Nang Magkaroon Ako ng mga Paghihirap sa Pangangaral ng Ebanghelyo

Oktubre 13, 2022

Ni An’fen, Myanmar

Noong 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Napakalaking pagpapala sa akin na masalubong ang pagbabalik ng Panginoon. Para ipalaganap ang napakahalagang magandang balitang ito, sinimulan kong ipangaral ang ebanghelyo, umaasa na mas maraming tao ang makababalik sa Diyos matapos marinig ang Kanyang tinig. Gayunpaman, noong Pebrero 2022, dahil sa pagsupil ng gobyerno ng Myanmar sa paniniwalang panrelihiyon, inusig ang iglesia ko, at lubhang nahadlangan ang gawain ng ebanghelyo. Hindi dumalo sa mga pagtitipon ang ilang kapatid dahil sa kaduwagan at kahinaan, ang ilan ay naging pasibo sa kanilang mga tungkulin, at talagang nahinto ang gawain ng ebanghelyo. Nung panahong ‘yon, pasibo rin ako sa tungkulin ko. Ginagawa ko ang anumang ipinapagawa ng lider ko. Pakiramdam ko, normal kong dinidiligan ang mga tao, pero sila ang hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon at nagiging pasibo sa kanilang mga tungkulin. Kaya wala na akong magagawa pa. At kung minsan, walang internet, kaya hindi ako makapag-online kasama ang mga kapatid ko para malaman ang tungkol sa gawain, na nangangahulugang kailangan kong lumabas para maghanap ng internet. Kung minsan, matagal na akong naghahanap pero wala pa rin akong makitang may maayos na internet, at habang tumatagal, ayoko nang mag-online para malaman ang tungkol sa gawain. Nung panahong ‘yon, ipinangaral ko ang ebanghelyo sa kamag-anak ng isang sister. Tinanggap ng kanilang pamilyang may tatlong miyembro ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, kaya tumira ako ro’n at diniligan sila sa loob ng sampung araw. Kuntento na akong diligan ang tatlong baguhan na ito, at ayoko nang mangaral pa. Naisip ko, “Napakaraming kumakalat na sabi-sabi sa kalapit na mga nayon kaya mahirap ipalaganap ang ebanghelyo. Kung madidiligan ko nang maayos ang pamilyang ito na may tatlong miyembro, isasama nila ako para mangaral sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Hindi ba’t isa itong magandang paraan para ipangaral ang ebanghelyo?” Kaya, kapag binabanggit ng mga kapatid ko ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo sa mga kalapit na nayon, bihira kong tinatalakay kung pa’no ipapangaral ang ebanghelyo sa kanila. Direkta itong nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo.

Nang suriin namin ang gawain kalaunan, sinabi ng lider na talagang nahinto ang gawain ng ebanghelyo ng aming iglesia sa buwang iyon, at binanggit ang ilang iba pang problema. Lubha ko itong ikinalungkot. Kalaunan, ipinaalala sa akin ng isang sister na naging kuntento ako sa kasalukuyang kalagayan at hindi naghahanap ng pag-usad sa aking tungkulin. Bigla akong namulat dahil dito. Napagtanto ko na hindi ako nagdadala ng pasanin sa tungkulin ko. Bilang lider ng iglesia, hindi ko ginawa ang dapat gawin ng isang lider, at hindi ko hinarap o nilutas ang mga paghihirap, na nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo bilang resulta. Habang mas iniisip ko ito, mas sumasama ang pakiramdam ko. Habang nagninilay ako, nabasa ko sa salita ng Diyos, “Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaisip ang kalooban ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para makapasok sa buhay—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaisip ang kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, sobra akong nakonsensya. Isa akong lider ng iglesia, pero nang makita ko na nahinto ang gawain ng ebanghelyo, hindi ako nag-apura, nakahanap ako ng mga obhektibong dahilan, at akala ko na dahil wala akong maayos na internet, makatwiran na hindi ko nalalaman ang tungkol sa gawain. Pagdating naman sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na ibinigay ng aking mga kapatid, bihira akong makipagbahaginan sa lahat kung paano ipapangaral ang ebanghelyo sa kanila, at kapag gustong talakayin sa akin ng mga sister ang gawain, hindi nila ako mahagilap. Nahaharap sa pang-uusig sa iglesia, naging matatakutin at nanghina ang aking mga kapatid, hindi makapagtipon nang normal o magawa ang kanilang mga tungkulin, pero hindi ko hinanap ang katotohanan para sa solusyon. Sa wakas ay napagtanto ko na ang pagkahinto ng gawain ng ebanghelyo ay direktang may kinalaman sa akin. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila.” Napagtanto ko na ako ang makasariling tao na inilalarawan sa salita ng Diyos. Hindi ako nagdala ng pasanin sa gawain ng iglesia, palagi akong kuntento na sa kasalukuyang kalagayan, sariling kaginhawahan ko lang ang iniisip ko, ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga. Nang makita kong nagdurusa ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia, hindi ako nag-apura o nabalisa, at naging mahina at pasibo ako sa aking mga paghihirap. Talagang napakamakasarili ko. Naisip ko ang mga iglesia sa ibang lugar na inusig din ng gobyerno, pero nangangaral pa rin ng ebanghelyo ang mga kapatid at nagtatayo ng mga bagong iglesia, habang ang gawain ng ebanghelyo sa aming iglesia ay nahinto. Ang lahat ng ito ay dahil makasarili ako at kasuklam-suklam, hindi nagdala ng pasanin, at hindi umako ng responsibilidad. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa Diyos. Noong nagdadala ako ng pasanin dati, kapag may sinumang nagsisiyasat sa tunay na daan, mabilis akong nagsasaayos ng isang taong mangangaral ng ebanghelyo, at kapag nagkakaproblema ang mga kapatid, nagbabahagi ako ng katotohanan para lutasin ang mga ito. Habang mas lalo akong nakikipagtulungan, mas lalo akong nagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, nagiging epektibo ang aming gawain ng ebanghelyo, at nakakaramdam ako ng kaginhawahan at kasiyahan. Pero nitong huli, dahil ginawa ko ang aking tungkulin nang hindi nagdadala ng pasanin, hindi naging epektibo ang gawain ng ebanghelyo. Sa panahong ito, hinggil sa mga salitang ito ng Diyos, “Sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para makapasok sa buhay—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos.” Nagkamit ako sa wakas ng kaunting pagkaunawa. Tanging ang mga nagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos at nagdadala ng pasanin sa gawain ng iglesia ang maaaring gawing perpekto ng Diyos. Napagtanto ko rin na kung hindi ko mababago ang pasibo kong kalagayan, hindi lang nito maaapektuhan ang gawain ng iglesia, sa huli, mabubunyag at mapapalayas din ako. Sa pag-iisip nito, medyo natakot ako. Hindi na ako pwedeng maging pasibo at pabaya. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong magdala ng pasanin, at gabayan ako sa pagsasaalang-alang sa Kanyang kalooban at paggawa nang maayos sa aking tungkulin.

Pagkatapos nun, tinalakay ko sa superbisor at mga lider ng grupo kung saan pa kami pwedeng pumunta para ipangaral ang ebanghelyo. Nakahanap kami ng isang nayon kung saan ang lahat ng tao ay nananalig sa Panginoon, pero walang angkop na tao para pumunta nung panahong ‘yon. Naisip ko, “Sa pagkakataong ito, kailangan kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at hindi na ako pwedeng hindi magdala ng pasanin gaya ng dati. Kailangan kong maagap na tanggapin ang responsibilidad na ito.” Kaya, nagprisinta ako na pumunta sa nayon na iyon para ipangaral ang ebanghelyo. Pero medyo kinakabahan ako, dahil hindi ko pa napapatotohanan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw nang mag-isa lang dati, kaya nag-aalala ako na baka hindi ako makapagsalita nang malinaw. Naisip ko, “Hindi ko alam kung may internet sila roon. Pwede kayang hayaan na online magbahagi ang mga kapatid na nangangaral ng ebanghelyo?” Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, at na umaasa ako sa mga tao, kaya nagdasal ako sa puso ko, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng karunungan at pananalig para maipalaganap ang ebanghelyo roon. Nang marating ko ang nayon, diretso akong dinala ng isang sister sa bahay ng mayor para mangaral. Sa ‘di inaasahan, gusto akong dalhin ng mayor sa pastor. Nang marinig ko ‘yon, natuwa ako, pero medyo nag-alala rin ako, “Hindi ko pa kailanman naipangaral ang ebanghelyo nang mag-isa. Kung may mga kuru-kuro ang pastor, paano ako dapat magbahagi sa kanya? Paano kung bukod sa hindi niya ito tanggapin, kontrahin pa niya ako? Maipapalaganap pa kaya namin ang ebanghelyo sa nayon na ito?” Sobra akong nababalisa. Nang marating ko ang bahay ng pastor, gusto kong humingi ng tulong sa mga kapatid ko, pero walang internet sa cellphone ko. Hindi ko alam kung saan magsisimula, kaya paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, nagmamakaawa sa Diyos na samahan ako at bigyan ako ng pananalig para mapatotohanan ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Matapos kong magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Totoo ‘yon. Ang Diyos ay makapangyarihan, at lahat ng tao, usapin, at bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, kabilang na ang mga puso at espiritu ng mga tao, kaya kailangan kong matutong umasa sa Diyos. Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, kung ang pastor na ito ay Iyong tupa, sigurado ako na mauunawaan niya ang Iyong tinig at tatanggapin ang Iyong gawain.” Matapos akong magdasal, nakaramdam ako ng lakas sa puso ko, na parang walang imposible kung nasa tabi ko ang Diyos. Tapos, ginamit ko ang mga kasalukuyang sakuna at ang mga isyu sa mundo para talakayin ang mga propesiya ng pagparito ng Panginoon. Matapos marinig ito, sumang-ayon ang pastor at naramdaman niyang malamang na bumalik na ang Panginoon. Nagpadala rin siya ng mga tao para ipatawag ang dalawa pang pastor para makinig. Natakot akong hindi ako makapagsasalita nang malinaw at hindi ko malulutas ang kanilang mga problema, kaya sa puso ko, tumawag ako sa Diyos nang paulit-ulit para hilingin sa Kanya na gabayan ako. Naalala ko noong inutusan ng Diyos si Moises na akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto. Alam ni Moises na magiging mahirap at mapanganib ang pagpunta sa Paraon ng Ehipto, pero may saloobin siya ng pagsunod at pagpapasakop. Kasama niya ang Diyos, sinusuportahan siya, at sa gabay ng Diyos, nadala ni Moises ang mga Israelita palabas ng Ehipto. Tapos, naalala ko ang kwento ng pagtalo ni David kay Goliat. Nang makita ng mga Israelita si Goliat, natakot sila. Si David lang ang naglakas-loob na lumabas at lumaban. Sinabi ni David kay Goliat, “Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may kalasag; nguni’t ako’y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo” (1 Samuel 17:45). Bilang resulta, napatay ni David si Goliat gamit lang ang isang maliit na bato. Mula sa dalawang kwentong ito, nakita ko na sa harap ng mga paghihirap, tanging sa tunay na pananampalataya natin makikita ang mga gawa ng Diyos, at na ang katapusan ng mga tao ay ang simula ng Diyos. Sa pag-iisip nito, nakahanap ako ng lakas ng loob.

Sa oras na iyon, dalawang iba pang pastor ang dumating. Gumamit ako ng mga biblikal na propesiya para ibahagi sa kanila kung paano nagpapakita at gumagawa ang Diyos sa katawang-tao sa mga huling araw, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at kung ano ang pagkakatawang-tao. Nagpatotoo rin ako na pumarito ang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol at pagdadalisay, na ang pangalan ng Diyos sa mga huling araw ay Makapangyarihang Diyos, at na Siya ang nagbalik na Panginoong Jesus. Nang matapos ako, tuwang-tuwa ang unang pastor kaya naiyak siya. Pinunasan niya ang mga luha niya habang sinasabing, “Mahigit apatnapung taon na akong nangangaral para sa Panginoon, at halos buong-buhay kong hinintay ang Kanyang pagbabalik. Ngayon, nagbalik na talaga ang Panginoon! Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa katunayang masasalubong ko ang Panginoon ngayon!” Nang marinig ang sinabi ng pastor, naantig ako kaya napaiyak ako kasama siya, at labis din ang pasasalamat ko sa Diyos. Sa totoo lang, hindi gano’n kapuspusan ang pagbabahagi ko, kaya para matanggap ng pastor ang ebanghelyo at maunawaan ang mga salita ng Diyos ay ganap na dahil sa patnubay ng Diyos.

Tinanggap ito ng pastor, at sinabi niyang ipaparinig niya sa buong nayon ang pangaral ko nung gabing ‘yon. Tuwang-tuwa ako na paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos sa puso ko. Nung gabing iyon, inimbitahan ng pastor at ng mayor ang mga mamamayan ng dalawang nayon para sama-samang magtipon, at sinabi sa lahat ang magandang balita ng pagparito ng Panginoon. Nung gabing ‘yon, mahigit tatlumpung tao ang tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sabi ng ilang taganayon, “Apat na taon na mula nang ipagbawal ng gobyerno ang pananalig namin sa Panginoon. Lahat kami ay namumuhay sa pasakit, at hinahanap-hanap namin ang pagdaraos ng mga pagtitipon. Salamat sa Diyos!” Isa pang taganayon ang naantig at nagsabing, “Ilang taon na kaming hindi nakakapagtipon. Pumarito ka para ipangaral ang ebanghelyo sa amin, para marinig namin ang tinig ng Diyos, at labis akong nagpapasalamat sa Diyos dahil dito.” Sa loob ng isang gabi, naipalaganap sa buong nayon ang ebanghelyo. Hindi ko kailanman inasahan na sa unang beses na ipinangaral ko ang ebanghelyo, tatanggapin ito ng pastor, kasama ang napakaraming iba pa. Talagang kamangha-mangha ito! Alam kong resulta ito ng gawain ng Banal na Espiritu, pero inisip ko pa rin na magaling ako at ginawa nang napakahusay ang tungkulin ko. Bago ko pa namalayan, nagsimula akong makaramdam ng pagmamalaki at nakuntento na naman sa kasalukuyang kalagayan, kaya ang gusto ko lang ay diligan ang mga baguhang ito kasama ang sister na namamahala sa pagdidilig, at ayoko nang humayo para mangaral ng ebanghelyo. Nung panahong ‘yon, bihira akong magtanong tungkol sa gawain ng iglesia, at mas bihira akong magdasal sa Diyos kaysa dati.

Isang araw, china-charge ko ang cellphone ko, at nagshort-circuit ito. Inilagay ko sa ibang cellphone ang SIM card ko, pero sa ‘di inaasahan, nasira din ang cellphone na ‘yon. Sa puntong ito, napagtanto ko na nahaharap ako sa problemang mahirap lutasin, at maaaring pagdidisiplina ito ng Diyos, kaya sinimulan kong pagnilayan ang mga problema ko. Nabasa ko sa salita ng Diyos, “Karaniwan, kayong lahat ay namumuhay sa katamaran, kawalan ng sigla, hindi handang gumawa ng anumang personal na sakripisyo; o nakatunganga lang kayo, at nagrereklamo pa ang ilan; hindi nila nauunawaan ang mga mithiin at kabuluhan ng gawain ng Diyos, at mahirap para sa kanila na habulin ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay namumuhi sa katotohanan at sa kahuli-hulihan ay aalisin. Walang isa man sa kanila ang nagagawang perpekto, at walang isa man ang maaaring makaligtas. Kung wala ni katiting na determinasyon ang mga tao na labanan ang mga puwersa ni Satanas, wala silang pag-asa!(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Pagsasagawa 7). “Huwag kang maging walang-pakialam na tagasunod ng Diyos, at huwag habulin yaong nakakaganyak sa iyo. Sa pagiging sala sa init o sala sa lamig sisirain mo ang sarili mo at maaantala ang buhay mo. Alisin mo sa iyong sarili ang gayong pagiging walang-pakialam at kawalan-ng-pagkilos, at maging dalubhasa sa paghahabol ng mga positibong bagay at mapagtagumpayan ang iyong sariling mga kahinaan, upang maaari mong matamo ang katotohanan at isabuhay ang katotohanan. Walang nakakatakot tungkol sa iyong mga kahinaan, at ang iyong mga pagkukulang ay hindi ang iyong pinakamalaking problema. Ang iyong pinakamalaking problema, at ang iyong pinakamatinding pagkukulang, ay ang iyong pagiging hindi mainit ni malamig at ang kakulangan ng iyong pagnanasa na hanapin ang katotohanan. Ang pinakamalaking problema sa inyong lahat ay ang duwag na kaisipan kung saan ay masaya na kayo sa kalagayan ng mga bagay-bagay, at naghihintay lang nang walang ginagawang hakbang. Ito ang inyong pinakamalaking balakid, at ang pinakamatinding kaaway sa inyong paghahabol sa katotohanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Matapos mabasa ang salita ng Diyos, pinagnilayan ko ang sarili ko. Nang makita kong lumaganap ang ebanghelyo sa buong nayon, naramdaman ko na nasiyahan ang Diyos sa pagganap ko ng aking tungkulin, kaya nagmalaki ako at nakuntento sa kasalukuyang kalagayan, at ayoko nang patuloy na magpalaganap ng ebanghelyo. Sa sandaling nagkaroon ako ng mga resulta, hindi na ako naghangad ng karagdagang pag-usad. Napakatindi ng pagnanais ko na makuntento sa kasalukuyang kalagayan. Dati-rati, naaantala ko ang gawain ng ebanghelyo dahil nakukuntento na ako sa kasalukuyang kalagayan, at ginagawa ko na naman ito ngayon. Hinihingi ng Diyos na ibuhos natin ang ating buong puso at isipan sa ating mga tungkulin. Paanong masisiyahan ang Diyos sa pagganap ko ng tungkulin? Noon ko napagtanto na kung hindi ako umuusad sa tungkulin ko, bumabalik ako sa dati, at pagdating sa pagpasok sa buhay at sa mga resulta ng pangangaral ng ebanghelyo, mapag-iiwanan ako. Lagi akong nakukuntento sa kasalukuyang kalagayan, hindi ko hinahangad ang katotohanan, at lumalayo ang loob ko sa Diyos. Kalaunan, maipapahamak ko lang ang sarili ko nang gano’n. Ang pagkakuntento sa kasalukuyang kalagayan ang pinakamalaki kong balakid sa paghahangad ng katotohanan at paggawa ng aking tungkulin, at maipapahamak at masisira ko lang ang sarili ko. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Sa pagiging sala sa init o sala sa lamig sisirain mo ang sarili mo at maaantala ang buhay mo.” At sinasabi ng Pahayag, “Kaya sapagka’t ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig(Pahayag 3:16). Ako ang maligamgam na tubig sa salita ng Diyos, hindi ako malamig o mainit, at kuntento na sa kasalukuyang kalagayan. Kung magpapatuloy akong ganito, mawawalan ako ng pag-asa, at talagang mapapalayas ako. Sa pag-iisip nito, medyo natakot ako, kaya nagdasal ako sa Diyos para magsisi, sinasabi na kahit anong paghihirap ang kakaharapin ko sa hinaharap, magsusumikap ako, hinding-hindi babalik sa dati, at hindi kailanman makukuntento sa kasalukuyang kalagayan.

Pero nung nagsisimula na akong maging maagap sa pangangaral ko, naharap ako sa isa pang malaking paghihirap. Iniulat kami, kaya nalaman ng pamahalaang bayan na may mga taong pumunta para ipangaral ang ebanghelyo. Kapag nakita kami, malamang na aarestuhin kami, kasama ang mga taganayon at ang mayor. Natakot ang mayor at mga taganayon na madamay, kaya pinaalis nila kami at pinababalik kapag kumalma na ang sitwasyon. Naisip ko, “Anong mangyayari sa mga baguhang ito kapag umalis kami? Katatanggap lang nila ng ebanghelyo at wala man lang pundasyon. Pero kung pareho kaming mananatili, madali kaming makakakuha ng atensyon.” Sa huli, nagpasya kaming paalisin ang sister na tagapagdilig, samantalang nanatili naman ako sa nayon nang mag-isa para suportahan ang mga baguhan. Kahit na alam kong ang pagsasaayos na ito ang pinakaangkop, medyo nalungkot ako. Pakiramdam ko, talagang mag-isa na lang ako sa isang di-pamilyar na lugar. Marami pa ring kuru-kuro ang pastor at hindi ganap na sigurado tungkol sa tunay na daan, at natatakot siyang maaresto kaya gusto rin niya akong umalis. Nakadama ako ng matinding pagkaagrabyado. Pinapaalis ako ng pastor at ng mayor, at para bang wala akong tahanan. Sa pamumuhay sa ganitong kalagayan, wala akong motibasyon na magdasal, at nakaramdam ako ng kaunting pangungulila. Nang magbahagi ako sa pastor, nakita ko na marami pa rin siyang kuru-kuro. Kaya naniwala ako na walang mabuting pagkaunawa ang pastor. Nang makita kong kakaunting baguhan ang pumupunta sa mga pagtitipon sa takot na maaresto, hindi ako nagdala ng pasanin sa pagsuporta sa kanila. Nung panahong ‘yon, naisip ko, “Mabuti’t dumating ang iilang ito. Tinawagan ko sila, pero hindi pumunta ang iba, kaya wala na akong magagawa pa.” Dahan-dahan, paunti nang paunti ang mga baguhan na regular na dumadalo sa mga pagtitipon, at nalugmok ako sa paghihirap at mas lalo pang nanlumo. Kalaunan, kinausap ko ang isang sister sa telepono tungkol sa kalagayan ko, at pinadalhan niya ako ng isang sipi ng salita ng Diyos. “Ganito ang mga tao kapag hindi pa nila natatamo ang katotohanan, namumuhay silang lahat ayon sa silakbo ng damdamin—isang silakbo ng damdamin na napakahirap panatilihin: Kailangan ay may nangangaral at nagbabahagi sa kanila araw-araw; kapag walang sinumang nagdidilig at tumutustos sa kanila, at walang sinumang sumusuporta sa kanila, nanlalamig ulit ang mga puso nila, kumukupad silang muli. At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas nagkakaroon ng bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, at mas marami silang nakakamit. Ito ba ang karanasan ninyo? … Dapat magkaroon ng pagkukusa ang mga tao; iyon lamang mga may pagkukusa ang maaaring tunay na magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan nila ang katotohanan, saka lamang nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at mapapalugod ang Diyos, at maghahatid ng kahihiyan kay Satanas. Kung mayroon kang ganitong klaseng sinseridad, at hindi ka nagpaplano para sa sarili mong kapakanan, kundi para magtamo lamang ng katotohanan at magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, magiging normal ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at mananatiling di-nagbabago sa kabuuan; anumang sitwasyon ang makaharap mo, mapupursigi mong gampanan ang iyong tungkulin. Kahit sino o kahit ano pa ang dumating para iligaw o guluhin ka, maganda man o masama ang lagay ng loob mo, magagampanan mo pa rin nang normal ang iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, mapapanatag ang isipan ng Diyos tungkol sa iyo, at mabibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu sa pag-unawa sa mga prinsipyo ng katotohanan, at magagabayan ka sa pagpasok sa realidad ng katotohanan, at dahil dito, siguradong aabot sa pamantayan ang pagganap mo sa iyong tungkulin. … Dapat kang may pananampalatayang nasa kamay ng Diyos ang lahat, at na nakikipagtulungan lamang ang mga tao sa Kanya. Kung taimtim ang puso mo, makikita ito ng Diyos, at bubuksan Niya ang lahat ng mga landas para sa iyo, gagawing hindi na mahirap ang mga paghihirap. Ito ang pananampalatayang dapat mayroon ka. Samakatuwid, Hindi ninyo kailangang mabahala tungkol sa anumang bagay habang ginagampanan ninyo ang tungkulin ninyo, bastat ginagamit mo ang lahat ng lakas mo at ilalagay ito sa puso mo. Hindi gagawing mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo o pipilitin kang gawin ang hindi mo kaya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita). Sa paglapat ng salita ng Diyos, nakita ko na ginagawa ko lang ang tungkulin ko dahil sa pagkasabik, at hindi ako tapat sa Diyos. Matapos na dumating sa amin ang pang-uusig ng gobyerno, pinaalis ako ng mayor, at hindi dumalo ang mga baguhan sa mga pagtitipon dahil natakot silang maaresto. Sa harap ng mga suliraning ito, hindi ako nagkaroon ng positibong saloobin, hindi naghanap ng gabay ng Diyos, o ginawa ang makakaya ko para diligan ang mga baguhan para magkaroon sila ng pundasyon sa pananampalataya. Sa halip, naging pasibo ako at nakuntento na lamang sa iilan lang na baguhan. Dahil mismo ginawa ko ang tungkulin ko nang hindi nagdadala ng pasanin o naghahangad ng pag-usad, mas lalong hindi naging regular ang pagdalo sa mga pagtitipon ng mga baguhan. Gaya na lang ng sinasabi ng Diyos, “At kapag nanghina ang mga puso nila, sila ay nagiging hindi gaanong epektibo sa kanilang tungkulin; kung mas nagsisikap sila, nadaragdagan ang pagiging epektibo nila, mas nagkakaroon ng bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, at mas marami silang nakakamit.” Totoo talaga ito. Noong nagdala ako ng pasanin at handang magbayad ng halaga, nakita ko ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos, at epektibo ang pangangaral ko ng ebanghelyo. Pero noong nagkaroon ako ng mga paghihirap, hindi ako nagdala ng pasanin sa tungkulin ko, naging iresponsable ako, mahina, at pasibo, at kaya hindi ako naging epektibo sa tungkulin ko. Biyaya ng Diyos na nakakagawa ako ng tungkulin, pero hindi ko ito magawa nang maayos para mapalugod ang Diyos. Napakarebelde ko!

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos, “Ano ba ang ibig sabihin ng ‘panghawakan ang sariling tungkulin’? Ibig sabihin nito ay kahit anong mga paghihirap pa ang masagupa ng isang tao, hindi siya sumusuko, o hindi niya iniiwan ang kanyang tungkulin, o hindi siya nagpapabaya sa kanyang responsibilidad. Ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ganoon ang panghawakan ang sariling tungkulin. Halimbawa, sabihin nang isinaayos na gawin mo ang isang bagay. Walang sinumang naroroon para bantayan ka, wala ring naroroon para subaybayan ka at udyukan ka. Paano mo panghahawakan ang iyong tungkulin? (Tatanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos at mamumuhay sa harap Niya.) Ang unang hakbang ay tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos; iyon ang isang bahagi nito. Ang isa pang bahagi ay ang gawin ang bagay na iyon nang buong puso at buong isip mo. Ano ba ang dapat mong gawin para magawa mong kumilos nang buong puso mo at buong isip mo? Dapat mong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito; dapat mong tanggapin at sundin ang anumang hinihingi ng Diyos; dapat mong ituring na sarili mong personal na gampanin ang iyong tungkulin, na hindi kinakailangang pakialaman ng iba, ni hindi na kinakailangan pang laging bantayan, subaybayan, at udyukan, ni pangasiwaan nila—ni hindi na kailangan ng kanilang pagwawasto at pagtatabas. Dapat mong іsipin sa iyong sarili, ‘Responsibilidad ko na gampanan ang tungkuling ito. Papel ko ito, at dahil ibinigay ito sa akin para gawin ko, at nasabi na sa akin ang mga prinsipyo at naintindihan ko naman ang mga ito, pangangatawanan ko ito at gagawin ko ito nang may determinasyon. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para tiyaking magagawa ito nang maayos. Titigil lamang ako kapag may nagsabing ‘tumigil ka’; pero hangga’t wala, patuloy ko itong gagawin nang may determinasyon.’ Ito ang ibig sabihin ng panghawakan ang iyong tungkulin nang buong puso at isip mo. Ganito dapat ang maging pag-uugali ng mga tao. Kaya, ano ang dapat masangkap sa isang tao para mapanghawakan niya ang kanyang tungkulin nang buong puso at isip niya? Dapat magkaroon muna siya ng konsensya na dapat mayroon ang isang nilalang. Kahit iyon man lang sana. Higit pa roon, dapat matapat din siya. Bilang isang tao, para matanggap ang tagubilin ng Diyos, kailangan siyang maging matapat. Kailangang maging ganap siyang matapat sa Diyos, at hindi maaaring wala siyang sigla, o hindi tumatanggap ng pananagutan; mali ang kumilos batay sa sarili niyang interes o pakiramdam, hindi ito pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng pagiging matapat? Ibig sabihin nito ay habang tinutupad mo ang iyong mga tungkulin, hindi ka naiimpluwensyahan at nahihigpitan ng mga pakiramdam, sitwasyon, tao, usapin, o bagay-bagay. Dapat isipin mo sa iyong sarili, ‘Natanggap ko ang tagubiling ito mula sa Diyos; ibinigay na Niya ito sa akin. Ito ang dapat kong gawin. Kung gayon ay gagawin ko ito na itinuturing itong sarili kong gawain, sa anumang paraang nagbubunga ng magagandang resulta, na ang kahalagahan ay nakatuon sa pagbibigay-lugod sa Diyos.’ Kapag ganito ang iyong kalagayan, hindi ka lamang kontrolado ng iyong konsensya, kundi may kasama ring pagiging matapat. Kung nasisiyahan ka lamang na magawa ito, nang hindi hinahangad na maging mahusay at magkamit ng mga resulta, at nadarama mo na sapat nang magpakita lamang ng kaunting pagsisikap, pamantayan lamang ito ng konsensya, at hindi maituturing na debosyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano panatilihin ang tungkulin ko. Ipinagkatiwala sa akin ang tungkuling ito, kaya kailangan kong gawin ang makakaya ko para gawin ito nang maayos, at nang walang pangangasiwa ng sinuman. Nahaharap man ako sa mga suliranin, sangkot man ang sarili kong mga interes, o kung kailangan ko mang magdusa, kailangan kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at gampanan nang maayos ang tungkulin ko. Hangga’t nagpapatuloy ang gawain ng ebanghelyo, kailangan kong gawin ang makakaya ko at ituring ang tungkulin ko bilang aking misyon, at hindi ako pwedeng huminto, umiwas sa responsibilidad, o gumawa ng mga bagay-bagay batay sa lagay ng loob ko. Sa gayon ay mapapanatili ko ang aking tungkulin.

Sumunod nun, humayo ako para magbahagi sa mga baguhan na hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Sabi ko, “Kung hindi kayo makakapunta sa mga pagtitipon sa gabi, kapag may oras kayo sa araw, pwede akong pumunta para magbahagi sa inyo.” Naantig nito ang ilang baguhan, at handa silang pumunta sa mga pagtitipon. Isang gabi, nag-organisa ako ng isang pagtitipon kasama ang pastor at mga taganayon. Sabi ko, “Ngayon, patapos na ang gawain ng Diyos, kaya hindi tayo dapat matakot na magtipon para basahin ang mga salita ng Diyos dahil sa pang-uusig ng gobyerno. Kung gagawin natin ‘yon, mawawala sa atin ang kaligtasan ng Diyos. Ngayon, dumarami ang mga sakuna, at tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas sa atin. Dapat tayong maniwala na pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, manalig sa Diyos, at huwag umatras sa harap ng pang-uusig na kinakaharap natin. Ipinapangaral ko ang ebanghelyo sa inyong nayon, at kapag nakita nila ako, aarestuhin nila ako. Isa lamang akong babaeng bata pa, at natatakot akong maaresto, kaya bakit hindi ako umaalis? Dahil responsibilidad ko ito. Katatanggap n’yo pa lang sa ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at sa wakas ay narinig n’yo ang tinig ng Diyos. Dumating ang munting pang-uusig na ito, at hinihiling ninyo na umalis ako, pero kung aalis ako para protektahan ang sarili ko at iiwanan kayong lahat, magiging kapabayaan iyon sa tungkulin.” Matapos kong magsalita nang matapat, sinabi ng pastor sa mga taganayon, “Simula ngayon, kailangan natin siyang protektahan. Huwag n’yong sasabihin sa kahit sino na nangangaral siya ng ebanghelyo sa nayon na ito. Kung may magtanong man, sabihin n’yong hindi n’yo alam.” Nang marinig ang sinabi ng pastor, lubos akong naantig. Kahit na marami pa rin siyang kuru-kurong panrelihiyon, handa siyang maghanap, kaya nagbigay ako ng pagbabahagi na nakapuntirya sa kanyang mga kuru-kuro, at nagpadala ang mga kapatid ng ilang salita ng Makapangyarihang Diyos sa pastor. Nakinig nang mabuti ang pastor, at ang ilan sa kanyang mga kuru-kuro ay nalutas. Kalaunan, aktibong pumunta sa mga pagtitipon ang pastor, at sinabi niya sa mga taganayon, “Gusto kong pumunta kayong lahat sa mga pagtitipon. Kailangan nating tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, makasabay, at huwag mapag-iwanan. Ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus!” Salamat sa Diyos! Matapos ang karanasang ito, tunay kong nakita na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Noon, basta ko lang sinasabi na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, pero ngayon ay tunay kong nararanasan na ang lahat ay talagang nasa mga kamay nga ng Diyos, at hangga’t taos-pusong nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos, aakayin sila ng Diyos. Walang imposible sa Diyos.

Pagkaraan ng maikling panahon, pumunta sa nayon ang mga opisyal ng bayan at dinala ako at ang pastor sa pamahalaang bayan. Kinabahan ako at natakot, pero naalala ko na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at dahil hinayaan ng Diyos na mangyari ang sitwasyong ito sa akin, dapat akong sumunod. Habang naglalakad kami sa daan, tahimik akong nagdarasal sa Diyos, hinihiling sa Diyos na samahan ako. Naalala ko ang salita ng Diyos, “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang sumunod sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Nang maisip ko ang mga salita ng Diyos, naging kalmado ako, hindi na ako masyadong natatakot, at naniniwala ako na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos.

Sa pamahalaang bayan, ako at ang pastor ay ikinulong sa isang kwarto para sa interogasyon. Nung sandaling ‘yon, sumumpong ang migraine ng pastor. Wala siyang lakas, nanginginig ang kanyang mga kamay at paa, nasasaktan siya, at nag-aalala na mamamatay siya roon. Nagbahagi ako sa kanya, sinasabing, “Ang sitwasyong ito ay isang pagsubok sa atin, para makita kung tunay nating sinusundan ang Diyos. Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at walang kahit anong magagawa sa atin si Satanas kung walang pahintulot ng Diyos, kaya kailangan nating manalig.” Matapos kong magbahagi, napaiyak ang pastor. Sabi niya, “Salamat sa Diyos! Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ay kasama natin, kaya hindi ako pwedeng matakot sa kamatayan.” Tapos sinabi niya sa akin, “Kung tatanungin nila tayo, sasabihin kong anak kita, at nandito ka para tulungan ako sa gawain ko.” At kaya, nagkaroon kami ng pastor ng kumpiyansa na maranasan ang sitwasyong ito. Sa huli, ako at ang pastor ay pinagmulta ng gobernador ng bayan ng 300 yuan at pinakawalan kami.

Matapos mapagdaanan ang pag-arestong ito, nakita ko ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang mga puso at espiritu ng mga tao ay nasa kamay lahat ng Diyos. Bagamat mahirap at mapanganib ang landas ng pangangaral ng ebanghelyo, sa panahong ito, medyo nag-mature ako. Noong inusig ako dati, naging pasibo ako, pero ngayon, nagagawa ko nang maagap na umako ng responsibilidad kapag nahaharap ako sa panganib. Ang pagbabagong ito, at ang mahalagang pakinabang na ito, ay mga bagay na hindi ko sana matatanggap sa anumang iba pang paraan. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman