Ang Natatago sa Likod ng Pagmumukhang Abala
Noong Disyembre ng nakaraang taon, humarap ako sa pagpupungos dahil sa pagiging iresponsable sa paggawa ng aking mga tungkulin. Pagkatapos magnilay, napagtanto ko na noong panahong iyon, ang pagganap ko sa mga tungkulin ko ay iresponsable nga. Bilang isang lider sa iglesia, sinubaybayan ko lang ang mga gawaing tekstuwal at hindi ko inasikaso ang iba pang mga gawain na hindi ko direktang responsabilidad o hindi nakakaapekto sa reputasyon at katayuan ko. Kahit na puwede ko namang gamitin nang mas mabisa ang oras ko para masubaybayan ang mas maraming gawain, sa tingin ko ay nakakayamot at nakakapagod iyon, kaya ayaw kong magbigay ng dagdag na pagsisikap. Ang resulta, hindi ko alam na may mga pagkaantala sa mga gawain ng pagvi-video. Hindi talaga ako gumawa ng tunay na gawain. Nang makita kong hindi ako tinanggal sa sambahayan ng Diyos at binigyan ako ng pagkakataon para ituloy ang paggawa ng aking mga tungkulin, naisip ko, “Dapat tunay akong magsisi at bumawi sa pagkakautang ko.”
Pagkatapos niyon, sa araw ay sinusubaybayan ko ang pagvi-video ng mga patotoong batay sa karanasan, at sa gabi naman ay sinusuri ko ang mga dokumento. Puno ang iskedyul ko araw-araw. Kahit mas kaunti ang panahon ko para sa paglilibang, masaya ang pakiramdam ko bawat araw. Kalaunan, nagpupuyat ako gabi-gabi hanggang alas dos o alas tres ng madaling araw at gumigising nang mga alas siyete ng umaga. Noong panahong iyon, hindi ako napapagod. Akala ko kapag nagpupuyat ako, mas marami akong matatapos na gawain, na mas mainam kaysa sa pagpapakasasa sa kaalwanan gaya ng dati. Kalaunan, napansin ng mga kapatid na nasa paligid ko ang madalas kong pagpupuyat at ang maputlang kutis ko, at pinaalalahanan nila ako na magpahinga nang mas maaga. May isa pang kapatid na nagtanong sa akin, “Nagpupuyat ka hanggang malalim na ang gabi at bihira kang magpahinga sa tanghali. Makakaya mo bang gawin iyan araw-araw?” Naisip ko, “Nakita pala ng mga kapatid ko ang paghihirap ko. Kung gayon sulit na tiisin ang paghihirap na ito. Kahit papaano ay nakikita ng lahat ang saloobin ko ng pagsisisi at na ako ay isang taong kayang magtiis ng paghihirap sa pagganap ng tungkulin, hindi isang taong naghahanap ng kaalwanan.” Noong panahong iyon, kapag nakikita ko ang ilang kapatid na natutulog na nang alas onse, minamaliit ko sila sa puso ko, iniisip ko, “Masyadong komportable ang ganito. Hindi kayo nasasabik o nagmamadaling gawin ang mga tungkulin ninyo, at wala kayong konsiderasyon sa mga layunin ng Diyos.” Para ipakita sa kanila na iba ang saloobin ko sa paggawa ng mga tungkulin, nagpatuloy ako sa pagpupuyat at paggising nang maaga. Pero habang nagpapatuloy ang pagpupuyat, nagsimulang magpakita ng masasamang reaksyon ang katawan ko. Kapag mga alas onse o alas dose na ng gabi, nagsisimulang kumabog ang puso ko. Alam kong nakakasama sa katawan ang pagpupuyat, at maraming beses na nagbahagi ang Diyos tungkol sa pagpapanatili ng normal na iskedyul ng pagtulog. Pero naisip ko, “Ano kaya kung matulog ako nang maaga? Ano ang iisipin ng mga kapatid tungkol sa akin? Sasabihin ba nila, ‘Nang dumating ang oras para maharap ka sa pagpupungos, nakaya mong magtiis ng kaunting paghihirap at magbayad ng kaunting halaga, pero sa paglipas ng panahon, nabunyag ang tunay mong kulay, at walang nagbago’?” Ayaw kong magkaroon ng ganoong impresyon sa akin ang mga kapatid. Para mapanatili ang imahe ng isang may pasanin, kahit pa sobrang pagod na ako sa gabi, nagtiis ako at nagtiyaga. Sa tanghali, hindi ako nangahas na umidlip nang mahaba, dahil natatakot ako na sasabihin ng mga kapatid na nagpapakasasa ako sa laman. Minsan, kapag hindi ako umidlip sa tanghali at pagod talaga ako, umiinom ako ng isang tasa ng kape para manatiling alerto. Minsan kapag nagpupuyat ako sa pagtatrabaho at nakita kong nasa opisina pa ang ibang mga kapatid, sinasadya kong gumawa ng ilang ingay para malaman nilang nagpupuyat din ako sa pagtatrabaho. Para sa ilang kapatid na nasa mga lugar na may ibang oras, kapag pinapadalhan nila ako ng mensahe, kahit nakahiga na ako, sinasagot ko sila. Kapag sinasabi nilang, “Gabing-gabi na, at hindi ka pa rin natutulog. Magpahinga ka na!” natutuwa ako sa loob ko, iniisip na nakikita ng mga kapatid ang pagsusumikap ko. Kapag kalaunan ay kinumusta ng nakatataas na lider ang pagganap ko, kahit ano pa ang kinalabasan ng paggawa ko, ituturing na maayos ang saloobin ko pagdating sa pagganap ng mga tungkulin. Kahit pa wala akong nakamit, mayroon talagang pagsisikap. Siguradong pupurihin ng mga kapatid ang aking ugaling may pagsisisi at makikita nila ako bilang isang lider na gumagawa ng tunay na gawain. Kapag iniisip ko ang mga bagay na ito, pakiramdam ko palagi ay matatag ako.
Pero dahil sa pagpupuyat nang matagal na panahon, nagigising ako tuwing umaga na kumakabog ang puso, at dahil pagod ang utak ko, hindi ako makapagtuon nang maayos habang sinusuri ko ang mga dokumento kapag araw. Mababa ang kahusayan ko sa gawain kapag araw, kaya kailangan kong magpuyat para mas maraming matapos. Dahil gabing-gabi na ako natutulog, sa oras na matapos akong mag-almusal sa sumunod na umaga, halos alas otso na. Gusto kong gumawa ng espirituwal na debosyon pero pakiramdam ko ay wala nang sapat na oras, kaya sinusulyapan ko lang nang mabilis ang ilang salita ng Diyos, at nang walang malalim na pagninilay, nagsisimula na akong magtrabaho. Mas humirap pa ang pagsusulat ng mga artikulo; pakiramdam ko, sobrang abala ako sa mga tungkulin para magkaroon pa ng kahit anong oras. Kalaunan, nagsimulang paisa-isang lumitaw ang mga problema sa mga tungkulin ko, at noon ako nagsimulang magnilay: Intensyon kong gawin ang mga tungkulin ko nang maayos, kaya bakit parami nang parami ang mga problema? Bakit nababawasan ang pagiging mabisa ng mga tungkulin ko? Napagtanto ko na kung itutuloy ko ang pagpapaikot-ikot na ito, hindi lang ako masasaid sa pisikal, mawawalan din ng resulta ang paggawa ko. Kailangang baligtarin ko nang mabilis ang sitwasyong ito.
Pagkatapos, napag-isipan ko: Alam ko namang masama sa kalusugan ko ang pagpupuyat at na pinapababa nito ang kahusayan sa mga tungkulin ko, kaya bakit inuulit-ulit kong gawin ito? Napagtanto ko na noong panahong ito, gumagawa ako ng mga bagay para magkaroon ng isang partikular na imahe sa harap ng ibang tao. Pagkatapos ay naisip ko kung paano hinimay ng Diyos ang mga anticristo dahil sa ganoon ding pag-uugali, kaya hinanap ko ang mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pinatototohanan ng ilang tao ang kanilang sarili gamit ang wika, at nangungusap ng ilang salita na nagpapasikat sa kanila, habang ang ibang tao naman ay gumagamit ng mga pag-uugali. Ano ang mga pagpapamalas ng isang tao na gumagamit ng mga pag-uugali para patotohanan ang kanyang sarili? Sa panlabas, nakikibahagi siya sa ilang pag-uugaling naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, na tumatawag sa pansin ng mga tao, at na nakikita ng mga tao bilang sadyang marangal at medyo naaayon sa mga moral na pamantayan. Ang mga pag-uugaling ito ang nagpapaisip sa mga tao na marangal sila, na mayroon silang integridad, na talagang mahal nila ang Diyos, na napakamaka-Diyos nila, at talagang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at na sila ay mga tao na naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali sa panlabas para ilihis ang mga tao—hindi ba’t nangangamoy din ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kadalasan, itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili gamit ang mga salita, gumagamit ng malinaw na pananalita para ipahayag kung paano sila naiiba mula sa mga masa at kung paanong may mas matatalinong opinyon sila kaysa sa iba, upang gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at tingalain sila. Gayuman, may ilang kaparaanan na hindi kinapapalooban ng tahasang pananalita, kung saan ang mga tao sa halip ay gumagamit ng mga panlabas na pagsasagawa para patotohanang mas magaling sila kaysa sa iba. … Magbibigay Ako ng isang napakasimpleng halimbawa. Kapag ginagawa ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin, tila ba lubhang abala sila sa panlabas; sadya silang nagpapatuloy sa paggawa sa mga oras na kumakain o natutulog ang iba, at kapag nagsimula nang gawin ng iba ang kanilang mga tungkulin, kakain o matutulog naman sila. Anong layon nila sa paggawa nito? Nais nilang makatawag ng pansin at ipakita sa lahat na masyado silang abala sa paggawa ng kanilang mga tungkulin na wala na silang panahong kumain o matulog. Iniisip nilang: ‘Wala talaga kayong dinadalang pasanin. Bakit napakaagap ninyo sa pagkain at pagtulog? Kayong mga walang silbi! Tingnan ninyo ako, nagtatrabaho ako habang lahat kayo ay kumakain, at nagtatrabaho pa rin ako sa gabi kapag tulog na kayo. Makakayanan ba ninyong magdusa nang tulad nito? Kaya kong pagtiisan ang pagdurusang ito; gumagawa ako ng halimbawa sa pag-uugali ko.’ Anong tingin ninyo sa ganitong uri ng pag-uugali at pagpapamalas? Hindi ba sinasadyang gawin ito ng mga tao na ito? Sinasadyang gawin ng ilang tao ang mga bagay na ito, at anong uri ng pag-uugali ito? Nais ng mga tao na ito na maging mga di-umaayon; nais nilang maging iba kaysa sa mga masa at ipakita sa mga tao na abala silang ginagawa ang kanilang mga tungkulin buong gabi, na lubos nilang napagtitiisan ang pagdurusa. Sa ganitong paraan, labis na maaawa sa kanila ang lahat at magpapakita ng partikular na simpatya sa kanila, iniisip na mayroon silang mabigat na pasanin sa kanilang mga balikat, na umaabot hanggang sa leeg na nila ang trabaho at masyadong abala para kumain o matulog. At kung hindi sila maililigtas, magsusumamo sa Diyos ang lahat para sa kanila, makikiusap sa Diyos para sa kanila, at magdarasal para sa kanila. Sa paggawa nito, ginagamit ng mga tao na ito ang mabubuting pag-uugali at pagsasagawa na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, tulad ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, para dayain ang ibang tao at mapanlinlang na makuha ang kanilang simpatya at papuri. At ano ang pangwakas na resulta nito? Ang lahat ng nagkaroon ng ugnayan sa kanila at nakita silang nagbabayad ng halaga ay magsasabing lahat sa iisang boses: ‘Ang aming lider ang pinaka-may kakayahan, ang pinakakayang pagtiisan ang pagdurusa at ang pagbabayad ng halaga!’ Hindi ba nila nakamtan ang kanilang layon ng panlilihis sa mga tao? Pagkatapos, isang araw, sabi ng sambahayan ng Diyos, ‘Hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang lider ninyo. Ginagawa niyang abala ang kanyang sarili at gumagawa nang walang layon; kumikilos siya nang walang-ingat at siya ay di-makatwiran at mapagdikta. Nagulo niya ang gawain ng iglesia, hindi niya nagawa ang anuman sa mga gawaing dapat niyang gawin, hindi niya nagampanan ang gawain ng ebanghelyo o ang gawain ng produksyon ng pelikula, at nasa kaguluhan din ang buhay iglesia. Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang katotohanan, wala silang buhay pagpasok, at hindi sila makasulat ng mga artikulo ng patotoo. Ang pinakakaawa-awang bagay ay na hindi man lang nila makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Masyadong walang kakayahan ang ganitong uri ng lider; isa siyang huwad na lider na dapat tanggalin!’ Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, magiging madali ba na tanggalin siya? Maaaring mahirap gawin ito. Yamang sinasang-ayunan at sinusuportahan siya ng lahat ng mga kapatid, kung may sinumang susubukang tanggalin ang lider na ito, magpoprotesta ang mga kapatid at makikiusap sa ang Itaas para mapanatili siya. Bakit magkakaroon ng gayong kalalabasan? Dahil gumagamit ng mabubuting pag-uugali sa panlabas ang huwad na lider at anticristong ito gaya ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, pati na rin ang magagandang salita, para maantig, mabili, at mailihis ang mga tao. Sa sandaling nagamit na niya ang mga huwad na kaanyuang ito para ilihis ang mga tao, magsasalita ang lahat para sa kanya at hindi magagawang iwan siya. Malinaw na alam nilang hindi masyadong nakagawa ng aktuwal na gawain ang lider na ito, at na hindi nila nagabayan ang mga taong hinirang ng Diyos na maunawaan ang katotohanan at makamit ang buhay pagpasok, ngunit sinusuportahan pa rin siya ng mga tao na ito, sinasang-ayunan siya, at sumusunod sa kanya, ni wala man lang pakialam kung ang ibig sabihin nito ay hindi nila makakamit ang katotohanan at buhay” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Nakita ko na ang inilalantad ng Diyos ay ang pag-uugali ko. Mula noong pungusan ako ng nakatataas na lider dahil sa pagganap ko sa mga tungkulin ko nang walang pasanin at hindi paggawa ng tunay na gawain, palihim akong nagpasya na magsisi at magbago. Noong una, nagkaroon ako ng positibong pagsasagawa, layon kong makabawi sa pagkakautang ko sa pamamagitan ng praktikal na kilos. Pero unti-unti, nagsimulang magbago ang kalikasan ng aking pag-uugali. Kapag nagpupuyat ako at nakakatanggap ng atensyon at pag-aaruga mula sa mga kapatid, gusto kong patunayan sa lahat sa pamamagitan ng tunay kong pag-uugali na nagsisi na ako sa panahong ito at handa akong magbayad ng halaga para sa mga tungkulin ko. Kung isang araw, tatanungin ng nakatataas na lider ang lahat kung ano ang tingin nila sa akin, siguradong positibo ang sasabihin ng mga kapatid tungkol sa akin, patunay na hindi ako tamad o iresponsableng lider. Kaya, walang sawang nagtiis ako ng paghihirap at nagpuyat, ginamit iyon bilang pagpapakita ng tapat kong pagganap sa mga tungkulin, sadyang ipinagyayabang ko pa nga iyon sa harap ng mga kapatid. Minsan, kapag malinaw na pagod na pagod na ako at gusto ko nang matulog, sinusubukan ko pa ring mahuli sa pagtulog para mabigyang-diin ang aking “abalang iskedyul” bilang isang lider. Minsan, dahil napuyat ako, pakiramdam ko ay nasaid na ang isip ko at hindi na ako makapagtuon kapag araw; kapag ganito, normal lang na umidlip. Gayunpaman, para mapanatili ang imahe ko na may pasanin, minsan ay hindi ako nagpapahinga sa tanghali, kapag lang hindi ko na talaga kaya, at kahit pa magkagayon, hindi ako nangangahas na umidlip nang mahaba, kasi natatakot ako na iisipin ng lahat na nagpapakasasa ako. Nagpupuyat ako, hangga’t gising ang ilang kapatid, kasi gusto kong malaman nila na nagtitiyaga pa rin ako. Pinapadalhan ko pa ng mensahe ang mga kapatid sa ibang bansa para ipaalam sa mas maraming tao na ako ay isang taong handang magtiis ng paghihirap para sa mga tungkulin ko, bumubuo ng isang imahe ng isang masipag na tao. Nang makita kong inilantad ng Diyos ang ilang taong gumagamit ng wika, nagsasabi ng mayayabang na salita para magpatotoo tungkol sa sarili nila at magtamo ng mataas na pagtingin, at ang iba ay gumagamit ng mga pag-uugali na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na itinuturing na marangal at medyo nakaayon sa pamantayang moral, para iligaw ang iba, upang hangaan at ipagpitagan sila ng mga taong iyon, napagtanto ko na sa pamamagitan ng pagpupuyat at paghihirap, sinusubukan kong magtayo ng isang magandang imahe ng sarili ko. Gusto kong magkamit ng pabor mula sa lahat, at ginagamit ko ang magandang pag-uugaling ito ng pagtitiis ng paghihirap at pagbabayad ng halaga para ipagyabang ang sarili ko at iligaw ang iba, na isang pagpapamalas ng mga anticristo. Naisip ko ang pagpapaimbabaw ng mga Pariseo, na sinasadyang magdasal sa mga sinagoga at mga kanto ng kalsada, at malulungkot ang mukha kapag nag-aayuno. Pinalawak din nila ang kanilang mga lalagyan ng mga relihiyosong kasulatan at nagpakitang nagbibigay sila ng limos, lahat para itanghal at patotohanan ang mga sarili nila sa pamamagitan ng mga panlabas na kilos na ito ng mabuting pag-uugali. Ang lahat ng ginawa ng mga Pariseo ay para iligaw at siluin ang mga tao, para patunayan ang sarili nila at ipagpitagan sila ng mga tao—tinahak ng mga Pariseo ang landas ng paglaban sa Diyos. Sa halip na magtuon sa mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng aking mga tungkulin, tumatahak ako sa maling landas, minamanipula ang panlabas na anyo para iligaw ang ibang tao at magkamit ng paghanga nila. Ubod ng sama talaga!
Nagnilay pa ako: Anu-anong aspekto ng tiwaling disposisyon ang natatago sa likod ng aking paghihirap na magpuyat? Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—na malinaw na nagpapakita ng isang katunayan: Hindi kailanman kumikilos ang mga anticristo ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan—na siyang pinakalantarang pagpapamalas ng isang anticristo. Bukod sa reputasyon at katayuan, at sa pagiging pinagpala at ginagantimpalaan, isa pang bagay na hinahangad nila ay ang magtamasa ng mga kaginhawahan ng katawan at ng mga pakinabang ng katayuan; at dahil dito, natural na nagsasanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan. Ipinapakita ng mga katunayang ito na ang kanilang hinahangad, at ang pag-uugali at pagpapamalas nila ay hindi minamahal ng Diyos. At ang mga ito ay tiyak na hindi ang mga kilos at pag-uugali ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang anticristo na katulad ni Pablo ay may determinasyong magdusa kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kaya nilang magpuyat buong gabi at hindi kumain kapag ginagawa ang kanilang gawain, kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, kaya nilang malampasan ang anumang sakit at paghihirap. At ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Ang ipakita sa lahat na kaya nilang isantabi ang kanilang sarili—na magpakasakit—pagdating sa atas ng Diyos; na para sa kanila, ang mayroon lamang ay tungkulin. Ipinapakita nila ang lahat ng ito sa harap ng ibang mga tao. Kapag may mga tao sa paligid, hindi sila nagpapahinga kahit kailangan na, sadya pa ngang pinahahaba ang oras nila sa trabaho, gumigising nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na. Ngunit kumusta naman ang kahusayan sa trabaho at pagiging epektibo ng kanilang tungkulin kapag nagpapagod nang ganito ang mga anticristo mula umaga hanggang gabi? Ang mga bagay na ito ay hindi saklaw ng kanilang mga pagsasaalang-alang. Sinisikap lamang nilang gawin ang lahat ng ito sa harap ng iba, para makita ng ibang mga tao na nagdurusa sila, at makita kung paano sila gumugugol para sa Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Tungkol naman sa kung ang tungkuling ginagampanan nila at ang gawaing ginagawa nila ay isinasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila talaga pinag-iisipan ito. Ang tanging iniisip nila ay kung nakita ba ng lahat ang mabuting ugaling ipinapakita nila, kung batid ba ito ng lahat, kung nag-iwan ba sila ng impresyon sa lahat, at kung maghihikayat ba ang impresyong ito na hangaan at sang-ayunan sila, kung sasang-ayunan ba sila ng mga taong ito kahit hindi nila alam at pupurihin sila sa pagsasabing, ‘Kaya talaga nilang tiisin ang hirap, hindi mapapantayan ng sinuman sa atin ang kanilang pagtitiis at pambihirang pagtitiyaga. Ito ay isang taong naghahangad ng katotohanan, na nagagawang magdusa at magtiis ng mabigat na pasanin, isa siyang haligi sa iglesia.’ Kapag naririnig ito, nasisiyahan ang mga anticristo. Iniisip nila sa kanilang puso, ‘Napakamautak ko na nagkunwari ako nang gayon, napakatalino ko na ginawa ko ito! Alam ko na panlabas lamang ang titingnan ng lahat, at gusto nila ang mabubuting pag-uugaling ito. Alam ko na kung kikilos ako nang ganito, matatamo nito ang pagsang-ayon ng mga tao, magiging dahilan ito para aprubahan nila ako, hahangaan nila ako sa kaibuturan ng kanilang puso dahil dito, magugustuhan nila ako, at hindi na ako hahamakin ng sinuman kailanman. At kung dumating ang araw na matuklasan ng itaas na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain at tanggalin ako, siguradong maraming taong magtatanggol sa akin, iiyak para sa akin, at hihimukin akong manatili, at magsasalita alang-alang sa akin.’ Palihim silang nagagalak sa huwad nilang pag-uugali—at hindi ba nagpapakita rin ang kagalakang ito ng kalikasang diwa ng isang anticristo? At ano ang diwang ito? (Kabuktutan.) Tama iyan—ito ang diwa ng kabuktutan. Dahil pinangingibabawan nitong diwa ng kabuktutan, nagdudulot ang mga anticristo ng kalagayan ng pagiging kampante at paghanga sa sarili na nagdudulot sa kanilang lihim na magprotesta at lumaban sa Diyos sa mga puso nila. Sa panlabas, tila labis silang nagpapakasakit at matinding pagdurusa ang tinitiis ng laman nila, pero talaga bang isinasaalang-alang nila ang pasanin ng Diyos? Tunay ba nilang ginugugol ang sarili nila para sa Diyos? Kaya ba nilang gawin nang tapat ang tungkulin nila? Hindi, hindi nila kaya. … Hindi ba may buktot na disposisyon ang mga anticristo? Sa likod ng pagdurusa nila, nagkikimkim sila ng ganoong mga ambisyon at kahalayan, at iyon ang dahilan kung bakit kinasusuklaman ng Diyos ang ganoong mga tao at ganoong disposisyon. Gayumpaman, hindi kailanman nakikita o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, samantalang nakikita lang ng tao ang panlabas na anyo ng tao—ang pinakamalaking kalokohan tungkol sa mga anticristo ay na hindi nila kinikilala ang katunayang ito, ni nakikita ito. Kaya ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang gamitin ang magandang pag-uugali para ipakita ang kanilang sarili at gawing kaakit-akit para isipin ng iba na kaya nilang magdusa at magtiis ng paghihirap, magtiis ng pagdurusa na hindi kaya ng mga karaniwang tao, gumawa ng trabahong hindi kaya ng mga karaniwang tao, para isipin ng iba na matitibay sila, na kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, at hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga makalamang interes o kasiyahan. Kung minsan ay sadya pa nga nilang isusuot ang mga damit nila hanggang sa medyo dumumi na ang mga ito at hindi lalabhan ang mga ito, hindi lalabhan ang mga ito kahit na magsimula nang mamaho; ginagawa nila ang anumang magdudulot sa ibang taong sumamba sa kanila. Habang mas madalas nilang kaharap ang iba, lalo nilang ginagawa ang lahat para magpapansin nang makita ng iba na naiiba sila sa mga karaniwang tao, na ang pagnanais nilang gugulin ang sarili nila para sa Diyos ay mas malaki kaysa sa mga karaniwang tao, na ang determinasyon nilang magdusa ay mas matindi kaysa sa mga karaniwang tao, at na ang tibay nila sa pagtitiis ng pagdurusa ay mas matindi kaysa sa mga karaniwang tao. Nagdudulot ang mga anticristo ng ganoong mga pag-uugali sa ganitong mga uri ng sitwasyon, at nasa likod ng mga pag-uugaling ito ang pagnanais sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo na sambahin sila at maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao. At kapag naisakatuparan na nila ang mithiin nila, kapag narinig na nila ang mga papuri ng mga tao, at kapag nakita na nilang kinaiinggitan na sila ng mga tao, hinahangaan, at may mapagpahalagang tingin sa kanila, saka sila nasisiyahan at nakokontento sa mga puso nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang disposisyon ng mga anticristo ay buktot. Kapag naharap sa mga bagay-bagay, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo o kung paano kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos. Sa halip, nakatuon sila sa panlabas na mga pag-uugali, dinidisiplina ang sarili nilang mga katawan at naghihimagsik laban sa kanilang laman, ginagamit ang panlabas na mabuting ugali para iligaw ang iba. Ganoon din ang inasal ko. Pagkatapos magpuyat nang ilang panahon at makatanggap ng mga positibong reaksyon, ng pagpapakita ng mga kapatid ng pag-aalala at maging ng paghanga pa nga sa akin, nagsimula akong maniwala na sulit ang paghihirap ko at pagbabayad ko ng halaga. Para mapanatili ang imahe ko na may pasanin, sinadya kong pahabain ang oras ko ng pagtatrabaho. Kahit kapag puwede akong magpahinga nang mas maaga, inaantala ko ang pagtulog hanggang sa gabing-gabi na. Sinabi ng Diyos na ang mga anticristo ay kumikilos lang sa harap ng ibang tao, inaalala lang kung ang mga kilos ba nila ay nakikita ng iba at nag-iiwan ng magandang impresyon sa iba. Pagdating naman sa mga positibong bagay, gaya ng kung epektibo ba o mahusay ang paggawa nila, hindi man lang nila isinasaalang-alang ang mga bagay na iyon. Ganoon mismo ang ginawi ko. Kamakailan lang, dahil sa kawalan ko ng pasanin sa pagganap ko sa tungkulin ko at ang kabiguang gumawa ng tunay na gawain, humarap ako sa pagpupungos. Kung talagang gusto kong magsisi, dapat ay pinagnilayan ko ang tiwaling disposisyon ko, pinag-isipan kung paano pagbubutihin ang husay sa gawain, at pinagsikapan pa lalo ang mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, pinahaba ko ang oras ko ng pagtatrabaho at nagpuyat ako para mapanatili ang imahe ko. Hindi malinaw ang isip ko habang gumaganap ako ng tungkulin ko sa kalaliman ng gabi, at magulo ang pag-iisip ko kapag araw, at mahina ang konsentrasyon. Sa kabuuan, mababa ang kahusayan ko sa trabaho. Gayunpaman, hindi ko isinaalang-alang kung maaantala ba ang gawain sa sambahayan ng Diyos. Hangga’t nakakabuo ako ng magandang imahe sa puso ng mga kapatid, sapat na iyon para sa akin. Ginamit ko ang mga pagkakataong ginagawa ko ang tungkulin ko para magpakitang-gilas at magkamit ng paghanga. Gumagawa ako para sa katayuan, hindi para tuparin ang tungkulin ko at mapalugod ang Diyos. Ubod ng sama at kabuktutan ang mga iniisip ko. Bukod pa diyan, mayroon pa akong mas kasuklam-suklam na ideya sa loob ko. Noong pinupungos ako, alam kong inoobserbahan ng mga kapatid at ng nakatataas na lider kung nagbago na ba ako. Pero inisip ko na sobrang nakakapagod ang tunay na gawain at ang paglutas ng mga aktuwal na problema, at maaaring wala iyong agarang resulta, samantalang ang paghihimagsik laban sa laman sa pamamagitan ng pagpupuyat ay medyo simple. Kahit pa isang araw ay hindi ko gawin nang maayos ang gawain ko, ipagtatanggol pa rin ako ng mga kapatid dahil nakita nila ang pagsisikap ko, kung hindi man ang mga nakamit ko. Sa ganitong paraan, kahit tanggalin ako, hindi magiging masyadong nakakahiya. Kahit papaano, makikita ng lahat na kaya kong magtiis ng paghihirap at handa akong gumawa ng mabuting trabaho. Habang pinagninilayan ang mga kaisipan at layuning ito, nasuklam ako sa sarili ko. Naantala na ang mga gawain dahil sa dati kong kawalan ng aktuwal na gawain, at dapat pinalitan na ako. Binigyan ako ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon para patuloy na magsagawa, pero hindi ako nagsisi at nagbago. Sa halip, sinubukan kong iligaw ang iba sa pamamagitan ng paimbabaw na paghihirap, na pinalala ang mga kamalian ko. Kahit pa maligaw ko pansamantala ang iba dahil sa pagpupuyat ko, sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao. Kasusuklaman at aayawan Niya ang pagpapanggap at pagpapalamuti ko sa sarili ko sa ganitong paraan. Bukod pa riyan, sinusukat ng Diyos ang mga lider base sa kung kaya ba nilang gumawa ng tunay na gawain, at hindi base sa kung kaya ba nilang magpuyat o magtrabaho nang maraming oras. Kahit gaano katagal pa sila magtrabaho, kung hindi nila kayang tumuklas at lumutas ng mga problema sa gawain, magbahagi ng katotohanan para matulungan ang mga kapatid na lutasin ang mga paghihirap sa buhay pagpasok o magtamo ng aktuwal na bisa sa kanilang responsabilidad, hindi ito mabibilang na aktuwal na paggawa.
Kalaunan, nag-isip uli ako. Palaging hinihingi ng Diyos sa atin na magpanatili ng normal na oras ng pagtulog at sumunod sa natural na ritmo ng katawan. Pero, hindi ko sinunod ang mga salita ng Diyos. Naniwala pa nga ako na kahanga-hanga ang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Walang pagod akong kumapit sa paggawa ko ng tungkulin ko nang ganito. Ano ba mismo ang mali sa pananaw na ito? Naghanap ako sa mga salita ng Diyos ng tungkol sa bagay na ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Binigyan ka ng Diyos ng malayang pagpapasya, ng talino ng normal na pagkatao, at ng konsensiya at diwa na dapat taglayin ng isang tao. Kung gagamitin mo nang maayos at tama ang mga bagay na ito, susundin ang mga batas para sa kaligtasan ng pisikal na katawan, pangangalagaan nang tama ang iyong kalusugan, matatag na gagawin kung ano ang hinihiling sa iyo ng Diyos, at kakamtin kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos na makamit, kung gayon ay sapat na iyon, at napakasimple rin nito. Hiniling ba ng Diyos sa iyo na sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan? Hiniling ba Niya sa iyo na pahirapan ang sarili mo? (Hindi.) Hindi hinihingi ng Diyos ang gayong mga bagay. Hindi dapat pahirapan ng mga tao ang sarili nila, ngunit dapat silang magkaroon ng kaunting sentido komun at maayos na tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng katawan. Uminom ng tubig kapag nauuhaw ka, dagdagan ang pagkain mo kapag ikaw ay nagugutom, magpahinga kapag napapagod, mag-ehersisyo pagkatapos maupo nang napakahabang oras, pumunta sa doktor kapag may sakit ka, sundin ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw, at papanatilihin ang buhay ng normal na pagkatao. Siyempre, dapat mo ring ipagpatuloy ang iyong mga normal na tungkulin. Kung naglalaman ang iyong mga tungkulin ng ilang espesyal na kaalaman na hindi mo naiintindihan, dapat mong aralin at isagawa ito. Ito ang normal na buhay. Ang iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawa na inihahain ng Diyos para sa mga tao ay lahat ng bagay na kayang maunawaan ng talino ng normal na pagkatao, mga bagay na mauunawaan at matatanggap ng mga tao, at hindi lumalampas sa saklaw ng normal na pagkatao ni katiting. Lahat ito ay nasa saklaw ng kayang makamit ng mga tao, at sa anumang paraan ay hindi lumalampas sa mga hangganan ng kung ano ang nararapat. Hindi hinihingi ng Diyos na maging superhuman o tanyag ang mga tao, samantalang ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay nagtutulak sa mga tao na maghangad na maging superhuman o tanyag na mga tao. Hindi lamang nila dapat tanggapin ang dakilang layon ng kanilang bansa at bayan, kundi kinakailangan din nilang sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Inoobliga sila nitong isuko ang kanilang buhay, na ganap na salungat sa mga hinihingi ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa buhay ng mga tao? Pinananatiling ligtas ng Diyos ang mga tao sa bawat sitwasyon, at binabantayan sila mula sa pagkakahulog sa tukso at iba pang mapanganib na mga suliranin, at pinoprotektahan ang kanilang buhay. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa nito? Ito ay upang makapamuhay ng magandang buhay ang mga tao. Ano ang layon ng panghihikayat sa mga tao na mamuhay ng magandang buhay? Hindi ka Niya pinipilit na maging superhuman, ni pinapanatili sa puso mo ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, ni alalahanin ang bansa at ang mga mamamayan, at lalo na ang pumalit sa Kanya sa pamumuno sa lahat ng bagay, pangangasiwa sa lahat ng bagay, at pamumuno sa sangkatauhan. Sa halip, hinihingi Niya sa iyo na gampanan ang tamang posisyon ng isang nilikha, na tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha, na gampanan ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao, at gawin kung ano ang dapat gawin ng mga tao. Maraming bagay ang dapat mong gawin, at hindi kasama sa mga ito ang pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan, ang pagpapanatili sa puso mo sa lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, o paghawak sa sangkatauhan, sa iyong katutubong lupain, sa iglesia, sa kalooban ng Diyos, o sa Kanyang dakilang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa puso mo. Ang mga bagay na ito ay hindi kasama. Kaya, ano ang dapat kasama sa mga bagay na dapat mong gawin? Kasama rito ang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, ang mga tungkuling ibinibigay sa iyo ng Diyos, at bawat hinihingi na ibinibigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos sa bawat panahon. Hindi ba’t simple lang ito? Hindi ba’t madaling gawin ito? Napakasimple nito at madaling gawin. Ngunit palaging mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos at iniisip na hindi sila sineseryoso ng Diyos. May mga nag-iisip na, ‘Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay hindi dapat ituring ang kanilang sarili bilang napakaimportante, hindi sila dapat maging abala sa kanilang pisikal na katawan, at dapat silang magdusa nang higit pa, at huwag matulog nang masyadong maaga sa gabi, dahil baka malungkot ang Diyos kung matutulog sila nang napakaaga. Dapat silang bumangon nang maaga at matulog nang dis-oras ng gabi, at magpakapagod buong gabi sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit na wala silang mga resulta, dapat pa rin silang magpuyat hanggang alas dos o alas tres ng umaga.’ Bilang resulta, ang gayong mga tao ay labis na nagtatrabaho hanggang sa mapagod sila nang husto na maging ang paglalakad nila ay nangangailangan ng matinding pagsisikap, gayunpaman, sinasabi nila na ang pagganap ng kanilang mga tungkulin ang siyang dahilan ng kanilang pagkapagod. Hindi ba’t dulot it ng kahangalan at kamangmangan ng mga tao? May iba na nag-iisip na, ‘Hindi masaya ang Diyos kapag nagsusuot tayo ng mga damit na medyo espesyal at maganda, at hindi rin Siya masaya na kumakain tayo ng karne at masasarap na pagkain araw-araw. Sa sambahayan ng Diyos, maaari lamang tayong sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang ating makakaya hanggang sa araw ng ating kamatayan,’ at pakiramdam nila na bilang mga mananampalataya ng Diyos, dapat nilang gampanan ang kanilang tungkulin hanggang kamatayan, kung hindi ay hindi sila patatawarin ng Diyos. Ganoon ba talaga iyon? (Hindi.) Hinihingi ng Diyos sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin nang may pananagutan at katapatan, ngunit hindi Niya sila inoobliga na pahirapan ang kanilang katawan, at lalong hindi Niya hinihiling sa kanila na maging pabasta-basta, o magpalipas-oras. Nakikita Ko na ang ilang lider at manggagawa ay nagsasaayos na gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan, hindi humihingi ng kahusayan kundi inaaksaya lamang ang oras at lakas ng mga tao. Ang totoo ay sinasayang nila ang buhay ng mga tao. Sa huli, sa katagalan, nagkakasakit ang ilang tao, at nananakit ang kanilang likod, at sumasakit ang kanilang mga tuhod, at nahihilo sila sa tuwing tumitingin sila sa screen ng computer. Paanong nangyari ito? Sino ang nagsanhi nito? (Sila mismo ang nagsanhi nito.) Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magpahinga ang lahat nang hindi lalagpas sa alas-diyes ng gabi, ngunit ang ilang tao ay hindi natutulog hanggang alas-onse o alas-dose ng gabi, na nakaaapekto sa pahinga ng ibang tao. Pinupuna pa nga ng ilan ang mga taong normal na nagpapahinga, dahil sa pagnanasa ng mga ito ng kaginhawahan sa buhay. Mali ito. Paano ka mahusay na makakapagtrabaho kung hindi nakapahinga nang maayos ang katawan mo? Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito? Paano ito kinokontrol ng sambahayan ng Diyos? Ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga itinatakda ng sambahayan ng Diyos, at ito lamang ang tama. Ang ilang tao ay may mga kakatwang pagkaunawa, palaging gumagawa ng matitinding bagay, at pinipigilan pa nga ang iba. Hindi ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang tao ay talagang mga kakatwang hangal na walang anumang pagkakilala, at iniisip nila na upang magampanan ang kanilang mga tungkulin, dapat silang magpuyat, kahit na hindi sila abala sa trabaho, hindi tinutulutan ang kanilang sarili na matulog kapag pagod na sila, hindi pinapayagan ang kanilang sarili na sabihin sa sinuman kung may sakit sila, at ang mas malala pa, hindi pinapayagan ang kanilang sarili na magpatingin sa doktor, na itinuturing nilang pag-aaksaya ng oras na nagpapaantala sa pagganap ng kanilang tungkulin. Tama ba ang pananaw na ito? Bakit nakakaisip pa rin ang mga mananampalataya ng gayong mga kakatwang pananaw pagkatapos makarinig ng napakaraming sermon? Paano kinokontrol ang mga kaayusan ng gawain sa sambahayan ng Diyos? Dapat kang magpahinga sa tamang oras pagsapit ng alas-diyes ng gabi, at bumangon ng alas-sais ng umaga, at dapat mong tiyakin na nakakatulog ka nang walong oras. Dagdag pa rito, paulit-ulit pa ngang binibigyang-diin na dapat mong alagaan ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo pagkatapos ng trabaho, at kumain nang masustansya at sundin ang isang routine na mainam sa kalusugan, upang maiwasan ang mga isyu sa kalusugan habang ginagampanan ang iyong tungkulin. Pero hindi lang talaga ito maintindihan ng ilang tao, hindi nila kayang sumunod sa mga prinsipyo o tumalima sa mga panuntunan, at nagpupuyat sila kahit hindi kinakailangan at mali ang mga kinakain nila. Sa sandaling magkasakit sila, hindi nila nagagampanan ang kanilang tungkulin, at sa oras na iyon ay wala nang saysay ang magsisi pa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na napakapraktikal ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao—kapag nagugutom, kumain; kapag napapagod, magpahinga; kapag may sakit, magpatingin sa doktor. Hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging higit sa karaniwang tao o na lumabag sa normal na ritmo ng katawan para magawa ang kanilang mga tungkulin. Gayunpaman, dahil sa aking nakalilinlang na pang-unawa, inisip ko noon na ang pagtulog nang maaga ay katamaran habang ang pagtatrabaho sa gabi at pagpapabaya sa tulog ay kumakatawan sa tapat na pagganap sa tungkulin. Lalo na nang makita ko na kahit ang mga walang pananampalataya ay naghahangad ng kasipagan sa ganito ring paraan, sinunod ko ang paghahangad na ito. Mula pagkabata, itinuro sa atin ng mga eskuwelahan at ng lipunan na matuto tayo mula sa mga huwaran ng pagsisikap sa lipunan. May ilan sa kanila na hindi natitinag sa kanilang puwesto sa loob ng dose-dosenang oras, sa huli ay bumabagsak dahil sa sobrang pagtatrabaho, at may ilan pa ngang namamatay bigla sa mga trabaho nila. Ang pagiging dedikado nila ay pinuri at hinangaan ng mga sumunod na henerasyon. Tinanggap ko ang maling pananaw na ito at ginusto kong patunayan na may pasanin ako para sa tungkulin ko sa pamamagitan ng pagpupuyat. Pero ang totoo, pagdating ng mga alas onse o alas dose ng gabi, nagsisimula nang tumibok nang mabilis ang puso ko. Kinabukasan ng umaga, nagigising ako na mabigat ang ulo at matamlay ang katawan. Matagal-tagal bago ako makaagapay at makapagtrabaho. Dahil hindi ako makapagtuon masyado, dumami ang pagkakamali sa mga tungkulin ko, at mababa ang kahusayan ko sa trabaho. At dahil tinanghali ako ng gising, nilalaktawan ko ang espirituwal na debosyon at dumidiretso na ako sa trabaho. Araw-araw, bigo akong pagnilayan ang katiwaliang ipinakita ko o sumahin ang mga paglihis sa pagganap ko ng tungkulin ko. Ginampanan ko ang tungkulin ko nang nasa isang kalagayan ng pagtatrabaho, walang buhay pagpasok, at ang pagiging mabisa ng pagganap ko ay bumaba. Para makamit ang paghanga ng iba, nagpuyat ako nang dalawa o tatlong oras pa. Gayunpaman, hindi gaanong bumuti ang kahusayan ko sa trabaho, at sa huli, lumala ang kalusugan ko. Napagtanto ko na ang pagpupuyat para patunayan ang tapat na pagganap ko sa tungkulin ang pinakahangal at maling paraan. Napagtanto ko rin na ang mga kaisipang itinanim ni Satanas sa mga tao, gaya ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito,” ay lahat nakakapinsala sa mga tao at nakakasira sa mga buhay nila. Ang Diyos lang ang nagmamahal at nagpapahalaga sa buhay ng tao, nagtatakda ng normal na mga oras para sa pagtatrabaho at pagpapahinga, at hinahayaang mabuhay at magtrabaho ang mga tao ayon sa mga normal na tuntunin. Mayroon ditong pag-ibig ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao nang tapat ang tungkulin ng isang nilikha. Ang katapatan na ito ay hindi tungkol sa pagtulak sa ating katawan sa karamdaman o kapaguran, kundi tungkol sa paggawa ng ating tungkulin sa abot ng ating kakayanan, pagbibigay-pansin sa pagsisiyasat sa sarili nating tiwaling disposisyon, paghahanap sa katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Gayunpaman, ang ipinamalas ko ay hangal na katapatan, magandang pag-uugali lang na binuo para mangligaw ng mga tao. Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng higit pang pagsisisi at pagkakautang. Hindi ko na kayang patuloy na dalhin ang ganitong uri ng maling motibasyon sa pagganap ko ng tungkulin ko.
Kinabukasan, pinlano ko uli ang iskedyul ng gawain ko, natulog at bumangon ako nang maaga, at nag-ehersisyo sa umaga at gabi. Pagkatapos gawin ito nang ilang panahon, nawala na ang pagkabog ng puso ko at ang mabilis na pagtibok nito. Bukod dito, sa paggising ko nang maaga sa umaga, nagkakaoras na akong gumawa ng espirituwal na debosyon at sumulat ng mga artikulo ng mga patotoong batay sa karanasan; at medyo tahimik na rin ang puso ko. Sa pamamagitan ng makatwirang pagpaplano ng oras, bumuti ang aking kahusayan sa trabaho, at ang kalagayan ng isip ko ay bumuti rin nang malaki.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.