Paano Ituring ang Mabait na Pag-aaalaga ng Ating mga Magulang
Noong 2012, tinanggap ng buong pamilya namin ang gawain sa mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ibig sabihin ng tunay na manalig sa Diyos, at naunawaan ko rin na may misyon sa mundong ito ang bawat tao. Sa buhay, kailangang hangarin ng mga tao ang katotohanan at gawin ang mga tungkulin nila bilang mga nilikha. Kaya, nagbitiw ako sa trabaho at pumunta sa iglesia para gawin ang tungkulin ko.
Noong panahong iyon, araw-araw akong lumalabas para ipalaganap ang ebanghelyo, at paminsan-minsan lang akong umuuwi para makita ang tatay ko. Nang makita ko ang tatay ko na mahina ang katawan, alam kong sumusumpong na naman ang hika niya. Dati, ang kailangan lang niyang gawin ay uminom ng gamot o magpasuwero. Inakala ko na sa pagkakataong ito, malalagpasan niya ito nang maayos gaya ng dati, pero hindi nagtagal, nabalitaan kong pumanaw na ang tatay ko. Kinausap ako ng kapatid ko sa telepono, sinabi niya, “Wala na si tatay.” Nang marinig ko ang mga salitang iyon, nadurog ang puso ko, at walang patid ang pagluha ko. Nang makauwi na ako, sinisi ako ng tiyahin ko, sinabi niya, “Nag-aral ka ng medisina, alam mong may hika ang tatay mo, bakit hindi mo siya pinag-oxygen therapy? Hindi sana siya namatay nang napakaaga.” Nang marinig ko ito, mas lalong nadurog ang puso ko, at puno ito ng pagkakautang sa aking tatay. Kung mas inalala ko pa siya, hindi nga kaya siya mamamatay nang napakaaga? Hinawakan ng tiyahin ko ang aking kamay at sinabi sa akin, “Sa lahat ng anak nila, nagbayad ng pinakamalaking halaga ang mga magulang mo para sa iyo. Ngayon ay wala na ang tatay mo, at hindi ka nagkaroon ng pagkakataong maging mabuting anak sa kanya. Sa hinaharap, kailangang alagaan mong mabuti ang nanay mo.” Tahimik akong tumango, inaalala kung paano ako pinalaki ng mga magulang ko, kung paano nila ako pinaaral, at pinagmalaki. Gayunman, bago pa man ako may magawa para sa kanilang dalawa, pumanaw na ang tatay ko. Kailangan kong akuin ang responsabilidad ng pag-aalaga sa nanay ko; hindi ko pwedeng hayaan na magdusa siya. Pagkatapos niyon, kahit na araw-araw kong ginagawa ang tungkulin ko, tuwing may libreng oras ako, iniisip ko, “Kung wala akong trabaho at hindi ako kumikita, paano mabubuhay ang nanay ko sa hinaharap? Kung hindi ko maaalagaan ang nanay ko, bibigyan ko na naman ang sarili ko ng panghihinayangan, pagsisisihan ko ito sa buong buhay ko.” Kaya, nagsimula akong maghanap ng trabaho araw-araw pagkatapos kong gawin ang tungkulin ko.
Noong Marso 2013, nakahanap na ako ng trabaho at naghanda na ako para pumasok, pero noong paalis na ako sa bahay ng sister na nagpatuloy sa akin, sobra akong nalungkot. Nagpabalik-balik sa isipan ko ang isang himno: “Nalugmok ako sa kasalanan ngunit bumabangon ako sa liwanag. Labis akong nagpapasalamat sa pagkakatanggap ko sa Iyong pagtataas. Ang Diyos na nagkatawang tao ay nagdurusa, paano pa kaya ako, na isang tiwaling tao! Dapat ba akong sumuko sa mga kapangyarihan ng kadiliman, paano ko makikita ang Diyos? Kapag naaalala ko ang mga salita Mo, mas lalo Kitang inaasam. Sa tuwing nakikita ko ang Iyong mukha, napupuno ako ng pagkakonsensiya at pagrespeto. Paano Kita iiwan, nang hinahanap ang diumano’y kalayaan? …” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Naghihintay sa Mabuting Balita ng Diyos). Habang tahimik ko itong inaawit, napangibabawan ako ng kalungkutan, at nang nakarating na ako sa linya, “Paano Kita iiwan, nang hinahanap ang diumano’y kalayaan?” basa na ng luha ang mukha ko. Dati, nabubuhay ako sa kahungkagan at pasakit, nang walang direksyon o layon sa buhay. Ang Diyos ang humirang sa akin mula sa dinami-rami ng mga tao, at ginawa Niya akong masuwerte na marinig ang mga salita Niya at maunawaan ang kahulugan ng buhay. Ito ang pagpapakita sa akin ng Diyos ng Kanyang biyaya. Pero binitiwan ko agad ang tungkulin ko para magtrabaho at kumita, at pakiramdam ko na malaki ang pagkakautang ko sa Diyos. Umiiyak akong tumawag sa Diyos, “Diyos ko, napakahina ko, at hindi ko kayang maghimagsik laban sa sarili ko. Pakiusap pigilan Mo ako sa pagtahak sa landas na ito.” Nang sandaling iyon, mula sa malayo, bigla akong may nakitang sandstorm na papunta sa kinaroroonan ko. Mabilis akong nabalot sa unos. Hindi ako makahinga at wala akong makita. May narinig akong pumapagaspas, na parang may nahigop sa alapaap. Nang oras na iyon, may isang bagay lang akong naiisip: “Takbo.” Binitawan ko agad ang e-bike ko at tumakbo ako. Nakakailang metro pa lang ako nang makarinig ako ng ingay sa likuran ko. Tinakpan ko ang mga mata ko at hindi ako naglakas-loob na tumingin. Ang nagawa ko lang ay ang magdasal nang tuloy-tuloy sa puso ko at hilingin sa Diyos na protektahan ako. Pagkalipas ng ilang sandali, humupa na ang sandstorm. Saka ko lang nakita ang e-bike ko sa di-kalayuan, at napansin ko na nahati ang kongkretong poste ng telepono sa tabi ng kalsada dahil sa lumipad na de-kulay na yerong bakal. Tinangay ang poste ng telepono nang ilang metro, at naputol din ang mga kable nito. Kung hindi ako sinabihan ng isip ko na tumakbo noong sandaling iyon, baka namatay na ako. Nang oras na iyon, nagpabalik-balik sa isip ko ang isang pangungusap ng mga salita ng Diyos: “Ipinakita Ko pa sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit hindi Ko maatim na sunugin kayo. …” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!). Alam kong pinrotektahan ako ng Diyos at iyon ang paraan ng pagsasabi at pagpapakita Niya sa akin ng kalooban Niya. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, hindi na ako magtatrabaho para kumita; hindi Kita iiwan.” Subalit pagkagising ko noong sumunod na araw, nag-alinlangan na naman ako. Kung iisipin ang hinaharap ko, mahaba pa ang landas na tatahakin ko. Kung wala akong trabaho, paano mabubuhay sa hinaharap ang nanay ko? Pinalaki ako ng mga magulang ko, at dapat ko silang tustusan sa pagtanda nila. Pero masyado rin akong nalulungkot kung bibitiwan ko ang tungkulin ko at magtatrabaho para kumita. Alam kong masyadong abala ang trabaho sa ospital, kaya kung magtatrabaho ako roon, baka halos wala na akong oras para dumalo sa mga pagtitipon. Kalaunan, ginawa ko ang tungkulin ko. Gayunpaman, iniisip ko pa rin ang nanay ko paminsan-minsan. Kahit na alam kong kasama siya ng mga kapatid ko at hindi naman siya maghihirap sa buhay, madalas ko pa ring nadarama ang pagsisisi at pagkakautang ko sa kanya dahil hindi ko siya naaalagaan.
Sa isang kisap-mata lang, sampung taon na ang lumipas. Isang beses, dahil sa hindi pangkaraniwang sitwasyon, naisip ko kung kumusta na kaya ang nanay ko na nag-iisa na sa buhay matapos pumanaw ang tatay ko. Mayroong sakit sa puso ko na ang hirap kontrolin, na para bang kahapon lang nangyari ang lahat ng ito. Sampung taon na ang lumipas simula nang pumanaw ang tatay ko, pero nakabaon pa rin sa kaibuturan ng puso ko ang pakiramdam ng pagkakautang ko sa mga magulang ko. Gusto kong ganap nang maalis sa akin ang kalagayang ito, kaya lumapit ako sa Diyos para hanapin ang dahilan kung bakit lagi pa rin akong may pakiramdam ng pagkakautang sa aking mga magulang.
Nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting kaalaman tungkol sa problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May kasabihan sa mundo ng mga walang pananampalataya: ‘Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihan, pagsukli ng mga uwak sa kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang pagluhod ng mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayunpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong likas na gawi. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa likas na gawi at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at likas na gawi, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang pagsukli ng mga uwak sa kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang pagluhod ng mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong likas na gawi. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng likas na gawing ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatuwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—likas na gawi nila ito. … Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang at hayop ay nagtataglay ng mga likas na gawi at batas na ito, at sinusunod nila ang mga ito nang mabuti, ganap na isinasakatuparan ang mga ito. Ito ay isang bagay na hindi kayang sirain ninuman. Mayroon ding ilang espesyal na hayop, tulad ng mga tigre at leon. Kapag nasa hustong gulang na ang mga hayop na ito, iniiwan nila ang kanilang mga magulang, at ang ilang lalaki ay nagiging magkaribal pa nga, nangangagat, nakikipaglaban, at nakikipagtunggali kung kinakailangan. Normal lang ito, ito ay isang batas. Hindi sila gaanong mapagmahal, at hindi sila namumuhay ayon sa kanilang mga damdamin gaya ng mga tao, nagsasabing: ‘Kailangan kong suklian ang kabutihan nila, kailangan kong bumawi sa kanila—kailangan kong sundin ang aking mga magulang. Kung hindi ako magiging mabuting anak sa kanila, kokondenahin, kagagalitan ako ng ibang tao, at pupunahin nila ako habang nakatalikod ako. Hindi ko kakayanin iyon!’ Ang gayong mga bagay ay hindi sinasabi sa mundo ng hayop. Bakit sinasabi ng mga tao ang gayong mga bagay? Dahil sa lipunan at sa loob ng mga grupo ng mga tao, mayroong iba’t ibang maling ideya at karaniwang opinyon. Matapos maimpluwensyahan, masira, at mabulok ang mga tao sa mga bagay na ito, nagiging iba’t iba ang pagbibigay-kahulugan at pagharap nila sa relasyon ng magulang at anak, at sa huli ay tinatrato nila ang kanilang mga magulang bilang kanilang mga pinagkakautangan—mga pinagkakautangan na hinding-hindi nila mababayaran sa buong buhay nila. Mayroon pa ngang mga taong nakokonsensiya pagkatapos mamatay ang kanilang mga magulang, at iniisip nila na hindi sila karapatdapat sa kabutihan ng kanilang mga magulang, dahil sa isang bagay na ginawa nila na hindi nakapagpasaya sa kanilang mga magulang o hindi nagustuhan ng mga ito. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalabisan ito? Ang mga tao ay nababalot ng mga damdamin sa kanilang buhay, kaya maaari lamang silang maapektuhan at mabagabag ng iba’t ibang ideyang nagmumula sa mga damdaming ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). “Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatuwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga obligasyong ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan kong hindi naman pala isang uri ng kabutihan ang pag-aalaga ng mga magulang sa mga anak nila. Isa itong kautusan at likas na katangiang inorden ng Diyos sa lahat ng nabubuhay. Kahit anong uri ng hayop, maamo man o mabangis, ay ginagawa ang makakaya nila para alagaan ang anak nila batay sa mga kalagayan ng kapaligiran. Responsabilidad at obligasyon nila ito, at isang likas na katangiang ibinigay sa kanila ng Diyos. Kapag sumunod ang mga buhay na nilikha sa likas na katangian at kautusang ito, ay saka lamang sila makakapagpatuloy na makapagparami at mabuhay. Ganito rin ang mga tao. Responsabilidad at obligasyon ng mga magulang na alagaan ang mga anak nila, at natural na katangian ito na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, isa itong bagay na likas na ginagawa ng mga tao. Mula sa aming pagkasilang, kaming magkakapatid ay inalagaan na ng aming mga magulang. Gusto ng nakakabatang kapatid ko na matuto ng mga kasanayan, kaya pinag-aral siya ng nanay ko para maging isang chef. Mahilig naman akong mag-aral, at laging matataas ang mga grado ko. Tinulungan ako ng mga magulang kong linangin ang hilig ko sa pag-aaral, kaya gumugol sila ng lakas at pera sa akin. Sinabi ng nanay ko na susuportahan nila ang kahit sino sa amin kung gusto naming mag-aral. Normal itong pagtupad ng nanay ko sa kanyang responsabilidad na alagaan ang mga anak niya at wala itong hinihinging kapalit. Palagi akong sinusuportahan ng mga magulang ko sa pananampalataya ko sa Diyos at paggawa sa aking tungkulin. Kahit na pumanaw na ang tatay ko, hindi hiningi ng nanay ko na alagaan ko siya. Inasahan lamang niya na mananalig ako sa Diyos at buong pusong gagawin ang tungkulin ko. Gayunpaman, hinayaan kong maapektuhan ng tradisyonal na kultura ang pananaw ko sa relasyon ko sa aking mga magulang. Ang mga ideya tulad ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Umaasa ang mga anak na matutustusan nila ang mga magulang nila kapag matatanda na ang mga ito, pero hindi naghihintay ang panahon, tulad ng mga punong umaasam ng katahimikan subalit hindi tumitigil ang hangin,” “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina,” at “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa hayop” ang naitanim sa akin mula pagkabata, at naniniwala akong ang pagmamahal ng mga magulang ko ang pinakadakilang pagmamahal sa mundo. Kung naging mabuting anak ako sa kanila at sinuklian ko sila nang pangmateryal at pang-espirituwal ay saka lamang ako magiging mabuting anak sa kanila at mabuting tao. Mas lalong ipinaunawa sa akin ng biglaang pagpanaw ng tatay ko ang hindi na mababawi pang pagkakasala na ipinahayag sa pariralang “Umaasa ang mga anak na matutustusan nila ang mga magulang nila, pero hindi naghihintay ang panahon.” Kaya, pagkatapos mamatay ng aking tatay, ginusto kung magtrabaho at kumita, tustusan ang nanay ko at maging mabuting anak sa kanya. Kahit na alam na alam kong hindi ko pwedeng talikuran ang tungkulin ko at ipagkanulo ang Diyos, hindi pa rin ako makawala mula sa mga ideyang ito na gumagapos sa akin. Kung hindi ginamit ng Diyos ang sandstorm para balaan ako, baka iniwan ko na ang tungkulin ko at iniwasan Siya. Tila marangal ang mga ideyang ito mula sa tradisyonal na kultura, pero sa diwa, mga di-nakikitang kadena talaga ang mga iyon na pinupulupot ni Satanas sa mga tao. Binaluktot ng mga ideyang ito ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at kanilang mga anak. Ipinakita ng mga ideyang iyon sa mga tao na dapat suklian bilang kabutihan ang responsabilidad ng mga magulang na alagaan ang kanilang mga anak. Kung hindi masuklian ng mga tao ang kanilang mga magulang o hindi nila matugunan ang mga kondisyong iyon, iisipin nilang hindi sila mabuting anak at wala silang konsensiya, at buong buhay pa nilang madaramang may pagkakautang sila at sisisihin nila ang kanilang sarili. Ginagamit ni Satanas ang mga tradisyonal na ideyang ito para lasunin at gapusin ang mga tao, para iwasan at ipagkanulo nila ang Diyos, kaya nakakamit nito ang mithiing pinsalain ang mg tao. Dahil sa pagbubunyag ng Diyos sa relasyon ng mga magulang at mga anak, unti-unting luminaw ang isipan ko. Hindi pasaning dapat kong dalhin ang paggugugol ng mga magulang ko para sa akin. Hindi ko dapat tingnan ang relasyon ko sa mga magulang ko batay sa satanikong tradisyonal na kultura at ituring ang pagmamahal at pag-aalaga nila bilang kabutihang dapat kong suklian. Hindi ito naaayon sa katotohanan. Nang mapagtanto ko ito, naging mas magaan at malaya ang puso ko.
Kalaunan, mas marami pa akong binasang mga salita ng Diyos: “Ang relasyon ng magulang at anak ay ang pinakamahirap na relasyon na pangangasiwaan ng isang tao sa emosyonal na aspekto, ngunit sa katunayan, hindi naman ito lubusang hindi mapangasiwaan. Tanging sa batayan ng pag-unawa sa katotohanan magagawang tratuhin ng mga tao ang usaping ito nang tama at may katwiran. Huwag magsimula mula sa perspektiba ng mga damdamin, at huwag magsimula mula sa mga kabatiran o perspektiba ng mga makamundong tao. Sa halip, tratuhin mo ang iyong mga magulang sa wastong paraan ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba talaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang, ano ba talaga ang kabuluhan ng mga anak sa kanilang mga magulang, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga anak sa kanilang mga magulang, at paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga tao ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak? Hindi dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa mga damdamin, at hindi sila dapat maimpluwensiyahan ng anumang maling ideya o mga nananaig na sentimyento; dapat harapin ang mga ito nang tama batay sa mga salita ng Diyos. Kung mabibigo kang tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang sa kapaligirang inorden ng Diyos, o kung wala kang anumang papel sa kanilang buhay, iyon ba ay pagiging hindi mabuting anak? Uusigin ka ba ng iyong konsensiya? Tutuligsain ka ng iyong mga kapitbahay, kaklase, at kamag-anak at babatikusin ka kapag nakatalikod. Tatawagin ka nilang isang hindi mabuting anak, at sasabihing: ‘Labis na nagsakripisyo ang iyong mga magulang para sa iyo, naglaan sila ng puspusang pagsisikap para sa iyo, at napakarami ng ginawa nila para sa iyo mula pa noong bata ka, at ikaw na walang utang na loob na anak ay bigla na lang mawawala na parang bula, wala ka man lang pasabi na ligtas ka. Bukod sa hindi ka umuuwi sa Bagong Taon, hindi ka rin tumatawag o naghahatid ng pagbati para sa iyong mga magulang.’ Tuwing naririnig mo ang mga ganitong salita, nagdurugo at umiiyak ang iyong konsensiya, at pakiramdam mo ay kinondena ka. ‘Naku, tama nga sila.’ Namumula ang iyong mukha sa init, at kumikirot ang iyong puso na parang tinutusok ng mga karayom. Nagkaroon ka na ba ng mga ganitong damdamin? (Oo, dati.) Tama ba ang iyong mga kapitbahay at kamag-anak sa pagsasabing hindi ka isang mabuting anak? (Hindi. Hindi ako hindi masamang anak.) Ipaliwanag mo ang iyong pangangatwiran. … Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang magagawa kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon ka ngang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, palagi silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo lang ito magawa. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging masamang anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng kaunting hirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka masamang anak; hindi ka pa umabot sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka masamang anak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kaya lagi kong nararamdamang may pagkakautang ako sa aking mga magulang sa loob ng ilang taong ito ay dahil naimpluwensiyahan at nalason ako ng tradisyonal na kultura. Inakala kong hindi ko nagawa ang mga kasabihang “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito” at “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.” Naniwala akong hindi ako mabuting anak. Ang bigat ng konsensiya ko, at hindi ko mapigilang umiyak. Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko sa wakas na hindi dapat husgahan ang konsensiya at pagkatao ng isang tao batay sa mga panlabas na pag-uugali nito, sa halip, ito ay dapat batay sa diwa ng kanyang mga kilos. Katulad ng sa loob ng ilang taong ito, ay inaalala ko lang ang nanay ko at gusto kong maging mabuting anak sa kanya dahil hindi ako pwedeng madalas na nasa tabi niya dahil nananampalataya ako sa Diyos at ginagawa ko ang aking tungkulin. Gayundin, dahil sa panghuhuli at pang-uusig ng Partido Komunista, kinailangan kong umalis sa bahay at wala akong pagkakataong maging mabuting anak sa mga magulang ko. Hindi naman dahil sa ayaw kong maging mabuting anak, o gusto kong iwasan ang responsabilidad ko. Iba ang diwa ng problemang ito mula sa kaya naman ng mga kondisyon na maging mabuting anak pero hindi ito ginagawa, kaya hindi ako dapat malito sa dalawang ito. Kailangan kong tingnan nang tama ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos; kapag ginawa ko ito ay saka ko lamang maiiwasan ang panlilinlang at pamiminsala ni Satanas.
Pagkatapos nito, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos, at nakita ko pa nang mas malinaw kung paano ituring nang tama ang relasyon ko sa aking mga magulang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag nakikitungo sa iyong mga magulang, tinutupad mo man ang iyong mga obligasyon bilang isang anak na alagaan sila, dapat ay ganap itong nakabatay sa iyong mga personal na kalagayan at sa mga pamamatnugot ng Diyos. Hindi ba’t lubos nitong naipaliliwanag ang usapin? Kapag iniiwanan ng ilang tao ang kanilang mga magulang, pakiramdam nila ay malaki ang utang na loob nila sa kanilang mga magulang at na wala silang ginagawa para sa mga ito. Ngunit kapag kasama naman nila ito sa bahay, hindi talaga sila mabubuting anak sa kanilang mga magulang, at hindi nila tinutupad ang alinman sa kanilang mga obligasyon. Isa ba itong tunay na mabuting anak? Pagsasabi ito ng mga walang kabuluhang salita. Anuman ang gawin, isipin, o planuhin mo, hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Ang mahalaga ay kung kaya mong unawain at tunay na paniwalaan na ang lahat ng nilikha ay nasa mga kamay ng Diyos. Taglay ng ilang magulang ang pagpapala at tadhanang makapagtamasa ng kaligayahan sa tahanan at ng saya ng isang malaki at masaganang pamilya. Kataas-taasang kapangyarihan ito ng Diyos, at isa itong pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa kanila. May ilang magulang na walang ganitong kapalaran; hindi ito isinaayos ng Diyos para sa kanila. Hindi sila pinagpalang matamasa ang pagkakaroon ng isang masayang pamilya, o matamasa ang pananatili ng kanilang mga anak sa piling nila. Pamamatnugot ito ng Diyos at hindi ito maipipilit ng mga tao. Anuman ang mangyari, sa huli, pagdating sa pagiging mabuting anak, kahit papaano ay dapat na magkaroon ang mga tao ng mentalidad ng pagpapasakop. Kung pinahihintulutan ng kapaligiran at may paraan ka upang gawin ito, maaari mong pakitaan ng pagiging mabuting anak ang iyong mga magulang. Kung hindi pinahihintulutan ng kapaligiran at wala kang paraan, huwag mong subukang ipilit ito—ano ang tawag dito? (Pagpapasakop.) Pagpapasakop ang tawag dito. Paano ba nagkakaroon ng ganitong pagpapasakop? Ano ba ang batayan ng pagpapasakop? Ito ay nakabatay sa lahat ng bagay na ito na isinasaayos ng Diyos at pinamamahalaan ng Diyos. Bagama’t maaaring naisin ng mga taong pumili, hindi nila magagawa iyon, wala silang karapatang pumili, at dapat silang magpasakop. Kapag nararamdaman mong dapat magpasakop ang mga tao at na ang lahat ng bagay ay pinamamatnugutan ng Diyos, hindi ba’t mas nagiging kalmado ang iyong puso? (Oo.) Kung gayon ay makararamdam pa rin ba ng pang-uusig ang iyong konsensiya? Hindi na ito palaging makararamdam ng pang-uusig, at hindi na mangingibabaw sa iyo ang ideya ng hindi pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang. Paminsan-minsan, maaari mo pa rin itong maisip dahil ang mga ito ay normal na kaisipan o likas na damdaming nakapaloob sa pagkatao, at walang sinumang makaiiwas sa mga ito.” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). “Sa presensiya ng Lumikha, ikaw ay isang nilikha. Ang dapat mong gawin sa buhay na ito ay hindi lamang ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, kundi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad at tungkulin bilang nilikha. Matutupad mo lamang ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay para sa kanila batay sa iyong mga pang-emosyonal na pangangailangan o sa mga pangangailangan ng iyong konsensiya” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pagdating sa relasyon sa pagitan ng mga magulang at anak, sa loob ng kapaligirang inorden ng Diyos, dapat tuparin ng parehong partido ang kanilang mga tungkulin batay sa kanilang mga abilidad at kalagayan. Pagdating sa kapalaran ng tao, inorden na ng Diyos kung gaano magdurusa ang isang tao at kung gaano karaming pagpapala ang tatamasahin niya sa buong buhay niya. Hindi mapagpapasyahan ng mga magulang kung anong landas ang susundin ng mga anak nila sa hinaharap, at hindi mababago ng mga anak ang mga kapalaran ng kanilang mga magulang sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap. May partikular na pagpapala ang ilang tao, samantalang wala namang ganoong pagpapala ang iba. Hindi ito mababago ng kalooban at pagmamahal ng tao. Katulad ito ng kung paano ako pinag-aral ng medisina ng mga magulang ko, at kahit na malaki ang ginastos nila, sa huli ay hindi ako nagtrabaho sa industriyang iyon. Sa parehong paraan, ginusto kong maging mabuting anak sa mga magulang ko, pero napakaagang pumanaw ng tatay ko, at ginusto kong maging mabuting anak sa nanay ko, pero hindi ko kailanman nagawang alagaan siya. Dati, natakot ako na nagdurusa ang nanay ko at gusto ko laging magsikap para tulungan siyang maging mas masaya sa huling bahagi ng buhay niya. Sa madaling salita, gusto kong ubusin ang lakas ko para baguhin ang kapalaran ng nanay ko at mapaligaya siya. Sa katunayan, ni hindi nga ako ang may kontrol sa sarili kong kapalaran, kung ano ang gagawin ko sa buhay na ito, o kung magiging masaya ba ako o hindi. Paano ko mababago ang kapalaran ng nanay ko? Nakita ko kung gaano ako kamangmang at kayabang. Natutuhan ko na pagdating sa pagturing sa aking nanay, kailangan ko lang tanggapin ang bagay-bagay at isakatuparan ang mga responsabilidad ko ayon sa mga kalagayan ko. Kung nakatira ako kasama ng nanay ko at tinutulutan ng mga kondisyon na maalagaan ko siya, pwede akong maging mabuting anak sa abot ng aking makakaya. Kung hindi ako pwedeng nasa tabi niya, hindi ko kailangan makaramdam ng pagkakautang dahil dito. Dahil isa akong nilikha, kailangan ko lang gawin nang maayos ang tungkulin ko sa kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa akin. Ito ang pinakamahalaga.
Nito lang, nakaugnayan ko ang nanay ko. Sinabi niya sa akin na ang pinakamasayang bagay sa buhay niya ay nang hinirang siya ng Diyos at nang narinig niya ang tinig ng Diyos, at na ang pinakahinihiling niya ay ang magawa niya nang maayos ang tungkulin niya at maging nararapat sa pagliligtas ng Diyos. Sinabi niya rin sa akin na gawin ko ang aking tungkulin sa abot ng makakaya ko. Pagkatapos kong basahin ang liham ng nanay ko, naiyak ako. Ang akala kong pagiging mabuting anak sa nanay ko at pagbibigay sa kanya ng magandang materyal na buhay ay hindi talaga magpapasaya sa kanya. Sa katunayan, pagdating sa mga materyal na bagay, walang ganoon kataas na hinihingi ang nanay ko. Gusto niya lang na sumunod ako nang maayos sa Diyos, hangarin ko ang katotohanan, at gawin nang maayos ang tungkulin ko—iyon ang totoong pinakahinihiling niya. Dati, inakala kong dapat kong akuin ang responsabilidad ng pagiging mabuting anak sa nanay ko, dahil nakita kong nagbayad siya at ang tatay ko ng mas malaking halaga para sa akin kumpara sa mga kapatid ko, pero ang nangyayari ay laging iba sa gusto ko. Kalaunan, naisip ko na bagama’t hindi ako pwedeng nasa tabi ng nanay ko, mabuting anak naman ang kuya ko at madalas niyang alagaan ang nanay ko. Gayunpaman, nalaman ko na hindi pala niya kayang manatili sa tabi ng nanay ko. Ang nakababatang kapatid ko naman ay hindi marunong mag-ipon ng pera, at iniisip ko dati na kung may sapat na pera lang siya, magiging maayos na siya. Pero ngayon ay siya pa ang nagtutustos sa nanay ko. Talagang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga bagay at isinasaayos Niya ang mga ito sa paraang hindi aakalain o aasahan ng mga tao, pero talagang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa kapalaran ng bawat tao, at ang kapalaran ay isang bagay na hindi mapipili o mababago ng sinuman. Ngayon, hindi na ako malungkot dahil sa tila miserableng sitwasyong naranasan ng nanay ko at hindi na ako nag-aalala sa magiging kinabukasan niya. Alam kong nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng ating mga kapalaran, at kapwa ang mga mabuti at miserableng sitwasyon ay mararanasan ng bawat tao, pati na rin ako. Hindi ito matatakasan o mababago ng sinuman. Ang magagawa ko lang ay ipagkatiwala ang nanay ko sa Diyos at hilingin sa Diyos na gabayan kami na hangarin ang katotohanan sa loob ng mga sitwasyong isinaayos Niya para sa amin, at gabayan kaming gawin nang maayos ang bawat tungkulin namin at suklian ang pag-ibig Niya. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.