Ang Buong Bibliya ba ay Kinasihan ng Diyos?

Oktubre 24, 2022

By Zhao Guang, Tsina

Noong 1998, dumating ang pinsan kong si Yang para ibahagi sa akin ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Dinalhan niya ako ng kopya ng Bibliya, at sinabi sa akin na ang buong Bibliya ay kinasihan ng Diyos, na ang lahat ng nilalaman nito ay salita ng Diyos, at nasa loob nito ang landas patungo sa kaharian ng Diyos at buhay na walang hanggan. Kaagad akong na-curious nang marinig na pwede akong magkamit ng buhay na walang hanggan, at pagkatapos, nagbabasa ako ng Bibliya kapag may oras ako. Hindi nagtagal ay nalaman ko na ang Panginoong Jesus ay ang Manunubos ng sangkatauhan, at tinanggap ko Siya. Dahil masigasig ako sa paghahanap sa Diyos, kalaunan ay naging katrabaho ako at nagsimulang mag-ebanghelyo at mangaral sa simbahan. Matatag akong naniwala na ang Bibliya ang pundasyon at gabay sa pananampalataya ko.

Sa paglipas ng ilang taon, pumanglaw ang simbahan at lalong naging mahirap madama ang gawain ng Banal na Espiritu. Karamihan sa mga mananampalataya ay pasibo at mahina, nanlamig na ang kanilang pananampalataya, at marami pa nga ang bumalik sa sekular na mundo. Sa harap ng lahat ng ‘to, nabalisa ako at walang magawa, at may panghihina sa puso ko. Maaari kayang pinabayaan na kami ng Panginoon? Pero sa tuwing naiisip ko kung paanong sinabi ng Panginoon, “Ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas(Mateo 10:22), nagtitiwala ako na hindi pagmamalupitan ng Panginoon ang mga sumusunod sa Kanya nang may taos na puso, at patuloy akong gumugugol para sa Panginoon. Madalas akong manalangin sa puso ko at humiling sa Panginoon na palakasin ang aming pananampalataya. Sa panahong iyon lumitaw ang isang iglesia na tinatawag na Kidlat ng Silanganan. Nagpatotoo sila na ang Panginoon ay nagbalik na, nagpapahayag ng mga katotohanan, at isinasagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Maraming kapatid sa Panginoon ang nagbalik-loob sa Kidlat ng Silanganan. Narinig kong ipinagbabahaginan nila na ang Bibliya ay naglalaman ng mga salita ng Diyos at ng tao, at hindi ko ito matanggap. Malinaw na isinasaad sa Bibliya na “Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos” (2 Timoteo 3:16). Lahat ng nasa Bibliya ay salita ng Diyos, sinasabi ito ng mga pastor at elder sa lahat ng oras. Kaya hindi ba’t ang sinasabi ng Kidlat ng Silanganan ay sumasalungat sa Bibliya at nagtataksil sa Panginoon? Dahil dito, tutol na tutol ako sa Kidlat ng Silanganan. Mula noon, karamihan sa aming mga pagpupulong ay nagtatalakay kung paano magbantay laban sa Kidlat ng Silanganan at pigilan ito, at pa’no protektahan ang simbahan sa pagkawala ng kawan nito. Para pigilan ang mga tao mula sa Kidlat ng Silanganan sa pagnanakaw ng aming mga tupa, sinabi ko sa mga kapatid: Ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at lahat ng salita ng Diyos ay nasa loob nito. Kung nananalig tayo sa Diyos, hindi tayo maaaring humiwalay sa Bibliya. Ang paggawa nito ay magiging maling pananampalataya. Sa paggawa nito, umasa akong mapipigilan sila sa pagsisiyasat sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero patuloy nilang tinatanggap ang Makapangyarihang Diyos.

Isang beses, pagkauwi ko pagkatapos ng isang pagtitipon sa simbahan, nakita ko ang asawa ko na nagmamasa ng harina, at nakaupo sa tabi niya ang isang babaeng nasa sesenta ang edad, may hawak na libro sa kamay at nakikipagbahaginan sa kanya. Agad kong nahulaan na naniniwala siya sa Makapangyarihang Diyos, at nagdilim ang mukha ko, at sinabi kong, “Itinatatwa at tinalikuran mo na ang Bibliya, pero sinasabi mo pa rin na naniniwala ka sa Diyos? Umalis ka rito!” Mapagpasensyang sinabi sa’kin ng nakatatandang sister, “Brother, ‘wag kang magalit. ‘Wag kang pikit-matang humusga. Dati rin kaming nagbabasa ng Bibliya at inintindi ang talatang, ‘Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos’ (2 Timoteo 3:16), na nangangahulugang ang lahat ng salita sa Bibliya ay mga salita ng Diyos. Kalaunan lang namin napagtanto na ang interpretasyong ito ay hindi wasto.” “Anong katibayan ang mayroon ka?” mapanghamak kong tanong. Sinabi ng sister, “Halimbawa, ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagsasabing: ‘Sapagkat marami ang nagpilit na itakda ang pangyayari ng mga yaong bagay na pinaniniwalaan natin, alinsunod sa kanilang ipinasa sa atin, na buhat pa sa simula ay mga naging saksi, at mga ministro ng salita’ (Lucas 1:1–2). Hindi ba ito nangangahulugan na ang Ebanghelyo ni Lucas ay isinulat ni Lucas mula sa kanyang mga karanasan? Isinulat lang ni Lucas ang ilan sa mga katunayan na nakita at narinig niya noong panahong iyon. Ito ay isang aklat na isinulat ng tao, kaya paano natin masasabi na ang lahat ng ito ay salita ng Diyos? Ang mga bagay na kinasihan ng Diyos ay hindi kailangang maranasan ng tao o mahaluan ng mga ideya ng tao. Malinaw na magkaiba ang dalawa.” Medyo nabigla ako sa sinabi ng sister: Talagang may pagkakaiba sa pagitan ng mga salitang kinasihan ng Diyos at ng mga taong iyon na sumusulat batay sa kanilang nakikita at naririnig. Wala akong mahanap na mali sa mga sinabi niya. Huminga ako nang malalim at pasulyap na sinuri ang sister, iniisip na: “Matanda na siya at mukhang hindi gaanong nakapag-aral, pero mayroon siyang ganitong kabatiran. Hindi kapani-paniwala!” Saglit na wala akong maisip na isasagot sa sinabi niya, at namula ang mukha ko. Nag-alala ako na baka mailigaw ako kung patuloy akong makikinig sa sinasabi niya, kaya tumikhim ako at sinabing: “Tama na, magkaiba tayo ng paniniwala. Huwag ka nang bumalik dito.” Habang sinasabi ko ito, tinulak ko ang sister palabas ng pinto. Nakikita ang sinserong ekspresyon sa mga mata niya at ang kanyang mahinang katawan sa taglamig na hangin, pakiramdam ko’y sinaksak ang puso ko, at hindi ko alam kung ano ang damdaming ito. Pero naalala ko kung paanong ang lahat ng salita sa Bibliya ay nagmumula sa Diyos, at anumang wala roon ay hindi pananalig sa Diyos. Ang ipinangangaral nila ay lagpas sa Bibliya, at pumunta sila sa simbahan namin para magnakaw ng mga tupa. Hindi ako pwedeng makinig sa ipinangangaral nila, at dapat ay maging matatag ako sa aking paninindigan. Pagkatapos nito, payapa pa rin ako sa aking pag-iisip at mga kilos, at ginawa ang lahat para “maprotektahan” ang kawan. Sa kabila nito, sa tuwing nakikita ko ang isang taong mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, kinakabahan ako. May katuturan ang pagbabahaginan nila at mahirap pabulaanan. Walang magagawa kundi ang gumawa ng mahigpit na hakbang, at ipatupad ang isang patakaran ng hindi pakikinig sa kanila, pagbabasa ng kanilang mga libro, o pakikipag-ugnayan sa kanila.

Bago ko namalayan, simula na nang taglagas ng 2004. Tumawag sa akin ang pinsan kong si Yang na nagsasabing kailangan niya ako para sa isang apurahang bagay. Nagmadali akong pumunta, at ipinakilala sa akin ng pinsan ko si Brother Wang. Sinabi niyang si Brother Wang ay isang mangangaral, at hiniling niya sa amin na makipag-usap tungkol sa aming pagkaunawa sa Panginoon. Natuwa talaga ako, at pagkatapos magkumustahan, binigyan ako ng pinsan ko ng Bibliya at naglabas ng dalawang makakapal na hardcover na libro. Tiningnan ko, at nakasulat sa cover ang: Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Ito ay mga libro mula sa Kidlat ng Silanganan! Napatayo ako, at sinabing: “Yang, tinanggap mo na ba ang Kidlat ng Silanganan?” Tumawa ang pinsan ko at sinabing: “Tama ka. Pinapunta kita rito ngayon dahil gusto kong makipagbahaginan sa’yo. Sana ay siyasatin mo ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.” Sa puntong ito, naalala ko kung paano palaging sinasabi ng mga pastor at elder na ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at lahat ng salita ng Diyos ay nasa loob nito. Ang mga turo ng Kidlat ng Silanganan ay lagpas sa Bibliya, lumilihis sila sa mga turo ng Panginoon. Sa anumang sitwasyon, hindi natin sila dapat pakinggan. Ang pinakamainam na gagawin ay iwasan sila. Kaya nagdahilan ako na may kailangan akong asikasuhin sa bahay. Mahinahong sinabi ng pinsan ko: “Bakit ka tumatakas sa tuwing nakikita mo ang isang taong naniniwala sa Makapangyarihang Diyos? Kung alam mo ang katotohanan, bakit ka natatakot na mailigaw? Dahil nandito ka na, bakit hindi mo pakalmahin ang puso mo at maghanap nang kaunti?” Wala akong nagawa kundi bumalik sa upuan ko, pero ang isipan ko ay naguguluhan: Paano ko haharapin ang sitwasyong ito ngayon? Tahimik akong nanalangin sa Panginoon sa puso ko: “O Panginoon! Ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang sitwasyong ito. Protektahan Mo po ako at pangunahan.” Pagkatapos, dinampot ng pinsan ko ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at binasa ang isang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos. “Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Bibliya, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa). Umupo ako roon na parang hindi naantig, pero sa totoo lang tumimo ang mga salita ng libro. Ang lahat ng hinihinging ito ay naaayon sa mga salita ng Panginoong Jesus. Sabi ng Panginoon, “Mapapalad ang mga mapagpakumbaba ang espiritu: sapagkat kanila ang kaharian ng langit(Mateo 5:3). Ang mga nananalig sa Diyos ay dapat magkaroon ng saloobin ng pagpapakumbaba at paghahanap. Pikit-mata kong kinondena at hinusgahan ang Kidlat ng Silanganan nang walang paghahanap o pagsisiyasat. Ako ay tunay na mayabang at mapagmagaling. Nakonsensya ako, at naisip ko: “Ang mga salitang ito ay isang bagay na espesyal, ito ay katulad ng mga turo ng Panginoon. Maaari kayang ito talaga ang mga salitang binigkas ng nagbalik na Panginoon?” Naisip ko rin ang lahat ng pagkakataong nakipag-ugnayan ako sa mga taong mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos: Sila ay marangal at matuwid, buong pagmamahal nilang ipinapalaganap ang ebanghelyo, matiyaga sila, at ang mga paliwanag nila sa mga katanungan ay partikular na may batayan at kapani-paniwala. Paano nila magagawa ito nang sila lamang kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu? Ipinakita nito na ang daan ng Makapangyarihang Diyos ay tiyak na espesyal. Kung ang Makapangyarihang Diyos ay ang tunay na nagbalik na Panginoong Jesus, at hindi ako naghanap o nagsiyasat, hindi ba’t mapapalampas ko ang pagkakataong salubungin ang pagdating ng Panginoon at sa huli ay itatakwil Niya? Naisip ko: “Dapat kong itigil ang pagiging sutil. Bakit hindi ko subukang hanapin ngayon kung talagang pumarito na ang Panginoon o hindi? Pagkatapos ay magkakaroon ako ng kalinawan.” Nag-isip ako saglit, pagkatapos ay determinadong sinabi: “Ang mga salitang binasa mo ay talagang maganda, at napakaespesyal. Pero hindi ko nauunawaan. Ang Bibliya ay ang panuntunan ng Kristiyanismo. Sa loob ng mahigit dalawang libong taon, ang mundo ng relihiyon ay palaging naniniwala na ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at na ang lahat ng nakatala sa Bibliya ay salita ng Diyos, at ang Bibliya kung gayon ay kumakatawan sa Panginoon. Tinanggap ko ito na totoo sa lahat ng mga taon ng pagiging Kristiyano ko, pero ngayon ay sinasabi mo na ang Bibliya ay naglalaman ng mga salita ng Diyos at ng tao. Hindi ba ito salungat sa Bibliya? Ito ay pagtatatwa sa Panginoon, pagtalikod sa Kanya, at kasuklam-suklam na kalapastanganan!” Mapagpasensyang sinabi ni Brother Wang: “Tumutugma ba sa realidad ang pagsasabing ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos? Anong mga salita mula sa Panginoon ang mayroon tayo bilang patunay?” Hindi ako nakasagot sa tanong na ito. Tama ‘yan. Ang mga salitang ito ay sinabi ni Pablo, hindi ng Panginoong Jesus. Pagkatapos ay sinabi ni Brother Wang: “Hindi kailanman sinabi ng Panginoong Jesus na ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at hindi rin ito pinatotohanan ng Banal na Espiritu. Ang sinabi ni Pablo ay kumakatawan lamang sa kanyang sariling pagkaunawa sa Bibliya, at talagang hindi kumakatawan sa Diyos.” Hindi ako nakaimik. Tama siya. Pagkatapos, nagtanong si Brother Wang: “Sinabi ni Pablo, ‘Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos’ (2 Timoteo 3:16). Kapag sinasabi niyang ‘kasulatan,’ ang tinutukoy ba niya ay ang buong Bibliya, o isang bahagi lamang nito?” Naisip ko sa sarili ko, “Siyempre, ang buong Bibliya ang ibig niyang sabihin.” Nagpatuloy si Brother Wang: “Sa totoo lang, isinulat ni Pablo ang 2 Timoteo mahigit 60 taon pagkatapos pumarito ang Panginoon, at sa panahong iyon, ang Bagong Tipan ay hindi pa napagsama-sama, ang Lumang Tipan pa lamang. Mahigit 90 taon pagkatapos pumarito ang Panginoon, isinulat ni Juan ang mga pangitain na nakita niya sa isla ng Patmos, na kalaunan ay naging Aklat ng Pahayag. Mahigit 300 taon pagkatapos pumarito ang Panginoon, sa isang pagpupulong sa Nicaea, pinili ng mga lider ng relihiyon mula sa iba’t ibang bansa ang apat na Ebanghelyo at ilang iba pang sulat mula sa malaking bilang ng mga sulat ng mga disipulo, at, kasama ng Aklat ng Pahayag ni Juan, pinagsama-sama ang mga ito sa Bagong Tipan. Pagkatapos niyon, pinagsama nila ang Luma at Bagong Tipan sa isang aklat, na siyang buong Luma at Bagong Tipan na binabasa natin ngayon. Ang Bagong Tipan ay pinagsama-sama pagkatapos ng 300 A.D., at isinulat ni Pablo ang 2 Timoteo pagkatapos ng 60 A.D., na mahigit 200 taon bago pinagsama-sama ang Bagong Tipan. Mula rito, makikita natin na nang sabihin ni Pablo, ‘Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos,’ ang kasulatang tinutukoy niya ay hindi kasama ang Bagong Tipan.” Pagkatapos kong marinig ito, hindi ko maiwasang tumango at sabihing: “Kung ang kasulatan na binabanggit ni Pablo ay hindi kasama ang Bagong Tipan, kung gayon ang ibig niyang sabihin ay ang Lumang Tipan.” Sinabi ni Brother Wang: “Oo, pero kahit ang Lumang Tipan ay hindi ganap na kinasihan ng Diyos. Magiging malinaw ito kapag nabasa natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos.”

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging napapaloob sa Bibliya. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. … Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga binigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkaroon ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga ipinropesiya ng mga propeta na itinaguyod ni Jehova, sa katulad na paraan na ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa isinagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos na makumpleto ang gawain, na siya namang kayang gawin ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1). “Hindi lahat ng nasa Bibliya ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Bibliya ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga propesiya ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Matatagpuan sa maraming aklat sa Bibliya ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na ang mga ito ay tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, at lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3). Pagkatapos nito, nagbahagi si Brother Wang: “Napakalinaw ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na ibinilin ng Banal na Espiritu, at ipinahayag ng mga propeta. Ito ang mga salita ng Diyos, at ipinaparating ang eksaktong ibig sabihin ng Diyos. Ang mga salitang kinasihan ng Diyos ay laging malinaw na may marka sa Bibliya; halimbawa, sinasabi sa pasimula ng Isaias, ‘Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amos’ (Isaias 1:1). Ang pasimula ng Jeremias ay nagsasabing, ‘Kung kanino dumating ang salita ni Jehova’ (Jeremias 1:2). Kailangan lamang magtuon ng pansin ang mga tao para matiyak kung aling mga salita ang kinasihan ng Diyos. Bukod sa mga aklat ng propeta, ang iba pang bahagi ng Bibliya ay mga ulat na isinulat ng mga tao pagkatapos maranasan ang gawain ng Diyos. Karamihan sa mga ito ay mga talaan ng mga alaala, at ang mga karanasan at salita na ito ay mula sa mga tao, hindi natin masasabing ito ay mga salita ng Diyos, kaya’t mahirap maiwasan na marumihan ang mga ito ng ibig sabihin ng tao. Tulad ng sinasabi sa 2 Samuel 24:1, ‘At muli ang galit ni Jehova ay nag-alab laban sa Israel, at Kanyang pinakilos si David laban sa kanila, na sinasabing, Ikaw ay yumaon, iyong bilangin ang Israel at Juda.’ At, sinasabi ng 1 Mga Cronica 21:1: ‘At si Satanas ay tumindig laban sa Israel, at hinikayat si David na bilangin ang Israel.’ Parehong nakatala sa mga talatang ito nang binilang ni David ang Israel. Sa isang talata ay sinasabing ang Diyos na si Jehova ang nag-udyok kay David na bilangin ang Israel, at sa isa pa ay sinasabing si Satanas ang nag-engganyo kay David. Kung ito ay kinasihan ng Diyos, paano magkakaroon ng gano’n kalaking pagkakaiba? Kung ang buong Lumang Tipan ay kinasihan ng Diyos, nagkamali kaya ang Diyos sa pagbibigay-inspirasyon sa isang kuwento ng parehong pangyayari?” Matapos marinig ang mga salita ni Brother Wang, nabuksan nang husto ang isipan ko, at nagsimulang gumuho ang matatag kong depensa sa isipan. Sabi ko: “Kung ang Lumang Tipan ay hindi ganap na kinasihan ng Diyos, hindi rin natin maaaring ituring ang Bagong Tipan bilang ganap na salita ng Diyos, dahil ang lahat ng ito ay mga talaan mula sa mga apostol.” Masayang sinabi ni Brother Wang: “Salamat sa Diyos, tama ang pagkaunawa mo. Sa katunayan, sa Bagong Tipan, tanging ang mga salita ng Panginoong Jesus at ang propesiya sa Pahayag ang mga salita ng Diyos. Ang natitira ay mga salita mula sa mga disipulo, mga Pariseo, mga karaniwang tao, mga sundalo, at sa diyablo. Hindi ba’t katawa-tawang sabihin na ang lahat ng nasa Bibliya ay salita ng Diyos? Hindi ba ito kalapastanganan?”

Pagkatapos nito, binasa sa akin ni Brother Wang ang isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Bibliya ay Diyos, at na ang Diyos ay ang Bibliya. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Bibliya ay tanging mga salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta ang lahat ng ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, at mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi rin siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. … Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paanong nakayuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang kaswal na bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3). Habang mas nakikinig ako, mas nauunawaan ko. Namighati ako: “Noon, hindi ko naunawaan ang konteksto ng pagsasabi ni Pablo sa mga salitang ito. Akala ko ang Bibliya ay ganap na kinasihan ng Diyos, at ang lahat ng salita nito ay sa Diyos, at na ang paniniwala sa Bibliya ay paniniwala sa Diyos. Napakakakatwa ng interpretasyong ito! Iginiit kong ituring ang mga salita ng mga tao sa Bibliya bilang sa Diyos, at ginamit ko ito bilang batayan ng aking pananampalataya. Hindi ba ito lumalayo sa daan ng Panginoon?”

Pagkatapos ay nakipagbahaginan si Brother Wang, sinasabi na ang Bibliya ay isang patotoo lamang sa gawain ng Diyos, at ito ay isang makasaysayang aklat. Sinabi niya na ito ay isang talaan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at Biyaya. Paano ito mailalagay sa parehong antas ng Diyos? Kaya nga sinaway ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo, sinasabing: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay(Juan 5:39–40). Ang Bibliya ay isang patotoo lamang sa Diyos, hindi ito nagtataglay ng buhay na walang hanggan. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa mga tao ng buhay na walang hanggan! Naaalala ko na nagbahagi rin ang pinsan ko na sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya, nauunawaan natin ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at Biyaya, alam natin na ang lahat ng bagay sa sansinukob ay nilikha ng Diyos, kung paano ipinroklama ng Diyos ang batas para pamunuan ang sangkatauhan, at kung paano tayo dapat mamuhay sa lupa at sumamba sa Diyos. Alam natin kung ano ang kasalanan, at ang uri ng mga taong pinagpapala at sinusumpa ng Diyos. Alam din natin kung paano tayo dapat magtapat ng ating mga kasalanan at magsisi sa Panginoon, paano maging mapagpakumbaba, matiyaga, mapagpatawad, at kung paano pasanin ang ating krus at sundan ang Panginoon. Nakikita natin ang walang hanggang habag at pagmamahal ng Panginoong Jesus sa atin, at nauunawaan na sa pamamagitan lamang ng pananalig sa Panginoong Jesus at paglapit sa Kanya natin matatamasa ang saganang biyaya at katotohanan ng Diyos. Pero sa kung ano ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos sa mga huling araw, at kung paano hahatulan at lilinisin ng Diyos ang katiwalian ng tao, at lulutasin ang ugat ng ating kasalanan, wala tayong ni katiting na ideya dahil ang mga katotohanang ito ay hindi naitala sa Bibliya. Sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus, ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw ay isinakatuparan ang gawain ng paghatol simula sa sambahayan ng Diyos, ipinahayag ang lahat ng katotohanan tungkol sa pagdadalisay ng sangkatauhan, at ibinunyag ang satanikong disposisyon at kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, upang ang ating katiwalian ay madalisay at tayo ay maging mga taong nagmamahal at sumusunod sa Diyos, at tinulutan tayong makilala na ang disposisyon ng Diyos ay banal at matuwid at hindi nalalabag. Ang mga salitang ito ang tunay na daan ng buhay na walang hanggan at ganap nitong tinutupad ang propesiya ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). Ang aklat na ito, Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, ay ang salitang ipinropesiya sa Pahayag na ang Banal na Espiritu ay nagsasalita sa lahat ng simbahan. Ito ang balumbon na binuksan ng Kordero. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, ang mga tunay na mananampalataya sa Diyos mula sa mundo ng relihiyon ay nakilala ang tinig ng Diyos, bumaling sa Makapangyarihang Diyos, at sinundan ang mga yapak ng Kordero.

Pagkatapos niyang sabihin ito, binasa ni Brother Wang ang isa pang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga banal na kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Matapos marinig ang mga salitang ito, lubos akong naantig. Kung kumapit ako sa sarili kong mga panrelihiyong pananaw, sa huli ako ang matatalo. Naisip ko kung gaano karaming kaalaman sa Bibliya ang naipon ko sa mga taon ko bilang isang Kristiyano, subalit halos wala akong pagkaunawa sa katotohanan o sa Diyos. Sa kabaligtaran, lalo akong nagiging mayabang. Nagbalik na ang Panginoon, pero hindi lamang ako hindi nagsiyasat, gumamit pa ako ng mga salita mula sa Bibliya para kondenahin ang pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos. Katulad lang ako ng mga Pariseo na lumaban sa Diyos. Tunay akong bulag at hindi kilala ang Diyos! Hindi lamang ako kumapit sa mga kuru-kuro ko, nag-isip pa ako nang husto para hadlangan ang iba sa pagsisiyasat. Hindi ba ito paggambala sa gawain ng Diyos? Kung hindi masalubong ng iba ang Panginoon o masundan ang Kanyang bagong gawain, mawawalan sila ng pagkakataong makapasok sa kaharian ng Diyos. Isa akong masamang tao na kinaladkad ang iba sa impiyerno at lumaban sa Diyos! Nakagawa ako ng ganoong kasamaan, pero pinakitaan pa rin ako ng Diyos ng habag at biyaya. Pinahintulutan ng Diyos na marinig ko ang Kanyang tinig at masaksihan ang Kanyang pagpapakita. Napakalaki talaga ng pag-ibig ng Diyos! Pagkatapos nito, nagpatuloy kami sa pagbabahaginan tungkol sa Bibliya. Tinalakay rin namin kung bakit naging mapanglaw ang simbahan sa Kapanahunan ng Biyaya, kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng tatlong yugto ng gawain, at higit pa.

Sa sumunod na mga pagkakataon, nagbasa ako ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos, at tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Kalaunan, tinanggap din ito ng asawa ko. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman