Pagsusumbong ng Isang Huwad na Lider: Isang Mahirap na Gawain
Noong Hulyo 2019, Hinalal ako ng aking mga kapatid bilang isang lider ng iglesia, at ang kapareha ko ay si Sister Lin. Mas matagal nang naniniwala sa Diyos si Sister Lin kaysa sa akin, at ilang taon na siyang lider. Naisip ko, “Nangangahulugan siguro ito na nagtataglay siya ng ilang realidad ng katotohanan. Sa hinaharap, kailangan kong mas maghanap kasama niya at makipagtulungan sa kanya sa paggawa ng gawaing pang-iglesia.” Nagulat ako nang, matapos ang ilang panahon ng ugnayan, nalaman ko na halos lahat ng pagbabahagi niya sa mga pulong ay mga salita ng doktrina, hindi niya kailanman sinuri ang sarili niyang katiwalian. Madalas siyang magbigay ng papuri sa sarili niya at magpasikat, nagsasalita tungkol sa mga tungkuling ginawa niya, kung gaano kalayo ang nilakbay niya, o gaano karami ang naging hirap niya, at kung paano siya nagsikap sa kanyang mga tungkulin at pinalugod ang kalooban ng Diyos nang iwinasto siya. Nang marinig ng mga kapatid ang pagbabahagi niya, may ilang naluha sa pagkaantig, at malungkot na sinabi ng iba, “Kung maayos naming isinagawa ang mga tungkulin namin, hindi ka sana iwinasto.” Medyo nagulat ako nang makita ko ang mga bagay na ito. Naisip ko, “Hindi ba pagpapasikat ang ganitong pagbabahagi para hangaan at sambahin siya ng iba?” Minsan, pinaalalahanan ko siya tungkol sa asal niya. Sabi ko, “Pinupuri mo ang sarili mo at nagpapasikat sa ganoong pagbabahagi.” Nang matapos ako, natigilan ako nang malungkot siyang sumagot, “Paano ako nagbibigay ng papuri sa sarili ko at nagpapasikat? Katotohanan ang lahat ng sinabi ko. Kung mali iyon, paano ako dapat magbahagi?” Pagkakita sa ugali niya, ang nasabi ko lang, “Dapat mong basahin ang salita ng Diyos at magnilay sa iyong sarili.”
Hindi nagtagal, nang hindi binabanggit ang anuman sa akin, inilipat ni Sister Lin ang isang sister para mangaral ng ebanghelyo na hindi naman sanay doon, at inilipat ang sister na sanay sa pangangaral sa isa pang tungkulin, na direktang nakaapekto sa pagsulong ng gawaing pang-ebanghelyo. Matapos lang ang ilang araw, nang hindi isinasaalang-alang ang aktuwal na karanasan, inilipat ni Sister Lin ang isang baguhang wala pang ugat sa tunay na daan para mangaral ng ebanghelyo. Naging napakamiserable ng baguhan dahil sa pressure na halos tumigil na siya sa paniniwala. Buti na lang, nag-alok ng tulong at suporta sa tamang oras ang diyakono sa pagdidilig at bumuti ang kalagayan ng baguhan. Nang marinig ko ang tungkol sa mga bagay na ito, pinaalalahanan ko ulit siya na kailangan naming magkaroon ng mga prinsipyo, huwag kumilos nang pabigla-bigla, at kailangang makipag-usap sa mga kapareha bago magdesisyon sa mga bagay-bagay. Pero ayaw niyang tumanggap, tinanggihan ang pananagutan, at ipinagtanggol ang kanyang sarili. Nakita kong hindi niya talaga pinagnilayan o kilala ang sarili niya. Naalala ko rin kung paanong palaging mga salita ng doktrina ang pagbabahagi niya, at kung paano siya kumilos nang ura-urada at hindi naghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan. Nakatitiyak akong isa siyang huwad na lider, at gusto ko iyong isumbong sa lider ko, pero nag-alangan din ako. Naisip ko, “Maraming taon nang lider si Sister Lin. Kamakailan lang, tinalakay ng mga lider namin ang pagtataas ng ranggo niya. Kung isusumbong ko siya ngayon bilang isang huwad na lider, hindi kaya sabihin ng mga lider namin na masyado akong mapagmataas, at bulag kong inaakusahan ang iba matapos lang akong maging isang lider? At saka, kung malalaman ni Sister Lin na isinumbong ko siya, baka magsalita siya ng negatibong bagay tungkol sa akin sa mga lider namin. Tatanggalin kaya ako ng mga lider namin kung mangyari iyon?” Nang maisip ko iyon, ayaw ko na siyang isumbong. Pero kung hindi ko siya isusumbong, patuloy siyang magiging isang lider, na pipinsala sa mga kapatid, at sisira sa gawain ng iglesia. Sa ilang araw na iyon, labis na nagsasalungatan ang damdamin ko at hindi ako sigurado sa gagawin ko, kaya lumapit ako sa Diyos at nagdasal para hilingin sa Diyos na tulungan akong maunawaan ang kalooban Niya at makahanap ng landas sa pagsasagawa.
Matapos magdasal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ano ang sanhi ng paglitaw ng kategorya ng mga tao na mga pinuno at manggagawa, at paano sila lumitaw? Sa malaking antas, kailangan sila para sa gawain ng Diyos; sa mas maliit na antas, kailangan sila para sa gawain ng iglesia, kailangan sila ng hinirang na mga tao ng Diyos. … Ang kaibahan sa pagitan ng kanilang tungkulin at ng sa ibang tao ay ang natatanging katangian ng sa kanila. Anong natatanging katangian iyon? Ang pangunahing binibigyang-diin ay ang tungkulin ng pamumuno. Halimbawa, may isang pangkat ng mga tao na may nangunguna sa kanila; kung tinatawag ang taong ito bilang isang ‘pinuno’ o bilang isang ‘manggagawa,’ ano ang kanilang tungkulin sa loob ng pangkat? (Ang tungkulin ng pamumuno.) Ano ang epekto ng pamumuno ng taong ito sa kanilang pinangungunahan at sa pangkat sa kabuuhan? Nakakaapekto ito sa direksyon ng pangkat at sa landas nito. Ipinapahiwatig nito na kung ang taong ito na nasa posisyon ng pamumuno ay lumalakad sa maling landas, kung gayon, kahit papaano, makapagdudulot ito ng paglihis sa tamang landas ng mga taong nasa ilalim nila at ng buong pangkat; higit pa rito, maaaring magambala o masira nito ang direksyon ng buong pangkat habang sumusulong sila, pati na ang kanilang bilis at paghakbang. Kaya’t pagdating sa grupong ito ng mga tao, ang landas na kanilang sinusundan at ang direksyon ng landas na kanilang pinipili, ang abot ng kanilang nauunawaan sa katotohanan gayundin ang kanilang paniniwala sa Diyos ay nakakaapekto hindi lamang sa kanilang sarili, kundi sa lahat ng kapatid na nasasakupan ng kanilang pamumuno. Kung ang isang pinuno ay isang taong matuwid, na lumalakad sa tamang landas at hinahanap at isinasagawa ang katotohanan, kakain at iinom nang maayos at maghahanap nang maayos ang mga taong kanilang pinangungunahan, at, kasabay nito, ang pansariling pagsulong ng pinuno ay palaging makikita ng iba. Kaya, ano ang tamang landas na dapat lakaran ng isang pinuno? Ito ang kakayahang pangunahan ang iba tungo sa pagkaunawa ng katotohanan at sa pagpasok sa katotohanan, at akayin ang iba sa harapan ng Diyos. Ano ang maling landas? Ito ang madalas na pagtataas sa sarili at pagpapatotoo sa sarili, paghahangad ng katayuan, kasikatan, at pakinabang, at hindi kailanman nagpapatotoo sa Diyos. Ano ang epekto nito sa mga taong nasa ilalim nila? (Dinadala nito ang mga taong iyon sa harapan nila.) Maliligaw ang mga tao papalayo sa Diyos at hahantong sa ilalim ng kontrol ng pinunong ito. Kung pinangungunahan mo ang mga tao upang lumapit sa harapan mo, kung gayon pinangungunahan mo sila upang lumapit sa harapan ng tiwaling sangkatauhan, at pinapangunahan mo sila upang lumapit sa harapan ni Satanas, hindi sa Diyos. Tanging ang pangunguna sa mga tao upang humarap sa katotohanan ang siyang pangunguna sa kanila upang lumapit sa harapan ng Diyos. Ang mga pinuno at manggagawa, kung tumatahak man sila sa tamang landas o sa maling landas, ay may direktang impluwensiya sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan, marami sa mga taong hinirang ng Diyos ang bulag na sumusunod. Maaaring isang mabuting tao ang lider, at susundin nila siya; maaari namang isang masamang tao ang lider, at susundin pa rin nila siya—hindi nila nakikita ang pagkakaiba. Aling landas ang tinatahak ng matatapat ay direktang may kaugnayan sa landas na tinatahak ng mga pinuno at manggagawa, at maaaring sa iba’t ibang antas ay maimpluwensiyahan ng mga pinuno at manggagawa na iyon” (“Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Sa salita ng Diyos, nakita ko na ang uri ng landas na tinatahak ng isang lider at kung hinahanap nila ang katotohanan ay hindi lang nakakaapekto sa sarili nila, direkta nitong naaapektuhan ang gawain ng buong iglesia at ang pagpasok sa buhay ng kanilang mga kapatid. Kapag ang lider ng iglesia ay ang tamang tao, na naghahanap ng katotohanan at tumatahak sa tamang landas, kung gayon ang mga kapatid ay maaaring makinabang sa kanila at maging madali sa mga ito na lumakad sa landas ng kaligtasan. Pero kung hindi hinahanap ng mga lider ng iglesia ang katotohanan o sinusunod ang tamang landas, hindi nila magagabayan ang iba sa pag-unawa ng katotohanan o pagpasok sa mga realidad ng salita ng Diyos, at ginugulo nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Naisip ko kung paanong hindi hinanap ni Sister Lin ang katotohanan nang mangyari ang mga bagay-bagay, at hindi siya nagnilay sa kanyang sarili, hindi niya malutas ang mga problema ng kanyang mga kapatid. Nagsalita siya ng mga salita ng doktrina sa kanyang mga tungkulin at sa mga pulong, at pinuri niya ang kanyang sarili at nagpasikat, na nagdulot na sambahin at hangaan siya ng mga kapatid. Sa mga tungkulin niya, mapagmataas siya, nag-aakalang mas matuwid siya kaysa sa iba, at pabigla-bigla, at hindi siya kailanman tumanggap ng tamang payo. Kung hindi siya madaliang aalisin, guguluhin niya lang ang gawain ng sambahayan ng Diyos at pipinsalain ang mga kapatid. Ang paglitaw ng isang huwad na lider na gaya nito sa aming iglesia ay isang sakuna para sa aming mga kapatid. Naalala ko rin na nagdasal ako sa Diyos at nangakong poprotektahan ko ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at gagawin ang aking lahat ng makakaya ko para gawin nang maayos ang mga tungkulin ko, pero nang may nangyaring isang bagay na lumabag sa katotohanan at puminsala sa mga interes ng iglesia, nagtago ako sa loob ng aking lungga na parang isang takot na daga at dinidipensahan ang sarili kong mga interes. Alam kong mapagmataas at pabigla-bigla si Sister Lin sa mga tungkulin niya, at hindi niya tinanggap ang katotohanan, at nakaapekto na sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dapat ay isinumbong ko siya sa lider ko, pero sa halip, sinubukan kong protektahan ang sarili ko, dahil nag-aalala akong magsasalita ng masasamang bagay tungkol sa akin si Sister Lin kapag nalaman niya at papalitan ako ng mga lider namin. Tumayo lang ako habang ginugulo at ginagambala ng isang huwad na lider ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sa halip na nanindigan para protektahan ito. Makasarili ako at kasuklam-suklam. Wala lang ako ni kaunting konsiyensya! Alam kong hindi na ako pwedeng maging makasarili. Kailangan kong isagawa ang katotohanan, maging isang tao na may diwa ng katarungan, tumayo sa panig ng Diyos, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nang mapagtanto ko iyon, nagpasya ako na magsumbong sa mga lider namin.
Kalaunan, sa isang pulong kasama ang mga lider ko, Inilarawan ko ang lahat ng asal ni Sister Lin. Nang matapos ako, nagulat ako nang magbasa ng ilang sipi ng salita ng Diyos ang isa sa mga lider ko na nagbubunyag sa mga anticristo at matindi akong tinabas at iwinasto, sinasabing masyado akong maraming ambisyon at pagnanais para sa katayuan at ginawa akong gutom sa kapangyarihan ng pagiging isang lider. Sinabihan niya ako na mas pagnilayan ang sarili ko at ituon ang pagsisikap ko sa mabuting pangangasiwa ng gawain sa iglesia kasama si Sister Lin. Sinabi ng isa pa naming lider na may kakayahan si Sister Lin at kaya niya ang praktikal na gawain. Natulala ako matapos marinig ang lahat ng ito. Naisip ko, “Paanong naging ito ang resulta? Totoo ang lahat ng sinabi ko sa kanila, pero bulag nila akong iwinasto nang walang pagsisiyasat. Hindi talaga nito nilulutas ang problema.” Noong una, gusto ko pang magpaliwanag sa kanila tungkol kay Sister Lin, pero naisip ko, kung magsasalita pa ako, sasabihin ng mga lider na hindi ako nagninilay sa sarili ko at tumatanggap sa katotohanan, at alisin ako, tapos ano na ang gagawin ko? Nang maisip ko ang tungkol doon, nagdesisyon akong tumigil na lang.
Isang araw, isang sister ang nagsumbong sa akin na si Sister Lin, bilang ang tagapamahala ng gawaing pang-ebanghelyo, ay walang ginawa kundi ang pilitin ang mga nasasakupan niya na ipalaganap ang ebanghelyo. Nang magkaroon ng mga kalagayan o paghihirap ang mga tao, hindi siya nagbahagi para lutasin ang mga iyon, dahilan para hindi maging epektibo ang gawaing pang-ebanghelyo. Gusto niya akong magbahagi kay Sister Lin sa lalong madaling panahon. Naisip ko, “Ang pinakamahalagang gawain ng isang lider ay magbahagi ng salita ng Diyos at lutasin ang mga paghihirap na mayroon ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Walang tigil na nagbibigay ng mga sermon si Sister Lin, pero wala siyang nilulutas na anumang tunay na mga problema. Hindi ba isang hungkag na doktrina lang ang pagbabahagi niya?” Kaya, dumiretso ako kay Sister Lin para talakayin ang problemang ito. Nang matapos ako, nagulat ako nang humarap siya sa akin at sabi niya, “Sino ang may sabing hindi ako lumulutas ng mga praktikal na problema? Sino’ng nagsabi noon? Sinong tao ang nagsabi noon? …” Nakita kong hindi niya tinanggap ang katotohanan, at hindi siya nagnilay o naunawaan ang kanyang sarili. Ang una niyang reaksyon ay tanungin kung sino ang nag-ulat ng problema. Mas lalo akong nakasiguro na isa siyang huwad na lider. Kung ipagpapatuloy niya ang gawain niya, mapipinsala at maaantala niya lang ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Gusto ko itong isumbong sa mga lider namin. Pero naalala ko nang huling beses akong nag-ulat ng isang problema, hindi pinalitan si Sister Lin, at iwinasto ako ng mga lider namin. Kung magsusumbong ako ulit sa kanila, hindi ba iisipin ng mga lider namin na sinasadya kong maghanap ng mga problema kay Sister Lin? Hindi kaya nila isipin na hindi ako isang tamang tao, na hindi ako pwedeng maging isang mabuting kapareha? Parurusahan nila ako dahil sa panggugulo ko sa gawain ng sambahayan ng Diyos, aalisin ako sa mga tungkulin ko, at sasabihan akong espirituwal na magnilay? Nang maisip ko ang tungkol sa mga bagay na ito, nagsimula na naman akong mag-alala. Pero hindi ako mapalagay sa hindi ko pagsusumbong nito, kaya lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, malinaw kong nalalaman na si Sister Lin ay isang huwad na lider na dapat kong ibunyag at isumbong, pero palagi akong pinipigilan ng mga puwersa ng kasamaan. Takot akong iwasto at alisin sa aking mga tungkulin. Diyos ko, gabayan Mo po ako at tulungan akong makilala ang sarili ko.”
Sa isa sa mga debosyonal ko, nakakita ako ng isang video ng pagbabasa ng salita ng Diyos na malaki ang naitulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasiya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o nakatatagpo ng mga taong buktot at masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay dumaranas ng mga pagkalugi ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Wala iyon sa mga ito; ito ay na ikaw ay kontrolado ng iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga disposisyong ito ay ang pagiging tuso. Inuuna mong isipin ang iyong sarili, na nag-iisip ng, ‘Kung magsasalita ako, paano ako makikinabang dito? Kung magsasalita ako at may sumama ang loob, paano kami magkakasundo sa hinaharap?’ Tusong pag-iisip ito, hindi ba? Hindi ba’t bunga ito ng isang tusong disposisyon? Ang isa pa ay makasarili at masamang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan ng mga kapakinabangan sa sambahayan ng Diyos? Bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Kahit na makita at marinig ko itong mangyari, hindi ko kailangang gumawa ng kahit ano. Hindi ko ito pananagutan—hindi ako pinuno.’ Nasa loob mo ang mga gayong bagay, na tila umusbong ang mga ito mula sa iyong walang malay na isip, at tila ba sumasakop ang mga ito ng mga permanenteng kalagayan sa iyong puso—ito ang mga tiwali at satanikong disposisyon ng tao. … Hindi mo kailanman sinasabi kung ano talaga ang iniisip mo. Lahat ito’y kailangan munang bagu-baguhin ng utak mo, sa iyong isip. Lahat ng sinasabi mo ay kasinungalingan, salungat sa mga totoong pangyayari, lahat ng ito’y para lamang maipagtanggol ang iyong sarili, at para sa sarili mong kapakinabangan. Naniniwala naman ang ilang tao, at sapat na ito para sa iyo: Nakamit ng iyong mga salita at kilos ang mga layunin mo. Ito ang laman ng iyong puso, ito ang mga disposisyon mo. Ganap kang kinokontrol ng sarili mong mga satanikong disposisyon. Wala kang kapangyarihan sa mga sinasabi at ginagawa mo. Gustuhin mo man, hindi mo masabi ang katotohanan o masabi kung ano talaga ang iniisip mo; gustuhin mo man, hindi mo maisagawa ang katotohanan; gustuhin mo man, hindi mo matupad ang iyong mga responsibilidad. Kasinungalingan ang lahat ng sinasabi, ginagawa, at isinasabuhay mo, at wala kang ingat at malasakit. Malinaw na ganap kang bihag at nakokontrol ng sataniko mong disposisyon. Maaaring gusto mong tanggapin at pagsumikapang makamit ang katotohanan, subalit hindi ikaw ang siyang magpapasya nito: Isa ka lamang tau-tauhan ng tiwaling laman, naging kasangkapan ka ni Satanas, sinasabi at ginagawa mo ang anumang ipinagagawa sa iyo ng sataniko mong disposisyon. Sa puso mo, iniisip mo, ‘Magsisikap ako nang husto sa pagkakataong ito, at magdarasal ako sa Diyos. Kailangan kong manindigan at pagsabihan ang mga gumagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang mga iresponsable sa kanilang tungkulin. Kailangan kong tanggapin ang responsibilidad na ito.’ Kaya nang may labis na paghihirap, naglalakas-loob ka at nagsasalita. Dahil dito, sa sandaling hampasin ang mesa at magalit ang ibang tao, umuurong ka. Ikaw ba talaga ang namumuno? Ano ang naging silbi ng determinasyon at matibay na kapasyahan mo? Nawalan ng silbi ang mga iyon. Siguradong maraming beses ka nang naharap sa mga sitwasyong gaya nito. Nagdadahilan ka sa unang paghihirap, nadaramang wala ka nang magagawa pa. Sumusuko ka sa iyong sarili, naniniwala na hindi ka nagmamahal sa katotohanan, at lubos ka nang naalis. Totoo na hindi mo mahal ang katotohanan, ngunit hinahangad mo na ba ang katotohanan? Isinasagawa mo na ba ang katotohanan? Wala ka bang naunawaan matapos marinig ang mga sermon sa loob ng maraming taong ito? Bakit wala kang kakayahang isagawa kahit ang katiting na katotohanan? Hindi mo kailanman hinahanap ang katotohanan, at lalong hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Nagpapatuloy ka lamang sa pagdarasal, pinatatatag mo ang iyong determinasyon, gumagawa ka ng mga pagpapasiya, at sumusumpa. At ano ang kinalabasan ng lahat ng ito? Sunud-sunuran ka pa rin; hindi mo ginagalit ang sinuman, ni hindi mo sinasaktan ang sinuman. Kung may isang bagay na hindi mo problema, lalayuan mo ito, at mapapaisip ka: ‘Hindi ako magsasalita ng anuman tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa akin, at gagawin ko ito para sa lahat. Kung may anumang makakasira sa sarili kong mga interes, sa aking dangal, o sa paggalang ko sa sarili, hindi ko iyon papansinin, at maingat kong haharapin ang lahat ng iyon; hindi ako dapat magpadalus-dalos. Ang pakong nakausli ang unang napupukpok, at hindi ako ganoon kamangmang!’ Lubos kang sumasailalim sa pagkontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon ng kasamaan, katusuhan, katigasan, at pagkamuhi sa katotohanan. Mahigpit kang kinokontrol ng mga ito, at higit ka pang nahihirapang pasanin iyon kaysa sa isinuot na Ginintuang Singsing ng Haring Unggoy. Ang pamumuhay sa ilalim ng pagkontrol ng isang tiwaling disposisyon ay lubhang nakakapagod at napakasakit!” (“Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na hindi ako nangahas na isumbong si Sister Lin dahil masyado akong makasarili at mapanlinlang. Kapag nangyari sa akin ang mga bagay-bagay, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes sa halip na ang gawain ng iglesia. Malinaw kong natukoy na isang huwad na lider si Sister Lin. Alam kong kung hindi siya mapapalitan agad, mas lalo niyang mapipinsala ang gawain ng iglesia at alam kong kailangan kong patuloy na ibunyag at isumbong siya, pero natakot akong kapag nabigo ang pagsusumbong ko, iwawasto ako o aalisin, kaya sinubukan kong protektahan ang sarili ko at nagbulag-bulagan ako. Sa lahat ng bagay, pinrotektahan ko ang sarili kong mga interes at isinawalang-bahala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Talagang napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Hindi ko lang pinipinsala ang mga kapatid, ipinagkakanulo ko ang atas ng Diyos. Paano masasabi ninuman na tapat kong tinupad ang aking mga tungkulin? Nakatayo ako sa panig ni Satanas at naglilingkod bilang kasabwat ng isang huwad na lider. Bagaman hindi ako gumagawa ng anumang malaking kasamaan sa panlabas, may isang huwad na lider na gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pero hindi ko isinagawa ang katotohanan o pinrotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, kinunsinti ko ang isang huwad na lider na pinsalain ito. Paano naiba ang ginawa ko sa mga panggugulo ni Sister Lin sa gawain ng iglesia? Hindi ba isa rin akong huwad na lider dahil dito? Habang iniisip ko ito, mabilis akong nagdasal sa Diyos para magsisi, sinasabing ayoko nang maging makasarili, kasuklam-suklam, at protektahan lang ang sarili kong mga interes, at gusto kong tumayo, isagawa ang katotohanan, at muling isumbong si Sister Lin.
Pagkatapos noon, nagsaayos ako ng isang pulong kasama ang ilang diyakono ng iglesia at si Sister Xiao, na siyang nangangasiwa sa gawain ng iglesia. Sinabi ko sa kanila ang lahat ng tungkol sa mga asal ni Sister Lin at hiniling sa kanilang umunawa ayon sa mga prinsipyo at tingnan kung paano namin pangangasiwaan ang problema. Pagkatapos ko, binanggit din ng diyakono sa pagdidilig ang ilan sa problema kay Sister Lin. Noong oras na iyon, walang anumang sinabi si Sister Xiao maliban sa sisiyasatin niya ang problema, at pagkatapos ay mabilis na natapos ang pulong. Noong una, akala ko malinaw ko nang napagnilayan ang problema, at papalitan na si Sister Lin sa madaling panahon. Hindi ko inakala kailanman na matindi akong tatabasin at iwawasto ulit. Isang araw, pumunta si Sister Xiao para kausapin ako nang pribado. Sabi niya, dapat ay pumunta ako sa kanya kung may nakita akong mga problema, at huwag magsalita tungkol kay Sister Lin sa harap ng ibang mga diyakono ng iglesia. Sabi niya, pinipigil ko ang isang taong may gawain ng Banal na Espiritu, bumubuo ng pangkat, at ginugulo ang buhay-iglesia. Sinabi niya rin na dapat kong masdan ang mga tao nang may pananaw sa kanilang pag-unlad at huwag bigla-biglang bansagan ang iba. Sa wakas, tinanong niya ako, “Isinumbong mo siya bilang isang huwad na lider, mayroon ka bang naiisip na mas magandang kapalit? Kung wala, itutuloy niya ang mga tungkulin niya bilang isang lider. Siniyasat na namin iyon. May sapat na kakayahan si Sister Lin para magsagawa ng mga tungkulin ng isang lider….” Nang marinig kong sabihin niya iyon, agad akong nadismaya. Ni hindi ko alam kung paano tatapusin ang pag-uusap. Umiyak ako nang makauwi na ako noong gabing iyon. Hindi ko alam kung paano pagdaanan ang kalagayang ito. Naisip ko, “Bakit mas lalong nagiging komplikado ang mga bagay-bagay? Katotohanan ang lahat ng sinabi ko, at halatang mga problema ang mga ito. Bakit hindi ninyo seryosong siyasatin ang problema nang malaman ninyo? Bakit sa tuwing iniuulat ko ang mga problema ni Sister Lin, iwinawasto at ibinubunyag ako ng lahat?” Habang lalo ko iyong iniisip, lalo kong nararamdaman na tinrato ako nang hindi patas. Napagtanto kong ngayon, isa akong taong nagdudulot ng panggugulo sa kanilang mga mata. Ibig bang sabihin noon na aalisin na ako ng mga lider namin sa aking mga tungkulin? Ibig bang sabihin nito, wala nang pag-asa na bubuti ang mga bagay para sa akin? Kung totoo iyon, mas mabuti pang umalis na ako sa kapaligirang ito. “Mas gugustuhin ko pang huwag nang maging isang lider. Sobrang pahirap ito,” naisip ko. Habang nasa isip ko ang mga ideyang iyon, nagpasya akong sumulat ng resignation letter. Pero habang naghahanda na akong isulat iyon, nakaramdam ako ng labis na paninisi sa sarili. Sa kalungkutan ko, lumapit ulit ako sa Diyos at lumuluhang nagdasal. Sabi ko, “Diyos ko, hindi ko alam ang gagawin ko. Patnubayan Mo po akong maunawaan ang kalooban Mo at pakitaan ako ng isang landas ng pagsasagawa.”
Pagkatapos kong magdasal, nakabasa ako ng isang sipi ng salita ng Diyos na tumulong sa aking unawain ang mga prinsipyo kung paano natin dapat tratuhin ang mga lider at manggagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali ang ginagawa niya, maaari mo siyang ibunyag, at labanan pa siya at magbigay ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng praktikal na gawain, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari kang tumangging tanggapin ang kanyang pamumuno, at maaari mo rin siyang isumbong at ibunyag. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag, kaya nga hindi sila nangangahas na gumawa ng anuman. Sinasabi nila, ‘Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ibunyag o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang maniwala sa Diyos. Kung lilisanin ko ang iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. Ang iglesia ay kumakatawan sa Diyos!’ Hindi ba naaapektuhan ng mga paraang ito ng pag-iisip ang saloobin ng gayong tao ukol sa mga bagay na iyon? Totoo nga kaya na kung itiwalag ka ng lider, hindi ka na maliligtas? Nakasalalay ba ang iyong kaligtasan sa saloobin ng iyong lider tungo sa iyo? Bakit napakaraming tao ang may gayong kalaking takot? Kung, sa sandaling bantaan ka ng isang huwad na lider o isang anticristo, hindi ka mangangahas na isumbong ito sa nakatataas at gagarantiyahan mo pa na mula sa oras na iyon, magkakaisa kayo ng isipan ng lider, kung gayon, hindi ba tapos ka na? Ito ba ang uri ng taong naghahanap sa katotohanan? Hindi ka lamang hindi nangangahas na ilantad ang gayong kasamang pagkilos na maaaring gawin ng mga satanikong anticristo, bagkus, sinusunod mo sila at itinuturing pang katotohanan ang kanilang mga salita, kung saan ikaw ay nagpapasakop. Hindi ba ito ang rurok ng kahangalan? Pagkatapos, kapag ikaw ay napinsala, hindi ba karapat-dapat iyon sa iyo? Ang Diyos ba ang sanhi na mapinsala ka? Hiniling mo ito sa iyong sarili. Ginawa mong pinuno mo ang isang anticristo, at itinuring siya na parang kapatid—at kasalanan mo iyon. Ano ang saloobin na dapat magkaroon ang isang tao sa pagtrato sa isang anticristo? Dapat ay ilantad siya at makipagpunyagi laban sa kanya. Kung hindi mo ito magagawa nang mag-isa, dapat na magsama-sama ang maraming tao at iulat siya. Sa pagkatuklas na ang ilang pinuno at manggagawa na mas mataas ang posisyon ay lumalakad sa landas ng isang anticristo, pinagdurusa ang mga kapatid, hindi gumaganap sa tunay na gawain, at pinagnanasahan ang mga pakinabang ng katayuan, pumirma ang ilang tao sa petisyon na tanggalin ang mga anticristong iyon. Magaling ang ginawa ng mga taong iyon! Ipinapakita nito na nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan, na nagtataglay sila ng partikular na tayog, at sila ay hindi kinokontrol ni nalilinlang ni Satanas. Pinapatunayan din nito na ang mga anticristo at mga huwad na pinuno ay hindi nagtataglay ng nakapamamayaning posisyon sa iglesia, at hindi sila nangangahas na magpakita ng kanilang tunay na pagkatao nang labis na hayagan sa anumang sinasabi o ginagawa nila. Kung ilalantad man nila ang kanilang sarili, may mga taong magmamatyag sa kanila, tutukoy sa kanila, at magtataboy sa kanila. Ibig sabihin, sa mga puso ng mga taong may tunay na pagkaunawa sa katotohanan, ang katayuan, kasikatan, at awtoridad ng isang tao ay hindi nagtataglay ng malaking kapangyarihan; ang lahat ng nakakaunawa sa katotohanan ay may pagkakilala, at pinag-iisipan at pinagninilayan nila ang landas na dapat sundin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maging kung paano nila dapat tratuhin ang mga pinuno at mga manggagawa. Nagsisimula rin silang mag-isip kung sino ang dapat sundin ng mga tao, aling mga pagkilos ang maituturing na pagsunod sa tao, at aling mga pagkilos ang maituturing na pagsunod sa Diyos. Matapos mapagnilayan ang mga katotohanang ito nang ilang taon, at madalas na makinig sa mga sermon, nauunawaan na nila ang mga katotohanan tungkol sa paniniwala sa Diyos nang hindi namamalayan, kaya’t nakamtan nila ang ilang sukat ng katayuan. Nagsimula na sila sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos” (“Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Pinag-isipan ko ang salita ng Diyos at napagtantong dapat nating itaguyod ang mga prinsipyo ng katotohanan tungkol sa kung paano natin tratuhin ang mga lider at manggagawa, hindi iyong bulag silang sundin. Kapag ginagawa nila ang mga tamang bagay na sang-ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, dapat tayong sumuporta at makipagtulungan sa kanila. Pero ang mga huwad na lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain ay dapat na ilantad, isumbong, at palayasin. Kapag nagbabahagi ako sa mga kapatid noon, palagi kong sinasabi na sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan at pagiging matuwid ang naghahari, at ang mga huwad na lider at anticristo ay hindi makakapamuno rito sa wakas. Sa huli, ibubunyag sila at aalisin. Pero nang lumitaw na talaga ang isang huwad na lider, hindi ako nangahas na ibunyag at isumbong siya, at maling inakala, na kapag napasama ko ang loob ng mga lider ko, pipigilin nila ako, parurusahan ako, at aalisin ako sa aking mga tungkulin, at mawawalan ako ng anumang pag-asa sa kaligtasan. Para protektahan ang sarili ko, ginusto kong makipagkompromiso, umatras, at magbitiw pa nga, gaya ng isang sundalong tinatakasan ang labanan. Hindi ito makakapamunga ng patotoo at isa akong duwag. Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko. Nasa mga kamay Niya ang kaligtasan ko, at depende ito kung isinagawa ko ba ang katotohanan at nabago ang disposisyon ko sa buhay, hindi ng sinumang lider. Ang katotohanan at si Cristo ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at ang pagsusumbong sa isang huwad na lider ay pag-iingat sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, isang positibong bagay, at isang bagay na alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kahit pa iwasto ako ng mga lider o alisin ako, naniniwala akong sinusuri ng Diyos ang lahat, at hindi magtatagal, mabubunyag ang mga katotohanan. Napagtanto ko rin na pinahihintulutan ng Diyos na lumitaw ang mga huwad na lider sa iglesia para makabuo tayo ng tunay na pagkakilala at hindi malinlang o mapigil nila. Kasabay noon, ito’y para maisagawa rin natin ang katotohanan, makapanindigan tayo, at maibunyag ang mga huwad na lider, at talagang malabanan si Satanas, dahil ang gusto ng Diyos ay mabubuting sundalo ng kaharian, ang mga nakakapagpatotoo sa Diyos sa harap ng masasamang puwersa ni Satanas. Bilang isang lider ng iglesia, ang tungkulin ko ay protektahan ang gawain ng iglesia, protektahan ang mga kapatid sa mga pamiminsala ng mga huwad na lider at anticristo, at patnubayan sila sa pag-unawa ng katotohanan at pagkakamit ng pagkaunawa, para matanggihan nila ang mga huwad na lider mula sa puso. Nang napagtanto ko ang mga bagay na ito, naunawaan kong hindi ako dapat makaramdam ng pagpigil ng aking mga lider, at dapat kong ipagpatuloy ang pagsusumbong sa huwad na lider na ito. Kaya lumapit ako sa Diyos at nagdasal. Sabi ko, “Diyos ko, mali ako. Gusto kong magsisi, at gusto ko nang tumigil sa pagprotekta sa sarili ko at pagnanasang tumakas. Inilalagay ko ang bagay na ito sa Iyong mga kamay. Kung dumating ang isa pang pagkakataon, isusumbong ko ang huwad na lider na ito. Pakibuksan Mo po ang daan para sa akin.”
Hindi nagtagal matapos iyon, dahil talagang mapagmataas sila, pabigla-bigla, at hindi gumawa ng praktikal na gawain, ang mga lider na mas mataas sa akin ay isa-isang pinalitan. Kaya, agad kong isinumbong ang asal ni Sister Lin sa mga bagong halal na lider. Kasabay noon, pinuntahan din ako ng mga kapatid at nagbahagian kami para masuri ang asal ni Sister Lin, at nagkakaisa naming tinukoy na isa siyang huwad na lider at kailangan siyang iulat. Nang makita ko na naunawaan ng mga kapatid si Sister Lin, at nakahanda silang tumayo at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, nahiya ako, dahil pakiramdam ko’y naging pabaya ako. Kung maipagpapatuloy ko ang pagbubunyag at pagsusumbong kay Sister Lin, baka mas maagang makabuo ng pagkaunawa tungkol sa kanya ang mga kapatid. Nang marinig kong sabihin ng mga lider na mapapalitan siya sa lalong madaling panahon, labis akong naantig na muntik na akong umiyak.
Matapos ang ilang araw, inalis sa kanyang mga tungkulin si Sister Lin, naghalal ng isang bagong lider ang iglesia, at bumalik sa normal ang lahat ng aspeto ng gawain sa iglesia. Hindi nagtagal, matapos maalis si Sister Lin, si Sister Xiao, na nangasiwa sa gawaing pang-iglesia namin, ay tinanggal din at pinauwi para magnilay dahil sa pagkakaroon ng mapagmataas na disposisyon, pagpapabaya sa kanyang mga tungkulin, at pagkilos bilang isang panangga sa isang huwad na lider. Nang makita ko ang mga resultang ito, pinuro ko ang pagiging matuwid ng Diyos sa puso ko, pero mas lalo pa akong nahiya. Para protektahan ang sarili kong mga interes, hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa anumang paraan. Nang pinigil ang pag-uulat ko sa huwad na lider, ginusto kong magtaksil at tumakas, at hindi ako nangahas na pagtibayin ang mga prinsipyo. Wala akong pag-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Talagang bulag ako.
Matapos ang karanasang ito, tunay kong nakita kung gaano ang pagkakaiba ng sambahayan ng Diyos at ng mundo. Ang lahat sa mundo ay nabubuhay sa satanikong makamundong mga pilosopiya, at tanging ang mga tusong sipsip na iyon ang maaaring umunlad. Pero ang katotohanan, si Cristo, at ang pagiging matuwid ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Kahit humahawak ng kapangyarihan nang ilang panahon ang mga huwad na lider at anticristo, hindi sila hahawak ng posisyon sa huli. Ang pagsasagawa ng katotohanan, pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pagkilos nang may prinsipyo ang tanging paraan para makaayon sa kalooban ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.