Ikaanim na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikatlong Bahagi)
III. Ang Disposisyong Diwa ng Mga Anticristo
A. Kabuktutan
2. Ang Ginagawa ng mga Anticristo sa Diyos
Sa huling pagtitipon, pangunahin nating pinagbahaginan at ibinuod ang disposisyong diwa ng isang anticristo, pumili tayo ng tatlong katangian mula sa anim na disposisyon ng tiwaling pagkatao para himayin. Ang tatlong katangiang ito ay ang pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan. Nagbahaginan tayo tungkol sa kabuktutan noong nakaraan, at sa pamamagitan ng paghihimay sa mga buktot na pagpapamalas ng mga anticristo, tulad ng, na ang mga isipan nila ay puno ng kasamaan buong araw—tinukoy natin ang mga anticristo at kinumpirma ang buktot nilang disposisyong diwa sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito. Hinihimay natin, mula sa dalawang aspekto ang katunayan na ang mga isipan nila ay puno ng kasamaan buong araw: una, kung ano ang nasa isipan nila kapag tinatrato nila ang iba, anong mga pamamaraan at pagpapamalas ang ibinubunyag nila sa kanilang tiwaling diwa; pangalawa, kung ano ang nasa mga isipan nila tungkol sa Diyos. Natapos na nating pagbahaginan ang tungkol sa kung paano nila tinatrato ang mga tao. Tungkol naman sa mga ideya, kuru-kuro, pananaw, at mga motibasyon na mayroon ang mga anticristo, at maging ang mga paunang kilos sa isipan nila, patungkol sa Diyos, bahagya nating pinagbahaginan ito noong nakaraan: halimbawa, pagdududa, pagsisiyasat, at ano pa? (Paghihinala at pagiging mapagbantay.) Pagdududa, pagsisiyasat, paghihinala, at pagiging mapagbantay. Ngayon, pagbahaginan natin ang tungkol sa pagsubok ng mga anticristo sa Diyos.
e. Pagsubok
Ano ang mga pagpapamalas ng pagsubok? Anong mga pamamaraan o kaisipan ang nagpapamalas ng isang kalagayan o diwa ng pagsubok? (Kung ako ay nakagawa ng pagsalangsang o nakagawa ng masama, palagi kong gustong imbestigahan ang Diyos, manghingi ng malinaw na sagot, at tingnan kung magkakaroon ba ako ng magandang kalalabasan o hantungan.) May kinalaman ito sa mga kaisipan; kaya, sa pangkalahatan, kapag nagsasalita o kumikilos ang isang tao, o kapag humaharap siya sa isang bagay, alin sa mga pagpapamalas niya ang pagsubok? Kung may isang taong nakagawa ng pagsalangsang at pakiramdam niya ay baka maalala o makondena ng Diyos ang pagsalangsang niya, at siya mismo ay hindi sigurado, hindi niya alam kung talagang kokondenahin siya ng Diyos o hindi, nag-iisip siya ng paraan para subukin ito, para makita kung ano talaga ang saloobin ng Diyos. Nagsisimula siya sa pagdarasal, at kung walang pagtanglaw o pagbibigay ng kaliwanagan, iniisip niyang ganap na itigil ang dati niyang mga paraan ng paghahangad. Dati, lagi niyang ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, gumugugol lang ng 30% ng kanyang pagsisikap kung saan puwede niyang ibigay ang 50%, o 10% kung saan puwede siyang magbigay ng 30%. Ngayon, kung kaya niyang magbigay ng 50% ng kanyang pagsisikap, gagawin niya ito. Inaako niya ang mga marumi o nakakapagod na gawain na iniiwasan ng iba, palaging ginagawa ito sa harap ng iba, at tinitiyak na nakikita ito ng karamihan ng kapatid. Ang mas mahalaga, gusto niyang makita kung paano tinitingnan ng Diyos ang usaping ito at kung matutubos ba ang pagsalangsang niya. Kapag nahaharap sa mga kahirapan o mga bagay na hindi mapagtatagumpayan ng karamihan ng tao, gusto niyang makita kung ano ang gagawin ng Diyos, kung bibigyan ba Niya sila ng liwanag at paggabay. Kung mararamdaman niya ang presensiya ng Diyos at ang Kanyang espesyal na pagpabor, maniniwala siyang hindi inalala o kinondena ng Diyos ang pagsalangsang niya, na nagpapatunay na mapapatawad ito. Kung gugugulin niya ang sarili niya nang ganito at magbabayad siya ng gayong halaga, kung malaki ang magiging pagbabago sa saloobin niya pero hindi pa rin niya maramdaman ang presensiya ng Diyos, at talagang wala siyang nararamdamang anumang nakikilatis na pagkakaiba mula sa dati, posible na kinondena ng Diyos ang dati niyang pagsalangsang at ayaw na sa kanya ng Diyos. Dahil ayaw na sa kanya ng Diyos, hindi na siya magsusumikap nang gayon sa hinaharap kapag ginagawa niya ang tungkulin niya. Kung gusto pa siya ng Diyos, kung hindi siya kinokondena ng Diyos, at may pag-asa pa siyang makatanggap ng mga pagpapala, magbibigay siya ng kaunting sinseridad sa paggawa ng tungkulin niya. Ang mga pagpapamalas at ideya bang ito ay isang uri ng pagsubok? Isa ba itong partikular na pamamaraan? (Oo.) Kanina, isang teoretikal na aspekto lang ang nabanggit ninyo, pero hindi ninyo partikular na ipinaliwanag ang detalyadong pagpapamalas ng pagsubok sa Diyos at kung anong mga kongkretong pamamaraan at plano ang nasa puso nila tungkol sa usaping ito, o hindi ninyo inilantad kung ano ang mga pananaw at kalagayan ng mga anticristo kapag ginagawa nila ang aktibidad na ito.
Palaging walang anumang kaalaman o karanasan ang ilang tao tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa Kanyang pagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Wala rin silang tunay na pagkaunawa sa pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao, kaya natural na puno sila ng pagdududa tungkol sa usaping ito. Bagaman sa mga personal nilang kagustuhan ay gusto nilang maniwala na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, wala silang tiyak na ebidensya. Bunga nito, nagpaplano sila ng partikular na mga bagay sa puso nila at kasabay nito ay nagsisimula silang ipatupad at isagawa ang mga ito. Habang isinasakatuparan nila ang mga ito, patuloy silang nagmamasid kung talagang nalalaman ng Diyos ang tungkol sa mga ito, kung malalantad ba ang mga usapin, at kung mananatili silang tahimik, may sinuman bang makakaalam nito, o kung mabubunyag ba ito ng Diyos sa pamamagitan ng isang partikular na kapaligiran. Siyempre, ang mga ordinaryong tao ay puwedeng medyo may kaunting pag-aalinlangan tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa Kanyang pagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao, pero hindi lang basta nag-aalinlangan ang mga anticristo—puno sila ng pagdududa, at kasabay nito, ganap silang mapagbantay laban sa Diyos. Kaya, nakabubuo sila ng maraming pamamaraan para subukin ang Diyos. Dahil pinagdududahan nila ang pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao at, higit pa rito, itinatanggi nila ang katotohanan na sinisiyasat ito ng Diyos, madalas nilang pinag-iisipan ang ilang partikular na usapin. Pagkatapos, nang may kaunting takot o di-maipaliwanag na pangamba, palihim nilang ikinakalat ang mga kaisipang ito sa pribado, inililihis ang ilang tao. Samantala, unti-unti nilang patuloy na inilalantad ang mga argumento at ideya nila. Habang inilalantad nila ang mga ito, tinitingnan nila kung pipigilan o ilalantad ng Diyos ang pag-uugali nilang ito. Kung ilalantad o tutukuyin ito ng Diyos, agad silang umuurong, nagbabago ng pamamaraan. Kung mukhang walang nakakaalam tungkol dito, at walang nakakakilatis sa kanila o sa kanilang kalooban, mas lalo silang lubos na nakukumbinsi sa puso nila na tama ang kutob nila, at tama ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Sa pananaw nila, ang pagsisiyasat ng Diyos sa puso ng tao ay halos hindi umiiral. Anong uri ng pamamaraan ito? Ito ang pamamaraan ng pagsubok.
Dahil sa likas nilang buktot na disposisyon, hindi kailanman nagsasalita o kumikilos nang tuwiran ang mga anticristo. Hindi nila pinapangasiwaan ang mga bagay-bagay nang may tapat na saloobin at sinseridad, o hindi sila nagsasalita nang gamit ang mga tapat na salita at hindi sila kumikilos nang may saloobing taos-puso. Walang tuwiran sa sinasabi o ginagawa nila, sa halip, paligoy-ligoy at palihim ang mga ito, at hindi nila kailanman direktang ipinapahayag ang mga iniisip o motibasyon nila. Dahil naniniwala sila na kung ipapahayag nila ang mga ito, lubos silang mauunawaan at makikilatis, malalantad ang mga totoong ambisyon at pagnanais nila, at hindi sila ituturing ng ibang tao bilang mataas o marangal, o hindi sila titingalain at sasambahin ng iba; kaya, palagi nilang sinusubukan na ikubli at itago ang kanilang mga di-marangal na motibo at mga pagnanais. Kaya, paano sila nagsasalita at kumikilos? Gumagamit sila ng iba’t ibang paraan. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “pag-aralan muna ang sitwasyon,” katulad niyon ang ginagamit na pamamaraan ng mga anticristo. Kapag may gusto silang gawin at may partikular silang pananaw o saloobin, hindi nila ito direktang ipinapahayag kailanman; sa halip, gumagamit sila ng mga partikular na pamamaraan tulad ng di-halata o patanong na pamamaraan o pag-uusisa sa mga tao para makalap ang impormasyong hinahanap nila. Dahil sa buktot nilang disposisyon, hindi kailanman hinahanap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi rin nila nais na unawain ito. Ang tanging inaalala nila ay ang sarili nilang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan. Gumagawa sila ng mga aktibidad na puwedeng magbigay sa kanila ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, iniiwasan nila ang mga bagay na hindi magdudulot ng ganoong mga bagay. Masigasig silang umaako sa mga aktibidad na may kaugnayan sa reputasyon, katayuan, pamumukod-tangi, at kaluwalhatian, habang iniiwasan nila ang mga bagay na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia o puwedeng makasalungat sa iba. Samakatwid, hindi hinaharap ng mga anticristo ang anumang bagay nang may saloobin ng paghahanap; sa halip, gumagamit sila ng pamamaraan ng pagsubok para pag-aralan ang mga bagay, at pagkatapos ay nagpapasya sila kung magpapatuloy ba sila—sadyang ganito katuso at kabuktot ang mga anticristo. Halimbawa, kapag gusto nilang malaman kung anong uri sila ng tao sa mata ng Diyos, hindi nila sinusuri ang sarili nila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili nila. Sa halip, nagtatanung-tanong sila sa paligid at nakikinig sa mga pahayag na may pahiwatig, inoobserbahan ang tono at saloobin ng mga lider at ng Itaas, at naghahanap sa mga salita ng Diyos para makita kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga taong tulad nila. Ginagamit nila ang mga landas at pamamaraang ito para makita kung saan sila nabibilang sa loob ng sambahayan ng Diyos at malaman kung ano ang kalalabasan nila sa hinaharap. Hindi ba’t may sangkot dito na kaunting kalikasan ng pagsubok? Halimbawa, pagkatapos mapungusan ang ilang tao, sa halip na suriin kung bakit sila napungusan, suriin ang mga tiwaling disposisyon at pagkakamaling ibinunyag nila sa mga kilos nila, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang dapat nilang hanapin para makilala ang sarili nila at maitama ang mga dati nilang pagkakamali, nagbibigay sila sa iba ng maling impresyon, gumagamit sila ng hindi direktang paraan para malaman ang tunay na saloobin ng Itaas patungkol sa kanila. Halimbawa, pagkatapos nilang mapungusan, mabilis silang nagbabanggit ng isang maliit na isyu na ikokonsulta nila sa Itaas, para malaman kung anong uri ng tono mayroon ang Itaas, kung pasensyoso ba ang Itaas, kung ang mga tanong ba na ikinokonsulta nila ay sasagutin nang seryoso, kung magiging malumanay ba ang saloobin ng Itaas sa kanila, kung pagkakatiwalaan ba sila ng Itaas ng mga gampanin, kung pahahalagahan pa rin ba sila ng Itaas, at kung ano ba talaga ang iniisip ng Itaas tungkol sa mga nagawa nilang pagkakamali dati. Ang lahat ng pamamaraang ito ay isang uri ng pagsubok. Sa madaling salita, kapag nahaharap sila sa mga gayong sitwasyon at nagpapakita ng mga pagpapamalas na ito, alam ba ng mga tao sa puso nila? (Oo, alam nila.) Kaya, kapag alam ninyo ito at gusto ninyong gawin ang mga bagay na ito, paano ninyo pinangangasiwaan ito? Una, sa pinakasimpleng antas, kaya mo bang maghimagsik laban sa sarili mo? Nahihirapan ang ilang tao na maghimagsik laban sa sarili nila kapag dumating na ang oras; pinag-iisipan nila ito, “Hindi bale na, ngayon ay may kinalaman ito sa mga pagpapala at kalalabasan ko. Hindi ko kayang maghimagsik laban sa sarili ko. Sa susunod na lang.” Kapag dumating ang susunod na pagkakataon, at muli silang nahaharap sa isang isyu na sangkot ang kanilang mga pagpapala at kalalabasan, natutuklasan nila na hindi pa rin nila kayang maghimagsik laban sa sarili nila. May konsensiya ang mga gayong indibidwal, at bagaman wala silang disposisyong diwa ng isang anticristo, medyo mahirap at mapanganib pa rin ito para sa kanila. Sa kabilang banda, madalas na iniisipng mga anticristo ang mga ganitong kaisipan at namumuhay sila sa gayong kalagayan, pero hindi sila kailanman naghihimagsik laban sa sarili nila, dahil wala silang konsensiya. Kahit na may isang taong naglalantad o nagpupungos sa kanila, na tumutukoy sa kalagayan nila, nagpapatuloy pa rin sila at talagang hindi sila naghihimagsik laban sa sarili nila, ni hindi nila kinamumuhian ang sarili nila dahil dito o hindi nila binibitiwan o nilulutas ang ganitong kalagayan. Pagkatapos matanggal ang ilang anticristo, iniisip nila, “Mukhang normal lang naman na matanggal, pero medyo nakakahiya ito. Bagaman hindi ito isang malaking usapin, may isang mahalagang bagay na hindi ko kayang bitiwan. Kung natanggal ako, ibig ba niyong sabihin na hindi na ako lilinangin ng sambahayan ng diyos? Kung gayon, magiging anong klaseng tao ako sa mata ng diyos? Magkakaroon pa ba ako ng pag-asa? Magkakaroon pa ba ako ng silbi sa sambahayan ng diyos?” Pinag-iisipan nila ito at nakakabuo sila ng plano, “Mayroon akong sampung libong yuan, at ngayon na ang oras para gamitin ito. Iaalay ko itong sampung libong yuan bilang handog, at titingnan ko kung makapagbabago nang kaunti ang saloobin ng itaas sa akin, at kung mapapaboran nila ako nang kaunti. Kung tatanggapin ng sambahayan ng diyos ang pera, ibig sabihin ay may pag-asa pa ako. Kung tatanggihan nito ang pera, pinatutunayan nito na wala na akong pag-asa, at bubuo ako ng ibang mga plano.” Anong uri ng pamamaraan ito? Pagsubok ito. Sa madaling salita, ang pagsubok ay isang medyo halatang pagpapamalas ng buktot na disposisyong diwa. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang paraan para makuha ang impormasyong nais nila, magtamo sila ng katiyakan, at pagkatapos ay magkaroon ng payapang isipan. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagsubok, tulad ng paggamit ng mga salita para mag-usisa ng impormasyon mula sa Diyos, paggamit ng mga bagay para subukin Siya, pag-iisip at pagmumuni-muni ng mga bagay-bagay sa isipan nila. Ano ang pinakakaraniwang paraan ng pagsubok ninyo sa Diyos? (Minsan, kapag nananalangin ako sa Diyos, sinusuri ko ang saloobin ng Diyos sa akin at tinitingnan ko kung mayroon akong kapayapaan sa puso ko. Ginagamit ko ang pamamaraang ito para subukin ang Diyos.) Karaniwang ginagamit ang pamamaraang ito. Ang isa pang paraan ay ang tingnan kung may anumang masasabi ang isang tao sa panahon ng pagbabahaginan sa pagtitipon, kung nagbibigay ang Diyos ng kaliwanagan o pagtanglaw, at ginagamit ito para subukin kung kasama pa ba nila ang Diyos, kung mahal pa rin ba sila ng Diyos. Gayundin, habang ginagawa ang tungkulin nila, tinitingnan nila kung binibigyan sila ng Diyos ng kaliwanagan o gabay, kung mayroon silang anumang espesyal na mga kaisipan, ideya, o kabatiran—ginagamit nila ang mga ito para subukin kung anong uri ng saloobin mayroon ang Diyos sa kanila. Ang lahat ng pamamaraang ito ay medyo karaniwan. Mayroon pa bang iba? (Kung gumawa ako ng panata sa Diyos sa panalangin pero hindi ko ito natupad, inoobserbahan ko kung tatratuhin ba ako ng Diyos batay sa panatang ginawa ko.) Isang uri din ito. Anuman ang pamamaraang ginagamit ng mga tao para tratuhin ang Diyos, kung nakokonsensiya sila tungkol dito, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa mga kilos at disposisyong ito at agad silang mababago, kung gayon, hindi ganoon kalaki ang problema—isa itong normal na tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na patuloy at matigas na gawin ito, kahit na alam nilang mali ito at kinasusuklaman ng Diyos, pero ipinagpapatuloy pa rin nila ito, hindi kailanman naghihimagsik laban dito o isinusuko ito, ito ang diwa ng isang anticristo. Ang disposisyong diwa ng isang anticristo ay naiiba sa mga ordinaryong tao, dahil hindi nila kailanman pinagninilayan ang sarili nila o hinahanap ang katotohanan, pero patuloy at matigas silang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para subukin ang Diyos, ang Kanyang saloobin sa mga tao, ang Kanyang kongklusyon tungkol sa isang indibidwal, at kung ano ang Kanyang mga iniisip at ideya tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng isang tao. Hindi nila kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lalong hindi ang paano magpasakop sa katotohanan para magbago ang disposisyon nila. Ang layon sa likod ng lahat ng kilos nila ay ang alamin ang mga iniisip at ideya ng Diyos—isa itong anticristo. Malinaw na buktot ang disposisyon na ito ng mga anticristo. Kapag ginagawa nila ang mga kilos na ito at ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito, walang bakas ng pagkakonsensiya o pagsisisi. Kahit na inuugnay nila ang sarili nila sa mga bagay na ito, hindi sila nagpapakita ng pagsisisi o ng layuning huminto, bagkus ay nagpapatuloy sila sa mga gawi nila. Sa kanilang pagtrato sa Diyos, sa kanilang saloobin, sa kanilang pamamaraan, maliwanag na itinuturing nila ang Diyos bilang kalaban nila. Sa mga iniisip at pananaw nila, walang ideya o saloobin ng pagkilala sa Diyos, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, o pagkatakot sa Diyos; basta gusto lang nilang makuha ang impormasyong nais nila mula sa Diyos at gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan at diskarte para matiyak ang tumpak na saloobin ng Diyos sa kanila at ang Kanyang depinisyon sa kanila. Ang mas malubha pa rito, kahit na inaayon nila ang sarili nilang mga pamamaraan sa mga salita ng Diyos ng pagbubunyag, kahit na mayroon silang pinakakatiting na kamalayan na kinasusuklaman ng Diyos ang pag-uugaling ito at hindi ito ang dapat gawin ng isang tao, hinding-hindi nila ito isusuko.
Noong nakaraan, mayroong isang regulasyon sa sambahayan ng Diyos: Tungkol sa mga pinatalsik o inalis, kung nagpamalas sila ng tunay na pagsisisi pagkatapos niyon, at nagpatuloy sila sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagpapalaganap sa ebanghelyo, at pagpapatotoo sa Diyos, nang tunay na nagsisisi, puwede silang tanggapin muli sa iglesia. May isang tao noon na natugunan ang mga pamantayang ito matapos siyang paalisin, at nagpadala ang iglesia ng isang tao para hanapin siya, makipagbahaginan sa kanya, at sabihin sa kanya na tinanggap na siyang muli sa iglesia. Nang marinig ito, natuwa siya nang husto, pero napaisip siya, “Sinsero ba ang pagtanggap na ito, o mayroong ibang dahilan sa likod nito? Nakita ba talaga ng diyos ang pagsisisi ko? Talaga bang naawa siya sa akin at pinatawad na niya ako? Talaga bang isinantabi na ang mga ginawa ko dati?” Hindi niya ito pinaniwalaan, at naisip niya, “Kahit na gusto nila akong tanggapin muli, dapat akong magpigil at hindi agad-agad na sumang-ayon. Hindi ako dapat umakto na parang labis akong nagdusa at naging sobrang kaawa-awa sa mga nakaraang taong ito matapos akong patalsikin. Kailangan kong magtimpi nang kaunti at huwag kaagad magtanong, pagkabalik na pagkabalik ko, kung saan ako puwedeng makibahagi sa buhay iglesia o anong mga tungkulin ang puwede kong gawin. Hindi puwedeng magmukha akong masyadong sabik na sabik. Kahit na labis akong masaya sa loob-loob ko, kailangan kong manatiling kalmado at tingnan kung talagang tunay na gusto ng sambahayan ng diyos na bumalik ako o kung hindi lang ito nagiging sinsero para magamit ako nito sa ilang gampanin.” Sa isiping ito, sinabi niya, “Sa panahon matapos akong mapatalsik, nagnilay-nilay ako at napagtanto kong napakalaki ng mga pagkakamaling nagawa ko. Napakalaki ng mga pinsalang idinulot ko sa mga interes ng sambahayan ng diyos, at hindi ako kailanman makakabawi sa mga ito. Isa talaga akong diyablo at isang Satanas na isinumpa ng diyos. Gayumpaman, hindi pa rin kumpleto ang pagninilay-nilay ko sa sarili. Dahil gusto akong pabalikin ng sambahayan ng diyos, kailangan na higit pa akong kumain at uminom ng mga salita ng diyos at mas pagnilayan at kilalanin pa ang sarili ko. Sa kasalukuyan, hindi pa ako karapat-dapat na bumalik sa sambahayan ng diyos, hindi ako karapat-dapat na gawin ang tungkulin ko sa sambahayan ng diyos, hindi karapat-dapat na makipagkita sa mga kapatid ko, at talagang labis akong nahihiya na humarap sa diyos. Babalik lang ako sa iglesia kapag naramdaman kong sapat na ang kaalaman at pagninilay-nilay ko sa sarili, para magpatibay sa akin ang lahat.” Habang sinasabi niya ito, kinakabahan din siya, iniisip niya, “Nagkukunwari lang ako sa sinasabi ko. Paano kung sumang-ayon ang mga lider na huwag na akong tanggapin muli sa iglesia? Hindi ba’t magiging katapusan ko na?” Sa realidad, lubos siyang nababalisa, pero kailangan pa rin niyang magsalita sa ganitong paraan at magkunwari na hindi siya masyadong sabik na bumalik sa iglesia. Ano ang ibig niyang sabihin sa pagsasabi ng mga bagay na ito? (Sinusubukan niya kung talagang tatanggapin siyang muli ng iglesia.) Kinakailangan pa ba ito? Hindi ba’t isa itong bagay na ginagawa ng mga Satanas at diyablo? Kikilos ba nang ganito ang isang normal na tao? (Hindi, hindi siya kikilos nang ganito.) Hindi kikilos nang ganito ang isang normal na tao. Sa harap ng gayong napakagandang pagkakataon, ang magawa niya ang gayong hakbang ay buktot. Ang muling matanggap sa iglesia ay isang pagpapahayag ng pagmamahal at awa ng Diyos, at dapat niyang pagnilayan at kilalanin ang sarili niyang katiwalian at mga pagkukulang, maghanap siya ng mga paraan para makabawi sa mga dati niyang pagkakautang. Kung kaya pa ring subukin ng isang tao ang Diyos sa ganitong paraan at tratuhin ang awa ng Diyos sa ganitong paraan, talagang bigo silang pahalagahan ang Kanyang kabaitan! Na nagkakaroon ng mga gayong ideya at pamamaraan ang mga tao ay bunga ng buktot nilang diwa. Sa esensiya, kapag sinusubok ng mga tao ang Diyos, ang mga ipinapamalas at ibinubunyag nila sa teorya ay palaging nauugnay sa pagsubok sa mga kaisipan ng Diyos gayundin sa Kanyang mga pananaw at depinisyon sa mga tao, bukod sa iba pang bagay. Kung hinahanap ng mga tao ang katotohanan, maghihimagsik sila laban sa mga gayong pagsasagawa at bibitiwan nila ang mga iyon, kikilos at aasal sila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, bukod sa hindi mabitiwan ng mga indibidwal na may disposisyong diwa ng isang anticristo ang mga gayong pagsasagawa at hindi nila kinamumuhian ang mga iyon, madalas pa nilang pinahahalagahan ang sarili nila sa pagkakaroon ng mga gayong mga diskarte at pamamaraan. Puwedeng iniisip nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako kautak. Hindi ako katulad ninyong mga hangal na ang alam lang ay magpasakop at sumunod sa diyos at sa katotohanan—hindi ninyo talaga ako katulad! Sinusubukan kong gumamit ng mga diskarte at pamamaraan para malaman ang mga bagay na ito. Kahit na kailangan kong magpasakop at sumunod, aalamin ko pa rin ang totoo. Huwag ninyong isipin na may maitatago kayo mula sa akin o na malilinlang at maloloko ninyo ako.” Ito ang iniisip at pananaw nila. Hinding-hindi nagpapakita ang mga anticristo ng pagpapasakop, takot, o sinseridad, at lalo na ng anumang katapatan sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao. Ito ang pagtatapos ng talakayan natin tungkol sa mga pagpapamalas na may kinalaman sa pagsubok.
f. Paghingi
Ang susunod na aytem ay na may mga hinihingi sa Diyos ang mga anticristo, at may mas partikular na mga pagpapamalas nito. Mailalarawan ang mga anticristo sa pamamagitan ng sinasabi ng mga walang pananampalataya na “huwag tumulong kung walang gantimpala.” Ano pa? (“Hindi nila pinakakawalan ang lawin hangga’t hindi nila nakikita ang kuneho.”) Hindi nila pinakakawalan ang lawin hangga’t hindi nila nakikita ang kuneho—kung may pakinabang, susunggaban nila ito, pero kung walang pakinabang, hindi nila ito susunggaban. Anuman ang sitwasyon, kailangan nila itong timbangin sa isipan nila, iniisip nila, “Gaano kalaki ang benepisyong makakamit ko mula sa paggawa nito? Gaano karaming pakinabang ang makakamtan ko? Sulit ba ang pagbabayad ng napakataas na halaga para dito? Kung magbabayad ako ng malaking halaga pero iba ang makikinabang sa huli, at hindi ako makakapagpakitang gilas, hinding-hindi ko ito gagawin!” Hindi ba’t ito ang saloobin ng mga anticristo sa atas at mga hinihingi ng Diyos? Kung pagsisikapan nila nang kaunti ang paggampan ng mga tungkulin nila, pero wala silang nakakamit na anumang pakinabang, at nagtitiis sila ng kaunting paghihirap nang walang natatanggap na biyaya, agad silang nagrereklamo sa loob-loob nila, sinasabi nila, “Nagsikap ako nang husto—bakit wala akong nakamit na anumang pakinabang? Kumikita ba ang negosyo ng pamilya ko o hindi?” Kung magkakalkula sila at makikita nila na mas malaki ang kita nila kaysa noong nakaraang buwan, nagpapatuloy sila sa paglabas at sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, hindi sila natatakot sa kabila ng mga panganib. Pero kapag may problema sa negosyo ng pamilya, at kapansin-pansing mas mababa ang kita nila kaysa noong nakaraang buwan, agad silang nagrereklamo at nagdududa sa Diyos sa puso nila, iniisip nila, “O diyos, ginawa ko ang tungkulin ko nang hindi nagiging tamad o tuso, ni hindi ko ito ginawa nang pabasta-basta. Nitong buwan, mas marami ang nilakbay ko at mas marami akong ginawang trabaho kaysa noong nakaraang buwan. Bakit hindi mo pinagpapala ang pamilya ko? Bakit hindi maganda ang takbo ng negosyo ng pamilya ko?” Agad na nagbabago ang saloobin nila sa Diyos at sa atas ng Diyos, at iniisip nila, “Kung hindi mo pagpapalain ang pamilya ko, huwag mo akong sisihin na ginagawa ko nang pabasta-basta ang tungkulin ko. Sa susunod na buwan, hindi ako magsisikap nang tulad ng dati. Kung kailangan kong gumising ng alas-singko, babangon ako ng alas-sais. Kung kailangan kong umalis ng alas-otso, aalis ako ng alas-diyes. Dati, kaya kong mapabalik-loob ang limang tatanggap ng ebanghelyo sa loob ng isang buwan; sa pagkakataong ito, magpapabalik-loob lang ako ng dalawa. Sapat na dapat iyon!” Ano ang kinakalkula nila? Ito ay kung katumbas ba ng ipinupuhunan at iniaambag nila ang ibinibigay ng Diyos sa kanila. Higit pa rito, itinuturing lang nilang praktikal at sulit ang pagdurusa at pagbabayad ng halaga kung labis-labis pa sa hinihingi at ninanais nila ang ibinibigay ng Diyos sa kanila. Kung hindi, anuman ang gampanin o tungkuling itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos, pareho lang ang pagtrato nila sa lahat ng ito—kumikilos sila nang pabasta-basta, binabara-bara nila ang gawain kapag may pagkakataon, iniraraos lang nila ang gawain kapag may pagkakataon, at hindi sila kailanman nag-aalay ng kahit kaunting sinseridad. Kapwa paghingi at pakikipagkasundo ang pagpapamalas na ito; humihingi lang ang mga tao kapag may gagawing kasunduan, at kung walang kasunduan, wala silang hinihingi.
Hindi kailanman nagkimkim ang mga anticristo ng kahit katiting na sinseridad o katapatan sa puso nila patungkol sa atas ng Diyos, sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o sa sarili nilang mga tungkulin. Ginagamit lang nila ang sarili nilang talino, enerhiya, oras, at ang pisikal nilang pagdurusa at ang halagang binabayad nila bilang kapalit ng pagtugon sa mga pagnanais nila sa mga pagpapala, sa mga gantimpalang gusto nilang matanggap, at, siyempre, para sa kapayapaan, kagalakan, panloob na katatagan, kaligayahan ng pamilya sa buhay na ito, at maging ang kaluwagan sa kapaligiran nila, kasama na ang pagpapahalaga, paghanga, at positibong pagtatasa ng ibang tao. Sa madaling salita, hindi kailanman taos-pusong ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi sila mag-aalay ng kahit kaunting katapatan. Nagtitiis man sa mga paghihirap at nagbabayad ng halaga o pabasta-basta lang nakakaraos, ang hingin mula sa Diyos ang gusto nila para matugunan ang sarili nilang mga pagnanais ang pinakalayon nila. Kaya, sa tuwing nakakaranas sila ng paghihirap, pagpupungos, o mga tao, pangyayari, at bagay na hindi nila nagugustuhan, agad nilang iniisip, “Nakakaapekto ba sa mga interes ko ang pagdating ng mga bagay na ito? Maaapektuhan ba ng mga ito ang reputasyon ko? Maiimpluwensiyahan ba ng mga ito ang mga inaasam at pag-unlad ko sa hinaharap?” Positibo o negatibo man ang mga pagpapamalas nila sa panahon ng paggawa ng mga tungkulin nila, ano’t anuman, hindi sila kailanman kumikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Puno ng mga transaksiyon ang isipan nila, sinusuri nila ang halaga ng binabayad at hinahandog nila tulad ng isang negosyante, tinatantiya kung gaano kalaki ang kikitain nila mula sa ginagastos nila. Puwedeng sinasabi ng ilan, “Nananampalataya kami sa Diyos para makamit ang katotohanan at buhay, para makamtan ang kaligtasan.” Gayumpaman, iniisip ng mga anticristo, “Magkano ba ang halaga ng kaligtasan? Paano naman ang pagkaunawa sa katotohanan? Walang halaga ang mga bagay na ito. Ang tunay na mahalaga ay ang magkamit ng daan-daan sa buhay na ito at ng buhay na walang hanggan sa mundong darating. Sa buhay na ito, ang tingalain at pahalagahan ng iba, ang dakilain sa sambahayan ng diyos, at sa mundong darating, ang pagkakaroon ng awtoridad sa lahat ng bansa—tunay na malaking pakinabang ito.” Ito ang ambisyon ng mga anticristo, isang kalkulasyong ginagawa nila sa kaibuturan ng puso nila sa likod ng paggampan nila ng tungkulin. Puno ng mga transaksiyon at mga hinihingi ang kalkulasyong ito. Ang kaunti nilang “sinseridad” sa tungkulin nila at sa Diyos ay para lang matiyak na pagkakalooban sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan, na poprotektahan sila ng Diyos mula sa sakuna, bibigyan sila ng mga pagpapala at biyaya, at tutugunan ang lahat ng pagnanais nila. Kaya, puno ng iba’t ibang hinihingi sa Diyos ang puso ng mga anticristo, na kolektibong tinatawag na paghingi. Bukod sa pag-ayaw sa katotohanan, ninanais ng mga anticristo ang lahat ng iba pang bagay—kapwa materyal at hindi materyal na mga bagay.
May ilang anticristo na minsang nag-ambag ng maliit sa mga kapatid o sa iglesia. Halimbawa, puwedeng umako sila noon ng partikular na mga mapanganib na gampanin sa iglesia o nagpatuloy sa bahay nila ng mga kapatid na hindi makauwi. Dahil dito, at sa medyo matagal na nilang pananalig sa Diyos, itinuturing sila ng karamihan ng tao bilang mga indibidwal na may merito at kuwalipikado. Kasabay nito, nakararamdam din sila mismo ng pagiging mas higit at nakalalamang. Umaasa sila sa pagiging matagal na nila at ipinagyayabang nila ito, sinasabi nila, “Napakatagal ko nang nananampalataya sa diyos at may mga inambag na ako sa sambahayan ng diyos. Hindi ba’t dapat akong bigyan ng espesyal na pagtrato ng diyos? Halimbawa, isang pagpapala ang pagpunta sa ibang bansa na tinatamasa ng mga tao. Kung isasaalang-alang ang tagal sa pananampalataya ng mga tao, hindi ba’t dapat ako ang priyoridad? Dahil nag-ambag ako sa sambahayan ng diyos, dapat akong bigyan ng priyoridad at espesyal na pangangalaga, at hindi ako dapat husgahan batay sa mga prinsipyo.” May ilang tao na nakulong pa, at nang makalabas sila at maging palaboy, nararamdaman nilang dapat silang bigyan ng espesyal na pangangalaga ng sambahayan ng Diyos: Halimbawa, dapat itong maglaan ng kaunting pera para tulungan silang makabili ng bahay, dapat nitong akuin ang responsabilidad para sa kabuhayan nila kapag matanda na sila, o dapat na tugunan ang lahat ng materyal na pangangailangang ilalatag nila. Kung may pangangailangan sila, dapat bigyan sila ng kotse ng sambahayan ng Diyos. Kung may problema sila sa kalusugan, dapat bilhan sila ng mga bitamina ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t umaasa sila batay sa kanilang pagiging matagal na at hindi ba’t ipinagmamalaki nila ang mga kwalipikasyon nila? Naniniwala ang mga indibidwal na ito na nakapag-ambag sila, kaya walang kahihiyan at lantaran silang humihingi sa Diyos. Humihingi sila ng mga sasakyan, bahay, at ng isang marangyang pamumuhay. Hinihiling pa nga nila sa mga kapatid na pangasiwaan ang mga bagay at asikasuhin ang mga bagay para sa kanila nang libre, nagiging mga alila o alipin nila ang mga ito. Hindi ba’t naging palamunin na sila ng iglesia? Ang totoo, para sa sarili mong kapakanan ang pananalig mo sa Diyos, at nakulong ka para din sa sarili mong kapakanan. Responsabilidad mo ang anumang tungkuling ginagawa mo. Kapag ginagawa mo ang tungkulin mo at nakakamit mo ang katotohanan, para ito sa sarili mong kapakanan. Boluntaryo ang pananampalataya mo sa Diyos, walang pumipilit sa iyo. Para sa sarili mong kapakanan ang pagkamit ng buhay, hindi ito para sa iba. Kahit na umako ka ng ilang mapanganib na gampanin para sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia, maituturing ba iyong merito? Hindi ito merito; ito ang dapat mong gawin. Pagtataas ito sa iyo ng Diyos at pagbibigay Niya sa iyo ng isang pagkakataon; isa itong pagpapala mula sa Diyos. Hindi ito para gamitin mong kapital para maging palamunin ng iglesia. Kaya, mga anticristo ba ang mga taong ito? Sa partikular, hindi kayang makipagbahaginan ng mga taong ito sa anumang katotohanang realidad, at kapag kasama nila ang mga kapatid na mas bago sa pananampalataya at mas bata, nagbabahagi lang sila tungkol sa mga dati nilang karanasan at ipinagmamalaki nila ang mga kwalipikasyon nila; wala silang anumang naibabahagi o kaalaman tungkol sa mahahalagang karanasan sa buhay. Hindi sila nakapagpapatibay sa iba, bagkus ay nagmamalaki sila at umaaktong mas mataas sa iba. Hindi nila magawang umako ng anumang makabuluhang gawain sa sambahayan ng Diyos, ni hindi rin nila magawa nang maayos ang anumang mga totoong tungkulin. Gayumpaman, nagiging palamunin pa rin sila ng iglesia at inuunat ang mga kamay nila para humingi sa Diyos. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? Kung pag-uusapan natin ang mga kwalipikasyon, hindi ba’t mas kuwalipikado Ako kaysa sa inyo? Niyabangan Ko ba kayo? Humingi ba Ako ng anuman sa inyo? (Hindi.) Kung gayon, bakit nagagawa ng mga anticristo ang mga gayong bagay? Dahil wala silang kahihiyan. Kapag tinatanggap nila ang mga tungkulin nila, puno ng mga transaksiyon ang isipan nila. Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, wala silang tamang pananaw at hindi nila ito itinuturing bilang tungkulin o obligasyon nila, isang bagay na dapat gawin ng isang nilikha. Bagaman maaaring gumagawa sila ng ilang tungkulin, nagtitiis ng ilang pagdurusa, at nagbabayad ng halaga, ano ang iniisip nila sa puso nila? “Walang ibang makagagawa ng gampaning ito. Kung gagawin ko ito, magiging sikat ako sa sambahayan ng diyos, pahahalagahan ako saan man ako pumunta, at magiging kuwalipikado akong tamasahin ang mga pinakamagandang bagay sa lahat ng lugar. Magiging bigating tao ako sa sambahayan ng diyos, mapapasaakin ang kahit anong gusto ko, at walang sinuman ang mangangahas na magsabi ng kahit ano dahil may mga kwalipikasyon ako!” Batay sa karakter nila, imposibleng tratuhin ng mga anticristo ang Diyos, ang atas Niya, o ang gawain ng sambahayan ng Diyos nang may kahit kaunting sinseridad o kahandaan. Kahit na sa panlabas ay mukha silang handa at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga, pagkatapos na pagkatapos nito, handa na silang iunat ang mga kamay nila para humingi at humiling ng mga gantimpala mula sa Diyos, sinusubukan nilang maging palamunin ng iglesia at magsamantala sa lahat ng lugar. Kaya, batay sa mga pamamaraan nila, pinakaangkop na tukuyin bilang buktot ang anticristong disposisyong diwa nila. Ang mga kinikimkim nilang kaisipan at pananaw tungkol sa mga tungkulin nila at sa atas ng Diyos ay buktot, hindi naaayon sa katotohanan, at tiyak na hindi naaayon sa pamantayan ng konsensiya.
Sa anumang tungkuling ginagawa nila, sinusunod ng mga anticristo ang sarili nilang mga kagustuhan, hinahangad nila ang personal na kasikatan at katayuan. Hindi nila kailanman hinahangad ang katotohanan o pinagninilay-nilayan ang sarili nila. Sa harap ng anumang mga paglihis o isyu na lumalabas sa gawain nila, ang saloobin nila ay hindi ang maghanap o tumanggap sa katotohanan. Sa halip, palagi nilang sinisikap na ikubli ang mga katunayan, pinananatili ang reputasyon at labis na kapalaluan nila, at nagpapakitang-gilas sa lahat ng aspekto, para makuha ang paghanga ng mga tao. Sa madaling salita, ang mga puso nila ay puno ng kabuktutan, ng pilosopiya ni Satanas at ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, nang walang anumang naaayon sa katotohanan. Hindi kailanman hinahanap ng mga anticristo ang katotohanan sa anumang tungkuling ginagawa nila, at hindi nila kailanman intensiyon na magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang sinusunod ang sarili nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kumikilos sila ayon sa sarili nilang mga kagustuhan. Anuman ang kasalukuyan nilang gampanin, kinakalkula nila sa puso nila kung paano sila makikinabang. Tinitimbang lang nila kung anong mga tungkulin ang gagawin na makapagbibigay sa kanila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, pagpapahalaga ng ibang tao, at kaunting karangalan. Kapag ginawa na nila ang mga tungkulin nila, inaasahan nilang maitatala sa aklat-talaan ng Diyos ang mga nakamtan nila, itinatala sa isip nila ang mga ito at tinitiyak na maayos na naitatala ang bawat ambag at na walang nakakaligtaan. Naniniwala sila na kapag mas maraming gawain ang ginagawa nila at kapag mas malaki ang mga ambag nila, mas malaki ang pag-asa nilang makapasok sa kaharian at makatanggap ng mga gantimpala at mga korona. Ganitong-ganito ang mga saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga anticristo sa mga tungkulin nila. Puno ng mga transaksiyon at mga hinihingi ang mga isipan nila—hindi ba’t malinaw nitong inilalantad ang kalikasang diwa nila? Bakit puno ng mga transaksiyon at mga hinihingi sa Diyos ang mga isipan nila? Dahil buktot ang disposisyong diwa nila—totoong-totoo ito. Makikita ito sa mga ideya at pananaw na kinikimkim ng mga anticristo sa mga tungkulin nila—ganap nitong pinatutunayan na buktot ang disposisyong diwa nila. Gaano karaming katotohanan man ang napagbabahaginan o gaano man nailalantad at nahihimay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi nagpapakita ng anumang kaalaman sa disposisyong diwa nila ang mga anticristo. Hindi lamang sila tumatanggi na tanggapin ang katotohanan, nagkakaroon din sila ng hinanakit sa puso nila. Kapag nararamdaman nilang nawawasak ang mga pag-asa nilang makatanggap ng mga pagpapala at gantimpala, naniniwala silang nandaraya ang Diyos, iniisip nila na ang paglalantad at paghihimay ng Diyos ay sinasadyang pagtatangka na ipagkait ang mga gantimpala, na nagiging sanhi para gugulin ng mga tao ang sarili nila nang walang saysay para sa Diyos nang walang nakakamit sa huli. Bukod sa walang positibong pag-arok sa gawain ng Diyos at sa katotohanan ang puso nila, nakakabuo pa nga sila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, na nagpapatindi ng paglaban nila sa Diyos. Samakatuwid, kapag mas nahihimay ang satanikong disposisyon at diwa ng tiwaling sangkatauhan, at habang mas nalalantad ang mga pakana, motibasyon, at pakay ni Satanas, mas nagiging tutol ang mga anticristo sa katotohanan at mas nagkikimkim sila ng pagkamuhi rito. Bakit ito nangyayari? Naniniwala sila na habang mas napagbabahaginan ang katotohanan, mas lumalabo ang pag-asa nilang makatanggap ng mga pagpapala. Habang mas napagbabahaginan ang katotohanan, mas nararamdaman nilang hindi posible ang landas ng pakikipagpalit ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para sa mga gantimpala at korona, kaya iniisip nilang wala na silang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala. Habang mas napagbabahaginan ang katotohanan sa ganitong paraan at kapag mas nangyayari ang ganitong uri ng paglalantad, mas nawawalan ng interes ang mga anticristo sa pananalig nila sa Diyos. Dahil nakikita nila na walang binanggit ang Diyos tungkol sa kung gaano kalaking pagdurusa at pagbabayad ng halaga ang puwedeng makapagbigay sa kanila ng katumbas na gantimpala, at na wala Siyang sinabi tungkol sa pagpasok sa kaharian ng langit nang batay lang sa pagsisikap, nararamdaman nilang tila natapos na ang landas nila ng pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Nararamdaman nila sa kaibuturan nila na sila mismo ang mga taong determinado ang Diyos na parusahan, nakararanas sila ng nakakabagabag na takot at pakiramdam na malapit na ang katapusan nila, na tila parating na sa kanila ang mga huling araw. Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos makinig sa mga magkakasunod na sermong naglalantad sa mga anticristo? Nakikita Ko na nakayuko kayo; medyo pinanghihinaan ba kayo ng loob? Napagtanto ba ninyo na tinatahak ninyo ang landas ng mga anticristo? Puno rin ba ang isipan ninyo ng mga buktot na ideyang ito ng pakikipagtawaran sa Diyos? May kamalayan na ba kayo ngayon? Kaya ba ninyong baguhin agad ang mga bagay-bagay? (Iniisip ko rin na kailangan kong baguhin agad ang mga bagay-bagay; hindi ako puwedeng patuloy na mamuhay nang may mga anticristong disposisyong ito.) Bagaman lahat kayo ay mayroong mga disposisyon ng mga anticristo at ng layuning makipagtawaran sa Diyos at makatanggap ng mga pagpapala, hindi pa kayo mga anticristo. Kaya, dapat ninyong agad na hanapin ang katotohanan para sa resolusyon, hilahin ang inyong sarili mula sa bingit ng kapahamakan, at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa gayon, hindi ba’t nalutas na ang problema? Isang problemang madaling lutasin ang pagkakaroon ng disposisyon ng mga anticristo at pagtahak sa landas nila. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, pagnilayan ang sarili mo, kilalanin ang tiwaling disposisyon sa loob mo, unawain ang diwa ng problema ng paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at pagkatapos ay talikuran ang maling paraang ito ng paghahangad, bitiwan ang maling pananaw ng pananalig sa Diyos, iwaksi ang layunin sa pagtanggap ng mga pagpapala, at manampalataya lang sa Diyos alang-alang sa paghahangad sa katotohanan at para sa layunin na maging isang bagong tao, at hangarin lang na maging isang taong nagpapasakop sa Diyos, at sambahin lang ang Diyos, nang hindi iniidolo o sinusunod ang mga tao, pagkatapos ay unti-unting magiging normal ang kalagayan mo. Hahakbang ka sa landas ng paghahangad sa katotohanan—walang duda rito. Ang dapat katakutan ay kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kung tutol ka sa katotohanan, at kung nananatili pa ring matigas ang ulo mo at hindi ka nagsisisi kahit kailan kahit alam mong mali ang pakikipagtawaran sa Diyos at gayundin ang paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Sa gayong sitwasyon, taglay mo ang kalikasang diwa ng isang anticristo at dapat kang itiwalag. Kung gagawa ka ng maraming kasamaan, mahaharap ka sa kaparusahan.
Ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling tao ay nakasalalay sa katunayang hindi lamang pansamantala o paminsan-minsang pagpapamalas para sa mga anticristo ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga pagpapala, at ang mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos—namumuhay sila sa mga bagay na ito. Isang landas lang ang pinipili nila, ito ang landas ng mga anticristo, namumuhay ayon sa kalikasan ng mga anticristo at mga satanikong pilosopiya. Ang mga ordinaryong tiwaling tao ay puwedeng makapili ng isa pang landas at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, pero ayaw ng mga anticristo sa katotohanan at wala silang ganitong pangangailangan. Puno ng mga satanikong pilosopiya ang kalikasan nila, at hindi tama ang pipiliin nila. Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan; ipipilit nila ang mga kamalian nila hanggang sa huli, hindi sila kailanman magbabago o magsisisi. Alam nilang puno sila ng mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos, sinusubok at kinakalaban Siya sa bawat pagkakataon. Gayumpaman, may mga dahilan sila, at iniisip nila, “Ano ang mali rito? Hindi kahiya-hiya ang humingi sa diyos ng ilang materyal na pagpapala at magtamasa ng ilang pakinabang ng katayuan. Hindi ako pumatay o nagsunog, ni hindi ko lantarang nilabanan ang diyos. Oo, nagtatatag ako ng nagsasariling kaharian at kumilos ako nang medyo arbitraryo, pero wala akong pininsala o sinaktan na sinuman, ni hindi ko naapektuhan o hindi ako nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng diyos.” Hindi ba’t hindi na ito matutubos? Gaano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan o gaano man sila ilantad o pungusan nito, tumatanggi silang aminin ang mga pagkakamali nila—hindi na ito matutubos. Ito ang diwa ng mga anticristo. Kung sasabihin mong masama o buktot sila, wala silang pakialam, at ipipilit pa rin nila ang kasamaan at kabuktutan nila. Ipinapakita nito na matigas na hindi nagsisisi ang mga anticristo. Makikipagbahaginan ka pa ba ng tungkol sa katotohanan sa mga gayong tao? Ni hindi nila alam kung alin ang mga positibo at alin ang mga negatibong bagay; ano pa ang masasabi mo sa kanila? Wala na. Puno ng buktot na disposisyong diwa ang mga anticristo, at namumuhay sila sa loob ng disposisyong ito. Likas sa kalikasan nila ang pagsubok sa Diyos at pakikipagtransaksiyon sa Kanya, at walang makakapagpabago sa kanila—nananatili silang hindi nagbabago sa bawat sitwasyon. Bakit hindi sila nagbabago? Hindi sila nagbabago dahil kahit gaano pa karaming katotohanan ang ibinahagi sa kanila, kahit gaano pa kadaling intindihin at lubos na nakakapaglantad ang mga salita, hindi nila alam ang totoong isyu. Hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung ano ang katotohanan at ano ang mga negatibong bagay; iyon ang dahilan.
Nakikipagtransaksiyon ang mga anticristo sa Diyos at may mga hinihingi sila sa Kanya sa iba’t ibang usapin. Siyempre, may mga hinihingi sila para sa napakaraming bagay—nahahawakan at hindi nahahawakan, materyal at hindi materyal, kasalukuyan at sa hinaharap. Hangga’t kaya nilang isipin ito, hangga’t naniniwala silang karapatdapat sila rito, at hangga’t isa itong bagay na ninanais nila, hindi sila nahihiyang humingi sa Diyos, umaasang ipagkakaloob Niya ito sa kanila. Halimbawa, kapag gumagampan sila ng isang partikular na tungkulin, para mamukod-tangi at maging napakagaling, para magkaroon ng pagkakataong mapansin at makuha ang ninanais nilang katayuan kasama ang pagpapahalaga ng mas maraming tao, umaasa sila na bibigyan sila ng Diyos ng ilang espesyal na abilidad. Nananalangin sila sa Kanya, sinasabi nila, “O diyos, handa akong tapat na gampanan ang tungkulin ko. Pagkatapos kong tanggapin ang tungkuling ito mula sa iyo, araw-araw kong iniisip kung paano ito magagampanan nang maayos. Handa akong ilaan ang habambuhay kong lakas para dito, iaalay ko sa iyo ang kabataan ko at ang lahat ng mayroon ako; handa akong magtiis ng hirap para dito. Pakiusap, pagkalooban mo ako ng mga salitang sasabihin, pagkalooban mo ako ng talino at karunungan, at hayaan mong mapabuti ko ang mga propesyonal kong kasanayan at abilidad habang ginagampanan ko ang tungkuling ito.” Pagkatapos ipahayag ang katapatan nila at ilahad ang pananaw nila, agad na hinihiling ng mga anticristo sa Diyos ang mga bagay na ito. Bagaman hindi nahahawakan ang mga bagay na ito, at naniniwala ang mga tao na makatwiran na hilingin sa Diyos ang mga ito, hindi ba’t isa itong uri ng pakikipagtransaksiyon at paghingi? (Oo.) Ano ang pokus ng transaksiyong ito? Ano ang diwa na hinihimay natin? Walang kahit anong sinseridad ang mga anticristo para sa mga tungkuling ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila, ni wala silang intensiyong maging tapat sa usaping ito. Bago gawin ito, umiikot na sa isipan nila kung paano nila masusunggaban ang pagkakataong ito para ipakita ang mga talento nila at magkamit ng kasikatan sa mga tao, sa halip na gamitin ang pagkakataong ito para magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin at para mahanap ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan at ang mga prinsipyong dapat nilang hanapin sa paggampan nito. Kaya, kapag lumalapit ang mga anticristo sa Diyos para manalangin, una nilang hinihingi at hinihiling ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa reputasyon at katayuan nila, tulad ng katalinuhan, karunungan, mga natatanging pananaw, mga namumukod-tanging kasanayan, pagkabukas ng espirituwal na mata nila, at iba pa. Gusto nila ang mga bagay na ito hindi para maunawaan ang katotohanan o para ialay ang sinseridad nila at gampanan nang maayos ang mga tungkulin nila. Malinaw na puno ng mga pakikipagkasundo at hinihingi ang mga kahilingang ito, pero nararamdaman pa rin nila na may katwiran sila. Pagdating sa ganitong uri ng panalangin at sa mga ganitong uri ng pakikipagtransaksiyon ng mga tao, kahit pa nagdurusa at nagbabayad ng halaga ang mga tao sa paggampan ng tungkulin nila, at kahit pa gumugugol sila ng kaunting oras at lakas, tatanggapin ba ito ng Diyos? Sa perspektiba ng Diyos, hinding-hindi Niya tatanggapin ang gayong paggampan sa tungkulin ng isang tao, dahil walang sinseridad, walang katapatan, at tiyak na walang tunay na pagpapasakop sa kaibuturan ng mga gayong tao. Batay sa aspektong ito, ang katayuan at kasikatan at ang pagpapahalaga at paghanga ng iba ang personal nilang nais na hangarin, pero sa panahon ng paggampan nila ng mga tungkulin nila, walang naging pag-unlad sa buhay pagpasok nila o sa disposisyonal na pagbabago nila.
Kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, agad na nagsisimulang magpakana, magkalkula, at magplano ang mga anticristo sa puso nila. Para silang mga accountant, na nakikipagtransaksiyon sa Diyos sa lahat ng bagay, marami silang gusto at marami silang hinihingi sa Diyos. Sa madaling salita, hindi makatwiran sa mga mata ng Diyos ang lahat ng hinihinging ito; hindi ang mga ito ang nilalayong ibigay ng Diyos sa mga tao, ni hindi ang mga ito ang dapat na matanggap ng mga tao, dahil hindi nagbibigay ang mga bagay na ito ng kahit kaunting pakinabang sa paghahangad ng mga tao sa disposisyonal na pagbabago o sa pagkamit ng kaligtasan. Kahit na, sa panahon ng paggampan ng mga tungkulin mo, binibigyan ka ng kaunting liwanag ng Diyos o ng ilang bagong ideya tungkol sa propesyon mo, hindi ito para tugunan ang mga pagnanais mo na humingi sa Diyos, lalong hindi ito para maging mas popular o mas tanyag ka sa mga tao. Matapos matanggap ang gayong pagtanglaw at kaliwanagan mula sa Diyos, ginagamit ang mga ito ng isang normal na tao sa tungkulin niya, ginagampanan ang tungkulin niya nang mas mabuti, at inaarok niya nang mas tumpak ang mga prinsipyo, at unti-unting personal na nararanasan kung paano niya natatanggap ang maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at biyaya mula sa Diyos habang ginagampanan ang mga tungkulin niya—ang Diyos ang may gawa ng lahat ng ito. Habang mas marami siyang nararanasan, mas nararamdaman niyang dakila ang ginagawa ng Diyos, at mas napagtatanto niyang wala siyang dapat ipagmalaki, na biyaya at paggabay ng Diyos ang lahat ng ito. Isa itong bagay na nararamdaman at namamalayan ng isang normal na tao. Gayumpaman, iba ang mga anticristo, at gaano man karami ang kaliwanagan at pagtanglaw na ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos, iniisip nila na dahil sa kanila ang lahat ng ito. Isang araw, kapag itinala nila ang mga ambag nila at lumapit sila sa Diyos para humingi ng mga gantimpala, kapag nakipagkuwentahan sila sa Diyos, binabawi ng Diyos ang kaliwanagan at pagtanglaw Niya, at nabubunyag ang mga anticristo. Dati, dahil sa gawain ng Banal na Espiritu at sa paggabay ng Diyos ang lahat ng kaya nilang gawin. Wala silang pagkakaiba sa ibang tao: Kung wala ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, nawawala ang mga kaloob, katalinuhan, karunungan, magandang ideya, at mabuting kaisipan nila—nawawalan sila ng silbi at nagiging hangal sila. Kapag nahaharap ang mga anticristo sa mga gayong bagay at umaabot sila sa ganitong punto, hindi pa rin nila napapansin na mali ang landas nila, at hindi nila namamalayan na nakikipagtransaksiyon sila sa Diyos at hindi makatwiran na humihingi sa Kanya. Iniisip pa rin nila na mahusay sila at may kakayahan sa anumang bagay, nararapat na tingalain, hangaan, respetuhin, suportahan, at purihin ng iba. Kung hindi nila natatanggap ang mga bagay na ito, nakikita nilang walang pag-asa ang sitwasyon at kumikilos sila nang mas walang ingat, napupuno sila ng hinanakit laban sa Diyos at sa mga kapatid. Sinusumpa at inirereklamo nila ang Diyos sa puso nila, sinasabing hindi matuwid ang Diyos, sinusumpa ang mga kapatid dahil sa kawalan ng mga ito ng konsensiya at dahil sa pagtatakwil sa kanila pagkatapos silang gamitin, at inaakusahan pa nga nila ang sambahayan ng Diyos na sinusubukan sila nitong paalisin pagkatapos silang gamitin nito. Ano ito? Isang taong walang kahihiyan! Hindi ba’t ganito ang lahat ng anticristo? Hindi ba’t madalas silang nagsasabi ng mga gayong bagay? Sinasabi nila, “Noong kapaki-pakinabang ako at nasa isang mahalagang posisyon, pinalilibutan ako ng lahat. Ngayong wala na ako sa mahalagang posisyon, wala nang pumapansin sa akin, minamaliit ako ng lahat, at lahat kayo ay pinakikitaan ako ng masamang ugali kapag kinakausap ninyo ako.” Saan nagmumula ang mga salitang ito? Hindi ba’t nakaugat ang mga ito sa buktot na disposisyon ng mga anticristo? Ang buktot nilang disposisyon ay puno ng pakikipagtransaksiyon sa mga tao at sa Diyos, ng paghingi sa Diyos at sa mga tao, para bang sinasabi nila, “Inaasikaso ko ang mga bagay para sa inyo, ginugugol ko ang sarili ko, nagbabayad ako ng halaga, at nag-aalala ako para sa inyo, kaya dapat ninyo akong tratuhin nang may pagrespeto at kausapin nang magalang. May katayuan man ako o wala, dapat ninyong alalahanin ang lahat ng nagawa ko, isaisip ninyo ako magpakailanman, at huwag akong kakalimutan kailanman—ang paglimot sa akin ay nangangahulugang wala kayong konsensiya. Sa tuwing kumakain kayo ng masasarap na pagkain o gumagamit ng magagandang bagay, dapat isipin ninyo ako, at ako dapat lagi ang priyoridad.” Hindi ba’t madalas na naglalatag ng mga gayong hinihingi ang mga anticristo? (Oo.) Marahil ay nakatagpo na kayo ng mga ganitong tao, na nagsasabi, “Sino ang nag-imprenta ng mga aklat ng mga salita ng diyos na binabasa ninyo? Sino ang nag-abot ng mga ito sa mga kamay mo? Kung hindi dahil sa pagsuong ko sa mga panganib na maaresto, makulong o mahatulan ng kamatayan, mababasa ba ninyo ang mga aklat na ito? Kung hindi dahil sa pagtitiis ko ng hirap at pagbabayad ng halaga para diligan kayo, magkakaroon ba kayo ng buhay iglesia? Kung hindi dahil sa pagtitiis ko ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para ipalaganap ang ebanghelyo, makakamit ba ng iglesia ang gayon karaming tao? Kung hindi dahil sa buong araw kong pakikipagbahaginan sa inyo sa mga salita ng diyos, magkakaroon ba kayo ng gayon kalaking pananalig? Kung hindi dahil sa pagpapakaabala ko para magbigay ng lohistikal na suporta sa inyo, magagawa ba ninyo nang matiwasay ang mga tungkulin ninyo ngayon? Kung hindi dahil sa pangunguna ko, uunlad kaya ang gawain ng iglesia nang tulad ng sa ngayon?” Sa pakikinig sa mga ito, para bang kung wala sila, hindi makakausad ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at titigil sa pag-ikot ang mundo. Hindi ba’t ito ang mentalidad ng mga anticristo? Ano ang layunin nila sa pagsigaw ng mga salitang ito? Sinasabi ba nilang sila ang dapat na purihin para sa mga bagay-bagay o naghihinagpis at nagrereklamo sila? Naniniwala sila na hindi na sila kailangan ng sambahayan ng Diyos ngayon, na pinabayaan na sila ng mga kapatid, na hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa mga tao, na hindi sila tinutustusan, nirerespeto, o hinahayaang tumanda roon ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t may elemento rin ng pagsumpa sa pagsigaw nila? Sinusumpa nila ang iba, sinasabing walang konsensiya ang mga ito. Anong serbisyo ba talaga ang ibinibigay ng mga anticristo? Nakakagulo at nakakagambala ang lahat ng ginagawa nila, at nakakalihis ang lahat ng sinasabi nila. Wala silang pagkatao; mga diyablo sila. Bakit sila dapat gamitan ng konsensiya ng sinuman? Kapaki-pakinabang ba ang paggawa nito? (Hindi.) Bakit hindi ito kapaki-pakinabang? Mauunawaan ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa kanila? (Hindi.) Ano ang nakakamit ng lahat ng sumasamba at sumusunod sa mga anticristo? Kasama ang mga anticristong ito, ipinagkakanulo nilang lahat ang Diyos at inaakay sila ng mga ito papunta sa impiyerno. Ano ang tingin ng mga anticristo sa sarili nila? (Nakikita nila ang sarili nila bilang Diyos.) Walang kahihiyan ang ganitong pag-iisip. Dapat magkaroon ng konsensiya sa Diyos ang mga tao, pero hindi kailanman hinihingi ng Diyos na gawin iyon ng mga tao; hinihingi lang Niya na unawain ng mga tao ang katotohanan, na magawa nilang isagawa ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, at maging mga kuwalipikadong nilikha. Kahit kailan ba ay hiniling Ko sa inyo na isipin Ako at maglaan ng kaunti para sa Akin kapag kumakain kayo ng masarap na pagkain, o na isipin ninyo Ako kapag nasa magandang lugar kayo? Kapag kumakain kayo nang maayos, namumuhay nang maayos, at masaya, kahit kailan ba ay nagselos Ako? Kahit kailan ba ay sinabi Ko na wala kayong konsensiya? Pero kayang sabihin ng mga anticristo ang mga gayong bagay at kaya nilang isumpa ang mga tao dahil sa kawalan ng konsensiya ng mga ito—hindi ba’t wala itong kahihiyan? Kapag tinatanggal ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo, kapag hindi na nasasabik ang mga kapatid sa kanila nang tulad ng dati, kaya nilang magsabi ng mga gayong bagay, umiiyak tungkol sa mga hinanakit nila, at sinusumpa ang mga tao at ang Diyos. Lumalabas sa bibig nila ang lahat ng uri ng bagay, at ganap na nalalantad ang malademonyong kalikasan nila. Ang mga ito ang iba’t ibang pagpapamalas na ibinubunyag ng buktot na disposisyon ng mga anticristo. Dahil puno ang puso nila ng mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos, humahantong ito sa paghingi at paghiling ng kung anu-ano sa Kanya. Kapag naitataas ang ranggo ng mga anticristo o kapag natatanggal sila, kapag inilalagay sila ng sambahayan ng Diyos sa isang mahalagang posisyon o hindi, tumutukoy sa buktot nilang diwa ang lahat ng iba’t ibang pagpapamalas na lumalabas mula sa kanila—ganap itong totoo.
g. Pagkakaila, Pagkondena, Panghuhusga, at Paglapastangan
Sunod, magbahaginan tayo tungkol sa mga termino ng pagkakaila, pagkondena, panghuhusga, at paglapastangan. Dahil puno ng mga pagdududa tungkol sa Diyos, walang ipinapakitang interes ang mga anticristo sa anumang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Puno ng pagtutol at pagkamuhi ang puso nila, at hindi nila kailanman kinikilala na si Cristo ang katotohanan, lalong hindi sila nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Dahil madalas nilang pinagdududahan at pinaghihinalaan ang Diyos sa puso nila, madalas silang bumubuo ng mga kuru-kuro at iba’t ibang ideya tungkol sa mga kilos ng Diyos, nagsusuri sila palagi at nang di-namamalayan, iniisip nila, “Talaga bang umiiral ang diyos? Ano ang ibig niyang sabihin sa sinasabi niya? Kung susuriin ang mga ito mula sa mga pananaw ng kaalaman at doktrina, paano dapat unawain ang mga salitang ito? Ano ang ibig sabihin ng diyos sa pagsasabi ng mga bagay na ito? Ano ang ibig niyang sabihin sa paggamit ng terminong ito? Kanino niya ito sinasabi?” Nagsasaliksik sila nang nagsasaliksik, at matapos ang maraming taon ng gayong pag-iimbestiga, hindi pa rin nila makita ang pinakamahalagang katotohanan sa mga salitang ipinapahayag ng Diyos at sa gawaing ginagawa Niya: na ang Diyos ang katotohanan, ang buhay, at ang daan—hindi nila maunawaan o makita ito. Kapag sinasabi ng mga tao na lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, nagninilay-nilay ang mga anticristo at iniisip nila, “Lahat ng salita niya ay ang katotohanan? Hindi ba’t mga ordinaryong salita lang ang mga ito? Mga pangkaraniwang pahayag lang? Walang malalim tungkol sa mga ito.” Kapag tinitingnan nila ang gawain ng Diyos, iniisip nila, “Hindi ko nakikita ang awra ng diyos mula sa ginagawa niya sa iglesia o sa mga taong hinirang niya. Sinasabi nilang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ang diyos, pero hindi ko ito nakikita. Kahit gumamit ako ng magnifying glass o ng teleskopyong pang-astronomiya, hindi ko makita ang anyo ng diyos, at kahit paano ako tumingin, hindi ko matuklasan ang mga gawa niya. Kaya, sa ngayon ay hindi ko kayang kumpirmahin nang 100% kung talagang umiiral ang diyos. Pero kung sasabihin kong hindi umiiral ang diyos, narinig ko ang tungkol sa pag-iral ng ilang kakatwa at paranormal na bagay sa mundo; kaya kung gayon, dapat na umiiral ang diyos. Pero ano ba ang aktuwal na hitsura ng diyos? Paano kumikilos ang diyos? Hindi ko alam. Ang pinakasimpleng paraan ay ang tingnan kung ano ang ginagawa at sinasabi ng diyos sa mga sumusunod sa kanya.” Sa pamamagitan ng pagmamasid, nakikita nila na madalas na pinupungusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, madalas nitong itinataas ang ranggo at tinatanggal ang mga tao, at madalas na nakikipagbahaginan, nakikipagtalakayan, nakikipag-usap, at iba pa sa mga tao tungkol sa iba’t ibang tungkulin at tungkol sa gawaing kaugnay ng iba’t ibang propesyon. Iniisip nila, “Hindi ba’t lahat ito ay mga bagay na ginagawa ng mga tao? Walang sobrenatural sa mga ito; napakanormal ng lahat ng ito, at hindi ko makita o maramdaman kung paano gumagawa ang espiritu ng diyos. Kung hindi ko ito maramdaman, hindi ba’t masasabi na hindi umiiral ang gawain ng banal na espiritu? Hindi ba’t imahinasyon lang ang lahat ng ito sa kamalayan at isipan ng mga tao? Kung hindi umiiral ang gawain ng banal na espiritu, umiiral ba talaga ang espiritu ng diyos? Mukhang kuwestyonable rin iyon. Kung hindi umiiral ang espiritu ng diyos, umiiral ba talaga ang diyos? Hindi ito malinaw.” Pagkatapos ng limang taon ng karanasan, hindi pa rin nila ito nakukumpirma, at pagkatapos ng sampu o kahit pa labinlimang taon ng karanasan, hindi pa rin nila kaya. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Nabunyag na sila—hindi sila mga mananampalataya. Patambay-tambay lang sa sambahayan ng Diyos ang mga hindi mananampalatayang ito, sumasabay lang sa agos. Kung nagpapalaganap ng ebanghelyo ang iba, ginagawa rin nila ito; kung gumagawa ng mga tungkulin nila ang iba, gayon din ang ginagawa nila. Kung nagkaroon sila ng pagkakataong tumaas ang ranggo, iniisip nilang pwede silang “magkaroon ng posisyon” sa sambahayan ng Diyos, at alang-alang sa katayuan, kaya nilang gumugol ng kaunting pagsisikap. Kasabay nito, kaya rin nilang walang pakundangang gumawa ng masasamang gawa, na nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo; kung sila ay mga ordinaryong miyembro ng iglesia na walang anumang katayuan, makakahanap sila ng mga paraan para madaliin ang gawain, gumagawa ng ilang gawain para magpakitang-tao. Ito ang ibig sabihin ng patambay-tambay. Bakit ko sinasabing “patambay-tambay”? Sa puso nila, nagkikimkim sila ng mga pagdududa at pagkakaila sa Diyos, nagpapanatili ng saloobin ng pagkakaila sa pag-iral at diwa ng Diyos, na nagbubunsod sa kanila na gawin ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos nang may pag-aatubili. Hindi sila nakakaarok at palagi nilang iniisip, “Ano ang silbi ng paggawa ng tungkulin ko at pagsunod sa diyos sa ganitong paraan? Hindi ako kumikita ng pera sa isang trabaho o namumuhay nang normal. Inaalay pa ng ilang kabataan ang buong buhay nila sa paggugol ng sarili nila para sa diyos, pero ano ang makakamit nila? Kaya, magmamasid muna ako. Kung talagang matutuklasan ko ang mga bagay-bagay at makikita ko ang pag-asa ng pagtanggap ng mga pagpapala, hindi mawawalan ng saysay ang pagsisikap at paggugugol ng sarili ko. Kung hindi ko matatanggap ang tumpak na mga salita ng diyos o matutuklasan ang mga bagay-bagay, kung gayon ay hindi kawalan ang pagiging patambay-tambay. Dahil kung tutuusin, hindi ako mapapagod, at hindi masyadong marami ang ibibigay ko.” Hindi ba’t pagiging patambay-tambay lang ito? Hindi bukal sa loob nila ang anumang ginagawa nila, hindi nila kayang magpatuloy o maging mahusay sa anumang bagay, at hindi nila kayang tunay na magbayad ng halaga. Ito ang ibig sabihin ng magpatambay-tambay. Kahit na patambay-tambay sila, ang isipan nila ay hindi tumitigil sa pag-iisip—napakaabala ng isipan nila. Puno sila ng mga kuru-kuro at ideya tungkol sa maraming bagay na ginagawa ng Diyos, at para sa maraming bagay na hindi umaayon sa sarili nilang mga kuru-kuro, sinusuri nila ang mga ito sa puso nila gamit ang kaalaman, mga batas, moralidad ng lipunan, tradisyonal na kultura, at iba pa. Sa kabila ng lahat ng pagsusuri nila, hindi lang sila nabibigong makita ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsusuri nila o paghahanap ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, sa halip ay nauuwi pa sila sa paggawa ng lahat ng uri ng pagkondena, panghuhusga at maging paglapastangan laban sa Diyos at sa Kanyang gawain. Ano ang unang hinuhusgahan ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Ang gawain ng sambahayan ng diyos ay pawang pinagpapasyahan ng mga tao; lahat ito ay ginagawa ng mga tao. Hindi ko nakikita ang diyos na gumagawa o ang banal na espiritu na umaakay at gumagabay, o kung ano pa man.” Hindi ba’t ito ang pahayag ng mga hindi mananampalataya? Ang pagsasabi na ginawa ng mga tao ang lahat ng bagay ay nagbubunyag ng maraming isyu. Halimbawa, kung maghahalal at maglilinang ang sambahayan ng Diyos ng isang taong hindi nila gusto, ayaw sumuko ng puso nila. Kaya ba ng mga anticristo na tunay na magpasakop? (Hindi.) Kaya, ano ang gagawin nila? Susubukan nilang isabotahe ito. Kung mabibigo silang isabotahe ito, at walang kapatid na nakikinig o sumusuporta sa kanila, sisimulan nila itong kondenahin, sinasabi nila, “Ang sambahayan ng diyos ay hindi patas at walang mga prinsipyo sa pakikitungo nito sa mga tao. Maraming maliliksing kabayo sa mundo, pero walang nakakakilala sa mga ito.” Ano ang ibig sabihin nito? Ipinahihiwatig nito na maliliksing kabayo ang mga ito, pero sa kasamaang palad, walang nakakakilala sa mga ito sa sambahayan ng Diyos. Matapos kondenahin ang usaping ito na ginawa ng sambahayan ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila, magsisimula silang magpakalat ng mga bagay-bagay tulad ng mga tsismis, kuru-kuro, at pagkanegatibo. Siyempre, magiging malupit ang lahat ng salita nila. Baka sabihin pa ng ilan, “Ang mga taong ito ay edukado, may hitsura, maganda ang pananamit, at mula sa lungsod; kami ay mga probinsyano, may kaunti kaming talento pero hindi namin kayang ipahayag ang sarili namin, o hindi namin kayang makipag-usap sa itaas—hindi madali para sa amin na tumaas ang ranggo. Ang mga tumataas ang ranggo sa sambahayan ng diyos ay pawang magaling magsalita, mahusay sa pambobola, at may mga diskarte. Sa kabilang banda, hindi ako magaling o mahusay magsalita, at walang silbi ang pagkakaroon lang ng mga panloob na talento. Kaya, sa sambahayan ng diyos, ang kasabihang ‘Maraming maliliksing kabayo, pero iilan lang ang nakakakilala sa mga ito’ ay totoo tulad sa mundo.” Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Hindi ba’t panghuhusga ito? Hinuhusgahan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at palihim nilang ipinapakalat ang mga panghuhusga nila. Sa kanilang pamamaraan sa Diyos, sa Kanyang gawain, sa Kanyang mga pahayag, sa Kanyang mga salita, sa Kanyang disposisyon, at sa Kanyang iba’t ibang paraan ng paggawa, gumagamit ang mga anticristo ng kaalaman at pilosopiya para suriin, saliksikin, at pangatwiranan ang mga ito. Sa huli, nakakabuo sila ng isang maling kongklusyon. Samakatwid, hindi nila kailanman seryosong tinatanggap, inaarok, o pinagninilay-nilayan sa puso nila ang anumang salita na sinabi ng Diyos. Sa halip, itinuturing lang nila ang mga salita ng Diyos bilang isang uri ng teorya o isang uri ng mga salita na magandang pakinggan. Kapag lumilitaw ang mga usapin, hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at prinsipyo sa kung paano nila tinitingnan, tinutukoy, at sinusukat ang bawat usapin. Sa halip, ginagamit nila ang mga perspektiba ng tao at ang pilosopiya at mga teorya ni Satanas para husgahan ang mga usaping ito. Ang mga kongklusyong nabubuo nila ay na walang umaayon sa sarili nilang mga kuru-kuro, at na hindi nila gusto ang bawat salita na ipinapahayag ng Diyos at ang bawat kilos na ginagawa Niya. Sa huli, mula sa perspektiba ng mga anticristo, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinokondena.
Palaging nagnanais ang ilang anticristo na humawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, pero wala silang kakayahan at mga espesyal na kasanayan, kaya hindi naiiwasan na sa huli ay nauuwi sila sa paggawa ng di-mahahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos, tulad ng paglilinis, pamamahagi ng mga gamit, at iba pang simple, kinaugaliang gawain. Sa madaling salita, ang mga ganitong tao ay tiyak na hindi pwedeng maging mga lider sa iglesia, mangangaral, o mga katulad nito. Gayumpaman, hindi sila nasisiyahan sa pagiging mga ordinaryong tagasunod o sa paggawa ng itinuturing nilang pangkaraniwang gawain, dahil puno sila ng ambisyon. Paano naipapamalas ang pagiging puno ng ambisyon? Gusto nilang mag-usisa, magtanong, mag-alam, at lalong gusto nilang makialam sa bawat malaki o maliit na usapin sa sambahayan ng Diyos. Kung may ilang gawaing nangangailangan ng pagtatrabaho nila, palagi silang nag-uusisa, “Kumusta na ang pag-iimprenta ng mga aklat para sa ating sambahayan ng diyos? Kumusta ang pagpili ng direktor ng pelikula sa iglesia natin? Sino ang kasalukuyang direktor? Sino ang nagsusulat ng mga iskrip? Sino ang lider ng distrito rito, at kumusta naman sila?” Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong tungkol sa mga bagay na ito? Dapat ba silang magtanong o makisangkot sa mga usaping ito? (Hindi, hindi dapat.) Ang lahat ng ito ay mga pangkalahatang usapin na walang kinalaman sa katotohanan. Bakit palaging nagtatanong itong “mga taong may magandang intensyon”? Dahil ba ito sa tunay na malasakit, o wala lang talaga silang magawa? Wala sa dalawang iyon—ito ay dahil may mga ambisyon sila at gusto nilang tumaas ang ranggo nila at magkaroon sila ng kapangyarihan. Kaya ba nilang mapagtanto na ambisyon at isang pagnanais ito na magkaroon ng kapangyarihan? Hindi, hindi nila kaya; wala sila ng ganoong katwiran. Dahil sa karumal-dumal nilang pagkatao at mahina nilang kakayahan, wala silang anumang nakakamit o hindi nila nagagawa nang maayos kahit ang pinakasimpleng tungkulin. Sa buong panahon ng paggawa ng mga tungkulin nila, palagi silang umaasal nang hindi maganda, tamad, mahilig silang maglibang, at nagtatanong pa nga sila tungkol sa iba’t ibang usapin. Sa huli, pinapaalis sila dahil sa mga pagpapamalas na ito. Tama bang paalisin sila ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Pinapaalis ba sila dahil masyado silang mapag-alala at matanong? (Hindi.) Ito ay dahil hindi nila inaasikaso ang mga tamang bagay at gusto nila ay palagi silang nakaasa sa sambahayan ng Diyos, kaya sila pinalayas at hindi pinayagang tumambay. Wala silang magawa nang maayos, kaya hindi na karapat-dapat na panatilihin pa sila—hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Hindi ba’t dapat silang paalisin? Nang dumating na ang oras na paaalisin na sila, nabalisa sila at saka lang nila hinanap ang mga katotohanang prinsipyo, at nagtatanong sila, “Kailangan kong hanapin kung ano talaga ang mga prinsipyo para paalisin at patalsikin ng sambahayan ng Diyos ang mga tao: Ano ang batayan ng pagpapaalis sa akin?” Dapat mo silang sagutin: “Ang isang taong katulad mo, na mahilig maglibang at namumuhi sa gawain, nagdudulot ng mga kaguluhan at pagwasak sa lahat ng ginagawa niya, ay ganap na akma sa mga prinsipyo ng pagpapaalis.” Hindi ba’t tila labis na katawa-tawa na hanapin nila ang mga prinsipyo ng pagpapaalis sa mga tao pagkatapos nilang gumawa ng napakaraming masamang bagay nang hindi nauunawaan kung anong uri sila ng tao? (Oo, katawa-tawa ito.) Ang ilan sa mga taong ganito ay napaalis na, habang ang iba naman ay ipinadala sa mga ordinaryong iglesia. Hindi sila angkop sa paggampan ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at wala sila ng mga kondisyon para gampanan ang mga tungkulin nila. Kaya bang mapagtanto ng mga ganitong indibidwal na naaayon sa katotohanan ang ginawa ng Diyos? Masasabi Kong hindi ito kailanman mapagtatanto ng mga anticristo, dahil sila ay mga hindi mananampalataya, at kinokondena at hinuhusgahan nila ang anumang positibong bagay na umaayon sa katotohanan. Ang anticristo, na palaging sabik na magtanong-tanong, puno ng ambisyon, at palaging naghahangad na umangat, habang walang anumang sinseridad at katapatan sa paggampan ng sarili niyang mga tungkulin, ay umuupo sa lupa at pumapalahaw nang malakas kapag pinapalayas siya. Sinasabi niya, “Walang nakakaunawa sa puso kong may magandang layunin, sa sinseridad at katapatan ko. Bakit ako pinapalayas? Inagrabyado ako, at hindi ako papayag! Walang nag-aalala nang ganito para sa diyos, at walang kasintapat ko sa sambahayan ng diyos. Ang dakilang kasigasigan at dakilang kabaitan ko ay itinuturing na may masamang hangarin—labis na hindi patas ang diyos!” Hindi ba’t pagsusumamo ito na inosente siya? Ang alinman ba sa mga salita niya ay mga bagay na dapat sabihin ng mga tao? Naaayon ba sa mga katunayan ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Lahat ng ito ay walang katwiran, katawa-tawa, mga salita ng mga hindi mananampalataya, puno ng mga reklamo, hinaing, at pagkondena. Ito ang pagkakabunyag niya. Kung hindi siya papalayasin, ipagpapatuloy niya ang pagkukunwari niya at mag-aasam siya na maging amo ng sambahayan ng Diyos. Kikilos ba nang ganito ang isang amo? Magmamaktol ba nang ganito ang isang amo? Pamamahalaan ba nang ganito ng isang amo ang sambahayan ng Diyos? Inutusan siyang maglinis, pero nagpalakad-lakad lang siya kung saan-saan at hindi siya gumawa ng anumang gawain. Inutusan siyang maghanda ng pagkain, pero ayaw niyang maghanda ng pagkain kahit para sa dalawang tao lang. Takot siyang mapagod at inisip niya na mababang uri ito—kaya ano pa ba ang kaya niyang gawin? May kaya ba siyang gawin maliban sa pagiging lider at pag-uutos? Hindi ba’t makatwiran para sa sambahayan ng Diyos na paalisin siya? (Oo.) Lubos itong makatwiran, pero patuloy siyang nagmumura kapag walang nakakarinig, nagmamaktol at umaasal na parang magugulong babae. Hindi ba’t mga anticristo ito? Ito ang pagpapamalas ng disposisyong diwa ng isang anticristo. Kapag nahaharap sa mga usaping hindi umaayon sa mga interes o kagustuhan niya, kapag nahaharap sa mga bagay na hindi tumutugon sa mga kahilingan o pagnanais niya, nagpapasakop ba siya kahit kaunti? Kaya ba niyang hanapin ang katotohanan? Kaya ba niyang kumalma, ikumpisal ang mga kasalanan niya, at magsisi? Hindi, hindi niya kaya. Ang agarang reaksiyon niya ay tumindig at magprotesta laban sa Diyos, puno siya ng mga salita ng pagkondena, paghusga, paglapastangan, at pagmumura. Iniisip niya, “Kung ayaw sa akin ng sambahayan ng diyos, ayos lang. Wala kang awa, kaya huwag mo akong sisihin kung wala akong puso. Magharap tayo at tingnan natin kung sino ang mas walang awa!” Isa ba itong pagpapamalas ng paghahanap sa katotohanan? Isa ba itong pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang normal na nilikha? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng pagpapamalas ito? Paano Siya dapat tratuhin ng mga tunay na nananampalataya at sumusunod sa Diyos? Dapat silang tunay at walang kondisyong magpasakop sa Diyos. Tanging ang mga kaaway ng Diyos—si Satanas at ang mga diyablo—ang magkakaila, magkokondena, manghuhusga, maglalapastangan, at magmumura sa Diyos, umaabot pa sa punto ng pagpoprotesta at pangongontra sa Kanya. Kahit na hindi mo kayang tanggapin ang katunayang ito ngayon at kaya mong mag-isip ng isandaang dahilan na nagsasabing hindi ka trinato nang patas ng sambahayan ng Diyos, kung mayroon kang pagkamakatwiran, pagkatao, at kahit ng pinakamaliit na takot sa Diyos, matatrato mo ba ang Diyos sa ganitong paraan? Talagang hindi! Kung kaya iyong gawin ng isang tao, mayroon pa ba siyang kahit katiting na konsensiya? Mayroon ba siyang anumang pagkatao? Mayroon ba siyang anumang takot sa Diyos? (Wala, wala siya ng mga iyon.) Malinaw na hindi siya isa sa mga tupa ng Diyos. Hindi niya kailanman trinato ang Diyos bilang kanyang Panginoon; hindi niya kailanman itinuring ang Diyos bilang Diyos niya. Sa puso niya, ang Diyos ay kaaway niya, hindi ang Diyos niya. Ang mga kaaway ng Diyos ay mga anticristo at si Satanas; sa kabaligtaran, ang mga anticristo ay mga kaaway ng Diyos—mga Satanas at mga diyablo sila. Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang anumang ginagawa ng Diyos at hindi sila kailanman magsasabi ng “amen” sa anumang salitang sasabihin ng Diyos. Ito ang diwa ng kaaway ng Diyos—si Satanas—at ito ang likas na diwa ng mga anticristo. Nang walang katwiran, mapanlaban sila sa Diyos, at nang walang katwiran, kaya nilang kondenahin ang Diyos. Hindi ba’t kabuktutan ito? Lubos na kabuktutan ito.
Ang mga disposisyong ito ng isang anticristo ay nasa bawat tao sa iba’t ibang antas, pero sa pamamagitan ng pagbubunyag ng mga disposisyong ito at sa landas na pinipili ng mga tao kapag nananampalataya sila, mahuhusgahan ba ninyo kung sino ang isang anticristo, sino ang isang trabahador, at sino ang isa sa hinirang na mga tao ng Diyos na pwedeng maligtas? (Habang nagbubunyag silang lahat ng anticristong disposisyon, ang ilang tao, pagkatapos ibunyag ang tiwaling disposisyon nila, ay nakokonsensiya, nakakaramdam sila ng pagkabagabag ng konsensiya, kaya nilang magsisisi, at kaya nilang isagawa ang katotohanan—sila ang mga taong pwedeng maligtas. Gayumpaman, iyong mga walang konsensiya, na iniisip na tama sila kahit nakagawa sila ng mga pagkakamali, ay matigas ang ulo na tumatangging magsisi, at ganap nilang tinatanggihan ang katotohanan—ang mga taong ito ay mga anticristo at wala silang pagkakataon sa kaligtasan.) Tama ba ang dalawang pahayag na ito? (Oo.) Tama naman ang sinabi kanina, pero hindi ito sapat na partikular. Bagama’t mayroon din silang anticristong disposisyon, kapag nahaharap ang ilang tao sa mga sitwasyon, kaya nilang hanapin ang katotohanan, maghimagsik laban sa laman, makaramdam ng pagsisisi pagkatapos nilang makilala ang tiwaling disposisyon nila, makaramdam ng pagkakautang, magbago, magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, piliin ang tamang landas, piliing isagawa ang katotohanan, at sa huli ay makamit ang pag-unawa sa katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad, nagkakamit ng pagpapasakop sa Diyos. Ang mga gayong tao ay pwedeng maligtas at ang hinirang na mga tao ng Diyos. May isa pang uri ng tao na alam na mayroon siyang disposisyon ng isang anticristo, pero hindi niya sinusuri ang sarili niya kapag nahaharap siya sa mga sitwasyon. Kapag natutuklasan niyang may nagawa siyang mali, wala siyang anumang tunay na pag-unawa, hindi siya makabuo ng matinding damdamin ng pagkakautang sa loob niya, wala siyang kakayahang magsisi o magbago, at naguguluhan siya tungkol sa katotohanan at kaligtasan. Sa sambahayan ng Diyos, handa at bukas-loob siyang magtrabaho, kaya niyang gawin anuman ang iutos sa kanya, pero hindi niya ito siniseryoso; kung minsan, pwedeng nakapagdudulot siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, pero hindi siya masamang tao. Kaya niyang tanggapin ang pagpupungos, pero hindi niya kailanman maagap na hinahanap ang katotohanan kapag gumagawa ng mga bagay-bagay o sinusunod ang mga katotohanang prinsipyo kapag pinapangasiwaan ang mga usapin. Wala siyang ipinapakitang interes sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Bagama’t kaya niyang maglaan ng pagsisikap sa mga tungkulin niya nang katanggap-tanggap, wala siyang sigla pagdating sa paghahangad sa katotohanan at wala siyang interes na gawin ito. Hindi siya nagpapakita ng anumang pagkamatapat sa paggampan ng tungkulin niya; ipinapakita niya ang kaunting kahandaan at sinseridad. Kaya niyang malaman ang iba’t ibang tiwaling disposisyon, pero hindi niya kailanman pinagninilayan ang sarili niya kapag nahaharap sa mga sitwasyon, at hindi niya hinahangad na maging isang taong nakakaunawa at nakapagsasagawa sa katotohanan. Ito ang mga trabahador. Ang huling kategorya ay binubuo ng mga anticristo. Mga kaaway sila ng Diyos, ng katotohanan, at ng mga positibong bagay. Puno ang puso nila ng kabuktutan, pagpoprotesta laban sa Diyos, pagkontra sa Diyos, at pagkondena, panghuhusga, at paglapastangan laban sa katarungan, sa mga positibong bagay, at sa katotohanan. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalong ayaw nilang hayaang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan. Hindi nila kailanman nauunawaan ang sarili nila, at gaano man karami ang mga pagkakamali o pagsalangsang na ginagagawa nila, hindi nila kailanman inaamin ang mga ito, hindi sila kailanman nagsisisi, o nagbabago. Wala silang anumang pagsisisi sa puso nila, at ganap nilang tinatanggihan ang katotohanan. Mga anticristo ang mga ito. Ang pagsusuri kung ang isang tao ay may saloobin ng pagtanggap sa katotohanan ay karaniwang tumpak sa pagtutukoy kung anong kategorya sila ng tao. Saang kategorya kayo nabibilang? Kabilang ba kayo sa hinirang na mga tao ng Diyos na pwedeng maligtas, o isa ba kayong anticristo, o trabahador? Nagtatransisyon ba kayo patungo sa unang kategorya, o hindi ba kayo kabilang sa alinman sa mga kategoryang ito? Walang sinuman ang hindi kabilang sa alinman sa mga kategoryang ito: Ang bawat tao ay nabibilang sa isa sa tatlong ito. Ang masasamang tao na walang pagkatao ay iyong may diwa ng mga anticristo; ang mga may kaunting pagkatao, may konsensiya at katwiran, at may medyo mabuting karakter, na kayang maghangad sa katotohanan, magmahal sa mga positibong bagay, magmahal sa katotohanan, at may takot sa Diyos at kayang magpasakop sa Kanya, ay pwedeng maligtas—sila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Iyong mga may karakter na katamtaman, hindi masyadong mabuti o hindi masyadong masama, na walang anumang interes sa katotohanan at ayaw na ayaw itong hangarin, pero ginagampanan ang mga tungkulin nila nang may kaunting sinseridad, ay ang mga trabahador. Ito ang pamantayan para sa pagsusuri. Pwede bang maging isang trabahador ang isang anticristo? (Hindi.) Kung gayon, mayroon bang kategorya ng mga tao sa hanay ng mga trabahador na pwedeng maging hinirang na mga tao ng Diyos? (Oo.) Ano ang puwang para sa pagbabago rito? (Kailangan nilang hangarin ang katotohanan.) Marahil, kapag mas marami nang taon ng pananalig, mas maraming karanasan at tagpo, at pag-unawa sa mas maraming katotohanan, unti-unti silang aalis sa yugto ng pagtatrabaho papunta sa pagiging hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil sa ngayon, maliit ang pag-unawa nila sa katotohanan at lalong kakaunti ang pananalig nila sa Diyos, maliit lang ang interes nila sa paggawa ng mga tungkulin nila at sa pagsasagawa sa katotohanan. Wala sila ng tayog para hangarin ang katotohanan at hindi nila mabitiwan ang mga ambisyon at pagnanais nila, kasama ang iba’t ibang pangangailangan ng laman. Kaya, sa ngayon, kaya lang nilang manatili sa yugto ng pagtatrabaho. Gayumpaman, kumpara sa iba, may konsensiya at pagmamahal sa mga positibong bagay ang mga taong ito; habang unti-unti nilang nauunawaan ang katotohanan, nagbabago ang kapaligiran nila, mas tumatagal ang pananampalataya nila sa Diyos, mas lumalalim ang mga karanasan nila, at nagkakaroon sila ng tunay na pananalig sa Diyos, unti-unti rin nilang nakikita ang katotohanan at ang mga positibong bagay nang mas malinaw, nagiging mas malinaw sa kanila ang landas na dapat nilang hangarin, nagkakaroon sila ng interes sa katotohanan, at mas lalo nilang minamahal ang katotohanan. Ang mga gayong tao ay maaaring unti-unting magsimula sa landas ng kaligtasan at maging hinirang na mga tao ng Diyos; mayroon silang puwang para sa pag-unlad at pagbabago. Sa kabilang banda, ang sabihing iyong mga may diwa ng mga anticristo ay pwedeng maging hinirang na mga tao ng Diyos at maligtas ay hindi totoo, dahil ang diwa ng mga anticristo ay iyong sa mga diyablo at mga kaaway ng Diyos—hindi kailanman makapagbabago ang mga anticristo.
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa pagkakaila, pagkokondena, panghuhusga, at paglalapastangan mula sa buktot na disposisyong diwang ibinubunyag nila sa kung paano nila tinatrato ang Diyos at ang Kanyang gawain. Sa tuwing may isang bagay na kumokontra sa mga kuru-kuro nila o pumipinsala sa mga interes nila, ang agad na reaksiyon ng mga anticristo ay tumindig, lumaban, at kondenahin ito, sinasabi nila: “Mali ito, mga tao ang may gawa nito, at hindi ako susuko rito. Maghahain ako ng reklamo at hahanap ako ng ebidensya para linawin ang usaping ito. Idedeklara ko ang posisyon ko, ipagtatanggol ang sarili ko, lulutasin ko ang kabuuan ng usaping ito, at titingnan ko kung sino ang gumagawa ng kaguluhan dito, ang sumisira sa maganda kong reputasyon at sa magagandang bagay na mayroon ako.” Ang pariralang “Ang mabubuting layunin ng Diyos ay nasa lahat ng bagay” ay nagiging walang kabuluhang pahayag sa puso ng mga anticristo, hindi nito magawang gabayan o baguhin ang kanilang mga diskarte, pamamaraan, at prinsipyo ng pagkilos. Sa kabaligtaran, umaasa sila sa kung ano ang likas sa kanila kapag nahaharap sila sa anumang sitwasyon, iniisip nila ang bawat pamamaraan at ginagamit ang lahat ng abilidad at estratehiya nila sa pagkilos. Walang duda na ang ginagawa nila ay pagkondena, panghuhusga, at paglapastangan sa Diyos. Ang kaisipan ng mga tao ay punong-puno ng lohika at mga ideya ni Satanas, walang anumang masasabing katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa mga gayong bagay, ang mga pagpapamalas ng mga anticristo ay katulad ng kay Satanas: Paano man tinatrato ni Satanas ang Diyos, ganoon din ang trato ng mga anticristo sa Diyos, at anumang mga paraan o salita ang ginagamit ni Satanas patungkol sa Diyos, ganoon din ang ginagamit ng mga anticristo. Sa ganitong paraan, ang buktot na diwa ng mga anticristo bilang mga kaaway ng Diyos ay napakalinaw. Kahit pa isang tao ito na sumampalataya sa Diyos sa loob lang ng isa o dalawang araw, nauunawaan ba nila ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tao at ng Diyos sa kanilang normal na pag-iisip at pagkamakatwiran bilang tao? (Oo, nauunawaan nila.) Bilang isang taong nasa hustong gulang na may normal na pagkatao, alam ba nila sa puso nila kung paano tratuhin ang Diyos? (Oo.) Mayroon bang pamantayan sa pagkamakatwiran ng tao para sa pinakaangkop at pinakamainam na paraan ng pagtrato sa isang tao na sinasamba niya? (Mayroon.) Ang mga tao ay may tendensiyang sumipsip, mambola, at magpalakas para makakuha ng pabor; kahit pa sinasaktan o minumura sila ng taong iyon, nakakahanap sila ng paraan para tumalima at maging masunurin. Kaya, pagdating sa mga magulang nila, alam ba ng mga tao kung paano magpakita ng pagrespeto at pagmamahal, at kung ano ang ugali na kapahamakan at pagkamuhi? Mayroon bang pamantayan para sa pagsusuri nito? (Mayroon.) Pinapatunayan nito na ang mga tao, mga nabubuhay na nilalang na nababalot ng balat ng tao, ay naiiba sa mga hayop at mas mataas kaysa sa mga hayop. Alam mo kung paano respetuhin at mahalin ang mga magulang mo, kaya bakit hindi mo alam kung paano tratuhin ang Diyos nang may pagmamahal at respeto? Paano mo nagagawang tratuhin ang Diyos nang ganito? Ang kaswal na pagkondena at panghuhusga, ang pangangahas na kaswal na lumapastangan at magmura—iyon ba ang ginagawa ng mga normal na tao? (Hindi.) Maging ang mga hayop ay hindi umaasal nang ganito. Kung ang isang tao ay nag-alaga ng isang hayop, kahit pa ligaw na hayop ito, at maglaan ng oras ang tao kasama ito, basta’t alam nito kung sino ang amo nito, lagi itong magpapakita ng respeto sa among iyon, ituturing ang amo bilang kamag-anak nito, bilang kapamilya, na iba sa pagtrato nito sa ibang mga hayop o tao. Ipagpalagay na ikaw ang dating amo nito: Pagkatapos nitong mapunta sa dalawa o tatlong ibang tahanan, kapag muli kayong nagtagpo, kailangan lang nitong maamoy ang amoy mo at agad itong magiging malambing sa iyo. Kahit na isa itong mabangis na hayop, hindi ka nito kakainin. Likas ang kabangisan nito, nagmumula sa paglikha at paunang pagtatakda ng Diyos. Isa itong survival instinct na ibinigay ng Diyos dito, hindi isang malupit o buktot na disposisyon—iba ito sa kasamaan ng mga anticristo. May dalawang tao na umampon ng isang batang leon. Habang lumalaki ang leon, naging mahirap tustusan ang diyeta nito na halos puro karne, kaya nang isang taong gulang na ito, pinakawalan nila ito pabalik sa natural nitong kapaligiran. Pagkaraan ng tatlong taon, muli nilang nakita ang leon. Mula sa malayo, nakita sila ng leon at sabik itong tumakbo palapit sa kanila. Nag-alala sila noong una, inisip nila, “Kakainin kaya kami nito? Dahil kung tutuusin, isa itong leon.” Subalit, lumapit ang leon, niyakap sila tulad ng kaibigan, at niyakap at hinaplos-haplos nila ang leon bilang tugon. Pagkatapos ay ipinakilala ng leon sa kanila ang mga kapamilya nito, at nang kailangan na nilang umalis, nag-aatubili itong magpaalam. Makikita mo ang ganitong uri ng eksena kapag ang pinakamabangis sa mga ligaw na hayop, isang karniboro, ay nakikisalamuha sa mga tao. Hindi ba’t labis na nakakaantig ito? (Oo.) Maging sa mababangis na hayop, makikita ng mga tao ang palakaibigang katangian ng mga ito, pero wala ito sa mga anticristo. Dahil nagtataglay ang mga anticristo ng disposisyon ni Satanas at sila ay mga taong may satanikong disposisyong diwa, dahil dito, kaya nilang husgahan, kondenahin, at lapastanganin ang Diyos. Ang mga gayong saloobin ay humahantong sa kaukulang mga pagpapamalas at lalo na sa mga pamamaraan. Hindi ba’t mas masahol pa ang mga anticristo kaysa sa mga hayop? Alam ng mga tao kung paano magpakita ng pagrespeto at mapagmahal na malasakit sa mga taong sinasamba nila at sa kanilang pinakamalalapit na kamag-anak at sa kanilang mga magulang, at alam nila kung alin sa mga kilos nila ang makakasakit at makakapinsala sa mga ito. Kaya nilang suriin ang mga bagay na ito. Gayumpaman, kayang magpakita ng mga anticristo ng mga gayong pag-uugali sa Diyos, na talagang nakakagalit. Ipinapahiwatig nito na ang likas na katangian ng mga gayong indibidwal ay ang diwa ng mga anticristo. Sa tumpak na pananalita, ang mga taong ito ang mga kumakatawan kay Satanas, sila ay mga buhay na Satanas at diyablo—hindi sila tupa ng Diyos. Mumurahin ba ang Diyos ng mga tupa Niya? Kokondenahin ba ang Diyos ng mga tupa Niya? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil nakikinig sila sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya.) Nakikinig at nagpapasakop sila—isang aspekto iyon. Ang susi ay ang tunay nilang pananampalataya sa Diyos. Kung tunay kang nananampalataya sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos, kung gayon, anuman ang ginagawa ng Diyos o paano man Niya ito ginagawa, kahit na nakakapinsala ito, hindi mo Siya kokondenahin. Tanging iyong mga tunay na nananampalataya sa Diyos, na may tunay na pananampalataya sa Kanya, ang naglalagay sa sarili nila sa posisyon ng isang nilikha, palaging tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Isa itong katunayan.
Nagbahaginan na tayo sa pagmumura, pangongontra, at pagpoprotesta ng mga anticristo laban sa Diyos. Ang ilan ay hayagan Siyang kinokontra, nagtatatag ng mga paksiyon, bumubuo ng mga alyansa, at lumilikha ng mga nagsasariling kaharian. Ang iba ay palihim Siyang minumura sa pribado, ang ilan ay minumura Siya sa puso nila, at kumokontra at nagpoprotesta laban sa Kanya sa puso nila. Hayagan o palihim man nilang minumura ang Diyos, mga anticristo silang lahat; hindi sila tupa ng Diyos. Kauri nila si Satanas, at walang dudang hindi sila mga normal na tao o mga kalipikadong nilikha. Kapag ang karamihan ng tao ay nahaharap sa mga sitwasyon na hindi naaayon sa sarili nilang mga kuru-kuro o nakakaranas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, nakakaramdam lang sila ng lungkot, pagkalito, at hindi nila ito matanggap. Sila ay nagpapahayag ng mga hinaing, o nagpapakita ng pagmamatigas; maaari pa nga silang maging negatibo o magpakatamad, pero hindi sila umaabot sa puntong kumokontra at nagpoprotesta sila. Sa paglipas ng panahon, sa pamamagitan ng panalangin, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sa tulong ng mga kapatid, at sa kaliwanagan, paggabay, at pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, magagawa nilang unti-unting magbago. Ito ang pagpapamalas ng mga ordinaryong tiwaling tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila. Sa kabilang banda, ang mga anticristo ay walang mga ganitong positibong pagpapamalas, at hindi nila babaguhin ang landas nila. Kung hindi naaayon sa mga pagnanais nila ang isang sitwasyon, nagmumura sila. Kung hindi pa rin naaayon sa mga pagnanais nila ang susunod na sitwasyon, nagmumura din sila. Ang pagmumura ay kasabay ng pagkontra at pagpoprotesta. Sinasabi pa nga ng ilang anticristo, “Kung hindi maliligtas ang mga taong katulad ko, sino pa kaya ang maliligtas?” Hindi ba’t pagpoprotesta ito? Hindi ba’t pagkontra ito? (Oo.) Pagkontra ito. Wala silang bakas ng pagpapasakop, at nangangahas silang magprotesta at kumontra sa Diyos—mga Satanas ang mga ito. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon.
B. Pagiging Tutol sa Katotohanan
Susunod, magbabahaginan tayo sa ikalawang aytem ng disposisyong diwa ng mga anticristo—pagiging tutol sa katotohanan. Napagbahaginan na natin dati ang marami-raming detalye tungkol sa aytem na ito ng pagiging tutol sa katotohanan, pero dito ay pangunahin nating ikaklasipika ang mga anticristo sa pamamagitan ng paghihimay sa disposisyong diwa nila na tutol sa katotohanan. Ang pangunahing disposisyonal na katangian ng kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katotohanan ay ang pagiging tutol sa halip na simpleng pagiging hindi interesado lamang. Ang pagiging hindi interesado ay isang medyo banayad lang na saloobin sa katotohanan na hindi umabot sa antas ng pagiging mapanlaban, pagkondena, o pagkontra. Kawalan lang ito ng interes sa katotohanan, pag-ayaw na bigyan ito ng pansin, at pagsasabing, “Anong mga positibong bagay, anong katotohanan? Kahit na makamit ko ang mga bagay na ito, ano naman? Mapapabuti ba ng mga ito ang buhay ko o mapapalakas ang mga abilidad ko?” Hindi sila interesado sa mga bagay na ito, kaya hindi nila pinapansin ang mga ito, pero hindi pa ito pagiging tutol. Nagpapahiwatig ng isang partikular na saloobin ang pagiging tutol. Anong klase ng saloobin? Sa sandaling makarinig sila ng anumang positibong bagay at anumang bagay na nauugnay sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkamuhi, pagkasuklam, paglaban, at pag-ayaw na makinig. Maaari pa nga silang maghanap ng ebidensya para kondenahin at siraan ang katotohanan. Ito ang disposisyong diwa nila ng pagiging tutol sa katotohanan.
Tulad lang ng ibang tao, ang mga anticristo ay kayang magbasa ng mga salita ng Diyos, marinig ang sinasabi ng Diyos, at maranasan ang gawain ng Diyos. Sa panlabas, tila kaya rin nilang maunawaan ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, malaman ang sinabi ng Diyos, at malaman na ang mga salitang ito ay nagbibigay-daan sa mga tao na tahakin ang tamang landas at maging mabubuting tao. Gayumpaman, nananatilng teoretikal lang ang mga bagay na ito para sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng “nananatiling teoretikal”? Katulad ito ng kung paanong maaaring pinaniniwalaan ng ilang tao na mabuti ang isang partikular na teorya sa isang libro, pero kapag ikinumpara nila ito sa totoong buhay, at inisip nila ang masasamang kalakaran, katiwalian ng tao, at ang iba’t ibang pangangailangan ng sangkatauhan, nakikita nila na ang teorya ay hindi praktikal at walang kaugnayan sa totoong buhay, at napagtatanto nila na hindi ito makakatulong sa mga tao na umangkop o sumunod sa masasamang kalakaran at sa masamang lipunang ito. Dahil dito, nararamdaman nila na mabuti ang teoryang ito, pero isa lamang itong bagay na maaaring pag-usapan, para matugunan ang mga kagustuhan at pantasya ng sangkatauhan para sa magagandang bagay. Halimbawa, kung may isang tao na gusto ng katayuan, at gusto niyang maging opisyal, at gusto niyang itaas at sambahin siya ng mga tao, kailangan niyang umasa sa mga hindi normal na pamamaraan tulad ng pagsisinungaling, pagpapakitang gilas, at pagtapak sa ibang tao, at iba pa, para makamit ang layong ito. Gayumpaman, ang mga bagay na ito ang mismong kinokondena ng katotohanan. Kinokondena at tinatanggihan nito ang mga pagnanais at ambisyon na ito ng mga tao. Sa tunay na buhay, iniisip ng mga tao na ang pamumukod-tangi ay isang lehitimong bagay na ginagawa, pero kinokondena ng Diyos at ng katotohanan ang mga gayong hinihingi. Samakatwid, hindi tinatanggap sa sambahayan ng Diyos ang mga hinihinging ito, walang lugar para maisakatuparan ang mga ito, at walang puwang para maisagawa ang mga ito. Pero isusuko ba ng mga anticristo ang mga ito? (Hindi nila isusuko ang mga ito.) Tama, hindi nila isusuko ang mga ito. Sa sandaling makita ito ng mga anticristo, iisipin nila, “Nauunawaan ko na ngayon. Kaya, hinihingi ng katotohanan na maging walang pag-iimbot ang mga tao, na isakripisyo ang kanilang sarili, na maging mapagparaya at mapagbigay, na kalimutan ang mga ego nila at mamuhay sila para sa iba. Ito ang katotohanan.” Kapag tinukoy nila ang katotohanan sa ganitong paraan, nagiging interesado ba sila sa katotohanan o nasusuklam dito? Nasusuklam sila rito, at nasusuklam sila sa Diyos, sinasabi nila, “Palaging nagsasabi ng katotohanan ang diyos, palagi niyang inilalantad ang mga hindi dalisay na bagay tulad ng mga pagnanais at ambisyon ng tao, at palagi niyang inilalantad ang nasa kaibuturan ng mga kaluluwa ng tao. Tila ang layunin ng diyos sa pakikipagbahaginan sa katotohanan ay ang ipagkait sa mga tao ang kanilang paghahangad sa katayuan, mga pagnanais, at mga ambisyon. Noong una, inakala ko na kayang tugunan ng diyos ang mga pagnanais ng tao, tuparin ang mga kahilingan at pangarap nila, at ibigay sa mga tao ang gusto nila. Hindi ko inaasahan na ang diyos ay ganitong klase ng diyos. Hindi naman siya mukhang masyadong dakila. Puno ako ng mga ambisyon at pagnanais: Magugustuhan ba ng diyos ang isang taong tulad ko? Batay sa palaging sinasabi ng diyos, at sa pag-intindi sa mga ipinapahiwatig ng mga salita niya, tila hindi gusto ng diyos ang mga taong tulad ko, at hindi rin niya makakasundo ang isang taong tulad ko. Mukhang hindi ko makakasundo ang ganitong uri ng praktikal na diyos. Ang mga salitang sinasabi niya, ang gawaing ginagawa niya, ang mga prinsipyo ng mga kilos niya, at ang disposisyon niya—bakit labis ang hindi ko pagsang-ayon sa mga iyon? Hinihiling ng diyos sa mga tao na maging matapat, na magkaroon ng konsensiya, na maghanap, sumunod, at magkaroon ng takot sa diyos kapag may nangyayari sa kanila, at bitiwan ang mga ambisyon at pagnanais nila—mga bagay ito na hindi ko kayang gawin! Ang hinihingi ng diyos ay hindi lang di-kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, hindi rin ito sensitibo sa mga damdamin ng tao. Paano ko magagawang manampalataya sa kanya?” Matapos nilang pag-isipan nang ganito ang mga bagay-bagay, nagkakaroon ba sila ng mabuting damdamin patungkol sa Diyos o napapalayo ba sila sa Kanya? (Napapalayo sila.) Pagkaraan ng ilang panahon ng karanasan, lalong nararamdaman ng mga anticristo na ang mga taong tulad nila, na may mga ambisyon at pagnanais, at puno ng mga inaasam, ay hindi malugod na tatanggapin sa sambahayan ng Diyos, na walang lugar dito para magamit nila ang mga kasanayan nila, at hindi nila malayang maisasakatuparan ang mga inaasam nila rito. Iniisip nila, “Sa sambahayan ng diyos, hindi ko pwedeng ibunyag ang natatangi kong talento. Hindi ako kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging mahusay. Sinasabi nila na wala akong espirituwal na pang-unawa, na hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at na mayroon akong disposisyon ng isang anticristo. Bukod sa hindi naitaas ang ranggo ko o hindi ako inilagay sa mahalagang posisyon, kinondena pa ako. Ano ang mali sa pagtatatag ng nagsasarili kong kaharian? Ano ang mali na pagpaparusa ko sa iba? Dahil may kapangyarihan ako, dapat lang na kumilos ako nang ganito! Sino ang hindi kikilos nang ganito kung may kapangyarihan sila? Ano ang mali sa panlilinlang at pandaraya ko sa mga halalan? Hindi ba’t ganoon din ang ginagawa ng lahat ng walang pananampalataya? Bakit hindi ito pinapayagan sa sambahayan ng diyos? Sinasabi pa nila na wala itong kahihiyan. Paano ito maituturing na walang kahihiyan? Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa. Wasto ito! Hindi masaya sa sambahayan ng diyos. Pero napakalupit ng mga tao sa mundong ito, at hindi sila madaling pakisamahan. Kung ikukumpara, mas maayos nang kaunti ang asal ng mga tao sa sambahayan ng diyos. Kung walang diyos, magiging napakasaya ang tumambay rito; kung walang diyos at walang katotohanan na namamahala sa mga tao, ako ang magiging amo sa sambahayan ng diyos, ang panginoon, at ang hari.” Habang ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang nararanasan ang iba’t ibang bagay, patuloy silang pinupungusan, at papapalit-palit sila ng iba’t ibang tungkulin, at sa wakas ay napagtatanto nila ang isang bagay, sinasabi nila, “Sa sambahayan ng diyos, ang anumang nangyayari ay sinusukat at nilulutas gamit ang katotohanan. Palaging binibigyang diin ang katotohanan, at palaging nagsasalita ang diyos tungkol dito. Hindi ko maisasakatuparan nang malaya ang mga inaasam ko rito!” Sa pag-abot sa puntong ito sa mga karanasan nila, lalo silang nagiging tutol sa katotohanan, sa paghahari ng katotohanan, sa pagiging katotohanan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at sa paghahanap sa katotohanan. Gaano katindi ang nararamdaman nilang pagtutol sa mga bagay na ito? Ni ayaw nilang kilalanin o tanggapin ang mga doktrina ng mga katotohanang kinilala nila sa pinakasimula, at nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam sa puso nila. Samakatwid, sa sandaling oras na para sa isang pagtitipon, inaantok sila at nababalisa. Bakit sila nababalisa? Iniisip nila, “Tumatagal ng tatlo o apat na oras ang mga pagtitipong ito—kailan ba ito matatapos? Ayaw ko nang makinig!” May isang parirala na makapaglalarawan sa lagay ng kanilang loob, ito ay “nakaupo sa mga aspili at karayom.” Napagtatanto nila na hangga’t naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging mahusay, bagkus, palagi silang malilimitahan, makokondena, at matatanggihan ng lahat, at na gaano man sila kahusay, hindi sila mabibigyan ng mahahalagang papel. Dahil dito, tumitindi ang pagkapoot nila sa katotohanan at sa Diyos. Pwedeng may magtanong, “Bakit hindi sila nakaramdam ng pagkapoot mula pa sa simula?” Nakaramdam nga sila ng pagkapoot mula pa sa simula, pero noong panahong iyon, hindi pa sila pamilyar sa lahat ng bagay sa sambahayan ng Diyos. Wala pa silang konsepto nito, pero hindi ibig sabihin niyon na hindi sila nakaramdam ng pagkapoot o pagtutol. Sa realidad, nakaramdam sila ng pagtutol sa katotohanan sa kaibuturan ng kanilang kalikasang diwa, hindi lang nila ito napagtatanto pa. Walang duda na tutol sa katotohanan ang kalikasang diwa ng mga taong ito. Bakit Ko sinasabi ito? Likas nilang mahal ang kawalan ng katarungan, kabuktutan, kapangyarihan, masasamang kalakaran, pamumuno, pagkontrol sa mga tao, at lahat ng negatibong bagay na tulad nito. Batay sa mga bagay na ito na minamahal nila, walang duda na nakakaramdam ng pagtutol sa katotohanan ang mga anticristo. Bukod pa rito, pagdating sa mga pinagsusumikapan nila, nagsusumikap sila para sa katayuan, nagsusumikap sila para makilala, nagsusumikap silang magmukhang banal, nagsusumikap silang maging lider sa mga tao, para mangibabaw at maging makapangyarihan, para magkaroon ng katanyagan at lakas saan man sila nagsasalita o kumikilos, pati na ang abilidad na kontrolin ang mga tao—nagsusumikap sila para sa mga bagay na ito. Isa rin itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Batay pa sa saloobin nila sa katotohanan, gaano man karami nito ang naririnig ng mga indibidwal na ito, walang magiging saysay ito. Pwedeng may ilang magtanong, “Dahil ba ito sa mahina ang memorya nila?” Hindi. May ilang anticristo na may napakahusay na memorya, napakahusay nilang magsalita, at kaya nilang gamitin at ipakitang-gilas agad ang natutunan nila. Dahil dito, iniisip ng mga walang pagkilatis na ang mga indibidwal na ito ay may mahusay na kakayahan at na gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga ito. Gayumpaman, kayang matukoy agad ng mga mapagkilatis na tao na ang sinasabi nila ay pawang mga doktrina at mga walang kabuluhang salita, na wala itong anumang katotohanang realidad, at na naglalayon itong ilihis ang mga tao. Ganitong mga tao ang mga anticristo: napakahilig nilang mangaral ng matatayog na sermon, magtalakay ng mga espirituwal na teorya sa walang kabuluhang paraan, at maglitanya ng napakaraming salita, na kapag nagsimula na, ay malayo sa paksa at paligoy-ligoy. Maraming tao ang hindi sila nauunawaan, at sinasabi ng mga anticristo, “Ito ang wika ng ikatlong langit; paano niyo ito mauunawaan?” Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol ng mga anticristo sa katotohanan ay nakikita sa saloobin nila rito, at, siyempre, naipapamalas din ito sa karaniwan nilang pang-araw-araw na buhay at mga aktibidad, lalo na sa kung paano nila ginagawa ang mga tungkulin nila. Nagpapakita sila ng ilang pagpapamalas. Una, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, kahit na alam na alam nilang dapat nila itong gawin. Pangalawa, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, paano nila ito maisasagawa? Sa pamamagitan lang ng paghahanap magkakaroon ng pag-unawa, at tanging ang pag-unawa ang magreresulta sa pagsasagawa; hindi sila naghahanap, at hinding-hindi rin nila isinasapuso ang mga katotohanang prinsipyo. Hinahamak pa nga nila ang mga ito, nakakaramdam sila ng pagtutol laban sa mga ito, at tinitingnan nila ang mga ito nang may pagkamapanlaban. Bilang resulta, ni hindi nila kailanman tinatalakay ang pagsasagawa sa katotohanan, at kahit nauunawaan nila minsan ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. Halimbawa, kapag may nangyayari sa kanila, at nagmumungkahi ang iba ng magandang hakbang, pwedeng sumagot sila, “Ano namang maganda diyan? Kung gagawin ko iyan, hindi ba’t masasayang ang mga ideya ko?” Pwedeng sabihin ng ilan, “Magdurusa ng mga kawalan ang sambahayan ng Diyos kung gagawin natin ang mga bagay ayon sa paraan mo; dapat tayong kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo.” Sasagot sila, “Anong mga prinsipyo! Ang paraan ko ang prinsipyo; kung ano ang iniisip ko, iyon ang prinsipyo!” Hindi ba’t hindi ito pagsasagawa sa katotohanan? (Oo.) Ang isa pa sa mga pangunahing pagpapamalas nila ay hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon. Kapag abala ang ilang tao sa gawain at hindi makahanap ng oras para magbasa ng mga salita ng Diyos, tahimik silang nagmumuni-muni o kumakanta ng ilang himno, at kung maraming araw na hindi sila makapagbasa ng mga salita ng Diyos nang ilang araw, nakakaramdam sila ng kahungkagan. Sa gitna ng pagiging abala nila, naglalaan sila ng oras para magbasa ng isang sipi at matustusan ang kanilang sarili, nagmumuni-muni hanggang sa maramdaman nila ang presensiya ng Diyos, at maging panatag ang puso nila. Hindi malayo sa Diyos ang mga gayong tao. Sa kabilang banda, hindi nababagabag ang mga anticristo kahit hindi nila nababasa ang mga salita ng Diyos sa loob ng isang araw. Kahit na hindi sila makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng 10 araw, wala silang nararamdaman. Nakakapamuhay pa rin sila nang napakaayos kahit isang taon na silang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kaya pa nga nilang magpatuloy nang tatlong taon nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nang wala silang nararamdaman—hindi sila nakakaramdam ng takot o kahungkagan sa puso nila, at patuloy silang namumuhay nang komportable. Siguradong mayroon silang matinding pagtutol sa mga salita ng Diyos! Ang isang tao ay maaaring hindi makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng isang araw dahil sa pagiging abala, o marahil ay sa loob ng 10 araw dahil sa parehong dahilan. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na umabot nang isang buong buwan nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos at wala pa rin siyang nararamdaman, may problema na. Kung lilipas ang isang taon nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, hindi lang siya walang pananabik para sa mga salita ng Diyos—mayroon siyang pagtutol sa katotohanan.
Ang isa pang pagpapamalas ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan ay ang paghamak nila kay Cristo. Napagbahaginan na natin noon ang tungkol sa paghamak nila kay Cristo. Kaya, ano ba ang ginawa ni Cristo sa kanila para hamakin nila si Cristo? Sinaktan o pininsala ba Niya sila, o may ginawa ba Siyang kontra sa mga kagustuhan nila? Pininsala ba Niya ang anumang interes nila? Hindi. Walang personal na sama ng loob si Cristo sa kanila, at hindi pa nga nila nakakatagpo si Cristo. Kung gayon, paano nila nagagawang hamakin Siya? Ang ugat na dahilan ay nasa diwa ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Ang isa pang pagpapamalas ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan ay ang paghamak nila sa realidad ng lahat ng positibong bagay. Sumasaklaw ang realidad ng lahat ng positibong bagay sa maraming bagay, tulad ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos at ang mga batas ng mga ito, iba’t ibang buhay na nilalang at ang mga batas na namamahala sa buhay ng mga ito, at sa pangunahin, ang iba’t ibang batas na namamahala sa buhay ng mga nilalang na ito na tinatawag na mga tao. Halimbawa, ang mga usapin ng kapanganakan, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan na pinakamalapit sa buhay ng tao—nanghihina ang mga binti ng mga normal na tao habang tumatanda sila, humihina ang kalusugan nila, lumalabo ang mata nila, humihina ang pandinig nila, umuuga ang mga ngipin nila, at iniisip nilang kailangan nilang tanggapin ang pagtanda. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito, at walang sinuman ang makakakontra sa batas ng kalikasan na ito—kayang kilalanin at tanggapin ng mga normal na tao ang lahat ng bagay na ito. Gayumpaman, kahit gaano katagal mabuhay ang isang tao o anuman ang kalagayan ng kanyang pisikal na kalusugan, may partikular na mga bagay na hindi nagbabago, tulad ng kung paano nila dapat ginagawa ang tungkulin nila, ang posisyon na dapat nilang pinanghahawakan, at ang saloobin na dapat mayroon sila sa paggawa ng tungkulin nila. Sa kabilang banda, tumatangging sumuko ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Sino ba ako? Hindi ako pwedeng tumanda. Dapat naiiba ako sa mga karaniwang tao sa lahat ng oras. Mukha ba akong matanda para sa iyo? May mga partikular na bagay na hindi ninyo kayang gawin sa edad na ito, pero kaya ko. Pwedeng nanghihina na ang mga binti ninyo kapag nasa singkwenta anyos na kayo, pero maliksi pa ang mga binti ko. Nagsasanay pa nga akong tumalon-talon sa mga bubong!” Palagi nilang gustong hamunin ang mga normal na batas na inorden ng Diyos, palagi nilang sinusubukang labagin ang mga ito at ipakita sa iba na sila ay naiiba, ekstraordinaryo, at nakahihigit sa mga ordinaryong tao. Bakit nila ginagawa ito? Gusto nilang hamunin ang mga salita ng Diyos at itanggi na ang Kanyang mga salita ang katotohanan. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo ng pagtutol sa katotohanan? (Oo.) May isa pang aspekto, iyon ay na iginagalang ng mga anticristo ang masasamang kalakaran at madidilim na impluwensiya; lalo nitong pinatutunayan na mga kaaway sila ng katotohanan. Labis na hinahangaan at iginagalang ng mga anticristo ang rehimen ni Satanas, at ang iba’t ibang abilidad, kasanayan, at gawa ng masasamang espiritu na nababanggit sa mga alamat, pati na rin ang masasamang kalakaran at madidilim na impluwensiya. Hindi matitinag ang paniniwala nila sa mga bagay na ito, at hindi nila kailanman pinagdududahan ang mga ito. Bukod sa walang pagtutol ang puso nila, puno pa ito ng pagrespeto, paggalang, at inggit para sa mga ito. Kahit sa kaibuturan ng puso nila, mahigpit nilang sinusundan ang mga bagay na ito. Ang mga anticristo ay may ganitong uri ng saloobin sa kaibuturan ng puso nila sa masasama at madidilim na bagay na ito—hindi ba’t nangangahulugan ito na tutol sila sa katotohanan? Tiyak iyon! Paano magmamahal sa katotohanan ang sinumang nagmamahal sa buktot at madidilim na bagay na ito? Ang mga taong ito ay nabibilang sa mga puwersa ng kasamaan at sa grupo ni Satanas. Siyempre, hindi natitinag ang paniniwala nila sa mga bagay na kay Satanas, habang ang puso nila ay puno ng pagkasuklam at paghamak sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Halos natapos na natin dito ang pagbubuod natin sa aytem ng pagtutol sa katotohanan.
C. Kalupitan
Ang isa pang bahagi ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang kalupitan. Maibubuod ang mga anticristo gamit ang isang parirala: Masasamang tao ang mga anticristo. Kapag may katayuan sila, malinaw na mga anticristo sila. Kapag wala silang katayuan, paano mo mahuhusgahan kung anticristo sila? Kailangan mong tingnan ang pagkatao nila. Kung ang pagkatao nila ay mapaminsala, mapanlinlang, at makamandag, sila ay isang daang porsyentong anticristo. Kung ang isang tao ay hindi pa kailanman nagkaroon ng katayuan, at hindi pa kailanman naging lider, at hindi mabuti ang pagkatao niya, paano mo matutukoy kung anticristo siya? Kailangan mong tingnan kung makamandag ba ang pagkatao niya, at kung masamang tao ba siya. Kung masama siyang tao, kahit wala siyang katayuan, siya ay isang daang porsyentong anticristo. Samakatwid, ang isa pang tipikal na aspekto ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang kalupitan. Ang malupit bang disposisyon ng mga anticristo ay katulad ng kalupitan ng mga leon o tigre kapag naghahanap ng makakain? (Hindi.) Naghahanap ng makakain ang mga karniboro dahil sa gutom; isa itong pangangailangan ng katawan at isang likas na gawi. Pero kapag hindi sila gutom, hindi sila naghahanap ng makakain. Paano ito naiiba sa kalupitan ng mga anticristo? Hindi ba nagiging mabagsik ang mga anticristo kapag hindi mo sila ginagalit, at nagiging mabagsik lang sila kapag ginalit mo sila? O hindi ka ba nila kokontrolin kung hindi mo sila pinakikinggan, pero kokontrolin ka nila kapag pinakikinggan mo sila? O hindi ka ba nila paparusahan basta’t nakikinig ka sa kanila, pero paparusahan ka nila kung hindi ka nakikinig? (Hindi.) Ang kalupitan ng mga anticristo ay isang disposisyon, isang diwa—isa itong tunay na satanikong diwa. Hindi ito likas na gawi, o pangangailangan ng laman, kundi isang pagpapamalas at katangian ng disposisyon ng mga anticristo. Kaya, ano ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at pamamaraan ng malupit na disposisyon ng mga anticristo? Alin sa mga kilos nila ang kumakatawan na malupit ang disposisyon nila, na may diwa sila ng masasamang tao? Ibahagi ninyo ang mga iniisip ninyo. (Pinarurusahan nila ang iba.) (Sinusupil at ibinubukod nila ang mga naiiba sa kanila.) (Idinidiin nila ang iba at naglalagay sila ng mga patibong para sa mga ito.) (Kinokontrol at minamanipula nila ang mga tao.) (Bumubuo sila ng mga paksyon at naghahasik ng alitan.) Ang pagbuo ng mga paksyon at paghahasik ng alitan ay medyo mapanlinlang; ang mga ito ay mga pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon, pero hindi pa ito kalupitan. Ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro, pagtatatag ng mga nagsasariling kaharian—malupit ba ang mga ito? (Oo.) Ang pagkontra sa mga pagsasaayos ng gawain, panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pagkuha ng mga handog para sa Diyos, at direktang pagkontra sa Diyos—malupit ba ang mga ito? (Oo.) Ang pagkuha ng mga handog ay hindi lang sakim; isa rin itong pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon. Ang kakayahan ng mga anticristo na angkinin ang mga handog ay nagpapahiwatig ng isang napakalupit na disposisyon, kapantay ng sa mga bandido. Ulitin ang mga bagay na kakabuod pa lang natin. (Pinarurusahan nila ang iba, sinusupil at ibinubukod ang mga naiiba sa kanila, idinidiin ang iba at at naglalagay sila ng mga patibong para sa mga ito, kinokontrol at minamanipula ang mga tao, nagpapakalat ng mga kuru-kuro, nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian, kumokontra sa mga pagsasaayos ng gawain, inaatake ang Diyos, at sinasamsam ang mga handog.) Siyam na aytem sa kabuuan. Ang mga ito ang humigit-kumulang na pagpapamalas ng malupit na disposisyon ng mga anticristo. Sa katunayan, may ilan pang partikular na mga pagpapamalas, pero halos katulad na rin ng mga ito, kaya hindi ko na detalyadong ililista ang mga ito. Sa madaling salita, masasamang tao ang mga gumagamit ng mga pamamaraan at estratehiyang ito. Sa isang aspekto, mapanlinlang ang mga pamamaraan nila, halimbawa, ang pagdidiin, paglalagay ng mga patibong, at pagpapakalat ng mga kuru-kuro, ay pawang medyo mapanlinlang. Sa isa pang aspekto, labis na makamandag at mabagsik ang mga estratehiya nila, kaya kalipikado sila sa pagkakaroon ng malupit na disposisyon.
Batay sa tatlong aspektong ito ng disposisyong diwa ng mga anticristo, pwede ba silang maligtas? (Hindi, hindi sila pwedeng maligtas.) Handa ba silang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos? (Hindi, hindi sila handa.) Hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi nila minamahal ang katotohanan, at puno ng pagkamapanlaban sa Diyos at sa mga positibong bagay ang puso nila. Ayaw pa nga nilang gawin ang mga pinakapayak na bagay—ang pagtatrabaho at pagsasakatuparan ng tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos—ibig sabihin, hindi man lang nila kayang gawin ang dapat na normal na ginagawa ng isang tao. Bukod sa hindi nila ito magawa, sa kabaligtaran, ginugulo, ginagambala, at sinisira pa nila ang normal na kaayusan ng mga kapatid na gumagawa ng mga tungkulin ng mga ito, pati na rin ang normal na buhay iglesia. Kasabay nito, ginugulo nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang normal na buhay pagpasok ng mga tao, at ang normal na gawain ng Diyos sa mga tao. At hindi lang iyon, gusto rin nilang maghari at gumamit ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos; gusto nilang ilihis, akitin, at kontrolin ang mga tao, magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian at mga paksiyon sa sambahayan ng Diyos, at ganap na gawing sarili nilang mga tagasunod ang mga sumusunod sa Diyos, para makamit nila ang ambisyon at pagnanais nila na gumamit ng kapangyarihan at impluwensiya, kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at makipagkumpetensiya sa Diyos. Kaya, may anumang halaga ba ang paggamit ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos? May mabuti man lang ba silang silbi sa sambahayan ng Diyos? (Wala.) Batay sa pagkatao nila hanggang sa mga hinahangad nila, mula sa mga ambisyon at pagnanais nila hanggang sa mga landas na tinatahak nila, at sa saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos, sa sambahayan ng Diyos, ang silbi lang ng mga gayong taong ay manggulo, manggambala, at manira ng gawain ng Diyos. Wala silang kahit katiting na positibong silbi, dahil hindi nila kailanman hinahangad ang katotohanan, at sa kalikasang diwa nila, tutol sila sa katotohanan, at puno ng pagkamapanlaban sa katotohanan at sa Diyos. Ito ang diwa ng mga anticristo.
Sa ngayon, ganap na nating natapos ang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa pamamagitan ng napagbahaginan natin ngayon, kaya na ba ninyo ngayong makilatis ang mga anticristo? Para ibuod ito sa pinakasimpleng parirala: Mga anticristo ang masasamang tao, at ang lahat ng masasamang tao ay mga anticristo. Sa pamamagitan ng ganitong pagpapaliwanag, hindi ba’t naging lalong mas malinaw na sa inyo ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t mas madali nang maunawaan ang mga ito ngayon? Sa nakalipas na dalawang taon, patuloy nating hinihimay ang kalikasang diwa ng mga anticristo, at dumaan kayo sa maraming pagpipino, nag-aalala na baka anticristo kayo. Ngayon, sa wakas ay lumabas na ang resulta. Napakahirap ng naging proseso, pero maganda ang huling resulta: Mayroon kayong disposisyon ng isang anticristo, pero hindi kayo anticristo. Paano ninyo napagtanto ang pagkaunawang ito? Sa aling linya ng mga pakikipagbahaginan Ko ninyo ito napagtanto? (Noong nakaraan, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng karakter at disposisyong diwa ng mga anticristo, at ng ibang tao, nagsimula kaming makaunawa nang kaunti. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay kayang magsisi at magbago pagkatapos gumawa ng masama, habang ang mga nagtataglay ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay matigas na ayaw magsisi, at wala silang nararamdaman gaano man karami ang nagawa nilang kasamaan.) Ang mga tao ay may ilang pagbubunyag ng disposisyon ng mga anticristo, pero hindi boluntaryo ang mga ito at hindi kusang nagmumula sa kanilang kalooban; kapag natutuklasan ang mga pagbubunyag na ito, nakakaramdam ang mga tao ng pagiging di-komportable, sakit, pagsisisi, at pagkakautang, at unti-unti nilang mababago ang landas nila. Kapag nauunawaan ng mga tao ang puntong ito, lalo pa silang mas napapanatag, at natutuklasan nilang may pagkakataon pa silang maligtas, at na hindi sila mga anticristo. Bagama’t may kaunting kaugnayan sila sa disposisyon ng mga anticristo, sa kabutihang-palad, wala silang kaugnayan sa disposisyong diwa ng mga anticristo. Basta’t hindi ka isang masamang tao, hindi ka isang anticristo. Pero nangangahulugan ba iyon na wala kang disposisyon ng mga anticristo? (Hindi.) Kapag sinabi Ko ngayon na ang lahat ay may disposisyon ng mga anticristo, nakakaramdam ba kayo ng pagkontra sa puso ninyo? (Hindi.) Hindi kayo nakakaramdam ng pagkontra; kaya ninyong tanggapin ang katunayang ito ngayon. Ibuod ang mga pagpapamalas ng disposisyong diwa ng mga anticristo. (Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, kinamumuhian nila ang katotohanan, at hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan.) Tumutukoy ito sa diwa; hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan; tutol at mapanlaban sila sa katotohanan. May ilang taong hindi naghahangad sa katotohanan, pero hindi sila mapanlaban dito, at iniisip din nila na tama at mabuti ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at hinahangaan nila ito at gusto nilang hangarin ito, pero mahina ang kakayahan nila at wala silang landas. Ang iba ay walang interes sa katotohanan, pero hindi rin sila mapanlaban dito; sila ang matamlay na uri. Gayumpaman, iba ang mga anticristo; tutol at mapanlaban sila sa katotohanan. Sa sandaling mabanggit ang katotohanan o ang Diyos, nakakaramdam sila ng pagkamuhi, at kapag pinipilit silang tanggapin ang katotohanan, sila ay nagiging hindi normal, nasusuklam sila sa kaibuturan ng puso nila, hindi nila ito kailanman tinatanggap—ito ang diwa ng mga anticristo. Ano pa? (Ang mga anticristo ay matigas na hindi nagsisisi kahit ano pa ang mali nilang ginagawa, at hindi nila kailanman isasagawa ang katotohanan.) Hindi nila kikilalanin ang sarili nilang mga pagkakamali, hindi sila nagsisisi kailanman, at hindi sila magbabago sa paglipas ng maraming taon. Hindi nila kinikilala na ang Diyos ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kaya paano nila maisasagawa ang katotohanan? Wala silang pagkatao, hindi sila tao, sila ay mga diyablo, mga Satanas, at mga kaaway ng Diyos, kaya tiyak na hindi nila isasagawa ang katotohanan.
Disyembre 26, 2020