Ang Makitang Nayayamot Ako sa Katotohanan

Pebrero 24, 2024

Ni Allison, USA

Isang araw, nalaman ko na ang isang baguhang kakapasok lang sa iglesia ay nakaligtaan na ang dalawang pagtitipon, kaya tinanong ko ang lider ng grupo kung bakit, pero hindi siya sumagot. Kalaunan, nakita ko na nagsimulang muling dumalo ang baguhan sa mga pagtitipon, kaya hindi ko na tinanong ang dahilan sa lider ng grupo. Naisip ko, “Basta’t regular na dumadalo sa mga pagtitipon ang baguhan, ayos lang iyon. Napakaabala ko sa tungkulin ko ngayon, at kakain ng maraming oras at pagsisikap ang pagsisiyasat sa mga detalye. Magtatanong ulit ako tungkol dito kapag may oras ako.” Dahil doon, nakalimutan ko na ang tungkol doon. Kalaunan, sa isa pang pagtitipon, napansin ko na umalis ang baguhang ito sa kalagitnaan. Tinanong ko ang lider ng grupo kung bakit, pero hindi pa rin niya ako sinagot, at hindi ko inalam ang ugat ng problema. Hindi ko rin pinuntahan ang baguhan para tanungin kung may anumang problema ba siya o paghihirap. Hindi nagtagal, napansin kong muli na hindi nakadalo sa ilang sunud-sunod na pagtitipon ang baguhang ito. Dito na ako nagsimulang mabahala. Mabilis kong kinontak ang baguhan, pero hindi siya sumasagot. Nag-alala akong baka umalis ang baguhan sa iglesia, kaya dali-dali akong nakipag-ugnayan sa lider ng grupo para tingnan kung makokontak niya ang baguhan, pero sinabi sa akin ng lider ng grupo, “Hindi kailanman tinanggap ng baguhang ito ang friend request ko, kaya hindi ko siya makontak.” Medyo nagsisi ako sa puntong ito. Kung siniyasat ko ito nang mas maaga, nakapag-isip sana ako ng mga paraan para maremedyuhan ito, pero huli na ang lahat ngayon. Kasalanan ko ang lahat dahil hindi ako sumubaybay. Binasa ko ang mga chat record namin ng baguhan, umaasang mas malaman pa ang tungkol sa sitwasyon niya. Natanto ko na matapos ko siyang batiin sa ilang salita, hindi ko na siya kinausap tungkol sa kahit ano pa man. Wala akong alam sa kanya. Natanto kong maliit ang tsansang mapabalik ang baguhang ito. Ang dahilan kaya nangyari ang lahat ng ito ay dahil ginawa ko lang iyon nang hindi nag-iisip. Pero sa oras na iyon, hindi ako seryosong nagnilay tungkol sa sarili ko. Saglit ko lang itong pinag-isipan, inaamin na medyo naging pabaya ako, at nagpatuloy na ako.

Hindi nagtagal at tinanong ako ng superbisor tungkol sa baguhang ito, at kung bakit siya umalis sa iglesia. Kinabahan ako nang husto. Naisip ko, “Naku, malapit na akong ilantad. Kapag natuklasan ng superbisor ang tunay na nangyari, siguradong sasabihin niya na ginawa ko ang tungkulin ko nang hindi nag-iisip at hindi ako maaasahan. Ano ang gagawin ko kapag natanggal ako?” Totoo ngang itinuro ng superbisor ang problema ko matapos malaman ang sitwasyon, na sinasabing iniraraos ko lang ang gawain at na wala akong malasakit o hindi ko sinubukang alamin ang kalagayan ng baguhan. Nang marinig ko ito, agad kong sinubukang pangatwiranan ang sarili ko, “Hindi tumugon ang baguhan sa pagbati ko, kaya hindi ko natuloy ang pag-uusap.” Iwinasto ako ng superbisor, sinasabing, “Hindi naman sa hindi mo maituloy ang pag-uusap, hindi ka lang talaga nagmalasakit sa baguhan.” Nag-alala ako na kung aaminin kong iniraos ko lang ang gawain, kakailanganin kong managot, kaya mabilis akong nagpaliwanag, “Ang lider ng grupo ang pangunahing responsable sa baguhang iyon. Akala ko nakikipag-ugnayan siya sa baguhan, kaya hindi ko natanong sa oras ang sitwasyon ng baguhan. Tinanong ko ang lider ng grupo, pero hindisiya sumagot sa oras.” Ipinakita ko sa superbisor ang mga mensaheng ipinadala ko sa lider ng grupo para patunayan na talagang nagmalasakit ako sa baguhan. Ipinakita ko rin sa superbisor ang mga mensaheng ipinadala ko sa baguhan kalaunan para patunayan na matapos kong matuklasan na hindi siya regular na dumadalo sa mga pagtitipon, sinubukan kong makipag-ugnayan sa kanya sa tamang oras, pero hindi niya ako sinagot. Nakahanap pa ako ng dahilan para sabihing hindi ko makontak ang baguhan sa telepono dahil hindi naibigay ng mangangaral ng ebanghelyo ang numero ng telepono ng baguhan. Nagbigay ako ng maraming pinag-isipang dahilan, na walang-tigil na ipinapasa sa iba ang sisi, umaasang iisipin ng superbisor na may dahilan ang problema, na hindi ko ito kasalanan, o kahit paano ay pare-parehong sisihin din ang iba, at na hindi lang ako ang dapat sisihin. Nakikitang hindi ko inaamin ang mga problema ko at umiiwas ako sa responsibilidad, iwinasto ako ng superbisor sa pagsasabing, “Dumalo na ang baguhang ito sa ilang pagtitipon, na malinaw na nagpapakitang nananabik siya sa katotohanan, pero hindi mo itinanong ang kalagayan at paghihirap niya sa oras, at ngayon ay umiiwas ka sa responsibilidad sa pagsasabing hindi mo siya makontak dahil wala kang numero niya. Medyo hindi ito makatwiran!” Natanto kong malinaw na nakita ng superbisor ang mga problema ko at hindi ako pwedeng umiwas sa pag-ako ng responsibilidad. Nag-alala ako, at naisip ko, “Ano ang iisipin ng superbisor sa akin? Sasabihin ba niya na hindi ako gumagawa ng anumang praktikal na gawain? Tatanggalin ba ako?” Balisang-balisa ako, at hindi ko mapakalma ang sarili ko. Pagkatapos niyon, pinag-isipan ko ang lahat kung bakit humantong iyon sa ganito, at natanto ko na hindi ako naging tapat na tao sa bagay na ito o tumatanggap ng pagpupungos at pagwawasto. Malinaw na hindi ko nagawa nang wasto ang tungkulin ko, ginawa ko lang ang gawain nang hindi nag-iisip, pero nanloloko at nagdadahilan pa rin ako para pangatwiranan ang sarili ko. Sinubukan ko pang sisihin ang mangangaral ng ebanghelyo sa hindi pagbigay ng numero ng telepono. Tumatanggi akong aminin ang katotohanan na ginawa ko ang tungkulin ko nang hindi nag-iisip, at hindi ako nagnilay sa sarili. Asiwang-asiwa akong isipin ang pag-uugali ko. Kahit kumain at uminom ako ng salita ng Diyos araw-araw, nang nasa aktuwal na sitwasyon na ako, at nang pungusan at iwasto ako, namuhay pa rin ako ayon sa aking mga tiwaling disposisyon at hindi tinanggap ang katotohanan. Pakiramdam ko ay napakalalim ng katiwalian ko, at nagpasya akong mahirap para sa akin na magbago, kaya medyo naging negatibo ako.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Boluntaryo ang paghahangad sa katotohanan. Kung minamahal mo ang katotohanan, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Kapag minamahal mo ang katotohanan; kapag nagdarasal at umaasa ka sa Diyos, at nagninilay-nilay sa iyong sarili at nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili anuman ang pang-uusig o pagdurusa ang sumapit sa iyo; kapag aktibo mong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema na natutuklasan mo sa iyong sarili, maayos kang makagaganap sa iyong tungkulin. Sa ganitong paraan, makakapanindigan ka nang matatag sa iyong patotoo. Kapag mahal ng mga tao ang katotohanan, ang lahat ng mga pagpapamalas na ito ay magiging natural sa kanila. Gumagawa sila nang boluntaryo, nang nagagalak, at walang pamimilit, nang walang nakalakip na dagdag na mga kondisyon. Kung makasusunod sa Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, makakamit nila sa huli ang katotohanan at ang buhay, makapapasok sila sa katotohanang realidad, at maipamumuhay nila ang wangis ng tao. … Anuman ang iyong mga dahilan sa pananalig sa Diyos, sa huli ay pagpapasyahan ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa kung nakamit mo ba ang katotohanan. Kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, wala sa mga dahilan o palusot na sasabihin mo ang magiging makatwiran. Subukan mong mangatwiran hangga’t gusto mo; magpakabalisa ka kung gusto mo—may pakialam ba ang Diyos? Kakausapin ka ba ng Diyos? Makikipagdebate at makikipagtalakayan ba Siya sa iyo? Kokonsultahin ka ba Niya? Ano ang sagot? Hindi. Talagang hindi Niya gagawin iyon. Gaano ka man mangatwiran, hindi ito magiging katanggap-tanggap. Hindi ka dapat magkamali ng pag-unawa sa mga intensiyon ng Diyos, at isipin na kung makapagbibigay ka ng kung anu-anong dahilan at palusot ay hindi mo na kakailanganing hangarin ang katotohanan. Nais ng Diyos na mahanap mo ang katotohanan sa lahat ng kapaligiran at sa bawat bagay na sumasapit sa iyo, at sa wakas ay makapasok ka sa katotohanang realidad at makapagkamit ng katotohanan. Anuman ang sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa iyo, sinumang tao at anumang pangyayari ang nakakaharap mo, at anumang sitwasyong kinalalagyan mo, dapat kang magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan para makaya mong harapin ang mga ito. Ang mga ito mismo ang mga aral na dapat mong matutuhan sa paghahangad ng katotohanan. Kung lagi kang naghahanap ng mga palusot para makatakas, makaiwas, makatanggi, o labanan ang mga sirkumstansiyang ito, pababayaan ka ng Diyos. Wala nang dahilan pa para mangatwiran, o maging mailap o mahirap pakisamahan—kung wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, mawawalan ka ng pagkakataong maligtas(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1). Nakita ko sa salita ng Diyos na ang paglutas ng tiwaling disposisyon at pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi mahirap. Ang susi ay nasa kung paano pumili ang mga tao at kung hinahanap at isinasagawa ba nila ang katotohanan. Anuman ang sitwasyon, pagpupungos man at pagwawasto, o mga kabiguan at problema, kailangang magnilay ang mga tao para makilala ang kanilang sarili at aktibong hanapin ang katotohanan. Kapag nakakaunawa ka na nang kaunti, isagawa ito, at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at makikita mo ang paglago at pagbabago. Gayunpaman, kapag ikaw ay tinatabas at iwinawasto, kung palagi kang umiiwas, tumatanggi, at nagdadahilan, hindi ka lang mabibigong makamit ang katotohanan, kamumuhian at tatanggihan ka pa ng Diyos. Nang tingnan kong muli ang sarili ko, noong pungusan at iwasto ako, hindi ko tinanggap, sinunod, tapat na inamin, at pinagnilayan ang problema ko, o aktibong hinanap ang katotohanan para malutas ang aking tiwaling disposisyon. Sa halip, nilimitahan ko ang sarili ko, naging negatibo ako, at nilabanan ko iyon. Hindi ba ako wala sa katwiran? Hindi ito isang pag-uugali ng pagtanggap sa katotohanan. Nang makilala ko ito, ayaw ko nang mamuhay sa negatibong kalagayan at limitahan ang sarili ko. Nais kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ko. Nagsimula akong magnilay-nilay at napaisip kung bakit madalas nakalulugod akong magsalita, pero noong pinupungusan at iwinawasto ako, hindi ko iyon tinanggap, at naging negatibo ako at palaban. Anong disposisyon ang ipinakita ko?

Sa paghahanap ko, nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Nagagawang aminin ng ilang tao na sila ay mga diyablo, mga Satanas, at ang supling ng malaking pulang dragon, at napakahusay ng kanilang pagsasalita tungkol sa kaalaman nila sa sarili, ngunit kapag nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon at sila ay inilalantad, iwinawasto, at pinupungusan ng isang tao, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para pangatwiranan ang sarili at hindi man lang nila tatanggapin ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Dito, lubos na nailalantad ang mga taong ito. Nagsasalita sila nang napakahusay kapag sinasabi nila na kilala nila ang kanilang sarili, kaya bakit kapag nahaharap sila sa pagpupungos at pagwawasto, hindi nila natatanggap ang katotohanan? Mayroong problema rito. Hindi ba’t medyo karaniwan ang ganitong bagay? Madali ba itong makilatis? Sa katunayan, oo. Marami-raming tao ang umaamin na sila ay mga diyablo at mga Satanas kapag nagsasalita sila tungkol sa kaalaman sa sarili, ngunit hindi sila nagsisisi o nagbabago pagkatapos. Kaya, totoo ba o hindi ang kaalaman sa sarili na binabanggit nila? Mayroon ba silang taos na kaalaman sa sarili, o pakana lang ba ito para lokohin ang iba? Malinaw na ang sagot. Samakatuwid, para makita kung may tunay bang kaalaman sa sarili ang isang tao, dapat ay hindi ka lang makinig sa pagsasalita niya tungkol dito—dapat mong tingnan ang saloobing mayroon siya tungkol sa pagpupungos at pagwawasto, at kung natatanggap ba niya ang katotohanan. Iyon ang pinakamahalagang bagay. Sinumang hindi tumatanggap ng pagpupungos at pagwawasto ay may diwa ng hindi pagtanggap sa katotohanan, ng pagtangging tanggapin ito at ang kanilang disposisyon ay sawa na sa katotohanan. Walang duda roon. Hindi pumapayag ang ilang tao na iwasto sila ng iba, gaano man kalaking katiwalian ang kanilang naibunyag—walang sinumang maaaring magpungos o magwasto sa kanila. Maaari silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, sa kahit anong paraan na gusto nila, ngunit kung inilalantad, pinupuna, o iwinawasto sila ng iba, gaano man ito kaobhetibo o nakaalinsunod sa mga katunayan, hindi nila ito tatanggapin. Anumang uri ng pagpapakita ng tiwaling disposisyon ang ibunyag sa kanila ng ibang tao, lubha silang magiging antagonistiko at patuloy na magbibigay ng mabababaw na pangangatwiran para sa sarili nila, nang wala man lamang ni katiting na tunay na pagpapasakop. Kung hindi hahangarin ng mga taong iyon ang katotohanan, magkakaroon ng gulo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1). “Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging nayayamot sa katotohanan ay hindi lamang pagkasuya kapag naririnig ng mga tao ang katotohanan. Kabilang din dito ang pag-ayaw na isagawa ang katotohanan, pag-atras kapag oras na para isagawa ang katotohanan, na para bang walang kinalaman sa kanya ang katotohanan. Kapag nagbabahagi ang ilang tao sa mga pagtitipon, tila masiglang-masigla sila, gusto nilang ulit-ulitin ang mga salita at doktrina at magsalita ng matatayog na pahayag para mailigaw at makuha ang loob ng iba. Mukha silang puno ng sigla at ganadong-ganado habang ginagawa nila ito, at patuloy silang nagsasalita nang walang katapusan. Samantala, ang iba naman ay ginugugol ang buong araw mula umaga hanggang gabi na abala sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagdarasal, nakikinig sa mga himno, nagtatala, na para bang hindi nila kayang mawalay sa Diyos kahit isang sandali. Mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, nagpapakaabala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Talaga bang minamahal ng mga taong ito ang katotohanan? Wala ba silang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan? Kailan makikita ang tunay nilang kalagayan? (Pagdating ng oras na isasagawa na ang katotohanan, tumatakbo sila, at ayaw nilang tanggapin na mapungusan at maiwasto sila.) Dahil kaya ito sa hindi nila nauunawaan ang narinig nila o dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya ayaw nilang tanggapin iyon? Ang kasagutan ay wala sa mga ito. Pinamamahalaan sila ng kanilang kalikasan. Isa itong problema ng disposisyon. Sa puso nila, alam na alam ng mga taong ito na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na positibo ang mga ito, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ay makapagdudulot ng mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao at magagawa sila nitong mabigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos—ngunit hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga ito. Ito ay pagiging nayayamot sa katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na ang mga tao ay may disposisyon na nayayamot sa katotohanan, kung magkagayon, nagpapamalas sila ng pagtangging tanggapin ang katotohanan, pagtangging mapungos at maiwasto, at pagtangging isagawa ang katotohanan. Pinagnilayan ko ang aking sarili at natanto ko na bagama’t kumain at uminom ako ng mga salita ng Diyos at gumanap sa tungkulin ko araw-araw, at sa mga oras ng pagtitipon, kaya kong aminin na mayroon akong tiwaling disposisyon alinsunod sa mga salita ng Diyos, na pag-aari ako ni Satanas, isang anak ng malaking pulang dragon, at iba pa. Kung titingnan, mukhang tinatanggap ko ang katotohanan, pero noong tinabas at iwinasto ako dahil iniraos ko lang ang tungkulin ko, tinangka kong pangatwiranan ang aking sarili, ipasa ang sisi, at hindi ko inamin ang sarili kong katiwalian. Natanto ko na hindi talaga ako isang taong tumatanggap o nagsasagawa ng katotohanan, at na ibinunyag ko ang satanikong disposisyon na nayayamot sa katotohanan sa lahat ng bagay. Alam ko na bilang isang tagadilig, ang pinakamaliit na kinakailangan ay maging responsable at matiyaga. Hindi pa nag-uugat ang mga baguhan sa tunay na daan, at para silang mga bagong silang na sanggol, at napakarupok nila sa buhay. Kung hindi sila dumadalo sa mga pagtitipon, kailangan nating tingnan ang kanilang kalagayan, at humanap tayo ng paraan para madiligan at masuportahan sila kaagad. Naunawaan ko ang mga prinsipyong ito, pero nang dumating ang oras para magsagawa, magdusa, at magbayad ng halaga, hindi ko ginustong gawin ito. Malinaw kong alam ang katotohanan pero hindi ko ito isinagawa. Maliban sa ilang beses kong binati ang baguhang ito, hindi ako nag-alok ng anumang pagdidilig o suporta. Nang malaman kong hindi siya regular na dumadalo sa mga pagtitipon, hindi ako nabahala, hindi inisip kung paano ko siya makokontak agad, o naunawaan ang kanyang mga problema at paghihirap. Naging pabaya ako at iresponsable, na naging dahilan para lisanin niya ang iglesia. Magkagayunman, hindi ako nagnilay sa sarili ko. Nang tukuyin ng superbisor ang mga problema ko, sinubukan ko ang lahat ng paraan para magdahilan kung bakit ko iniraos lang ang gawain, umaasang maipasa ang responsibilidad sa lider ng grupo at mangangaral ng ebanghelyo. Paano ito naging saloobin ng pagtanggap at pagsunod sa katotohanan? Ang tanging inilantad ko ay isang disposisyon ng pagiging yamot sa katotohanan!

Nagpatuloy akong hanapin ang katotohanan at binasa ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Anuman ang mga sitwasyong nagiging dahilan para iwasto o pungusan ang isang tao, ano ang pinakamahalagang saloobing dapat taglayin ukol dito? Una, dapat mong tanggapin ito. Sinuman ang nagwawasto sa iyo, anuman ang dahilan, hindi mahalaga kung malupit man ang dating nito, o anuman ang tono at pananalitang ginagamit, dapat mong tanggapin ito. Pagkatapos, dapat mong aminin ang nagawa mong mali, ang tiwaling disposisyon na nailantad mo, at kung kumilos ka ba alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag ikaw ay pinupungusan at iwinawasto, unang-una sa lahat, ito ang saloobing dapat mong taglayin. At taglay ba ng mga anticristo ang gayong saloobin? Hindi; mula simula hanggang katapusan, ang saloobing inilalabas nila ay paglaban at pag-ayaw. Sa ganoong saloobin, maaari ba silang maging tahimik sa harap ng Diyos at mapagpakumbabang tanggapin ang pagpupungos at pagwawasto? Hindi maaari iyon. Ano ang gagawin nila, kung gayon? Una sa lahat, pilit silang makikipagtalo at mangangatwiran, na ipinagtatanggol at ipinaliliwanag ang mga maling nagawa nila at ang tiwaling disposisyong nailantad nila, sa pag-asang makuha ang pag-unawa at pagpapatawad ng mga tao, upang hindi na nila kailangang managot o tumanggap ng mga salitang nagwawasto at nagpupungos sa kanila. Ano ang saloobing ipinapakita nila kapag nahaharap sila sa pagwawasto at pagpupungos? ‘Wala akong kasalanan. Wala akong nagawang mali. Kung nagkamali ako, may dahilan iyon; kung nagkamali ako, hindi ko iyon sinadya, hindi ako dapat managot para doon. Sino ang hindi nakakagawa ng ilang pagkakamali?’ Sinasamantala nila ang mga pahayag at kasabihang ito, kumakapit nang mahigpit sa mga ito at hindi bumibitaw, ngunit hindi nila hinahanap ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala ang pagkakamaling nagawa nila o ang tiwaling disposisyong nailantad nila—at talagang hindi nila inaamin ang kanilang layon at mithiin sa paggawa ng kasamaan. … Paano man inilalantad ng mga katunayan ang kanilang tiwaling disposisyon, hindi nila iyon kinikilala o tinatanggap, kundi patuloy sila sa kanilang pagsuway at paglaban. Anuman ang sabihin ng iba, hindi nila tinatanggap o kinikilala iyon, kundi iniisip nila na, ‘Tingnan natin kung sino ang mas magaling magsalita; tingnan natin kung sino ang mas mabilis magsalita.’ Ito ay isang uri ng saloobin na ipinantuturing ng mga anticristo sa pagwawasto at pagpupungos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Mula sa inihayag ng salita ng Diyos, nakita ko na kapag tinatabas at iwinawasto ang normal na mga tao, kaya nilang tanggapin ito mula sa Diyos, tumanggap at sumunod, magnilay sa sarili nila, at makamit ang tunay na pagsisisi at pagbabago. Kahit hindi nila matanggap iyon sa sandaling iyon, pagkatapos niyon, sa pamamagitan ng patuloy na paghahanap at pagninilay, matututo sila ng mga aral mula sa pagpupungos at pagwawasto. Pero ang isang anticristo ay likas na nayayamot at nasusuklam sa katotohanan. Kapag sila ay tinabas at iwinasto, hindi sila kailanman nagninilay-nilay sa kanilang sarili. Nagpapakita lamang sila ng saloobin ng pagtutol, pagtanggi, at pagkamuhi. Nang pagnilayan ko ang ugali ko, malinaw na ginawa ko lang ang gawain nang hindi nag-iisip at hindi sinuportahan ang baguhan sa oras, na naging dahilan para lisanin niya ang iglesia. Isa na itong paglabag. Sinumang may kaunting konsensya o katwiran ay malulungkot at makokonsensya, at pagninilayan ang kanilang mga problema, at hindi na babanggitin ang bagay na iyon. Pero hindi lang ako nawalan ng utang na loob, hindi ko rin inamin ang sarili kong mga problema. Naharap ako sa isang napakalinaw na katunayan, pero sinubukan ko pa ring sadyang iwasan ang responsibilidad, na sinasabi noong una na hindi ako sinasagot ng baguhan, at pagkatapos ay na iresponsable ang lider ng grupo, at sa huli, sinisi ko ang mangangaral ng ebanghelyo, umaasang maalis sa akin ang anumang pananagutan at makuha ang pang-unawa ng superbisor. Nang maharap sa inihayag ng Diyos at sa pagpupungos at pagwawasto, hindi ko talaga pinagnilayan ang sarili ko. Sa halip, lumaban ako, tumutol, at naghanap ng iba’t ibang dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili ko, dahil ayaw kong akuhin ang responsibilidad. Sa anong paraan ako nagkaroon ng pagkatao o katwiran? Nakita ko na ang inilantad ko ay mga disposisyon ng pagkasutil at pagkayamot sa katotohanan. Wala akong may-takot-sa-Diyos na puso. Nakita ko na pagkatapos maniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, hindi man lang nagbago ang disposisyon ko, at naging miserable ako.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na kaalaman sa problema kong hindi pagtanggap sa pagwawasto at pagpupungos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang karaniwang pag-uugali ng mga anticristo sa pagwawasto at pagtatabas ay masidhing tanggihang tanggapin o aminin iyon. Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila o gaano mang pinsala ang ginagawa nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi sila nakakaramdam ni katiting na pagsisisi o na may pagkakautang silang ano man. Mula sa pananaw na ito, mayroon bang pagkatao ang mga anticristo? Talagang wala. Nagdudulot sila ng samu’t saring pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at nagdadala ng pinsala sa gawain ng iglesia—kitang-kita itong maliwanag pa sa sikat ng araw ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nakikita nila ang sunod-sunod na masasamang gawa ng mga anticristo. At gayunpaman hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito; nagmamatigas silang tumatangging aminin na mali sila o na sila ang may pananagutan. Hindi ba ito indikasyon na sawang-sawa na sila sa katotohanan? Ganoon na lamang katindi ang pagkayamot ng mga anticristo sa katotohanan. Gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, tumatanggi silang aminin ito, at nananatili silang hindi nagpapasakop hanggang sa huli. Pinatutunayan nito na hindi kailanman sineseryoso ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos o tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila narito para maniwala sa Diyos; mga kampon sila ni Satanas, na naparito para gambalain at guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lamang ang laman ng puso ng mga anticristo. Naniniwala sila na kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, kakailanganin nilang managot, at kung magkagayon, lubhang makokompromiso ang kanilang katayuan at reputasyon. Bilang resulta, lumalaban sila nang may saloobin ng ‘magkaila hanggang mamatay.’ Anumang mga paghahayag o pagsusuri ang ginagawa ng mga tao, ginagawa nila ang makakaya nila upang itanggi ang mga ito. Kung sinasadya man o hindi ang kanilang pagtanggi, sa madaling salita, sa isang banda, inilalantad ng mga ugaling ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo na nayayamot at namumuhi sa katotohanan. Sa isa pang banda, ipinapakita nito kung gaano pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at mga interes. Samantala, ano ang kanilang saloobin ukol sa gawain at mga interes ng iglesia? Pagkutya at pagtanggi sa responsabilidad. Walang-wala silang konsiyensiya at katwiran. Ipinapakita ba ng pag-iwas ng mga anticristo sa responsabilidad ang mga problemang ito? Sa isang banda, ang pag-iwas sa responsabilidad ay pinatutunayan ang kanilang kalikasang diwa na nayayamot at napopoot sa katotohanan, habang sa isa pang banda, ipinapakita nito ang kawalan nila ng konsiyensiya, katwiran, at pagkatao. Gaano man napipinsala ng kanilang panggugulo at masasamang gawain ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid, hindi sila nakadarama ng paninisi sa sarili at hindi kailanman naliligalig nito. Anong uri ng nilalang ito? Kahit ang pag-amin sa bahagi ng kanilang pagkakamali ay maituturing bilang pagkakaroon nila ng kaunting konsiyensiya at katinuan, ngunit wala ni katiting na ganoong pagkatao ang mga anticristo. Kaya ano sila sa palagay ninyo? Ang diwa ng mga anticristo ay ang diyablo. Gaano mang pinsala ang kanilang ginagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito nakikita. Hindi sila nababahala nito ni bahagya sa kanilang mga puso, ni hindi nila sinisisi ang kanilang mga sarili, at lalong hindi nakakaramdam ng pagkakautang. Hinding-hindi ito ang dapat na makita sa mga normal na tao. Ito ang diyablo, at ang diyablo ay walang anumang konsiyensiya o katinuan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na ang mga anticristo ay hindi tumatanggap ng mga pagwawasto at pagpupungos dahil sa kalikasan nila na nayayamot at namumuhi sa katotohanan, at dahil higit nilang pinahahalagahan ang sarili nilang mga interes. Kapag may anumang bagay na nakakaapekto at nakakapahamak sa kanilang reputasyon o katayuan, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pangatwiranan ang sarili nila at humanap ng mga dahilan para ipasa ang responsibilidad. Kahit na napipinsala ng mga kilos nila ang mga interes ng iglesia o ang espirituwal na buhay ng mga kapatid, wala silang nararamdamang pagsisisi o pangongonsensya. Kung malaman na ginagawa nila ang mga bagay na ito, matigas silang tumatangging aminin ito sa takot na ang pag-ako ng responsibilidad ay makakasira sa kanilang reputasyon at katayuan. Nakita ko na ang mga anticristo ay partikular na makasarili at kasuklam-suklam, walang pagkatao, at totoong mga diyablo. Nang makita ko ang salitang “diyablo,” sumama ang pakiramdam ko, dahil ang pag-uugali ko at ang mga disposisyong inilantad ko ay kapareho ng sa isang anticristo. Malinaw na nagkamali ako at napinsala ko ang gawain ng iglesia, pero hindi ko pa rin ito inamin. Nang tabasan at iwasto ako, pinangatwiranan ko ang sarili at sinubukang ipasa ang responsibilidad. Hindi ganoon kadali ang proseso para sa mga bagong mananampalataya na tanggapin ang ebanghelyo—nangangailangan ito ng maraming tao na magbabayad ng halaga, at magbibigay ng pagdidilig at pagtustos upang madala sila sa harap ng Diyos. Ang Diyos ang talagang responsable para sa lahat. Sa isang daang tupa, kung mawalan Siya ng isa, iiwan Niya ang siyamnapu’t siyam na iba upang hanapin ang Kanyang nawawalang tupa, at lubos Niyang pinahahalagahan ang buhay ng bawat tao. Ngunit noong ako ang responsable sa pagdidilig ng mga baguhan, walang ingat ko itong inasikaso. Nang makita kong hindi dumadalo ang baguhan sa mga pagtitipon, hindi ako nag-alala o nagmalasakit. Minsan wala sa loob lang akong nagtatanong, at sa pangungumusta sa gawain ng lider ng grupo, iniraos ko lang ang gawain at naging iresponsable. Nang makita kong hindi niya ako sinasagot ng ilang beses, hindi ko madaliang tinanong kung bakit, hindi ko rin siniyasat kung mayroon ba siyang anumang mga problema o paghihirap. Tinrato ko ang baguhan nang walang-ingat at may iresponsableng saloobin at hindi ko talaga sineryoso ang buhay niya. Pero kahit ganoon, hindi ako nagsisi o nakonsensya, at hindi ko sinubukang ayusin ang usapin. Nang tinukoy ng superbisor na iniraos ko lang ang gawain at naging iresponsable, sinubukan ko ang makakaya ko para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili ko, at maghanap ng mga dahilan para iwasan ang responsibilidad, dahil natakot akong managot kung aaminin ko ang mga problema ko, na papangit ang impresyon sa akin ng superbisor, at matatanggal ako. Mula sa simula hanggang sa huli, hindi ko kailanman isinaalang-alang ang gawain ng iglesia, at hindi ko kailanman isinaalang-alang kung dadanas ba ng kawalan ang buhay ng baguhan. Isinaalang-alang ko lamang kung mapipinsala ba ang sarili kong mga interes, at kung kaya ko bang panatilihin ang aking imahe at katayuan. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam, at ang pinoprotektahan ko lang ay ang mga personal kong interes. Talagang wala akong pagkatao, at kinasusuklaman ako ng Diyos. Pagkatapos, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, na sinasabing, “Diyos ko, iniraos ko lang ang tungkulin ko, nagdulot ng malalalang kahihinatnan, at hindi inamin ito. Ang isinaalang-alang ko ay hindi ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, kundi ang aking sariling reputasyon at katayuan. Wala talaga akong pagkatao! O Diyos, nais ko pong magsisi.”

Kalaunan, binasa ko ang iba pang mga salita ng Diyos, at nakahanap ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi mahirap makamit ang katotohanan, ni ang pagpasok sa katotohanang realidad, ngunit kung palaging nagsasawa ang mga tao sa katotohanan, makakamit ba nila iyon? Hindi nila kaya. Kaya dapat kang lumapit palagi sa harap ng Diyos, suriin ang iyong panloob na mga kalagayan ng pagiging sawa na sa katotohanan, tingnan kung anong mga pagpapakita ng pagiging sawa na sa katotohanan ang taglay mo, at kung anong mga paraan ng paggawa ng mga bagay ang pagiging sawa na sa katotohanan, at kung saang mga bagay ka may saloobin ng pagiging sawa na sa katotohanan—dapat mong pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Kung nais mong sundan ang Diyos at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat hindi ka muna maging mapusok kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay. Kumalma ka muna at tumahimik sa harap ng Diyos, at sa puso mo, manalangin at maghanap sa Kanya. Huwag kang magmatigas; magpasakop ka muna. Kapag gayon ang pag-iisip mo, saka ka lamang makakaisip ng mas magagandang solusyon sa mga problema. Kung kaya mong magtiyagang mamuhay sa harap ng Diyos, at anuman ang sumapit sa iyo, nagagawa mong manalangin at maghanap sa Kanya, at harapin ito nang may mentalidad ng pagpapasakop, kung gayon ay hindi na mahalaga kung gaano karami ang pagpapahayag ng iyong tiwaling disposisyon, o kung anong mga paglabag ang dati mong nagawa—malulutas ang mga iyon basta’t hinahanap mo ang katotohanan. Anumang mga pagsubok ang sumapit sa iyo, magagawa mong manindigan. Basta’t tama ang mentalidad mo, nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at sinusunod mo ang Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, lubos kang may kakayahang isagawa ang katotohanan. Bagama’t medyo suwail ka at palaban paminsan-minsan, at kung minsan ay nangangatwiran ka para ipagtanggol ang sarili at hindi mo magawang magpasakop, kung kaya mong manalangin sa Diyos at baguhin ang iyong suwail na kalagayan, makakaya mong tanggapin ang katotohanan. Kapag nagawa mo ito, pagnilayan kung umusbong sa iyo ang gayong pagrerebelde at paglaban. Tuklasin ang dahilan, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin iyon, at ang aspetong iyon ng iyong tiwaling disposisyon ay maaaring madalisay. Matapos kang makabawi nang ilang beses mula sa gayong mga pagkatisod at pagkadapa, hanggang sa naisasagawa mo na ang katotohanan, unti-unting maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos, maghahari ang katotohanan sa iyong kalooban at magiging buhay mo, at hindi na magkakaroon pa ng mga sagabal sa pagsasagawa mo ng katotohanan. Magagawa mo nang tunay na magpasakop sa Diyos, at isasabuhay mo ang katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na para malutas ang disposisyon ng pagiging nayayamot sa katotohanan, kailangan kong pagnilayan nang madalas ang sarili ko, at suriin kung ang mga sinasabi, gawi, layunin, saloobin, at opinyon ko ay nagpapakita ng pagkayamot sa katotohanan. Kapag nangyayari ang mga bagay, hindi mahalaga kung naaayon ito sa gusto ko, kailangan ko munang kumalma at huwag lumaban. Kung hindi ko matanggap ang sinasabi ng iba at gustuhing maghanap ng mga dahilan para pangatwiranan ang aking sarili, kailangan kong humarap sa Diyos, magdasal at hanapin pa ang katotohanan, pag-isipang mabuti kung ano ang sinasabi ng salita ng Diyos, at pagnilayan ang sarili ko gamit ang salita ng Diyos, o makipagbahaginan sa mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan. Sa ganitong paraan, unti-unti kong matatanggap ang katotohanan at makakapasok sa mga realidad nito, at saka ko lamang maiiwaksi, nang paunti-unti, ang aking tiwaling disposisyon. Sa sandaling naunawaan ko ang landas ng pagsasagawa, nagpasya akong magbago.

Nang malaman na ang hindi pagsisiyasat sa sitwasyon ng baguhang ito sa oras ay isa nang paglabag, nagmadali akong baguhin ang mga bagay-bagay. Tiningnan ko kung nabigo ba akong diligan nang mabuti ang sinumang mga baguhang responsibilidad ko. Habang nakikipag-chat ako sa isang baguhan, nalaman kong hindi niya lubos na nauunawaan ang katotohanan tungkol sa pagbabalik ng Panginoon at ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Tinanong ko ang lider ko kung dapat bang magbahagi sa kanya ang mangangaral ng ebanghelyo, pero sinabi sa akin ng lider na ako ang magbahagi sa kanya. Kahit alam ko na ang mabilis na paglutas sa mga problema ng mga baguhan ay responsibilidad ko, lumalaban pa rin ako nang sobra. Ginusto kong makipagtalo, at ayaw kong sumunod. Pakiramdam ko nangyari ito dahil hindi malinaw ang pagbabahagi ng mangangaral ng ebanghelyo, kaya bakit ako ang responsable sa bagay na ito? Sa dami ng mga baguhan, wala akong sapat na oras, kaya dapat ay ang mangangaral ng ebanghelyo na nagbahagi sa kanya ang gumawa nito. Tapos ay natanto ko na mali ang kalagayan ko. Katunayan, angkop ang sinabi ng lider ko. Tama ang mungkahi, kaya bakit hindi ko ito matanggap? Bakit gusto ko pang makipagtalo nang husto? Bakit hindi ako makasunod? Kaya, nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagpapasakop, nang hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng aking katawan, at maging responsable ako para sa buhay ng baguhan. Naisip ko na iba-iba ang kakayahang umunawa ng bawat tao. Naririnig ng ilang tao ang pagbabahagi ng isang mangangaral ng ebanghelyo at nauunawaan ito sa oras na iyon, pero hindi ito kasinglinaw sa ibang aspeto kalaunan. Nangangailangan ito ng pagbabahagi at pagpupuno ng mga tagadilig sa mga kakulangan. Ito ay maayos na pakikipagtulungan. Bilang isang tagadilig, kailangan kong lutasin ang mga problema kapag nahanap ko ang mga ito. Hindi ako dapat maging mapili, gawin ang madali, o ipaubaya sa iba ang mahihirap na problema, at hindi lang ako dapat magpunyaging makaiwas sa gulo at makampante. Hindi ko dapat ipilit ang mga kondisyon o gumawa ng mga dahilan sa tungkulin ko. Kung naatasan ako sa isang baguhan, responsibilidad kong diligan siya nang maayos, tiyaking nauunawaan niya ang katotohanan, at magtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Ito ang tungkulin ko. Ito ay totoong pagsasagawa ng katotohanan, at tunay na pagbabago. Nasasaisip ito, sumigla ang puso ko. Nagmadali akong hanapin ang baguhang ito at makipagbahaginan sa kanya tungkol sa kanyang problema. Habang nagsasagawa ako nang ganito, hindi lang ako hindi nakaramdam ng paglaban, napakasaya ko rin. Naunawaan ko na ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi isang panlabas na pagkilos. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagtanggap sa mga salita ng Diyos mula sa puso, pagsasagawa sa mga katotohanang prinsipyo, at paggamit ng salita ng Diyos bilang pamantayan kung paano natin tratuhin ang mga tao at mga bagay, kilos, at asal. Sa ganitong paraan, ang mga mali nating layunin at pananaw, at ang ating mga tiwaling disposisyon ay hindi namamalayang mapapalitan ng katotohanan ng salita ng Diyos.

Matapos ang karanasang iyon, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking satanikong disposisyon ng pagiging matigas ang ulo at yamot sa katotohanan. Nakita ko rin ang kahalagahan ng paghahanap sa katotohanan at pagkilos alinsunod sa prinsipyo sa lahat ng bagay. Lahat ng ito ay bunga ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman