Mga Pagninilay-nilay sa Panahon ng Karamdaman

Marso 28, 2022

Ni Shiji, USA

Naging mahina na ako at madaling kapitan ng sakit mula pa noong bata ako. Sabi ng nanay ko, ipinanganak daw ako na kulang sa buwan at sakitin simula nang lumabas ako sa kanyang sinapupunan. Pagkatapos kong maging Kristiyano, unti-unting bumuti ang aking kalusugan. Sa loob ng pitong taon, hindi ko kinailangang pumunta sa ospital o kahit uminom ng anumang gamot. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos. At noong 2001, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Labis akong nasabik na salubungin ang Panginoon at ramdam ko na ako’y pinagpala. Iniwan ko ang negosyo ko at nagsimulang magbahagi ng ebanghelyo at gawin ang aking tungkulin. Ang dami kong lakas para sa paglalakbay kung saan-saan para sa aking tungkulin at ibinigay ko ang lahat ko rito. Ilang beses na akong muntikang maaresto at sumandal ako sa Diyos at hindi sumuko kailanman. Ipinagsapalaran ko rin ang aking kaligtasan upang mag-alok ng suporta para sa mga kapatid, minsan pumupunta pa ako sa kabundukan, naglalakad ng lima o anim na oras sa bawat pagkakataon. Sa ilang lugar, hindi ako makakuha kahit isang sipsip ng malinis na tubig, ngunit hindi ko naramdamang paghihirap ito sa akin. Pakiramdam ko na sa paggugol ko ng aking sarili sa ganoong paraan, tiyak na makakamit ko ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos.

Noong 2015, hindi pa nagtatagal mula nang ako’y nangibang-bansa. Nagsimulang sumama nang sumama ang aking pakiramdam, at minsan sa gabi ay pinagpapawisan ang buong katawan ko. Natatakot ako at nahirapang ituon ang aking pansin sa iisang bagay. Uminom ako ng ilang Chinese medicine at nagpa-akupunktur, ngunit walang nakatulong. No’ng una, hindi ko ito masyadong pinag-isipan at naisip kong nasa mga kamay ng Diyos ang aking kalusugan, kaya hangga’t patuloy kong ginagawa nang mabuti ang aking tungkulin, babantayan at poprotektahan Niya ako. Pero nagulat ako na ang aking kalusugan ay patuloy lang na lumalala. Tapos noong Hulyo 2016 napansin ko na medyo sumasakit ang isang panig ng aking leeg, at pagkatapos ng mga isang buwan, bigla na lang itong lumala habang isang gabi ay nasa isang pagtitipon ako, ni hindi ako makapagsalita. Nakaramdam ako ng matinding pagod at nangikig ang aking buong katawan. Sinukat ko ang aking temperatura at ito’y 103 degrees. Uminom ako ng ilang gamot sa lagnat at pamamaga, ngunit walang nagawa ang mga ito. Nagsimula akong magkalagnat gabi-gabi pagkatapos noon at nababasa ako sa pawis sa kalagitnaan ng gabi. Sobra ang paghihirap ko na hindi ako makatulog sa gabi kahit kaunti. Sinabihan ako ng isang kapatid na dapat ipatingin ko na raw at sabi ko ipapatingin ko, pero iniisip ko na bubuti rin ako. Naging masikap ako sa pagtatrabaho at ginagawa ko ang aking tungkulin sa mga taong iyon, kaya’t naisip ko na tiyak na babantayan at poprotektahan ako ng Diyos, at kahit pa mayroon nga akong sakit, hindi ito magiging malubha. Ngunit dalawang linggo na ang lumipas at walang-tigil ang aking lagnat, nabawasan na ang timbang ko ng higit 10 lbs, at kitang-kita ang pamamaga ng aking leeg. Nahihilo at nanghihina ang buong katawan ko araw-araw, ang puso ko’y ’di normal ang ritmo, napakabilis ng tibok nito, at nagsimulang manginig ang aking mga kamay. Sa isang punto ay hindi ko na talaga ito kinaya, at isang kapatid ang nagdala sa akin sa emergency room sa kalagitnaan ng gabi. Noong naroon na ako, maraming doktor ang pumalibot sa aking kama na may seryosong ekspresyon sa mga mukha at napaisip ako kung talagang nagkaroon ako ng malubhang sakit. Sabi niya ang pauna nilang pagsusuri ay acute thyroiditis at thyrotoxicosis, at kailangan kong magpa-admit kaagad. Sinabi rin niya na may bukol sa aking leeg at hindi pa nila matatanggal ang posibilidad na ito ay isang tumor. Gusto muna nilang hintaying bumaba ang aking lagnat at saka pa sila makakakuha ng kaunting tisyu para sa higit pang pagsusuri. Sa mga panahong iyon, nagpapakita rin ako ng mga sintomas ng thyroid crisis na maaaring banta sa aking buhay. Napakaseryosong sinabi ng doktor sa akin, “Kung ipagpapaliban mo uli ang paggagamot na tulad nito, alam mo ba kung gaano kaseryoso ang kahihinatnan nito?” Napakaseryoso ng kanyang ekspresyon. Nang marinig ko ito, nanghina lang ako at naisip ko, “Isinuko ko ang lahat upang magtrabaho para sa Diyos at gawin ang aking tungkulin sa mga nagdaang taon. Nagdusa ako nang kaunti para rito. Dapat pinoprotektahan at binabantayan Niya ako. Paanong nagkaroon ako ng tumor?” Sa panahong iyon, nananalangin at naghahanap ako, at alam ko sa prinsipyo na dapat akong magpasakop sa paghahari at pagsasaayos ng Diyos, ngunit sa aking puso ay umaasa pa rin ako sa proteksiyon ng Diyos, na napakabilis Niyang aalisin ang aking karamdaman.

Ngunit pabalik-balik lang ito at palagi akong nilalagnat, minsan singtaas pa ng 104. Nagiging lito talaga ako. Pinagpapawisan ako sa gabi, kaya nababasa ang aking mga kumot at kobre-kama. Ang unang-una ginagawa ko pagkagising sa umaga ay maligo at patuyuin ang sapin ng kama ko. Nanginginig nang husto ang aking mga kamay na hindi ko mahawakan nang maayos ang chopsticks. Kinailangan kong pumunta sa ospital linggo-linggo dahil madalas pa rin akong nagkakalagnat, at kalaunan, walang pagtutol na sinabi ng doktor sa akin, “Wala pa akong nakitang kaso na katulad ng sa’yo.” Ang tanging magagawa niya ay taasan ang dosis ng mga hormone na ibinibigay niya sa’kin. Wala na siyang iba pang magawa. Ngunit ang pag-inom ng mga hormone na ’yon ay nag-iwan ng mga halatang hindi magandang epekto, tulad ng pamamaga sa aking mukha at katawan, at pananakit ng mga binti. Napakahirap na pagdaanan ang lahat ng iyon. Noong panahong iyon, wala na talaga akong natitirang pananampalataya, at nag-iisip na ako kung mamamatay na ba talaga ako. Hindi nagtagal, nakita ng isang lider kung gaano kalubha ang aking kalagayan at pansamantalang pinahinto niya muna akong gawin ang aking tungkulin ng pagdidilig upang mapagtuunan ko ng pansin ang aking kalusugan. Alam kong iniisip ng mga kapatid ang aking kalusugan, ngunit talagang mahirap iyon para sa akin. Pakiramdam ko, kung hindi ko man lang magampanan ang isang tungkulin, ibig sabihin ba no’n ay maaalis na ako?

Noong gabing iyon ay nagkalagnat ulit ako at umupo ako roon habang nakatingin sa walang lamang kuwarto, na walang ibang tao maliban sa akin, at bigla akong labis na nalungkot at walang pag-asa. Inisip ko, “Dito na ba talaga ako mamamatay?” Inalala ko ang aking anak at ang aking nanay na nasa bahay. Hindi ko alam kung makikita ko pa ba ang kanilang mga mukha bago ako mamatay. Ito ay isang buhay na kamatayan. Hindi ako makauwi, nawalan ako ng tungkulin, at pakiramdam ko ayaw na sa akin ng Diyos. Marami akong sinakripisyo at nagdusa nang husto sa mga nagdaang taon, kaya’t papaanong iyon ang naisukli sa akin? Habang lalo ko itong iniisip sa ganitong paraan, lalong naging miserable ang aking pakiramdam, at nagsimula akong umiyak nang umiyak. Naisip ko na mas mabuti pang mamatay na lang ako para matapos na ito. Pagkatapos mula sa kung saan, isang salita ang biglang pumasok sa isip ko: Paglaban! Ang salitang ito ay paulit-ulit na gumulo sa isip ko, pagkatapos ay naisip ko ang isang sinabi ng Diyos: “Kapag negatibo ang saloobin ng isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na siya ay tumututol sa lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na siya ay walang nagpapasakop na saloobin(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Ang mga salita ng Diyos ay inalog ang aking puso na napakamanhid na ng panahong iyon. Naisip ko kung paanong hingi ako nang hingi sa Diyos mula nang ako’y magkasakit. Pakiramdam ko’y dapat pinoprotektahan ako ng Diyos dahil iniwan ko ang aking tahanan at trabaho para gawin ang aking tungkulin. Nang malaman ko kung gaano kalala ang aking kalagayan, at na maaari pa nga akong mamatay, pakiramdam ko’y wala na akong kinabukasan at destinasyon. Pinagsisihan ko ang lahat ng taon ng pagsisikap ko at ginusto ko pa ngang mamatay at wakasan na ang lahat. Hindi ba’t paglaban lang iyon sa Diyos sa buong proseso? Nasaan ang pagkamasunurin ko sa Diyos? Ang pagkatanto kong ito ay parang isang biglaang panggising para sa akin, at sa wakas ay lumuhod ako sa harapan ng Diyos at lumuluhang nagdasal. Sabi ko, “Diyos ko, nagkamali ako! Hindi ako dapat mamali ng pagkaintindi sa Iyo o magreklamo, at hindi Kita dapat labanan. Ngunit labis akong nagdurusa at naghihina ako ngayon. Hindi ko alam kung paano malalampasan ang kalagayang ito. Gabayan Mo po ako.” Pakiramdam ko’y lumakas ako nang bahagya pagkatapos kong manalangin, kaya’t may kaunting hirap na bumangon ako at binuksan ang mga salita ng Diyos. Ito ang sipi na nakita ko: “Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa buhay, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin? Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano ka lalakad sa landas mo sa hinaharap? Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2). Ang mabasa ito sa mga salita ng Diyos ay sadyang masakit para sa akin. Inalala ko ang lahat ng pagkakataong nabasa ko ang siping ito dati, at taimtim akong nanumpa sa Diyos na matatag akong susunod sa Kanya hanggang sa huli, at hinding-hindi ko Siya pagtataksilan kahit ano ang mangyari. Ngunit nang naharap ako sa karamdaman, ang uri ng pananampalataya na mayroon ako sa lahat ng mga taong iyon ay nabunyag kung ano talaga ito at napagtanto ko na sa lahat ng mga taon ng aking pananampalataya, hindi ako naging totoo sa Diyos o nagkaroon ng pagmamahal sa Kanya. Nang hindi natugunan ang pagnanais ko na magkamit ng kaligtasan mula sa aking pananampalataya, nang nasira ang pag-asa ko para sa mga pagpapala, nagsimula kong hindi maintindihan at sisihin ang Diyos, at ginusto ko pa ngang labanan Siya sa pamamagitan ng pagkamatay. Nakita ko na lahat pala ng aking isinakripisyo ay para lang sa aking sarili, para lang pagpalain. Nakikipagpalitan ako sa Diyos. Napakasuwail ko! Bilang isang nilalang, ang bawat hininga ko ay bigay sa akin ng Diyos, kaya dapat akong magpasakop sa Kanyang paghahari at pagsasaayos. Paano ako nagkaroon ng karapatan na humingi ng kahit ano sa Diyos, na makipagtawaran sa Kanya? Napuno ako ng pagsisisi habang iniisip ko iyon at kinamuhian kong talaga kung gaanong hindi ako makatwiran, kung gaanong hindi ako katanggap-tanggap.

Naalala ko ang isang himno na madalas nating kantahin: “Ngayon, hindi ko isinasaalang-alang ang aking mga inaasahan sa hinaharap, ni wala ako sa ilalim ng pagkaalipin ng kamatayan. Sa puso kong nagmamahal sa Iyo, nais kong hanapin ang daan ng buhay. Lahat ng bagay, lahat—ay pawang nasa Iyong mga kamay; ang aking kapalaran ay nasa Iyong mga kamay at hawak Mo ang buhay ko mismo sa Iyong mga kamay. Ngayon, hangad kong mahalin Ka, at hayaan Mo man akong mahalin Ka o hindi, paano man manghimasok si Satanas, determinado akong mahalin Ka. Ako mismo ay nakahandang hanapin ang Diyos at sundin Siya. Ngayon, kahit gusto akong iwanan ng Diyos, susundin ko pa rin Siya. Gusto man Niya ako o hindi, iibigin ko pa rin Siya, at sa huli, kailangan ko Siyang makamit. …(“Determinado Akong Mahalin ang Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang tumutugtog ang lyrics na ito sa aking isip, tahimik akong nagpasya na anuman ang maging hinaharap at destinasyon ko, kung pagpalain man ako o hindi, gagawin ko ang aking tungkulin at tatayong saksi para sa Diyos. Naisip ko na kahit hindi mabuti ang kalusugan ko at halos hindi nga ako makaalis ng bahay, puwede pa rin akong gumawa ng isang tungkulin online. Kaya’t simula noon, inilaan ko ang aking sarili sa pagbabahagi ng ebanghelyo online, at sa sandaling tumigil ako sa pag-iisip tungkol sa aking hinaharap at destinasyon, bagkus ay inilaan ang lahat ng aking pagsisikap sa paggawa ng aking tungkulin, ganap na napayapa ang pakiramdam ko at nagkaroon ako ng ilang tagumpay sa pangangaral ko ng ebanghelyo. Makalipas ang kaunting panahon, napagtanto ko na hindi na kasing lala ang mga lagnat ko na tulad noon, at hindi ko na masyadong kailangang pumunta sa ospital. Kinumpirma ng doktor kalaunan na thyroid nodule lang ang mayroon ako at hindi isang malignant tumor. Kailangan kong ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot at pumunta para sa mga pagsusuri, pero talagang labis ang pasasalamat ko sa Diyos.

Nagkaroon ako ng mas mabuting pag-unawa sa sarili pagkatapos noon, ngunit ang katiwalian at karumihan ay talagang malalim na nakaugat, kaya’t hindi tayo makakamit ng pagbabago dahil lang nagkaroon tayo ng kaunting pag-unawa. Marami pa akong pinagdaanan kalaunan.

Dalawa o tatlong buwan pagkatapos noon, nakatanggap ako ng mensahe galing sa bahay, na nagsasabing biglang nastroke ang aking nanay at naratay sa kama. Kung saan-saan pumupunta ang aking anak para subukang manghiram ng pera para sa kanyang pagpapagamot. Nabigla ako nang matanggap ko ang balita. Nakakasama talaga iyon ng loob. Sa buong buhay ko, palagi akong maingat na inalagaan ng nanay ko dahil sa aking mahinang kalusugan, higit pa sa aking mga kapatid. Ngunit ngayon na may sakit siya at nasa ospital, hindi ako makapunta sa kanyang tabi at alagaan siya. Alam ko na kung gumaling man o hindi ang nanay ko ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos at handa akong magpasakop, ngunit pinanghahawakan ko pa rin ang pag-asa na ito na basta’t ginawa ko nang mabuti ang aking tungkulin, maaaring alagaan at protektahan siya ng Diyos. Umaasa talaga ako na bubuti ang kalagayan niya at na magiging maayos ang lahat sa bahay. Ngunit ilang buwan na ang lumipas, at hindi lang hindi bumuti ang kanyang kondisyon, ganap pang naparalisa ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan at dumaranas pa ng kaunting kalituhan. Mukhang walang gaanong pag-asa para sa kanyang paggaling. Napakasakit talaga no’n para sa akin. Nagdurusa pa rin ako sa mga problema ko sa aking kalusugan. Palaging nangingikig ang buong katawan ko at hindi ko kinakaya ang anumang klase ng ihip ng hangin. Ang iba ay gumagamit ng air conditioner at mga banig na gawa sa kawayan para malamigan, ngunit kailangan ko ng comforter, at ang blood pressure ko ay umaabot sa 45 hanggang 80 mmHg ang baba. Anemic ako at hypoglycemic, at masakit ang aking mga binti. Lumabo na rin ang aking paningin. Isang gabi ay nagkalagnat na naman ako. Iniisip ko na hindi bumuti ang aking kalagayan, ngunit kailangan kong ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot at pagpapasuri sa doktor, dagdag pa rito, malubha na talaga ang kalagayan ng aking ina, at walang makapagsasabi kung haggang kailan siya tatagal. Talagang nalungkot ako at nawalan ng gana sa aking tungkulin. Sa aking pagdurusa, nanalangin ako sa Diyos, sabi ko, “Diyos ko, nanghihina talaga ako ngayon at hindi ko kayang magpasakop sa sitwasyong ito na Iyong itinakda. Gabayan Mo po ako upang makita ko ang mga bagay-bagay alinsunod sa Iyong mga salita, upang hindi Kita sisihin o hindi maintindihan, at magkaroon ako ng kaunting pag-unawa sa sarili kong kalagayan.”

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos no’n: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). “Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao….(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Nakaramdam talaga ako ng pagkapahiya nang basahin ko ang mga salitang ito ng Diyos. Ang paghatol na ito mula sa Diyos ay lubos na inilantad ang kasuklam-suklam kong motibasyon na hangarin ang mga pagpapala sa aking pananampalataya. Sa simula pa lang, ginusto ko na ng mabuting kalusugan at ng mapayapa at masayang pamilya kapalit ng aking pananampalataya. Nang makamit ko ang biyaya at pagpapala na ito mula sa Diyos, nang gumanda ang aking pakiramdam, ay noong isinuko ko ang lahat upang magtrabaho para sa Diyos. Ngunit sa sandaling nagkasakit ulit ako at nagkaroon din ng mga problema sa kalusugan ang nanay ko, nagreklamo ako sa Diyos, at naging negatibo at umatras. Ni wala akong pakialam tungkol sa paggawa nang maayos sa aking tungkulin. Anong klaseng mananampalataya ako? Hindi ba’t ginagamit ko lang ang Diyos upang matugunan ang pagnanais ko para sa mga pagpapala? Hindi ba’t niloloko ko ang Diyos? Marami nang ibinigay sa akin ang Diyos, at kung hindi dahil sa pagliligtas ng Diyos, ni hindi ako aabot nang ganoon kalayo. Kahit na hindi sila mananampalataya, sinuman na may konsensiya ay marunong magpasalamat para sa isang pabor, ngunit tinatamasa ko ang pagdidilig at pagtustos ng Diyos sa lahat ng mga taong iyon nang walang ibinibigay na kapalit, tinatamasa ang Kanyang labis na biyaya, ngunit wala ako ni katiting na pasasalamat sa Kanya. Hindi ko hinaharap ang aking tungkulin nang may sinseridad, bagkus ay itinuturing ko ang Diyos na parang kornukopya ng kayamanan, wala akong ibang gusto kundi biyaya at mga pagpapala mula sa Kanya. Napagtanto ko na kulang ako sa pinakabatayang konsensiya at katwiran na dapat mayroon ang isang tao. Ako’y makasarili, kasuklam-suklam, sakim, at makitid ang isip! Sa pagkatanto kong ito, talagang nainis ako sa sarili ko. Nakonsensiya ako at nadamang may pagkakautang ako, at umiiyak na lumapit ako sa harap ng Diyos upang manalangin. Sabi ko, “Diyos ko, ngayon nakita ko na na lahat pala ng ibinuhos ko sa lahat ng mga taon ay para lang sa mga pagpapala, dinadaya Kita, nakikipagtawaran sa Iyo. Kinasusuklaman Mo talaga ito. Gabayan Mo po sana ako upang maunawaan ko ang ugat ng aking udyok na maghanap ng mga pagpapala upang maaari akong tunay na magsisi at magbago.”

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking paghahanap: “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling mga kapakanan; tinatalikuran nila ang mga bagay-bagay, ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Kanya, at tapat sa Kanya, nguni’t ang lahat ng mga bagay na ito ay ginagawa pa rin nila para sa kanilang sariling mga kapakanan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa layuning magkamit ng mga pagpapala para sa kanilang mga sarili. Sa lipunan, ang lahat ay ginagawa para sa pansariling pakinabang; ang paniniwala sa Diyos ay ginagawa para lamang magkamit ng mga pagpapala. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikuran ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa. Ang lahat ng ito ay katibayang batay sa karanasan ukol sa tiwaling kalikasan ng tao(“Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Panlabas na mga Pagbabago at mga Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito, ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, at ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan; sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos kong basahin ito, nagkaroon ako ng kaunting pag-unawa sa aking puso na ang pinagmulan ng paghahanap ko ng mga pagpapala sa aking pananampalataya ay na talagang malalim akong nagawang tiwali ni Satanas. Namumuhay ako sa satanikong lohika ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” kaya lahat ng ginawa ko ay para sa aking sarili. Ang pananampalataya ko ay para sa sarili kong pisikal na kalusugan at sa ikabubuti ng aking pamilya, at lahat ng aking mga sakripisyo at pagsisikap sa aking tungkulin ay upang magkaroon ako ng magandang destinasyon. Sa sandaling hindi na ako nakikinabang sa aking pananampalataya, nang nadurog ang mga inaasahan ko, nawalan ako ng gana sa aking tungkulin. Sa katunayan, normal lang naman na magkaroon ng mga problema sa kalusugan ang mga tao sa kabuuan ng regular na buhay. Ito ay batas ng kalikasan. Ngunit sinisi ko ang Diyos nang ako’y nagkasakit, at nagreklamo pa nga ako sa Diyos noong nagkasakit ang aking nanay. Hindi ako makatwiran! Naalala ko si Job. Siya ay matuwid at mabait at hindi kailanman humingi ng kahit ano sa Diyos. Naniwala siya na ang lahat ay galing sa Diyos, at na kung tayo man ay pinagpala o nagdusa ng sakuna, dapat purihin at sambahin pa rin natin ang Diyos. Kaya nang tinukso ni Satanas si Job at sa magdamag ay nawala sa kanya ang kanyang mga anak at ninakaw ang lahat ng kanyang ari-arian, pagkatapos ay napuno ng mga pigsa ang kanyang buong katawan, hindi siya nagreklamo, bagkus ay pinuri pa niya ang pangalan ng Diyos at sinabing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Nang nasabi at nagawa na ang lahat, tumayo siya saksi at ipinahiya si Satanas. Pero kahit na marami na akong nabasang mga salita ng Diyos, wala pa ring puwang ang Diyos sa puso ko. Ang pananampalataya ko ay para lang sa sarili kong mga pagpapala at sarili kong pakinabang. Napakababa ng pagkatao ko!

Pagkatapos no’n, sinimulan kong pag-isipan ang mga bagay-bagay habang binabasa ko ang mga salita ng Diyos. Ano ang kalooban ng Diyos sa mga problemang ito sa kalusugan? Nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin. “Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa mga puso ng mga tao. Kung walang paghihirap, walang tunay na pag-ibig ang mga tao sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila tunay na isasailalim sa pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging walang direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano katindi ang iyong pagsuway. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; sa pamamagitan ng mga pagsubok ay mas nagagawang perpekto ang mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). “Kung ang tanging hangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakahuli, hindi dalisay ang pananaw ng iyong pananampalataya sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang kalooban, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo kung paano ka Niya dinidisiplina at pinakikitunguhan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay para lamang makabahagi ka sa kaluwalhatian ng Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga kinakailangan ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawaing Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o kalungkutan, kailangan mong maranasan ang lahat ng ito sa iyong pagsasagawa. Layon nitong gawin kang perpekto bilang isang taong nagpapatotoo para sa Diyos. Ano nga ba, talaga, ang pumipilit sa iyo ngayon na magdusa at maghangad na magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang pagdurusa ay alang-alang talaga sa pagmamahal sa Diyos at pagpapatotoo para sa Kanya? O alang-alang sa mga pagpapala ng laman, para sa iyong mga inaasam sa hinaharap at kapalaran? Lahat ng layunin, motibasyon, at mithiing hinahangad mong matamo ay kailangang maituwid at hindi maaaring gabayan ng iyong sariling kalooban(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Sa sandaling nabasa ko ang dalawang siping ito ng mga salita ng Diyos, pakiramdam ko’y nagkaroon talaga ako ng kaunting kabatiran. Nakita ko na ang kalooban ng Diyos sa likod ng aking karamdaman ay upang ihayag ang katiwalian at karumihan sa aking pananampalataya, upang dalisayin at linisin ako. Kung hindi dahil doon, hindi ko sana napagtanto ang aking kamuhi-muhing udyok na maghabol ng mga pagpapala, at hindi ko sana talaga nakita na lahat ng pagsisikap ko ay lantarang pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Ang pagkakaroon ng pananampalataya at paggawa ng aking tungkulin sa ganoong paraan ay panloloko sa Diyos at paglaban sa Kanya. Alam ko na kung hindi ako nagsisi at nagbago, hahantong akong naalis ng Diyos. Pagkatapos ay naunawaan ko na ang aking karamdaman ay pag-ibig at pagliligtas talaga ng Diyos para sa akin, at dapat kong gamitin ang sitwasyong iyon upang magnilay-nilay at kilalanin ang aking sarili, upang hanapin ang katotohanan para malutas ang aking tiwaling disposisyon. Sa sandaling naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nangako ako sa Kanya na kung gumaling man ako at ang nanay ko o hindi, handa ako na magpasakop, na isantabi ang aking mga hinihingi at pagnanais, at tumigil sa paghahanap ng mga pagpapala. Pagkatapos no’n, nagsimula akong ituon ang aking sarili sa tungkulin ng pagbabahagi ng ebanghelyo. Nang pumunta ako sa ospital upang magpatingin pagkalipas ng ilang buwan, sinabi ng doktor na lahat ng resulta ng aking klinikal na pagsusuri ay mukhang normal, at nakita sa ultrasound na nawala na ang thyroid nodule ko. Sinabi rin niya na puwede na akong huminto sa pag-inom ng gamot. Alam kong ito ay ganap na proteksyon ng Diyos at labis akong nagpapasalamat sa Kanya. Gusto ko lang gawin nang maayos ang aking tungkulin upang makabayad sa pagkakautang ko sa Diyos.

Naging mabuti ang aking kalusugan ng higit sa tatlong taon, at hindi talaga bumalik ang problema ko sa thyroid. Ngunit noong Pebrero ng taong ito, bigla akong nakaramdam ng kaunting pananakit sa aking leeg at nang tumingin ako sa salamin, nakita ko na mayroong nakikitang pamamaga roon. Nang gabing iyon, sobrang sakit niyon na ikot ako nang ikot, hindi makatulog, at nang tumayo ako’t uminom ng tubig kinaumagahan, nanginginig ang aking mga kamay habang hawak ko ang baso. Natakot talaga ako—ang mga ’yon ang parehong-parehong sintomas tulad noon. Hindi talaga ako sigurado ng panahong iyon, kaya’t nakipag-usap ako sa isang Chinese medicine practitioner tungkol sa aking mga sintomas na nagsabi na iyon nga ay ang problema ko na naman sa thyroid. Nag-alala talaga ako, dahil maraming tao online ang sinisiyasat ang gawain ng Makapangyarihang Diyos, kaya’t sobrang abala ako sa pagbabahagi ng aking patotoo, at minsan ay marami akong pagtitipon sa isang araw. Inisip ko, na kung patuloy kong gagawin ang aking tungkulin sa ganoong paraan, maaaring mapagod ko ang aking sarili at magsimula na naman akong magkalagnat, at anong gagawin ko kung lumubha ang aking kalagayan? At sa napakasamang sitwasyon ng coronavirus ngayon, kung nagkasakit ako at naospital, dagdag pa sa walang kasiguruhan na magiging matagumpay ang aking pagpapagamot sa thyroid, maaari pa akong mahawa ng Covid. Nang araw na iyon, pagkatapos lang ng isang oras na pagbabahagian kasama ang isang kapatid, bumigay ang katawan ko. Sumasakit ang leeg ko at nanginginig ang aking buong katawan, dagdag pa na pakiramdam ko ay hindi ako nakakahinga nang mabuti at malabo ang pag-iisip ko. Inisip ko kung dapat ba akong magpahinga muna ng dalawang araw, at gawing muli ang aking tungkulin kapag bumuti na ang aking pakiramdam. Ngunit naisip ko ang lahat ng manggagawa sa ibang Kristiyanong simbahan na isinaayos ko na babahagian ko ng aking patotoo kinabukasan. Huli na para maghanap pa ng ibang gagawa no’n sa ganoon kaikling abiso, kaya kung hindi ako dadalo, hindi ba maaantala no’n ang pagsisiyasat nila sa tamang daan? Nang gabing iyon, maga at masakit ang aking leeg, at hindi na naman ako makatulog buong gabi. Ngunit naisip ko kung gaano karami na ang trabahong ginawa ng Diyos sa akin, at nang nagkasakit ako’y sarili ko lang ang aking iniisip—sumama ang pakiramdam ko. Lumuhod ako sa harapan ng Diyos upang manalangin, sinasabing, “Diyos ko, ang Iyong mabuting kalooban ay nasa likod ng aking muling pagkakasakit. Bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako upang maunawaan ko ang Iyong kalooban. Lubos akong naniniwala na ang buhay ko ay nasa Iyong mga kamay, at anuman ang mangyari sa aking kalusugan, handa akong magpasakop sa Iyong paghahari at mga pagsasaayos.” Sumagi sa isip ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos pagkatapos ng panalangin ko: “Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos at paghahanap sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong sumunod, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspetong ito ng katotohanan—ang pagsunod—ipinatutupad ko ito, at isinasabuhay ang realidad ng pagsunod sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong manatiling tapat sa aking tungkulin.’ Hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasiya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa(“Nagmumula ang Landas sa Madalas na Pagninilay-Nilay sa Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salitang ito mula sa Diyos ang tumulong sa akin na maunawaan na ang aking tungkulin ay atas ng Diyos, na ito ay aking responsibilidad, at tama at narararapat lang na isakatuparan ko ito. Anuman ang mangyari, kahit na ito ang aking pinakahuling hininga, dapat akong sumunod sa aking tungkulin. Kaya pinatibay ko ang aking sarili at isinugal ang lahat. Kahit na lumala pa ang aking kalagayan pagkatapos kong ibahagi ang aking patotoo kinabukasan, kahit na maospital pa ako, isasakatuparan ko ang aking tungkulin. Nagkamit ako ng pakiramdam ng kapayapaan sa sandaling nagsimula akong mag-isip sa ganoong paraan. Kinabukasan, handa na ako sa aking computer bago pa ang nakatakdang oras. Nagulat akong malaman na sa ilang pagtitipon na ginawa ko noong araw na iyon, malinaw ang aking isipan at pakiramdam ko’y mas nabigyang-liwanag pa ako habang lalo akong nagsasalita. Nagsalita ako buong araw at wala talaga akong naramdamang anumang sakit sa aking leeg. Mula noon, hindi na talaga namaga o sumakit ang aking leeg. Nang makita kong muli ang proteksyon ng Diyos, labis akong nakaramdam ng pasasalamat sa Diyos, at naisip ko sa sarili ko na kung bumalik man o hindi ang problema, handa akong magpasakop at lampasan ito.

Tunay kong naramdaman ang pag-ibig ng Diyos sa karanasang iyon. Kahit na nagdusa nga ako sa aking karamdaman, nabuksan talaga nito ang aking mga mata sa aking motibasyong pagpalain, at sa aking katiwalian at karumihan sa aking pananampalataya. Nabago ng mga salita ng Diyos ang mali kong pananaw sa paghahanap at natulungan akong magkamit ng kaunting pagpapasakop sa Diyos. Higit pa rito, ipinakita nito sa akin ang awtoridad at proteksiyon ng Diyos, at binigyan ako nito ng higit pang pananampalataya sa Kanya. Ang lahat ng ito ay tunay na pag-ibig at kaligtasan ng Diyos para sa akin.

Sinundan: Nakagapos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Mapuna ay Naglantad sa Akin

Ni Sharon, Espanya Isang araw ng Disyembre taong 2021, sinabi sa akin ng isang kapatid na si Sister Arianna, na nailipat sa ibang iglesia...