Napalaya sa Pamamagitan ng Pagsasagawa ng Katotohanan

Enero 11, 2022

Napalaya sa Pamamagitan ng Pagsasagawa ng Katotohanan

Isang buwan matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, itinalaga ako ng lider ng aming iglesia na si Zhang Lin na magsilbing pinuno ng grupo pagkatapos niyang mapansin ang aking sigasig. Nang mga panahong iyon, lubos akong nasiyahan na binigyan ako ng aking pinuno ng posisyon ng pamumuno pagkatapos ng isang buwan ko lamang sa iglesia. Pagkatapos noon ay sinipagan ko pang lalo ang pagtupad sa tungkulin ko.

Dahil ang bilang ng mga miyembro sa aming iglesia ay patuloy na lumalago, hinati sa dalawa ang iglesia, at ako ang nahalal bilang pinuno ng isa sa dalawang iglesia. Si Zhang Lin ang namumuno sa dalawang simbahang ito. Isang beses, dumalo si Zhang Lin sa isa naming pagtitipon at nagtanong si Brother Luo: “Anong mga sipi ng mga salita ng Diyos ang babasahin natin ngayon?” Ngumiti lamang si Zhang Lin at sinabi: “Wala tayong babasahin na mga salita ng Diyos ngayon—pag-usapan natin ang ating mga karanasan.” Sumagot si Brother Luo: “Salungat sa mga prinsipyo ng buhay-iglesia ang hindi pagbasa ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon—” Bago pa man matapos magsalita si Brother Luo, tiningnan siya nang masama ni Zhang Lin at sinabi ito: “Mababa lamang ang iyong tayog at hindi mo naiintindihan ang katotohanan kaya’t nandito ako upang tulungan kayo. Sa palagay ko’y makakabuti rin ito sa iyong pagpasok sa buhay. Pupwede naman tayong laging magbasa ng mga salita ng Diyos sa bahay, ngunit sa mga pagtitipon dapat nating pag-usapan ang ating mga karanasan, at matuto sa mga karanasan ng iba. Makakatulong ito na mapabilis ang ating pagpasok sa buhay. Hindi ka nakikinig sa akin at sinusubukan mo pa akong pangaralan, ginagambala mo lang ako! Kapag ginawa mo pa itong muli, hindi ka na iimbitahan sa mga pagtitipon.” Yumuko na lamang si Brother Luo at nanahimik. Sa mga panahong iyon, naisip ko sa sarili ko: “Sa mga pagtitipon, dapat ay nagbabasa tayo ng mga salita ng Diyos at nagbabahagian tungkol sa katotohanan. Kahit na nag-uusap tayo tungkol sa ating mga karanasan, dapat nakabase pa rin sa mga salita ng Diyos ang ating mga sinasabi. Ito ay isang prinsipyo ng ating buhay-iglesia. Kaya’t hindi ba lumalabag si Zhang Lin sa ating mga prinsipyo sa hindi pagbasa ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon? Ang tindi pa nga ng pahayag niya na ginagawa niya iyon para sa ikabubuti ng aming pagpasok sa buhay—iyan ay isang malaking kasinungalingan!” Medyo nagalit ako nang pinag-isipan ko ito, kaya’t nagpasya akong subukan na makipagbahagian sa kanya, ngunit nang makita ko ang simangot sa kanyang mukha, nagpasya akong manahimik na lamang. Inisip ko sa sarili ko: Palaging mataas ang naging tingin niya sa akin—kapag ipinunto ko sa kanya ang kanyang problema at ikinasama ito ng loob niya, hindi ba niya sasabihin na wala akong utang na loob at hindi ko alam kung anong nakabubuti para sa akin? Inisip ko na lang, “Kalimutan ko na lang, mas mainam na wala akong sabihin na kahit na ano habang galit pa siya. Baka matulad pa ako kay Brother Luo at mapagsabihan din. Kapag namarkahan ako na nanggagambala, hindi lang ako matatanggal sa pagiging pinuno, baka ipagbawal pa akong sumali sa mga pagtitipon.”

Pagkatapos ng dalawang buwan, nakasalubong ko si Sister Zheng na dumadalo sa ibang simbahan. Naiinis siya at sinabi niya sa akin na basta-basta na lamang pinaalis at pinalitan ni Zhang Lin ang dalawang diyakono, at itinalaga nito ang isa nitong kamag-anak para diligan ang mga kapatid. ngunit ang kamag-anak niyang iyon ay hindi hinanap ang katotohanan at hindi nagbahagi ng kanyang karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, kaya’t walang sinuman ang nakakakuha ng kahit ano sa mga pagtitipon nila. Sinabi rin ni Sister Zheng sa akin na noong isang pagtitipon, sinubukan niyang bigyan ng mungkahi ang kamag-anak ni Zhang Lin, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon at pinalabas pa niya nito na sinusubukan siyang parang pinipigilan ni Sister Zheng. Nang malaman ito ni Zhang Lin, sinabi niya na ang mga kapatid sa grupo ni Sister Zheng ay nanggagambala sa buhay-iglesia at dapat magnilay-nilay sa kanilang mga nagawa. Basta-basta na lamang niya silang inihiwalay sa iglesia at hindi pinahintulutang magtipon-tipon, at hindi man lamang sila binigyan ng mga pinakabagong pangaral ng Diyos. Hindi makuha ng mga kapatid ang mga panustos na kailangan nila. Hindi ba ito paglabag sa mga prinsipyo ng iglesia? Tinanong ako ni Sister Zheng na naluluha pa kung may maitutulong daw ba ako upang maayos ang suliranin na ito. Nagulat ako at nalungkot na makita si Sister Zheng na ganoon. Papaano ba sumama ang mga bagay-bagay nang ganoon kabilis matapos hatiin ang iglesia sa loob lamang ng dalawang buwan? Hindi ko rin alam ang aking gagawin. Tungkol naman sa panghihimasok—hindi ako ang namumuno sa gawain ng iglesia na iyon at hindi rin ako pamilyar sa mga detalye ng kanilang sitwasyon. Kapag hindi ko inayos ang problema, baka naman punahin ako. Kapag nalaman ito ni Zhang Lin, baka kung anong gawin niya sa akin. Inisip ko sa sarili ko, “Bakit hindi ko na lang hintayin na dumating ang mas nakatataas na pinuno at kausapin siya?” Nagpasya akong piliin ang aksyon na hindi masyadong makasasama ng loob para sa lahat. Sinabihan ko si Sister Zheng, “Pagdating ng mas nakatataas na pinuno, kakausapin ko siya. Nauunawaan ng pinunong iyon ang katotohanan at nakikita niya ang puno’t dulo ng mga suliranin; kaya niyang lutasin ang suliranin nang mas maayos sa pamamagitan ng kanyang pagbabahagi.” Ngunit dagliang sumagot si Sister Zheng, “Hindi na ito makakapaghintay pa ng kahit isang araw. Baka pwede kang sumulat sa nakakataas na pamunuan at ipaalam sa kanila ang problema?” Hindi ako makapagdesisyon sa pakiusap ni Sister Zheng. Sa isang banda, kapag hindi ko ito ipinaalam sa nakatataas na pamunuan, masisira ang buhay ng aking mga kapatid ngunit kapag ipinaalam ko naman ito sa kanila, dahil nga hindi naman bukas si Zhang Lin sa mga mungkahi at pinipigilan pa niya ang sinumang nagmumungkahi ng kahit ano, sa sandaling malaman niya na nagsumbong ako sa nakakataas na pamunuan, mas masahol pa ang magiging trato niya sa akin kaysa sa natanggap ni Brother Luo. Baka paratangan pa niya ako ng mas seryosong paglabag. Nang makita ni Sister Zheng na nag-aalinlangan ako at hindi sigurado, umiling na lamang siya at naglakad papalayo. Ang anyo ng pagkabigo, pagkaagrabyado, at kawalang magawa sa mukha ni Sister Zheng ay nagpadama sa akin pa para bang may kutsilyo na isinaksak sa dibdib ko. Hindi ko man lang mailarawan sa mga salita ang pakiramdam na iyon. Umuwi akong labis na malungkot at ni hindi man lang ako makakain. Nang gabing iyon, nakahiga lamang ako sa kama na pabaling-baling at hindi makatulog. Ang tanging naiisip ko ay ang nasaktan at dismayadong anyo ni Sister Zheng sa kanyang mukha, kaya’t lumapit ako sa Diyos sa panalangin. Nagdasal ako na “Mahal na Diyos, patnubayan Niyo po sana ako. Anong mga hakbang ang naaayon sa Inyong kalooban?”

Maya-maya ay nakita ko ang sumusunod na sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Suriin natin ito nang mabuti. Ano ang mga ipinapakitang tiwaling pagkatao ng taong ito para sabihin ng mga tao na wala siyang pagkatao? Anong mga katangian ang taglay ng gayong mga tao? Anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila? Ang gayong mga tao ay basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos ni nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang pinapasang kabigatan ukol sa pagpapatotoo sa Diyos o sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila responsable. … May iba pa ngang mga tao na, kapag nakakakita ng problema sa pagganap sa kanilang tungkulin, nananatiling tahimik. Nakikita nila na ang iba ay nagsasanhi ng mga pag-antala at mga paggambala, datapuwa’t wala silang ginagawa para pigilan ito. Hindi nila isinasaalang-alang kahit man lamang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni iniisip man lamang ang kanilang sariling mga tungkulin o pananagutan. Sila ay nagsasalita, kumikilos, namumukod-tangi, nagpupunyagi, at gumugugol ng lakas para lamang sa kanilang sariling banidad, katanyagan, katungkulan, mga kapakanan, at karangalan(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Idinulot ng mga salita ng Diyos na bigla kong matanto na: Ang mga ayaw umako ng responsibilidad at iniisip lamang ang kanilang reputasyon at katayuan, na walang ni katiting na pag-isip sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, na walang pakialam sa mga bagay na wala silang magiging pakinabang, wala silang budhi at katwiran at tunay na mga makasarili at mababa. Hindi ba ako naging ganitong tao? Noong ayaw kaming pabasahin ng mga salita ng Diyos ni Zhang Lin sa pagtitipon at sinubukang magbigay ni Brother Luo ng mungkahi, pinagalitan at kinondena niya ito. Malinaw kong nakita na lumalabag siya sa mga prinsipyo ng iglesia at hindi tumatanggap ng katotohanan; dapat ay nanindigan ako at inilantad siya, ngunit hindi ko gusto na mapasama ang loob niya, kaya’t hindi ko man lang nagawang sabihin kung ano ang tama. Nang mabalitaan kong kusang nagpaalis si Zhang Lin ng mga tao at pumili siya ng kanyang kamag-anak upang gampanan ang isang mahalagang tungkulin, na pinigilan niya ang sinuman na sumubok na magbigay ng mungkahi sa kanyang kamag-anak at humindi siyang padalhan ng mga salita ng Diyos ang mga ito, dapat inusisa ko kung ano ang nangyayari at ipinagbigay-alam ito sa nakakataas na pamunuan. Ngunit hindi ko gusto na pigilan ako mismo ni Zhang Lin, kaya’t nagdahilan ako upang maiwasan ang aking tungkulin. Hindi ko inako ang kahit katiting na responsibilidad at umasa akong ang mas nakatataas na pinuno ang aayos ng lahat pagdating niya. Malinaw kong nakita na ang mga kapatid ko ay pinipigilan, na nawalan na sila ng buhay-iglesia, hindi makatanggap ng pinakabagong mga salita ng Diyos, at namumuhay sila sa matinding pagdurusa, pero inisip ko lamang ang pansarili kong interes at mga pagkakataon sa hinaharap, na wala man lang kahit konting pagsasaalang-alang sa kanilang pagpasok sa buhay o sa pangangalaga ng mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nang napagtanto ko kung gaano ako naging makasarili at kasuklam-suklam, kung gaano ako nagkulang sa budhi at katwiran, nakaramdam ako ng kahihiyan na makitang muli ang mga kapatid ko.

Maya-maya ay natagpuan ko ang ika-anim na atas sa “Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian”: “Gawin mo iyong nararapat gawin ng tao, at isakatuparan ang iyong mga obligasyon, at tuparin ang iyong mga responsibilidad, at manatili sa iyong tungkulin. Yamang nananalig ka sa Diyos, dapat kang gumawa ng iyong kontribusyon sa gawain ng Diyos; kung hindi, hindi ka karapat-dapat na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat na manirahan sa sambahayan ng Diyos(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pagkatapos kong basahin ang siping ito, nakonsiyensiya ako nang husto. Ako ay nilalang ng Diyos at lubos akong nakatamasa ng pagtustos ng Kanyang mga salita. Dapat manindigan ako kasama ng Diyos, pangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos at protektahan ang mga kapatid ko. Ngunit natakot ako na sumama ang loob ni Zhang Lin at mapigilan niya, at natakot na mawala ko ang katayuan ko bilang pinuno, kaya’t iniwasan ko ang aking tungkulin. Nag-alala lang ako na baka mapasama ko ang loob ng mga tao, hindi ng Diyos. Walang naging puwang ang Diyos sa aking puso. Nakita ko na hindi ako karapat-dapat na tawaging isang mananampalataya. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, alam kong hindi na ako pupwedeng maging makasarili at kasuklam-suklam at isipin lamang ang aking sarili. Nawalan sina Sister Zheng at ang iba pa ng daan upang matanggap ang pinakabagong mga salita ng Diyos kaya’t ang kanilang mga buhay espirituwal ay napagkaitan ng Kanyang paglalaan. Kailangan kong akuin ang responsibilidad at tulungan silang lutasin ang kanilang problema. Sa sumunod na araw, pumunta ako sa lugar ng pagtitipon nina Sister Zheng upang alamin pang lalo ang tungkol sa kalagayan nila kay Zhang Lin at napatunayan ko na lahat ng sinabi sa akin ni Sister Zheng ay totoo. Pagkatapos, sumulat ako ng ulat sa nakatataas na pamunuan tungkol sa aking napag-alaman. Nagpadala rin ako ng mga pinakabagong salita ng Diyos kina Sister Zheng at sa iba pa at sama-sama kaming nagtipon.

Di naglaon, nang malaman ni Zhang Lin na nakipagtipon ako kina Sister Zheng at sa kanyang mga kapatid, nagalit talaga siya. Isang araw, mga alas-sais ng gabi, pinapunta niya sa aking bahay ang isang nakakatandang kapatid na babae upang sabihan ako na dahil palihim akong nakipagpulong sa mga miyembro ng ibang simbahan, at naging mayabang at mapagmalaki, minamarkahan ako para sa walong paglabag. Pinagbawalan niya akong gumanap ng aking mga tungkulin, at isusumbong din niya ako at pupulungin niya ang mga diyakono at pinuno ng parehong iglesia upang ilantad ako. Ang mensaheng inihatid sa akin ng nakatatandang kapatid na babae ay talagang ikinabigla ko—Nalaman ba ni Zhang Lin na isinumbong ko siya? Pagtitipunin pa raw niya ang mga pinuno at diyakono ng parehong simbahan upang ilantad ako. Papaalisin ba nila ako sa iglesia? Kung talagang papaalisin nila ako, may pag-asa pa kaya akong maligtas? Ang pag-iisip na ito ay talagang nagparamdam sa akin ng kawalan ng pag-asa at panghihina at hindi ko na alam kung ano ang dapat kong gawin. Ang sumunod na araw ay panahon na naman ng pagtitipon nina Sister Zheng at tuliro ang isipan ko. Hayagan na akong pinagbawalan ni Zhang Lin na gampanan ang aking tungkulin, kaya’t kung dadalo pa ako sa pagtitipon kasama ang aking mga kapatid, baka kung anong paglabag na naman ang imamarka sa akin ni Zhang Lin kapag nalaman niya ito. Nagpasya akong manahan na lang muna sa ngayon. Kaya’t naglagi na lang muna ako sa bahay at pinalampas ang buhay-iglesia. Parang naging hungkag ang aking puso at naapektuhan ang gana ko sa pagkain at pagtulog ko. Namuhay ako na parang walang patutunguhan at nakaramdam ng sakit at paghihirap. Pagkatapos ng mga sampung araw, inilabas ng simbahan ang pinakabagong pagbabahagi ng Diyos. Inisip ko sa aking sarili, pinipigilan ni Zhang Lin ang mga kapatid sa lugar ng pagtitipon nina Sister Zheng—hindi sila pupwedeng magsama-sama o magbasa ng mga bagong salita ng Diyos. Kailangang maihatid ko sa kanila ang mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon. Ngunit naisip ko rin na kapag nalaman ni Zhang Lin na pumunta ako, at minarkahan ako para sa isa pang paglabag, baka itiwalag na ako sa iglesia at mawawalan ako ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos. Hindi ako makapagpasya at pabalik-balik ako, ngunit sa huli ay nagpasya pa rin ako na mas mabuti kung hindi ko na ihatid ang mga salita ng Diyos kay Sister Zheng. Dalawang araw rin ako na nagpalibot-libot lamang na parang zombie at wala akong gustong gawin. Kapag naiisip ko kung papaanong sina Sister Zheng at ang iba pa ay hindi makapagtipon at makapagbasa ng mga bagong salita ng Diyos, at malamang ay nagdurusa rin tulad ko, labis akong nakokonsiyensiya.

Kalaunan ay nakita ko ang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasiya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o nakatatagpo ng mga taong buktot at masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay dumaranas ng mga pagkalugi ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Wala iyon sa mga ito; ito ay na ikaw ay kontrolado ng iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga disposisyong ito ay ang pagiging tuso. Inuuna mong isipin ang iyong sarili, na nag-iisip ng, ‘Kung magsasalita ako, paano ako makikinabang dito? Kung magsasalita ako at may sumama ang loob, paano kami magkakasundo sa hinaharap?’ Tusong pag-iisip ito, hindi ba? Hindi ba’t bunga ito ng isang tusong disposisyon? Ang isa pa ay makasarili at masamang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan ng mga kapakinabangan sa sambahayan ng Diyos? Bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Kahit na makita at marinig ko itong mangyari, hindi ko kailangang gumawa ng kahit ano. Hindi ko ito pananagutan—hindi ako pinuno.’ Nasa loob mo ang mga gayong bagay, na tila umusbong ang mga ito mula sa iyong walang malay na isip, at tila ba sumasakop ang mga ito ng mga permanenteng kalagayan sa iyong puso—ito ang mga tiwali at satanikong disposisyon ng tao. … Kinokontrol ka ng iyong sataniko at tiwaling disposisyon; hindi ka man lang panginoon ng sarili mong bibig. Kahit nais mong magsalita nang tapat, hindi mo magawa at takot ka ring sabihin ang mga ito. Hindi mo maipangako kahit ang isang sampu-kalibo ng mga bagay na dapat mong gawin, mga bagay na dapat mong sabihin, at ang responsibilidad na dapat mong tanggapin; nakatali ang iyong mga kamay at paa sa iyong sataniko at tiwaling disposisyon. Ni hindi man lang ikaw ang namamahala. Sinasabi sa iyo ng iyong sataniko at tiwaling disposisyon kung paano magsalita, kaya ka nagsasalita sa ganyang paraan; sinasabi nito sa iyo kung ano ang gagawin, kaya ginagawa mo iyon. Sa puso mo, iniisip mo, ‘Magsisikap ako nang husto sa pagkakataong ito, at magdarasal ako sa Diyos. Kailangan kong manindigan at pagsabihan ang mga gumagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga iresponsable sa kanilang tungkulin. Kailangan kong tanggapin ang responsibilidad na ito.’ Kaya labis na nahihirapan ka, naglakas-loob ka at nagsalita. Dahil dito, sa sandaling magalit ang ibang tao, umuurong ka. Ikaw ba talaga ang namumuno? Ano ang naging silbi ng determinasyon at matibay na kapasyahan mo? Nawalan ng silbi ang mga iyon. … Hindi mo kailanman hinahanap ang katotohanan, at lalong hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Nagpapatuloy ka lamang sa pagdarasal, pinatatatag mo ang iyong determinasyon, gumagawa ka ng mga pagpapasiya, at sumusumpa. At ano ang kinalabasan ng lahat ng ito? Sunud-sunuran ka pa rin; hindi mo ginagalit ang sinuman, ni hindi mo sinasaktan ang sinuman. Kung may isang bagay na hindi mo problema, lalayuan mo ito: ‘Hindi ako magsasalita ng anuman tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa akin, at gagawin ko ito para sa lahat. Kung may anumang makakasira sa sarili kong mga interes, sa aking dangal, o sa paggalang ko sa sarili, hindi ko iyon papansinin, at maingat kong haharapin ang lahat ng iyon; hindi ako dapat magpadalus-dalos. Ang pakong nakausli ang unang napupukpok, at hindi ako ganoon kamangmang!’ Lubos kang sumasailalim sa pagkontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon ng kasamaan, katusuhan, katigasan, at pagkamuhi sa katotohanan. Sinisira ka nito, at higit ka pang nahihirapang pasanin iyon kaysa sa isinuot na Ginintuang Singsing ng Haring Unggoy. Ang pamumuhay sa ilalim ng pagkontrol ng isang tiwaling disposisyon ay lubhang nakakapagod at napakasakit!(“Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang tiwali kong disposisyon. Nang minarkahan ako ni Zhang Lin para sa ilang pagkakasala at pinagbawalan akong tuparin ang aking tungkulin, natakot ako na lalo pa akong mapigilan o mapatalsik sa iglesia, at dahil gusto kong protektahan ang mga pagkakataon ko sa hinaharap, natakot ako na makipagtipon at maghatid ng mga bagong salita ng Diyos kay Sister Zheng at sa iba, mas lalo akong natakot na ilantad ang buktot na pag-uugali ni Zhang Lin, at wala akong pakialam kung masira ang buhay ng aking mga kapatid, isinasantabi na lang ang atas ng Diyos. Nakita ko na lubos akong walang katapatan sa Diyos, na ipinagkanulo ko ang Diyos. Sa napakahalagang sandali na iyon, nangangailangan na isagawa ko ang katotohanan, pero lubusan akong kontrolado ng tiwali kong disposisyon ng pagiging buktot at tuso, at hindi ko talaga maisagawa ang katotohanan. Bilang resulta, hindi nakatanggap ang aking mga kapatid ng kanilang pantustos ng buhay at namuhay sa pagiging negatibo at kahinaan. Hindi ba’t pinipinsala ko ang aking mga kapatid? Nang napagtanto ko na ako ay naging duwag, makasarili, at kasuklam-suklam, medyo nakaramdam ako ng pagsisisi at nakonsiyensiya.

Natagpuan ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba talaga ang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong mo sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Makakapagsagawa ka ba ng pagkamatuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumaganap sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mo silang isipin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Nakita ko rin ang siping ito sa “Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos”: “Ang kalungkutan Niya ay dahil sa sangkatauhan na mayroon sana Siyang pag-asa ngunit nahulog na sila sa kadiliman, sapagkat hindi umaabot sa mga inaasahan Niya ang gawaing ginagawa Niya sa tao, at sapagkat lahat sa sangkatauhang minamahal Niya ay hindi kayang makapamuhay sa liwanag. Nakakaramdam Siya ng kalungkutan para sa inosenteng sangkatauhan, para sa tapat ngunit mangmang na tao, at para sa taong mabuti ngunit sa kanyang sariling mga pananaw ay nagkukulang. Ang kalungkutan Niya ay sagisag ng kabutihan Niya at ng awa Niya, isang sagisag ng kagandahan at ng kabaitan(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, lalo akong nakonsiyensiya. Lumapit sa akin si Sister Zheng dala ang kanilang mga problema, dahil pinagkatiwalaan niya ako, dapat ay pinanagutan ko at pinangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero sumalungat ako sa aking konsiyensiya at hindi ko isinagawa ang katotohanan. Tumayo ako sa panig ni Satanas at naging tagapagbantay niya. Ngayon, namumuhay sa kadiliman at pagdurusa ang mga kapatid ko, at hindi nila makuha ang pantustos ng buhay na kailangan nila. Nalulungkot at nababagabag ang Diyos—umaasa Siyang makakapanindigan ako, isasaalang-alang ang Kanyang mga layunin, at poprotektahan ang Kanyang hinirang na mga tao. Pinagbawalan man ako ni Zhang Lin sa pagtupad ng aking tungkulin bilang lider ng iglesia, pero miyembro ako ng sambahayan ng Diyos, kaya’t mayroon akong responsibilidad na protektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi na ako puwedeng magpabaya sa mga tungkulin ko at protektahan ang sarili ko. Lumapit ako sa harap ng Diyos sa panalangin, na sinasabing, “O, Diyos! Itinaas mo ako sa mga tungkulin ng pamumuno, pero ako’y naging makasarili, kasuklam-suklam at isinaalang-alang lang ang sarili, kaya’t hindi ako karapat-dapat sa atas na ibinigay Mo sa akin. Diyos ko, hindi ko na isasaalang-alang ang mga pagkakataon ko sa hinaharap, at nakahanda po akong tunay na magsisi, bumangong muli at tuparin ang aking tungkulin. Hinihiling ko po, Diyos ko, na gabayan Mo ako.” Pagkatapos kong manalangin, mas kumalma ang aking pakiramdam kaya’t ipinadala ko ang mga bagong pangaral ng Diyos sa mga kapatid sa lugar ng pagtitipon ni Sister Zheng at nakipagtipon ako sa kanila. Kalaunan, natanggap ng nakatataas na pamunuan ang aking ulat, at matapos nilang kumpirmahin ang masasamang gawa ni Zhang Lin, tinanggal nila siya at ang kanyang mga kasamahan sa kanilang posisyon.

Pansamantala akong itinalaga ng aking mga lider na akuin ang responsibilidad para sa gawain sa dalawang iglesia. Matapos maalis sa kanyang posisyon, hindi pa rin nagsisi si Zhang Lin at nagpatuloy pa ring nagkimkim ng galit sa akin. Nilinlang niya ang mga kapatid namin sa iglesia, na sinasabi niyang hindi pa ako matagal na mananampalataya, walang nauunawaan at na nagkataon lang na mayroon akong kaunting kaalamang nakamit sa libro kaysa sa kanila, pero hindi naman nakalulutas ng anumang isyu sa mga pagtitipon. Sinabi rin niya na dahil kasalukuyang nang-aaresto ang CCP ng mga mananampalataya, at mayroong mga security camera sa bawat sulok sa buong kanayunan, maaaring inilalagay ko rin sila sa panganib sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagtitipon. Sa panahong ’yon, nagawa niyang makumbinsi ang ilan sa kanila at sama-sama silang gumawa ng mga huwad na bintang laban sa akin. Dati ay minarkahan na ako ni Zhang Lin para sa walong paglabag, ngayon ay umangat na ang numero sa labintatlo. Isinumite pa nga nila ang lahat ng kanilang bintang sa nakatataas na pamunuan, kaya’t ang aming mga lider ay nagtalaga ng ilang kapatid para imbestigahan ang sitwasyon. Nang narinig ko ang tungkol dito, nasadlak ako sa kalungkutan. Pakiramdam ko parang isang libong libra ang nakadagan sa aking dibdib at halos hindi ako makahinga. Nakipagtulungan si Zhang Lin sa iilang tao upang maling paratangan ako—kung maniwala ang aming mga lider sa kuwento nila at talagang itiwalag ako, katapusan na ba ng buhay ko bilang isang mananampalataya? Nang naisip ko ito, nagsimulang dumaloy ang luha sa aking mga mata. Naisip ko rin na maraming kapatid ang dating kasama ni Zhang Lin sa iisang iglesia bago tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at si Zhang Lin ang nagpalaganap sa kanila ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang ilang mga kapatid ay walang anumang pagkakilala tungkol sa kanya at hinangaan pa nga siya at tiningala. Makapagsasabi ba talaga ng katotohanan ang mga taong ito? Kung sisiyasatin ng mga kapatid ang usapin, mauunawaan kaya nila kung ano talaga ang nangyayari? Magulo ang isip ko noon, kaya’t nanalangin ako sa Diyos. Pagkatapos manalangin, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ako ay matuwid, Ako ay mapagkakatiwalaan, at Ako ang Diyos na sumusuri sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang totoo at kung sino ang huwad. Huwag kang mangamba, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na sumusuri sa kaibuturan ng puso ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44). Ang kapangyarihan at awtoridad ng mga salita ng Diyos ay mabilis na pinayapa ang puso ko. Ang Diyos ay matuwid at mapagkakatiwalaan. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ni Cristo, ng katotohanan at ng pagiging matuwid. Dahil hindi ko alam ang pagiging matuwid ng Diyos at hindi ako naniwala na sinusuri Niya ang lahat, nag-alala ako na maniniwala ang mga kapatid sa isang panig lang ng kwento kapag inimbestigahan nila ang aking sitwasyon at ititiwalag nila ako. Hindi ko ba ipinapantay lang ang sambahayan ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon? Namamahala ang CCP sa paraang malupit at di-makatwiran. Binabaluktot nila ang katotohanan at minamali ang pakahulugan ng mga katunayan upang pigilin ang sinumang hindi sumasang-ayon. Gagawa sila ng mga bintang sa kanila at sisirain ang kanilang buong buhay. Ang mga karaniwang tao ay kailangan na lang harapin ang pang-aapi—walang madudulugan para sa hustisya. Pero ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan; kung ang mga anticristo o buktot na tao ay naluklok sa kapangyarihan, tiyak na kalaunan ay mailalantad at maaalis sila. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. At ang sambahayan ng Diyos ay nagtitiwalag ng mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo—hinahatulan ang mga tao batay sa mga katunayan ng kanilang mga maling gawa. Walang naititiwalag dahil lang sa may nagmarka sa kanila para sa kaunting paglabag. Wala akong ginawa sa anumang maling gawa na sinasabi nilang ginawa ko; binaluktot nila ang katotohanan at iniba ang pakahulugan ng mga katunayan. Ang katotohanan at mga katunayan ay mabubunyag din kalaunan. Alam kong sinusuri ng Diyos ang lahat ng ito. Nang naisip ko ito, hindi na ako gaanong nalungkot, at nanumbalik ang aking pananampalataya sa Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, sinabi ko, “Mahal na Diyos! Kahit na kung itiwalag man ako o hindi, handa akong magpasakop at maranasan ang Iyong gawain.” Makaraan ang ilang araw, naunawaan din ng mga lider namin ang katotohanan ng usaping ito, at napag-alamang ang mga paratang ni Zhang Lin ay binaluktot ang mga katunayan, at gawa-gawa lang ang lahat. Napag-alaman nila na laging kumikilos nang hindi makatwiran si Zhang Lin, at inihiwalay at tinanggal niya ang mga tao sa kanilang mga tungkulin ayon sa sarili niyang kagustuhan habang pinapaboran at nililinang ang kanyang sariling kamang-anak; Pinigilan at ibinukod niya ang sinumang kapatid na nagtangkang bigyan siya ng mga mungkahi, at kahit pagkatapos niyang mapaalis ay hindi siya nagsisi. Patuloy niyang nilinlang at binihag ang mga tao sa walang kabuluhang pagtatangkang kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos at magsimula ng sarili niyang kaharian—sa totoo, isa siyang masama at mapagpakanang anticristo. Hinahanda na ng mga lider namin ang mga kinakailangang dokumento upang itiwalag siya sa iglesia. Nang marinig ko ito, talagang naantig ako. Nakita ko na tunay ngang matuwid ang Diyos, at kahit gaano pa katuso at kalupit ang mga anticristo, magiging panandalian ang impluwensya nila dahil sa huli ay wala silang puwang sa sambahayan ng Diyos, at sa huli ay mailalantad, maaalis, at mapapabayaan sila habambuhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Nakaramdam din ako ng hiya at nakonsiyensiya dahil hindi ko kilala ang Diyos at hindi ko Siya naintindihan at sinisi ko pa Siya, na iniisip na ang iglesia ay tulad ng sekular na mundo; nilalapastangan ko ang Diyos. Pero hindi ako tinrato ng Diyos batay sa aking mga paglabag at patuloy akong ginabayan upang maranasan ko ang kapaligirang ito. Lubos akong nagpasalamat sa Diyos. Kalaunan, lahat ng aking kapatid ay nagkaroon ng pagkakilala kay Zhang Lin at sumang-ayon na itiwalag siya sa iglesia. Palaging nakapagbibigay-kasiyahan kapag naititiwalag ang isang anticristo! Ang aking mga kapatid ay hindi na nalinlang at nakontrol ng anticristo at maaari nang malayang tuparin ang kanilang mga tungkulin, magbahagi sa katotohanan, at mamuhay ng normal na buhay-iglesia.

Dahil naranasan ko ang panunupil at mga maling paratang ng anticristo, nagkaroon ako ng pagkakilala sa mga anticristo, nakita kung paano nila nililinlang at sinisira ang mga tao at ang pagkakaroon nila ng kalikasan at diwa na galit sa katotohanan. Nasaksihan ko rin ang pagiging matuwid, pagiging makapangyarihan sa lahat, at karunungan ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga tusong pakana ni Satanas upang tulungan tayong maunawaan ang katotohanan at magkaroon tayo ng pagkakilala para makalaya tayo sa madilim na impluwensiya ni Satanas, lubusang talikuran ang lahat ng anticristo at buktot na tao at tunay na bumalik at magpasakop sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghahayag ng Diyos, may kaunti rin akong natutunan tungkol sa tiwali kong disposisyon, at kung paanong masyado akong makasarili at kasuklam-suklam. Naranasan ko ang katahimikan at kalayaan na kalakip ng pagkakanulo sa laman at pagsasagawa nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasan na ito, natutunan ko rin na lagi tayong may pahintulot ng Diyos sa masasayang panahon at sa masasama. Ganito tayo pineperpekto at inililigtas ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply