Hindi Na Ako Nahihirapang Makipagtulungan nang Mabuti
Sa nakalipas na ilang taon, dinidiligan ko sa iglesia ang mga baguhan mula sa ibang bansa. Dahil mayroon akong karanasan sa gawain ng pagdidilig at nakakapagsalita nang kaunti ng kanilang wika, madalas humingi ng tulong sa akin ang mga kapatid kapag may problema sila sa pagdidilig sa mga baguhan, at karaniwang tinatanggap nila ang aking mga mungkahi. Kung minsan, hindi alam ng mga kapatid kung paano lulutasin ang ilang problema ng mga baguhan, ngunit madali kong nalulutas ang mga ito. Samakatwid, naniwala ako na ang aking kakayahan ay mahusay at ang mga abilidad ko sa gawain ay higit sa karaniwan. Hindi nagtagal, ako ay napili bilang isang superbisor at naging responsable ako sa pag-aayos at paggawa ng mga panghuling desisyon sa maliliit at malalaking bagay sa gawain ng pagdidilig. Sobra akong natuwa sa pakiramdam na ito.
Nang maglaon, habang tumataas ang bilang ng mga baguhan na nangangailangan ng pagdidilig, inatasan ng iglesia ang isang kapatid na nagngangalang Emily na makipagtulungan sa akin at makibahagi sa responsabilidad para sa gawain. Sa aming unang pagtitipon, tinalakay ni Emily ang kanyang mga ideya at opinyon sa mga umiiral nang problema sa gawain ng pagdidilig. Sumang-ayon ang mga kapatid sa kanya, ngunit hindi ako komportable. Hindi ko inaasahan na, sa kabila ng paggawa ng tungkuling ito sa loob ng maikling panahon, ay may lubos nang pagkaunawa si Emily tungkol sa mga propesyonal na bagay. Bago siya sumali sa amin, ang lahat ay nakikinig sa akin sa mga talakayan, ngunit ngayon, dumating siya at inagaw ang atensyon mula sa akin. Sa hinaharap, kapag nakagugol na siya ng mahabang panahon kasama ang mga kapatid, na magpapakita ng mas marami pa niyang mga kalakasan at kapakinabangan, tiyak na labis siyang hahangaan ng lahat, na maglalagay sa alanganin ng katayuan ko sa grupo. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong nag-aalala. Isang araw, sinuri ng lider ang gawain kasama namin. Napansin niya na ang mga baguhan na diniligan ni Emily ay normal na nagtitipon, at marami ang gumagawa ng kanilang mga tungkulin, habang marami sa mga baguhan na diniligan ko ay hindi nagtitipon nang normal, at kakaunti ang gumagawa ng kanilang mga tungkulin. Nang makita ang sitwasyong ito, hiniling sa akin ng lider na italaga kay Emily ang ilan sa mga gawaing pinamamahalaan ko. Nang marinig ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagtutol sa aking puso, at naisip ko, “Bagaman hindi masyadong maganda ang mga resulta ng gawaing pinangangasiwaan ko, kung mas magsusumikap lang ako, ang mga isyung ito ay bubuti at malulutas sa lalong madaling panahon. Bakit ko itatalaga kay Emily ang gawain ko? Kung malaman ito ng mga kapatid, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Tiyak na iisipin nila na ang aking mga abilidad sa gawain ay hindi ganoon kahusay. Paano ako mananatili sa grupo kung gayon? At saka, kung makikisali si Emily sa reponsabilidad kong gawain at ang lahat ay magsisimulang makinig sa kanya, sino na lang ang makikinig sa akin? Hindi ba’t mula sa pagiging superbisor ako ay magiging lider na walang kapangyarihan na lang?” Ngunit nagawa na ng lider ang pagsasaayos na ito at hindi ko siya maaaring tahasang tanggihan, kaya atubili akong nagtalaga kay Emily ng ilang hindi gaanong mahahalagang gampanin. Madalas na hindi ako kusang nakikipagkita sa kanya upang pag-usapan ang gawain, at minsan kapag pinapadalhan niya ako ng mga mensahe, ayaw kong tumugon pagkatapos basahin ang mga iyon.
Hindi nagtagal, nalaman ko na ang isang brother na nagngangalang Hunter ay nasa masamang kalagayan, kaya naghanda akong suportahan at tulungan siya, pero sa hindi inaasahan, sinabi sa akin ni Emily na nakipagbahaginan na siya kay Hunter. Medyo nalungkot ako, at naisip ko, “Ako ang palaging nagbabahagi kay Hunter, at ngayon ay pumunta ka at nagbahagi sa kanya nang hindi binabanggit sa akin; hindi ba malinaw na sinusubukan mong makipagkumpitensya sa akin?” Lalo na noong sinabi ni Hunter sa isang pagtitipon na malaki ang pakinabang na nakuha niya sa pagbabahagi ni Emily at tinulungan siya nitong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa kanyang tiwaling disposisyon, nakaramdam ako ng labis na pagkabalisa. Naisip ko, “Nabanggit minsan ni Hunter na ang aking mga pagbabahagi ay naglalaman ng maraming doktrina, samantalang ngayon ay hinahangaan niya si Emily sa pagtukoy nito sa kanyang mga problema sa pagbabahagi nito. Kung magpapatuloy ito, hindi ba magiging halata kung sino sa amin ang mas magaling? Tiyak na iisipin ng lahat na naiintindihan ni Emily ang katotohanan at na may realidad siya, at sa hinaharap, magiging mas mataas na ang tingin nila sa kanya. Hindi ba’t ilalagay nito sa panganib ang katayuan ko sa grupo?” Mula noon, nakita ko si Emily bilang pinakamalaking banta sa akin. Naging sobrang mapagprotekta ako sa gawaing direktang responsabilidad ko, hindi nagbibigay sa kanya ng anumang pagkakataon para lumahok. Karaniwang hinihiling sa amin ng lider na talakayin ang gawain nang magkakasama, ngunit ayaw ko siyang isali, dahil pakiramdam ko ay nakakababa iyon at magmumukha lang akong walang kakayahan. Hindi ba’t pinamamahalaan ko naman nang maayos ang gawaing ito noong wala siya? Kaya, nagpalusot ako at tumanggi sa kanyang pakikilahok, sinabi ko sa lider na naasikaso ko na ang mga bagay-bagay, o na hindi ganoon kakomplikado ang mga isyu at kaya kong lutasin ang mga iyon nang mag-isa, na ang pagtalakay pa ng mga bagay-bagay kay Emily ay magpapatagal lamang sa mga bagay-bagay, at iba pang dahilan. Binigay ko ang lahat ng uri ng palusot para huwag siyang isama sa aking gawain. Isang beses, katatapos ko lang makipag-usap sa isang sister na nagngangalang Joan tungkol sa sitwasyon niya sa gawain nang lumapit si Emily para tanungin siya tungkol sa parehong bagay. Medyo nainis si Joan, sinabi niya na ang paulit-ulit na pakikipag-usap tungkol sa gawain ay parang pag-aaksaya ng oras. Alam na alam ko na ito ay dahil hindi ako nakipag-usap nang maayos kay Emily noong una pa, ngunit sa halip na pagnilayan ang aking problema, lihim akong natuwa, na iniisip ko, “Mismo! Hindi naman talaga dapat sinali pa si Emily. Kung aayawan siya ng lahat, hindi na siya magiging banta sa katayuan ko.” Kaya, umayon ako kay Joan at sinabing, “Medyo pinapatagal nga nito ang mga bagay-bagay.” Sa panahon ng mga talakayan sa gawain, kapag iminumungkahi ng ilang kapatid na isali si Emily, wala akong ibang pagpipilian kundi pumayag upang hindi mapahiya. Ngunit sa loob ko, ayaw na ayaw ko talaga. Naisip ko, “Emily, Emily! Ngayon ay siya na lamang ang pinapahalagahan ninyo. Imposible bang magpatuloy sa gawain nang wala siya? Bago siya sumali sa atin, ako ang gumagawa ng mga desisyon, at hindi naman naaantala ang gawain!” Sa tuwing naririnig kong binabanggit ng mga kapatid ang pangalan ni Emily, ako ay nagiging partikular na sensitibo, iniisip kung mataas ang tingin ng lahat sa kanya. Sa tuwing nasa paligid siya, agad akong nagiging mapagbantay, parang hedgehog na nakataas ang mga pantusok, handang ipagtanggol ang katayuan ko anumang oras. Dahil sa aking mga pagsisikap na hadlangan siya, hindi na talaga nakasama si Emily sa gawain at wala siyang ideya kung paano makipagtulungan sa akin, na labis na nagpalungkot sa kanya. Napagtanto ko na ang kanyang masamang kalagayan ay may malaking kinalaman sa akin, at nakaramdam ako ng tusok ng pagkakonsensiya. Gayumpaman, naisip ko noon, “Kung hindi ka makasali, umalis ka na lang sa gawain ko. Mabuti na magawa natin ang sari-sarili nating trabaho at huwag pakialaman ang isa’t isa.” Hiniling ko pa nga na sana ay ayusin ng Diyos ang mga sitwasyon para maitalaga si Emily sa ibang lugar upang magkaroon ako ng kapayapaan ng pag-iisip. Sa panahong iyon, namuhay ako sa isang kalagayan ng paglaban at pagbubukod kay Emily, at madalas akong makaramdam ng di-maipaliwanag na pagiging iritable at pagod. Lalo akong naging negatibo, at mas lalong nagdilim ang puso ko. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko, mula nang nagsimulang makatrabaho ko si Emily, noon pa man ay gusto ko nang makipagkumpetensya sa kanya at nag-aalala ako na baka maungusan niya ako. Alam kong hindi tama ang kalagayang ito, ngunit hindi ko makita ang diwa ng aking problema. Mangyaring bigyang-liwanag Mo ako para maintindihan ko ang aking sarili.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsiwalat sa mga anticristo at nakakuha ako ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. … Sa katunayan, ang mga taong ito ay may kaunting patotoong batay sa karanasan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Medyo mabuti ang pagkatao nila, may konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. At kahit na mayroon silang ilang pagkukulang, kahinaan, at paminsan-minsang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili at magsisi. Ang mga taong ito ang mga ililigtas ng Diyos, at may pag-asa na magagawang perpekto ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga taong ito ay angkop sa paggawa ng isang tungkulin. Natutugunan nila ang mga hinihingi at prinsipyo sa paggawa ng isang tungkulin. Ngunit iniisip ng mga anticristo, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?’ Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga anticristo ay nagbibigay ng partikular na pagpapahalaga sa katayuan at kapangyarihan, hindi pinapayagan ang sinuman na guluhin ang kanilang mga interes. Kapag nakakakita sila ng isang tao na mas mahusay kaysa sa kanila na nagiging banta sa kanilang katayuan, pinipigilan at hindi nila sinasali ang taong iyon. Kung ikukumpara ito sa aking pag-uugali, napagtanto ko na ako ay kumikilos na tulad ng isang anticristo. Nang makitang hindi lamang ibinahagi ni Emily ang katotohanan at nilutas ang mga problema nang mas mahusay kaysa sa akin, kundi mayroon din siyang napakalalim na pagkaunawa pagdating sa aming propesyon, nag-aalala ako na ang pakikipagtulungan sa kanya ay pipigil sa akin na magpakitang-gilas. Samakatwid, ibinukod ko siya at tumanggi na isali siya sa aking gawain, ang lahat ng iyan ay para protektahan ang katayuan ko at maiwasang maipamahagi ang aking kapangyarihan. Itinalaga ng lider na paghatian namin ni Emily ang gawain at magtulungan kami, na ginawa bilang pagsasaalang-alang sa mga resulta ng gawain ng pagdidilig. Gayumpaman, nilabanan ko ito sa aking puso. Kahit na nag-aatubili akong sumang-ayon na isali siya, binigyan ko lang siya ng ilang hindi gaanong mahahalagang trabaho, natatakot na kung makikinig ang lahat sa kanya ay mawawala ang katayuan ko sa grupo. Noong naging mahirap ang kalagayan ni Hunter, agad na nagbahagi sa kanya si Emily para lutasin ito, ngunit sa halip na masiyahan, gumawa ako ng lahat ng uri ng palusot upang pigilan siya para maprotektahan ang aking katayuan, at pinigilan siyang makasali sa gawaing pinangangasiwaan ko. Nang maging kritikal si Joan kay Emily, palihim akong natuwa, umaasa na ang lahat ay magkakampihan laban sa kanya para hindi na siya maging banta sa katayuan ko. Dahil sa aking pagbubukod, hindi makasali si Emily sa gawaing pinangangasiwaan ko, na nakaapekto sa kanyang kalagayan. Hindi ko pinagnilayan ang sarili ko, sa halip ay hiniling ko na umalis siya agad. Labis akong gahaman sa kapangyarihan, may matinding pagnanasa ako para sa katayuan. Upang mapanatili ang aking katayuan at kapangyarihan, ibinukod at pinigilan ko si Emily sa lahat ng ginawa ko nang hindi isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia. Talagang naging makasarili at kasuklam-suklam ako, at wala akong pagkatao. Ang aking pag-uugali ay ang tiyak na pagpapakita ng disposisyon ng isang anticristo!
Nang maglaon, binasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na magkaroon ng kaunting pagkaunawa tungkol sa mga kahihinatnan ng aking mga aksyon. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, maaari silang maghimagsik at sumalungat sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring tanggihan, salungatin, at ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Napakahangal ng mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, iniisip nilang, ‘Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at abilidad nang walang kapangyarihan?’ Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Ang tinatanggap lamang ng mga anticristo ay kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, at gusto lamang nilang kamkamin ang kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos, at tamasahin ang mga benepisyo ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay pagsalungat sa Diyos! Sinumang naghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at naglalagay ng kanilang buhay sa panganib. Ang mga naglalaro ng apoy at ng kanilang buhay ay maaaring magpahamak sa kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalong hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, sa partikular, na ang tungkuling ito ay nagmula sa atas ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man ito nang maayos o hindi; sa huli, dapat mag-ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang tinanggap mo ay atas ng Diyos, isang banal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano ito kaseryoso? Sa maliit na antas kinapapalooban ito ng kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at kinapapalooban ito ng kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong kalalabasan; kung gagawa ka ng kasamaan at sasalungatin ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Ang lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may mga sarili Niyang prinsipyo at pamantayan kung paano ito mamarkahan at susuriin; itinatakda ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Malinaw na ipinapaliwanag ng mga salita ng Diyos ang mga kahihinatnan ng paghahangad ng mga anticristo ng katayuan. Hindi hinahangad ng mga anticristo ang katotohanan, tanging reputasyon at katayuan lamang ang hinahangad nila; pinanghahawakan nila ang kapangyarihan at katayuan higit sa lahat, humahawak sa kapangyarihan at tumatangging bumitaw, nagnanais na maging nag-iisang awtoridad at hindi pinapayagan ang sinuman na makibahagi sa kanilang gawain. Sa huli, sila ay nabunyag at itiniwalag dahil sa paglaban sa Diyos. Habang nag-iisip tungkol sa aking sarili, pagkatapos na mahalal bilang superbisor ng gawain ng pagdidilig, ako ang gumagawa ng lahat ng desisyon sa gawain, maliit man o malaki. Ang lahat ay lumalapit sa akin upang magtanong tungkol sa kanilang mga isyu at nakikinig sila sa akin, at lalo akong nasiyahan sa pakiramdam na ito ng pagiging tagapaggawa ng desisyon. Pagkatapos sumama sa amin ni Emily, napansin kong mas namumukod-tangi siya kaysa sa akin sa maraming lugar. Nag-aalala ako na ang lahat ay magsisimulang idulog sa kanya ang kanilang mga problema, na naging sanhi ng pagkawala ng aking boses at kapangyarihan sa paggawa ng desisyon sa kanila, kaya ibinukod ko siya sa lahat ng posibleng paraan. Kahit ang lider na ang humihiling sa akin na hatiin ang gawain at makipagtulungan ako sa kanya o ang mga kapatid na gustong isali siya sa mga talakayan ukol sa gawain, lumaban ako sa puso ko. Nagpalusot pa nga ako para itaboy siya, at hindi ko siya hinayaang makilahok sa gawain at gusto kong mangibabaw sa grupo upang sa akin lang makinig ang mga kapatid kapag may problema sila. Itinalaga sa akin ng iglesia ang isang mahalagang tungkulin, gayumpaman, hindi ko inisip kung paano iyon gagawin nang maayos. Sa halip, ginugol ko ang lahat ng aking oras sa pag-iisip kung paano hindi madaig ni Emily at kung paano mapanatili ang aking katayuan. Ang aking pagnanais para sa reputasyon at katayuan ay masyadong matindi. Sinabi ng Diyos: “Sinumang naghahangad ng kasikatan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at naglalagay ng kanilang buhay sa panganib. Ang mga naglalaro ng apoy at ng kanilang buhay ay maaaring magpahamak sa kanilang sarili anumang sandali” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, lalo akong natakot, napagtanto ko na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at hindi Niya pinahihintulutan na malabag. Kung patuloy kong hahangarin ang kasikatan, pakinabang at katayuan nang hindi nagsisisi at patuloy na hindi isinasama at inaatake si Emily, sa huli ay sasalungatin ko ang disposisyon ng Diyos at mabubunyag ako at matitiwalag. Naisip ko rin iyong mga anticristo na pinatalsik sa iglesia. Kapag may mas magaling kaysa sa kanila at naging banta sa kanilang katayuan, nakikita nila ang taong iyon bilang isang kaaway at gumagamit ang mga anticristo ng iba’t ibang kasuklam-suklam na paraan upang sugpuin, ibukod, at pahirapan sila at makamit ang kanilang layon na makamtan ang nag-iisang kapangyarihan. Sa huli, pinatalsik sila sa iglesia dahil sa kanilang maraming masasamang gawa. Gayundin, ang Partido Komunista ng Tsina, upang patatagin ang rehimen nito, ay gustung-gustong paluhurin ang lahat dito. Wala itong awa sa mga maaaring maging banta sa posisyon nito at gusto nitong ganap na patalsikin ang mga iyon, sinusubukang panatilihing mahigpit ang pagkakahawak nito sa katayuan at kapangyarihan magpakailanman. Sa pagtingin sa aking sarili, ang akin bang mga aksyon upang patatagin ang katayuan ko sa pamamagitan ng pagbubukod kay Emily ay may kaibahan sa kalikasan ng mga anticristo at ng malaking pulang dragon? Natakot ako sa pagkatanto na ito, at nanalangin ako sa Diyos sa pagsisisi, humihiling na gabayan Niya ako upang malutas ang aking mga problema.
Makalipas ang ilang araw, biglang naglabas ng babala ng bagyo sa rehiyon ni Emily. Sa aming pagpupulong bago tumama ang bagyo, nakaramdam siya ng matinding pagkaantig, sinabing, “Kapag dumating ang sakuna, pakiramdam ko ay napakahalaga ng pagkakataon na magagawa ko ang aking tungkulin. Ngunit hindi ko sinamantala ang pagkakataong ito o ibinigay ang aking makakaya para bigyang kasiyahan ang Diyos. …” Nang marinig ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi sa aking sarili. Sa panahong ito, nakikipagkumpitensya ako kay Emily para sa kasikatan at pakinabang, at ibinubukod siya sa lahat ng paraan upang mapanatili ang aking katayuan at hindi nakikipagtulungan sa kanya nang maayos o ginagawa nang maayos ang aking tungkulin. Bigla akong naawa kay Emily at sa Diyos. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa aking puso, “O Diyos ko, kung wala na akong ibang pagkakataon para makipagtulungan kay Emily sa hinaharap, wala akong ibang magagawa kundi manghinayang. Kung maaari akong magsimulang muli, sasamantalahin ko ang pagkakataon para makipagtulungan nang maayos sa kanya.” Nang hapong iyon, nalaman kong lumipas na ang bagyo, at ang rehiyon ni Emily ay hindi naapektuhan. Parati akong nagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang proteksyon.
Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos, naghahanap ng landas sa pagsasagawa at pagpasok. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Anuman ang direksyon o puntirya ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad sa katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ang mga bagay na ito, maaapektuhan nito ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, lubos nitong makokontrol at maiimpluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang mga mithiing pinagsusumikapan mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman naisasantabi ang paghahangad mo sa katayuan, maaapektuhan nito ang kakayahan mong gawin nang sapat ang iyong tungkulin, kaya mahihirapan kang maging isang katanggap-tanggap na nilikha. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompitensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. At sa kalikasan, hindi ba’t ang lahat ng ito ay pagkontra sa Diyos? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at sa huli ay ginagawa silang isang katanggap-tanggap na nilikha, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay ganap na salungat sa mga layunin ng Diyos. Habang higit na hinahangad ng isang tao ang katayuan, mas lalo itong kinapopootan ng Diyos, at lalo itong nalalayo sa Kanyang mga hinihingi. Mas lalo itong lalaban sa Diyos sa huli, na hahantong sa pagpaparusa at pagtitiwalag ng Diyos rito. Ang isang tunay na nilalang ay dapat na matapat na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at gawin ang tungkulin niya sa mapagpakumbabang paraan upang bigyang kasiyahan ang Diyos. Ito ang paghahangad na dapat taglayin ng mga tao. Ang pagbibigay-pabor sa akin ng Diyos at pagbibigay ng pagkakataong magsanay sa pagtatrabaho bilang isang superbisor ay may layon na tulungan akong gawin ang tungkulin ko nang maayos at gamitin ang mga kalakasan ko upang magawa nang maayos ang gawain. Ito ay hindi upang bigyan ako ng kapangyarihan, lalo’t hindi upang payagan akong hangarin ang reputasyon at katayuan. Kinailangan kong bitawan ang aking mga ambisyon at pagnanais, makipagtulungan nang mabuti kay Emily, at gawin ang aking tungkulin nang maayos.
Nang maglaon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano makipagtulungan sa iba: “Ano ang masasabi ninyo, mahirap bang makipagtulungan sa ibang tao? Hindi naman, sa totoo lang. Masasabi pa nga ninyong madali ito. Subalit bakit pakiramdam pa rin ng mga tao ay mahirap ito? Dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Para sa mga nagtataglay ng pagkatao, konsensiya, at katwiran, ang pakikipagtulungan sa iba ay medyo madali, at nararamdaman nilang ito ay isang bagay na nakakagalak. Ito ay dahil hindi madali para sa kahit sino na magawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, at anuman ang larangan na kanilang kinasasangkutan, o anuman ang kanilang ginagawa, palaging mabuti na may isang taong naroon para tukuyin ang mga bagay-bagay at mag-alok ng tulong—mas madali kaysa gawin ito nang mag-isa. Gayundin, may mga limitasyon sa kung ano ang magagawa ng kakayahan ng mga tao o kung ano ang kaya nila mismong maranasan. Walang sinuman ang maaaring maging dalubhasa sa lahat ng bagay: imposible para sa isang tao na malaman ang lahat, maging may kakayahan sa lahat, magawa ang lahat—imposible iyon, at dapat taglayin ng lahat ang gayong katwiran. At kaya, anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, palagi kang mangangailangan ng isang taong tutulong sa iyo, para bigyan ka ng mga paalala at payo, o para gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan para masigurong magagawa mo ang mga bagay-bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Malinaw na sinasabi ng Diyos ang kabuluhan at kahalagahan ng pagtutulungan. Gaano man kagaling ang isang tao, walang sinuman ang pinakamakapangyarihan sa lahat; ang lahat ay nangangailangan ng tulong ng iba. Ang pagtutulungan ay nagbibigay-daan sa atin para mapunan ang mga pagkukulang ng bawat isa at maiwasan ang pagkaligaw, na papakinabangan din ng gawain ng iglesia. Ang pakikipagtulungan sa iba at pakikinig sa kanilang mga opinyon ay isang bagay na dapat gawin ng isang taong may normal na pagkatao at katwiran. Habang pinagninilayan ang aking sarili, bagama’t ako ang superbisor ng gawain ng pagdidilig at naniwala akong may karanasan at kakayahan ako, may kaunting kaalaman sa wikang banyaga, at mukhang may kakayahang gumawa ng ilang gawain, madalas kong gawin ang aking tungkulin gamit ang aking isip at karanasan, na bihirang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Umaasa sa maliit na bagay na kailangan kong gawin nang mag-isa, ang aking pananaw sa mga isyu ay hindi palaging tumpak o komprehensibo, na may madalas na mga paglihis, at ang mga resulta ko sa gawain ay hindi masyadong maganda. Kung ikukumpara sa akin, mas may kakayahan si Emily at mas naiintindihan niya ang katotohanan. Hinahanap niya ang mga katotohanang prinsipyo kapag nakakaharap ng mga problema, at pinagninilayan at inuunawa niya ang kanyang sarili noong nagsiwalat siya ng mga katiwalian. Ang kanyang mga kalakasan ay ang mismong kulang sa akin. Naglagay ang Diyos ng isang mas mahusay kaysa sa akin sa aking tabi para tulungan kaming mapunan ang isa’t isa at magampanan namin nang maayos ang aming mga tungkulin. Ito ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia kundi pati na rin sa sarili kong buhay. Ito ang pagpapakita ng Diyos ng Kanyang pagmamahal sa akin. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, nanalangin ako sa Kanya, “O Diyos ko, palagi akong nagseselos kay Emily at nakikipagkumpitensya sa kanya, pinipigilan at kinukutya pa siya. Ngayon, sa wakas ay nakita ko na itinalaga Mo si Emily na makipagtulungan sa akin upang mapunan ang aking mga pagkukulang. Nagpapasalamat ako sa Iyo mula sa kaibuturan ng aking puso. Mula ngayon, handa na akong makipagtulungan nang maayos kay Emily at gawin ang aking tungkulin nang maayos, at hindi ko na hahangarin ang reputasyon at katayuan.” Pagkatapos niyon, nagkusa akong sabihin kay Emily ang tungkol sa mga tiwaling pagbubunyag ko. Pagkatapos makipagbahaginan, mas nakaramdam ako ng kagaanan, at medyo naging mas malapit kami sa isa’t isa. Pagkatapos niyon, kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, hindi ko na siya tinitingnan bilang isang katunggali, kundi bilang isang kasamahan. Kapag may mga problema sa loob ng grupo, maagap akong nakikipag-usap at tinatalakay ang mga ito sa kanya. Magkasama kaming naghahanap kapag hindi namin makita ang isang bagay, at nagbabahaginan kami ng aming mga pananaw. Sa ganitong paraan, naramdaman namin ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos at nalutas namin ang ilang tunay na problema.
Hindi nagtagal, naapektuhan ng isang brother ang gawain dahil sa patuloy na pagiging pabaya sa kanyang tungkulin, at kinailangan naming magbahagi sa kanya at tanggalin siya. Nag-aalala ako na hindi ako makakapagbahagi sa kanya nang malinaw at hindi matutukoy ang kanyang mga problema. Naisip ko na ang pagbabahagi ni Emily ng katotohanan ay mas maliwanag kaysa sa akin at naisip kong hilingin sa kanya na samahan ako sa pagbabahagi. Gayumpaman, nag-aalala ako, iniisip na, “Kung gagawa ako ng inisyatiba na isali siya sa aking gawain, hindi ba magmumukhang wala akong kakayahan?” Nang lumitaw ang kaisipang ito, napagtanto kong hindi tama ang aking kalagayan—muli kong sinisikap na protektahan ang aking reputasyon at katayuan. Kaya, nanalangin ako sa Diyos. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Nakakakuha ng mga resulta ang mga tao sa alinmang bagay na pinagtutuunan nila, sa kung saanman ibinubuhos ang kanilang pagsisikap. Kung lagi kang nakatuon sa doktrina, doktrina lang ang matatamo mo; kung pinagtutuunan mong makakuha ng katayuan at kapangyarihan, maaaring maging matatag ang katayuan at kapangyarihan mo, pero hindi mo matatamo ang katotohanan, at matitiwalag ka. Kahit ano pa ang tungkuling ginagawa mo, ang pagpasok sa buhay ang mahalagang bagay. Hindi ka maaaring magpahinga ukol sa bagay na ito, ni hindi ka maaaring maging mapagpabaya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Tanging sa pagtutulungan nang maayos maaaring pagpalain ang mga tao sa harap ng Diyos, at kapag mas nararanasan ang ganito ng isang tao, mas nagtatamo siya ng realidad, mas lumiliwanag ang kanyang landas habang tinatahak niya ito, at nagiging mas panatag siya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng isang malinaw na landas ng pagsasagawa; ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay isang landas ng paglaban sa Diyos at sa huli ay maaari lamang itong humantong sa pagkatiwalag. Hindi ko maiwasang mag-alala kung ligtas ba ang aking katayuan at kung mataas ba ang tingin sa akin ng mga kapatid. Dapat kong isaalang-alang ang gawain ng iglesia at gawin kung ano ang kapaki-pakinabang dito. Nang napagtanto ko ito, gumaan ang pakiramdam ko, at inanyayahan ko si Emily na samahan ako sa pakikipagbahaginan sa kapatid na iyon. Pagkatapos ng pagbabahaginan, nagkamit siya ng kaunting kaunawaan tungkol sa kalikasan ng kanyang mga problema. Sa wakas ay naranasan ko ang kagalakan ng mahusay na pakikipagtulungan, gayundin ang kapayapaan at kaligayahan na nagmumula sa pagsasagawa nang ayon sa katotohanan. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!