Ang Pananalig ba sa Makapangyarihang Diyos ay Isang Pagtataksil sa Panginoong Jesus?

Disyembre 5, 2021

Tatlumpung taon na ang nakalipas mula nang si Cristo ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, ay nagpakita at nagsimulang gumawa at magpahayag ng mga katotohanan noong 1991. Ipinahayag Niya ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, ang milyon-milyon ng Kanyang mga salita, na lahat ay online, nagniningning mula sa Silangan hanggang sa Kanluran tulad ng isang malaking liwanag, at niyayanig ang buong mundo. Maraming tao mula sa lahat ng denominasyon na nagmamahal sa katotohanan ang nakita na na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay lahat katotohanan, ang pakikipag-usap ng Banal na Espiritu sa mga iglesia. Nang marinig ang tinig ng Diyos, sabik nilang tinanggap ang Makapangyarihang Diyos. Sila’y itinaas sa harap ng trono ng Diyos at dumadalo sa piging sa kasal ng Cordero, araw-araw na kinakain at iniinom ang mga kasalukuyang salita ng Diyos, tinatamasa ang panustos ng buhay na tubig. Lalo’t lalong naliliwanagan ang kanilang mga puso at natutunan na nila ang maraming katotohanan. Taglay nila ang personal na patnubay at pagpapastol ng Diyos. Ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay nililinis at binabago sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos at may magaganda silang patotoo. Ginawa na silang mga mananagumpay ng Diyos bago pa ang mga sakuna, naging mga unang bunga, nakakamtan ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Ngayon, Ang Iglesia ng Makapagyarihang Diyos ay umuusbong sa lahat ng bansa sa buong mundo tulad ng mga unang usbong pagkatapos ng ulan sa tagsibol, at ibinibigay ng mga hinirang na tao ng Diyos ang lahat ng kanilang makakaya sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, nagpapatotoo sa pangalan ng Makapangyarihang Diyos. Parami nang paraming tao mula sa lahat ng bansa, lahat ng rehiyon, at lahat ng denominasyon ang tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang ebanghelyo ng kaharian ay lumalaganap at lumalawak nang may ‘di mapigilang pwersa at lakas, na ganap na tinutupad ang mga biblikal na propesiya: “At ito’y mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon(Isaias 2:2). “Sapagkat gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao(Mateo 24:27). Gayunpaman, kahit na maraming mananampalataya ang nakabasa na sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos at kumbinsido na, at kinikilalang ang mga ito ay ang katotohanan, dahil mukhang pangkaraniwang tao ang Makapangyarihang Diyos at hindi ang Panginoong Jesus na pumaparito sakay ng ulap, hindi sila nangangahas na tanggapin Siya. Ang ilan ay kumakapit sa mga literal na salita sa Biblia, naniniwalang ang bersikulong “Si Jesucristo ay Siya ring kahapon at ngayon, at magpakailanman” (Mga Hebreo 13:8) ay nangangahulugan na ang pangalan ng Panginoong Jesus ay ‘di kailanman magbabago. Dahil nakikitang hindi tinatawag na Jesus ang Makapangyarihang Diyos, at hindi kailanman binabanggit ng Biblia ang pangalang “Makapangyarihang Diyos,” ayaw nila Siyang tanggapin. Sinasabi nila na kung tatanggapin nila Siya, at babasahin lamang ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at hindi ang Biblia, at titigil sa pagdarasal sa pangalan ni Jesus, magiging maliwanag na pagtataksil iyon sa Panginoong Jesus. Matapos ang lahat ng taong iyon ng pananalig sa Panginoon, pagtatamasa ng napakarami Niyang biyaya, hindi nila Siya maaaring pagtaksilan. Ito ang kanilang katwiran, at kinokondena rin nila ‘yong mga naniniwala sa Makapangyarihang Diyos bilang mga traydor sa Panginoong Jesus, bilang mga taong tumalikod. Pinigilan nito ang marami sa pagsisiyasat sa tunay na daan, at maaari nilang kilalanin na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan at tinig ng Diyos, pero hindi pa rin sila nangangahas na tanggapin Siya. Bilang resulta, bumabagsak sila sa mga sakuna sa kanilang buhay. Nakakalungkot talaga ito, hangal, at mangmang. Tinutupad nito ang isa pang bagay sa Biblia: “Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pag-unawa” (Kawikaan 10:21). “Ang Aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman(Hosea 4:6). Kung gayon, ang pagtanggap ba sa Makapangyarihang Diyos ay talagang pagtataksil sa Panginoong Jesus o hindi? Magbahagi tayo nang kaunti tungkol dito.

Maraming tao ang nag-iisip na ang pagtanggap sa Makapangyarihang Diyos ay isang pagtataksil sa Panginoon. Ano ang pinakamabuting paraan para tugunan ang isyung ito? Hindi natin pwedeng pagbatayan na lang na ang Kanilang mga pangalan ay magkaiba, sa halip ay kailangan nating malaman kung Sila’y iisang Espiritu, kung ito’y iisang Diyos na gumagawa. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang Diyos na si Jehova ang gumawa, at ang Panginoong Jesus naman sa Kapanahunan ng Biyaya. Makikita natin dito na nagbago nga ng pangalan ang Diyos, na hindi na Siya tinawag na Jehova, sa halip ay Jesus. Pero masasabi mo bang ang Panginoong Jesus ay ibang Diyos kaysa kay Jehova? Masasabi mo ba na ang paniniwala sa Panginoong Jesus ay pagtataksil sa Diyos na si Jehova? Hinding-hindi. Pero karamihan ng mga tao ng Judaismo ay tumangging tanggapin ang Panginoong Jesus, sinasabing pagtataksil iyon kay Jehova, at tumulong pa nga sila na ipapako Siya sa krus. Bakit ganoon? ‘Yon ay dahil hindi nila napagtantong ang Panginoong Jesus ay ang Espiritu ng Diyos na si Jehova na nagpapakita at gumagawa sa katawang-tao. Iba ang Kanyang pangalan, pero iisang Espiritu ang Panginoong Jesus at si Jehova, iisang Diyos. May isang napakagandang kwentong nakatala sa Biblia tungkol sa pagsasabi ni Felipe sa Panginoong Jesus na, “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na ito sa amin” (Juan 14:8). Sumagot si Jesus, “Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi Mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi Ko sinasalita sa Aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng Kanyang mga gawa(Juan 14:9–10). Napakalinaw ng mga salita ng Panginoong Jesus. Siya at si Jehova ay iisang Diyos, at ang Kanyang Espiritu ay Espiritu ni Jehova. Ang Panginoong Jesus ang pagpapakita ng Diyos na si Jehova, ang nag-iisang tunay na Diyos. Kung kaya, ang paniniwala sa Panginoong Jesus ay hindi pagtataksil sa Diyos na si Jehova, sa halip ay pagpapasakop kay Jehova. Ito’y naaayon sa kalooban ng Diyos. Kapag kumapit ka sa isang pangalan sa iyong pananampalataya at sa literal na mga salita ng Biblia nang hindi inuunawa ang Espiritu at ang Kanyang gawain, malamang na maligaw ka at lumaban sa Diyos. Tapos ay madali mong mapagtataksilan ang Diyos, at ang mga kahihinatnan nito ay matindi. Noong nagpakita at gumawa ang Panginoon, tinanggihan Siya ng mga tao ng Judaismo. Hindi ba’t pagtataksil iyon sa Diyos na si Jehova? Ang diwa ng kanilang kilos ay kataksilan, kaya isinumpa ng Diyos ang mga Israelita. Isa pa, matagal na bago pa ang pagpapakita at paggawa ng Panginoong Jesus, may biblikal na propesiya tungkol sa Kanya, na nagsasabing, “Narito, ang dalaga’y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, at ang pangalang itatawag nila sa Kanya ay Emmanuel(Mateo 1:23). Pero no’ng pumarito na nga Siya, hindi Siya tinawag na Emmanuel—tinawag Siyang Jesus. Mahigpit na sumunod sa literal na Kasulatan ang mga Fariseo ng Judaismo at dahil hindi tumugma ang bagong pangalan ng Diyos, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para itanggi at ikondena ang Panginoon. Gaano man kalaki ang awtoridad at kapangyarihang taglay ng mga aral ng Panginoong Jesus, tumanggi silang tanggapin ang mga ito, at sa huli ipinapako Siya sa Krus, na paggawa ng isang karumal-dumal na kasalanan, na isinumpa at pinarusahan ng Diyos. Talagang isa itong aral na nakakapukaw ng isip! Kaya tungkol sa pagsalubong sa Panginoon, dapat ba tayong mahigpit na sumunod sa literal na Kasulatan, at tanging sa pangalan ni Jesus? Pinapadali ng paggawa nito ang mauwing nilalabanan at kinokondena ang Diyos. Ito’y isang bagay na maraming mananampalataya ang walang kabatiran, kaya mahigpit silang kumakapit sa literal na mga salita sa Biblia at sa pangalan ni Jesus, at kapag sinisiyasat ang tunay na daan, paulit-ulit silang nagtatanong, “May anuman bang biblikal na batayan ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos? Kung wala sa Biblia ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos, hindi ko Siya pwedeng tanggapin.” Kung sinasabi mong hindi mo Siya tatanggapin maliban na lang kung ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos ay nasa Biblia, bakit ka naniniwala sa Panginoong Jesus, gayong wala sa Lumang Tipan ang Kanyang pangalan? Hindi ba’t salungat iyon? Malinaw na maraming tao ang hindi tunay na nauunawaan ang Biblia, sa halip ay pikit-matang kumakapit sa literal na Kasulatan at mga panuntunan. Hindi sila nagdarasal, naghahanap ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos o kumpirmasyon mula sa Banal na Espiritu, at sa huli ay mapapahamak sila dahil dito. Ang totoo, may mga biblikal na propesiya tungkol sa pagpapakita at paggawa ng Diyos sa mga huling araw, na nagngangalang Makapangyarihang Diyos. “At makikita ng mga Hentil ang iyong katuwiran, at ng lahat ng hari ang iyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ni Jehova(Isaias 62:2). “Ang magtagumpay, ay gagawin Kong haligi sa templo ng Aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa doon: at isusulat Ko sa kanya ang pangalan ng Aking Diyos, at ang pangalan ng bayan ng Aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa Aking Diyos, at ang Aking sariling bagong pangalan(Pahayag 3:12). “Ako ang Alpha at ang Omega … ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat(Pahayag 1:8). “Pinasasalamatan Ka namin, Oh Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na Ikaw ngayon, at noong nakaraan, at sa darating; sapagkat dala-dala Mo ang Iyong dakilang kapangyarihan, at naghari(Pahayag 11:17). “At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagkat naghahari ang Panginoong ating Diyos na Makapangyarihan sa lahat(Pahayag 19:6). Pwede n’yo ring tingnan ang Pahayag 4:8, at 16:7, at marami pa. Ipinropesiya ng mga siping ito ng Kasulatan na magkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos sa mga huling araw, “ang Makapangyarihan,” ibig sabihin, ang Makapangyarihang Diyos. Makikita nating nagpapakita at gumagawa ang Diyos sa mga huling araw gamit ang pangalang Makapangyarihang Diyos, at matagal na itong pinlano ng Diyos. Lahat ng tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos ay narinig ang tinig ng Panginoon at nakilala ang Makapangyarihang Diyos bilang ang nagbalik na Panginoong Jesus. Sinalubong nila ang Panginoon, iniakyat sila sa harap ng Kanyang trono, at dumadalo sila sa piging ng kasal ng Cordero. Sila ang mga tunay na mananampalataya, ang mga taong may wastong pananampalataya. Sa wakas ay nasalubong at nakamit na nila ang Panginoon. ‘Yong mga bigong salubungin ang Panginoon ay masusumpungang nawawala at naglaho ang kanilang pananampalataya. Mawawala sa kanila ang Panginoon. ‘Yong mga kumakapit sa pangalan ni Jesus ay hindi nakikilala ang tinig ng Panginoon nang Siya’y pumarito. Hindi nila nakikilala ang Makapangyarihang Diyos bilang ang Espiritu ng Panginoong Jesus na nagpapakita at gumagawa. Sa hindi pagtanggap sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, naniniwala sila sa Panginoon nang hindi Siya nakikilala. Iyon ay paglaban sa Panginoon, at sila ang mga taong tunay na nagtataksil sa Panginoong Jesus. Ano ang pagtataksil sa Panginoon? Ito’y ang paniniwala sa Kanya nang hindi Siya nakikilala! Mas malinaw na ang lahat, ‘di ba?

Kaya bakit patuloy na nagbabago ang pangalan ng Diyos? Bakit Siya gumagamit ng bagong pangalan sa bawat kapanahunan? Isang misteryo ng katotohanan ang nakapaloob dito. Tingnan natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos para magbigay ng kaunting kaliwanagan tungkol dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras na ito ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? … At dahil dito, ang mga salitang ‘Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma’ ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang ‘Ang Diyos ay hindi nagbabago’ ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.

Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi ito kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang pagiging maharlika ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bagong disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3).

‘Jehova’ ang pangalang ginamit Ko noong panahon ng Aking gawain sa Israel, at ang ibig sabihin nito ay ang Diyos ng mga Israelita (mga taong hinirang ng Diyos) na maaaring maawa sa tao, sumpain ang tao, at gabayan ang buhay ng tao; ang Diyos na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Si ‘Jesus’ ay si Emmanuel, na ang ibig sabihin ay ang handog dahil sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at kumakatawan Siya sa Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang Niyang katawanin ang isang bahagi ng gawain ng plano ng pamamahala. … Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang tulutan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na muling maisilang at maligtas, at isang partikular na pangalan para sa pagtubos sa buong sangkatauhan. Sa gayon, ang pangalang Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at ipinahihiwatig ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang partikular na pangalan para sa mga tao ng Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawat kapanahunan at bawat yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang batayan, kundi may kinakatawang kabuluhan: Bawat pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang ‘Jehova’ ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan at ito ang pamimitagan na ipinantawag ng mga tao ng Israel sa Diyos na kanilang sinamba. Ang ‘Jesus’ ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat ng tinubos noong Kapanahunan ng Biyaya. Kung nananabik pa rin ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa mga huling araw, at inaasahan pa rin na darating Siya sa imaheng Kanyang tinaglay sa Judea, tumigil na sana ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na susulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, ay hindi sana darating, at hindi sana nawakasan ang kapanahunan kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para lamang sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalang gagamitin Ko upang wakasan ang buong sangkatauhan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”).

Napakalinaw na ipinapaliwanag ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga pangalang ginagamit ng Diyos para sa Kanyang gawain sa bawat kapanahunan at ang mga misteryo ng katotohanang bumabalot sa Kanyang mga pangalan. Nagbabago ang pangalan ng Diyos kasabay ng kapanahunan at gawain na Kanyang ginagawa. Bawat pangalan Niya ay kumakatawan sa gawaing Kanyang ginagawa sa kapanahunang iyon. Pero gaano man magbago ang pangalan o gawain ng Diyos, ang Kanyang diwa ay ‘di kailanman nagbabago—ang Diyos ay palaging ang Diyos. Gumawa ang Diyos sa ngalan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, naglalabas ng kautusan at pinamumunuan ang buhay ng sangkatauhan sa lupa, tinuturuan ang mga tao kung ano ang kasalanan at kung paano sambahin ang Diyos na si Jehova. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Espiritu ng Diyos ay nabihisan ng katawang-tao bilang ang Anak ng tao. Nagpahayag Siya ng mga katotohanan at ginawa ang gawain ng pagtubos gamit ang pangalang Jesus. Sa huli, Siya’y ipinako sa krus at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, tinutubos tayo sa ating mga kasalanan. Ngayon, sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao ang Diyos at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw gamit ang pangalang Makapangyarihang Diyos, ipinapahayag ang mga katotohanan para hatulan at linisin ang sangkatauhan, ganap tayong inililigtas mula sa kasalanan, iniaadya mula sa mga lupon ni Satanas at tinutuldukan ang madilim at masamang lumang mundong ito. Aakayin Niya ang tao sa isang magandang destinasyon. Ganito ganap na matutupad ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Ipinapakita sa atin ng mga katotohanan ng gawain ng Diyos na ang tatlong pangalang Jehova, Jesus, at Makapangyarihang Diyos ay bawat isang kumakatawan sa tatlong magkakaibang yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Sa panlabas, mukhang nagbabago ang pangalan ng Diyos at ang Kanyang gawain, pero hindi nagbabago ang diwa ng Diyos. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya ay ‘di kailanman nagbabago. Nananatili Siyang ang nag-iisang Diyos, na pinamumunuan, tinutubos, at lubos na nililinis at inililigtas ang sangkatauhan. Kapag tiningnan natin ang mga salita ng Diyos na si Jehova sa Lumang Tipan mula sa Kapanahunan ng Kautusan, ang mga salita ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, at ngayon ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, makikita nating ang mga katotohanang ito ay ganap na nanggagaling sa iisang Espiritu at mga pagbigkas ng iisang Espiritu, sapagkat ang mga pagbigkas ng Diyos sa iba’t ibang kapanahunan ay nagtataglay lahat ng Kanyang pagmamahal at ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kung ano ang mayroon ang Diyos at ano Siya ay nakasalalay sa mga ito. Ang pagmamahal ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya ay binubuong lahat ang diwa ng iisang tunay na Diyos, ang pag-aari at pagiging Diyos ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pakikinig sa Panginoong Jesus na magsalita ay tulad lang ng pakikinig sa tinig ng Diyos na si Jehova. Kapag pinapakinggan natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, para na ring personal na nakikipag-usap sa atin ang Panginoong Jesus, at nakikipag-usap sa atin ang Diyos na si Jehova. Ganap nitong pinatutunayan na ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa ng iisang Diyos. Nagbabago ang pangalan ng Diyos, pero ang Kanyang diwa, kung anong mayroon Siya at ano Siya, at ang matuwid na disposisyong Kanyang ipinapahayag ay iyon din, wala ni katiting na pagbabago. Ang lahat ng gawain ng Makapangyarihang Diyos ngayon ay sinusundan ang gawain ng Panginoong Jesus. Ito’y isang yugto ng gawain sa pundasyon ng gawain ng pagtubos na mas malalim at mas mataas—ang gawain para ganap na linisin at iligtas ang sangkatauhan. Nagpahayag ang Makapangyarihang Diyos ng maraming katotohanan, hindi lang ibinubunyag ang mga misteryo ng Biblia, kundi inilalantad ang lahat ng misteryo ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, gaya ng mga layunin ng Diyos sa Kanyang gawain ng pamamahala, kung paano ginagamit ng Diyos ang Kanyang tatlong yugto ng gawain para iligtas ang sangkatauhan, ang mga misteryo ng mga pagkakatawang-tao, paano hinahatulan, nililinis, at ganap na inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, paano tinutukoy ang kahihinatnan at destinasyon ng bawat uri ng tao, paano naisasakatuparan ang kaharian ni Cristo sa lupa, at marami pa. Ibinubunyag din ng Diyos ang katotohanan ng paggawang tiwali ni Satanas sa tao, hinahatulan at inilalantad Niya ang sataniko, at laban sa Diyos na kalikasan ng tao. Ipinapaliwanag din Niya ang bawat aspeto ng katotohanan na dapat isagawa ng sangkatauhan, na binibigyan tayo ng mga praktikal na landas para iwaksi ang ating katiwalian at baguhin ang ating mga disposisyon. Ang mga katotohanang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang lahat ng katotohanang kailangan ng tao para malinis siya at makamit ang ganap na kaligtasan, at lubos na matupad ang propesiya ng Panginoong Jesus na: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ganap na inililigtas at nililinis ang sangkatauhan at dinadala ang lahat ng taong itinakda ng Diyos na iligtas sa Kanyang harapan para linisin sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo. Nakumpleto na Niya ang isang grupo ng mga mananagumpay bago pa ang mga sakuna. Ngayon ay nagsimula na ang malalaking sakuna, at sinimulan nang gantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parusahan ang masasama. Lahat ng kampi kay Satanas, na nilalabanan ang Diyos, ay wawasakin, habang ‘yong mga nalinis sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos ay poprotektahan at iingatan Niya sa mga sakuna. Pagkatapos ng mga sakuna, magpapakita sa lupa ang kaharian ni Cristo, na tutupad sa lahat ng propesiyang ito mula sa Pahayag: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa Kanyang Cristo: at Siya’y maghahari magpakailan-kailanman(Pahayag 11:15). “Aleluya: sapagkat naghahari ang Panginoong ating Diyos na Makapangyarihan sa lahat(Pahayag 19:6). “Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging mga bayan Niya, at ang Diyos din ay sasakanila, at magiging Diyos nila: At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na(Pahayag 21:3–4). Nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Makapangyarihang Diyos, at nakagawa ng gayon kalaking gawain. Pinatutunayan nitong Siya ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, na nagpapakita para gumawa bilang ang Anak ng tao. Hindi Siya tinatawag na Jesus, at walang wangis ng Judiong Panginoong Jesus, pero ang Espiritu ng Makapangyarihang Diyos ay ang sa Panginoong Jesus—Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ang Makapangyarihang Diyos, ang Panginoong Jesus, at si Jehova ay iisang Diyos lahat. Oras na maunawaan mo ito nang maayos, hindi mo na magagawa pang sabihin na ang paniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay isang pagtataksil sa Panginoong Jesus, dahil ang pagsalubong sa Makapangyarihang Diyos ay pagsalubong sa Panginoon, pagsunod sa mga yapak ng Cordero, at pagiging itinaas sa harap ng Diyos. Marami sa mundo ng relihiyon ang kumakapit pa rin sa literal na Kasulatan, sa pangalan ng Panginoong Jesus, hinihintay Siyang bumaba sakay ng isang ulap, tumatangging hanapin at siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Gaano man karaming katotohanan ang Kanyang ipahayag, tumatanggi silang kilalanin na nagmumula ito sa Espiritu ng Diyos, na ito ay ang pagpapakita at paggawa ng Espiritu ng Panginoong Jesus. Kinokondena at tinatanggihan pa nga nila ang Makapangyarihang Diyos, na nagdadala sa atin ng katotohanan. Hindi ba’t ginagawa nila ang parehong pagkakamaling ginawa ng mga Fariseo? Iniisip nilang debosyon ito sa Panginoong Jesus, pero kinondena sila ng Panginoon bilang mga gumagawa ng masama. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’(Mateo 7:22–23). Kung kaya, tatanggalin sila ng Panginoon.

Tingnan natin ang mas marami pang mga salita ng Makapangyarihang Diyos bilang pagtatapos. “Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga banal na kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ano Talaga ang Marapture?

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, matapos ipako sa krus ang Panginoong Jesus at makumpleto ang Kanyang gawain ng pagtubos, nangako...

Leave a Reply