Pagkatapos Mawasak ang mga Pag-asa Kong Aalagaan Ako ng Anak Ko sa Aking Pagtanda
Ni Wang Yan, TsinaMagmula pa noon, madalas kong marinig ang matatanda na nagsasabing masuwerte si ganito at si ganoong tao, dahil mabubuti...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Mula pagkabata, lagi kong naririnig na pinag-uusapan ng mga kasing-edad ng mga magulang ko ang tungkol sa pagpapalaki ng mga anak para may mag-alaga sa kanila sa pagtanda nila. Nang lumaki na ako, naging labis din akong mapag-arugang anak sa mga magulang ko. Nang makapag-asawa ako, nagkaroon ako ng isang anak na lalaki at isang anak na babae. Noong mga bata pa sila, paminsan-minsan ay binabanggit ko sa kanila na hindi nasayang ang pagpapalaki sa anak ng pamilya Wang. Inalagaan niya ang kanyang mga magulang sa kanilang pagtanda at inalagaan niya sila hanggang sa huling sandali nila. Ang pamilya Zhang naman, apat ang anak na lalaki, pero noong tumanda na siya at hindi na makagalaw, wala ni isa sa kanila ang nag-alaga sa kanya. Talagang nagpalaki siya ng isang pugad ng mga anak na walang utang na loob! Tinanong ko rin ang mga anak ko, “Pinalalaki ko kayo, kaya aalagaan n’yo ba ’ko pagtanda ko?” Sumagot ang anak kong lalaki, “Aalagaan po!” Masaya ko siyang pinuri, sabi ko, “Napakamaintindihin talaga ng anak ko! Hindi nasayang ang pagpapalaki ko sa iyo.” Dahil sa indoktrinasyon ko sa kanila, bata pa lang ay marunong nang mag-aruga sa akin ang mga anak ko. Mahina ang kalusugan ko. Nagkaroon ako ng sakit sa puso at high blood pressure noong mga treinta anyos ako. Kapag malala na, hirap akong huminga at nahihilo ako. Minsan, sa sobrang hina ko, hindi na ako makalakad. Nang lumaki na ang mga anak ko, anumang gawain ang ginagawa ko, basta makita nila, agad na sila na ang gumagawa nito para sa akin. Talagang maalaga sila sa akin. Nang makita kong napakabait sa akin ng mga anak ko, napanatag ang loob ko. Naramdaman kong hindi nasayang ang pagpapalaki ko sa kanila, at mayroon na akong aasahan sa aking pagtanda. Habang tumatanda ako, nitong mga nakaraang taon, madalas akong atakihin ng sakit sa puso at high blood. Madalas akong makaranas ng paninikip ng dibdib, kakapusan ng hininga, pagkahilo, at hirap na makatulog sa gabi, at parang lutang ako buong araw. Masyado rin akong nanghihina kaya hindi na makalakad. Pagod na pagod ang asawa ko sa maghapong pagtatrabaho at wala nang lakas para alagaan ako, kaya ang anak kong lalaki at ang asawa niya ang nagdadala sa akin sa doktor at nag-aalaga sa akin. Noong panahon ng pandemya, taong 2021, nagkaroon ako ng COVID-19 at nakahiga lang sa kama, hindi makagalaw. Dinalhan ako ng tubig at gamot ng anak kong lalaki at ng asawa niya at inalagaan nila akong mabuti. Umuuwi minsan ang anak kong babae para tulungan akong maglinis, at gumagawa siya ng mga steamed bun at siopao para ilagay sa freezer para sa akin. Sa tuwing nangyayari ito, talagang kontentong-kontento ako, at pakiramdam ko ay hindi nasayang ang pagpapalaki ko sa mga anak ko.
Sa simula ng 2023, ang anak kong lalaki ay gustong ilipat ng boss niya sa ibang lugar para magtrabaho, at bibigyan siya ng promosyon at dagdag-sahod. Kinonsulta ako ng anak ko kung dapat ba siyang pumunta o hindi. Nang marinig ko ang balita, sa isip-isip ko, “Wala pang sariling bahay ang anak ko. Maganda na kumita siya ng mas malaki, para mas maging maginhawa ang buhay niya.” Pero naisip ko na tumatanda na ako taon-taon, puro sakit na ang katawan ko, at kailangan ko pa rin ang anak ko na mag-alaga sa akin kapag hindi na ako makagalaw. Kung sa ibang lugar siya magtatrabaho, maaasahan ko pa kaya siya sa mga kritikal na sandali? Isang iglap lang, tag-araw na, at muling kinausap nang masinsinan ng boss ang anak ko para kumbinsihin siya. Mahigit sa triple ang itinaas ng sahod niya, at nangako rin ang boss niya na magsasaayos ito ng isang magandang trabaho para sa asawa niya. Pumayag ang anak ko at ang asawa niya. Nabagabag ako nang todo nang marinig ko ang balita, at naisip ko, “Kapag umalis na sila, sino nang aasahan ko kapag nagkasakit ako?” Noong panahong iyon, pumunta sa ibang lugar ang anak kong babae para gawin ang kanyang tungkulin. Pagkaalis nila, labis akong nalungkot at nangulila. Sa isip-isip ko: “Dati, ang anak ko ang nag-aasikaso sa lahat ng bagay na pampamilya. Sa hinaharap, hindi na magiging madali na hingan ng tulong ang anak ko kapag may nangyari. Kapag wala ang mga anak ko, habang tumatanda ako, lalo ko silang hindi maaasahan.” Nang maisip ko ito, talagang nanlumo ako.
Hindi nagtagal pagkaalis ng mga anak ko, tinamaan na naman ako ng COVID. Mas malala ito kaysa sa unang beses. Hindi marunong mag-alaga ang asawa ko; puro trabaho lang ang alam niya. Nakahiga akong mag-isa sa kama, labis na nangungulila, iniisip kung gaano sana kasarap kung nandito lang ang mga anak ko. Tumatanda na ako nang tumatanda, at palala nang palala ang kalusugan ko araw-araw. Kailangan ko talaga ang pag-aalaga ng mga anak ko noong panahong iyon, pero wala sila sa tabi ko, at wala akong ibang maaasahan. Halos hindi ko namamalayan, napuno na ng pag-aalala ang puso ko, at wala na akong ganang magbasa ng mga salita ng Diyos. Nabawasan na rin ang pagdarasal ko. Pagkatapos, ilang araw akong nagpa-injection at unti-unting bumuti ang kalagayan ko. Gayunpaman, nanghihina pa rin ako na hindi ko man lang mabuhat ang isang mop. Nakadama ako ng matinding kalungkutan sa puso ko, iniisip ko na, “Pinaghirapan kong palakihin ang mga anak ko, pero pagtanda ko, umalis silang lahat. Kung magkasakit ako nang malubha sa hinaharap, nandiyan kaya sila para alagaan ako?” Isang araw, nag-video call sa akin ang anak kong lalaki at nag-aalalang sinabi: “Ma, kung hindi kayo komportable, magpahinga po kayo. Kung hindi ninyo kayang gawin ang isang bagay, huwag na po ninyong gawin.” Nagreklamo ako, sabi ko: “Kung hindi ko gagawin, sino’ng gagawa para sa akin? Hindi ko kayo maaasahan!” Nang marinig ito ng anak ko, yumuko siya na halatang masama ang loob, at hindi umimik. Pagkatapos, araw-araw na akong vini-video call ng anak ko para kumustahin ang kalagayan ko. Minsan, dalawa o tatlong beses siyang tumatawag sa isang araw, palaging pinapaalalahanan ako na pumunta sa ospital kapag may sakit ako at huwag lang iyon tiisin. Oo lang ako nang oo, pero sa loob-loob ko, “Wala naman kayo rito, kaya hindi ko kayo maaasahan kung may mangyari. Anong silbi ng ilang salitang pampalubag-loob?” Kalaunan, gumaling-galing ang sakit ko, at hindi na gaanong nakakapagod para sa akin na gumawa ng ilang trabaho. Hindi ko sineryoso ang mga bagay na ito na naibunyag ko. Sa pagtatapos ng 2023, tinamaan na naman ako ng COVID-19. Sa pagkakataong ito, mas malala pa kaysa dati. Nakahiga ako sa kama, sa sobrang sama ng pakiramdam, hindi ko mailarawan ang nararamdaman ko. Noong mga araw na iyon, wala akong ganang magdasal o magbasa ng mga salita ng Diyos, at hindi ko na magawa ang tungkulin ko. Labis ang pangungulila ko. Sa isip-isip ko: “Kahit may anak akong lalaki at babae, ang anak kong babae ay kadalasang nasa malayo at ginagawa ang kanyang tungkulin. Ang anak ko namang lalaki ay nagtatrabaho sa ibang lugar at hindi ko rin maaasahan. May sakit ako at nakaratay sa kama at wala man lang ni isang nagpapakita ng malasakit sa akin. Wala talagang silbi ang magpalaki ng mga anak!” Nang malaman ng mga nakababata kong kapatid na tinamaan ako ng COVID, tinawagan nila ako at sinabihang magpagamot agad. Sabi nila, may mga tao raw sa paligid nila na namatay sa COVID dahil sa mga dati nang karamdaman. Sinabi rin ng anak ko na may isang tao sa kumpanya nila na may high blood at namatay sa COVID. Naisip ko ang tatlong beses na tinamaan ako ng COVID, na sa bawat pagkakataon ay mas malala kaysa sa nauna. Sa pagkakataong ito, nakahiga ako sa kama, hindi man lang makagalaw o makalunok ng pagkain. Sa isip-isip ko, “Malalampasan ko pa kaya ito? Kapag nahirapan akong huminga, huwag nang asahan na madala pa ako ng mga anak ko sa ospital; natatakot ako na baka hindi ko na nga sila makita sa huling pagkakataon. Sabi ng lahat, magpalaki raw ng anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo, pero gaano man kabuti ang mga anak mo, kung wala naman sila sa tabi mo sa mga kritikal na sandali, wala ring silbi!” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nasasaktan, at sa sobrang pagdaramdam ay napaiyak na lang ako. Sa sandaling ito, naalala ko ang sulat ng anak kong babae ilang araw na ang nakalipas, na nagsasabing tinanggal siya sa tungkulin dahil sa pagiging pabasta-basta. Nagsimula akong umasa na babalik siya. Gusto ko siyang sulatan para sabihin sa kanya ang kalagayan ko, iniisip na kung malalaman niya ito, baka bumalik siya at maalagaan ako. Gayunpaman, napagtanto kong magiging sagabal lang ito sa pag-unlad ng anak ko, kaya hindi ko na isinulat. Gayunpaman, umasa pa rin akong babalik siya sa akin. Nanalangin ako sa puso ko, sinabi ko sa Diyos ang kalagayan ko at hiniling na patnubayan Niya ako.
Pagkatapos, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Tungkol sa usapin ng pag-asam ng mga magulang na maging mabuting anak sa kanila ang kanilang mga anak, sa isang aspekto, dapat malaman ng mga magulang na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos at nakasalalay sa ordinasyon ng Diyos. Sa isa pang aspekto, dapat magtaglay ng katwiran ang mga tao. Ang panganganak at pagpapalaki ng mga bata ay pagdanas mismo ng mga magulang ng isang espesyal na bagay sa buhay. Marami ka nang nakamit mula sa mga anak mo at naranasan mo na ang mga kalungkutan at kagalakan ng pagiging magulang. Ang prosesong ito ay isang masaganang karanasan sa iyong buhay, at siyempre, isa rin itong hindi malilimutang karanasan. Pinupunan nito ang mga pagkukulang at kamangmangan na umiiral sa pagkatao mo. Nakamit mo na ang nararapat mong makamit sa pagpapalaki ng iyong mga anak. Kung hindi ka nasisiyahan dito at hinihingi mo na pagsilbihan ka ng iyong mga anak bilang mga tagapaglingkod o alipin, at hinihingi na suklian nila ang kabutihan mo sa pagpapalaki sa kanila sa pamamagitan ng pagpapakita sa iyo ng pagiging mabuting anak sa buong buhay nila, at alagaan ka rin sa iyong katandaan at ihatid ka sa iyong libingan, ilagay ka sa kabaong pagkamatay mo, umiyak nang may pighati para sa iyo, magluksa at ipagdalamhati ka sa loob ng tatlong taon, at iba pa—na papagbayarin ang iyong mga anak sa utang nila sa mga paraang ito, kung gayon, ito ay hindi makatwiran at walang pagkatao. Sa usapin ng pagtrato sa mga magulang ng isang tao, tanging hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, at hindi Niya hinihingi na suportahan ng mga anak ang kanilang mga magulang hanggang sa mamatay ang mga ito. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng ganitong responsabilidad at obligasyon—wala Siyang sinabing ganito kahit kailan. Pinapaalalahanan lamang ng Diyos ang mga anak na maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay isang pangkalahatang pahayag na may malawak na saklaw. Sa partikular na pananalita ngayon, nangangahulugan ito ng pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa abot ng iyong kakayahan at mga kalagayan—sapat na iyon. Ganoon lang iyon kasimple, iyon lamang ang hinihingi sa mga anak. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga magulang ito? Hindi hinihingi ng Diyos na ang mga anak ay maging mabuting anak sa kanilang mga magulang, alagaan ang mga ito sa pagtanda, at ihatid ang mga ito sa huling hantungan. Bilang mga magulang, dapat ninyong bitiwan ang inyong pagiging makasarili at huwag hingin na sa iyo umikot ang buhay ng iyong mga anak dahil lang sa isinilang at pinalaki mo sila. Kung ang buhay ng mga anak mo ay hindi umiikot sa iyo at hindi ka nila itinuturing na sentro ng kanilang buhay, palagi mo silang pinagagalitan pagkatapos, ginugulo ang kanilang konsensiya, sinasabing, ‘Isa kang walang malasakit na taong walang utang na loob, hindi ka mabuting anak, at suwail ka, at kahit matapos kitang palakihin nang napakahabang panahon, hindi pa rin kita maasahan.’ Ang palaging pagalitan ang iyong mga anak nang ganito at bigyan sila ng mga pasanin ay hindi tama. Ang hingin sa mga anak mo na maging mabuting anak at samahan ka, alagaan ka sa iyong pagtanda at ilibing ka, at palagi kang isipin saanman sila magpunta, ay isang likas na maling paraan ng pagkilos at hindi makataong kaisipan. Ang ganitong pag-iisip ay maaaring umiral sa magkakaibang antas sa iba’t ibang bansa o sa iba’t ibang etnikong pangkat, ngunit kung titingnan ang tradisyonal na kultura sa Tsina, lubusang binibigyang-diin ng mga Tsino ang pagiging mabuting anak. Magmula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, palagi itong tinatalakay, at itinuring ito bilang isang parte ng pagkatao ng mga tao at isang pamantayan ng pagsukat kung ang isang tao ay mabuti ba o masama. Siyempre, mayroon ding isang karaniwang kaugalian at pampublikong opinyon sa lipunan na kung hindi mabuting anak ang mga anak, hahamakin at kokondenahin sila, at makakaramdam din ng hiya ang kanilang mga magulang, at mararamdaman ng mga anak na hindi nila kayang tiisin ang bahid na ito sa kanilang reputasyon. Sa ilalim ng impluwensiya ng iba’t ibang bagay, lubha ring nalalason ang mga magulang ng ganitong tradisyonal na pag-iisip, hinihingi nila nang walang pag-iisip o pagkilatis na maging mabuting anak ang kanilang mga anak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Pagkabasa ko sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagpapalaki ng mga anak ay isang responsabilidad at obligasyong ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan para sa pagpaparami at pagpapatuloy ng lahi. Hindi ito para may mag-alaga sa iyo sa iyong pagtanda. Dahil pinili ng mga magulang na magkaanak, dapat nilang asikasuhin ang pagkain, damit, tirahan, at transportasyon ng kanilang mga anak, at palakihin sila. Ito ang kanilang mga responsabilidad bilang mga magulang. Kahit ang mga hayop ay kayang tuparin ang responsabilidad na palakihin ang kanilang mga supling, at maingat na arugain at alagaan ang mga ito. Kapag lumaki na ang kanilang mga supling, iniiwan nila ang kanilang mga magulang. Hindi kailangan ng mga hayop na suklian sila ng kanilang mga supling. Pero nakondisyon ako ng tradisyonal na kultura, na bumabaluktot sa pagkaunawa sa orihinal na layunin ng Diyos sa paggawa sa mga tao na magpalaki ng mga anak at nagsasabi na ang pagpapalaki ng anak ay isang paghahanda para sa pagtanda. Itinaguyod ko ang mga anak ko, at naniwala akong dahil inalagaan ko sila noong bata pa sila, dapat nila akong alagaan pagtanda ko; binalewala ko na isa itong bagay na ikasisiya ko. Nang alukin ng trabaho sa ibang lugar ang anak kong lalaki, natakot akong kapag umalis siya, hindi ko siya maaasahan kung magkakasakit ako, kaya ayaw ko siyang payagan. Gusto kong manatili ang anak ko sa tabi ko at nandiyan agad siya sa tuwing kailangan ko siya. Nagreklamo pa ako sa anak ko sa telepono, na dumagdag sa kanyang pasanin at pasakit. Ang anak kong babae ay nananampalataya sa Diyos at tinatahak ang tamang landas sa buhay. Ginagawa niya ang tungkulin ng isang nilikha at ipinapalaganap ang ebanghelyo ng Diyos. Ang ginagawa niya ang pinakamakabuluhan at pinakamahalagang bagay, pero dahil hindi niya ako maalagaan, palagi akong hindi masaya, at palagi kong nararamdaman na may utang siya sa akin, na hindi maaaring nasayang lang ang pagpapalaki ko sa kanya. Umaasa akong magkakaroon siya ng pagkakataong suklian ang pagpapalaki ko sa kanya. Nang muli akong tamaan ng COVID-19, umasa akong babalik ang anak kong babae, at gusto ko pa ngang sulatan siya para hilinging bumalik at alagaan ako. Ang mga hayop ay nagpapalaki ng kanilang mga supling nang walang hinihinging kapalit, at binibigyan sila ng kalayaan. Samantalang ako, gusto kong kontrolin ang mga anak ko na manatili sa aking tabi, para magamit ko sila sa tuwing tatawag ako. Talagang wala akong katwiran! Namuhay ako ayon sa tradisyonal na kuru-kurong magpalaki ng anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo. Hindi lang nito pinalayo ang relasyon ko sa Diyos at nagdulot sa akin na mamuhay sa pasakit, nagdala rin ito ng pagpigil at pasakit sa mga anak ko. Hinihiling lang ng Diyos na ang mga anak ay maging mapag-aruga sa kanilang mga magulang sa abot ng kanilang makakaya; sapat na na tuparin nila ang kanilang mga responsabilidad bilang mga anak, at hindi hinihiling ng Diyos na alagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang hanggang sa kamatayan. Sa katunayan, natupad na ng mga anak ko ang kanilang mga responsabilidad sa abot ng kanilang makakaya. Ngayon, hindi nila ako maasikaso dahil hindi pinahihintulutan ng mga pagkakataon, pero ipinipilit ko pa ring alagaan ako ng mga anak ko. Hindi ba’t gumagawa ako ng gulo nang walang katwiran? Nakita ko na ang mga maladiyablong salita ni Satanas na, “Magpalaki ng anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo,” ay nagdulot sa akin na maging sarado ang isip sa katwiran. Salamat sa patnubay ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay napagtanto ko na ang ideya na magpalaki ng anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo ay isang negatibong bagay, at nakapipinsala sa mga tao. Nang maunawaan ko ito, nanalangin ako sa Diyos, handang hanapin ang katotohanan para baguhin ang mga mali kong pananaw.
Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Hindi madali ang buhay ng mga anak na namumuhay sa lipunang ito, sa iba’t ibang grupo, posisyon sa trabaho, at antas sa lipunan. May mga bagay na kinakailangan nilang harapin at asikasuhin sa iba’t ibang kapaligiran. Mayroon silang sarili nilang buhay at isang tadhanang itinakda ng Diyos. Mayroon din silang sarili nilang mga pamamaraan para mabuhay. Siyempre, sa modernong lipunan, napakatindi ng mga kagipitang ipinapataw sa sinumang taong nakapagsasarili. Nahaharap siya sa mga problemang may kinalaman sa pananatiling buhay, ugnayan sa pagitan ng mga nakatataas at mas mababa, at mga problemang may kinalaman sa mga anak, at iba pa—matindi ang panggigipit ng lahat ng ito. Para naman maging patas, hindi ito madali para kaninuman. Lalo na sa magulo at mabilisang takbo ng pamumuhay ngayon, na puno ng kompetisyon at madugong labanan kahit saan, hindi madali ang buhay ninuman—sa halip, mahirap ang buhay ng bawat isa. Hindi Ko na tatalakayin kung paano ito nangyari. Sa pamumuhay sa ganitong kapaligiran, kung ang isang tao ay hindi nananampalataya sa Diyos at hindi gumaganap ng kanyang tungkulin, wala na siyang landas na tatahakin. Ang tanging landas niya ay ang hangarin ang mundo, panatilihing buhay ang kanyang sarili, patuloy na makibagay sa mundong ito, at makipaglaban para sa kanyang kinabukasan at pananatiling buhay anuman ang mangyari para lang mairaos niya ang bawat araw. Sa katunayan, masakit para sa kanya ang bawat araw, at nahihirapan siya araw-araw. Samakatuwid, kung bukod dito ay hihingin pa ng mga magulang sa kanilang mga anak na gawin ang ganito at ganyan, walang dudang palalalain lang nito ang sitwasyon, sisirain at pahihirapan ang kanilang katawan at isipan. Ang mga magulang ay may sarili nilang mga samahan sa lipunan, pamumuhay, at kapaligiran sa pamumuhay, at mayroon ding sarili nilang kapaligiran at lugar sa pamumuhay ang mga anak, pati na rin sitwasyon sa buhay. Kung masyadong makikialam ang mga magulang o labis-labis silang hihingi sa kanilang mga anak, hihilingin sa mga ito na gawin ang ganito at ganyan para sa kanila upang mabayaran ang mga pagsisikap nila noon alang-alang sa kanilang mga anak; kung titingnan mo ito mula sa perspektibang ito, labis itong hindi makatao, hindi ba? Paano man namumuhay o nananatiling buhay ang kanilang mga anak, o anuman ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito sa lipunan, walang responsabilidad o obligasyon ang mga magulang na gumawa ng anuman para sa kanila. Kaya, dapat ding iwasan ng mga magulang na dumagdag ng anumang problema o pasanin sa komplikadong buhay o mahirap na sitwasyon sa pamumuhay ng kanilang mga anak. Ito ang dapat gawin ng mga magulang. Huwag kang masyadong humingi sa iyong mga anak, at huwag mo silang masyadong sisihin. Dapat mo silang tratuhin nang makatarungan at patas, at dapat mong isaalang-alang ang kanilang sitwasyon nang may pang-unawa. Siyempre, dapat ding pangasiwaan ng mga magulang ang sarili nilang buhay. Rerespetuhin ng mga anak ang mga ganitong magulang, at magiging karapat-dapat respetuhin ang mga ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Lubos akong naantig pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos. Hinihiling sa atin ng Diyos bilang mga magulang na isaalang-alang ang mga paghihirap ng ating mga anak sa ating mga salita at gawa, at maging maunawain sa mga hamon sa kanila. Hindi puwedeng sarili lang nating interes ang iniisip natin; kailangan din nating mas isipin ang ating mga anak, at makisalamuha sa kanila nang may pagkakapantay-pantay. Talagang napahiya ako nang ikumpara ko ito sa lahat ng nagawa at naisip ko. Sa pagninilay sa sarili ko, napagtanto kong wala man lang akong normal na pagkatao! Sa simula pa lang, napakahusay na ng ginawa ng mga anak ko, pero hiniling ko pa rin na manatili sila sa tabi ko, na nandiyan agad sa tuwing kailangan ko sila. Sarili ko lang ang iniisip ko at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga paghihirap ng mga anak ko. Naisip ko kung paanong ang anak kong lalaki ay halos hindi na niya malaman ang uunahin sa sobrang abala para lang mabuhay, at pagod na pagod ang isip at katawan. Nasa ilalim na siya ng matinding pressure; gayundin, abalang-abala ang anak kong babae sa paggawa ng kanyang tungkulin araw-araw. Bilang isang ina, hindi ko isinaalang-alang ang mga paghihirap ng mga anak ko, at ang tanging inisip ko lang ay kung paano nila ako mapapalugod sa lahat ng paraan, na dumaragdag sa kanilang mga pasanin at pasakit. Isa pa, nang malaman kong tinanggal sa tungkulin ang anak kong babae, hindi ko inisip kung paano siya tutulungan at gagabayan para matuto ng mga aral mula sa kabiguang ito. Sa halip, umasa akong babalik siya para alagaan ako, at gusto ko pa ngang sabihin sa kanya ang tungkol sa sakit ko para guluhin siya at maging pabigat sa kanya. Salamat sa proteksyon ng Diyos, hindi ko isinulat ang liham. Kung ginawa ko talaga ang nasa isip ko, hindi ba’t paggawa iyon ng masama? Masyado akong makasarili at ubod ng sama, masyadong walang pagkatao! Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, pero hindi ko hinangad ang katotohanan; at nagtakda ako ng mga kahilingan sa aking mga anak batay sa mga satanikong pananaw. Lahat ng ginawa ko ay nakapinsala sa iba para sa sarili kong kapakinabangan, at ang tanging naidulot ko lang sa kalooban ng mga anak ko ay pressure at pagkakagapos; nagdulot din ako ng pasakit sa sarili ko. Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng labis na pagsisisi at paninisi sa sarili. Kinamuhian ko ang sarili ko sa hindi paghahangad sa katotohanan at sa paggawa ng mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, anuman ang maging kalusugan ko sa hinaharap, o kung mananatili man sa tabi ko ang mga anak ko, hindi ko na pipilitin ang mga anak ko o hihilinging alagaan nila ako sa aking pagtanda. Handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos.”
Isang araw, umalis ang asawa ko para magtrabaho at mag-isa ako sa bahay. Bumangon ako sa kama, at pagpihit ko pa lang, pakiramdam ko ay parang biglang tumigil ang puso ko at hindi ako makahinga. Sa isip-isip ko, “Katapusan ko na. Wala man lang ibang tao sa paligid. Anong silbi ng pagpapalaki ng anak kung mamamatay ako na hindi man lang nila alam?” Medyo nanlumo ako. Sakto namang bumalik ang asawa ko at dali-dali akong binigyan ng ilang mabilis umepektong tableta para sa puso at isinubo ang mga iyon sa bibig ko. Pagkaraan ng mga sampung segundo, nakahinga na ulit ako. Habang nakahiga ako sa kama at ginugunita ang sandaling iyon, gusto ko pa rin na laging nasa tabi ko ang mga anak ko, at pakiramdam ko ay isang malaking trahedya kung mamatay ako sa sakit na wala sila sa tabi ko. Napagtanto kong naiimpluwensiyahan pa rin ako ng ideyang magpalaki ng anak para may mag-alaga sa akin sa pagtanda ko, at kailangan kong humanap ng paraan para malutas ito. Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi dapat hingin ng mga magulang na maging mabuting anak ang kanilang mga anak, at alagaan sila sa kanilang pagtanda at pasanin ang bigat sa kanilang pagtanda—hindi na ito kailangan. Sa isang aspekto, ito ay isang saloobin na dapat mayroon ang mga magulang sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ito ang dignidad na dapat taglayin ng mga magulang. Siyempre, mayroon ding mas mahalagang aspekto: Ito ang prinsipyo na dapat sundin ng mga nilikha na mga magulang sa pagtrato sa kanilang mga anak. Kung mabuting anak ang mga anak mo, at handang alagaan ka, hindi mo sila kailangang tanggihan; kung ayaw naman nilang gawin ito, hindi mo kailangang magreklamo o dumaing buong araw, makaramdam ng pagiging di-komportable at di-nasisiyahan sa puso mo, o magtanim ng sama ng loob sa iyong mga anak. Dapat kang umako ng responsabilidad at dalhin ang pasanin para sa sarili mong buhay at pananatiling buhay hangga’t kaya mo, at hindi mo ito dapat ipasa sa iba, lalo na sa iyong mga anak. Dapat mong maagap at wastong harapin ang buhay na hindi kasama at wala ang tulong ng mga anak mo sa tabi mo, at kahit malayo ka pa sa mga anak mo, dapat magagawa mo pa ring haraping mag-isa ang anumang idinudulot sa iyo ng buhay. Siyempre, kung nangangailangan ka ng mahalagang tulong mula sa iyong mga anak, maaari mo itong hingin sa kanila, ngunit hindi ito dapat nakabatay sa maling kaisipan at pananaw na kailangang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang ang mga anak o na kailangan mong umasa sa kanila na alagaan ka sa iyong pagtanda. Sa halip, dapat nilang harapin pareho ang paggawa ng mga bagay-bagay para sa kanilang mga magulang o mga anak mula sa perspektiba ng pagtupad ng kanilang mga responsabilidad. Sa ganitong paraan, ang ugnayan sa pagitan ng mga magulang at anak ay mapapangasiwaan nang may katwiran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). “Kung hinahangad mo ang katotohanan, bilang magulang, unang-una ay dapat mong bitiwan ang mga tradisyonal, bulok, at mababang-uring kaisipan at pananaw tungkol sa kung ang mga anak mo ba ay mabuting anak, kung aalagaan ka ba nila sa iyong pagtanda, at kung ihahatid ka ba nila sa libingan, at dapat mong harapin nang tama ang usaping ito. Kung talagang mabuti sa iyo ang iyong mga anak, tanggapin mo ito sa wastong paraan. Pero kung wala sa iyong mga anak ang mga kondisyon o lakas para maging mabuting anak sa iyo, o hindi nila plano na maging mabuting anak sa iyo, at pagtanda mo ay hindi ka nila maalagaan sa tabi mo o maihatid sa iyong libingan, hindi mo kailangang hingin ito o maging malungkot. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. May oras para sa kapanganakan, may lugar para sa kamatayan, at inorden ng Diyos kung saan isisilang ang mga tao at kung saan sila mamamatay. Kahit pa pangakuan ka ng iyong mga anak, sabihing, ‘Kapag malapit ka nang mamatay, siguradong naroroon ako sa tabi mo; tiyak na hindi kita bibiguin,’ maaaring hindi inihanda ng Diyos ang mga sitwasyong ito. Kapag malapit ka nang mamatay, maaaring wala sa tabi mo ang iyong mga anak, at kahit gaano sila magsikap na makauwi agad, maaaring hindi na sila umabot—hindi ka nila makikita sa huling pagkakataon. Maaaring bumalik sila ilang araw pagkatapos mong lisanin ang mundong ito. May silbi pa ba ang kanilang mga pangako? Ni hindi nila magawang maging sarili nilang panginoon, pero hindi ka lang naniniwala. Iginigiit mo na mangako sila. May silbi ba ang kanilang mga pangako? Pinalulugod mo lang ang iyong sarili gamit ang mga ilusyon, at iniisip mo na kayang panindigan ng mga anak mo ang kanilang mga pangako. Magagawa ba talaga nila iyan? Hindi talaga ganoon. Kung saan sila paroroon araw-araw, kung ano ang gagawin nila araw-araw, at kung ano ang nakalaan sa kanilang kinabukasan—ni hindi nila mismo alam ang mga bagay na ito. Ang mga pangako nila ay binigkas lang nang basta-basta, na ang layon ay pagaanin ang loob mo, pero tinuring mong totoo ang mga ito. Hindi mo pa rin nakikita nang malinaw na ang kapalaran ng isang tao ay hawak ng mga kamay ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Pagkabasa ko sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kapag hinihiling ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay maging mabuting anak sa kanila, alagaan sila sa pagtanda nila at ihatid sila sa huling hantungan, ito ay isang maling pananaw at hindi makatwirang kahilingan. Kung may kakayahan ang mga anak mong alagaan ka, maaari mong tanggapin ang kanilang pag-aalaga, pero kung hindi pinahihintulutan ng kanilang kalagayan, hindi ka dapat magreklamo. Dapat kang maging responsable sa sarili mong buhay, at huwag umasa sa mga anak mo para sa lahat ng bagay. Ito ang pagkamakatwirang dapat taglayin ng mga magulang. Ngayon, wala sa tabi ko ang mga anak ko, kaya dapat akong maging responsable para sa sarili kong buhay ayon sa aking mga abilidad. Kung may mga gampaning hindi ko kaya, hindi ko gagawin ang mga iyon; kung kailangan ko ng tulong mula sa mga anak ko, hihintayin ko silang bumalik. Kung wala silang oras para tulungan ako, hindi ako magrereklamo; sa halip, aasa ako sa Diyos para lutasin ang problema. Bukod dito, kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung kaya ba akong suportahan ng mga anak ko sa aking pagtanda, kung makakasama ko ba sila para alagaan ako kapag may sakit ako, at kung kasama ko ba sila kapag namatay ako, hindi ko kontrolado ang mga bagay na ito. Hindi rin ito isang bagay na mapagpapasyahan ng mga anak ko. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at pauna nang itinakda ng Diyos. Ang pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang siyang tamang katinuan na dapat kong taglayin. Pagkatapos, gumawa ako ng mga angkop na pagsasaayos batay sa sarili kong kalagayan ng kalusugan. Hindi ko ginawa ang trabahong hindi ko kaya, uminom ako ng gamot at nagpahinga kung masama ang pakiramdam ko, at hindi na ako binagabag ng isyung kung aalagaan ba ako ng mga anak ko sa aking pagtanda.
Isang araw noong Enero 2024, nakatanggap ako ng sulat mula sa anak kong babae, na nagsasabing kailangan niyang pumunta sa isang lugar na mas malayo sa bahay para gawin ang kanyang mga tungkulin. Nang makita kong nakapag-aambag ng kanyang bahagi ang anak ko para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, natuwa ako para sa kanya. Gayunpaman, sa likod ng kaligayahan ay may kaunting kalungkutan. Naisip ko, “Palayo nang palayo ang anak kong babae, at hindi ko alam kung kailan siya makakabalik dahil abala siya sa kanyang mga tungkulin. Maaaring umatake ang mga sakit ko anumang oras, at hindi ko alam kung kailan ako babagsak. Hindi ko na maaasahan ang anak kong babae.” Sa sandaling ito, napagtanto kong lumalabas na naman ang mga tradisyonal na kuru-kurong nasa loob ko. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Bakit pinapalaki ng mga magulang ang mga anak? Hindi ito para alagaan ka nila sa iyong katandaan at ihatid sa iyong hantungan, kundi para tuparin ang isang responsabilidad at obligasyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Ang isang aspekto ay na ang pagpapalaki ng mga anak ay isang instinto ng tao, habang ang isa pang aspekto ay na isa itong responsabilidad ng tao. Nagsilang ka ng mga anak dahil sa instinto at responsabilidad, hindi para maghanda sa iyong pagtanda at para maalagaan ka kapag matanda ka na. Hindi ba’t tama ang pananaw na ito? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Ang pagpapalaki ng mga anak ay likas na ugali ng magulang, at ito rin ang kanilang responsabilidad at obligasyon; hindi dapat ito para paghandaan ang pagtanda at para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo. Pinili ng anak kong babae ang pinakamakatwirang gawain at nasa tamang landas siya sa buhay. Bukod pa riyan, ang buhay niya at ang buhay ko ay parehong nagmula sa Diyos; pareho kaming mga independiyenteng indibidwal sa harap ng Lumikha. Responsabilidad ng lahat na gawin ang mga tungkulin ng isang nilikha at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kong suportahan at hikayatin ang anak kong babae na gawin ang kanyang tungkulin, at hindi ako dapat gumawa ng anumang labis na kahilingan sa kanya. Kaya, sinulatan ko siya, hinihikayat siyang gawin nang masigasig ang kanyang tungkulin.
Pagkatapos, kapag wala sa bahay ang mga anak ko, at umaalis ang asawa ko para magtrabaho, at naiiwan akong mag-isa sa bahay, paminsan-minsan ay nakakaramdam ako ng pangungulila. Isang araw, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos at labis akong napanatag. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung gayon, kapag nangungulila ka, bakit hindi mo iniisip ang Diyos? Ang Diyos ba ay isang kasama ng tao? (Oo.) Kapag nakakaramdam ka ng labis na pagdurusa at kalungkutan, sino ang tunay na makakapagbigay-ginhawa sa iyong puso? Sino ang tunay na makakalutas ng iyong mga paghihirap? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang tunay na makakalutas ng mga paghihirap ng mga tao. Kung ikaw ay may sakit, at ang iyong mga anak ay nasa iyong tabi, pinagsisilbihan ka, at nagbabantay sa iyo, lubos kang masisiyahan, ngunit pagdating ng panahon, magsasawa ang iyong mga anak at wala nang sinuman ang magnanais na magbantay sa iyo. Sa mga panahong tulad niyon, makakaramdam ka ng tunay na pangungulila! Iniisip mong wala kang katuwang sa iyong tabi ngayon, pero ganoon ba talaga? Sa katunayan, hindi, dahil ang Diyos ay palaging nasa tabi mo! Hindi iniiwan ng Diyos ang mga tao. Siya ang Nag-iisang maaasahan nila at masisilungan sa lahat ng oras, at ang kanilang nag-iisang kapalagayang-loob. Kaya, anuman ang mga paghihirap at pagdurusang dumating sa iyo, at anuman ang mga bagay na nagpaparamdam sa iyo ng pagkaagrabyado o mga bagay na nagpapanegatibo at nagpapahina sa iyo, dapat kang lumapit at manalangin sa Diyos kaagad, at ang Kanyang mga salita ay magbibigay sa iyo ng ginhawa, at lulutasin ng mga ito ang iyong mga paghihirap at lahat ng iyong problema. Sa isang kapaligirang tulad nito, ang iyong pangungulila ang magiging batayang kondisyon para maranasan ang mga salita ng Diyos at makamit ang katotohanan. Habang ikaw ay dumaranas, unti-unti mong mapagtatanto: ‘Namumuhay pa rin ako ng magandang buhay matapos iwanan ang aking mga magulang. Namumuhay pa rin ako nang may kabuluhan matapos iwanan ang aking asawa. Namumuhay pa rin ako nang payapa at masaya matapos iwanan ang aking mga anak. Hindi na ako nakakaramdam ng kahungkagan. Hindi na ako umaasa sa mga tao. Natutunan ko nang umasa sa Diyos. Ang Diyos ang aking laging naririyan na tagapagtustos at tagatulong. Bagama’t hindi ko Siya mahawakan o makita, alam kong nasa tabi ko Siya sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Hangga’t nananalangin ako sa Kanya, hangga’t tumatawag ako sa Kanya, pakikilusin Niya ako at ipauunawa sa akin ang Kanyang mga layunin at ipapakita ang landas na dapat kong tahakin.’ Sa puntong ito, Siya ay tunay na magiging Diyos mo, at malulutas ang lahat ng iyong problema” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naliwanagan ang puso ko, at naunawaan kong nabubuhay ang mga tao sa buong buhay nila sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ang Diyos lamang ang tanging maaasahan ng tao. Sa pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang taon, sa maraming pagkakataon na nakaranas ako ng panganib at paghihirap, palaging pinamamatnugutan ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay para tulungan akong makatakas sa aking mga problema at makaligtas mula sa panganib. Naaalala ko, isang araw, naggugupit ako ng mga gulay sa loob ng bahay. Nakita kong pumapatak ang ulan sa labas, kaya lumabas ako, at sa sandaling iyon, gumuho ang bubong ng bahay namin, nag-iwan ng malaking butas. Isang malaking tipak ng lupa na tumitimbang ng mga 100 kilo ang bumagsak at tumama mismo sa lugar kung saan ako naggugupit ng mga gulay, at nayupi ang lahat ng palanggana na may lamang gulay. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, nadaganan na sana ako hanggang mamatay. Minsan naman, sobrang sama ng pakiramdam ko na hindi na ako makabangon, at hindi alam ng asawa’t mga anak ko. Isang kapitbahay ang dumalaw at nakakita sa akin at agad na tumawag ng doktor. Sabi ng doktor, kung hindi ako nagamot agad, nagkaroon na sana ako ng cerebral hemorrhage. Sa mga nakaraang taon, labis akong nagdusa sa pasakit ng karamdaman, at ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang nagpanatili sa aking buhay hanggang ngayon. Ang Diyos ang aking tunay na sandigan. Hindi kayang kontrolin ng mga anak ko ang sarili nilang mga tadhana, kaya paano ako aasa sa kanila? Kahit manatili pa sa tabi ko ang mga anak ko, hindi nila ako maililigtas kapag nasa panganib ako, ni mababawasan ang sakit ko. Kapag dumating na ang katapusan ng buhay ko, kahit nasa tabi ko pa sila, wala silang magagawa. Ang lahat ng tungkol sa akin ay hawak ng mga kamay ng Diyos. Tanging ang Diyos lamang ang pinagmumulan ng aking buhay at ang aking habambuhay na sandigan. Bagama’t wala sa tabi ko ang mga anak ko, hindi ako nag-iisa: Kapag nahihirapan ako at nasasaktan, maaari akong manalangin sa Diyos at maaari kong sabihin sa Kanya ang nasa puso ko. Nang maunawaan ko ito, nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa.
Kalaunan, madalas pa rin akong atakihin ng sakit, at nananalangin ako sa Diyos sa puso ko, ipinagkakatiwala sa Kanya ang aking mga pasakit at problema. Minsan kapag inaatake ako ng sakit at hindi na makagalaw, hihiga na lang ako sa kama at magpapahinga sandali, at unti-unti ring nakakabawi. Lagi akong may dalang first aid medicine, at umiinom ako kapag masama ang pakiramdam ko. Para naman sa mga gawaing-bahay, kapag hindi ako inaatake ng sakit, dahan-dahan ko lang ginagawa ang kaya kong gawin. Hindi ko pinipilit ang sarili ko na gawin ang mga hindi ko kayang gawin; ang asawa ko ang gumagawa niyon pag-uwi niya. Kapag napapauwi naman ang mga anak ko, tumutulong din sila. Ngayon, hindi ko na iniintindi kung nasa tabi ko ba ang mga anak ko o hindi, at hindi ko na iniisip na umasa sa kanila, at hindi na ako nagrereklamo pa tungkol sa kung aalagaan ba nila ako sa aking pagtanda. Talagang gumaan at lumaya ang pakiramdam ko. Ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin para makatakas mula sa pinsala ng tradisyonal na kaisipang pangkultura na magpalaki ng anak para may mag-alaga sa iyo sa pagtanda mo, at ang tumulong na mahanap ko ang tamang prinsipyo ng pagsasagawa sa pakikitungo sa aking mga anak, na nagpalaya sa akin mula sa pasakit. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Wang Yan, TsinaMagmula pa noon, madalas kong marinig ang matatanda na nagsasabing masuwerte si ganito at si ganoong tao, dahil mabubuti...
Ni Pei Zhiming, TsinaNoong unang bahagi ng 2017, ipinangaral sa akin ng kapitbahay kong si Li Lan ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos...
Ni Li Jia, TsinaDati, palagi kong iniisip na dapat akong maging mapagparaya at mapagbigay sa iba, isaalang-alang ang mga damdamin nila at...
Ni Zhou Zhou, TsinaIsinilang ako sa isang tradisyonal na pamilyang Tsino. Magmula noong bata ako, tinuruan ako ng mga magulang ko na maging...