Ang Ani na Nakamit sa Pamamagitan ng Karamdaman
Isang malaking punto ng pagbabago ang 2007 sa buhay ko. Noong taong iyon, nasangkot sa isang aksidente ang asawa ko at naratay siya sa higaan. Maliliit pa ang dalawang anak namin at napakahirap na panahon iyon para sa aming pamilya. Talagang mahirap ito para sa akin at wala akong ideya kung paano namin malalampasan ito. Tapos ay tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Natutuhan ko mula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos na utang natin ang buong buhay natin sa Diyos, at ang ating kapalaran ay nasa Kanyang mga kamay, at kailangan nating sumamba at maniwala sa Diyos para magkaroon ng magandang kapalaran. Nadama kong nakahanap ako ng isang bagay na pwede kong asahan. Mula noon, nag-umpisa akong dumalo sa mga pagtitipon nang regular at isinama ang mga anak ko para magbasa ng mga salita ng Diyos at magdasal. Di nagtagal ay ginawa ko ang aking tungkulin sa iglesia.
Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia at nagpasalamat ako sa Diyos para sa Kanyang biyaya. Naisip ko sa sarili ko, “Napili ako bilang isang lider ng iglesia kahit na bago pa lang ako sa pananampalataya. Siguro ay magaling ako sa paghahanap ng katotohanan. Kailangang gawin ko nang maayos ang tungkulin ko at gawin ang anumang kinakailangan, kung magkagayo’y nakatakda akong maligtas.” Talagang nakahikayat sa akin ang ideyang ito sa aking tungkulin. Ginugol ko ang karamihan ng oras ko sa pangangaral ng ebanghelyo at pagsasagawa ng aking tungkulin. Kinontra ng mga kaibigan at kamag-anak ko ang aking pananampalataya, at siniraan at kinutya ako ng mga kapitbahay ko. Nagsimula akong bahagyang manghina sa puntong iyon pero hindi ako napigilan nito sa paggawa ng tungkulin ko. Tinanggap din ng asawa ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagsimula ring gawin ang kanyang tungkulin kalaunan. Sobrang napasaya ako nito. Naisip ko, “Hangga’t ginagawa namin nang maayos ang aming tungkulin at nagsasakripisyo para sa Diyos, pagpapalain Niya kami.” Lalo na nang marinig kong sinasabi ng mga kapatid na naghirap ako at nagsakripisyo, at tiyak na ililigtas ako ng Diyos, sobrang saya ko, at mas ginanahan akong gumawa para sa Diyos.
Isang araw noong 2012, may nakapa akong bukol sa aking dibdib na medyo masakit. Nagsimula akong mag-alala na baka malala ito. Pero naisip ko, “Hindi, hindi maaari ito. Araw-araw kong ginagawa ang tungkulin ko sa iglesia. Hindi iyon gagawin ng Diyos sa isang taong gumagawa ng tunay na mga sakripisyo para sa Kanya. Sa pamamagitan ng proteksyon ng Diyos, hindi ako malubhang magkakasakit.” Sa pag-iisip nito, nawala ang mga pagkabalisa ko at ipinagpatuloy ko ang paggawa sa aking tungkulin tulad ng ginagawa ko dati. Lumala nang lumala ang pagpapahirap ng Chinese Communist Party sa mga mananampalataya noong 2013. Kami ng asawa ko ay kilala sa aming lugar na nagpapalaganap ng ebanghelyo at palagi kaming nasa bingit ng kapahamakan ng pagkakaaresto. Iniwan namin ang aming bahay at lumipat sa malayo para patuloy naming magawa ang aming mga tungkulin. Kalauna’y nakita kong lumalaki ang bukol ko sa dibdib at nag-alala akong baka isa itong uri ng sakit. Pero naisip kong ilang taong walang nangyaring masama at tiyak na pinoprotektahan ako ng Diyos. Hangga’t ginagawa ko nang maayos ang aking tungkulin at mas nagsasakripisyo, naisip kong kaaawaan ako ng Diyos, at hindi ako magkakasakit nang malubha.
Noong 2018, nagsimulang sumama ang pakiramdam ko at dinala ako ng asawa ko para magpa-checkup. Sinabi ng doktor na ang bukol ko sa dibdib ay naging kasing laki ng itlog ng gansa at hindi ito maganda. Sinabi niyang ang pagpapaopera agad-agad ay magiging sobrang mapanganib at na kailangan kong mag-chemo muna para paliitin ang bukol bago sila makapag-opera. Ang marinig ang mga salitang “hindi ito maganda” at “chemotherapy” ay nagdala sa akin ng takot. Naisip ko, “Tanging ang mga taong may kanser lang ang nagpapa-chemo. May kanser ba ako? Maaga ba akong mamatay?” Hindi ko ito basta mapaniwalaan. Napaupo ako sa bangko sa pasilyo ng ospital at napahagulgol ng iyak.
Sinubukan akong aluin ng asawa ko, sinasabing, “Ang paunang pagsusuring ito ay hindi tiyak na tama. Papatingnan ka namin sa ibang ospital bukas.”
Nang sumunod na araw, pumunta kami sa ibang ospital at kinuhaan ako ng biopsy. Sinabi ng doktor sa asawa ko na malubha ang kalagayan ko at maaaring kanser ito. Sinabi niyang hindi na kami pwedeng maghintay pa at kailangang maoperahan ako sa loob ng dalawang araw.
Lubos akong nanghina nang marinig kong sabihin niya ito at nanlamig ang puso ko. Naisip ko, “Kanser ba talaga ito? Namamatay ang mga tao dahil sa kanser! Papaano nangyari sa akin ito?” Pero naisip ko, “Hindi ito maaari. Ako ay palaging tumutupad sa aking tungkulin, nagsasakripisyo, nagdudusa, at nagbayad ng kabayaran simula nang maging isang mananampalataya. Tiniis kong makutya at siraan ng iba, pahirapan at habulin ng CCP. Hindi ko kailanman hinayaan na may makagambala sa aking tungkulin. Papaanong nagka-kanser ako? Hindi ba nangangahulugan iyon na wala akong anumang pag-asa na maligtas at makapasok sa kaharian ng langit? Ang lahat ba ng mga pagsasakripisyo ko sa lahat ng nagdaang taon ay naging walang kabuluhan?” Sobrang sama ng loob ko.
Nakahiga ako sa kama nang gabing iyon, hindi mapakali at hindi makatulog. Hindi ko talaga ito maintindihan. Sobra kong inilaan ang sarili ko, kaya papaanong lubha akong nagkasakit? Bakit hindi ako prinotektahan ng Diyos? Pagkatapos ay naisip ko ang operasyong kailangan kong gawin sa loob ng dalawang araw. Hindi ko alam kung magiging matagumpay ito o hindi … Lubos akong naghihirap kaya tahimik kong sinabi sa isang panalangin sa Diyos: “Mahal na Diyos, sobra akong nababagabag ngayon. Hindi ko alam kung papaano malalampasan ang sitwasyong ito. Pakiusap, liwanagan at gabayan Mo ako …” Pagkatapos ay nabasa ko sa huling labing-isang hinihingi ng Diyos sa tao: “5. Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, nguni’t nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa buhay, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin? 6. Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano ka lalakad sa landas mo sa hinaharap? 7. Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2). Habang pinag-iisipan ang mga hinihinging ito, napagtanto kong ang sakit na ito ay pagbibigay sa akin ng Diyos ng isang pagsubok at ito ay upang malaman kung ako ba ay tunay na matapat sa Kanya at tunay na minahal Siya. Naisip ko noong pinagdaanan ni Job ang kanyang mga pagsubok. Nawala ang kanyang ari-arian, mga anak, at nagkaroon siya ng pigsa sa buo katawan niya. Bagama’t hindi niya naintindihan ang kalooban ng Diyos, mas pinili niyang isumpa ang kanyang sarili kaysa sisihin ang Diyos at pinuri niya ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Iningatan ni Job ang kanyang pananampalataya at nanatiling masunurin at nagpatotoo siya para sa Diyos sa harap ni Satanas. Pero ako ay naniwala sa loob ng maraming taon at nagtamasa ng napakaraming pagkakaloob mula sa mga salita ng Diyos, gayon pa man ay hindi ko talaga naintindihan ang gawain Niya. Nang malaman kong may kanser ako, akala ko ay hindi ako maliligtas o magtatamasa ng mga pagpapala ng kaharian ng langit. Nagkamali ako ng pagkaunawa at sinisi ko ang Diyos. Sa paniniwala sa Diyos sa loob ng ilang taon at paggawa ng napakaraming mga sakripisyo, akala ko’y dapat pigilan ng Diyos ang pagkakasakit ko. Nang ibunyag lang ako ng Diyos ko nakita na ang lahat ng mga sakripisyo ko ay hindi talaga ginawa bilang pagsasaalang-alang sa Kanyang kalooban, o upang maisagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang mga ito’y para sa mga pagpapala at para makapasok sa Kanyang kaharian—gumagawa ako ng mga kasunduan sa Diyos. Ang lahat ng tinatawag na katapatan at pagmamahal ko sa Diyos ay isang kathang-isip lang. Lubos akong walang katapatan. Talagang nasaktan at nadismaya ko ang Diyos.
Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpapasiya? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran? Maraming taong gusto nang mamatay, subalit malayo iyon sa kanila; maraming taong nais maging yaong malalakas sa buhay at takot sa kamatayan, subalit lingid sa kanilang kaalaman, ang araw ng kanilang kamatayan ay nalalapit na, isinasadlak sila sa kailaliman ng kamatayan; maraming taong nakatingala sa langit at bumubuntong-hininga nang malalim; maraming taong umiiyak nang malakas, humahagulhol; maraming taong bumabagsak sa gitna ng mga pagsubok; at maraming taong nagiging bilanggo ng tukso. Kahit hindi Ako magpakita nang personal upang hayaan ang tao na malinaw Akong mamasdan, maraming taong takot na makita ang Aking mukha, takot na takot na pababagsakin Ko sila, na papatayin Ko sila. Totoo bang kilala Ako ng tao, o hindi?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang laman at kaluluwa ng tao ay nagmumula sa Diyos. Ang buhay at kamatayan ay nasa mga kamay ng Diyos, at wala tayong karapatan dito. Bilang mga nilikha, dapat tayong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Nang mapagtanto ito, hindi na ako masyadong natakot na mamatay. Tahimik akong gumawa ng isang resolusyon: “Anuman ang kahinatnan ng aking operasyon, mabuhay man ako o mamatay, ibinibigay ko ang buhay ko sa Diyos at nagpapasakop ako sa Kanyang pamamahala.”
Nang magpasakop ako, nakaramdam ako ng lubos na kapayapaan sa aking puso. Walang tigil akong nagdasal habang dinadala ako sa operating room. Pagkatapos, sinabi ng doktor na lubhang naging maayos ito, pero kailangan pa ring suriin ang natanggal na bukol para malaman kung ano ang susunod na gagawin. Naisip ko, “Naging maayos ang operasyon dahil pinrotektahan ako ng Diyos.” Nakita ko ang ibang mga pasyenteng bumabalik mula sa kanilang mga operasyon na sobrang nanghihina at wala sa sarili habang ako’y maayos at nasa magandang kalagayan. Sinabi ng ibang nasa ward ko na parang hindi raw ako inoperahan. Patuloy akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko para rito. Naisip ko rin, “Nakapa ko ang bukol na iyon sa dibdib ko anim na taon na ang nakararaan. Kung kanser ito, dapat ay lumala na ito noon pa. Ngunit wala naman akong masamang naramdaman sa mga panahong iyon. Baka hindi ito kanser. At kahit pa kanser ito, naniniwala akong ang Diyos ay makapangyarihan at gagawin Niyang tama ang lahat.” May narinig ako dati tungkol sa ilang mga kapatid na umasa sa Diyos nang sila ay lubhang nagkasakit at nasaksihan nila ang kamangha-manghang gawain ng Diyos. Palagi akong nagsasakripisyo para sa Diyos, kaya siguradong poprotektahan Niya ako.
Pagkalipas ng tatlong araw, kinuha ko ang mga resulta ko na puno ng pag-asa, pero ang lahat ng inaasahan ko ay nauwi sa kabiguan: Kanser nga talaga ito.
Naupo lang ako roon, hindi gumagalaw, nakatulala sa mga resulta, paulit-ulit na binabasa ang mga ito habang iyak ako nang iyak. Matagal bago ko napakalma ulit ang sarili ko. Naisip ko sa sarili ko, “Ginagamit ba ng Diyos ang sakit na ito upang ilantad at tanggalin ako? Hindi na ba ako karapat-dapat na magbigay ng serbisyo sa Kanya? Ilang taon akong naniwala sa Diyos, gumagawa ng mga sakripisyo at ibinabahagi ang ebanghelyo umulan man o umaraw, Hindi ba naaalala ng Diyos ang anuman sa mga ito? Ganito ba magtatapos ang pananampalataya ko sa Diyos?” Lalong sumasama ang loob ko, at pakiramdam ko ay tuluyan na akong nawalan ng lakas.
Pagkatapos, ayaw kong kumain o uminom, o kahit magsalita. Sinabihan ako ng doktor na uminom ng mga pandagdag sa nutrisyon at mas mag-ehersisyo. Naisip ko, “Nabigyan ako ng parusang kamatayan. Ano pang silbi ng mga pandagdag nutrisyon at ehersisyo? E mamamatay rin naman ako kalaunan.” Sobra akong nalungkot, at hindi ko mapigilang mag-isip, “Maraming mga kapatid ang nagkasakit muna bago sila nagkaroon ng pananampalataya pero gumaling sila matapos nilang simulan na maniwala. Pero ginagawa ko na ang tungkulin ko araw-araw simula nang mahanap ko ang pananampalataya sa Diyos. Paano ako nagkaroon ng kanser? Akala ko dati, ang paggawa ng mga sakripisyo ang daan ko sa kaligtasan. Pero ngayon, hindi lang ako hindi maliligtas, pero mamamatay ako sa kanser.” Ang paninisi at ang mga mali kong pagkaunawa sa Diyos ay bumuhos lamang sa akin na hindi nasusuri. Sa kawalan ng pag-asa, umiiyak kong kinausap ang Diyos, “Mahal na Diyos, labis akong nasasaktan. Nagkasakit ako at hindi ko maunawaan kung ano ang Iyong kalooban. Pakiusap, liwanagan at gabayan Mo akong maintindihan ang Iyong kalooban.”
Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Para sa lahat ng mga tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming pagtatabas at pakikitungo; sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, binibigyan Niya ang tao ng higit na kaalaman sa sarili niya at sa katotohanan, at binibigyan ang tao ng higit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa gayon ay pinahihintulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pag-ibig sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, ni hindi Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, at ni nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang totoong pagsubok sa tao, at isang anyo ng totoong pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maintindihan ang Kanyang kalooban. Gumagamit ang Diyos ng karamdaman para ibunyag ang aking panloob na katiwalian, paghihimagsik, at may bahid na mga motibo para aking makilala ang aking sarili, iwaksi ang katiwalian, at magtamo ng kaligtasan mula sa Diyos. Ngunit naisip kong gustong kunin ng Diyos ang buhay ko at tanggalin ako, kaya hindi ko naintindihan at sinisi ko ang Diyos, ganap na sumuko at nawalan ng pag-asa. Sinubukan kong lagyan ng kabayaran ang mga sakripisyo ko, angkinin ang mga ito at makipagtalo sa Diyos. Ginusto ko pa ngang gamitin ang sarili kong kamatayan para komprontahin ang Diyos. Nawalan ako ng konsensya! Pakiramdam ko ay ang laki ng utang ko sa Diyos, kaya pumunta ako sa harapan Niya para magdasal at para malaman kung bakit hindi ko nagawang magpasakop noong nagkasakit ako, at sa halip ay hindi nauunawaan at sinisisi ang Diyos.
Pagkatapos ay nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). “Iisa lamang ang payak na layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Hindi mag-aabala ang gayong mga tao na makinig sa anumang iba pa na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating suriin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili nilang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong takbo? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kagrabe ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos gaya ng isang espada, at sobra akong nahiya. Hindi ba’t ang motibo sa likod ng aking pananampalataya ay para makamit ang mga pagpapala sa hinaharap, tulad ng sinabi ng Diyos? Kahit na mukhang gumagawa ako ng mga sakripisyo, gumagawa lang ako ng mga kasunduan sa Diyos, lahat ay para sa mga pagpapala. Hindi ko tunay na sinusunod ang Diyos o ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha. Noong bago ako sa pananampalataya, akala ko ay walang kapahamakan na darating sa akin, na pagpapalain ako at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Kaya ibinigay ko ang lahat at walang hinayaan na makahadlang sa paggawa ko ng aking tungkulin. Ni wala nga akong oras na ihatid o sunduin mula sa eskwelahan ang mga anak ko. Kinukutya at sinisiraan man ng iba, inuusig at hinahabol ng CCP—walang nakahadlang sa akin at sa aking tungkulin. Dahil sa lahat ng ito’y inakala kong tapat ako sa Diyos at siguradong pupurihin at pagpapalain Niya ako. Nang malaman kong may kanser ako, pakiramdam ko’y para ito sa akin, na ang lahat ng mga pangarap kong makapasok sa kaharian ay naglahong parang bula. Puno ako ng mga kalituhan, sinisi at nakipagtalo ako sa Diyos, ginugusto ko pa ngang gamitin ang sarili kong kamatayan para komprontahin ang Diyos. Nahaharap sa mga katotohanan, natanto kong ang aking pagtupad sa tungkulin, paghihirap, at paglalaan ng aking sarili ay para makakuha ng isang magandang destinasyon bilang kapalit. Ang relasyon ko sa Diyos ay “relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo.” Gusto ko ng gantimpala para sa bawat maliliit na kabayarang ginawa ko. Hindi ko tunay na minahal ang Diyos. Ginagamit ko Siya, sinusubukang dayain Siya. Taglay ang gayong uri ng pananaw sa aking pananampalataya, maaari lang akong kamuhian at kasuklaman ng Diyos. Kung hindi ginamit ng Diyos ang sakit na iyon para gisingin ako, mananatili akong nakakapit sa mga mali kong pananaw sa pananampalataya at tatalikdan at tatanggalin ako ng Diyos sa huli. Nang mapagtanto ito’y napuno ako ng kapighatian at pagsisisi sa sarili. Lumuhod ako at nagdasal sa Diyos: “Mahal na Diyos, kung hindi Mo ako inilantad sa pamamagitan ng sakit na ito, hindi ko kailanman maiintindihan ang aking mga maling pananaw sa pananampalataya. Ginising ng paghatol at mga pahayag ng Iyong mga salita ang aking espiritu. Nais kong malunasan ang aking mga maling motibo at bitawan ang aking mga paghahangad para sa mga pagpapala. Gumaling man ako o hindi, mabuhay man ako o mamatay, nais kong magpasakop sa Iyo.” Mas nakaramdam ako ng kapayapaan pagkatapos ng aking dasal, at ako ay nagkaroon ng mas mabuting kalagayan. Sa sumunod na mga araw, patuloy akong nag-ehersisyo at uminom ng mga pandagdag nutrisyon at ang aking kalusugan ay bumuti bawat araw. Hindi rin nagtagal ay nakalabas ako ng ospital.
Pagbalik sa bahay, nakita ko ang asawa at mga anak ko na lumalabas at ipinapahayag ang ebanghelyo at ginagawa ang kanilang mga tungkulin, pero ang nagagawa ko lang ay mahiga sa aking kama, hindi magawa ang anuman sa aking tungkulin. Nagsimula akong bahagyang malungkot. Wala akong ideya kung kailan ako lubos na gagaling o kung makakaya ko bang gawin ulit ang tungkulin ko isang araw. Kung hindi ko magagawa ang aking tungkulin, hindi ba’t magiging pabigat lang ako? Kung gayon, paano ako maliligtas? Habang nag-iisip ng ganito, napagtanto kong ang paghahangad ko ng mga pagpapala ay nagpakita na naman. Dali-dali akong nagdasal sa Diyos at pagkatapos ay binasa ito sa Kanyang mga salita: “Sa anong batayan nabuhay ang mga tao noon? Ang lahat ng tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling mga kapakanan; tinatalikuran nila ang mga bagay-bagay, ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, at tapat sa Diyos, nguni’t ang lahat ng mga bagay na ito ay ginagawa pa rin nila para sa kanilang sariling mga kapakanan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa layunin ng pagkakamit ng mga pagpapala para sa kanilang mga sarili. Sa lipunan, ang lahat ay ginagawa para sa pansariling pakinabang; ang paniniwala sa Diyos ay ginagawa para lamang magkamit ng mga pagpapala. Kaya ang mga tao ay itinatakwil ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa ay upang magkamit ng mga pagpapala. Ang lahat ng ito ay katibayan mula sa karanasan ukol sa tiwaling kalikasan ng tao” (“Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Panlabas na mga Pagbabago at mga Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na makita na ang dahilan kaya ako nakipagkasundo sa Diyos sa aking pananampalataya at naghimagsik at nilabanan ang Diyos kapag hindi nangyayari ang mga bagay na gusto ko ay dahil naging kontrolado ako ng lahat ng uri ng mga satanikong lason. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Huwag gumawa nang walang gantimpala”—namuhay ako sa mga satanikong pilosopiyang ito. Ang lahat ng ginawa ko, ginawa ko para sa sarili ko, para makinabang ako. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Kahit sa aking pananampalataya, nagpakahirap at ginawa kong abala ang sarili ko para lang makakuha ng mga pagpapala at gantimpala. Hindi talaga ako nakatuon sa paghahanap ng katotohanan o pagbabago ng disposisyon. Nang hindi ko nakuha ang mga pagpapalang gusto ko, sumabog ang satanikong kalikasan ko at hindi ko naunawaan at sinisi ko ang Diyos, at pinagsisihan ang lahat ng ginawa ko para sa Diyos. Gumawa si Pablo para sa Panginoon at lubos na nagdusa, ngunit wala siyang pagmamahal para sa katotohanan, at hindi siya naghanap para makilala ang Diyos o mabago ang kanyang disposisyon. Gusto lang niya ng korona ng pagiging matuwid bilang kapalit ng kanyang pagdurusa at sakripisyo. Sa huli, hindi nagbago ang kanyang satanikong disposisyon, kaya itinaboy ng kanyang kayabangan ang lahat ng katuwiran, pinatotohanan pa niya na siya mismo si Cristo at dinala niya ang tao sa kanyang harapan. Nilabag niyon ang disposisyon ng Diyos at nagdulot ito sa kanya ng walang hanggang kaparusahan. Alam kong kapag patuloy akong namuhay sa mga lason ni Satanas, matutulad lang din ako kay Pablo. Parurusahan ako ng Diyos sa paglaban ko sa Kanya. Nakita ko kung gaano kapanganib na maghanap ng mga pagpapala at hindi hangarin ang katotohanan. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos. Pinasalamatan ko Siya sa paggamit ng sakit na ito para bigyan ako ng pagkakataong pagnilayan at kilalanin ang aking sarili, upang makita ko ang aking maling pananaw sa paghahanap ko ng aking pananampalataya at na naglalakad ako sa isang landas na laban sa Diyos.
Pagkatapos ay binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang Diyos ay walang hanggang kataas-taasan at marangal kailanman, samantalang ang tao ay hamak magpakailanman at walang halaga hanggang sa walang katapusan. Ito ay sapagkat ang Diyos ay walang hanggang gumagawa ng mga sakripisyo at nag-uukol ng sarili Niya para sa sangkatauhan; ang tao, gayunman, ay walang hanggang nangunguha at nagsisikap para lamang sa sarili niya. Ang Diyos ay walang katapusan ang pagpapakahirap para makaligtas ang sangkatauhan, gayon pa man, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa pagkamakatuwiran. Kahit na magsikap ang tao sa maikling panahon, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Palaging makasarili ang tao, samantalang ang Diyos ay hindi makasarili magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ay ang siyang nagtatagumpay at nagpapamalas ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang diwa ng pagkamakatuwiran at kagandahan Niya, gayon pa man, ang tao ay ganap na may kakayahan, sa anumang oras at sa anumang kalagayan, na ipagkanulo ang pagkamakatuwiran at lumayo mula sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Labis akong naantig habang pinagninilayan ko ang mga salitang ito. Nagbayad ang Diyos ng napakahirap na kabayaran para iligtas ang sangkatauhan na labis na ginawang tiwali ni Satanas. Dalawang libong taon na ang nakalilipas, nagkatawang-tao ang Diyos sa unang pagkakataon sa Judea para tubusin ang sangkatauhan. Tiniis Niya ang pangungutya, paninira, at inusig at inabuso ng mga tagasunod ng Judaismo. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus, sa gayo’y nagawa ang gawain ng pagtubos. Ngayon, ang Diyos ay nagkatawang-tao sa ikalawang pagkakataon sa China para linisin at iligtas ang sangkatauhan nang minsanan at ganap. Hinabol at inusig Siya ng CCP at wala Siyang matulugan, walang lugar na mapagpahingahan, at kinailangan Niya ring tiisin ang maling pagkaunawa, paninisi, pagsuway, at paglaban nating mga mananampalataya. Gayunpaman ang Diyos ay hindi tumigil sa pagsubok na iligtas ang sangkatauhan, sa halip ay tahimik na ginagawa ang lahat ng Kanyang makakaya para sa atin, at kailanma’y walang hinihinging anumang kapalit. Gayunman, gumawa ako ng mga sakripisyo sa aking tungkulin at umasa ng mga pagpapala at isang destinasyon bilang kapalit. Nilabanan ko ang aking konsensya para makipagtawaran sa Diyos. Napakamakasarili ko’t kasuklam-suklam! Hindi ako isang tunay na mananampalataya. Nang matanto ito, pumunta ako sa harap ng Diyos para manalangin at handang magsisi.
Isang araw sa mga debosyonal, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na ‘pananampalataya sa Diyos’” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). “Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang Kanyang kalooban sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at napakasamang disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Ipinapakita ng mga salita ng Diyos ang tamang layunin na dapat nating pagsikapan sa ating pananampalataya. Gaano man tayo disiplinahin sa ating mga karanasan, isinasaayos ng Diyos ang lahat para lamang linisin at baguhin tayo. Alam kong dapat kong harapin ang lahat ng ito nang may pagtanggap at pagsunod, hinahanap ang katotohanan sa mga sitwasyon para lutasin ang aking mga tiwaling disposisyon, at binibigyang-kasiyahan ang Diyos at sinusuklian ang Kanyang pagmamahal sa lahat ng bagay. Ito lang ang marapat pagsikapan. Ayoko nang makipagkasunduan sa Diyos para sa mga pagpapala. Anumang kahinatnan ng sakit ko mula noon, sasambahin ko ang Diyos hanggang sa huli kong hininga. Kung binigyan ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon para gawin ang aking tungkulin, hindi ako makikipagtawaran sa Kanya para sa mga biyaya. Gusto ko lang pagsikapan ang katotohanan sa aking tungkulin at hangarin ang pagbabago sa aking disposisyon.
Hindi nagtagal, sinubok ako ng Diyos.
Isang araw, bumalik mula sa isang pagtitipon sa iglesia ang anak kong babae at sinabing si Sister Wang, na nagdidilig ng mga mananampalataya, ay sinusundan ng pulis at wala pang nakikitang papalit sa kanya. Tinanong niya ako kung sino sa iglesia ang makakagawa sa gawaing iyon. Nagawa ko na ang tungkulin na ito dati at alam na alam ko ito, kaya inisip ko na ako ang pinakaangkop. Pero naisip ko na 20 araw o higit pa lang ang nakalilipas nang maoperahan ako. Hindi pa lubusang naghihilom ang hiwa ko at mas umiinit ang panahon. Sa bahay, kailangan kong hugasan ang hiwa nang ilang beses sa isang araw. Kapag kinuha ko ang tungkuling ito at masyado akong naging abala para linisin ang sugat ko, maaaring mamaga ito. Limitado ang gamit ng kamay ko, at kung araw-araw akong bibiyahe sakay ng electric scooter, hindi maghihilom ang hiwa, mas lalo akong magkakasakit. Dahil sa sitwasyon, ang pagkuha sa tungkuling iyon ay hindi makakabuti sa aking kalusugan. Pero naisip ko, “Hindi pa nakikita ang tamang tao para sa tungkuling ito. Kapag hindi ko ito kinuha, hindi ba’t maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos? Ano ang dapat kong gawin?” Isang sipi ng mga salita ng Diyos ang dumapo sa isip ko: “Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos at paghahanap sa katotohanan, masasabi mong, ‘Anumang karamdaman o hindi magagandang pangyayari ang payagan ng Diyos na mangyari sa akin—anumang gawin ng Diyos—kailangan kong sumunod, at manatili sa aking lugar bilang isang nilikha. Bago ang lahat, dapat kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—pagsunod—ipatutupad ko ito, at isasabuhay ang katotohanan ng pagsunod sa Diyos. Bukod dito, hindi ko dapat isantabi ang iniutos sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit na sa huling hininga ko, dapat akong manatili sa aking tungkulin.’ Hindi ba ito pagpapatotoo?” (“Nagmumula ang Landas sa Madalas na Pagninilay-Nilay sa Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Kahit na ang aking hiwa ay hindi pa gaanong magaling, ayoko nang maging makasarili at masama, iniisip lamang ang aking sarili at hindi ang sambahayan ng Diyos. Sa loob ng maraming taon, ginagawa ko ang aking tungkulin para sa mga pagpapala at nakikipagkasunduan ako sa Diyos. Hindi ko inalintana kailanman ang kalooban ng Diyos o gumawa ng anuman para malugod Siya. Talagang may utang ako sa Diyos! May isang taong kinakailangan na gawin agad ang tungkuling ito, at gusto kong gawin ito. Anuman ang mangyari sa aking kalusugan, ang tanging hiling ko ay ang makapagdala ako ng aliw sa Diyos. Sa gabay ng mga salita ng Diyos, hindi na ako napigilan ng aking sakit at nagprisinta akong kunin ang gawaing iyon.
Nasaksihan ko ang kamangha-manghang proteksyon ng Diyos nang ibigay ko ang lahat ng kaya ko sa tungkuling ito. Makalipas ang isang linggo, ang hiwa ko ay hindi lang hindi lumala, sa halip ay gumaling ito nang tuluyan. Sinabi ng doktor, “Ang lymphedema sa braso ay pangkaraniwan sa ganitong uri ng operasyon at pagkatapos ng higit sa isang buwan ng pagpapagaling, kailangan pa rin ng pasyente ng chemotherapy.” Pero simula nang umpisahan ko ang tungkuling iyon, hindi na sumakit ang hiwa ko, walang lymphedema sa braso ko, at hindi ako nagpa-chemo. Mahigit isang taon na nang maoperahan ako, at ayos na ayos ako. Salamat sa Diyos para sa Kanyang kamangha-manghang mga gawa. Personal kong naranasan ang Kanyang mga salita na nagsasabing: “Anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Nang binitawan ko ang aking mga di-makatuwirang hiling at hindi na gumawa ng kasunduan sa Diyos, nakita ko talaga ang awtoridad at pamamahala ng Diyos at nasaksihan ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa!
Ang matinding suliranin sa sakit na ito ay parang isang kalamidad kung titingnan sa mababaw na paraan pero ang pagmamahal ng Diyos ay nakatago sa loob nito. Ang pagbibigay-liwanag at gabay ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng sakit na ito ay nagtulot sa akin na makita ang aking mga motibo na magtamo ng mga pagpapala at ang aking mga karumihan. Naging masunurin ako sa Diyos at tunay na natutuhan na ang pagdanas ng karamdaman ay isang pagpapala mula sa Diyos, na ito ay para maglinis at magbago sa akin. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.