Hinding-hindi Ko na Muling Uunahin ang Aking Hantungan

Enero 25, 2023

Ni Mingzhi, Timog Korea

Sa huling papel na ginampanan ko, hindi ko sapat na pinag-isipan ang emosyonal na kalagayan ng karakter, o inunawang mabuti ang kanyang pagkatao. Ginampanan ko lang ito base sa sarili kong pag-unawa. Sa panlabas, tinanggap ko ang payo ng direktor, pero sa loob-loob ko ay pinanatili ko ang sarili kong paraan ng pag-iisip. Dahil dito, hindi umakma sa karakter ang pagganap ko, at hindi maganda ang kinalabasan ng pelikula. Binago ng lider ang tungkulin ko at itinalaga akong magpalaganap ng ebanghelyo. Ang aking pagmamataas, pagmamatigas, at pagkabigong gawin nang maayos ang tungkulin ko ay nakaantala sa proseso ng pelikula. Sumama talaga ang loob ko, kaya gusto kong ibahagi ang ebanghelyo at gumawa ng mabubuting gawa para makabawi sa mga paglabag ko. Pagkatapos niyon, nagtrabaho ako nang mahabang oras sa pagpapalaganap ng ebanghelyo para mabayaran ang pagkakamali ko. Medyo marami akong napabalik-loob, na talagang nagpasaya sa akin at nagbigay sa akin ng motibasyon sa tungkulin ko.

Kaya sa pagkakataong ito, nang hilingin ng lider sa akin na mag-awdisyon, tutol ako. Sa tingin ko ay hindi ako angkop maging artista. Nabigo ako noon, kaya naisip ko na malamang mabibigo rin ako sa pagkakataong ito. Ngayon ay isang kritikal na panahon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at nakakakuha ako ng magagandang resulta roon. Hindi ako makakapangaral kung mayroon akong gagampanang papel. Isa pa, nasa maraming eksena ang karakter na iyon. Ayos lang kung magagampanan ko ito nang mabuti, pero kung hindi—kung mabibigo ako sa kalagitnaan tulad noong huling pagkakataon at maaantala ang paggawa ng pelikula—magiging isa na naman iyong paglabag. Maaantala nito ang aking gawain ng ebanghelyo at mabubuting gawa. Dadanas ako ng dobleng kawalan. Paulit-ulit ko itong pinag-isipan, at sinabi sa sarili ko na, sa pagkakataong ito, talagang hindi ako pwedeng pumunta. Napaisip ako kung pinipili ba ng lider ang mga tao batay sa personal na kagustuhan. Kaya, sinabi ko sa kanya: “Hindi ko talaga pwedeng gampanan ang papel na ito. Dapat maghanap ka ng iba.” Pero hinimok niya akong pumunta at mag-awdisyon, at wala akong nagawa kundi pumayag. Gayunpaman, alam kong hindi ko makukuha ang papel na iyon. Mabilis ko lang dadaanan ang proseso, at hahayaan ang lider at direktor na makita ang mga resulta ng awdisyon. Tapos ay susuko na sila. Sa filming site, sinabi ko sa direktor: “Hindi ba’t nakita ninyong lahat na pumalpak ako noong huli? Bakit ninyo ako pinapabalik?” Sumagot siya: “Wala sa mga taong nag-awdisyon ang angkop para sa papel na ito. Napag-usapan namin ito kasama ang lider, at kinonsidera ang lahat ng anggulo. Talagang mahalagang pelikula ito, at bagay na bagay ka papel na ito. Umaasa ako na pag-iisipan mo ang pangkalahatang gawain at pupunta ka sa awdisyon nang nakapokus ang isip.” Habang mas nagpapaliwanag siya tungkol sa kahalagahan ng pelikula, mas lalo akong natatakot na gampanan ito. Kung tutuusin, nabigo ako noong huli. Kaya, paano kung hindi ko maintindihan ang papel, o hindi ito magampanan nang maayos? Kahit anong sabihin nila, iginiit kong hindi ko kayang gampanan ang papel. Naisip ko na mag-a-awdisyon na lang ako nang mabilis at pahapyaw para makita ng direktor na hindi ko ito kaya. Pagkatapos ay maaari na akong bumalik sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Matapos makapagdesisyon, hindi ako mapalagay, at medyo natakot ako. Kung nagmula ito sa Diyos, at hindi ako sumunod, iyon ay pagkakasala sa Kanya. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, at sinabing: “Diyos ko, gabayan Mo po ako na maunawaan ang Iyong kalooban, magpasakop dito, at huwag sumuway sa Iyo.”

Sa isang pagtitipon kinabukasan, binasa ng lider ang ilang salita ng Diyos na talagang nakaapekto sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang mga aral ng pagpapasakop ang pinakamahirap, ngunit ang mga iyon din ang pinakamadali. Sa anong paraan mahirap ang mga iyon? (Ang mga tao ay may sariling mga ideya.) Hindi ang pagkakaroon ng mga ideya ng mga tao ang problema—anong tao ba ang walang mga ideya? Lahat ng tao ay may puso at utak, lahat sila ay may sariling mga ideya. Hindi iyon ang problema rito. Kung gayon, ano kaya iyon? Ang problema ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung walang tiwaling disposisyon ang tao, magagawa niyang magpasakop kahit ilan pa ang kanyang mga ideya—hindi magiging isyu ang mga ito. Kung ganito ang pang-unawa ng isang tao at sinasabi niyang, ‘Kailangan kong magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ako magdadahilan o hindi ko ipipilit ang sarili kong mga ideya, hindi ako gagawa ng sarili kong pasya tungkol sa bagay na ito,’ hindi ba’t madali para sa kanya ang magpasakop? Kung hindi gagawa ang isang tao ng sarili niyang mga pasya, tanda iyan na hindi siya mapagmagaling; kung hindi niya ipinipilit ang sarili niyang mga ideya, tanda iyan na may pang-unawa sila. Kung kaya rin niyang magpasakop, nakaya na niyang isagawa ang katotohanan. … Kung palagi mong gustong gumawa ng sarili mong mga desisyon kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa iyo, at nangangatwiran ka sa iba, at ipinipilit mo ang sarili mong mga ideya, medyo magiging problema ito. Ito ay dahil ang mga bagay na ipinipilit mo ay hindi positibo at lahat ay nakapaloob sa isang tiwaling disposisyon. Lahat ng bagay na iyon ay pagbubuhos ng isang tiwaling disposisyon, at, sa gayong mga sitwasyon, bagama’t maaaring nais mong hanapin ang katotohanan, hindi mo ito maisasagawa, at bagama’t nais mong manalangin sa Diyos, gagawin mo lang iyon nang walang sigla. Kung may nagbahagi sa iyo tungkol sa katotohanan at natuklasan niya ang mga adulterasyon ng iyong layunin, paano ka magpapasya? Madali ka bang makapagpapasakop sa katotohanan? Mahihirapan ka nang husto na magpasakop sa panahong iyon, at hindi mo magagawang magpasakop. Susuway ka at susubukan mong mangatwiran sa iba. Sasabihin mo, “Ang mga desisyon ko ay para sa kapakanan ng sambahayan ng Diyos. Hindi mali ang mga ito. Bakit hinihiling mo pa ring magpasakop ako?” Nakikita mo ba kung paanong hindi mo magagawang magpasakop? At maliban pa roon, lalaban ka rin; ito ay isang sadyang paglabag! Hindi ba’t napakagulo nito? Kapag may nagbabahagi sa iyo tungkol sa katotohanan, at hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at sadya ka pang lumalabag, sumusuway at lumalaban sa Diyos, mabigat ang problema mo. Nanganganib kang malantad ng Diyos at mapaalis(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan). “Paano malulutas ang isang tiwaling disposisyon? Ang una ay tingnan kung nagagawa mo bang sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at kung kaya mo bang magpasakop sa lahat ng sitwasyong itinatakda ng Diyos para sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan). Nang sandaling iyon, pakiramdam ko ay nagising ako mula sa isang panaginip. Eksaktong inilarawan ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Tutol ako sa pag-arte sa pagkakataong ito. Hindi ako nagpapasakop, at patuloy na sinusubukang makipagtalo. Nabigo na ako noon, hindi naging maganda ang pagganap ko sa papel, at mahusay ang pagbabahagi ko sa ebanghelyo—kaya bakit determinado silang paartehin akong muli? Pakiramdam ko ay sinusunod lang ng lider ang pansariling kapritso. Tumutol ako sa halip na sumunod, namumuhay sa loob ng tiwaling disposisyon. Sa sandaling iyon ay napagtanto ko na bagamat mukhang hinihiling sa akin ng isang tao na mag-awdisyon, ang totoo, ito ay pangangasiwa ng Diyos. Ang igiit na gawin ang mga bagay batay sa sarili kong kagustuhan ay talagang mapanuway. Medyo nagbago ang pag-iisip ko nang maunawan ito. Kahit anong mangyari, kailangan kong magpasakop, seryosohin ang tungkuling ito, at gawin ang aking makakaya sa awdisyon. At sa gulat ko, pagkatapos ng awdisyon, ako ang napili para sa papel.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. “Paano mo dapat tanggapin at unawain ang katotohanan ng pagpapasakop? Naniniwala ang karamihan ng mga tao na ang pagpapasakop ay pagiging masunurin at hindi paglaban o pagpapakita ng pagsuway kapag nangyayari ang mga bagay-bagay. Naniniwala silang ganito ang pagpapasakop. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga detalye ng pagpapasakop: bakit nais ng Diyos na magpasakop ang mga tao, ano ang kabuluhan at mga prinsipyo ng pagpapasakop, paano dapat magpasakop ang isang tao, at anong mga tiwaling bagay ang kailangang lutasin sa mga tao kapag nagsasagawa ng pagpapasakop. Sinusunod lamang ng mga tao ang mga panuntunan at iniisip, “Ang ibig sabihin ng pagpapasakop ay na kung kailangan kong maghanda ng pagkain, hindi ko wawalisan ang sahig, at kung kailangan kong walisan ang sahig, hindi ko pupunasan ang salamin. Ginagawa ko ang dapat kong gawin; ganoon lang kasimple. Hindi ko kailangang bigyang-pansin ang nasa isip ko; hindi iyon pinapansin ng Diyos.” Sa katunayan, sa pamamagitan ng pagpapasakop ng mga tao sa Kanya, nalulutas ng Diyos ang kanilang pagkasuwail at katiwalian, upang makamit nila ang tunay na pagpapasakop sa Kanya. Ito ang katotohanan ng pagpapasakop. Sa huli, hanggang saan dapat maipaunawa at maipaalam sa mga tao ang tungkol dito? Hanggang sa maunawaan nila na anuman ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, dapat itong magawa, at na naroon ang kalooban ng Diyos, at na dapat magpasakop ang mga tao roon nang walang kundisyon. Kung mauunawaan ito ng mga tao nang ganito, naunawaan na nila ang katotohanan ng pagpapasakop, at magagawa nilang magpasakop sa Diyos at bigyan Siya ng kasiyahan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Silang mga Nakakaunawa Lamang ng Katotohanan ang Nakakaunawa sa mga Usaping Espirituwal). Nagsimula akong magnilay-nilay sa mga salita ng Diyos. Bagamat dumalo ako sa filming at mukha akong nagpapasakop, sa pananaw ng mga salita ng Diyos, hindi talaga ito tunay na pagpapasakop. Kailangan ko pa ring hanapin ang katotohanan, lutasin ang aking katiwalian, at gawin ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo. Pinag-isipan ko ito. Sa filming, naging sobrang pasibo ako, at nakaramdam ng matinding pagtutol sa puso ko. Anong tiwaling disposisyon ang kumokontrol sa akin?

Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kabatiran sa problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kailanman ay hindi sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at lagi nilang ikinakabit nang husto ang kanilang tungkulin, katanyagan, at katayuan sa kanilang pag-asam sa mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at para sa kanila iyon ay parang pagkawala ng buhay nila. Kaya naman, iniingatan nila ang sarili nila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos upang hindi masira ang kanilang pangarap na mga pagpapala. Kumakapit sila sa kanilang reputasyon at katayuan, dahil sa tingin nila ay ito ang kanilang tanging pag-asa na magtamo ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan mismo, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala ng Diyos, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, na palagi Siyang sinusuri, palaging nakikipagtransaksyon sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Katusuhan at kasamaan; palagi silang nagsusuri. At ano ang sinusuri nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinusuri ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinusuri? Dahil may kaugnayan ito sa mahahalaga nilang interes. Sa kanilang mga puso, iniisip nila sa sarili, ‘Ginawa ng Diyos ang mga pangyayaring ito para sa akin, idinulot Niya na mangyari ito sa akin. Bakit Niya ginawa iyon? Hindi pa ito nangyayari sa ibang tao—bakit kailangan pang sa akin ito mangyari? At ano ang magiging mga bunga nito pagkatapos?’ Ito ang mga bagay na sinusuri nila, sinisiyasat nila ang kanilang mga pakinabang at kawalan, mga pagpapala at kasawian. At habang sinusuri ang mga bagay na ito, nagagawa ba nilang isagawa ang katotohanan? Nagagawa ba nilang sumunod sa Diyos? Hindi nila nagagawa. … At ano ang kahihinatnan kapag isinasaalang-alang lamang ng mga tao ang sarili nilang mga interes. Kapag kumikilos lamang sila para sa sarili nilang kapakanan, hindi madali para sa kanila na sundin ang Diyos, at kahit gusto nila, hindi nila iyon magawa. At ano ang pinakakahihinatnan ng pagsusuri ng mga taong palaging iniisip ang kanilang mga sariling interes? Ang tanging ginagawa nila ay sumuway at lumaban sa Diyos. Kahit kapag ipinipilit nilang gampanan ang kanilang tungkulin, ginagawa nila iyon nang masyadong pabaya at pabasta-basta, nang may negatibong pakiramdam; sa kanilang mga puso, isip sila nang isip kung paano magsasamantala, na hindi mapunta sa naluluging panig. Gayon ang mga motibo nila kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at dito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ito? Ito ay katusuhan, ito ay isang masamang disposisyon. Hindi na ito isang pangkaraniwang tiwaling disposisyon, lumala na ito sa kasamaan. At kapag may ganitong uri ng masamang disposisyon sa kanilang mga puso, isa itong pakikipaglaban sa Diyos! Dapat malinaw sa inyo ang problemang ito. Kung palaging sinusuri ng mga tao ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, magagampanan ba nila iyon nang maayos? Talagang hindi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Sinasabi sa atin ng Diyos na ang mga anticristo ay hindi kailanman nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, kundi ginagawa lang ang anumang gusto nila. Nais nilang ipagpalit ang mabababaw na sakripisyo at pagsisikap para sa isang magandang hantungan, pero kapag nabigo silang makakuha ng katayuan o magandang kapalaran, nagiging pabaya at pasibo sila, at tinatanggihan ang kanilang mga tungkulin. Nakita ko na katulad mismo ng inilalarawan ng Diyos ang kalagayan ko. Nang hilingin sa akin na gumanap ng isang papel, ang inisip ko lang ay ang sarili kong kinabukasan. Naisip ko na naging matagumpay ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya’t sa patuloy na paggawa niyon ay mas marami akong magagawang mabubuting gawa para makabawi sa mga dati kong pagkakamali, na naggagarantiya sa hantungan ko. Pero, bilang artista, minsan na akong nabigo, at hindi ko alam kung magtatagumpay ba ako o hindi sa pagkakataong ito. Kung hindi ko huhusayan at maaantala ko ang paggawa ng pelikula, hindi lang iyon magiging isa pang paglabag, kundi mapapaliban ko ang lahat ng aking mabubuting gawa sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Hindi ito sulit. Sinubukan kong maghanap ng mga dahilan para hindi ito gawin, ginagamit ang dati kong kabiguan bilang dahilan para umiwas sa aking tungkulin. Kalaunan ay atubili akong nag-awdisyon, gusto lang mairaos ang proseso at tapusin na ito. Nakatitiyak ang direktor na, noong panahong iyon, ako ang pinakaangkop na kandidato. Pero hindi ko isinaalang-alang ang mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Inisip ko lang kung aling tungkulin ang higit na magbibigay-pakinabang sa akin, at pagkatapos ng lahat ng aking pagkakalkula, pakiramdam ko ay mas masisiguro ko ang aking hantungan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo kaysa sa pagiging artista. Kaya, nanatili akong tutol at tinanggihan ko ang papel. Hinangad kong makinabang sa aking tungkulin, hindi madehado. Isinasaayos ng iglesia ang mga tungkulin ko batay sa mga pangangailangan ng gawain nito, at dapat akong magpasakop doon. Pero kumikilos ako tulad ng isang negosyante, iniisip kung makikinabang ako sa paggawa sa pelikula o hindi. Nahanap ko ang lahat ng wari’y katanggap-tanggap na dahilan para pagtakpan ang mga kasuklam-suklam kong motibo. Hindi lang ako nagpapakita ng mapanlinlang na disposisyon, kundi isang masamang disposisyon din, nakikipagtransaksyon ako sa Diyos at pinaglalaruan Siya! Dati, akala ko na ang pagbabahagi ko ng ebanghelyo ay pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos. Pero ngayon, nakita ko na gusto ko lang magpabalik-loob ng mas maraming tao para magbayad sa pagkakamali ko, para makabawi sa mga paglabag ko noong panahon ng paggawa ng pelikula, at makakuha ng marangal na hantungan. Ginagamit ko ang tungkulin ko para magtamo ng mga pagpapala. Naisip ko kung paanong natamaan si Pablo ng isang matinding liwanag sa daan patungo sa Damascus, pagkatapos ay ninais na ipalaganap ang ebanghelyo para makabawi sa kanyang mga pagkakamali, kapalit ang isang putong ng katuwiran. Paanong naiiba kay Pablo ang mga motibo ko sa paggawa ng tungkulin ko? Masyado akong hindi makatwiran. Nasa landas ako ng paglaban sa Diyos, katulad ni Pablo. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong kasuklam-suklam ako. Sinampal ko ang sarili ko dahil sa pagkasuklam. Nagdasal ako sa Diyos, habang lumuluha: “O Diyos! Nakikita ko na naging transaksyunal ako sa Iyo sa aking tungkulin, na naging mapanlinlang at masama ako. Sa kabila ng lahat ng taon na ito ng pananampalataya, nakikipaglaro pa rin ako sa relasyon ko sa Iyo. Nagawa na akong tiwali ni Satanas sa puntong wala na akong wangis ng tao—pakiusap, iligtas Mo po ako!” Kalaunan, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa paniniwala ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan). “Sa huli, kung ang mga tao ay magtatamo ng kaligtasan ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang tinutupad nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya ba nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasakop sa Kanyang pagsasaayos, hindi isaalang-alang ang kanilang hinaharap at tadhana, at maging isang karapat-dapat na nilikha. Matuwid at banal ang Diyos, at ito ang pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang pamantayan na ito sa iyong isipan, at huwag mong isipin na maghanap ng iba pang landas sa paghahangad ng ilang bagay na hindi totoo. Ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa lahat ng nais na matamo ang kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung magsusumikap ka lang para makakuha ng magandang hantungan, dinudungisan mo ang proseso ng paggawa ng iyong tungkulin gamit ang mga lihim na motibo at transaksyon. Hindi mo kayang maging tunay at masunurin sa Diyos, hindi magbabago ang disposisyon mo, at hindi ka makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Pinatahimik ko ang puso ko, at ginunita ang aking mga karanasan. Matapos ang pagkabigo ko sa filming, pakiramdam ko ay hindi ko nagawa nang maayos ang tungkuling iyon, na naantala ko ang gawain namin at nakagawa ng paglabag, kaya’t nag-alala ako sa hantungan ko. Ibinuhos ko ang lakas ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo para mabayaran ang aking mga pagkakamali. Pagkatapos magpabalik-loob ng ilang tao, akala ko ay naging tapat ako sa Diyos, at may pag-asa sa magandang hantungan. Hindi ko hinanap ang katotohanan o pinagnilayan kung bakit ako nabigo sa dating filming. Tungkol naman sa katiwaliang ipinakita ko tuwing nagpapalaganap ng ebanghelyo, kung paano ko nilabag ang mga prinsipyo, at ang mga maling pananaw na pinanghawakan ko, hindi ko rin pinagnilayan ang mga ito. Naging kuntento na akong gumawa na lang ng kaunting gawain at mangaral araw-araw, at hindi nagbago ang aking tiwaling disposisyon. Tuwang-tuwa na ako sa kaunting naabot ko. Lalo akong naging mayabang, at tumindi ang pagnanais ko sa mga pagpapala. Naisip ko kung paanong napagbalik-loob ni Pablo ang napakaraming tao, pero sa panahon ng kanyang pangangaral, hindi siya kailanman nagpatotoo sa Panginoong Jesus o sa mga salita ng Diyos. Itinaas lang niya ang kanyang sarili at nagpakitang-gilas, at lalo pang naging mayabang ang kanyang disposisyon. Hindi niya kailanman naunawaan kung paanong nilalabanan ng kanyang kalikasan at diwa ang Diyos, at sa huli ay ginamit niya ang kanyang gawain, ang kanyang pagdurusa, at ang kanyang mga napabalik-loob bilang kapital, para lantarang humingi ng putong ng katuwiran mula sa Diyos. Sa huli, nagpatotoo pa nga siya na siya mismo ang Cristo, at pinarusahan at sinumpa siya ng Diyos. Alam ko na nasa parehong landas ako ng kabiguan tulad ni Pablo, at kung gaano ito kamapanganib. Sa pamamagitan ng pagtulot sa akin na lumahok sa isa pang filming, binigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon. Sa kapaligirang ito, maaari akong magnilay-nilay, at magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa aking mga maling pananaw. Ang lahat ng nangyayaring ito ay Kanyang pagliligtas para sa akin. Pero hindi ko naunawaan iyon. Inakala ko na mapipigilan ako ng filming sa pagbabahagi ng ebanghelyo at paggawa ng mabubuting gawa. Hindi ko alam ang mabuti sa masama. Sobra akong bulag at hangal! Nang mapagtanto ko ito, napuno ako ng pagsisisi, at ng pasasalamat sa Diyos. Nagdasal ako sa Diyos, para pasalamatan Siya.

Nabasa ko ang higit pang salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. Tinulungan ako nitong maunawaan ang kalooban ng Diyos, at binigyan ako ng landas na susundin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). “Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka masunurin kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o aalisin ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Anuman ang tungkuling gawin ng isang tao, isa ito sa mga pagsasaayos ng Diyos, isang responsibilidad na dapat niyang tuparin, at isang bagay na dapat gawin ng isang nilikha. Wala itong kinalaman sa pagiging pinagpala o isinumpa. Anuman ang tungkuling italaga sa akin ng iglesia, kahit na hindi ako magaling o nabigo ako sa bagay na ito dati, kailangan ko munang tanggapin ito at magpasakop rito, pagkatapos ay hangarin kung paano gawin nang maayos ang tungkuling iyon at kung anong mga prinsipyo ang dapat kong maunawaan, at buong-buong isapuso ito. Pagkatapos, kung hindi ko magawa ang isang bagay, dapat akong magdasal sa Diyos, at maghanap at makipagbahaginan sa iba. Iyon ang katwiran na dapat kong taglayin. Hindi ko pwedeng piliin ang tungkulin ko batay sa mga pansariling interes, at hindi ko talaga ito pwedeng iugnay sa pagiging pinagpala. Katulad ito ng isang batang nagiging masunurin sa kanyang mga magulang—isa itong responsibilidad. Tinanggihan ko ang isang tungkulin nang kinailangan ng iglesia ang kooperasyon ng mga tao, nabigong tuparin ang aking mga responsibilidad. Sinuway ko ang Diyos. Sa buong panahon, namumuhay ako sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Inakala ko na pagsasagawa ng katotohanan ang pagpapabalik-loob sa mas maraming tao para makabawi sa mga pagkakamali ko, at habang mas marami akong napapabalik-loob, mas maraming paglabag ang mababayaran. Pero hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos. Nais ng Diyos na magawang hangarin ng mga tao ang katotohanan habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at anuman ang nagawa nilang mali o anumang katiwalian ang ipinakita nila, magnilay-nilay sa sarili, magsisi, at magbago, at magawang gumalang at magpasakop sa Diyos, at kumilos ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Ganoon ang paggawa ng tungkulin ayon sa kalooban ng Diyos. Kung gusto lang nating pagbayaran ang ating mga pagkakamali kapalit ng pagpapala ng Diyos, kung ganoon ay hindi tunay ang ginugugol natin. Dinadaya natin ang Diyos, at hindi natin makakamit ang Kanyang pagsang-ayon. Nakinig ako sa mga karanasan ng ilang kapatid na nagpalaganap ng ebanghelyo. Sa kanilang mga tungkulin, nabigo sila at nagkamali, o natanggal pa nga. Pero pagkatapos, binasa nila ang mga salita ng Diyos para malaman ang tungkol sa kanilang mga tiwaling disposisyon at ang ugat ng kanilang kabiguan. Pagkatapos ay nagawa nilang magnilay-nilay at hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at nang maharap sila sa parehong sitwasyon, nagawa nilang magbago, at nagkaroon ng patotoo sa pagsasagawa ng katotohanan. Samantalang ako, bagamat ibinabahagi ko ang ebanghelyo araw-araw, ito ay para lang pagbayaran ang aking mga pagkakamali kapalit ng isang magandang hantungan. Isa itong transaksyon, isang palitan. Hindi ako nagpapasakop sa Diyos at wala akong patotoo sa pagsasagawa ng katotohanan. Nakaramdam ako ng hiya.

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang katapusan o hantungan ng isang tao ay hindi itinatakda ng sarili nilang kalooban, ni hindi ng sarili nilang hilig o imahinasyon. Ang Lumikha, ang Diyos, ang may huling salita. Paano dapat makipagtulungan ang mga tao sa mga gayong bagay? May iisang landas lamang na maaaring piliin ang mga tao: Tanging kung hinahanap lamang nila ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, sumusunod sa mga salita ng Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at natatamo ang kaligtasan ay saka sila ganap na magkakaroon ng magandang kalalabasan at magandang tadhana. Hindi mahirap isipin ang mga hinaharap at tadhana ng mga tao kung gagawin nila ang kabaligtaran. Kaya’t sa bagay na ito, huwag tumuon sa kung ano ang ipinangako ng Diyos sa tao, kung ano ang itinakdang katapusan ng Diyos para sa sangkatauhan, kung ano ang inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Walang kinalaman ang mga ito sa iyo, gawain ang mga ito ng Diyos, hindi mo maaaring makuha, maipagmakaawa, o maipagpalitan ang mga ito. Bilang nilalang ng Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong gampanan ang iyong tungkulin, ginagawa ang nararapat mong gawin nang buong puso, isip at lakas mo. Ang iba—mga bagay na may kinalaman sa mga hinaharap at kapalaran, at ang kahahantungan ng sangkatauhan sa hinaharap—hindi ito mga bagay na mapagpapasyahan mo, nasa mga kamay ng Diyos ang mga ito, ang lahat ng ito ay idinikta at isinaayos ng Lumikha, at walang kinalaman sa anumang nilalang ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasiyam na Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na ang tanging paraan para magkaroon ng magandang kapalaran at hantungan ay ang hangarin ang katotohanan sa iyong tungkulin, pakinggan at sundin ang mga salita ng Diyos, at buong-buong isapuso ang iyong tungkulin. Nabigo ako sa huling filming dahil hindi ko pinag-isipan kung ano ang nararamdaman ng karakter. Mayabang ako at hindi hinanap ang mga prinsipyo. Ayaw kong tanggapin ang mga mungkahi ng iba, bagkus gumanap ako batay sa sarili kong pagkaunawa. Paano ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko, kung masyado akong mayabang? Habang naghahanap ako ng landas ng pagsasagawa, nakita ko ang bahaging ito ng mga salita ng Diyos: “Dapat talakayin ng isang tao sa iba ang lahat ng ginagawa niya. Pakinggan muna ang sasabihin ng lahat. Kung ang pananaw ng nakararami ay tama at naaayon sa katotohanan, dapat mong tanggapin iyon at magpasakop doon. Anuman ang ginagawa mo, huwag kang magyayabang. Ang pagyayabang ay hindi kailanman isang mabuting bagay, kahit saanmang grupo ng mga tao. … Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. Dapat kang gumawa ng tamang pagpapasya batay sa kagustuhan ng karamihan, at saka ka gumawa ng huling desisyon. Kung ang mungkahi ng karamihan ay hindi umaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, dapat mong pagsumikapan ang katotohanan. Ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Dapat kong sundin ang mga salita ng Diyos, isantabi ang aking sarili, higit pang talakayin ang mga bagay-bagay sa iba, makinig sa kanilang mga mungkahi, at tanggapin ang mga ideyang sumusunod sa mga prinsipyo ng katotohanan at makakabuti sa gawain ng iglesia. Iyon ay isang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Talagang malaya sa pakiramdam na maunawaan ito at binigyan ako nito ng landas. Sa bawat eksenang kinukunan pagkatapos niyon, tumuon ako sa pag-iisip at mga emosyon ng karakter, at tinalakay ko ang mga ito sa direktor. Kung minsan, kapag nakakarinig ako ng isang mungkahi na hindi akma sa iniisip ko, at gusto kong manatili sa sarili kong ideya, pinapakalma ko ang sarili ko, nagdarasal, isinasantabi ang sarili ko, at hinahanap ko ang mga prinsipyo kasama ang lider at direktor. Pagkatapos niyon, natutuklasan kong tama ang ibang tao. Pagkatapos magsagawa nang ganito sa ilang panahon, napagtanto ko na marami akong kapintasan, at tumigil ako sa pagiging mayabang. Paminsan-minsan, mapagmatigas pa rin ako, pero natutunan kong itatwa ang sarili ko, at higit pang tinanggap ang mga mungkahi ng iba. Kapag isinasapuso ko ang tungkulin ko, nakakapag-isip talaga ako kung paano gagampanang mabuti ang papel, at hindi ako nag-aalala na masisisi sa pangit na pagganap. Medyo itinuwid ko ang pag-iisip ko. Nadama ko na pinakamahalaga ang paggawa nang maayos sa tungkulin ko, at payapa ang pakiramdam ko kapag tinatrato ko nang ganoon ang tungkulin ko. Ibinigay ko ang lahat sa pag-arte nang maayos sa bawat pagganap namin. Kung minsan ay kailangan naming gawin ang isang shot nang ilang beses. Kahit na okey na ito sa direktor, pakiramdam ko ay magagawa ko pa ito nang mas mahusay, kaya ibinibigay ko ang lahat ng mayroon ako sa paggawa nitong muli. Iyon lang ang paraan para maibigay ko ang lahat ko at walang pagsisisihan sa anumang eksena. Sa sandaling nagawa ko ito, unti-unti kong natutunan kung paano gampanan ang papel, at ang ilang emosyonal na eksena na mahirap gampanan noong una ay naging mas madali na. Alam ko na ang lahat ng ito ay dahil sa patnubay ng Diyos. Nagdarasal ako pagkatapos ng bawat shot, pinupuri ang Diyos at pinapasalamatan Siya sa Kanyang patnubay.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutunan ko na akma man o hindi ang aking sitwasyon sa mga kuru-kuro ko, lahat ito ay nagmumula sa mga pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ito gaanong akma sa mga kuru-kuro ko, mas lalong kailangan ko itong tanggapin, hanapin ang kalooban ng Diyos, at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Likod ng Katahimikan

Ni Li Zhi, TsinaHindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa...

Walang Hanggang Pagdurusa

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng kontrol ng nasasakupan ni Satanas....