Dapat Kang Maging Matapat Upang Maligtas
Noong Agosto 2021, pumunta ako sa isang iglesia para diligan ang mga baguhan. Pagkaraan ng ilang panahon, nalaman ko na may isang baguhan na medyo mayabang ang disposisyon, madalas igiit ang sarili niyang mga ideya, at hindi makasundo sa trabaho ang kanyang mga kapatid. Nang payuhan siya ng iba tungkol sa kanyang problema, hindi lang siya tumangging makinig, nakipagtalo rin siya tungkol sa tama at mali, at hinusgahan sila at kinondena habang nakatalikod sila, na naging sanhi para madama nila na pinipigilan niya sila at ginagambala ang gawain ng iglesia. Ayon sa prinsipyo, dapat siyang palitan. Gayunpaman, mayroon akong ilang ipinag-aalala, dahil batid ko na dapat ko siyang bahaginan tungkol sa isyung ito, pero hindi pa ako naging isang lider o manggagawa dati, hindi pa ako nakapagbahagi kaninuman tungkol sa paksang ito, at hindi ko alam kung paano ko iyon dapat gawin. Pero ayaw kong tanungin ang superbisor, sa takot na kapag nalaman niya na hindi ko kayang asikasuhin kahit ang problemang ito, iisipin niyang wala akong kakayahan, at malinaw niyang makikita ang pagkukulang ko, at hindi na ako pahahalagahan o lilinangin pa. Naisip ko rin na totoong French ang baguhang ito, at na hindi ako masyadong mahusay magsalita ng French. Kung hindi ko malinaw na ipinahayag ang sarili ko, magiging negatibo at manghihina ang baguhan at aatras siya sa kanyang pananampalataya, at magiging kasalanan ko ito. Paulit-ulit ko itong pinag-isipan, at ipinasa ko ang usapin sa lider ng iglesia na si Brother Claude para asikasuhin ito. Nakahanap pa ako ng marangal na pakinggang katwiran, na pagsasanay ito para kay Claude, para matuto siya kung paano lumutas ng mga problema nang mag-isa. Pero kalaunan, dahil hindi niya malinaw na ipinaliwanag ang mga bagay-bagay nang magbahagi siya, naging negatibo ang baguhan at nagkaroon ng mga di-pagkakaunawaan, at umatras ito at tumigil sa paniniwala. Dahil dito, labis na nalungkot si Claude. Sinabi niya na napakatanga niya para magbahagi. Alam ko na responsibilidad ko ang problemang ito, pero hindi ko hinimay nang tapat ang problema ko sa kanya. Kalmado akong nagbahagi sa kanya at sinuri ko ang kanyang mga kamalian. Hindi lang hindi ko ibinunyag ang tunay kong sitwasyon, hinayaan ko rin siyang magkamali sa paniniwala na napakagaling kong lumutas ng mga problema.
Makalipas ang ilang araw sa isang pagtitipon, pinuna ng lider namin ang kalagayan ko sa kanyang pagbabahagi. Sinabi niya na isang manggagawang tagapagdilig ang gumanap sa kanyang mga tungkulin nang hindi umaako ng responsibilidad. Nang maharap siya sa problema ay hindi siya mismo ang lumutas niyon, kundi ipinasa niya ang paggawa niyon sa isang baguhang lider, kaya hindi nalutas nang maayos ang mga problema at umatras ang isang baguhan. Nang marinig ko na tahasang tinukoy ng lider ang problema ko, hiyang-hiya ako, at nadama ko na labis akong napahiya. Naroon ang mga superbisor at manggagawang tagapagdilig mula sa ilang iglesia. Ano na lang ang iisipin sa akin ng lahat ng nakarinig niyon? Tiyak na iniisip nila na hindi ako dapat pagkatiwalaan. Nang matapos ang kanyang pagbabahagi, hinayaan niyang makapagsalita ang lahat. Naisip ko, “Napakadiretso ng pagsasalita ng lider dito, at tungkol sa akin iyon. Kung hindi ako magbabahagi ngayon, hindi ba magmumukhang ayaw kong tumanggap ng pagpupungos? Siguradong napakasama ng magiging impresyon ng lider.” Para maipanumbalik ang aking imahe, ako muna ang nagbahagi, at sinabi ko nang may bahagyang paghikbi, “Labis akong nagsisisi na hinayaan kong mangyari ang ganito. Nakikita ko na ngayon na napaka-iresponsable kong tao.” Matapos ipakita ang kaalaman ko sa sarili, sinimulan kong ipaliwanag ang sarili ko, na sinasabing, “Dati ay nagsikap na akong alamin ang sitwasyon ng baguhan at nagbahagi ako sa kanya tungkol sa salita ng Diyos, at nagsumikap akong tulungan at suportahan siya. Pero dahil hindi kami magkaintindihan, pagdating sa pagtatanggal sa kanya, ipinasa ko kay Claude ang pag-aasikaso rito. Hindi ko isinaalang-alang ang mga kahihinatnan nito, na naging dahilan para umurong ang baguhan.” Pagkatapos ng usapan, pinadalhan ako ng mensahe ng isang sister at prangkahang sinabing, “Masyadong malambing ang tono ng pananalita mo, medyo tantiyado. Hindi iyon komportableng pakinggan, na para bang sinasabi mo sa mga tao na alam mo nang mali ka, at hindi ka nila dapat pagsabihan palagi.” Nang mabasa ko ang mensahe, nag-init agad ang mukha ko at nakadama ako talaga ng kahihiyan. Masyadong nakakahiya, na parang inilalantad ng isang tao ang panlilinlang ko. Pagkatapos niyon, isinapuso ko na palagi ang mga salita ng sister. Naisip ko, prangkahan niyang ipinaalam ang mga problema ko, at tiyak na layunin iyon ng Diyos. Dapat akong magnilay-nilay na mabuti at magsikap na mas maunawaan ang sarili ko. Habang nagninilay-nilay, natanto ko na sa tuwing pinupungusan ako, kusa ko palaging inamin ang mga problema ko at pagkatapos ay ipinahayag ko ang mga totoong paghihirap ko sa malungkot at may hinanakit na tono para makuha ko ang simpatiya at pag-unawa ng iba, para maawa sa akin ang lahat at maunawaan ako at hindi na ako panagutin. Kasabay nito ay gusto ko ring maramdaman ng iba na kaya kong tumanggap ng pagpupungos, at magkaroon sila ng magandang impresyon sa akin. Noon ko lang natanto na puno ng panlilinlang ang mga salita ko. Kasunod niyon, nagtuon ako sa isyu habang kumakain at umiinom ng salita ng Diyos.
Isang araw, naalala ko ang pag-uusap ng Diyos at ni Satanas sa Bibliya: “At sinabi ni Jehova kay Satanas, ‘Saan ka nanggaling?’ Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, ‘Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon’” (Job 1:7). Nailantad at nasuri ng Diyos ang paraan ng pagsasalita ni Satanas: “Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at nakapanlilihis. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: ‘Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?’ Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: ‘Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!’ Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang ‘pagkadalubhasa’ sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao? Ang lahat ng may gayong kalikasan ay may malapit na ugnayan kay Satanas, kung hindi nama’y pamilya nito. Maaari natin itong sabihin na ganito nga, hindi ba? Sa pangkalahatan, ang ganitong pagpapamalas ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Dati-rati, nang mabasa ko na sinabi ng Diyos na si Satanas ay nagsasalita sa isang nakapagliligaw at nakapanlilihis na paraan, pakiramdam ko palagi ay na ang mga taong kayang gumamit ng mga panlolokong ito ay pawang mga tuso at mautak. Ngunit nang mabasa ko ang salita ng Diyos ay natuklasan ko na ganito rin ang pag-uugaling ipinakita ko. Nang ilantad ako ng lider sa harap ng aking mga kapatid, sa tingin ay tinanggap ko iyon at inamin ko na hindi naging responsable ang kilos ko. Ang totoo, hindi ko talaga iyon tinanggap, at pakiramdam ko ay naging masama ang pagtrato sa akin. Nadama ko na matagal ko nang hindi nagagawa ang tungkuling ito, kaya maaaring patawarin ang mga problemang ito. Bakit niya ako deretsahang inilantad sa pagtitipon, nang hindi ako binigyan ng kahit kaunting kahihiyan? Pagkatapos niyon, siguradong inisip ng lahat na hindi ako mapagkakatiwalaan at iresponsable ako. Para maipanumbalik ang aking imahe, para isipin ng mga kapatid na kaya kong tumanggap ng pagpupungos, kusa kong inamin ang pagkakamali ko, at nagsalita ako sa malambing na tono na may sadyang paghikbi, dahil gusto kong sabihin sa mga tao na alam ko nang mali ako, na nakokonsiyensya at lungkot na lungkot ako noon, at na hindi na nila ako dapat sisihin; na kaya kong itama ang aking mga pagkakamali at tanggapin ang katotohanan. Sa tingin, mukhang kilala ko ang aking sarili, pero ang totoo ay ginamit ko ang pamamaraang ito para manahimik ang mga tao at pigilan silang patuloy na pag-usapan ang aking mga problema o panagutin ako. Ito ang tunay kong intensyon. Nang pagnilayan ko ito, saka ko lang natanto na madaya ako at tuso na katulad ni Satanas. Ang aking mga salita ay puno ng mga pakana na ilihis at lituhin ang mga tao. Ang iresponsableng paraan na ginawa ko ang aking tungkulin ay nagsanhi ng mga problema at tinawag ako ng lider. Hindi lang ako hindi nagsisi, kundi nagkunwari pa ako sa harap ng mga kapatid na may kaalaman ako sa sarili, para isipin nila na kaya kong tanggapin ang katotohanan. Tuso at mapanlinlang talaga ako! Ang hayagang pagsasalita at pagkilala sa sarili ay dapat maging mga pagpapamalas ng pagsasagawa ng katotohanan, pero ang aking prangkahang pagtatapat ay may mga panlilinlang, para bigyang-katwiran ang sarili ko na umiwas sa responsibilidad. Napakadaya ko talaga!
Pagkatapos niyon, nakita ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos na naghahayag sa masamang disposisyon ng mga tao. Sabi ng Diyos: “Ang panlilinlang ay kadalasang nakikita sa panlabas: May isang taong nagpapaligoy-ligoy o gumagamit ng mabulaklak na pananalita, at walang nakakabasa ng kanyang iniisip. Iyon ay panlilinlang. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutan? Ito ay na sadyang masarap sa pandinig ang kanyang mga salita, at ang lahat ng bagay ay parang tama sa panlabas. Mukhang walang anumang problema, at mukhang maayos ang mga bagay sa bawat anggulo. Kapag may ginagawa siya, hindi mo siya makikitang gumagamit ng anumang partikular na diskarte, at sa panlabas, walang anumang tanda ng mga kahinaan o kapintasan, pero naisasakatuparan niya ang kanyang mithiin. Ginagawa niya ang mga bagay sa isang masyadong malihim na paraan. Ganito inililihis ng mga anticristo ang mga tao. Ang ganitong mga tao at bagay ang pinakamahirap kilatisin. May ilang tao na madalas na nagsasabi ng mga tamang bagay, gumagamit ng mga magagandang palusot, at gumagamit ng mga partikular na doktrina, kasabihan, o kilos na umaayon sa pagkagiliw ng tao upang manlinlang ng mga tao. Nagkukunwari silang gumagawa ng isang bagay habang gumagawa ng iba pa upang maisakatuparan ang kanilang lihim na layunin. Ito ay kabuktutan, pero itinuturing ng karamihan ng mga tao ang mga pag-uugaling ito bilang mapanlinlang. Ang mga tao ay mayroong medyo limitadong pang-unawa at paghimay sa kabuktutan. Ang totoo, mas mahirap kilatisin ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang dahil mas palihim ito, at mas sopistikado ang mga paraan at kilos nito. Kung ang isang tao ay may isang mapanlinlang na disposisyon, kadalasan, nahahalata ng iba ang kanyang panlilinlang sa loob ng dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha sa kanya, o nakikita nila ang pagbubunyag ng kanyang mapanlinlang na disposisyon sa kanyang mga kilos at salita. Gayunpaman, ipagpalagay nating buktot ang taong iyon: Hindi ito isang bagay na makikilatis sa loob lang ng ilang araw, dahil kung walang anumang mahalagang pangyayari o espesyal na sitwasyong magaganap sa isang maikling panahon, hindi madaling makakilatis ng anumang bagay mula lang sa pakikinig sa kanyang magsalita. Palaging tama ang mga sinasabi at ginagawa niya, at naglalahad siya ng sunud-sunod na tamang doktrina. Pagkalipas ng ilang araw ng pakikisalamuha sa kanya, puwede mong isipin na ang taong ito ay medyo magaling, nagagawang tumalikod sa mga bagay-bagay at gumugol ng kanyang sarili, may espirituwal na pang-unawa, may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at parehong may konsensiya at katwiran sa paraan ng kanyang pagkilos. Pero pagkatapos niyang mangasiwa ng ilang usapin, makikita mong ang kanyang pananalita at mga kilos ay nahahaluan ng napakaraming bagay, ng napakaraming mala-diyablong layunin. Napapagtanto mong ang taong ito ay hindi matapat kundi mapanlinlang—isang buktot na bagay. Madalas siyang gumagamit ng mga tamang salita at magagandang parirala na naaayon sa katotohanan at nagtataglay ng pagkagiliw ng tao upang makisalamuha sa mga tao. Sa isang banda, itinatatag niya ang kanyang sarili, at sa isa pa, inililihis niya ang iba, nagkakamit ng katanyagan at katayuan sa mga tao. Ang ganoong mga indibidwal ay labis na mapanlihis, at sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan at katayuan, kaya na nilang manlihis at maminsala ng maraming tao. Lubhang mapanganib ang mga taong may mga buktot na disposisyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Ibinubunyag ng salita ng Diyos na ang pangunahing katangian ng mga taong may masasamang disposisyon ay na malihim sila sa mga salita at gawa. Para itago sa iba ang kanilang mga intensyon, lagi silang gumagamit ng mga tamang salita, at ng mga pamamaraan na alinsunod sa damdamin ng tao at tila naaayon sa katotohanan para makamtan ang kanilang lihim na motibo. Pinag-isipan ko ang mga bagay na nagawa ko; parehong panlilinlang iyon: Hindi ko kayang asikasuhin ang mga problema ng baguhan, kaya para maitago ang tunay kong tayog sa superbisor ko, ipinasa ko ang isyu sa baguhang lider. Nakahanap pa nga ako ng isang parang marangal na dahilan: Pagsasanay ito para kay Claude, para turuan siya kung paano lutasing mag-isa ang mga problema. Sa huli, hindi niya ito nagawa nang maayos, at binahaginan ko siya at ibinuod ang kanyang mga pagkakamali. Hindi lang ako nabigong ilantad ang tunay kong pagkatao, nagpakita rin ako ng magandang imahe sa harap niya para mapaniwala siya na magaling ako sa pagharap sa mga isyung ito. Nang ilantad ako ng lider ko, para maipanumbalik ang aking imahe sa puso ng lahat, inamin ko ang aking mga pagkakamali para tumigil sa pagsasalita ang iba pang mga tao, at humihikbi pa nga ako habang nagsasalita para kaawaan at unawain ako ng lahat at isipin nila na kaya kong tanggapin ang katotohanan, kilala ko ang aking sarili, at nagsisisi ako. Sa gayong paraan, hindi na nila ako papanagutin. Matapos pagnilayan ang aking mga salita at gawa ayon sa mga salita ng Diyos, nakita ko na napakasama ko talaga. Gumamit ako ng mga salitang tila naaayon sa pagkasensitibo ng mga tao at sa katotohanan para pagtakpan ang sarili kong kasuklam-suklam na mga motibo, at sa gayon ay ilihis at lituhin ang mga tao. Talagang isa akong taong masama, mapanlinlang at tuso. Dati-rati, kapag nakabasa ako ng mga salita ng Diyos na nagbubunyag sa masamang disposisyon ng mga tao, hindi ko ikinumpara ang sarili ko roon, iniisip na hindi ako ganoong tao. Nang mabunyag ako ng mga katunayan, at matapos kong higit na suriin ang aking sarili batay sa mga salita ng Diyos, sa huli ay nagkaroon ako ng kaunting kaalaman tungkol sa aking masamang disposisyon.
Sa patuloy na pagninilay ay natanto ko na naipakita ko ang aking masamang disposisyon sa maraming aspeto. Naalala ko, kamakailan, hiniling sa akin ng superbisor na ipasa ang isang trabaho kay Sister Marina at hayaan siyang pumalit sa akin. Nang marinig ko ang pagsasaayos na ito, nadismaya ako. Mahigit dalawang taon nang mag-isa akong responsable sa gawaing ito, at inisip ko na walang sinumang makakapalit sa akin sa tungkuling ito. Hindi ko inakala na ibibigay ito sa iba. Gusto kong tanungin talaga ang superbisor kung puwede kong ipagpatuloy ang pamamahala sa gawaing ito, pero natakot ako na baka isipin ng superbisor na masyado akong ambisyosa at hindi makatwiran, kaya hindi ako kumibo. Sa tingin, sumunod ako, pero nang ipasa ko ang trabaho, ginamit ko ang presensya ng superbisor at ni Marina para sadyang banggitin ang ilang mahahalagang detalye sa gawaing ito. Gusto kong makita nila na ang karanasang naipon ko at ang mga prinsipyong natutuhan ko sa pagganap sa tungkuling ito ay hindi maaaring matutuhan sa loob lang ng ilang araw o linggo, para baka sakaling hayaan ako ng superbisor na patuloy na gumanap sa tungkuling ito. Tulad ng inaasahan, matapos ang pagpapasa, tinanong ako ng superbisor kung puwede kong turuan pa nang kaunti si Marina. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko ito. Kahit hindi ko nagawang patuloy na maging responsable sa gawain, natupad ang sarili kong pakay sa mga sinabi ko. Pagkatapos niyon, tuwing may mga problema at paghihirap si Marina sa tungkulin niya, lumalapit siya sa akin, para suriin at husgahan ko ang mga bagay-bagay, at hilingan din akong repasuhin ang bawat gawain. Sa ganitong paraan, lihim kong naibalik ang kapangyarihan sa sarili kong mga kamay. Sa detalyadong paggunita sa aking pag-uugali sa panahong iyon, malinaw na ayaw kong palitan ako ng iba, pero para hindi isipin ng superbisor na mayabang ako at hindi makatwiran, ginamit ko ang pagkakataong ipasa ang trabaho para ipagyabang ang aking mga kwalipikasyon, at nakuha ko ang pagsang-ayon ng superbisor. Sa ganitong paraan, tagumpay kong napanatili ang paghawak sa kapangyarihang ito, at “mautak” kong itinago ang sarili kong mga intensyon. Nang lalo kong pinagnilayan ang pag-uugali ko, lalo akong natakot. Hindi ako talaga nangahas na maniwala na ganitong klaseng tao ako.
Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbubunyag sa masasamang disposisyon ng mga anticristo na nagbigay sa akin ng kaunti pang kaalaman sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isang halatang katangian ang kabuktutan ng mga anticristo, at ibabahagi Ko sa inyo ang sekreto sa pagkilatis dito: Ito ay na kapwa sa kanilang pananalita at sa kilos, hindi mo maarok ang kaibuturan nila o makilatis ang puso nila. Kapag kinakausap ka nila, umiikot ang mga mata nila, at hindi mo malaman kung anong klaseng pakana ang binabalak nila. Minsan, pinaparamdam nila sa iyo na tapat o talagang sinsero sila, pero hindi ito totoo—hindi mo sila kailanman makikilatis. May partikular kang nararamdaman sa puso mo, nararamdaman mo na may natatago silang intensiyon sa mga isipan nila, isang di-maarok na kalaliman, na sila ay mapanlinlang” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). “Dito, ang ibig sabihin ng ‘tuso’ ay mapanira at mapanlinlang, at tinutukoy nito ang di-normal na pag-uugali. Ang pagiging di-normal na ito ay tumutukoy sa pagiging tagong-tago at hindi maintindihan ng normal na tao, na hindi nakikita kung ano ang iniisip o ginagawa ng mga ganitong tao. Sa madaling salita, ang mga pamamaraan, motibo, at panimulang punto ng mga pagkilos ng ganitong tipo ng tao ay partikular na mahirap maarok, at minsan mapagpanggap at palihim din ang pag-uugali nila. Sa madaling salita, may isang termino na makakapaglarawan ng aktuwal na pagpapamalas at kalagayan ng pagiging tuso ng isang tao, iyon ay ang ‘kawalan ng kalinawan,’ dahil dito, ang mga ito ay nagiging mahirap maarok at hindi maunawaan ng iba. Ang mga pagkilos ng mga anticristo ay may ganitong kalikasan—ibig sabihin, kapag napagtanto mo at nadama mo na hindi direkta ang mga layunin nila sa paggawa ng isang bagay, lubhang nakakatakot ito para sa iyo, pero sa maikling panahon o sa kung anong dahilan, hindi mo pa rin mahalata ang mga motibo at layunin nila, at walang kamalayan mo lang na nadarama na tuso ang mga kilos nila. Bakit ka nagkakaroon ng ganitong uri ng pakiramdam sa kanila? Sa isang banda, ito ay dahil walang sinumang kayang makadama ng sinasabi o ginagawa nila. Isa pa ay palagi silang paliguy-ligoy magsalita, inililihis ka nila, sa kalaunan ay hindi ka na sigurado kung alin ba sa mga pahayag nila ang totoo at alin ang di-totoo, at kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga salita nila. Kapag nagsisinungaling sila, iniisip mong ito ang katotohanan; hindi mo alam kung aling pahayag ang totoo o di-totoo, at palagi mong nararamdaman na nilinlang at dinaya ka. Bakit umuusbong ang ganitong pakiramdam? Ito ay dahil ang mga ganitong tao ay hindi kailanman kumikilos nang malinaw; hindi mo malinaw na makikita kung ano ang ginagawa nila o kung ano ang pinagkakaabalahan nila, kaya hindi mo maiiwasang pagdudahan sila. Sa huli, nakikita mo na ang disposisyon nila ay mapanlinlang, mapanira, at buktot din” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang napakasasamang disposisyon ng mga anticristo. Palaging may lihim na motibo sa likod ng sinasabi at ginagawa nila, kaya imposible silang maarok. Para makamit ang sarili nilang mga layon, madalas gumamit ang mga anticristo ng mga ilusyon at tusong pamamaraan para linlangin at ilihis ang mga tao. Niloloko nila ang iba para walang sinumang makaalam kung alin sa mga salita nila ang tama o mali. Ang pag-uugali ko ay tuso na katulad ng isang anticristo; lahat ng sinabi at ginawa ko ay palaging may personal na mga motibo. Nang magkaroon ako ng problema sa pagganap sa aking tungkulin, nag-isip ako nang husto para makakita ng mga paraan na maiwasan iyon, at para hindi rin mailantad ang tunay kong tayog sa superbisor ko. Nang ilantad ng lider ko ang mga problema sa aking tungkulin, ang inisip ko ay kung paano ipararamdam sa mga tao na isa akong taong tumanggap sa katotohanan, at kung paano iwasan ang aking responsibilidad. Nang gustuhin kong agawin ang kapangyarihan at manatili sa aking posisyon, tinantiya ko kung paano hindi mabubunyag ang aking mga ambisyon, at kung paano matitiyak na hahayaan ako ng superbisor na patuloy na makialam sa gawain at mapasaakin ang huling salita. Hindi ko inisip kailanman na may mga lihim na motibo sa likod ng aking mga salita at gawa! Para maprotektahan ang aking reputasyon at posisyon, ang inisip ko lang ay kung paano pagtatakpan ang sarili ko at linlangin ang iba. Lalo na sa harap ng aking lider at superbisor, pinag-isipan kong mabuti ang bawat salitang sinabi ko, kung aling mga salita ko ang parehong makakamit ang aking layunin at epektibong maitatago ang tunay kong iniisip. Isa itong anticristong disposisyon! Nang pagnilayan ko ito, medyo natakot ako. Hinihingi ng Diyos sa atin na maging matatapat na tao at sabihin kung ano talaga ang iniisip natin, at maging tapat tungkol sa katiwaliang ibinubunyag natin, kung ano ang hindi natin nauunawaan at kung ano ang hindi natin kayang gawin. Pero ang inisip ko palagi ay kung paano magpanggap, kung paano ako titingalain ng mga tao, at kung paano mapanatili ang aking imahe. Lahat ng ginawa ko ay tantiyado, palihim at tuso, at ang tanging ibinunyag ko ay ang mapanlinlang at masamang disposisyon ni Satanas. Nang matanto ko ito, nagsimulang magdaan ang mga tagpo sa aking alaala. Naalala ko ang kabataan ko—itinuro sa akin ng aking ina na “Ang mabibilis na kabayo ay hindi nangangailangan ng latigo, ang malalakas na tambol ay hindi nangangailangan ng mabibigat na maso,” kaya palagi akong nagsikap na maging isang “mabilis na kabayo” at “malakas na tambol,” at isang masunurin at mabait na bata. Kung may ginawa akong mali, inaamin ko kaagad iyon nang hindi na ako pinapaalalahanan. Babahagya akong pinagalitan o dinisiplina ng mga magulang ko habang lumalaki ako, kaya pakiramdam ko ay maiiwasan ko ang maraming pagdurusa kung magiging mulat ako sa sarili at aaminin ko ang mga pagkakamali ko. Halimbawa, kung bumagsak ako sa isang pagsusulit, para hindi ako sisihin o pagalitan ng mga magulang ko, bago pa sila makapagsalita, umiiyak na ako, at nagkukunwaring miserable. Hindi makatiis ang mga magulang ko kapag umiiyak ako. Takot sila na hindi ko na kayanin pa ang dagdag na pamimilit, kaya hindi na nila ako sinisisi. Sa halip, inaalo nila ako. Kaya natakasan ko ang pagsaway ng mga magulang ko, at nanatiling buo ang paggalang ko sa sarili. Pagkatapos maniwala sa Diyos, ganito pa rin ako. Kapag nabigo akong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at kailangan kong akuhin ang responsibilidad, nagkukunwari akong miserable at ipinagtatanggol ko ang sarili ko para pagtakpan ang walang-ingat at iresponsableng pag-uugali ko para hindi ako pungusan ng sinuman. Ang pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya ng mga makamundong pakikitungo ay ginawa talaga akong mas tuso at mapanlinlang. Mahusay ako talaga sa pag-akma sa sitwasyon, gamit ang maraming tusong panloloko, at ako ang naging imahe mismo ni Satanas. Ang pinaka-nakakatakot na bagay ay na ang mga panloloko at pandaraya ay parang normal na sa akin. Kung hindi ako binalaan at inilantad ng aking sister, hindi sana ako nagkaroon ng kahit kaunting kamalayan o nakaramdam man lang ng anumang kahihiyan. Naisip ko ang salita ng Diyos: “Inililigtas ng Diyos ang matatapat na tao, at ang mga gusto Niya para sa Kanyang kaharian ay matatapat na tao. Kung may kakayahan kang magsinungaling at mandaya, isa kang mapanlinlang, buktot, at mapaminsalang tao; hindi ka matapat na tao. Kung hindi ka matapat na tao, imposibleng iligtas ka ng Diyos, imposible ka ring maligtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). “Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Mula sa salita ng Diyos, makikita natin na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Ang mga taong mapanlinlang ay may napakaraming madilim na aspeto sa puso nila. Ang kanilang mga salita at kilos ay laging nandaraya at nanlilihis sa mga tao, at hindi nila kailanman isinasagawa ang salita ng Diyos. Kahit ilang taon pa silang naniniwala sa Diyos, hindi nagbabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at hinding-hindi sila magkakamit ng kaligtasan. Nang maintindihan ko ito, nadama kong talagang nanganganib ako. Nagdasal ako sa Diyos para sabihin na nais kong magsisi, at hiniling ko sa Diyos na gabayan at tulungan akong gumawa ng tunay na pagbabago.
Isang araw, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Maging matapat ka; manalangin ka sa Diyos na alisin ang panlilinlang sa puso mo. Dalisayin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng panalangin sa lahat ng oras, maantig ka ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at unti-unting magbabago ang iyong disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin). “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ang matutuhan kung paano maging bukas kapag nagbabahagi ay ang unang hakbang sa buhay pagpasok. Susunod, kailangan mong matutong himayin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, habang inaalis ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong mapanlinlang na disposisyon, na sinungaling at bulaan; pakiramdam mo ay wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinasusuklaman ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagpapasakop. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, o magkukubli ng mga bagay-bagay, kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, hindi itatago ang iyong mga kaloob-loobang ideya at saloobin, sa halip ay hahayaang makita ng iba ang tapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Umantig sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Ang mga hinihingi ng Diyos ay totoong napakasimple. Ang mga iyon ay na tayo ay magsalita at kumilos nang dalisay at tapat, na sa puso natin ay wala tayong panlilinlang, at walang pagkukunwari o panloloko, na mayroon tayong matapat na puso sa Diyos, at na tayo ay tapat sa iba. Kung tayo ay may nagawang mali o nagsinungaling, kailangan nating aminin ito at pagnilayan ang sarili natin, at tanggapin ang katotohanan nang may taos na saloobin. Sa ganitong paraan lang natin unti-unting malulutas ang ating mga satanikong disposisyon. Naisip ko ang ilang kapatid na pinungusan. Bagama’t nahiya sila sa oras na iyon, nagawa nilang tumanggap at magpasakop. Pagkatapos, maaari nilang hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili, at hanapin ang dahilan ng kanilang kabiguan. Pagkaraan ng kaunting panahon mas lalo silang umunlad, naging mas mahusay sa kanilang mga tungkulin, at nagkaroon ng patnubay ng Diyos. Ako naman, para mapanatili ang sarili kong imahe at posisyon, lagi akong gumawa ng mga hakbang para iwasan ang aking mga responsibilidad at para maiwasang mapungusan, at naisip ko sa sarili ko na ginagawa ko ang mga bagay sa matalinong paraan. Ano ang nakuha ko dahil dito? Pagkaraan ng mga taon ng paniniwala sa Diyos, hindi pa nagbago ang aking disposisyon sa buhay. Tuso pa rin ako, mapanlinlang, at masama. Ginawa ko ang aking tungkulin nang hindi inuunawa ang mga prinsipyo, at nang maharap ako sa mga problema ay hindi ko alam kung paano lutasin ang mga iyon. Saka ko lang natanto na sa paulit-ulit na paggamit ng mga panlilinlang para maiwasan ang responsibilidad at maiwasang mapungusan, tinanggihan ko talaga ang pagliligtas ng Diyos at nasira ang mga pagkakataon kong matamo ang katotohanan. At sa tuwing gagamit ako ng mga panlilinlang para makaiwas sa responsibilidad, kinailangan kong pag-isipan nang husto kung ano ang sasabihin at ano ang idadahilan. Maaaring malusutan ko itong minsan, pero sa susunod na dumating ang isang banta sa aking reputasyon at imahe, kailangan kong mag-isip ng ibang pamamaraan para linlangin ang mga tao. Ang mamuhay sa ganitong mapanlinlang at hindi tapat na kalagayan araw-araw ay masyadong nakakapagod, kinamumuhian at kinasusuklaman ito ng Diyos, at sa huli, sisirain ko ang mga pagkakataon kong matamo ang katotohanan at maligtas. Katalinuhan ba ito? Ako ay mangmang at hangal. Nang matanto ko ito, sabik kong ninais na lutasin ang anumang mapanlinlang at masasamang disposisyon at maging isang tapat na tao.
Sumagi sa isip ko na hindi pa rin alam ni Claude ang mga kasuklam-suklam kong motibo sa paghiling sa kanya na makipagbahaginan sa baguhan. Kung hindi ako nagtapat sa kanya, hindi lang sana siya hindi magkakaroon ng pagkakilala sa akin, kundi titingalain pa rin niya ako, at mananatili sa negatibong kalagayan at madarama na hindi niya kaya ang gawain. Kaya, nagpunta ako kay Claude, nagtapat sa kanya tungkol sa mga motibo ko sa pagpapadala sa kanya para makipagbahaginan sa baguhan, at sinabi ko sa kanya na may natutunan ako sa bagay na iyon. Sinabi ko rin na ako ang dapat sisihin sa halos lahat para sa pag-urong ng baguhan at na ako ay makasarili at kasuklam-suklam. Para lang protektahan ang sarili kong reputasyon at mga interes, nalinlang ko siya at ipinaako ko sa kanya ang responsibilidad. Tapos ay nagtapat siya sa akin tungkol sa kanyang pagninilay tungkol sa kanyang sarili, kaalaman, at kung ano ang kanyang natamo sa usaping ito. Matapos makipagbahaginan sa kanya, nakaramdam ako ng labis na kaginhawahan. Natanto ko na sa pagsasagawa lang ng katotohanan at pagiging isang matapat na tao natin madama ang kapayapaan ng isipan. Pagkatapos niyon, nag-organisa ng miting ang superbisor ko para pag-usapan ang mga pagkukulang sa gawain namin. Lubhang nabawasan ang pagiging epektibo ko noong buwan na iyon. Gusto kong takasan ang pulong na ito tungkol sa gawain, pero alam na alam ko na susuriin ng Diyos ang aking bawat salita at gawa para makita kung paano ako umasal—para makita kung babalikan ko pa ba ang dati kong mga panloloko para ipagtanggol ang aking imahe at posisyon, at pagtakpan ang aking mga pagkukulang at problema, o kung haharapin ko ang aking mga problema sa tungkulin ko, magsasalita ako nang hayagan, at magiging matapat na tao. Sinabi ko sa sarili ko na isagawa ang katotohanan, kahit na masira nito ang aking imahe. Kaya, ipinagtapat ko kung paano ako nagpadalos-dalos lang at nanloko sa aking gawain sa panahong iyon, at sinabing ibubuod ko ang aking mga problema at pagkakamali, itatama ang saloobin ko sa aking tungkulin, at magsusumikap akong maging mas epektibo. Matapos ang pagbabahaginang ito, nakaramdam ako ng labis na kaginhawahan, at nagkaroon ako ng kagustuhan at motibasyon na gampanan nang maayos ang tungkulin ko. Nang matapos ako, hindi ako hinamak ng aking mga kapatid. Sa halip, tinalakay nila sa akin ang ilang paraan ng pagsasagawa para sa pagganap sa aming mga tungkulin. Labis akong nakinabang mula sa kanilang pagbabahagi, at natutunan ko rin ang iba pang mga paraan para baguhin ang aking mga pagkakamali. Pagkatapos niyon, kapag ginagawa ko ang aking mga tungkulin ay isinasagawa ko ang mga paraang ito, at unti-unti akong naging mas epektibo sa gawain ko. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, tunay kong naramdaman na anuman ang nagagawa nating mga pagkakamali o katiwaliang ibinubunyag sa ating mga tungkulin, hangga’t kaya nating harapin ang mga bagay-bagay nang mahinahon, buksan ang ating puso, at hanapin ang katotohanan, hindi lang walang hahamak sa atin, mapagninilayan din natin ang ating sarili at magagampanan nang mas mabuti ang ating mga tungkulin. Naramdaman ko rin na ang mga nagsasagawa ng katotohanan at mga tapat na tao ang may pagkatao at dignidad, at sila lang ang tunay na nakakaramdam ng ginhawa at paglaya.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.