Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paghahati-hati ng mga Iglesia

Marso 28, 2022

Ni Yixin, USA

Sa unang bahagi ng nakaraang taon, dahil lumalago nang husto ang mga iglesia ng mga baguhan, nagpasya ang lider na hatiing muli ang mga responsibilidad ko at ng iba ko pang mga kasamahan. Hindi ko ito masyadong pinag-isipan noong una, pero nang mas nalaman ko kung anong nangyayari, nakita ko na iyong mga magiging responsibilidad ko ay may mas maraming problema. Karamihan sa mga miyembro ay wala pang magandang pundasyon sa kanilang pananampalataya, at ang mga lider at diyakono ay hindi pa napipili lahat. Pero ang mga iglesiang pinamahalaan ni Sister Liu ay mas maayos ang lagay kaysa sa akin. Ang mga bagong mananampalataya na iyon ay medyo matatag ang lagay at may mahusay na kakayahan, at ang kanilang mga lider at diyakono ay talagang responsable. Hindi ko naiwasang mainggit sa kanya. Inisip ko kung bakit niya nakuha ang mas maaayos na mga iglesia, habang ’yong sa akin ay may napakaraming problema. Mangangailangan ito ng sobra-sobrang pagsusumikap ko! Kung hindi ko mapagalaw ang mga bagay-bagay, anong iisipin ng lider sa akin? Sasabihin ba niyang wala akong kakayahan at walang magawa na kahit ano? Baka hindi niya ako masyadong magustuhan. Ang pag-iisip niyon sa gano’ng paraan ay talagang nakakadismaya para sa akin. Pagkatapos noon, kapag pumupunta sa mga pagtitipon ng mga iglesiang iyon, palaging maraming problema na kailangang lutasin na kumakain ng maraming oras. Bawat isa sa mga iglesia ay may mga ganitong isyu. Hindi ako masyadong nakakatulog at talagang nahihirapan ako. Inisip ko na ang isang bagay na kayang gawin ni Sister Liu sa loob ng isang oras ay tumatagal ng dalawa o tatlong oras sa akin. Ang sarili kong kakayahan at mga kasanayan ay limitado, pero napakaraming problema ng mga iglesia. Wala akong nagagawang kapansin-pansin na pag-unlad sa kabila ng lahat ng oras at pagsusumikap na iyon, kaya kapag ikinumpara ng lider ang mga resulta ko kay Sister Liu, tiyak na iisipin niyang pangkaraniwan ako, na hindi ako magaling at walang binatbat kay Sister Liu. Sobrang sama ng kalagayan ko nang panahon iyon, at sa tuwing may nakakaharap akong problema, talagang sumasama ang loob ko at pakiramdam ko’y ginagawan ako ng masama. Pagod ang isip at katawan ko. Kaya, lumapit ako sa Diyos para manalangin at maghanap, sinasabing, “Diyos ko, alam kong pinahintulutan Mo ang pamamahaging ito ng gawain at dapat akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, pero nag-aatubili pa rin ako. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan para maunawaan ang Iyong kalooban at ang sarili kong katiwalian.”

Tapos nabasa ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at ang isa sa mga ito ay eksakto sa kalagayan ko nang panahong iyon. Sabi ng Diyos, “Ang pagdaragdag sa iyong pasanin ay hindi para pahirapin ang mga bagay-bagay para sa iyo, kundi ito ang mismong kailangan: Tungkulin mo ito, kaya huwag mong subukang piliin ang gusto mo, o hindian, o takasan ito. Sa palagay mo, bakit mahirap ito? Sa katunayan, kung nagsikap ka pa nang kaunti, kayang-kaya mong isakatuparan ito. Ang maramdaman na mahirap ito, at parang hindi patas ang pagtrato sa iyo, parang sadyang pinahihirapan ka, ay ang pagbuhos ng isang tiwaling disposisyon, ito ay pagtangging gampanan ang iyong tungkulin, at hindi pagtanggap mula sa Diyos; hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Kapag pinipili mo ang iyong tungkulin, ginagawa iyong komportable at madali, iyong pinagmumukha kang mabuti, ito ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Kung wala kang kakayahang tumanggap at magpasakop, pinatutunayan nito na suwail ka pa rin sa Diyos, na lumalaban ka, umaayaw, umiiwas—na isang tiwaling disposisyon. Kaya ano ang dapat mong gawin kapag alam mo na ito ay isang tiwaling disposisyon? Kapag nadarama mo na ang gawaing ibinigay sa iba ay aabutin lamang ng dalawang gabi para matapos, samantalang ang gawaing ibinigay sa iyo ay maaaring abutin ng tatlong araw at gabi, at mangangailangan ng maraming pag-iisip at pagsisikap, at kakailanganin mong gumawa ng maraming pagsasaliksik, hindi ka natutuwa. Tama ba na hindi ka natutuwa? (Hindi.) Talagang hindi. Kaya ano ang dapat mong gawin kapag nadama mong mali ito? Kung sa puso mo’y hindi ka sumasang-ayon, at iniisip, ‘Ito ay dahil mabait ako, at madaling pagsamantalahan. Ang madadaling gawain, iyong mga pinagmumukhang mabuti ang mga tao, ay laging napupunta sa ibang mga tao. Ako lamang ang nakakakuha ng mahihirap, nakakapagod, at marurumi. Puwede bang hindi ako ang gumawa ng mga iyon? Hindi ba ang ibang tao naman? Hindi ito patas! Hindi ba matuwid ang Diyos? Bakit hindi Siya matuwid sa gayong mga bagay? Bakit ako palagi ang napipili? Pinag-iinitan ba nila ang mababait na tao?’ Kung ito ang iniisip mo, wala kang balak na gampanan ang tungkuling ito, sinisikap mong takasan ito, kaya hindi ka makakahanap ng inspirasyon kung paano ito gagawin, at hindi mo makakayang gawin ito. Nasaan ang problema? Una sa lahat, mali ang saloobin mo. Saan tumutukoy ang maling saloobing ito? Sa pagkakaroon mo ng maling saloobin sa iyong tungkulin; hindi ito ang saloobing dapat mong taglayin sa iyong tungkulin. Bakit ka ba namimili? Dapat mong sundin at tanggapin ang mga bagay na dapat mong gawin, nang hindi nagrereklamo o namimili(“Paano Maranasan ang mga Salita ng Diyos sa mga Tungkulin ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagbabasa nito, pinagnilayan ko kung anong ipinakita ko noong mga nakaraang araw na ’yon. Nang makitang walang magandang pundasyon ang mga miyembro ng mga iglesiang pinamahalaan ko at kakaunti ang may kayang umako ng tungkulin, talagang nag-atubili ako. Hindi pa napili ang lahat ng lider at diyakono at mahirap pangasiwaan ang iba’t ibang proyekto, kaya hindi ko lang kailangang gumugol ng oras at lakas para pamahalaan ang mga bagay, kundi baka hindi rin maging maganda ang kalabasan ng mga ito at pagkatapos ay hindi ako magmukhang magaling. Ginusto ko lang pamahalaan ang mga iglesiang maayos na ang takbo, nang sa gayon ay hindi ko na kailangang mag-alala tungkol sa mga bagay-bagay at mas madali akong makakakuha ng mga resulta, at mas gaganda ang tingin sa akin ng iba. Palagi kong inisip na ang paghahati ng gawain sa gayong paraan ay hindi patas para sa akin, na nakuha ni Sister Liu ang madaling gawain na magpapamukhang magaling siya, samantalang nakuha ko ang mahirap at nakakapagod na gawain. Hindi ako mamumukod-tangi. Kaya talagang tutol ako rito at ayokong tanggapin ito. Pero sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita kong ang paraan ko ng pag-iisip tungkol dito ay pagtanggi sa tungkuling iyon, pagiging pihikan at pag-ayaw gawin ang kahit ano na hindi nagdadala sa akin ng karangalan. Ni katiting ay hindi ako naging masunurin. Palagi kong inisip na talagang tapat at responsable ako sa tungkulin ko, at ’di ko kailanman inasahan na mabubunyag ako sa gayong paraan. Nakita kong mali ang mga motibo at pananaw ko sa aking tungkulin. Sa halip na subukang mapalugod ang Diyos, ginusto kong makuha ang paghanga at papuri ng iba. Paano ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkikimkim ng mga layuning iyon sa aking tungkulin?

May nahanap akong isang sipi mula sa Diyos. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Kung nais mong maging tapat sa pagtugon sa kalooban ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, hindi maaaring gampanan mo lamang ang iyong tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang utos na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong mga panlasa at kasama sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo o hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at sundin. Hindi mo lamang kailangang tanggapin ito, kundi kailangan ay aktibo kang makipagtulungan, at matuto tungkol dito at makapasok dito. Kahit nagdurusa ka, napapahiya, at hindi kailanman namumukod-tangi, kailangan ka pa ring maging tapat. Kailangan mo itong ituring na tungkulin mong tutuparin; hindi bilang personal na bagay, kundi bilang tungkulin mo. Paano dapat unawain ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Ito ay kapag may ipinagawa ang Lumikha—ang Diyos—sa isang tao, at sa puntong iyan, nagsisimula na ang tungkulin ng taong iyon. Ang mga gawaing ibinibigay sa iyo ng Diyos, ang mga inuutos sa iyo ng Diyos—iyan ang mga tungkulin mo. Kapag itinuring mong mga mithiin mo ang mga ito, at talagang taos-puso ang pagmamahal mo sa Diyos, makatatanggi ka pa ba? (Hindi.) Hindi ito usapin ng kung kaya mo o hindi—hindi mo dapat tanggihan ang mga ito. Dapat mong tanggapin ang mga ito. Ito ang landas ng pagsasagawa. Ano ang landas ng pagsasagawa? (Ang lubos na maging deboto sa lahat ng bagay.) Maging deboto sa lahat ng bagay para matugunan ang kalooban ng Diyos. Saan nakasalig ang pangunahing punto rito? Iyon ay ‘nasa lahat ng bagay.’ Ang ‘lahat ng bagay’ ay hindi nangangahulugan ng mga bagay na gusto mo o kung saan ka mahusay, lalong hindi ang mga bagay na pamilyar ka. Kung minsan hindi ka mahusay sa isang bagay, kung minsan kailangan mong mag-aral, kung minsan mamomroblema ka, at kung minsan dapat kang mahirapan. Gayunpaman, anuman ang gawain, basta’t ito ay iniatas ng Diyos, dapat mo itong tanggapin mula sa Kanya, ituring na tungkulin mo ito, maging tapat sa pagganap dito, at tugunan ang kalooban ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari sa iyo, dapat mo laging hanapin ang katotohanan at sa sandaling nakatitiyak ka na kung anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa kalooban ng Diyos, dapat mo itong isagawa. Tanging ang pagkilos sa ganitong paraan ay ang pagsasagawa sa katotohanan, at saka ka lamang makakapasok sa realidad ng katotohanan(“Makakaya Lamang ng mga Tao na Maging Totoong Masaya sa Pamamagitan ng Pagiging Matapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang mabasa ko ito, alam kong totoo ito. Ang isang tungkulin ay nagmumula sa Diyos, atas Niya ito sa atin at responsibilidad natin ito. Gaano man ito kahirap o gaano man kaliit ang karangalan dito, obligasyon natin ito na kailangan nating tanggapin. ’Yon ang pag-uugaling dapat mayroon tayo, at ito ang katwiran na kailangang taglayin ng isang nilikha sa harap ng Diyos. Ang mga iglesiang iyon na pinamahalaan ko ay hindi ang gusto ko, at ang pagnanasa ko sa katayuan ay hindi matutugunan, pero ito ang iniatas ng Diyos sa akin. Kailangan kong tanggapin ito, at ihinto ang pagtrato sa tungkulin ko sa maling perspektibo. Lumapit ako sa Diyos para manalangin, gustong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, para gawin ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin, diligan nang maayos ang mga bagong mananampalataya, at tulungan silang maging matatag sa tunay na landas sa lalong madaling panahon. Medyo bumuti ang pag-uugali ko sa tungkulin ko pagkatapos ng dasal na iyon at hindi na masyadong masama ang loob ko.

Makalipas ang ilang panahon, parami nang parami ang iglesia na itinatayo, kaya muling hinati ng lider ang aming mga responsibilidad. Mula sa mga iglesiang nasasakupan ko, ang nag-iisang medyo maayos ang lagay at ang nag-iisang kapatid sa tungkulin ng pagdidilig na gumagawa nang maayos ay inilipat sa pamamahala ng ibang tao. Talagang sumama ang loob ko at hindi ako natuwa rito. Akala ko’y lubos nilang naunawaan ang sitwasyon ko, na pinangasiwaan ko ang mga iglesiang may pinakamaraming problema at nagsusumikap na ako nang husto. Hindi naging madaling hanapin ang magaling na tagapagdilig na kapatid na iyon, at ililipat pa siya, kaya paano ko magagawa ang kahit ano sa gawain ko? Kung patuloy akong mahihirapan na makakuha ng magagandang resulta, anong iisipin ng iba sa akin? Iisipin nilang wala akong kakayahan at hindi ko kayang gawin ang mga bagay. Magiging sobrang kahiya-hiya iyon! Anong mukha ang ihaharap ko sa mga pagpupulong ng mga kasamahan pagkatapos no’n? Naiyak ako sa pag-iisip nito. Napagtanto ko ring hindi na naman ako nasiyahan at naging masuwayin. Kaagad akong lumuhod sa panalangin, at sinimulang pagnilayan ang aking sarili. Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng uri ng tao na isang anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pinag-iisipan lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang sarili nilang mga interes, nag-iisip lamang ng mga gampaning nasa harapan nila mismo. Isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at dapat pa silang sabihan upang magawa ang lahat ng bagay. Ang proteksyon ng sarili nilang mga interes ang totoo nilang bokasyon, ang mga bagay na nais nilang ginagawa nang totohanan. Sa paningin nila, hindi mahalaga ang anumang bagay na isinaayos ng sambahayan ng Diyos o na may kaugnayan sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos. … Anuman ang tungkuling ginagampanan nila, ang iniisip lamang nila ay kung ikaaangat ba nila ito; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin nila o isipin, nag-iisip lamang sila para sa kanilang sarili. Sa isang grupo, anuman ang tungkuling ginagampanan nila, nakikipagkumpitensya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang mataas ang tingin sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema, hindi nila kailanman pinag-uusapan kung paano gawin ang mga bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung naging pasaway ba sila. Hindi nila pinag-uukulan ni bahagya mang pansin kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos at kung ano ang kalooban ng Diyos. Determinado lang silang nagsisikap at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa katayuan at katanyagan, upang maisakatuparan ang sarili nilang mga ambisyon at ninanais. Pagpapamalas ito ng pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso’y nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, kagustuhan, at walang katuturang hinihingi; ang lahat ng ginagawa nila ay naiimpluwensiyahan ng mga ambisyon at kagustuhan sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinag-uumpisahan ay ang sarili nilang mga ambisyon, kagustuhan, at walang katuturang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama(“Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Diwa ng Kanilang Disposisyon (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Sinasabi ng mga salita ng Diyos kung gaano kamakasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo, na mayroon silang mga sariling ambisyon at pagnanasa sa kanilang tungkulin at palaging pinoprotektahan ang mga sarili nilang interes sa kanilang diskarte sa mga bagay-bagay. Anuman ang tungkulin na ginagawa nila, hindi nila kailanman iniisip ang kalooban ng Diyos, kung paano gagawin nang maayos ang kanilang tungkulin, o siguraduhing hindi naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lang ang iniisip nila, walang pakialam sa iglesia. Tungkol naman sa aking pag-uugali, nang makitang maraming problema ang mga iglesiang nasa pangangalaga ko, ang unang pumasok sa isip ko ay hindi kung paano sumandal sa Diyos para gawin ang makakaya ko para suportahan sila, kundi ang takot ko na hindi ako makagawa nang maayos at na hamakin ako ng iba, na magiging isang kahihiyan. Tutol at hindi ako natuwa sa pamamahagi ng gawain, at nagpabaya pa nga sa aking tungkulin. Noong nalaman kong ang isang magaling na kapatid na gumagawa sa ilalim ng pamamahala ko ay ililipat, ang unang reaksyon ko ay mawawalan ako ng isang magaling na manggagawa, kaya ang mga sarili kong tagumpay sa gawain ay mababawasan. Pagkatapos ay iisipin ng lider na wala akong kakayahan at ’di ko maintindihan ang gawain ng iglesia. Napagtanto kong ang inisip ko lang sa tungkulin ko ay ang sarili kong reputasyon at mga interes, kung paano ako makakaraos nang walang masyadong pagsusumikap, at makapagpapasikat pa rin at makakamit ang paghanga ng iba. Hindi ko tiningnan ang kabuuan ng gawain ng iglesia. Napakamakasarili ko, at ’yon ay disposisyon ng isang anticristo. Nang mapag-isipan itong mabuti, alam kong ang maitalaga sa mga iglesia na mas maraming problema ay kalooban ng Diyos. Ang mga iglesiang iyon na may mas maraming baguhan na hindi pa masyadong matatag ay nagtulak sa akin na sumandal sa Diyos at mas hanapin ang katotohanan para lutasin ang lahat ng mga problemang iyon. Kinailangan ko ring mas magbayad ng halaga para suportahan sila, nang sa gayon ay matutuhan nila ang katotohanan sa gawain ng Diyos at magkaroon ng pundasyon sa tunay na daan. Isa itong magandang pagsasanay para sa akin. At habang pahirap nang pahirap ang mga bagay, mas lalo akong pinupwersa nito na lumapit sa Diyos at hanapin ang katotohanan at maghanap ng mga solusyon, nang sa gayon ay matutuhan ko ang maraming katotohanan sa gayong paraan. Mabuti ito para sa pagpasok ko sa buhay. Tapos napagtanto ko na ang tungkuling iyon ay hindi pagpapahirap sa akin ng kahit sino, sa halip ay pagmamahal at pagpapala ito ng Diyos. Kailangan kong tanggapin ito at magpasakop, at isapuso ito. Ang pagkatantong ito ay nakatulong sa akin na baguhin ang pag-uugali ko, at hindi na masyadong masama ang loob ko.

Pagkatapos noon, may nabasa pa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang sundin o bigyang kaluguran ang Diyos, sa halip ay upang magtamo ng reputasyon, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating naman sa gawain ng Diyos, sa gawain ng iglesia, at gawain ng sambahayan ng Diyos, hadlang ba sila, o nakakatulong ba sila upang maisulong ang mga gawaing ito? Malinaw na hadlang sila; hindi nila isinusulong ang mga bagay na ito. Lahat ng nagsusulong ng paggawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng pansarili nilang kayamanan, katanyagan, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagampanan ba ng ganitong uri ng lider o manggagawa ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa totoo lang, ay nakakagambala, at nakakapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya nga ano ang kahihinatnan ng paghahangad ng mga tao sa katayuan at katanyagan, kung pagbabatayan ang diwa nito? Una, nakakaapekto ito sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang, nakakaapekto ito sa kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ang mga salita ng Diyos, paano nila nauunawaan ang katotohanan, at iwinawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pinipigilan sila nitong pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa huli? Ito’y pagbuwag, paggambala at pagpinsala. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang katayuan at katanyagan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito’y dahil habang hinahangad ang katayuan at katanyagan, napipinsala ng mga tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos, nagagambala nila ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid, at may impluwensiya pa sa normal na pagkain at pag-inom ng iba ng mga salita ng Diyos at pag-unawa nila sa katotohanan, at sa gayon ay nakakamit ang kaligtasan ng Diyos. At ang lalong mas seryoso pa nito ay, kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang katanyagan at katayuan, mailalarawan ang gayong pag-uugali at mga pagkilos bilang pakikipagtulungan kay Satanas na pinsalain at hadlangan, sa pinakasukdulang antas, ang normal na pag-unlad ng gawain ng Diyos at pigilan ang kalooban ng Diyos na maisakatuparan nang normal sa mga tao. Sadya silang sumasalungat at nakikipagtalo nang matagal sa Diyos. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga lider at manggagawa ng katayuan at katanyagan. Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga hangarin ni Satanas—ang mga ito ay mga hangarin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga interes na ito, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging daluyan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, at sa iglesia, isang negatibong papel ang ginagampanan nila; ang epektong dulot nila ay guluhin at pinsalain ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga kapatid sa iglesia; mayroon silang negatibong epekto. Kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan, nagagawa niyang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaisip ang pasanin ng Diyos. Kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, itinataguyod niya ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng aspeto. Nagagawa niyang dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, pakinabang ang dulot niya sa mga kapatid, at sinusuportahan at tinutustusan niya ang mga ito, at nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian at patotoo, na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bilang resulta ng kanyang paghahangad, nagkakamit ang Diyos ng isang nilalang na tunay ngang may kakayahang matakot sa Diyos at tumalikod sa kasamaan, na nagagawang sambahin ang Diyos. Bilang resulta rin ng kanyang paghahangad, ang daan para sa kalooban ng Diyos ay naisasakatuparan, at ang gawain ng Diyos ay umuunlad. Sa mga mata ng Diyos, positibo ang gayong paghahangad, ito ay matuwid, at ito ay napakalaki ng pakinabang para sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga taong hinirang ng Diyos sa iglesia(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Binigyan ako nito ng higit na pag-unawa sa paghahangad ko ng pansariling interes. Napagtanto kong kapag ginagawa iyon ng mga tao, kumikilos sila sa ngalan ni Satanas, nagiging kasangkapan nito para gambalain ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Dati, inisip ko na tanging ang paggawa ng mga halatang masasamang bagay, malinaw na paghadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay-iglesia ay pag-asta bilang isang alagad ni Satanas. Pero nakita ko na kung ang hahangarin lang natin sa ating tungkulin ay mga pansariling interes at babalewalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, magkakaroon lang tayo ng negatibong epekto sa gawain ng iglesia at makakagambala. Inisip ko kung anong ipinakita ko sa aking tungkulin, at kahit na mukhang hindi ako kailanman nagpatamad-tamad, na kaya kong pangasiwaan ang ilang mahihirap na gawain at magpuyat sa trabaho, at kahit kailan ay wala akong ginawang anumang talagang nakakagambala, wala akong mga tamang motibo sa aking tungkulin. Hindi ito para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito’y isang pagtatangkang mamukod-tangi at makamit ang paghanga ng iba. Noong hindi ko nagustuhan ang pagkakahati-hati ng gawain, talagang hindi ako nakuntento at ayokong gawin ito. Hindi ko kayang basta magpasakop at isipin kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ko, o kung paano mag-aalok ng agarang suporta sa mga kapatid. Nahadlangan ko na ang aming gawain ng pagdidilig nang hindi ko namamalayan. Ang totoo niyan, mas marami akong karanasan kaysa sa mga kasamahan ko. Bago lang sa gawain ang ibang mga kapatid at hindi pamilyar sa gawain ng iglesia, kaya ang pagtatalaga ng mas maaayos na iglesia at tagapagdilig sa kanila ay mabuti para sa aming pangkalahatang gawain. Pero makasarili ako, gustong panatilihin ang maaayos na iglesia at tagapagdilig sa ilalim ng pamamahala ko. Pero kung umayon sa gusto ko ang mga bagay-bagay, at napunta sa mga bagong kasamahan ang mga iglesia na mayroong mas maraming problema, maaapektuhan ang gawain at hindi ito magiging mabisa, na hindi magiging maganda para sa sambahayan ng Diyos. Mas marami ang problema ng mga iglesia ko, pero sa totoo ay magandang pagsasanay ito para sa akin. Pwede akong maglaan ng kaunti pang pagsusumikap at gawin ang ilan sa mga bagay na iyon, pagkatapos ay maaaring bumuti ang aming pangkalahatang kahusayan. Hindi ba’t iyon ang pinakamahusay na pagsasaayos? Tapos napagtanto ko kung paanong inilantad ng tungkuling ito ang aking makasarili, kakila-kilabot, at di-makatwirang pag-iisip. Nakita ko rin na kung may mga makasarili akong interes sa tungkulin ko, maaaring makapinsala lang iyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dati-rati, reputasyon at katayuan, at mga personal na interes lang ang habol ko sa aking tungkulin, at nakagawa ako ng mga paglabag. Kung hindi ako nagbago sa pagkakataong iyon, sa halip ay nagpatuloy na suwail na protektahan ang mga sarili kong interes, alam kong masasaktan ko na naman ang gawain ng sambahayan ng Diyos, malalabag ang disposisyon ng Diyos, at matitiwalag. Nakakatakot na isipin ito para sa akin. Lumapit ako sa Diyos para magdasal at magsisi. Sabi ko, “Diyos ko, wala akong ibang ginawa sa tungkulin ko kundi protektahan ang mga sarili kong interes nang hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang Iyong kalooban. Sa pagkataong taglay ko, hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng tungkulin. Diyos ko, gusto kong tunay na magsisi.”

Pagkatapos noon, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nagbigay sa akin ng landas para sa pagpasok. “Para sa lahat ng tumutupad ng kanilang tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa upang makapasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang mga makasariling pagnanasa, mga personal na layunin, mga motibo, reputasyon, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng bahay ng Diyos, isaalang-alang ang mga sariling interes ng Diyos, at isaalang-alang ang Kanyang gawain, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali nang kaunti kapag hinahati-hati ninyo ito sa mga hakbang na ito at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung gagawin mo ito sandali, madarama mo na hindi mahirap bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko na ang sambahayan ng Diyos ang dapat inuuna sa lahat ng nangyayari, hindi ang mga pansarili kong kapakinabangan. Ang reputasyon at katayuan ay pansamantala lang, at ang paghahangad sa mga gano’ng bagay ay walang katuturan. Ang hindi pamumuhay sa katiwalian, pagsasagawa sa katotohanan, at paggawa ng kalooban ng Diyos ang tanging paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Nabigyan ako ng kaliwanagan nang maunawaan ko ito. Paano man hatiin ang gawain, hindi ko pwedeng patuloy na protektahan ang mga pansarili kong interes, at ang aking karangalan at katayuan, sa halip ay kailangan kong sumunod at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kahit na hindi ako makakuha ng magagandang resulta, kailangan kong pagtuunan ang pamumuhay sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsusuri. Anuman ang isipin ng iba sa akin, ang pagsasapuso ng aking tungkulin at pagiging responsable ay ang tanging paraan para gawin ang kalooban ng Diyos.

Sa sumunod na ilang araw, ibinuhos ko ang sarili ko sa tungkulin ko, hindi iniisip ang mga sarili kong interes. Sa paggawa nito, pakiramdam ko’y hindi na ako masyadong kontrolado ng aking katiwalian. Makalipas ang ilang araw, habang tinatalakay ang gawain sa isang kapatid, sinabi niyang hindi siya masyadong magaling magsalita ng Ingles at kinailangan niya ng isang tagapagsalin nang kumustahin niya ang isang iglesia ng mga baguhan. Nahihirapan siya at walang masyadong nagagawa sa kanyang tungkulin. Nang sabihin niya iyon, naisip ko na maayos ang pag-i-Ingles ko, kaya baka pwede akong makipagpalit sa kanya, at pwede kong subaybayan ang gawain ng iglesiang iyon. Pero naisip ko na maraming problema ang iglesiang iyon, kaya ang pangangasiwa roon ay malamang na mangangailangan ng maraming pagsusumikap at baka walang gaanong maging pag-unlad. Nag-alala akong baka maapektuhan nito ang opinyon ng iba sa akin, kaya ayokong makipagpalit sa kanya. Pero sa isiping iyon, napagtanto kong sariling kapakinabangan ko na naman ang isinasaalang-alang ko, pinoprotektahan ang karangalan at katayuan ko, kaya dali-dali akong lumapit sa Diyos sa panalangin, hinihiling na gabayan Niya akong talikdan ang aking sarili. Matapos magdasal, napagtanto ko na ang sitwasyon ay pagsubok sa akin ng Diyos at pagbibigay sa akin ng pagkakataong isagawa ang katotohanan. Hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa katiwalian, pinoprotektahan ang mga pansarili kong interes kagaya ng dati. Kung ang pagbabagong ito ay magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kailangan kong gawin ito. Kaya pinag-isipan ko ang mga responsibilidad ng iba naming mga kasamahan at naramdaman kong talagang mas makabubuting makipagpalit ako sa kapatid na iyon. Ibinahagi ko ang mga naisip ko sa lider at siya at ang iba pang mga kasamahan ay sumang-ayon dito. Talagang gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos naming gawin ang mga pagbabago, at pinahalagahan ko ito sa paraang hindi ko mailarawan. Pakiramdam ko’y isinasagawa ko na sa wakas ang katotohanan at nagiging isang tunay na tao. Tulad nga ng sinasabi ng Diyos, “Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Pagkatapos noon, tinigilan ko na ang pagiging negatibo tungkol sa mga iglesiang pinamamahalaan ko, sa halip ay ginawa ko ang makakaya ko para pangalagaan ang gawain ng bawat iglesia. Kapag may ilang tao sa grupo ng pagdidilig na nagrereklamo tungkol sa kanilang mga pasakit sa gawain, magbabahagi ako tungkol sa mga salita ng Diyos para itama ang mga mali nilang pananaw, at aasa sa Diyos at hahanapin ang katotohanan kasama sila para lutasin ang mga problemang iyon. Kapag nakikita kong ang ilang baguhan ay maraming problema at hindi dumadalo sa mga pagtitipon, hindi ko na sila sinisisi sa pagiging sakit ng ulo, sa halip ay kinakausap ko nang masinsinan ang mga kapatid para maunawaan ang kanilang mga pasakit, at nagbabahagi sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos. Tungkol naman sa kawalan ng sapat na mga lider at diyakono sa posisyon, mas pinagtuunan ko ang pagsasanay ng mga may talento. Nagbahagi ako sa mga kapatid na may mas mahusay na kakayahan, na mas akma para sa mga tungkuling iyon, tungkol sa kahalagahan at mga prinsipyo ng paggawa ng isang tungkulin, at gumugol ng oras sa paggawa nang kasama sila. Kapag napapansin kong may ilang medyo kumplikadong gawain sa mga iglesia at walang tumitingin dito, ginagawan ko ng paraan para pangasiwaan ito. Noong una, hindi ko alam kung maayos kong magagawa ito, pero wala akong pag-aalinlangan na hindi ko pwedeng patuloy na ilayo ang sarili ko sa mga bagay na iyon, na hindi ko pwedeng basta na lang makasariling isaalang-alang ang munting sakop ng aking gawain, sa halip ay kailangan kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at itaguyod ang pangkalahatang gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ng pag-unlad sa gawain ko, pinili ang lahat ng lider at diyakono sa mga iglesiang pinamamahalaan ko. Sa ilang iglesia, dumoble ang bilang ng mga taong tumatanggap ng tungkulin, at ang ilan sa mga baguhan ay kayang magtrabaho nang mag-isa. Sa mga iglesiang hindi maayos ang takbo dati, bawat bahagi ng kanilang gawain ay bumubuti na. Talagang nakikita ko ang mga gawa ng Diyos doon. Tunay ko ring naranasan na ang gusto ng Diyos ay ang puso at pagsunod ng mga tao, kaya kung kaya nating isaalang-alang ang Kanyang kalooban at isipin lang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ang mga sarili nating interes, makakamit natin ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos. Pinatatag ng pag-unawa rito ang pananampalataya ko sa Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...