Ang Ibinubunga ng Pag-idolo sa Tao

Marso 28, 2022

Ni Song Yu, Netherlands

Noong 2019, nagsasanay ako sa isang posisyon sa pamumuno, gumagawa kasama ni Wang. Sa tagal ng aming pakikisalamuha sa isa’t isa, nalaman ko na naglingkod na siya sa pamunuan nang ilang taon sa China, at nangasiwa ng maraming iba’t ibang proyekto. Matapos mangibang-bansa, itinaas kaagad ang ranggo niya sa pamumuno at naging responsable siya sa ilang iglesia. Palagay ko may mahusay siyang kakayahan at maganda ang pagkaunawa niya sa mga prinsipyo, at nauunawaan niya ang katotohanan. Kung hindi, paano niya makakayanan ang gayon kahalagang mga tungkulin? Hindi ko napigilang medyo humanga sa kanya. Sinabi ko sa sarili ko na pinag-aaralan ko pa lang ang tungkulin ko at hindi ako pamilyar sa maraming prinsipyo. Wala akong gaanong kabatiran sa mga bagay-bagay at malamang na malito ako sa mga kumplikadong isyu. Dahil naipareha ako sa isang taong nakakaalam sa mga prinsipyo, kinailangan kong matuto mula sa kanya at maunawaan ang mga prinsipyo sa lalong madaling panahon, para magawa ko nang maayos ang gawain ng iglesia.

Sa paglipas ng panahon, sa mga pagtitipon na kasama si Wang, narinig ko siyang nagkukuwento tungkol sa isang tungkuling hinawakan niya sa mainland China. Hindi gaanong maganda ang takbo ng ilang iglesia, kay ibinigay sa kanya ang responsibilidad para sa mga iyon. Noong una, nadama niya na parang mahirap ang gawain, kaya ayaw niyang pumunta, pero matapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at manalangin, tinanggap niya ang tungkulin. Matapos tanggapin iyon, may ilan na mahirap talaga, pero sa loob ng maikling panahon ng pagsusumikap, nagsimulang gumanda ang mga bagay-bagay sa gawain ng iglesia. Nang marinig ko ang paglalarawan niya rito, pakiramdam ko ay mahusay ang kanyang kakayahan at talagang umako siya ng pasanin at isinaalang-alang niya ang kalooban ng Diyos, na binubuhay ang mga proyekto na kung tutuusin ay imposibleng magtagumpay. Palagay ko nasa kanya ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos. Hindi ko napigilang mas humanga pa sa kanya. Habang patuloy ang aming pagtutulungan, tiniyak kong makinig na mabuti sa kanyang pagbabahagi. Ikinuwento niya na tinalikdan niya ang kanyang pamilya, isinantabi ang personal na damdamin para gawin ang kanyang tungkulin, kung paano sinikap ng kanyang pamilya na hadlangan siya, paano niya dinaig ang mga panlilinlang ni Satanas at paano siya tumayong saksi, paano niya nakilala ang mga anticristo, sa paisa-isang hakbang, at pagkatapos ay kung paano niya sila pinaalis ng iglesia, na pinoprotektahan ang mga kapatid. Ikinuwento rin niya kung paano niya sinuportahan ang mga lider na nahihirapan sa kanilang gawain, masusi silang ginabayan para tulungan silang matutuhan ang mga prinsipyo. Nang pakinggan ko ang lahat ng kuwento niya, nadama ko na kahit magkapartner kami, mas mataas ang kanyang posisyon kaysa sa amin na mga karaniwang tao, na mas malawak ang pananaw niya sa mga bagay-bagay, at napakalayo namin sa kanya. Sa paglipas ng panahon, inobserbahan kong mabuti kung paano niya isinagawa ang kanyang tungkulin. Sa mga pagtitipon, nagsisimula siya sa pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa tao at pagsasaalang-alang sa Kanyang kalooban, paano gumagawa ang Diyos sa atin at inililigtas tayo, gaano kalaking biyaya ang ipinagkakaloob Niya, at paano natin dapat suklian ang Kanyang pagmamahal. Tapos ibinabahagi pa niya kung paano gumawa ng praktikal na gawain, at paanong sa China noon ay nagbabad siya sa bawat lugar para magawa ang tunay na gawain, para magkaroon ng mga resulta. Pagkatapos ng lahat ng iyon, kung napuna niya na may mga problema sa isang partikular na lugar, iwinawasto niya at sinusuring mabuti ang mga lider na iyon dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain, na sinasabi na hindi sila makatao at wala silang konsiyensya, na iresponsable sila at hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, kaya nga wala silang patnubay ng Diyos at hindi makakuha ng mga resulta. Tapos ay nagkukuwento siya tungkol sa kanyang gawain sa China, kung paano siya sumandig sa Diyos para matamo ang gawain ng Banal na Espiritu at malutas ang lahat ng problema at paghihirap. Tapos ay sinabi niya sa mga lider na iyon na magbalik-loob at umasa sa Diyos upang ayusin ang mga bagay-bagay. Pagkaraan ng ilang panahon, sa mga pagtitipon sinimulan niya silang tanungin ng napakadetalyadong mga tanong, at nakita nilang sa ilang lugar ay mas matagumpay ang kanilang gawain ng ebanghelyo. Ang estilong iyon ng pagtatrabaho ay lubos na bago sa akin. Bawat yugto ay nakaugnay sa sumunod, at talagang may sistema. Ang paraan ng kanyang pagsasalita at paggawa ay desidido at may kumpiyansa, at maraming kapatid ang humanga talaga sa kanya. Naisip ko na naglingkod siya nang matagal bilang lider at nakaipon ng maraming karanasan, kaya mas magaling siya kaysa sa akin sa pagharap sa mga problema at paggawa ng remedyo. Mukhang napakataas ng kanyang estilo ng pagtatrabaho at inisip ko kung kailan ako magiging katulad niya. Naisip ko na kung sinimulan kong gawin ang mga bagay-bagay na tulad ng ginawa niya, baka magkamit din ako ng magagandang resulta at tingalain ako ng iba.

Sa mga pagtitipon kasama ang mga kapatid pagkaraan niyon, nagsimula ako sa mga sipi tungkol sa pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, ibinahagi ko kung paano gumagawa ang Diyos sa atin at inililigtas tayo, paano natin dapat suklian ang pagmamahal ng Diyos, paano natin isasapuso ang ating tungkulin at gagawin ang praktikal na gawain. Nang hindi makakuha ng magagandang resulta ang grupo ng ebanghelyo, ginaya ko ang estilo ni Wang sa pagsasalita, na pinupungusan at iwinawasto sila, sinasabing ang kawalan nila ng mga resulta ay dahil hindi sila umako ng pasanin sa kanilang tungkulin, at ang mga taong ganoon ay walang anumang konsiyensya o pagkamakatao, na sila ay mga tagapagsilbi lamang. Sa bawat pagtitipon, nagtanong ako ng detalyadong mga tanong tungkol sa kanilang mga resulta mula sa kanilang gawain ng ebanghelyo. Kapag mukhang hindi maganda ang mga bagay-bagay, naiinis ako sa kanila, na iniisip na kahit pagkaraan ng napakaraming pagbabahaginan ay wala silang makuhang magagandang resulta, kaya hindi nila pinagsisikapan iyon. Tapos ibinahagi ko kung paano gumawa ng praktikal na gawain sa kanilang tungkulin, paano nila ito isasapuso at hindi sila maging pabaya. Pinungusan at iwinasto ko sila sa aking pagbabahagi. Pero kahit pagkatapos niyon, hindi pa rin gumanda ang kanilang pagganap. Litung-ito ako—sinunod ko ang sariling pamamaraan ni Wang sa pagtatrabaho, kaya bakit wala akong nakitang mga resulta? Nagnilay-nilay lang ako tungkol sa aking sarili kalaunan nang may sabihin sa akin ang isang sister. Pinag-usapan namin kung ano ang pakiramdam namin sa aming mga tungkulin at ang mga naging hamon sa amin, at nagtapat siya sa akin, na sinasabi na talagang hirap siya at napipigilan sa gawain niya na kasama ako, na sa bawat pagtitipon, nagmamataas ako at pinagagalitan ko siya, at pagkatapos niyon, nagpapakatapang siya at mabigat ang pakiramdam na nagpapatuloy, na tinatapos lang ang mga bagay na nasa listahan. Takot siyang maiwasto kung hindi maayos ang ginawa niya, at hirap na hirap kaya ayaw na niyang dumalo sa mga pagtitipon na kasama ako. Sinabi rin niya na hindi ako gaanong nagbahagi tungkol sa aking katiwalian at mga pagkakamali, kundi nagsalita lang ako tungkol sa mga problema ng iba, kaya hindi makita ng mga tao ang nasa puso ko, at malayo ang damdamin nila sa akin. Umiiyak siya nang sabihin niya ito sa akin. Talaga namang nakakalungkot na marinig iyon—pakiramdam ko talagang hindi naging maganda ang trato ko sa kanya. Hindi ko alam na masasaktan nang husto ang iba kapag ginawa ko ang tungkulin ko sa gayong paraan. Ginusto ko lang gawin nang maayos ang tungkulin ko at paghusayin ang mga resulta ng aming gawain. Sa halip, hindi ko lang hindi ginawa nang maayos ang tungkulin ko, kundi ipinadama ko pa sa mga kapatid na pinipigilan sila. Saan ako nagkamali? Humarap ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap, na hinihiling sa Kanya na gabayan ako na maunawaan ang aking problema.

Sa aking mga debosyonal, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kung aakayin mo bilang lider o manggagawa ng iglesia ang mga hinirang ng Diyos sa pagpasok sa realidad ng katotohanan at sa pagtataglay ng wastong patotoo sa Diyos, ang pinakamahalaga rito ay ang gabayan ang mga tao sa paglalaan ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi ng katotohanan, nang sa gayon ay magkaroon ang mga hinirang ng Diyos ng mas malalim na kaalaman ukol sa mga pakay ng Diyos sa pagliligtas sa tao at sa layunin ng gawain ng Diyos, at maunawaan ang kalooban ng Diyos at ang sari-saring hinihingi Niya sa tao, upang magawa nilang maunawaan ang katotohanan. … Magagawa mo bang ipaunawa sa mga tao ang katotohanan at mapapasok sila sa realidad nito kung iwinawasto at pinangangaralan mo lamang sila? Kung hindi totoo ang katotohanan na ibinabahagi mo, kung mga salita lamang ito ng doktrina, kahit gaano mo pa sila iwasto at pangaralan, mauuwi lang ito sa wala. Iniisip mo bang kapag natatakot ang mga tao sa iyo, at sinusunod nila kung ano ang sabihin mo, at hindi sila naglalakas-loob na tumutol, ay pareho lang ito sa nauunawaan nila ang katotohanan at pagiging masunurin? Isa itong malaking pagkakamali; hindi ganoon kadali ang pagpasok sa buhay. Ang ilang lider ay parang isang bagong tagapamahala na sumusubok na magkaroon ng matinding impresyon, sinusubukan nilang ipatupad ang bago nilang taglay na awtoridad sa mga hinirang ng Diyos upang magpasakop ang lahat sa kanila, iniisip na mas mapapadali nito ang kanilang trabaho. Kung wala ang realidad ng katotohanan sa iyo, hindi magtatagal ay mabubunyag ang tunay mong pagkatao, malalantad ang tunay mong tayog, at maaaring mapaalis ka. Katanggap-tanggap ang kaunting pagwawasto, pagtatabas, at disiplina sa ilang administratibong gawain. Subalit kung hindi mo nagagawang ipagkaloob ang katotohanan—kung ang kaya mo lamang ay sermunan ang mga tao, at wala ka nang ginawa kundi magalit—kung gayon, ito ang tiwali mong disposisyon na ibinubunyag ang sarili nito, at naipakita mo ang pangit na hitsura ng katiwalian mo. Sa paglipas ng panahon, hindi makakatanggap ang mga hinirang ng Diyos ng panustos ng buhay mula sa iyo, wala silang anumang matatamong totoo, at kung magkagayon ay mamumuhi at masusuklam sila sa iyo, at lalayuan ka nila. … May ilang lider at manggagawa na walang kakayahang maghatid ng katotohanan para lumutas ng mga problema. Sa halip, basta na lamang nilang pikit-matang pinagsasabihan ang iba at ipinangangalandakan ang kanilang kapangyarihan upang katakutan sila at sundin sila—gayon ang mga palagiang pamamaraan ng mga huwad na lider at anticristo. Pinatutunayan ng mga totoong impormasyon na iyong mga hindi nagbago ng disposisyon ay hindi nababagay na maging mga lider at manggagawa, lalong hindi sila kuwalipikado na maglingkod at magpatotoo sa Diyos(“Yaon Lamang mga May Katotohanang Realidad ang May Kakayahang Mamuno” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lahat ng inilarawan ng Diyos ay akmang-akma sa akin. Sa mga pakikipagtipon sa mga kapatid, nang mapansin ko na wala silang nakukuhang mga resulta, hindi ko sinikap na unawain ang kanilang aktwal na mga pakikibaka o ang mga dahilan kaya hindi nila naipapalaganap nang maayos ang ebanghelyo, at hindi ako nagsikap na magbahagi tungkol sa katotohanan para tulungan sila sa kanilang mga problema. Pinungusan at iwinasto ko lang sila, at buong yabang na pinagalitan sila, na pinipintasan sila sa hindi pag-ako ng pasanin, sa hindi pagiging makatao. Tapos ay nadama ng mga kapatid na pinipigilan ko sila at natakot sila sa akin, at inilayo ang sarili nila. Buong yabang ko silang pinagalitan at ginipit, at iginiit sa kanila ang gusto ko sa halip na ibahagi ang mga katotohanan para tulungan sila. Kung nagpatuloy iyon, maaari akong maging isang huwad na lider o anticristo. Nang makita ko na napakaseryoso ng problemang iyon, humarap ako sa Diyos at nanalangin: “Diyos ko, inaabuso ko ang aking kapangyarihan at pikit-matang iwinawasto ang mga tao. Hindi maayos ang pagganap ko sa aking tungkulin at nasaktan ko ang mga kapatid. Gusto kong magsisi sa Iyo. Gabayan Mo po sana ako.” May natagpuan akong landas ng pagsasagawa sa ilan sa mga salita ng Diyos pagkatapos niyon. Sa mga pagtitipon mula noon, hiniling ko sa mga kapatid na pag-usapan muna ang kanilang mga pakikibaka, tapos ay sinabi ko sa kanila kung ano ang tingin ko sa mga problema at nagbahagi ako batay sa mga salita ng Diyos. Sa gayong paraan, hindi nadama ng iba na pinipigilan sila at na may tutulong sa kanila. Gumanda nang husto ang pakiramdam ko matapos kong gawin ang mga bagay-bagay sa gayong paraan sa loob ng maikling panahon.

Akala ko natutuhan ko na ang aral na iyon nang sapat hanggang sa mabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagpaunawa sa akin kung bakit ko ginagaya ang pagsasagawa ni Wang ng gawain, at ang landas na tinatahak ko sa aking pananampalataya sa Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Anuman ang antas ng mga lider at manggagawa sa loob ng isang iglesia, kung palagi ninyo silang sinasamba, kung palaging nakatutok sa kanila ang inyong mga mata, at pinagpipitagan ninyo sila, at umaasa kayo sa kanila sa lahat ng bagay, at umaasa kayong tutulutan kayo nito na magkamit ng kaligtasan, ang lahat ay mauuwi lang sa wala, dahil ang ganitong simbuyo ay mali mismo; kapag ang mga tao ay naniniwala sa Diyos, maaari lamang nilang ipagpitagan at sundan ang Diyos. Anuman ang kanilang ranggo sa pamunuan, karaniwang tao pa rin ang mga lider, at kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali iyon—nahihibang ka. At ano ang mga ibubunga ng kahibangang ito? Ang kahibangang ito, ang maling pagkaunawang ito ay ihahantong kang sukatin ang iyong mga lider laban sa mga hinihingi na hindi naaayon sa realidad nang hindi mo namamalayan; kasabay nito, maaakit ka rin nang lubusan nang hindi mo nalalaman sa kanilang pambihirang katangian, mga kaloob at talento, kaya bago mo pa malaman, sinasamba mo na sila, at naging mga Diyos mo na sila. Ang landas na iyon, mula sa sandaling nagsisimula na silang maging huwaran mo, tampulan ng iyong pagsamba, hanggang sa sandaling maging isa ka sa kanilang mga alagad, ang aakay sa iyo palayo sa Diyos nang hindi mo namamalayan. At kahit habang unti-unti kang lumalayo sa Diyos, maniniwala ka pa rin na sumusunod ka sa Diyos, na ikaw ay nasa bahay ng Diyos, na ikaw ay nasa presensya ng Diyos. Ngunit sa totoo lang, natangay ka na pala palayo ng isang taong nabibilang kay Satanas, o isang anticristo, at ni hindi mo madarama ito—na isang lubhang mapanganib na kalagayan. Upang malutas ang problemang ito, dapat mong maunawaan nang tumpak at makilala ang iba’t ibang disposisyon ng mga anticristo at ang mga paraan ng pagkilos nila, gayundin ang likas na katangian ng kanilang mga kilos at pamamaraan at panlolokong gusto nilang gamitin; kailangan mo ring magsimula sa pamamagitan ng pagbabago sa inyong sarili. Ang paniniwala sa Diyos ngunit pagsamba sa tao ay hindi ang tamang landas. Maaaring sabihin ng ilan: ‘May mga dahilan nga ako sa pagsambang ginagawa ko sa mga lider—ang mga sinasamba ko ay naaayon sa aking mga kuru-kuro.’ Bakit mo ipinipilit na sambahin ang tao bagama’t naniniwala ka sa Diyos? Matapos sabihin at gawin ang lahat, sino ba ang magliligtas sa iyo? Sino ang tunay na nagmamahal sa iyo at nagpoprotekta sa iyo—hindi mo ba talaga nakikita? Sumusunod ka sa Diyos at nakikinig sa Kanyang salita, at kung may nagsasalita at gumagawa nang wasto, at umaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi pa ba tama ang pagsunod sa katotohanan? Bakit napakasama mo? Bakit ka nagpupumilit na humanap ng isang taong sinasamba mo para sundin? Bakit mo ba gustong maging alipin ni Satanas? Bakit hindi ka na lang maging isang lingkod ng katotohanan? Ipinapakita nito kung may katinuan at dignidad ang isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagbabago sa iyong sarili, pagsasangkap sa iyong sarili ng mga katotohanang nagpapakita ng kaibhan ng iba’t ibang mga tao at mga pangyayari, nagkakaroon ng pagkakilala sa pagitan ng iba’t ibang usapin, at sa iba’t ibang bagay na nakikita sa iba’t ibang tao, nalalaman kung ano ang diwa ng mga ito, at kung anong mga disposisyon ang inihahayag; kailangan mo ring maunawaan kung anong klase kang tao, anong klase ang mga tao sa paligid mo, at anong klase ang mga taong namumuno sa iyo. Kailangan mo silang kilalanin nang husto. … Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan, at lagi kang nabubuhay sa gitna ng isang partikular na imahinasyon, at lagi kang pikit-matang umaasa, gumagalang, at nambobola sa ibang mga tao, kung hindi ka tumatahak sa landas ng paghahanap ng katotohanan, ano ang kahihinatnan sa huli? Kaya kang lokohin ng lahat. Hindi mo nakikita ang tunay na pagkatao ng sinuman—kahit ang pinakalantarang mga anticristo, na nililito ka sa kanilang mga pagmamanipula; subalit hinahangaan mo pa rin sila dahil sa kanilang mga abilidad, nagpapakontrol ka sa kanila bawat araw. Isang tao ba ito na tumatalima at sumusunod sa Diyos?(“Sila ay Kumikilos sa Kakaiba at Misteryosong mga Paraan, Sila ay Wala sa Katwiran at mga Diktador, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko na kahit may pananampalataya ako, nasa landas ako ng pagsamba at pagsunod sa mga tao. Nalaman ko mula sa aking mga pakikipag-ugnayan kay Wang na maraming taon na siyang naging lider, kaya akala ko hinanap niya ang katotohanan, at talagang inidolo ko siya. Sa kabatirang naging responsable siya sa maraming gawain ng mga iglesia at na napasigla niyang muli ang mga bagay-bagay noong hindi maganda ang nangyayari sa mga ito, lalo ko siyang hinangaan. Pakiramdam ko mayroon siyang patnubay ng Banal na Espiritu at mga pagpapala ng Diyos para magawa ang lahat ng gawaing iyon, na malamang ay mahal siya ng Diyos. At ang marinig siyang magsalita kung paano niya isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos, dagdag pa ang kanyang mga pamamaraan sa pagtatrabaho at mga kinahinatnan nito, pakiramdam ko sa lahat ng lider at manggagawang ito, si Wang ang may pinakamahusay na kakayahan at mga kapabilidad, na siya ang may mas mataas na tayog. Bago ko pa nalaman, nagkaroon na siya ng magandang imahe sa aking isipan. Sinimulan kong idolohin siya. Akala ko kung gusto kong maging kwalipikadong lider, dapat akong matuto mula sa estilo ng kanyang pagtatrabaho. Sa mga pagtitipon, hindi ako talaga nakinig sa sinabi ng ibang mga tao. Pakiramdam ko hindi kasinghusay ng sa akin ang pagbabahagi nila, pero kapag nagsisimulang magsalita si Wang, nakatuon ako nang husto sa kanya. Kung minsa’y nagtatala ako tungkol sa mahahalagang puntong binanggit niya, sa takot na may mapalampas akong mahalaga. Noong panahong iyon, hindi man lang ako humarap sa Diyos para manalangin at maghanap, at hindi ako naghanap ng mga prinsipyo mula sa mga salita ng Diyos kung paano dapat gumawa ang mga lider. Isinasagawa ko lang ang mga salita at estilo ng pagtatrabaho ni Wang na para bang katotohanan ang mga iyon. Ginaya ko pa ang bawat galaw niya, ang mga paraan na nangaral siya at kumilos. Napakataas ng puwang niya sa puso ko. Naapektuhan niya ang paraan ng paggawa ko ng mga bagay-bagay at kung paano ko ginawa ang aking tungkulin. Naging idolo ko na siya. Kung titingnan, naniwala ako at sumunod sa Diyos, pero ang totoo, sinunod ko si Wang, at nawalan ng puwang ang Diyos sa puso ko. Inidolo ko at sinundan ang isang tao, na kung tutuusin ay pagsunod kay Satanas, paglalayo ng sarili ko sa Diyos at pagtataksil sa Kanya. Minsa’y sinabi ng Panginoong Jesus, “Sa Panginoon mong Diyos ay dapat sumamba ka, at Siya lamang ang iyong dapat paglingkuran(Mateo 4:10). Ang Diyos ay isang selosong Diyos, at hindi Niya papayagan ang Kanyang mga mananampalataya na sumamba sa sinumang idolo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!). Nakita ko na hindi pinalalampas ng disposisyon ng Diyos ang anumang pagkakasala. Ayaw Niya sa mga taong may pananampalataya sa pangalan lamang, pero wala Siya sa puso nila, na naniniwala sa Diyos pero sumusunod sa tao at nagtataksil sa Kanya. Kinasusuklaman sila ng Diyos—kinamumuhian Niya sila. Nakikitang sumusunod ako sa isang tao at nasa maling landas na, nasindak ako. Nagpasalamat din ako sa patnubay ng Diyos, na ipinapakita sa akin ang gayon kaseryosong problema sa akin. Talagang ginusto kong tumigil sa pag-idolo kay Wang.

May isa pang sipi akong nabasa: “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa paggalang magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Naipaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos kung bakit ko sinusunod ang isang tao. Humanga ako sa katayuan at kapangyarihan, at iyon ang mga bagay na likas kong minahal. Nang malaman ko na noon pa pala may mga tungkulin sa pamumuno si Wang, na marami na siyang nahawakang proyekto, sinimulan ko siyang tingalain. Nang marinig ko siyang ipaliwanag ang gawaing nagawa niya at mga bagay na naisakatuparan niya, sinimulan kong idolohin siya, sa pagnanais na maging katulad niya balang araw. Ang paraan ng kanyang pagsasalita at ang gawaing ginawa niya ay nag-iwan ng matinding impresyon sa akin. Hinangaan ko ang kanyang marangal na pagbabahagi at pagkakaroon ng awtoridad sa gawain. Pakiramdam ko gayon dapat ang isang lider. Pero ni bahagya ay hindi ko hinangaan ang pagpapakumbaba at pagiging tago ni Cristo, ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at kadakilaan. Naisip ko ang Diyos na gumawa ng kasuotan para kina Adan at Eva. Siya ang Lumikha at may napakadakilang karangalan, pero hindi Niya ipinapakita Mismo na ganoon Siya. Personal Siyang gumawa ng kasuotan para sa mga taong mangmang na nagawang tiwali ni Satanas. Noong gumawa at lumakad ang Panginoong Jesus sa piling ng tao, hindi Niya kailanman inihayag ang Kanyang identidad, kundi hinugasan pa ang mga paa ng Kanyang mga disipulo. At ngayon, nagkatawang-tao na ang Diyos at naparito sa lupa para iligtas ang tao, na nadadamitan ng karaniwang katawan, na tahimik lang na ipinapahayag ang mga katotohanan at tinutustusan ang tao, hindi kailanman nagpapasikat. Ang pagpapakumbaba at pagiging tao ng Diyos ay lubhang karapat-dapat sa ating pagmamahal. Pero hindi ko nakita na naglalaman ito ng kabanalan, kadakilaan, at dangal ng Diyos. Tiningala, hinangaan, at sinunod ko pa ang sinumang nakita kong may katayuan at nagmamayabang. Napakabulag ko at mangmang. Kaya sumumpa ako na magiging tunay na tagasunod ako ng Diyos, na gagawin ko ang aking tungkulin ayon sa mga salita ng Diyos at magkakaroon ng pagkakilala sa mga ibinuod ng iba. Kung ang kanilang pamamaraan ay naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, maaari kong sundin iyon, dahil iyon ay pagsunod sa katotohanan. Pero kung salungat iyon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, kung personal na kapritso lang iyon o personal na karanasan, kung ang nagawa lang ng gawaing iyon ay matamo ang paghanga ng iba o mapasunod ang mga tao sa mga panuntunan at madama nilang napipigilan sila, hindi puwedeng pikit-mata ko na lang iyong tanggapin.

Matapos maunawaan pa nang kaunti ang isyu, naisip ko kung paano ko pinagalitan ang iba at ipinadama sa kanila na pinipigilan ko sila. Ganoon nagtrabaho si Wang. Siguro nadama rin ng ilang kapatid na pinipigilan niya sila. At napagnilay-nilay ng ilang iba pa na palaging pinupuna ni Wang ang mga mali ng mga tao sa mga pagtitipon at hindi iyon komportable, kaya ipinaalam ko sa kanya na ginagamit niya ang kanyang posisyon para pagalitan ang mga tao at nakakapigil iyon para sa iba. Pero ang itinugon niya ay, “Alam kong ginagamit ko ang posisyon ko, pero ito ang nakakakuha ng mga resulta. Kung hindi ko sila susuriin at iwawasto, hindi magiging maganda ang pagganap nila.” Medyo nagulat akong marinig iyon. Alam niya na may problema sa kanyang pamamaraan, pero patuloy lang niyang ginawa ang mga bagay-bagay sa maling paraan. Hindi niya tinanggap o isinagawa ang katotohanan. Ginamit niya ang kanyang posisyon para hamakin ang mga tao upang makakuha siya ng mas magagandang resulta sa gawain, kaya mali ang kanyang mga motibo. Ginawa niya iyon para sa reputasyon at katayuan. Kaya hindi ba walang kabuluhan ang lahat ng kanyang pagbabahagi tungkol sa pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, bumubulalas lang siya ng doktrina? Sa isiping iyon, nagkaroon ako ng mga pagdududa kung anong klaseng tao talaga si Wang at sinimulan kong mas bigyang-pansin kung paano niya ginawa ang kanyang tungkulin. Ginusto kong alamin kung anong klase siyang tao batay sa aktwal niyang ginawa.

Kalaunan, habang pinanonood siyang magdaos ng mga pagtitipon para sa ilang lider ng grupo, napansin ko na pinagagalitan niya sila sa kanilang kawalan ng interes, na hindi sapat ang pagiging responsable nila. Paulit-ulit niyang sinabing, “Mayroon ba kayong pagkatao, o anumang pananagutan? Gaano karaming aktwal na gawain na ang nagawa ninyo?” Inilalantad at pinipintasan lang niya ang mga tao, pero hindi niya tinalakay kailanman kung paano lutasin ang mga praktikal na isyu sa kanilang gawain. Tuwing ibinubuod namin ang aming gawain, hinihilingan niya ang mga lider ng grupo o mas may karanasang mga kapatid na magbahagi, pero siya mismo ay hindi tumulong kailanman sa mga solusyon o landas ng pagsasagawa. Hindi rin niya tinalakay kailanman ang katiwaliang naipakita niya sa kanyang tungkulin, o anumang mga personal na pagkakamali. Lagi lang niyang buong yabang na basta pinagalitan ang mga tao. At pagkatapos niyon ay napansin ko na ni hindi niya sinubaybayan ang anumang gawain, kundi naglabas lang ng mga utos. Ipinasa niya sa ibang mga tao ang mga proyektong pinamamahalaan niya at pinag-ulat niya sila sa kanya. Sa mga gawaing mas mahalaga, na kinailangan ng higit na responsibilidad, lagi niyang pinrotektahan ang sarili niyang mga interes nang hindi iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Dahil sa lahat ng pag-uugaling ito, tinalakay namin ito ng mga kapartner ko at nadama namin na siya ay isang huwad na lider, kaya sinabi namin sa nakatataas na lider ang lahat ng tungkol doon. Nang marinig ng lider na palagi niyang sinasabing, “Ganito at ganoon kayong mga tao,” sinabi niya na kumikilos si Wang na para bang nasa ibang kategorya siya kaysa sa mga tiwaling tao, na para bang nagawa na siyang perpekto ng Diyos, na parang isa siyang taong kinasangkapan ng Diyos. Ayaw niyang yumukod kaninuman, kundi gusto niyang pumantay sa Diyos. Pagkakaroon iyon ng diwa ni Satanas, isang anticristo. Nang marinig kong banggitin ng lider si Satanas, isang anticristo, talagang nabigla ako. Ang alam ko lang ay na hindi siya nagbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema at mahilig siyang manghamak ng mga tao, na siya ay isang huwad na lider, pero hindi ko pa nakita na isa siyang anticristo.

Tapos nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. “Paano man sila nagsasalita, iyon ay laging para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng mga tao, para magkaroon sila ng isang partikular na puwang sa kanilang puso, at pumalit pa nga sa puwang ng Diyos doon—ito ang lahat ng mithiing nais makamtan ng mga anticristo kapag nagpapatotoo sila tungkol sa kanilang sarili. Ang nag-uudyok sa lahat ng kanilang sinasabi, ipinapangaral, at ibinabahagi ay para maging mataas ang tingin sa kanila at igalang sila ng mga tao; ang gayong pag-uugali ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, para magkaroon sila ng puwang sa puso ng iba. Bagama’t hindi lubos na pare-pareho ang paraan ng pagsasalita ng mga taong ito, humigit-kumulang, may epekto ito na nagpapatotoo sa kanilang sarili at naghihikayat sa mga tao na igalang sila; at humigit-kumulang, ang gayong mga pag-uugali ay umiiral sa halos lahat ng nagtatrabaho. Kung umabot sila sa isang punto, ang punto kung saan hindi nila mapigil ang kanilang sarili, o nagiging mahirap silang pigilan, at may partikular silang malakas at malinaw na layunin at mithiing hikayatin ang mga tao na ituring silang parang sila ay Diyos o kung anong uri ng diyus-diyosan, at pagkatapos ay maaari nilang makamtan ang mithiing kontrolin at pigilan ang mga tao, at umabot sa punto na magpasakop sila, ang likas na katangian ng lahat ng ito ay pagtataas at pagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili; ito ay pawang bahagi ng likas na pagkatao ng isang anticristo. Anong kaparaanan ang karaniwang ginagamit ng mga tao para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? (Pinag-uusapan nila ang kapital.) Ano ang kabilang sa pag-uusap tungkol sa kapital? Pag-uusap kung gaano katagal na silang naniniwala sa Diyos, gaano na sila nagdusa, gaano kalaki na ang naisakripisyo nila, gaano karaming trabaho na ang kanilang nagawa, gaano kalayo na ang kanilang nalakbay, ilang tao na ang kanilang natamo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at gaano kalaking kahihiyan na ang kanilang natiis. Madalas ding pag-usapan ng ilang tao kung ilang beses na silang nabilanggo nang hindi ipinagkakanulo ang iglesia o ang mga kapatid, o nang hindi nabibigong manindigan sa kanilang patotoo, at iba pa; mga halimbawa ang lahat ng ito ng pakikipag-usap tungkol sa kung gaano karaming kapital ang taglay ng isang tao. Sa pagkukunwaring pagtupad ng mga tungkulin ng mga lider, nagpapatakbo sila ng sariling operasyon, pinatitibay nila ang kanilang posisyon, lumilikha sila ng mabuting impresyon sa puso ng mga tao. Kasabay nito, ginagamit nila ang lahat ng pamamaraan at panloloko para makuha ang suporta ng mga tao, umaabot pa nga sa sukdulang inaatake at ibinubukod nila ang sinumang may ibang mga opinyon o pananaw kaysa sa kanila, partikular na ang mga naghahanap ng katotohanan. At tungkol naman sa mga taong hangal, walang alam at naguguluhan sa kanilang pananampalataya, gayundin iyong mga naniniwala lamang sa Diyos sa loob ng maikling panahon, o iyong mga may higit na mababang tayog, anong mga pamamaraan ang ginagamit nila? Nililinlang, ineengganyo at binabantaan pa nila ang mga iyon, gamit ang mga estratehiyang ito para makamtan ang kanilang mithiing patibayin ang kanilang posisyon. Taktikang lahat ito ng mga anticristo(“Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Nalaman Ko na ang kaya lamang ng maraming lider ay sermunan ang mga tao, nagagawa lamang nilang mangaral sa mga tao mula sa mataas na posisyon, at hindi nila kayang makipag-usap sa kanila sa parehong antas; hindi nila nagagawang makisalamuha nang normal sa mga tao. Kapag nagsasalita ang ilang tao, para bang lagi silang nagtatalumpati o nag-uulat; lagi lamang nakatuon ang kanilang mga salita sa kalagayan ng ibang tao, at hindi sila kailanman nagbabahagi tungkol sa kanilang sarili, hindi nila kailanman sinusuri ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, kundi sinusuri lamang ang mga isyu ng ibang tao upang malaman ito ng iba. At bakit nila ginagawa ito? Bakit malamang na ipangaral nila ang gayong mga sermon, na sabihin ang gayong mga bagay? Ito ang katunayan na hindi nila nakikilala ang kanilang sarili, na kulang na kulang sila sa pag-unawa, na masyado silang mayayabang at matataas ang tingin sa sarili. Iniisip nilang ang kanilang abilidad na makilala ang mga tiwaling disposisyon ng ibang tao ay nagpapatunay na nakahihigit sila sa ibang tao, na mas mahusay silang kumilatis ng mga tao at bagay-bagay kaysa sa iba, na hindi sila kasing tiwali ng ibang tao. Ang magawang suriin at sermunan ang iba, subalit wala namang kakayahang ilantad ang sarili, hindi inilalantad o sinusuri ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, hindi ipinapakita ang tunay nilang pagkatao, walang sinasabing anuman tungkol sa sarili nilang mga motibasyon, at sinesermunan lamang ang ibang tao dahil sa maling bagay na ginawa nila—ito ay pagmamataas at pagpuri sa sarili. … Kapag pinamumunuan nila ang mga tao, hindi nila hinihiling na isagawa ng mga ito ang katotohanan, kundi makinig sa sinasabi nila, at sundan ang kanilang mga paraan—at hindi ba ito paghiling na tratuhin sila ng mga tao bilang Diyos, at sundin sila bilang Diyos? Taglay ba nila ang katotohanan? Hindi nila taglay ang katotohanan, at sila’y may nag-uumapaw na disposisyon ni Satanas, ubod sila ng sama—kaya bakit nila hinihiling sa mga tao na sundin sila? Hindi ba dinadakila ng ganitong tao ang kanyang sarili? Hindi ba niya itinataas ang kanyang sarili? Madadala ba ng ganitong mga indibiduwal ang mga tao sa harap ng Diyos? Mahihikayat ba nila ang mga tao na sambahin ang Diyos? Gusto nilang sila ang sundin ng mga tao, at kapag ganito silang magtrabaho, talaga bang inaakay nila ang mga tao sa pagpasok sa realidad ng katotohanan? Talaga bang ginagawa nila ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos? Hindi, nagsisikap silang magtatag ng sarili nilang kaharian, gusto nilang maging Diyos, gusto nilang ituring sila ng mga tao na parang Diyos, at sundin sila na parang Diyos. Hindi ba sila anticristo? Gayon na ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ng mga anticristo noon pa man gaano man nila maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, gaano man mapinsala ang mga hinirang ng Diyos, dapat sundin sila ng mga tao at pakinggan sila. Hindi ba ito ang likas na katangian ng mga demonyo? Hindi ba ito ang disposisyon ni Satanas? Ang mga taong ganito ay buhay na mga demonyong may balat ng tao; maaaring may mukha sila ng tao, ngunit lahat ng nasa kanilang kalooban ay ubod ng sama. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay ubod ng sama. Wala silang anumang ginagawa na nakaayon sa katotohanan, wala sa mga iyon ang ginagawa ng mga taong matitino—kaya nga walang duda na ang mga ito ay gawa ng mga demonyo, ni Satanas, ng mga anticristo. Dapat ay malinaw ninyong matukoy ito(“Isang Panayam Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kaunting pagkakilala sa diwa ng pag-uugali ni Wang. Halos hindi niya tinalakay kahit kailan ang tungkol sa kanyang katiwalian, mga kahinaan, o mga pagkakamali sa mga pagtitipon, at halos hindi niya sinuri kahit kailan ang kanyang mga problema o pagkakamali sa gawain. Lagi niyang binabanggit ang mga tungkuling nagampanan niya, kung gaano karaming praktikal na gawain ang kanyang nagawa, ilang iglesia ang kanyang nasuportahan at ilang lider ang kanyang nasanay, ilang anticristo ang kanyang natuklasan, lahat ng sakripisyong kanyang nagawa, gaano siya nagdusa, gaano siya nagsakripisyo, ilang paghihirap ang kanyang nadaig, at paano niya pinalugod ang kalooban ng Diyos gaano man niya kinailangang magdusa. Itinaas at pinatotohanan niya ang kanyang sarili sa gayong paraan para lang maging bantog sa mga kapatid, para tingalain siya ng iba. At nang ikuwento niya ang mga karanasang iyon, iniugnay niyang lahat iyon sa mga salita ng Diyos. Mukha siyang nagbahagi tungkol sa kanyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at sa kanyang mga tunay na karanasan, pero puro pagpapasikat lang iyon, pagyayabang ng kanyang mga kredensyal. Ang kanyang pagbabahagi ay hindi nagbigay sa mga tao ng pagkaunawa sa Diyos o sa mga salita ng Diyos, kundi naalala lang nila ang kanyang karanasan at humanga sila sa kanya. Nagpasikat siya sa pagkukunwari na nagbabahagi siya tungkol sa mga salita ng Diyos para magkaroon siya ng puwang sa puso ng mga tao at mailigaw sila. Inabuso rin niya palagi ang kanyang posisyon para suriin ang mga pagkukulang ng iba, pinagalitan ang mga kapatid sa kawalan ng pagkamakatao, konsiyensya, at responsibilidad. Sinabi niya palagi na “Kayong mga tao….” Malinaw na hindi niya inisip na kapantay siya ng lahat ng iba pa, na isa siyang nilalang, isa pang taong ginawang tiwali ni Satanas. Mayroon siya ng lahat ng kaparehong uri ng mga katiwalian at pagkakamali nating lahat, pero kumilos siya na para bang espesyal siya, na para bang ang ibang mga tao ay tiwali at nabibilang kay Satanas, pero hindi siya katulad natin, na natakasan niya ang katiwalian at karumihan. Hindi siya nagbahagi tungkol sa katotohanan nang hindi ginawa nang maayos ng mga kapatid ang kanilang tungkulin, kundi hinamak niya lang sila, at laging nananakot na tatanggalin niya ang mga tao kung hindi sila gumawa ng praktikal na gawain. Natakot sa kanya ang mga tao dahil dito, at nanatili talagang nagpapasakop sa kanya ang lahat, kontrado niya. Nakita ko na hindi lang niya inabuso ang kanyang katayuan, kundi ginamit pa niya ang lahat ng uri ng taktika para pahangain sa kanya ang mga tao, para tumingala at makinig sila sa kanya. Nasa landas siya ng isang anticristo, may likas na pagkatao at diwa ng isang anticristo.

Tinanggal namin si Wang, ayon sa mga prinsipyo. Pagkatapos niyon, nabalitaan namin na lubhang nalungkot ang ilang tao nang matanggal siya kaya ginusto nilang tumigil sa paggawa ng kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay napakahusay ng kanyang kakayahan, pero tinanggal siya, na hindi sila makakapantay sa kanya, kaya tiyak na hindi sila makakagawa ng praktikal na gawain, at malamang na tanggalin din sila balang araw. Napagtanto ko na malamang na napakaraming tao ang nailigaw ni Wang, na walang pagkakilala. Lumabas kami ng aking mga partner para magbahagi sa lahat ng lider at manggagawang nakatrabaho niya tungkol sa mga dahilan ng pagtatanggal sa kanya at sa likas niyang pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos. Pinag-usapan ng ilan sa kanila kung paano nila siya labis na tiningala at nadama nila na napakahusay ng kanyang kakayahan, na matalino siya, mahusay magsalita, at may kasanayan. Ginamit nila ang sinabi niya bilang isang ginintuang pamantayan, na tinatrato ang kanyang mga salita na parang katotohanan, at natatanto pa lang nila noon na nailigaw na niya sila. Sabi ng ilan sa kanila’y matagal na silang takot kay Wang, na tuwing susuriin niya ang kanilang gawain, talagang ninenerbiyos sila, sa takot na mapintasan, at nalulungkot sila pagkatapos. Pakiramdam nila wala silang kakayahan at walang magawang tama, na hindi nila kayang mamuno at dapat ay magbitiw na lang sila sa tungkulin. Tapos lalakas lang ang kanilang pakiramdam at panghahawakan ang kanilang atas matapos manalangin sa Diyos nang paulit-ulit. Mula sa pagbabahagi ng lahat nakita ko kung gaano kanegatibo ang epekto ng pag-uugali ni Wang sa lahat, at ang pagtatanggal sa kanya ay talagang pagiging matuwid ng Diyos. Masasaktan ang iba kung nanatili siya bilang lider.

Pagkaraan ng ilang panahon, nakatanggap kami ng liham mula sa mainland China na may sumbong tungkol sa panahon ng paggawa ni Wang ng tungkulin doon. Ang ilan sa mga lider na itinalaga niya ay hindi angkop para sa gawain. Ang ilan ay napatalsik dahil sila’y mga anticristo, at ang ilan ay ipinagkanulo ang iglesia matapos arestuhin, naging mga Judas kahit hindi pinahirapan. Ang pagtatalaga sa mga maling tao ay nakasakit talaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sinabi rin nila na palaging nagpapasikat si Wang tungkol sa kanyang kakayahan at mga kaloob para iligaw ang mga tao, para isipin ng lahat na kaya niyang lutasin ang bawat mahirap na problema, na sa ilang pangungusap lang ng pagbabahagi, makakapagsabi na siya ng tama at malulutas ang isyu, na saanman siya nagtungo para magbahagi, gumaganda ang pakiramdam ng mga kapatid tungkol sa kanilang tungkulin. Pakiramdam ng lahat ay parang taglay niya ang realidad ng katotohanan at hinangaan siya talaga ng lahat ng kanyang katrabaho. Kahit ang mga taong hindi pa siya nakikilala ay pinupuri siya kapag nabanggit ang kanyang pangalan, at ginagamit siyang pamantayan. Akala nila, kung ginawa nila ang mga bagay-bagay na katulad niya, makakakuha sila ng mas magagandang resulta sa gawain. Matapos makita ang mga sumbong na ito tungkol kay Wang mas nakita ko pa siya nang malinaw. Ang paraan ng kanyang pagkilos ay parehong-pareho ng paglalarawan ng Diyos sa mga anticristo na pinatototohanan at itinataas ang kanilang sarili. Sa China at sa ibang mga bansa, wala ni katiting na pagbabago si Wang sa kanyang disposisyon sa buhay. Isa siyang anticristo. Nagpasalamat din ako sa pagiging matuwid ng Diyos. Walang makakatakas sa pagsusuri ng Diyos, kaya sa malao’t madali, aalisin Niya ang sinuman na hindi naghahanap sa katotohanan, na wala sa tamang landas.

Ang karanasang ito ay nagpakita sa akin na bilang mga mananampalataya, kailangan nating tingnan ang lahat ng bagay at tao batay sa mga salita ng Diyos, para matutuhang makita kung anong uri ng tao ang isang tao, ano ang kanyang landas batay sa kanyang pag-uugali, sa kanyang ipinapakita. Dapat tayong mas mapalapit sa mga tao sa ating paligid na naghahanap sa katotohanan, natututo at nakikinabang mula sa kanila. Dapat nating harapin nang wasto ang isang taong nagpapakita ng panandaliang katiwalian o kahinaan, tinutulungan at sinusuportahan siya, binabahaginan ng katotohanan nang may pagmamahal. Pero dapat nating tanggihan at itaboy ang mga walang pananampalataya na hindi nagsasagawa ng katotohanan kailanman, at kung may makita tayong isang tao na patungo sa maling direksyon, na gagawa ng kasamaan, isang tao na isang huwad na lider, anticristo, o masamang tao, kailangan nating pigilan ito at isumbong siya. Kailangan din nating matuto mula sa kanilang kabiguan, na isipin ang mga paraan na kumikilos tayo na katulad nila, na gamitin ang kanilang mga kabiguan bilang mga babala sa ating sarili. Maaari tayong lumago nang mas mabilis sa buhay sa gayong paraan. Kung hindi natin hahanapin ang katotohanan sa ating pananampalataya o gagamitin ang mga salita ng Diyos sa pagtingin sa iba, kundi titingnan lang natin ang kakayahan at mga kaloob ng mga tao, malamang na idolohin at sundan natin ang ibang mga tao. Kung magkagayon ay mapupunta tayo sa isang landas na laban sa Diyos at maaalis. Ipinapakita nito sa atin kung gaano kahalagang hanapin ang katotohanan sa ating pananampalataya.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Muling Pagharap sa Karamdaman

Ni Yang Yi, Tsina Nagsimula akong manampalataya sa Panginoong Jesus noong 1995. Matapos maging isang mananampalataya, isang sakit sa puso...