Ang mga Kahihinatnan ng Pananampalatayang Nakabase sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon
Noong 2004, hinirang ako ng Diyos para pumunta sa Kanyang sambahayan. Habang nakikipagtipon sa mga kapatid, minsan naririnig ko silang nagbabahagi ng kanilang mga karanasan, nagsasabing hindi nila isinuko ang mga tungkulin nila habang may karamdaman sila, at himalang gumaling sila. Nabasa ko rin ang mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat ng ilang kapatid. Isang kapatid na babae ang nagkakanser pero pinilit pa ring gawin ang mga tungkulin niya, at tinanggal ng Diyos ang kanser niya nang hindi niya nalalaman. Nang malaman ko ang mga patotoong ito, naisip ko, “Nang maharap sa mga pagsubok ng karamdaman ang mga kapatid, umasa sila sa pananampalataya para maranasan ang mga iyon—nanindigan sila sa kanilang patotoo, at gumaling ang karamdaman nila. Sa hinaharap, dapat matuto ako mula sa kanila. Kahit ano pang sakit o sakuna ang dumating, dapat kumapit ako nang mahigpit sa mga tungkulin ko at manindigan ako sa aking patotoo. Sa ganitong paraan, mabubuhay rin ako sa mga pagpapala ng Diyos gaya ng mga kapatid.”
Noong tag-araw ng 2011, isang tanghali, ang anak kong pitong taong gulang ay naglalaro sa sala suot ang roller skates. Aksidenteng natamaan niya ang telebisyon, na bumagsak sa kanya, dahilan kaya dinugo siya nang matindi kung saan-saan, kahit pati sa ilong niya. Nabigla ako at talagang kinabahan ako. Agad akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, anuman ang mangyari sa aking anak, mabuhay man siya o mamatay, tulungan Mong hindi magreklamo ang puso ko.” Matapos masuri sa ospital ang anak ko, sinabi ng doktor na obserbahan siya sa bahay at na basta’t hindi siya lalagnatin, magiging maayos ang lahat. Kalaunan, gumaling ang anak ko. Pagkatapos, pinag-isipan ko ang pangyayaring ito. Hindi ako nagreklamo noong nasa krisis na ito, at mabilis na gumaling ang anak ko. Mas nakumbinsi ako nito na ang hindi pagrereklamo habang nasa kalamidad at ang paninindigan sa aking patotoo ay magpapahintulot sa akin na makamit ang proteksyon at mga pagpapapala ng Diyos. Mula noon, ginugol ko ang aking sarili nang may higit pang sigasig. Kahit ano pang tungkulin ang italaga sa akin ng iglesia, kahit gaano pang paghihirap o kabayaran ang sangkot, sinusunod ko lahat. Pakiramdam ko, isa akong taong nagmamahal sa Diyos at siguradong pagpapalain ng Diyos sa hinaharap.
Noong Mayo 2016, ginagawa ko ang aking mga tungkulin malayo sa tahanan ko. Isang araw, nakatanggap ako ng sulat mula sa bahay, na nagsasabing may leukemia ang anak ko at malubha ang karamdaman niya at dinala na siya sa ospital. Pagkatapos basahin ang sulat, nablangko ang isip ko, at nagpunta ako sa aking silid para manalangin. Lumuhod ako sa kama, humihikbi nang hindi mapigilan, nagsasabing, “O Diyos, labindalawang taong gulang lang ang anak ko. Kukuhanin mo na ba talaga siya?” Pagkatapos niyon, wala na akong nasabi pang iba. Gusto kong umuwi kaagad para maalagaan ang aking anak, para aliwin at palakasin ang loob niya, pero naisip ko na may mga anticristo na nanggugulo sa buhay iglesia, hinahadlangan ang iba’t ibang gawain, at nagdadala ng kapahamakan sa buhay ng mga kapatid. Sa kritikal na sandaling ito, pinapanood ng Diyos kung ano ang pipiliin ko—kung itataguyod ko ba ang gawain ng iglesia o isasantabi ang aking mga tungkulin para alagaan ang anak ko. Naisip ko si Job na nagtiis ng matitinding pagsubok, balot ng mga sugat, pero hindi nagreklamo sa Diyos kundi nanindigan sa kanyang patotoo. Sa huli, nagpakita ang Diyos sa kanya, hindi lang siya pinagaling kundi pinagpala pa nang masagana. Nang maisip ko na ang sakit ng anak ko ay nasa mga kamay ng Diyos, kailangan ko ring piliing mapalugod ang Diyos at maitaguyod ang mga tungkulin ko, hindi hayaang manaig ang mga pakana ni Satanas. Naniniwala ako na kung maninindigan ako sa aking patotoo, pagpapalain ng Diyos ang anak ko para gumaling siya. Lalo na kung isasaalang-alang kung paano nagpasakop si Abraham sa Diyos at handa siyang isakripisyo ang nag-iisa niyang anak na si Isaac, at kung paanong hindi kinuha ng Diyos ang anak niya kundi mas pinagpala pa siya, pakiramdam ko ay sinusubok din ako Diyos sa pamamagitan ng aking anak. Kung ipagkakatiwala ko ang anak ko sa mga kamay ng Diyos at maninindigan ako sa patotoo ko, naniniwala akong pagpapalain ng Diyos ang anak ko para gumaling. Pagkatapos niyon, hindi ko na pinagtuunan ang karamdaman ng anak ko kundi iginugol ko ang aking sarili sa aking mga tungkulin.
Nang umuwi ako, sinabi ng asawa ko na walang leukemia ang anak namin; sobra lang ang puting blood cells nito at mahina ang resistensya, na maaaring mauwi sa leukemia kung walang agarang gamutan. Pumunta kami sa maraming kilalang ospital, pero kahit pagkatapos kumonsulta sa maraming eksperto, hindi nila matukoy ang karamdaman. Wala kaming ibang pagpipilian kundi ang bumalik sa bahay para sa makalumang gamutan. Gumastos kami ng mahigit dalawang libong yuan para sa mga gamot galing Tsina, pero hindi siya bumuti. Naisip ko, “Sa Diyos, walang mahirap na kaso. Basta’t tapat na umaasa ang mga tao sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya, hindi ba’t madali lang para sa Diyos na pagalingin sila?” Pagkatapos niyon, madalas akong makipagbahaginan sa anak ko, “Sa karamdamang ito, hindi tayo dapat magreklamo at dapat magpasakop tayo sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kung maninindigan tayo sa ating patotoo, sisiguruhin ng Diyos na gagaling ka sa sakit mo.” Samantala, nagtanung-tanong din ako sa lahat ng lugar tungkol sa mga katutubong gamot sa sakit ng anak ko. Gayunpaman, pagkatapos ng isang buwan, hindi na nga bumuti ang kondisyon ng anak ko, lumala pa ito. Nagsimula akong makaramdam ng pagkanegatibo at panghihina ng espiritu, naisip ko, “Ginagawa ko nang masipag ang mga tungkulin ko mula noong magkasakit ang anak ko. Bakit hindi pinapangalagaan ng Diyos ang kalusugan ng aking anak? Bakit lumalala ang kondisyon niya kahit maraming gamutan? Kung talagang magiging leukemia ito gaya ng sinabi ng mga doktor, wala na bang matitirang pag-asa sa anak ko?” Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong natatakot.
Isang umaga, halos umiiyak na sinabi sa akin ng asawa ko, “Sinubukan na natin ang lahat ng paraan para sa karamdaman ng batang ito, pero hindi na nga siya bumubuti, lumalala pa. Ano ang dapat nating gawin?” Pagkakita ko sa pagdadalamhati ng asawa ko, nakaramdam ako ng pagkabalisang hindi maipaliwanag. Kaya, kinuha ko ang mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang layunin ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting kaunawaan sa kung ano ba ang tunay na pananampalataya—ang pananampalataya sa Diyos at matibay na paninindigan sa ating patotoo sa Kanya kahit hindi natin nakikita o nahahawakan ang isang bagay, gaya ni Job, na hindi itinanggi ang Diyos kailanman. Ito ang ninanais ng Diyos. Nakipagbahaginan ako sa aking asawa, “Ang pananampalataya lang sa Diyos at paggawa ng ating mga tungkulin kapag maayos ang lahat ay hindi talaga sumasalamin sa tunay na pananampalataya. Kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok at hindi natin makita ang magiging resulta, pero kaya pa rin nating magpatuloy sa pananampalataya at pagsunod sa Diyos—tunay itong pananampalataya, at ito ang ninanais na bunga ng pagpipino at ng mga pagsubok ng Diyos. Kung hindi, mananalig lang tayo sa Diyos dahil sa Kanyang biyaya at mga kapakinabangan, at aakusahan tayo ni Satanas at tatangging kilalanin tayo. Bumuti man o hindi ang kondisyon ng anak natin, kung patuloy tayong susunod at magpapasakop sa Diyos, matatalo at mapapahiya si Satanas, at magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos mula sa atin.” Pagkarinig ng asawa ko rito, tumango siya bilang pagsang-ayon.
Pagkatapos niyon, wala pa ring makitang pagbuti sa kondisyon ng anak ko. Isang araw, nakasandal ang anak ko sa gilid ng bintana, pinapanood ang ibang mga batang papasok sa eskuwela dala ang mga bag nila. Mukhang naiinggit siya, habang may luha sa mga mata at bara sa lalamunan, sinabi niya, “Nanay, lahat ng ibang bata ay papasok sa eskuwela, pero may sakit ako at hindi ako makakapasok. Lagi mong sinasabi sa akin na magpasakop sa Diyos. Hanggang kailan ako dapat magpasakop bago ako gumaling?” Ang marinig ang mga salita ng aking anak ay parang kutsilyo sa puso ko. Hindi na iyon kinaya ng pananampalataya ko. Naisip ko, “Mula nang magkasakit ang anak ko, naghirap ako, pero pinanindigan ko palagi ang mga tungkulin ko. Nagawa ko na ang magagawa ko para makipagtulungan. Bakit hindi pa rin ginagamot ng Diyos ang sakit ng anak ko? Hindi ba sapat ang katapatan ng puso ko? Sinabi ng doktor na kung hindi magagamot ang sakit ng anak ko, puwede siyang maputulan ng paa. Kung magkaganoon, paano siya mabubuhay sa hinaharap?” Habang iniisip ang mga nakakakilabot na kahihinatnang ito, naghihirap sa sakit ang puso ko, parang ipinaraan sa gilingan. Nang umabot ako sa ganitong antas ng sakit, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, bakit hindi gumagaling ang sakit ng anak ko? Masyadong mababa ang tayog ko; hindi ko na talaga kayang tiisin ito. O Diyos, bigyang-liwanag Mo ako para maunawaan ko ang Iyong layunin.”
Noong katapusan ng Setyembre, pinadalhan ako ng sulat ng aming lider, hinihiling ang aking pakikipagtulungan sa isang partikular na tungkulin. Tumanggi ako dahil nag-aalala ako sa karamdaman ng aking anak. Kalaunan, napagtanto ko na sa lahat ng mga taon na nanampalataya ako sa Diyos, hindi pa ako tumanggi sa isang tungkulin kahit gaano pa katindi ang kinakaharap kong hirap. Pero ngayon, tinanggihan ko ang isang tungkulin dahil sa sakit ng anak ko. Nabalisa ako nang mapagtanto ko ito. Pinagnilayan ko ang saloobin ko sa Diyos sa panahong ito, at napagtanto ko na nananalangin lang ako at nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa isang pabasta-bastang paraan. Wala akong lakas sa puso ko. Araw-araw, bukod sa pagpapainom ng gamot sa anak ko, puno ng takot at pagkabalisa ang puso ko. Lagi akong nag-aalala na baka hindi na bubuti ang sakit ng anak ko at baka mawala siya sa akin, kaya hindi ako makapagtuon sa aking mga tungkulin. Nang maisip ko ito, bigla kong napagtanto—hindi ba’t ipinagkakanulo ko ang Diyos? Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay talagang natural at makatuwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Naramdaman ko ang galit ng Diyos mula sa Kanyang istriktong mga salita ng paghatol. Seryosong bagay pala ang pagbabalewala sa atas ng Diyos. Ang saloobin ng Diyos sa mga tumatanggi sa Kanyang atas ay isa na pagkasuklam at pagsumpa. Nakapagpanginig sa akin ang mga nabasa kong salitang ito. Nanampalataya ako sa Diyos sa loob ng maraming taon nang walang katotohanang realidad; nang maharap sa mga sitwasyong hindi umaayon sa aking mga kuru-kuro, kaya ko pa ring talikuran ang aking mga tungkulin at ipagkanulo ang Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nagsisising nanalangin ako sa Diyos.
Habang naghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanang mabuti ang aking tungkulin. Ang kalagayang ito ay pinangingibabawan ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ng ilang salita at doktrina ang kanilang pagkaunawa na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng hindi mananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: ‘Dapat kong itakwil ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Dapat akong maging tapat sa harap ng Diyos, at sa huli, tatanggapin ko ang pinakamalalaking gantimpala at mga pinakadakilang korona.’ Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay. Wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at magkatulad sila ng kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla. Kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan. Ang landas na tinatahak ng mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tuwirang salungat sa landas ni Pedro” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Sa pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, nakita ko na sa nakaraang maraming taon, ang pagtalikod at paggugol ko ay hindi para tuparin ang aking mga tungkulin at palugurin ang Diyos, kundi para makipagtransaksyon sa Diyos, laging pinangungunahan ng layuning magkamit ng mga pagpapala—ang tinahak ko ay ang landas ni Pablo ng paghahangad ng mga pagpapala. Mula noong tanggapin ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, nakita ko na kapag pinaninindigan ng mga kapatid ang kanilang patotoo sa panahon ng karamdaman at pagsubok, nakakatanggap sila ng pag-aalaga, proteksyon, at mga pagpapala ng Diyos. Samakatuwid, kahit gaano pa kahirap o kapanganib ang mga tungkuling itinatalaga sa akin ng iglesia, nakikipagtulungan ako nang walang anumang pasubali. Sa puso ko, matibay akong naniniwala na hangga’t naghihirap ako at nagbabayad ng halaga para sa Diyos, hindi nagrereklamo kapag nahaharap sa mga pagdurusa, at nagpapatuloy sa paggawa ng aking mga tungkulin, siguradong tatanggapin ko ang mga pagpapala ng Diyos. Nang malaman kong nagkaroon ng malubhang karamdaman ang anak ko, pinili ko pa ring gawin ang mga tungkulin ko at gugulin ang sarili ko para sa Diyos, upang pagalingin ng Diyos ang aking anak. Pero, nang hindi gumaling ang sakit ng anak ko sa loob ng matagal na panahon, nagsimula akong maghinaing laban sa Diyos. Ginamit kong pangtransaksyon sa Diyos ang dating pagtalikod at paggugol ko, nakipagtalo ako at tumutol sa Kanya, nagreklamo sa kakulangan ng proteksyon Niya sa anak ko, at tumanggi pa nga akong gawin ang mga tungkulin ko. Nakita ko na ganap na nalantad ang aking satanikong kalikasan na makasarili, ubod ng sama, at mapaghanap ng pakinabang. Ginagamit ko ang aking pagtalikod at paggugol para sa Diyos bilang paraan para humingi ng mga pagpapala mula sa Kanya. Napagtanto ko na naglalakad ako sa parehong landas ni Pablo. Ginugol ni Pablo ang kanyang sarili at nagbayad siya ng halaga para sa Diyos habang umaasang magkaroon ng mga gantimpala at isang korona, nakikipagtransaksyon sa Diyos. Dinaya at nilabanan niya ang Diyos, at sa huli ay natanggap niya ang pagkondena at pagpaparusa ng Diyos. Nang pagnilayan ko ang maraming taon ko ng pananampalataya sa Diyos, dahil sa hindi paghahangad sa katotohanan o paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa Kanyang mga salita, ginawa kong transaksyon ang paggugol ko para sa Diyos at ang pagganap ko sa tungkulin. Nakita ko kung gaano talaga ako kamakasarili at kakasuklam-suklam, ganap na hindi karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos!
Pagkatapos nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Job, at kasabay nito ay sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Pedro. Noong sinubok si Job, tumayo siyang saksi, at sa huli, nagpakita sa Kanya si Jehova. Pagkatapos niyang tumayong saksi, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: ‘Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit ipinakikita Ko ang Aking Sarili sa banal na kaharian’? Ibig sabihin niyan ay kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi, saka ka lamang magkakaroon ng dangal na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makatayong saksi para sa Kanya, wala kang dangal para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang tumayong saksi para sa Kanya at pinagtatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, tatayo kang saksi. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino kahit paano at kaya mo pa ring maging katulad ni Job, na lubos na nagpasakop sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Kahit na ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan ng pagsubok sa bawat tao sa iba’t ibang konteksto, nakita ng Diyos kay Abraham ang nais Niya, nakita Niyang totoo ang puso ni Abraham at walang pasubali ang kanyang pagpapasakop. Ito mismong pagiging ‘walang pasubali’ na ito ang ninais ng Diyos. Madalas sabihin ng mga tao na, ‘Inialay ko na ito, tinalikuran ko na iyan—bakit hindi pa rin nasisiyahan ang Diyos sa akin? Bakit Niya ako laging isinasailalim sa mga pagsubok? Bakit Niya ako parating sinusubukan?’ Ito ay nagpapakita ng isang katunayan: Hindi pa nakikita ng Diyos ang iyong puso, at hindi pa Niya nakakamit ang iyong puso. Ang ipinahihiwatig nito ay hindi pa Niya nakikita ang katapatan na gaya ng ipinamalas ni Abraham nang nagawa niyang itaas ang panaksak upang patayin ang kanyang anak sa pamamagitan ng sarili niyang mga kamay at ialay ito sa Diyos. Hindi pa Niya nakikita ang iyong walang pasubaling pagpapasakop, at hindi pa Siya nakaramdam ng kalinga sa iyo. Samakatuwid, natural lamang na patuloy kang sinusubok ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinagpapala ng Diyos ang mga tapat na gumugugol ng sarili nila para sa Kanya. Anuman ang ikinikilos ng Diyos, nagpapasakop sila nang walang pasubali sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, nang walang anumang hinihingi, hinihiling, o personal na pakikialam. Ito ay isang tunay na patotoo. Hindi ko maiwasang isipin si Job. Narinig lang niya ang tungkol sa Diyos, pero nang mawala ang lahat ng kanyang pag-aari at anak, nang mabalot siya ng mga sugat, at kutyain pa nga ng asawa niya, sumunod pa rin siya sa paraan na may pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, sinabi niya, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Hindi sinubukan ni Job na makipagnegosasyon sa Diyos o humingi sa Kanya ng mga bagay-bagay; pinanatili niya ang isang pusong dalisay para sa Diyos. Naisip ko rin si Abraham. Isandaang taon na siya noong maging anak niya si Isaac, na mahal na mahal niya. Nang hingin ng Diyos na ihandog niya si Isaac bilang isang alay, kahit may pagmamahal siya para sa anak niya, hindi siya nabuhay sa pagmamahal na iyon. Pumayag siyang ialay si Isaac sa altar. Ang kanilang pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos ay ganap at walang pasubali, walang kasamang pakikipagnegosasyon o paghingi. Ang ginawa nila ay ganap na para sundan ang daan ng Diyos, hindi para sa mga pagpapala o personal na pakinabang. Ang kanilang mga patotoo ay talagang kapuri-puri at kahanga-hanga. Gayunpaman, mali ang aking pagkaunawa noon pa man. Nang maharap ako sa karamdaman at kalamidad, basta’t patuloy kong nagagawa ang mga tungkulin ko nang hindi nagrereklamo, inakala kong sapat na ang mabubuting pag-uugali na ito para mapanindigan ko ang aking patotoo at mapalugod ang Diyos, at na matatanggap ko ang Kanyang mga pagpapala. Pero sa likod ng aking paggugol, walang sinseridad o pagpapasakop sa Diyos. Ang aking mga sakripisyo ay ganap na nauudyukan ng pandaraya, pakikipagnegosasyon, at paghingi ng mga bagay-bagay. Hindi talaga ito isang tunay na patotoo, at ang pag-uugaling ito ay kasuklam-suklam sa Diyos at hindi karapat-dapat sa Kanyang mga pagpapala. Noon, maraming beses ko nang nabasa ang tungkol sa mga patotoo nina Job at Abraham, pero hindi ako tumuon sa kung paano sila tumahak sa daan ng Diyos, natakot sa Kanya, umiwas sa kasamaan, at nanatiling tapat at nagpapasakop sa Diyos. Sa halip, tumuon ako sa mga pagpapalang tinanggap nila pagtapos nilang manindigan sa kanilang patotoo. Ang lahat ng ito ay dahil nahimok ako ng aking satanikong kalikasan na mapaghanap ng pakinabang. Sa pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting kaalaman sa kung ano ang bumubuo sa isang tunay na patotoo.
Kalaunan, naisip ko: Sa mga taon ko ng pananampalataya sa Diyos, palagi kong inakala na kung gugugol ako at magsasakripisyo para sa Diyos, dapat pagpalain ako ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng pagiging matuwid ng Diyos. Kaya nang hindi bumuti ang karamdaman ng anak ko at mas lumala pa nga, napuno ang puso ko ng mga reklamo at maling pagkaunawa, at tinanggihan ko pa nga ang tungkulin ko. Hinanap ko kung paano tamang harapin ang sitwasyong ito. Sa aking paghahanap, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi ka naging kalugud-lugod sa mga mata ng Diyos, at kung sabihin Niya na wala ka nang silbi sa Kanya pagkatapos ng iyong patotoo kaya winasak ka, ito rin ba ay pagiging matuwid Niya? Oo. Maaaring hindi mo pa ito makita sa ngayon mula sa mga katotohanan, ngunit dapat mong maunawaan ito sa doktrina. … Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang kabutihang-loob ng Diyos. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; may napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagninilay sa pagsisiwalat ng Diyos, napagtanto ko na wala akong dalisay na pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Inakala ko noon na kung igugugol natin ang sarili natin para sa Diyos at maninindigan tayo sa ating patotoo, dapat tayong pagpalain ng Diyos, alisin ang lahat ng ating paghihirap at sakit, hayaan tayong mabuhay sa Kanyang mga pagpapala. Tila patas at makatwiran ito para sa akin; akala ko ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Gayunpaman, ang ganitong uri ng pagkaunawa ay hindi nakaayon sa layunin ng Diyos. Ang Diyos ang Lumikha, at ang mga tao ay mga nilikha. Nakadepende sa Diyos kung paano Niya tayo tatratuhin, at hindi tayo dapat magkaroon ng mga hindi makatwirang hinihingi sa Diyos. Kagaya noong pinanindigan ni Job ang kanyang patotoo, ang pagpapala ng Diyos kay Job ay ang Kanyang pagiging matuwid, at kahit pa hindi Niya pagpalain si Job, matuwid pa rin Siya. Ang disposisyong diwa ng Diyos ay pagiging matuwid. Gayunpaman, nabigo akong makita ito. Naniwala ako na ang pagiging matuwid ay nangangahulugan ng pagkakapantay-pantay, pagiging patas, at pagiging makatwiran. Akala ko kung magsasakripisyo ako para sa Diyos, dapat gantimpalaan ako ng mga pagpapala. Puno ng pakikipagtransaksyon ang mentalidad na ito. Nang magkasakit ang anak ko, kahit nagtiyaga ako sa paggawa ng aking mga tungkulin, mayroong personal na dahilan sa likod niyon—ang humingi ng biyaya mula sa Diyos, ang alisin ng Diyos ang sakit ng anak ko. Sa totoo lang, isa itong transaksyon, hindi patotoo. Kung hindi dahil sa karamdaman ng anak ko, hindi pa malalantad ang ubod ng samang motibo ko ng pakikipagnegosasyon sa Diyos. Nakita ko ang pagkilos ng karunungan ng Diyos at napagtanto ko ang kawalan ko ng konsensiya at katwiran. Kaya, gumawa ako ng isang pasya: Sa kabila ng sakit ng aking anak, magpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at tutuparin ko ang aking mga tungkulin bilang isang nilikha.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng malinaw na sagot: Ang paggawa ng tungkulin ay isang bokasyon na mula sa langit. Wala itong kinalaman sa mga pagpapala o kamalasan; ito ang dapat nating gawin. Noon, nabuhay ako sa mga kuru-kuro at imahinasyon, naniniwala na kung magsisikap ako sa aking mga tungkulin, ibig sabihin ay karapat-dapat ako sa mga pagpapala ng Diyos, at dapat panatilihin ng Diyos na ligtas ang pamilya ko. Ngayon nauunawaan ko na na mali ang pananaw na ito. Bumuti man o hindi ang karamdaman ng aking anak, hindi ako dapat makipagnegosasyon sa Diyos. Mula noon, handa na akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at tuparin ang aking mga tungkulin at responsabilidad. Pagkatapos ng tatlong araw, nakatanggap ako ng sulat mula sa nakatataas na lider na nagsasabing may agarang gawain na gagawin ko. Kahit atubili akong iwan ang aking anak, nauunawaan kong hindi ako dapat mabuhay base sa pagmamahal lang. Mayroon akong sariling misyon na tutuparin, at nasa mga kamay ng Diyos ang karamdaman ng aking anak. Handa akong ipagkatiwala sa Diyos ang aking anak at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Pagkatapos niyon, ginawa ko ang aking tungkulin.
Pagkaraan ng tatlong buwan, umuwi ako para bisitahin ang anak ko at nalaman kong dinala siya ng asawa ko sa isang doktor sa baryo para ipagamot. Nabawasan ang pamamaga sa mga binti ng anak ko, at paunti-unti siyang bumubuti sa bawat araw. Pagdating ng pagtatapos ng taon, sinabi ng doktor, “Ang bilis gumaling ng batang ito. Nagamot na ang sakit niya.” Nang marinig ko ang resultang ito, sobrang natuwa ako, hindi ko masabi sa mga salita.
Pagkatapos ng karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Napagtanto ko rin na ang paghahangad na makamit ang katotohanan at matupad ang mga tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang pinakamahahalagang bahagi ng pananampalataya sa Diyos. Hindi tayo dapat humihingi sa Diyos ng mga kapakinabangang pisikal, kapayapaan sa pamilya, kalayaan mula sa karamdaman at sakuna, o ng kanais-nais na mga resulta at mga destinasyon. Hindi makatwiran ang mga hinihinging ito. Kapag umaasa tayo sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa ating pananampalataya, hindi tayo kailanman makakapasok sa katotohanang realidad. Sa pamamagitan lang ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pati na rin sa mga pagsubok at pagpipino natin makakamit ang katotohanan, maiwawaksi ang katiwalian at magagawang mabuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Kahit na nagtiis ako ng kaunting sakit at pagpipino sa pamamagitan ng sakit ng aking anak, inilantad nito ang matagal ko nang tiwaling mga karumihan at ang mga nakalilinlang na pananaw na pinanghawakan ko tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Tinulungan ako ng karanasang ito para makilala ang sarili ko, mahanap ang katotohanan, at mapagtanto kung anong uri ng patotoo ang sinasang-ayunan ng Diyos. Itinulak ako nito na mabilis na itama ang mga mali kong pananaw at lumakad sa tamang landas. Ito ang pabor ng Diyos sa akin!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.