Ang Talagang Nasa Likod ng Walang-ingat na Paggawa

Nobyembre 28, 2022

Ni Xinche, Timog Korea

Noong nakaraan, tinukoy ng sister na nag-review ng mga video na ang kalidad ng mga ginawa ko nitong huli ay hindi ganoon kaganda, at marami siyang nakitang isyu sa mga iyon. Sinabi niyang kung mas nagbigay-atensyon ako habang gumagawa ng mga video, napansin ko sana ang ilan sa mga iyon, at pagkatapos ay hindi na kailangang ayusin pa ang mga iyon kalaunan. Sinabihan niya akong maging mas maingat at mas magbigay-atensyon sa paggawa ng aking tungkulin. Sumagot ako ng ‘oo,’ pero naisip ko, “Hindi ako sigurado kung malalaking problema ba iyon. Paano kung maubos lang ang oras at lakas ko sa pag-aayos ng ilang maliliit na pagkakamali? Masyado iyong hindi produktibo. Kulang na nga ang aking mga kasanayan, at ngayon para ayusin ang mga problemang ito ay kailangan kong magsaliksik, at walang garantiya na masosolusyunan ko ang mga ito, kaya bakit ko pa susubukan? At saka, napakarami ko pang gagawing video, saan ako hahanap ng oras para perpektong ayusin ang lahat ng problemang iyon? Mas bihasa kayo at mas magaling kayo kaysa sa akin sa pagtukoy sa mga problema, kaya hindi ba puwedeng ayusin ko na lang ang mga problema kapag nahanap ninyo ang mga ito? Hindi naman gaanong abala iyon.” Sa gayon lang, ipinagwalang-bahala ko ang mga babala ng aking sister. Pagkatapos niyon, sa tuwing nahaharap ako sa isang problema na nag-aalanganin ako, ayaw kong gumugol pa ng oras o lakas para isipin iyon o maghanap ng mga prinsipyo. Palagi ko na lang ipinauubaya ang mga iyon sa reviewer para lutasin. Minsan ay medyo nababalisa ako, “Nagiging pabasta-basta ba ako kung ginagampanan ko nang ganito ang aking tungkulin?” Ngunit mabilis kong pinipigilan ang mga paninising ito ng aking konsensya gamit ang mga dahilan: “Ginagawa ko ito para tulungang umusad ang gawain. Kung kulang ang aking kasanayan, hahayaan kong suriin iyon ng iba. Ayokong magmabagal at basta-bastang magsayang ng aking oras sa mga problemang ito.” Pagkatapos niyon, paminsan-minsan akong pinagsasabihan ng reviewer na hindi pulido ang mga video na ginawa ko, at maraming isyu ang mga iyon. Kapag naririnig ko ito, umooo na lang ako nang wala sa loob ko. Sa kaibuturan ko, hindi ko talaga tinatanggap iyon.

Pinagnilayan ko lang ito nang tahasang sinabi ng lider ng grupo na, “Masyadong maraming problema sa mga video mo, hindi mo inaayos iyong mga malinaw na kaya mo namang ayusin, ipinapasa mo lang ang gawain sa sister na nagre-review ng mga iyon. Pabaya ka at iresponsable sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Karaniwan, hindi umaabot nang matagal ang pagsusuri ng isang video, pero dahil masyadong hindi pulido ang gawa mo at hindi mo nilulutas kahit iyong mga isyung halatang-halata naman, doble o higit pa ang itinatagal para suriin ang mga video mo. Hindi mo ba naiisip na pang-aabala ito?” Nagbahagi rin ang lider ng grupo: “Para magawa nang mahusay ang isang trabaho, dapat kang maging maingat at metikuloso, at gawin ang iyong makakaya habang ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung ang lahat ay iresponsable, at ipapasa lang ang bawat problema sa ibang tao, magdudulot iyon ng kagipitan sa kanila, at maaantala rin ang pangkalahatang pag-usad ng gawain.” Nang marinig kong ibahagi niya ito, noong una, sinubukan ko pa ring magdahilan para sa sarili ko, pero sa loob-loob ko, napagtanto kong ang pagtutukoy niya nito ay may pahintulot ng Diyos. Naisip ko kung paanong ang sister na nagre-review sa mga video ay binalaan ako nang makailang beses, ngunit hindi ko ito kailanman isinapuso. Ang ganitong uri ng walang-ingat kong saloobin ay talagang kaproble-problema.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sanaysay ng patotoo, at napukaw ako ng ilang sipi ng salita ng Diyos na binanggit doon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ano ang ibig sabihin ng maging sawa na sa katotohanan? Ito ay kapag nahaharap sa anumang bagay na nauugnay sa mga positibong bagay, at sa katotohanan, at sa hinihingi ng Diyos, at sa kalooban ng Diyos, hindi interesado ang mga tao; kung minsan ay ayaw nila sa mga bagay na ito, kung minsan ay lumalayo sila sa mga ito, kung minsan ay wala silang paggalang at walang pakialam, at tinatrato nilang hindi mahalaga ang mga ito, at wala silang sinseridad at pabasta-basta sila sa mga ito, o ayaw nilang umako ng responsibilidad para sa mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili). “Hindi kinamumuhian ng Diyos ang mahinang kakayahan ng mga tao, hindi Niya kinamumuhian ang kanilang kahangalan, at hindi Niya kinamumuhian na mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakakinapopootan ng Diyos sa mga tao? Iyon ay kapag sawa na sila sa katotohanan. Kung sawa ka sa katotohanan, dahil lamang diyan, hindi matutuwa sa iyo ang Diyos kailanman. Nakataga iyan sa bato. Kung sawa ka na sa katotohanan, kung hindi mo mahal ang katotohanan, kung ang saloobin mo sa katotohanan ay kawalang-malasakit, mapanghamak, at mapagmalaki, o inaayawan, nilalabanan, at tinatanggihan mo pa ito—kung ganito ang pag-uugali mo, lubos kang kinasusuklaman ng Diyos, at hindi ka magtatagumpay, hindi ka na maliligtas. Kung talagang mahal mo ang katotohanan sa puso mo, subalit medyo mahina ang kakayahan mo at wala kang kabatiran, at medyo hangal; kung paminsan-minsan ay nagkakamali ka, ngunit hindi mo intensiyong gumawa ng masama, at nakagawa ka lamang ng ilang kahangalan; kung taos-puso kang handang makinig sa pagbabahagi ng Diyos tungkol sa katotohanan, at taos-puso kang nasasabik sa katotohanan; kung ang iyong saloobin sa pagtrato mo sa katotohanan at mga salita ng Diyos ay may sinseridad at pananabik, at kaya mong pahalagahan at itangi ang mga salita ng Diyos—sapat na ito. Gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit na medyo hangal ka kung minsan, gusto ka pa rin ng Diyos. Mahal ng Diyos ang puso mo na nananabik sa katotohanan, at mahal Niya ang iyong sinserong saloobin sa katotohanan. Kaya, may awa ang Diyos sa iyo at lagi kang pinapaboran. Hindi Niya iniisip ang iyong mahinang kakayahan o ang iyong kahangalan, ni hindi Niya iniisip ang iyong mga paglabag. Dahil sinsero at masigasig ang iyong saloobin sa katotohanan, at tapat ang iyong puso, kung gayon, dahil ang iyong puso at saloobin ay ang pinahahalagahan ng Diyos, lagi Siyang magiging maawain sa iyo, at gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Sa kabilang banda, kung matigas ang puso mo at pinalalayaw mo ang sarili mo, kung sawa ka na sa katotohanan, hindi kailanman nakikinig sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng may kinalaman sa katotohanan, at mapanlaban ka at mapanghamak sa kaibuturan ng puso mo, ano kung gayon ang saloobin ng Diyos sa iyo? Pagkasuklam, pagkamuhi, at walang-humpay na poot(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Nang mabasa ko ang salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit sa prinsipyo ay aminado akong hindi ako nagbibigay-atensyon at pabaya ako sa aking tungkulin, pero hindi ko ito kailanman sineryoso. Sawa na pala ako sa katotohanan at mayroong nagmamatigas na disposisyon. Ilang beses na akong binalaan ng aking sister na hindi pulido ang mga video ko at kailangan kong maging mas maingat. Isa iyong magandang bagay; tinutulungan niya ako. Tinanggap ko ang sinabi niya sa salita, pero hindi ko ito kailanman isinapuso. Sa isipan ko ay lagi pa nga akong nagdadahilan para sa aking sarili. Ang walang pakundangan na saloobing ito ay nagpapakita na sawa na ako sa katotohanan, at ito ay kasuklam-suklam sa Diyos. Kung palagi kong tinatrato ang mga tao at bagay sa paligid ko nang may ganitong mapanghamak at walang pakundangang saloobin, kahit gaano pa karaming beses may sumubok na balaan o tulungan ako, hindi ako lalago o magkakamit ng anuman mula rito. Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Ang kamangmangan, mahinang kakayahan at mga tiwaling disposisyon ay hindi nakamamatay na mga sakit, ngunit kung mayroon kang matigas na puso, sawa sa katotohanan, palaging tinatrato ang mga sitwasyon na isinaayos ng Diyos nang may mapanlaban at walang pakundangang saloobin, at hindi naghahanap ng katotohanan o natututo ng mga aral, walang paraan para matamo mo ang katotohanan o maligtas ka ng Diyos. Kung hindi ako magsisisi o itatama ang pag-uugali ko, hindi ko lang hindi magagawa nang maayos ang aking tungkulin, sa huli, palalayasin pa ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, saka lang ako natakot. Hindi ko na puwedeng gamitin ang ganitong uri ng pabayang saloobin sa aking tungkulin. Kailangan kong magmadali at magnilay sa sarili at magsisi sa Diyos. Sa loob ng ilang araw na iyon, madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanyang bigyang-liwanag ako at tulungan akong makilala ang aking sarili. Kusa rin akong kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa paksang ito.

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Ang totoo, hindi naman masyadong mahirap gawin nang maayos ang iyong tungkulin. Kailangan lamang magkaroon ng konsiyensiya at katwiran, maging matwid at masipag. Maraming hindi mananampalataya na masigasig na nagtatrabaho at bilang resulta ay nagtatagumpay. Wala silang kaalam-alam tungkol sa mga prinsipyo ng katotohanan, kaya paano sila nakagagawa nang napakaayos? Dahil sila ay nagkukusa at masipag, kaya nakakapagtrabaho sila nang masigasig, nagiging metikuloso, at madaling nagagawa ang mga bagay-bagay. Wala sa mga tungkulin ng sambahayan ng Diyos ang napakahirap. Basta’t ibinubuhos mo ang buong puso mo rito at ginagawa ang makakaya mo, magiging maayos ang paggawa mo sa trabaho mo. Kung hindi ka matwid, at hindi ka masipag sa anumang ginagawa mo, kung lagi mong sinisikap na hindi ka mahirapan, kung lagi kang pabasta-basta at iniraraos lang ang lahat ng bagay, kung hindi mo ginagawa nang maayos ang iyong tungkulin, nagugulo mo ang mga bagay-bagay at bilang resulta ay napipinsala ang sambahayan ng Diyos, ibig sabihin niyan ay gumagawa ka nang masama, at magiging isang paglabag iyon na kasusuklaman ng Diyos. Sa mahahalagang sandali ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin at hindi positibo ang iyong ginagampanang papel, o kung nagsasanhi ka ng mga paggambala at kaguluhan, natural na kasusuklaman ka ng Diyos at palalayasin ka at mawawalan ka ng pagkakataong maligtas. Pagsisisihan mo ito nang walang hanggan! Ang pagtataas sa iyo ng Diyos sa paggawa ng iyong tungkulin ang tanging pagkakataon mong maligtas. Kung hindi ka responsable, binabalewala mo iyon at iniraraos lang iyon, iyon ang saloobin mo sa pagtrato sa katotohanan at sa Diyos. Kung hindi ka sinsero o masunurin ni katiting, paano mo matatamo ang pagliligtas ng Diyos? Napakahalaga ng oras sa ngayon; importante ang bawat araw at bawat segundo. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, kung hindi mo pinagtutuunan ang pagpasok sa buhay, at kung iniraraos mo lang ang gawain at nililinlang ang Diyos sa iyong tungkulin, talagang walang katuturan at mapanganib iyon! Sa sandaling kasuklaman ka ng Diyos at mapalayas ka, hindi na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at wala nang balikan pa mula roon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Anong klaseng tao ang inililigtas ng Diyos? Masasabi mo na lahat sila ay may konsiyensiya at katwiran at kayang tanggapin ang katotohanan, dahil tanging ang mga may konsiyensiya at katwiran ang nagagawang tumanggap at magmahal sa katotohanan, at basta’t nauunawaan nila ang katotohanan, maisasagawa nila iyon. Ang mga taong walang konsiyensiya at walang katwiran ay mga walang pagkatao; sa karaniwang salita sinasabi natin na wala silang kabutihan. Ano ang kalikasan ng walang kabutihan? Ito ay isang kalikasan na walang pagkatao, hindi marapat na tawaging tao. Tulad nga ng kasabihan, maaari kang mawalan ng kahit ano maliban sa kabutihan; kung wala ito ay katapusan mo na, at hindi ka na tao. Tingnan mo ang mga demonyo at mga haring diyablo na ginagawa ang lahat para maghimagsik sa Diyos at pinsalain ang Kanyang hinirang na mga tao. Hindi ba wala silang kabutihan? Wala nga; wala talaga sila noon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Kahit na nakita ko na noon ang mga siping ito ng salita ng Diyos, hindi ko kailanman seryosong ginamit ang mga ito para magnilay sa aking sarili. Nang binasa kong muli ang mga ito, napukaw talaga ako. Oo, hindi humihingi ng sobra-sobra ang Diyos mula sa akin o pinipilit ako nang higit pa sa mga kakayahan ko, hindi inaasahan ng Diyos na gagawa ako ng mga video na walang kamali-mali, basta maging masigasig lang ako, metikuloso, at gawin ang makakaya ko. Kahit na limitado ang mga kasanayan ko, at may ilang problema na hindi ko talaga makita, kung gagawin ko ang aking makakaya, magagampanan ko na ang aking responsibilidad. Pero ano ang ginagawa ko? May ilang problema na malinaw na maaari kong makita. Kailangan ko lang mag-isip nang mabuti at gumugol ng kaunting oras para ayusin ang mga iyon, pero ayokong magsumikap. Para hindi ako maabala, ipinapasa ko ang gawain sa iba. Sa gayong paraan, hindi ko kailangang magdusa o mahirapan at magagawa ko pa rin ang gawain. Masyado akong magaling sa pagiging pabasta-basta at tatamad-tamad. Lumalabas na para bang gumawa ako ng isang partikular na dami ng mga video, at parang mahusay ang gawain, pero ang totoo, iba ang nagsisikap para ayusin ang mga problemang iyon. Nagpapakatamad lang ako. Talagang ako ang uri ng taong inilarawan ng Diyos, walang kabutihan at pagkatao. Sa pangalan, ginawa ko ang mga video na iyon, pero sa totoo lang, hindi ko alam kung gaano karaming oras ang pinagugol ko sa iba para doon. Dapat isang oras lang ang inaabot ng pagsusuri sa isang video, pero doble o mas mahaba pa roon ang inaabot ng iba para suriin ang aking mga video. Ang iba ay abala na sa kani-kanilang mga tungkulin, at dinagdagan ko pa ang mga iyon ng napakaraming gawain at pinabagal ang pag-usad ng pangkalahatang gawain. Ang ginagawa ko ay talagang pamiminsala sa iba para makinabang ako. Ilang beses akong pinaalalahanan ng aking sister na mas seryosohin ang aking tungkulin at maging mas maingat, pero kailanman ay hindi ko siya sineryoso, at nangatwiran pa nga para sa pagkilos ko nang pabasta-basta. Sinabi ko na ginagawa ko ito para sa pagiging produktibo at kahusayan sa gawain. Talagang nagpakairesponsable ako! Sa totoo lang ay may ilang isyu na hindi pa sapat ang aking kasanayan para lutasin, pero maaari ko namang talakayin ang mga iyon kasama ang aking mga kapatid at ayusin ang bahagi ng mga iyon sa gayong paraan. Sa gayon ay hindi ko maipapasa ang lahat ng aking problema sa ibang tao. Pero ni hindi ako handang magbayad ng gayong halaga. Talagang wala akong pagkatao! Pagkatapos, nakabasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Anumang gawain ang ginagawa ng ilang tao o anumang tungkulin ang ginagampanan nila, hindi nila kayang magtagumpay roon, napakabigat niyon para sa kanila, hindi nila kayang tuparin ang anuman sa mga obligasyon o responsibilidad na nararapat tuparin ng mga tao. Hindi ba basura sila? Karapat-dapat pa rin ba silang tawaging mga tao? Maliban sa mga utu-uto, may kapansanan sa pag-iisip, at may mga pisikal na kapansanan, mayroon bang nabubuhay na hindi nararapat gampanan ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang mga responsibilidad? Ngunit ang ganitong uri ng tao ay palaging nakikipagsabwatan at nandaraya, at ayaw tuparin ang kanilang mga responsibilidad; ang implikasyon ay na ayaw nilang umasal na tulad ng isang mabuting tao. Binigyan sila ng Diyos ng kakayahan at mga kaloob, binigyan Niya sila ng oportunidad na maging tao, subalit hindi nila magamit ang mga ito sa pagganap sa kanilang tungkulin. Wala silang ginagawa, ngunit nais nilang tamasahin ang lahat. Angkop bang tawaging tao ang gayong tao? Anumang gawain ang ibigay sa kanila—mahalaga man iyon o pangkaraniwan, mahirap o simple—lagi silang walang ingat at pabasta-basta, laging tamad at tuso. Kapag nagkakaroon ng mga problema, sinisikap nilang ipasa ang kanilang responsibilidad sa ibang mga tao; ayaw nilang managot, na ninanais na patuloy na mabuhay na parang mga linta. Hindi ba mga walang-silbing basura sila? Sa lipunan, sino ang hindi umaasa sa kanilang sarili para mabuhay? Kapag lumaki na ang isang tao, kailangan na niyang tustusan ang kanyang sarili. Natupad na ng kanyang mga magulang ang kanilang responsibilidad. Kahit handa ang kanyang mga magulang na suportahan siya, maaasiwa siya roon, at dapat magawa niyang kilalanin na, ‘Natapos na ng aking mga magulang ang trabaho nilang magpalaki ng mga anak. Nasa hustong gulang na ako, at malusog ang katawan ko—dapat magawa kong mamuhay nang hindi umaasa sa iba.’ Hindi ba ito ang pinakamababang pag-unawa na nararapat taglayin ng isang taong nasa hustong gulang? Kung talagang matino ang isang tao, hindi niya kakayaning patuloy na samantalahin ang kabaitan ng kanyang mga magulang; matatakot siya na pagtawanan ng iba, na mapahiya. Kaya, matino ba ang isang taong tatamad-tamad lamang? (Hindi.) Lagi niyang gustong makuha ang isang bagay nang walang kapalit, ayaw niyang managot kailanman, naghahanap siya ng libreng tanghalian, gusto niyang makakain nang tatlong beses sa isang araw—at pagsilbihan siya ng iba, at maging masarap ang pagkain—nang wala siyang ginagawang anuman. Hindi ba ganito ang pag-iisip ng isang parang linta? At may konsiyensya ba at katinuan ang mga taong parang linta? Mayroon ba silang dignidad at integridad? Talagang wala; lahat sila ay mga walang silbi na nakaasa sa iba, lahat ay mga hayop na walang konsiyensya o katwiran. Walang sinuman sa kanila ang angkop na manatili sa sambahayan ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, nag-init ang mukha ko. Sa buhay, ang bawat tao ay mayroong mga responsibilidad, isang tungkulin na dapat nilang gampanan. Kung ni hindi natin maasikaso ang sarili nating mga responsibilidad, tunay nga tayong walang kuwenta at walang silbing tao. Hindi ba’t ganoon ako? Ako ang responsable sa paggawa ng mga video na iyon, at ginawa ko dapat ang lahat ng kaya ko para magawa ang mga iyon nang tama. Iyon ang aking responsibilidad. Hindi ko puwedeng gawin iyon nang walang-ingat dahil lang may taong nagre-review ng mga iyon. Sa paggawa niyon ay nagiging pabasta-basta ako, nagpapakatamad, sinusubukang umiwas sa responsibilidad at naghahanap ng mga dahilan para maipasa ang mga responsibilidad na ito sa iba. Tinanong ko ang sarili ko, “Ipinapasa ko ang mga responsibilidad na ito sa iba, kaya’t anong papel ba talaga ang ginagampanan ko? Noon pa man, pangkaraniwan na ang kakayahan ko, at may limitasyon ang aking mga kasanayan. Kung hindi ako magsusumikap at hindi gugustuhing magbayad ng halaga, paano ko magagawa nang tama ang aking tungkulin?” Sa lahat ng mga taong ito na nananalig ako sa Diyos, natamasa ko ang napakaraming biyaya mula sa Kanya. Ngayon ay ni hindi ko ginagawa nang tama ang mga tungkulin na kaya ko. Wala talaga akong konsensya o katinuan. Walang-wala akong pagkatao! Ang mga taong may pagkatao, na may karakter, ay alam na dapat nilang pakitaan ng pagsasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at suklian ang Kanyang pagmamahal. Kahit na wala silang gaanong nauunawaan tungkol sa katotohanan at hindi nakagagawa ng anumang dakilang gawain, kahit papaano ay kaya nilang isakatuparan ang kanilang mga obligasyon, at masigasig na tuparin ang wastong tungkulin nila bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Pero para hindi ako maabala, naging pabasta-basta ako sa paggawa ng aking tungkulin. Halata namang hindi masyadong mahirap ang gawain, pero sinamantala ko pa rin ang anumang pagkakataong mayroon ako para magpakatamad. Talagang napakatuso kong tao na walang dignidad o integridad. Pagkatapos pagnilayan ito, nakaramdam ako ng labis na pagsisisi, at hindi ko na gustong magpatuloy sa pagiging pabasta-basta na tulad nito. Nais ko na lang gampanan nang buong-pansin ang aking tungkulin, at asikasuhin ang aking mga responsibilidad.

Pagkatapos ay nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. “May ilang taong ayaw talagang magdusa sa kanilang mga tungkulin, na laging nagrereklamo sa tuwing may nakakaharap silang problema at ayaw nilang magbayad ng halaga. Anong klaseng saloobin iyan? Iyan ay saloobing pabasta-basta. Ano ang bunga ng pagganap ng iyong tungkulin nang pabasta-basta, at itinuturing ito na tila walang halaga? Ito ang hindi magandang pagganap ng iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay hindi masisiyahan sa iyong pag-uugali sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at isinapuso at isinaisip mo iyon, kung nagkaroon ka ng kakayahan sa gayong kooperasyon, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat para sa iyo, upang lahat ay malagay sa lugar kapag ginawa mo iyon, at magiging maganda ang mga resulta. Hindi mo kailangan magpilit nang labis; kapag nakikipagtulungan ka nang mabuti, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay tuso at madaya, kung wala kang pakialam sa iyong tungkulin, at palaging naliligaw, hindi kikilos ang Diyos; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Ikaw ay hindi sapat, ikaw ay walang silbi. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at madaya, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at hindi nagpapakahirap, hindi ba? Kung gayon, huwag kang magpakahirap magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay isang pagkatalo o isang panalo? (Isang pagkatalo.) Ito ay isang napakalaking kalugihan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang maharap ako sa mga isyu habang gumagawa ng video at naramdaman kong hindi ako sigurado sa mga iyon, kung masigasig ako at nagbayad ng halaga, kung nanalangin ako at naghanap, binigyang-liwanag sana ako ng Diyos at inakay na maunawaan ang ugat ng problema. Kung gayon ay patuloy sana akong humusay sa aking tungkulin, at nakabawi sana sa aking mga pagkukulang. Nagkaroon sana ako ng mga pakinabang at pag-usad sa mga kasanayan ko at sa pagpasok ko sa buhay. Naisip ko kung paanong kapag nahaharap ako sa isang problema, sinusubukan kong ipasa ito sa ibang tao. Sa huli, may makakamit sila mula rito sa pamamagitan ng paghahanap at pagninilay, patuloy silang huhusay sa kanilang mga tungkulin, at magkakaroon ng pag-usad sa kanilang mga buhay, samantalang ako, tinatapos ko lang ang mga gawain nang walang nakakamit na kahit ano. Hindi ba’t talagang nagiging hangal ako? Sa huli, ako ang nawalan. Bukod pa rito, ang Diyos ay nasusuklam at napopoot sa saloobin kong iyon sa pagtrato sa aking tungkulin, kaya’t hindi Niya ako bibigyang-liwanag at tatanglawan. Dahil dito, naging bulag ako at hindi ko nahalata ang anumang mga problema. Kung hindi ako magsisisi, hindi lamang sa hindi talaga magbabago ang aking disposisyon sa buhay, hindi rin ako kailanman uusad sa aking mga tungkulin. Kung walang sinuman ang nag-review at nagsuri ng aking gawain at ginawa ko lang ang lahat ng ito nang hindi maayos, hindi ba’t naging walang kuwenta ako? Pagkatapos mapag-isipan ito, naunawaan ko na sa pagiging pabasta-basta at tatamad-tamad, hindi ko lang nililinlang ang Diyos at inaantala ang gawain ng iglesia, niloloko ko rin at ipinapahamak ang sarili ko. Nalungkot ako nang husto nang maisip iyon. Gusto ko na lang gawin ang aking tungkulin nang buong-pansin at asikasuhin ang aking mga responsibilidad sa hinaharap, at hindi na maghanap ng mga dahilan para magpakatamad o kumilos nang pabasta-basta. Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos. “Kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao, madalas silang mapagwalang-bahala at walang ingat kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isa ito sa mga pinakaseryosong problema sa lahat. Kung gagampanan nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin, dapat muna nilang lutasin ang problemang ito ng pagiging mapagwalang-bahala at kawalang ingat. Hangga’t may gayong ugali sila na mapagwalang-bahala at walang ingat, hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, na nangangahulugang lubhang mahalagang lutasin ang problema ng pagiging mapagwalang-bahala at kawalang ingat. Paano sila dapat magsagawa? Una, dapat nilang lutasin ang problema sa lagay ng kanilang pag-iisip; dapat nilang harapin nang tama ang kanilang tungkulin, at gawin ang mga bagay nang may kaseryosohan at may pagpapahalaga sa pananagutan, nang hindi nagiging mapanlinlang o mapagwalang-bahala. Ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin para sa Diyos, hindi para sa sinumang tao; kung magagawa ng mga taong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, magkakaroon sila ng tamang lagay ng pag-iisip. Higit pa rito, pagkatapos gawin ang isang bagay, dapat suriin ito ng mga tao, at pagnilay-nilayan ito, at kung may anumang alinlangan sila sa kanilang puso, at matapos ang masusing inspeksyon, napag-alaman nilang may problema nga, dapat silang gumawa ng mga pagbabago; kapag nagawa na ang mga pagbabagong ito, hindi na sila magkakaroon ng anumang mga alinlangan sa kanilang puso. Kapag may mga alinlangan ang mga tao, pinatutunayan nitong may problema, at dapat nilang masusing suriin ang mga nagawa nila, lalo na sa mga mahahalagang yugto. Ito ay isang responsableng pag-uugali sa pagganap ng tungkulin. Kapag ang isang tao ay makakayang maging seryoso, umako ng responsibilidad, at ibigay ang kanyang buong puso at lakas, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan ikaw ay wala sa tamang lagay ng pag-iisip, at hindi ka makahanap o makatuklas ng isang napakalinaw na pagkakamali. Kung ikaw ay nasa tamang lagay ng pag-iisip, sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, magagawa mong tukuyin ang usapin. Kung ginabayan ka ng Banal na Espiritu at binigyan ka ng kamalayan, tinutulutan kang makaramdam ng kalinawan sa puso at na malaman kung saan may mali, magagawa mo nang itama ang paglihis at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Kung ikaw ay nasa maling lagay ng pag-iisip, at tuliro at pabaya, mapapansin mo kaya ang mali? Hindi mo mapapansin. Ano ang makikita mula rito? Ipinapakita nito na upang magampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, napakahalaga na nakikipagtulungan ang mga tao; napakahalaga ng lagay ng kanilang mga pag-iisip, at napakahalaga ng kung saan nila itinutuon ang kanilang mga iniisip at layunin. Sinisiyasat at nakikita ng Diyos kung ano ang lagay ng pag-iisip ng mga tao habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at kung gaano karaming lakas ang ginagamit nila. Napakahalaga na inilalagay ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa kanilang ginagawa. Napakahalagang sangkap ng pakikipagtulungan. Tanging kung nagsisikap ang mga tao na walang pagsisihan tungkol sa mga tungkuling kanilang naisagawa at mga bagay na kanilang nagawa, at hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos, makakikilos sila nang buong puso at lakas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ipagpalagay nang binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng gagawing trabaho, at sinabi mong, ‘Isang pagkakataon man ang trabahong ito na mamukod-tangi o hindi—dahil ibinigay sa akin ito, gagawin ko ito nang maayos. Tatanggapin ko ang responsabilidad na ito. Kung itatalaga ako sa pagsalubong sa mga panauhin, gagawin ko ang lahat para magawa nang maayos ang gawaing iyon; aasikasuhin ko nang husto ang mga kapatid, at hindi ko hahayaang magkaroon ng mga problema. Kung itatalaga ako na magpalaganap ng ebanghelyo, sasangkapan ko ang sarili ko ng katotohanan at mapagmahal kong ipapalaganap ang ebanghelyo at gagampanan nang mabuti ang tungkulin ko. Kung aatasan akong mag-aral ng isang wikang banyaga, masigasig kong pag-aaralan iyon at pagsusumikapan ko iyon, at aaralin ko iyon nang husto sa lalong madaling panahon, sa loob ng isa o dalawang taon, upang makapagpatotoo ako sa Diyos sa mga dayuhan. Kung aatasan akong magsulat ng mga artikulo, maingat kong sasanayin ang sarili ko na gawin iyon; pag-aaralan ko ang wika, at bagama’t maaaring hindi ako makasulat ng mga artikulong may magandang prosa, kahit paano ay magagawa kong linawin ang mga bagay-bagay, komprehensibong magbahagi tungkol sa katotohanan, at magbigay ng tunay na patotoo para sa Diyos, nang sa gayon kapag binasa ng mga tao ang aking mga artikulo, sisigla sila at makikinabang. Anumang trabaho ang iatas sa akin ng iglesia, tatanggapin ko iyon nang buong puso at lakas, at kung mayroon akong hindi maunawaan o magkaroon ng problema, hahanapin ko ang katotohanan, mananalangin ako sa Diyos, uunawain ko ang mga prinsipyo ng katotohanan, at gagawin ko nang maayos ang bagay na iyon. Anuman ang tungkulin ko, gagamitin ko ang lahat ng mayroon ako para magampanan iyon nang maayos at mapalugod ko ang Diyos. Dahil anuman ang aking makamit, gagawin ko ang makakaya ko para akuin ang lahat ng responsabilidad na dapat kong pasanin, at kahit paano, hindi ako sasalungat sa konsiyensya at katwiran ko, o magiging pabaya at pabasta-basta, o magiging tuso at batugan, o tatamasahin ang mga bunga ng pagsisikap ng iba. Wala akong gagawin na hindi aabot sa mga pamantayan ng konsiyensya.’ Ito ang pinakamababang pamantayan ng asal ng tao, at ang taong gumaganap sa kanyang tungkulin sa gayong paraan ay maaaring maituring na isang taong matapat at makatwiran. Dapat kahit papaano ay malinis ang konsiyensya mo sa pagganap sa iyong tungkulin, at dapat kahit papaano ay madama mong karapat-dapat ka sa kinakain mo tatlong beses sa isang araw at hindi mo hinihingi ang mga iyon. Ang tawag dito ay pagpapahalaga sa responsabilidad. Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, dapat mong taglayin ang saloobing ito: ‘Dahil ipinagagawa sa akin ang gawaing ito, dapat ko itong seryosohin; dapat kong alalahanin ito at gawin ito nang maayos, nang buong puso at lakas ko. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para matiyak na magawa iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magpapabaya at magpapabasta-basta tungkol dito. Kung magkaroon ng problema, dapat kong tanggapin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin. Ganito ba ang inyong saloobin?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Kailangan kong panatilihin ang isang taimtim at responsableng puso habang ginagawa ang aking tungkulin, at maging maingat sa paggawa ng bawat video. Kung hindi ako sigurado tungkol sa isang bagay, kailangan kong suriin at pag-isipan ito nang mas mabuti. Kahit na minsan ay hindi ko ito masosolusyunan nang mag-isa, maaari akong maghanap ng ilang bihasang kapatid para talakayin ito nang magkakasama, at pagkatapos ay gawin ang lahat ng aking makakaya para lutasin ang mga problema. Sa pamamagitan ng pagganap nang ganito sa aking tungkulin, saka ko lamang makakamit ang kaliwanagan ng Diyos. Pagkatapos itong maisaalang-alang, sadya kong isinakatuparan ang landas na ito ng pagsasagawa. Kapag nahaharap ako sa ilang mahihirap na problema at gusto kong magpakatamad at ipasa uli ang mga ito sa iba, nananalangin ako at hindi ko na gustong maging pabasta-basta sa aking tungkulin. Alam kong kailangan kong asikasuhin ang mga responsibilidad na kaya ko. Hindi ako maaaring gumawa ng isang bagay na kasusuklaman na naman ng Diyos. Kaya tinatalakay ko sa iba ang mga problemang hindi ko masolusyunan, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa lahat, nagagawa kong lutasin ang ilan sa mga problema at marami akong natututunan. Kapag nakatatagpo ako ng problema dati, hindi ko ito pinagninilayan nang mabuti at ipinapasa lang ito sa iba. Sa tuwing kinakausap ako ng iba tungkol sa isang isyu, nakikiayon lang ako sa kanila, wala akong sariling ideya, at kapag natatapos ko ang isang video, wala akong nakakamit na kahit ano. Pero kapag tinutukoy ng iba ang isang problemang pinagnilayan ko nang mabuti, pakiramdam ko ay marami akong natatamo. Pagkatapos magsagawa nang ganito nang ilang panahon, humusay nang bahagya ang kasanayan ko at mas kaunti na ang problema sa aking mga video kaysa dati. Medyo mas mahusay na rin ako sa aking tungkulin. Ngayon ko lang naramdaman na hangga’t ginagawa ko nang buong-atensyon ang aking tungkulin at inaasikaso ang aking mga responsibilidad, magiging kalmado at magaan ang pakiramdam ko, marami akong makakamit at uusad ako. Ang pagpasok sa buhay ay talagang nagsisimula sa masigasig na paggawa sa ating tungkulin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...

Leave a Reply