Ang Isang Tungkulin ay Hindi Isang Gamit para Makahingi ng mga Pagpapala

Disyembre 11, 2024

Ni Xiao Chen, Tsina

Sakitin na ako noon pa man. Sa edad na 11 ay nasuri na mayroon akong aplastic anemia, kaya napakahina ng immune system ko. Mahina ako sa pisikal, walang lakas ang buong katawan ko, at napapagod akong maglakad nang medyo malayu-layo. Kapag malubha ang lagay ko, karaniwan ay nakahiga lang ako. Sinabi ng doktor ko na maaari akong maimpeksyon sa mga ganoong panahon dahil sa mahina ang immunity ko, na mauuwi ito sa matagalang lagnat. Sinabi rin niya na baka hindi tumigil ang pagdurugo kapag nasugatan ako, na puwede kong ikamatay. Matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, bumuti ang lagay ko, at gumanap din ako sa isang tungkulin sa iglesia. Lumipas ang maraming taon, at hindi ako nakaranas ng anumang mga sintomas ng sakit. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos.

Kalaunan, nagsimula akong gumawa ng mga video. Ikinarangal ko iyon nang husto, dahil nagpapatotoo ang mga pelikula at video ng iglesia sa gawain ng Diyos, at lalong makabuluhan ang paggawa ng gawaing ito. Kasabay nito, naisip ko na kung magsusumikap akong gumugol ng oras ko para sa Diyos at gumawa ng magagandang video na nagpapatotoo sa Diyos, mapapasaakin ang bahagi sa mahahalaga at mabubuting gawang ito. Sa ganitong paraan, makakamit ko ang proteksyon ng Diyos at tiyak na maliligtas at malalagpasan ko ang malalaking kalamidad. Kaya, nagsumikap ako sa aking mga propesyonal na kasanayan at mga prinsipyo, at nagpunyaging makagawa ng mas maraming video na nagpapatotoo sa Diyos. Sa tuwing lalabas ang isang natapos nang video at nakikita ko ang isang bahagi na nakatulong akong gawin, napupuno ako ng kagalakan at lalo pang ginaganahang gampanan ang tungkulin ko. Para makagawa ng mas maganda pang gawain, buong sigla akong nagsaliksik at nagpaunlad ng mga kasanayan ko at nakipagtalakayan ako sa aking mga kapatid tungkol sa mga bagay-bagay, minsan hanggang alas-tres ng madaling araw. Dahil mahina ang katawan ko, hindi kaya nito ang pagpupuyat. Pero naisip ko, “Hindi ako nagkaroon ng anumang mga problema sa kalusugan ko sa nakaraang mga taon, at nagpupuyat lang naman ako nang ganito para magampanan ko nang mas maayos ang tungkulin ko. Naging mahusay rin ako, kaya tiyak ko na poprotektahan ako ng Diyos. Basta’t nakakakuha ako ng magagandang resulta at nakakapag-ambag nang malaki sa aking tungkulin, malaki ang pag-asa kong maligtas. Magiging sulit ito, kahit na nangangahulugan itong mas nahihirapan ako ngayon.”

Isang araw, sinabihan ako ng superbisor ko, “Xiao Chen, hindi maganda ang kalusugan mo. Lubhang mabigat ang trabaho natin ngayon, at nag-aalala kami na kapag nagpatuloy ka nang ganito, baka bumalik ang dati mong sakit. Bakit hindi ka magpatingin sa ospital? Kapag maayos ang lahat, pwede mong ipagpatuloy ang paggawa sa iyong tungkulin. Kung hindi naman, magpagaling ka muna, at gawin kung ano ang kaya mo habang nagpapagamot.” Nabalisa ako pagkarinig nito. Naisip ko, “Napakahalaga ang panahong ito para sa amin, at abala ang mga kapatid ko sa kanilang mga tungkulin. Kung matutukoy na mayroon akong malubhang karamdaman, hindi ko na magagampanan ang tungkulin ko. Maliligtas pa ba ako?” Medyo naging negatibo ako sa isiping ito. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan, para malaman ko ang layunin Niya at maunawaan ang sarili kong tiwaling disposisyon, at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos.

Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanang mabuti ang aking tungkulin. Ang kalagayang ito ay pinangingibabawan ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ng ilang salita at doktrina ang kanilang pagkaunawa na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng walang pananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: ‘Dapat kong itakwil ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa diyos. Dapat akong maging tapat sa harap ng diyos, at sa huli, tatanggapin ko ang pinakamalalaking gantimpala at mga pinakadakilang korona.’ Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay. Wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at magkatulad sila ng kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla. Kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan. Ang landas na tinatahak ng mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tuwirang salungat sa landas ni Pedro(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Inisip ko na ang pagtitiis ng hirap, pagsasakripisyo para makagawa ng magagandang video, at pag-aambag ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, ang nagtiyak na pupurihin at pagpapalain ako ng Diyos, at sa huli, gagantimpalaan at ililigtas ako. Sa layuning ito, tiniis ko ang pagpupuyat nang walang reklamo, ngunit nang mukhang hindi na ko makakapagpatuloy dahil sa mga problema sa aking kalusugan, naramdaman kong nawasak ang kagustuhan kong pagpalain, kaya nawala ang sigasig kong gampanan ang aking tungkulin—ayoko nang ilaan pa ang aking sarili. Napagtanto ko na noon pa man ay transaksyonal ang paniniwala ko sa Diyos. Nagsumikap ako para makagawa ng magagandang video para bigyan ako ng iglesia ng mahalagang tungkulin, at makahingi ako ng biyaya at pagpapala mula sa Diyos. Lagi kong sinasabi na handa akong mahirapan at maggugol ng sarili para sa Diyos, ngunit ito ay para lang makamit ang Kanyang mga pagpapala. Dinadaya at ginagamit ko ang Diyos. Nakakasuklam ang mga intensyon ko. Sa pag-iisip nito, nakita ko na hindi ko na maaring patuloy na labanan ang sitwasyong ito, sa halip ay kailangan ko nang magpasakop. Kailangan kong hanapin ang katotohanan at harapin ang mga tiwali kong disposisyon at ang mga dumi sa paniniwala ko sa Diyos.

Pagkatapos noon, nagpasuri ako sa ospital. Nakita sa mga blood test na may mga indikasyon na mababa kaysa sa dapat, at ang bilang ng platelet ko ay higit na mababa kaysa sa normal. Sinabi ng doktor na kung hindi ako mag-iingat, kahit na ang maliit na sugat ay maaaring humantong sa malubhang pagdurugo. Iminungkahi ng superbisor at ng mga kapatid ko na magpagaling muna ako at magpatuloy sa tungkulin ko kapag maayos na ang kalusugan ko. Kaya, umuwi ako para magpagamot, at bumalik-balik para sa mga pagsusuri. Hindi pa rin bumuti ang bagay-bagay makalipas ang ilang buwan at nababalisa na ako, kaya nagpunta ako sa isang matandang doktor ng traditional Chinese medicine para humingi ng gamot. Sabi niya, “Magiging mabagal ang proseso ng pagpapaling mo. Hindi maganda ang lagay ng kalusugan mo, at matatagalan bago ito bumuti.” Labis itong nakakadismaya para sa akin. Inakala kong bubuti ang kondisyon ko kapag umuwi ako para magpagamot, at makakabalik ako sa paggawa ng video. Halos isang taon na akong nagpapagamot, kaya bakit hindi ako bumubuti? Noong taong iyon, maraming ginawang pelikula at video ang sambahayan ng Diyos, pero dahil sa kalusugan ko hindi ako nakabahagi. Natakot ako na hindi ko na magagampanan ang tungkuling ito sa hinaharap. Kung walang sapat na mabubuting gawa, maliligtas pa rin ba ako kapag natapos ang gawain ng Diyos? Habang mas naiisip ko ito, mas lalo akong nagiging negatibo. Habang pauwi sa bahay, pakiramdam ko ay nag-iisa na ako at wala na akong magagawa, at hindi ko mapigilang magreklamo, “Bakit ganito akong may sakit samantalang ang mga kapatid ko ay mabubuti ang kalusugan?” Pakiramdam ko ay pinagmalupitan ako. Walang anumang nakakapagpasigla sa akin pagkauwi ko. Naisip ko, “Ganito na talaga ang katawan ko. Hindi ko na mababago ang sitwasyong ito kahit na anong pagsusumikap ko. Kung hindi ako makakabahagi sa mahalagang gawain, ano pa ang pag-asa kong mailigtas?” Nagsimula na akong ganap na sumuko sa sarili ko. Araw-araw, nagpapalipas ako ng oras sa panonood ng mga sekular na pelikula at telebisyon, at sa pakikipag-usap sa mga tao online. Napalayo ako sa Diyos, at nagdilim at naging hungkag ang aking puso. Isang araw, bigla ko na lang napagtanto, “Hindi ba’t ang kalagayan ko ay gaya ng sa isang walang pananampalataya? Paano ito naging katulad sa isang mananampalataya? Kung magpapatuloy ako sa landas na ito, sasama lang ako nang sasama, at sa huli ay ititiwalag ako ng Diyos.” Sa wakas, ang isiping ito ay nagdulot ng takot sa puso ko. Alam kong hindi ako pwedeng magpatuloy pa nang ganito, bagkus kailangan kong maayos na magnilay at maghanap ng katotohanan upang malutas ko ang aking mga problema.

Sa paghahanap ko, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hindi kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, ito ang pinakamapanghimagsik na bagay, at nasa pinakamapanganib silang sitwasyon. Kung hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung masisira ang pagnanais ng ganitong tao na makatanggap ng pagpapala, iiwanan niya ang Diyos. Bakit? (Dahil ang hinahangad niya ay makatanggap ng pagpapala at magtamasa ng biyaya.) Nananampalataya siya sa Diyos pero hindi naghahangad sa katotohanan. Para sa kanya, ang kaligtasan ay isang palamuti at isang salitang magandang pakinggan. Mga gantimpala, isang korona, at mga kanais-nais na bagay ang hinahangad ng puso niya—gusto niyang makakuha ng isang daang beses nito sa buhay na ito, at gusto niyang makamit ang buhay na walang hanggan sa darating na mundo. Kung hindi niya makukuha ang mga bagay na ito, hindi siya mananampalataya; lilitaw ang tunay niyang mukha, at iiwan niya ang Diyos. Ang pinaniniwalaan niya sa puso niya ay hindi ang gawain ng Diyos, ni ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, at hindi kaligtasan ang hinahangad niya, lalong hindi ang gawin nang maayos ang tungkulin niya bilang nilikha; sa halip, katulad ito kay Pablo—ang makatanggap ng maraming pagpapala, magkaroon ng malakas na kapangyarihan, magsuot ng malaking korona, at maging kapantay ng Diyos. Ito ang mga ambisyon at pagnanais niya. Kaya, sa tuwing may kaunting pakinabang o kanais-nais na bagay sa sambahayan ng Diyos, ipinaglalaban niyang makuha ito, sinisimulan niyang iranggo ang mga tao batay sa mga kwalipikasyon at senyoridad ng mga ito, at iniisip niya, ‘Kwalipikado ako. Dapat may parte ako rito. Kailangan akong lumaban para makuha ito.’ Inilalagay niya ang sarili niya sa pinakapangunahing puwesto sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay iniisip niya na karapat-dapat lang na magtamasa siya ng mga pakinabang na ito ng sambahayan ng Diyos. … Malinaw na puno na ang puso niya ng mga bagay na ito na hinangad niya, at sapat na ito para ipakita na ganap na hindi kaayon ng katotohanan ang mga bagay na hinangad niya. Gaano man karami ang gawaing ginawa niya, ang layon at intensiyon niya ay walang iba kundi ang makakuha ng korona—katulad ng layon at intensiyon ni Pablo noon—at mahigpit siyang kumapit dito at hindi kailanman bumitiw. Gaano man ibinahagi sa kanya ang katotohanan, gaano man siya pinungusan, isiniwalat, at hinimay, mapagmatigas pa rin niyang pinanghawakan ang intensiyon niya na pagpalain siya at ayaw niya itong bitiwan. Nang hindi niya natanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at nakita niya na gumuho ang pagnanais niya na pagpalain, naging negatibo siya at umurong, inabandona niya ang tungkulin niya at umalis siya. Hindi niya tunay na natupad ang tungkulin niya o hindi siya tunay na nakapagserbisyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, at ganap nitong ibinubunyag na wala siyang tunay na pananalig sa Diyos, hindi siya tunay na nagpasakop, at wala siyang kahit katiting na tunay na patotoong batay sa karanasan—isa lamang siyang lobong nakadamit-tupa na nagtatago sa gitna ng mga tupa. Sa huli, ang isang taong hindi mananampalataya sa kaibuturan niya ay tuluyang nabunyag at natiwalag, at nagwakas na ang buhay niya bilang isang mananampalataya(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalimang Bahagi)). Ganap na inihayag ng mga salita ng Diyos ang mga kasuklam-suklam na intensyon sa layunin ko. Bagama’t pumayag akong umuwi para magpagaling, sa puso ko, umasa pa rin ako na mabilis akong gagaling at magsisimulang makalahok muli sa paggawa ng video. Naisip ko, kailangan kong gumawa ng mas maraming tungkulin kung gusto kong magkaroon ng magandang pagkakataon na mailigtas. Nang hindi ko makuha ang ninanais kong resulta pagkatapos ng maraming gamutan, nadama kong wala nang pagkakataon pa na magawa ko ang isang mahalagang tungkulin, tuluyan nang nasira ang anumang natitirang pag-asa na pagpapalain ako, at wala na akong motibasyon pa na maniwala sa Diyos. Pakiramdam ko ay hindi nagiging patas sa akin ang Diyos; pakiramdam ko ay hindi ako komportable, at nababalisa, kaya nagsimula na akong sumuko. Ayaw ko nang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at wala na akong interes sa panalangin. Nilabas ko pa nga ang kawalan ko ng kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa mga makamundong kalakaran. Nakita kong may pananampalataya ako at ginawa ko lang ang tungkulin ko para magkamit ng mga pagpapala. Nang hindi iyon nangyari, nagalit ako sa Diyos at walang ipinakita kundi isang satanikong disposisyon. Talagang wala akong konsensya o katwiran. Pinatunayan nito na ang lahat ng dati kong pagsusumikap ay huwad at para lamang linlangin ang Diyos. Sa lahat ng taon ng pananampalataya ko, binigyan ako ng Diyos ng napakaraming katotohanan at pinagkalooban ng napakaraming biyaya. Kung wala ang proteksyon ng Diyos, matagal na sanang lumala ang kalusugan ko, ngunit hindi lamang ako nabigong pasalamatan at suklian ang Diyos, kundi nagreklamo pa ako. Ganap akong hindi makatwiran at walang pagkatao! Nang maisip ko ito, napuno ako ng pagsisisi at pagkamuhi sa sarili ko. Nais kong tunay na harapin ang mga sarili kong motibo para makatanggap ng mga pagpapala at itigil na ang pagrerebelde ko sa Diyos, kaya’t nanalangin ako, hiniling sa Diyos na bigyan ako ng kaliwanagan upang makilala ang aking sarili.

Pagkatapos ay nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dahil ang mapagpala ay hindi isang naaangkop na layuning dapat hangarin ng mga tao, ano ang isang naaangkop na layunin? Ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad ng mga pagbabago sa disposisyon, at ang magawang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos: ito ang mga layuning dapat hangarin ng mga tao. Sabihin natin, halimbawa, na ang mapungusan ay nagdudulot sa iyong magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, at hindi mo na magawang magpasakop. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Dahil pakiramdam mo ay nakuwestiyon ang iyong hantungan o ang iyong pangarap na mapagpala. Nagiging negatibo ka at sumasama ang loob mo, at sinisikap mong iwasang gawin ang iyong tungkulin. Ano ang dahilan nito? May problema sa iyong hangarin. Kaya paano ito dapat lutasin? Kinakailangan na agad mong talikuran ang mga maling ideyang ito, at na agad mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dapat mong sabihin sa iyong sarili, ‘Hindi ako dapat sumuko, dapat ko pa ring magawa nang mabuti ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, at isantabi ang aking pagnanasang mapagpala.’ Kapag binitiwan mo ang pagnanasang mapagpala at tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, mawawala ang bigat na pasan mo. At magagawa mo pa rin bang maging negatibo? Kahit na may mga pagkakataon pa rin na negatibo ka, hindi mo ito hinahayaang limitahan ka, at sa puso mo, patuloy kang nagdarasal at nakikibaka, binabago ang layunin ng iyong paghahangad mula sa paghahangad na mapagpala at magkaroon ng hantungan, ay nagiging paghahangad sa katotohanan, at iniisip mo, ‘Ang paghahangad sa katotohanan ay ang tungkulin ng isang nilikha. Para maunawaan ang ilang partikular na katotohanan ngayon—wala nang mas dakilang pag-aani, ito ang pinakadakilang pagpapala sa lahat. Kahit na ayaw sa akin ng Diyos, at wala akong magandang hantungan, at mawasak ang aking mga pag-asa na mapagpala, gagawin ko pa rin ang aking tungkulin nang maayos, obligado akong gawin iyon. Anuman ang dahilan, hindi nito maaapektuhan ang pagganap ko sa aking tungkulin, hindi nito maaapektuhan ang pagsasakatuparan ko sa atas ng Diyos; ito ang prinsipyong sinusunod ko sa aking pagkilos.’ At sa pamamagitan nito, hindi ba’t nadaig mo ang mga limitasyon ng laman?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok). Nakatulong sa akin ang pagbabasa nito upang maunawaan kung bakit ako nagreklamo, naging negatibo, at sumuko pa nga sa sarili ko noong nawasak ang pag-asa ko na pagpapalain ako. Ang ugat ng problema ay ang mali kong pananaw sa paghahangad. Hinangad ko ang mga pagpapala at magandang hantungan, kaya sa sandaling nawalan ako ng pag-asa roon, naging labis akong negatibo para magpatuloy. Sadyang masyadong matindi ang pagnanais ko sa mga pagpapala. Gayunpaman, isa akong nilikha, at makatanggap man ako o hindi ng mga pagpapala at magkaroon man ako o hindi ng magandang hantungan, kailangan ko pa ring gampanan ang tungkulin ko. Hindi man ako magkamit ng mga pagpapala, basta tutuparin ko ang aking mga responsibilidad at tungkulin, wala naman akong mga pagsisisihan. Nakapagbigay ng liwanag sa akin ang kaisipang ito. Kailangan kong magsagawa nang nakaayon sa landas na itinuro sa mga salita ng Diyos, bitawan ang pagnanais ko para sa mga pagpapala, baguhin ang mali kong pananaw sa paghahangad, at tuparin ang anumang tungkulin na kaya ko. Kahit pa lumala ang sakit ko balang araw, hindi ko masisisi ang Diyos. Ito ang katwiran na dapat taglay ng isang nilikha. Hindi ako nakakagawa ng ibang mga tungkulin ngayon, pero maaari akong magsanay na magsulat ng mga artikulo sa bahay, magsulat ng aking mga karanasan at kaalaman para ibahagi sa aking mga kapatid sa mga pagtitipon. Sa ganoong paraan, nagagawa ko pa rin ang bahagi ko. Malaking kaluwagan sa loob ko ang paggawa nito.

Makalipas ang isang taon, noong pumunta ako sa ospital para sa ilang gamot, sinabi ng doktor, “Gumaling ka na at hindi mo na kailangan pang uminom ng gamot. Maging mas maingat ka lang sa kalusugan mo at huwag mong papagurin ang iyong sarili.” Sobrang nakakasabik para sa akin na marinig iyon na sabihin ng doktor, at paulit-ulit kong pinasalamatan ang Diyos. Pagkatapos, nabasa ko ito mula sa mga salita ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Mismo. Tinutukoy ng Diyos ang kahahantungan ng mga tao batay sa kung taglay nila ang katotohanan, at iyong mga hindi nakapagkamit ng katotohanan sa huli ay hindi maliligtas. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan o ang pagbabago ng disposisyon sa aking pananampalataya, at kung hindi magiging dalisay sa huli ang aking mga tiwaling disposisyon, kung gayon ay hindi ako maliligtas gaano man kalaki ang iambag ko o gaano ko man gugulin ang sarili ko. Ngunit gusto kong linlangin ang Diyos na bigyan ako ng mga pagpapala at biyaya sa pamamagitan ng pagsusumikap. Hindi ba’t kalokohan iyon? Ito ay walang iba kundi pangangarap nang gising! Sa panlabas, tila nawalan ako ng pagkakataong gampanan ang tungkulin ko dahil sa karamdaman ko, ngunit nahayag ang mga mali kong pananaw at tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng sakit ko, nagbigay-daan sa akin ito para magsimulang muli at magtuon sa paghahanap sa katotohanan. Ito ay dakilang proteksyon at pagliligtas ng Diyos para sa akin. Nag-iwan ito sa akin ng pakiramdam ng matinding pagsisisi at pagkakautang, kaya nanalangin ako, “O Diyos! Nais kong baguhin ang mga mali kong pananaw sa paghahangad. Ayoko nang maghangad ng mga pagpapala at gantimpala. Anuman ang gampanan kong tungkulin sa hinaharap, nais kong hangarin ang katotohanan, hangarin ang pagbabago sa disposisyon, at tuparin ang aking tungkulin na bigyan Ka ng kasiyahan.”

Pagkatapos niyon, binasa ko ang ilang mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano haharapin ang aking tungkulin na nagmulat sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Upang matupad nang sapat ang iyong tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at ang simula ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). “Iniisip ng tao na lahat ng nag-aambag sa Diyos ay dapat tumanggap ng gantimpala, at na kapag mas malaki ang ambag, mas iniisip nila na dapat silang makatanggap ng paglingap ng Diyos. Ang diwa ng pananaw ng tao ay transaksyonal, at hindi siya aktibong naghahangad na gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Para sa Diyos, kapag mas naghahangad ang mga tao na tunay na mahalin ang Diyos at lubos na magpasakop sa Diyos, na nangangahulugan din ng paghahangad na gampanan ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha, lalo nilang nagagawang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang pananaw ng Diyos ay upang hilingin na mabawi ng tao ang kanyang orihinal na tungkulin at katayuan. Ang tao ay isang nilikha, kaya nga hindi dapat magmalabis ang tao sa paghingi ng anuman sa Diyos, at wala na siyang dapat gawin maliban sa gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ang mga hantungan nina Pablo at Pedro ay nasukat ayon sa kung kaya nilang tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha, at hindi ayon sa laki ng kanilang ambag; ang kanilang mga hantungan ay natukoy ayon doon sa kanilang hinangad sa simula pa lamang, hindi ayon sa kung gaano karaming gawain ang kanilang ginawa, o sa pagtantiya ng ibang mga tao sa kanila. Kaya nga, ang paghahangad na aktibong gampanan ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang landas tungo sa tagumpay; ang paghahangad sa landas ng tunay na pagmamahal sa Diyos ang pinakatamang landas; ang paghahangad sa mga pagbabago sa dating disposisyon ng isang tao, at paghahangad ng dalisay na pagmamahal sa Diyos, ang landas tungo sa tagumpay. Ang landas na iyon tungo sa tagumpay ang landas ng pagbawi sa orihinal na tungkulin gayundin sa orihinal na anyo ng isang nilikha. Ito ang landas ng pagbawi, at ito rin ang layunin ng lahat ng gawain ng Diyos mula simula hanggang katapusan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko na wala talagang pag-iiba kung mataas o mababa ang mga tungkulin ng tao. Kung maliligtas man ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, o kung gaano kahusay ang kanilang gawa. Hangga’t ikaw ay naghahangad ng katotohanan, tinutupad ang tungkulin ng isang nilikha, at may pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, maaari kang mailigtas ng Diyos. Responsibilidad ng mga nilikha na gumawa ng tungkulin. Dapat ginagawa ito ng bawat tao. Hindi ito kasangkapan para sa sariling kapakanan, hindi rin ito isang gamit para makahingi ng mga gantimpala. Nang hindi inaalintana kung pagpalain man ako o hindi, dapat kong tuparin ang aking tungkulin. Pagkatapos noon, isinaayos ng iglesia ang isang naaangkop na tungkulin para sa akin batay sa pisikal kong kalagayan.

Ngayon, hindi na ako palaging nag-aalala kung magkakaroon man ako ng magandang kinabukasan at hantungan. Alam ko na anuman ang gampanan kong tungkulin, ang pag-unawa at pagkamit ng katotohanan ang pinakamahalagang bagay. Maganda man o hindi ang kahihinatnan ko sa hinaharap, hangga’t natutupad ko ang aking mga responsibilidad sa aking tungkulin, nagiginhawaan ako at napapayapa. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Bakit Ako Laging Nagpapanggap?

Ni Christine, PilipinasNoong Agosto 2021 nagsimula akong magsanay sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya. Dahil hindi ako masyadong...