Naalis Na ang Imperyoridad Ko
Isinilang ako sa isang ordinaryong pamilyang magsasaka. Dahil mahiyain ako at hindi mahilig magsalita, mula pagkabata, madalas sabihin ng pamilya at mga kamag-anak ko na hindi ako magaling magsalita at hindi kasingkaaya-aya ng kapatid ko. Habang nagtatrabaho ako sa labas, hindi ako magaling makipag-ugnayan sa mga tao o magpalugod ng mga nakatataas sa akin, kaya palagi talagang itinatalaga sa akin ang marumi at nakakapagod na gawain, at madalas akong kutyain ng mga kasamahan ko dahil sa bagal kong umintindi at hindi ko alam kung paano umangkop sa mga sitwasyon. Sa puso ko, tinanggap ko ang pagsusuring ito na mabagal akong umintindi at hindi matalas ang pag-iisip, at na hindi ako magaling makipag-ugnayan sa mga tao, kaya lalo akong naging mapag-isa. Madalas akong malungkot dahil hindi akma ang pagsasalita ko; lalo na kapag nakikita ko ang mga taong mahuhusay magsalita at mabibilis mag-isip, kinainggitan ko sila, iniisip kong magugustuhan ang gayong mga tao saanman sila pumunta. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, napakamahiyain ko rin noong una akong magsimulang dumalo sa mga pagtitipon, nag-alala ako na dahil sa hindi malinaw na pagbabahagi ko ay maging katatawanan ako sa mga kapatid, pero madalas akong hikayatin ng mga kapatid na mas makipagbahaginan pa. Nakita ko na ang mga kapatid ay simple at bukas na ibinabahagi ang kanilang mga kalagayan at suliranin, at walang mangmamaliit at manghahamak sa mga may kakulangan. Nagbigay ito sa akin ng pakiramdam ng lubos na kalayaan. Unti-unti, nagsimula akong magsalita nang magsalita. Talagang gusto ko ang ganitong uri ng buhay iglesia.
Noong Pebrero ng 2023, ako ay naging isang diyakono ng pagdidilig. Ang sister na dinidiligan ko, si Ruijing ay may mahusay na kakayahan. Ilang beses akong dumalo sa mga pagtitipon kasama niya, at nakita ko na napakalinaw ng pagbabahaginan niya, at ang kabatiran niya sa mga problema ay hindi nalalayo sa akin, kaya nang dumalo ako sa mga pagtitipon na kasama muli si Ruijing, medyo napipigilan ako, iniisip kong mas matalas ang isip niya at mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin. Nadama ko na ang pagsubok na diligan siya ay hindi abot ng kakayahan ko, kaya tuwing may kahit anong masamang kalagayan siya, kakausapin ko lang siya nang maikli tungkol doon at pagkatapos ay iibahin ko na ang paksa, nag-aalala ako na dahil sa mababaw na pagbabahagi ko ay bababa ang tingin niya sa akin. Minsan, nalaman ko na si Ruijing ay may malalang mayabang na disposisyon at may gawi na mapigilan ang mga tao gamit ang mga salita niya, kaya gusto kong sabihin sa kanya ang isyung ito. Pero dahil iniisip ko na may mahusay siyang kakayahan, mahusay magsalita, at epektibo sa kanyang tungkulin, mukhang normal lang ang bahagyang kayabangan. Bukod doon, mahina ang kakayahan ko, at hindi mahusay ang abilidad kong ipahayag ang sarili ko. Kung hindi ko kayang malinaw na makipagbahaginan sa kanya at lutasin ang mga problema niya, lalaitin niya ako. Kaya, saglit ko lang binanggit ang tungkol sa kayabangan niya at nagpatuloy na. Sa ibang pagkakataon, sa isang pagtitipon, sinabi ni Ruijing ang tungkol sa pagsalungat ng kanyang pamilya sa kanyang pananampalataya sa Diyos, at na siya ay medyo napipigilan nito. Nagkaroon din ako ng katulad na mga karanasan at naisip ko na kaya kong makipagbahaginan sa kanya tungkol dito, pero pagkasabi ko ng iilang salita, sinabi ni Ruijing na hindi siya naapektuhan ng kanyang pagmamahal sa pamilya. Pero ang totoo ay naaapektuhan na ng kanyang mga emosyonal na limitasyon ang tungkulin niya, at alam kong kailangan kong makipagbahaginan sa kanya tungkol dito sa lalong madaling panahon. Pero nang marinig kong sinabi niya ito, hindi ako nangahas na ipagpatuloy ang pakikipagbahaginan, naisip ko, “Kung patuloy akong makikipagbahaginan, iisipin kaya ni Ruijing na kinukulit ko siya at na hindi ko makilatis ang mga bagay-bagay? Mas mabuting huwag ko nang ipahiya pa ang sarili ko, may mahusay na kakayahan si Ruijing at hindi niya kailangan na makipagbahaginan ako sa kanya. Kaya niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ito nang mag-isa.” Kaya, hindi ako nagpatuloy makipagbahaginan. Pero kalaunan, hindi bumuti ang kalagayan ni Ruijing, at naapektuhan ang tungkulin niya.
Pagkatapos niyon, tuwing nasa pagtitipon si Ruijing, lubos akong nalilimitahan, nag-aalala ako na ang mahina kong pakikipagbahaginan ay magiging dahilan para hamakin niya ako. Sobrang nahihirapan at negatibo ang pakiramdam ko, dahil hindi ko naibabahagi ang dapat kong ibahagi, at hindi ko matupad ang mga responsabilidad ko. Pakiramdam ko ay nabubuhay ako ng isang kaawa-awang buhay. Patuloy kong tinatanong ang sarili ko, “Bakit ako nabubuhay nang pagod na pagod?” Sinisi ko pa nga ang Diyos sa hindi pagbibigay sa akin ng mahusay na kakayahan, gusto kong takasan ang sitwasyong ito at baguhin ang tungkulin ko. Alam kong hindi maganda ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sobra akong napipigilan sa tungkulin ko ngayon, pagod na pagod ako at malungkot ang pakiramdam ko, at hindi ko alam kung paano lutasin ang kalagayang ito. Bigyang-liwanag at gabayan Mo nawa ako para makilala ang sarili ko at makalabas ako sa maling kalagayang ito.” Pagkatapos kong manalangin, naghanap ako ng mga kaugnay na salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang tao na noong bata pa, ordinaryo ang kanilang hitsura, hindi mahusay magsalita, at hindi masyadong mabilis mag-isip, kaya hindi naging kanais-nais ang mga komento sa kanila ng ilang miyembro ng kanilang pamilya at ng ibang tao sa lipunan, sinasabi ng mga ito na: ‘Mahina ang utak ng batang ito, matagal makaintindi, at hindi maayos magsalita. Tingnan ninyo ang mga anak ng iba, sa husay nilang magsalita ay madali nilang nakukumbinsi ang mga tao. Samantalang ang batang ito ay nakasimangot lang buong araw. Hindi niya alam ang sasabihin kapag nakakasalamuha ng mga tao, hindi alam kung paano ipapaliwanag o pangangatwiran ang sarili niya kapag may nagawa siyang mali, at hindi natutuwa sa kanya ang mga tao. Mahina ang utak ng batang ito.’ Ganito ang sinasabi ng mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga guro niya. Ang ganitong kapaligiran ay nagdudulot ng partikular at hindi nakikitang panggigipit sa gayong mga indibidwal. Sa pagdanas sa ganitong mga kapaligiran, hindi namamalayang nagkakaroon siya ng partikular na uri ng mentalidad. Anong uri ng mentalidad? Iniisip niya na hindi kaaya-aya ang kanyang hitsura, hindi gaanong kanais-nais, at na kahit kailan ay hindi natutuwa ang mga tao na makita siya. Naniniwala siya na hindi siya mahusay sa pag-aaral, na mahina ang utak niya, at palagi siyang nahihiya na buksan ang kanyang bibig at magsalita sa harap ng ibang tao. Sa sobrang hiya niya ay hindi siya nakapagpapasalamat kapag may ibinibigay sa kanya ang mga tao, iniisip niya, ‘Bakit ba laging umuurong ang dila ko? Bakit ang galing magsalita ng ibang tao? Hangal lang talaga ako!’ Hindi namamalayan, iniisip niya na wala siyang halaga pero hindi pa rin niya matanggap na ganoon siya ka-walang kwenta, na ganoon siya kahangal. Sa puso niya, palagi niyang tinatanong ang kanyang sarili, ‘Ganoon ba talaga ako kahangal? Ganoon ba talaga ako ka-hindi kanais-nais?’ Hindi siya gusto ng kanyang mga magulang, pati na rin ng kanyang mga kapatid, kanyang mga guro o mga kaklase. At paminsan-minsan, sinasabi ng kanyang mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan na ‘Pandak siya, maliit ang mga mata at ilong niya, at kung ganyan ang hitsura niya, hindi siya magtatagumpay paglaki niya.’ Kaya kapag tumitingin siya sa salamin, nakikita niyang maliit nga ang mga mata niya. Sa ganitong sitwasyon, ang paglaban, at kawalan ng kasiyahan at kagustuhan, at pagtanggap sa kaibuturan ng kanyang puso ay unti-unting nagiging pagtanggap at pagkilala sa kanyang sariling mga kapintasan, pagkukulang, at isyu. Bagamat natatanggap niya ang realidad na ito, isang palagiang emosyon ang lumilitaw sa kaibuturan ng kanyang puso. Ano ang tawag sa emosyong ito? Ang tawag dito ay pagiging mas mababa. Ang mga taong nakararamdam na mas mababa sila ay hindi alam kung ano ang kanilang mga kalakasan. Iniisip lang nila na hindi sila kanais-nais, palagi nilang nararamdaman na hangal sila, at hindi nila alam kung paano harapin ang mga bagay-bagay. Sa madaling salita, pakiramdam nila ay wala silang kayang gawin, na hindi sila kaakit-akit, hindi matalino, at mabagal silang makatugon. Ordinaryo lang sila kung ikukumpara sa iba at hindi matataas ang grado nila sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos lumaki sa gayong kapaligiran, unti-unting nangingibabaw ang mentalidad na ito ng pagiging mas mababa. Nagiging palagiang emosyon ito na gumugulo sa puso mo at pumupuno sa iyong isipan. Ikaw man ay malaki na, marami nang karanasan sa mundo, may asawa na at matatag na sa iyong propesyon, at anuman ang iyong katayuan sa lipunan, itong pakiramdam ng pagiging mas mababa na itinanim sa iyong kapaligiran habang lumalaki ka ay imposibleng maiwaksi. Kahit matapos mong manampalataya sa Diyos at sumapi sa iglesia, iniisip mo pa rin na pangkaraniwan ang hitsura mo, mahina ang intelektuwal mong kakayahan, hindi ka maayos magsalita, at walang kayang gawin. Iniisip mo, ‘Gagawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Hindi ko kailangang mag-asam na maging lider, hindi ko kailangang maghangad ng malalalim na katotohanan, magiging kontento na lang ako sa pagiging ang taong pinaka-hindi mahalaga, at hahayaan ko ang iba na tratuhin ako sa anumang paraang naisin nila.’ … Marahil ay hindi ka ipinaganak nang may pakiramdam ng pagiging mas mababa, pero sa ibang antas, dahil sa kapaligiran ng iyong pamilya at sa kapaligirang kinalakihan mo, sumailalim ka sa mga bahagyang dagok at hindi wastong mga paghuhusga, at dahil dito ay umusbong sa iyo ang pakiramdam ng pagiging mas mababa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit ako madalas na namumuhay sa pagkapigil at pagkasira ng loob ay pangunahing dahil namuhay ako sa mga negatibong damdamin ng imperyoridad. Magmula pagkabata, hindi na ako magaling magsalita; sa bahay man o kapag nagtatrabaho sa labas, ang mga kamag-anak at kasamahan ko ay nagsasabi lahat na hindi ako mahusay magsalita at hindi ko kayang paluguran ang mga tao, kaya nadama kong hindi ako akmang magsalita, mapurol ang isip, at mas mababa sa iba sa lahat ng paraan. Unti-unti, lalo kong nadama ang pagiging mababa. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, ganoon pa rin. Lalo na nang makita ko ang mga kapatid na mas magaling kaysa sa akin, nakadama ako ng panliliit, madalas akong namumuhay sa mga negatibong emosyon. Kapag nakikipag-ugnayan ako kay Ruijing, nakita ko na mabilis mag-isip si Ruijing at mahusay magsalita, at nadama ko na ang abilidad kong ipahayag ang sarili ko at ang kakayahan ko ay mas mababa kaysa sa kanya, kaya kapag nakikipagtipon ako kasama siya, pakiramdam ko ay napipigilan ako at hindi ko magawang makadama ng kalayaan. Kahit na noong nakita ko siya sa isang masamang kalagayan, hindi ako nangahas na makipagbahaginan sa kanya. Palagi akong namumuhay sa mga negatibong damdamin ng imperyoridad. Alam na alam ko na sa sambahayan ng Diyos ay walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababa, pero hindi ko maiwasang humanga sa mga taong may mga kaloob at mahusay na kakayahan, at hindi ko magawang tingnan nang tama ang mga sarili kong kakulangan. Madalas akong napipigilan nito sa tungkulin ko, hinahadlangan akong makamit ang gawain at gabay ng Banal na Espiritu. Alam kong mapanganib na magpatuloy nang ganito at gusto kong baguhin kaagad ang kalagayang ito.
Nagbasa ako ng mas maraming mga salita ng Diyos: “Anuman ang mangyari sa kanila, kapag nahaharap sa kaunting paghihirap ang mga duwag na tao, umaatras sila. Bakit nila ito ginagawa? Ang isang dahilan ay na idinulot ito ng kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Dahil pakiramdam nila ay mas mababa sila, hindi sila naglalakas-loob na humarap sa mga tao, ni hindi nila maako ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang akuin, hindi rin nila maako ang mga bagay na kaya naman talaga nilang maisakatuparan sa saklaw ng sarili nilang abilidad at kakayahan, at sa saklaw ng karanasan ng sarili nilang pagkatao. Ang pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa ay nakakaapekto sa bawat aspekto ng kanilang pagkatao, naaapektuhan nito ang kanilang personalidad, at siyempre, naaapektuhan din nito ang kanilang katangian. … Puno ang puso mo ng ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa at matagal mo nang nararamdaman ito, hindi ito isang pansamantalang pakiramdam. Sa halip, mahigpit nitong kinokontrol ang iyong mga kaisipan mula sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, mahigpit nitong tinatakpan ang bibig mo, kaya gaano man katama ang pagkaunawa mo sa mga bagay-bagay, o anuman ang mga pananaw at opinyon mo sa mga tao, pangyayari at bagay, naglalakas-loob ka lang na pag-isipan ang iba’t ibang anggulo nito sa puso mo, hindi ka kailanman naglalakas-loob na magsalita nang malakas para marinig ng iba. Asang-ayunan man ng iba ang sinasabi mo, o itatama, o pupunahin ka, hindi ka maglalakas-loob na harapin o makita ang gayong kalalabasan. Bakit ganito? Ito ay dahil ang pakiramdam mo ng pagiging mas mababa ay nasa loob mo, nagsasabi sa iyo na, ‘Huwag mong gawin iyan, hindi mo iyan kaya. Wala kang ganyang kakayahan, wala kang ganyang realidad, hindi mo dapat gawin iyan, sadyang hindi ka ganyan. Huwag kang gumawa o mag-isip ng kahit ano ngayon. Magiging totoo ka lang sa sarili mo kung mamumuhay ka sa pagiging mas mababa. Hindi ka kuwalipikadong hangarin ang katotohanan o buksan ang puso mo at sabihin ang nais mo at makipag-ugnayan sa iba gaya ng ginagawa ng ibang tao. At iyon ay dahil hindi ka mahusay, hindi ka kasinghusay nila.’ Ang ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa ang umaakay sa pag-iisip ng mga tao; pinipigilan sila nitong isakatuparan ang mga obligasyon na dapat gampanan ng isang normal na tao at ipamuhay ang buhay ng normal na pagkatao na dapat nilang ipinamumuhay, samantalang itinuturo rin nito ang mga pamamaraan, direksyon at mga layon ng kung paano nila itinuturing ang mga tao at bagay-bagay, paano sila umaasal at kumikilos” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kapag namumuhay ang mga tao sa mga damdamin ng imperyoridad, ang mga pananaw nila sa mga tao at mga bagay-bagay, pati na rin ang kanilang mga pag-asal at pagkilos, ay hindi batay sa mga salita ng Diyos, nabibigo silang tuparin ang kanilang mga responsabilidad, at hindi magagamit ang kanilang likas na kakayahan. Ang pagpapatuloy sa ganitong paraan ay hindi lamang humahadlang sa kanilang sariling buhay pagpasok, kundi sa mga seryosong sitwasyon, makakaapekto rin ito sa kanilang tungkulin at makakahadlang sa gawain ng iglesia. Sa pagbabalik-tanaw, tinanggap ko ang mga panlabas na pagtitimbang tungkol sa akin magmula sa pagkabata, at namuhay ako sa mga damdamin ng imperyoridad. Palagi kong nadaramang mas mababa ako sa iba, hindi ako nangahas na punahin o talakayin ang mga problema kapag nakita ko ang mga iyon. Kapag nakikipag-ugnayan ako kay Ruijing, nakikita ko ang kanyang malalang mayabang na disposisyon, at na ang mga kapatid ay napipigilan ng mga salita at kilos niya, kaya dapat ay nakipagbahaginan ako sa kanya at pinuna ito, pero nadama kong ang kakayahan ko ay hindi kasinghusay ng sa kanya, na nagdulot para mag-atubili akong makipagbahaginan sa kanya dahil pakiramdam ko ay mapangahas ito. Nakita ko na ang paggampan niya sa kanyang tungkulin ay naapektuhan ng pagmamahal niya, at bagama’t may kaunti akong karanasan sa larangang ito, nadama kong mahina ang kakayahan ko, kaya hindi ako nangahas na makipagbahaginan. Nakita kong ganap akong nakontrol ng mga damdamin ng imperyoridad, parang selyado ang bibig ko, hindi ko masabi ang kailangang sabihin. Tiningnan ko si Ruijing na namuhay sa isang tiwaling disposisyon at hindi ako nangahas na makipagbahaginan sa kanya, hindi ko nagagawang tuparin ang tungkulin ko na protektahan ang gawain ng iglesia. Namuhay ako sa isang nahihirapan at negatibong kalagayan, hindi magawang magkamit ng anumang pagpapalaya. Talagang mapaminsala ito kapwa sa akin at sa iba! Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Itong emosyon mo na ito ay hindi lamang negatibo, upang maging mas tumpak, sa katunayan ay salungat ito sa Diyos at sa katotohanan. Maaaring isipin mo na isa itong emosyon sa loob ng normal na pagkatao, pero sa mga mata ng Diyos, hindi lang ito simpleng usapin ng emosyon, sa halip, isa itong pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos. Isa itong pamamaraan na may tanda ng mga negatibong emosyon na ginagamit ng mga tao para labanan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Sa pagninilay ko sa paglalakbay ko hanggang ngayon, habang madalas akong namumuhay sa mga damdamin ng imperyoridad, nalaman ko ang katotohanan pero hindi ko ito isinagawa, sinisi ko pa ang Diyos sa hindi pagkakaloob sa akin ng mahusay na kakayahan. Naging negatibo at pasibo ako sa aking tungkulin, at gusto ko pa nga na sukuan ito. Ang mga pag-uugaling ito ay isang uri ng pasibong paglaban sa Diyos. Nadama kong nasa matinding panganib ako, at naging handa akong magtiwala sa Diyos para bitiwan ang mga negatibong emosyon ko at hanapin ang isang landas ng pagsasagawa at pagpasok.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kaya, paano mo tumpak na masusuri at makikilala ang iyong sarili, at paano ka makalalaya sa pakiramdam ng pagiging mas mababa? Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka. Halimbawa, ipagpalagay na dati kang mahilig at magaling kumanta, pero palagi kang pinupuna at minamaliit ng ilang tao, sinasabing hindi ka makasabay sa tugtog at na wala ka sa tono, kaya ngayon ay nadarama mo na hindi ka magaling kumanta at hindi ka na naglalakas-loob na gawin ito sa harap ng ibang tao. Dahil mali kang sinuri at hinusgahan ng mga taong iyon na makamundo, ng mga taong magulo ang isip at pangkaraniwan, nabawasan ang mga karapatan na nararapat sa iyong pagkatao, at napigilan ang iyong talento. Bilang resulta, ni hindi ka na naglalakas-loob kumanta ng isang awitin, at matapang ka lang na nakakakanta nang malaya at malakas kapag walang tao sa paligid at nag-iisa ka. Dahil karaniwan ay nararamdaman mo na masyado kang napipigilan, kapag hindi ka nag-iisa, hindi ka nangangahas na kumanta ng awitin; nangangahas ka lang na kumanta kapag mag-isa ka, tinatamasa ang oras na nagagawa mong kumanta nang malakas at malinaw, at sobrang kaaya-aya at malaya ang pakiramdam mo sa oras na iyon! Hindi ba’t totoo iyon? Dahil sa pinsalang nagawa sa iyo ng mga tao, hindi mo alam at hindi mo malinaw na nakikita kung ano ba talaga ang kaya mong gawin, kung saan ka magaling, at kung saan ka hindi magaling. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng tamang pagsusuri at sukatin nang tama ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para maalis ang mga negatibong damdamin ng imperyoridad, dapat ko munang timbangin at sukatin nang tama ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang gamitin ang mga ito para sukatin ang mga tao, pangyayari, at bagay ay ang pinakatumpak. Dati, sinukat ko ang sarili ko batay sa pagtitimbang sa akin ng mga walang pananampalataya, na nagtulak sa akin para mamuhay sa damdaming madilim at nasisiraan ng loob, na hindi ko matakasan. Ngayon, kinailangan kong hanapin ang katotohanan at tingnan nang tama ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos. Kaya, tinanong ko ang aking sarili, “Palagi kong nadarama na mahina ang kakayahan ko. Kung gayon, ano ba ang pamantayan ng Diyos sa pagtitimbang sa mahina at mahusay na kakayahan?” Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Paano natin sinusukat ang kakayahan ng mga tao? Ang angkop na paraan para gawin ito ay sa pamamagitan ng pagtingin sa saloobin nila sa katotohanan at kung kaya nilang maunawaan ang katotohanan o hindi. Kaya ng ilang tao na napakabilis na matuto ng ilang kasanayan, ngunit kapag naririnig nila ang katotohanan ay naguguluhan sila at inaantok sila. Sa puso nila, nalilito sila, walang pumapasok sa naririnig nila, at hindi rin nila nauunawaan ang naririnig nila—iyan ang mahinang kakayahan. Sa ilang tao, kapag sinabi mong mahina ang kakayahan nila, hindi sila sumasang-ayon. Iniisip nila na ang pagiging mataas ang pinag-aralan at marunong ay nangangahulugang mabuti ang kakayahan nila. Ang isang mabuting edukasyon ba ay nagpapakita ng mataas na kakayahan? Hindi. Paano dapat sukatin ang kakayahan ng mga tao? Dapat itong sukatin batay sa antas ng pagkaarok nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang pinakawastong paraan ng paggawa nito. Ang ilang tao ay magaling magsalita, mabilis mag-isip, at bihasang-bihasa mangasiwa ng ibang tao—ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon, hindi nila kailanman nagagawang maintindihan ang kahit na ano, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, palagi silang bumibigkas ng mga salita at doktrina, ibinubunyag ang mga sarili nila bilang mga baguhan lamang, at ipinapadama sa iba na wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na ang pamantayan sa pagsusukat ng kakayahan ng isang tao ay batay sa kung gaano kahusay na naaarok ng isang tao ang mga salita ng Diyos. Ang ilang tao ay maaaring mukhang maraming kaloob, mabilis mag-isip, at may mahusay na mga kasanayan sa pagsasalita, pero kung hindi nila kayang maarok ang mga salita ng Diyos o maunawaan ang katotohanang ibinahagi ng Diyos, ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan. Habang ang ibang tao ay maaaring may pangkaraniwang pinag-aralan at walang partikular na mahusay na mga kasanayan sa pagsasalita, kung kaya nilang maunawaan ang mga layunin ng Diyos mula sa Kanyang mga salita at mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, kung gayon ang mga taong ito ay may mahusay na kakayahan. Tingnan natin si Pablo bilang halimbawa. Bagama’t siya ay may mga kaloob, kaalaman, galing sa pagsasalita, at ipinalaganap niya sa halos buong Europa ang ebanghelyo, hindi niya naunawaan ang mga salita ng Diyos nang marinig niya ang mga iyon, at sa huli, hindi niya nakilala ang Panginoong Jesus, at hindi niya kinilala ang kanyang diwa ng paglaban kay Jesus. Ang masigasig niyang paggawa ay alang-alang sa pagkakamit ng isang korona at mga gantimpala, at may kayabangan pa nga niyang sinabi na, para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo. Ipinakita nito na hindi talaga naarok ni Pablo ang mga salita ng Diyos o naunawaan ang katotohanan. Si Pablo ay isang taong may mahinang kakayahan. Sa kabaligtaran, nagawang maarok ni Pedro ang mga layunin ng Diyos mula sa Kanyang mga salita at hanapin ang isang landas ng pagsasagawa. Kaya niyang magsagawa nang tumpak ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at nagpatotoo siya ng pagpapasakop sa Diyos hanggang kamatayan at pagmamahal sa Diyos nang lubos. Kaya, si Pedro ay isang tao na may mahusay na kakayahan. Sa pagninilay ko sa aking sarili, hindi ko tiningnan ang mga tao o bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Palagi kong isinasaalang-alang bilang pamantayan para sa mahusay na kakayahan ang magaling na mga kasanayan sa pagsasalita at mabilis na pag-iisip, at nang hindi ko nataglay ang mga likas na kondisyong ito, namuhay ako sa mga damdamin ng imperyoridad at pagkanegatibo, at naging pasibo at nagpakatamad ako sa tungkulin ko. Hindi lamang nito hinadlangan ang sarili kong buhay pagpasok kundi nagdulot din ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Sa higit ko pang pagninilay, bagama’t hindi masyadong mahusay ang mga kasanayan ko sa pagsasalita, kaya kong maunawaan ang ilan sa mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ang mga iyon at nilulutas ang ilang isyu sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng katotohanan, at tinimbang ng mga kapatid bilang karaniwan ang kakayahan ko. Kailangan kong tingnan nang tama ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos at sa mga pagtitimbang ng mga kapatid, at huwag husgahan ang sarili ko batay sa mga kuru-kuro. Nang mapagtanto ko ito, nakadama ako ng malaking ginhawa sa puso ko. Kalaunan, nakipagpulong ako kay Ruijing, pinuna ko isa-isa ang mga isyung mayroon siya, at nakipagbahaginan ako sa kanya gamit ang mga nauugnay na salita ng Diyos. Nagawang tanggapin ni Ruijing ang mga punto at tulong, at handa siyang hanapin ang katotohanan, magsisi, at magbago. Pagkatapos magsagawa sa ganitong paraan, nakadama ako ng sobrang kaginhawahan at kapayapaan.
Kalaunan, nagnilay akong muli, tinatanong ang sarili ko kung anong iba pang disposisyon ang maaaring nasa likod ng aking tuloy-tuloy na mga damdamin ng imperyoridad? Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at isa itong bagay na nasa loob ng kanilang disposisyong diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi nila isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang hinahangad sa araw-araw” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na partikular na pinapahalagahan ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan, at na tinitingnan nila ang reputasyon at katayuan bilang kasinghalaga ng buhay mismo. Napagtanto ko na ang pag-uugali ko ay katulad ng sa mga anticristo. Ang mga kaisipan at pagsasaalang-alang ko ay hindi para sa paghahangad ng katotohanan, kundi sa halip ay palaging pag-aalala tungkol sa aking reputasyon at katayuan, pag-aalala tungkol sa mga pakinabang at kawalan. Mula pagkabata, labis kong pinahalagahan ang mga opinyon ng iba tungkol sa akin, at noong sabihin ng mga kamag-anak, kaibigan, at kasamahan ko na hindi ako akma magsalita, hindi ako masyadong nakipag-usap sa iba at inilayo ang sarili ko para kahit papaano ay mabawasan ko ang pinsala sa pagpapahalaga ko sa sarili. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, bagama’t alam ko na bukas at tapat ang mga kapatid sa isa’t isa, at na ang ating mga kakulangan ay puwedeng hayagang ibunyag nang walang sinuman ang nangungutya sa iba, napakabigat ng pag-aalala ko para sa reputasyon at katayuan, at sa mga pakikipagtipon ko sa mga taong may mas mahusay na kakayahan at mga kasanayan sa pagsasalita, nag-alala ako na baka hamakin ako ng mga kapatid sa pagiging hindi akma ng pagsasalita ko, kaya sinubukan kong magsalita lang nang kaunti hangga’t maaari para pagtakpan ang mga kakulangan ko at mapanatili ang aking reputasyon at katayuan. Bilang isang diyakono ng pagdidilig, responsabilidad ko na lutasin ang mga isyu ng lahat na may kaugnayan sa mga tungkulin at buhay pagpasok, pero nag-alala ako na baka makita na walang saysay at maligoy ang pananalita ko, na magiging dahilan para bumaba ang tingin ng mga kapatid sa akin, kaya pinili kong isantabi ang tungkulin ko para protektahan ang aking sariling kapalaluan at katayuan. Ang mga satanikong lason na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan kahit saan man siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” ay naging mga panuntunang isinabuhay ko. Inuna ko kaysa ibang bagay ang kapalaluan at katayuan, pinapabayaan ko pa nga ang mga pinakapangunahing responsabilidad ko. Naging napakamakasarili ko at kasuklam-suklam. Sa anong paraan ko ginagawa ang tungkulin ko? Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Kung magpapatuloy ako gaya nito nang hindi nagsisisi, hindi lamang ako mabibigong tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu, kundi maititiwalag din ako ng Diyos. Mula noon, naging handa na akong magsisi sa Diyos at palayain ang sarili ko mula sa gapos ng mga negatibong emosyong ito.
Sa pagtitipon kasama ng mga baguhan, nakita ko si Sister Yiyi na malinaw na nagbabahagi ng mga salita ng Diyos, na may mahusay na pagpapahayag. Tumangong lahat ang mga kapatid sa pagsang-ayon sa sinabi niya, at nakadama akong muli ng pakiramdam ng imperyoridad. Naisip ko, “Tingnan mo kung gaano kagaling si Yiyi sa pagpapahayag ng sarili niya at kung gaano nakakapagbigay-liwanag ang pagbabahaginan niya. Ang hina-hina ko sa pagpapahayag ng sarili ko, kukutyain ba ako ng mga kapatid dahil nanampalataya na ako sa Diyos sa ganoon kahabang panahon pero hindi pa rin ako nakakapagbigay-liwanag sa pakikipagbahaginan gaya ng isang baguhan?” Kaya nag-atubili akong makipagbahaginan. Kapag may mga ganitong pag-iisip ako, napagtatanto ko na nakulong na naman ako sa mga alalahanin tungkol sa reputasyon at katayuan, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanya na gabayan ako sa pagwawaksi ng maling kalagayang ito. Nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag muling lumitaw ang iba’t ibang negatibong emosyon, magkakaroon ka na ng kamalayan at pagkilatis, malalaman mo na ang pinsala na idinudulot ng mga ito sa iyo, at siyempre ay unti-unti mo rin dapat na bitiwan ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga emosyong ito, magagawa mong pigilan ang sarili at makakagamit ka ng karunungan, at magagawa mong bitiwan ang mga ito o hanapin ang katotohanan upang lutasin o pangasiwaan ang mga ito. Ano’t anuman, hindi dapat maapektuhan ng mga ito ang paggamit mo ng tamang mga paraan, ng tamang saloobin, at ng tamang opinyon sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay, at ang iyong mga asal at kilos. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang mga balakid at harang sa iyong landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong hangarin ang katotohanan sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos nang walang panggugulo, o nang may mas kaunting panggugulo, at malulutas mo ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita mo sa lahat ng uri ng sitwasyon” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag lumilitaw na naman ang mga negatibong emosyon, kailangan kong sadyang kilatisin at bitiwan ang mga iyon. Ang panahong ito ng pamumuhay sa mga negatibong emosyon, at palaging pagsasaalang-alang sa sarili kong kapalaluan at katayuan, ay talagang napakasakit. Sa pakikipagtipon ko kasama si Sister Yiyi, ang layunin ng Diyos ay hindi para ibunyag ako o pagmukhain akong masama, kundi para gamitin ang liwanag mula sa kanyang pagbabahagi para punan ang mga kakulangan ko, at para tulungan akong magkamit pa. Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako masyadong napigilan, at kumalma ako para makinig sa pagbabahagi niya. Sa pakikipagbahaginan niya, nakaarok ako ng higit pang liwanag, at pagkatapos ng kanyang pagbabahaginan, ibinahagi ko rin ang sarili kong pagkaunawa. Nakinabang ang lahat mula sa pagtitipon, at talagang maganda ang mga resulta. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at naranasan ko na sa pagtingin lamang sa mga tao at usapin, pag-asal sa sarili, at paggawa sa mga bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos, makakaya ng isang tao na mamuhay ng isang tunay na malaya at maginhawang buhay.