Hindi Ko na Hinahangad nang Walang Humpay ang Katayuan
Noon, isa akong taong may matinding pagnanais para sa karangalan at katayuan. Simula pagkabata, hinangad ko nang mamukod-tangi at maging mas nakatataas. Gaya ng kasabihan, “Mas nakatataas ang mga opisyal kaysa sa karaniwang tao,” kahit pa ang pinakamababang opisyal ay itinuturing na mas mataas kaysa sa mga karaniwang tao. Naniwala ako na ang pagkakaroon ng opisyal na posisyon ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kapangyarihan, ng pagiging nirerespeto at iginagalang saan ka man pumunta. Noong bata pa ako, ginawa ko ang lahat ng klase ng marumi at nakakapagod na gawain sa nayon para lamang magkaroon ng opisyal na posisyon. Kahit gabing-gabi na ay nagtatrabaho pa ako sa bukirin, gaya ng isang di-kilalang bayani. Pero dahil sa aking mababang pinag-aralan, gaano man ako magsikap, naging lider lang ako ng Women’s Federation sa nayon.
Noong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at ginawa ko ang aking tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo sa iglesia. Nang makita ko ang mga nakakataas na lider sa mga pagtitipon na pinalilibutan ng mga kapatid na nagtatanong sa kanila ng kung anu-ano, sobra akong nainggit: Masarap maging isang lider; pinalilibutan ito ng lahat saan man ito magpunta, napakaluwalhati! Kapag tapos na ang gawain ng Diyos sa hinaharap, ang mga lider na ito ay siguradong ililigtas ng Diyos. Dapat akong masigasig na maghangad; kung magiging lider ako sa sambahayan ng Diyos, hindi lang magiging mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid, magkakaroon din ako ng mas maraming pagkakataon para sa pagliligtas at pagpeperpekto. Basta’t masipag akong naghahangad at gumagawa nang maayos sa tungkulin ko, siguradong magkakaroon ako ng pagkakataong maging isang lider. Noong panahong iyon, bago pa lamang na lumalaganap ang ebanghelyo sa lugar namin, at karamihan sa mga taong tumanggap sa ebanghelyo ay mga kapatid mula sa aming dating simbahan. Sa sandaling guluhin sila ng mga pastor o nagiging negatibo sila o nahaharap sa paghihirap, tinutulungan ko sila agad. Tinitingala ako ng lahat ng kapatid, lumalapit sila sa akin sa tuwing may mga suliranin sila. Bagama’t hindi pa kami nakapagtatag ng iglesia noong panahong iyon, at wala pang pamunuan sa iglesia, ang ginawa ko ay ang gawain ng pamumuno. Sinabi rin ng mga kapatid na kasama kong tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, “Kung walang ibang mahihirang para sa pagkapinuno sa hinaharap, siguradong si Li Jing ang hihirangin.” Natuwa ako nang marinig ko ito, iniisip ko, “Sa mga kapatid na kasama kong tumanggap, walang mas magaling kaysa sa akin, at walang mas gumugol ng kanilang sarili kaysa sa akin, sinusuportahan din ako ng mga kapatid, kaya kapag oras na para maghalal ng pinuno, siguradong pipiliin ako ng lahat.” Noong ikalawang bahagi ng 1999, dumating ang mga nakatataas na lider sa lugar namin para sa isang pagtitipon, sinasabi nila na gusto nilang magtatag ng isang iglesia at maghalal ng isang lider ng iglesia. Napakasaya ko, inakala kong sigurado nang ako ang hihiranging lider ng iglesia. Sa pagtitipon na iyon, puno ako ng kumpiyansa habang naghihintay sa anunsyo ng resulta ng eleksyon ng nakatataas na pamunuan. Pero hindi inaasahan na si Sister Liu Qing ang hinirang bilang lider, at hinirang ako bilang diyakono ng ebanghelyo. Nang marinig ko ang resulta, parang binuhusan ng malamig na tubig ang puso ko, biglang nanlamig ang kaibuturan ko, nalungkot ako, at naisip ko, “Buong araw akong abalang nangangaral ng ebanghelyo, nagdidilig ng mga bagong mananampalataya, at nagho-host ng mga kapatid, abala ako sa lahat ng bagay, pero hindi man lang ako nahirang bilang lider, hindi ba’t walang saysay ang lahat ng gawaing ito? Ngayong hindi ako nahirang bilang lider, siguradong sasabihin ng mga kapatid na hindi ako kasinggaling ni Liu Qing, may mukha pa ba akong maihaharap?” Pagkatapos ng pagtitipon at nang nakauwi na ako sa bahay, habang mas lalo kong iniisip ang tungkol doon, mas lalo kong nararamdaman na naagrabyado ako, at tumulo ang luha ko nang hindi ko namamalayan. Sa puso ko ay naiingit ako kay Liu Qing: Dati, sa denominasyon natin, ni hindi ka nga kasingsigasig ko, kaya bakit ka naging kwalipikadong maging isang lider? Minsan, tinanong ako ni Liu Qing tungkol sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya, at galit na galit ako, iniisip ko, “Lider ka pero wala kang nauunawaan? Kung hindi mo ito kaya, bakit hindi mo sinabi nang mas maaga?” Nayayamot akong sumagot, “Hindi ba’t ikaw ang lider? Ikaw ang mag-isip.” Walang magawang sinabi ni Liu Qing, “Tinanong ko sa iyo ang mga katanungang ito dahil hindi ko nauunawaan.” Nang marinig kong sinabi niya iyon, medyo nakonsensiya ako sa puso ko, kaya ibinaba ko ang tono ko at sinabi ko sa kanya kung ano ang gagawin. Dahil hindi ako nahirang bilang lider, palagi kong nadarama sa puso ko na nawalan ako, at wala akong mahugot na kasigasigan para sa mga tungkulin ko. Dati, kapag sinusubaybayan ko ang gawain ng ebanghelyo, aktibo kong hinahanap ang mga kapatid para maunawaan ang sitwasyon ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at nakikipagtuwangan ako sa kanila para ipalaganap ang ebanghelyo, pero ngayon, kahit na walang mga potensyal na tatanggap sa ebanghelyo, hindi ko sila aktibong hinahanap. Minsan kapag mag-isa ako sa bahay, iniisip ko, “Ako ang nagho-host at nagpapalaganap ng ebanghelyo, pero sa huli, hindi man lang ako hinirang bilang isang lider. May pag-asa pa ba para sa kaligtasan sa hinaharap?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nagiging negatibo, at nanalangin ako sa Diyos tungkol sa kalagayan ko, “Diyos ko, hindi ako naging lider, at wala talaga akong motibasyong gawin ang tungkulin ko; hindi komportable ang puso ko. Pero hindi ko alam kung paano baguhin ang kalagayang ito. Pakiusap, akayin Mo akong maunawaan ang layunin Mo.”
Isang umaga sa aking debosyon, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Minamahal Ko ang lahat ng tunay na nagnanais sa Akin. Kung kayo ay magtutuon ng pansin sa pagmamahal sa Akin, tiyak na pagpapalain Ko kayo nang labis-labis. Nauunawaan ba ninyo ang Aking mga hangarin? Sa Aking sambahayan, walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababang katayuan. Ang bawat isa ay Aking anak, at Ako ang inyong Ama, ang inyong Diyos. Ako ay pinakamataas at walang katulad. Ako ang nagkokontrol sa sansinukob at sa lahat ng bagay!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 31). “Ikaw ay dapat ‘maglingkod sa Akin nang may pagpapakumbaba at nang nakakubli’ sa Aking sambahayan. Ang pariralang ito ay dapat na magsilbi bilang iyong panuntunan. Huwag kang maging isang dahon sa isang puno, kundi maging ugat ng puno at mag-ugat nang malalim sa buhay. Pumasok sa tunay na karanasan ng buhay, mamuhay sa Aking mga salita, lalo pa Akong hanapin sa bawat bagay, at lumapit sa Akin at makipagbahagian sa Akin. Huwag bigyang-pansin ang anumang panlabas na mga bagay, at huwag papigil sa sinumang tao, kaganapan, o bagay, ngunit makipagbahagian lamang sa espirituwal na mga tao tungkol sa kung ano Ako. Unawain ang Aking mga hangarin, hayaan ang Aking buhay na dumaloy sa iyo, at isabuhay ang Aking mga salita at tugunan ang Aking mga hinihingi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 31). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa sambahayan ng Diyos, walang pagkakaiba ang mataas o mababang katayuan. Ang layunin ng Diyos ay para hangarin natin ang katotohanan, para tahimik na gawin ang mga tungkulin natin upang mapalugod Siya. Ayaw ng Diyos na hangarin natin ang katayuan, kundi ang hangarin ang katotohanan at kamtin ang buhay. Ang pagkamit sa katayuan ay isang uri ng panlabas na kaluwalhatian, pero ito ay walang kabuluhan at hungkag. Katulad lang ng mga dahon, na bagama’t maganda ay nalalagas naman kapag taglagas; ng mga bulaklak, na bagama’t maganda at pinupuri ng mga tao, pero kapag hindi namumunga ang mga ito ay wala itong buhay. Noon pa man ay gusto ko nang maging isang lider, para suportahan, hangaan, pakinggan, at tingalain ng mga tao, para magkaroon ako ng katayuan sa puso nila, pero ano ba talaga ang kabuluhan ng paghahangad sa mga ito? Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang hatulan at linisin ang mga tao, ang tustusan sila ng katotohanan. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan, kung mananatiling hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ko, at hindi ko nakamit ang katotohanan, kung gayon, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang pananampalataya ko? Masyadong mataas ang naging pagturing ko sa katayuan, negatibo ang naging pakiramdam ko kung wala ito, at nawalan ako ng ganang ipalaganap ang ebanghelyo. Napagtanto ko na ang hinangad ko ay hindi ang katotohanan kundi ang reputasyon at katayuan, hindi ba’t paglihis iyon sa mga layunin ng Diyos? Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, masyadong matindi ang pagnanais ko para sa katayuan. Kapag nakikita ko ang iba na nagiging lider at hindi ako hinihirang, nagiging negatibo ako. Sa mundo, hinangad kong maging opisyal at maging kadre. Ngayong nasa sambahayan na ako ng Diyos, ganoon pa rin ang mga hinahangad kong mga bagay. Paano iyon naiiba sa noong parte pa ako ng mundo? Diyos ko, ayaw ko nang hangarin pa ang katayuan. Handa akong gawin ang mga tungkulin ko bilang isang nilikha ayon sa mga hinihingi Mo para mapalugod Ka.” Pagkatapos niyon, nagbago ang kalagayan ko, at naging masigasig ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag nahihirapan si Liu Qing at nagtatanong sa akin, nakikipagbahaginan ako sa kanya basta’t nauunawaan ko, dahil sa tingin ko, ang lahat ng ito ay bahagi ng gawain sa iglesia, na kapag nahihirapan ang sister, responsabilidad kong tulungan siya, at ito rin ang tungkuling dapat kong gawin. Makalipas ang dalawang buwan, tinanggal si Liu Qing dahil hindi niya magawa ang totoong gawain, at pinili ako ng mga kapatid na maging lider ng iglesia. Masayang-masaya ako sa puso ko, iniisip ko na pagpabor ito ng Diyos, at na kailangan kong magsikap. Pagkatapos, pumili ako ng mga lider para sa bawat grupo, at nakipagbahaginan ako sa mga kapatid tungkol sa kahalagahan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, at humusay ang pagiging epektibo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Ipinalalaganap ko ang ebanghelyo sa araw at nagdidilig ako ng mga bagong mananampalataya sa gabi, at kung may sinumang kapatid ang negatibo o mahina, dinadalaw ko sila para magbigay ng suporta. Mainit akong tinatanggap ng lahat, at kung may mga katanungan sila, lumalapit sila sa akin. Dahil nakikita kong pinalilibutan ako ng mga kapatid, na sobra nila akong nirerespeto, labis akong nasiyahan sa pakiramdam na ito, iniisip ko, “Ang sarap maging isang lider. Kung maayos kong gagawin ang lahat ng gawain sa iglesia, magkakaroon ng maraming oportunidad na mas umangat pa. Kung magiging senior leader ako, mas lalo pa akong rerespetuhin.”
Kalaunan, dumating ang mga nakatataas na lider para makipagtipon sa amin, sinabi nilang gusto nilang pumili mula sa ilang lider ng iglesia para maging mangangaral. Naisip ko, “Mas magaling ang iglesia namin kapwa pagdating sa pagiging epektibo sa pagpapalaganap sa ebanghelyo at sa buhay pagpasok ng mga kapatid, dagdag pa ang pag-aresto sa akin kamakailan lang ng Partido Komunista at ang paninindigan ko sa aking patotoo, lamang ako sa bawat aspekto kumpara sa kanila. Sa pagkakataong ito, siguradong ako ang pipiliin bilang mangangaral.” Pero sa hindi inaasahan, si Sister Wang Xue ang nahalal. Talagang nanlamig ang puso ko, inisip ko, “Bakit siya ang napili at hindi ako? Ang lahat ng gawain ng iglesia namin ang may pinakamagagandang resulta, saan ako mas mahina kaysa sa kanya? Ngayong hindi ako napili bilang isang mangangaral, ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga kapatid? Sino ang rerespeto sa akin sa hinaharap?” Noong mga sumunod na mga pagtitipon, wala akong sinabing kahit ano, pakiramdam ko ay gaano man ako magsikap o gaano man ako kaabala, o kapagod, wala rin namang saysay. Nahiya akong ipagtapat ang kalagayan ko at humanap ng solusyon, dahil natatakot akong mapahiya, kaya kinimkim ko na lang.
Kalaunan, nagpatawag ng pagtitipon si Wang Xue para sa ilang lider ng iglesia, at nakinig nang mabuti ang lahat, pero hindi ko ito nagustuhan. Inisip ko na talagang naiiba ang pagiging isang mangangaral, may prestihiyo at nirerespeto ka saan ka man magpunta, nakikinig ang mga tao sa iyo. Kung ako ang mangangaral, siguradong magiging sentro ako ng atensiyon ng mga kapatid, pero ngayon, kailangan kong makinig sa kanya, at hindi ako mapalagay dahil doon. Sa pagtitipon na iyon, nang ipinatupad niya ang gawain, naging atubili akong makipagtulungan, iniisip ko, “Magkapantay tayo dati, at hindi ka naman mas magaling kaysa sa akin, ngayon ay ikaw ang nagsasaayos ng gawain para sa amin. Kung susunod ako sa mga tagubilin mo, hindi ba’t magmumukha akong mas mababa kaysa sa iyo?” Tinanong ako ni Wang Xue tungkol sa mga problema sa aming gawain sa iglesia, at kaswal akong sumagot at mukha akong walang pakialam, “Ang iglesia namin ay walang masyadong problema. Kami na mismo ang lumulutas sa mga iyon.” Pagkatapos ay tinanong niya ang tungkol sa pag-usad ng aming gawain sa ebanghelyo, at ayaw ko nang sumagot pa, kaya nakasimangot akong sumagot sa kanya, “Halata naman ang pagiging epektibo ng gawain ng ebanghelyo namin, hindi nga nakakakalahati ang ibang iglesia sa buwanang resulta namin.” Nang tinanong niya ang sitwasyon ng mga baguhan, nayamot ako, sabi ko, “Nadidiligan ang mga baguhan ng iilan sa amin na mga lider at manggagawa, at maayos naman ang lagay nila. Kung hindi ka naniniwala, pwede kang pumaroon at nang makita mo mismo.” Nalimitahan si Wang Xue dahil sa saloobin ko, at naging nakakaasiwa ang atmospera ng pagtitipon. Palagi akong namumuhay sa kalagayan ng pagseselos at pagkadismaya, at madilim ang kaluluwa ko. Nawalan ako ng interes sa paggawa sa aking mga tungkulin, iniraraos ko na lang ang mga ito. Kapag may mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, ayaw ko nang ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Nagsimulang bumaba ang pagiging epektibo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Kapag lumalapit ang mga lider para makipagbahaginan sa akin at tulungan ako, hindi ko magawang makinig. Sa huli ay tinanggal ako.
Kalaunan, nagnilay ako: Bakit hindi ako komportable at dismayado ako noong naging mangangaral si Wang Xue? Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi ko sa Kanya na bigyang-liwanag at akayin Niya ako para malaman at malutas ko ang mga isyu ko. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para pungusan ang inyong pagnanais na magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. … Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman. Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. … Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang ganitong klaseng sitwasyon ngayon ay para ibunyag ang pagnanais ko para sa katayuan at ang aking katiwalian, at para tulungan akong baguhin ang mga pananaw ko sa paghahangad. Palagi kong hinahangad ang reputasyon at ang katayuan, at pagkatapos kong maging isang lider ng iglesia, ginusto ko pang maging mangangaral at isang mas mataas na lider, nagnanais ako na magkaroon ng mataas na posisyon at matamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Bago napili ang mangangaral, maaga akong gumigising dati at inaabot ako ng gabi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga bagong mananampalataya, buong araw akong abala, pero noong hindi ako naging isang mangangaral, naging negatibo at pabaya ako sa aking mga tungkulin, ayaw ko pa ngang ipalaganap ang ebanghelyo kapag may mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Malinaw na ang hinahangad ko ay ang katayuan sa pamumuno. Kalaunan, nagbulay-bulay ako: Bakit ako nahuhumaling sa katayuan? Dahil namuhay ako sa mga lason ni Satanas, gaya ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” at “Mas nakatataas ang mga opisyal kaysa sa karaniwang tao,” iniisip ko na dapat magsikap ang isang tao sa buhay para maging mas angat sa iba, at saka lamang siya titingalain at rerespetuhin ng iba, at mamumuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay. Sa ilalim ng kontrol ng mga kaisipang ito, ayaw kong maging ang pinakamaliit sa gitna ng mga tao. Sa edad na labing-anim o labimpito, para maging kadre ako sa nayon, ginawa ko ang lahat ng klase ng mahihirap at nakakapagod na gawain sa nayon, nagtatrabaho ako bilang isang di-kilalang bayani sa kabukiran kahit gabing-gabi na. Sa edad na labing-siyam, naging lider ako ng pederasyon ng mga kababaihan sa nayon namin. Pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, noong nakipagtipon sa amin ang mga nakatataas na lider, dahil napalilibutan sila ng mga kapatid na nagtatanong sa kanila, sa puso ko ay nainggit ako sa kanila. Para mapili bilang isang lider, tinalikuran at ginugol ko ang sarili ko, masigasig akong gumagawa mula sa bukang-liwayway hanggang sa takip-silim, handa akong magtiis ng anumang pagdurusa. Pagkatapos maging isang lider ng iglesia, ginusto ko pang maging isang mangangaral, nagnanais ako na magkaroon ng mas mataas na posisyon. Noong hindi ako hinirang bilang isang mangangaral, hindi ko matanggap na wala akong katayuan, tinanggihan ko ang bagong nahalal na mangangaral. Hindi ako naging handang makinig sa pagbabahagi at pagpapatupad niya ng gawain, at noong nagtanong siya tungkol sa gawain ng aming iglesia, wala akong pakialam, hinamak at minaliit ko siya, na nagdulot na malimitahan ko siya. Ang katunayan na kaya kong ibukod at hamakin ang iba kapag hindi ko nakamit ang katayuan ay nagpapakita na talagang may masama akong hangarin! Ang ibinunyag ko ay ang disposisyon ng isang anticristo. Ang Diyos ang Lumikha. Ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa pagsamba at paggalang. Isa lamang akong nilikha, isang tiwaling tao. Anong kwalipikasyon ko para tingalain ako ng iba? Talagang wala akong katwiran at kahihiyan! Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong isagawa ang mga tungkulin ng isang lider, umaasa Siyang hahangarin ko ang katotohanan, na makikipagtulungan ako sa mga kapatid nang matiwasay, na pupunan namin ang kalakasan at kahinaan ng isa’t isa, at magkakasama naming gagawin ang aming mga tungkulin, pero hindi ko hinangad ang katotohanan, palagi kong hinahangad ang katayuan para hangaan ako ng iba. Alang-alang sa reputasyon at katayuan, nagagawa ko pa ngang magselos at mainggit, pinipigilan at ibinubukod ang iba, na nagdudulot ng pinsala sa mga kapatid, at pagkagambala sa gawain ng iglesia. Napagtanto ko na ang paghahangad sa katayuan ang landas ng paglaban sa Diyos, at kung hindi ako magsisisi, sa huli ay haharapin ko ang kaparusahan ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, ako, na isang tiwaling tao, ay palaging nagnanais na hangaan ng iba, ang mga kilos at gawa ko ay kamuhi-muhi sa Iyo. Handa akong bumalik sa Iyo, nang hindi na hinahangad pa ang reputasyon at katayuan. Pakiusap, akayin Mo ako sa landas ng paghahangad sa katotohanan.”
Isang araw, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Hindi Ako tapat na minahal ng tao kailanman. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, ngunit hindi niya sinusubukang palugurin Ako dahil dito. Hawak lamang niya ang ‘katayuan’ na naibigay Ko sa kanyang mga kamay at sinusuri ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip ay nagpupumilit siyang magpakabundat sa mga pakinabang ng kanyang katayuan. Hindi ba ito ang kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, maaari ba silang lumihis ng daan para sa kapakanan ng iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 22). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong hindi maililigtas ng katayuan ang mga tao, at kapag dumating ang sakuna, hindi matitiyak ng pagkakaroon ng katayuan ang kaligtasan. Itinatakda ng Diyos ang destinasyon at kalalabasan ng mga tao batay sa kung nagtataglay ba sila ng katotohanan. Anuman ang katayuan nila, basta’t hinahangad nila ang katotohanan at nagbabago ang kanilang disposisyon, matatamo nila ang pagliligtas ng Diyos. Dati, ang akala ko ay kapag mas mataas ang katayuan, mas malaki ang tsansang maligtas at maperpekto, kaya walang humpay kong hinangad ang katayuan, handa akong abandonahin ang lahat ng bagay at pagtiisan ang anumang paghihirap, anuman ang kapalit, para matamo ko ang katayuan. Ginawa kong layon ng paghahangad at direksyon ng buhay ko ang pagtamo sa katayuan. Noong hindi ako nahirang bilang mangangaral, naging negatibo ako at nawalan ako ng ganang gawin ang tungkulin ko. Nagdala sa akin ng sobrang pasakit ang pamumuhay sa maling pananaw na ito, nagdulot ito ng pinsala sa mga kapatid, at ipinahamak nito ang gawain ng iglesia. Naisip ko kung paanong si Pablo ay may mataas na katayuan sa relihiyon, nagpalaganap ng ebanghelyo, nagtamo ng maraming tao, at nagtatag ng maraming iglesia, pero hindi niya hinangad ang katotohanan, hindi nagbago ang buhay disposisyon niya, at sa huli, hinarap niya ang kaparusahan ng Diyos. Maaaring hindi kasinglawak ng kay Pablo ang gawain ni Pedro, pero hinangad naman ni Pedro ang katotohanan, ang pagmamahal sa Diyos, at hinangad niya na tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha; sa huli, nagawang perpekto ng Diyos si Pedro at natamo ni Pedro ang pagsang-ayon ng Diyos. Namuhay din ako dati ayon sa maling pananaw, tinahak ko ang landas na kapareho ng kay Pablo. Kung nagpatuloy ako sa landas na ito, siguradong hahantong ako sa kapalaran na kapareho ng kay Pablo.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na ginawang mas malinaw ang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga tao ay mga nilalang na walang nararapat na ipagmayabang. Dahil kayo ay mga nilikha, kailangan ninyong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Wala nang iba pang mga hinihiling sa inyo. Ganito kayo dapat manalangin: ‘Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na mapagpasakop sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga. Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilikha. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilikha. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilikha. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilikha. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilikha. Isa lamang akong napakaliit na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong panghambing dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.’ Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghanap nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paghihigpit. Kapag napalaya na ang mga tao mula sa mga bagay na ito, mawawalan na sila ng mga alalahanin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na may katayuan man o wala ang mga tao, mga nilikha silang lahat, at sa mga mata ng Diyos, pare-pareho sila. May katayuan man o wala ang isang tao, lahat ng iyon ay pauna nang itinakda ng Diyos. Sinumang tao ang gumawa sa mga tungkulin at nagtaglay ng kakayahan at mga kaloob, lahat ng iyon ay itinakda ng Diyos. Bilang mga nilikha, dapat magpasakop ang mga tao sa mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Dati, palagi akong may ambisyong maging isang lider. Pagkatapos na maging isang lider ng iglesia, ninais ko pang maging isang mangangaral. Gayunman, batay sa kakayahan at tayog ko, hindi talaga ako angkop maging isang mangangaral. Noong bagong tatag ang iglesia, ang papel ko bilang isang lider ng iglesia ay pangunahing kinapapalooban ng pagpapalaganap sa ebanghelyo at pagdidilig sa mga bagong mananampalataya, at magaling ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at nagkakamit ako ng ilang resulta. Gayunpaman, ang papel ng isang mangangaral ay kinasasangkutan ng pamamahala sa maraming iglesia, kailangan nito ng mahusay na kakayahan sa gawain at ng abilidad na ibahagi ang katotohanan at lumutas ng mga problema; mahina ang aking buhay pagpasok at hindi ko kaya ang gawain ng isang mangangaral. Dapat ay nagpasakop ako sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ngayon, itinalaga ako para ipalaganap ang ebanghelyo, at dapat kong tuparin ang tungkulin ko ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Nang matanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, hinahangad ko ang katayuan at hindi ako nagpapasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, na nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ngayon ay handa akong magsisi at hangarin ang pagiging isang nilikha, na magpasailalim sa Iyong mga pamamatnugot.”
Noong 2015, nagdaos ang iglesia ng bagong halalan para sa pamumuno, at narinig kong maraming kapatid ang may gustong piliin ako. Noong sandaling iyon, masaya at nagulat din ako. Tila tinitingala ako ng mga kapatid, na nagpapatunay na may kaunti akong katotohanang realidad. Naisip ko, kung mahihirang ako, rerespetuhin ako ng mga kapatid saan man ako magpunta. Pero nang maisip ko ito, alam kong umiiral na naman ang pagnanais ko para sa katayuan. Sa pagninilay ko kung paanong nagdulot ng sobrang pagdurusa ang paghahangad ko sa katayuan at pininsala ang gawain ng iglesia dati, nagpasya akong ayaw ko nang hangarin pa ang katayuan. Sa halip ay dapat akong magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos at tuparin nang maayos ang mga tungkulin ko. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, handa akong bitiwan ang pagnanais ko para sa katayuan at ang anumang maling mga hinahangad ko. Ayaw ko nang hangarin ang katanyagan o katayuan. Handa akong magpasakop sa anumang mga tungkuling itinalaga sa akin. Bago ang botohan, hiniling ng senior leader sa bawat isa sa amin na ibahagi ang naiisip namin. Nagtapat ako at sinabi ko, “Bagama’t higit sa sampung taon na akong nananampalataya sa Diyos, mababaw ang buhay pagpasok ko; mapagmataas ang kalikasan ko, at matindi ang pagnanais ko para sa katayuan, kaya ang pagiging nasa posisyon ng pamumuno ay magpapadaling matamasa ko ang mga pakinabang ng katayuan at malilimitahan ang iba. Sa tingin ko ay hindi ako angkop para sa papel ng pagkapinuno. Ibinabagi ko sa inyong lahat ang totoo kong sitwasyon; pwede ninyo akong suriin batay sa mga prinsipyo.” Pagkatapos kong magsalita, naging napakapayapa ng pakiramdam ko. Sa huli, napili ng mga kapatid ang dalawang ibang sister bilang mga lider ng iglesia, at hinirang ako bilang isang diyakono ng ebanghelyo. Sobra akong nagpasalamat sa Diyos at handa akong gawin nang buong puso ang tungkulin ko. Pagkatapos niyon, tumuon ako sa aking gawain ng pag-eebanghelyo. Kasisimula lamang magsagawa ng dalawang lider ng iglesia, at nang mapansin kong hindi naaangkop ang ilang aspekto ng kanilang gawain, binabanggit ko ito at nakikipagbahaginan ako sa kanila para ayusin iyon. Nadama kong mabuti ang pamamaraang ito.
Dati, kapag nakikita ko ang isang taong nasa posisyon ng pamumuno, hindi ako mapakali, dahil itinuturing ko ang pamumuno bilang layon ng paghahangad ko. Ngayon ay nauunawaan ko na sa paghahangad lamang sa katotohanan matatamo ng isang tao ang kaligtasan. Walang kabuluhan ang paghahangad sa katayuan. Natutuhan ko rin na bitiwan, mula sa kaibuturan ng aking puso, ang pagnanais ko para sa katayuan. Sinuman ang maging lider, kaya ko na siyang pakitunguhan nang tama. Gusto ko lamang na matatag na hangarin ang katotohanan, maayos na tuparin ang mga tungkulin ko, at bigyang-ginhawa ang puso ng Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.