Pagharap sa Pagsalungat ng Aking mga Magulang sa Aking Pananalig
Noong 2012, inaresto ako ng mga pulis habang nag-eebanghelyo. Marahas akong inimbestigahan ng mga pulis, itinatanong kung sino-sino ang mga lider ng iglesia at kung saan idinaraos ang mga pagtitipon, at nang hindi ako sumagot, ginulpi nila ako at ikinulong ako para interogahin sa loob ng mahabang oras. Sa huli, nang makita nilang hindi nila kayang makuha ang impormasyong gusto nila, hinayaan nilang iuwi ako ng mga magulang ko, at tinakot ang mga ito, sinasabing, “Pakakawalan namin siya ngayon, pero kailangan ninyong mahigpit siyang bantayan at huwag na siyang hayaan pang manampalataya sa Diyos. Kung mananampalataya siya, at mahuli namin siya, mahahatulan siyang makulong, at sisiguruhin naming mawawala sa inyo ang lahat at masisira ang pamilya ninyo!” Pagkatapos niyon, nagsimulang humadlang ang mga magulang ko sa aking pananampalataya sa Diyos. Natakot silang babasahin ko ang mga salita ng Diyos, kaya binantayan nila ako kahit saan, at sa gabi ay natutulog pa nga sila sa kuwarto ko, wala na akong kalayaan. Hindi rin ako nauunawaan ng iba kong mga kamag-anak. Nagpunta sa bahay namin ang may-edad kong lola, umiiyak at nagmamakaawa sa akin na huwag nang manampalataya sa Diyos, natatakot na maaresto ako at makulong. Ang lolo ko rin, sa madilim na ekspresyon, ay dinuro ako at nagsabing, “Bakit ka nananampalataya sa Diyos sa ganyang kabatang edad! Naaresto ka dahil sa pananampalataya sa Diyos at may rekord ka nang kriminal, na hindi lamang nagdadala ng kahihiyan sa atin, kundi nadadamay pa ang buong pamilya natin! Dapat mong isuko ang pananalig mo!” Nang makita ko ang mabagsik na mukha ng lolo ko, pakiramdam ko ay aping-api ako. Sa isipan ko ay sumasagot ako pabalik ng, “Ang sumampalataya at sumamba sa Diyos ay ganap na natural at makatwiran at ito ay pagtahak sa tamang landas. Nananampalataya sa Diyos ang mabubuting tao sa lahat ng bansa. Bakit hindi ninyo ako nauunawaan? Gaano man kayo humadlang sa landas ko, hindi ko isusuko ang pananampalataya ko sa Diyos!”
Isang gabi, pumasok sa kuwarto ko ang aking nanay, lumuhod siya sa harap ko, at umiiyak na nagsabing, “Pakiusap, huwag ka nang manampalataya sa Diyos! Ikaw ang nag-iisang anak naming babae, kapag naaresto ka uli at nasentensiyahan, hindi lang sasamsamin ng mga pulis ang ating pera, kundi pahihirapan ka rin nila. Kung may teribleng bagay na mangyari sa iyo, mawawasak ang pamilyang ito!” Gimbal na gimbal ako rito at nagmadali akong tulungan na itayo ang nanay ko. Napaiyak ako nang makita kong sobrang naghinagpis ang nanay ko. Hindi ko alam kung paano tutugon sa kanya. Buong buhay ko ay nagtatrabaho sa malayo ang tatay ko, at ang nanay ko ang dumaan sa hirap sa pagpapalaki sa akin. Ngayong malaki na ako, hindi ko pa siya nasusuklian sa pagpapalaki sa akin, pero heto siya ngayon, lumuluhod at nagmamakaawa sa akin. Nadama kong napakasuwail ko. Medyo pinanghina ako ng kaisipang ito, “Sa pagluhod at pagmamakaawa ng nanay ko, kung hindi ko man lang isasaalang-alang ang mga damdamin niya, hindi ba’t talagang masasaktan siya nito?” Lungkot na lungkot ako, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Diyos na panatilihin akong naninindigan. Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Ibuhos ang lahat ng iyong pagsisikap sa paglalagay ng iyong puso sa Aking harapan, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kaligayahan. Huwag magsikap na maging isang bagay sa harap ng ibang mga tao; hindi ba’t mas mahalaga at matimbang ang bigyan Ako ng kasiyahan? Sa pagbibigay ng kasiyahan sa Akin, hindi ka ba higit na magkakaroon ng walang-hanggan at panghabambuhay na kapayapaan at kaligayahan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Nalinawan ang isipan ko dahil sa mga salita ng Diyos. Sa panlabas, parang lumuluhod at nagmamakaawa sa akin ang nanay ko, pero pakana ni Satanas ang nasa likod nito. Ayaw ni Satanas na sumunod ako sa Diyos at maligtas at ginagamit niya ang nanay ko para tuksuhin at salakayin ako, sinusubukang ipagkanulo ko ang Diyos at bumaba kasama ni Satanas sa impiyerno. Hindi ako puwedeng mahulog sa pakana ni Satanas; kailangan kong manindigan sa patotoo ko para ipahiya si Satanas! Mas pinatatag ako ng kaisipang ito. Sa mga pang-araw-araw na usapin, maaari akong makinig sa nanay ko, pero sa mga usapin ng pananalig, hindi maaari. Naging determinado akong manampalataya sa Diyos!
Kalaunan, dahil nakita nila ang matatag kong saloobin sa pananampalataya sa Diyos, hinigpitan ng mga magulang ko ang pagbabantay sa akin. Madalas akong nananalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang magbukas ng isang landas para sa akin. Kalaunan, inalok ako ng trabaho ng isang sister sa kanyang tindahan, bibigyan ako nito ng pagkakataong makapagbasa ng mga salita ng Diyos at makipagtipon sa mga kapatid, kaya masaya ko itong tinanggap. Gayumpaman, laking gulat ko, sekreto akong sinundan ng tatay ko. Isang araw, habang nasa isang pagtitipon ako, bigla akong nakatanggap ng tawag mula sa tatay ko na tinatanong kung nasaan ako. Gumamit ako ng karunungan at sinabi ko sa kanyang nasa trabaho ako, pero hindi siya naniwala sa akin at nagmamadali siyang pumunta sa tindahan. Mabuti na lang, naunahan ko siyang makabalik sa tindahan, at umalis lang siya nang makita na ako. Sa isa pang pagkakataon, noong papunta ako sa isang pagtitipon, habang papalapit ako sa tutuluyang bahay, lumingon ako at nakita ko ang tatay ko na nakasunod sa likuran ko, kaya hindi ako nangahas na dumalo sa pagtitipon at kinailangan kong umuwi. Hindi lang ako sinusundan at minamanmanan ng tatay ko kapag lumalabas ako, kundi paminsan-minsan din ay pumapasok siya sa kuwarto ko sa bahay para tingnan kung nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Isang gabi, ikinandado ko ang pintuan ng kuwarto ko at palihim na nagkulong sa loob para magbasa ng mga salita ng Diyos, nang bigla akong makarinig ng “tok tok tok” na kumakatok sa pinto, at lubha akong natakot. Bago ko maitago ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at mabuksan ang pintuan, binasag ng tatay ko ang salamin sa balkonahe at marahas na pumasok. Dumampot siya ng bote mula sa kabinet at tuloy-tuloy akong hinampas nito, minumura ako habang hinahampas, “Sinabi ko na sa iyong huwag kang manampalataya sa Diyos! Hinding-hindi kita hahayaang ipagpatuloy ang pananalig na ito!” Sumigaw din siya ng mga kalapastanganan laban sa Diyos. Pagkatapos, pinagsabihan din ako ng nanay ko, “Kung patuloy kang mananampalataya sa Diyos, itatakwil ka namin ng tatay mo. Tingnan natin kung paano mo kakayanin!” Talagang takot na takot ako, sa takot ko na baka saktan ako ng tatay ko at na baka talagang palayasin nila ako sa bahay, tumawag ako sa Diyos, “O Diyos, napakaliit ng tayog ko para mapagtagumpayan ang sitwasyong ito, pakiusap, gabayan at protektahan Mo ako, at bigyan Mo ako ng pananalig at lakas.” Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Totoo nga, ang Diyos ang aking suporta, nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, at nasa kontrol din ng Diyos ang mga magulang ko. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, wala silang magagawang anuman sa akin. Nang makita ng mga magulang ko na anuman ang sabihin nila, determinado akong manatiling nananampalataya sa Diyos, nagalit sila nang sobra kaya tumalikod sila at padabog na umalis.
Pagkaalis ng mga magulang ko, inisip ko kung paano ako hinampas ng tatay ko, at sobra akong nalungkot. Sa buong buhay ko, hindi ako kailanman pinalo ng tatay ko, pero dahil lamang sa nanampalataya ako sa Diyos, ang mga magulang ko, na palagi akong minamahal, ay tinatrato ako bilang kanilang kaaway. Hinampas ako ng tatay ko gamit ang bote, at sinabi pa ng nanay ko na ayaw na niya sa akin. Kung talagang palalayasin nila ako sa bahay, wala akong magiging tahanan at magiging ako na lang mag-isa, kung gayon ay saan ako puwedeng pumunta? Medyo nanghina ako, at naisip ko kung gaano talaga kahirap na manampalataya sa Diyos dito sa China. Iniisip ko kung dapat bang manampalataya na lang ako sa aking puso at huwag nang pumunta sa mga pagtitipon, nang sa gayon ay puwedeng magkasundo-sundong muli ang buong pamilya ko, at mamahalin nila ako gaya ng dati. Pero sobra akong nalungkot nang maisip ko ang hindi pakikipagtipon, dahil tinulungan ako ng pakikipagtipon sa mga kapatid at ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang ilang katotohanan, at tinulutan akong malaman na ang pananampalataya sa Diyos ay ang pagtahak sa tamang landas sa buhay at na galing sa Diyos ang lahat ng bagay sa buhay. Ang pananampalataya sa Diyos ay nagdala sa akin ng kapayapaan, kagalakan, at ng pakiramdam ng pagkakaroon ng isa na mapagkakatiwalaan, at sobra ako nitong pinasaya. Pero napakasakit at nakasasakal ang usigin ng mga magulang ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanyang gabayan ako para maunawaan ang layunin Niya, at para bigyan ako ng pananalig upang malampasan ang sitwasyong ito. Kalaunan, nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos na: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nagdala ng kalinawan sa puso ko ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa China, ang bansang pinakalumalaban sa Diyos, hindi maiiwasang mausig dahil sa pananampalataya sa Diyos. Para sumunod sa Diyos, dapat magkaroon ng pananalig at tibay ng kaloobang magtiis ng mga paghihirap ang isang tao. Pero pagkatapos magdusa ng ilang paghihirap dahil madalas akong ginugulpi, pinagagalitan, at inuusig ng mga magulang ko, naligalig ang puso ko, at nagreklamo ako na talagang napakasakit manampalataya sa Diyos, at isinaalang-alang ko pa na huwag nang makipagtipon. Napakahina ko at wala akong gulugod! Ganap na likas at makatwiran na manampalataya sa Diyos at sumamba sa Kanya, at ang kawalan ng pang-unawa ng mga magulang ko at ang pang-uusig nila sa akin ay dinulot lahat ng Partido Komunista, na lumalaban sa Diyos, umaaresto sa mga Kristiyano kung saan-saan, nagpapakalat ng walang basehang usap-usapan, at kinokondena ang Diyos. Nagawa nitong mailigaw ang pamilya kong walang pananampalataya, at sundan ito sa pang-uusig at paghadlang sa akin sa pananalig ko. Pero nagkamali akong maniwala na dulot ng pananalig ko sa Diyos ang pagdurusang ito. Ganap akong walang kakayahang makilala ang tama sa mali, at naging bulag at hangal ako! Inisip ko kung paanong nagkatawang tao ang Diyos at naparito sa China, ang bansang pinakalumalaban sa Kanya, nagdurusa ng mga pang-aaresto at pang-uusig mula sa ateistang rehimen nito at ng paglaban at kondenasyon mula sa mundo ng relihiyon, pero palaging tahimik na ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at tinitiis ang lahat ng uri ng pagdurusa upang iligtas ang sangkatauhan. Sa kabila nito ay nagrereklamo ako sa Diyos dahil lamang dumadaan ako sa kaunting pagdurusa, hinihiling lang na mamuhay ng isang komportable at magaan na buhay, hindi ako handang magdusa o humarap sa pang-uusig para makamit ang katotohanan sa aking pananampalataya sa Diyos. Tunay na wala akong konsensiya. Naisip ko rin kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para ipahayag ang katotohanan at iligtas ang sangkatauhan. Ito ay isang pagkakataon na minsan lang sa buong buhay ng tao, at ito lang ang magiging tsansa ko para magkamit ng katotohanan at maligtas ng Diyos. Kung tatalikuran ko ang pananalig ko sa Diyos para matamasa ang pansamantalang katiwasayan ng pamilya at pinalampas ang pagkakataon ko sa pagliligtas ng Diyos, magiging habambuhay na panghihinayang iyon! Gaano man ako mahalin ng mga magulang ko, hindi nila ako kayang iligtas mula sa sakuna. Ang Diyos lang ang nag-iisang suporta ko. Kung hindi ako nanampalataya sa Diyos o naghangad ng katotohanan, tinamasa lang ang kaginhawahan at matiwasay na pamilya at namuhay ng isang hungkag na buhay sa paggawa niyon, anong magiging saysay niyon? Sa huli, nauwi lang ako sa pagsunod sa landas ng kabulukan at kasamaan na tinatahak ng mga makasanlibutang tao, na unti-unting ginagawang tiwali ni Satanas, at sa dulo ay malilipol kasama ni Satanas. Sa pag-iisip ko nito, lalo akong kumalma at nagpasyang gaano man ako usigin o hadlangan ng mga magulang ko, susunod ako sa Diyos hanggang sa dulo!
Nang sumunod na araw, pumunta na naman sa kuwarto ko ang aking tatay. Hindi na siya kasinglupit gaya ng nagdaang araw at sinabi niya nang nakakunot ang noo, “May ilang bagay na hindi ko sinabi sa iyo dati. Natakot ako na sasama ang loob mo. Magmula noong maaresto ka at makalaya, sinasabi na ng mga taga-nayon na may isang batang kriminal na lumitaw sa ating nayon, at hindi kami makalabas ng taas-noo kapag umaalis kami ng nanay mo. Hindi madali sa amin na palakihin ka, pero kahit na huwag mo na kaming intindihin, dapat isipin mo ang sarili mo! Kung maaaresto ka na naman dahil sa pananalig mo, katapusan na ng buhay mo!” Pagkatapos niyang sabihin ito, umalis na siya. Nang panoorin kong umalis ang tatay ko na may mukha na nasasaktan, nalungkot din ako. Nakikita ako dati ng lahat bilang isang mapagmahal at maunawaing bata, pero ngayon, pagkatapos na maaresto ng mga pulis, ang mga taong hindi nauunawaan ang mga katunayan ay nag-akalang may ginawa akong mali sa labas. Siguradong nagdusa sa masasamang tingin at magagaspang na salita ang mga magulang ko sa panahong ito. Naisip ko kung paano ako pinalaki ng mga magulang ko pero hindi nila ako maipagmalaki, at sa halip, naging dahilan ako para husgahan at hamakin sila. Nadama kong nabigo ko talaga sila. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagkat ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, ang mga tao ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-aapi dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi mali ang paglakad sa tamang landas sa buhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, pero dahil matinding lumalaban sa Diyos ang Partido Komunista, inaaresto, at inuusig ang mga mananampalataya, nagdulot ito sa mga mananampalataya na nasa China, isang ateistikong bansa, ng pagdurusa mula sa labis na kahihiyan at pang-uusig. Hindi ito dahil sa mali ang pagsampalataya sa Diyos, kundi dahil lubos na masama ang Partido Komunista, na nagdadala ng walang katapusang pinsala at pagdurusa sa mga mananampalataya at kanilang mga pamilya. Ang Partido Komunista ang pangunahing may kasalanan sa likod ng lahat ng pagdurusang ito, at wala akong kahit anong pagkakautang sa mga magulang ko. Sa pag-iisip ko nito, nakadama ako ng kaunting kaluwagan. Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na bagamat ipinapahiya at inuusig tayo dahil sa pananampalataya sa Diyos ngayon, pansamantala ang pagdurusang ito. Ginamit ng Diyos ang pagdurusang ito para maperpekto ang pananalig ko, kaya may kabuluhan ang pagdurusang ito, at kailangan akong umasa sa Diyos at matatag na magpatuloy. Dahil sa ganitong kaisipan, nagkaroon ako ng pananalig at hindi na nakadama ng anumang kirot o pagkabahala.
Noong tag-init ng 2013, pagkauwing-pagkauwi ko mula sa aking mga tungkulin, balisang sinabi ng nanay ko, “Tumawag ang himpilan ng pulisya at sinabing gusto ka nilang makita.” Takot na takot ako nang marinig ko ito, dahil hindi ko alam kung anong kailangan ng mga pulis sa akin, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang pagkalooban ako ng karunungan, para makilatis ko ang mga pakana ni Satanas at makapanindigan sa aking patotoo. Sa himpilan ng pulisya, tinanong ako ng mga pulis ng ilang katanungan tungkol sa iglesia, at hiningi rin nila sa akin na magsulat ng mga kalapastanganan laban sa Diyos. Alam kong isang walang kapatawarang kasalanan sa buhay na ito at sa darating na mundo ang paglapastangan sa Diyos, at ang pagsusulat nito ay pagkakanulo sa Diyos, kaya matibay akong tumangging gawin ito. Ang tatay ko, nang makita niyang tumanggi akong isulat ang hinihiling nila, ay galit na galit hanggang sa namumula na ang mukha niya, at sinabi sa mga pulis, “Kung patuloy siyang kakapit sa pananalig niya, dakpin ninyo siya!” Halos hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko. Hindi ko inasahang makikipagsabwatan ang tatay ko sa mga pulis para pilitin akong isuko ang pananalig ko, inuudyukan pa nga niya ang mga pulis na arestuhin ako. Hindi na ito ang tatay na nakilala ko! Kalaunan, dahil nakita ng mga pulis na tumatanggi akong sumulat, hinayaan nila akong umuwi at sinabihan akong magbigay ng garantiya ng pagtalikod sa loob ng tatlong araw. Pagkauwi ko, nanlamig ang kalooban ko nang maisip kung paanong gusto ng tatay ko na isuko ako sa mga pulis. Naisip ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi siya naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakikipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay buktot? Ang mga makamundong kalakaran, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga bagay na ito ang makagagambala sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang ‘Diyos’ o ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, agad siyang nagwawala. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng buktot na kalikasan? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang buktot na kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). “Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng isang walang pananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga walang pananampalatayang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Inilalantad ng mga salita ng Diyos na kung hindi kilala ng isang tao ang Diyos o hindi kailanman nanampalataya sa Kanya, pero kapag nabanggit ang salitang “Diyos,” ay nagagalit at namumuhi siya, ipinahihiwatig nito na masama ang kalikasan ng taong ito at sinasalungat niya ang Diyos. Pinagnilayan ko kung paanong palaging may namumuhing saloobin ang tatay ko sa aking pananalig, at sa tuwing nakikita niya akong nakikipagtipon o nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagtatagis ang mga ngipin niya sa pagkamuhi, namumula ang mga mata niya sa poot, at nilalapastangan pa niya ang Diyos. Para hadlangan ang pananampalataya ko, madalas niya akong binabantayan na para bang isa akong kriminal, sinusundan at minamanmanan ako, na hindi nagbibigay ng kalayaan sa akin, at noong malaman niyang nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa aking kuwarto, para siyang nabaliw, binasag ang bintana para pumasok at hinampas ako. Para pilitin akong ipagkanulo ang Diyos, aktibo pa niyang iminungkahi sa mga pulis na arestuhin ako, hindi nagpapakita ng pag-aalala kung mabuhay o mamatay man ako, o ng kahit anong pagmamahal ng isang ama sa anak. Ipinaunawa nito sa akin na ang kalikasang diwa niya ay sa isa na lumalaban at namumuhi sa Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang mga mananampalataya at walang pananampalataya ay dalawang magkaibang uri ng mga tao, at totoo talaga ito! Sumusunod ako sa Diyos at hinahangad ang katotohanan, tinatahak ang tamang landas sa buhay, samantalang hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko at sinusunod ang Partido Komunista para usigin ako. Bagamat may relasyon kami sa dugo, wala kami sa parehong landas at pangunahing di-magkaayon. Sa pagdaranas sa mga bagay na ito, nagkamit ako ng kaunting pagkilatis sa diwa ng mga magulang ko, at nagawa kong bitiwan ang ilang mga emosyonal na ugnayan ko sa kanila. Kalaunan, dahil patuloy na iginigiit ng himpilan ng pulisya na pirmahan ko ang garantiya ng pagtalikod, umalis ako ng bahay at nagtago.
Pagkatapos ay may isang bagay na nangyari, na mas malinaw na nagpakita sa akin ng mga diwa ng mga magulang ko. Isang gabi, nang dumaan ako sa aming nayon habang ginagawa ang mga tungkulin ko, umuwi ako sa bahay para kumuha ng ilang gamit, at nang makita ng mga magulang ko na umuwi ako, inudyukan na naman nila akong huwag nang manampalataya sa Diyos. Sinabi ng tatay ko, “Pinalaki ka namin na umaasang susuportahan mo kami pagtanda namin, pero ngayon, araw-araw kang pumupunta sa mga pagtitipon, mukhang hindi na kami makaaasa sa iyo.” Noong una, hindi ako sumagot sa kanila, pero nagulat ako, biglang pinagsasampal ng tatay ko ang kanyang mukha, sinasaktan ang sarili niya habang hinihiling na tumigil ako sa pananampalataya sa Diyos, na nagpadugo ng ilong niya. Natigilan ako. Hindi ko kailanman inasahan na gagamitin ng tatay ko ang gayong mga pamamaraan para pilitin akong isuko ang pananalig ko sa Diyos. Umiiyak din ang nanay ko at hinihimok ako. Lubha akong nalungkot, at hindi ko mapigilan ang mga luha ko, iniisip na, “Lubha bang mapipinsala ng tatay ko ang kanyang sarili kung patuloy niyang hahampasin ang sarili niya? Kung tutuusin, tatay ko siya, at hindi puwedeng tingnan ko lamang siya habang sinasaktan niya ang kanyang sarili, pero hindi rin ako makasang-ayon na tumigil sa pananampalataya sa Diyos. Ano ang dapat kong gawin?” Nang sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin; dapat nilang matulungan ang isa’t isa at tustusan ang isa’t isa, upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na ang pananakit ng tatay ko sa sarili niya ay sinadya para pigilan ako sa pananampalataya sa Diyos, na isang pakana ni Satanas. Kaya hindi ako nakipagkompromiso sa kanila. Dahil nakita nilang nanatili akong matatag, sa huli ay tumigil magsalita ang mga magulang ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagmamahal ng mga magulang para sa kanilang mga anak ay itinutulak ng kanilang mga makasariling pagnanais. Pagkatapos akong maaresto dahil sa pananampalataya sa Diyos, nadama ng mga magulang ko na nagdala ako ng kahihiyan sa kanila at natakot sila sa mga pulis na magdudulot ng gulo sa kanila. Kaya, gumamit sila ng iba’t ibang pamamaraan para hadlangan ang pananampalataya ko sa Diyos, umabot pa nga sa pananakit sa sarili nila para pilitin ako. Napagtanto kong hindi tunay ang kanilang pagmamahal para sa akin. Hindi dalisay ang pagmamahal ng mga magulang, at para ito sa mga personal nilang interes. Kung nakinig ako sa kanila at isinuko ang pananampalataya ko sa Diyos, paano ako maliligtas? Hindi nila ako minamahal; sinasaktan nila ako! Hindi na ako puwedeng mapigilan ng pagmamahal. Gaano man ako subukang hadlangan o usigin ng mga magulang ko, nagpasya akong sumunod sa Diyos hanggang sa dulo.
Kalaunan, nang maisip ko ang pananakit ng tatay ko sa sarili niya, nakadama pa rin ako ng kaunting pagkabalisa at panghihina. Nabasa ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Dapat magkaroon ang mga kabataan ng pagtitiyaga para magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matupad ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat maging mapagpaimbabaw at makasalanan—dapat silang maging matatag sa wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay na lamang, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na bilang isang nilikha, kailangan kong manampalataya at sumunod sa Diyos, at gawin ang tungkulin ko. Sa ganitong paraan, may halaga at kabuluhan ang buhay. Kung hinanap ko ang pansamantalang kaginhawahan alang-alang sa katiwasayan ng pamilya, at nawala ang pagkakataon kong hangarin ang katotohanan at mailigtas ng Diyos, hindi ba’t mabubuhay ako para sa wala? Dahil pinili kong manampalataya sa Diyos, hindi ako dapat mapigilan ng sinuman o anuman, at dapat akong matatag na magpatuloy. Ito ang pagpapasya at pagtitiyagang dapat mayroon ang isang kabataan. Naisip ko si Pedro, na hinadlangan ng mga magulang niya sa kanyang pananampalataya sa Diyos, pero si Pedro ay may pagpapahalaga sa katarungan at may isang malinaw na pagkakakilala sa pagitan ng kung ano ang minahal at kinamuhian niya. Hindi siya napigilan ng kanyang mga hindi nananampalatayang magulang at matatag na sumunod sa Panginoong Jesus. Sa pagsunod sa Panginoon, naranasan niya ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, nagbago ang buhay disposisyon niya, at sa huli, pabaligtad siyang ipinako sa krus bilang isang patotoo sa Diyos. Tunay na pinakamakabuluhan ang buhay ni Pedro. Bagamat malayo ako sa halimbawa ni Pedro, handa akong tularan siya nang hindi napipigilan ng sinuman o anuman, hinahangad ang katotohanan, at namumuhay ng isang makabuluhang buhay. Pagkatapos kong maunawaan ang layunin ng Diyos, nakadama ng ganap na kalayaan ang puso ko. Hindi na ako nababagabag dahil sa saloobin sa akin ng mga magulang ko, at gusto ko lang gawin nang maayos ang tungkulin ko para mapalugod ang Diyos. Kalaunan, nang makita ng mga magulang ko na determinado akong nananampalataya sa Diyos, at na tunay na wala silang paraan para hadlangan ako, tumigil sila sa panggugulo sa akin. Ngayon, palagi akong nakikipagtipon sa iglesia at ginagawa ang tungkulin ko, at tunay na panatag at payapa ang puso ko!