Ang mga Kahihinatnan ng Pakitang-taong Paggawa ng Tungkulin
Noong 2021, ako ang namamahala sa gawain ng ilang iglesia. Kamakailan lamang naitatag ang mga ito at ang lahat ng gawain ng mga ito ay nasa mga unang yugto pa lamang. Madalas na pumupunta ang aming nakatataas na lider para pamahalaan ang gawain, at nagbibigay siya ng napapanahong pagbabahagi kapag may mga natutuklasang isyu. Marami siyang tanong lalo na patungkol sa gawain ng ebanghelyo. Nang makita ko na talagang maganda ang takbo ng gawain ng ebanghelyo sa ibang iglesia, na mayroon silang marami-raming tao na nagsisiyasat sa tunay na daan at sumasali sa kanilang mga iglesia buwan-buwan, talagang nainggit ako. Iniisip ko na talagang mahalaga ang gawain ng ebanghelyo sa nakatataas na lider at ako’y medyo nagkukulang sa aspetong iyon. Kung hindi ko ito magagawa nang maayos at maaantala ang aming gawain ng ebanghelyo, tiyak na sasabihin ng lider na kulang ako sa kakayahan, na hindi ko magawa ang trabaho, at tatanggalin ako. Kaya sa maiksing panahon, naglaan ako ng labis na pagsisikap sa gawain ng ebanghelyo, madalas na kinukumusta ang mga kapatid sa kung ano ang nangyayari, ibinubuod ang mga isyu kasama nila para mahanap ang mga solusyon, pero hindi ako gaanong nagtatanong o sumusubaybay sa iba pang gawain. Kalaunan, medyo mas maganda na ang nakukuha naming mga resulta sa aming gawain ng ebanghelyo, pero nababawasan ang pagiging epektibo ng aming gawain ng pagdidilig. Nakakaranas ng mga suliranin ang ilang bagong mananampalataya o kaya’y ginugulo ng kanilang mga pastor at hindi nakakukuha ng pagdidilig at suporta sa oras, kaya naging negatibo sila at tumigil na sa pagdalo sa mga pagtitipon. Nang makita ito, naisip ko na kulang kami sa mga magdidilig, kaya siguro dapat kaming magsanay ng ilang bagong mananampalataya para maging mga tagapagdilig. Pero pagkatapos ay sumagi sa isip ko na pangunahing nakatuon ang nakatataas na lider sa gawain ng ebanghelyo sa panahong iyon, at magaling sa bagay na ‘yon ang lahat ng iba pang iglesia. Kung hindi ako magkakaroon ng magagandang resulta, tiyak na iisipin ng lider na kulang ako sa kakayahan. Naisip ko na dapat patuloy kong ituon ang aking lakas sa gawain ng ebanghelyo. Nang maisip ko iyon, hindi ko na masyadong inisip pa ang paglilinang sa mga baguhan. Nang kinumusta ng lider ang aming gawain kalaunan, natuklasan niyang hindi kami nagsasanay ng mga bagong mananampalataya sa mga nakalipas na buwan, at hindi nadidiligan sa oras ang mga bagong kasapi ng iglesia. Galit niyang sinabi, “Paulit-ulit na hinihingi ng sambahayan ng Diyos na maglinang tayo ng mga bagong mananampalataya. Inihinto mo ang gano’n kakritikal na bahagi ng ating gawain—bakit?” Binawi niya ang responsibilidad ko para sa gawain ng pagdidilig. Medyo nalito ako. Pero naisip ko na ayos lang na hindi ako ang mamahala nun. Napakaraming gawain ng iglesia ang kailangang gawin at hindi ko kayang kumustahin ito, kaya sa pagtanggap lamang ng responsibilidad para sa gawain ng ebanghelyo, magagawa ko ito nang maayos. Wala talaga akong kamalayan sa problema sa akin. Sa mga debosyonal ko kinabukasan, saka ko lang napagtanto na sa pagkakaalis ng aking responsibilidad para sa isang bagay na kasinghalaga ng pagdidilig ng mga baguhan ay tiyak na naglalaman ng isang aral na dapat kong matutunan. Kailangan ko talagang pagnilayan ang aking sarili patungkol dito. Nagdasal ako nang tahimik sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako na makilala ang aking sarili. Matapos magdasal napagtanto ko na nakatuon lamang ako sa gawain na kinukumusta kamakailan ng aking lider. Kapag hindi binanggit ng lider ang isang bagay, hindi ko ito papansinin kahit na may problemang lumitaw sa saklaw ng aking responsibilidad. Hindi ba’t pakitang-tao lang ang pagtatrabaho ko? Kalaunan, nakakita ako ng ilang nauugnay na salita mula sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang ilang iglesia ay partikular na mabagal sa pagpapalaganap sa gawain ng ebanghelyo, at dahil lamang ito sa pagiging pabaya sa mga tungkulin at paggawa ng napakaraming pagkakamali ng mga huwad na lider. Habang isinasagawa ang iba’t ibang aspeto ng gawain, talagang maraming isyu, paglihis, at nakaligtaan na kailangang lutasin, itama, at lunasan ng mga huwad na lider—ngunit, dahil wala silang madamang bigat ng pasanin, dahil nagagampanan lamang nila ang papel ng isang opisyal ng pamahalaan at hindi nila ginagawa ang tunay na gawain, dahil dito ay nagsasanhi sila ng nakapipinsalang gulo. Nawawalan ng pagkakaisa ang mga miyembro ng ilang iglesia, at minamaliit nila ang isa’t isa, naghihinala at nag-iingat sila laban sa isa’t isa; nagiging balisa at takot din sila na palalayasin sila ng sambahayan ng Diyos. Kapag nahaharap ang mga huwad na lider sa ganitong sitwasyon, hindi sila nagsasagawa ng anumang partikular na gawain. Kahit bahagya ay hindi nasasaktan ang mga huwad na lider na ang kanilang gawain ay nananatiling nasa kalagayan ng pagkaparalisa; hindi nila maantig ang kanilang sarili na gawin ang anumang totoong gawain, at sa halip ay naghihintay na magpababa ng mga utos ang Itaas na nagsasabi kung ano ang kanilang gagawin at hindi gagawin, na para bang ang kanilang gawain ay ginagawa lamang para sa Itaas. Kung walang sinasabing partikular na kinakailangan ang Itaas, at walang ibinibigay na direktang bilin o utos, wala silang ginagawa, at sila ay nagiging pabaya at pabasta-basta. Ginagawa nila kung gaano lang karami ang ipinapagawa sa kanila ng Itaas, kumikilos kapag nasabihan at tatayo-tayo lang kapag hindi, pabaya at pabasta-basta. Ano ba ang isang huwad na lider? Kung ilalarawan siya sa madaling salita, hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain, ibig sabihin nito ay hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho bilang lider. Sobrang pabaya siya sa kritikal, at pangunahing gawain—wala siyang ginagawa. Ganoon ang isang huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na nagsisikap ang mga huwad na lider sa gawain na nagpapamukha sa kanilang mabuti. Ginagawa lamang nila ang iginigiit ng kanilang mga lider, o ang mga bagay na nakikita ng lahat. Kapag walang iniuutos ang lider, kahit na ang gawaing iyon ay naaapektuhan na, nagbubulag-bulagan sila o iniraraos lang ito. Ang gayong uri ng tao ay hindi talaga itinataguyod ang gawain ng iglesia sa kanilang tungkulin o gumagawa ng anumang praktikal na gawain. Wala silang anumang pagkatao o karakter, at hindi sila naghahanap o nagmamahal ng katotohanan. Kahit ‘pag gumaganap ng tungkulin, nanggagambala lamang sila at gumagawa ng masama. Dati, hindi ko kailanman naramdaman na wala akong mabuting pagkatao, pero pagkatapos ay nakita ko na nasa ganoong kalagayan ako. Naisip ko kung paano ako gumaganap ng aking tungkulin. Nakita ko na talagang inuuna ng nakatataas na lider ang gawain ng ebanghelyo at binigyan niya ako ng maraming patnubay at tulong sa aspetong iyon dahil nga hindi ako magaling doon, kaya nangamba ako na matanggal kung patuloy akong nahihirapan doon. Para mapanatili ang aking posisyon, nagsimula akong mas tumutok sa gawain ng ebanghelyo at hindi pinansin ang iba pang aspeto ng aming gawain. Sa panahong iyon, nagkaroon ako ng pahiwatig na ang ibang bagay ay nasa loob ng aking saklaw at dapat kong kumustahin ang mga ito, pero naramdaman ko rin na dahil hindi tinatanong ng lider ang mga bagay na iyon, hindi gaanong mahalaga ang mga ito, kaya hindi ko ginawa ang mga ito. Ginawa ko lamang ang gawaing pinagagawa ng lider, ang mga bagay na magiging kapaki-pakinabang sa aking karangalan at katayuan. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Hindi ko isinasakatuparan ang mga responsibilidad ng isang lider sa aking tungkulin. Pakitang-tao lamang ang paggawa ko sa mga bagay, para sapat na masiyahan ang aking lider. Ang saloobin na mayroon ako sa aking tungkulin ay nakaapekto na sa aking gawain. Maraming beses na nagbahagi ang sambahayan ng Diyos na kailangan naming diligan at linangin ang mga bagong mananampalataya na may magandang kakayahan para makaganap sila ng tungkulin. Magiging kapaki-pakinabang iyon sa pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian. Pero hindi ko ginawa ang gano’n kakritikal na gawain sa loob ng dalawa o tatlong buwan, na lubhang nakaantala sa aming gawain. Paggawa ‘yon ng masama. Talagang nakakabalisang isipin iyon sa gayong paraan. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, naging napakahuwad ko at tuso. Nagtatrabaho lamang ako para magmukha akong mabuti at naantala ko ang gawain ng iglesia. O Diyos, gusto kong magsisi!”
Matapos nun, nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos na naglalantad sa mga disposisyon ng mga anticristo na nakatulong sa akin na maintindihan ang aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ito ang saloobing mayroon ang mga anticristo sa pagsasagawa ng katotohanan: Kapag kapaki-pakinabang ito sa kanila, kapag pupurihin at hahangaan sila ng lahat para dito, siguradong gagawin nila ito, at kunwaring medyo magsisikap para magpakitang-tao. Kung wala silang mapapala sa pagsasagawa ng katotohanan, kung walang makakakita nito, at wala roon ang mga nakatataas na lider, sa gayong mga pagkakataon wala nang pagdududang hindi nila isasagawa ang katotohanan. Nakadepende ang pagsasagawa nila ng katotohanan sa konteksto, sa pagkakataon, sa kung hayagan ba itong gagawin sa publiko o hindi, at sa kung gaano kalaki ang mga pakinabang; pambihira ang kanilang galing at talas ng isip pagdating sa gayong mga bagay, at ang hindi pagkakamit ng anumang pakinabang o pagbabandera sa kanilang sarili ay hindi katanggap-tanggap. Wala silang ginagawang anumang gawain kung hindi kikilalanin ang kanilang mga pagsisikap, kung walang makakakita gaano man karami ang ginagawa nila. Kung ang gawain ay direktang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, at wala silang magagawa kundi gawin ito, isinasaalang-alang pa rin nila kung makikinabang ba ang kanilang katayuan at reputasyon dito. Kung mainam ito para sa kanilang katayuan at mapapaangat nito ang kanilang reputasyon, ibinubuhos nila ang lahat ng mayroon sila sa gawaing ito at ginagalingan nila ang trabaho rito; pakiramdam nila ay nasapul nila ang dalawang ibon sa isang bato. Kung wala itong pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, at ang gawin ito nang hindi maayos ay makapagpapasama sa kanilang imahe, umiisip sila ng paraan o dahilan para matakasan ito. Anuman ang tungkuling gampanan niya, lagi siyang nakakapit sa iisang prinsipyo: Dapat siyang makakuha ng kaunting pakinabang. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag wala silang kailangang gastusin, kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi nila tunay, taos, at talagang sinusunod ang katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga prinsipyo ng katotohanan, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tuparin ang kalooban ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapapalugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang sarili nilang katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang sarili nilang reputasyon at mapagtatanto sa maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasan at diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang paggawa ng praktikal na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasan at diwa ng mga anticristo. Hindi ba makasarili at napakasama nito?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). “Tuso talaga ang mga anticristo, hindi ba? Sa anumang ginagawa nila, nagsasabwatan sila at kinakalkula ito nang walo o sampung beses, o baka higit pa. Punung-puno ang kanilang isip ng mga saloobing tungkol sa kung paano sila magkakaroon ng mas matatatag na posisyon sa karamihan, kung paano magkakaroon ng mas magagandang reputasyon at mas higit na katanyagan, kung paano magpapalakas sa Itaas, kung paano nila mahihikayat ang mga kapatid na suportahan, mahalin at irespeto sila, at ginagawa nila ang lahat para makuha ang mga resultang ito. Anong landas ang tinatahak nila? Para sa kanila, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang mga interes ng iglesia, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi ang pangunahing isinasaalang-alang nila, lalong hindi ito mga bagay na iniintindi nila. Ano ang iniisip nila? ‘Walang kinalaman sa akin ang mga bagay na ito. Ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba; kailangang mabuhay ang mga tao para sa kanilang sarili at para sa sarili nilang reputasyon at katayuan. Iyon ang pinakamataas na mithiin. Kung hindi alam ng isang tao na kailangan niyang mabuhay para sa kanyang sarili at protektahan ang kanyang sarili, hangal siya. Kung hihilingan akong magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan at magpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng Kanyang sambahayan, dedepende ito sa kung may anumang pakinabang ba ito para sa akin o wala, at kung may anumang mga kalamangan ba kung gagawin ko ito. Kung ang hindi pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay posibleng maging dahilan para patalsikin ako at mawalan ng oportunidad na magkamit ng mga pagpapala, kung gayon ay magpapasakop ako.’ Kaya, para maprotektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, kadalasan ay pinipili ng mga anticristo na makipagkompromiso. Masasabi mo na alang-alang sa katayuan, magagawa ng mga anticristo na magtiis ng anumang uri ng pagdurusa, at alang-alang sa pagkakaroon ng magandang reputasyon, makakaya nilang magbayad ng anumang uri ng halaga. Ang kasabihang, ‘Alam ng isang mahusay na tao kung kailan susuko at kung kailan hindi,’ ay totoong-totoo sa kanila. Ganito ang lohika ni Satanas, hindi ba? Ito ang pilosopiya ni Satanas para sa pamumuhay sa mundo, at ito rin ang prinsipyo ni Satanas para manatiling buhay. Ito ay talagang karima-rimarim!” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalawang Bahagi)). Nakikita ko mula sa mga salita ng Diyos na likas na tuso at mapanlinlang ang mga anticristo; masyado silang makasarili at masama. Sa kanilang tungkulin, iniisip lang nila ang kanilang karangalan at katayuan, at inuuna ang kanilang mga interes. Kung ang isang bagay ay may pakinabang sa kanila, kapaki-pakinabang sa kanilang reputasyon, magdudulot na makamit nila ang papuri ng mga lider at suporta ng mga kapatid, determinado nilang gagawin iyon. Pero pagdating sa mga gawain na hindi mapapansin ng mga lider kahit gawin ang mga ‘yon, o sa mga bagay na hindi makatutulong sa kanilang karangalan o katayuan, ayaw nilang magbayad ng halaga para sa mga ‘yon. Bago gumawa ng anuman ang isang anticristo, kinakalkula niya kung paano poprotektahan ang kanyang reputasyon at katayuan, kung paano susulitin ang sarili niyang pakinabang. Hindi niya kailanman isinasaalang-alang ang pagtataguyod ng gawain ng iglesia. Sa pagninilay ko kung paano ako kumilos, nakita ko na naglantad din ako ng disposisyon na gaya ng sa anticristo. Sa aking tungkulin, hindi ko isinasaalang-alang kung ano ang magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at hindi ko itinataguyod ang gawain ng iglesia. Sa halip, kinakalkula ko lamang sa sarili ko kung ano ang makapag-iiwan ng magandang impresyon sa aking lider, kung paano siya mapapalugod at mapipigilang makita ang aking mga pagkukulang para makakapit ako sa aking posisyon. Nang mapansin kong maraming tanong ang lider tungkol sa gawain ng ebanghelyo, naisip ko na mahalaga iyon sa kanya, kaya para protektahan ang aking posisyon, binibigyan ko ng labis na pagpapahalaga ang gawain ng ebanghelyo, sinusubukang kumustahin ang gawaing iyon at lutasin ang mga isyu. Pero nang makita ko na hindi nakatuon ang lider sa gawain ng pagdidilig sa loob ng maiksing panahon, hindi ko pinansin ang aspetong iyon ng aking gawain. Pakiramdam ko na kahit gumugol ako ng oras doon, hindi ko pa rin makakamit ang papuri ng lider. Batid kong kulang kami sa mga tagapagdilig at nagkaroon na ng mga kinahinatnan ang hindi pagdidilig sa oras sa mga bagong mananampalataya, pero hindi ko pa rin ito inintindi, at hinayaan kong magdusa ang gawain ng pagdidilig sa ilalim ng aking pamamahala. Mukha talaga akong abala sa aking tungkulin at nagmamadali kong ginagawa ang anumang kinukumusta ng lider, pero ang totoo, nagpapatakbo ako ng sarili kong negosyo, nililinlang ko ang mga tao at dinaraya ang Diyos gamit ang huwad na imahe. Makasarili ako, madaya, at tuso. Tinanggap ko ang gayong kahalagang gawain, pero patuloy akong nag-iisip at gumagawa ng mga kalkulasyon para sa aking pansariling interes sa bawat pagkakataon. Itinuring kong pambuwelo ang aking tungkulin para sa paghahangad ko ng karangalan at katayuan. Nasa landas ako ng isang anticristo—lahat ng ginawa ko ay kasuklam-suklam sa Diyos. Nang maunawaan ko iyon, napagtanto ko na nakagagambala ako sa gawain ng iglesia at hindi magiging labis kung tatanggalin ako. Naging napakamakasarili ko, tuso, at iresponsable, hindi ako karapat-dapat sa gayong kahalagang trabaho. Nakonsensya ako at nagsisi, at nadama kong napakalaki ng utang ko sa Diyos! Nagdasal ako sa Diyos sa puso ko na kung magtanong man o hindi ang lider tungkol sa isang bagay, hangga’t nasa loob ito ng saklaw ng aking gawain, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko rito, at talagang babawi para sa aking mga paglabag. Sa pagkabigla ko, nang handa na akong magsisi sa Diyos, hiniling sa akin ng lider na gampanan muli ang gawain ng pagdidilig. Sobrang naantig ako sa sandaling iyon. Inisip ko na kailangan ko talagang pahalagahan ang tungkuling iyon, at hindi na muling isipin ang aking karangalan at katayuan. Ibinuhos ko ang buong lakas ko sa aking gawain pagkatapos nun. Inuna ko ang mga gawaing hindi ko napagtuunan ng pansin batay sa kahalagahan, inaral at kinumusta ang mga ito, at nakahanap ako ng praktikal na mga solusyon sa mga problema. Gumaan ang aking pakiramdam mula nang magsimula akong magtrabaho sa gayong paraan.
Pagkaraan ng ilang araw, iniatas ng sambahayan ng Diyos na dapat magsagawa ng gawain ng paglilinis ang mga iglesia. Sumagi sa isip ko na ako ang responsable sa gawain ng ebanghelyo at pagdidilig, na mahalaga ang mga ito, at hindi ko pangunahing responsibilidad ang gawain ng paglilinis. Naisip ko na bahala na rito ang aking kapareha. Kaya, hindi ko na ito itinatak sa aking isipan. Saglit ko lamang tinalakay kung paano isasagawa ang gawaing ‘yon sa aking kapareha at hinayaan ko na siyang asikasuhin ito. Hindi ko na siya kinumusta tungkol sa kanyang pag-usad o mga paghihirap sa gawaing iyon. Nabigla na lamang ako nang sa isang pagtitipon, tinanong ng lider kung ano na ang nangyayari sa gawain ng paglilinis. Tinatanong niya ang tungkol sa ibang iglesia, gusto niyang malaman kung sino ang naalis nila, kung paano kumilos ang mga taong iyon, kung nakaranas sila ng anumang paghihirap o anumang bagay na hindi nila naiintindihan sa gawaing iyon. Talagang kinabahan ako dahil hindi ko sinusubaybayan ang gawain ng paglilinis at wala akong nalalaman tungkol dito. Kapag tinanong ako at walang maisagot, tiyak na sasabihin ng lider na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain. Paano kung baguhin ang aking tungkulin, o tanggalin ako? Isa lang ang nasa isip ko noon: na alamin ang tungkol sa nangyayari sa proyektong iyon pagkatapos na pagkatapos ng pagtitipon, na makuha ang bilang ng mga taong naalis, tingnan kung sino ang hindi ako sigurado, at talakayin at pagpasyahan kaagad kung dapat ba silang alisin para makapagbigay ako ng simpleng sagot sa lider kung sakaling siyasatin niya ito. Sa gayong paraan iisipin niya na kaya kong gumawa ng tunay na gawain. Pasado hatinggabi na nang matapos ang pagtitipon at gusto ko pa ring tanungin ang aking kapareha tungkol sa proyektong iyon. Nung naghahanda na akong kontakin siya, nakaramdam ako na parang may hindi tama. Hindi ba’t nagtatrabaho na naman ako para magpakitang-tao? Ang pagsisiyasat nun sa gayong paraan ay paggawa lang nang pabasta-basta. Kapag nagkamali kami ng pasya at naalis ang taong hindi dapat alisin, hindi ba’t magiging kawalan ‘yon ng pananagutan sa buhay ng mga kapatid? Kung mamadaliin ko ito nang hindi maingat na sinisiyasat at tinitimbang ang desisyon at maling tao ang maalis, hindi lang iyon pagiging iresponsable sa aking trabaho, kundi makasasama pa sa mga kapatid. Medyo pinagpawisan ako nang malamig sa isiping iyon at tahimik akong nanalangin, “O Diyos, nagsimula na naman akong magtrabaho para magpakitang-tao. Nagmamadali ako ngayon na kumustahin ang gawain ng paglilinis. Hindi ito para isaalang-alang ang kalooban Mo at gawin nang maayos ang aking tungkulin, kundi alang-alang sa aking reputasyon at posisyon. Niloloko at dinaraya na naman Kita. O Diyos, hindi ako tapat ni bahagya sa aking tungkulin, bagkus ginagawa ko lamang ang mga bagay upang magmukhang mabuti. Kasuklam-suklam sa Iyo ang lahat ng ito. O Diyos, gusto kong pagnilayan ang sarili ko at magsisi sa Iyo.” Sa sandaling ‘yon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko kamakailan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung isa kang lider, ilang proyekto man ang pinananagutan mo, responsibilidad mong palaging makialam at magtanong, at kasabay nito ay siyasatin din ang mga bagay-bagay at lutasin agad ang mga problema pagkalitaw pa lamang ng mga ito. Trabaho mo ito. Kaya nga, lider ka man sa rehiyon, lider sa distrito, lider sa iglesia, o lider ng anumang pangkat o superbisor, kapag natiyak mo na ang saklaw ng iyong mga responsibilidad, kailangan mong suriin nang madalas kung ginagawa mo ba ang iyong bahagi sa gawaing ito, kung natupad mo ba ang mga responsibilidad na dapat tuparin ng isang lider o manggagawa, anong gawain ang hindi mo nagawa, anong gawain ang hindi mo nagawa nang maayos, anong gawain ang ayaw mong gawin, anong gawain ang hindi naging epektibo, at anong gawain ang hindi mo naintindihan ang mga prinsipyo. Ito ang lahat ng bagay na dapat mong pagnilay-nilayan nang madalas. Kasabay nito, kailangan kang matutong makibahagi at magtanong sa ibang tao, at kailangan kang matutong tumukoy, sa mga salita ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng gawain, ng isang plano, mga prinsipyo, at isang landas na ipapatupad. Sa anumang pagsasaayos ng gawain, nauugnay man ito sa administrasyon, sa HR, o sa buhay ng iglesia, o kaya ay sa anumang uri ng gawain ng espesyalista, kung binabanggit nito ang mga responsibilidad ng mga lider at manggagawa, kung ito ay isang responsibilidad na dapat mong tuparin, at nasa saklaw ng iyong mga responsibilidad, dapat mong pakialaman ito. Natural, dapat magkaroon ng mga priyoridad batay sa sitwasyon upang walang mga proyektong maiwan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Bilang isang lider na may responsibilidad para sa gawain ng iglesia, gaano man karaming proyekto ang pinangangasiwaan namin, dapat naming unahin ang mga ito, pamahalaan, tanungin pagkatapos at kumustahin ang mga ito para magpatuloy ang bawat isa ayon sa nararapat. Ito ang dapat gawin ng isang lider o manggagawa, at ang tanging paraan para makagawa ng tunay na gawain. Pero naisip ko na hangga’t nakakatapos ako ng mahalagang gawain na maaaring magbunga ng mga totoong resulta, o mga gampanin na regular na itinatanong ng lider, paggawa na ‘yon ng praktikal na gawain. Pero ang anumang hindi gaanong itinatanong ng nakatataas na lider o mga bagay na hindi naman halatang nagbubunga, halos hindi ko inaasikaso o kinukumusta. Sa totoo lang, dapat ibinubuhos ko ang lahat ng makakaya ko sa lahat ng bagay na nasa saklaw ng aking tungkulin. Nailunsad na ang ilan sa mga proyekto at ilang panahon nang hindi napag-uusapan, pero hindi ibig sabihin nito na natigil ang mga ito at hindi na kailangang kumustahin. Dapat ay sinisiyasat ko ang mga ito ayon sa priyoridad. Kung hindi ako kailanman magtatanong tungkol sa mga ito at dahil dito’y maaantala ang pag-usad ng mga ito, pagiging iresponsable ‘yon, at kawalan ng katapatan sa Diyos. Naisip ko ang aking saloobin sa aking trabaho. Alam ko na talagang mahalaga ang gawain ng paglilinis, pero pakiramdam ko’y hindi ako ang pangunahing responsable para doon, at kung maayos itong maisagawa ay walang sinuman ang makakikita ng pagsisikap na ibinuhos ko rito, kaya hindi ko ito isinapuso o sineryoso. Wala akong ideya kung ano nang nangyayari dito. Sa sandaling narinig ko na nagtanong ang lider tungkol dito ay nagmadali akong kumustahin ito. Gusto kong magsagawa ng simpleng pangungumusta para makasagot ako sa lider kung sakaling magtanong siya tungkol sa aking gawain, sa gayo’y hindi niya matutuklasan na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain at tanggalin ako. Nanloloko ako at nanlilinlang, pinoprotektahan ang aking karangalan at katayuan at hindi inaako ang responsibilidad para sa gawain ng iglesia. Paggawa ito ng masama!
Pagkatapos nun, pinag-isipan ko ang kamakailan kong saloobin at pagganap sa aking tungkulin. Sumagi sa isip ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay sumunod, at kung ang taong iyan ay nakatupad sa kalooban ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay nakaabot sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagsunod, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). “Bagama’t lahat ay handang hangarin ang katotohanan, hindi simpleng bagay ang pagpasok sa realidad nito. Ang susi ay tumuon sa paghahanap ng katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan. Kailangan mong pagnilayan ang mga bagay na ito araw-araw. Anumang mga problema o paghihirap ang makaharap mo, huwag kang susuko sa pagsasagawa ng katotohanan; dapat mong matutuhan kung paano hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili, at sa huli ay isagawa ang katotohanan. Ito ang pinakamahalaga sa lahat; anuman ang gawin mo, huwag mong subukang protektahan ang sarili mong mga interes, at kung uunahin mo ang sarili mong mga interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Tingnan ang mga taong sariling kapakanan lamang nila ang iniisip—sino sa kanila ang nakapagsasagawa ng katotohanan? Wala ni isa sa kanila. Ang mga nagsasagawa ng katotohanan ay pawang matatapat na tao, nagmamahal sa katotohanan at mababait. Silang lahat ay mga taong may konsensya at katinuan, na kayang talikuran ang sarili nilang mga interes, banidad, at pride, na kayang talikdan ang laman. Ito ang mga taong kayang isagawa ang katotohanan. … Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay tumatahak sa landas na naiiba sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan: Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay laging nakatuon sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nasisiyahan na sila sa panlabas na mga pagpapakita ng mabuting asal at pagiging maka-Diyos, ngunit sa kanilang puso ay mayroon pa ring matitinding pagnanasa at hangarin, at naghahangad pa rin sila ng katayuan at katanyagan, nais pa rin nilang mapagpala at makapasok sa kaharian—ngunit dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at hindi nila maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, lagi silang namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sa lahat ng bagay, lahat ng nagmamahal sa katotohanan ay hinahanap ang katotohanan, pinagninilayan ang kanilang sarili at sinisikap na makilala ang kanilang sarili, at nagtutuon sa pagsasagawa ng katotohanan, at palaging may pagsunod sa Diyos at takot sa Diyos sa puso nila. Kung may lumitaw mang anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Kanya, agad silang nagdarasal sa Diyos at hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito; tumutuon sila sa maayos na pagganap sa kanilang tungkulin, para matupad ang kalooban ng Diyos; at nagsisikap sila tungo sa katotohanan at naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, nagkakaroon ng takot sa Kanya sa kanilang puso at lumalayo sa lahat ng masasamang gawa. Ito ay isang taong laging namumuhay sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago na ang Disposisyon ng Isang Tao). Sa aking tungkulin, ginagawa ko lamang ang mga bagay para magmukha akong mabuti, palaging iniisip na makamit ang pagpapahalaga ng lider at sa gayon ay mapanatili ang aking posisyon. Akala ko’y matalino ako, iyon pala’y hangal ako. Napakalinaw ng mga salita ng Diyos—Pinahahalagahan ng Diyos ang puso ng isang tao sa tungkulin nito. Tinitingnan Niya kung ang saloobin nito sa tungkulin ay ang isaalang-alang ang Kanyang kalooban, hindi kung gaano karaming gawain ang mukhang ginagawa nito o kung gaano karaming tao ang pumupuri dito. Gayundin, may mga prinsipyo ang iglesia sa pagtatanggal ng mga tao. Walang sinuman ang basta na lamang tinatanggal dahil hindi nila ginawa nang maayos ang kanilang trabaho sa maikling panahon. Kung nasa tamang lugar ang kanilang puso at kaya nilang itaguyod ang gawain ng iglesia, kung nakagawa lamang sila ng ilang pagkakamali dahil sa kakulangan ng karanasan, tutulungan sila at susuportahan ng sambahayan ng Diyos. Kung talagang hindi nila kayang gawin ang trabaho dahil kulang sila sa kakayahan, magsasaayos ang iglesia ng ibang tungkulin para sa kanila. Sa pangkalahatan, ang susi ay ilagay ang iyong puso sa tamang lugar. Kung may mali kang layunin sa iyong tungkulin o hindi mo isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, kung karangalan at katayuan lamang ang hinahangad mo, o nanloloko ka at nanlilinlang para pahalagahan ka ng mga lider, maaaring sa tingin ay may nagagawa kang gawain at maaaring nakakaya mong magdusa at magbayad ng halaga, pero mali ang mga motibo mo, at ginagawa mo lamang ang lahat para sa iyong sarili. Hindi iyan paggawa ng iyong tungkulin at hindi niyan makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Alam ko na mahalagang proyekto para sa sambahayan ng Diyos ang gawain ng paglilinis. Bahagi ng aking trabaho ang pag-unawa at pangangasiwa sa pag-usad ng aking mga katrabaho. Dapat ay nagkaroon ako ng tamang saloobin at ginawa ang aking tungkulin ayon sa prinsipyo. Pagkatapos nun, pinuntahan ko para kausapin ang aking mga katrabaho tungkol sa kanilang pag-usad sa gawain ng paglilinis at itinanong kung anong mga paghihirap ang kanilang kinaharap. Pagkatapos ay nagtrabaho ako mismo para tulungan silang suriin ang mga tauhan at inalis namin ang mga taong tugma sa mga kondisyon para sa paglilinis. Talagang gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos kong gawin iyon.
Marami akong natutunan sa lahat ng mga karanasang iyon. Akala ko noon, ang paggawa ng gawaing inuuna at pinagtutuunan ng lider ay paggawa na ng praktikal na gawain. Pero sa pamamagitan ng mga karanasang ito, nakita ko na kung wala akong tamang mga motibo, at ginagawa ko ang aking tungkulin para sa karangalan, katayuan, at paghanga ng iba, o para pagsilbihan ang isang lider, pakitang-taong paggawa iyon ng gawain, hindi paggawa ng aking tungkulin. Sa gayon, kahit gaano pa karaming gawain ang gawin ko, hinding-hindi ito sasang-ayunan ng Diyos. Sa paggawa ng tungkulin, pinahahalagahan ng Diyos ang ating mga puso at tinitingnan Niya ang ating saloobin sa ating tungkulin, kung itinataguyod natin ang gawain ng iglesia, kung naisasagawa natin ang katotohanan at nakakapamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Iyon ang pinakamahalaga. Lubos na dahil sa patnubay ng Diyos kaya naunawaan ko ito. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.