Paano Harapin ang Pagmamahal at Pag-aaruga ng mga Magulang
Ni Song Zhi, TsinaNoong Oktubre 2019, inaresto ako ng pulis sa isang pagtitipon at sinentensiyahan ng dalawa’t kalahating taon sa kulungan....
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Kilala sa lugar namin ang tatay ko bilang isang napakamabuting anak. Habang lumalaki ako, madalas kong marinig na sinasabi niya sa hapag-kainan: “Ang pagiging mabuting anak ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat. Sa pag-asal ninyo, dapat muna kayong maging mabuting anak sa mga magulang; iyan ang pinakapangunahin. Tingnan n’yo, kahit bagong silang na kordero ay marunong lumuhod para sumuso, kaya ang sinumang hindi mabuting anak sa mga magulang niya ay mas masahol pa sa hayop! Noong may sakit ang lola n’yo, gabi-gabi akong nagpupuyat para alagaan siya. Sa katunayan, para maalagaan ang mga lolo’t lola n’yo, hindi ko man lang inisip na mag-asawa hanggang sa pumanaw silang dalawa.” Iyon ang nagtanim ng binhi sa murang puso ko ng pagiging mabuting anak sa magulang, at nagpasya akong kapag lumaki na ako, kailangan kong maging mabuti sa mga magulang ko, kung hindi, wala akong konsensiya. Noong disisyete anyos ako, inaresto ng CCP ang tatay ko at sinentensiyahan ng dalawang taong reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho dahil sa pananampalataya niya sa Makapangyarihang Diyos. Nagtatrabaho ako sa ibang lugar noon. Paminsan-minsan, binibisita ko ang tatay ko sa labor camp at dinadalhan siya ng pagkain, at ipinapadala ko sa bahay ang natitira sa suweldo ko para makatulong. Pagkatapos kong ikasal, binibilhan ko ang mga magulang ko ng mga damit, espesyal na pagkain, at iba pa tuwing Chinese New Year. Kalaunan, nanampalataya ako sa Diyos at gumawa ng tungkulin sa ibang lugar. Suportado ako nang husto ng mga magulang ko at binigyan pa nila ako ng pera. Talagang nakonsensiya ako dahil doon, iniisip ko, “Pinalaki ako ng mga magulang ko, kaya dapat ako na ang nag-aalaga sa kanila ngayon. Sa halip, sila pa rin ang nag-aalaga sa akin….” Noon, palagi akong umaasa na babagsak ang CCP para makauwi ako at maalagaan nang mabuti ang mga magulang ko sa kanilang pagtanda. Pero lalong tumindi ang pag-uusig ng CCP sa mga Kristiyano. Kilala sa aming lugar ang pamilya namin dahil sa pananalig namin sa Diyos, at may rekord sa pulisya ang tatay ko, kaya kami ang naging pangunahing puntirya ng CCP. Noong 2016, tumakas ako papunta sa isang demokratikong bansa sa ibayong-dagat para manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko. Sa tuwing may tahimik akong sandali, naiisip ko ang mga magulang ko na naghahatid sa akin noong papaalis ako ng bansa. Ang alaalang iyon ay palaging nagpapakirot sa puso ko. Sobrang nakonsensiya ako dahil wala ako roon para alagaan sila nang mabuti, lalo na habang tumatanda na sila.
Noong tag-araw ng 2019, sumulat ako sa isang lider ng iglesia sa amin para kumustahin ang pamilya ko. Pagkaraan ng ilang panahon, nakatanggap ako ng sagot na nagsasabing pumanaw na pala ang tatay ko dahil sa sakit ilang taon na ang nakalipas. Hindi ako makapaniwala. Walang tigil na tumulo ang mga luha ko. Binasa sa akin ng lider ng pangkat ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pero puro mga alaala ng mapagmahal na pag-aaruga ng tatay ko ang nasa isip ko, at wala akong naunawaan sa pagbabahagi niya. Paglabas ko ng kuwarto, makulimlim ang langit, at para bang nawalan ng kulay ang mundo. Bumalik ako sa tinutuluyan ko na parang wala sa sarili. Pumupuno sa isip ko ang mapagmahal na mukha ng tatay ko, tinatanong niya ako, “Anong gusto mong kainin? Kumusta ka naman diyan?” Pero hindi ko na maririnig muli ang boses niya. Habang mas iniisip ko ito, mas lalong sumama ang loob ko, at hindi ko napigilang mapahagulgol. Noong mga araw na iyon, paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang mga alaala ng kabaitan sa akin ng tatay ko. Noong elementarya ako, madalas akong bigyan ng baon ng tatay ko para mabili ang mga gusto ko at hindi niya ako pinagagawa ng anumang gawaing-bahay. Pagkatapos kong ikasal, ipinangaral sa akin ng tatay ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos. Magkasama kaming umawit ng mga himno at nagbahaginan tungkol sa aming pagkaunawang batay sa karanasan. Pagkatapos kong umalis ng bahay para gawin ang tungkulin ko, suportado ako nang husto ng mga magulang ko at madalas nila akong tinutulungan sa pinansyal na aspekto. Sa tuwing umuuwi ako, palagi nila akong ipinaghahanda ng lahat ng uri ng bago at masasarap na pagkain at talagang inaasikaso ako. Napakabuti sa akin ng tatay ko, at pumanaw siya bago ko pa man siya nasuklian. Sobrang nakonsensiya ako at sinisi ko ang sarili ko. Pinagsisihan ko pa nga na nag-asawa ako nang maaga, at sa sobrang abala sa tungkulin ko, wala ako roon para maging mabuting anak sa kanya. Ngayong wala na siya, nawalan na ako ng pagkakataong bumawi. Puno ng pagsisisi, pagkakonsensiya at paninisi sa sarili ang puso ko, at wala na akong gana sa tungkulin ko. Nag-eensayo kami noon ng isang skit. Dapat ay bubuksan ko ang pinto at sisigaw ng, “Tito, nandito na ako!” Pero habang nag-eensayo, binuksan ko ang pinto at sumigaw ako ng, “Tay, nakauwi na ako!” Agad na tumulo ang mga luha ko, at hindi na kami nakapagpatuloy sa pag-eensayo. Noong mga panahong iyon, bagama’t ginagawa ko ang tungkulin ko araw-araw, pakiramdam ko ay hungkag ang puso ko. Wala ako sa sarili sa lahat ng ginagawa ko at talagang hindi ako makahanap ng lakas para mag-ensayo. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, pumanaw na ang tatay ko, at pakiramdam ko, nawala na ang katatagan ko. Sobrang lungkot ng puso ko. Hindi ko alam kung paano ito daranasin. Nawa’y gabayan Mo akong maunawaan ang Iyong layunin.”
Habang naghahanap ako, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking maunawaan nang malinaw ang pagkamatay ng tatay ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ang kapanganakan ng isang tao ay itinadhana ng nakaraan niyang buhay, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng tadhanang iyon. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay simula ng kanyang misyon sa buhay na ito, ang kamatayan niya ang nagmamarka sa katapusan ng misyong iyon. Yamang ang Lumikha ang naghanda ng isang itinakdang sirkumstansiya para sa bawat kapanganakan ng isang tao, tiyak na nagsaayos din Siya ng isang itinakdang sirkumstansiya para sa kamatayan nito. Sa madaling salita, walang sinuman ang ipinanganak nang nagkataon lang, walang kamatayan ang biglaan, at ang kapanganakan at kamatayan ay kapwa tiyak na konektado sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Kung ano ang mga sirkumstansiya sa kapanganakan ng isang tao, at kung ano ang sirkumstansiya sa kanyang kamatayan, ay nauugnay sa paunang inorden ng Lumikha; ito ang tadhana ng isang tao, ang kapalaran ng isang tao. Yamang marami ang paliwanag tungkol sa kapanganakan ng isang tao, tiyak na mayroon ding iba’t ibang espesyal na sirkumstansiya para sa kamatayan ng isang tao. Kaya, umiiral ang magkakaibang haba ng buhay at magkakaibang paraan at oras ng mga kamatayan ng mga tao sa gitna mga sangkatauhan. May ilang tao na malakas at malusog, ngunit namamatay nang maaga; ang iba ay mahina at sakitin, ngunit nabubuhay hanggang sa pagtanda at namamatay nang mapayapa. Ang ilan ay namamatay sa di-natural na mga sanhi, ang iba ay sa natural na paraan. Namamatay ang ilan nang malayo sa kanilang tahanan, ang iba ay ipinipikit ang kanilang mga mata sa huling pagkakataon sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang ilang tao ay namamatay sa himpapawid, ang iba ay sa ilalim ng lupa. Ang ilan ay nalulunod sa tubig, ang iba ay namamatay sa mga sakuna. Ang ilan ay namamatay sa umaga, ang iba ay sa gabi. … Ang lahat ay nagnanais ng isang tanyag na kapanganakan, isang maningning na buhay, at isang maluwalhating kamatayan, subalit walang sinuman ang makakalampas sa sarili niyang tadhana, walang sinuman ang kayang makatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang kapalaran ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay at kamatayan ng bawat isa ay paunang inorden ng Diyos noon pa man; lahat ay may kanya-kanyang kapalaran. Ang pagpanaw ng tatay ko ay hindi biglaan. Oras na niya. Noong oras na niyang lumisan, lumisan siya. Ito ay isang batas na paunang inorden ng Diyos na walang sinumang makapagbabago, at hindi ko mababago ang katunayang iyon, kahit pa palagi akong nasa tabi niya. Sa katunayan, hindi lang ang tatay ko. Mula sa sandaling isinilang tayo, lahat tayo ay nakatadhanang lisanin ang mundong ito balang araw. Nagkakaiba lang ang oras at paraan ng paglisan ng bawat tao. Ang ilan ay namamatay sa katandaan, ang ilan ay nalulunod, at ang iba ay namamatay dahil sa biglaang sakit. Ang mga ito ay mga bagay na walang sinuman ang makahuhula o makapipigil. Lahat ng ito ay mga paunang pag-orden ng Diyos. Dapat tayong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at tratuhin natin nang tama ang buhay at kamatayan. Ang pagkakatantong ito ay nagdulot ng kaunting kapayapaan sa puso ko, at unti-unti kong napanatag ang puso ko at nagawa ang aking tungkulin.
Noong Oktubre 2022, nalaman ko mula sa isang kapatid sa amin na pumanaw na rin pala ang nanay ko ilang taon na ang nakalipas. Nadurog ang puso ko. Naalala ko ang tanong ng nanay ko noong paalis ako ng bansa, “Anak, hindi na ba kita makikitang muli bago ako mamatay?” Hindi ko kailanman inakala na magkakatotoo ang mga salitang iyon. Bagama’t may nabasa na akong ilang salita ng Diyos tungkol sa kung paano harapin ang kamatayan noong pumanaw ang tatay ko, at kaya kong tanggapin ang kanilang pagpanaw, ang pakiramdam na “Nais ng anak na alagaan ang kanyang mga magulang, ngunit ang kanyang mga magulang ay wala na” ay lalo pang tumindi. Ang pagkakonsensiya na naramdaman ko sa mga magulang ko ay parang isang buhol sa dibdib ko na hindi ko makalag-kalag. Lalo na kapag naiisip ko na wala ako roon para alagaan sila noong may sakit sila, sobrang nakokonsensiya ako, kahit na wala naman akong gaanong magagawa. Siguro kahit ang makasama lang sila at basahan sila ng mga salita ng Diyos ay makapagpapagaan sana nang kaunti sa kanilang kalungkutan at pasakit. Pero wala na sila bago ko pa man sila maalagaan nang tunay, at hindi nila ako nakita sa huling pagkakataon bago sila namatay. Wala ako sa tabi ng mga magulang ko noong mamatay sila, kaya siguradong tatawagin akong tampalasang walang utang na loob ng mga kamag-anak ko at sasabihin nilang nasayang lang ang pagmamahal sa akin ng mga magulang ko. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nagiging miserable. Ang mga alaala ay sunod-sunod na naglalaro sa isip ko, na parang pelikula. Noong panahong iyon, nagfi-film kami ng isang pelikula. May dalawang simpleng eksena na sadyang hindi ko makuha ang emosyon ng karakter, at sa huli, kinailangan naming itigil ang pag-film. Nakita ng mga kapatid na mali ang kalagayan ko at pinaalalahanan ako, “Ang isang eksenang tulad nito ay hindi dapat mahirap para sa iyo. Maglaan ka ng oras para ayusin ang kalagayan mo, at susubukan natin ulit mamaya.” Noong panahong iyon, ang pagpanaw ng mga magulang ko ang naging pinakamatinding pasakit sa puso ko. Minsan, kapag nakakakita ako ng mga kapatid na ka-edad ng mga magulang ko, naiisip ko sila. Kumikirot ang puso ko, at hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako. Napapanaginipan ko pa nga sila at nagigising ako sa kalagitnaan ng gabi na umiiyak. Pagkatapos ay mananatili akong gising nang ilang oras, habang paulit-ulit na sumasagi sa isip ko ang kanilang mga mukha at boses, at pakiramdam ko ay napakalaki ng pagkakautang ko sa kanila. Ang pagsisising ito ay parang mabigat na bato na nakadagan sa puso ko, hanggang isang araw, nagbahagi ang Diyos ng katotohanan tungkol sa pagiging mabuting anak sa magulang, at sa wakas ay naliwanagan ang puso ko.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at ang tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng tahanang puno ng mga anak at mga apo. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong tadhana; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya o ang pagiging napapaligiran ng kanilang mga anak. Pamamatnugot ito ng Diyos, at hindi ito maipipilit ng mga tao. Anuman ang mangyari, sa huli, pagdating sa paggalang bilang mabuting anak sa magulang, kahit papaano ay dapat na magkaroon ang mga tao ng mentalidad ng pagpapasakop. Kung pinahihintulutan ng kapaligiran at may paraan ka upang gawin ito, maaari kang magpakita ng respeto bilang mabuting anak sa iyong mga magulang. Kung hindi pinahihintulutan ng kapaligiran at wala kang paraan, huwag mong subukang ipilit ito. Ito ay pagpapasakop. Paano ba nagkakaroon ng ganitong pagpapasakop? Ano ba ang batayan ng pagpapasakop? Ito ay nakabatay sa pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay na ito at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). “Kung tunay kang naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat kang maniwala na nasa mga kamay rin ng Diyos ang isyu ng kung gaano katinding hirap ang dinaranas ng iyong mga magulang at kung gaano sila kasaya sa buong buhay nila. Mabuting anak ka man o hindi, hindi nito mababago ang anumang bagay—hindi mababawasan ang pagdurusa ng iyong mga magulang dahil ikaw ay mabuting anak, at hindi sila higit na magdurusa dahil sa isa kang suwail na anak. Matagal nang paunang inorden ng Diyos ang kanilang kapalaran, at wala rito ang magbabago dahil sa iyong saloobin sa kanila o sa lalim ng damdamin sa pagitan ninyo. Mayroon silang sarili nilang kapalaran. Sila man ay mahirap o mayaman sa kanilang buong buhay, ito man ay maayos na takbo para sa kanila o bako-bako, kung ano ang kalidad ng kanilang buhay at mga materyal na pakinabang, o kung anong uri ng katayuan sa lipunan at mga kondisyon sa pamumuhay ang mayroon sila, wala rito ang may gaanong kinalaman sa iyo. … pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang tungkulin sa isang aspekto dahil sa mas malalawak na obhetibong sitwasyon, kaya kinakailangan nilang iwan ang kanilang mga magulang at hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang pinipili na iwanan ang kanilang mga magulang. Ito ang isang obhetibong dahilan. Sa kabilang banda, ayon sa subhetibong pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong tungkulin hindi para iwasan ang mga responsabilidad mo sa mga magulang mo, kundi dahil sa tawag ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin ang Kanyang tawag, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tanggapin ang tawag ng Diyos at gampanan ang iyong tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng dalawang ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang pagmamalasakit sa iyong mga magulang at nangungulila ka sa kanila; hindi hungkag ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong tungkulin, kung gayon, magiging handa kang samahan sila, regular silang aalagaan, at tuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan at hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito kayang gawin. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan na ipakita ang pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang at tuparin ang iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging suwail na anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na makapagsarili at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng ilang paghihirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging suwail na anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para gumawa ng kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na kumontak sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka suwail na anak. Hindi sa umabot ka na sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang magmalasakit sa iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya hindi mo nagagawang tuparin ang iyong mga responsabilidad—hindi ibig sabihin nito na suwail kang anak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (16)). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na kung matatamasa ba ng mga magulang ang pag-aalaga ng kanilang mga anak, ito ay nakasalalay sa paunang pag-orden ng Diyos. Lahat ay umaasa na makasama ang kanilang mga anak at maging masaya sa kanilang pagtanda na napapaligiran ng mga anak at apo. Pero may ilang magulang na natatamasa nga ang pagsasama at pag-aalaga ng kanilang mga anak, at nasa tabi nila ang mga ito kapag sila ay pumanaw, samantalang sa ibang mga kaso, hindi nila nakakasama ang kanilang mga anak para alagaan sila dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng trabaho o buhay may-asawa, at namumuhay ang mga magulang nang mag-isa sa kanilang katandaan. Ito ang tadhanang isinasaayos ng Diyos para sa bawat isa. Walang sinumang makapipilit nito, at walang sinumang makapagbabago nito. Tadhana ng mga magulang ko na wala ako roon para alagaan sila bago sila mamatay, at dapat akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Pero dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan sa bagay na ito, palagi akong puno ng pagsisisi at kalungkutan dahil wala ako sa tabi nila. Naisip ko pa nga na kung maibabalik ko lang ang panahon, mananatili ako sa tabi nila at hinding-hindi aalis. Naniwala ako na kung naroon lang ako para alagaan sila noong sila ay may malubhang sakit at pumanaw, baka nabawasan ko ang kanilang pasakit. Napakamangmang ko! Isa lang akong nilikha; wala akong anumang kapangyarihan para baguhin ang tadhana ng mga magulang ko. May ilang magulang na nagtatamasa ng pag-aalaga ng kanilang mga anak pero palagi pa ring may sakit, umiinom ng gamot araw-araw, at miserable ang buhay. May ibang magulang naman na malusog, kayang alagaan ang sarili, at maayos naman ang buhay kahit wala ang kanilang mga anak. Naisip ko ang lola ko. Sobrang maalaga sa kanya ng tatay ko, pero hindi nito nabawasan kahit katiting ang pasakit na dulot ng kanyang karamdaman, at pumanaw pa rin siya dahil sa kanyang sakit sa huli. Pagkatapos ay naisip ko ang mga karamdaman na nakuha ng mga magulang ko at ang paraan ng kanilang pagkamatay—lahat ng iyon ay paunang inorden ng Diyos noon pa man. Kahit na naroon ako, hindi mababawasan ang pagdurusa nila, at hindi mapahahaba ng pag-aalaga ko ang kanilang buhay nang kahit isang segundo. Kasabay nito, naunawaan ko rin ang pagkakaiba ng pagiging mabuting anak at pagiging suwail na anak: Kung pinahihintulutan ng mga sitwasyon, pero iniiwasan ng mga anak ang kanilang mga responsabilidad at binabalewala ang kanilang mga magulang kapag may sakit ang mga ito o may problema, iyon ay pagiging suwail na anak. Pero kung hindi mo kayang alagaan ang mga magulang mo dahil sa mga pangyayaring hindi mo makontrol, hindi iyon kawalan ng pagkatao o pagiging suwail na anak. Noong nasa bahay ako, ginawa ko ang makakaya ko para gumaan ang pasanin ng mga magulang ko. Hindi sa ayaw kong maging mabuting anak; kinailangan kong tumakas sa ibang bansa dahil sa pag-uusig ng CCP. Idinulot ito ng mga obhetibong sitwasyong hindi ko kontrolado; hindi ito dahil sa hindi ko pagiging mabuting anak. Ang pagkaunawa rito ay nagbigay ng malaking liwanag sa puso ko, at huminto na ako sa pagsisi sa sarili at sa pagkalungkot dahil sa hindi ko pag-aalaga sa mga magulang ko.
Kalaunan, pinagnilayan ko, “Bakit palagi kong nararamdaman na napakalaki ng pagkakautang ko sa mga magulang ko?” Habang naghahanap ako, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa panlabas, tila ang iyong mga magulang ang nagsilang sa iyo, at ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng iyong buhay ng laman. Ngunit, mula sa perspektiba ng Diyos, at mula sa ugat ng usaping ito, ang buhay ng iyong laman ay hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang, dahil hindi kayang lumikha ng mga tao ng buhay. Sa simpleng pananalita, walang tao ang makakalikha ng hininga ng tao. Ang dahilan kung bakit nagiging tao ang laman ng bawat tao ay dahil taglay nila ang hiningang iyon. Ang buhay ng tao ay nakasalalay sa hiningang ito, at ito ang tanda ng isang buhay na tao. Ang mga tao ay may hiningang ito, may buhay na ito, at ang kanilang pinagmulan at pinanggalingan ay hindi ang kanilang mga magulang. Nabuo lamang ang mga tao sa pamamagitan ng pagsilang sa kanila ng kanilang mga magulang—sa pinaka-ugat, ito ang pagsasaayos ng Diyos, ang pag-orden ng Diyos. Samakatwid, hindi ang mga magulang mo ang mga panginoon ng iyong buhay, ang Panginoon ng iyong buhay ay ang Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya ang buhay ng sangkatauhan, at binigyan Niya ng hininga ng buhay ang sangkatauhan, na siyang pinagmulan ng buhay ng tao. Samakatwid, hindi ba’t ang linyang ‘Hindi ang mga magulang mo ang mga panginoon ng iyong buhay’ ay madaling unawain? Ang hininga mo ay hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang, at lalong hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang ang karugtong nito. Ang Diyos ang nangangalaga at may kataas-taasang kapangyarihan sa bawat araw ng iyong buhay. Ang iyong mga magulang ay hindi makapagpapasya kung ano ang magiging takbo ng bawat araw sa iyong buhay, kung ang bawat araw ay magiging masaya at maayos, kung sino ang makakasalamuha mo araw-araw, o kung sa anong kapaligiran ka mamumuhay sa bawat araw. Sadya lamang na inaalagaan ka ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga magulang—ang iyong mga magulang ang mga taong ipinadala ng Diyos para mag-alaga sa iyo. Nang ipinanganak ka, hindi ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng buhay—kaya’t ngayong nabuhay ka hanggang sa araw na ito, ang mga magulang mo ba ang nagbigay sa iyo ng buhay? Hindi pa rin. Ang pinagmulan ng iyong buhay ay ang Diyos pa rin, at hindi ang iyong mga magulang” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (17)). “Pumipili ang Diyos ng isang pamilya para sa iyo; ang pinagmulan ng iyong pamilya, ang iyong mga magulang, ang iyong mga ninuno—lahat ng ito ay maagang pinagpapasiyahan ng Diyos. Samakatwid, hindi ginagawa ng Diyos ang mga pagpapasiyang ito nang padalus-dalos, sa halip, matagal na Niyang sinimulan ang gawaing ito. Kapag nakapili na ang Diyos ng isang pamilya para sa iyo, pinipili naman Niya ang petsa kung kailan ka isisilang. Pagkatapos, nanonood ang Diyos habang isinisilang kang umiiyak sa mundo. Pinanonood Niya ang iyong pagdating, pinanonood habang natututo kang bumigkas, pinanonood habang natutumba-tumba kang maglakad, hakbang-hakbang. Ngayon ay kaya mo nang tumakbo, tumalon, magsalita, at ipahayag ang iyong mga damdamin…. Habang lumalaki ang mga tao, nakapako ang titig ni Satanas sa bawat isa sa kanila, kagaya ng isang tigreng nakamasid sa bibiktimahin nito. Ngunit sa paggawa ng Kanyang gawain, hindi kailanman nasasailalim ang Diyos sa mga limitasyong nagmumula sa sinumang tao, anumang pangyayari o bagay, sa espasyo o panahon; ginagawa Niya kung ano ang dapat at nilalayon Niyang gawin. Sa proseso ng paglaki, maaari kang makasagupa ng maraming di-kanais-nais na bagay, kabilang ang karamdaman at mga di-patag na landas sa buhay. Ngunit habang lumalakad ka sa landas na ito, ang iyong buhay at ang iyong kinabukasan ay nasa maingat na pangangalaga ng Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng tunay na garantiya para sa buong buhay mo, sapagkat Siya ay nasa tabi mo, pinoprotektahan at inaalagaan ka” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Lahat ng ginagawa ng Diyos para sa bawat isang tao ay hindi mapag-aalinlanganan; inaakay Niya ang bawat isa, sinusubaybayan ka sa bawat sandali at kailanma’y hindi umalis sa iyong tabi. Habang ang mga tao ay lumalaki sa ganitong uri ng kapaligiran at sa ganitong uri ng karanasan, masasabi ba natin na ang mga tao sa katunayan ay lumalaki sa palad ng kamay ng Diyos? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Ang pangunahing dahilan kung bakit pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa mga magulang ko ay dahil naniniwala akong sila ang nagbigay ng buhay sa akin, nagpalaki, at nag-alaga sa akin, kaya kailangan kong maging mabuting anak sa kanila. Naisip ko na kung hindi ko gagawin iyon, binibigo ko sila para sa kanilang kabutihan sa pagpapalaki sa akin at ako ay isang tampalasan na walang utang na loob. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang buhay ko ay nagmumula sa Diyos. Ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ang sikat ng araw, ulan, hangin, at ang mismong hininga ng buhay. Kung aalisin ng Diyos ang alinman sa mga iyon, hindi ako mabubuhay. At bago pa man ako dumating sa mundong ito, pinili na ng Diyos ang aking mga magulang at pamilya, at paunang inorden ang kapaligirang kalalakihan ko. Mula pagkabata hanggang sa pagtanda, sa buhay may-asawa at pagkakaroon ng mga anak, nasa tabi ko ang Diyos, binabantayan ako sa bawat hakbang. Isinilang lang ako ng mga magulang ko at tinupad nila ang kanilang responsabilidad na alagaan ako, pero wala silang kontrol sa buhay ko. Halimbawa, noong labingwalong taong gulang ako, nalason ako sa carbon monoxide dahil hindi ako marunong magsiga ng uling, at nawalan ako ng malay. Wala ang mga magulang ko sa bahay, at isang kapitbahay ang bumuhat sa akin palabas, at pagdating ng ambulansya, nagsisimula na akong magkamalay. Kung hindi dahil sa pag-iingat at proteksyon ng Diyos, matagal na sana akong namatay. Ang pagkakatantong ito ay nagbigay-liwanag sa puso ko. Lahat ng mayroon ako ay galing sa Diyos, at higit sa lahat, ang pagmamahal ng Diyos ang dapat kong suklian. Natanto ko rin na ang ugat na dahilan ng pasakit ko ay hindi ko natalos ang mga makalamang pagkagiliw sa pamilya. Sa katunayan, sa espirituwal na mundo, magkakahiwalay na indibidwal ang mga magulang at anak na walang ugnayan. Kaya lang, ayaw ng Diyos na mamuhay ang mga tao nang nag-iisa sa mundong ito, kaya nagsasaayos Siya ng mga pamilya, mga magulang, at mga anak para sa atin. Kapag pumanaw ang isang tao, wala na ang makalamang relasyong iyon. At hindi lang ako anak ng mga magulang ko; isa akong nilikha. Ang pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha ang aking responsabilidad at misyon. Ang pagkaunawa sa katotohanang ito ay nagpalaya nang husto sa puso ko.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis sa tradisyonal na ideyang kultural na “Ang pagiging mabuting anak ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat.” Sabi ng Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, at na sinumang hindi mabuting anak ay isang mapaghimagsik na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng ganoong mga bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ako mabuting anak, hindi ako magiging mabuting tao; magiging isa akong mapaghimagsik na anak, kokondenahin ako ng pampublikong opinyon. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos ng ilang prinsipyo. … Ginagamit ni Satanas ang mga tradisyonal na kulturang ito at ang mga kuru-kurong ito ng moralidad upang igapos ang iyong puso at isipan, ginagawang baligho ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay at idinudulot na itatwa at salungatin mo ang Diyos sa iyong puso, kaya hindi mo magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos; sinakop ka ng mga bagay na ito na kay Satanas, at ginawang walang kakayahang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ang mga bagay na ito ay mag-aalburuto at magdudulot ng mga kaguluhan sa loob mo, at magdudulot na labanan mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos. Kahit na nais mong alisin ang iyong sarili mula sa pamatok ng tradisyonal na kultura, wala kang magiging lakas na gawin ito. Pagkatapos makipagbaka nang ilang panahon, makikipagkompromiso ka. Maniniwala ka na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, at kaya’t tatanggihan o pagdududahan mo ang mga salita ng Diyos, hindi tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, at hindi mag-aalala kung makakamit mo ba ang kaligtasan, nararamdaman na, tutal naman, namumuhay ka pa rin sa mundong ito, at magkakaroon ka lamang ng paraan para umusad sa buhay sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito. Dahil hindi kayang tiisin ang pagkondena ng opinyon ng publiko, pipiliin mong isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, at sa halip ay kakapit ka sa mga kuru-kuro ng moralidad ng tradisyonal na kultura, pumapanig kay Satanas at naninindigan kasama ni Satanas, mas pinipiling salungatin ang Diyos kaysa tanggapin ang katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kaawa-awa ang tao? Hindi ba’t kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos? Ang ilang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi pa rin nila makita nang malinaw ang usapin ng pagiging mabuting anak. Gaano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito maunawaan. Hindi nila kailanman mapagtagumpayan ang makamundong ugnayang ito; wala silang lakas ng loob, ni pananalig, lalo na ang determinasyon, kaya hindi nila kayang magmahal at magpasakop sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao). Sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang isa pang dahilan kung bakit palagi kong nararamdaman na may pagkakautang ako sa mga magulang ko ay dahil tinanggap ko ang mga ideyang tulad ng “Ang pagiging mabuting anak ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat” at “Ang isang suwail na anak ay mas mababa pa kaysa sa hayop” bilang mga prinsipyo ko sa pag-asal. Naisip ko na tanging ang mga mabuting anak sa kanilang mga magulang ang may konsensiya at pagkatao, pero ang pananaw na ito ay talagang hindi naaayon sa katotohanan. Naisip ko ang mga banal sa buong kasaysayan na tinalikuran ang kanilang mga magulang at pamilya para sumunod sa Diyos at ipalaganap ang Kanyang ebanghelyo. Ang mga bagay na ginawa nila ay ang pinakamatutuwid na gawa ng sangkatauhan, at sinasang-ayunan at tinatandaan ng Diyos. Pero ako ay ginawang tiwali at kinondisyon ng tradisyonal na kultura, at itinuring ko ang pagiging mabuting anak sa aking mga magulang bilang pinakamahalagang bagay sa lahat. Ang pagpunta sa ibang bansa para gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha at gawin ang aking bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay malinaw na isang positibong bagay, pero dahil hindi ko naalagaan ang mga magulang ko, itinuring ko ang sarili ko bilang isang tampalasan na walang utang na loob at isang suwail na anak. Madalas akong inuusig ng aking konsensiya, at pinagsisihan ko pa nga na maaga akong umalis ng bahay para gawin ang aking tungkulin. Nakita ko kung paanong ganap na binaluktot ng mga tradisyonal na kuru-kurong ito ang aking pag-unawa sa tama at mali. Isa akong nilikha, at ganap na likas at may katwiran na gawin ko nang maayos ang aking tungkulin. Pero matapos marinig na namatay na ang mga magulang ko, naipit ako sa isang kalagayan ng pagkakonsensiya. Wala ako sa sarili sa aking tungkulin, hindi ko makuha ang emosyon ng karakter kapag umaarte, at hindi ako nakadama ng paninisi sa sarili sa pag-antala sa pag-usad ng pelikula. Iyon ang tunay na kawalan ng konsensiya! Sa katunayan, ang pagpanaw ng mga magulang ko ay isang napakanormal na bagay. Lahat ay nakararanas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan. Pero naipit ako sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob at hindi makawala, na isang tahimik na reklamo laban sa Diyos. Noon ko lang malinaw na nakita na ang tradisyonal na kultura ay kaaway ng Diyos. Ito ay lason. Sa pamumuhay ayon dito, lalo lamang akong magiging mapaghimagsik at mapanlaban sa Diyos. Nang mapagtanto ito, nakita ko kung gaano kahalaga ang mga katotohanang ito na ipinahayag ng Diyos. Tanging ang katotohanan ang makapagpapalaya sa akin mula sa panggagapos at pamiminsala ni Satanas. Pagkatapos niyon, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, labis akong ginawang tiwali ni Satanas. Nagapos at naitali ako ng maling ideya na ‘Ang pagiging mabuting anak ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat.’ Naipit ako sa isang kalagayan ng pagkakonsensiya sa aking mga magulang, hindi magawang gawin nang maayos ang aking tungkulin. Ngayon ay nauunawaan ko na isa ito sa mga panlalansi ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Mula ngayon, nais kong tingnan ang mga tao at bagay ayon sa Iyong mga salita, hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at panghawakang mabuti ang aking tungkulin.”
Ngayon, hindi na ako naaapektuhan ng pagpanaw ng mga magulang ko. Ibinubuhos ko ang lahat ng oras at lakas ko sa aking tungkulin. Pinag-iisipan kong mabuti ang bawat papel na ginagampanan ko at hindi ko na hinahayaan ang aking personal na kalagayan o damdamin na makahadlang sa aking tungkulin. Bagama’t napakasakit na maranasan ang pagpanaw ng aking mga magulang, may naunawaan akong ilang katotohanan. Para sa akin, ito ang biyaya at pagliligtas ng Diyos. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Song Zhi, TsinaNoong Oktubre 2019, inaresto ako ng pulis sa isang pagtitipon at sinentensiyahan ng dalawa’t kalahating taon sa kulungan....
Ni Mu Cheng, TsinaSa nakalipas na ilang taon, ginampanan ko ang mga tungkulin ko nang malayo sa bahay. Nami-miss ko minsan ang aking ina,...
Ni Xinyi, TsinaNoong 2012, naging responsable ako sa gawain ng ilang iglesia. Nalaman ko na, sa panahon ng mga halalan sa iglesia, nailihis...
Ni Cheng Xin, TsinaNoong 2012, inaresto ako ng mga pulis dahil sa paggawa ko sa aking tungkulin at sinentensiyahan akong makulong nang...