Ang mga Nakatagong Dahilan ng Pagkatakot sa Responsibilidad

Abril 23, 2023

Ni George, Hapon

Ako ang namamahala sa gawain ng pagdidilig sa iglesia. Habang dumarami ang tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nahati ang iglesia namin sa tatlong iba’t ibang iglesia, at ipinangasiwa sa akin ang isa sa mga ito. Pagkatapos ng paghahati, natuklasan ko na itinalaga sa akin ang maraming baguhan na hindi regular na nagtitipon. Naisip ko, dahil kulang kami sa mga tagadilig, kakailanganin ng maraming oras at lakas ang pagsuporta sa lahat ng hindi nagtitipon nang maayos. Kung umatras sila dahil ‘di sila nadiligan nang maayos, baka sabihin ng mga kapatid na mahina ang kakayahan ko. Sobrang nakakahiya ‘yon. Tapos, baka tabasan at iwasto ako, o papanagutin sa kanilang pag-alis. Kung hindi ako ang tagapangasiwa, kung tagadilig lang ako, hindi ko sana kakailanganing managot. Masyado akong napi-pressure, para akong may malaking pasanin, at nakaramdam ako ng bigat sa puso ko. Gusto ng lider na maglinang kami ng mas maraming tao para tugunan ang kakulangan ng mga tagadilig. Pero nang makita ko kung ga’no karami ang mga hindi nagtitipon nang maayos, nahirapan ako. Inisip ko na hindi ako makakapagsanay ng mga tao sa lalong madaling panahon, at nasiraan ako ng loob. Pagkatapos nun, masyado akong naging pasibo sa gawain ko. Hindi ko sinasanay o dinidiligan ‘yong mga dapat ko sanang inasikaso, na nakapinsala sa gawain namin. Sumama talaga ang loob ko at medyo nakonsensya. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, kulang ako sa tayog. Nang makita ko kung gaano karami’ng paghihirap at isyu sa bagong iglesiang ito, ginusto kong lumayo. Alam kong hindi ‘yon ang kalooban Mo. Gabayan Mo po sana ako na magnilay-nilay sa sarili at baguhin ang mali kong kalagayan para matanggap ko ang gawaing ito.”

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Takot ang ilang tao na magpasan ng responsabilidad habang gumaganap sa kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung kailangan nilang magpasan ng responsabilidad sa trabahong ito, at kung magkagayon nga, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang kanilang mga kondisyon sa pagganap sa isang tungkulin ay, una, na kailangan ay madaling trabaho ito; pangalawa, na walang masyadong ginagawa rito o hindi ito nakapapagod; at pangatlo, na anuman ang gawin nila, wala silang pasan na anumang responsabilidad. Ito lamang ang uri ng tungkuling inaako nila. Anong klaseng tao ito? Hindi ba’t tuso at mapanlinlang silang mga tao? Ayaw nilang pasanin ang kahit pinakamaliit na responsabilidad. Kapag nalalaglag ang mga dahon mula sa mga puno, natatakot sila na baka nahuhulog na ang langit. Anong tungkulin ang magagampanan ng ganitong tao? Ano ang magiging silbi nila sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng paglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang kasamang mga responsabilidad? Sasabihin ba ninyo na ang pagiging lider ay may kaakibat na mga responsabilidad? Hindi ba’t mas mabibigat ang lahat ng kanilang responsabilidad, at hindi ba’t higit na mas kailangan nilang magpasan ng responsabilidad? Ipinalalaganap mo ang ebanghelyo, nagpapatotoo ka, gumagawa ng mga video, at at iba pa. Ang totoo, ang trabahong ginagawa mo, anuman ito, ay may kaakibat na mga responsabilidad basta’t nauukol ito sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo sa tungkulin, maaapektuhan nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang magpasan ng responsabilidad, hindi ka makagagaganap ng anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot humawak ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema ba sa kanyang disposisyon? Dapat matukoy mo ang pagkakaiba. Ang totoo, hindi ito isang isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa sarili niyang interes, paano siya naging napakatapang? Susuungin niya ang anumang panganib. Pero kapag gumagawa siya ng mga bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, hindi man lang siya sumusugal. Ang gayong mga tao ay makasarili at masama, ang pinakataksil sa lahat. Sinumang hindi tumatanggap ng responsabilidad sa pagganap ng tungkulin ay hindi man lang matapat sa Diyos kahit kaunti, lalo namang wala silang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magdala ng mabigat na pasanin? Isang taong nangunguna at matapang na humaharap sa mahalagang sandali ng gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi takot pumasan ng mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding hirap, kapag nakikita niya ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ang isang taong matapat sa Diyos, isang mabuting kawal ni Cristo. Tama ba na ang lahat ng natatakot managot sa kanilang tungkulin ay natatakot dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Hindi sila makatarungan o wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad. Sila ay mga makasarili at masasamang tao, hindi mga taos na mananampalataya sa Diyos. Hindi man lang nila tinatanggap ang katotohanan, at dahil sa mga kadahilanang ito, hindi sila maaaring maligtas. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay kailangang magbayad ng malaking halaga upang matamo ang katotohanan, at makahaharap nila ang maraming balakid sa pagsasagawa niyon. Kailangan nilang talikdan ang mga bagay-bagay, abandonahin ang kanilang mga interes para sa laman, at magtiis ng ilang pagdurusa. Saka lamang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ng isang taong takot humawak ng responsabilidad ang katotohanan? Tiyak na hindi, at lalong hindi niya matatamo ang katotohanan. Takot siyang isagawa ang katotohanan, na magdulot ng kawalan sa kanyang mga interes; takot siya na mapahiya, mahamak, at mahusgahan. Hindi siya nangangahas na isagawa ang katotohanan, kaya hindi niya matatamo ito, at kahit ilang taon pa siyang naniniwala sa Diyos, hindi niya matatamo ang pagliligtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Nabalisa ako nang makita ang inihayag sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang mga takot umako ng responsibilidad ay ang pinakamakasarili, pinakamasama, at pinakamapanlinlang. Hindi nila maisagawa ang katotohanan at hindi makakamit ang kaligtasan. Gano’n ang kinikilos ko. Nang makita ko na maraming baguhan ang hindi regular na nagtitipon at kakaunti ang kandidato para sa pagsasanay, hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos, na maglinang ng mga kandidato at madiligan nang maayos ang mga bagong mananampalataya para magkaroon sila ng pundasyon sa tunay na daan nang mas maaga. Tinatrato ko sila na parang pabigat. Inisip ko kung gaano karaming oras at lakas ang kakailanganin para suportahan sila, at na hahamakin ako ng iba kung hindi ko ‘to gagawin nang maayos. Tatabasan at iwawasto ako, at mananagot kung malubha ito. Maaaring walang resulta ang nakakapagod na gawaing ito at nakaramdam ako ng pagtutol. Bagamat pinilit ko ang sarili ko na gawin ‘to, naging pasibo ako. Dahil naging iresponsable ako, hindi nasanay ang mga dapat sinanay, samantalang hindi na regular na dumadalo ang ilan. Mabilis lumalaganap ngayon ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw, at mas maraming tao ang bumabaling sa Diyos. Ang pagdilig at pagsuporta sa mga bagong mananampalataya ang apurahang nais ng Diyos, pero inisip ko lang ang sarili kong mga interes, hindi ang kalooban ng Diyos. Hindi ko rin inisip ang pagpasok sa buhay ng mga baguhan. Sobra akong makasarili at nakakadismaya sa Diyos! At sa ibang mga bagong iglesia, napansin ko na kayang itaguyod ng iba ang gawain ng iglesia nang hindi iniisip ang kanilang mga personal na pakinabang o kawalan. Ginawa nila ang lahat para diligan ang mga bagong mananampalataya gaano man ‘to kahirap. Tunay silang mananampalataya na tapat sa kanilang mga tungkulin. Napahiya ako. Kailangan kong ihinto ang pagsasaalang-alang sa sarili kong mga interes at pag-antala sa gawain ng iglesia. Kailangan kong pasanin ang responsibilidad na ito at ibigay ang lahat ko para diligang mabuti ang mga baguhan. Maagap na akong nakikipagtulungan pagkatapos nun at nagsikap sa pagdidilig ng ilang tao na maaaring linangin. Nang maunawaan nila ang kalooban ng Diyos, naging aktibo rin sila sa kanilang tungkulin. Nagtulungan kaming gawin ang aming trabaho at suportahan ang mga bagong mananampalataya. Pagtagal-tagal, marami-raming baguhan ang regular na nagtitipon. Talagang masaya ako at nagpapasalamat sa Diyos.

Pero ‘di nagtagal, naharap ako ulit sa parehong sitwasyon. Isang araw, sinabi sa akin ng lider, “Katatatag lang ng Iglesia ng Shuiyuan. Hindi nagtitipon nang maayos ang ilang bagong mananampalataya at kapos sila sa mahuhusay na tagadilig. Mabagal ang pag-usad ng gawain. Pangasiwaan mo ang iglesiang ‘yon.” Nang sabihin ito ng lider, natanto ko na may kalooban ng Diyos ang sitwasyong ito. Noong huling beses na hinati ang isang iglesia, takot akong tumanggap ng responsibilidad, na nakaantala sa gawain. Ngayon, kailangan kong magpasakop at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Pero nag-alinlangan ako nang muli kong tingnan ang kalagayan ng Iglesia ng Shuiyuan. Nagsisimula pa lang bumuti ang iglesiang pinangangasiwaan ko at marami pang dapat gawin. Mangangailangan ng maraming oras at lakas kung papangasiwaan ko ang isa pang iglesia. Kung hindi ko sapat na masusuportahan ang Shuiyuan at hindi maaasikaso ang gawain sa kasalukuyang iglesia ko, ano ang iisipin sa akin ng iba? Hindi gaanong abala kung isa lang ang pangangasiwaang iglesia, at makakatuon ako sa paggawa nang maayos sa gawain ko. Tapos magbabago ang tingin ng lahat sa’kin, at baka ma-promote pa ako. Sa isiping ito, pakiramdam ko’y ang hirap nang isabay ng Iglesia ng Shuiyuan. Anuman ang mangyari, hindi ako makikinabang dito, at ayaw kong tanggapin ‘yon. Pero kung tatanggihan ko ‘to at walang tumanggap nito, maaapektuhan nun ang gawain ng iglesia. Nagtalo ang kalooban ko. Nakita ng lider ang kalagayan ko at ibinahagi sa’kin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung medyo mahusay ka sa isang partikular na propesyonal na trabaho, at medyo mas matagal mo na itong ginagawa kaysa sa iba, dapat kang bigyan ng mas mahihirap na trabaho. Dapat mong tanggapin ito mula sa Diyos at sundin. Huwag kang maging mapili at magreklamo, at sabihing, ‘Bakit lagi akong pinahihirapan ng mga tao? Ibinibigay nila ang lahat ng madadaling trabaho sa ibang tao, at ibinibigay sa akin ang mahihirap. Hindi ba’t sinusubukan lang nilang pahirapin ang buhay ko?’ Ano ang ibig mong sabihin sa ‘sinusubukang pahirapin ang buhay mo’? Ang mga pagsasaayos sa trabaho ay iniaakma sa bawat indibidwal—ang mga may kakayahan ay dapat gumawa ng mas maraming trabaho. Marami ka nang natutuhan at nabigyan ka na ng Diyos ng marami, kaya tama lamang na bigyan ka ng mas mabigat na pasanin. Hindi ito ginawa upang pahirapan ka, ang pasaning naibigay sa iyo ay tama lamang para sa iyo: Tungkulin mo ito, kaya huwag mong subukang piliin ang gusto mo, o hindian, o takasan ito. Bakit mo iniisip na mahirap ito? Sa katunayan, kung isasapuso mo ito, kayang-kaya mong isakatuparan ito. Ang maramdaman na mahirap ito, at parang hindi patas ang pagtrato sa iyo, parang sadyang pinahihirapan ka, ay ang pagbuhos ng isang tiwaling disposisyon, ito ay pagtangging gampanan ang iyong tungkulin, at hindi pagtanggap mula sa Diyos; hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Kapag pinipili mo ang iyong tungkulin, ginagawa yaong komportable at madali, yaong pinagmumukha kang mabuti, ito ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Kung hindi mo magawang tanggapin ang iyong tungkulin at magpasakop, pinatutunayan nito na suwail ka pa rin sa Diyos, na lumalaban ka, umaayaw, umiiwas—na isang tiwaling disposisyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakakaantig sa akin ang siping ito. Hindi ako pinapahirapan ng lider sa pagpapa-ako sa akin ng isa pang iglesia. Matagal-tagal na akong nagdidilig, kaya siguradong mapamamahalaan ko ito kung magsasakripisyo lang ako nang kaunti. Masyado akong makasarili, iniisip lang ang sarili kong interes at ayaw kong magsakripisyo pa. Takot din akong magmukhang ‘di magaling kung ‘di ko huhusayan, kaya ayaw kong tanggapin ito, tinanggihan ko ito—hindi ako masunurin. Ipinagkatiwala sa’kin ng iglesia ang isang bagay na kasinghalaga ng pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Biyaya at pagtataas ito ng Diyos. Dapat akong magpasakop dito at gawin ang aking buong makakaya. Gano’n ang gagawin ng taong may konsensya at katwiran. Sa pagsandal sa Diyos at tunay na pakikipagtulungan sa Kanya, alam kong gagabayan ako ng Diyos na magawa nang maayos ang trabaho. Tapos, nagdasal ako sa Diyos, handang bitiwan ang aking mga alalahanin at tanggapin ang responsibilidad na ‘yon.

Kalaunan, nagnilay-nilay ako at naghanap. Bakit lagi kong gustong tanggihan ang mga tungkulin at hindi magdala ng pasanin? May nabasa ako sa mga salita ng Diyos. “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi nila tunay, taos, at talagang sinusunod ang katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga prinsipyo ng katotohanan, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tuparin ang kalooban ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapapalugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang sarili nilang reputasyon at mapagtatanto sa maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasan at diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang paggawa ng praktikal na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasan at diwa ng mga anticristo. Hindi ba makasarili at napakasama nito?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ninyo ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao pagkatapos, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito, ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, at ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan; sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro). Nahanap ko ang sagot sa mga salita ng Diyos. Ang pangunahing dahilan kaya ayokong magdala ng mabigat na pasanin ay dahil namumuhay ako sa anticristong disposisyon, makasarili at mapanlinlang ako. Iniugnay ko ang bawat bagay na ginawa ko sa sarili kong interes, may paunang kondisyon na hindi nito makokompromiso ang mga personal kong interes. Hindi ko isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos o itinataguyod ang gawain ng iglesia. Nang makita kong maraming baguhan sa aking bagong iglesia ang hindi regular na nagtitipon, natakot akong maapektuhan ang tagumpay ko sa tungkulin, na makakasira sa reputasyon ko. Nang hilingin sa akin ng lider na pangasiwaan ang Iglesia ng Shuiyuan, alam ko na kung hindi madidiligan kaagad ang mga bagong mananampalataya roon, maaari silang magambala ng mga relihiyosong pastor at umatras. Pero ayaw kong tanggapin ang gawain ng pagdidilig doon. Tinitimbang ko ang mga kalamangan at kahinaan para sa sarili ko, iniisip lang kung pa’no tapusin ang gawaing una kong naging responsibilidad. Nang sa gano’n, hindi ito sobrang makaka-stress at ‘di ako magdurusa nang husto. Kung may matatamo ako sa huli, sasang-ayunan ako ng iba at mag-iiwan ako ng magandang impresyon. Namumuhay ako ayon sa satanikong lason, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Sa anumang bagay, iniisip ko muna kung makakabuti ba ito sa reputasyon ko. Kung mapipinsala ang mga interes ko, kahit na makakabuti ito para sa gawain ng iglesia, ayokong gawin ito. Tumututol at tumatanggi ako, hindi nagiging totoo o nagpapasakop sa Diyos. Ang mga katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay hindi pa nakakaalam sa katotohanan. Marupok pa sila sa panghihimasok ng mga pastor na maaaring makalinlang at makapagtaboy sa kanila, kaya inatasan ako ng iglesia na magdilig at sumuporta sa kanila. Nahaharap sa gano’n kahalagang gawain, hindi ko tinanggap ang responsibilidad at ‘di tinupad ang aking tungkulin, bagkus natakot akong masira ang reputasyon ko kung hindi ko huhusayan. Gano’n din ang disposisyon ng isang anticristo—makasarili at kasuklam-suklam. Napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensya. Pakiramdam ko’y may utang na loob ako sa Diyos, at gusto kong magsisi sa Kanya.

Nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos pagkatapos nun. “Ano ang pamantayan kung paano hinahatulan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay ba nila o hindi, sa kanilang mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Ang mga iniisip at ipinapakita mong mga kilos ay hindi nagpapatotoo sa Diyos, ni ipinapahiya si Satanas o tinatalo ito; sa halip, pinapahiya ng mga ito ang Diyos, at puno ng mga markang nagpapahiya sa Diyos. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni hindi mo ginagampanan ang responsibilidad at mga obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Ang eksaktong ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ka nakagawa ng mabubuting gawa, sa halip ay naging masama ang iyong asal. Hindi lamang nito mabibigong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin din ito. Ano ang hinahangad na makamit ng isang taong may gayong paniniwala sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano tayo nagdurusa, kundi ang nilalaman ng mga puso natin at ang ating ibinubunyag habang ginagawa ang ating tungkulin, at kung may patotoo tayo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang motibo ng isang tao sa kanyang tungkulin ay hindi para palugurin ang Diyos, kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan, ga’no man karami ang ibigay niya, sa tingin ng Diyos, ito’y paggawa ng masama at paglaban sa Kanya. Sa pagbabalik-tanaw sa kung ano’ng ibinunyag ng aking pag-iisip no’ng panahong ‘yon, palagi akong nag-iisip at nagpaplano ayon sa sarili kong mga interes, at gustong iwasan ang tungkulin ko. Bagamat nag-aatubili kong tinanggap ‘to, hindi ako naging responsable. Hindi ko sinanay ang mga dapat kong sinanay, at hindi regular na nagtitipon ang ilang bagong mananampalataya dahil hindi ko sila diniligan sa oras. Ang mga motibo at pag-uugali ko ay kasuklam-suklam sa Diyos. Sa mata ng Diyos, gumagawa ako ng masama at lumalaban sa Kanya. Maraming taon na akong mananampalataya at natamasa ang labis na pagtustos ng katotohanan mula sa Diyos, pero hindi ko kailanman inisip na suklian ang pagmamahal ng Diyos. No’ng higit na nangangailangan ng suporta ang gawain ng iglesia, ayokong magdala ng mabigat na pasanin. Hindi ko ginagawa ang tungkulin ko at pinapalugod ang Diyos. Wala talaga akong konsensya o pagkatao. Tahimik akong nagdasal, “Diyos ko, hinahangad ko ang sarili kong karangalan at katayuan sa tungkulin ko nang hindi man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Napakamakasarili ko. Hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko, at malaki ang utang ko sa Iyo. Diyos ko, salamat at binigyan Mo po ako ng isa pang pagkakataon. Nais kong magsisi, tanggapin ang pasaning ito, at gawin ang aking makakaya sa tungkulin ko para makabawi sa mga paglabag noon.”

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos, “Para sa lahat ng tumutupad ng kanilang tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa upang makapasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang mga makasariling pagnanasa, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali nang kaunti kapag hinahati-hati ninyo ito sa mga hakbang na ito at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi mahirap bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, magkaroon ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, at unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay nang makatarungan at marangal kaysa pagiging kasuklam-suklam at salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Ito ay ang bitiwan ang sarili kong mga interes at unahin ang mga interes ng iglesia. Gusto kong gawin ang sinasabi ng salita ng Diyos, ‘wag nang isaalang-alang kung maaapektuhan o hindi ang mga interes ko, at ‘wag nang isaalang-alang ang iisipin ng iba sa’kin. Kailangan kong tuparin ang mga responsibilidad ko at tanggapin ang gawain. Napagtanto ko rin na ayaw na ayaw kong gumagawa ng mahirap na gawain, natatakot na mamaliitin ako, o iwawasto kung hindi ko ito huhusayan. Hindi ko naunawaan ang magandang layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Ang pagbibigay sa’kin ng mas mahirap na gawain ay biyaya ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang hamong ito para tulungan akong matutong sumandal sa Kanya at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Sa tungkulin ko, ang pagdala ng mabigat na pasanin, at ang matabasan at maiwasto o mailantad sa harap ng mga paghihirap ay pawang mabubuting bagay. Binibigyan nila ako ng pagkakataon na mas makita ang mga pagkakamali at pagkukulang ko para mas makatutok ako sa paghahanap at pagsasangkap sa sarili ko ng katotohanan para makabawi sa aking mga kahinaan. Kapaki-pakinabang ‘yon para sa’king pag-unawa sa katotohanan at pag-usad sa buhay. Ito’y pagmamahal ng Diyos.

Nang naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nagbago ang saloobin ko sa tungkulin ko. Nakita ko na para mapangasiwaan ang gawain ng dalawang iglesia, hindi ako pwedeng umasa lang sa sarili kong kakayahan. Limitado ang kaya kong gawin, kaya kailangan kong tumuon sa pagsasanay ng mga tao. Kapag nalaman na ng mga kapatid ang kalooban ng Diyos, pwede na silang umako ng mga tungkulin at mapapadali nun ang trabaho. Tapos, maitutuon ko ang lakas ko sa mga kritikal na gawain. Kaya, tinalakay at kinumpirma ko ang mga tao na magsanay kasama ang mga tagadilig, pagkatapos ay nagdaos ng mga pagtitipon at nagbahagi ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kanilang mga aktuwal na mga paghihirap at isyu. Nagulat ako nang magkaroon ng pagkaunawa ang ilang kapatid sa gawain ng Diyos, nagkamit ng pananalig, at ginustong gumawa ng tungkulin. Kapag nagtutulungan kami, nagiging mas mahusay ako sa tungkulin ko, at mabilis na natatapos ang ilang proyekto. Nagkaroon din sila ng pagsasagawa at mas maraming lakas para sa kanilang tungkulin. Ilang panahon matapos madiligan at masuportahan, maraming bagong mananampalataya ang nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos, nagkapundasyon sa tunay na daan, at aktibong nagtitipon. Nakakaantig talaga sa’kin na makita lahat ‘to. Pagkatapos kong bitiwan ang sarili kong mga interes, umako ng pasanin, at subukan ang aking makakaya para gawin ang tungkulin, bago ko pa namalayan ay nakausad na ako nang kaunti at mas maraming nagagawa sa aking tungkulin. Ngayon, hindi na ako natatakot na umako ng responsibilidad, at gusto kong isagawa ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Sandali ng Pagpili

Ni Li Yang, Tsina Isinilang ako sa probinsya at lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Mga simpleng magsasaka lang ang aking mga magulang...

Ang Mapuna ay Naglantad sa Akin

Ni Sharon, Espanya Isang araw ng Disyembre taong 2021, sinabi sa akin ng isang kapatid na si Sister Arianna, na nailipat sa ibang iglesia...