Ang Aking Matataas na Ekspektasyon ay Nakapinsala sa Aking Anak

Hunyo 16, 2024

Ni Xiaoxiu, Tsina

Noong bata pa ako, lima kaming magkakapatid sa bahay, at ako ang panganay. Maraming taon na nagtatrabaho ang tatay ko sa malayo, at ang nanay ko ang gumagawa sa lahat ng gawaing-bahay. Nakita kong napakaraming trabaho ng nanay ko at nagtiis siya ng hirap, kaya noong grade three ako, huminto ako sa pag-aaral at tumulong sa nanay ko sa gawaing-bukid sa bahay. Madalas, sa sobrang pagod ko ay sumasakit ang tiyan at likod ko, at naisip ko na napakahirap ng ganitong uri ng buhay. Kalaunan, nakapasa sa kolehiyo ang pinsan ko, at sobrang tuwa ng buong pamilya namin. Madalas siyang purihin ng mga magulang ko dahil gumawa siya ng pangalan para sa sarili niya. Naisip ko noong panahong iyon: Buong buhay ko, hindi ako nagkaroon ng maayos na edukasyon o ng pagkakataong mapatunayan ang sarili ko, pero balang araw, kapag may mga anak na ako, sisiguraduhin kong malilinang ko sila upang magkaroon sila ng mahuhusay na talento, para makaalis kami sa mapait na buhay na ito ng pagpapawis at pagpapakapagod at makuha ang paghanga at pagpapahalaga ng mga kamag-anak at kapitbahay, nang sa gayon ay makapaghatid kami ng karangalan sa pamilya.

Pagkatapos kong magpakasal, nagkaroon ako ng dalawang anak. Noong nasa elementarya sila, nanalig ang nanay ko sa Diyos. Minsan, nakikipagtipon at nagdarasal ang nanay ko kasama ang mga anak ko, at tinuruan pa nga nila ang nanay ko na magbasa. Pero noong panahong iyon, buong-puso kong ninanais na mag-aral ang mga anak ko, kaya noong makita ko ito, sinabi ko sa nanay ko, “Maniwala ka sa gusto mo, pero huwag ka sanang nakikipagtipon sa mga anak ko at huwag mong abalahin ang kanilang pag-aaral.” Kalaunan, tinanggap ko rin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, pero nagbigay-diin talaga ako sa pag-aaral at sa mga grado ng mga anak ko, at kahit na paminsan-minsan ay dumadalo ako sa mga pagtitipon, iniraraos ko lang ang mga gawain. Para kumita ng mas maraming pera at mabigyan ng magandang edukasyon ang mga anak ko, pumupunta kami ng asawa ko sa kung saan-saan para mamulot ng mga pwedeng i-recycle. Araw-araw, nagtatrabaho ako mula madaling araw hanggang dapit-hapon, at sa sobrang pagod ko ay sumasakit ang buong katawan ko, pero hindi ko hinahayaan ang sarili ko na magpahinga. Isa lang ang nasa isip ko: Kahit gaano kahirap, kailangan ko silang bigyan ng magandang edukasyon para makapasok sila sa isang kilalang kolehiyo sa hinaharap at magkaroon ng magagandang oportunidad. Para dito, kahit pagod na pagod ako, magiging sulit ito!

Isang beses, umuwi ako para bisitahin ang mga anak ko, at nang sabihin sa akin ng nanay ko na bumaba ang mga marka ng aking anak, sobra akong nagalit at pinagalitan ko nang matagal ang anak ko, sabi ko, “Sa tingin mo ba madali para sa akin na lumabas at kumita ng pera? Minamaliit kami ng lahat, kaming mga nangongolekta ng basura—hindi ba’t tinitiis ko ang lahat ng ito para sa inyong dalawa? Kung hindi kayo mag-aaral nang mabuti, ano ang gagawin ninyo?” Nagsimulang humagulgol ang anak ko at sinabi niya, “Nagkamali ako, ‘Nay.” Kalaunan, natakot ako na baka hindi kayanin ng nanay ko ang pag-aalaga sa dalawa kong anak, at nag-alala ako na baka bumaba ang kanilang mga grado, kaya umupa ako ng isang lugar sa tabi ng paaralan ng aking mga anak at nagpatakbo ako ng isang maliit na negosyo roon, sinamantala ko ang pagkakataong masubaybayan ang pag-aaral ng dalawa kong anak, hanggang sa araw na sila ay makapasok sa high school. Sa mga taong iyon, nakatuon lang ang isip ko sa mga anak ko: Para makapasa ang mga anak ko sa kolehiyo, mahigpit kong binantayan ang kanilang pag-aaral, at wala silang libreng oras kahit sandali. Kung medyo natatagalan sila sa banyo, sinasabihan ko sila na magmadali; minsan kapag gusto nilang lumabas at maglaro o manood ng TV para mag-relax, pinagagalitan ko sila, sinasabing, “Tingnan ninyo ang tito niyo: Nakapasa siya sa isang kilalang kolehiyo, at kagalang-galang ang trabahong nahanap niya. Hinahangaan siya ng lahat ng kamag-anak at kapitbahay niya. Dapat kayong matuto sa tito ninyo. Kung hindi kayo maghihirap ngayon at magtatamo ng karagdagang kaalaman, paano kayo magkakaroon ng magandang buhay sa hinaharap? Sabi nga ng kasabihan, ‘Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna.’” Minsan ay kinukuwento ko pa nga sa kanila ang mga klasikal na istorya ng mga taong masipag sa kanilang pag-aaral, para hikayatin silang mag-aral nang mabuti. Walang magawa ang dalawa kong anak, “Nay, tama na po. Kabisado na namin ang lahat ng sinabi mo. Relax lang, tiyak na makakapasa kami sa kolehiyo para sa iyo!” Noong panahong iyon, gumigising ako araw-araw ng 5 AM para maghanda ng almusal, at para makatipid ng oras ang mga anak ko, inihahanda ko ang kanilang hapunan sa gabi at inihahatid ito sa paaralan para makakain sila. Kapag tapos na silang magself-study sa paaralan hanggang dis-oras ng gabi, umuuwi sila sa bahay at nagpapatuloy sa pag-aaral. Natakot ako na baka tamarin sila, kaya madalas ko silang sinasamahan hanggang hatinggabi. Sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, iniisip ko rin ang lahat ng paraan para ayusin ang kanilang pagkain: Nabalitaan ko na mabuti para sa utak ang crucian carp soup, kaya madalas ko itong inihahanda para makain nila, at binilhan ko pa nga sila ng espesyal na gatas para sa utak ng mga estudyante at ng pampatalas ng isipan. Araw-araw, kinailangan nilang kumain ng isang free-range na itlog. Anuman ang mabalitaan ko na mabuti para sa katawan ng isang bata, iyon ang binibili ko. Ginawa ko ito para maging mas matalino ang anak ko, para makakuha siya ng mas matataas na marka sa pagsusulit. Talagang nagsikap ang dalawa kong anak, at patuloy na tumataas ang kanilang marka. Sa wakas, nakapasa sa kolehiyo ang anak kong babae, at dahil sa mga marka ng anak kong lalaki sa mock exam, naging kabilang siya sa mga nangungunang estudyante. Masayang-masaya ako, at naisip ko, “Kung magpapatuloy kami nang ganito, hindi magiging problema ang pagpasa ng anak ko sa isang kilalang unibersidad.” Kalaunan, mas mahigpit ko pang binantayan ang anak kong lalaki.

Habang papalapit na ang mga pagsusulit upang makapasok sa kolehiyo, naging sobrang tensiyonado ang anak kong lalaki dahil sa presyur, at nahihirapan siyang matulog sa gabi. Sa huli, nagkasakit siya, nilagnat at nagkaroon ng ubo. Walang epekto ang pag-inom ng gamot at pagpapa-injection niya, at tuluyan nang bumaba ang kanyang mga grado. Lubha akong nasaktan sa nakita ko. Natakot ako na kung magpapatuloy siya sa pag-aaral, baka hindi kayanin ng katawan niya, pero malapit nang dumating ang pinakamahalagang sandali. Hindi pa rin bumuti ang sakit ng anak ko, at bumaba ang kanyang mga marka—paano siya magkakaroon ng magagandang oportunidad sa hinaharap? Kung mababa ang kanyang marka sa pagsusulit, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko nitong mga nagdaang taon? Hindi ito katanggap-tanggap. Para makakuha ng magandang marka ang anak ko at magkaroon ng magagandang oportunidad sa hinaharap, kinailangan ko siyang patuloy na pag-aralin sa loob ng mahabang oras. Pagkatapos niyon, araw-araw akong umuupo sa ulunan ng kama at pinapanood ko ang aking anak na nag-aaral. Nang makita ng anak ko na nakatitig ako sa kanya, walang magawa na sinabi niya, “Kung magkakaanak ako balang araw, siguradong hindi ko sila papag-aralin gaya ng ginagawa mo. Dapat ko silang bigyan ng kaunting kalayaan at hayaan silang maglaro ng basketball o ping pong.” Nang marinig ko ang sinabi ng aking anak, nasaktan ako, pero upang mamukod-tangi siya at magkaroon ng magandang buhay sa hinaharap, kinailangan kong gawin ito. Nang makita kong hindi pa rin bumuti ang sakit ng anak ko, lalo akong nabalisa, iniisip ko, “Kung hindi pa rin bumuti ang sakit ng anak ko pagdating ng pagsusulit upang makapasok sa kolehiyo, siguradong makakaapekto ito sa pagsagot niya. Kung sakaling mababa ang kanyang marka, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko noon? Hindi maiiwasang pagtatawanan kami ng aming mga kamag-anak at kapitbahay. Nagsikap ako nang husto at nagbayad ng napakalaking halaga, pero sa huli, wala pala akong napala. Ano na lang ang mangyayari sa reputasyon ko?” Para pagalingin ang sakit ng anak ko sa lalong madaling panahon, umapela ako sa mga doktor kung saan-saan para sa gamot, pero hindi pa rin bumuti ang sakit ng anak ko. Araw-araw nakalukot ang mukha ko sa pag-aalala, at malalalim ang aking mga buntong-hininga, iniisip ko lamang kung kailan gagaling ang sakit ng anak ko. Nang wala na akong maisip na ibang paraan, naalala ko na isa akong Kristiyano, at na dapat kong ipagkatiwala ang mga paghihirap na ito sa Diyos at bumaling sa Kanya. Pagkatapos, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, sinabi ko, “O Diyos! Uminom na ng gamot ang anak ko at nagpa-injection para sa sakit niya, pero hindi pa rin siya bumuti. Malapit na ang pagsusulit para makapasok sa kolehiyo, at hindi ko alam ang gagawin. O Diyos, pakiusap, siguraduhin Mo po na mabilis na gumaling ang sakit ng anak ko.” Isang gabi, nakasalubong ko ang isang sister habang naglalakad ako sa labas. Tinanong niya ako kung kumusta ang kalagayan ko kamakailan. Ikinuwento ko sa sister ang aking paghihirap at nagbahagi siya sa akin, sinabi niya, “Mga mananampalataya tayo sa Diyos. Dapat mong ipagkatiwala sa Diyos ang pag-aaral ng anak mo at ang kanyang kalagayan—hayaan mo ang Diyos na ang bahala rito.” Binasahan pa nga ako ng sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha? … At kaya, paano Niya man kinakastigo at hinahatulan ang tao, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao. Kahit na tinatanggal Niya sa tao ang kanyang makalamang mga inaasahan, ito ay para sa kapakanan ng pagdadalisay sa tao, at ang pagdadalisay sa tao ay ginagawa para manatili siyang buhay. Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para sa isang nilikha, inorden ng Diyos kung gaano karaming pagdurusa ang dapat tiisin ng isang tao at kung gaano karaming pagpapala ang dapat niyang matamasa sa buhay na ito—walang makakapagpabago niyon. Pinag-iisipan ng mga tao ang lahat ng bagay alang-alang sa kanilang kapalaran at mga oportunidad sa hinaharap, nagmamadali sila at nagpapakaabala para sa kasikatan at pakinabang, pero kahit gaano karami ang pera na kanilang kitain o kahit gaano kataas ang kanilang edukasyon, hindi nila kayang baguhin ang kapalaran nila o ng ibang tao. Naisip ko kung paanong, alang-alang sa paghahangad na mamukod-tangi at maghatid ng karangalan sa pangalan ng aking pamilya, para mamuhay nang mas maginhawa, ipinasa ko sa mga anak ko ang mga pangarap na hindi ko mismo natupad, gumugol ako nang husto para sa kanila. Para mabigyan sila ng magandang edukasyon, nagpakapagod kami ng mister ko para magtrabaho at kumita ng pera, at kahit na bumagsak na ang aming katawan sa sobrang pagod, patuloy pa rin kaming nagtatrabaho. Hangga’t namumukod-tangi ang mga anak namin, sulit ang lahat ng paghihirap at pagod. Para makapasa sa mga prestihiyosong kolehiyo ang mga anak ko, hindi ko sila binigyan ng kalayaan. Matindi ang nerbiyos ng anak ko at hindi siya naglakas-loob na magsalita kahit na hindi siya nakakatulog nang maayos. Pinanood ko siyang mag-aral kahit inuubo siya at may sakit. Ang ginawa ko lang ay bigyan ng presyur ang anak ko, at sobra ko siyang pinahirapan. Kinontrol ko siya at nag-ambisyon akong baguhin ang kapalaran niya—hindi ito pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; ito ay paghihimagsik laban sa Diyos! Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako sa Diyos, sinabi kong handa akong ipagkatiwala sa Kanya ang kinabukasan ng anak ko, na kung pumasa man siya sa kolehiyo o hindi, anuman ang mangyari, hindi ko na muling ipi-presyur nang ganoon ang anak ko. Pagkatapos nito, gumaan din ang puso ko. Pagkatapos lang ng ilang araw, Nabalitaan ko na may batang lalaki sa ikatlong palapag ng gusali namin ang biglang nawala sa kanyang tamang pag-iisip dahil sa presyur sa kanyang pag-aaral sa ikatlong taon; araw-gabi niyang sinisigawan ang kanyang mga magulang, “Kayo ang sumira sa akin! Kayo ang sumira sa akin!” Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng matinding takot, at ang bawat eksena ng minsan kong pamimilit sa anak ko na mag-aral ay lumitaw sa harap ng mga mata ko na parang isang pelikula. Nag-alala ako na kung patuloy kong pipilitin ang anak ko na mag-aral nang ganito, magiging katulad ba ng batang iyon ang anak ko? Naisip ko, “Hindi ko pwedeng patuloy na pilitin ang anak ko nang ganito.” Mula sa puntong iyon, nagsimula akong regular na makipagtipon, at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hindi ko na muling pinilit ang anak ko na mag-aral.

Kalaunan, hindi inaasahang pumasa sa isang kilalang unibersidad ang anak ko. Masayang-masaya ako, pero pagkatapos nito, nabalisa ang puso ko. Dahil sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na ang kaalaman ay naglalaman ng maraming ateistikong kaisipan at pananaw. Habang mas maraming kaalaman ang nakukuha ng isang tao, mas maraming lason ni Satanas ang pumapasok sa kanya. Ang mga bagay na ito ang nagsasanhing lumayo ang mga tao sa Diyos at itatwa Siya, at sa huli ay nawawala sa mga ito ang Kanyang pagliligtas. Kung mag-aaral sa kolehiyo ang anak ko nang ilang taon at ikikintal sa kanya ang maraming maling paniniwala ni Satanas, magiging mahirap para sa kanya na lumapit sa Diyos, kaya naisip ko na sa pag-uwi niya, makikipagtipon ako sa kanya at pakakainin at paiinumin ko siya ng mga salita ng Diyos, hindi ko siya hahayaang malayo nang husto sa Diyos. Naisip ko kung paanong noong mas bata pa ang mga anak ko, nananampalataya sila sa Diyos, at nagdarasal at nakikipagtipon pa nga kasama ang nanay ko, pero noong mga panahong iyon, buong puso kong hinihiling na makakuha sila ng magandang edukasyon, at ayaw ko silang dalhin sa harap ng Diyos. Ngayon, nakita ko na palaki nang palaki ang sakuna. Hindi nananampalataya sa Diyos ang mga anak ko, wala rin silang pag-aalaga at proteksiyon ng Diyos—baka isang araw ay makaranas sila ng sakuna at mamatay. Gusto kong ipalaganap sa mga anak ko ang ebanghelyo at dalhin sila sa harap ng Diyos. Kaya, nang umuwi sila para magbakasyon, binabasahan ko sila ng mga salita ng Diyos. Kapag binabasahan ko sila ng mga salita ng Diyos, nakikinig sila, pero sa sandaling banggitin ko ang pagsasaayos ng isang pagtitipon, ayaw pumayag ng anak ko. Patuloy niya akong binubugaw, sinasabing, “Masyado akong abala! Hindi naging madali para sa akin na umabot sa kinalalagyan ko ngayon; kung hindi ako mag-aaral nang mabuti, paano ako magkakaroon ng magandang buhay? Lubhang mahirap ang kompetisyon ngayon, at hindi madaling makahanap ng magandang trabaho. Hindi ko maintindihan: Mayroon na akong Master’s degree at nag-aaral ako para sa Ph.D. ko—hindi ba’t ito ang gusto mo noon pa man? Malapit ko nang makamit ang tagumpay at pagpupugay, at sa wakas ay magkakaroon na ako ng magandang buhay—dapat maging masaya ka para sa akin. Bakit parang naging ibang tao ka na, sinasabihan mo akong umatras kung kailan napakalapit ko nang magtagumpay?” Nang marinig ko ang sinabi ng anak ko, nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kalungkutan. Ang bawat salitang sinabi niya ay binubuo ng mga bagay na araw-araw kong ikinikintal sa kanya noon. Lalo na ngayon na abala ang anak ko sa kanyang disertasyon, gabi-gabi siyang nagpupuyat hanggang pasado ala-una. Nakakalbo na siya kahit nasa edad bente pa lang siya. Nang makita ko kung gaano kapagod ang anak ko, nabalisa at nalungkot ako, kinamumuhian ko ang aking sarili kung paano ko siya pinalaki noon. Ngayon, napalaki ko siya nang may talento, pero napalayo siya sa Diyos.

Kalaunan, nag-isip-isip ako: Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para hangarin ng mga anak ko ang kaalaman, kasikatan, at pakinabang, buong-pusong pinapalaki sila na maging magaling, pero ano ang ibinigay ko sa mga anak ko sa huli? Binigyan ko ba sila ng tunay na kaligayahan? Isang araw, habang nasa espirituwal na debosyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa mga pasanin mula sa pamilya, maaari nating talakayin ito mula sa dalawang aspekto. Ang isang aspekto ay ang mga ekspektasyon ng magulang. Ang bawat magulang o nakatatanda ay may iba’t ibang ekspektasyon, malalaki at maliliit, para sa kanilang mga anak. Umaasa sila na ang kanilang mga anak ay mag-aaral nang mabuti, magpapakabait, magiging mahusay sa eskuwela, at magkakaroon ng pinakamataas na marka, at hindi magpapakatamad. Nais nilang respetuhin ang kanilang mga anak ng mga guro at kaklase, at maging regular na lampas sa 80 ang grado ng kanilang mga anak. Kung makakakuha ng 60 na marka ang kanilang anak, mapapalo ito, at kung makakakuha ito ng mas mababa pa sa 60, dapat itong humarap sa pader at pag-isipan ang mga mali nito, o pinapanatili itong nakatayo bilang isang parusa. Hindi ito tutulutang kumain, matulog, manood ng TV, o maglaro ng computer, at ang ipinangakong magagandang damit at laruan noon ay hindi na bibilhin para sa anak. May iba’t ibang ekspektasyon ang bawat magulang para sa kanilang mga anak at malalaki ang kanilang mga inaasam para sa mga ito. Umaasa sila na magiging matagumpay sa buhay ang kanilang mga anak, mabilis na susulong sa kanilang propesyon, at magdadala ng karangalan at kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno at pamilya. … Kaya, ano ang di-sinasadyang idinudulot ng mga pagnanais na ito mula sa magulang para sa kanilang mga anak? (Kagipitan.) Naglilikha ang mga ito ng kagipitan, at ano pa? (Mga pasanin.) Ang mga ito ay nagiging kagipitan at nagiging mga tanikala rin. Dahil mayroong mga ekspektasyon sa kanilang mga anak ang mga magulang, didisiplinahin, gagabayan, tuturuan nila ang kanilang mga anak ayon sa mga ekspektasyong iyon; mamumuhunan pa nga sila sa kanilang mga anak para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon, o magbabayad ng anumang halaga para sa mga ito. Halimbawa, umaasa ang mga magulang na magiging mahusay sa eskuwela ang kanilang mga anak, na mangunguna sa klase, makakakuha ng mahigit sa 90 na marka sa bawat pagsusulit, palaging magiging numero uno—o, ang pinakamalala, hindi bababa sa ikalimang ranggo. Pagkatapos ipahayag ang mga ekspektasyong ito, hindi ba’t gumagawa rin ng mga partikular na sakripisyo ang mga magulang kasabay niyon para tulungan ang kanilang mga anak na maabot ang mga layong ito? (Oo.) Upang makamit ng kanilang mga anak ang mga layong ito, gigising nang maaga ang mga anak para mag-review ng mga aralin at isaulo ang mga teksto, at gigising din nang maaga ang kanilang mga magulang para samahan sila. Sa mga mainit na araw, tutulong sila sa pagpapaypay ng kanilang mga anak, pagtitimplahan ang mga ito ng malalamig na inumin, o bibilhan ng sorbetes na makakain. Ang una nilang ginagawa sa umaga ay gigising para maghanda ng taho, mga pritong tinapay, at mga itlog para sa kanilang mga anak. Lalo na sa panahon ng mga pagsusulit, pinapakain ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pritong tinapay at dalawang itlog, umaasa na makakatulong ito sa kanilang mga anak na makakuha ng 100 na marka. Kung sasabihin mong, ‘Hindi ko kayang kainin lahat ng ito, sapat na ang isang itlog lang,’ sasabihin nila na, ‘Hangal na bata, sampung puntos lamang ang makukuha mo kung isang itlog ang kakainin mo. Kumain ka pa ng isa para kay Nanay. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya; kung magawa mong kainin ito, makakakuha ka ng isangdaang puntos.’ Sasabihin ng anak, ‘Kagigising ko lang, hindi pa ako pwedeng kumain.’ ‘Hindi, kailangan mong kumain! Magpakabait ka at makinig ka sa nanay mo. Ginagawa ito ni Nanay para sa sarili mong ikabubuti, kaya sige na at kainin mo na ito para sa nanay mo.’ Magninilay-nilay ang anak, ‘Sobrang nagmamalasakit si nanay. Lahat ng ginagawa niya ay para sa aking ikabubuti, kaya kakainin ko ito.’ Ang kinakain ay isang itlog, ngunit ano ba talaga ang nilulunok? Ito ay kagipitan; ito ay pag-aalinlangan at hindi pagsang-ayon. Ang pagkain ay mabuti at matataas ang ekspektasyon ng kanyang ina, at mula sa pananaw ng sangkatauhan at konsensiya, dapat itong tanggapin ng tao, ngunit batay sa katwiran, dapat labanan ng tao ang ganitong uri ng pagmamahal at hindi tanggapin ang ganitong paraan ng paggawa sa bagay-bagay. … Sa partikular, may ilang magulang na may mga espesyal na ekspektasyon sa kanilang mga anak, umaasa na malalampasan sila ng kanilang mga anak, at higit pang umaasa na matutupad ng kanilang mga anak ang isang pangarap na hindi nila natapos. Halimbawa, maaaring may ilang magulang na nagnais na maging mananayaw sila mismo, ngunit dahil sa iba’t ibang kadahilanan—tulad ng panahong kinalakhan nila o mga sitwasyong pampamilya—hindi nila nagawang isakatuparan ang pangarap na iyon sa bandang huli. Kaya, ipinapasa nila ang pangarap na iyon sa iyo. Bukod pa sa hinihingi nila sa iyo na maging isa ka sa mga pinakamahusay sa iyong eskuwela at makapasok ka sa isang prestihiyosong unibersidad, ini-enroll ka rin nila sa mga klase ng pagsasayaw. Pinapaaral ka nila ng iba’t ibang estilo ng sayaw sa labas ng paaralan, higit na pinapaaral sa klase ng pagsasayaw, higit na pinapasanay sa bahay, at hinikikayat kang maging ang pinakamahusay sa iyong klase. Sa huli, hindi lamang nila hinihingi na makapasok ka sa isang prestihiyosong unibersidad, kundi hinihingi rin nila na maging isa kang mananayaw. Ang mga pagpipilian mo ay ang maging isang mananayaw o pumasok sa isang prestihiyosong unibersidad, at pagkatapos ay pumunta sa graduate school at kumuha ng Ph.D. Mayroon ka lamang nitong dalawang landas na pagpipilian. Sa kanilang mga ekspektasyon, sa isang aspekto, umaasa sila na mag-aaral ka nang mabuti sa paaralan, makakapasok sa isang prestihiyosong unibersidad, mamumukod-tangi sa iyong mga kasamahan, at magkakaroon ng maunlad at maluwalhating kinabukasan. Sa isa pang aspekto, ipinapasa nila sa iyo ang kanilang mga hindi natupad na pangarap, umaasang matutupad mo ang mga ito para sa kanila. Sa ganitong paraan, pagdating sa akademya o sa iyong propesyon sa hinaharap, dalawa ang dinadala mong pasanin nang sabay. Sa isang punto, kailangan mong tugunan ang kanilang mga ekspektasyon at suklian sila para sa lahat ng kanilang nagawa para sa iyo, nagsisikap na sa huli ay mamumukod-tangi ka sa iyong mga kasamahan upang matamasa nila ang magandang buhay. Sa isa pang punto, kailangan mong tuparin ang mga pangarap na hindi nila naisakatuparan noong kabataan nila at tulungan silang matupad ang kanilang mga kahilingan. Nakakapagod, hindi ba? (Oo.) Alinman sa mga pasaning ito ay sapat na para tiisin mo; pareho itong mabigat sa iyo at ikaw ay hihingalin. Lalo na sa kasalukuyang panahon ng napakatinding kompetisyon, sadyang hindi matitiis at hindi makatao ang iba’t ibang hinihingi ng mga magulang sa kanilang mga anak; talagang hindi makatwiran ang mga ito. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya rito? Emosyonal na panggigipit. Kahit ano pa ang itawag ng mga walang pananampalataya rito, hindi nila malutas ang problemang ito, at hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang diwa ng problemang ito. Tinatawag nila itong emosyonal na panggigipit, ngunit ano ang tawag natin dito? (Mga tanikala at pasanin.) Tinatawag natin itong mga pasanin. Pagdating sa mga pasanin, dapat ba itong dalhin ng isang tao? (Hindi.) Isa itong bagay na dagdag, isang karagdagan na iyong pinapasan. Hindi ito bahagi ng iyong pagkatao. Hindi ito isang bagay na mayroon o kailangan ng iyong katawan, puso, at kaluluwa, bagkus ay isa itong bagay na idinagdag. Nagmumula ito sa labas, hindi mula sa loob ng iyong sarili(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Nang mabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng bigat sa aking puso. Ganito ko pinag-aral ang mga anak ko. Naniwala ako na mula sa murang edad, kailangan kong gumawa ng mga gawaing-bukid at magdusa nang husto dahil lang hindi ako nakapag-aral nang mabuti o nakakuha ng magandang edukasyon noong bata pa ako. Kaya, ipinasa ko sa mga anak ko ang mga hindi ko natupad na pangarap, ninais ko na mag-aral sila nang mabuti at pumasa sa isang prestihiyosong kolehiyo, para magkaroon sila ng magagandang oportunidad sa hinaharap, para maaari silang mamukod-tangi at maghatid ng karangalan sa aming pamilya. Para makamit ang layong ito, habang maliliit pa ang mga anak ko, pini-presyur ko sila. Noong maliliit pa sila, handa silang magdasal at makipagtipon, pero natakot ako na baka maapektuhan nito ang kanilang pag-aaral, kaya hindi ko pinayagang makipagtipon sa kanila ang nanay ko. Noong dapat sana ay naglalaro sila, hindi ko sila pinayagang maglaro, at noong medyo bumaba ang marka nila, pinagalitan ko sila, nagkikintal ako ng mga maling kaisipan sa kanila at pini-presyur ko sila. Nagkasakit ang anak ko dahil sa lahat ng presyur sa kanyang mga pagsusulit para makapasok sa kolehiyo; natakot ako na baka makaapekto ito sa kanyang mga marka, kaya araw-araw ko siyang binabantayan para hindi siya tamarin. Nag-alala ako na kung mababa ang marka niya, masasayang lahat ang aming pagsisikap. Talagang sobra ang presyur na ibinigay ko sa anak ko. Kung titingnan, tila ginagawa ko ang lahat ng ito para sa anak ko, pero ang totoo, gusto ko lang na makapasok siya sa isang prestihiyosong unibersidad at mamukod-tangi sa iba, upang makapagmalaki ako at matupad ko ang aking mga hangarin at kahilingan. Hindi ko napansin na binibigyan ko ng mabigat na pasanin at presyur ang anak ko, na para bang ginagapos ko siya sa mga di-nakikitang tanikala. Ngayon, nakapasa ang anak ko sa isang ideyal na nangungunang institusyon, at natupad na ang mga kahilingan ko, nababanaag ang karangalan sa mukha ko, at natugunan ang aking banidad, pero lalong nalayo sa Diyos ang anak ko. Ngayon, kapag nakikipag-usap ako sa kanya tungkol sa mga usapin ng pananalig, palagi siyang umiiwas at nagdadahilan, at wala siyang ganang magbasa ng mga salita ng Diyos. Araw-araw, hinahatak siya ng kasikatan at pakinabang. Pinipiga niya ang kanyang utak para sa kasikatan at pakinabang, at pinahahapo ang kanyang pag-iisip sa pangangasiwa ng mga personal na ugnayan—talagang miserable at nakakapagod ang buhay niya. Ako ang dahilan kung bakit naging ganito ang anak ko.

Kalaunan, nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos: “Halimbawa, noong bata pa sila, palagi mo silang tinuturuan, sinasabi mong, ‘Mag-aral ka nang mabuti, pumasok sa kolehiyo, magpatuloy sa postgraduate studies o kumuha ng Ph.D., maghanap ng magandang trabaho, maghanap ng isang mabuting mapapangasawa at bumuo ng pamilya, at pagkatapos ay magiging maganda ang buhay.’ Sa pamamagitan ng iyong pagtuturo, panghihikayat, at iba’t ibang klase ng panggigipit, tinahak at sinunod nila ang landas na itinakda mo para sa kanila at nakamit nila ang iyong inaasahan, gaya mismo ng iyong ninanais, at ngayon ay hindi na sila makabalik. Kung, pagkatapos mong maunawaan ang ilang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos dahil sa iyong pananalig, at pagkatapos mong magkamit ng mga tamang kaisipan at pananaw, ay sinusubukan mo na ngayong sabihan sila na huwag nang hangarin ang mga bagay na iyon, malamang na tututol sila, ‘Hindi ba’t ginagawa ko kung ano mismo ang gusto mo? Hindi ba’t itinuro mo sa akin ang mga bagay na ito noong bata pa ako? Hindi ba’t hiningi mo ito sa akin? Bakit mo ako pinipigilan ngayon? Mali ba ang ginagawa ko? Nakamit ko na ang mga bagay na ito at natatamasa ko na ang mga ito ngayon; dapat kang maging masaya, kontento, at ipagmalaki ako, hindi ba?’ Ano ang mararamdaman mo kapag narinig mo ito? Dapat ka bang maging masaya o maiyak? Hindi ba’t magsisisi ka? (Oo.) Hindi mo na sila maibabalik ngayon. Kung hindi mo sila tinuruan nang ganito noong bata pa sila, kung binigyan mo sila ng masayang kabataan na walang anumang panggigipit, nang hindi sila tinuturuang maging mas magaling kaysa sa iba, na magkaroon ng mataas na posisyon o kumita ng maraming pera, o na maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung hinayaan mo na lang silang maging mabuti at ordinaryong tao, nang hindi iginigiit sa kanila na kumita ng maraming pera, magsaya nang husto, o suklian ka nang labis, hinihiling lang na maging malusog at masaya sila, na maging isang simple at masayang tao sila, marahil ay mas naging bukas silang tumanggap sa ilang kaisipan at pananaw na pinanghahawakan mo pagkatapos mong sumampalataya sa Diyos. Kung nagkagayon, marahil ay masaya ang buhay nila ngayon, at mas kaunti ang tensyon nila mula sa buhay at lipunan. Bagamat hindi sila nagkamit ng kasikatan at pakinabang, kahit papaano ay masaya, tahimik, at payapa ang puso nila. Ngunit habang lumalaki sila, dahil sa iyong paulit-ulit na pagsulsol at pag-uudyok, dahil sa iyong panggigipit, walang humpay silang naghangad ng kaalaman, pera, kasikatan, at pakinabang. Sa huli, nakamit nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, bumuti ang buhay nila, mas nasiyahan sila, at kumita sila ng mas maraming pera, ngunit ang buhay nila ay sobrang nakakapagod. Sa tuwing nakikita mo sila, bakas ang pagod sa mukha nila. Kapag umuuwi sila, bumabalik sa iyo, ay saka lang sila naglalakas-loob na tanggalin ang kanilang mga maskara at aminin na pagod na sila at nais nilang magpahinga. Ngunit sa sandaling lumabas sila, hindi na sila katulad ng dati—muli nilang isinusuot ang maskara. Tinitingnan mo ang kanilang pagod at kaawa-awang ekspresyon, at naaawa ka sa kanila, pero wala kang kapangyarihan na ibalik sila sa dati. Hindi na sila makakabalik. Paano ito nangyari? Hindi ba’t may kinalaman ito sa iyong pagpapalaki? (Oo.) Wala sa mga ito ang likas na nilang alam o hinangad mula sa murang edad; may tiyak itong kaugnayan sa iyong pagpapalaki. Kapag nakikita mo ang mukha nila, kapag nakikita mong nasa ganitong kalagayan ang kanilang buhay, hindi ba’t sumasama ang loob mo? (Oo.) Ngunit wala kang kapangyarihan; ang tanging natitira ay panghihinayang at lungkot. Maaaring nararamdaman mo na lubusan nang inagaw ni Satanas ang iyong anak, na hindi na siya makakabalik, at na wala kang kapangyarihan na iligtas siya. Ito ay dahil hindi mo tinupad ang iyong responsabilidad bilang magulang. Ikaw ang nagpahamak sa anak mo, ang nagligaw sa kanya gamit ang iyong maling ideolohikal na pagtuturo at gabay. Hindi na siya makakabalik kailanman, at sa huli, nagsisisi ka na lang. Nakatingin ka lang nang walang magawa habang nagdurusa ang iyong anak, ginagawang tiwali ng masamang lipunang ito, nabibigatan sa mga kagipitan ng buhay, at wala kang magawa para tulungan siya. Ang tanging masasabi mo ay, ‘Umuwi ka nang mas madalas, at ipagluluto kita ng masarap na pagkain.’ Anong mga problema ang malulutas ng isang pagkain? Hindi nito malulutas ang anuman. Ang kanyang mga kaisipan ay lumago at nabuo na, at hindi siya handang bitiwan ang kasikatan at katayuang natamo niya. Maaari lamang siyang sumulong at hindi na kailanman bumalik. Ito ang nakapipinsalang resulta ng maling paggabay ng mga magulang at ng pagkintal nila ng mga maling ideya sa kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19). Ilang beses kong binasa ang siping ito ng mga salita ng Diyos, at tuwing binabasa ko ito ay lubha akong naaantig, at sa labis na kalungkutan ay napapaluha ako dahil sa pagsisisi. Naalala ko noong bata pa ang anak ko, inosente siya at nanampalataya sa Diyos, at handa siyang dumalo sa mga pagtitipon kasama ang kanyang lola. Pero dahil naimpluwensiyahan ako ng mga satanikong pananaw tulad ng “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran,” “Ang pagiging isang iskolar ay pagiging nasa tuktok ng lipunan,” “Yaong mga nagpapagal sa kanilang isipan ay namamahala sa iba, at yaong mga nagpapagal sa kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba,” at “Ang tadhana ninuman ay nasa kanyang sariling kamay,” hinangad kong mamukod-tangi at maghatid ng karangalan sa aking pamilya, at ikinintal ko ang mga kaisipang ito sa aking anak at itinulak ko siya sa kumunoy ng kaalaman, nang sa gayon ay buong-puso siyang maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hanggang sa hindi na siya makaahon. Partikular kong napansin kung saan sinasabi sa mga salita ng Diyos na: “Maaaring nararamdaman mo na lubusan nang inagaw ni Satanas ang iyong anak, na hindi na siya makakabalik, at na wala kang kapangyarihan na iligtas siya. Ito ay dahil hindi mo tinupad ang iyong responsabilidad bilang magulang. Ikaw ang nagpahamak sa anak mo, ang nagligaw sa kanya gamit ang iyong maling ideolohikal na pagtuturo at gabay. Hindi na siya makakabalik kailanman, at sa huli, nagsisisi ka na lang.” Nagbabahagi ang Diyos tungkol sa mismong lagay ng loob na nararamdaman ko sa mismong sandaling iyon. Sa tuwing umuuwi ang anak ko, binabasa ko sa kanya ang mga salita ng Diyos, pero palaging pinabubulaanan ng anak ko ang mga ito at nakakahanap siya ng lahat ng paraan para tanggihan ang mga ito—sinabi pa nga niya na pinipigilan ko siya, na tumarak sa puso ko. Nakita ko ang anak ko na nagpapakaabala at nagpapakapagod araw-araw para sa kasikatan at pakinabang: Nagsisimula na siyang makalbo sa murang edad, at araw-araw niyang kinakaladkad ang pagod niyang katawan para mag-aral hanggang dis-oras ng gabi; pinipiga pa nga niya ang utak niya para pag-isipan ang mga kaisipan at libangan ng kanyang mga tagapayo, at iniaayon niya ang kanyang pamamaraan sa kahit anong magustuhan ng mga tagapayo; nag-iingat siya sa kanyang mga kilos sa harap ng kanyang mga lider, natatakot na baka makapagsalita o makagawa siya ng mali at baka pahirapan siya ng mga ito, na makakaapekto sa mga oportunidad niya sa trabaho. Pinanood ko ang aking anak na namumuhay araw-araw nang nakamaskara ang mukha, pagod na pagod. Kasalanan ko na naging ganito ang anak ko; ako ang naghimok sa anak ko na maghangad ng kaalaman at ipinahamak ko ang anak ko. Ngayon, nauunawaan ko na hindi ito pagmamahal sa anak ko; ito ay pagpapahamak sa kanya, isinasakripisyo ko siya para sa sarili kong paghahangad sa kasikatan at pakinabang. Nakita ko ang ilang kapatid sa iglesia na kasing-edad ng anak ko. Nananampalataya sila sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa iglesia; hindi sila nakagapos sa mga lason ni Satanas, at namumuhay sila nang maalwan at masaya, nang malaya at maginhawa. Lalo akong nagsisi dahil dito. Kung hindi ko ikinintal ang mga kaisipan at pananaw na ito sa anak ko, marahil ay hindi siya magkakaganito, namumuhay sa pasakit at nang walang magawa, alang-alang sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, pagtaas ng ranggo at pagkita ng pera. Nang maisip ko ang mga bagay na ito, lalo akong nakaramdam ng pagsisisi, at kinamuhian ko ang sarili ko. Nagnilay-nilay ako: Bakit ba ako masyadong nakatuon sa pagnanais na makapasok ang mga anak ko sa kolehiyo, at sobrang mapilit? Saan nagmula ang ugat ng problema?

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para gawing tiwali, ilihis, at pinsalain ang mga tao, hinihimok nito ang mga tao na maghangad lamang ng kasikatan at pakinabang. Naalala ko na dahil hindi ako nakapag-aral nang maayos noong bata pa ako, nagdusa ako nang husto noong magtrabaho ako sa labas para kumita ng pera, at madalas kong tinitiis ang paghusga ng iba. Nang makita ko na hinahangaan ng iba ang mga taong may maraming kaalaman at may katanyagan kahit saan magpunta ang mga ito, nainggit ako sa mga ito, at naniwala akong hindi ko makukuha ang pagpapahalaga ng iba dahil lang sa wala akong kaalaman, kaya, ibinaling ko sa mga anak ko ang aking mga inaasam, hiniling na matutupad nila ang mga pangarap na hindi ko natupad para sa sarili ko. Para dito, ginugol ko ang lahat ng oras ko at nagbayad ako ng buong halaga, namuhay ako nang mapait at nakakapagod, at binigyan ko ng pasakit at hirap ang anak ko. Kalaunan, bagamat nagkamit ng kasikatan at pakinabang ang anak ko, lalo siyang napalayo sa Diyos at nawalan ng pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw. Ngayon nauunawaan ko na ang aking paghahangad ng kasikatan at pakinabang ay isang uri ng mga di-nakikitang tanikala na inilagay ni Satanas sa akin at sa anak ko. Ginamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para akitin at ilihis tayo, hinihimok tayo nitong magsikap nang nakatuon sa kasikatan at pakinabang, nang hindi iniisip na hangarin ang katotohanan; inakay ni Satanas ang bawat hakbang natin gamit ang isang tali—naging handa tayong magdusa para dito, bilang resulta ay papalayo tayo nang papalayo sa Diyos, hanggang sa puntong itinatatwa na natin ang Diyos at nilalamon na tayo ni Satanas. Ito ang masamang intensiyon at pakana ni Satanas. Naisip ko ang mga nasa paligid ko: Nakapasa ang anak ng tito ko sa kolehiyo, pero hinamak siya ng kanyang mga magulang dahil pumili siya ng isang mababang-uri na kurso, kaya ginamit nila ang kanilang mga koneksiyon at naghanap ng isang tao na tutulong sa kanya na baguhin ang kanyang kurso. Bilang resulta, nakaramdam ng sobrang presyur ang anak at hindi na makasabay sa mga aralin, at kalaunan ay nagkaroon siya ng nervous breakdown. Ngayon, ni hindi niya kayang ayusin ang sarili niyang buhay. Marami ring mga bata na umiinom ng pesticide o tumatalon mula sa isang gusali dahil hindi naging maganda ang marka nila sa kanilang pag-aaral. Ang lahat ng mga trahedyang ito ay nagbigay sa akin ng paalala at babala. Sa realidad, ang pagiging mayaman o mahirap ng mga tao sa buhay ay nakasalalay sa mga kamay ng Diyos. Ang kasikatan at pakinabang ay hindi magpapalaya sa atin mula sa pasakit; maaari lamang magdulot sa atin ng labis na pagdurusa ang mga ito. Napakakasuklam-suklam na makita kung paano pinipinsala ni Satanas ang mga tao. Kasabay nito, nagpapasalamat ako sa Diyos na sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan, pamumuno, at paggabay, natagpuan ko ang ugat ng aking pagdurusa at nakita ang mga mapanganib na kahihinatnan ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Kung hindi, patuloy pa rin akong makukulong sa loob nito, hindi ko mapapalaya ang sarili ko. Ipinaunawa rin nito sa akin ang taimtim na layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao. Hindi ako pwedeng patuloy na maloko at mapinsala ni Satanas—gusto kong kumawala sa mga tanikala ng kasikatan at pakinabang, at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan.

Kalaunan, natagpuan ko sa mga salita ng Diyos ang tamang landas ng pagpapaaral sa mga anak. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung hindi mo sila tinuruan nang ganito noong bata pa sila, kung binigyan mo sila ng masayang kabataan na walang anumang panggigipit, nang hindi sila tinuturuang maging mas magaling kaysa sa iba, na magkaroon ng mataas na posisyon o kumita ng maraming pera, o na maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung hinayaan mo na lang silang maging mabuti at ordinaryong tao, nang hindi iginigiit sa kanila na kumita ng maraming pera, magsaya nang husto, o suklian ka nang labis, hinihiling lang na maging malusog at masaya sila, na maging isang simple at masayang tao sila, marahil ay mas naging bukas silang tumanggap sa ilang kaisipan at pananaw na pinanghahawakan mo pagkatapos mong sumampalataya sa Diyos. Kung nagkagayon, marahil ay masaya ang buhay nila ngayon, at mas kaunti ang tensyon nila mula sa buhay at lipunan. Bagamat hindi sila nagkamit ng kasikatan at pakinabang, kahit papaano ay masaya, tahimik, at payapa ang puso nila(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19). Tinutukoy ng mga salita ng Diyos ang tamang landas ng pagpapaaral sa mga anak: Sa pagpapaaral ng mga anak, hindi dapat igiit sa kanila na maghangad ng kaalaman, katayuan, kasikatan, pakinabang, pag-angat ng ranggo, o pagkita ng pera; dapat nilang hangarin na ang kanilang mga anak ay mamuhay nang masaya at malusog, nang walang presyur, nang malaya at maginhawa. Mula sa mga salita ng Diyos, naintindihan ko rin ang layunin ng Diyos. Kami ng mga anak ko ay pawang mga nilikha, at nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran namin. Ang kapalaran ng buhay namin at kung anong landas ang dapat naming tahakin ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos; hindi ito isang bagay na makokontrol namin mismo—at hindi ko rin mababago ang kanilang kapalaran. Ang tanging magagawa ko ay ang ipagdasal ang mga anak ko, at kapag bumalik sila, pwede ko silang basahan ng mga salita ng Diyos. Tungkol sa kung sila ay makakaharap sa Diyos sa huli, nasa sa Kanya na iyon. Kailangan ko lang tuparin ang sarili kong tungkulin at responsabilidad at gawin nang maayos ang dapat kong gawin. Medyo nagbago na ang pananaw ko sa mga bagay-bagay—ito ang resultang nakamit ng mga salita ng Diyos. Ngayon, nais ko lamang hangarin ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nang tinutupad ang sarili kong tungkulin. Ito lamang ang buhay na may kabuluhan at halaga. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman