Alam Ko na Ngayon Kung Paano Makipagtulungan sa Aking Tungkulin

Enero 17, 2022

Noong Nobyembre 2019, ginagawa ko ang mga tungkulin sa pamumuno kasama ni Sister Zhou. Para mas maayos at mas mahusay na matapos ang trabaho, hinati ng mga nakatataas na lider ang mga responsibilidad sa aming dalawa. Naging pangunahing responsibilidad ko ang pagdidilig sa mga baguhan, habang pag-aasikaso naman sa paggawa ng mga video ang sa kanya. Noong panahong iyon, nakita kong hindi maganda ang lagay ng pagdidilig sa mga baguhan, masyado akong nape-pressure at natakot ako na hindi ko makayanan ang gampanin. Pero naalala kong napakahalagang gawain ito, at kung medyo magtatagumpay ako sa mahirap na gampaning ito, kikilalanin ng mga nakatataas na lider ang kakayahan ko, at titingnan din ako ng mga kapatid nang may panibagong paggalang, kaya sumang-ayon akong gawin ito. Kalaunan, madalas akong nakipagkita sa mga nagdidilig ng mga baguhan, tinutulungan silang lutasin ang mga problema sa pagganap ng mga tungkuling nila, nakatuon sa pagdidilig at pagkalinga sa mga nakikita kong may magandang kalidad. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimulang bumuti ang gawain ng pagdidilig. Isang araw, iniulat ng isang sister sa akin na kulang ng mga tao na gumagawa ng mga video, kaya nagkakaproblema sila, at kailangan itong malutas kaagad. Naisip ko: “Kailangang malutas ang problemang ito sa lalong madaling panahon, pero sa ngayon ay dapat ding asikasuhin ang gawain ng pagdidilig, at kung ilalaan ko ang lahat ng oras ko sa paggawa ng video at hindi agad malulutas ang mga problema ng mga baguhan, at umalis sila, makakasama ito sa gawain ng pagdidilig. Kung mangyari iyon, sasabihin ba ng mga nakatataas na lider na wala akong kakayahan? Tsaka, si Sister Zhou dapat ang nag-aasikaso sa paggawa ng mga video, kaya kung tutulungan ko siya rito, siya ang mapupuri, habang hindi naman ako kikilalanin.” Dahil isinasaalang-alang ito, hindi ko tiningnan ang mga detalye ng gawain, basta lang ako nagsabi ng ilang salita at umalis. Pagbalik ko, sinabi ko ang sitwasyon kay Sister Zhou, pero hindi siya makaisip ng angkop na tao, at mahirap ito para sa kanya. Naantala ang gawain dahil kulang ng mga tauhan. Noong panahong iyon, wala pa rin akong pakialam sa bagay na ito, at iniisip ko pa rin na responsibilidad ito ni Sister Zhou, at wala itong direktang kaugnayan sa akin. Isang araw, sinabi sa akin ni Sister Zhou: “Napansin kong nakatuon ka lang sa mga responsibilidad mo, at hindi ka nakikialam sa ibang gawain.” Nang marinig ko siyang sabihin ito, naisip ko: “Kung gagawin ko ang trabahong responsibilidad mo, ikaw lang ang pupurihin, tapos ikaw lang ang mapapansin, hindi ako, kaya bakit naman ako magsisikap para dito?” Nang banggitin niya ito, hindi ko ito sineryoso.

Hindi nagtagal, sinabi sa akin ng lider namin: “Nagkaroon ng mga problema sa paggawa ng mga video, at wala pang problema ang nalulutas. Naalala kong gumawa ka na ng mga video noon, at may mga talento ka sa larangang ito. Gusto kong maging responsibilidad mo ang paggawa ng mga video; si Sister Zhou naman ang kukuha sa gawain ng pagdidilig.” Pagkarinig nito, medyo sumama ang loob ko: Labis akong nagsikap, nag-isip at nagbigay ng konsiderasyon sa gawain ng pagdidilig, hindi ganoon kadaling gumawa ng mga pagpapabuti. Ngayong ako na ang responsable sa paggawa ng mga video, siya ang magtatamasa ng mga pinaghirapan ko. Tsaka, mahirap gumawa ng magagandang video. Kung hindi magiging mahusay ang trabaho ko, ano ang iisipin ng iba tungkol sa akin? Iisipin ba nilang wala akong kakayahan? Pero naisip ko rin: “Hindi rin naman magaganda ang resulta ng gawain ng pagdidilig sa simula. Sa walang humpay kong pagsisikap, bumuti ang mga resulta, hindi ba? Kung mapapabuti ko rin ang paggawa ng mga video, hindi ba’t maipapamalas nito ang kakayahan ko sa trabaho?” Kaya, tinanggap ko ang gampanin. Ibinuhos ko ang puso’t kaluluwa ko sa paggawa ng mga video, at naghanap ng mga bagong tao para sa gawain. Kapag may mga problema ang mga kapatid, gumugol ako ng oras para matiyagang makapagbahagi sa kanila ng mga solusyon. Pagkaraan ng ilang panahon, nagsimula na ring bumuti ang paggawa ng mga video, at nadagdagan din ang kasiglahan ng lahat sa kanilang mga tungkulin. Sa panahong ito, nagtanong sa akin ang ilang kapatid tungkol sa pagdidilig ng mga baguhan. Pakiramdam ko’y hindi sakop ng responsibilidad ko ang gawaing ito. Kahit na malutas ko ang mga bagay na ito, wala akong papuring makukuha, kaya basta na lang ako nagbigay ng mga tugon. Isang araw, sinabi sa akin ni Sister Zhou na may mga problema sa gawain ng pagdidilig na hindi niya alam kung paano lutasin. Pagkatapos, naalala kong naharap na ako sa ganitong mga problema noon. Binalak kong sabihin sa kanya kung paano lutasin ang mga ito, pero naisip ko na kapag nalutas niya ang mga iyon, siya ang pupurihin, hindi ako. Sinabi ko sa kanya na lulutasin ko ang problem kapag nagkaroon na ako ng oras, pero naging abala ako at nalimutan ang tungkol dito. Hindi nalutas ang isyu, at dahil dito ay naapektuhan ang gawain ng pagdidilig.

Isang araw, nagpunta ang nakatataas na mga lider para alamin ang tungkol sa gawain namin, at natuklasan nila na nakatuon lang ako sa sarili kong gawain at hindi sa gawain ng iba. Mabagsik nila akong iwinasto, sinasabi na ang lider ng iglesia na ang tanging inaalala ay ang sarili lamang niyang mga pangunahing gampanin habang binabalewala ang ibang gawain ng iglesia ay ginagawa ang sarili niyang gawain, makasarili ito, kasuklam-suklam, at may masamang pagkatao. Nang marinig ko ito, labis na sumama ang loob ko, at pakiramdam ko’y nagawan ako ng mali. Naisip ko: “Napakaraming oras at pagsisikap ang ginugol ko sa mga tungkulin ko araw-araw, nagtrabaho ako nang husto at hindi kailanman naging kampante. Ayos lang sana kung hindi nila ako pinuri, pero paano nila nasabing makasarili ako, kasuklam-suklam at may masamang pagkatao?” Nang makauwi na ako, napaiyak ako. Sa sakit na nararamdaman ko, nagdasal ako sa Diyos: “O, Diyos ko! Sa ganoong pagtatabas at pagwawasto, sumama ang loob ko at pakiramdam ko’y ginawan ako ng mali, hindi ko po nauunawaan ang mga layunin Mo, pakiusap, patnubayan Mo po ako na makilala ang sarili ko.”

Isang araw, nakita ko ang mga salita ng Diyos na nagsabing: “Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Suriin natin ito nang mabuti. Ano ang mga ipinapakitang tiwaling pagkatao ng taong ito para sabihin ng mga tao na wala siyang pagkatao? Anong mga katangian ang taglay ng gayong mga tao? Anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila? Ang gayong mga tao ay basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos ni nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang pinapasang kabigatan ukol sa pagpapatotoo sa Diyos o sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila responsable. Ano ang iniisip nila tuwing mayroon silang ginagawa? Ang unang iniisip nila ay, ‘Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Nakikita ba ito ng ibang mga tao? Kung hindi nakikita ng ibang mga tao na nagsisikap ako nang husto at masipag akong nagtatrabaho, at kung hindi rin ito nakikita ng Diyos, kung gayon walang silbi ang aking paggugol ng gayong pagsisikap o pagdurusa para dito.’ Hindi ba pagkamakasarili ito? Kasabay nito, isa rin itong napakahamak na uri ng layunin. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang konsiyensya? Mayroon bang anumang bahagi ng konsiyensya rito? May iba pa ngang mga tao na, kapag nakakakita ng problema sa pagganap sa kanilang tungkulin, nananatiling tahimik. Nakikita nila na ang iba ay nagsasanhi ng mga pag-antala at mga paggambala, datapuwa’t wala silang ginagawa para pigilan ito. Hindi nila isinasaalang-alang kahit man lamang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni iniisip man lamang ang kanilang sariling mga tungkulin o pananagutan. Sila ay nagsasalita, kumikilos, namumukod-tangi, nagpupunyagi, at gumugugol ng lakas para lamang sa kanilang sariling banidad, katanyagan, katungkulan, mga kapakanan, at karangalan. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas ang mga ito tuwing may pagkakataong maparangalan o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakatong maparangalan, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? Nakadarama ba ng pagsisisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensya at katwiran na ganitong kumilos? Walang silbi ang konsiyensya ng ganitong klaseng tao, at hindi sila kailanman nakadama ng pagsisisi sa sarili. Kaya, mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Sa kampo ni Satanas, maliit man iyan na opisina o isang malaking organisasyon, nasa gitna man ng madla o sa mga opisina ng pamahalaan, ano ang kalagayan ng paligid kung saan sila kumikilos? Ano ang mga prinsipyo at panuntunan para sa kanilang mga kilos? Bawat isa ay batas sa kanilang sarili; nagkakanya-kanya ng landas ang bawat isa. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang interes at iniintindi ang sarili nila. Sinuman ang may awtoridad ang siyang may huling salita. Hindi nila iniintindi ang iba kundi ginagawa ang maibigan nila, nagpupunyagi para sa katanyagan, kayamanan, at katayuan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan ni isinasagawa ito, hindi ka ba matutulad sa kanila kung nasa sitwasyon ka na hindi ka napagkalooban ng mga salita ng Diyos? Hinding-hindi—tiyak na magiging katulad ka rin nila. Lalaban ka katulad ng paraan ng paglaban ng mga hindi mananampalataya. Mahihirapan ka katulad ng paghihirap ng mga hindi mananampalataya. Mula umaga hanggang gabi, maiinggit at makikipagtalo ka, magpaplano at gagawa ng mga pakana. Ano ang ugat ng problemang ito? Lahat ng ito’y dahil pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Ang paghahari ng mga tiwaling disposisyon ay ang paghahari ni Satanas; nananahan ang sangkatauhang ginawang tiwali sa loob ng satanikong disposisyon, nang walang eksepsyon(“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na naging makasarili ako at sariling kapakanan lang ang iniisip ko. Alam kong hinahati ang mga gawain para maging mas mahusay ang paggawa, hindi para makapagsarili tayo. Kung may mga problema ang katrabaho ko, tungkulin kong tulungan siyang malutas ang mga ito, pero gawain ko lang ang inalala ko, ginagawa ang mga bagay-bagay para sa reputasyon ko at katayuan. Hindi ko binigyan ng pansin ang ibang gawain, kahit na nakikita kong may mga problema. Naging napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Noong responsable ako sa gawain ng pagdidilig, alam kong mahirap makahanap ng mga tao para sa paggawa ng mga video, pero pakiramdam ko’y hindi naman mapupunta sa akin ang mga papuri kapag nalutas ko ang mga paghihirap na ito. Pabasta-basta lang ako nagtanong tungkol dito at hindi ito sineryoso. Kulang ang mga tao sa video team, at dumanas ng mga pinsala sa gawain. Noong responsibilidad ko ang paggawa ng mga video, sinabi ni Sister Zhou sa akin na may mga problema sa gawain ng pagdidilig. Puwede ko nang sabihin sa kanya nang diretsahan kung paano ito lutasin, pero nag-alala akong kung malutas niya ang mga problemang ito, nanakawin niya ang mga papuring para sa akin, kaya hindi ako nagbahagi sa kanya. Dahil dito, hindi nalutas ang mga problema, at naantala ang gawain. Sa paggawa nang mabuti sa sarili kong trabaho, makukuha ko ang pagsang-ayon ng lahat, kaya magtatrabaho ako hangga’t kaya ko. Naharap si Sister Zhou sa mga problema sa gawain niya at nangailangan ng tulong, pero wala akong pakialam sa mga bagay na ito, kaya nakasama ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Talagang naging makasarili ako at walang pagkatao. Kung hindi ako mabagsik na tinabasan at iwinasto ng mga nakatataas na lider, hindi ko pa rin mapapansin kung paano ako kumikilos, at iisipin ko pa rin na hangga’t ginagawa ko nang maayos ang trabaho ko, matapat kong binabalikat ang aking pasanin at isinasakatuparan ang mga tungkuling ko. Hindi ko tunay na makikilala ang sarili ko.

Kalaunan, binasa ko ang isang sipi mula sa salita ng Diyos na mas malalim na nagpaunawa sa akin ng problema ko. “Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng uri ng tao na isang anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pinag-iisipan lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang sarili nilang mga interes, nag-iisip lamang ng mga gampaning nasa harapan nila mismo. Isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at dapat pa silang sabihan upang magawa ang lahat ng bagay. Ang proteksyon ng sarili nilang mga interes ang totoo nilang bokasyon, ang mga bagay na nais nilang ginagawa nang totohanan. Sa paningin nila, hindi mahalaga ang anumang bagay na isinaayos ng sambahayan ng Diyos o na may kaugnayan sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos. Anumang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anumang mga isyu ang matuklasan nila, gaano man katapat ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Lubos silang walang malasakit sa mga nagaganap sa iglesia, gaano man kahalaga ang mga kaganapang ito. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang problema, hinaharap nila ito nang may pag-aatubili, at walang malasakit. Kapag tuwiran lamang silang iwinasto ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam patungkol sa gawain ng iglesia, patungkol sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, umiiwas kapag natatanong, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at masama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagampanan nila, ang iniisip lamang nila ay kung ikaaangat ba nila ito; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil ito. Anuman ang gawin nila o isipin, nag-iisip lamang sila para sa kanilang sarili. Sa isang grupo, anuman ang tungkuling ginagampanan nila, nakikipagkumpitensya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang mataas ang tingin sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema, hindi nila kailanman pinag-uusapan kung paano gawin ang mga bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung naging pasaway ba sila. Hindi nila pinag-uukulan ni bahagya mang pansin kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos at kung ano ang kalooban ng Diyos. Kumikilos lamang sila para sa kapakanan ng kanilang sariling katayuan at katanyagan(“Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Diwa ng Kanilang Disposisyon (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Inihayag ng Diyos na partikular na makasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo. Isinasaalang-alang lang nila ang mga sarili nilang interes sa kanilang mga tungkulin, at sinasabi at ginagawa lamang ang mga bagay-bagay para sa sarili nilang reputasyon at katayuan. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang kabuuang gawain ng iglesia o wala sila ni katiting na konsensiya. Nakita ko na ang mga prinsipyo ng ginawa ko at ang pananaw ko ay katulad ng sa anticristo. Inakala kong ang maayos na paggawa ng trabahong responsibilidad ko at ang pagprotekta sa mga pansarili kong interes ay makatwiran, at ang paglahok ko sa gawain ng iba ay pagbibigay sa kanila ng mga pabor. Inakala kong ang pagsasantabi ng trabaho ko para tulungan ang iba at paggawa nang hindi pinupuri ay kahangalan. Kaya, nang hatiin ang mga tungkulin namin ni Sister Zhou, hindi ko kailanman pinag-isipan ang tungkol sa mga paghihirap na binanggit ni Sister Zhou o pinag-aralan kung paano lutasin ang mga ito. Ang inisip ko lang ay ang gawin nang maayos ang trabaho ko, at magtamo ng pagsang-ayon at pagkilala. Kung babalikan ito, talaga bang isinasagawa ko ang katotohanan at ginagampanan ang mga tungkulin ko? Inaasikaso ko lang ang sarili kong katayuan at pinapatakbo ang pansarili kong gawain. Ipinamuhay ko lang ang mga satanikong pilosopiya na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” at “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo.” Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Itinuring ko ang paghahati ng trabaho na pagkakataon ko na maipakita ang mga sarili kong lakas, kinakaya ang lahat ng sakit o pagsisikap sa trabahong responsibilidad ko, nang hindi iniisip ang pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, ni itinuturing ang sarili ko na kabahagi ng sambahayan ng Diyos, o matiwasay na makipagtulungan sa aking kapatid. Hinadlangan at inantala nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Nakita ko na sataniko ang pagkilos ko, at walang pagkatao ang lahat ng ginawa ko! Ang totoo, hindi mahalaga ang papuri sa pagganap sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Dapat mong gawin nang maayos ang responsibilidad mo, tungkulin mo ito. Kahit na hindi mo responsibilidad ang isang bagay, dapat mo itong pag-aralan at lutasin kapag nakita mo ito, dahil kasapi ka sa sambahayan ng Diyos. Isa akong lider ng iglesia, lahat ng gawain ng iglesia ay bahagi ng trabaho ko, responsibilidad ko ito at tungkulin. Anumang gawain ang hindi nagawa nang maayos ay direktang may kaugnayan sa akin. Pero isinaalang-alang ko lang ang reputasyon at katayuan ko, at pinatakbo ang pansarili kong gawain. Lumalakad ako sa landas ng mga anticristo na lumalaban sa Diyos, na humahantong lamang sa pagtanggi at pagpapaalis ng Diyos. Nang nalaman ko ito, talagang nadama ko sa puso ko na ginamit ng Diyos ang mga lider para tukuyin ang mga problema ko; ito ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos!

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nakita ang isang landas ng pagsasagawa. “Ang ipasuko sa mga tao ang sarili nilang mga interes ang pinakamahirap gawin. Karamihan sa mga tao ay walang ibang hinahangad kundi makinabang; ang mga interes ng mga tao ang kanilang buhay, at ang ipasuko ang mga bagay na iyon ay parang pamimilit na isuko nila ang kanilang buhay. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong matutuhang isuko, talikuran, danasin, at tiisin ang sakit ng pagbitaw sa mga interes na gustung-gusto mo. Sa sandaling natiis mo na ang sakit na ito at naisuko ang ilan sa mga interes mo, giginhawa ka nang kaunti at makadarama ng kaunting kalayaan, at sa ganitong paraan, madaraig mo ang iyong laman. Gayunman, kung nakakapit ka sa iyong mga interes at bigo kang bumitaw sa mga ito, na sinasabing, ‘Nanlinlang nga ako, pero ano ngayon? Hindi pa ako naparusahan ng Diyos, kaya ano ang magagawa ng mga tao sa akin? Hindi ko isusuko ang anuman!’ Kapag hindi mo isusuko ang anuman, walang ibang mawawalan; ikaw mismo ang mawawalan sa huli. Kapag kinilala mo ang sarili mong tiwaling disposisyon, ang totoo ay isa itong pagkakataon para ikaw ay pumasok, umunlad, at magbago; isang pagkakataon ito para humarap ka sa Diyos at tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Bukod pa roon, ito ay isang pagkakataon para magkamit ka ng kaligtasan. Kung susuko ka sa paghahanap sa katotohanan, parang isinuko mo ang pagkakataong magkamit ng kaligtasan at tumanggap ng paghatol at pagkastigo(“Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Kapag hindi mo iniisip ang iyong mga makasariling paghahangad o isinasaalang-alang ang iyong mga pansariling interes sa mga bagay na ginagawa mo, at sa halip ay nagbibigay ng palagiang pagsasaalang-alang sa gawain ng tahanan ng Diyos, taglay sa isip ang mga kapakanan nito, at ginagampanan nang mahusay ang iyong tungkulin, makakaipon ka, kung gayon, ng mabubuting gawa sa harap ng Diyos. Ang mga taong gumaganap sa mabubuting gawang ito ay yaong mga may angking realidad ng katotohanan; sa gayon, mayroon silang patotoo(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos naunawaan ko na kung panghahawakan lamang ng mga tao ang mga pansarili nilang interes at hindi talaga magsasagawa ng katotohanan, kalauna’y mawawalan sila ng pagkakataon na magtamo ng katotohanan at maligtas ng Diyos. Sa kabilang banda, kung matatalikuran mo ang mga pansariling interes at tutulong sa iba, at magbibigay ng bahagi ng lakas mo para sa kabuuang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ito kahangalan, isa itong mabuting gawa, at pinupuri ito ng Diyos. Sa pagpapatuloy, pangunahing gawain ko man ito o hindi, dapat kong gawin ang lahat sa mga tungkulin ko. Ito lang ang paraan na maipapakita ko ang pagsasaalang-alang ko sa kalooban ng Diyos. Kalaunan, kapag nakakakita ako ng problema sa gawain ng katuwang ko, tinatalakay ko sa kanya kung paano ito lutasin, nagbabahagi ako ng magagandang mungkahi at plano, at sa tuwing nakikita kong nagkakaproblema ang kapatid kong kasama sa trabaho, ginagawa ko ang lahat para magbahagi ng solusyon, at itinuturing ang lahat ng gawain sa sambahayan ng Diyos na sarili kong responsibilidad at tungkulin. Kapag nagsasagawa sa ganitong paraan, nakakadama ako ng kapayapaan at katiwasayan. Kung minsan, nagpapakita pa rin ako ng pagiging makasarili at gusto kong maglaan ng mas maraming oras sa sarili kong gawain, at hindi masyadong makialam sa gawain ng katuwang ko. Tapos, nagdarasal ako sa Diyos, tinatalikdan ang mga maling layunin ko. Tutal, isang kabuuan ang sambahayan ng Diyos at hindi ito mapagwawatak-watak. Kapag tinutulungan ko ang kapatid ko na lutasin ang isang problema sa kanyang tungkulin, hindi ito dagdag na gawain, at lalong hindi nasa labas ng nasasakupan ko, responsibilidad at tungkulin ko ito. Isinasaisip ang mga ito, naisasantabi ko ang mga pansarili kong interes at positibo at aktibo akong nakapagtatrabaho kasama ng kapatid ko. Kalaunan, nagkaisa na kami sa isip habang magkasamang gumagawa, at naging epektibo ang lahat ng gawain ng iglesia. Dumami nang dumami ang mga baguhan, at nagtayo kami ng dalawang bagong iglesia. Taos-puso akong nagpapasalamat sa Diyos para sa Kanyang pamumuno.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, talagang napagtanto ko na sa pakikipagtulungan, kung maisasantabi natin ang mga makasarili nating hangarin, at ang ating mga personal na interes, magkakasamang kikilos nang may nagkakaisang puso, at sama-samang poprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, matatamo natin ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos. Ang lahat ay dahil sa paghatol at pagkastigo ng salita ng Diyos kaya ito’y nauunawaan ko, nagagawa kong magbago, magsagawa ng katotohanan, at makapamuhay nang may kaunting wangis ng tao! Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman