Pagkamatay ng Aking Anak na Lalaki

Agosto 3, 2022

Ni Wang Li, Tsina

Isang araw noong Hunyo 2014, biglaang tumawag ang anak kong babae at sinabing nakuryente ang anak kong lalaki habang nangingisda. Hindi siya sigurado sa mga eksaktong detalye, pero sinabihan niya akong ihanda ko ang sarili ko. Nang marinig ko ang balitang ito, naupo ako roon sa kama, na magulo ang isip. Ang anak kong lalaki ang haligi ng pamilya. Paano kami makakaraos kung may mangyayari sa kanya? Nang medyo muli na akong naliwanagan, naisip ko na napakaraming taon na akong mananampalataya at palagi akong gumagawa ng tungkulin, kaya’t poprotektahan siya ng Diyos. Magiging maayos siya! Tumayo ako na nanghihina ang mga binti, at nakahanap ng magdadala sa akin sa pinangyarihan ng aksidente. Pagdating ko, may nakita akong forensic examiner na nag-aawtopsiya sa aking anak. Natuliro ako, hindi ko matanggap ang nangyayari sa mismong harapan ko, at nawalan ako ng lakas para maglakad. May umalalay sa akin at umakay sa akin papunta sa katawan ng anak ko, nang paisa-isang hakbang. Habang tinitingnan ang bangkay niya, hindi ko mapigilang tumalungko at humikbi. Apat na buwang gulang pa lang ang maliit kong apo. Tumatanda na kami ng asawa ko. Paano kaming lahat makakaraos nang wala ang anak ko? Nang makita akong ganito, mahinang sinabi ng anak kong babae, “Mama, wala na siya, pero kasama mo pa rin ako, at kasama mo pa rin ang Diyos!” Ang mga salita niyang “Kasama mo pa rin ang Diyos” ang gumising sa akin mula sa pagdadalamhati ko. Totoo iyon. Ang Diyos ang suporta ko—paano ko Siya makakalimutan? Pinigil ko ang aking pagdadalamhati, pinunasan ang mga luha ko, at kumilos para asikasuhin ang mga dapat asikasuhin.

Pagkabalik ko sa bahay, naluha ako nang maalala ko ang mukha ng anak ko. Talagang nasasaktan ako. Ang mga kaibigan, kamag-anak, at kapitbahay namin ay umismid at mapanakit na nagsabing, “Naniniwala ka nga sa Diyos, pero namatay pa rin sa pagkakuryente ang anak mo? Hindi pinrotektahan ng Diyos ang pamilya mo, sa kabila ng pananampalataya mo!” Kalaunan ay pinuna rin ako ng anak kong babae, sinasabing, “Bakit namatay ang kapatid ko kung isa kang mananampalataya? Bakit hindi siya pinrotektahan ng Diyos?” Ang marinig ang mga ito ay lalong nagpalala sa pighati na nararamdaman ko. Hindi ko natiis ang panunuya nila—nagsimula akong magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos. Naisip ko kung paano ko iginugugol ang aking sarili sa pananampalataya ko sa Panginoon. Minsan ay nagbibisikleta ako nang milya-milya para sumuporta sa ibang mga mananampalataya, at tag-araw man o taglamig, umuulan man o mahangin, kahit kailan ay hindi ako nagpaliban. Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, lalo pa akong nagsakripisyo para magawa ang tungkulin ko, at masigasig akong nakibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Patuloy akong sumunod sa Diyos kahit nang siilin ako ng malaking pulang dragon at halughugin nito ang tahanan ko. Bakit hindi pinrotektahan ng Diyos ang pamilya ko, pagkatapos ng lahat ng ibinigay ko? Bakit mangyayari iyon? Lalo’t lalo kong naramdamang naagrabyado ako, at hindi ko mapigilang umiyak. Ilang araw akong labis na nabagabag. Ayaw kong magbasa ng mga salita ng Diyos o magdasal, at sa halip ay iniraos ko lang ang bawat araw nang may kadiliman sa aking puso. Dahil napagtatanto kong nasa mapanganib akong kalagayan, nagdasal ako sa Diyos, at sinabing, “Diyos ko, hindi ko mapakawalan ang pagkamatay ng anak ko. Mali ang pagkaunawa ko sa Iyo at sinisisi Kita. Diyos ko, napakanegatibo at napakahina ko ngayon. Pakiusap, iligtas Mo ako, tulungan Mo akong maunawaan ang kalooban Mo at makaalis sa mali kong kalagayan.”

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos matapos magdasal: “Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang normal na pag-iral na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas gamit ang iyong pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga sandatang tutulong sa iyo upang talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin; at sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagpanaw ng aking anak ay isang pagsubok para sa akin. Kailangan kong sumandig sa aking pananampalataya para malagpasan ito at makatayong saksi para sa Diyos, hindi maging negatibo at mahina tulad ng nararamdaman ko noon, mawalan ng pananampalataya sa Diyos, at magkaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya at sisihin Siya. Naisip ko nang subukin ni Satanas si Job. Ang mga alaga niyang hayop sa mga gilid ng burol at lahat ng kanyang mga pag-aari ay kinuha ng mga magnanakaw, ang sampu niyang anak ay namatay lahat, at siya mismo ay lubusang nabalot ng mga pigsa. Pero mas pinili ni Job na sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan, sa halip na itatwa ang pangalan ng Diyos at sisihin Siya. Sinabi niya, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Nagbigay si Job ng maganda at matunog na patotoo para sa Diyos at ipinahiya niya si Satanas. Pero ako naman, mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at sinisisi ko ang Diyos matapos lang mawala sa akin ang anak ko. Kahit kaunti ay hindi ako maihahambing kay Job—hiyang-hiya ako. Naisip ko rin kung paanong, nang subukin si Job, sinabihan siya ng asawa niyang talikuran na lang niya ang Diyos at mamatay na. Mukhang tinutuligsa siya ng asawa niya, pero ang nasa likod niyon, sinusubukan siya ni Satanas. Hindi ba’t gumaganap ang mga kaibigan, kamag-anak, at anak ko sa papel ni Satanas? Ginagamit ni Satanas ang panunuya ng mga tao sa paligid ko para subukin at atakihin ako para pagtaksilan ko ang Diyos. Kung patuloy akong mamumuhay sa pagiging negatibo, maling pagkaunawa at paninisi sa Diyos, mabibiktima ako ng panlilinlang ni Satanas at magiging ganap na katatawanan nito. Noon ko napagtanto, na pinapanood ako ni Satanas sa buong paghihirap kong iyon, at umaasa ang Diyos na ako ay tatayong saksi para sa Kanya at ipapahiya si Satanas. Sa lahat ng mga taon ko ng pananampalataya, alam kong nagtamasa ako ng napakaraming panustos mula sa mga salita ng Diyos, at ngayong panahon na para magbigay ako ng patotoo sa Diyos, kailangan kong tumigil na sa maling pagkaunawa at paninisi sa Kanya, at pagpapatawa kay Satanas. Kailangan kong tumayong saksi at ipahiya si Satanas! Dito, hindi na kasingmiserable at hina ang pakiramdam ko tulad ng dati. Lumago ang pananampalataya ko at handa na akong sumandig sa Diyos at makalagpas sa sitwasyong iyon.

Kalaunan, napaisip ako kung bakit masyado akong naging negatibo at puno ng mga reklamo nang maharap sa sitwasyong iyon. Tapos, isang araw, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! … Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? … Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at na sinisi ko ang Diyos matapos ang pagkamatay ng anak ko dahil mali ang perspektibo ko sa aking pananampalataya. Mula nang magkaroon ako ng pananampalataya, pinanghawakan ko na ang motibo na pagpalain, at inisip kong dapat pagpalain ang isang buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isang tao. Ganoon pa rin ang pag-iisip ko matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, iniisip na basta’t igugol ko ang aking sarili para sa Diyos, magdusa ako at magbayad ng halaga, tiyak na pagpapalain ako ng Diyos, poprotektahan ang aking pamilya at pananatilihin silang ligtas at matiwasay. Kaya nga, anumang tungkulin ang isinaayos ng iglesia para sa akin, nagpasakop ako at maagap na nakipagtulungan gaano man iyon kahirap, nagpapakahirap na sumulong, masayang tinatanggap ang gaano man karaming pagdurusa. Paano man ako siniraan at tinanggihan ng mga kaibigan at pamilya ko at siniil ng pamahalaan, patuloy akong gumawa ng tungkulin, hindi kailanman umatras. Pero nang hindi inaasahang mamatay sa pagkakuryente ang anak ko, araw-araw akong namumuhay sa paghihirap, walang pagnanasang magdasal o magbasa ng mga salita ng Diyos. Hindi na gaya ng dati ang pagnanais kong maghanap, at sinubukan ko pa ngang mangatwiran sa Diyos, gamit ang dati kong mga pagsisikap bilang kapital. Sinisi ko ang Diyos sa hindi pagsasaalang-alang sa lahat ng sakripisyong nagawa ko, sa hindi pagprotekta sa anak ko. Hindi ko nakita ang tunay kong tayog hanggang sa maihayag iyon ng sitwasyong iyon. Dati ay lagi kong iniisip na kaya kong magsakripisyo para sa Diyos, na magdusa at magbayad ng halaga, kaya’t iyon ay pagiging dedikado at masunurin sa Kanya, at tiyak na ililigtas Niya ako sa huli. Pero inihayag ng pagkamatay ng anak ko ang aking tunay na tayog at pagkatapos ay nakita kong napakaraming motibo at karumihan sa mga pagsisikap ko. Ang lahat ng iyon ay para maging kapalit ng biyaya at mga pagpapala, at nang masira ang aking layunin at pag-asa para doon, wala akong ni katiting na gana para magsikap, o para magsagawa ng aking tungkulin. Ipinakita nito sa akin na ang lahat ng taong iyon ng pagsisipag ay para lang sa mga pagpapala, para makipagtransaksyon sa Diyos, hindi para gawin ang tungkulin ko para magbigay-lugod sa Kanya. Ginagamit ko ang Diyos, dinadaya Siya. Isa iyong napakakasuklam-suklam at hindi magandang pananaw sa pananampalataya. Nang makita ko iyon, pakiramdam ko ay talagang may pagkakautang ako sa Diyos at napoot ako sa aking sarili dahil napakaraming taon na akong mananampalataya, pero hindi ko hinanap ang katotohanan o tumayong saksi para sa Diyos. Lumuhod ako sa harapan ng Diyos at lumuluhang nagdasal, “Diyos ko, matagal-tagal na rin ako ngayong namumuhay sa isang negatibong kalagayan, mali ang pagkaunawa ko sa Iyo at sinisisi Kita. Masyado iyong nakasasakit at nakabibigo para sa Iyo! O Diyos ko, gusto kong magsisi!”

Tapos isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “May angkop na hantungan ang lahat. Natutukoy ang mga hantungang ito ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang buktot na pag-uugali ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, o hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagkamatuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang buktot na pag-uugali ng isang magulang, o hindi maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagkamatuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay dapat tumanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magsisi ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwang nagmumula sa kanilang asal, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang hantungan ng lahat ay natutukoy batay sa kanilang diwa, at kung gumagawa sila ng mabuti o ng masama, at wala itong kaugnayan sa iba. Sa aking pananampalataya at tungkulin, gaano katindi man ako nagdusa o nagbayad ng halaga, ginagawa ko lang ang tungkulin ko, tinutupad ang responsibilidad, ang obligasyon ng isang nilikha. Wala iyong kinalaman sa kapalaran o kalalabasan ng aking anak, at hindi siya makikinabang bilang resulta ng mga paghihirap at pagsisikap ko. Ang pagpapala sa isang buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isang tao ay isang bagay na mula sa Kapanahunan ng Biyaya, pero ngayon sa mga huling araw, ang lahat ay inuuri batay sa kanilang uri. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng bawat tao batay sa kanyang paggawa. Inakala ko na dahil nagsikap ako nang kaunti sa aking tungkulin, dapat nang bantayan ng Diyos ang anak ko. Pero isa iyong ‘di-makatwirang pananaw na talagang hindi nakaayon sa katotohanan. Ang Diyos ang Lumikha, at ang kapalaran ng lahat ng bagay at tadhana sa buhay ng lahat ng tao ay nasa Kanyang mga kamay. Matagal na panahon nang ipinasya ng Diyos kung ilang taon mabubuhay ang anak ko. Nang mamatay siya, iyon na ang katapusan ng haba ng buhay na itinalaga ng Diyos para sa kanya, at walang sinumang makababago roon. Naniniwala man sila sa Diyos o hindi, ang bawat tao ay isang nilikha na nasa Kanyang mga kamay. May kapangyarihan Siyang gumawa ng mga nararapat na pagsasaayos para sa bawat isang nilalang, at anumang mga pangangasiwa at pagsasaayos ang ginagawa Niya, Siya ay matuwid. Dapat akong magpasakop sa Kanyang pamamahala. Agad nagliwanag ang puso ko sa pagkaunawang ito, at hindi na masyadong miserable ang pakiramdam ko. Unti-unting bumuti ang kalagayan ko at nagdasal ako at nagbasa ng mga salita ng Diyos araw-araw. Minsan ay nagbabahagi ako sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko at hindi na ako masyadong apektado ng pagkamatay ng aking anak.

Noong Nobyembreng iyon, naging lider ako ng iglesia. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos, at talagang iginugol ko ang aking sarili roon. Hindi nagtagal, ibinigay na ang kabayaran para sa pagkamatay ng anak ko, pero sa gulat ko, gusto iyong kuhaning lahat ng manugang ko. Palihim pa nga niyang kinuha ang lahat ng perang naipon ng anak ko noong nabubuhay pa ito at lahat ng pagmamay-ari nito na may halaga. Tumakas din siya dala ang anak nila. Naiwan akong nakatingin sa kwarto nilang walang laman at iniisip ang panahong nabubuhay pa ang anak ko. Dati, sama-sama ang buong pamilya namin, nagkukwentuhan at nagtatawanan, pero ngayon, buhay at ari-arian ay parehong nawala. Hindi ko mapigilan ang mapapait na luha. Wala na ang anak ko, at umalis na ang asawa niya. Umalis din ito tangay ang lahat ng mahahalagang ari-arian. Ang pamilya namin ay sira na at naghihikahos—wala akong kahit na ano. Napakaraming taon na akong mananampalaya, ginagawa ang aking tungkulin sa anuman at lahat ng kondisyon, at naging abala ako sa pagtatrabaho sa iglesia araw-araw mula nang maging lider ako. Hindi ako tumakas sa anumang paghihirap, gaano man kalaki. Isa akong tunay na mananampalataya at gumawa ako ng tunay na mga pagsisikap para sa Diyos. Bakit walang ginawang kahit ano ang Diyos tungkol sa paraan ng pagtrato sa akin ng manugang ko? Habang tumatagal ay lalo kong nararamdaman na naagrabyado ako, lungkot na lungkot at nasasaktan.

Isang araw, umiiyak at nalulungkot kong naalala ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Matapos ko itong paulit-ulit na pag-isipang mabuti, nakita ko na ginagawang perpekto ng Diyos ang ating pananampalataya at pagmamahal sa pamamagitan ng paghihirap. Anuman ang kaharapin natin, anumang klaseng pasakit at mga paghihirap ang makatagpo natin, umaasa ang Diyos na sasandig tayo sa ating pananampalataya para malagpasan ito at makatayong saksi para sa Kanya. Naisip ko si Job na nawalan ng lahat ng ari-arian ng kanyang pamilya at kanyang mga anak, mula sa isang mayamang tao ay naging isa siyang taong wala ni isang kusing at naghihikahos. Pero nagawa pa rin niyang dumapa sa lupa at purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova dahil kailanman ay hindi niya pinaniwalaang nakamit niya ang kanyang mga kayamanan sa pamamagitan ng sarili niyang pagsisikap at hindi niya itinuring ang kanyang mga anak bilang personal niyang pagmamay-ari. Malinaw na malinaw niyang nalalaman na ang lahat ng iyon ay nanggaling sa Diyos. Sa panlabas ay tila ba kinuha ng mga magnanakaw ang lahat, pero hindi mababaw ang naging pagtingin niya sa mga bagay-bagay—tinanggap niya ang mga bagay mula sa Diyos at nagpasakop siya. Ang pananampalataya at paggalang ni Job sa Diyos ay pinino sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagsubok at kapighatian. At nariyan si Abraham, na hindi nagkaroon ng anak na lalaki hanggang sa mag-isandaang taong gulang siya, pero nang sabihin sa kanya ng Diyos na ihandog niya ang kanyang anak bilang isang alay, kahit na napakasakit niyon para kay Abraham, hindi siya nakipagtawaran sa Diyos o nangatwiran sa Kanya. Alam niyang ang Diyos ang nagbigay sa kanya ng anak na iyon, kaya’t kung gusto itong bawiin ng Diyos, dapat niya itong isauli. Sina Job at Abraham ay parehong may napakadakilang konsensya at katwiran, at makatatagal ang kanilang pananampalataya at pagpapasakop sa pagsubok ng realidad. Pero kung ako naman ang titingnan, mali ang pagkaunawa ko at sinisi ko ang Diyos nang mamatay ang anak ko, at kalaunan nang maunawaan ko nang kaunti ang kalooban ng Diyos dahil sa Kanyang mga salita, nagpasakop ako nang kaunti, kaya’t inakala kong nagtamo na ako ng kaunting tayog at kaya ko nang tumayong saksi. Pero nang umalis ang manugang ko dala ang mahahalagang ari-arian ng aming pamilya, nagkaroon na naman ng mga reklamo sa kaibuturan ko. Nakita kong gusto ko lang magtamasa ng mga pagpapala at kaloob ng Diyos, pero hindi ko kayang tumanggap ng anumang kapahamakan o kasawian. Kung hindi, magiging negatibo ako at magkakaroon ng mga reklamo. Wala akong anumang tunay na paggalang o pagpapasakop sa Diyos. Ipinakita sa akin ng paulit-ulit na inihayag ng mga sitwasyong ito ang aking tunay na tayog. Kung wala iyon, mabubulag pa rin ako ng panlabas kong mabuting pag-uugali, at iisipin na ang pagpapatuloy sa paggawa ng tungkulin pagkatapos ng pagkamatay ng aking anak ay nangangahulugang nagtataglay ako ng kaunting debosyon at tayog. Pero alam ng Diyos kung gaano kalalim na nakaugat ang aking kaisipan na makipagtransaksyon at ang paghahangad ko ng mga pagpapala. Kailangan kong pagdaanan ang lahat ng ito upang unti-unti akong makapagtamo ng kaunting pagpapadalisay at pagbabago. Ang pagpapahintulot ng Diyos na mangyari sa akin ang lahat ng iyon ay ang Kanyang pagliligtas sa akin. Lalo akong nakokonsensya habang mas iniisip ko iyon, at dumapa ako sa harapan ng Diyos para magdasal: “O Diyos ko! Ngayon ay nakikita ko na na matapos ang lahat ng mga taon ko bilang mananampalataya, wala pa rin akong tunay na pananampalataya sa Iyo. Nagrereklamo pa rin ako kapag may nangyayari na hindi ko gusto, at talagang wala akong patotoo. Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo. Pakiusap, gabayan mo ako na makilala ang aking sarili.”

Kalaunan ay nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting tunay na pagkaunawa sa landas na talagang tinatahak ko sa lahat ng taong iyon. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Dahil ang mga tao sa ngayon ay hindi nagtataglay ng pagkatao na gaya ng kay Job, ano ang kanilang kalikasan at diwa, at ang kanilang saloobin sa Diyos? Natatakot ba sila sa Diyos? Lumalayo ba sila sa kasamaan? Ang mga walang takot sa Diyos o hindi lumalayo sa kasamaan ay maaari lamang na ilarawan sa tatlong salita: ‘kaaway ng Diyos.’ Madalas ninyong sabihin ang tatlong salitang ito, ngunit hindi ninyo kailanman nalaman ang kanilang tunay na kahulugan. Ang mga salitang ‘kaaway ng Diyos’ ay may ganitong diwa: Ang mga ito ay hindi nagsasabi na nakikita ng Diyos ang tao bilang kaaway, kundi ang tao ay nakikita ang Diyos bilang kaaway. Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga layunin, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pangunahing layunin sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nila itong naiisip sa kanilang sarili: Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? … Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, pasibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasan at diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang binibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan ang kanyang sariling puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Ang paghahayag at paghatol ng mga salita ng Diyos ay masyadong nakaaantig para sa akin. Sa partikular, ang mga salitang “mga kaaway ng Diyos” ay mahirap para sa akin. Kahit kailan ay hindi ko naisip na mailalantad ako bilang isang kaaway ng Diyos pagkatapos ng lahat ng taon ko ng pananampalataya, pero inihayag nga talaga ng mga salita ng Diyos ang katotohanan tungkol sa akin. Ang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba” at “Huwag tumulong kung walang kapalit” ay mga satanikong lason na ipinamuhay ko. Masyado akong naging makasarili, kasuklam-suklam, at sarili lang ang iniisip. Itinuring kong pinakamahalaga sa lahat ang mga sarili kong interes at sa lahat ng bagay ay inisip ko lang kung pagpapalain ba ako o hindi, kung makikinabang ba ako. Palagi kong inuuna ang mga personal kong interes. Noong bago pa lang akong mananampalataya, iyon ay sa layunin na makatanggap ng biyaya at mga pagpapala. Matapos tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, hindi ko direktang hiningi sa Diyos ang mga bagay na iyon, pero sa kaibuturan ko ay pakiramdam ko na dahil iginugugol ko ang aking sarili, dapat akong bantayan ng Diyos at ibigay Niya sa akin ang lahat ng pagpapalang nais ko. Mapangahas ko pa ngang inisip na karapat-dapat sa akin iyon, na yamang nagbayad ako ng halaga, kailangan akong suklian ng Diyos, at kung hindi ay hindi Siya matuwid. Kapag ligtas at maayos ang pamilya ko at nakikita ko ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, puno ako ng lakas sa aking tungkulin at pakiramdam ko ay sulit ang anumang dami ng pagdurusa. Nang mamatay sa pagkakuryente ang anak ko, nakita ko na hindi pinoprotektahan ng Diyos ang pamilya ko, kaya’t napuno ako ng hinanakit sa Kanya. Nang malagay sa panganib ang mga interes ko, sinisi ko ang Diyos sa hindi pagbabantay sa akin. Ginamit ko pa nga ang mga pagsisikap at pagdurusa ko para makipagtawaran sa Diyos. Pakiramdam ko, natural lang ang anumang dami ng biyaya mula sa Diyos, pero nang may gawin Siya na hindi ko gusto, agad akong hindi nakontento sa Kanya, nagreklamo at hinusgahan ko Siya nang mali. Nakita kong kapwa ako makasarili at mapaminsala, na wala akong anumang konsensya o katwiran. Isa akong taong walang pananampalataya, at talagang kaaway ako ng Diyos! Naisip ko si Pablo na lumibot sa buong Europa na nagbabahagi ng ebanghelyo at marami-rami nang pinagdusahan, pero ang lahat ng pagsisikap na iyon ay kapalit lang ng mga pagpapala ng kaharian ng Diyos. Matapos siyang makagawa ng marami-rami, sinabi niya, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Paano niya nasabi iyon? Ang ibig sabihin ni Pablo roon, ay labis siyang nagdusa para ipalaganap ng ebanghelyo kaya’t kailangan siyang bigyan ng Diyos ng korona, na karapat-dapat siya roon, kung hindi ay hindi matuwid ang Diyos. Sa pagsasabi niyon, pinupuwersa niya ang Diyos at para na ring inuudyukan, pinipilit, at hayagang hinahamon ang Diyos. Sa huli ay nalabag niya ang disposisyon ng Diyos at naparusahan Niya. Nakita kong ganoon din ako. Sinisi at mali ang naging pagkaunawa ko sa Diyos nang hindi ko makita ang Kanyang biyaya at mga pagpapala, hinuhusgahan Siya na hindi matuwid sa aking puso. Hindi ba’t nasa parehong landas ako ni Pablo, lumalaban sa Diyos?

Pagkatapos niyon, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Totoo iyon. Ang isang tungkulin ay atas ng Diyos para sa atin, at isa itong responsibilidad na hindi natin pwedeng iwasan. Tama at nararapat iyon, tulad lang ng mga batang may pagmamahal sa kanilang mga magulang. Kailangan ay wala iyong kondisyon. Bilang isang nilikha, ang pagsasakripisyo nang kaunti sa aking pananampalataya at tungkulin ay isang responsibilidad, isang obligasyong dapat kong tuparin. Hindi ko ito dapat ituring na isang kapital o kagamitan para makipagtransaksyon sa Diyos. Kung hahantong man ako sa pagtamasa ng mga pagpapala o sa pagdanas ng kasawian, dapat akong magpasakop sa pamamahala at mga pagsasaayos ng Diyos, at gawin ang aking tungkulin. Mula kapanganakan hanggang kamatayan, sa kalamidad o kayamanan, mananampalataya man o hindi ang isang tao, tiyak na mahaharap siya sa maraming paghihirap at dagok sa buong buhay niya. Ang maagang pagkamatay ng aking anak at ang iba pang kasawian sa aking pamilya ay pawang ganap na normal na mga bagay na maranasan. Pero masyadong matindi ang pagnanais ko ng mga pagpapala at nagsakripisyo ako nang kaunti sa aking tungkulin, pakiramdam ko’y tunay akong nakapag-ambag, kaya’t gusto kong gamitin ang mga ito para humingi ng mga gantimpala sa Diyos. Mali ang pagkaunawa ko sa Diyos at sinisi ko Siya nang hindi ko makuha ang mga iyon. Nakita ko kung gaano ako likas na makasarili at kasuklam-suklam, at kung anong ‘di-makatwirang pananaw ang taglay ko. Naisip ko kung gaano kalaking pagdurusa at kahihiyan ang dinanas ng Diyos nang dalawang beses sa katawang-tao para sa ating kaligtasan, pero kahit kailan ay hindi Niya ipinahayag kung gaano karaming dugo, pawis, at luha ang ibinayad Niya para doon. Tahimik lang Siyang nagpapahayag ng mga katotohanan nang lingid sa lahat, isinasagawa ang Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Napakadakila ng pagmamahal Niya para sa atin! Bilang isang mananampalataya nang maraming taon, nagtamasa na ako ng napakaraming biyaya at pagpapala ng Diyos at ng napakaraming pagdidilig at panustos mula sa katotohanan, pero gusto ko laging gamiting kapital ang aking mga hamak na munting sakripisyo, mapangahas na hinihiling na pagpalain ako ng Diyos at protektahan Niya ang mga miyembro ng aking pamilya. Nakita ko na talagang wala akong kahihiyan, at labis na wala sa katwiran. Lalo akong nakadama ng pagsisisi at pagkakonsensya habang iniisip ko iyon. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Ipinaramdam sa akin ng mga salita ng Diyos na wala akong mapagtataguan. Ako ay ganitong klase mismo ng tao. Ang pananampalataya ko ay para magkamit ako ng mga pagpapala, at nang hindi matupad ang mga kahilingan ko, nang may masamang mangyari sa aking pamilya, agad akong lumaban sa Diyos at naghinanakit sa Kanya, itinuturing pa nga Siyang parang isang kaaway. Ang mga paghahayag sa mga salita ng Diyos ang sa huli ay nagpakita sa akin ng tunay kong mukha. Lumitaw na likas akong lumalaban sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito ay napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensya. Lumuhod ako sa harap ng Diyos at lumuluhang nagdasal, puno ng pagsisisi, “Diyos ko, ako ang mismong klase ng taong walang pagkatao na Iyong inilalarawan. Gusto kong gamitin ang kakaunting naibigay ko para makipagtransaksyon sa Iyo. Dinadaya at nilalabanan Kita—napakalaki ng pagkakautang ko sa Iyo! Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo. Anuman ang isaayos Mo, handa akong magpasakop at tanggapin iyon, at ibuhos ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin para masuklian ko ang Iyong pagmamahal!” Pagkatapos niyon, nagsikap akong magdasal sa Diyos at mas magbasa ng Kanyang mga salita at ibuhos ang buong lakas ko sa aking tungkulin. Sa paggawa nito, muli kong natamo ang aking kapayapaan at kaligayahan, at hindi na ako puno ng pighati sa pagkawala ng aking anak.

Kahit na isa itong masakit na karanasan, ito mismo ang klase ng pagdurusa na nagpakita sa akin ng kasuklam-suklam kong layunin na maghangad ng mga pagpapala, ang nagpakita sa akin ng katiwalian at karumihan sa aking pananampalataya, at nagtamo ako ng kaunting pagkaunawa sa aking satanikong kalikasan ng paglaban sa Diyos. Kung hindi ako dumaan sa mga paghihirap na ito, kung wala ang paghahayag ng mga katotohanan, hindi ko makikita ang tunay kong tayog. Talagang itinuro sa akin ng karanasang ito na habang lalo tayong nahaharap sa mga hindi kanais-nais na bagay, mas maraming katotohanan ang dapat na hanapin. Ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa atin ang nasa likod niyon. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Di-maiiwasang Tungkulin

Ni Glydle, Philippines Noong Setyembre ng 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos nun,...