Ano ang Maidudulot ng Paghahangad ng Katanyagan at Pakinabang?

Oktubre 9, 2024

Ni Su Wen, Tsina

Noong kabataan ko, madalas na mababa ang tingin sa pamilya namin dahil kakaunti lang kaming magkakapatid. Noong panahong iyon, madalas sabihin sa akin ng mga magulang ko na, “Ang pinakamaganda at pinakamatatag na trabaho ay pagiging doktor. Hindi lang mataas ang sahod, nirerespeto rin sila.” Tuwing may dumarating na doktor sa lugar namin, laging mainit ang pagtanggap sa kanila at pinapakitaan sila ng pinakamataas na paggalang. May malalim akong paghanga at inggit sa mga doktor na iyon at sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong magsikap para maging doktor din ako balang araw, para maipagmalaki at igalang ako sa lugar namin. Pagkatapos nito, pinagbuti ko talaga ang pag-aaral ko. Hindi naman nasayang ang pagsisikap ko nang makapasa ako sa probinsyal na akademya ng Chinese Medicine. Nang magtapos ako, nagtrabaho ako bilang doktor sa ospital ng probinsya, gaya ng pinangarap ko. Mula noon, parang nakaangat na ako sa buhay. Hindi lang dahil sa magandang sahod, kundi kinainggitan at hinangaan ako ng mga kakilala ko, at tuwing may sakit ang mga kaibigan, kamag-anak at kakilala ko, nilalapitan nila ako, at kapag umuuwi ako sa lugar namin, mainit at magalang ang kanilang pagtanggap sa akin. Naipagmalaki rin ito ng aking mga magulang. Ikinatuwa ko talaga ang respetong natanggap ko at pinataas nito ang aking banidad. Pakiramdam ko, sa wakas ay nagbunga na ang lahat ng sakripisyo ko. Habang nadaragdagan ang karanasan ko, marami akong nakilalang mayayaman at kilalang mga tao na nagkaroon ng iba’t ibang karamdaman na nagdulot sa kanila ng matinding paghihirap. Ilan sa kanila ang nagkaroon ng malubha at matinding mga sakit, pero walang magawa ang mga doktor habang namamatay sila. Hindi ko maiwasang maisip na marupok lang ang buhay natin at wala tayong laban sa kamatayan. Nagbigay ito sa akin ng pakiramdam ng kawalan sa aspektong espirituwal. Nagsimula akong mag-isip kung ano ang halaga ng buhay at kung para saan ako nabubuhay.

Sa pagtatapos ng 1998, marami ang umalis sa mga pampublikong ospital at nagtayo ng mga pribadong klinika. Inisip ko kung hindi ako aalis sa ospital, mananatiling ganoon lang ang sahod ko, kaya kung gusto kong umangat at kumita nang mas malaki, dapat na ako mismo ang amo ko. Kaya umalis ako sa ospital at nagbukas ng sarili kong klinika. Pagkatapos, noong 2000, napakinggan ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nakita kong sinabi ng Diyos na: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, napagtanto ko na ang buhay at kamatayan ng tao ay nasa kamay ng Diyos at walang sinuman ang may kontrol sa sarili nilang kapalaran. Sa oras na ubos na ang mga taong ibinigay ng Diyos sa iyo, hindi mahalaga kung gaanong yaman, kapangyarihan o impluwensya ang taglay mo. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos at pamumuhay ng buhay-iglesia, napagtanto ko rin na hindi lamang materyal na bagay, mataas na katayuan at kasiyahan ng laman ang dapat kong hangarin. Ang pinakamahalaga ay ang tuparin ko ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at hangarin ang katotohanan, ang pag-iipon ng mabubuting gawa, at ang pagtatamo ng kaligtasan. Kaya, tinanggap ko ang tungkuling kaya kong gampanan sa iglesia. Nakikipagtipon at nakikipagbahaginan ako tungkol sa mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid, at nagiging buo at masaya ako. Noong una, maliit na grupo lang ang pinangungunahan kong magtipon at hindi pa ganoon kaabala. Kalaunan, napili akong maglingkod bilang isang lider sa iglesia. Alam kong pagtataas ito ng Diyos at ibinigay Niya sa akin ang pagkakataong ito na makatanggap ng pagsasanay at makamit ang katotohanan. Nagtamasa ako ng napakaraming salita ng Diyos, kaya dapat akong magkaroon ng konsensiya at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Subalit alam ko rin na kaakibat ng pagiging lider ang maraming trabaho at malaking responsabilidad, at kailangan kong ilaan ang buong oras ko. Ibig sabihin nito, hindi ako makakapagtrabaho sa klinika ko. Kalahati ng buhay ko ang ginugol ko para sa trabahong iyon, kaya nag-alinlangan ako sa prospektong basta na lamang itong isuko. Pinag-isipan ko itong mabuti at lubha akong naguluhan at nahirapan. Sa gitna ng aking paghihirap, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos! Nahihirapan ako ngayon sa sitwasyong ito. Ayaw kong mawala ang tungkuling ito, subalit hamak lamang ako at hindi ko mapagtagumpayan ang kahinaan ng aking laman. Pakiusap gabayan Mo ako at bigyan ng pananampalataya at lakas.”

Sa ginta ng paghahanap, naisip ko kung paanong sinabi ng Diyos na: “Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay.” Mabilis kong hinanap ang kasunod na sipi para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaaang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? … Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto). Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, napagtanto ko na tanging ang mga nagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos at tumatanggap sa atas ng Diyos ang magkakaroon ng mas maraming pagkakataon na gawing perpekto ng Diyos. Ang mga hindi handang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos ay makasarili at hindi gagawing perpekto ng Diyos. Pumasok na sa mahalagang panahon ng pagpapalawak ang gawain ng ebanghelyo, at ang katotohanang binigyan ako ng iglesia ng napakahalagang tungkulin ay pambiharang pagkakaloob ng Diyos ng pabor at pagtataas. Gayunpaman, hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at, sa halip, inalala ko lamang ang aking laman at ang pagkita ng pera upang tumaas ang pagtingin sa akin ng iba. Napaka-walang konsensiya ko! Hindi ba’t nanalig at sumunod ako sa Diyos, kumain at uminom ng Kanyang mga salita at ginampanan ang tungkulin ko upang makamtan ang katotohanan at kaligtasan? Binigyan ako ng Diyos ng magandang pagkakataon para makatanggap ng pagsasanay at makamtan ang katotohanan sa pamamagitan ng tungkuling ito. Hindi ba’t magiging hangal ako kung hindi ko ito tatanggapin? Kung sa oras na pumayag akong tanggapin ito ay tapos na ang gawain ng Diyos, mapapalampas ko ang aking pagkakataon. Kapag nagkagayon, pagsisisihan ko ito nang husto. Matutulad ako kay Moises, na natatanaw na ang Canaan mula sa malayo pero hindi makapasok at habang buhay niya itong pinagsisihan. Kailangan kong magpasakop sa Diyos at tanggapin muna ang tungkulin. Pwede akong humanap ng ibang papalit sa akin sa klinika pansamantala. Nang makapagdesisyon ako, tinanggap ko ang tungkuling maging lider.

Pagkatapos nito, inilaan ko ang halos lahat ng oras ko sa aking tungkulin at kung may natitira akong oras, nagmamadali akong pumupunta sa klinika. Noong una napanatili namin ang mga pasyente, pero nang nagtagal at madalas na wala ako sa klinika, nagsimulang pumunta ang mga tao sa ibang klinika dahil hindi nila ako makonsulta. Paunti nang paunti ang mga pasyente sa klinika namin at halos hindi kami makaraos. Dati akong may mataas na antas ng pamumuhay, pinapahalagahan ako at hinahangaan ng iba, nilalapitan ako ng mga kaibigan at kamag-anak kung may mga problema sila, pero ngayon lahat ng mga kaibigan at kamag-anak ko ay tinutuligsa ako, sinasabing pinabayaan ko ang klinika at hindi nila alam ang ginagawa ko sa maghapon. Naging iba ang pakikitungo nila sa akin pagkatapos noon. Dahil sa iniisip ko kung gaano ako inirerespeto at hinahangaan noon at ngayon ay naging sentro ng pangungutya ng lahat, nakaramdam ako ng pagtatalo ng damdamin—mahirap ilarawan ang pakiramdam na ito. Inisip ko, “Hindi sa wala akong kakayanang kumita ng pera, may kakayahan ako, kaya kung maayos kong mapapangasiwaan ang mga bagay, tiyak na magkakaroon ako ng maraming pasyente. Muli akong makapamumuhay nang may kaginhawahan sa materyal na bagay, magtatamo ng respeto at paghanga ng iba at magkakaroon ng prestihiyosong buhay. Inisip ko rin na hindi pa naman katagalan ang pananalig ko sa Diyos, mababa lamang ang aking tayog, at hindi ko pa masyadong nauunawaan ang katotohanan, kaya pwede sigurong gumawa ako ng tungkuling angkop lang sa kakayanan ko.” Nais kong lumipat sa mas magaan na tungkulin. Para sa ganoon, magkakaroon ako ng mas maraming oras para sa aking trabaho, at hindi maaapektuhan ang tungkulin ko o ang klinika. Subalit, pagkatapos nito, hindi na ako nagdala ng pasanin sa aking tungkulin. Naging pabaya ako sa tungkulin ko at iniraos ko na lang ang mga pagtitipon. Naaalala ko sa isang pagtitipon, ang iniisip ko lang ay ang klinika ko. Nakailang pasyente kaya kami sa araw na iyon? Dumating ba ang mga nakatakdang dumating? Para magkaroon ako ng mas maraming oras para sa klinika ko, hindi ko inunawa nang maigi ang sitwasyon bago ko isinulat ang aking ulat at nagsumite na lang ako ng maiksing ulat sa nakatataas na lider ko. Dahil sa kulang na mga detalye, kinailangan kong ulitin ito. Ipinagwalang-bahala ko rin ang gawaing pagdidilig. Ilan sa mga baguhan ang umalis dahil hindi sila nadidiligan. Nakipagbahaginan ang nakatataas na lider at ilang beses niyang sinubukang tulungan ako ukol dito, at nakonsensiya talaga ako, nagdasal ako sa Diyos nang ilang ulit at nagdesisyon akong maghimagsik laban sa aking laman at gawin ang tungkulin ko nang mahusay, pero hindi maiwasang lagi akong magambala ng aking klinika. Paulit-ulit akong nangangako sa Diyos pero hindi ito tinutupad at unti-unti akong napalayo sa Diyos. Madalas na nararamdaman ko ang hindi maipaliwanag na kahungkagan at takot. Ilang beses kong napag-isipang iwan ang klinika, pero naiisip ko na muling babalik sa mababa ang pagtingin sa akin ng mga tao at hindi ko ito magawa. Dahil hindi ko maayos ang kalagayan ko at naaantala nito ang gawain, tinanggal ako ng nakatataas na lider.

Ikinalungkot ko talaga nang maalis ako. Nakakain ako at nakainom ng napakaraming salita ng Diyos, at alam na alam kong ang paghahangad sa katotohanan at pagganap ko nang maayos sa tungkulin ko ang tamang landas sa buhay, pero hindi ko maiwan ang aking klinika at hindi ko magampanan ang aking tungkulin nang maayos. Labis akong nakonsensiya at pakiramdam ko ay marami akong pagkakautang sa Diyos. Nagdasal ako sa Diyos, at sinabing, “O Diyos, napakamapaghimagsik ko at ang dami kong pagkakautang sa Iyo. O Diyos, sana ay iligtas Mo ako sa pagkakagapos sa kayamanan para magampanan ko ang tungkulin ko at masuklian ko ang Iyong pagmamahal.”

Pagkatapos magdasal, naalala ko ang pamagat ng isang kabanata sa mga salita ng Diyos na, “Kanino Ka Matapat?” Tinanong ko ang sarili ko, “Kanino ako matapat? Matapat ba ako sa Diyos?” Pagkatapos ay binasa ko ang isang sipi sa kabanatang ito: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabagu-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa mga paligsahan sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti, siguradong alam ninyo ang mga pagpiling nagawa ninyo sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng kapayapaan at ng pagkagambala, ng kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa. Sa pagitan ng tahimik na pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, muli ninyong pinili ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa katigasan ng puso ninyo. Mukhang walang anumang idinulot sa Akin ang maraming taon ng dedikasyon at pagsisikap kundi ang inyong pagpapabaya at kawalang-pag-asa, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kahihinatnan? Napag-isipan na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? … Inaasam Ko ring makalimutan ang lahat ng nakaraan ninyo, bagama’t napakahirap gawin nito. Gayunman, mayroon Akong napakagandang paraan ng paggawa nito: Hayaang palitan ng hinaharap ang nakaraan, at iwaksi ang mga alaala ng inyong nakaraan kapalit ng totoong kayo ngayon. Kaya naman kailangan Ko kayong abalahin na muling pumili: Kanino ba talaga kayo matapat?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Labis akong naantig sa mga salita ng Diyos. Inilantad ba ng mga salitang ito ang kasalukuyan kong kalagayan, ang kasakuluyan kong sitwasyon? Malinaw sa akin na bilang mananampalataya, dapat kong hangarin ang katotohanan at tuparin ang aking tungkulin para masiyahan ang Diyos. Subalit tuwing kailangan kong pumili sa pagitan ng tungkulin ko at ng klinika, ang pamumuhay ng mabuting buhay, pagiging respetado, at iba pang makalamang alalahanin, lagi kong pinipili ang huli. Natatakot akong magiging mababa ang tingin sa akin ng mga tao kapag nawala ang klinika ko. Sa mga taong ito, tila ba lagi kong tinutupad ang tungkulin ko, pero hindi ko iniwan ang pagnanais ko sa katanyagan at pakinabang at lagi kong iniisip ang pagkakaroon ng maraming pera. Dahil dito, hindi ko masyadong pinahalagahan ang aking tungkulin, at iniraos ko lang ito; hindi rin ako nakagawa nang maayos sa alinman, kaya naging pagod ang aking katawan at damdamin. Nagkaroon ito ng labis na negatibong epekto sa gawain ng iglesia at nagdusa rin ang buhay ko. Nakita kong hindi ako naging matapat sa Diyos, kundi sa mga satanikong bagay gaya ng aking laman at ambisyon. Sa mga panahong iyon, lagi kong idinadasal sa Diyos, “O Diyos! Handa na akong iwan ang aking klinika upang hanapin ang katotohanan at gampanang mabuti ang aking tungkulin. Pakibigyan Mo ako ng pananampalataya na ibenta ang aking klinika sa lalong madaling panahon.” Bukod sa dasal, sinimulan ko na ring ipaliwanag ang lahat ng ito sa aking asawa para maihanda ang pagbebenta ng klinika.

Noong 2011, salamat sa pagtataas ng Diyos, muli akong napili bilang lider ng iglesia. Alam kong binibigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon. Naisip ko kung gaano ako nagsisisi at ang pagkakautang ko sa Diyos dahil sa aking trabaho sa klinika noon at nagpasya akong mas makikipagtulungan na ako ngayon. Agad kong ibinuhos ang sarili ko sa tungkulin, at anumang mangyari sa klinika ko, hindi ako nagagambala at sinubukan kong maghanap ng papalit sa akin sa klinika. Pero nang sinusulat na nila ang kontrata at handa nang mapirmahan, nag-alinlangan ako. Kalahati ng buhay ko ang ginugol ko sa klinikang ito. Inisip ko kung gaano ako nagsikap sa pagtatrabaho mula pagkabata, at ang mga hirap na napagtagumpayan ko para maabot ang pangarap kong maging doktor. Kapag ibinenta ko ang klinika, lalayo na rin ako sa buhay na dati kong hinangad. Habang iniisip ko ito, lalo akong nag-aatubiling bitiwan ito. Nakaramdam ako ng matinding kahungkagan sa loob ko. Pagkatapos ay nakita ko ang sumusunod na mga sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat ninyong linawin ang inyong mga isip! Ano ang dapat mong talikuran, ano ang iyong mga kayamanan, ano ang iyong mga nakamamatay na kahinaan, ano ang mga hadlang sa iyo? Pagnilay-nilayan mo pa ang mga katanungang ito sa iyong espiritu at makisalamuha sa Akin. Ang nais Ko ay tahimik Akong tingalain ng inyong mga puso; hindi ko gusto ang inyong papuri na sa salita lamang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 8). “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). “Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong magawang maingat na isaalang-alang kung paano mo itinuturing ang iyong buhay, kung paano mo dapat ihandog ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananampalataya sa Diyos, at paano, dahil sa iniibig mo ang Diyos, dapat mo Siyang ibigin sa paraang mas dalisay, mas mainam, at mas mabuti(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Napagtanto ko sa pag-iisip sa mga salita ng Diyos na ang makamundong katayuan, kayamanan at kasiyahan ng laman na hinahangad ng tao ay hindi mahalagang mga layunin. Tanging ang paglapit lamang sa Lumikha, pagtupad ng ating mga tungkulin bilang mga nilikha, paghahangad sa katotohanan, pagwaksi sa satanikong tiwaling disposisyon, at sa huli ay pagkakamit ng pagliligtas ng Diyos at pagiging mga tao ng Kanyang kaharian ang tunay na hinaharap at ang bumubuo sa pinakamakabuluhan at pinakamahalagang buhay. Kahit pa maging napakaabala ang aking klinika, kumita ako ng maraming pera, makakuha ako ng higit pang respeto at sa huli ay masiyahan ang aking laman, mawawala sa akin ang katotohanan at buhay at ang pagliligtas ng Diyos. Hindi ko matatamo ang papuri at pagkilala ng Diyos at mawawalang kabuluhan ang lahat. Pagdating ng mga sakuna, walang dami ng pera at respeto ang makapagliligtas sa atin. Walang kabuluhan o halaga ang ganoong paghahangad. Gaya nga ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?(Mateo 16:26). Gayunpaman, nagsikap akong maigi dahil sa paghahangad ng kayamanan, katanyagan at pakinabang at hinangad ko ang mga ito nang labis. Akala ko tanging ang pagkakamit lang ng mga ito ang paraan upang mabuhay nang makahulugan. Kahit na gaano ako magsakripisyo o gumamit ng lakas, hindi ako nagreklamo. Naging bulag ako, hangal at ignorante! Naalala ko si Pedro. Ninais ng mga magulang niyang pumasok siya sa politika, pero pinili ni Pedro na ialay ang kanyang buhay sa pagsunod sa Diyos. Sinikap niyang makilala at mahalin ang Diyos at sa huli ay ginawa siyang perpekto ng Diyos at natamo niya ang papuri ng Lumikha. Namuhay si Pedro ng pinakamahalaga at pinakamakabuluhang buhay. Alam kong dapat kong tularan si Pedro, dapat kong iwan ang mga makamundong paghahangad na ito, hangarin ang katotohanan at tuparin ang aking tungkulin. Hindi na ako nag-alinlangan matapos iyon. Nang pinirmahan ko na ang kontrata, para bang may napakabigat na pasanin na inalis sa balikat ko at gumaan at guminhawa ang pakiramdam ko. Matapos iyon, ibinigay ko ang lahat sa aking tungkulin.

Isang araw noong 2015, isang katrabaho mula sa ospital na dati kong pinagtrabahuhan ang tumawag sa akin. Sabi niya isang direktor ng pribadong ospital ang magbubukas ng isang nursing home na magiging pinakamahusay sa probinsya at tinanong niya kung gusto kong magtrabaho roon. Nang oras na iyon, agad ko itong tinanggihan. Pero makalipas ang ilang araw personal akong tinawagan ng direktor at sinabing kung magtatrabaho ako para sa kanya, bibigyan niya ako ng sarili kong kwarto na titirhan, buwanang sahod na 3,000 yuan, at libreng stroke rehab doon para sa asawa ko. Wala na kaming kailangang gastusin at kikita ako ng 3,000 yuan nang walang ibang hinihingi. Nagsimula akong mag-alinlangan sa una kong sagot at sinabi kong pag-iisipan ko ito. Hindi ako nakatulog noong gabing iyon. Kung tatanggihan ko ang alok na iyon masasayang ang napakagandang oportunidad, pero kung tatanggapin ko, hindi ko matutupad ang tungkulin ko. Inalala ko kung gaano kahirap at kasakit noong kailangan kong hatiin ang oras ko sa pagitan ng klinika at tungkulin ko. Napakalaki ng sakripisyo ng Diyos para sa akin, kaya kailangan kong tumigil sa pag-aalinlangan at paglingon sa nakaraan. Inisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Matapos kong pag-isipan ang mga salita ng Diyos, naging malinaw sa akin na ang tila simpleng usapan sa pagitan ng dating magkatrabaho ay isang espirituwal na labanan. Tinutukso ako ni Satanas at sinusubok ako ng Diyos. Nasa akin ang pagdedesisyon. Naisip ko noong inilikas ng mga anghel ang asawa ni Lot sa Sodoma, dahil hindi niya mapigilang isipin ang kanyang mga ari-arian at lumingon siya sa likuran niya, siya ay naging isang haligi ng asin. Naging mahirap na para sa akin na makawala sa kamay ni Satanas, hindi ako pwedeng maging simbolo ng kahihiyan tulad ng asawa ni Lot. Nang mapagtanto ko ito, tinanggihan ko ang alok.

Kalaunan ay nagsimula kong pagnilayan kung bakit ako nagagambala ng mga tukso. Alam kong walang halaga at walang kabuluhan ang paghangad sa mga nasabing bagay, pero nahirapan pa rin akong magdesisyon at hindi ko maiwan ang mga ito. Ano ang ugat ng isyung ito? Sa gitna ng aking paghahanap, nakita ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘katanyagan’ at ‘pakinabang.’ Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa ‘katanyagan’ at ‘pakinabang.’ Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: ‘katanyagan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Dahil sa mga salita ng Diyos ay nakita ko ang liwanag at napahintulutan akong mapagtanto na ang dahilan kung bakit ako nag-alinlangang iwan ang klinika ko ay dahil nakontrol ako at nabihag ng katanyagan at pakinabang. Gumagamit si Satanas ng katanyagan at pakinabang upang gawing tiwali ang mga tao at buong buhay nilang hangarin ang katanyagan at pakinabang, at sa huli ay maitutulak sila na isakripisyo ang kanilang buhay para sa mga ito. Pinagnilayan ko kung paano ako tinuruan ng aking mga magulang mula pagkabata na ang tanging paraan upang mamukod-tangi ako ay ang makakuha ako ng magandang trabaho. Nang makita kong ang mga doktor ay may maayos at matatag na kita at lubos na iginagalang, naging layunin ko nang maging doktor at walang humpay akong nagtrabaho upang matupad ito. Matapos kong magsimulang manalig at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na dapat kong hangarin ang katotohanan sa aking pananalig at ang paghahangad ng kayamanan at katayuan ay walang halaga. Pero dahil sa pagkagapos sa katanyagan at pakinabang, gusto ko pa ring matupad ang aking pangarap na makilala ako kahit noong tinutupad ko ang aking tungkulin. Nang mapilitan akong pumili sa pagitan ng tungkulin ko at ng klinika, ninais kong lumipat sa mas madaling tungkulin, at nagsimula akong iraos lang ang aking tungkulin, na nakasama sa gawain ng iglesia. Gusto ni Satanas na mabuhay ako nang ayon sa ganitong mga pag-iisip at pananaw, at na ilaan ko ang lahat ng aking lakas sa paghahangad ng kayamanan, katanyagan at pakinabang. Bilang resulta, wala na akong oras at lakas upang hangarin ang katotohanan at gawin ang aking tungkulin at ipinagkanulo ko pa nga ang Diyos sa ngalan ng katanyagan at pakinabang, at ganap akong nawalan ng pag-asang maligtas. Ganito ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Ginugugol ng mga sikat na tao ang kanilang buong buhay sa paghahangad ng katanyagan at pakinabang, pero kapag nakuha na nila ang mga bagay na ito, hindi nila mapunan ang espirituwal na kahungkagan sa kanilang puso at sumasama sila nang sumasama. Ang ilan sa kanila ay bumabaling pa nga sa droga para makaramdam ng saya at ang ilan ay nagpapakamatay. Naalala ko ang isa sa dati kong katrabaho na bagamat medyo tanyag sa kanyang ospital ay hindi pa rin nasiyahan at nagbukas ng sarili niyang pribadong ospital. Pero kalaunan, hindi lamang nawala ang lahat ng pinaghirapan niyang ipunin dahil sa pagkakamaling ikinamatay ng isang pasyente, itinakda rin ng pamilya ng pasyente na magsuot siya ng damit panluksa at lumuhod at dumapa sa harap ng labi ng dating pasyente sa loob ng mahigit 10 oras. Sa huli, nasira ang kanyang reputasyon at iniwan siya ng kanyang asawa at mga anak. Ginugugol ng mga tao ang buong buhay nila sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang at respeto, pero ano ba ang ibinibigay ng mga bagay na ito sa tao? Pinasisiya lamang nito ang kanilang banidad sa oras na iyon at ginagawa sila nitong malulong at mahumaling sa pakiramdam na iyon. Dahil dito, wala na silang oras o lakas para hanapin ang Diyos at lubusang nawawala sa kanila ang pagliligtas ng Diyos. Hindi ba’t ito ang kasuklam-suklam na paraan ni Satanas upang pahirapan at lamunin ang sangkatauhan? Nasa huling yugto na ang gawain ng Diyos, lumaganap na sa buong mundo ang ebanghelyo ng kaharian, at sa oras na matapos ang gawain ng Diyos ay wala nang pagkakataon na hangarin ang katotohanan! Kaunti na lamang ang nalalabing oras para hangarin ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos, at kahit na ibuhos natin ang lahat ng panahon natin dito, hindi pa rin madaling makamit ang katotohanan. Paano ko inasahang makamtan ang katotohanan kung ang kalahati ng oras ko ay ibinibigay ko sa aking klinika at kalahati lamang sa paghangad ng katotohanan? Kung hindi dahil sa pagliligtas at paggabay ng Diyos, hindi ko mapagtatanto ang lahat ng ito. Maaaring patuloy lang akong pinahirapan ni Satanas at maaaring nawala ang pagkakataon ko na maligtas ng Diyos.

Sa pag-alala ko sa mga taon ng aking pananalig, sa kabila ng katotohanang nagdusa ang aking laman, at maaaring wala na akong prestihiyong gaya ng dati, naunawaan ko na ang ilang katotohanan at nalaman ko kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at kung anong uri ng buhay ang pinakamahalaga at makahulugan. Mas payapa, magaan at malaya na ang aking pakiramdam. Walang makamundong bagay ang maaaring magbigay nito sa akin. Kalaunan, kahit na anong subok ng mga tao na alukin ako ng mga trabahong may magandang mga pakinabang, hindi na ako nagpapatangay. Sa mga araw na ito, nakita kong ang paghahangad ng katanyagan at pakinabang ay nagpapahamak sa akin at iniwan ko na ang klinika ko para gawin ang aking tungkulin. Ang lahat ng ito ay dahil sa pagliligtas ng Diyos at ito ang pinakamahusay na desisyon para sa akin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Tamang Desisyon

Ni Shunyi, TsinaIpinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon na mga magsasaka. Noong nag-aaral...

Ang Pinili ng Guro

Ni Mo Wen, Tsina Habang lumulubog ang araw sa kanluran, sa oras ng takipsilim, bukas ang pinto ng isang maliit na bahay sa bukid, na may...