Paglaya Mula sa Putikan ng Yaman at Katanyagan

Enero 7, 2025

Ni Shen Jie, Tsina

Noong bata pa ako, mahirap ang pamilya ko, at madalas kaming hinahamak ng mga tao. Kaya inisip ko, “Kapag lumaki na ako, dapat kumita ako nang malaki para tumaas ang tingin nila sa akin.” Kalaunan, nag-asawa ako, pero mahirap din ang pamilya ng asawa ko. Humanap ako ng mga paraan para kumita ng pera kung saanman puwede at hindi ko kailanman binitiwan ang anumang pagkakataon. Sinubukan namin ang pagmamaneho ng taxi at pagtitinda ng mga gulay, pero hindi kami kumita nang malaki. Gayumpaman, hindi ako sumuko. Nakita ko ang pinsan ko na kumikita nang maganda sa pagpapatubo ng oyster mushroom at mabilis na nakapagpatayo ng magandang bahay. Kaya, nagdesisyon akong magpaturo sa kanya kung paano magpatubo ng kabute. Nagsikap kami mula taglagas hanggang tagsibol, pero noong dinala na namin sa palengke ang mga kabute, sobra-sobra ang supply, at kung saan-saan mayroon ng mga ito. Sa huli ay wala kaming anumang kinita. Walang saysay ang kalahating taong pagsisikap namin. Humantong sa herniated disc ang mahabang oras ng pagyuko namin sa pagtatrabaho. Gumastos ako nang malaki sa paghahanap ng medikal na gamutan kung saan-saan, na nagpalala pa sa mahirap na naming sitwasyong pinansyal. Hindi pa rin ako sumuko. Isang araw, nakita ko ang isang balita tungkol sa isang malaking farm na nagpapalahi ng kalapati na kumikita ng milyong-milyung Chinese yuan kada taon. Nanlaki ang mga mata ko, “Milyun-milyon! Walang farm na nagpapalahi ng kalapati dito. Kung magsisimula ako ngayon, baka maging amo na ako sa loob ng ilang taon.” Kaya, nangutang kami para masimulan ang pagpaparami ng mga kalapati. Kapag nakikita kong nagpapalahi ang mga kalapati, lubos na sumisigla ako at nagiging ganado. Pero noong handa na naming ibenta ang aming unang batch, nagkaroon ng pagkalat ng avian flu, at nalugi kami nang mahigit 20,000 Chinese yuan. Ang isipin ang pagkalugi sa pera pagkatapos ng isang taong pagsisikap ay parang isang kutsilyong humihiwa sa puso ko. Sa gabi, habang nakahiga ako sa kama, umiyak ako at tinanong ko ang sarili ko, “Bakit napakalupit ng kapalaran sa akin? Bakit napakahirap kong kumita samantalang mukhang napakadali nito sa iba?” Matindi ang epekto ng stress sa kalusugan ko. Hindi ako makatulog o makakain at may problema ang tiyan ko. Bumagsak ang timbang ko sa mahigit apatnapung kilo na lang at sumusuray ako kapag naglalakad. Kahit ganoon, tumanggi akong sumuko, iniisip na, “May utak ako at dalawang kamay gaya ng iba. Hindi mas mahina ang isip ko kumpara sa sinuman. Hindi ako naniniwalang hindi ko kayang kumita! Kailangan ko itong subukan muli!” Kalaunan, nabalitaan kong maganda ang kita sa pagtitinda ng barbecue. Sa kabila ng mahinang katawan ko, pumunta ako sa ibang lungsod para matutuhan ang negosyo. Pagkauwi ko, nagbukas ako ng restawran ng barbecue. Dahil sa matinding kompetisyon, hindi nagtagal ang negosyo at kinailangan ko itong isara. Hindi ko maintindihan kung bakit nagtatagumpay ang iba sa kaparehong negosyo, na kumikita ng 3,000 Chinese yuan sa isang gabi, samantalang hindi ko kayang kumita kahit magkano. Naalala ko na madalas sabihin sa akin ng nanay ko na ako ay “may malaking pangarap pero may isang marupok na kapalaran.” Naisip ko kung paanong ang kapatid ko ay yumaman sa loob ng ilang taon dahil sa negosyo sa gulay at nakapagpatayo ng magandang bahay, na may daan-daang libo na naitabi, samantalang ako ay naghihirap at nabibigo sa loob ng mahigit isang dekada. Ito ba talaga ang kapalaran ko? Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nalulungkot. At nahulog ako sa pagkalugmok, nakadama ng kawalang pag-asa at nagkasakit nang ilang araw, ayaw kong kumilos, hinihiling na makatulog na lang ako magpakailanman at hindi na magising muli. Napakahirap ng buhay na ito. Araw-araw ring nilunod ng asawa ko sa alak ang kalungkutan niya.

Kalaunan, sinimulan namin ang aming negosyo na pang-agahan. Laking gulat ko, napakaganda ng kinalabasan ng negosyo. Kinailangan naming gumising nang ala-1 ng umaga bawat araw at magtrabaho hanggang alas-10 ng umaga bago kami makakain ng agahan. Pinalala ng pagkagutom ko ang problema sa tiyan ko, at nagkaroon ako ng acid reflux at hypoglycemia. Nagdulot din ito ng cervical spondylosis sa asawa ko, na nagsanhi ng pamamanhid at kirot sa kanyang mga braso. Pinayuhan siya ng doktor na magpahinga nang ilang araw para sa intravenous therapy. Pero sa tingin niya ay kasayangan sa oras ang matali sa IV drip sa bawat araw, at sobrang nakakahinayang na mapalampas na kumita ng isang libong yuan araw-araw. Sa halip, pinili niya ang mga painkiller, pinaplanong magpagamot nang tama kapag humina ang negosyo. Lumala ang kondisyon niya paglipas ng panahon. Mas kinailangan niya ng mas maraming painkiller, na nagsimula sa isang piraso hanggang sa naging dalawa o tatlo. Kapag tumitindi ang kirot, minumura na niya ako, at unti-unti siyang naging mas iritable. Nauwi ang komunikasyon namin sa halos wala na maliban sa mga pagtatalo lang. Nagdulot sa akin ng kalituhan ang pisikal na sakit at ang pagkasupil ng isip at espiritu ko. Para saan ba ang lahat ng pagsisikap na ito? Pakiramdam ko ay gaya ako ng isang makina, na nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi. Pagod na pagod ako na nananakit ang beywang ko at kumikirot ang likod ko. Kumita kami pero walang oras para tamasahin ito. Sinasabi namin noon na magbibigay ng kasiyahan sa amin ang pera, pero bakit mas miserable ang pakiramdam ko sa kabila ng pagkakaroon ng pera?

Makalipas ang isang taon, bumalik kami sa sinilangang nayon namin para magpatayo ng isang bagong bahay. Nakadama ako ng tagumpay, iniisip ko na sa wakas ay makakatira na kami sa isang magandang bahay pagkatapos maghirap sa loob ng isang dosenang taon o mahigit pa. Pinuri ng aming mga kapitbahay, kamag-anak, at mga kaibigan ang aming mga abilidad at talino, at maagap pa nga nila kaming tinulungan sa makukuhanan ng mga materyales na kailangan para sa konstruksyon. Nagbigay din sa amin ang kalihim ng sangay ng Partido ng nayon ng espesyal na tulong sa pamamagitan ng pag-apruba ng aming pagpapatayo ng gusali. Iba ang pakiramdam ko sa pagkakaroon ng maraming pera, at mukhang mas maayos ang lahat ng bagay. Pero, noong nagsisimula nang maging maayos ang mga bagay para sa amin, dumating ang trahedya. Pagkatapos naming gibain ang aming lumang bahay, nagreklamo ang asawa ko dahil sa matinding pananakit ng kanyang leeg at nagpasya kaming pumunta sa ospital ng nayon. Pagdating ko, sinabi kaagad ng doktor sa akin, “Tamang-tama ang dating mo! Kritikal ang lagay ang asawa mo!” Nablangko ang isip ko. “Imposible ito,” naisip ko, “Palaging maganda ang kalusugan ng asawa ko at bihira nga siyang magkasipon magmula noong magpakasal kami. Paanong mamamatay na siya ngayon?” Tumakbo ako sa kuwarto at nakita ko na nakahiga ang asawa ko roon. Maitim ang kutis ng mukha niya at nakapikit ang mata. Hinawakan ko ang kamay niya at humagulgol ako, tinatawag siya, pero hindi na siya kailanman gumising muli. Ipinaliwanag ng doktor na nakaranas ng acute stroke ang asawa ko, malamang na may kinalaman ito sa kondisyon ng cervical spine niya na umiipit sa mga ugat niya at humahadlang sa sirkulasyon niya. Nagimbal ako sa biglaang pagkamatay ng asawa ko. “Paano ko kakayaning mabuhay, bilang isang babaeng may dalawang anak?” Naisip ko, “Ang gusto ko lang naman ay mapabuti ang buhay namin at hindi na kami hamakin. Pagkatapos ng ilang taong pagsisikap, noong nagsisimula pa lang umayos ang mga bagay-bagay, biglang namatay ang asawa ko. Bakit mukhang napakalayo at hindi maabot ang lahat ng inaasam ko?” Nagkulong ako sa kuwarto ko, palaging umiiyak. Nagsalitan ang mga kapatid ko para dalawin ako araw-araw, sa pag-aalalang baka saktan ko ang sarili ko. Pero ilang nakakapang-along salita lang ang mabibigay nila, na ganap na hindi makapawi ng lungkot sa puso ko.

Kalaunan, isang kamag-anak ang nagsama ng isang sister para ibahagi sa akin ang ebanghelyo. Binasa sa akin ng sister ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang Makapangyarihan sa lahat ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagtutol sa mga taong ito na walang kamalayan, dahil kinailangan Niyang maghintay ng sagot sa napakatagal na panahon mula sa mga tao. Hangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, bigyan ka ng tubig at pagkain upang gisingin ka, upang hindi ka na mauhaw at magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman ang labis na kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. Tatanggapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik. Hinihintay Niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at minsan ay nawalan ka ng direksyon, at minsan ay nawalan ka ng malay sa daan at minsan ay nagkaroon ng ‘ama,’ na matatanto mo, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagmamasid, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Matagal na Siyang nagmamasid nang may masidhing pananabik, naghihintay ng tugon na hindi dumarating. Ang Kanyang pagmamasid at paghihintay ay hindi matutumbasan, at ang mga ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang pagmamasid at paghihintay na ito ay walang tiyak na katapusan, at marahil ang mga ito ay malapit nang magwakas. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Habang naririnig ko ang “Kapag pagod ka na at nararamdaman ang labis na kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. … Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik,” umagos sa mukha ko ang aking mga luha nang hindi ko namamalayan. Pinagnilayan ko ang mga paghihirap na tiniis ko sa mga nagdaang taon, at ang di-maipaliwanag na masakit na pagdurusang pinagdaanan ko. Pumanaw na ang mga magulang ko, at namatay na rin ang asawa ko. Kanino ko masasabi ang mga kirot sa kaibuturan ko? Sino ang makakaunawa? Naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko, at napuno ng init ang kaibuturan ko. Gustung-gusto kong isigaw ang lahat ng pasakit na naipon sa puso ko, pero hindi ko alam kung saan magsisimula. Iyak lang ako nang iyak. Sinabi ng sister, “Nauunawaan ko ang nararamdaman mo. Makapagpapagaan lang sa kalooban mo ang sasabihin namin, pero hindi talaga namin malulutas ang pasakit mo. Ang Diyos lang ang makalulutas ng ating mga paghihirap.” Tinanong ko, “Saan ba galing ang lahat ng hirap na ito? Talaga bang malulutas ito ng Diyos?” Pagkatapos ay binasa sa akin ng sister ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “May napakalaking lihim sa iyong puso, na hindi mo kailanman namamalayan, dahil ikaw ay nabubuhay sa isang mundo na walang liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay naagaw na ng masama. Ang iyong mga mata ay nalalambungan ng kadiliman, at hindi mo nakikita ang araw sa langit ni ang kumikislap na bituing yaon sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan ng mapanlinlang na mga salita, at hindi mo naririnig ang dumadagundong na tinig ni Jehova, ni ang lagaslas ng tubig na dumadaloy mula sa trono. Nawala sa iyo ang lahat ng dapat na pag-aari mo, lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Nakapasok ka sa walang katapusang dagat ng pagdurusa, na walang lakas upang sagipin ang iyong sarili, walang pag-asang makaligtas, at ang tanging ginagawa mo ay magsumikap kumawala at magmadali…. Mula sa sandaling iyon, ikaw ay itinadhana nang pahirapan ng masama, napakalayo sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, hindi na abot ng mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, tumatahak sa landas na wala nang balikan. Milyon mang pagtawag ay mahihirapang gisingin ang iyong puso at iyong espiritu. Mahimbing kang natutulog sa mga kamay ng masama, na nakaakit sa iyong pumasok sa isang walang-hangganang mundo na walang direksyon o mga pananda sa daan. Simula noon, nawala na ang iyong orihinal na kawalang-muwang at kadalisayan, at nagsimula kang umiwas sa pangangalaga ng Makapangyarihan sa lahat. Sa loob ng puso mo, inaakay ka ng masama sa lahat ng bagay at naging iyong buhay. Hindi mo na siya kinatatakutan, iniiwasan, o pinagdududahan; sa halip itinuturing mo siya na diyos sa iyong puso. Sinimulan mo na siyang idambana at sambahin, at kayong dalawa ay hindi na mapaghihiwalay na parang katawan at anino, nangangakong mamumuhay at mamamatay nang magkasama. Wala kang ideya kung saan ka nagmula, kung bakit ka isinilang, o kung bakit ka mamamatay. Tinitingnan mo ang Makapangyarihan sa lahat bilang isang estranghero; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan; lalong hindi mo alam ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Ibinahagi sa akin ng sister na, “Inilantad ng Diyos ang ugat ng pagdurusa ng tao. Sa pasimula, nilikha ng Diyos ang mga tao at pinatnubayan sila na mamuhay sa Hardin ng Eden. Noong panahong iyon, nakikinig ang mga tao sa Diyos, namumuhay nang walang inaalala, at hindi naranasan ang mga paghihirap at problemang ito. Gayumpaman, pagkatapos matukso at magawang tiwali ni Satanas, ipinagkanulo ng mga tao ang Diyos, nalihis mula sa pag-aalaga at proteksyon Niya, at napailalim sa kapangyarihan ni Satanas. Ngayon ay namumuhay sa kasalanan ang mga tao, nagpapakana, nag-iintrigahan, nag-aaway-away at nagsisiraan para sa pera, katayuan, kasikatan, at pakinabang, at nag-iisip pa nga ang iba na magpakamatay. Si Satanas ang nagdala ng lahat ng pagdurusang ito. Sa loob ng libu-libong taon, tinaniman ni Satanas ang mga tao ng maraming pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at maraming panlilinlang, gaya ng, ‘Pera ang nagpapaikot sa mundo,’ ‘Gumawa ka ng isang magandang buhay sa sarili mong mga kamay,’ at ‘Ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang kamay.’ Gusto ng mga tao na paniwalaan ang mga maladiyablong salitang ito ni Satanas sa halip na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, namumuhay at naghahangad sila batay sa mga panuntunang ito ni Satanas para manatiling buhay. Kung wala ang pamumuno at gabay ng Diyos, pasibong susunod ang mga tao sa masasamang kalakaran ng lipunan, masikap na hinahabol ang pera, katayuan, kasikatan, at pakinabang taun-taon, nang hindi nauunawaan ang kahulugan ng buhay, o kung saan sila nagmula o saan pupunta. Ginagawa silang hungkag at nagdadalamhati ng lahat ng ito. Bagama’t ipinagkanulo ng mga tao ang Diyos, hindi Niya isinuko ang pagliligtas sa mga tao. Pinapatnubayan at inililigtas na ng Diyos ang mga tao sa nagdaang 6,000 taon ng paggawa Niya sa Kanyang gawain, hinihintay ang mga tao na bumalik sa Kanya. Sa mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagligtas, ay bumaba na sa lupa bilang tao, ipinahahayag ang mga katotohanan para iligtas ang mga tao. Sa pagtanggap lang sa mga katotohanan na ipinapahayag ng Diyos saka makikilatis ng mga tao ang mga pakana ni Satanas at makakatakas sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas.” Habang nakikinig ako sa mga sister, lubos akong naantig. Hindi ba’t ito mismo ang sitwasyon ko? Walang kapaguran akong nagtatrabaho araw at gabi, para lang kumita ng mas maraming pera sa pag-asang balang araw ay magiging angat ako sa iba at makakamit ang respeto ng mga tao, pero humantong ako sa pagkapagod at karamdaman, na nakakadama pa rin ng kahungkagan at dalamhati pagkatapos ng lahat ng iyon. Pero hindi ko kailanman kinuwestyon kung mali ba o hindi ang mamuhay nang ganito. Dahil ilang henerasyon nang ganito, hindi ba? Bakit ako naging eksepsyon? Ngayon ko lang naunawaan na ang lahat ng pagdurusang ito ay idinulot ng katiwalian at pagpapahirap ni Satanas. Kung hindi dahil sa paglalantad ng Makapangyarihang Diyos sa tunay na larawan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, hindi ko kailanman mapagtatanto ang lahat ng ito at nagpatuloy sana akong mailigaw ni Satanas, at naghihirap sa pasakit.

Kalaunan, binasa ko pa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pamamatnugot ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding kirot na tila tagos hanggang buto habang unti-unti inaaksaya ng isang tao ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi masuwerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. … kung hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na ‘ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.’ Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang kirot ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na may kasarinlan at kalayaan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Habang binabasa ko ang mga salita ng Diyos, tumulo ang luha sa mukha ko, at malinaw kong naalala sa aking isipan ang mga nagdaan kong karanasan. Para iwasang hamakin ako, piniga ko ang utak ko at desperadong sinubukang kumita ng pera, naniniwalang sa pamamagitan lang ng pagtitiyaga at pagsisikap, kaya kong baguhin sa aking mga kamay ang tadhana ko. Tuwing nabibigo ako, pinanatili ko ang isang palabang mentalidad, inisip ko na kung kayang yumaman ng iba na may utak at dalawang kamay, kaya ko rin kung susubukan kong mabuti. Tutal, may sarili akong utak at dalawang kamay, at hindi mas mahina ang utak ko kumpara sa kanila. Naisip ko na ang mga kabiguan ko dati ay dahil sa kawalan ng karanasan o hindi pagkakaroon ng tamang pagkakataon. Tinrato ko ang mga panlilinlang gaya ng “Dapat tiisin ng isang tao ang pinakamatitinding paghihirap upang maging ang pinakadakila sa mga tao,” at, “Baguhin mo ang kapalaran mo sa mga sarili mong kamay” bilang matatalinong kasabihan, at ilang beses man akong mabigo, pilit kong nilabanan ang kapalaran ko nang may hindi-kailanman-sumusukong mentalidad, sa pananampalatayang mababago ng pagsisikap ang tadhana, at nang matiyagang nagsisikap upang maging superyor sa iba. Nagdulot ito sa akin ng maraming karamdaman, at naging kapalit pa ng buhay ng asawa ko. Ang lahat ng ito ay dahil sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas! Noon, madalas kong sisihin ang kapalaran sa pagiging hindi makatarungan sa akin. Ngayon ko lamang napagtanto na hindi ito dahil mabagsik ang pakikitungo ng Diyos sa akin o na masama ang kapalaran ko. Sa halip, ito ay dahil mali ang pinili kong landas at paraan ng pamumuhay. Hindi ko nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi nakapagpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Gusto ko palaging baguhin sa mga sarili kong kamay ang aking kasalukuyang sitwasyon at tadhana. Alang-alang sa pera, kasikatan, at pakinabang, nagpakahirap at nagdusa ako sa loob ng mahigit isang dekada. Ngayon ko lang napagtanto na ang lahat ng pagdurusang ito ay dahil ginawa akong tiwali at pinahirapan ni Satanas, dahil sa kamangmangan ko sa katotohanan. Simula noon, tuwing may oras ako, binabasa ko ang mga salita ng Diyos, palaging sabik na maunawaan ang mas maraming katotohanan.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawat tao, at ang mga ito ay mga bagay na balak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang kasikatan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang taos-puso at wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa pagninilay ko sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pera, kasikatan, at pakinabang ay mga paraan ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Ginagamit ni Satanas ang mga panlipunang impluwensiya at pagpapalaki ng pamilya para ikintal sa akin ang maraming huwad na paniniwala, gaya ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Hangarin mong maging natatangi at nangingibabaw,” at “Una ang pera.” Dahil lumaki akong mahirap at nakaranas ng diskriminasyon, madali kong tinanggap ang mga pananaw na ito, naniniwalang sa pera, kasikatan, at pakinabang, ay hahangaan at rerespetuhin ako, makakaya kong magsalita nang may kumpiyansa, at mamuhay ng isang may dignidad at mahalagang buhay. Para magkamit ng kasikatan at pakinabang, piniga ko ang utak ko para makakita ng mga pagkakataon sa negosyo, nagtrabaho sa kabila ng pagkakasakit, at iniwan ko pa nga ang anak ko na isang taong gulang para maglakbay nang libu-libong milya para matuto ng isang kasanayan. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang, sa kabila ng pagiging masyadong pagkaabala na hindi na makakain, at nahihilo at nanghihina dahil sa gutom, na sumira sa kalusugan ko, hindi ako kailanman nag-atubili na magsakripisyo. Ang asawa ko, na naudyukan ng kaparehong mga pagnanais, ay ayaw bitiwan ang negosyo, pinipiling uminom ng mga painkiller sa halip na subukang magpagamot. Sa wakas ay yumaman siya pero namatay naman siya. Hindi ba’t dulot ng paghahangad sa pera, kasikatan, at pakinabang ang lahat ng pagdurusang ito? Kung walang pang-unawa sa katotohanan at pagkilatis, napagkamalan ko bilang mga batas ng pananatiling buhay at mga layon ng buhay ang mga maling paniniwala at mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao. Talagang hangal at bulag ako! Nang maunawaan ko ito, nagpasya akong ilaan ang sarili ko sa pananampalataya sa Diyos at sa paghahangad sa katotohanan, sa halip na habulin ang pera, kasikatan, at pakinabang gaya ng ginawa ko dati. Gumugol ako ng mas maraming oras sa pagbabasa araw-araw ng mga salita ng Diyos at aktibong nakilahok sa mga pagbabahaginan. Pagkalipas ng tatlong buwan, kumuha ako ng tungkulin sa iglesia, nagsasagawa ng pagdidilig sa mga bagong mananampalataya.

Dahil napansin ng mga kamag-anak ko na tumigil ako sa pagpapatakbo ng aking negosyo, ipinahayag nila ang kanilang mga pag-aalala, sinasabing dahil mga bata pa ang anak ko at maraming gagastuhin sa hinaharap, dapat kong ituloy ang negosyo ko na pang-agahan. Tinawagan din ako ng may-ari ng inuupahan ko, na nagsasabing maraming tao ang nasasarapan sa aming pagkain at umaasang bubuksan ko ulit ang tindahan, at na tutulungan niya ako kasama ang kanyang pamilya kung hindi ko kayang mag-isa. Pinukaw ng mga salita nila ang mga kaisipan ko. “Totoo ito. Dahil may dalawa akong anak na nag-aaral, halos hindi magkasya ang sahod ko para sa mga pangunahing gastusin sa pamumuhay. Kung hindi ako kikita ng mas malaki, kami ng mga anak ko ay patuloy na hahamakin. Kayang magpasok ng negosyong pang-agahan ng libu-libong yuan sa isang araw. Mahirap na bitiwan iyon. Baka puwede akong umupa ng isang taong tutulong at simulang muli ang negosyo?” Nagsimula akong magplano at isaalang-alang ang pagpipiliang ito. Gayumpaman, alam ko na hihingi ng matinding pagsisikap ang muling pagbubukas ng negosyong pang-agahan, na mag-iiwan na ng kaunting oras para magawa ang mga tungkulin ko sa iglesia. Magiging sapat na sa akin na tiyaking makakadalo ako sa mga pagbabahaginan. Palaging humihingi ng atensyon ko ang pagnenegosyo. Magiging hamon na pagtuunan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang paghahangad sa katotohanan, at siguradong magdurusa ng mga kawalan ang espirituwal kong buhay. Nalito at nahirapan ang loob ko, hindi ako nakatulog dahil doon nang mga araw na iyon. Isang araw, nabasa ko ang ilang mga salita ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katunayan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao ay maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at sa mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). “Kapag ang saloobin ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay positibo, kapag nagbalik-tanaw siya sa sarili niyang paglalakbay, kapag tunay niyang nararanasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas marubdob niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, magkakaroon ng mas matibay na determinasyon at pagtitiwala na hayaan ang Diyos na mamatnugot sa kanyang kapalaran, at huminto sa pagrerebelde laban sa Diyos. Sapagkat nakikita ng isang tao na kapag hindi niya naiintindihan ang kapalaran, kapag hindi niya nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kapag nangangapa siya pasulong nang kusang-loob, pasuray-suray at pagiray-giray sa kalituhan, ang paglalakbay ay napakahirap at masyadong nakakasakit ng damdamin. Kaya kapag nakikilala ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ito, na magpaalam sa masasakit na araw nang sinubukan nilang magtatag ng isang mabuting buhay sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay, at na tigilan ang pakikipagbuno laban sa kapalaran at ang paghahangad ng kanilang tinatawag na ‘mga layon sa buhay’ sa sarili nilang paraan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layon ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Sa aking pagbabasa ng mga salita ng Diyos, humagulgol ako. Habang pinagninilayan ang masasakit na araw noong naghihirap ako laban sa kapalaran bago ko nakilala ang Diyos, napagtanto ko na ang pasakit ko ay nagmula sa hindi pagkilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at paglaban sa kapalaran ko nang may mga tiwaling disposisyon. Sariwang-sariwa pa rin sa alaala ko ang paghihirap ng hindi pagkamit sa ninanais ko. Kaya ng iba na kumita ng milyun-milyon sa kaparehong negosyo samantalang nauwi ako sa wala, napakalaki pa ng mga lugi ko. Ipinapakita nito na gaano mang karaming pera ang kitain ng isang tao at kung mayaman o mahirap ba ang isang tao ay itinakda ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang makamit sa pagsisikap lang ng isang tao. Sa mundo ngayon, patindi nang patindi ang mga sakuna. Kung uunahin kong kumita ng pera, hanapin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, isinusuko ang pagkakataong hangarin ang katotohanan at kamtin ang pagliligtas, hindi ba’t magiging hangal at mangmang ako? Kahit pa magpasok ng libu-libong yuan sa isang araw ang negosyo na pang-agahan, hindi matutumbasan ng pera ang kahungkagan at pagdurusa ng pagiging malayo sa Diyos. Maaaring hindi ako mayaman ngayon, pero kaya ko pa ring mamuhay nang normal na buhay. Mas importante pa roon, naunawaan ko ang ilang katotohanan at ang kahulugan ng buhay. Kaya ko ring magawa ang mga tungkulin ko sa iglesia, na nagdala sa akin ng kapayapaan at kagalakan. Sa pagkatantong ito, nagpasya akong isuko ang negosyo at tumuon sa mga tungkulin ko. Ibinenta ko sa iba sa mababang halaga ang mga kasangkapan sa kusina sa tindahan ko.

Kalaunan, nagbasa ako ng mas maraming salita ng Diyos: “Kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na ‘ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.’ Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang kirot ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na may kasarinlan at kalayaan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan, ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layon sa buhay; ibuod at himayin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa mga layunin at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layon sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa mga ito ay hindi akma sa orihinal na layunin ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumagawa ng indibidwal na pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). “Ang mga naghahangad na makilala ang Diyos ay nagagawang isantabi ang kanilang mga pagnanais, handang magpasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at mga pagsasaayos ng Diyos, at sinusubukan nilang maging mga uri ng tao na nagpapasakop sa awtoridad ng Diyos at tumutugon sa mga layunin ng Diyos. Ang ganoong mga tao ay nabubuhay sa liwanag at sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos, at tiyak na papupurihan sila ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensiya ng diyablo, ganap na natatapakan ng karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)). Ibinunyag sa akin ng mga salita ng Diyos kung ano ang tunay na makabuluhan at mahalagang paghahangad sa buhay. Mapalad ako ngayong makatagpo ang gawain ng Lumikha para sa pagliligtas sa tao, na isang bihirang pagkakataon sa buhay, at ang marinig ang tinig ng Lumikha ay isang bagay na pinapangarap ng maraming tao. Kaya nagpasya akong hindi na habulin ang pera, kasikatan, at pakinabang kundi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at mamuhay ayon sa mga hinihingi Niya. Naisip ko si Pedro. Noong marinig niya ang pagtawag ng Panginoong Jesus, iniwan niya nang walang pag-aatubili ang kanyang mga lambat upang sumunod sa Kanya, kalaunan ay nakilala, nagpasakop at minahal niya ang Diyos. Si Job din ay nawalan ng lahat ng bagay pero pinuri pa rin ang Diyos, na nagbigay ng magandang patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas at sa huli ay pinagpalang mamasdan ang pagpapakita ng Diyos. Sa buong kasaysayan, maraming banal ang tumalikod sa lahat ng bagay, maging ang buhay nila, para ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos, na siyang pinakamakabuluhan at mahalagang paraan para mabuhay. Sa mga halimbawang ito na naisip ko, alam kong dapat akong makuntento sa pagkakaroon ng mga damit at pagkain, at maglaan ng mas maraming lakas sa paghahangad sa katotohanan at paggawa ng aking mga tungkulin. Ang paghahanap sa Diyos ay ang pinakamahalaga. Pagkatapos kong ganap na isuko ang aking negosyo, bukod sa pagtatrabaho at paggawa ng mga tungkulin ko, ginugol ko ang natitirang oras ko sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pag-awit ng mga himno upang purihin ang Diyos kasama ang mga anak ko. Bawat araw, nakadama ako ng kapayapaan at katatagan, at kasiya-siya ito. Paglipas ng ilang buwan, gumaling ang matagal ko nang karamdaman sa tiyan, na alam kong awa ng Diyos. Mas kaya na ng mga anak ko na magsarili sa kanilang pag-aaral at sa mga pang-araw-araw na gawain. Napakamasunurin at makatwiran nila. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at paggawa ng aking mga tungkulin, nadama ko ang kaliwanagan at paggabay ng Diyos. Unti-unti kong naunawaan ang ilang katotohanan. Nagkaroon ako ng mas malalim na pang-unawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at kung paano iniligtas ng Diyos ang mga tao. Natutuhan ko rin kung paano dapat mamuhay ang mga tao at kung anong mga paghahangad ang tunay na makabuluhan at mahalaga. Malaki ang nabawas sa kaguluhan sa puso ko. Lubos akong nagpapasalamat sa pagliligtas ng Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman