Isang Mas Malalim na Karanasan sa Pagmamahal ng Diyos sa Pamamagitan ng Pagpasok sa Pugad ng mga Demonyo

Disyembre 10, 2019

Ni Fenyong, Probinsya ng Shanxi

Kahit na lumaki ako sa ilalim ng mapagmahal na pagkalinga ng aking mga magulang magmula noong bata pa ako, sa puso ko, madalas kong naramdaman ang lungkot at na wala akong sinumang maaasahan. Palagi akong tila hawak ng di-maipaliwanag na pagdurusa na hindi ko malampasan. Madalas kong tanungin ang aking sarili: Bakit ba buhay ang mga tao? Paano ba tayo dapat mamuhay? Nguni’t hindi ako kailanman nakasumpong ng sagot. Noong 1999, pinalad ako sa wakas na matanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Pinaginhawa ng pagpapalusog at pagtutustos ng salita ng Diyos ang aking malungkot na puso, at naramdaman kong sa wakas ay nakauwi na ako. Naramdaman ko lalo na ang pagiging ligtas at matatag. Noon ko lamang nalaman sa wakas kung ano ba ang maging masaya. Pagkatapos, nabasa ko sa salita ng Diyos na: “Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. … ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Dito, natuklasan ko sa wakas na ang pagkain ng masarap, pagsusuot ng magagarang damit, at pagpapakasaya ay hindi ang mga bagay na kailangan ng tao upang mabuhay. Ang kailangan ng tao ay ang pagliligtas ng Diyos at ang pagtutustos ng Diyos ng buhay. Sa mga bagay na ito lamang nalulutas ang kahungkagan sa mga espiritu ng mga tao. Nasagot na sa wakas ang mga tanong na bumagabag sa akin sa napakahabang panahon: pinapangalagaan ng Diyos ang bawa’t buhay na nilalang sa sangnilikha—dapat mabuhay ang tao sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos at dapat silang mabuhay para sa Diyos, dahil sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan makabuluhan ang buhay ng mga tao. Habang mas lalo akong nagbabasa ng salita ng Diyos, unti-unti kong naunawaan ang ilan sa katotohanan, at pagkatapos ay tumanggap ako ng mga tungkulin sa iglesia. Madalas akong dumalo sa mga pagpupulong at nakipagbahaginan sa mga kapatid, at dumaan ang mga araw na pakiramdam ko ay namumuhay ako ng isang ganap at kasiya-siyang buhay. Subali’t, winasak ang tahimik kong buhay at inihagis ako sa pugad ng mga demonyo ng isang biglaang pagdakip …

Isang maulang araw iyon ng tag-araw noong Hulyo 17, 2009, nang magising ako at tatlo sa mga kapatid kong babae mula sa aming pagkakaidlip sa tanghali at marinig ang aso sa bakuran na biglang tumahol nang paulit-ulit. Tumingin ako sa labas upang makita kung ano ba ang nangyayari, at nakita ko ang mahigit sa 20 di-nakaunipormeng pulis na umaakyat sa pader papunta sa bakuran. Bago pa ako nakakibo, dali-dali silang pumasok sa bahay at kinaladkad kami papuntang sala. Nataranta ako sa biglang pagbabago ng aming kalagayan habang nag-iisip kung paano ko sasagutin ang pagtatanong ng mga pulis. Nguni’t noon, nagkaroon ako ng isang pagkaunawa: hinayaan ng Diyos na maganap ang mga pangyayaring ito, kaya dapat akong magpasakop. Pagkatapos noon, inutusan kami ng mga pulis na tumingkayad at ibinaluktot ng dalawa sa kanila ang mga braso ko sa likod ko, idiniin ang isang baton na panguryente sa leeg ko, at tinakpan ng balabal ang ulo ko. Patuloy nila akong diniinan at namanhid ang mga binti ko. Ang bahagyang paggalaw ko ay umani ng mga mura at pagalit. Marahas na hinalughog ng masasamang pulis na ito ang bahay namin na para bang mga bandido, at patuloy akong nanalangin sa Diyos sa puso ko na sinasabing, “Diyos ko! Alam kong nasa mga kamay Mo ang lahat at sa pamamagitan ng mabubuting hangarin Mo kung kaya nahaharap ako sa ganitong kalagayan. Kahit hindi ko naiintindihan sa ngayon, handa akong magpasakop. Diyos ko! Natataranta ako sa ngayon, takot na takot ako, at hindi ko alam kung anong uri ng kalagayan ang susunod kong haharapin. Alam kong napakababa ng aking tayog, at napakaliit na bahagi ng katotohanan ang nauunawaan ko, kaya humihingi ako ng Iyong pangangalaga at paggabay. Bigyan mo ako ng pananampalataya at lakas, upang maging matatag ako, at hindi maging isang Judas at pagtaksilan Ka.” Nagdasal ako nang paulit-ulit, hindi naglalakas-loob na iwan ang Diyos kahit isang saglit. Sa kanilang paghahanap, nakita ng mga pulis ang apat na laptop, ilang cell phone, ilang thumb drive at MP3 player, at mahigit 1,000 RMB na cash. Pagkatapos nilang halughugin ang bahay, kinuha nila ang lahat ng mga nakita nila, kinuhanan ng litrato ang bawa’t isa sa amin, at pilit kaming isinakay sa kanilang sasakyan. Sa paglabas ko, hindi ko mabilang sa dami ang mga kotse ng pulis at mga pulis na nakita ko.

Dinala kami ng mga pulis sa isang hostel na nasa isang lugar na pangmilitar, kung saan pinaghiwa-hiwalay kami upang isa-isang tanungin. May dalawang pulis na nagbabantay sa pinto. Pagkatapos na pagkatapos nila akong itulak papasok ng silid, tatlong lalaking pulis at isang babaeng pulis ang agad na nagtanong sa akin. Nagsimula ang isa sa mga lalaking pulis sa pamamagitan ng pagtatanong ng, “Taga-saan ka? Anong pangalan mo? Anong ginagawa mo sa lugar na ito? Nasaan ang pera ng iglesia?” Patuloy akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, at kahit ano pang itinanong nila sa akin, tumanggi akong magsalita. Nang makita ito, nagalit silang lahat. Inutusan nila akong tumayo nang tuwid na tuwid at hindi nila ako pinayagang sumandal sa pader. Sa ganitong paraan, nagpatuloy silang usisain ako nang salitan sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi at, sa panahong iyon, hindi nila ako pinayagang kumain o matulog. Hindi kinaya ng aking payat at mahina nang katawan ang ganoong abuso. Parang sasabog na ang ulo ko, parang hinuhukay ang puso ko, pagod ako at gutom, at hindi na ako makabalanse. Nguni’t tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko, kinakalabit nila ako at sinasabing, “Hindi ka matutulog hangga’t hindi mo sinasagot ang mga tanong namin! Hindi maaari! Marami kaming oras. Tingnan natin kung gaano ang itatagal mo!” Madalas nila akong tanungin tungkol sa iglesia. Kabadong-kabado ako sa buong pagsubok na iyon, at natakot ako na baka may masabi ako kapag hindi ako nag-ingat. Nakaramdam ako ng pagpapahirap na pisikal at espirituwal, nguni’t noong akala ko’y nasa sukdulan na ako at hindi ko na kakayanin, niliwanagan ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalala sa akin ng siping ito ng Kanyang salita, “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang talikdan ang laman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Pinalakas ang loob ko ng bawa’t linya ng mga salita ng Diyos. Tama iyon, ginagamit ni Satanas ang pisikal kong kahinaan upang salakayin ako. Umaasa ito na magamit ang kagustuhan kong pangalagaan ang aking laman at mamuhay nang maginhawa at matiwasay upang magpasakop ako rito. Hindi ko mapapayagan na linlangin ako nito at gawin akong isang duwag at mababang Judas. Nakahanda akong mabuhay sa salita ng Diyos, talikdan ang laman, at isagawa ang pagmamahal sa Diyos. Mas nanaisin ko pang isumpa ang sarili kong laman kaysa dumaing o magtaksil sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay mapagkukunan ng walang-hanggang lakas, at nagbigay sa akin ng determinasyong pasanin ang paghihirap ko. Noong hatinggabi ng ikatlong araw, isang may-edad na lalaki ang dumating, mukhang pinuno nila, at nang makitang hindi pa nila ako nagawang pagsalitain, tumayo siya sa harap ko at sinabing, “Bata ka pang babae, at may itsura. Maaari mong gawin ang lahat ng gusto mo. Bakit mo ipinipilit na manalig sa Diyos? Bakit hindi mo na lang sabihin sa amin ang nalalaman mo? Hindi makakabuti sa iyo kung patatagalin mo pa. Kapag lalo mong pinatatagal, mas lalo kang maghihirap.” Sa saglit na iyon, napakahina ng aking laman, at nagsimulang mayanig ang aking determinasyon. Naisip ko, “Baka dapat magsabi na lang ako sa kanila ng isang hindi-mahalagang bagay. Kung patatagalin ko pa ang mga bagay-bagay nang ganito, sinong nakakaalam kung ano pang ibang paraan ang gagawin nila para pahirapan ako?” Nguni’t agad kong naisip, “Hindi! Hindi ako maaaring magsabi ng kahit ano! Kapag may nasabi akong anuman lalo lamang nila akong tatanungin nang tatanungin. Wala nang katapusan iyon kapag ginawa ko, at talagang magiging isa na akong Judas.” Noong natanto ko ito, naunawaan kong muntik na akong mahulog sa panloloko ni Satanas. Napakadelikado nito! Mga nakakatakot at nakakasuklam na mga diyablo! Sinasamantala nila ang kahinaan ko, ginagamit pareho ang malulupit at mararahang pamamaraan upang gawin akong taksil sa iglesia. Hindi ko mapapayagan ang sarili ko na maloko ni Satanas. Mamamatay muna ako bago ako gagawa ng anumang magkakanulo sa Diyos.

Sa ikaapat na araw, nang makita ng masasamang pulis na ito na wala pa rin akong sinasabing anuman sa kanila, sinubukan nila ang isa pang pamamaraan. Dinala nila ako sa isa pang silid at isinara ang pinto. Pagkatapos, naalala kong narinig ko minsan na may isang naglarawan kung paano dinala ng mga pulis ang isang kapatid na babae sa isang kulungang puno ng mga lalaki at hinayaan ang mga lalaking bilanggo na ipahiya siya. Labis akong natakot, na para bang isa akong tupa na walang pag-asang makatakas mula sa bibig ng isang tigre, at naisip kong, “Paano nila ako pahihirapan ngayon? Mamamatay ba ako sa silid na ito? … Diyos ko, pangalagaan Mo ako at bigyan Mo ako ng lakas!” Paulit-ulit akong nagdasal at tumawag sa Diyos, nang hindi naglalakas-loob na iwan Siya kahit isang saglit. Umupo ang masasamang pulis sa kama. Pinatayo nila ako sa harap nila at tinanong ako ng parehong mga tanong, at nang makita nilang hindi pa rin ako nagsasalita, nagalit ang isa sa kanila. Hinawakan niya ang mga braso ko, ibinaluktot ang mga iyon sa likod ko, pinosasan ako, at inutusan akong tumayo nang naka-horse stance. Lupaypay na ang mga binti ko sa puntong ito. Sobrang nanghihina na ang mga ito at hindi na kayang tumayo man lamang, lalo na ang alalayan ako sa horse stance. Hindi ko kayang manatili sa posisyon kahit isang minuto. Nang hindi ko kinayang tumayo ayon sa gusto nila, malakas akong sinipa sa binti ng isa sa kanila, kaya natumba ako sa sahig. Isa pang malaking pulis na lalaki ang lumapit at iniangat ako sa pamamagitan ng paghila ng posas ko, at pagkatapos ay itinaas ang mga braso ko sa likod ko, habang pinapagalitan ako, “Magsasalita ka na ba ngayon? Huwag mong ubusin ang pasensiya ko!” Habang mas itinataas niya ako, mas humihigpit ang posas, at sumigaw ako sa sakit. Mas lalo akong sumisigaw, mas itinataas niya ako at mas malupit niya akong pinagagalitan, nguni’t wala na akong maramdaman maliban sa malapit nang mabali ang mga braso at pulso ko. Sa paghihirap ko, isang sipi ng salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko. “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Sa sandaling iyon, taos-puso kong naramdaman ang pagpapaginhawa at pagbibigay-lakas ng loob ng Diyos. Naramdaman kong katabi ko ang Diyos, na kapiling ko Siya, hinihikayat akong maging matatag gaano man katindi ang pagdurusa, at maging tapat sa Kanya hanggang sa huli, dahil ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, hinihingi mo sa akin ngayon na maging matatag at magpatotoo para sa Iyo. Gaano man ako magdusa, magpapatotoo ako sa Iyo sa harap ni Satanas, at kahit mamatay ako hindi ako magtataksil sa Iyo! Hindi ako magpapasakop kay Satanas!” Matapos ang isa pang ulit ng pagpapahirap, nakita ng pulis na hindi pa rin ako nagsasalita, kaya malakas niya akong itinulak sa sahig. Pagkatapos, nakita kong nagsanhi ang posas ng dalawang malalim na hiwa sa aking mga pulso, at tila pinupunit ako sa sakit. Kahit ngayon, hindi ko kayang magbuhat ng mabibigat na bagay gamit ang kanang pulso ko.

Pahintu-hinto akong pinahirapan ng mga pulis sa loob ng sampung araw upang makakuha ng impormasyon tungkol sa iglesia. Nang nakita nilang hindi nagbubunga ang mapupusok nilang pamamaraan, sumubok sila ng panibagong paraan. Isang araw, nagpadala sila ng isang babaeng opisyal upang mapalapit sa akin. Dinalhan niya ako ng ilang pang-araw-araw na mga gamit, at sinubukang makipagmabutihan sa akin, sinasabing, “Tingnan mo ang sarili mo—isang bata pang babae, maganda, malamang may pinag-aralan. Kung hindi ka naniniwala sa Diyos, pwede tayong magkaibigan. Kung wala kang mapupuntahan, pwede kang tumuloy sa bahay ko. Pwede kitang tulungang makakuha ng magandang trabaho rito, at makakilala ng mabuting nobyo. Pwede kang magkaroon ng sarili mong bahay, ng sarili mong asawa, anak, at tamasahin ang mga araw kasama ng iyong pamilya. Hindi ba maganda ’yon? Sa lagay ng mga bagay-bagay ngayon, hindi ka pwedeng umuwi. Hindi mo ba hinahanap-hanap ang tahanan mo at ang mga magulang mo?” Nakisali ang lalaking opisyal na katabi nila, sinasabing, “Oo nga. Bakit ginugugol mo ang mga araw mo sa pagtatago, sa paglipat-lipat sa mga lugar? Bakit mo inilalagay ang sarili mo sa ganyan? Basta makipagtulungan ka sa amin, ipinapangako kong malulusutan mo ang lahat ng ito.” Narinig ko silang tinutukso ako, at hindi napigilan ng puso kong manghina, “Tama sila. Ginugol ko ang mga nakaraang taon sa pagtatago, takot na mahuli ng mga pulis. Wala akong naging permanenteng tirahan, at parati na lang akong takot. Kailan matatapos ang mga araw na ito ng pag-uusig? Talagang miserable ang mamuhay nang ganito!” Nguni’t agad-agad nagdulot ng kadiliman sa puso ko ang kaisipang iyon, kaya tumawag ako sa Diyos, “Diyos ko! Alam kong mali ang aking kalagayan. Inuutusan Kita at nagrereklamo ako tungkol sa Iyo. Ito ang aking pagkamapanghimagsik at paglaban. Diyos ko! Nagmamakaawa akong liwanagan Mo ako upang matalikdan ko ang maling kalagayang ito, mapigilang magtagumpay ang pakana ni Satanas, at mapigilan ang sarili kong mahulog sa patibong ni Satanas.” Matapos akong magdasal, naalala ko ang isang sipi sa salita ng Diyos, “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Pinaliwanag ang puso ko ng kaliwanagan sa mga salita ng Diyos. Naunawaan ko ang kabuluhan ng pagdanas ng pag-uusig at pagdurusa. Ginagamit ng Diyos ang pag-uusig ng mga demonyong ito upang bigyan tayo ng determinasyon na pasanin ang paghihirap at gawing perpekto ang ating katapatan at pananampalataya sa pagsunod sa Kanya, upang maging malakas na patunay ng pagtatagumpay ng Diyos laban kay Satanas ang karanasan at patotoo natin, at upang makita ng lahat ng tao ang gayong patotoo na ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw ay hindi gawain ng tao, kundi ang gawain ng Diyos Mismo. Kung wala ang gawain ng Diyos at ang patnubay at tustos ng mga salita ng Diyos, walang sinumang makapagpapasan ng matagalan at nakadudurog-ng-pagkataong kalupitan at pagpapahirap ng mga demonyong ito. Ang magawang manampalataya sa Diyos at sumunod sa Diyos kahit ikamatay man ng isang tao ay ang bungang natamo ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga tao. Ito ang patotoo ng kaluwalhatiang nakamit ng Diyos, at ng pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa huling yugtong ito ng gawain Niya, nais ng Diyos na magkamit ng isang grupo ng mananagumpay na kayang mapaglabanan ang pag-uusig at malupit na pamiminsala ni Satanas at walang takot na bumaling sa katuwiran. Ang mga ito ang mga mananagumpay na nais makamit ng Diyos sa kahuli-hulihan! Sinasabi ng salita ng Diyos, “Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na bayan, ang mga Israelita. Kung tutuusin, dapat kayong magpatotoo sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo sa Akin at mag-alay ng kanilang buhay para sa Akin. Matagal Ko na itong naitadhana. Mapalad kayo na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at ang inyong tungkulin ay magpatotoo sa Aking kaluwalhatian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Sa Kanyang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala, nagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain at dalawang beses na nagkatawang-tao. Sa huling pagkakatawang-tao Niya, dumating Siya upang gumawa sa Tsina, isang ateistang lupain na pinakamabigat na umuusig sa Diyos, at isinasakatuparan Niya ang isang bahagi ng kaluwalhatiang nakakamit Niya sa mga huling araw sa ating malalalim at malulupit na pininsala ni Satanas, sa gayo’y tinatalo si Satanas, at kasabay noon ay isinasangkap ang katotohanan at buhay sa loob natin. Tunay na nagkakamit tayo nang malaki mula sa Diyos, at kaya dapat tayong magpatotoo para sa Diyos. Ito ang tagubilin ng Diyos, at Kanya ring biyaya at pagpaparangal, at karangalan natin ito. Kaya, ang pagdurusang pinapasan natin ngayon ay makahulugan at mahalaga, at kinakatawan nito ang tulong ng Diyos para sa atin. Sa pamamagitan ng kaliwanagan at paggabay ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kalooban ng Diyos, naaninag ang mga pandaraya ni Satanas, at nagkaroon ng determinasyon upang pasanin ang anumang pagdurusa upang maging matatag at magpatotoo para sa Diyos. Pagkatapos noon, patuloy akong tinanong ng mga pulis nang dalawang linggo pa, nguni’t wala ako kailanmang sinabi sa kanilang anumang impormasyon tungkol sa iglesia.

Pagkatapos, inilipat ako sa lokal na detention house. Pagkarating na pagkarating ko, inutusan akong maghubad ng isang babaeng opisyal ng pulis upang masiyasat, at kinuha niya rin ang perang dala ko. Nang pumasok ako sa selda, ang sangsang ng amoy-bulok. Mahigit dalawampung tao ang nagsisiksikan sa iisang tulugan. Lahat kami ay kumakain, umiinom, umiihi, at dumudumi sa parehong silid. Sa sumunod na buwan, inutusan ako ng masasamang pulis na ito na magtrabaho nang lampas sa oras at tumanggap ng mga karagdagang tungkulin araw-araw. Nakuha na nila ang salamin ko, kaya lahat ay malabo para sa akin, at kinailangan kong ilapit nang maigi ang mga bagay sa mga mata ko habang gumagawa upang makita nang malinaw. Higit pa roon, maliliit at madidilim ang mga ilaw sa detention house. Habang natutulog ang iba, kinailangan kong gumawa hanggang malalim na sa gabi dahil inaabot ako nang matagal bago matapos ang mga gawain ko. Pagod na pagod ang mga mata ko, at nangamba akong mabubulag ako dahil sa gawain. Hindi ako makatulog nang maayos sa gabi, at gabi-gabi ay kailangan kong magtrabaho nang isang oras na palitan sa selda. Bukod sa mabigat na trabaho araw-araw, dalawang beses bawa’t linggo rin akong tinatanong, at sa bawa’t pagkakataon, pinoposasan ako at ikinakadena, at pinagsusuot din ng imperyal na dilaw na uniporme ng mga bilanggo. Naaalala ko, umuulan noong isang araw na ganoon. Naglakad ako katabi ng isang lalaking opisyal ng pulis na nakapayong. Hirap na hirap akong maglakad, nakaposas at nakakadena suot ang manipis kong unipormeng pangbilanggo, nanginginig habang bumubuhos ang malamig na ulan sa akin. Napakabigat ng mga kadena, at ginagasgas ng mga ito ang mga bukung-bukong ko at malakas na tumutunog sa bawa’t paghakbang ko. Sa nakaraan nakikita ko lang ang ganitong mga bagay sa telebisyon, nguni’t ngayon personal ko itong dinaranas. Hindi ko mapigilang kasuklaman ang kalagayan ko, at sumigaw ako sa loob ng puso ko, “Ganito tinatanong ang mga mamamatay-tao at manggagahasa! Ano bang ginawa ko para maging karapat-dapat dito?” Sa sandaling iyon ako niliwanagan ng Diyos at naalala ko ang mga salita ng Diyos, “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Noong inihambing ko ang mga salita ng Diyos sa realidad na hinaharap ko, nakita ko sa wakas na bagaman ipinapahayag ng pamahalaang CCP sa lahat ng paraan sa iba na karapat-dapat ang lahat ng tao na magkaroon ng kalayaang pangrelihiyon, sa saglit na maniwala talaga ang sinuman sa Diyos, tumutugon ito gamit ang lahat ng uri ng pag-uusig, paghuli, karahasan, pang-iinsulto, pagkondena, at pagkulong. Hindi nito pinakikitunguhan ang mga tao sa isang makataong paraan. Ang mga pagpapahalaga sa “kalayaan sa paniniwalang pangrelihiyon” at “demokrasya at karapatang pantao” ay mga pandarayang naglalayon lamang na linlangin, bulagin, at paglaruan ang ibang tao! Pinapaganda ng masamang partidong ito ang sarili nito gamit ang lahat ng uri ng kahusayan sa pananalita, nguni’t ang katotohanan ay kasinglupit at kasingbangis ito ng malademonyong halimaw, tunay na nakakatakot at mapanira! Sinasadya ng pamahalaang CCP na hindi pansinin at magbulag-bulagan sa mga kontrabida at masasamang tao sa mundo na nandaraya, nanloloko, pumapatay, at nagnanakaw, at may mga pagkakataong pinapangalagaan pa sila, nguni’t walang-awang inuusig at pinapatay nito ang mga taong nananampalataya sa Diyos at lumalakad sa tamang landas. Tunay na isa itong demonyo na ginagawa ang sarili nito na kalaban ng Diyos! Habang iniisip ko ang mga bagay na ito, hindi ko mapigilang kamuhian ang nakakadiring demonyong ito. Sumumpa akong maghihimagsik laban dito kahit ikamatay ko pa, at ibinigay ko ang sarili ko sa Diyos! Pagkaraan ng isang buwan, kahit walang anumang ebidensya, hinatulan ako ng mga pulis ng isang taon ng reedukasyon sa pamamagitan ng pagtratrabaho dahil sa paratang na “panggugulo sa kaayusang pampubliko.”

Pagdating ko sa labor camp, natanto kong mas masahol pa ang lugar na ito. Dito, walang anumang kalayaan. Maaari lamang kumain, uminom, o magpunta ng banyo ang mga nakapiit kapag iniutos ng mga bantay ng kanilang pangkat, at kailangan naming sundin ang mga bantay sa lahat ng bagay kung hindi ay parurusahan kami. Kapag pumasok at lumabas kami ng silid, kailangan naming ireport ang aming numero bilang bilanggo, at kung may sinumang magreport ng maling numero, parurusahan ang buong pangkat sa pamamagitan ng paggugol ng dalawang oras nang nakabilad sa init ng araw o basang-basa sa ulan. Kapag pumunta kami sa kapiterya para kumain, kapag may sinumang nagreport ng maling numero, parurusahan ang buong pangkat sa pamamagitan ng sapilitang paghihintay sa labas at hindi pagpayag na kumain. Wala kaming magagawa kundi panoorin ang ibang nakapiit na kumakain ng kanilang pagkain. Kailangan din naming kumanta ng isang awit na pangmilitar bago kumain, nang buong lakas namin, at kung may sinumang kumanta nang sintunado o mahina, kailangan naming ulitin yung kanta mula simula, isang beses, dalawang beses…. Pinapayagan lang kaming kumain kapag nasiyahan na ang mga bantay ng pangkat namin. Itong tinatawag na “sistema ng pamamahala” ay umiiral para lamang matugunan ang mga pagnanais ng masasamang bantay na iyon na maghari sa iba, na utus-utusan ang iba, at magtamasa ng katayuan. Araw-araw nilang pinapakaba ang ibang tao. Dito, bukod sa paglilinis para sa mga bantay at pagtupi ng kanilang mga kubrekama, kailangan din ng mga nakapiit na mag-igib ng tubig para panghugas ng kanilang mga paa at masahihin ang mga likod nila. Kumikilos na tila mga emperador at mga reyna ang mga bantay, nakangiti sa iyo kung pinaglilingkuran mo sila nang maayos, nguni’t marahas kang pagagalitan o bubugbugin kung hindi maganda ang paglilingkod mo. Anuman ang ginagawa namin, kahit pa nasa banyo kami, sa saglit na narinig naming sumisigaw ang mga bantay, kailangan naming malakas na sumagot ng “nandito” at magmadaling lumapit upang marinig ang mga utos nila. Ganito pinapalakad ang mga labor camp sa ilalim ng rehimeng CCP. Ang mga ito ay madilim, mapang-api, malupit, at nanghihiya. Sa harap ng lahat ng ito, wala akong nararamdaman kundi hinanakit at kawalan ng magagawa. At bukod pa riyan, itinuturing ng masasamang pulis na ito ang mga nakapiit sa labor camp bilang mga hayop na panghila at mga alipin, bilang mga kagamitan lamang para kumita ng pera. Tinatambakan nila kami ng gawain araw-araw, hanggang sa puntong bukod sa pagkain at pagtulog, ginugugol namin ang natitirang oras namin sa paggawa para lumikha ng yaman para sa kanila. Bawa’t araw, bukod pa sa iba’t ibang alintuntuning dapat naming sundin, kailangan din kaming magpasan ng mabigat na trabaho, at walang makakapagsabi kung kailan kami mapaparusahan at mapapagalitan, hindi ko talaga makayang mamuhay nang ganoon, at hindi ko alam kung ilang beses ko nang naisip sa sarili kong, “Mamamatay ba ako sa labor camp na ito? Araw-araw matindi nila kaming pinapagod. Paano ko malalampasan ang ganito kahirap na taon? Kailan ba ito magwawakas? Hindi ko na kaya ang isang minuto pa, isang segundo, sa mala-impiyernong lugar na ito….” Higit pa riyan, walang sinuman akong masabihan nang tapatan ng mga nararamdaman ko. Araw-araw, kinakailangan kong tiisin nang tahimik ang lahat at gumawa nang walang-tigil, at hirap na hirap ang pakiramdam ko. Sa gabi, kapag tulog na ang lahat, habang tinatanaw ko ang mga bituin sa labas ng bintanang may mga rehas, napupuno ako ng kalungkutan. Pakiramdam ko’y nakahiwalay ako at nag-iisa, at hindi ko mapigilang umiyak sa unan ko. Nguni’t sa saglit na pinakamahina ako, bigla kong naalala ang salita ng Diyos, “Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9). Pinaginhawa ng bawa’t linya ng salita ng Diyos ang naghihirap kong puso. Oo! Pakiramdam ko ay labis akong nag-iisa at nakahiwalay sa malademonyong kulungang ito dahil wala akong sinuman na mapagtapatan, nguni’t bumaba ang Diyos sa lupa mula sa langit at tiniis ang matinding pang-iinsulto at pagpapahirap upang iligtas tayo, ang sangkatauhan, na naghimagsik laban sa Kanya at lumaban sa Kanya, at wala kahit isang tao ang nakaunawa sa Kanya o nagawang maging mapagsaalang-alang sa kalooban Niya. Sa halip, naharap Siya sa maling pagkaintindi, mga daing, pagpapabaya, pagsalakay, panlilinlang, at pagtataksil ng mga tao. Hindi ba naramdaman ng Diyos ang parehong pagkahiwalay at kalungkutan? Hindi ba pinahirapan at sinaktan din ang Diyos? Nguni’t sa kabila nito, hindi ako nagiging mapagsaalang-alang sa kalooban ng Diyos kahit paano, at nagiging negatibo at mahina ako pagkaraan lamang ng kaunting pagdurusa. Nais ko lamang umurong at tumakas. Tunay na naging mapanghimagsik ako! Hinayaan ng Diyos ang pag-uusig sa akin ng mga diyablong ito hindi dahil sadya Niyang ninais na magdusa ako, kundi dahil nais Niyang makita ko nang malinaw ang masamang mukha ng CCP sa pamamagitan ng pagdanas ng malupit na pag-uusig nito, magawa kong tunay na talikuran ito, at sa wakas ay lubusang bumaling sa Diyos. Ang lahat ng ito ay nagawa taglay ang mabubuting hangarin at pagliligtas ng Diyos. At anupaman, nagdurusa si Cristo kasama ko ngayon, kaya hindi na ako nag-iisa. Noon ko lamang naramdaman na sa lahat ng ginagawa ng Diyos sa tao, mayroon lamang pagliligtas at pagmamahal. Kahit dumanas ako ng paghihirap sa laman, lubhang kapaki-pakinabang iyon sa pagpasok ko sa buhay! Noong naintindihan ko na ang mga bagay na ito, dahan-dahan akong nakalabas mula sa aking negatibo at mahinang kalagayan, at nagkaroon ako ng determinasyong makuntento sa pagdurusa upang magpatotoo sa Diyos.

Sa katapusan ng Hunyo 2010, pinalaya ako nang mas maaga ng isang buwan. Sa pamamagitan ng pagdanas ng pag-uusig at paghihirap na ito, naramdaman ko talaga na ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay tapat at praktikal, at na malalim at tunay ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao! Kung hindi ko naranasan ang pag-uusig at paghuli ng mga diyablong ito, hindi sana nagawang perpekto ang pananampalataya, lakas ng loob, at determinasyon kong magdusa, at hindi ko magagawang malinaw na makita kailanman ang tunay at pangit na mukha ng demonyo. Hindi ko kailanman taos-pusong kamumuhian ito, at hindi ko kailanman magagawang ibaling ang puso ko sa Diyos at ibigay nang buo sa Diyos ang sarili ko. Kung wala akong tunay na karanasan sa pait ng pag-uusig at paghihirap, hindi ko kailanman mauunawaan o mapapahalagahan ang paghihirap na nararamdaman ng Diyos o ang halaga na binayaran Niya sa pagkakatawang-tao sa maruming lugar na ito upang iligtas tayo. Tinulutan ako nito na maramdaman nang mas malalim ang pagmamahal ng Diyos at inilapit nito ang puso ko sa Kanya. Nagpapasalamat ako sa mga salita ng Diyos para sa paggabay na paulit-ulit na ibinigay ng mga ito sa akin, at sa pagsama sa akin sa loob ng isang taon ng pamumuhay sa kadiliman sa bilangguan. Ngayon, nakabalik na ako sa iglesia, binabasa ko ang salita ng Diyos at nakikipagbahaginan ng katotohanan kasama ng mga kapatid ko, muli kong nakuha ang mga tungkulin ko, at puno ang puso ko ng walang-hanggang saya at kaligayahan. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko, at nakapanumpa na ako sa aking sarili: Anumang mga pangyayari o pagsubok ang danasin ko sa kinabukasan, inaasam ko lamang na habulin ang katotohanan nang buong lakas ko at sundin ang Diyos hanggang sa katapusan!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Dalawampung Araw ng Paghihirap

Ni Ye Lin, TsinaIsang araw noong Disyembre 2002, bandang alas kwatro ng hapon, habang nakatayo ako sa gilid ng isang kalsada at may...