Sa Likod ng Katahimikan
Hindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa mahiyain ang pagkatao ko, pero matapos kong pagdaanan ang ilang bagay at makita kung ano ang naihayag sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang palaging pag-iisa at hindi kaswal na pagbabahagi sa mga opinyon ko ay hindi pagiging mahiyain, at hindi iyon pagkilos nang may katwiran. Nakatago roon ang satanikong disposisyon ng pagiging tuso.
Kamakailan ay nagsimula akong gampanan ang tungkulin ng pag-eedit. Nakita kong medyo may karanasan na ang mga kapatid na katrabaho ko sa tungkulin ng pag-eedit; naiintindihan nila ang mga prinsipyo at may mataas-taas silang kakayahan. Ang lahat ay may pagkakilala sa kung sino ang nakauunawa sa katotohanan, at kung sino ang nagtataglay ng tunay na talento at matibay na kaalaman. Medyo nag-alinlangan ako dahil dito. Pangkaraniwan ang kakayahan ko at wala akong realidad ng katotohanan, kaya’t kung kaswal lang akong magpapahayag ng mga opinyon ko sa mga pag-uusap namin, hindi ba’t para iyong pagmamarunong? Hindi mahalaga kung tama pala ako, pero kung hindi, iisipin ng lahat na nagpapasikat ako sa kabila ng mababaw kong pagkaunawa sa katotohanan. Naramdaman ko na parang sobrang nakakahiya iyon. Palagi kong pinaaalalahanan ang sarili ko na manatiling hindi kapansin-pansin, na mas makinig kaysa sa magsalita. Kung kaya, kapag sama-sama naming tinatalakay ang mga problema, halos hindi ko ibinabahagi ang iniisip ko. May isang beses na nagmungkahi ako, at nagkasundo ang lahat na hindi iyon ang tamang hakbang—hiyang-hiya ako, at hindi ko yata dapat basta-bastang inilantad ang sarili ko, o malamang na walang kwenta ang masasabi ko, at magmukha akong katawa-tawa. Pakiramdam ko ay kailangan kong maging maingat at mapag-isa. Sa mga pag-uusap pagkatapos noon, siniguro kong hindi ibigay ang opinyon ko, hinahayaang ibang tao muna ang magsalita.
Kalaunan ay isang sister na may mataas-taas na kakayahan at talagang may kaalaman ang sumali sa team namin, at naitalaga siyang makipagtrabaho sa akin. Minsan nang may pinag-uusapan kaming isang problema, may ilang ideya akong gustong ibahagi, pero inisip kong kung mali ang pag-iisip ko at hindi papasa sa pagsusuri ang sinabi ko, baka isipin ng bagong sister na ito na kulang ako sa kaalaman at wala akong muwang, at malantad kung ano talaga ako. Tapos ay anong gagawin ko kapag nagsimulang bumaba ang tingin niya sa akin? Nagpasya akong kalimutan na lang iyon, at makinig na lang sa sasabihin niya. Habang inaayos namin ang problemang ito sa mga sumunod na araw, halos hindi ako nagbahagi ng kahit anong sariling pananaw ko, bagkus ay pinili ko lang na sundin ang sa kanya, iniisip na maiiwasan ko ang posibleng kahihiyan at mapapadali ang mga bagay-bagay. Yamang hindi ako gaanong nagsasalita, naging nakababato ang kalagayan ng pagtutulungan namin. Minsan, kapag nakakaharap siya ng problema at hindi ko ibinabahagi ang opinyon ko, hindi na lang namin malulutas iyon. Mababa talaga ang produksyon namin at naaantala ang pangkalahatang pagsulong ng gawain namin. Sa paglipas ng araw, dumalang nang dumalang ang pagsasalita ko, at kahit pa may opinyon nga ako, paulit-ulit ko lang iyong pag-iisipan, nag-iisip nang matagal at mabuti bago buksan ang bibig ko. Labis akong nalulungkot at wala ako masyadong nagagawa sa tungkulin ko; nakakulong lang ako sa kalagayang iyon, kakatwang malungkot at balisa. Sa panahong ito ay lumapit ako sa Diyos at nanalangin, sinasabing, “Diyos ko, hindi ko nararamdaman ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa tungkulin ko nitong mga araw at halos wala akong pag-usad sa trabaho. Hindi ko alam kung aling mga tiwaling disposisyong isinasabuhay ko ang nakasusuklam sa Iyo—pakiusap, patnubayan Mo akong makilala ang sarili ko.” Isang araw habang nagninilay ako sa aking sarili sa mga debosyonal ko, bigla kong naisip ang salitang “mapanlinlang.” Nakita ko ito sa paghahanap ko ng mga nauugnay na salita mula sa Diyos: “Ang isang tao ay maaaring hindi kailanman magtapat at sabihin ang kanilang iniisip sa iba. At sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi sila kailanman kumokonsulta sa iba, kundi sa halip ay naglilihim sila, na tila nag-iingat sa iba sa lahat ng pagkakataon. Binabalot nila nang husto ang kanilang sarili hangga’t maaari. Hindi ba tuso ang taong ito? Halimbawa, may ideya sila na sa pakiramdam nila ay matalino, at iniisip nila, ‘Ililihim ko muna ito ngayon. Kung ibabahagi ko ito, maaaring gamitin ninyo ito at nakawin ang papuri sa akin. Ililihim ko ito.’ O kung may isang bagay na hindi nila lubos na nauunawaan, iisipin nila: ‘Hindi ako magsasalita ngayon. Paano kung magsalita ako, at may sabihin ang isang tao na mas maganda, hindi ba magmumukha akong hangal? Makikita ng lahat ang niloloob ko, makikita ang kahinaan ko rito. Hindi ako dapat magsalita.’ Kaya anuman ang pananaw o katwiran, anuman ang motibo sa likod nito, natatakot sila na makita ng lahat ang niloloob nila. Lagi nilang ginagawa ang sarili nilang tungkulin at mga tao, bagay at kaganapan nang may ganitong klaseng pananaw at pag-uugali. Anong klaseng disposisyon ito? Isang baluktot, mapanlinlang at masamang disposisyon” (“Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maaaring Magtaglay ang Tao ng Normal na Pagkatao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Bumigat ang dibdib ko nang mabasa ko ito. Ganap na inilantad ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan at ang mga salitang “isang baluktot, mapanlinlang at masamang disposisyon” ay talagang nakaaantig at nakakabagabag para sa akin. Naisip ko kung paanong, sa pamamagitan ng hindi pagsasalita nang diretso o kaswal na pagpapahayag ng opinyon ko, kahit na parang may katwiran talaga ako, ang totoo ay puno ako ng mga panlilinlang. Mayroon akong sariling mga pananaw at opinyon sa mga problemang kinakaharap namin, pero kapag pakiramdam ko ay wala sa kontrol ko ang mga bagay-bagay, natatakot ako na matanggihan ang sinabi ko, na mapahiya at maliitin ng iba. Kaya, pinigilan ko ang sarili ko, inaalam muna ang iniisip ng iba at nagpapatuloy ayon doon. Hindi ba’t pagiging mapanlinlang at tuso iyon? Noon, akala ko ay para lang iyon sa mga tao sa lipunan na palaging may mga pakana, mga taong mapandaya at tuso. Lahat ng mga kaibigan at kasamahan ko sa mundo ay nagkasundo na isa akong inosenteng tao, na wala akong kinikimkim na anumang mga lihim na motibo sa mga ginagawa ko. Noon pa ay galit na talaga ako sa mga taong kasing dulas ng palos, na palaging inaalam muna ang opinyon ng iba bago gumawa ng aksyon. Hindi ko naisip na ganoon ako. Pero nakita ko na kahit hindi ako nagsasabi ng mga ganap na kasinungalingan at hindi ko ginagawa ang mga bagay nang eksaktong katulad sa mga taong iyon, inuudyukan pa rin ako ng aking tusong kalikasan. Maingat kong pinakikiramdaman ang opinyon ng mga tao sa lahat ng sinasabi at ginagawa ko, at sumasabay lang ako sa agos, takot na magmukhang hindi magaling at makita ng mga tao ang tunay na ako. Hindi ako tapat sa bawat pagkakataon, nagbabalatkayo para protektahan ang reputasyon ko. Sa harap ng anumang paghihirap sa tungkulin ko, hindi ko kailanman kaswal na ibinahagi ang iniisip ko, kundi tuso at mapanlinlang ako, tinatago ang mga opinyon ko at halos hindi iniisip ang mga interes ng bahay ng Diyos. Sa wakas ay napagtanto kong isa pala akong mapandaya, tusong tao. Noon, akala ko na bahagi lang ng personalidad ko ang hindi pagiging palasalita—hindi ko talaga nasuri ang satanikong disposisyon na nasa likod noon. Noon ko lang nakita kung gaano ko hindi kakilala ang sarili ko.
May nabasa akong isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakatulong na linawin ang mga bagay para sa akin. Sabi ng Diyos: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad rin nito. Ginagamit ni Satanas ang mainam na tradisyunal na kultura ng bawa’t bayan para turuan ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal; halos wala man lamang silang taglay na katotohanan. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas. … Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos” (“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nangusap ang mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng aking puso. Nakita kong sa simula’t sapol ay nagtataguyod na ako ng mga satanikong pilosopiya: “Magmatyag at manahimik” at “Mas mabuti pang manahimik, kaysa magsalita at magkamali.” Sa pamamagitan ng pagiging isang “tagatanggap” sa halip na isang “megaphone” sa iba, hindi ko kakailanganing ipakita ang mga kahinaan ko o magmukhang hangal. Sa pamamagitan ng pagkimkim sa gusto kong sabihin, marami sa mga mali kong ideya ang hindi nalantad, kaya’t siyempre ay walang makakapagsabi sa akin ng mga kamalian ko o makakasalungat sa akin. Sa gayong paraan ay hindi ako mapapahiya, at lalo akong nakumbinsi noon na ang pagsunod sa mga ideyang “Mas mabuti pang manahimik” at “Magmatyag at manahimik” ang pinakamabuting paraan para makaraos sa mundong ito. Matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, hindi ko pa rin mapigilang patuloy na hayaan ang mga bagay na iyong diktahan ang mga pakikisalamuha ko sa mga kapatid. Pakiramdam ko basta’t hindi ako masyadong magsasalita o ako’y mananahimik, walang makakaalam tungkol sa mga personal kong pagkakamali at pagkukulang, at maiingatan ko ang aking imahe. Namuhay ako sa pamamagitan ng mga satanikong pilosopiyang ito, at sa tuwing gusto kong ibahagi ang sarili kong pananaw, palagi kong tinitimbang ang sarili kong kalugihan at pakinabang at kung anong iisipin ng ibang tao. Kapag sa tingin ko’y may posibilidad na mapahiya ako, pipiliin kong pumunta sa ligtas na ruta, hindi nagsasalita o gumagawa ng kahit na ano. Ginawa akong mas mapanlinlang at tuso ng mga satanikong lason na ito, at dahil doon ay lalo akong naging mapag-alinlangan at maingat laban sa iba sa lahat ng oras. Hindi ako nagkukusang makipag-usap at magsalita, at talagang nakakalungkot at nakakabagot ang pakikipagtulungan ko sa iba. Hindi talaga ako makakapagtrabaho nang maayos sa aking tungkulin sa ganoong paraan.
Natatanto ito, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanyang patnubayan akong malutas ang aspetong ito ng aking tiwaling disposisyon. Pagkatapos noon, sadya akong nagsikap sa mga pag-uusap kasama ang mga kapatid upang tumalikod sa mga personal kong motibo at nagsimulang iprisinta ang sarili kong mga saloobin nang hindi inaalala kung ano ang magiging imahe ko dahil doon. Ang mga ideya na hindi ganoon kabuting napag-isipan, ilalatag ko ang mga iyon sa mga kapatid para sa debate at talakayan; kapag nakakasagupa kami ng mga paghihirap sa tungkulin namin, ang lahat ay sama-samang nananalangin at naghahanap, lahat ay nakikipag-usap sa isa’t-isa. Makakahanap kami ng daang pasulong sa ganitong paraan. Pero dahil lubha akong ginawang tiwali ni Satanas, marami pa ring pagkakataong hindi ko mapigilang kumilos ayon sa tiwali kong disposisyon. Minsan sa isang pag-uusap tungkol sa isang problema sa tungkulin namin, nagkataong nandoon ang ilang tagapangasiwa. Naisip ko, “Ayos lang na makipagbatuhan ng ideya sa mga kapatid, pero kapag nandito ang mga tagapangasiwa, anong iisipin nila sa kakayahan ko kung mali ang pag-iisip ko, kung hindi tama ang pang-unawa ko? Paano kung isipin nilang hindi ako nababagay sa tungkuling ito at alisin nila ako sa grupo—anong iisipin ng iba sa akin? Hindi na ako makakatayo nang taas-noo.” Binabagabag ng mga alalahaning ito, hindi ako nagsalita kahit minsan sa buong pag-uusap. Habang tinatapos na namin ang pag-uusap, tinanong ako ng isa sa mga tagapangasiwa kung bakit hindi ako nagsalita. Naasiwa at nakonsensya rin talaga ako, at hindi ko alam kung anong isasagot ko. Sa wakas, sinabi ko, “Isa pa iyong pagpapakita ng aking tusong disposisyon. Natatakot ako na pag masyado akong maraming sinabi ay magkakamali ako, kaya’t hindi ako nangahas na magsalita.” Pero pagkatapos noon, hindi pa rin ako mapakali. Kahit na kinilala ko ang katiwaliang ipinapakita ko, gagawin ko pa rin ba ang parehong bagay kapag natagpuan ko ang sarili ko sa ganoong klase ng situwasyon? Nagninilay rito, nakita ko na kahit nagkaroon ako ng kaunting kaalaman sa sarili ko at nanindigan ako sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa problemang ito, hindi ko pa rin mapigilang mabuhay alinsunod sa tiwaling disposisyong ito sa harap ng pagsubok. Hindi ako tunay na nagsisi at nagbago. Lumapit ako sa Diyos para manalangin, hinihiling sa Kanyang gabayan ako para tunay kong makilala ang aking sarili.
Kalaunan ay nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Naniniwala ang mga anticristo na kung palagi nilang gustong magsalita at magbukas ng kanilang puso sa iba, malalaman ng lahat ang kanilang kalooban at makikita na hindi sila malalim, kundi mga ordinaryong tao lamang, at hindi na sila igagalang. Ano ang ibig sabihin kapag hindi na sila iginagalang ng iba? Ibig sabihin ay wala na silang matayog na puwang sa puso ng iba, at na sila ay tila karaniwan, simple, at ordinaryo. Ito ang ayaw makita ng mga anticristo. Kaya nga, kapag may nakita silang iba sa isang grupo na laging inilalantad nang husto ang kanilang sarili at sinasabi na sila ay naging negatibo at suwail sa Diyos, at sa mga bagay kung saan sila nagkamali kahapon, at na ngayon, nagdurusa sila at may pasakit dahil hindi sila naging matapat na tao, hindi sinasabi ng mga anticristo ang gayong mga bagay, kundi itinatago ito sa kaibuturan ng kanilang kalooban. Mayroong ilan na nagsasalita nang bahagya dahil kulang ang kanilang kakayahan at simple ang kanilang isipan, at kakaunti ang kanilang mga ideya, kaya kakaunti ang mga salitang kanilang sinasabi. Ang kauri ng mga anticristo ay hindi rin gaanong nagsasalita ngunit hindi ito ang dahilan kung bakit—ang ibig kong sabihin, ito ay isang problema sa kanilang disposisyon. Hindi sila gaanong nagsasalita kapag nakikita nila ang iba, at kapag nagsasalita ang iba tungkol sa isang bagay, hindi sila basta-basta nagbibigay ng opinyon. Bakit hindi sila nagbibigay ng kanilang opinyon? Una sa lahat, tiyak na wala sa kanila ang katotohanan at hindi nila nalalaman ang kabuluhan ng anumang bagay; kapag nagsasalita na sila, nagkakamali sila, at nakikita ng iba ang kanilang tunay na pagkatao. Kaya, nananahimik sila at humihinahon, kaya hindi sila maarok ng iba nang tama, at iniisip pa ng iba na sila ay matalino at pambihira. Sa ganitong paraan, walang mag-iisip na wala silang kuwenta; nakikita ang kanilang kalmado at mahinahong kilos, gaganda ang opinyon ng mga tao sa kanila, at hindi mangangahas na maliitin sila. Ito ang katusuhan at kasamaan ng mga anticristo; ang hindi nila agad-agad na pagbibigay ng mga opinyon ay bahagi ng disposisyon nilang ito. Hindi sila agad-agad nagbibigay ng mga opinyon dahil wala silang opinyon—mayroon silang ilang opinyon na mali at balukot, mga opinyon na ni hindi man lamang naaayon sa katotohanan, at ang ilang opinyon pa nga nila ay hindi maaaring mangyari—subalit, anuman ang uri ng kanilang opinyon, hindi nila ito malayang ibinibigay. Hindi nila ito ibinibigay nang malaya hindi dahil natatakot sila na papurihan ang iba para sa mga ito, kundi dahil nais nilang itago ang mga ito; hindi sila nangangahas na ilahad nang malinaw ang kanilang mga opinyon dahil takot silang makita ang kanilang tunay na pagkatao. … Alam nila ang kanilang sariling sukat, at mayroon silang ibang motibo, ang pinakanakakahiya sa lahat: Nais nilang maging mataas ang pagtingin sa kanila. Hindi ba lubhang kasuklam-suklam iyan?” (“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (4)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lubha akong tinamaan sa bawat isa sa mga salita ng Diyos. Noon pa man ay pinanghawakan ko ang mga ideyang “Mabuti pang manahimik, kaysa magsalita at magkamali.” Mukhang pinag-iingatan ko lang ang sarili kong imahe, natatakot na makapagsabi ako ng maling bagay at mapagtawanan at mapahiya, pero ang pinakadiwa ng problema ay gusto kong magkaroon ng katayuan sa paningin ng ibang tao. Gusto ko na lahat ng sasabihin ko, lahat ng opinyong ipapahayag ko ay makuha ang paghanga at pagsang-ayon ng iba, na makakuha ng “pagpapatibay” mula sa kanila. Sa layuning iyon, hindi ako naging matapat at nagbalatkayo ako, laging nag-iisip nang mabuti, pinakaka-isip-isip ang lahat ng sinasabi at ginagawa ko para magmukha akong isang atentibo at matalinong tao. Sa mga talakayan kasama ang mga tagapangasiwa, lalo akong abala sa pag-iingat sa imahe at katayuan ko, kaya’t hindi ako naglakas-loob na ibahagi ang mga opinyon ko, iniisip na hindi magiging problema kung tama ako, pero kung hindi, mabubunyag ko ang kakulangan ko ng pang-unawa. Tapos kapag hindi bumilib ang mga tagapangasiwa ko at nawala sa akin ang tungkulin ko, ganap na masisira ang katayuan ko sa lahat. Kinikimkim ang masasamang motibong ito, tumahimik lang ako, natatakot na magsabi ng mga saloobin at opinyon ko, ni hindi nangangahas na sabihin ang simpleng “Hindi ako sigurado kung naiintindihan ko ito.” Kasuklam-suklam iyon, talagang kahiya-hiya! Napagtanto ko na sa pakikipagtulungan ko sa iba sa aking tungkulin at pang-araw-araw na pakikisalamuha ko sa mga kapatid, tahimik ako at mukhang matapat sa panlabas, pero sa loob, nagkikimkim ako ng pagiging tuso. Itinatago ko ang kapangitan ko, nagbabalatkayo at nililinlang ang iba. At kahit sa mga pagtitipon kapag nagbabahagian kami tungkol sa katotohanan at pinag-uusapan ang mga problema, sinusubukan ko pa ring sumabay sa agos, umaasang mapag-ingatan ang katayuan at imahe ko sa paningin ng iba. Minahal ko ang sarili kong imahe at reputasyon nang higit pa sa pagmamahal ko sa katotohanan at katuwiran—ito ang ganap na tuso at masamang disposisyon ng isang anticristo na inihahayag ko. Sa puntong ito ng pagninilay ko, nakita ko kung gaano kapanganib ang kalagayan ko. Naisip ko kung paanong noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Diyos doon sa mga taong nabigong ganapin ang kalooban Niya: “At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, Kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:23). Nagkaroon ako ng pananampalataya, pero hindi ko isinagawa ang mga salita ng Diyos, at hindi ako gumagawa ng praktikal na aksyon upang bigyang-lugod ang Diyos; hindi ko magawang magsabi sa mga kapatid sa pagbabahagi at maging matapat. Sa halip, palagi kong pinagtatakpan ang aking hindi kanais-nais na aspeto, sinusubukan ang lahat para pag-ingatan ang imahe ko at linlangin ang iba para tingalain nila ako. Nakikipaglaban ako sa Diyos para sa katayuan, at nasa landas ako ng isang anticristo ng paglaban sa Diyos. Alam ko na kapag hindi ako nagsisi, sa huli ay aalisin ako ng Diyos. Nang sa wakas ay maunawaan ko ito, napuno ako ng pagkasuklam sa tiwali kong kalikasan at ipinakita rin nito sa akin kung magiging gaano kapanganib ang magpatuloy sa ganoong klase ng gawain. Kailangan kong lumapit sa Diyos at magsisi sa lalong madaling panahon, talikdan ang laman, at isagawa ang mga salita ng Diyos.
Nang magsabi ako sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko pagkatapos noon, isang sister ang nagpadala sa akin ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin o anumang gawain sa harap ng Diyos, kailangan ay dalisay ang kanilang puso na parang isang mangkok ng tubig—malinaw na malinaw—kailangan ay tama ang kanilang pag-uugali. Anong klaseng pag-uugali ang tama? Anuman ang iyong ginagawa, naibabahagi mo sa iba ang anumang nasa puso mo, anumang mga ideya mo. Kung sinasabi nila na hindi uubra ang ideya mo at nagbibigay sila ng ibang mungkahi, nakikinig ka at sinasabi mong, ‘Magandang ideya, gawin natin iyan. Hindi maganda ang ideya ko, kulang sa kaalaman, malabo.’ Mula sa iyong mga salita at gawa, makikita ng lahat na malinaw na malinaw ang mga prinsipyong taglay mo sa iyong kilos, walang masama sa puso mo, at taos-puso kang kumikilos at nagsasalita, umaasa sa isang pag-uugaling may katapatan. Diretsahan kang magsalita. Kung ganoon iyon, ganoon iyon; kung hindi ganoon, hindi ganoon. Walang mga pandaraya, walang mga sekreto, isang taong walang inililihim. Hindi ba isang klase ng pag-uugali iyan? Isang pag-uugali iyan tungo sa mga tao, kaganapan at bagay-bagay na kumakatawan sa disposisyon ng taong ito” (“Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maaaring Magtaglay ang Tao ng Normal na Pagkatao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binasa ko rin ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag maging mapanlinlang, kundi maging tapat, magsalita nang tapat at gumawa ng matatapat na bagay. Ang kabuluhan ng pagsasabi nito ng Diyos ay upang tulutan ang mga tao na magkaroon ng tunay na wangis ng tao, para hindi sila maging kamukha ni Satanas, na nagsasalita na parang ahas na gumagapang sa lupa, laging nagsisinungaling, nililito ang katotohanan ng mga bagay-bagay. Ibig sabihin, sinasabi iyon para ang mga tao, kapwa sa salita o gawa, ay makapamuhay nang marangal at matuwid, walang kasamaan, walang anumang kahiya-hiya, may malinis na puso, magkaayon ang ugali at ang nasa kalooban; sinasabi nila ang anumang iniisip nila sa kanilang puso at hindi nila dinadaya ang sinuman o ang Diyos, walang itinatago, ang kanilang puso ay parang isang dalisay na lupain. Ito ang layunin ng Diyos sa pag-uutos sa mga tao na maging tapat” (“Ang Tao ang Pinakamalaki ang Pakinabang sa Plano ng Pamamahala ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakita ko sa mga siping ito na gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Ang isang matapat na tao ay simple at tuwiran, walang anumang panlilinlang o pagiging tuso sa Diyos, at wala silang katusuhan sa iba. Sinasabi nila kung ano ang nasa puso nila nang hindi iyon pinipilipit, upang parehong makita ng Diyos at ng tao ang tunay nilang puso. Ganito dapat iharap ng tao ang kanilang sarili—matuwid at matapat. Ang matapat na tao ay umiibig sa katotohanan at umiibig sa mga positibong bagay, kaya’t mas madali nilang natatamo ang katotohanan at nagagawa silang perpekto ng Diyos. Ako, sa kabilang banda, ay hindi makapagsabi ng kahit isang totoong salitang mula sa puso sa aking mga pakikisalamuha at pakikipagtulungan sa iba. Walang katapatan sa mga salita at gawa ko—baluktot ako at tuso, at hinding-hindi ko mauunawaan at matatamo ang katotohanan. Sa katunayan, alam ng Diyos ang kakayahan ko sa loob at sa labas, pati na rin kung gaano kalalim ang pagkaunawa ko sa katotohanan. Maaaring malinlang ng pagbabalatkayo ko ang ibang tao, pero hinding-hindi noon malilinlang ang Diyos. Nakikita ng Diyos kung gaano kasama at kasuklam-suklam ang palagi kong panloloko at pagiging hindi matapat, kaya’t hinding-hindi Siya gagawa para patnubayan ako. Gayunman, ang pagsasagawa ng katotohanan gaya ng hinihingi ng Diyos at pagiging matapat na tao, pagsasabi sa iba sa tuwing magkakamali ako o wala ako sa sarili ko, ay hindi magiging masyadong nakakapagod para sa akin, at makapagbibigay-lugod din iyon sa Diyos. Dagdag pa roon, sa pagsasalita ko lang matututuhan kung saan ako nagkamali; tapos ay mapapayuhan at matutulungan ako ng ibang tao, na tanging paraan para makausad ako. Kahit na nangangahulugan iyon na mapapahiya ako nang kaunti, magiging lubha iyong kapaki-pakinabang sa pang-unawa ko sa katotohanan at sa pag-unlad ko sa buhay.
Noon, wala talaga akong ideya kung paano ako kikilos. Pero sa sandaling akayin tayo ng Diyos para turuan tayo kung paano magsalita at kumilos, kaya na nating isabuhay ang isang wangis ng tao. Naunawaan ko ang maalab na mga intensyon ng Diyos at talagang lumakas ang loob ko, at nagtamo rin ako ng landas ng pagsasagawa. Pagkatapos noon, kapag nagtatrabaho kasama ng mga kapatid o nakikipag-usap sa mga tagapangasiwa sa tungkulin ko, nagsimula na akong magsalita at hindi na naging malihim, tumigil na ako sa pag-iingat sa reputasyon at katayuan ko. Sinubukan ko na ibahagi kung ano talaga ang iniisip ko, na maging tuwiran sa mga kapatid. Malaya ko nang nasasabi sa mga kapatid na hindi napag-isipan nang mabuti ang mga ideya ko, na mababaw ang pagkaunawa ko o simple ang pag-iisip ko, at malaya silang itama kung ano ang kulang. Ang pagsasanay na gawin ito ay talagang nakakapagpalaya para sa akin. Dagdag pa roon, ang pagsasabing may mali ay hindi nakakahiya; ang totoo, ang laging pagbabalatkayo at pagpapanggap para hangaan ako ng iba ang paimbabaw at kahiya-hiya. Hindi nagtagal, nagsimula akong magtrabaho kasama ng sister na pinakamatagal na nasa grupo. Magaling naman siya sa gawain namin at sa pagbabahagi ng katotohanan, kaya nag-aatubili akong ipahayag sa kanya ang mga pananaw ko sa gawain ko para hindi ko maihayag ang mga pagkukulang ko, at magmukha akong mas matalino. Nang lumitaw ang ideyang iyon, agad kong napagtantong gusto ko na namang magbalatkayo, kaya’t nanalangin ako sa Diyos at tinalikdan ang aking sarili. Mula noon, sa pakikipag-usap ko sa sister na iyon tungkol sa trabaho, hindi na ako nagpipigil, bagkus ay nagpiprisinta akong ibahagi ang pananaw ko. Tinulungan ako ng mga sama-samang pag-uusap na ito na makita kung talagang may kabuluhan ang pananaw ko o wala, at kung saan iyon maaaring may kamalian. Nagawa niyang makita ang mga kahinaan ko at bigyan ako ng mga suhestiyon batay doon. Pinahintulutan ako ng ganitong klase ng pakikipagtulungan na umusad sa gawain ko at sa larangan ng pag-unawa sa mga prinsipyo. Ang karanasan ko, sa pamamagitan ng kusang pakikipag-usap at pakikipagtalakayan sa iba, sa pagiging isang matapat na tao, at sa paggawa sa tungkulin ko nang direktang nakaharap sa Diyos, naglaho nang kaunti ang kadiliman sa aking puso, at mas napanatag ako. Nagsimula rin akong bumuti sa paggawa ng tungkulin ko. Nagbibigay ako ng taos-pusong pasasalamat sa patnubay ng Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.