Naniniwala Ako Sa Diyos: Bakit Sasamba sa mga Tao?

Agosto 3, 2022

Ni Youxin, South Korea

Noong ako ang namamahala sa gawain ng ebanghelyo ng iglesia, hindi maganda ang trabaho ng grupo namin at problemadong-problemado ako. Tapos ay inilipat si Wu Ping sa iglesia namin. Nabalitaan kong mahigit dalawampung taon na siyang mananampalataya at marami nang isinakripisyo para sa Diyos, nakapangaral na siya kung saan-saan at marami nang pinagdaanang panganib nang hindi kailanman sumusuko. Talagang tiningala ko siya. Hindi nagtagal, isinaayos ng lider ko na ipareha sa akin si Wu Ping sa gawain ng ebanghelyo, at tuwang-tuwa ako. Talagang nakaukit sa alaala ko ang unang pagtitipon niya sa amin. Tinalakay niya kung paano niya naranasan ang mga paggambala ng mga lider ng relihiyon kapag nagpapalaganap siya ng ebanghelyo, kung paano siya nagbahagi at nakipagdebate sa kanila, iniiwanan silang hindi makapagsalita, at kung paano siya nagbahagi sa mga may maraming relihiyosong kuru-kuro at kaalaman sa Biblia at nalutas ang mga kalituhan nila. Tinalakay niya rin ang maraming paghihirap na naranasan nila sa pag-eebanghelyo, ang pagsasakripisyo na ginawa niya at ng ibang kapatid para ipalaganap ang ebanghelyo sa iba’t ibang lugar, kung paano siya pinahalagahan at nilinang at binigyan ng mga importanteng tungkulin ng mga nakatataas na lider. Pinakahumanga ako nang talakayin niya ang pag-ibig ng Diyos para sa tao, nangingilid ang luha sa mga mata niya, sinasabing kailangan naming isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at gaano man karaming paghihirap ang harapin namin, dapat naming ipalaganap ang ebanghelyo ng mga huling araw, na misyon namin iyon. Noong oras na iyon, ang tingin ko ay punung-puno siya ng pagmamahal para sa Diyos at nagkaroon agad ako ng kaunting respeto para sa kanya. Pakiramdam ko ay matagal na siyang may pananampalataya, mas marami siyang katotohanang nauunawaan kaysa sa amin, at mas mataas ang tayog niya, kaya dapat akong matuto sa kanya.

Pagkatapos noon, sinimulan naming gawin ang mga tungkulin namin nang magkasama, at habang nagtatrabaho kami nang magkasama, napansin ko na talagang kaya ni Wu Ping na tiisin ang paghihirap at maraming beses siyang nagpupuyat para kumustahin ang gawain at lutasin ang mga problema. Ipinaalam niya ang mga kamalian at kakulangan sa trabaho ko at nagbahagi ng mga landas ng pagsasagawa. Kapag nagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, nagbibigay siya ng mga halimbawa at gumagamit ng mga talinghaga, talagang tuwiran siya sa sinasabi niya, at nagagawa niyang lutasin ang mga kalituhan ng mga tao. Kapag nagsasalita siya tungkol sa kakulangan ng trabaho niya sa mga pagtitipon, maluluha-luha siya, sinasabi kung gaano kalaki ang utang na loob niya sa Diyos. Minsan, kapag may tanong sa kanya ang mga manggagawa ng pagdidilig, magmamadali siyang maglaan ng oras para tulungan sila. Napakamaalalahanin din niya kapag nakikita niyang masama ang pakiramdam ko. Noong panahong iyon, lalo ko lang siyang nagugustuhan. Kalaunan ay nahalal siya bilang isang lider ng iglesia at lalo kong naramdaman na taglay niya ang realidad ng katotohanan, at lalo ko pa siyang hinangaan at tiningala. Nakita kong lagi siyang nagpaparoo’t parito sa iglesia tinutulungan ang mga kapatid na lutasin ang kanilang mga problema, at pakiramdam ko ay napakaimportante ng papel niya sa iglesia, at talagang hindi namin kakayanin nang wala siya. Kapag nagkakaroon ako ng mga problema, hahanapin ko siya para makipagbahaginan at masigasig na tatandaan ang mga pananaw niya at mga bagay na sinabi niya, at pagkatapos ay isasagawa ko kung anuman ang iminungkahi niya. Ginaya ko pa nga ang ilan sa mga ugali niya, gaya nang makita ko siyang madalas na nagpupuyat, naisip kong pagpapakasakit iyon para sa tungkulin ng isang tao at debosyon iyon, kaya magpupuyat din ako. Minsan ay wala namang agarang trabaho at pwede naman akong matulog nang mas maaga, pero kapag nakikita kong nagpupuyat si Wu Ping, magpupuyat din ako. Nakita kong nanatili siyang matatag matapos maiwasto, at nagpapakaabala pa rin sa tungkulin niya. Akala ko pagkakaroon ito ng tayog at realidad. Labis na sumama ang loob ko nang iwinasto ako at gusto kong magdebosyonal at magnilay-nilay, pero nang maalala ko ang pag-uugali ni Wu Ping, agad lang akong bumalik sa tungkulin ko nang hindi tumutuon sa higit pang pagkilala sa sarili ko. Namumuhay ako sa kalagayan ng pagsamba, sinasamba si Wu Ping nang wala akong kamalay-malay. Tapos ay nagsaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon na unti-unting nagbigay sa akin ng kakayahang makilala nang kaunti si Wu Ping.

Habang isa siyang lider ng iglesia, aktibong-aktibo siya at nagagawa niyang labis na magsumikap, pero ang mga problema sa gawain namin ay dumami na parang mga langaw, at unti-unting bumaba ang pagiging epektibo ng gawain ng iglesia. Isang araw, sinabi sa akin ng diyakono ng pagdidilig na si Sister Yang na may nakita siyang ilang problema sa gawain ni Wu Ping, na pinangungunahan niya ang lahat nang hindi pinababayaang magsagawa ang mga kapatid, at hindi niya nililinang ang mga talento. Ginagawa niya ang gawain ng mga diyakono at lider ng grupo, kung kaya’t wala nang sinuman ang may pagkakataong magsagawa. Kalaunan, pakiramdam ng lahat ay lubos silang walang silbi, at talagang hinangaan nila si Wu Ping. Hindi iyon isang malusog na kapaligiran. Sinabi ni Sister Yang na gusto niyang magsabi kay Wu Ping tungkol sa pagbibigay sa iba ng mas maraming pagkakataong magsagawa para malaman ng lahat ang kanilang mga pagkukulang at mas mabilis na umusad, tapos ay magagamit din nila ang mga talento nila, at tiyak na bubuti ang paggawa nila sa mga tungkulin nila. Talagang sinuportahan ko ang ideya ni Sister Yang, kaya’t sinamahan ko siyang kausapin si Wu Ping. Pero nakakagulat na labis na hindi natuwa si Wu Ping. Sumimangot siya at hindi sumang-ayon sa amin. Sabi niya ay masyado raw maraming problema ang iba, kaya’t isang abala ang pagtuturo sa kanila at maaantala niyon ang mga bagay-bagay. Mas mabuti at mas epektibo na siya mismo ang gagawa sa mga bagay-bagay. Mahusay niyang ipinaliwanag ang mga bagay-bagay, at hindi ko alam kung anong sasabihin noong oras na iyon, pero nang pag-isipan ko iyon kalaunan, pakiramdam ko ay hindi niya hinaharap nang maayos ang mga bagay-bagay. Hindi namin malilinang ang mga tao sa ganoong paraan. Hindi masasanay ang mga kapatid, at magiging nakaasa kami sa kanya, at sa ganitong paraan, hindi magagawa nang maayos ang gawain. Pero naisip ko, hindi namin nauunawaan ang katotohanan, kaya mawawalan ng silbi ang pagsabay sa kanya na lumutas ng mga problema, maaantala lang namin ang mga bagay-bagay. Mas nauunawaan niya ang katotohanan, kaya dapat namin siyang hayaang asikasuhin ang mga bagay-bagay. Kaya’t patuloy na talagang nagpakaabala si Wu Ping araw-araw, pero maraming problema ang nanatili. Talagang walang ginagawa ang mga kapatid sa mga tungkulin nila at hinihintay siyang ayusin ang mga problema. Karamihan sa mga tao ay laging malungkot at nalulumbay. Kalaunan ay natuklasan ng isang nakatataas na lider na maraming problema sa iglesia namin, at nangolekta siya ng mga pagsusuri kay Wu Ping, na nagpakita na talagang mapagmataas at mapandikta siya at hindi siya tumatanggap ng anumang suhestiyon. Nagpapataas din siya ng sarili, palaging nagpapasikat, at dinadala ang mga tao sa harapan niya. Agad-agad siyang tinanggal. Sinabi rin ng lider na wala kaming pagkakilala at basta na lang naming pikit-matang inidolo si Wu Ping, at sinabihan niya kaming hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa aming mga tungkulin, at huwag basta sumamba sa sinumang tao. Tapos ay napagtanto kong namumuhay ako sa kalagayan ng pagsamba sa isang tao kung kaya’t hindi ako nagkaroon ng normal na relasyon sa Diyos. Naisip ko ang ikawalong atas administratibo: “Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag mong unahin ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Medyo natakot ako, na para bang nalabag ko ang disposisyon ng Diyos. Naisip ko kung paano ko hinangaan si Wu Ping mula nang makasalamuha ko siya, at kung paanong hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa tungkulin ko, kundi umasa lang sa kanya. Hahanapin ko siya nang may alinman sa mga problema ko at gagawin ang anumang sabihin niya. Talagang tiningala ko siya at walang puwang sa puso ko para sa Diyos. Pakiramdam ko ay hindi matatapos ang gawain namin nang wala siya sa iglesia, na para bang ayos lang na wala ang patnubay ng Diyos at ang mga prinsipyo ng katotohanan, pero kailangan ay nasa amin si Wu Ping. Mananampalataya nga ba ako? Hindi ba’t pagsamba at pagsunod lang ito sa isang tao? Talagang kasuklam-suklam ito sa Diyos. Hindi nakapagtataka na hindi ko makamit ang gawain ng Banal na Espiritu sa tungkulin ko, at wala akong nakikitang kahit anong pag-usad matapos ang mahabang panahon. Nagdasal ako sa Diyos, ninanais na baguhin ang kalagayan ko at itigil ang pagsamba sa mga tao.

Pagkatapos noon, may ilang bagay na nangyari na talagang nagpakita sa akin ng tunay na mukha ni Wu Ping. Matapos siyang matanggal, alam na alam niyang marami pang ibang sumasamba sa kanya, hindi pa rin niya sinusuri o kinikilala ang sarili niya sa mga pagtitipon, sa halip ay umakto siya na parang siya talaga ang ginawan ng mali, sinasabi niyang hinangaan niya ang kapareha niyang si Sister Zhou at pinakinggan ang lahat ng sinabi ni Sister Zhou. Nabigla akong makita siyang pinapasa ang sisi kay Sister Zhou. Naisip kong malinaw na naihayag at nasuri ng lider ang mga problema niya, kaya bakit wala siyang anumang pagkaunawa sa sarili o bakit hindi niya inaako ang anumang responsibilidad? Isa itong pagpapakita ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Kalaunan, muli siyang inatasan ng lider na gumawa ng gawain ng ebanghelyo kasama ko, at kahit na hindi ko na siya hinahangaan gaya ng dati, masayang-masaya ako. Sabi nga nila, kahit isang payat na kamelyo ay mas malaki pa rin sa kabayo, at pakiramdam ko pa rin ay nahigitan talaga ako ni Wu Ping. Pero sa gawain ko pagkatapos noon, hindi na siya kasing kalmado at madaling lapitan gaya ng dati, bagkus ay napakaseryoso niya. Kapag pinag-uusapan ang gawain, hindi niya pinakikinggan ang alinman sa mga suhestiyon ko at madalas ay agad na tinatanggihan ang mga iyon. Ilang beses niya akong iniwasan, at umalis para talakayin ang mga bagay-bagay kasama ang sister na nakatrabaho niya dati. Pakiramdam ko ay talagang napipigilan ako at tinatanggihan ako. Sa ilang panahon, talagang wala kaming nakakamit sa tungkulin namin, kaya’t pinuntahan ko siya para kausapin tungkol sa mga problemang ito na nakita ko sa koordinasyon namin. Nabigla ako nang hindi niya tanggapin ang alinman doon at pakiramdam niya ay wala siyang kamalian. Sabi lang niya sa akin, “Magiging tuwiran ako, at huwag sasama ang loob mo. Hindi ako sanay na makatrabaho ka. Hindi ko talaga nagustuhan ang paraan ng pagtatrabaho mo at nababahala ako dahil doon.” Nang marinig kong sabihin niya iyon ay talagang nalungkot ako. Pakiramdam ko ay napipigilan ko rin siya.

Matapos mabalitaan ng lider ang tungkol sa mga problemang ito, iwinasto niya si Wu Ping dahil sa pagiging mapagmataas at sa hindi pagtanggap sa katotohanan. Tapos sa isang pagtitipon, sinabi ni Wu Ping sa harap ng lahat na ang maiwasto ay pag-ibig ng Diyos, at umiyak siya, sinasabing pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos dahil sa hindi paggawa nang mabuti sa tungkulin niya. Parang kilalang-kilala niya ang sarili niya. Pero sa mga pribadong interaksyon namin ay inilalabas niya ang pagiging negatibo niya, palaging sinasabing katapusan na niya at wala na siyang ganang gawin ang tungkulin niya. Ayaw niyang pakinggan ang alinman sa mga pagbabahagi ko. Lalo na nang sabihin ng lider na may ilang kapatid na umusad at naging magaling sa kanilang tungkulin lalo siyang nalumbay, at inisip niyang pinahahalagahan ng lider ang iba kaysa sa kanya. Palagi niya akong pribadong tinatanong kung pinagtatawanan ba siya ng iba. Talagang nayayamot ako sa tuwing pag-uusapan namin iyon. Nakikita kong nalulumbay siya, hindi mabuti ang pisikal o mental na kalagayan niya, pero umaakto siyang masyadong mataas at malakas sa mga pagtitipon, at nagpapanggap na tinatanggap ang katotohanan at isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Parang labis na nakakapagod iyon para sa akin. Minsan ay tatanungin ko ang sarili ko, Ito ba ang taong labis kong sinamba? Mukhang hindi siya isang taong may realidad ng katotohanan. Masyado siyang nakatuon sa reputasyon at katayuan, at talagang hindi tinanggap ang katotohanan. Hindi niya kinikilala ang sarili niya kapag nagkakaroon ng mga problema, sa halip ay nagpapanggap siya. Parang hindi siya tamang tao. Patuloy lang sa paglala ang kalagayan niya pagkatapos noon. Marami-raming beses na nagbahagi sa kanya ang lider, at mukhang tinanggap niya iyon, pero hindi talaga siya nagbago. Napoot pa nga siya sa iba at tiningnan sila nang nanlilisik ang mga mata. Iwinasto siya ng lider at inilantad ang mga problema niya, pero kinamuhian at sinisi niya ang Diyos sa puso niya. Hindi niya mapigilan ang sarili niyang ilagay ang lahat ng sisi sa balikat ng Diyos. Nakita ko na may malupit siyang kalikasan, na napopoot siya sa Diyos at sa katotohanan. Isa siyang demonyo, isang anticristo. Kalaunan ay hindi na siya pinahintulutang mamuhay ng buhay-iglesia o gumanap ng mga tungkulin.

Matagal-tagal ko ring hindi mapayapa ang sarili ko pagkaalis niya. Inisip ko kung bakit masyado ko siyang sinamba, hanggang sa puntong gusto ko nang maging katulad niya. Sa tuwing may makikilala akong tao na magaling magsalita, na kayang magdusa at isuko at igugol ang lahat para sa Diyos, na inaresto at pinahirapan nang hindi ipinagkakanulo ang Diyos, talagang sinasamba ko sila. Bakit masyado kong sinamba ang mga taong ito? Anong ideya ang naghahari sa akin? Tapos ay nakakita ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. “Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na napapalugod ng gayong mga tao ang kalooban ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang realidad ng katotohanan—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas malinlang ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay magsalita tungkol sa mga titik at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang diwa ng pagkatao ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain).

Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Eksaktong-eksakto ang mga salita ng Diyos sa akin. Nakita kong mali ang naging perspektibo ko sa pananampalataya ko sa lahat ng mga taong iyon. Akala ko ang pagiging matagal nang mananampalataya, masigasig na pagsasakripisyo at paggawa ng maraming gawain ay pagsasagawa ng katotohanan at pagkakaroon ng realidad ng katotohanan. Akala ko na ang ganoong klase ng tao ay magdudulot ng kagalakan sa Diyos at maaaring magkaroon ng mapanghahawakan sa sambahayan ng Diyos. Kaya sa mga interaksyon ko kay Wu Ping, nang makita ko na maraming taon na siyang sumasampalataya sa Diyos at marami nang nagawang sakripisyo, na labis na siyang nagdusa para ipalaganap ang ebanghelyo at talagang magaling magsalita sa kanyang pagbabahagi, nalinlang ako ng matayog niyang imahe at kahanga-hangang ugali, kaya sinamba ko siya. Sa wakas ay nakita ko kung gaano ako kahangal at ka-ignorante, katawa-tawa ang naging perspektibo ko. Kapag kaya ng isang taong magsakripisyo at magdusa sa kanyang tungkulin, panlabas na mabuting ugali lang iyon. Hindi nangangahulugan iyon na may mabuti siyang pagkatao, na minamahal niya ang katotohanan, o may realidad siya ng katotohanan. Dalawampung taon nang mananampalataya si Wu Ping. Marami na siyang isinakripisyo at magaling siyang magsalita, pero ginamit niya ang mga bagay na ito bilang personal na kapital, palaging nagpapasikat at dinadala ang mga tao sa kanyang harapan. Hindi niya talaga kayang tanggapin o isagawa ang katotohanan. Gaano man karaming kritisismo o kabiguan ang hinarap niya, hindi niya kailanman pinagnilayan ang kanyang sarili o nagkaroon ng anumang tunay na pagsisisi. Noong siya ay pinahahalagahan at may katayuan, may sigla siya para sa tungkulin niya, kaya niyang magpuyat buong gabi at ibuhos ang lahat para rito. Pero nang matanggal siya, nawala ang lahat ng gana niya para sa tungkulin niya. Mapanlaban siya at laging nagrereklamo, at palihim na naglalabas ng pagiging negatibo. Pero sa panlabas ay sinasabi niyang may utang na loob siya sa Diyos at mukhang talagang nagsisisi, pinaparamdam sa iba na isinasaalang-alang niya ang kalooban ng Diyos, na mayroon siyang tayog at realidad, kaya’t tiningala siya ng lahat. Matapos siyang matabas at maiwasto, sinabi niya sa lahat na pag-ibig iyon ng Diyos, pero palihim niyang sinisi at kinapootan ang Diyos. Hindi ba’t isa siyang anticristo na napopoot sa katotohanan at sa Diyos? Ngayon ay alam ko na na ang pagkakaroon ng pananampalataya sa mahabang panahon, pagkakaroon ng kakayahang magsakripisyo at magsalita nang mahusay, pagkakaroon ng karanasan at pagpapahalaga ng iba, ay hindi nangangahulugang ang isang tao ay may realidad ng katotohanan, lalong hindi na nakapagdudulot siya ng kagalakan sa Diyos. Gaano man katagal sumampalataya ang isang tao o gaano man siya nagsumikap, kung hindi siya nagsasagawa ng katotohanan at hindi niya binabago ang kanyang mga satanikong disposisyon, ang totoo ay nilalabanan pa rin niya ang Diyos at maaalis siya sa huli. Tinutupad nito ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:22–23). Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong pagsisikap, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kwalipikasyon, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong pag-uugali; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking papuri. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong kaisipan at mga pagtataya at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay mawakasan na ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay ipawalang-saysay ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko madadala ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at may anyo ni Satanas sa Aking kaharian o dalhin sila sa susunod na kapanahunan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Talagang nakaaantig sa akin ang mga salita ng Diyos. Hindi itinatakda ng Diyos ang destinasyon ng isang tao batay sa kanyang pagsisikap, kung gaano kabuti siyang kumilos o kung gaano karaming gawain ang nagawa niya, kundi kung taglay niya ang katotohanan. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao batay sa nasa panlabas, kundi batay sa kanilang diwa. Tinitingnan Niya kung iniibig nila ang katotohanan at kung kaya nila itong isagawa, kung nagpapasakop sila sa Diyos at ginagawa ang kalooban Niya. Nakita ko na talagang may matuwid, banal na disposisyon ang Diyos. Mayroon Siyang mga pamantayan at mga prinsipyo sa paghatol sa mga tao nang walang panghihimasok ng anumang mga damdamin. Hindi ipapasya ng Diyos na matuwid o mabuti ang isang tao dahil lang sa masigasig siya o nag-aambag o nagdurusa siya nang kaunti. Sa kabilang banda, gaano man katagal naging mananampalataya ang isang tao, gaano man karaming gawain ang nagawa niya o gaano man siya katanyag, kung hindi siya nagsasagawa ng katotohanan at hindi niya binago ang mga disposisyon niya, tiyak na aalisin siya ng Diyos. Sa sandaling maunawaan ko ito, talagang nakita ko kung gaano ako ka-ignorante at kaawa-awa. Sa mga taon ng aking pananampalataya, hindi ko hinanap ang katotohanan o naunawaan ang kalooban ng Diyos. Ibinatay ko lang ang pananampalataya ko sa sarili kong mga kuru-kuro at patuloy na sinamba ang ibang tao. Nakita ko kung gaano ako kabulag at kahangal. Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Sa buong sangkatauhan, walang sinumang maaaring magsilbing isang huwaran para sa iba, dahil lahat ng tao una sa lahat ay magkakapareho at hindi nagkakaiba sa isa’t isa, na may kakaunting pagkakaiba para matukoy sila sa isa’t isa. Dahil dito, kahit ngayon ay hindi pa rin lubusang nalalaman ng mga tao ang Aking mga gawa. Kapag sumasapit ang Aking pagkastigo sa buong sangkatauhan, nang hindi nila mismo alam, saka lamang sila nagkakaroon ng kamalayan sa Aking mga gawa, at kung hindi Ko ginawa ang anumang bagay o pinilit ang sinuman, makikilala Ako ng mga tao, at sa gayon ay masasaksihan nila ang Aking mga gawa. Ito ang Aking plano, ito ang aspeto ng Aking mga gawa na ipinapakita, at ito ang dapat malaman ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26). Malinaw na malinaw ang mga salita ng Diyos. Ang mga tao ay nagawang tiwali ni Satanas at taglay natin ang diwa ni Satanas. Wala tayong ipinapakita kundi isang satanikong disposisyon. Wala ni isa sa atin ang karapat-dapat sambahin. Kung naunawaan ko na iyon noon, wala sana akong ibang sinamba o inidolo.

Hindi nagtagal matapos noon ay natanggal ako, dahil wala akong nakakamit sa tungkulin ko. Noong panahong iyon ay nag-isip-isip akong mabuti, at nagnilay-nilay kung bakit ako nabigo. Naisip ko kung paanong nakulong ako sa kalagayan ng pagsamba kay Wu Ping, iniisip na matagal na siyang sumasampalataya, maraming taon nang nangangaral ng ebanghelyo, labis na nagdusa, at maraming karanasan sa gawain, kaya siguro ay nauunawaan niya ang katotohanan at may taglay siyang realidad. Samakatuwid ay palagi kong sinusubukang gayahin ang ugali niya at lumalapit sa kanya para sa lahat ng katanungan ko. Anuman ang sabihin niya, tatanggapin ko lang iyon nang hindi nag-iisip at gagawin kung anuman ang sinabi niya. Wala talagang puwang ang Diyos sa puso ko. Hindi ko hinanap ang katotohanan kapag nakaharap ako ng mga problema, at wala akong prinsipyo. Nakikinig lang ako sa isang tao, kay Wu Ping. Hindi ako sumusunod sa Diyos, bagkus ay sumusunod ako sa isang tao. Katulad lang ng sinasabi ng Diyos: “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa paggalang magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Inihayag ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Kung gugunitain ang mga taon ng pananampalataya ko, inidolo ko lang ang mga tao sa paligid ko na may kakayahan at mga kaloob, na sinusuportahan at pinahahalagahan. Itinuring ko ang bawat salita at gawa nila bilang mga bagay na dapat tularan nang hindi kailanman hinahanap ang kalooban ng Diyos, o kung iyon ba ang gusto ng Diyos at kung nakaayon iyon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Pikit-mata lang akong sumasamba at sumusunod sa iba at gusto ko pa ngang maging katulad nila. Nasa maling landas ako sa buong panahong iyon, naghahangad na magdusa at gumawa hanggang sa makakaya ko. Sa tungkulin ko ay umasa ako sa kakayahan at karanasan, at hindi kailanman tumuon sa paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan o sa sarili kong pagpasok sa buhay, kaya’t wala akong gaanong natutuhan sa loob ng mga taon ng aking pananampalataya, at nagdusa ang buhay ko. Talagang nadama ko kung gaano ako ka-ignorante at kaawa-awa. Napakaraming salita ang ibinigay sa atin ng Diyos, pero halos wala akong isinaisip sa mga iyon. Pero anuman ang sabihin ni Wu Ping, at anumang opinyon ang mayroon siya ay malinaw kong isinaisip, at agad-agad ko iyong isasagawa. Palagi ko siyang inaasahan sa tungkulin ko, pero walang puwang ang Diyos sa puso ko. Ganap akong nalantad sa pamamagitan ng lahat ng nangyari kay Wu Ping. Lalo na nang matanggal siya, nalantad ang mga problema niya at nalaman ko ang tungkol sa mga iyon, pero nang muli kaming magkasama sa trabaho, nasa isip ko pa rin itong mataas at marangal na imahe niya. Umasa pa rin ako sa kanya sa mga tungkulin ko at palaging iniisip na kahit isang payat na kamelyo ay mas malaki pa rin sa kabayo, at pakiramdam ko ay mas magaling siya sa akin kahit na may kaunti siyang problema. Ganito ang naging tingin ko sa mga bagay-bagay. Masyado kong sinamba ang isang tao. Hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa mga interaksyon ko, at wala akong pagkakilala. Tinitingnan ko ang mga bagay batay sa mga satanikong kasinungalingan. Parami nang parami sa mga problema ni Wu Ping ang nalantad kalaunan. Wala pa rin akong anumang pagkakilala, patuloy ko siyang sinusundan, at napipigilan pa rin niya ako. Kaya’t palagi akong nasa negatibo at hirap na kalagayan. Dapat lang talaga iyon sa akin. Tinitingala ko si Wu Ping at umaasa ako sa kanya sa tungkulin ko, pero anong idinulot niyon sa akin? Panlilinlang, pagpipigil, at pagtatanggi. Naging miserable ako at napipigilan, at palayo ako nang palayo sa Diyos. May pananampalataya ako pero hindi ako umasa sa Diyos o tumingala sa Kanya, at hindi ko talaga hinanap ang katotohanan. Sinamba at sinundan ko lang ang isang tao. Isa akong hangal na walang anumang pagkakilala. Noong sandaling iyon ay nabigo at natumba ako, at iyon ang pagiging matuwid ng Diyos at pagliligtas Niya sa akin. Ang paghahayag na iyon ang nagtulak sa aking tingnang mabuti ang maling landas na kinaroroonan ko at suriin ang sarili kong mga maling akala, at magawa kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problemang ito. Naranasan ko rin ang kahalagahan ng paghahanap sa katotohanan. Ang sinabi ng Diyos na, “Yaong mga hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakasunod hanggang sa kahuli-hulihan,” ay totoong-totoo. Iyong mga hindi naghahanap sa katotohanan ay tiyak na malalantad at maaalis ng Diyos. Ang sarili kong karanasan sa kabiguan at ang pagkabigo ng taong hinangaan ko ang pinakamagandang katunayan nito.

Makalipas ang dalawang buwan, ipinares ako kay Wang Li para sa gawain ng ebanghelyo. Nabalitaan ko noon na matapos makamit ang pananampalataya niya, isinuko niya ang isang magandang trabaho para gawin ang tungkulin niya at talagang subsob siya sa pagtatrabaho, at may mataas na kakayahan. Marami na siyang nagawang gawain ng ebanghelyo at isa siyang bihasang manggagawa. Matagal-tagal ko na siyang kilala at nakita kong malaki ang malasakit niya sa gawain ng iglesia. Aktibong-aktibo siya sa pagbabahagi sa mga pagtitipon, at mukhang hindi siya napipigilan anuman ang mga sitwasyon o bilang ng mga tao. Nagsasalita siya nang may matinding hinahon at walang anumang takot. Aktibo siyang nagbabahagi para tulungan ang sinumang nakakaranas ng problema, at gustung-gusto siya ng lahat. Pakiramdam ko ay talagang hinahanap niya ang katotohanan, at tiningala ko siya. Masaya akong magkaroon ng pagkakataong makatrabaho siya, pero naalala ko ang dati kong kabiguan, kung paano ko pinahalagahan ang kakayahan at mga kaloob ni Wu Ping, sinasamba at sinusundan siya. Tinahak ko ang maling landas at nakasama iyon sa buhay ko. Alam ko sa mga interaksyon ko kay Wang Li, na hindi ako pwedeng umasa sa mga maling akala para muling tingnan ang mga bagay-bagay, at kailangan ko siyang harapin alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. May mabuting kakayahan at may karanasan si Wang Li sa pagbabahagi ng ebanghelyo, kaya’t marami akong dapat matutuhan sa kanya para makabawi sa mga kakulangan ko. Pero isa rin siyang tiwaling tao, na may mga tiwaling disposisyon at mga pagkukulang. Hindi ko siya pwedeng sambahin at asahan. Kung may mga problema at pagkakamali siya sa mga tungkulin niya, hindi pwedeng pikit-mata lang akong sumunod sa kanya. Dapat akong magpanatili ng pagkakilala at tratuhin siya batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kalaunan sa mga pagtalakay namin sa gawain, napansin kong karamihan sa mga suhestiyon ni Wang Li ay hindi praktikal. Tingin ko at ng dalawang iba pang sister ay hindi gagana ang mga iyon, pero talagang ipinagpilitan niya. Hindi siya makakaalis sa kahit anong hindi namin napagkakasunduan, at sa sandaling hindi siya makaalis ay mananatili kaming hindi nagkakasundo sa mahabang panahon, na talagang umantala sa pag-usad ng gawain namin. Unti-unti, nakita ko na masyadong mapagmataas at matigas si Wang Li, at umiinit ang ulo niya kapag hindi tinanggap ang mga suhestiyon niya. Magmumukmok siya, at nakapipigil iyon para sa iba. Nakagagambala siya sa grupo ng ebanghelyo, at nakahahadlang siya sa pag-usad ng gawain. Sinabi ko sa lider ang tungkol sa ugali niya. Matapos itong malaman, inilantad at sinuri ng lider ang mga problema niya, pero tumanggi pa rin siyang tanggapin iyon, at iniba ang tungkulin niya pagkatapos niyon. Talagang napanatag ako matapos mangyari iyon. Pakiramdam ko sa wakas ay nabago ko na ang mga maling ideya ko at hindi na ako sumasamba at sumusunod sa mga tao gaya ng dati. Nagpapasalamat din ako sa Diyos sa pagsasaayos ng mga sitwasyong iyon na nagpahintulot sa aking magtamo ng pagkakilala, para matutuhan ko ang mga aral na iyon. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Paghatol Ay Liwanag

Pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting pag-iingat sa tao at pinakadakilang biyaya. Tanging sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao, at kapopootan ang laman, at kapopootan si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, siya’y pinalalaya nito mula sa kanyang sariling makitid na mundo, at hinahayaan siyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos.