Mga Araw ng Pagdurusa Ko sa Maling Pag-unawa sa Diyos
Noong 2017, inihalal ako para maging isang lider ng iglesia. Noong una, nagbunga ako ng mga resulta sa tungkulin ko, pero kalaunan, nanabik ako sa pagpapala ng katayuan at tumigil ako sa paggawa ng aktuwal na gawain. Hindi ko rin sinubaybayan ang gawain ng iglesia na dinadahilan na may mahina akong kakayahan at hindi ko maunawaan ang mga propesyonal na kasanayan. Nang tanungin ako ni Sister Julia, na isang nakatataas na lider, tungkol sa gawain, hindi ko man lang siya masagot, ni hindi ko naunawaan ang mga aktuwal na paghihirap na kinakaharap ng mga kapatid sa paggawa ng mga tungkulin nila. Pagkatapos ay tinukoy ni Julia ang mga problema ko para tulungan ako, pero hindi ako nagbago. May ilang pagkakataon na inilantad niya ako sa harap ng ilang diyakono, sinabi niyang hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain, na nagpapakatamad ako sa tungkulin ko, na napakamapanlinlang ko, at iba pa. Naisip kong pinapahirapan ako ni Julia at ipinapahiya niya ako sa harap ng iba, kaya naging mapanlaban ako sa puso ko.
Minsan, sa isang pagtitipon, may nakita akong ilang mali sa gawain ni Julia, kaya hinusgahan ko siya sa harap ng mga kapatid. Nagdulot ito na magkamali silang isipin na isa siyang huwad na lider. Nagulo ang gawain ng iglesia dahil sa ginawa ko. Pagkatapos malantad ang usapin, nag-alala akong pupungusan ako ng lider at babaguhin ang tungkulin ko, kaya nagmadali akong humingi ng tawad kay Julia at hinimay at pinagnilayan ko ang sarili ko sa harap ng mga kapatid. Inisip kong lilipas nang ganoon-ganoon lang ang usaping ito. Pero nagulat ako nang nilapitan ako ng mga nakatataas na lider ko pagkalipas ng ilang araw, sinabi niya na seryosong kapabayaan na ang kabiguan kong gumawa ng aktuwal na gawain, at na hindi ko rin tinanggap ang mapungusan at lihim kong pininsala ang iba. Ginagambala nito ang gawain ng iglesia. Pagkatapos kong marinig iyon, nahirapan akong tanggapin ito at sa puso ko ay patuloy akong nakipagtalo: Hindi naman sa ayaw kong gawin ang aktuwal na gawain, kundi napakahina ng kakayahan ko para gawin ito. Tungkol naman sa lihim na pamiminsala sa iba, tinanggap ko na ang pagkakamali ko. Humingi ako ng tawad kay Julia at hinimay ko ang katiwalian ko sa harap ng mga kapatid. Kaya, bakit mahigpit mo pa ring pinanghahawakan ang usaping ito? Noong panahong iyon, paano man sila makipagbahaginan sa akin, hindi ko ito matanggap. Kaya batay sa kalagayan ko, binasa sa akin ng isa sa mga lider ang mga salitang ito ng Diyos: “Yaong mga kapatid na palaging nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo ay mga utusan ni Satanas, at ginugulo nila ang iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang patalsikin at itiwalag. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at sumusuway sa Kanya. Ang paniniwala sa Diyos ngunit hindi nagpapasakop o natatakot sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo. Yaong mga nagbubulalas ng kanilang makamandag at malisyosong pananalita sa loob ng iglesia, na nagkakalat ng mga tsismis, nagpupukaw ng kawalan ng pagkakaisa, at iginugrupu-grupo ang mga kapatid—dapat ay natiwalag na sila sa iglesia. Subalit dahil ibang panahon na ngayon ng gawain ng Diyos, hinihigpitan ang mga taong ito, sapagkat walang dudang ititiwalag sila” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Habang mas nakikinig ako, mas lalong takot ang nadarama ko sa puso ko, dahil alam kong talagang nagdulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ang panghuhusga ko kay Julia. Pero nang marinig ko ang mga salitang gaya ng, “mga utusan ni Satanas,” “ginugulo ang iglesia,” “kailangang patalsikin,” at “kailangang itiwalag,” hindi ako naglakas-loob na tanggapin ang mga iyon, dahil sa takot na kung gagawin ko iyon, hindi ba’t makokondena ako bilang resulta? Kung gayon, paano ko pa makakamit ang kaligtasan? Ayaw kong tanggapin ang katunayang ito, kaya nagreklamo ako tungkol sa lider, inakala kong sinasadya niyang gamitin ang mga salita ng Diyos para atakihin at kondenahin ako. Talagang naging emosyonal ako at sinabi ko, “Hindi mo ibinabahagi ang katotohanan para tulungan talaga akong lutasin ang problema! Binabatikos mo lang ako!” Napagtanto ng mga lider na wala akong anumang kaalaman tungkol sa sarili ko, at patuloy silang nakipagbahaginan para tulungan ako. Nakipagbahaginan din sila tungkol sa mga karanasan nila para gabayan ako sa pag-unawa sa sarili ko. Gayumpaman, anuman ang sabihin nila, wala pa rin akong pang-unawa. Kalaunan, nang makita nilang hindi ako gumagawa ng anumang aktuwal na gawain, na hindi ko rin tinanggap ang katotohanan, at wala pa nga akong saloobin ng pagsisisi, tinanggal ako ng mga nakakataas na lider.
Sa sandaling iyon, bigla akong nanghina. Inisip ko kung paanong mahigit sampung taon na akong mananampalataya sa Diyos, at na hindi ako isang bagong mananampalataya na dalawa o tatlong taon pa lang nananampalataya. Malapit na ang pagtatapos ng gawain ng Diyos. Oras na para ibunyag at iklasipika ang mga tao ayon sa uri nila. Sa kritikal na panahong ito, nabunyag ako bilang isang tao na hindi tinatanggap ang katotohanan. Hindi ba’t nangangahulugan itong itiniwalag na ako? Natakot ako na mula sa puntong ito, magiging walang silbi para sa akin na mas magsikap sa pananalig ko at na wala akong magiging kinabukasan. Nakadama ako ng sobrang pagkanegatibo. Araw-araw na lumala nang lumala ang kalagayan ko. Nadama kong parang wala akong silbi na hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin ko. Palagi kong nadaramang inabandona ako ng Diyos, puno ng takot at kaligaligan ang puso ko araw-araw. Kahit na patuloy na nakikipagbahaginan sa akin ang mga kapatid tungkol sa layunin ng Diyos, inuudyukan akong pagnilayan ang sarili ko at matututo sa kabiguan ko, matigas akong naniwala na nabunyag na ako bilang isang taong hindi naghangad sa katotohanan, kaya naisip kong pagsasayang lang ng oras ang maghangad pa. Mula noon, anumang mga tungkulin ang iatang sa akin ng iglesia, hinarap ko ang mga iyon nang may pagkanegatibo at pagkapasibo, nang pabaya at nagkakamit ng kaunting resulta o ng wala talaga. Sa wakas, batay sa mga prinsipyo, pinatigil ng mga lider ko ang mga tungkulin ko at ibinukod ako para sa pagninilay. Sa sandaling iyon, nablangko ang utak ko; para akong nasentensiyahan ng kamatayan. Napagtanto kong talagang katapusan ko na. Kung wala akong tungkulin, paano pa ako magkakaroon ng anumang pag-asang makakamit ko ang pagliligtas? Noong mga panahong iyon, namuhay ako na parang isang naglalakad na bangkay, madalas, pakiramdam ko ay itinaboy ako ng Diyos. Hiyang-hiya akong magdasal, at hindi ko ramdam na karapat-dapat akong basahin ang mga salita ng Diyos. Noong panahong iyon, may mga kapatid na sumuporta sa akin at binasa sa akin ang mga salita ng Diyos. Gayumpaman, naniwala akong para sa mga naghahangad sa katotohanan ang mga salita ng Diyos, hindi para sa akin, kaya hindi ko man lang kayang tanggapin ang mga iyon. Hindi ba’t sinabi ng Panginoong Jesus, “Huwag ninyong ibigay sa mga aso kung ano ang sagrado; huwag ninyong ihagis ang mga perlas sa mga baboy”? Paanong kakausapin ng Diyos ang isang taong gaya ko? Noong panahong iyon, araw-araw akong natatakot at hindi mapakali. Kung talagang inabandona na ako ng Diyos, ano pa ang saysay ng pag-iral ko? Mas mabuti pang mamatay ako balang araw dahil sa parusa. Puno ng takot ang puso ko, araw-araw akong nagdurusa sa pagpapahirap. Kalaunan, may nangyari na talagang umantig sa akin.
Nakakita ako ng isang nursing job kung saan nagpakita ang amo ko ng mabuting pagkatao at inalagaan niya ako nang maayos sa pamumuhay ko. Nahikayat ako dahil dito, kaya ibinahagi ko ang ebanghelyo sa amo ko, na masayang tinanggap ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Sabik na sabik ako. Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto kong hindi ako inabandona ng Diyos kundi patuloy Niya akong kinaawaan at iniligtas. Dahil sa matinding pagkakonsensiya, tumawag ako sa Diyos nang lumuluha, “O Diyos, ayaw kong manatiling negatibo nang ganito; pakiusap iligtas Mo ako!” Nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Kapag binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos at nakikita nilang kinokondena ng Diyos ang mga tao sa Kanyang mga salita, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro at nagtatalo ang kalooban nila. Halimbawa, sinasabi ng mga salita ng Diyos na hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kaya hindi ka gusto o tanggap ng Diyos, na isa kang taong gumagawa ng masama, isang anticristo, na tingnan ka pa lang Niya ay sumasama na ang loob Niya at na ayaw Niya sa iyo. Nababasa ng mga tao ang mga salitang ito at naiisip, ‘Ako ang pinatatamaan ng mga salitang ito. Nagpasya na ang Diyos na ayaw Niya sa akin, at dahil pinabayaan na ako ng Diyos, hindi na rin ako mananampalataya sa Kanya.’ May mga taong, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, madalas na nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa dahil inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao at sinasabi ang ilang bagay na nagkokondena sa mga tao. Nagiging negatibo at mahina sila, iniisip na sila ang pinatatamaan ng mga salita ng Diyos, na sinusukuan na sila ng Diyos at hindi na sila ililigtas. Nagiging negatibo sila hanggang sa puntong naiiyak sila at ayaw na nilang sumunod sa Diyos. Ang totoo, isa itong maling pagkaunawa sa Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, hindi mo dapat subukang ilarawan ang Diyos. Hindi mo alam kung anong uri ng tao ang pinababayaan ng Diyos, o sa kung anong mga sitwasyon Niya sinusukuan ang mga tao, o sa kung anong mga sitwasyon Niya isinasantabi ang mga tao; may mga prinsipyo at konteksto sa lahat ng ito. Kung hindi mo nauunawaan nang lubusan ang mga detalyadong bagay na ito, madali kang magiging napakasensitibo at lilimitahan mo ang iyong sarili batay sa isang salita ng Diyos. Hindi ba’t magdudulot iyon ng problema? Kapag hinahatulan ng Diyos ang mga tao, ano ang pangunahing katangian nila na kinokondena Niya? Ang hinahatulan at inilalantad ng Diyos ay ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao, kinokondena Niya ang kanilang mga satanikong disposisyon at satanikong kalikasan, kinokondena Niya ang iba’t ibang pagpapamalas at pag-uugali ng kanilang pagsuway at pagsalungat sa Diyos, kinokondena Niya sila dahil hindi nila magawang magpasakop sa Diyos, dahil palagi nilang sinasalungat ang Diyos, at dahil palagi silang may sariling mga motibasyon at layon—ngunit ang gayong pagkondena ay hindi nangangahulugan na pinababayaan na ng Diyos ang mga taong may mga satanikong disposisyon. … Kapag naririnig mo ang isang pahayag ng pagkondena mula sa Diyos, iniisip mo na, dahil kinondena na ng Diyos, pinabayaan na ng Diyos ang mga tao, at hindi na sila maliligtas, at dahil dito ay nagiging negatibo ka, at hinahayaan mong mawalan ka ng pag-asa. Maling pag-unawa ito sa Diyos. Sa katunayan, hindi pinabayaan ng Diyos ang mga tao. Nagkamali sila ng pag-unawa sa Diyos at pinabayaan nila ang kanilang sarili. Wala nang mas mapanganib pa kaysa sa kapag pinababayaan ng mga tao ang kanilang sarili, gaya ng ipinatupad sa mga salita ng Lumang Tipan: ‘Ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pag-unawa’ (Kawikaan 10:21). Wala nang mas hahangal pang pag-uugali kaysa kapag hinahayaan ng mga tao ang kanilang sarili na mawalan ng pag-asa. Kung minsan ay may nababasa kang mga salita ng Diyos na tila naglalarawan sa mga tao; sa katunayan, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman, kundi pagpapahayag ang mga iyon ng mga layunin at opinyon ng Diyos. Ang mga ito ay mga salita ng katotohanan at prinsipyo, hindi inilalarawan ng mga ito ang sinuman. Ang mga salitang binigkas ng Diyos sa mga panahon ng galit o pagkapoot ay kumakatawan din sa disposisyon ng Diyos, ang mga salitang ito ay ang katotohanan, at bukod pa riyan, nabibilang ang mga ito sa prinsipyo. Dapat itong maunawaan ng mga tao. Ang layon ng Diyos sa pagsasabi nito ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, at maunawaan ang mga prinsipyo; talagang hindi ito para limitahan ang sinuman. Wala itong kinalaman sa huling hantungan at gantimpala ng mga tao, lalong hindi ang mga ito ang huling kaparusahan ng mga tao. Ang mga ito ay mga salita lamang na sinalita para hatulan at pungusan ang mga tao, ang mga ito ay resulta ng pagkagalit sa mga taong hindi tumutugon sa Kanyang mga ekspektasyon, at sinasalita ang mga ito para gisingin ang mga tao, para pakilusin sila, at ang mga ito ay mga salitang nagmumula sa puso ng Diyos. Gayunpaman, ang ilang tao ay nadadapa at tinatalikuran ang Diyos dahil sa iisang pahayag ng paghatol mula sa Diyos. Hindi alam ng ganitong mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi sila tinatablan ng katwiran, hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 1). Paulit-ulit kong binasa ang mga salita ng Diyos, hindi ko magawang pigilan ang sarili ko sa pagluha dahil sa paninisi sa sarili. Pakiramdam ko ay kaharap ko ang Diyos at pinapagaan Niya ang loob ko, lalo na nang sinabi ng Diyos: “Ang mga ito ay mga salita lamang na sinalita para hatulan at pungusan ang mga tao, ang mga ito ay resulta ng pagkagalit sa mga taong hindi tumutugon sa Kanyang mga ekspektasyon, at sinasalita ang mga ito para gisingin ang mga tao, para pakilusin sila, at ang mga ito ay mga salitang nagmumula sa puso ng Diyos. Gayunpaman, ang ilang tao ay nadadapa at tinatalikuran ang Diyos dahil sa iisang pahayag ng paghatol mula sa Diyos. Hindi alam ng ganitong mga tao kung ano ang mabuti para sa kanila, hindi sila tinatablan ng katwiran, hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan.” Ginising ako ng mga salita ng Diyos. Nang pinagnilayan ko ang saloobin ko sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na nang binasa sa akin ng lider ang mga salita ng paglalantad at pagkondena mula sa Diyos, naramdaman ko ang pagkakasala ko. Masyadong mapanlaban ang puso ko para tanggapin ang paghatol at paglalantad sa mga salita ng Diyos. Sa puntong ito, naunawaan ko sa wakas na kahit na malupit ang mga salita ng Diyos, layon ng mga iyon na tulungan tayong makilala ang ating sarili, magsisi, at magbago. Inilantad ako ng lider dahil nararapat ito sa kalubhaan ng mga kilos ko, pero pinigilan ako ng matigas kong disposisyon na aminin ang katunayan. Kahit na tinanggal ako, hindi ako nahimasmasan, mali ang naging paniniwala ko na ibinubunyag at itinitiwalag ako ng Diyos. Nanatili akong nakakulong sa isang negatibong kalagayan na sinusukuan ko ang sarili ko, na nagpapakalugmok ako sa kawalan ng pag-asa. Habang mas pinagninilayan ko ang sarili ko, mas lalo akong nagsisisi, kinamumuhian ko ang katigasan ng ulo ko at pagiging mapaghimagsik ko. Napagtanto ko kung gaano kaliit ang totoo kong pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsabing: “Sa anong mga kaparaanan isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, pagiging maharlika, paghatol, at sumpa, at ginagawa Niyang perpekto ang tao higit sa lahat ay sa pamamagitan ng Kanyang paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, ‘Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba parurusahan ang tao? Kung gayon paano pa siya magagawang perpekto?’ Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang paghihimagsikng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita at walang habag, ibinubunyag Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, ibinubunyag sa pamamagitan ng istriktong mga salitang ito kung ano yaong mahalaga sa kalooban ng tao, ngunit sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay makasalanan at kay Satanas, ito ay mapaghimagsik, at ito ang pakay ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, kailangan niyang sapitin ang mga salita ng paghatol ng Diyos at kailangang gamitan ito ng bawat uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Maraming beses ko nang nabasa dati ang siping ito ng mga salita ng Diyos, pero bakit nabigo pa rin akong maunawaan ang layunin ng Diyos? Sa mga huling araw, minimithi ng gawain ng Diyos na dalisayin at iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng mga salita ng paghatol at pagkastigo. Labis na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na kung wala ang mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos, hindi natin kailanman makikilala ang diwa at realidad ng katiwalian natin, lalo pa ang makamit ang tunay na pagsisisi at pagbabago. Pero mali kong pinaniwalaan na kapag hinatulan at inilantad tayo ng Diyos, nangangahulugan ito ng pagkondena at walang hanggang pagtitiwalag, nagpapahiwatig na hindi tayo kailanman magkakaroon ng isang mabuting kalalabasan at hantungan. Kakatwa at mali ang pang-unawa ko. Napakakakaunti ng nalalaman ko sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga sinserong layunin sa pagliligtas sa sangkatauhan. Naalala ko ang sinabi ng Diyos dati: “Sa lahat ng panahon, hawak ng Diyos ang kaligtasan ng tao sa Kanyang puso; hindi ito kailanman nagbabago” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Ngayon ko lang napagtanto kung gaano kapraktikal ang mga salitang iyon. Inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pinakasukdulang antas, at hindi Niya basta susukuan ang sinuman maliban na lang kung sila mismo ang pipiling abandonahin ang paghahangad sa katotohanan. Hindi ko matiis na tanungin nang tapat ang sarili ko, “Kung ayaw ng Diyos na iligtas ako, batay sa mga kilos ko, hindi ba’t naitiwalag na Niya dapat ako? Kung totoo iyon, kakailanganin pa ba Niyang hatulan at ilantad ako, isaayos ang mga sitwasyon para ibunyag ang katiwalian ko, at gabayan at bigyang-liwanag ako para pagnilayan at maunawaan ko ang sarili ko? Pinungusan at binalaan ako ng mga kapatid para tulungan akong bumalik at pagnilayan ang sarili ko. Hindi ba’t ang mga pagkilos na ito ang mismong praktikal at tunay na pagliligtas ng Diyos? Gayumpaman, hindi ko naunawaan ang mga paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, ni nakilala ang pagmamahal Niya. Sa halip, mali kong naunawaan ang Diyos at nabuhay ako sa pagkanegatibo, lumalaban ako sa Kanya. Napakawalang katwiran ko!” Habang pinag-iisipan ko ito, nagsimula nang may maramdaman sa wakas ang matagal ko nang manhid na puso, at labis kong pinagsisihan ang mga kilos ko. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sa hinaharap, anumang mga dagok o kabiguan ang makaharap ko, ayaw ko nang magkamali sa pag-unawa sa iyo. Handa akong seryosong pagnilayan ang sarili ko, matutuhan ang mga aral, masigasig na hangarin ang katotohanan, at maayos na tuparin ang mga tungkulin ko hangga’t nabubuhay ako, para maabot ko ang tunay na pagsisisi.”
Kalaunan, nagsulat ako ng isang artikulo tungkol sa mga karanasan ko noong panahong iyon. Binasa ito ng isang sister at pinadalhan niya ako ng ilang salita ng Diyos at pinaalalahanan ako, sabi niya, “Dapat mong pagnilayan ang mga dahilan kung bakit ka pinungusan. Pagnilayan mo ang bawat problemang isiniwalat tungkol sa iyo ng mga lider at gamitin mo ang mga nauugnay na katotohanan para lutasin ang mga iyon. Saka mo lang talagang matutugunan ang mga isyung ito.” Kaya tumahimik ako at pinagnilayan ang sarili ko: Bakit sinabi ng mga lider na hindi ko tinanggap ang katotohanan? Anong mga pag-uugali ang nagpakita ng pagtanggi kong tanggapin ang katotohanan? Noong inalala ko ang panahon ko bilang isang lider, napagtanto ko na tuwing nahaharap ako sa mga paghihirap, inuuna ko ang sarili kong laman. Iniwasan kong magsikap o magbayad ng halaga upang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon. Gumamit pa nga ako ng mga mapanlinlang na taktika, naniwala akong magiging sobrang nakakapagod at nakakabaliw ang paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema. Kung ginamit ko ang mahina kong kakayahan bilang dahilan para ipasa ang problema sa mga nakakataas na lider, makakaiwas ako sa problema. Kahit na hindi malutas sa huli ang mga problema, hindi ko kakailanganing magpasan ng anumang responsabilidad. Naalala ko na minsan iniulat ko sa mga lider ko ang mga problema sa gawain, sumagot sila, “Kapag may nakakaharap kang mga problema, hindi ka nagsisikap na lutasin ang mga iyon. Sa halip, tinatrato mo ang mga paghihirap na parang isang pasanin at ipinapasa mo ang mga iyon sa iba. Kung hinanap mo lang sana ang katotohanan tungkol sa mga paghihirap mo, magkakaroon ka sana ng sarili mong mga ideya kung paano lutasin ang mga iyon.” Nang marinig ko ito, sa halip na pagnilayan ang sarili ko, nagalit ako: Anong mali sa pag-uulat ng mga problema? Paano ninyo nasabing hindi ko hinanap ang katotohanan kapag nahaharap ako sa mga paghihirap? Sa puso ko ay tahimik akong nakipagtalo. Habang iniisip ko ito, bigla kong napagtanto na ganito ko mismo hindi hinanap o tinanggap ang katotohanan. Naalala ko rin kung paano tinukoy ni Julia nang maraming beses ang mga isyu ko at inilantad ang mga iyon sa pagbabahaginan. Sa halip na pagnilayan ang sarili ko, nagkimkim ako ng sama ng loob at naghangad na maghiganti. Pinagtuunan ko ang mga mali niya sa gawain, at hinusgahan at pininsala ko siya nang patalikod, na nakagulo sa buhay-iglesia. Nang malantad ang masama kong gawi, para makaiwas sa responsabilidad, humingi ako ng tawad kay Julia nang hindi sinsero, at ibinunyag at kinilala ang sarili ko sa harap ng mga kapatid, sinubukan kong pagaanin ang bigat ng isyu. Nang inilantad ng mga lider ang pag-uugali ko ayon sa mga salita ng Diyos, inamin ko ang mga iyon sa puso ko pero hindi ko sinabing tinatanggap ko ang mga iyon. Pero, walang katwiran kong inakusahan ang mga lider na ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para atakihin at kondenahin ako. Hindi ba’t mga pagpapamalas ng pagtanggi kong tanggapin ang katotohanan ang lahat ng kilos na ito? Kalaunan, habang binabasa ko ang mas maraming salita ng Diyos, tinulutan ako nitong magkamit ng mas malinaw na pang-unawa sa panloob kong kalagayan. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong malinis sa katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ang pagtanggap sa katotohanan ay nangangahulugan na anumang uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka, o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon—mga lason ni Satanas—ang nasa iyong kalikasan, kapag inilantad ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, dapat mong aminin ang mga ito at magpasakop ka, hindi ka maaaring gumawa ng ibang pagpili, at dapat mong kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man kabigat ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang paghahangad sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit pa medyo may pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kayang gumawa ng ilang mabubuting gawa, at kayang tumalikod at gumugol para sa Diyos, nalilito sila tungkol sa katotohanan at hindi ito sineseryoso, kaya hindi nagbabago kailanman ang disposisyon nila sa buhay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para sa isang taong tinatanggap ang katotohanan, dapat na walang kondisyon na pag-amin, pagtanggap, at pagpapasakop ang saloobin niya sa mga salita ng Diyos. Malupit o banayad man ang mga salita ng Diyos, kinasasangkutan man ito ng paghatol at paglalantad o panghihikayat at pagpapagaan ng loob, dapat palaging tumanggap at magpasakop ang isang tao. Ito ang katwirang dapat mayroon ang isang tao. Minsan, maaaring mahirapan tayong kilalanin ang kalagayang inilantad ng mga salita ng Diyos, pero dapat nating panatilihin ang isang saloobin ng pagtanggap at pagpapasakop. Sa pinakamababa, dapat tayong manampalatayang katotohanan ang mga salita ng Diyos, na katunayan ang mga paglalantad Niya, na ibinubunyag ang mga nakatagong aspekto ng ating tiwaling disposisyon, at dapat tayong magsabi ng “Amen” sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, bagama’t malinaw kong nalalaman na inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko, hindi ko ito tinanggap, at wala sa katwiran ko pang inakusahan ang mga lider na ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para kondenahin ako at gawin akong negatibo. Bukod sa nabigo akong tanggapin ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, ipinasa ko rin sa iba ang responsabilidad ko. Hindi ko talaga tinanggap ang katotohanan. Masyado akong di-makatwiran! Kahit na dumating sa akin ang mga positibong bagay tulad ng mga mungkahi, tulong, at pagpupungos mula sa mga kapatid, hindi ko kayang tanggapin ang mga iyon mula sa Diyos at magpasakop sa mga iyon. Sa halip, inakusahan ko ang mga nagpungos at naglantad sa akin. Habang mas lalo kong pinagninilayan ang sarili ko, mas lalo kong napagtatanto ang kakulangan ko ng pagkatao at hiyang-hiya ako. Mula sa kaibuturan ng puso ko, inamin ko na hindi ako isang tao na tumanggap sa katotohanan.
Kalaunan, binalikan kong muli ang mga salita ng Diyos na ibinahagi sa akin ng mga lider at pinagbulayan at dinasal-basa ko ang mga iyon. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga taong palaging nandaraya sa kanilang mga salita at mga kilos, at na palaging umiilag at umiiwas sa responsabilidad sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ay ang mga hindi tinatanggap ang katotohanan ni kaunti man. Hindi nila taglay ang gawain ng Banal na Espiritu, na katulad ng pamumuhay sa isang kumunoy, sa kadiliman. Gaano man sila mangapa, gaano man sila magsumikap, hindi sila makakikita ng liwanag ni makahahanap ng direksiyon. Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang walang inspirasyon at nang walang patnubay ng Diyos, hindi sila makasulong sa maraming bagay, at hindi sinasadyang nabubunyag sila habang gumagawa ng ilang bagay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagganap Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilalang Mayroong Halaga ang Buhay). “Yaong mga kapatid na palaging nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo ay mga utusan ni Satanas, at ginugulo nila ang iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang patalsikin at itiwalag” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na talagang isang tao ako na mapanlinlang sa mga tungkulin ko, tuso at umiiwas ako sa mga responsabilidad. Wala akong pagkamatapat sa Diyos. Tuwing nahaharap ako sa mga problema at paghihirap, palagi kong inuuna ang sarili kong kaginhawahan. Hindi ako handang magsikap at magbayad ng halaga para hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga isyu. Sa halip, madalas kong ipinapasa ang mga problema sa mga nakatataas na lider para makaiwas ako sa problema, ginagamit ko ang mahinang kakayahan ko bilang dahilan para hindi ako masisi sa hindi ko paggawa ng aktuwal na gawain. Napakamakasarili at napakamapanlinlang ko! Palagi kong ginagampanan nang pabaya at iresponsable ang mga tungkulin ko, kaya hindi ko matanggap ang gabay at kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ko matuklasan ang anumang problema. Noong pinungusan ako ng lider, sa halip na pagnilayan ko ang sarili ko, sumama ang loob ko dahil napahiya ako. Para maibulalas ang personal kong galit, hinusgahan at kinondena ko siya nang patalikod, na nakagulo sa gawain ng iglesia. Batay sa masasamang gawain ko, hindi ba’t ang mga ito ang mismong pag-uugaling inilantad ng Diyos bilang “mga utusan ni Satanas,” at “ginugulo ang iglesia”? Pero bakit hindi ko kilala ang sarili ko noong panahong iyon? Sa pagninilay ko sa saloobin ko sa Diyos at sa mga salita Niya, pati na rin sa lahat ng pagsalangsang ko, napuno ako ng pagsisisi at pagkamuhi sa sarili. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “O Diyos, naging napakamapaghimagsik ko. Handa akong magsisi. Ayaw ko nang magkamali sa pag-unawa sa Iyo. Naniniwala akong alang-alang sa paglilinis at pagliligtas Mo sa akin ang lahat ng ginagawa Mo!” Pagkatapos manalangin, talagang naantig ako. Sa puso ko, sinabi ko sa Diyos, “O Diyos, mula ngayon, hindi Kita kailanman iiwang muli. Napakasakit ng mga araw na malayo sa Iyo.” Mula sa sandaling iyon, ganap na nagbago ang negatibong kalagayan ko. Aktibo akong nakilahok sa pagbabahaginan, nakadama ako ng motibasyon na gawin ang mga tungkulin ko, at nagsimula akong sumulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Araw-araw, talagang nararamdaman kong bumubuti ang kalagayan ko. Katulad ito ng isang pasyenteng may malalang sakit na nagsisimulang gumaling araw-araw. Sa halos isang taon na hindi ko ginagawa ang mga tungkulin ko, namuhay ako sa kalagayan ng maling pang-unawa at pagiging mapagsanggalang sa Diyos, takot at hindi ako mapakali sa puso ko. Dahil ganap kong naranasan ang hirap ng pagkawala ng gawain ng Banal na Espiritu, ngayon, sa wakas ay nakaahon na ako mula sa negatibo kong kalagayan. Lahat ng ito ay ipinasasalamat ko sa malaking awa at pagliligtas ng Diyos. Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng isang mensahe mula sa lider na nagsasabi sa akin na bumalik ako sa iglesia para gawin ang mga tungkulin ko. Nang mabasa ko ito, sobra akong naantig kaya wala akong masabing kahit na ano, pero paulit-ulit kong pinasasalamatan ang Diyos.
Dahil alam kong may tendensiya akong maghanap ng dahilan kapag may mga nangyayari sa akin, bumaling ako sa mga salita ng Diyos at hinanap ko ang katotohanang may kinalaman sa kalagayan ko. Isang araw, ganap na naantig ang puso ko habang binabasa ko ito sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Mayroong dahilan kung bakit matindi ang poot ng Diyos sa isang tao o sa isang uri ng tao. Ang dahilang ito ay hindi itinakda ng kagustuhan ng Diyos, kundi ng saloobin ng taong iyon sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tumututol sa katotohanan, walang duda na ito ay mapanganib sa pagkakamit niya ng kaligtasan. Hindi ito isang bagay na maaari o hindi maaaring mapatawad, hindi ito isang anyo ng pag-uugali, o isang bagay na panandaliang nahayag sa kanila. Ito ay kalikasang diwa ng isang tao, at ang Diyos ay pinakayamot sa gayong mga tao. Kung paminsan-minsan kang naghahayag ng katiwalian ng pagtutol sa katotohanan, dapat mong suriin, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang mga paghahayag na ito ay sanhi ng pagkainis mo sa katotohanan o ng kawalan ng pang-unawa sa katotohanan. Nangangailangan ito ng paghahanap, at nangangailangan ito ng kaliwanagan at tulong ng Diyos. Kung ang kalikasang diwa mo ay gayon na tutol ka sa katotohanan, at hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, at ikaw ay partikular na umaayaw at mapanlaban dito, mayroong problema. Ikaw ay tiyak na isang masamang tao, at hindi ka ililigtas ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit sobrang napopoot ang Diyos sa ilang tao. Ito ay dahil tutol sila sa katotohanan at tinatanggihan nila ito. Ang Diyos ang Siyang nagpapahayag ng katotohanan. Kumakatawan sa saloobin natin sa Diyos ang saloobin natin sa katotohanan. Ang pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan ay katumbas ng pagsalungat sa Diyos at pagiging kaaway ng Diyos. Ang isang taong may kalikasan na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos ay siguradong hindi tatanggap sa katotohanan. Para sa ganitong klaseng tao, gaano man niya ibunyag ang kanyang mga tiwaling disposisyon o gaano man siya pungusan, hindi siya kailanman magsisisi. Gaano man karaming taon na siyang nananampalataya sa Diyos, hindi kailanman nagbabago ang tiwaling disposisyon niya, at kalaunan, siguradong itataboy at ititiwalag siya ng Diyos. Katulad ni Pablo, na ang kalikasan ay tutol at namumuhi sa katotohanan, hindi niya kailanman pinagnilayan ang sarili niya. Bilang resulta, pagkatapos ng paggawa sa loob ng maraming taon, nanatili siyang mayabang at makasarili. Hindi nagbago kahit kaunti ang tiwaling disposisyon niya, kaya kinondena at pinarusahan siya ng Diyos sa huli. Nakita ko kay Pablo ang repleksyon ng sarili ko. Hindi ko hinangad ang katotohanan, ni hindi ko tinanggap ang mapungusan. Ang satanikong disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang isinabuhay at ibinunyag ko. Bilang resulta, namuhay ako sa kadiliman, takot, at pasakit sa loob ng mahabang panahon, at isinantabi ako ng Diyos. Pawang dulot ng pagtutol ko sa katotohanan ang mga kahihinatnang iyon. Talagang matuwid, banal, at hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Kung palagi kong hindi tinatanggap ang katotohanan o ang mapungusan ng Diyos, paano ko pa makakamit ang paglilinis at pagliligtas ng Diyos? Kung gayon, hindi ba’t sa huli ay magiging walang saysay ang pananampalataya ko sa Diyos? Napagtanto ko na napakamapanganib na panatilihing hindi nalulutas ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan! Kalaunan, sinadya kong tumuon sa paghahanap sa katotohanan at paghihimagsik laban sa sarili kong tiwaling disposisyon. Nang maharap na naman ako sa pagpupungos, naging mas mahina na ang motibasyon kong makipagtalo at lumaban. Gaano man karami ang tama sa sinabi ng mga kapatid sa akin, basta’t naaayon ito sa mga katunayan, tatanggapin ko ito. Minsan, kapag hindi ko kayang matukoy ang problema ko at gusto kong makipagtalo, nagdarasal muna ako sa Diyos at nagpapasakop. Kalaunan, nagkakamit ako ng kaunting pang-unawa at bunga sa pamamagitan ng paninilay sa sarili ko.
Sa pagbabalik-tanaw sa kung gaano ako katigas at kamapaghimagsik dati, ganap na ayaw na tanggapin ang katotohanan, at nakikita ko kung paano ako nakapagkakamit ngayon ng kaunting pang-unawa at bungang gaya nito, napagtanto kong talagang pagliligtas ito ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, sa wakas ay medyo nakilala ko na ang sarili ko, at nagkamit din ako ng kaunting pang-unawa tungkol sa mga paraan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan pati na rin sa layunin ng Diyos. Talagang napagtanto ko na ang pagkastigo, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Diyos ay talagang para sa paglilinis at pagliligtas sa mga tao, hindi para sa pagkondena o pagtitiwalag sa kanila.