Maituturing Ko Na Nang Tama Ang Aking Kakayahan

Abril 25, 2024

Ni Zhixin, USA

Noong Abril 2023, napili akong maging lider ng grupo ng mga tagadilig. Habang unti-unting dumarami ang mga baguhan, kinailangan ko ring subaybayan ang pangkalahatang gawain ng grupo. Pakiramdam ko ay kulang ang oras sa buong araw. Minsan, kapag kinukumusta ko ang gawain ng mga kapatid, wala na akong masyadong oras sa pagdidilig sa mga baguhan, at minsan naman, kapag inuna ko ang pagdidilig sa mga baguhan, hindi ko na nasusubaybayan nang maayos ang grupo. Hindi ko kailanman mabalanse ang lahat ng gawain. Nabalisa ako dahil sa sitwasyong ito, at natakot ako na sasabihin ng lider na hindi mahusay ang abilidad ko sa gawain at mahina ang kakayahan ko. Lalo pa akong natakot na mapupunta sa iba ang tungkulin ko bilang lider ng grupo. Sa mga kapatid na nakilala ko dati, ang ilan sa kanila ay naging lider na, at ang iba ay naging superbisor na. Samantalang lider lang ako ng grupo, at nanganganib akong mailipat. Hindi ako mapalagay. Hanggang ganito na lang ba talaga ako sa buong buhay ko? Wala ba talaga akong kakayahan na maging lider o superbisor? Naalala ko na nag-usapan ng mga kapatid kung paanong mapabubuti ng pagpaplano ng oras ang husay nila sa kanilang tungkulin, dahil doon ay may sumilay na pag-asa sa puso ko. Hindi ba’t pwede ko ring gamitin ang kaparaanang ito para mapabuti ang abilidad ko sa paggawa? Higit pa rito, kapag tiniis ko ang pagdurusa at nagbayad ng halaga para sa aking tungkulin, hindi ba’t papaboran ako ng Diyos at gagawin Niyang mas mahusay ang aking kakayahan at abilidad sa paggawa? Nang maisip ko ito, agad akong umaksyon. Sinulat ko ang iskedyul ko araw-araw, itinatala ko kung anong gawain ang ginagawa ko sa bawat oras at ginagawa ko ang makakaya ko para masulit ang oras ko. Pagkatapos kong magsumikap sa loob ng ilang panahon, wala akong nakitang gaanong pagbuti sa mga resulta ng aking tungkulin. Nang panahon iyon, labis akong nadismaya; bakit hindi ako humuhusay? Bakit pinaboran ng Diyos ang ibang kapatid at binigyan sila ng mahuhusay na kakayahan, kaya naging kwalipikado sila sa mga tungkulin ng pagiging mga lider at superbisor? Samantalang ako, napakatagal ko nang nagsusumikap, pero sobrang nahihirapan na ako sa pagiging lider pa lang ng grupo. Talaga bang hindi ako pinaboran ng Diyos? Lalo na kapag may mga lumilitaw na problema o hindi magaganda ang resulta ng gawain ko, lalo akong nanlulumo at nagiging negatibo. Naisip ko na hindi magtatagal ay matatanggal na ako. Isang beses, nalaman ng superbisor ko ang aking kalagayan at sinabi niya sa akin, “Napakabigat ng pasaning nasa puso mo. Ang kakayahan at abilidad mo ay hindi kasinghusay ng sa mga kapatid na may mahusay na kakayahan, pero may mga kalakasan ka, tulad ng kapag nagkakaproblema at nahihirapan ka sa iyong tungkulin, nagagawa mong dalisay na magtapat at maghanap. Natutulungan mo rin ang lahat pagdating sa buhay pagpasok. Ang kailangan mo lang gawin ay gamitin ang lahat ng lakas mo at gawin nang maayos ang tungkulin mo.” Oo, nadama kong sobrang nakakapagod ang buhay ko, at masyado kong ginigipit ang sarili ko kahit hindi naman kailangan.

Isang araw, binasa ko ang mga salita ng Diyos. “Iniisip mo na kapag mas lalo kang umaangat, kapag nahihigitan mo na ang saklaw ng sarili mong kakayahan at abilidad, mas napapatunayan nito na gawain talaga ito ng Diyos, at mas lalong tumitindi ang katapatan at kagustuhan mong makipagtulungan. Iniisip mo na kapag mas lalong gumagawa ang Diyos sa iyo, mas huhusay ang kakayahan at mga abilidad mo, at na direktang magkaugnay ang sinseridad mo at ang sukat ng kakayahan mo at ang antas ng mga abilidad mo—hindi ba’t ito ay isang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Oo.) Napapaisip din ba kayo nang ganito? (Oo.) Ano ang resulta ng pag-iisip ninyo sa ganitong paraan? Hindi ba’t ang palaging kabiguan? Negatibo pa nga ang ilang tao, sinasabing, ‘Ibinigay ko na ang lubos kong sinseridad sa Diyos, bakit hindi ako pinagkakalooban ng Diyos ng mas mahusay na kakayahan? Bakit hindi ako bigyan ng Diyos ng mga pambihirang abilidad? Bakit ba lagi pa rin akong mahina? Hindi pa rin humuhusay ang kakayahan ko, hindi ako makakita nang malinaw, at nalilito ako kapag nahaharap ako sa mga komplikadong bagay. Ganito na ito dati, bakit ganito pa rin ngayon? Dagdag pa rito, tungkol sa abilidad kong isakatuparan ang gawain at maisagawa ang bagay-bagay, bakit hindi ko kailanman malampasan ang aking laman? Nauunawaan ko ang ilang doktrina, pero, hindi ko pa rin makita nang malinaw ang bagay-bagay, at pagdating sa pagharap sa mga usapin, hindi pa rin ako makapagpasya. Hindi pa rin ako kasinggaling ng mga may mahusay na kakayahan; mahina rin ang abilidad kong gawin ang mga gawain, at hindi mahusay ang pagganap ko sa aking tungkulin. Hindi talaga humusay ang kakayahan ko! Ano ba ang nangyayari? Hindi kaya sapat ang sinseridad ko sa Diyos? O hindi ako gaanong gusto ng Diyos? Saan ako nagkukulang?’ Ang ilang tao ay naghahanap ng iba’t ibang kadahilanan at sumubok na ng maraming paraan para magbago, pero nakakadismaya pa rin ang resulta sa huli. Katulad pa rin ng dati ang kakayahan at abilidad nilang gumawa, hindi humuhusay kahit tatlo hanggang limang taon na silang nananampalataya sa Diyos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). “Kung lagi kang naniniwala na ang paggawa at pagsasalita ng Diyos para tustusan ang mga tao ng katotohanan ay para sa layuning baguhin ang lahat ng likas na katangian ng mga tao—at saka lamang maituturing ang isang tao na tunay na isinilang na muli at isang ganap na bagong tao na gaya ng sinabi ng Diyos—ikaw ay talagang nagkakamali. Kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao. Pagkatapos mong maunawaan ito, bitiwan mo na dapat ang gayong mga kuru-kuro, imahinasyon, haka-haka, o damdamin. Ibig sabihin, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi ka dapat laging umasa sa mga damdamin o palagay para sumahin ang mga ito: ‘Humusay na ba ang kakayahan ko? Nagbago na kaya ang mga likas na katangian ko? Kasingsama pa rin ba gaya ng dati ang personalidad ko? Nagbago na ba ang gawi ng pamumuhay ko?’ Huwag mo nang pagnilayan ang mga ito; walang silbi ang gayong pagninilay-nilay, dahil hindi ang mga aspektong ito ang nilalayong baguhin ng Diyos, ni ang mga puntirya ng gawain ng Diyos. Hindi kailanman nilayon ng gawain ng Diyos na baguhin ang kakayahan, ang mga likas na katangian, personalidad mo, at iba pa, ni nagsalita ang Diyos para sa layuning baguhin ang mga aspektong ito ng mga tao. Sa madaling salita, nagtutustos ng katotohanan ang gawain ng Diyos sa mga tao batay sa mga orihinal na kalagayan nila, na naglalayong ipaunawa ang katotohanan sa mga tao, pagkatapos ay para tanggapin ng mga tao ang katotohanan at magpasakop sila rito. Kahit ano pa ang kakayahan, mga likas na katangian, o personalidad mo, ang gustong gawin ng Diyos ay ang isagawa sa iyo ang katotohanan, ang baguhin ang mga lumang kuru-kuro at disposisyon mo, sa halip na baguhin ang iyong orihinal na kakayahan, mga abilidad, at personalidad. Ano ba ang nilalayong baguhin ng gawain ng Diyos? (Ang mga lumang kuru-kuro at disposisyon sa loob ng mga tao.) Ngayong naiintindihan mo na ang katotohanang ito, bitiwan mo na dapat ang mga pambihira, hindi makatotohanang imahinasyon at kuru-kurong iyon, at huwag mo nang gamitin ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito para sukatin ang sarili mo o humingi sa sarili mo. Sa halip, dapat mong hanapin at tanggapin ang katotohanan batay sa iba’t ibang orihinal na kalagayang ibinigay sa iyo ng Diyos. Ano ang pinakamithiin nito sa huli? Iyon ay ang maunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, ang maunawaan mo ang bawat isang katotohanang prinsipyo na dapat isagawa sa harap ng iba’t ibang sitwasyong nakakaharap mo, at tingnan mo ang mga tao at bagay—at umasal ka at pangasiwaan ang mga bagay—ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito, batay sa mga orihinal na kalagayan mo. Matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos kung gagawin ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, bigla kong napagtanto na namumuhay ako ayon sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon. Inakala ko na kung tapat namang nanalig ang isang tao sa Diyos, masinsing ginawa ang kanyang tungkulin, tiniis ang paghihirap, at nagbayad ng halaga, papaboran siya ng Diyos, na tutulungan siya ng Diyos na magkaroon ng mas mahusay na kakayahan at mga abilidad at binibigyang-daan ang mga resulta ng kanyang mga tungkulin na higitan pa ang kanyang orihinal na kakayahan at mga abilidad. Kahit na mahina ang kakayahan ng taong iyon, magagawa pa rin niya ang mga tungkulin ng lider at superbisor sa iglesia, at siya ay magiging isa sa mga haligi roon. Kaya, kahit na mabagal ang aking paggawa sa mga bagay-bagay at mahina ang aking abilidad, naisip ko na basta’t maingat kong ginagawa ang tungkulin ko, tinitiis ang pagdurusa, at nagbabayad ng halaga, papaboran ako ng Diyos. Kaya, ginusto kong gamitin ang pagsusulat ng pang-araw-araw na iskedyul, pagpapalano ng oras ko, ang pagtitiis sa mga pagdurusa, at ang pagbabayad ng halaga para mapabuti ang kakayahan ko at ang abilidad ko sa gawain. Gayunpaman, pagkatapos kong magsumikap sa loob ng ilang panahon, hindi naman bumuti ang kakayahan at abilidad ko nang gaya sa inaakala ko, at naging negatibo ako at nalugmok ako sa depresyon. Inisip kong hindi ako pinapaboran ng Diyos o hindi Siya gumagawa sa akin. Ngayon, pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi pambihira ang gawain ng Diyos, kundi praktikal. Bunga ng paunang pagtatakda ng Diyos ang aking kakayahan. Gumawa ang Diyos para tulungang makapasok ang mga tao sa katotohanan, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at maipamuhay ang totoong wangis ng tao. Hindi Siya gumawa para baguhin ang kakayahan at mga abilidad ng paggawa ng mga tao. Kapag tapat na ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at hinahanap ang katotohanan, matatamo nila ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu at malalagpasan nila ang ilang hadlang sa kanilang tungkulin. Gayunpaman, lahat ng ito ay batay sa pundasyon ng ipinagkaloob na kakayahan sa mga tao, at isang bagay na kayang gawin ng mga tao kung magsisikap lamang sila. Walang taong may mahinang kakayahan na nagtaglay ng kakayahan ng isang lider dahil sa pagtamo sa gawain ng Banal na Espiritu. Lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ko. Napagtanto ko na kung hindi hinanap ng mga mananampalataya sa Diyos ang katotohanan at naghangad lamang sila ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, bukod sa hindi nila mauunawaan ang katotohanan at hindi magagawa nang maayos ang kanilang tungkulin, sasalungat din sila sa mga hinihingi ng Diyos.

Kalaunan, dahil sa mga pangangailangan sa gawain, isinaayos ng aking superbisor na pumunta ako sa isa pang iglesia para diligan ang mga baguhan. Ang sister na naging katuwang ko dati ay naging lider na ng iglesia, samantalang tagadilig lang ako. Bigla kong naramdaman na may malaking agwat sa pagitan namin. Bagama’t alam ko na hindi nababago ng gawain ng Diyos ang kakayahan ng mga tao, hindi ako handang tanggapin ito at dismayado ako sa kakayahan ko. Inakala ko na ang mga may mahusay na kakayahan ang itataas ng ranggo at lilinangin ng iglesia at sila rin ang mga haligi ng iglesia. Ang mga gayong tao lang ang may magandang hinaharap at hinahangaan ng iba. Samantala, ang mga may mahihinang kakayahan ay magagawa lamang ang kaunting gawain na hindi masyadong mahalaga at sila ay hinahamak ng mga tao at hindi pinapaboran ng Diyos. Ayaw kong mabansagan na isang taong may “mahinang kakayahan.” Inakala ko na kapag naiugnay na sa akin ang bansag na iyon, katumbas na iyon ng pagtanggap ko na wala akong silbi. Wala na akong kinabukasan! Hindi pupuwede iyon; kailangan kong patuloy na subukan. Kahit na hindi ko masyadong mapaghusay ang kakayahan ko, mabuti na rin kung, sa pamamagitan ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga sa aking tungkulin, halos maipapantay ko ang kakayahan ko sa iba. Kaya, agad akong sumabak sa aking gawain at aktibong nakipagtulungan. Kapag may natutupad akong ilang bagay, napakasaya ko, at sabik na sabik ako sa pagkukwento nito sa mga kapatid, umaasa akong makakamit ko ang pagsang-ayon nila. Gayunpaman, kalaunan, may nakaharap akong mga problemang hindi malutas-lutas kapag dinidiligan ko ang mga baguhan, at may ilan ding gawain na napabayaan ko. Nanlumo at nalungkot ako. Mukhang talagang mahina ang kakayahan ko. Noong mga araw na iyon, nagsusumikap na ako nang sobra, pero hindi pa rin maayos ang ginagawa ko. Naisip ko, bahala na nga; gaano man ako magsumikap, hindi na ito magbabago. Walang lunas ang karamdaman ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Nang hindi ko namamalayan, naging negatibo at pasibo na naman ako sa pagganap sa aking tungkulin, at ayaw kong pag-isipan ang paglutas sa mga problema sa aking gawain. Ginusto ko pa ngang iwasan ang responsabilidad ko, dahil iniisip ko na hindi ko maayos na nagagawa ang tungkulin ko dahil sa aking limitadong kakayahan, at wala na akong magagawa. Noong panahong iyon, natulala ako, at nang nabasa ko ang mga salita ng Diyos, hindi ako mapakali. Nang nanalangin ako, hindi ko alam ang sasabihin ko sa Diyos. Palagi akong nalulungkot.

Isang araw, sa oras ng aking espirituwal na debosyon, binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Huwag mong hamunin ang sarili mo, ni subukang lampasan ang kakayahan mo. Alam ng Diyos kung gaano ka kagaling at kung gaano kahusay ang kakayahan mo. Matagal nang paunang itinakda ng Diyos ang kakayahan at mga kapabilidad na ibinigay Niya sa iyo. Ang palaging pagnanais na lampasan ang mga ito ay pagiging mapagmataas at pagkakaroon ng labis na kumpiyansa sa sarili, ito ay paghahanap lang ng gulo at hindi maiiwasang mauuwi ito sa kabiguan. Hindi ba’t pinapabayaan ng mga gayong tao ang kanilang wastong tungkulin? (Oo.) Hindi sila umaasal nang maayos, hindi nila pinanghahawakan nang matibay ang mga wastong posisyon nila para tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha, hindi nila sinusunod ang mga prinsipyong ito sa kanilang mga kilos, kundi lagi nilang sinusubukang magpakitang-gilas. May isang kasabihan na may dalawang bahagi: ‘Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para may isang bagay kang titingnan.’ Para saan ang ginagawang ito ng ‘matandang babae’? (Para magpakitang-gilas.) Gustong makuha ng matandang babae ang atensyon ng mga tao, na para bang sinasabi niyang, ‘Bilang isang matandang babae, hindi ako ordinaryo—papakitaan ko kayo ng isang espesyal na bagay.’ Ayaw niyang hamakin siya, kundi gusto niya na hinahangaan at iginagalang siya; gusto niyang hamunin at lampasan ang sarili niyang kakayahan. Hindi ba’t pagkakaroon ito ng mapagmataas na kalikasan? (Oo.) Kung may mapagmataas kang kalikasan, hindi maganda ang asal mo, ayaw mong umasal nang naaangkop sa katayuan mo. Gusto mong laging hamunin ang sarili mo. Ano mang magagawa ng iba, gusto mo ring gawin. Kapag ang iba ay umaangat, nagkakamit ng mga resulta, o nakapag-aambag, at pinupuri sila ng lahat, ikaw ay naaasiwa, naiinggit, at hindi nasisiyahan. Kaya gusto mong talikdan ang mga kasalukuyang tungkulin mo para gawin ang gawaing magpapaningning sa iyo, gusto mo ring hangaan ka nang sobra. Subalit hindi mo kayang gawin ang gayong mahahalagang tungkulin, kaya hindi ba’t pagsasayang lang ito ng oras? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa iyong wastong tungkulin? (Oo.) Huwag mong pabayaan ang mga wastong tungkulin, dahil walang nagiging magandang resulta sa huli ang pagpapabaya sa mga iyon. Hindi lang ito pagsasayang ng oras, kaya hahamakin ka ng iba, kundi magdudulot din ito ng pagkasuklam ng Diyos, at sa huli, gagawin mo lang medyo negatibo ang sarili mo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). “Inoobserbahan ng Diyos kung umaasal ka nang naaangkop sa katayuan mo, kung maayos mo bang ginagawa ang mga tungkulin ng isang nilikha, kung ibinibigay mo ba ang buong puso at pagsisikap mo rito ayon sa mga kalagayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at kung kumikilos ka ba ayon sa mga prinsipyo para makamit ang mga resultang ninanais ng Diyos. Kung ganoon, pupurihin ka ng Diyos. Kung hindi, kahit na nagsisikap at nagpapakahirap ka pa, kung ang lahat ng ginagawa mo ay para magpakitang-gilas, at hindi mo ginagawa ang tungkulin mo nang buong puso at pagsisikap, ni hindi rin ayon sa mga prinsipyo, kundi para magpakitang-gilas at magpapansin, kung gayon, ang mga pagpapamalas at pagbubunyag mo, ang ugali mo, ay kasuklam-suklam sa Diyos. Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang mga iyon? Sasabihin ng Diyos na hindi ka tumutuon sa mga wastong tungkulin, hindi mo pa ibinigay ang buong puso, pagsisikap, o isip mo, at hindi ka sumusunod sa tamang landas. Sapat na ang kakayahan, mga kaloob, at mga talentong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ikaw ang hindi kontento, hindi tapat sa tungkulin mo, hindi mo alam kung saan lulugar, gusto mo laging magsabi ng magagandang ideya at magpakitang-gilas, sa huli ay nagiging palpak ang iyong mga tungkulin. Hindi pa nagagamit ang buong potensyal ng kakayahan, mga kaloob, at talentong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, wala pang ganap na pagsisikap at wala pang nakuhang mga resulta. Bagaman napakaabala mo, sinasabi ng Diyos na para kang nagpapatawang payaso, isang taong hindi kontento at hindi nakatuon sa mga wastong tungkulin niya. Ayaw ng Diyos sa mga gayong tao(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil sa palagi kong gustong baguhin ang aking kakayahan, nakokontrol na ako ng mapagmataas na disposisyon. Masyadong mapagmataas ang disposisyon ko, at palaging ayaw ko na nagpag-iiwanan ako. Gusto kong makuha ang paggalang at pagsang-ayon ng iba at maging angat sa mga tao. Naniwala akong magbibigay ito ng halaga sa buhay ko, kaya gusto kong gamitin ang pagpapahusay sa kakayahan ko para makamit ang mithiing ito. Noong bata pa ako, palagi akong isa sa may pinakamataas na grado sa paaralan. Kapag mayroong may mas mataas na marka kaysa sa akin sa pagsusulit, hindi ko matanggap ang pagkatalo ko, at magiging determinado akong makabawi sa susunod. Madalas sinasabi ng nanay ko na ayaw kong nahihigitan ako. Dahil matataas ang grado ko sa paaralan, pinuri ako ng mga magulang at guro ko, at hiningi pa nga ng mga guro na gayahin ako ng aking mga kaklase. Sobra akong nasiyahan sa gayong pagkilala at inisip ko na dapat maging angat ang tao sa mga kakompetensiya niya. Maging ngayon, ginagawa ko ang aking tungkulin nang may gayong hangarin, palagi kong ninanais na maging isang lider o superbisor. Inakala ko na ang mga taong ito ang mga haligi ng iglesia at na hinahangaan at sinasang-ayunan sila ng lahat, at ang mga may mahinang kakayahan ay mga ordinaryong tungkulin lang ang kayang gawin, gumagawa sila nang walang nakakakita at namumuhay bilang mga walang silbi. Kaya, nang makita ko ang sister na naging katuwang ko dati na naging isang lider na ng iglesia, samantalang ako ay isa lamang ordinaryong tagadilig, hindi ko ito matanggap. Hindi ko gustong maging karaniwan lang magpakailanman. Ayaw ko itong kilalanin, ayaw kong tanggapin na nabigo ako, at hindi ako handang gawin ang tungkulin ko nang praktikal. Gusto ko laging paghusayin ang kakayahan ko at gawin ang mga tungkulin ng pamumuno o pangangasiwa. Bagama’t malinaw na ipinahayag ng mga salita ng Diyos na hindi binabago ng gawain ng Diyos ang kakayahan ng mga tao, ayaw ko pa ring kilalanin ito. Palagi kong gustong sumubok at gawin ang makakaya ko, para pagbutihin ang kakayahan ko sa pamamagitan ng pagsisikap at pagbabayad ng halaga. Talagang masyado akong mapaghimagsik, masyadong mayabang! Sabi ng Diyos: “Sapat na ang kakayahan, mga kaloob, at mga talentong ibinigay sa iyo ng Diyos. Ikaw ang hindi kontento, hindi tapat sa tungkulin mo, hindi mo alam kung saan lulugar, gusto mo laging magsabi ng magagandang ideya at magpakitang-gilas, sa huli ay nagiging palpak ang iyong mga tungkulin.” Mahina ang abilidad ko sa paggawa at hindi masyadong mahusay ang kakayahan ko; hindi ako angkop sa pamumuno. Gayunpaman, magaling naman ako sa ilang larangan. Halimbawa, kaya kong magsalita ng isang banyagang lenggwahe at nasisiyahan ako sa pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos. Kapag nagbabahagi ako tungkol sa kaalaman ko sa katotohanan, malinaw rin naman ang pag-iisip ko. Sa katunayan, angkop na angkop sa akin ang tungkulin ng pagdidilig na ginagawa ko ngayon. Ngunit hindi ko maatim na manatili sa posisyon ko, lagi kong gustong pataasin ang katayuan ko at gawin ang mga tungkulin ng pagsusuperbisa. Pero wala sa mga pagsisikap ko ang nakapagpabago sa kakayahan ko, sa kabaligtaran, dahil sa mga ito ay lalong lumala ang kalagayan ko, at hindi ko man lang magawa nang maayos ang trabaho ko. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong nagkasala ako at may pagkakautang.

Kalaunan, naisip kong muli, “Bakit ko laging iniisip na masamang bagay ang pagiging may mahinang kakayahan? Bakit ko hinahayaang maapektuhan nito ang pagganap ko sa aking tungkulin?” Nang nabasa ko ang mga salita ng Diyos na may kinalaman sa aspektong ito, nabago ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil limitado ang kakayahan at mga abilidad mo, laging pangkaraniwan ang mga epekto ng paggawa mo sa iyong mga tungkulin, lagi kang bigong maabot ang antas o pamantayang inaasam mo. Kaya, nang hindi mo namamalayan, patuloy mong napagtatanto na hindi ka angat sa iba, hindi ka nangingibabaw o ekstraordinaryong tao. Unti-unti, nauunawaan mo na ang kakayahan mo ay hindi kasinggaling na tulad ng iniisip mo, kundi lubos na pangkaraniwan lang. Sa katagalan, sobrang makakatulong ang prosesong ito para makilala mo ang sarili mo—nakakaranas ka ng ilang kabiguan at hadlang sa praktikal na paraan, at pagkatapos magnilay-nilay, nagiging mas tumpak na ang pagtantiya mo sa iyong antas, mga abilidad, at kakayahan. Mas natatanggap mo nang hindi ka isang taong may mahusay na kakayahan, na bagaman may kaunti kang kalakasan at talento, kaunting paghusga, o paminsan-minsan ay may ilang ideya o plano ka, malayo ka pa rin sa mga katotohanang prinsipyo, malayo sa Diyos at sa mga hinihingi ng katotohanan, at mas malayo pa sa mga pamantayan ng pagtataglay ng katotohanang realidad—hindi mo namamalayan, may ganito kang mga paghusga at pagtatantiya sa sarili mo. Sa proseso ng paghusga at pagtantiya mo sa sarili mo, unti-unting mababawasan ang iyong mga tiwaling disposisyon at mga pagbubunyag ng katiwalian, at mas napipigilan at kontrolado na ang mga ito. Siyempre, ang pagkontrol sa mga tiwaling disposisyon ay hindi ang layon. Ano ba ang layon? Ang layon ay ang unti-unting matutuhan mo na hanapin ang katotohanan sa proseso ng pagkontrol, at umasal ka nang maayos, nang hindi palaging naglilitanya ng mga ideyang magandang pakinggan o nagpapakitang-gilas, nang hindi laging nagkikipagkumpetensiya para maging ang pinakamagaling o pinakamalakas, at hindi laging sinusubukang patunayan ang sarili mo. Habang patuloy na nauukit ang kamalayang ito sa kaibuturan ng puso mo, pagninilay-nilayan mo na, ‘Kailangan kong hanapin kung ano ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa nito, at kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito.’ Unti-unting matatatag ang kamalayang ito sa puso mo, at unti-unting titindi ang antas ng paghahanap, pagkilala, at pagtanggap mo sa salita ng Diyos at sa katotohanan, na para sa iyo ay nagpapahiwatig ng pag-asa na maligtas. Kapag mas kaya mong tanggapin ang katotohanan, mas hindi na mabubunyag ang mga tiwaling disposisyon mo; ang mas mainam na resulta ay magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong gamitin ang salita ng Diyos bilang pamantayan sa pagsasagawa. Hindi ba’t unti-unti na itong pagtahak sa landas tungo sa kaligtasan? Hindi ba’t mabuting bagay ito? (Oo.) Kung mas mahusay, perpekto, at ekstraordinaryo ang lahat ng abilidad mo kaysa sa ibang tao, mahahanap mo pa rin ba ang katotohanan habang pinangangasiwaan mo ang mga usapin at ginagawa mo ang mga tungkulin mo? Hindi iyon tiyak. Para humarap sa Diyos ang isang taong may mga ekstraordinaryong kapabilidad sa lahat ng larangan nang may payapang puso o mapagkumbabang saloobin upang maunawaan ang sarili niya, maamin ang mga pagkukulang niya at malaman ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at makaabot sa punto ng paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, at pagkatapos ay pagsasagawa sa katotohanan—medyo mahirap ito, hindi ba? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7). “Karamihan sa mga inililigtas ng Diyos ay hindi iyong mga may matataas na posisyon sa mundo o sa lipunan. Dahil pangkaraniwan o mahina ang kanilang kakayahan at mga abilidad, nahihirapan silang maging tanyag o matagumpay sa mundo, madalas, pakiramdam nila ay malupit at hindi patas ang buhay. Nagdudulot ito ng pangangailangan ng pananampalataya, at sa huli, lumalapit sila sa Diyos at pumapasok sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pangunahing kondisyong ibinibigay ng Diyos sa mga tao sa paghirang sa kanila: Kapag may ganitong pangangailangan ang isang tao saka siya magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung mabuti at angkop sa lahat ng aspekto ang mga kalagayan mo para sa pagsisikap sa mundo, hindi ka magkakaroon ng pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, ni hindi ka rin magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Magkakaugnay ang lahat ng ito. Kaya, hindi mo pagkukulang na may mahinang kakayahan ka, ni hindi rin ito hadlang para maiwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon at makamit ang kaligtasan. Sa huling pagsusuri, ito ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Kung gaano karami ang ibinigay ng Diyos, iyon ang mayroon ka. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahusay na kakayahan, mayroon kang mahusay na kakayahan. Kung binigyan ka ng Diyos ng katamtamang kakayahan, katamtaman ang kakayahan mo. Kung binigyan ka ng Diyos ng mahinang kakayahan, mahina ang kakayahan mo. Kapag naunawaan mo ito, kailangan mo itong tanggapin mula sa Diyos at magpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Aling katotohanan ang bumubuo sa batayan para magpasakop? Ito ay na ang gayong mga pagsasaayos ng Diyos ay naglalaman ng mabuting kalooban ng Diyos; may masinsing layunin ang Diyos, at hindi dapat magreklamo o magkamali ng pag-unawa ang isang tao sa puso ng Diyos. Hindi ka titingalain ng Diyos dahil sa mahusay mong kakayahan, ni hindi ka Niya hahamakin dahil sa mahinang kakayahan mo. Ano ang hinahamak ng Diyos? Ang hinahamak ng Diyos ay iyong nauunawaan mo ang katotohanan pero hindi mo ito tinatanggap o isinasagawa, hinahamak Niya na hindi mo ginagawa ang kaya mong gawin, na hindi mo ibinibigay ang puso mo o ang pinakamakakaya mo kahit na kaya mo naman, at na lagi kang may magagarbong pagnanais, gusto mo lagi ng katayuan, nakikipagpaligsahan ka para sa posisyon, at lagi mong gustong tumanggap ng bagay-bagay mula sa Diyos. Ito ang kinayayamutan at kinasusuklaman ng Diyos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, lubos akong naantig. Naunawaan ko na itinakda ng Diyos ang mahinang kakayahan ko at may mabuting kalooban ang Diyos dito; mabuting bagay ito. Sa katunayan, laging masyadong mapagmataas ang disposisyon ko. Dati, dahil may ganito akong disposisyon at hindi ko ginawa ang tungkulin ko nang ayon sa mga prinsipyo, nagdulot ako ng mga kawalan sa gawain ko at nakagawa ako ng pagsalangsang. Kung mahusay ang kakayahan ko at nagkaroon ng mga resulta ang tungkulin ko, mas magiging mapagmataas ang disposisyon ko, at mas magiging mahirap na makinig sa mga opinyon ng mga kapatid. Hindi ko magagawang maging magpakumbaba at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag ganito, magiging madaling gumawa ng kasamaan at gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia. Dahil nga medyo mahina ang kakayahan ko at hindi ko kayang pangasiwaan ang mabigat na trabaho, naging mas matatag at maingat ako sa aking tungkulin kaysa dati. Minsan, kapag may kaunting pagkakaiba ang opinyon ko sa iba, hindi masyadong matigas ang ulo ko. Isa itong di-sinasadyang paraan ng pagprotekta sa sarili na pumipigil sa aking gumawa ng masama. Naalala ko ang sister na nakilala ko dati na sinasabi ng lahat na may mahusay na kakayahan, kaya nainggit ako sa kanya. Kalaunan, napili siya bilang lider, at mas lumawak pa ang saklaw ng gawaing pinangangasiwaan niya. Gayunpaman, hindi niya hinangad ang katotohanan o hindi siya nagbigay pansin sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, ni hindi niya hinanap ang katotohanan para lutasin ang tiwali niyang disposisyon. Sa huli, nang may kinaharap siyang mga pagsubok, ipinagkanulo niya ang Diyos at inabandona ang tungkulin niya. Ipinakita nito sa akin na gaano man kahusay ang kakayahan at abilidad sa gawain ng isang tao, ang pinakamahalaga ay kung hinahanap ba niya ang katotohanan at nilulutas ang tiwaling disposisyon niya. Walang kinalaman ang kakayahan ng isang tao kung maliligtas ba siya o hindi. Ang pagiging may mahusay na kakayahan ay hindi tiyak na isang mabuting bagay, tulad ng ang pagiging may mahinang kakayahan ay hindi tiyak na isang masamang bagay. Ang pinakamahalaga ay kung makakapagpasakop ba ang isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at maituturing ba niya nang tama ang kanyang kakayahan, mahahangad ang katotohanan nang praktikal, at magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang pinakamahalagang bagay.

Pagkatapos, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nasumpungan ko ang landas sa pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag na huwag mong susubukang baguhin ang kakayahan mo o paghusayin ang mga abilidad mo sa lahat ng aspekto, kundi tumpak mong kilalanin at wastong harapin ang orihinal mong kakayahan at mga abilidad. Kung matutuklasan mo kung saan ka nagkukulang, pag-aralan mo agad ang mga larangan kung saan ka maaaring humusay sa loob lang ng maikling panahon para mapunan mo ang mga pagkukulang na ito. Para sa mga larangang hindi mo kaya, huwag mo nang ipilit. Disenyuhin mo ang mga kilos mo para umangkop sa kakayahan at mga abilidad mo. Ang pinakaprinsipyo ay ang gawin mo ang tungkulin mo ayon sa salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at sa mga katotohanang prinsipyo. Ano man ang antas ng kakayahan mo, magkakamit ka ng iba’t ibang antas ng pagkilos at paggawa sa iyong mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo; matutugunan o magagawa mo na ang mga pamantayan ng Diyos. Tiyak na hindi walang kabuluhan na pagsasalita ang mga katotohanang prinsipyong ito; siguradong hindi ito lampas sa sangkatauhan. Ang lahat ng iyon ay landas ng pagsasagawa na dinisenyo para sa mga tiwaling disposisyon, likas na katangian, at iba’t ibang abilidad at kakayahan ng mga nilikhang tao. Kaya, ano man ang kakayahan mo, ano man ang pagkukulang o depekto ng mga abilidad mo, hindi ito problema; kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan at handa kang isagawa ang katotohanan, magkakaroon ng landas pasulong. Ang mga kakulangan ng isang tao sa ilang aspekto ng kakayahan at mga abilidad ay hinding-hindi hahadlang sa pagsasagawa niya sa katotohanan. Kung may kulang sa paghusga o sa ilang kakayahan mo, pwede kang humanap ng mas maraming pagbabahagi, pati na rin ng gabay at payo mula sa mga nakakaunawa. Kapag nauunawaan at naiintindihan mo ang mga prinsipyo at ang mga landas ng pagsasagawa, dapat mong isagawa ang mga iyon batay sa kasalukuyang sitwasyon at tayog mo. Ito ang dapat mong gawin—ang tumanggap at magsagawa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan II. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi dapat gawin ng isang tao ang lahat ng makakaya niya para baguhin ang kanyang kakayahan, sa halip, dapat ibigay niya ang puso, enerhiya, at isip niya sa paggawa ng kanyang tungkulin, hanggang sa antas na maaabot ng kakayahang ipinagkaloob sa kanya. Dapat niyang masigasig na pag-aralan at malalimang saliksikin ang propesyonal na kaalamang dapat niyang malaman, at gamitin ang buong potensyal ng kakayahang ipinagkaloob sa kanya. Tungkol naman sa kakayahan at abilidad sa paggawa ng isang tao, pwede niyang pagbutihin ang mga ito nang kaunti kung posible, pero kung hindi niya ito kayang gawin, hindi ito kailangang ipilit. Nang maunawaan ko ito, mas nalinawan ang puso ko.

Mula noon, inisip ko na kung paano ibibigay ang puso at enerhiya ko sa paggawa ng tungkulin ko sa loob ng hangganan ng ipinagkaloob sa akin na kakayahan. Nabatid ko na hindi ako magaling sa paglilinang ng mga baguhan na magawa nila ang kanilang mga tungkulin, kaya sinubukan kong hanapin at pagnilay-nilayan ang mga prinsipyo tungkol dito. Taimtim din akong nakinig sa ibinabahagi at sinasabi ng mga kapatid. Minsan, kapag nahaharap ako sa ilang problema at hindi ko alam kung paano lutasin ang mga iyon, hindi ko sinusubukang iwasan ang mga iyon o sisihin ang Diyos dahil binigyan Niya ako ng mahinang kakayahan. Sa halip, nanalangin ako at nagtiwala sa Diyos, habang naghahanap at nakikipagbahaginan din sa mga kapatid. Sa buong prosesong ito ng pagsasagawa, hindi ko sinasadyang makabuo ng mga plano para lutasin ang ilang bagay. Ngayon, ang kakayahan ko ay tulad pa rin ng dati. Hindi ito nagbago. Gayunpaman, nauunawaan ko na kung paano ituring nang tama ang sarili ko, at naging malaya at magaan na ang puso ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply