Panimula
Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang “mga salita” ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ng mga ito ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginagabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Sa kapanahunang ito, at sa gitna ninyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na realidad: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng pusong nagpipitagan sa Diyos; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamit ang tao ng pangharing kapangyarihan kasama ang Diyos. Ito ang gawaing gagawin ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Bibliya na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita lamang ang ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Mga salita lamang ng Diyos ang makatutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka napapalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, araw-araw kang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita, magagawa kang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Sa buong sansinukob ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang umakay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Idinudulot Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at magpasakop sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking kariktan? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng iba pang mga salita sa kanila. Gaya ng malalakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan patungo sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito, na tila ba kasisilang lamang ng isang sanggol. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Hudyo kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Palapitin ang lahat sa Aking luklukan at ipakita ang Aking maluwalhating mukha, iparinig ang Aking tinig, at patingnan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang pasambahin sa Akin ang bawat bansa, ang kilalanin Ako ng bawat wika, ang isandig sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob
Sinabi minsan ng Diyos, kahit na sa Milenyong Kaharian ay dapat pa ring sundin ng mga tao ang mga pagbigkas Niya pasulong, at sa hinaharap ang mga pagbigkas ng Diyos ay tuwirang gagabay sa buhay ng tao sa mabuting lupain ng Canaan. Noong nasa ilang si Moises, tuwirang nagtagubilin at nakipag-usap sa kanya ang Diyos. Mula sa langit ay nagpadala ang Diyos ng pagkain, tubig, at mana upang tamasahin ng mga tao, at ngayon ay ganito pa rin: Ang Diyos ay ang Siya Mismong nagpadala ng mga bagay na makakain at maiinom upang tamasahin ng mga tao, at Siya Mismo ang nagpadala ng mga sumpa upang kastiguhin ang mga tao. At sa gayon, bawat yugto ng Kanyang gawain ay personal na isinasakatuparan ng Diyos. Ngayon, hinahangad ng mga tao ang pangyayari ng mga katotohanan, hinahangad nila ang mga tanda at mga kababalaghan, at maaaring iwaksi ang lahat ng ganoong mga tao, dahil lalong nagiging praktikal ang gawain ng Diyos. Walang nakaaalam na bumaba ang Diyos mula sa langit, lingid din sa kaalaman nila na nagpadala ang Diyos ng pagkain at mga toniko mula sa langit—subalit talagang umiiral ang Diyos, at ang mga nakagaganyak na tagpo ng Milenyong Kaharian na naguguni-guni ng mga tao ay siya ring mga sariling pagbigkas ng Diyos. Katotohanan ito, at ito lamang ang tinatawag na paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Tumutukoy sa pagkakatawang-tao ang paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Hindi umiiral sa lupa ang hindi sa pagkakatawang-tao, at sa gayon ang lahat ng yaong mga tumutuon sa pagpunta sa ikatlong langit ay ginagawa ito nang walang kabuluhan. Isang araw, kapag nagbabalik sa Diyos ang buong sansinukob, susunod sa mga pagbigkas Niya ang sentro ng gawain Niya sa buong kosmos; sa ibang dako, may ilang mga taong gagamit ng telepono, ang ilan ay sasakay sa eroplano, ang ilan ay sasakay sa bangka patawid sa dagat, at ang ilan ay gagamit ng mga sinag upang makatanggap ng mga pagbigkas ng Diyos. Magiging masintahin ang lahat, at mapanabik, mapapalapit silang lahat sa Diyos, at magtitipun-tipon tungo sa Diyos, at sasamba lahat sa Diyos—at ang lahat ng ito ay magiging ang mga gawa ng Diyos. Tandaan ito! Tiyak na hindi kailanman magsisimulang muli ang Diyos sa ibang dako. Gagawin ng Diyos ang katotohanang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob at sambahin ang Diyos sa lupa, at titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod pababa sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang maiwasan ang taggutom, mapipilitan ang mga tao na hangarin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong relihiyosong pamayanan, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at darating ang mga tao at aasa sa Kanya. Iyon ang oras kung kailan mabubunyag ang mga gawa ng Diyos at kung kalian magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos; sasamba sa hindi kapansin-pansing “taong” ito ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob. Hindi ba ito ang magiging araw ng luwalhati ng Diyos? Isang araw, magpapadala ng mga telegrama ang mga matatandang pastor na naghahangad ng tubig mula sa bukal ng buhay na tubig. Matatanda na sila, subalit darating pa rin sila upang sumamba sa taong ito, na minaliit nila. Kikilalanin nila Siya sa mga bibig nila at magtitiwala sa Kanya sa mga puso nila—hindi ba ito isang tanda at isang kababalaghan? Kapag nagagalak ang buong kaharian ay magiging araw ng luwalhati ng Diyos, at kung sinuman ang darating sa inyo at tatanggap sa mabuting balita ng Diyos ay pagpapalain ng Diyos, at ang mga bansa at ang mga taong gagawin ito ay pagpapalain at aalagaan ng Diyos. Magiging ganito ang hinaharap na pangangasiwa: Yaong mga makakamit ang mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos ay magkakaroon ng landas na lalakaran sa lupa, at maging sila man ay mga mangangalakal o mga siyentipiko, o mga tagapagturo o mga industriyalista, mahihirapang gumawa kahit isang hakbang yaong mga walang mga salita ng Diyos, at mapipilitan silang hangarin ang tunay na daan. Ito ang ibig sabihin ng, “Kasama ang katotohanan ay lalakarin mo ang buong mundo; nang walang katotohanan, wala kang mararating.” Ganito ang mga katotohanan: Gagamitin ng Diyos ang Daan (na nangangahulugang lahat ng mga salita Niya) upang atasan ang buong sansinukob at pamahalaan at lupigin ang sangkatauhan. Palaging umaasa ang mga tao sa malaking pagbabago sa mga paraan kung saan gumagawa ang Diyos. Sa malinaw na pananalita, sa pamamagitan ng mga salita pinamamahalaan ng Diyos ang mga tao, at dapat mong gawin ang sinasabi Niya nais mo man o hindi; isa itong walang-kinikilingang katotohanan, at dapat sundin ng lahat, at kaya ito rin ay walang tinag, at alam ng lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian
Lalaganap ang mga salita ng Diyos sa hindi mabilang na mga tahanan, magiging kilala sila sa lahat, at saka lamang lalaganap ang gawain Niya sa buong sansinukob. Na ang ibig sabihin, kung ang gawain ng Diyos ay lalaganap sa buong sansinukob, dapat ipalaganap ang mga salita Niya. Sa araw ng luwalhati ng Diyos, ipakikita ng mga salita ng Diyos ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Magagawa at magaganap ang bawat isa sa mga salita Niya mula pa sa panahong hindi na abot ng gunita hanggang ngayon. Sa paraang ito, ang luwalhati ay mapapasa-Diyos sa lupa—na ang ibig sabihin, maghahari ang mga salita Niya sa lupa. Kakastiguhin ng mga salitang sinabi mula sa bibig ng Diyos ang lahat ng buktot, pagpapalain ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya ang lahat ng matuwid, at ang lahat ay itatatag at gagawing ganap ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya. Ni hindi Siya magpapamalas ng anumang mga tanda o mga kababalaghan; magagawa ang lahat ng mga salita Niya, at magbubunga ng mga katotohanan ang mga salita Niya. Ipagdiriwang ng lahat ng nasa lupa ang mga salita ng Diyos, maging mga nasa hustong gulang man sila o mga bata, lalaki, babae, matanda, o bata, magpapasakop sa ilalim ng mga salita ng Diyos ang lahat ng mga tao. Nagpapakita sa katawang-tao ang mga salita ng Diyos, pinahihintulutan ang mga tao na makita ang mga ito sa lupa, matingkad at makatotohanan. Ito ang kahulugan upang magkatawang-tao ang Salita. Dumating ang Diyos sa lupa, una sa lahat, upang magawa ang katotohanan ng “nagkatawang-tao ang Salita,” na ang ibig sabihin, dumating Siya upang maibigay mula sa katawang-tao ang mga salita Niya (hindi katulad ng panahon ni Moises sa Lumang Tipan, kung kailan tuwirang lumabas ang tinig ng Diyos mula sa himpapawid). Matapos iyon, matutupad ang lahat ng mga salita Niya sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, magiging mga katotohanan sila na tambad sa harap ng mga mata ng mga tao, at pagmamasdan sila ng mga tao gamit ang sarili nilang mga mata nang walang kahit bahagyang pagkakaiba-iba. Ito ang sukdulang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Na ang ibig sabihin, nagagawa ang gawain ng Espiritu sa pamamagitan ng katawang-tao, at sa pamamagitan ng mga salita. Ito ang tunay na kahulugan ng “nagkatawang-tao ang Salita” at “ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.” Tanging ang Diyos ang maaaring magsalita ng kalooban ng Espiritu, at tanging ang Diyos sa katawang-tao ang maaaring magsalita sa ngalan ng Espiritu; ginawang payak ang mga salita ng Diyos sa Diyos na nagkatawang-tao, at ang lahat ng iba ay ginagabayan ng mga iyon. Walang sinuman ang nakabukod, umiiral silang lahat sa loob ng saklaw na ito. Tanging mula sa mga pagbigkas na ito maaaring maging may kamalayan ang mga tao; nananaginip nang gising yaong mga hindi nagkakamit sa paraang ito kung iniisip nilang maaari nilang makamit ang mga pagbigkas mula sa langit. Ganoon ang awtoridad na ipinakikita sa katawang-tao ng Diyos, na nagdudulot sa lahat na paniwalaan ito nang may ganap na pananalig. Kahit na ang pinakakagalang-galang na mga dalubhasa at mga relihiyosong pastor ay hindi maaaring magsalita ng mga salitang ito. Dapat magpasakop silang lahat sa ilalim ng mga ito, at walang makagagawa ng isa pang simula. Gagamitin ng Diyos ang mga salita upang lupigin ang sansinukob. Gagawin Niya ito hindi sa katawang-tao Niya, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao upang lupigin ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob; tanging ito ang Salita na nagkatawang-tao, at tanging ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao. Marahil, sa mga tao, lumilitaw na parang hindi nakagagawa ng maraming gawain ang Diyos—ngunit kailangan lamang bigkasin ng Diyos ang mga salita Niya, at lubusan silang mapaniniwala at mapahahanga. Nang walang katotohanan, sumisigaw at humihiyaw ang mga tao; sa mga salita ng Diyos, nananahimik sila. Tiyak na magagawa ng Diyos ang katotohanang ito, sapagkat ito ang matagal nang itinatag na plano ng Diyos: magawa ang katotohanan ng pagdating ng Salita sa lupa. Talaga lamang, walang pangangailangan para magpaliwanag Ako—ang pagdating ng Milenyong Kaharian sa lupa ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos sa lupa. Ang pagbaba ng Bagong Jerusalem mula sa langit ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos upang mamuhay sa gitna ng tao, upang samahan ang bawat kilos ng tao at sa lahat ng mga pinakaloob na saloobin niya. Isa rin itong katotohanang magagawa ng Diyos; ito ang kagandahan ng Milenyong Kaharian. Ito ang planong itinakda ng Diyos: Magpapakita ang mga salita Niya sa lupa nang isang libong taon, at ipamamalas ng mga ito ang lahat ng mga gawa Niya, at gagawing ganap ang lahat ng gawain Niya sa lupa, na pagkatapos nito ang yugtong ito ng sangkatauhan ay darating sa katapusan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian