay-ari ng lahat, kaya ituring na lang natin ito bilang pagtulong nating lahat sa isang tao.” At kaya, dahil may isang taong naglilitanya ng mga ideyang matayog pakinggan at isang pangkat ng mga sipsip na nagpapalakas sa kanila, sa huli, nailalabas ang pera. Kaya, mabibilang ba ang pagsasabi mo ngayon na “ang perang ito ay inihandog sa Diyos”? Kung maibibilang ito, ang pera kung gayon ay pag-aari na ng Diyos at ngayon ay pinabanal na, kung kaya nararapat lamang na gamitin ito alinsunod sa mga prinsipyong itinalaga ng Diyos. Kung hindi ito nabibilang, kung ang perang inihahandog mo ay hindi kabilang, kung gayon, anong uri ng kilos ang ginagawa mo sa paghahandog na ito? Paglalaro lang ba ito? Nakikipagbiruan ka ba sa Diyos at niloloko mo ba Siya? Matapos ilagay sa dambana ang mga bagay na nais mong ihandog, nagsisimula kang ipagdamot ang mga ito, dahil inilagay roon ang mga bagay na iyon, pero hindi man lang ginagamit ng Diyos ang mga ito, at mukhang wala namang gamit ang mga ito sa Kanya. Kaya, kung kailangan mong gamitin ang mga ito, kinukuha mo ang mga ito at ikaw mismo ang gumamit ng mga ito. O baka nag-alay ka nang sobra at, dahil pagkatapos ay pinagsisisihan mo ito, binawi mo ang ilan dito. O hindi ka marahil nag-iisip nang malinaw nang nag-alay ka, at ngayong natuklasan mo na ang gamit nito, binabawi mo na ito. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? Ang perang ito at ang mga bagay na ito: kapag inialay na ito ng isang tao sa Diyos, katulad ito ng pag-aalay sa mga ito sa dambana, at ano ang mga bagay na naiharap na sa dambana? Mga handog ito. Kahit isang bato lang naman ito, o isang butil ng buhangin, pinausukang tinapay, o isang tasa ng tubig, basta’t inilagay mo ito sa dambana, ang bagay na ito ay pag-aari ng Diyos, hindi sa tao, at wala nang tao ang maaaring humawak pa rito. Pinagnanasahan mo man ito o hindi o sa tingin mo ay mayroon kang lehitimong gamit para dito, wala nang sinumang tao ang may karapatan dito. Mayroong ilang nagsasabi, “Hindi ba mahal ng Diyos ang sangkatauhan? Ano ngayon kung hayaan Niyang makibahagi ang sangkatauhan? Sa ngayon, Hindi Ka nauuhaw at hindi Mo kailangan ng tubig, ngunit nauuhaw ako, kaya bakit hindi ako maaring uminom?” Ngunit dapat mong malaman kung sumasang-ayon ba ang Diyos o hindi. Kung sumasang-ayon ang Diyos, pinatutunayan nitong binibigyan ka Niya ng karapatan at may karapatan kang gamitin ito; ngunit kung ang Diyos ay hindi sumasang-ayon, wala kang karapatang gamitin ito kung gayon. Sa isang sitwasyon kung saan wala kang karapatan, kung saan hindi ka binigyan ng Diyos ng karapatan, ang paggamit ng isang bagay na pag-aari ng Diyos ay paglabag sa isang malaking ipinagbabawal, na siyang pinakakinamumuhian ng Diyos sa lahat. Palaging sinasabi ng mga tao na hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga pagkakasala ng tao, ngunit hindi pa nila kailanman naintindihan kung ano talaga ang disposisyon ng Diyos, o alin sa mga bagay na ginagawa nila ang malamang na sasalungat sa Kanyang disposisyon. Sa usapin ng mga handog sa Diyos, nasa isipan ito palagi ng maraming tao, nais gamitin o ilaan ang mga ito ayon sa kagustuhan nila, upang gamitin ang mga ito, ariin ang mga ito, o waldasin pa nga ang mga ito ayon sa kanilang sariling kalooban; ngunit sinasabi Ko sa iyo, katapusan mo na, kamatayan ang nararapat sa iyo! Gayon ang disposisyon ng Diyos. Hindi pinapayagan ng Diyos na galawin ng sinuman ang mga pag-aari Niya; gayon ang Kanyang dignidad. Mayroon lamang isang sitwasyon kung saan binibigyan ng karapatan ng Diyos ang mga tao na gamitin ang mga ito, at iyon ay ang wastong paggamit ng mga ito alinsunod sa mga regulasyon ng iglesia at mga prinsipyong may kinalaman sa paggamit ng mga ito. Ang pananatili sa loob ng mga hangganang ito ay katanggap-tanggap sa Diyos, ngunit ang paglabas sa mga limitasyong ito ay magiging paglabag laban sa disposisyon ng Diyos, at isang paglabag sa mga atas administratibo. Ganoon ito kahigpit, walang iniiwang lugar para sa negosasyon, at walang alternatibong paraan. Samakatuwid, ang mga gumagawa ng mga gayong bagay tulad ng pagwawaldas, paglulustay, o pagpapahiram ng mga handog ay itinuturing na mga anticristo sa paningin ng Diyos. Bakit sila itinatrato nang ganoon kalubha tulad ng pagturing sa mga anticristo? Kung ang isang naniniwala sa Diyos ay kayang maglakas-loob na hawakan, o gamitin, o sadyaing lustayin ang mga bagay na pag-aari ng Diyos at pinabanal, kung gayon, anong klase siya ng tao? Ang gayong tao ay kaaway ng Diyos. Ang mga kaaway lamang ng Diyos ang magkakaroon ng gayong saloobin sa Kanyang mga pag-aari; walang ordinaryong taong tiwali ang gagawa nito, hayop man ay hindi gagawin ito, tanging ang mga kaaway ng Diyos na si Satanas at ang malaking pulang dragon ang gagawa ng gayong bagay. Kalabisan ba ang pagsasabi nito? Hindi, ito ay isang katunayan at ganap na tumpak! Ganyan ang dangal ng Diyos!

4. Ginagamit nang May Pandaraya ang mga Handog

May ilang tao na, gamit ang iba’t ibang uri ng pagdadahilan, hinihingan ng pera at mga kagamitan ang pamilya ng Diyos, sinasabi nila, “Kulang ng isang silya ang aming iglesia, kaya ibili ninyo kami ng isa nito. Walang magamit na kompyuter ang ilang kapatid sa aming iglesia para sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin, kaya ibili ninyo kami ng Mac. Madalas kaming kumontak ng mga tao kapag nasa gawain kami, at hindi pwedeng wala kaming telepono, kaya ibili ninyo kami ng iPhone. Pero hindi sapat na magkaroon lang ng isang telepono, sobrang abala iyon, dahil iba’t ibang tao ang kailangan naming kontakin minsan. At masyadong madaling manmanan ang iisang linya, kaya uubra lang ito kung magkakaroon kami ng maraming linya. Kaya, ang ilan sa mga taong ito ay may dalang apat o limang cellphone at may bitbit-bitbit na dalawa o tatlong laptop nang sabay-sabay; lubhang kahanga-hanga ang kanilang hitsura, pero mababa naman ang kalidad ng kanilang paggawa. Paano nila nakuha ang lahat ng bagay na ito? Nakuha nilang lahat ito sa pamamagitan ng pandaraya. Noon, napag-usapan natin ang tungkol sa isang hangal na babae, na isang tipikal na anticristo. Noong ipinapaayos ng sambahayan ng Diyos ang isang gusali ng iglesia, nakipagsanib puwersa siya sa isang lalaki para gamitin nang may pandaraya ang pera ng iglesia, na nagdulot ng matinding kawalan sa sambahayan ng Diyos. Nang isagawa ng lalaking ito ang mga pagpapaayos, kinupitan niya ang pera sa paraang gaya rin ng maaaring gawin ng isang kontraktor na walang pananampalataya, mamahaling lahat ang binili niya at gumastos siya nang sobra-sobra. Nang mapansin ng ilang tao na may problema, tinulungan siya ng hangal na babaeng ito na pagtakpan at itago ito, at magkasama nilang dinaya ang sambahayan ng Diyos sa pera nito. Sa bandang huli, sila ay nahuli, at kapwa sila pinatalsik. Sa bagay na ito, hinangad nila ang sarili nilang pagkawasak, at sinira nila ang kanilang buhay. May nagawa ba ang kanilang paghikbi? Yamang ganito ang kinalabasan ng mga bagay-bagay sa bandang huli, bakit ba sila kumilos nang ganoon sa simula pa lang? Bakit hindi pinag-isipan nang husto ng hangal na babaeng iyon ang mga bagay-bagay nang gamitin niya nang may pandaraya ang mga handog? Kalabisan ba na pinatalsik siya ng sambahayan ng Diyos at ipasauli sa kanya ang pera? (Hindi.) Tama lang sa kanya iyon! Hindi dapat kaawaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sila dapat kaawaan. At ganito rin ang babaeng lider na napag-usapan natin dati. Palihim niyang kinuha ang malaking pera ng iglesia, at ipinahiram ito sa isang walang pananampalataya. Kalaunan, pinangasiwaan din siya. May ilan siguro na nag-iisip, “Hindi ba’t kaunting pera lang naman ang ipinahiram niya? Pabayaran na lang ito sa kanya at nang matapos na itong isyu. Bakit kailangan pang alisin siya? Ibig sabihin niyon nagiging isang walang pananampalataya ang isang medyo mabuting tao sa isang iglap lang, at kailangan niyang lumabas para maghanapbuhay. Lubha naman siyang kaawa-awa!” Kaawa-awa ba ang taong ito? Bakit hindi mo na lang sabihing kasuklam-suklam siya? Bakit hindi mo tingnan ang mga bagay na ginawa niya? Sapat na ang mga nagawa niya para masuklam ka buong buhay mo, at heto ka’t naaawa ka sa kanya! Ang mga naaawa sa kanya—anong uri sila ng tao? Mga hangal silang lahat at mga taong nagpapakita ng kabaitan sa kahit kanino na lang.

5. Ninanakaw ang mga Handog

May isa pang huling pagpapamalas ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga pananalapi ng iglesia, at iyon ay ang pagnanakaw sa mga handog. May ilang mangmang na tao na, kapag naghahandog sila, pinanghahawakan nila ang prinsipyong “huwag hayaang malaman ng kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng kanang kamay,” at pagkatapos, ang mga pondong inihahandog nila ay inilalagay nila sa mga kamay ng isang tao na ni hindi nila sigurado kung mapagkakatiwalaan ba. Sinasabi nila, “Malaki-laking halaga ang inihahandog ko sa pagkakataong ito, kaya walang dapat makaalam nito, at huwag mo itong itala sa account book. Ginagawa ko ito sa harapan ng Diyos at hindi sa harapan ng ibang tao. Basta’t alam ng Diyos ang tungkol dito, ayos na iyon. Kung ipapaalam natin ito sa mga kapatid, baka sambahin nila ako. Kaya, para hindi nila ako hangaan nang husto, ginagawa ko ito nang palihim.” Pagkaraang gawin ito, magaan na magaan ang pakiramdam nila sa kanilang sarili, iniisip nila, “Naghandog ako nang may prinsipyo, tahimik, at kalmado, nang hindi ito itinatala, at ginagawa ko ito nang walang sinumang kapatid ang nakakaalam.” Pero ang mangmang na paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay ay lumikha ng pagkakataong masasamantala ng mga sakim na tao. Pagkabigay na pagkabigay sa handog, ang anticristong pinagbigyan nila nito ay pumupunta sa bangko para ideposito ito, inaangkin ito ng. At sasabihin pa nga ng anticristo sa taong naghahandog, “Sa susunod na maghahandog ka, dapat mo itong gawin sa ganito ring paraan. Ang paggawa nito sa ganitong paraan ay tama at naaayon sa mga prinsipyo; dapat tahimik lang ang isang tao kapag naghahandog. Sinabi na ng sambahayan ng Diyos na huwag manawagan sa mga tao na maghandog. Ibig sabihin nito, hinihiling nito na maging tahimik lang ang mga tao, na huwag magsalita tungkol sa kanilang mga handog kahit matapos maibigay ang mga ito, ni huwag isiwalat ang halagang ibinigay, at lalong huwag nang sabihin kung kanino ibinigay ang mga ito.” Kaya bang makilatis ng taong naghandog ang mga tao? Bakit naman nila gagawin ang ganoon kahangal na bagay? Nang walang kaalam-alam kung gaano maaaring maging kabuktot at kasama ang puso ng tao, inilalagay nila ang buong pananampalataya nila sa taong ito, at sa bandang huli, nananakaw ang kanilang pera. Isa itong kaso kung saan binibigyan ng pagkakataon ng isang tao ang isang anticristo, binibigyan ito ng pagkakataong nakawin ang pera. Pero may kaso ba kung saan nagagawa pa ring nakawin ng isang anticristo ang pera kahit hindi ito nabibigyan ng pagkakataon? May mga kaso ba kung saan habang iniingatan ng isang tao ang mga account, sadyang itinatala niyaang maling halaga o nagtatala siya ng mas mababang halaga, at palihim na kinukuha ang pera, nang paunti-unti, kapag hindi nakatingin ang mga tao? May ilang tao na ganito. Ang mga gayong tao ay sakim sa kayamanan, may karakter na mababa at mapaghangad ng masama, at may kakayahan silang gawin ang kahit ano hangga’t may oportunidad sila. May kasabihan, “Ang mga oportunidad ay para sa mga nakahanda.” Ang mga taong hindi sakim ay walang pakialam sa mga ganitong bagay, pero lagi naman itong iniintindi ng mga taong sakim. Lagi silang nag-iisip ng pagbubuo ng mga plano at ang paghahanap ng mga pagkakataong masasamantala pagdating sa pera, iniisip kung paano sila makakapanamantala at kung paano nila magagastos nang palihim ang pera.

May isang hangal na babae. Isang araw habang kinakausap Ko siya, nabanggit Ko ang kagustuhan ng iglesia na maimprenta ang ilang aklat, at tinanong Ko siya kung may alam ba siya sa pag-iimprenta. Isang tambak ng teorya ang isinagot niya at pagkatapos ay sinundan niya kaagad ito sa pagsasabing, “Karaniwan nang nagbibigay ng komisyon ang mga tagaimprenta kapag nag-iimprenta sila ng mga aklat. Kung ipapagawa natin ito sa isang walang pananampalataya, siguradong may dayaang magaganap, at tiyak na lihim silang kikita nang husto.” Habang nagsasalita siya, nagsimula na siyang ngumiti sa tuwa. Nagningning ang kanyang mga mata, tumaas sa kanyang noo ang kanyang mga kilay, at namula ang kanyang mga pisngi, at sumaya at nanabik siya. Naisip Ko, “Kung kaya mong asikasuhin ang gawaing ito ng pag-iimprenta, akuin mo na ito, at gaano man karami ang alam mo tungkol dito, sabihin mo na lang sa Akin kung ano ang alam mo. Ano ba ang labis na ikinasasabik mo?” Pero nang pag-isipan Ko itong mabuti, napagtanto Ko na ito: May kikitain siya rito. Wala man lang siyang pakialam tungkol sa kung paano dapat gawin ang pag-iimprenta, kung aling mga aklat ang dapat maimprenta, kung ano ang magiging kalidad nito, o kung paano maghanap ng bahay-imprenta—ang tanging iniisip niya ay ang porsyentong kikitain niya. Wala pa ngang nagagawa, pero nagsasalita na siya kaagad tungkol sa pagkuha ng porsyento. Naisip Ko, “Nabaliw ka na siguro dahil sa kahirapan. Paanong umaasa kang makakakuha ka ng porsyento mula sa pag-iimprenta ng mga aklat para sa sambahayan ng Diyos? Kapag nagpapamahagi ng mga aklat, hindi kumikita kahit isang kusing ang sambahayan ng Diyos, ipinamimigay nang libre ang lahat ng aklat, at gusto mo pang magkaporsyento?” Hindi ba’t naghahangad ng kamatayan ang babaeng ito? Bago pa man pumayag ang sambahayan ng Diyos na akuin niya ang trabahong ito, noong nagtatanung-tanong pa lang Ako, nagsasalita na kaagad siya tungkol sa porsyento niya. Kung napasakamay nga niya ang trabaho, hindi siya titigil sa pagkuha lamang ng porsyento, at maaaring itakbo pa niya ang lahat ng pera—gaano man kalaking halaga ang ibigay mo sa kanya, ganoon din kalaking halaga ang huhuthutin niya sa iyo, ganoon kalaki ang halagang nanakawin niya. Pagmamalabis ba ang ipinapahayag Ko? Malaking problema talaga ang hangal na babaeng ito, hindi ba? Kung Ako ang tatanungin mo, isa siyang bandido at isang sanggano na malakas ang loob na manguha ng anumang pera na kaya niya. Isantabi na muna natin pansamantala ang pagtatanong kung sang-ayon ba ang Diyos sa bagay na ito, at tanungin na lamang ang mga kapatid kung pinapangasiwaan ba niya ito nang may malasakit, kung kaya ba nilang tanggapin ang paraan ng kanyang pangangasiwa rito, at kung mapapatawad ba siya ng mga hinirang ng Diyos.

At may ilang tao na kasuklam-suklam na nakakaasiwa na silang banggitin pa. Kapag tumatanggap sila ng trabaho para sa sambahayan ng Diyos, nakikipagsabwatan sila sa mga walang pananampalataya para pataasin ang presyo, para pagbayarin ang sambahayan ng Diyos ng napakalaking halaga dahilan para malugi ito. Kung sasabihin mong hindi ka kumbinsido o na hindi mo sasang-ayunan ang kanilang mungkahi, magagalit sila, at susubukan nila ito, iyon, at ang iba para hikayatin ka o pigilan ka, at makuha ang pera mula sa iglesia. Kapag nabayaran na ang mga walang pananampalataya, at nakinabang na sila, at gumanda na rin ang kanilang reputasyon, tuwang-tuwa sila na para bang nanalo sila sa lotto. Pagkagat ito sa kamay ng nagpapakain sa kanila, pagwawaldas ng mga handog, at hindi kailanman pagsisikap na makuha ang katiting mang pakinabang para sa sambahayan ng Diyos. Bakit ba tinanggal ang mga hangal na babaeng iyon na nangasiwa sa pag-iimprenta ng mga aklat? Dahil idinulot nila na malugi ang sambahayan ng Diyos, at kumilos sila nang padalus-dalos. Nang makipagnegosasyon sila sa mga walang pananampalataya, pilit nilang pinabababa ang presyo sa abot ng kanilang makakaya, hanggang sa puntong mas mababa pa ito kaysa sa gastos ng produksiyon, hanggang sa puntong kasuklam-suklam na ito at ayaw na ng mga walang pananampalataya na makipagtransaksiyon sa kanila. Sa bandang huli, napilitan ang mga walang pananampalataya na sumang-ayon, pero nakompromiso nang husto ang kalidad nito. Sabihin ninyo sa Akin, may kahit isang tao ba na papayag na magnegosyo nang palugi? Kailangang mabuhay ng mga tao sa mundong ito, at sa pagnenegosyo ay kailangan nilang kumita ng sapat na pera para mabayaran ang kanilang mga pang-araw-araw na gastusin at ang pasahod sa mga trabahador bukod pa sa gastos sa produksiyon. Hindi hinayaan ng mga babaeng ito na kumita ng anumang pera ang mga walang pananampalatayang ito, nakikipagtawaran sa hindi makatwirang paraan at pilit na pinabababa ang presyo sa abot ng kanilang makakaya, habang iniisip na nakapagtitipid sila para sa sambahayan ng Diyos, at ano ang kinalabasan nito? Tinipid masyado ng kabilang panig ang kalidad ng trabaho at ang pagkakabigkis ng aklat. Kung hindi nila babawiin ang kakulangan dito, hindi ba’t malulugi sila? Kung kinailangan nilang magpakalugi, ginawa kaya nila ang trabaho? Makakapayag ba silang makalamang ang mga babaeng iyon? Hindi, imposible iyon. Kung papayagan nilang makalamang ang mga babaeng iyon, kung gayon, hindi pagnenegosyo ang ginagawa nila, kundi pagkakawanggawa. Hindi ito makilatis ng mga hangal na babaeng iyon, pinangasiwaan nila ang trabaho para sa sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan, at ginulo nang husto ang mga bagay-bagay. Sa huli, puno pa rin sila ng mga pagdadahilan, sinasabi nila: “Iniisip ko ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Nagtitipid ako para sa sambahayan ng Diyos. Ang isang kusing na natipid ay isang kusing na naipon, at ang dalawang kusing na natipid ay nangangahulugang kumita ng isang kusing!” Walang katuturan ang pinagsasasabi nila! Alam ba nila kung ano ang ibig sabihin ng mga regulasyon sa industriya? Alam ba nila kung ano ang ibig sabihin ng mga matatag na nakagawian at pagiging makatwiran? Kaya’t ano ang naging huling resulta? Napakababa ng kalidad ng ilan sa mga aklat, nagsimula nang matanggal ang mga pahina matapos ang ilang beses lang na paglilipat ng pahina, at nababaklas na ang buong aklat, kaya imposible na itong mabasa, kaya wala nang ibang paraan kundi ang muling iimprenta ang lahat. Nakatipid ba ng pera dito, o mas lumaki pa ang gastos? (Mas lumaki pa ang gastos.) Ito ang kapalpakang idinulot ng mga hangal na babaeng iyon.

Ang katunayan na ang paraan ng pagturing ng mga anticristo sa mga handog ay ganap na walang prinsipyo at pagkatao, at katibayan ito na positibo silang may buktot at malupit na disposisyon. Batay sa kanilang pagturing sa mga handog at sa lahat ng bagay na sa Diyos, tunay ngang lumalaban sa Diyos ang disposisyon ng isang anticristo. Tinitingnan nila nang may matinding paghamak ang mga handog na pagmamay-ari ng Diyos, pinaglalaruan at tinatrato ang mga ito sa anumang paraan na gusto nila, hindi nagpapakita ng kahit katiting na respeto, at walang anumang limitasyon. Kung ganito nila tinatrato ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos, paano nila tinatrato ang Diyos mismo? O ang mga salitang sinabi Niya? Maliwanag naman ang sagot. Ito ay kalikasang diwa ng isang anticristo, isang diwa ng anticristo na napangingibabawan ng kabuktutan at kalupitan; tunay nga itong isang anticristo. Tandaan mo ito: Pagdating sa isang taong may kakayahang waldasin, lustayin, ipahiram, gamitin nang may pandaraya, o nakawin ang mga handog, hindi na kailangang obserbahan pa ang iba pang mga pagpapamalas. Hangga’t nakikita ang kahit isa sa mga kategoryang ito, sapat na iyon para maituring na anticristo ang taong ito. Hindi mo na kailangang magtanung-tanong o mag-imbestiga, lalong hindi na kailangang suriin pa siya, para makita kung ganito siyang uri ng tao, at kung may kakayahan kaya siyang gawin ang mga ganitong uri ng bagay sa hinaharap. Basta’t pasok siya sa kahit isa man lang sa mga kategoryang ito, nakatakda na siyang maging isang anticristo, na maging kaaway ng Diyos. Tingnan ninyo, kayong lahat: Lider man ito na inihalal na ninyo, o isang lider na napagdesisyunan ninyong ihalal, o isa sa mga taong iniisip ninyong mahusay-husay, sinumang nagpapakita ng ganitong uri ng asal, o ng ganitong uri ng potensyal, ay hindi makakatakas sa pagiging isang anticristo.

May natutuhan ba kayong anumang aral mula sa mga bagay na ibinahagi Ko ngayon? Nagtamo ba kayo ng pagkaunawa ukol sa isang katotohanan? Hindi kayo makapagsalita nang malinaw tungkol dito, kaya sasabihin Ko sa inyo kung anong uri ng aral ang dapat ninyong matutuhan. Hindi mo dapat pagplanuhan nang masama ang mga bagay na inihahandog ng mga tao sa Diyos. Kahit ano pa ang mga bagay na ito, may halaga man ang mga ito o wala, may gamit ka man sa mga ito o wala, mahahalaga man ang mga ito o hindi—hindi mo dapat pagplanuhan nang masama ang mga ito. Lumabas ka at kumita ng pera kung may kakayahan ka—kumita kahit gaano karaming pera ang gusto mo, walang makikialam dito, pero huwag na huwag mong pagpaplanuhan nang masama ang mga handog na para sa Diyos. Ang pagbabantay na ito ay isang bagay na dapat magkaroon kayo; ang pagkamakatwirang ito ay isang bagay na dapat magkaroon kayo. Isang aral ang nasa itaas. Ang isa pang aral ay na ang sinumang nagwawaldas, naglulustay, nagpapahiram, gumagamit nang may pandaraya, at nagnanakaw ng mga handog ay dapat ituring na kauri ni Judas. Ang mga taong nagsagawa na ng mga ganitong kilos at pagsasagawa ay nasalungat na ang disposisyon ng Diyos, at hindi sila ililigtas ng Diyos. Hindi mo dapat tanggapin ang anumang pananaginip nang gising tungkol sa usaping ito. Ipinaliwanag Ko ito nang ganito at tutuparin ng Diyos ang mga bagay na ito. Naitakda na ito, at wala nang pag-uusapan pa. Sasabihin ng ilang tao: “May konteksto sa paglulustay ko: Bata pa ako at mangmang nang walang-ingat kong gastusin ang perang iyon, pero hindi ko hinuthutan ng malaking pera ang sambahayan ng Diyos, nagnakaw lang ako ng 20 hanggang 30, o 30 o 50 RMB.” Pero hindi ito tungkol sa halaga; ang problema ay na kapag ginagawa mo ito, ang puntirya ng mga kilos mo ay ang Diyos. Ginalaw mo ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos, at hindi katanggap-tanggap na gawin iyon. Ang mga bagay na pagmamay-ari ng Diyos ay hindi pag-aaring panlahat, hindi pagmamay-ari ng lahat ang mga ito, hindi pagmamay-ari ng iglesia ang mga ito, hindi pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos ang mga ito: Sa Diyos ang mga ito, at hindi mo dapat mapagpalit-palit ang mga konseptong ito. Hindi iniisip ng Diyos, ni hindi sinabi ng Diyos sa iyo na, “Ang mga gamit Ko at handog sa Akin ay pagmamay-ari ng iglesia, at dapat ilaan ng iglesia ang mga ito,” lalo namang hindi Niya sinabi na, “Ang lahat ng handog sa Akin ay pagmamay-ari ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos, at nasa pangangasiwa ng mga kapatid, at sinumang may gustong gumamit sa mga ito ay kailangan lamang na iulat ito.” Walang sinabing ganoon ang Diyos, hindi Niya ito kailanman sinabi. Kung gayon, ano ang sinabi ng Diyos? Ang isang bagay na inihandog sa Diyos ay pagmamay-ari ng Diyos, at kapag naialay na ang bagay na ito sa dambana, sa Diyos na ito magpakailanman, at walang karapatan o kapangyarihan ang sinumang tao na gamitin ito nang walang pahintulot. Ang pagpaplano nang masama sa mga handog, at ang paglulustay, paggamit nang may pandaraya, pagnanakaw, pagpapahiram, at pagwawaldas sa mga ito—kinokondena ang lahat ng kilos na ito bilang pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos, bilang mga kilos ng mga anticristo, at katumbas ng kasalanang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu, na dahil dito ay hindi ka kailanman patatawarin ng Diyos. Gayon ang dignidad ng Diyos, at hindi ito dapat maliitin ng mga tao. Kapag nang-uumit o nagnanakaw ka sa ibang tao, maaari kang sentensiyahan ng isa hanggang dalawang taon, o di kaya’y tatlo hanggang limang taon ayon sa batas, at kapag nakulong ka na ng tatlo hanggang limang taon, mapapawalang-sala ka na sa anumang krimen. Pero kapag kinuha at ginamit mo ang mga gamit ng Diyos, ang mga handog sa Diyos, isa itong kasalanan na permanente sa paningin ng Diyos, isang kasalanang hindi mapapatawad. Nasabi Ko na ang mga salitang ito sa iyo, at sinumang sumalungat sa mga ito ay kailangang panagutan ang magiging kahihinatnan. Pagdating ng panahon, huwag na huwag kang magrereklamo na hindi kita sinabihan. Ipinaliwanag Ko nang malinaw ang Aking mga salita sa iyo ngayon dito, minamartilyo ang mga ito sa puwesto gaya ng mga pako sa isang tabla, at ito ang bagay na mangyayari. Ikaw ang bahala kung paniniwalaan mo ito o hindi. May mga nagsasabing hindi sila takot. Aba, kung hindi ka takot, antabayanan at tingnan mo kung ano ang mga mangyayari. Huwag mo nang hintaying maparusahan ka, dahil kapag dumating na sa puntong iyon ay magiging huli na ang lahat para umiyak ka pa, magngalit ng iyong mga ngipin, at kabugin ang iyong dibdib.

Oktubre 24, 2020

Sinundan: Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito