Pananatiling Tapat sa Aking Tungkulin Sa Gitna ng Paghihirap
Noong 2016, ang tungkulin ko sa iglesia ay bilang isang diyakonong tagadilig. Noong panahong iyon, ang isang lider ng iglesia na inaapi ng isang anticristo ay namumuhay sa pagkanegatibo. Nawala sa kanya ang gawain ng Banal na Espiritu at tinanggal siya. Binigyan ako ng aking superyor ng mga tagubilin, sinasabing ang anticristo sa iglesia ay hindi pa ganap na nalantad at ang iba ay wala pa ring pagkakilala, kaya’t umaasa siyang makikipagtulungan ako kay Sister Yang Yue at na aakuin ko ang iba’t ibang gawain sa iglesia. Nang maglaon, dahil hindi gaanong mabuti ang kalusugan ko at wala akong lakas o sigla, babaguhin na dapat ng iglesia ang aking tungkulin. Ngunit bago maisakatuparan ang paglipat, may nangyari. Noong panahong iyon, itinakda ng nakatataas na lider na makipagpulong ako kasama ang ilang sister. Gaya ng dati, dumating ako sa bahay ng host sa tamang oras, pero sa gulat ko, kaytagal ko nang naghintay ay wala namang dumating. Kaya pumunta ako sa bahay ni Yang Yue para hanapin siya. Katok ako nang katok pero walang sumasagot. Medyo nabalisa ako, natakot ako na baka naaresto na siya. Sa hindi inaasahan, makalipas ang dalawang araw, sinabi sa akin ni Chen Hui na inaresto ng mga pulis noong araw na iyon si Yang Yue at ang dalawang nakatataas na lider, at hinalughog ng mga pulis ang buong bahay niya. Nang marinig ang masamang balitang ito, kahit alam kong nahaharap ako sa pagsubok at pagpipino mula sa Diyos, kinabahan pa rin talaga ako. Naisip ko kung paanong pumunta ako sa bahay ni Yang Yue noong araw na iyon at kumatok sa kanyang pintuan, sa kabutihang-palad, may proteksyon ako ng Diyos at hindi ko nasalubong ang mga pulis, kung hindi, baka hindi ako nakaligtas mula sa kanila. Kamuntik na iyon!
Kalaunan, narinig kong pinag-uusapan ng mga tao sa buong bayan ang tungkol sa pag-arestong iyon, kaya nalaman ko na isa itong pambansang operasyon. Sa lungsod namin, maraming pinakilos na armadong pulis at sinuyod nila ang buong lungsod, walang habas na inaaresto ang mga hinirang ng Diyos. May mga banner sa bawat kalye at eskinita, at lahat ng uri ng negatibong propaganda sa mga pader. Nataranta ang buong lungsod. Naisip ko kung paanong naaresto ang maraming kapatid na may mga tungkulin, at na ang lahat ng sangkot na kabahayan ay maaaring i-raid, at maaaring kumpiskahin ng malaking pulang dragon ang mga ari-arian ng iglesia sa anumang oras, kaya kinailangan kong magmadali at ilipat ang mga gamit ng iglesia at ang mga sangkot na kapatid sa isang ligtas na lugar, ngunit patuloy pa ring naghahanap at nagmamanman ang mga pulis. Ano ang maaaring gawin? Labis akong nangamba. Nang makauwi ako, itinuro ng aking anak na babae ang kanyang phone at sinabing, “Nay, mag-ingat ka at huwag ka munang lumabas nang ilang araw. Pinadalhan ako ng video ng isa sa mga kliyente ko sa pampublikong seguridad, sinasabing naaresto na nila ang mahigit 70 mananampalataya, at patuloy pa rin silang naghahanap.” Mas lalo akong natakot nang marinig ito, at talagang kinabahan ako. Iniisip ko kung paanong palagi kaming magkasama sa trabaho ni Yang Yue. Madalas din akong pumupunta sa bahay niya, at ngayong naaresto siya, napaisip ako kung mahahanap ako ng mga pulis sa pamamagitan ng surveillance. Kung natuklasan na nila ang tungkol sa akin, hindi ba’t manganganib ako kung lalabas ako para gawin ang aking tungkulin? Nagkasakit na ako dahil sa aking trabaho, at talagang mahina ako. Kung maaresto nga ako, hindi ko alam kung gaano karaming pambubugbog ang kakayanin ko. Kung susubukan ng mga pulis na pahirapan ako para paaminin at bubugbugin ako hanggang sa mamatay, mawawalan ba ako ng pagkakataong maligtas? Palagi kong naaalala ang mga video ng mga kapatid na pinahihirapan at mas lalo akong hindi mapalagay habang naiisip ito. Labis akong natakot, hindi makakilos at walang lakas sa buong katawan, hindi ako mapakali. Naisip ko na dapat akong tumakas agad mula sa panganib, magtago, at magpatuloy mula roon. Pero pagkatapos ay naisip ko ang sitwasyon ng iglesia, at ang lahat ng gawain ng pag-aayosna dapat magawa, at na dahil naaresto si Yang Yue, kailangan kong akuin ang gawain ng iglesia. Kailangan kong sabihin sa mga nanganganib na magtago, at kailangan kong ilipat kaagad ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Isa iyong malaking responsabilidad. Kung hindi ko gagawin nang maayos ang trabahong ito, lalong mapipinsala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Makakaraos ako kung ang sarili kong ari-arian ang mawawala, pero kung ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ang matatangay, magdudulot iyon ng mga kawalan sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, na hindi masusukat ng pera. Kung magtatago ako sa gayon kakritikal na oras, matatawag pa rin ba akong mananampalataya? Ako ay talagang magiging walang pagkatao. Nasaan ang pagpapahalaga ko sa responsabilidad? Pero hindi ko magagawa nang maayos ang mga trabahong ito nang mag-isa. Posibleng minamanmanan na ako ng mga pulis. Kung talagang maaresto ako, hindi ba’t magiging mas kaunti ang mga taong makakagawa ng mga tungkulin? Tapos, biglang sumagi sa isip ko na masigasig sa kanilang paghahangad ang dalawang sister na sina Chen Hui at Zhang Min, at kaya nilang humawak ng responsabilidad, at na dapat kong ipaasikaso sa kanila ang mga naiwang pinsala, at maaari akong magtrabaho nang hindi nakalantad. Alam nilang hindi mabuti ang kalusugan ko, kaya malamang na maiintindihan nila ako. Sa ganitong paraan, hindi maaantala ang gawain ng iglesia, at malalayo ako sa panganib. Pagkatapos, may isang bagay na sinabi sa akin ang nakatataas na lider na paulit-ulit na sumusulpot sa isipan ko. Sinabihan niya ako na akuin ang gawain sa iglesia kasama si Yang Yue. Alam kong naaresto si Yang Yue, kaya dapat kong pasanin ang responsabilidad na iyon, pero natakot ako sa panganib. Ginusto kong tumakas at magtago sa panahong ito ng kagipitan para protektahan ang sarili ko. Ginusto ko pa ngang ipasa ang panganib at paghihirap na iyon sa ibang mga sister. Masyado akong naging makasarili. Tinatalikuran ko ang aking tungkulin, na siyang paggawa ng kasamaan! Bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang kumpletuhin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Agad akong namulat sa mga salita ng Diyos. Nakonsensya at nagsisi ako sa pag-iisip nang ganoon. Paano ko nagawang ipasa sa iba ang atas sa akin sa iglesia? Nakatanggap ako ng labis na panustos mula sa mga katotohanan ng Diyos, kaya dapat ay pinagninilay-nilayan ko kung paano gagawin nang maayos ang aking tungkulin para masuklian ang Diyos. Habang nasa panganib ang iglesia, dapat kong protektahan ang mga kapatid at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ako ang taong namamahala, pero gusto kong yumukyok at magtago sa kritikal na oras na ito at ipasa ang panganib sa iba. Kung mananakaw ng malaking pulang dragon ang mga aklat ng salita ng Diyos at ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos dahil sa aking pagkamakasarili, iyon ay magiging isang paglabag na hindi na mababawi! Kahit maging ligtas ako sa loob ng ilang panahon, sa mga mata ng Diyos, ako ay magiging isang duwag na namumuhay nang kahiya-hiya, isang taksil na tumatakas mula sa labanan. Magiging karapat-dapat ba akong mamuhay sa harap ng Diyos kung gayon? Kung tatalikuran ko ang aking tungkulin, hindi ba’t pagtataksil iyon sa Diyos? Kung gayon, ano ang magiging kabuluhan ng buhay ko? Hindi ako komportable at nakonsensya ako sa isiping ito. Ramdam ko ang labis na pagkakautang ko sa Diyos, at kinamumuhian ko ang aking sarili dahil sa pagiging kasuklam-suklam at walang-kahihiyan. Palagi akong namumuhay para sa aking sarili, pero simula ngayon ay kailangan ko nang isagawa ang katotohanan at mamuhay para sa Diyos. Alam ko na anuman ang kaharapin ko, ang magdasal at umasa sa Diyos ang pinakamatalinong gawin. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Hindi ko alam kung pinupuntirya na ako ng mga pulis. Nanghihina at natatakot ako, pero kung maaaresto man ako o hindi ay nasa Iyong mga kamay. Ayaw kong mamuhay ng isang walang dangal na pag-iral o magtaksil sa aking konsensya at maghimagsik laban sa Iyo. Maraming gawain ng pag-aalis na dapat asikasuhin kaagad para sa iglesia. Dapat kong gampanan ang aking mga responsabilidad. Diyos ko, bantayan Mo po ang puso ko at bigyan Mo ako ng kahandaan na dumanas ng paghihirap. Kung talagang aarestuhin at bubugbugin ako hanggang sa mamatay, iyon ay dahil pinahintulutan Mo ito. Handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, at hinding-hindi ko ipagkakanulo ang mga interes ng Iyong sambahayan.” Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang gugulin ang lahat ng mayroon ka. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking mabuting hangarin, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Nang mabasa ko na sinasabi ng Diyos na “Tandaan ito! Huwag kalimutan!” talagang naantig ako. Katulad lang iyon ng mga magulang na nagsasabi sa kanilang anak na, “Huwag kang matakot, nandito ako.” Bigla akong nagkaroon ng pananalig at lakas, at naramdaman kong may suporta ako. Naramdaman ko na ayaw ng Diyos na mamuhay ako sa palagiang pagkabalisa at pagkatakot. Hindi ako dapat matakot na hindi magawa nang maayos ang aking tungkulin, o matakot na maaresto ng malaking pulang dragon, at lalong hindi ko dapat kalimutan na palagi nating kasama ang Diyos. Gaano man katuso at kasama ang malaking pulang dragon, hindi nila mapipigilan ang gustong isakatuparan ng Diyos. Kahit na minamanmanan ng mga pulis ang mga mananampalataya araw-araw, hindi nila masisira ang gawain ng iglesia, dahil ang lahat ng bagay ay pinamumunuan at pinangangasiwaan ng Diyos. Dapat akong magkaroon ng pananalig, ibigay ang sarili ko sa Diyos, at tapusin ang gawain ng pag-aalis sa lalong madaling panahon. Ang kakila-kilabot na sitwasyong ito ay ang pagsubok ng Diyos sa aking pananalig at pagsisiyasat Niya sa aking tunay na tayog upang makita kung kaya kong itaya ang aking buhay para maging tapat sa aking tungkulin, protektahan ang mga kapatid, at pangalagaan ang gawain ng iglesia. Sa isiping iyon, isa lang ang nasa isip ko: Kahit ano ang mangyari, kailangan kong mag-isip ng paraan upang malampasan ang mga paghihirap na nasa harapan ko, bawasan ang aming mga disbentahe, at gawin nang maayos ang aking tungkulin, kung hindi ay hindi ako mapapayapa. Noong handa na akong magpasakop at dumanas sa sitwasyong iyon, nagulat ako nang hindi inaasahang dumating sina Chen Hui at Zhang Min sa bahay ng aking host para pag-usapan ang pangangasiwa sa mga naiwang pinsala. Nang makita ko sila, talagang natuwa ako at nahiya. Kung iisipin kung paaanong ginusto kong ilagay sila sa panganib, alam ko kung gaano akong naging kasuklam-suklam at makasarili. Ubod ng sama at kahiya-hiya ang aking pag-iisip. Kahit na hindi ako nakipag-ugnayan sa kanila, sa kritikal na oras, nagmadali silang pumarito nang walang pag-aalinlangan para maiwasan ang anumang pinsala sa sambahayan ng Diyos. Labis akong naantig at walang tigil na nagpapasalamat sa Diyos. Nakikita ko na ang Diyos ang namumuno at nangangasiwa sa lahat, at hindi Niya ako binigyan ng isang pasanin na napakahirap tiisin. Tapos, nagkaroon kami ng mabilisang talakayan, hinati-hati ang mga responsabilidad, at umalis na kaagad. Una, mag-isa akong pumunta sa isang kalapit na bahay kung saan nakadalo si Yang Yue ng mga pagtitipon, para ipaalam sa host na kailangan niyang maging alerto. Nagdarasal ako habang papunta roon, ibinababa nang husto ang gamit kong payong. Mabilis akong nakarating doon at inabihusan ko ang host na sister. Sa pangalawang tahanan, kinailangan naming ilipat ni Chen Hui ang ilang aklat ng mga salita ng Diyos. Malayo iyon, at mayroong surveillance sa buong ruta namin. Nakikita ko ang mga sasakyan ng pulis na pumapalibot sa di-kalayuan. Medyo natakot na naman ako. Naisip ko, “Hinihigpitan ng mga pulis ang kanilang paghahanap. Kung dadaan ako sa surveillance at makikilala ako, manganganib ako. Tapos, makukumpiska ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at madadamay rin si Chen Hui.” Nakaangkas ako electric scooter ni Chen Hui, nakakapit sa damit niya, pinagpapawisan ang mga palad ko. Bago kami nakarating sa pakay na bahay, kumakabog ang puso ko, at nag-aalala ako na may mga pulis na naghihintay. Tinatawag ko nang tinatawag ang Diyos sa puso ko, at pagkatapos ay naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng lakas ng loob na harapin ang malupit na kapaligirang ito. Sinabi ko sa sarili ko, “Kahit na kailangan ko pang itaya ang buhay ko, dapat kong protektahan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kailangan kong magkaroon ng pananalig at maniwala na pinamumunuan ng Diyos ang lahat. Gaano man kalupit ang malaking pulang dragon, kung walang pahintulot ng Diyos, wala itong magagawa sa amin.” Pagkatapos, hindi na ako gaanong natakot at nangamba. Magkaisang-puso kaming nanalangin ni Chen Hui sa Diyos, at sa huli, nailipat namin ang mga aklat sa isang ligtas na lugar nang walang problema. Sa wakas ay naalis ang isang napakabigat na bagay sa puso ko.
Kalaunan, nakatanggap ako ng liham mula sa isang nakatataas na lider, sinasabing wala pa ring kasiguruhan ang mga bagay-bagay, at na nakahinto ang mga proyekto ng iglesia. Gusto niyang pangasiwaan ko ang mga bagay-bagay, kasama sina Chen Hui at Zhang Min. Napagtanto ko na hindi pa napaalis ang mga anticristo at masamang tao, at nanggagambala pa rin ang mga ito, at na dapat kong akuin ang responsabilidad na iyon at alisin ang mga taong iyon para maipagpatuloy ng mga kapatid ang normal na buhay-iglesia sa lalong madaling panahon. Ngunit hindi man lang bumuti ang sitwasyon. Kada ilang araw ay may masamang balita tungkol sa mga kapatid na naaaresto at sa kanilang mga tahanan na nire-raid. Pagkatapos ay nalaman ko na ginagamit ng malaking pulang dragon ang lahat ng uri ng napakasamang taktika para linlangin ang mga naaresto at lansiin ang mga ito para ipagkanulo nila ang isa’t isa. Kapag hindi nila ginagawa iyon, pinapahirapan sila para mapagsalita sila. Kalaunan, may balita na si Zhu Feng, isang huwad na lider na tinanggal sa aming iglesia, ay hindi nakayanan ang pang-uudyok at interogasyon ng malaking pulang dragon, ang mga pinagsamang marahan at mabagsik na pamamaraan pagkatapos siyang maaresto, at sa loob ng ilang araw, siya ay naging isang Hudas at ipinagkanulo niya ang Diyos. Muli akong nabalisa nang marinig ang balitang ito. Palagi ko itong iniisip at hindi ako makatulog nang gabing iyon. Pakiramdam ko ay nakikita ko ang mga mukha ng mga nagdurusang kapatid na nakaupo sa upuang pang-torture. Naisip ko rin kung paanong alam ni Zhu Feng ang lahat tungkol sa gawain ng iglesia at kung saan ako nakatira. Kung nagawa niyang ipagkanulo ang Diyos, sino ang nakakaalam kung kailan niya ako ipagkakanulo? Kung maaaresto ako, makakayanan ko ba ang malupit na pagpapahirap? Hindi ba katakot-takot kung sa kulungan ako mamamatay? Habang iniisip ang mga ito, nasadlak na ako sa kadiliman. Wala akong naramdamang pasanin sa tungkuling dapat kong gawin at tuluyan na akong nawalan ng lakas. Habang papunta ako sa maliliit na pagtitipon, kinakabahan talaga ako kapag may dumadaang sasakyan ng pulis. Habang dumadaan sa lugar kung saan inaresto ang ilang kapatid, kinakabahan ako at natatakot na maaresto. Iniisip ko, pwede akong magtago saglit, maghintay hanggang sa maging maayos ang mga bagay at pagkatapos ay makipagkita na sa iba. Pero hindi ako mapakali sa isiping iyon. Naisip ko ang anticristo at masasamang tao na malaya lang sa iglesia. Patuloy nilang gagambalain ang mga bagay-bagay, at kung patuloy akong mamumuhay nang naduduwag at natatakot sa kamatayan, hindi ako makakagampan nang maayos o makapagbibigay ng patotoo, at kaya magiging isa akong katatawanan ni Satanas. Naisip ko, ang lahat ay ipinapanganak, tumatanda, nagkakasakit at namamatay, kaya bakit ba takot na takot ako sa kamatayan? Higit sa lahat, masyado kong pinoprotektahan ang aking sarili. Natakot ako na hindi ako magkakaroon ng magandang katapusan sa kabila ng aking pananalig, at sa halip, mapapahirapan at mabubugbog ako ng malaking pulang dragon hanggang sa mamatay, magtitiis ng matinding sakit. Ilang taon pa lang akong mananampalataya at hindi ko pa nauunawaan ang katotohanan. Kung mamamatay ako nang ganoon, mawawalan ako ng pagkakataong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, maranasan ang Kanyang gawain, at maligtas. Kung gayon, hindi ba’t magiging walang saysay ang aking pananalig? Habang mas iniisip ko ito, mas nagiging mahirap itong tanggapin, kaya nagdasal ako sa Diyos kaagad, humihiling sa Kanya na liwanagan at gabayan ako para maunawaan ko ang katotohanan, at magkamit ng wastong pagkaunawa sa ganitong uri ng bagay. Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “May plano ang Diyos para sa Kanyang bawat tagasunod. Ang bawat isa sa kanila ay may kapaligiran, na iniaayos ng Diyos para sa tao, para isagawa ang kanyang tungkulin, at mayroon biyaya at pabor ng Diyos na dapat tamasahin ng tao sa kanya. Mayroon din siyang mga espesyal na sitwasyon, na binalangkas ng Diyos para sa tao, at maraming pagdurusang kailangan nilang maranasan—hindi ito isang madaling paglalakbay na gaya ng iniisip ng tao. … Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Naaayon ba sa batas ang pagpatay sa kanila dahil sa kanilang mga krimen? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na katapusan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binanggit natin ang paksang ito, ilagay ninyo ang inyong mga sarili sa kanilang katayuan, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kahihinatnan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi nangangahulugan iyon na ganoon rin ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kahihinatnan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na mas malinaw na makita ang isyu ng kamatayan. Natutunan ko kung anong pag-iisip ang dapat kong taglayin sa mga sitwasyon ng buhay o kamatayan, at na palagi akong napipigilan ng aking pagkatakot sa kamatayan, higit sa lahat dahil hindi ko lubusang nauunawaan ang katotohanan na ang Diyos ang namumuno sa ating mga kapalaran. Kahit na marami akong nabasang mga salita ng Diyos bilang isang mananampalataya, at naunawaan ko sa teorya na ang Diyos ay namumuno at nagsasaayos ng ating buhay at kamatayan, wala akong tunay na personal na karanasan o pagkaunawa. Nakita ko rin ang aking malubhang kapintasan. Ang pangunahing dahilan ng aking takot sa kamatayan ay dahil natatakot akong mapahirapan at pisikal na magdusa bago mamatay, at natatakot ako na hindi ako magkakaroon ng magandang katapusan at hantungan kung mamamatay ako. Pakiramdam ko ay magiging isang kalunos-lunos na kamatayan kung hahayaan kong pahirapan ako ng malaking pulang dragon hanggang sa mamatay. Lalo na nang maisip ko ang napakaraming kapatid na inaaresto at pinahihirapan, at nang nabalitaan ko kung paanong ipinagkanulo ni Zhu Feng ang Diyos, natakot ako na ipagkakanulo niya rin ako. Nag-alala ako na baka maranasan ko rin ang gayong uri ng kahindik-hindik na pagpapahirap, o mamatay pa nga mula rito. Talagang hindi ako masaya. Pero sa totoo lang, ang pisikal na paghihirap ay hindi ang pinakamatinding pasakit. Kung hindi natin kakayanin ang pagpapahirap at ipagkakanulo natin ang Diyos, mapaparusahan ang ating kaluluwa. Iyon ang pinakamatinding pagdurusa at hindi matitiis na pasakit. Naisip ko ang mga Hudas at mga nagtaksil sa Diyos, at ang mga tinalikuran ng Banal na Espiritu pagkatapos. Sinabi nila na kasingsakit iyon ng tila pinupunit ang kanilang puso, at hindi nila alam kung paano magpapatuloy na mabuhay, na para bang sila ay mga bangkay na walang kaluluwa, walang iba kundi mga zombie. Ang pamumuhay nang ganoon ay magiging mas masakit kaysa sa mapahirapan hanggang sa mamatay. Tapos, naisip ko si Pedro. Pagkatakas niya sa bilangguan, nagpakita sa kanya ang Panginoong Jesus at sinabing, “Ipapapako mo ba Akong muli para sa iyo?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Naunawaan ni Pedro ang ibig sabihin ng Diyos, at alam niya na dumating na ang araw ng Diyos para makapagbigay siya ng patotoo. Nagpasakop siya, handang sumunod hanggang sa kanyang kamatayan, ibigay ang lahat-lahat niya at magpapako sa krus para sa Diyos. Alam ni Pedro na ang pagpapapako sa krus ay nangangahulugan ng matinding sakit, ngunit pinili pa rin niyang magpasakop sa Diyos, upang makapagbigay ng maganda, matunog na patotoo para sa Diyos at maipahiya si Satanas. Nang maisip ko ang pagpapasakop ni Pedro sa Diyos, hiyang-hiya ako. Napuno ako ng takot sa ideya ng kamatayan at mayroon akong mga hinihingi sa Diyos, umaasang hindi ako mamamatay sa pasakit at magkakaroon ako ng magandang hantungan. Paano iyon naging makatwiran o masunurin? Pero napagtanto ko na, kapag pinipinsala ni Satanas at nahaharap sa kamatayan, tanging ang makapagsakripisyo ng sarili nating buhay ang tunay na makabuluhan, at ang pinakamagandang patotoo. Kung pipiliin kong protektahan ang aking sarili at mamumuhay nang walang dignidad, bagamat maaaring patuloy na mabuhay ang aking katawan at hindi magdurusa sa sakit, para sa Diyos, ito ay pagkakanulo sa Kanya at hindi pagpapatotoo. Sa mga mata ng Diyos, ang aking kaluluwa ay patay na at parurusahan Niya ako sa huli. Iyon lamang ang tunay na kamatayan. Kung kaya kong isakripisyo ang buhay ko, protektahan ang gawain ng iglesia, gawin nang maayos ang aking tungkulin, manindigan sa aking patotoo para sa Diyos, at ipahiya si Satanas, kahit na bugbugin ako hanggang sa mamatay, nasa mga kamay pa rin ng Diyos ang aking kaluluwa at patuloy itong mabubuhay. Sa puntong iyon, napagtanto ko na masyado akong mapanghimagsik, at hindi ako handang magpasakop sa pamumuno at mga pangangasiwa ng Diyos, at hindi ako nakatuon sa pagsasakripisyo ng aking buhay para makapagpatotoo sa Diyos. Pinahintulutan ako ng Diyos na maranasan ang paghihirap at pang-aapi na ito, umaasang matututunan ko at masasangkapan ang aking sarili ng katotohanan, at na malalaman kong ang mga nilikha ay dapat magpasakop sa Diyos, at na kung balang araw ay kakailanganin ako ng Diyos na magbigay ng ganoong uri ng patotoo, kailangan kong magpasakop nang walang kondisyon, maging katulad ni Pedro at maging determinadong palugurin ang Diyos. Bagamat wala pa akong gaanong pagkaunawa sa Diyos, naniniwala ako na matuwid ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Hahayaan man Niyang mabuhay o mamatay ang isang tao, nakapaloob dito ang Kanyang mabuting kalooban at ang Kanyang pamumuno. Sa sandaling naunawaan ko ang mga bagay na ito, hindi na ako gaanong napipigilan ng ideya ng kamatayan. Gaano man katindi ang pang-uusig ng malaking pulang dragon at kung maaresto man ako, handa akong ilagay ang aking sarili sa mga kamay ng Diyos at tuparin ang aking tungkulin.
Pagkatapos ay pumunta ako sa mga lugar ng pagpupulong para ibahagi ang mga salita ng Diyos sa mga kapatid, upang maunawaan ng lahat na ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para isakatuparan ang Kanyang mga layon, para gawin tayong perpekto, ginagamit ang mga pang-aaresto at pang-uusig nito upang malinaw nating makita ang masamang diwa nito, magkaroon tayo ng pagkakilala rito, at buong-puso itong tanggihan, habang ginagawa ring perpekto ang ating pananalig at pagmamahal sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito. Habang walang-habas ito sa pang-aaresto sa amin, nagdudulot din ng kaguluhan at pagkagambala sa iglesia ang anticristo. Pero kailangan naming umasa lahat sa Diyos, kumain at uminom pa rin ng Kanyang mga salita at kilatisin ang anticristo sa kapaligirang iyon, upang magawa ang aming tungkulin at magpatotoo sa Diyos. Sa sandaling naunawaan nila ang kalooban ng Diyos, handa na silang lahat na humarap sa paghihirap na ito, sumunod sa buhay ng iglesia, at gumawa ng kanilang tungkulin para ipahiya si Satanas.
Pinagnilayan ko rin ang sarili ko pagkatapos niyon. Bakit lubos akong walang pananalig sa sitwasyong iyon, palaging makasariling iniisip ang aking sarili? Ano ang tunay na dahilan? Sa aking paghahanap, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at masama. Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, lalong wala silang debosyon sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang kaligtasan. Wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsala sa gawain ng iglesia—basta’t buhay pa rin sila at hindi pa naaaresto, iyon lang ang mahalaga. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling kaligtasan lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at may tunay na pananampalataya sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili, hindi nila alintana ang panganib sa gawain ng iglesia at sa mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tatalikuran ng isang anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga naiwang pinsala. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong lihim na pagtataksil sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib na pangasiwaan ang gawain ng paglilinis sa mga naiwang pinsala, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa masamang bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa pagtupad ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayunpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat tanggapin ng isang tao ang panganib sa pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa iyo ang pinakamahalaga, at ito ang priyoridad. Pangunahing priyoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Inihahayag ng Diyos na ang likas na katangian ng mga anticristo ay napakasama, napakamakasarili, at napakakasuklam-suklam, at hindi sila tapat sa Diyos. Kapag nahaharap sa panganib, pinipili lang nilang protektahan ang kanilang sarili, hindi alintana ang kaligtasan ng mga kapatid. Iniisip lamang nila ang mga interes ng kanilang laman at sariling kaligtasan, hinahayaan na madakip ang mga hinirang ng Diyos at makumpiska ang mga handog sa Diyos. Sa paggawa nito, lihim nilang ipinagkakanulo ang mga kapatid, at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ganoon kumikilos ang mga anticristo. Pero noong una, mayroon akong makasarili at kasuklam-suklam na mga kaisipan at ideya na talagang nagbunyag sa aking anticristong disposisyon. Nang maaresto si Yang Yue, marami pang iba ang kinailangang maabisuhan at kinailangan kong akuin ang responsabilidad sa paglipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos kaagad, pero natakot akong mahuli ng malaking pulang dragon, at mapahirapan at mabugbog hanggang sa mamatay, at pagkatapos ay mawalan ng pagkakataong maligtas, at kaya, ginusto kong talikuran ang aking tungkulin. Bilang isang lider, ako ang responsable sa gawain ng iglesia. Responsabilidad kong protektahan ang kaligtasan ng iba at tiyaking hindi makokompromiso ang mga interes ng iglesia. Subalit noong may panganib, hindi ko man lang inisip ang iba, kundi ang sarili kong buhay o kamatayan lamang. Ang anumang bagay tungkol sa iba at sa mga interes ng iglesia ay huli ko nang pinag-iisipan noong panahong iyon, para bang wala akong simpatiya sa kanila kung maaresto, mabugbog, o masaktan sila. Pakiramdam ko walang kinalaman sa akin ang mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sapat na ang panatilihing ligtas ang aking sarili. Bakit masyado akong walang pagkatao, kasuklam-suklam, at mapaminsala? Ang mga tapat sa Diyos ay inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay. Pero noong may nangyari, ginusto ko na lang talikuran ang aking tungkulin at lihim na magtago. Umaasa ako na hindi ko kakailanganing gumawa ng anumang mapanganib o humarap sa anumang bagay na maaari kong ikamatay. Maraming beses na ginusto kong ipasa ang delikadong gawain kina Chen Hui at Zhang Min. Bagamat hindi ko naman talaga ginawa ang mga bagay na iyon, talagang matinding umuusbong ang mga saloobin at ideya ko. Ang disposisyon kong ito ay kasingsama at kasingkasuklam-suklam ng sa mga anticristo. Sa katunayan, nasa bingit na ako ng paggawa ng kasamaan. Sa kabutihang-palad, hinatulan, inilantad, at ginabayan ako ng mga salita ng Diyos bago pa mahuli ang lahat, kaya’t bagamat muntikan na ay nakaiwas pa rin ako sa paggawa ng kasamaan. Kung hindi, kamumuhian sana ako ng Diyos at itatakwil. Nang mapagtanto ko ito, sa wakas ay ganap kong naunawaan kung gaano kahalaga na maranasan ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos.
Sa mga sumunod na araw, walang humpay na inaresto at inusig ng malaking pulang dragon ang mga miyembro ng iglesia. Ang isang sister na inilipat mula sa ibang lugar ay inaresto habang ginagawa ang kanyang tungkulin, at ang isa pang miyembro ng iglesia na inalis na ay naaresto rin. Nakakabalisa pa rin ang mga bagay-bagay. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos kalaunan: “Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon? Talaga bang tunay ninyong kinamumuhian ito? Bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong? Bakit Ko ba palaging itinatanong sa inyo ang bagay na ito, nang paulit-ulit? Anong imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Talaga bang naalis na ito? Talaga bang hindi ninyo ito itinuturing na inyong ama? Dapat mahiwatigan ng lahat ng tao ang layunin Ko sa Aking mga tanong. Hindi ito para pukawin ang galit ng mga tao, ni hindi para mag-udyok ng paghihimagsik sa tao, ni hindi para matagpuan ng tao ang kanyang sariling daan palabas, kundi para tulutan ang lahat ng tao na palayain ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin sa malaking pulang dragon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28). Tama ang mga salita ng Diyos. Ang bansa ng malaking pulang dragon ay parang impiyerno sa lupa. Bago ko personal na naranasan ang pagtugis at pang-uusig nito, nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos na, “Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon?” bagamat sinabi kong oo, hindi ko talaga ito kinasusuklaman sa aking puso. Nang nakita ng sarili kong mga mata ang pang-uusig ng CCP sa mga mananampalataya at ang malulupit nitong pamamaraan, ang pang-aaresto sa mabubuti, regular na mananampalataya nang walang dahilan, malupit silang pinahihirapan at binubugbog pa ang ilan hanggang sa mamatay, ay saka ko lamang kinamuhian ito mula sa pinakakaibuturan ng aking puso. Dahil sa pang-aapi at kalupitan ng malaking pulang dragon, tunay kong nakita ang malupit at masamang diwa ni Satanas. Personal ko ring naranasan ang pamumuno at awtoridad ng Diyos, at nagkamit ako ng pananalig sa Diyos. Anumang uri ng mga sitwasyon ang kakaharapin ko pagkatapos, handa akong gawin ang aking makakaya para tuparin ang aking tungkulin, at hindi na maging isang taong makasarili, kasuklam-suklam, at naglilingkod lamang sa sarili. Sa halip, sasandal ako sa Diyos, susundin ang Kanyang kalooban, uunahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at gagawin nang maayos ang aking tungkulin.
Pagkatapos niyon, nakipagbahaginan ako sa mga sister na nakatrabaho ko na gaano man kakilakilabot ang sitwasyon, ang paglalantad sa anticristo at masasamang tao ay hindi pwedeng ipagpaliban. Nagawa namin ang lahat ayon sa mga prinsipyo pagkatapos ng aming pagbabahaginan. Sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, hindi na ako gaanong natatakot na maaresto, at kaya kong gawin ang aking tungkulin nang normal. Sa huli, itiniwalag namin ang anticristo sa iglesia nang walang problema, at unti-unting nakabalik sa normal na buhay-iglesia ang mga kapatid. Ang lahat ay nagpasalamat sa Diyos at pinuri nila Siya! Sa pagkakataong ito, habang nahaharap sa pang-aaresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon, hindi ako sumuko, at hindi ko tinalikuran ang aking tungkulin. Iyon ay ganap na resulta ng patnubay ng mga salita ng Diyos. Sa Makapangyarihang Diyos ang lahat ng kaluwalhatian!