Mga Pagninilay-nilay Matapos Matalo sa Isang Eleksyon

Enero 11, 2022

Ni Xunqiu, Tsina

Pagkaraan ng isang taon ko bilang isang mananampalataya, nahalal ako sa isang posisyon sa pamumuno ng iglesia. Talagang nagpasalamat ako sa Diyos sa Kanyang pagtataas, at naging determinado akong gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Maghapon at magdamag akong nagtrabaho, gabi’t araw, na ginagawa ang gawain ng iglesia mula umaga hanggang gabi. Medyo tiningala ako ng mga kapatid, nang makita nila ang kakayahan kong magsakripisyo at gumugol ng aking sarili, magdanas ng hirap at magdusa, at lumutas din ng ilang praktikal na problema. Sa mga pagtitipon namin ng aking mga kasama sa gawain, ipinangangalandakan ko sa kanila ang karanasan ko sa trabaho, at medyo natuwa akong makita na sinasang-ayunan nila ako. Pakiramdam ko ay isa akong talento sa loob ng iglesia. Nang lumawak ang gawain ng ebanghelyo, inirekomenda ng mga kapatid na pumunta ako sa katimugang rehiyon para suportahan ang ilang bagong tatag na iglesia roon. Naisip ko sa sarili ko: “Dahil katatatag pa lang ng mga iglesiang iyon, siguradong may ilang paghihirap at problema sa gawain. Kailangan kong gumawa ng maraming praktikal na gawain habang naroon ako, para hindi ko mabigo ang mga inaasahan ng Diyos sa akin. Kung maganda ang trabaho ko, baka linangin pa ako para sa mas mahalagang posisyon.” Pagdating ko roon, sa kabila ng maraming hamon sa aking tungkulin, sa mga aspetong tulad ng diyalekto at estilo ng pamumuhay, gayundin sa maraming oras na nagugol sa biyahe, hindi komportableng paglalakbay at iba pa, hindi ako umatras. Maghapon akong abala araw-araw sa pagdaraos ng mga pagtitipon at pagsasaayos ng gawain ng mga iglesia sa pagsisikap na gawin nang maayos ang tungkulin ko, kinainisan ko pa nga ang oras na “nasayang” sa pagkain—kung minsan ay nagdadala na lang ako ng makakain ko sa daan.

Kalaunan, nagkaroon ng kapansin-pansing pag-igi sa gawain ng mga iglesia na ako ang responsable, at humahangang sinabi sa akin ng sister na kasabay kong pumunta sa katimugang rehiyon dahil sa tungkulin, “Kumpara sa mga resultang nakukuha mo sa iyong gawain para sa mga iglesia, walang sinabi ang mga resultang nakuha ko.” Inalo ko sa salita ang aking kapatid at sinabi ko na huwag siyang panghinaan ng loob, pero lihim akong nagmalaki, at nadama ko na ako ang may kakayahan sa trabaho. Kalaunan, hiniling sa akin ng aking lider na isulat ko ang aking karanasan sa trabaho para matutunan ng iba. Lalo akong naging mayabang, pakiramdam ko ay mataas ang tingin sa akin ng lider at na naging kandidato na akong sanayin para sa mas mahahalagang tungkulin, at na isa ako sa mga haligi ng mga iglesia sa lugar na iyon. Hindi nagtagal, dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, nahalal na lider si Sister Xin Lu, at kailangan ng isa pang tao upang tanggapin ang posisyon ng pamumuno kasama niya. Medyo natuwa akong marinig ito, inisip na, “Mahigit isang taon ko nang ginagampanan ang aking mga tungkulin dito, at lagi nang medyo maganda ang mga resulta ng gawain ng mga iglesia. Malamang na ako na ang ilagay sa puwestong iyon.” Pero sa gulat ko, si Sister Wang Xi’en ang napiling lider sa huli. Nang marinig ko ang balita, parang nag-alala ako nang husto. Naglabasang lahat ang aking mga hinaing, pagsuway at reklamo. “Paano naging si Wang Xi’en?” Naisip ko, “Hindi naman ganoon kaganda ang mga resulta ng trabaho niya. Bakit siya ang pinili sa halip na ako? Hindi pa ba talaga sapat ang pagdurusako? O hindi ba naging sapat ang pagkukusa ko sa akingtungkulin? Napakaraming okasyon na akong nagtrabaho hanggang hatinggabi para lutasin ang mga paghihirap at problemang lumilitaw sa mga iglesia, at maraming beses pa nga akong gumagawa ng gawain kahit maysakit ako. Hindi ko lang napangalagaan ang sarili kong mga responsibilidad, kundi tumulong pa ako sa gawain ng ibang mga lider. Matapos pagdusahan ang lahat ng ito, kung hindi ako mapipili, anong klase ang kinabukasan ko? Dahil ganito ang sitwasyon, bakit pa ako mag-aabalang patuloy na patayin ang sarili ko sa paggawa ng tungkulin ko? Ano’t anuman, gaano mang paghihirap ang maranasan ko, gaano man kalaki ang pagdusahan ko, walang sinumang pumapansin.” Napansin ni Xin Lu na medyo nanlulumo ako pagkatapos ng pagtitipong iyon, at sa labis na pag-aalala ay tinanong niya kung mayroon akong anumang saloobin nang hindi ako mahalal. Ipinagtapat ko sa kanya ang nasa puso ko at sinabi sa kanya ang nasa isip ko. Napakatiyagang nagbahagi sa akin ni Xin Lu: “Ang totoo niyan, nakikita ng lahat kung paano mo ibinubuhos ang sarili mo sa iyong tungkulin, pero nasabi ng karamihan sa mga kapatid na hindi ka nagtutuon sa pagpasok sa buhay, at kapag may dumarating na problema, halos hindi mo pinagninilayan sa iyong sarili na matuto ka ng leksyon. Kadalasan ay itinataas mo ang iyong sarili at nagpapasikat ka—ito ang pinakamalaking problema mo. Nang hindi ka pinili ng mga kapatid, ginawa nila ang pagsusuring iyon batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dapat mong pagnilayan ang iyong sarili. Anumang tungkulin ang ating ginagampanan, kailangan nating sundin ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, magtuon sa paghahanap sa katotohanan sa loob ng kapaligirang naitakda ng Diyos, maghangad ng pagbabago sa disposisyon, at gawin nang maayos ang ating tungkulin. Ito lamang ang naaayon sa kalooban ng Diyos.” Tuwirang tinukoy ni Xin Lu ang problema ko, pero hindi ko talaga kilala ang aking sarili noong panahong iyon. Bagama’t wala akong anumang sinabi, tahimik akong nayamot, “Inaamin ko na kulang ako sa pagpasok sa buhay, pero palagay ko mas magaling ako kaysa roon sa mga taong nagsasalita lang tungkol sa kanilang pagkaunawa pero hindi ibinubuhos ang kanilang sarili sa kanilang tungkulin. Hinahamak lang ninyo ako. Sa sitwasyong ito, gaano man ako magdusa, ano pa ang silbi niyon?” Dahil kinimkim ko ang ganitong uri ng salungat na mentalidad, kalaunan nang magpatulong sa akin si Xin Lu sa trabaho, pinili ko lang ang mga gawaing mas simple at mas madaling gawin, at inilagan ko ang anumang mas mahirap tuparin, anumang kinailangang pagdusahan. Ayaw ko nang tanggapin ang gayong paghihirap. Natuwa ako nang mapansin ko na nahihirapan si Xin Lu sa pagsasagawa ng kanyang mga tungkulin: “Ngayon ay nakikita mo na ang halaga ko.” Tumanggi ako nang dumating si Xi’en, ang bagong halal na lider, para magdaos ng mga pagtitipon sa amin. “Hindi ba medyo mas matanda ka kaysa sa akin? Gayunpaman, wala ka pa ring laban sa akin sa anumang bagay, mula sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan hanggang sa pagsasaayos ng gawain ng iglesia.” Sa panahong iyon, nang hindi natugunan ang pagnanasa ko sa katayuan, nag-umapaw ang pagkiling ko at pagsuway sa lider; iniraos ko lang ang aking tungkulin, negatibo ako at palaban. Sa panahong ito, nagbahagi ang lider tungkol sa aking kalagayan at tinulungan ako, at pinungusan at iwinasto ako, pero naging manhid ako at mahirap pakisamahan, at hindi ko pinagnilayan kailanman ang sarili ko.

Nagpatuloy ako sa uri ng kalagayang iyon nang mahigit tatlong buwan habang unti-unting nilamon ng kadiliman ang aking espiritu. Ang pagbabahagi ko sa bawat pagtitipon ay nakakabagot at walang sigla. Wala akong anumang kabatiran sa problema ng aking mga kapatid at hindi ako makatulong sa paglutas ng mga ito. Parang hindi matapus-tapos ang bawat pagtitipon. Hindi ko rin malutas ang mga paghihirap sa gawaing pang-ebanghelyo, na nangangahulugan na bumagal ang pag-unlad sa gawaing iyon. Nakikita na napakanegatibo ko palagi, na hindi ako makagawa ng praktikal na gawain, at na nakaapekto na ito sa normal na pag-unlad ng gawain, tinanggal ako ng lider. Gayunman ay hindi pa rin ako nagninilay tungkol sa sarili ko. Bagkus, sinuway ko at hindi sinunod ang pagsasaayos ng lider. Pakiramdam ko’y mayroon na akong karanasan sa trabaho, at na may itinatangi ang lider kaya niya ako tinatrato nang ganito. Dahil alalang-alala ako tungkol sa katayuan ko, at hindi ko alam kung paano magninilay tungkol sa sarili ko, hindi nagtagal ay naharap ako sa pagdidisiplina ng masamang kalusugan.

Isang araw ay bigla akong nanghina at nanlata ang buong katawan ko, hindi ako makahinga, at nawalan ako ng malay. Mabuti na lang at dinala ako kaagad ng mga kapatid sa ospital para magamot. Pero magkagayunman, matigas pa rin akong tumangging magnilay-nilay tungkol sa sarili ko at magsisi, at sa huli ay isinaayos ng lider na pauwiin ako sa aking bayang sinilangan para magnilay-nilay tungkol sa aking sarili. Alam ko sa puso ko na ang pag-aalis sa akin sa tungkulin at pagkakasakit ay matuwid na disposisyon ng Diyos sa akin, pero naisip ko kung paanong lahat ng kasama ko sa gawain na nagpunta sa timog para gampanan ang kanilang tungkulin na kasama ko ay nasa mahahalagang posisyon samantalang ako naman ay pinaalis at pinauwi, napahiya talaga ako. Luhaan ako noon. Dahil naaresto ako dati at nagkaroon ng rekord, hindi ligtas para sa akin na umuwi sa aming bayan, kaya nauwi ang lider sa pagpapadala sa akin sa bahay ng isang siser na nakatira sa isang liblib na rehiyon sa kabundukan. Sa gabi ay nakahiga ako sa kama na ginugunita noong maglakbay ako para gampanan ang aking tungkulin, na nag-uumapaw sa paninindigan, determinadong gawin nang maayos ang gawain ng mga iglesia at maitaas ng ranggo para punan ang isang mahalagang tungkulin. Pero sa halip, hindi lang ako hindi nataas ng ranggo, natanggal pa ako. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa aming bayan kung nalaman nila ito? Isipin ko lang na hahamakin ako ng iba dahil nawala ako sa aking posisyon ay nababagabag na ako, at labis akong ginawang miserable. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, alam ko na hindi ako dapat maghangad ng katayuan, pero hindi ako talaga makawala sa mga gapos niyon. Gabayan Mo sana ako para makilala ko ang sarili ko at maunawaan ko ang Iyong kalooban.” Binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos kong magdasal: “Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit walang hanggan na mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka talaga mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na talagang kahanga-hanga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; na tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na wala talagang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalong wala kang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka man lamang kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit lubos na umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam na dapat ipagbunyi, at lalo nang wala kang alam tungkol sa sarili mo. Masyado kang ‘mapagmataas’!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?). “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para iwasto ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. … Mahirap para sa inyo na isantabi ang inyong mga inaasam at tadhana. Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahanap kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahanap. Palagi ninyong iniisip ang mga pagpapala ng katayuan. Bakit hindi maialis ng karamihan sa mga tao ang pagiging negatibo? Hindi kaya dahil palaging malabo ang mga maaasahan? … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang iwasto at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang iwasto at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Ang inilantad ng mga salita ng Diyos ay ang aking personal na kalagayan. Matapos akong mahalal sa isang posisyon ng pamumuno sa iglesia, dahil nagtagumpay na ako nang kaunti sa aking trabaho, itinuring kong matalino ang sarili ko, at inakala ko na isa ako sa mga haligi ng iglesia. Palagi kong inabangan ang araw na mataas ako ng ranggo para mamuno sa mas marami pang iglesia, sa gayo’y mas marami pang kapatid ang titingala sa akin. Naging handa akong magtiis ng gaano man kalaking pagdurusa para magkamit ako ng mataas na posisyon. Nang hindi ako mahalal at hindi ko nakuha ang posisyong iyon, naging suwail ako, walang kasiyahan, at puno ng hinanakit. Pinagsisihan ko ang napagdusahan ko dati. Kahit napaalis ako, at nadisiplina ng pagkakasakit, hindi ko nalaman kung paano magnilay-nilay tungkol sa aking sarili at bumaling sa Diyos. Patuloy kong dinibdib ang pagkawala ko sa katayuan; nalamon ako ng paghahangad ko sa katayuan, at lubos akong nawalan ng wastong katwiran. Alam ng mga magsasakang umaasa sa Langit habang binubungkal nila ang lupa na nakaasa sila sa awa ng kapalaran at nagpapasakop sila sa kalooban ng Langit, pero ako naman ay walang-walang kamalayan sa sarili at hindi ko talaga kayang masunuring gawin ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos. Sa halip, lagi kong ginustong magkaroon ng mas mataas na katayuan, maging mas mataas na lider, at tuparin ang aking ambisyon at pagnanasang hangaan ng ibang mga tao. Masyado akong walang kahihiyan! Nang pumarito sa lupa ang Panginoong Jesus para gumawa, Siya ay mapagpakumbaba at nakatago, at hindi kailanman ipinagmalaki na Siya ang Diyos. Sa halip, kumain Siya na kasama ng mga makasalanan at yumuko para hugasan ang mga paa ng mga disipulo. Ngayon ay muling nagkatawang-tao ang Diyos at naparito sa lupa para gumawa, pero hindi Niya kailanman ipinagmalaki ang Kanyang pagkakakilanlan para sambahin Siya ng mga tao. Sa halip, napakatahimik Niyang ipinapahayag ang katotohanan at tinutustusan ang buhay ng mga tao. Ang diwa ng Diyos ay lubhang kaibig-ibig, napakaganda! Gayunman, ako, na isang munting nilalang, ay masyadong naging sabik na makita ng lahat ang maliit na trabahong nagawa ko at ang ilang tagumpay na nakamtan ko. Buong katapangan ko pa ngang pinaniwalaan na sa akin mapupunta ang posisyon sa pamumuno. Sumama nang husto ang loob ko nang hindi ako ang napili; naging negatibo ako at salungat. Talagang napakayabang ko kaya nawalan ako ng katinuan. Ang ginawa ko ay hindi ko ikinumpara ang sarili ko sa ibang tao, kundi nakipagkumpitensya ako sa Diyos at nilabanan ko ang Diyos. Ang matanggal noon ay ang pagiging matuwid ng Diyos, upang iwasto ang aking labis na pananabik sa katayuan. Kung hindi, hinding-hindi sana napukaw ang puso kong manhid.

Pagkatapos ay nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Isasailalim Ko sa Aking kaparusahan ang lahat ng pumukaw ng Aking galit, ibubuhos Ko ang kabuuan ng Aking galit sa mga hayop na iyon na minsang nagnais na tumayo sa Aking tabi bilang mga kapantay Ko subali’t ay hindi sumamba o sumunod sa Akin; ang tungkod na Aking hinahataw sa tao ay lalapat sa mga hayop na minsang nagtamasa ng Aking kalinga at minsang nasiyahan sa mga hiwagang Aking sinabi, at minsang nagtangkang kumuha ng mga kasiyahang materyal mula sa Akin. Hindi Ako magiging mapagpatawad sa sinumang nagtatangkang kunin ang Aking posisyon; wala Akong palalampasin sa mga nagtatangka na mang-agaw ng pagkain at mga damit sa Akin. Sa ngayon, nananatili kayong malaya mula sa kapahamakan at patuloy na umaabuso sa mga kahilingang inilalatag ninyo sa Akin. Pagdating ng araw ng poot, hindi na kayo hihiling pa sa Akin; sa oras na iyon, hahayaan Ko kayong ‘magpakasaya’ hanggang sa gusto ninyo, isusubsob Ko ang inyong mukha sa lupa, at hindi na kayo muling makababangon!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Dahil napamunuan na ang ilang iglesia, nagiging mayabang ang ilang tao, iniisip nila na hindi kaya ng sambahayan ng Diyos na mawala sila, na dapat silang magtamasa ng espesyal na pagtrato. Ang mga tao ay may kalikasan ni Satanas. Kapag mas mataas ang kanilang katayuan, mas malaki ang kanilang mga hinihingi sa Diyos. Kapag mas nauunawaan nila ang mga doktrina, mas palihim at panakaw ang kanilang mga hinihingi. Hindi ito sinasambit ng kanilang bibig, kundi nakatago ito sa loob ng kanilang puso, at hindi madaling matuklasan. Malamang, darating ang panahon na lalabas ang kanilang mga reklamo at paglaban. Magiging mas mahirap pa iyon, at malamang na malalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Bakit kaya kapag mas relihiyoso ang mga lider at tao, mas mapanganib silang mga anticristo? Dahil kapag mas mataas ang katayuan ng mga tao, mas mataas ang kanilang ambisyon; kapag mas nauunawaan nila ang mga doktrina, nagiging mas mayabang ang kanilang mga disposisyon. Kaya kung, sa paniniwala mo sa Diyos, hindi ka naghahanap ng katotohanan, at sa halip ay naghahangad ka ng katayuan, nanganganib ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Nang mabasa ko ang mga salita ng paghatol at paglalantad sa akin ng Diyos, nanginig ako sa takot. Nagunita ko noong dahil nagkamit ako ng ilang resulta sa aking tungkulin at ako ang namahala sa gawain ng ilang iglesia, nagsimulang lumaki ang ambisyon kong magkaroon ng katayuan, at nagnasa ako ng mas mataas na katayuan at mas malaking paghanga at pagsunod ng mas maraming tao. Ako iyon, sa totoo lang, na nagtatangkang agawin ang mga taong hinirang ng Diyos mula sa Kanya. Sa Kapanahunan ng Kautusan, nang tutulan ng grupo nina Core at Dathan ang pamumuno ni Moises at tangkain nilang agawin ang kanyang posisyon, ibinuka ng Diyos ang lupa at tuluyan silang nilamon. At nariyan ang Kapanahunan ng Biyaya, nang maglakbay ang mga punong saserdoteng Hudyo, at ang mga eskriba at Pariseo sa kalupaan at karagatan para mapabalik-loob ang mga tao, pero nang pumarito ang Panginoong Jesus para gawin ang gawain ng pagtubos, malupit nila Siyang nilabanan at kinondena para protektahan ang sarili nilang mga posisyon. Sa huli, ipinako nila Siya sa krus at isinumpa sila ng Diyos. Nakita ko na ang paghahangad sa katayuan ay pagtahak sa landas ng paglaban sa Diyos—ito ang landas na patungo sa impiyerno. Nang matanto ko ito, napuno ako ng pagsisisi. Lumuhod ako sa lupa at umiyak nang buong pait habang nagdarasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Ayaw ko nang magmatigas na maging kaaway Mo, kundi gusto ko lang magnilay-nilay tungkol sa aking sarili at tunay na makapagsisi. Anumang uri ng sitwasyon ang isaayos Mo para sa akin, ang gusto ko lang ay magpasakop sa Iyo.”

Pagkatapos niyon, hindi na ako nagdusa o nakaramdam ng sama ng loob sa pagkawala ng katayuan ko. Sa halip, habang panatag akong nakaupo para kainin, inumin at pagnilayan ang salita ng Diyos, ginawa ko ang aking tungkulin at ipinalaganap ko ang ebanghelyo sa abot ng makakaya ko. Habang ginagawa ko iyon, napakaraming itinanong ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, pero dahil hindi maganda ang pagkaunawa ko sa kaugnay na mga katotohanan, hindi ako makapagbigay ng malilinaw na sagot. Noon ko nakita kung gaano kalaki ang aking pagkukulang, at hiyang-hiya ako. Dati-rati, pakiramdam ko ay mas mahusay ako kaysa sa iba, at dapat akong sanayin para sa mas mahahalagang posisyon. Pero ngayon ay natanto ko na hindi ko talaga malinaw na nakikita ang sarili ko. Ang pinakamahalagang ugaling dapat taglayin ng isang lider ay ang pagkaunawa sa katotohanan, at ang kakayahang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, pero ni hindi ko maibahagi nang malinaw ang pinakapangunahing mga aspeto ng katotohanan sa pagbabahagi ng ebanghelyo. At gayunpaman ay patuloy akong nakipaglaban para sa isang posisyon ng pamumuno—malaking kalokohan! Habang pinag-iisipan itong mabuti, nang makaharap ko ang mga paghihirap at problema ng mga kapatid, dati-rati ay nagkukuwento lang ako tungkol sa matatayog na teorya lang at binibinigyan ko sila ng kaunting pampalakas ng loob, pero hindi ako marunong magbahagi tungkol sa o lumutas ng mga praktikal na problema at paghihirap sa kanilang pagpasok sa buhay. Nang paalisin ako, natanto ko na kung hindi taglay ng tao ang katotohanan, hindi sila makagagawa ng praktikal na gawain gaano man kataas ang ranggo nila. Guguluhin lang nila ang gawain ng iglesia at ipapahamak ang buhay ng mga kapatid. Nadama ko rin na ang plano at pagsasaayos ng Diyos na pumarito ako para ipalaganap ang ebanghelyo ay para mas masangkapan ako ng katotohanan at mapunan ang aking mga pagkukulang. Nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, naging masaya akong magpasakop at gawin nang maayos ang aking tungkulin sa sitwasyong iyon. Matapos magsumikap nang kaunting panahon, nasangkapan ako ng ilang katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, at unti-unting naging mas masigla ang lokal na gawaing pang-ebanghelyo. Binabasa namin ng mga bagong mananampalataya ang salita ng Diyos at inaawit namin ang mga himno bilang papuri sa Diyos araw-araw. Talagang nasiyahan ako. Lumipas ang tatlong taon ng tungkulin sa rehiyong iyon sa bundok sa isang kisap-mata. Pagkatapos isang araw, nagsimulang umulan nang malakas habang pauwi ako mula sa isang pagtitipon—malakas ang hangin, at halos hindi ko man lang maitulak ang bisikleta ko. Naglakad ako sa baku-bakong kalsadang iyon sa bundok, at napakalakas ng ulan kaya ni hindi ko maimulat ang mga mata ko. Nakikita kung gaano ako kapagod, nagunita ko ang nabanggit ng lider ilang araw pa lang nakalilipas. Isang brother ang nagampanan nang maayos ang pagbabahagi ng ebanghelyo, kaya nailipat siya at nahirang na lider ng grupo. Medyo nakabahala sa akin iyon. Naisip ko, “Halos tatlong taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko rito at natuto na ako ng ilang leksyon, pero ni hindi ako pinapayagang mamuno sa isang maliit na grupo. Kapag napaalis ang ibang mga kapatid sa tungkulin, kapag napagnilayan at nalaman nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nagpakita ng kaunting pagsisisi at gumawa ng ilang pagbabago, binibigyan silang muli ng mga posisyon sa pamumuno. Pinagninilayan ko na ang sarili ko sa buong panahong ito at nagtamo na ako ng kaunting pagkaunawa tungkol sa aking sarili, at sa saloobin ko sa aking tungkulin at sa mga katotohanang taglay ko, hindi man lang ba ako maaaring mamuno sa isang iglesia. Bakit hindi pa ako nalilipat? Patuloy lang ba akong mangangaral ng ebanghelyo sa lambak magpakailanman?”

Nang makauwi ako, napagnilayan ko na sa buong daan pabalik ay nagpakita ako ng mga hinaing at maling pagkaunawa, at natanto ko na muli ko na namang sinasamba ang katayuan sa puso ko. Hiniling ko sa Diyos na protektahan ako para mapayapa ko ang sarili ko sa Kanyang harapan. Di-nagtagal pagkatapos niyon, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay na wala siyang iniisip kundi ang kanyang kapalaran at mga pagkakataon, na iniidolo niya ang mga iyon. Pinagsisikapang matamo ng tao ang Diyos alang-alang sa kanyang kapalaran at mga pagkakataon; hindi niya sinasamba ang Diyos dahil sa kanyang pag-ibig sa Kanya. Kung kaya, sa paglupig sa tao, ang pagkamakasarili, kasakiman at mga bagay na pinakahadlang sa pagsamba ng tao sa Diyos ay dapat mapakitunguhan at sa gayo’y maalis na lahat. Sa paggawa nito, ang mga epekto ng paglupig sa tao ay makakamit. Bilang resulta, sa mga unang yugto ng paglupig sa tao, kailangan na alisin ang mga ligaw na ambisyon at ang pinakanakamamatay na mga kahinaan ng tao, at, sa pamamagitan nito, ibunyag ang pag-ibig ng tao sa Diyos at baguhin ang kanyang kaalaman tungkol sa buhay ng tao, ang kanyang pananaw sa Diyos, at ang kahulugan ng kanyang pag-iral. Sa ganitong paraan, ang pag-ibig ng tao sa Diyos ay nalilinis, na ang ibig sabihin, ang puso ng tao ay nalulupig(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). “Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay at isuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagkaalipin ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto na sakop pa rin ang mga tao ng pang-aalipin ni Satanas, at sa alinmang aspeto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paglilinis ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay hindi isang simpleng bagay. Mahabang panahon ng pagpipino at pagkalantad ang kailangan para makita nang malinaw ang tunay na mukha ng pagtitiwali ni Satanas sa isang tao, at makagawa ng mga hakbang tungo sa paglilinis at pagbabago. Pinagnilayan ko na noon pa man ay nabubuhay ako ayon sa mga lason at prinsipyo sa buhay ni Satanas, tulad ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride tulad ng kung paanong kailangan ng puno ang balat nito,” “Ang isang tao’y dapat mamuhay nang matapang nang may tibay at paninindigan,” at iba pa. Taglay ang mga lason na ito ni Satanas, determinado kong pinilit na kilalanin ako at magkaroon ng katayuan. Bagama’t nakaranas na ako ng kabiguan at nagtamo ng kaunting kaalaman sa sarili, ang mga lason na ito ni Satanas, ang mga kaisipan at pananaw na ito ni Satanas, ay nakalagak nang malalim sa aking kalooban. Naging likas na sa akin ang mga iyon. Nang may matagpuan akong angkop na sitwasyon, muli kong pinilit na magkaroon ng katayuan, nag-alala ako sa mga pakinabang at kawalan ng katayuan, at hindi ko magawa nang wasto ang aking tungkulin. Nailagay ako ng Diyos sa malupit na kabundukan kung saan wala akong pagkakataong kilalanin ako ng mga tao upang ilantad at iwasto ang pagiging ambisyoso ko. Iyon ay para linisin ang aking satanikong disposisyon at bigyan ako ng kakayahang isabuhay ang wangis ng tao, para matatag kong magawa ang tungkulin ng isang nilikha. Ang pagkatantong ito ay pinuspos ako ng pasasalamat sa Diyos at matibay akong nagpasiya sa Kanyang harapan na hahanapin kong mabuti ang katotohanan, at hindi na ako muling magnanasang maging tanyag at magkaroon ng katayuan, ang lubos na walang-kuwentang mga bagay na ito.

Nang may nangyaring mga bagay pagkatapos niyon, kung minsa’y naghayag pa nga rin ako ng pag-iisip na maging tanyag at magkaroon ng katayuan, pero nagawa kong sadyang hanapin ang katotohanan at baguhin ang aking kalagayan. Naalala ko na minsan, itinalaga ako ng iglesia na umakto sa pagsasapelikula ng isang video. Talagang tuwang-tuwa ako at talagang ikinarangal kong magkaroon ng pagkakataong patotohanan ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagsali sa paggawa ng pelikula. Pero kasabay niyon, ang pagnanasa kong mamukod-tangi sa madla ay nagsimulang mapukaw: Kung makita ako ng ibang mga kapatid sa video, napakagaling niyon. Sa gulat ko, pagdating ko sa lokasyon ng paggawa ng pelikula, dahil sa kung anong espesyal na sitwasyon ay kinausap ako ng namamahala roon at inatasan akong magluto at maglinis na kasama ang isa pang sister. Nang marinig ko ito, medyo tumutol ako, “Kaya namang gawin ng sinumang iba pang kapatid sa iglesia ang pagluluto at paglilinis—bakit ako pa? Bukod pa riyan, nagsilbi na ako bilang isang lider dati, kaya hindi ba nasasayang ang talento ko sa pagtatalaga sa akin na gumawa ng samu’t saring trabaho?” Habang iniisip ko ito, medyo nalito ako. Gayunman, batay sa dati kong karanasan, alam ko na dapat akong magpasakop. Pagkatapos niyon, sunud-sunod na nagdatingan ang iba pang mga kapatid, at nakita ko na ang ilan sa kanila mula sa aking bayan ay umaakto sa video, samantalang ako ay nakasuot ng apron, nagluluto ng kanilang mga pagkain at nagwawalis ng sahig. Nakakahiya talaga. Lalo na, nakita ako ng isang nakababatang kapatid at masiglang sinabing, “Noong lider ka ay ikaw ang namahala sa gawain ng aming iglesia. Wala akong anumang naunawaan noon, pero nagustuhan ko lang dumalo sa mga pagtitipon. Ang mga pagtitipon na idinaos mo para sa amin ay nakatulong nang malaki sa akin.” Ang lubhang kaswal na pahayag na ito mula sa kanya ay napakasakit sa aking pandinig—pakiramdam ko kinukutya niya ako. Nagsimulang mag-init ang mukha ko at ginusto ko na lang maghanap ng butas na magagapangan. Minsan, gabing-gabi nang natapos ang mga kapatid sa paggawa ng pelikula, at natulog silang lahat matapos ang isang araw ng mahirap na trabaho, pero naroon pa rin ako at naglilinis, kaya talagang agrabyado ang pakiramdam ko, na para bang isa akong trabahador na walang kakayahan. Pakiramdam ko’y wala ako ni katiting na dignidad at mas mabuti pang magbahagi ako ng ebanghelyo sa kabundukan, kung saan kahit paano’y natutuwang lahat ang mga bagong mananampalataya sa aking pagbabahagi. Nadama ko na mas makakabuti iyon kaysa manatili sa isang lugar na hindi ako pinahahalagahan nang gayon. Dahil wala ako sa wastong kalagayan, sa sumunod na mga araw ay nagluto ako ng pagkain nang lumilipad ang isip, nakatulala, at kung hindi man iyon mapait o maalat ay matabang naman iyon at walang lasa. Pero hindi nagreklamo ang mga kapatid—tahimik lang nilang kinain iyon tulad ng dati. Nakikitang hinahayaan lang ako ng lahat, talagang nakonsiyensya ako, at isang malinaw na ideya ang pumasok sa isipan ko: Hindi ba nagtrabaho lang ako nang walang kaplanu-plano dahil hindi natupad ang pagnanasa kong magkaroon ng katayuan? Pinagbulayan ko ito at pinagnilayan ko ang aking sarili: Hindi ba lumaban at hindi nasiyahan dahil pakiramdam ko’y hindi ako napahalagahan at wala akong anumang katayuan. Naghahangad pa rin ako noon ng katayuan.

Sa oras na iyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakakita ako ng paraan para mawala ang paghahangad ko sa katayuan. Sabi sa salita ng Diyos: “Kaya nga, habang hinahatulan Ko kayo nang ganito ngayon, anong antas ng pagkaunawa ang tataglayin ninyo sa huli? Sasabihin ninyo na bagama’t hindi mataas ang inyong katayuan, nasiyahan pa rin kayo sa pagtataas ng Diyos. Dahil hamak ang inyong pagsilang ay wala kayong magandang katayuan, ngunit nagtatamo kayo ng magandang katayuan dahil itinataas kayo ng Diyos—ito ay isang bagay na ipinagkaloob Niya sa inyo. … Ganito kayo dapat manalangin: ‘Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na masunurin sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga. Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilalang. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilalang. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilalang. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilalang. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilalang. Isa lamang akong napakaliit na nilalang na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong hambingan dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.’ Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghanap nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paghihigpit. Kapag napalaya na ang mga tao mula sa mga bagay na ito, mawawalan na sila ng mga alalahanin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Nang pag-isipan ko ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ng liwanag ang puso ko. Napakaraming ginagawa ang Diyos sa akin, at ang Kanyang kalooban ay panibaguhin ang aking konsiyensa at katwiran, panatilihin ako sa aking lugar at maging masunurin akong nilikha, hanapin ko ang katotohanan, gawin ko nang maayos ang aking tungkulin, iwaksi ko ang aking tiwaling satanikong disposisyon, at tunay akong magpasakop sa Diyos. Ito ang dapat kong hangarin bilang isang nilikha. Sa katunayan, kahit anong tungkulin ay gawain ng sambahayan ng Diyos at nararapat na pagtulungan ng mga tao. Para lang itong pag-uutos sa mga bata sa isang pamilya na magluto ng pagkain at maglinis—lahat ng iyon ay mga gawaing-bahay, at walang mataas o mababang katayuan. Pero mababa ang tingin ko sa tungkuling iyon, pakiramdam ko’y parang minamaliit ako, at nakompromiso ang aking karangalan. Nagalit ako at napuno ng hinaing, lubos na kulang sa pagsunod. Walang-wala akong konsiyensya at katwiran! Napuno ako ng pagsisisi at pagkasuklam sa sarili dahil sa mga kaisipang ito. Nagdasal ako at nagtapat sa Diyos, na handang magpasakop at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Sa pagluluto at paglilinis pagkatapos niyon, hindi na sumama ang loob ko. Sa halip, kumalma ang loob ko. Nagawa kong maging bukas at tapat sa aking mga kapatid at ibahagi sa kanila ang aking natutuhan mula sa aking tungkulin. Nadama ko sa puso ko na iyon lang ang paraan para mamuhay nang may kaunting wangis ng tao.

Tinulutan ako ng karanasan na ito na makita ang pagliligtas ng Diyos sa akin. Ang mga salita ng Diyos ang nagpabago sa mga mali kong hangarin at pananaw, nagtulot na magbago nang kaunti ang aking satanikong disposisyon, at nagbigay sa akin ng kakayahang matatag na gawin ang aking tungkulin sa iglesia. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply