Napinsala ng Edukasyong May Mataas na Pressure ang Aking Anak

Agosto 30, 2024

Ni Niuniu, Tsina

Naghiwalay ang mga magulang ko noong bata pa ako. Nanirahan kami ng ate ko kasama ng aming ama, at talagang mahirap ang aming buhay. Hindi mayaman ang aming pamilya, at mababa ang aking mga marka, kaya pagtuntong ko ng junior high, huminto ako at nagsimulang magtrabaho. Hindi ako nakapag-aral at kaya ko lang gumawa ng ilang manwal na trabaho. Nakakapagod at nakakahiya ito. Dahil hindi ako nakapag-aral, maaari lamang akong maging isang mababang uri ng manggagawa sa buhay na ito. Kaya, nang mag-asawa ako at magkaroon ng aking unang anak na babae, inasam kong mag-aaral siya nang mabuti at makakapasok sa isang magandang unibersidad sa hinaharap, hindi lamang para magkaroon siya ng magandang kinabukasan, kundi dahil gaganda rin ang imahe ko bilang ina dahil dito. Sa panahong iyon, nagkaroon ako ng maliit na negosyo sa bahay kasama ang aking asawa habang inaalagaan ko rin ang aking anak. Noong siya ay dalawang taong gulang, bumili ako online ng ilang aklat na para sa baguhan para turuan siya. Habang nagluluto ako o naglalaba, tinuturuan ko siya ng Three Character Classic o nagpapasaulo ako sa kanya ng tula mula sa panahon ng dinastiya ng Tang. Kung minsan, kapag nagsasabi ako ng isang pangungusap, nasasabi niya sa akin ang susunod na pangungusap mula sa memorya. Nakita ko kung gaano siya kabilis matuto, at naisip ko na ang aking anak ay medyo matalino, na tiyak na siya ay magiging mahusay sa akademya sa hinaharap. Nang siya ay apat na taong gulang, ipinasok ko siya sa kindergarten. Pagkalipas ng kalahating taon, nang makita ko na hindi siya gaanong natututo sa mababang antas na klase, pinalipat ko siya sa gitnang antas na klase, at bago pa man niya makumpleto iyon, inilipat ko siya sa pinakamataas na antas na klase. Ang unang kindergarten na pinili ko para sa aking anak ay hindi kalayuan mula sa aming tahanan, ngunit kalaunan ay napansin ko na hindi gaanong natututo roon ang aking anak, at naisip ko, “Ito ang panahon kung kailan nabubuo ng mga bata ang kanilang pundasyon. Kung magpapatuloy siya sa pag-aaral dito, makakasagabal ito sa kanyang mga oportunidad sa hinaharap.” Kaya, may inutusan ako na magtanong-tanong para sa akin, at nakahanap ako ng kindergarten na maganda pero medyo malayo mula sa tinitirhan namin. Inihahatid at sinusundo ko ang aking anak sa paaralan araw-araw, at sa mga oras na iyon, iniisip ko, “Ang pagpapaaral sa aking anak sa isang magandang kindergarten ay kapaki-pakinabang para sa kanyang kinabukasan. Sulit ito kahit gaano pa ito kahirap.” Upang makakuha ng matataas na marka ang aking anak, nagtipid ako sa pagkain at iba pang gastusin at gumastos ako ng mahigit 500 yuan para sa isang smart pen. Inisip ko na makakatulong ito sa mga grado niya. Nang maglaon, nagsimula na ang aking anak sa unang baitang, at masyado siyang mahilig maglaro, kaya nagtakda ako ng panuntunan na araw-araw pagkatapos ng almusal, kailangan niyang magsanay sa pagsulat ng mga karakter. Pagkatapos nito, kailangan niyang bigkasin ang isang sipi mula sa kanyang aklat-aralin, at pagkatapos lamang noon siya maaaring lumabas upang maglaro. Nang makita niya na isinaayos ko ang lahat ng pag-aaral na iyon para sa kanya at hindi siya makakapaglaro hanggang sa matapos niya ito, umiyak siya at nagreklamo. Nagalit ako at pinagalitan ko siya, sinabi ko, “Kung mag-aaral kang mabuti at magagawa mo ang lahat ng takdang-aralin na ito, hindi ko na kailangang itakda ang mga panuntunang ito. Hindi ba’t ang mga tuntuning ito ay para sa iyong kapakanan? Tingnan mo ang anak ni ganito at ganyan; nakikita mo kung gaano kaganda ang kanyang mga grado? Laging wala sa bahay ang mga magulang niya, pero alam pa rin niya kung paano mag-aral nang mabuti. Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, hindi ka man lang makakahanap ng trabaho kapag nakatapos ka na sa pag-aaral, at lalo nang hindi ka magkakaroon ng magandang kinabukasan. Kapag dumating ang oras na iyon at wala kang makakain, huwag kang lalapit sa akin.” Napatahimik ng pangangaral ko ang aking anak, at napilitan siyang sumunod sa mga hinihingi ko at mag-aral. Dahil dito, sa ilalim ng aking mahigpit na kontrol, tumaas ang mga marka ng aking anak. Nakakakuha siya ng marka na 90, at kung minsan ay 99 pa nga, sa mga pagsusulit. Pero papagalitan ko pa rin siya, sasabihin ko na, “Bakit 99 lang ang nakuha mo sa halip na 100?” Pagkatapos noon, hinihikayat ko siyang mag-aral nang mabuti, at binili ko siya ng mga magagamit para sa dagdag na pag-aaral sa kanyang bakanteng oras para makakuha siya ng 100 sa kanyang mga pagsusulit sa lalong madaling panahon.

Noong Hunyo ng 2021, ang aking anak ay nasa ikalawang baitang na, at ang kanyang mga marka ay patuloy na bumababa, kaya pinagalitan ko siya, at sinabi ko, “Bakit pababa nang pababa ang mga marka mo sa pagsusulit!” Inakusahan ko rin siyang hindi nakikinig sa klase. Sa bahay, binabantayan ko siya sa kanyang pag-aaral, at kung minsan, kapag hindi siya nakikinig sa akin, pinapalo ko siya. Natatakot ang aking anak tuwing nakikita niya ako, at hindi siya nagtatangkang suwayin ako, papaluin niya na lang ang kanyang sarili; hindi rin siya lalapit sa akin. Sinabi pa niya sa kanyang lola na hindi ko siya mahal. Noong oras na iyon, labis akong nagalit, at sinabi ko sa aking anak, “Bata ka pa at hindi mo pa naiintindihan ang mga bagay-bagay; ginagawa ko ang lahat ng ito para sa iyong ikabubuti. Noong kaedad mo ako, dahil hindi ako magaling na estudyante, wala akong naging anumang oportunidad sa hinaharap at maaari lamang akong maging isang mababang uri ng mamamayan. Kailangan mong maging isang mabuting mag-aaral; hindi ka dapat maging katulad ko.” Wala nang nagawa ang aking anak kundi sundin ang mga hinihingi ko.

Kalaunan, napili ako na maging isang lider ng iglesia. Naging medyo abala ako sa mga tungkulin sa pamumuno, at hindi ako nagkaroon ng maraming oras para bantayan ang pag-aaral ng aking anak sa bahay. Medyo bumababa ang kanyang mga marka; noong una ay nakakuha siya ng marka na lagpas 90, at pagkatapos ay unti-unti itong bumaba hanggang sa lagpas 70. Naisip ko, “Kung magpapatuloy na ganito ang mangyayari, baka ni hindi na siya makapagtapos ng middle school, lalo pa ang makapasok sa isang magandang unibersidad at magkaroon ng magandang kinabukasan. Kung walang mga oportunidad sa hinaharap ang aking anak, papangit din ang imahe ko dahil dito.” Kaya, nagpapakaabala ako sa gawain ng iglesia sa araw, at sa gabi ay nagtuturo ako ng mga karagdagang klase sa aking anak. Pero mahilig siyang maglaro at wala masyadong disiplina, at lumala nang lumala ang kanyang mga marka. Tinawagan ako ng kanyang guro at sinabi sa akin na ang mga marka ng aking anak ay seryosong bumababa, sinabi niya rin na kahit gaano pa ako kaabala, dapat ko pa ring pagtuunan ng pansin ang pag-aaral ng aking anak. Nang marinig ko ang sinabi ng guro, nagreklamo ako sa aking sarili, inisip kong dahil sa sobrang abala ko sa aking tungkulin ay hindi ko na nagawang bantayan ang pag-aaral ng aking anak, at ito ang dahilan kung bakit bumaba nang husto ang kanyang mga grado. Dahil dito, ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin sa pamumuno, ang gusto ko lang ay makipagtipon bawat linggo at ituring na ayos na iyon. Sa ganoong paraan, magkakaroon ako ng mas maraming oras upang bantayan ang pag-aaral ng aking anak sa bahay. Nang hapong iyon, dumating ang isang lider upang makipagtipon sa amin, at ayaw kong pumunta. Alam kong mali ang mag-isip nang ganito, at nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, malubhang bumababa ang mga marka ng aking anak, at nag-aalala ako na kung magpapatuloy ito, makakasagabal ito sa kanyang mga oportunidad sa hinaharap. Dahil dito, ayaw ko nang gawin ang mga tungkulin sa pamumuno. Alam kong mali ito; mangyaring gabayan Mo ako at ituro Mo sa akin ang isang landas sa pagsasagawa.” Pagkatapos magdasal, pumunta ako sa pagtitipon, kung saan sinabi ko sa lider ang aking kalagayan. Nakipagbahaginan siya sa akin, at pinaalalahanan niya rin ako na umuwi at basahin ang mga salita ng Diyos na nagbubunyag kung paano tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Pag-uwi ko, nakita ko ang mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito at binasa ko ang mga ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang bawat magulang o nakatatanda ay may iba’t ibang ekspektasyon, malalaki at maliliit, para sa kanilang mga anak. Umaasa sila na ang kanilang mga anak ay mag-aaral nang mabuti, magpapakabait, magiging mahusay sa eskuwela, at magkakaroon ng pinakamataas na marka, at hindi magpapakatamad. Nais nilang respetuhin ang kanilang mga anak ng mga guro at kaklase, at maging regular na lampas sa 80 ang grado ng kanilang mga anak. Kung makakakuha ng 60 na marka ang kanilang anak, mapapalo ito, at kung makakakuha ito ng mas mababa pa sa 60, dapat itong humarap sa pader at pag-isipan ang mga mali nito, o pinapanatili itong nakatayo bilang isang parusa. Hindi ito tutulutang kumain, matulog, manood ng TV, o maglaro ng computer, at ang ipinangakong magagandang damit at laruan noon ay hindi na bibilhin para sa anak. May iba’t ibang ekspektasyon ang bawat magulang para sa kanilang mga anak at malalaki ang kanilang mga inaasam para sa mga ito. Umaasa sila na magiging matagumpay sa buhay ang kanilang mga anak, mabilis na susulong sa kanilang propesyon, at magdadala ng karangalan at kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno at pamilya. Walang mga magulang ang nagnanais na ang kanilang mga anak ay maging pulubi, magsasaka, o magnanakaw at tulisan pa nga. Ayaw rin ng mga magulang na maging pangalawang uri na mamamayan ang kanilang mga anak pagkatapos pumasok sa lipunan, na mamumulot ng basura, magtitinda sa mga bangketa, magiging isang maglalako, o na mamaliitin ng iba. Maisasakatuparan man ng mga anak ang mga ekspektasyong ito sa kanila ng kanilang mga magulang, ano’t anuman, ang mga magulang ay may iba’t ibang ekspektasyon sa kanilang mga anak. Ang mga ekspektasyon nila ay ang presentasyon ng kung ano ang sa tingin nila ay magaganda at mararangal na bagay o paghahangad sa kanilang mga anak, binibigyan ang mga ito ng pag-asa, umaasa na maisakatuparan nila ang mga kahilingang ito ng magulang. Kaya, ano ang di-sinasadyang idinudulot ng mga pagnanais na ito mula sa magulang para sa kanilang mga anak? (Kagipitan.) Naglilikha ang mga ito ng kagipitan, at ano pa? (Mga pasanin.) Ang mga ito ay nagiging kagipitan at nagiging mga tanikala rin. Dahil mayroong mga ekspektasyon sa kanilang mga anak ang mga magulang, didisiplinahin, gagabayan, tuturuan nila ang kanilang mga anak ayon sa mga ekspektasyong iyon; mamumuhunan pa nga sila sa kanilang mga anak para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon, o magbabayad ng anumang halaga para sa mga ito. Halimbawa, umaasa ang mga magulang na magiging mahusay sa eskuwela ang kanilang mga anak, na mangunguna sa klase, makakakuha ng mahigit sa 90 na marka sa bawat pagsusulit, palaging magiging numero uno—o, ang pinakamalala, hindi bababa sa ikalimang ranggo. Pagkatapos ipahayag ang mga ekspektasyong ito, hindi ba’t gumagawa rin ng mga partikular na sakripisyo ang mga magulang kasabay niyon para tulungan ang kanilang mga anak na maabot ang mga layong ito? (Oo.) Upang makamit ng kanilang mga anak ang mga layong ito, gigising nang maaga ang mga anak para mag-review ng mga aralin at isaulo ang mga teksto, at gigising din nang maaga ang kanilang mga magulang para samahan sila. Sa mga mainit na araw, tutulong sila sa pagpapaypay ng kanilang mga anak, pagtitimplahan ang mga ito ng malalamig na inumin, o bibilhan ng sorbetes na makakain. Ang una nilang ginagawa sa umaga ay gigising para maghanda ng taho, mga pritong tinapay, at mga itlog para sa kanilang mga anak. Lalo na sa panahon ng mga pagsusulit, pinapakain ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pritong tinapay at dalawang itlog, umaasa na makakatulong ito sa kanilang mga anak na makakuha ng 100 na marka. Kung sasabihin mong, ‘Hindi ko kayang kainin lahat ng ito, sapat na ang isang itlog lang,’ sasabihin nila na, ‘Hangal na bata, sampung puntos lamang ang makukuha mo kung isang itlog ang kakainin mo. Kumain ka pa ng isa para kay Nanay. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya; kung magawa mong kainin ito, makakakuha ka ng isangdaang puntos.’ Sasabihin ng anak, ‘Kagigising ko lang, hindi pa ako pwedeng kumain.’ ‘Hindi, kailangan mong kumain! Magpakabait ka at makinig ka sa nanay mo. Ginagawa ito ni Nanay para sa sarili mong ikabubuti, kaya sige na at kainin mo na ito para sa nanay mo.’ Magninilay-nilay ang anak, ‘Sobrang nagmamalasakit si nanay. Lahat ng ginagawa niya ay para sa aking ikabubuti, kaya kakainin ko ito.’ Ang kinakain ay isang itlog, ngunit ano ba talaga ang nilulunok? Ito ay kagipitan; ito ay pag-aalinlangan at hindi pagsang-ayon. Ang pagkain ay mabuti at matataas ang ekspektasyon ng kanyang ina, at mula sa pananaw ng sangkatauhan at konsensiya, dapat itong tanggapin ng tao, ngunit batay sa katwiran, dapat labanan ng tao ang ganitong uri ng pagmamahal at hindi tanggapin ang ganitong paraan ng paggawa sa bagay-bagay. Subalit, naku, wala ka namang magagawa. Kung hindi ka kakain, magagalit ang nanay mo, at ikaw ay papaluin, pagagalitan, o mumurahin pa nga. … Anong uri ng pagtuturo ang natatanggap mo mula sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? (Ang pangangailangan na maging mahusay sa mga pagsusulit at magkaroon ng matagumpay na hinaharap.) Kailangan mong magpakita ng pag-asa, kailangan mong tugunan ang pagmamahal ng iyong ina at ang kanyang pagsisikap at mga sakripisyo, at kailangan mong tuparin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at huwag silang biguin. Mahal na mahal ka nila, ibinigay nila ang lahat para sa iyo, at ginagawa nila ang lahat para sa iyo sa kanilang mismong buhay. Kaya, ano ang naging bunga ng lahat ng kanilang sakripisyo, pagtuturo, at maging ng kanilang pagmamahal? Ang mga ito ay nagiging isang bagay na dapat mong suklian, at kasabay nito, nagiging pasanin mo ang mga ito. Ganito nagkakaroon ng pasanin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Isiniwalat ng Diyos na kapag may mga inaasahan ang mga magulang mula sa kanilang mga anak, lagi nilang iniisip na ang lahat ng ginagawa nila ay para sa ikabubuti ng kanilang mga anak. Nais nilang maging mahusay na mag-aaral ang kanilang mga anak, upang makapasok ang mga ito sa magagandang unibersidad at makakuha ng magagandang degree upang makapagbigay sila ng karangalan sa kanilang mga ninuno at magkaroon ng mataas na katayuan sa lipunan. Hinihingi rin nila na gawin ng kanilang mga anak ang mga bagay sa isang partikular na paraan batay sa mga inaasahan nila. Gayunpaman, hindi nila isinasaalang-alang ang lahat ng stress na ibinibigay ng kanilang patuloy na hinihingi sa kanilang mga anak. Ang isiniwalat ng Diyos ay ang aking mismong kalagayan. Nakita ko na ang aking anak ay medyo matalino noong siya ay dalawang taong gulang, kaya inasahan kong makakapag-aral siya nang mabuti at makakapasok sa magandang unibersidad paglaki niya. Sa ganoong paraan, hindi lang ako titingalain ng iba, makakadagdag din ito ng prestihiyo sa pangalan ng aming pamilya. Nang magkaroon na ako ng mga ganitong inaasahan, nagsimula akong maghanap ng magandang paaralan para sa aking anak upang magkaroon siya ng matibay na pundasyon mula sa murang edad. Nagtipid din ako sa pagkain at pang-araw-araw na gastusin at binilhan ko siya ng smart pen para sa kanyang pag-aaral, hinihingi na makakuha siya ng mga perpektong marka sa kanyang mga pagsusulit, at palagi siyang ikinukumpara sa anak ng kapitbahay na may matataas na marka. Kapag ayaw ng aking anak na kumilos ayon sa plano na aking inilatag, sinasabi ko sa kanya na ang lahat ng ginagawa ko ay para sa kanyang kapakanan, at kung hindi pa rin siya makikinig, pangangaralan ko siya, sasabihin ko sa kanya na mamumuhay siyang parang pulubi sa hinaharap. Dahil dito, hindi siya naglakas-loob na suwayin ako at wala siyang anumang kalayaan. Hindi siya nangahas na mangatwiran sa akin, sa halip ay sinaktan niya lang ang sarili niya, at lumayo siya nang lumayo sa akin. Sa paggawa ng lahat ng ito, wala akong ibang naidulot kundi pinsala sa kanyang murang isipan. Gayunpaman, inisip ko pa rin na ginagawa ko ito para sa kanyang kapakanan, hindi ko napagtanto na ang pagtuturo sa aking anak sa ganitong paraan ay talagang mali.

Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng iba pang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, mula sa ‘Kailangan nilang matuto ng maraming bagay, hindi sila dapat matalo sa simula pa lang’ hanggang sa ‘Paglaki nila, kailangan nilang maging matagumpay at magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan,’ ay unti-unting nagiging isang mabigat na hinihingi sa kanilang mga anak. Ang hinihinging ito ay: Paglaki mo at pagkatapos mong magkaroon ng matatag na posisyon sa lipunan, huwag mong kalimutan ang iyong mga pinagmulan, huwag kalimutan ang iyong mga magulang, sila ang mga taong una mong dapat na suklian, dapat ipakita mo sa kanila ang pagiging isang mabuting anak, at tulungan silang magkaroon ng magandang buhay, dahil sila ang mga nagtaguyod sa iyo sa mundong ito, sila ang mga taong nagturo sa iyo; ang pagkakaroon mo ng matatag na posisyon sa lipunan ngayon, pati na rin ang lahat ng iyong tinatamasa, at ang lahat ng iyong pag-aari, ay naging posible dahil sa puspusang pagsisikap ng iyong mga magulang, kaya hangga’t nabubuhay ka ay dapat mo silang suklian, gantimpalaan, at maging mabuti ka sa kanila. Ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito—na ang mga ito ay magkakaroon ng matatag na posisyon sa lipunan at magtatagumpay—ay nagiging ganito, mula sa isang napakanormal na ekspektasyon ng magulang, ito ay unti-unting nagiging isang uri ng hinihingi at panggigiit ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ipagpalagay natin na sa panahong wala pa sa hustong gulang ang kanilang mga anak, hindi nakakakuha ng matataas na marka ang mga ito; ipagpalagay nating nagrerebelde ang mga ito, na ang mga ito ay ayaw mag-aral o sumunod sa mga magulang, at sumusuway sa mga magulang. Sasabihin ng mga magulang: ‘Akala mo ba madali ito para sa akin? Sa tingin mo, para kanino ko ba ginagawa ang lahat ng ito? Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo, hindi ba? Lahat ng ginagawa ko ay para sa iyo, at hindi mo ito pinahahalagahan. Hangal ka ba?’ Gagamitin nila ang mga salitang ito para takutin at kontrolin ang kanilang mga anak. Tama ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Hindi ito tama. Ang ‘marangal’ na aspektong ito ng mga magulang ay ang kasuklam-suklam din na aspekto ng mga magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18). Isiniwalat ng Diyos na may mga nakatagong layunin at motibo sa likod ng mga inaasahan ng mga magulang mula sa kanilang mga anak. Umaasa sila na pagkatapos magbayad ng halaga sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, kapag ang kanilang mga anak ay namukod-tangi sa iba at nakapagdagdag ng prestihiyo sa pangalan ng kanilang pamilya, ay makakatanggap sila ng ilang benepisyo mula rito. Kung hindi ito isiniwalat ng Diyos, palagi kong iisipin na ang pagtuturo sa aking anak na mag-aral nang mabuti at ang mahigpit kong pagkontrol sa kanya ay para magkaroon siya ng magandang kinabukasan. Gayunpaman, sa likod ng lahat ng iyon, ginawa ko lang pala ito para sa aking mga pansariling interes. Nilinang ko ang aking anak mula sa murang edad, umaasang makakabuo siya ng matibay na pundasyon habang bata pa siya, at na makakapasok siya sa isang magandang unibersidad at mamumukod-tangi sa kanyang mga kasamahan sa hinaharap. Sa ganitong paraan, hindi lang siya magdadala ng kaluwalhatian sa aming mga ninuno; ang pagkakaroon niya ng magandang buhay sa hinaharap ay magiging kapaki-pakinabang din sa akin bilang isang ina, at magiging mabuti siyang anak sa akin sa hinaharap. Nang makita ko na ang aking anak ay medyo mahilig maglaro, nag-alala ako na maaapektuhan nito ang kanyang mga marka, kaya pinagalitan at pinalo ko siya. Dahil wala akong gaanong oras para gabayan ang aking anak sa kanyang pag-aaral habang ginagawa ko ang aking tungkulin, seryosong bumaba ang kanyang mga marka, at nang makita ko ito, ni ayaw ko nang gawin ang aking mga tungkulin sa pamumuno. Ngayong pinag-iisipan ko ito, may mga layunin at motibo sa likod ng mga bagay na ito na ginawa ko para sa aking anak, at lahat ng ito ay para sa kapakanan ng sarili kong mga interes. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Huwag tumulong kung walang gantimpala,” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Talagang naging makasarili at kasuklam-suklam ako.

Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa pamamagitan ng pagsusuri sa diwa ng mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak, makikita natin na ang mga ekspektasyong ito ay makasarili, na salungat ang mga ito sa pagkatao, at higit pa rito ay walang kinalaman ang mga ito sa mga responsabilidad ng mga magulang. Kapag nagpapataw ang mga magulang ng iba’t ibang ekspektasyon at hinihingi sa kanilang mga anak, hindi nila tinutupad ang kanilang mga responsabilidad. Kung gayon, ano nga ba ang kanilang ‘mga responsabilidad’? Ang pinakabatayang responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay ang turuan ang kanilang mga anak na magsalita, turuan sila na maging mabait at huwag maging masamang tao, at gabayan sila sa positibong direksiyon. Ito ang kanilang mga pinakabatayang responsabilidad. Bukod dito, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak sa pag-aaral ng anumang uri ng kaalaman, talento, at iba pa, na angkop sa mga ito, base sa edad, kakayahan, husay at mga hilig ng kanilang mga anak. Tutulungan ng mga medyo mas mabuting magulang ang kanilang mga anak na maunawaan na ang mga tao ay nilikha ng Diyos at na mayroong Diyos na umiiral sa sansinukob na ito, ginagabayan ang kanilang mga anak na magdasal at magbasa ng mga salita ng Diyos, kinukwentuhan ang mga ito ng ilang istorya mula sa Bibliya, at umaasa sila na susunod ang kanilang mga anak sa Diyos at gagampanan ang tungkulin ng isang nilikha paglaki ng mga ito, sa halip na hangarin ang mga kalakaran ng mundo, masangkot sa iba’t ibang komplikadong pakikipag-ugnayan sa mga tao, at mapinsala ng iba’t ibang kalakaran ng mundo at lipunang ito. Ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay walang kinalaman sa kanilang mga ekspektasyon. Ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin sa kanilang papel bilang mga magulang ay ang bigyan ng positibong gabay at angkop na tulong ang kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito, pati na rin ang agarang pag-aalaga sa mga pangangailangan sa katawan ng mga ito, tulad ng pagkain, kasuotan, tirahan, o sa mga panahong nagkakasakit sila. Kung magkasakit ang kanilang mga anak, dapat gamutin ng mga magulang ang anumang sakit na kailangang gamutin; hindi nila dapat pabayaan ang kanilang mga anak o sabihin sa mga ito, ‘Pumasok ka pa rin sa paaralan, magpatuloy ka sa pag-aaral—hindi ka pwedeng mahuli sa iyong mga klase. Kung masyado ka nang mahuhuli, hindi ka na makakahabol.’ Kapag kailangan ng kanilang mga anak na magpahinga, dapat hayaan ng mga magulang na magpahinga ang mga ito; kapag may sakit ang kanilang mga anak, dapat tulungan ng mga magulang ang mga ito na gumaling. Ito ang mga responsabilidad ng mga magulang. Sa isang aspekto, kailangan nilang alagaan ang pisikal na kalusugan ng kanilang mga anak; sa isa pang aspekto, kailangan nilang tulungan, turuan, at suportahan ang kanilang mga anak pagdating sa kalusugang pangkaisipan ng mga ito. Ito ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang, sa halip na magpataw ng anumang hindi makatotohanang ekspektasyon o mga hinihingi sa kanilang mga anak. Dapat tuparin ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad hindi lamang sa mga pangangailangan ng kalusugang pangkaisipan ng kanilang mga anak kundi pati na rin sa mga bagay na kailangan ng katawan ng kanilang mga anak. Hindi dapat pabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lubhang ginawin sa taglamig; dapat turuan nila ang mga ito ng ilang karaniwang kaalaman sa buhay, tulad ng sa kung anong mga sitwasyon sila magkakasipon, na dapat silang kumain ng mainit na pagkain, na sasakit ang kanilang tiyan kung kakain sila ng malalamig na pagkain, at na hindi nila dapat basta-bastang ilantad ang kanilang katawan sa hangin o hubarin ang kanilang damit sa lugar na masyadong mahangin kapag malamig ang panahon, tinutulungan sila na matutong alagaan ang kanilang sariling kalusugan. Dagdag pa rito, kapag lumitaw sa murang isipan ng kanilang mga anak ang ilang pang-musmos at walang-muwang na ideya tungkol sa kinabukasan ng mga ito, o ilang malabis na kaisipan, dapat maging maagap ang mga magulang sa pagbigay ng tamang gabay sa mga anak sa sandaling matuklasan nila ito, sa halip na piliting supilin ang mga ito; dapat nilang hikayatin ang kanilang mga anak na magpahayag at ilabas ang mga ideya ng mga ito, upang tunay na malutas ang problema. Ito ay pagtupad sa kanilang mga responsabilidad. Ang pagtupad sa mga responsabilidad ng isang magulang ay nangangahulugan, sa isang aspekto, ng pangangalaga sa kanilang mga anak, at sa isa pang aspekto, ng paggabay at pagtutuwid sa kanilang mga anak, at pagbibigay ng patnubay sa mga ito hinggil sa mga tamang kaisipan at pananaw. Sa totoo lang, ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga magulang ay walang kinalaman sa mga ekspektasyon nila sa kanilang mga anak. Maaari kang umasa na magiging malusog ang pangangatawan ng iyong mga anak at na magtataglay sila ng pagkatao, konsensiya, at katwiran paglaki nila, o maaari kang umasa na magiging mabuting anak sila sa iyo, ngunit hindi ka dapat umasa na ang iyong mga anak ay magiging kung anong uri ng tanyag o dakilang tao paglaki nila, at mas lalong hindi mo dapat palaging sabihin sa iyong mga anak na: ‘Tingnan mo kung gaano kamasunurin si Xiaoming na kapitbahay natin!’ Ang mga anak mo ay mga anak mo—ang responsabilidad na dapat mong tuparin ay hindi ang sabihin sa iyong mga anak kung gaano kabuti si Xiaoming na kapitbahay ninyo o na hikayatin silang matuto mula sa inyong kapitbahay na si Xiaoming. Ito ay hindi dapat gawin ng isang magulang. Magkakaiba ang bawat tao. Magkakaiba ang kaisipan, pananaw, hilig, libangan, kakayahan, at personalidad ng mga tao, at kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkataong diwa. May mga taong likas na madaldal, samantalang ang iba naman ay likas na hindi palakibo, at ayos lang sa kanila kahit pa lumipas ang buong araw nang hindi man lang sila umiimik. Kaya, kung nais gampanan ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad, dapat nilang sikaping unawain ang mga personalidad, disposisyon, hilig, kakayahan, at mga pangangailangan ng pagkatao ng kanilang mga anak, sa halip na iasa sa kanilang mga anak ang sarili nilang mga paghahangad sa mundo, katanyagan, at pakinabang bilang taong nasa hustong gulang na, ipinapataw sa kanilang mga anak ang mga bagay na nauugnay sa katanyagan, pakinabang, at mundo na nagmumula sa lipunan. Ang tawag ng mga magulang sa mga bagay na ito, ‘mga ekspektasyon para sa kanilang mga anak,’ ay magandang pakinggan pero ang totoo, hindi ganoon ang mga ito. Malinaw na nagtatangka silang ipahamak ang kanilang mga anak at itulak ang mga ito sa mga bisig ng mga diyablo. Kung ikaw ay isang magulang na talagang sapat, dapat mong gampanan ang iyong mga responsabilidad hinggil sa pisikal at mental na kalusugan ng iyong mga anak, sa halip na ipilit sa kanila ang iyong kagustuhan bago sila umabot sa hustong gulang, pinupwersa ang kanilang murang isipan na tiisin ang mga bagay na hindi naman nila dapat tiisin(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na dapat bitawan ng mga magulang ang mga hindi tamang hinihingi at inaasahan nila mula sa kanilang mga anak. Dapat nilang tratuhin ang kanilang mga anak batay sa aktuwal na sitwasyon at hindi nila maaaring ipilit sa kanilang mga anak ang kanilang pagnanais na maghangad ng katanyagan at pakinabang. Pagdating naman sa kung paano ko tinuruan ang aking anak, hindi ako nagsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Maaaring matalino ang aking anak mula pa sa murang edad, ngunit hindi siya kailanman nakakuha ng perpektong marka sa kanyang mga pagsusulit; dapat ko itong tingnan nang tama. Hindi ko siya dapat ikinumpara sa anak ng kapitbahay, at hindi dapat ako nagtanim ng maling ideya sa kanya noong bata pa siya, na ginawa siyang isang mahusay na mag-aaral at makapasok sa isang magandang unibersidad para mamukod-tangi sa kanyang mga kasamahan habang nagdadala ng kaluwalhatian sa aming mga ninuno. Gayundin, pagdating sa mga batang may iba’t ibang edad, ang hinihingi sa kanila ay dapat batay sa kanilang aktuwal na sitwasyon. Ang aking anak ay wala pang 10 taong gulang; normal para sa kanya na magsaya at makipaglaro saglit bago gumawa ng takdang-aralin. Hindi dapat ako humingi nang ayon sa sarili kong paraan ng pagtuturo sa kanya at pagkatapos ay pagalitan siya kapag mayroon siyang hindi magawa. Wala itong naidulot kundi pinsala sa kanyang murang kaisipan at hindi ito tunay na ginawa para sa kanyang kapakanan. Upang tunay na gawin kung ano ang tama para sa anak, dapat magsagawa ang magulang ayon sa mga salita ng Diyos, tratuhin ang anak batay sa kakayahan, personalidad, at edad nito. Kung ang isang tao ay may sariling paraan ng pagtuturo sa kanyang anak, kahit na matupad niya ang layunin na magawa niya ang kanyang anak na mamukod-tangi sa mga kasamahan nito, ang anak na iyon ay mapapalayo sa Diyos habang nagkakaroon ito ng higit na kaalaman. Kapag ipinalaganap ng mga magulang nito ang ebanghelyo sa hinaharap, maaari nitong gamitin ang kaalaman na natutuhan nito upang labanan at tanggihan ang Diyos. Kapag nangyari iyon, mapapariwara ang anak. Nang maunawaan ko ang lahat ng ito, hindi ko na masyadong binigyang pansin ang mga grado ng aking anak, at hindi ko na inasam na makapasok siya sa unibersidad at magdala ng karangalan sa aking pangalan sa hinaharap. Inasam ko na lang na matuto siya ng ilang praktikal na kaalaman sa panahon niya bilang isang estudyante. Pagdating naman sa kung magkakaroon ba siya ng tagumpay sa akademya at makakahanap ng magandang trabaho sa hinaharap, at kung ano ang mga magiging oportunidad niya sa hinaharap, nagpasakop ako sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.

Pagkatapos noon, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nililisan ang kanyang mga magulang at nagsasarili, ang panlipunang mga kondisyon na kakaharapin niya, at ang uri ng trabaho o karera na makukuha niya ay kapwa iniaatas ng kapalaran at walang kinalaman sa kanyang mga magulang. May ilang tao na pumipili ng isang magandang kurso sa kolehiyo at pagkatapos ay nakakatagpo ng isang kasiya-siyang trabaho pagkaraang makapagtapos at gumagawa ng matagumpay na unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay. May ilang tao na natututo at nagiging dalubhasa sa maraming iba’t ibang kasanayan ngunit kailanman ay hindi makahanap ng trabaho na angkop sa kanila o hindi kailanman makahanap ng posisyon, lalo na ng isang karera; sa simula ng kanilang paglalakbay sa buhay, natatagpuan nila ang kanilang mga sarili na nahahadlangan sa bawat liko, dinadagsa ng mga ligalig, madilim ang hinaharap at walang katiyakan ang kanilang mga buhay. Ang ilang tao ay masigasig sa kanilang pag-aaral, ngunit halos napapalampas ang lahat ng kanilang mga pagkakataon na makatanggap ng mas mataas na pinag-aralan; tila itinadhanang kailanman ay hindi magtamo ng tagumpay at ang kanilang kauna-unahang hangarin sa paglalakbay sa kanilang buhay ay nililipad ng hangin. Hindi alam kung ang daraanan ay patag o mabato, nararamdaman nila sa kauna-unahang pagkakataon kung gaano kapuno ng mga pagbabago ang tadhana ng tao, kung kaya’t itinuturing ang buhay nang may pag-asa at pangamba. May ilang tao, kahit hindi gaanong nakapag-aral, ay nakapagsusulat ng mga aklat at nakapagtatamo ng kaunting katanyagan; ang ilan, bagaman halos ganap na walang pinag-aralan, ay kumikita ng pera mula sa negosyo at dahil doon ay nasusuportahan ang kanilang mga sarili…. Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katotohanan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao ay maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at sa mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang lahat ng oportunidad at kapalaran ng mga tao sa kanilang buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung makakapasok ba ang anak ko sa isang magandang unibersidad at makakahanap ng magandang trabaho ay hindi nakadepende sa hinihingi ko sa kanya, at hindi rin nakadepende sa kanyang pagsusumikap. Ang lahat ng ito ay nakasalalay sa kung ano ang itinakda ng Diyos. Nang isinilang ang bawat tao, isinaayos na ng Diyos ang buhay nito. May mga taong nakakapasok sa unibersidad at nakakakuha ng magandang degree ngunit hindi makahanap ng kasiya-siyang trabaho, habang ang iba ay hindi mataas ang pinag-aralan ngunit nagkakaroon ng sarili nilang propesyon. May kaibigan ako na ang anak ay nakapasok sa unibersidad ngunit hindi nakahanap ng trabaho at nanatili lamang sa bahay na walang trabaho. Gayundin, ang manugang ng aking lola ay nakapasok din sa unibersidad, ngunit hindi siya makahanap ng magandang trabaho at umuwi na lang upang maging isang magsasaka, samantalang ang tiyuhin ng aking asawa ay hindi man lamang nakatapos ng elementarya at hindi makabasa ng maraming karakter ngunit nakapagbukas pa rin ng pabrika at naging amo, at kumikita ng maraming pera. Mula sa mga halimbawang ito na hango sa tunay nabuhay, nakita ko na kung ang isang tao ay makakahanap ng magandang trabaho at may magandang kinabukasan ay hindi nakasalalay sa kung siya ba ay nakapasok sa unibersidad, hindi rin ito nagmumula sa kung paano siya pinag-aral ng kanyang mga magulang. Ang lahat ng ito ay nakasalalay sa kung ano ang itinakda ng Diyos. Kailangan kong baligtarin ang maling pananaw kong ito sa hinaharap at bitawan ang mga inaasahan ko sa aking anak, hindi ko na hiningi na gamitin niya ang kanyang pag-aaral upang matugunan ang aking kagustuhang mamukod-tangi sa iba.

Pagkatapos noon, normal kong ginawa ang tungkulin ko, at hindi ko na tinuruan ang anak ko gaya ng dati. Sa kanyang bakanteng oras, kinakausap ko rin siya tungkol sa pananalig sa Diyos, ipinapaunawa sa kanya na ang langit at lupa at ang lahat ng bagay, at gayundin ang sangkatauhan, ay nilikha ng Diyos, na ang lahat ng mayroon tayo ay ipinagkaloob Niya sa atin, at ang mga tao ay dapat manampalataya at sumamba sa Kanya. Handa ang anak ko na basahin ang mga salita ng Diyos kasama ko at makinig sa aking pakikipagbahaginan, at sobrang saya ko. Lumipas ang isang yugto ng panahon, at naging masunurin ang aking anak. Natatapos niya ang kanyang takdang-aralin sa oras at unti-unting tumaas ang kanyang mga marka, at nakakakuha na siya ng halos 80 sa bawat pagsusulit. Bagama’t masaya ako, ibang klase ng kaligayahan ang naramdaman ko kaysa noon. Sinabi ko sa aking anak, “Hindi na mahalaga kung anong grado ang makukuha mo sa pagsusulit. Hindi ko hihingin sa iyo na makakuha ng 100, at hindi ko hihingin na makapasok ka sa isang mahusay na unibersidad sa hinaharap. Iyan ay dahil itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos na ang mga oportunidad at kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang buhay ng tao ay nagmula sa Diyos, at paglaki mo, ang tanging maaasam ko ay ang manalig ka sa Diyos nang maayos at gawin mo ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos.” Masaya niyang sinabi, “Alam ko,” at sinabi rin niya sa akin na ngayon ay labis na mas masaya na siya kaysa sa ibang mga bata. Nakita ko na noong magsagawa na ako ayon sa mga salita ng Diyos, hindi na nagdusa ang aking anak. Gayundin, dinala ko siya sa tamang landas. Pakiramdam ko ay nakalaya ako, at kaya ko nang magbigay ng higit pang lakas sa paggawa ng aking tungkulin.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa buhay ng tao, at na Siya rin ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng aking anak. Ito ay wala sa mga kamay ng anak ko, at lalo nang wala sa mga kamay ko. Naunawaan ko rin na ang pagnanais kong ang aking anak ay maging isang mahusay na mag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan ay lahat para sa kapakanan ng aking personal na katanyagan at pakinabang; ito ay makasarili at kasuklam-suklam. Ngayon, nagagawa ko nang bitawan ang aking mga inaasahan sa aking anak at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman